‘Wag maging pasaway | |
REY MARFIL |
Taun-taon na lang, hindi lang gastos at biyaya ang binibilang ng mga tao kapag nagpapalit ang taon; kasama rin kasi sa binibilang ang mga nadidisgrasya sa paputok, mga tinamaan ng ligaw na bala at mga nagkaproblema sa kalusugan.
Mula Disyembre 16 hanggang nitong Disyembre 27, aba’y mayroon nang naitala ang kapulisan ng 61 na insidente na may kaugnayan sa mga paputok at pagpapaputok ng baril. Sa naturang bilang, anim ang biktima ng ligaw bala na kagagawan ng mga iresponsableng tao at makati ang daliri.
Tutal mayroon namang camera ang lahat ng cellphone ngayon, dapat na kunan ng video ang sinumang makikita nating nagpapaputok ng baril at i-upload natin sa social media gaya ng Facebook (FB) para mapasikat natin sila.
Ang mahirap kasi sa kaso ng stray bullet, mahirap na matukoy kung saang lugar nanggaling ang bala kaya hindi napaparusahan ang taong nakatama sa biktima. Kadalasan pa naman na mga walang muwang na bata na naglalaro lang sa tapat ng bahay o natutulog ang nababagsakan ng mga bala.
Kung talagang pasaway at hindi mapigil ang kati ng daliri sa pagkalabit sa gatilyo, puwede namang magpaputok pa rin ng baril pero please... itutok mo papunta sa bahay mo ang baril para walang ibang mapipinsala kung hindi ang sarili mong pamilya.
Bukod sa pagpapaputok ng baril, problema rin ang mga matitigas ang ulo na nagbebenta ng mga bawal na paputok gaya ng piccolo; at mga pasaway na patuloy na nagsisindi ng mga malalakas na paputok.
***
Sa bilang ng mga nadisgrasya na sa paputok, pinakamarami ang nabiktima ng piccolo at marami sa kanila ay mga bata. Dapat sampolan ng mga awtoridad ng nakakaiyak at masakit sa bulsa na malaking multa ang mga mahuhuling nagbebenta ng piccolo. Katwiran kasi ng mga nagtitinda ng mga bawal na paputok, nais lang nilang kumita kaya nila ito ginagawa.
Pero tiyak na magbabago ang isip nila na magbenta ng mga bawal na paputok kapag naging seryoso ang mga awtoridad na pasakitin ang ulo ng mga pasaway na vendor sa pagsalubong ng Bagong Taon dahil sa malaking multa at pagkumpiska sa kanilang mga paninda. Ang mahirap lang kasi, baka naman ang makumpiska ng mga tiwaling opisyal e ibenta rin lang sa iba at pagkakitaan.
Kung tutuusin, mas mataas ng bahagya ang bilang ng mga naputukan sa tala ng Department of Health (DOH). Pero mas kaunti pa naman ang bilang ng mga napuputukan sa panahong ito kung ikukumpara sa katulad na panahon noong 2014.
Sa pagsalubong noon sa pagpasok ng 2015, may naitalang 593 na firecracker related injuries hanggang Enero 2 (2015), na mas mababa rin naman sa 804 na kaso na naitala sa pagsalubong sa 2014.
Ngunit maliban sa mga biktima ng paputok, marami rin ang dinadala sa ospital dahil sumama ang pakiramdam bunga ng nasobrahan sa pagkain ng bawal. Aba’y kung may alta-presyon o diabetic, huwag nang pasaway at huwag kainin ang mga bawal at baka hindi ka na abutin ng 2016.
Makinig tayo sa paalala ng pamahalaang Aquino na gumamit ng ibang paraan ng pampaingay gaya ng pagkalampag ng kaldero, malakas na tugtog sa stereo at iba pang ‘di ka mapuputulan ng daliri o makakatama ng bala.
Kaya sa pagsalubong natin sa 2016, gamitin ang utak at huwag maging pasaway para maging ligtas at hindi makaperhuwisyo sa ibang tao, na gaya ng lahat ay nais ding lang na maging masaya sa pagpasok ng taon.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)