Walang pinabayaan! | |
REY MARFIL |
Hindi ba’t magandang balita ang kabuuang P188.33 milyong tulong na naipamahagi ng administrasyong Aquino sa pamilya ng magigiting na 44 kasapi ng Special Action Force (SAF) na nag-alay ng buhay sa isang operasyon kontra terorismo sa Mamasapano, Maguindanao noong nakalipas na taon.
Kinakatawan ang halaga ng buwanang pensiyon, direktang tulong mula sa pamahalaan at donasyon na ipinadaan sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP).
Kabilang dito ang P151.28 milyong ayuda mula sa pambansang pamahalaan, P10.18 milyong buwanang pensiyon at P26.87 milyong donasyon.
Nagkakaiba lamang ang halaga ng pensiyon base sa haba ng taon ng serbisyo ng mga naulilang benepisyunaryo.
Sa ilalim ng P151.28 milyong suporta ng pamahalaan, pinakamalaking bahagi rito ang lump sum benefits mula sa National Police Commission (NAPOLCOM) at PNP na mayroong kabuuang P68.33-milyon na sinundan ng P15.74 milyong programang pangkabuhayan at P60.8 milyong pondo sa pabahay habang P48.57 milyon sa edukasyon at P1.82 milyon naman sa iba pang mga bagay para sa kabuuang P151.28 milyon.
Bukod dito, nagbibigay rin ang PNP at NAPOLCOM ng buwanang pensiyon mula Abril 2015 hanggang Enero 2016 at nagpapatuloy ito.
Maganda rin ang suporta ng ibang sektor dahil nanggaling ang P26.87 milyong donasyon sa Senado, Kamara de Representantes, Lokal na Pamahalaan ng DasmariƱas, Cavite at PNP Special Financial Assistance Fund.
Hindi matatawaran ang suporta ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa mga naulila ng SAF 44 dahil kasama sa ipinagkakaloob na benepisyo ang edukasyon, pabahay, kabuhayan at parangal ng pagkilala sa kabayanihan ng mga biktima.
Patunay na hindi pinapabayaan ni Pangulong Aquino ang mga naiwan ng SAF 44 sa gitna ng walang humpay na pang-iintriga ng mga kritiko ng pamahalaan.
***
Talagang mahusay ang Matuwid na Daan ni PNoy matapos makakuha ang kanyang pamahalaan ng magandang “overall performance” sa pagtatapos ng 2015 na mayroong markang “good”.
Base sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa noong Disyembre 5 hanggang 8, nakakuha ang administrasyong Aquino ng net satisfaction rating na +39% o 61% satisfied kontra sa 23% dissatisfied nitong nakalipas na Disyembre na mas mataas kumpara sa net satisfaction rating na +37 o 59% satisfied kontra sa 22% dissatisfied nitong nakaraang Setyembre.
Pinakamataas na ang +39 na net overall rating na naitalaga sa nakaraang Disyembre sapul noong Marso 2014 na nakapagtala ng +45.
Naitala naman ang “very good” na satisfaction rating ng pamahalaan ni Pangulong Aquino mula sa 10 ng kabuuang 22 surveys na isinagawa sapul noong Setyembre 2010 habang 10 beses naman ang nakuha nitong “good” at dalawang “moderate”.
Hindi naman nakakapagtaka ang pinakabagong positibong resulta ng SWS survey dahil talaga namang nagsisikap si PNoy na maipagpatuloy ang kanyang matuwid na daan sa kabila ng mga kritikong walang ginawa kundi ang mang-intriga.
Asahan pa nating lalong bubuti ang ratings ng administrasyong Aquino sa nalalabing panahon ng kanyang panunungkulan. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/jan2916/edit_spy.htm#.VqtYSvkrLIU