Monday, November 30, 2015

Ipagpasalamat! REY MARFIL




Ipagpasalamat!
REY MARFIL



Hindi ba’t kapuri-puri ang patuloy na malaking suporta na ibinibigay ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa pagsulong ng sektor ng business process outsourcing (BPO).
Kaya naman nakatutok ang mga programa ni PNoy sa paglinang ng kakayahan at kasanayan ng mga Pilipino na nasa sektor ng BPO.
Inihayag ni Pangulong Aquino ang kanyang pangako sa naging talumpati nito sa inagurasyon ng Pointwest Digital Center sa Pasig City.
Ibinahagi ni Pangulong Aquino ang pagtalakay ng 21-ekonomiyang kasapi ng Asia Pacific Econo­mic Cooperation (APEC) sa epekto ng teknolohiya sa mga manggagawa sa nakalipas na Leader’s Meeting na isinagawa sa bansa.
Kailangan kasing makasabay ang kakayahan at kaalaman ng mga Pilipino sa teknolohiya.
Sa katunayan, nawalan ng hanapbuhay ang mga manggagawa sa Estados Unidos dahil sa pagpalit ng mga makina at robot sa kanilang trabaho.
Sa tulong ng Training for Work Scholarship Program ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na matagumpay na pinamunuan ni dating Secretary General Joel Villanueva, nagkaroon ng kasanayan ang mga Pilipino na makasabay sa hamon ng teknolohiya.
Naglaan si Pangulong Aquino ng mahigit P1.6 bil­yon para sa mga programa ng tinatawag na IT-BPM sector kung saan sinanay ang mahigit sa 200,000 Pi­lipino.
Asahan nating magpapatuloy ang mga programang magpapataas pa sa antas ng kaalaman ng mga Pilipino upang makasabay sa pangangailangan ng teknolohiya lalo’t kabilang ang BPO sa mga tinututukang sektor ni PNoy.
***
Malaki ang pakinabang ng bansa sa matagumpay na pagdaraos ng APEC Leaders’ Meeting kamakailan. Isang pamana ng kahusayan ng pamumuno ni PNoy ang maayos at payapang APEC.
Makikinabang nang husto ang sektor ng turismo lalung-lalo na at naipakita ng APEC 2015 National Organizing Council ang pangunahing mga destinasyon sa Pilipinas kung saan isinagawa ang mga pagpupulong.
Nagsimula noong Disyembre ng nakaraang taon ang pag-iikot ng mga delegado sa iba’t ibang magagandang mga tanawin sa Pilipinas.
Ipinasyal sila sa Iloilo, Cebu, Tagaytay, Bataan, Boracay at Bacolod City kung saan ipinakita sa mga ito ang kagandahan ng Pilipinas.
Sa katunayan, nalampasan ng Department of Tourism (DOT) ang tinakda nitong 10,000 banyaga na bumisita sa bansa matapos umabot ang bilang sa 11,000 para sa buwan ng Nobyembre 2015.
Sa 11,000 turista, hindi kasama dito ang mga de­legado ng APEC na nagsimulang dumating sa Pilipinas noon pang nakalipas na taon. Take note: Hindi pa kabilang ang humigit-kumulang na apat na libong journalist at tinatayang tatlong libo ang foreign media na naglabas-pasok sa Pilipinas.
Sa hanay ng APEC CEO Summit, tinaya lamang ng organizers sa 800 ang mga delagado na umabot sa 1,300. Kabilang sa mga kasapi ng delegasyon ang mga negosyante, CEOs, high-level business mana­gers mula sa 21 APEC economies.
Pinatunayan ni PNoy na laging magbubunga ng maganda ang malinis at matapat na pamumuno sa bansa. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)


Friday, November 27, 2015

Dapat tumigil ang China REY MARFIL




Dapat tumigil ang China
REY MARFIL



Parang nag-aalburutong bulkan ngayon ang mundo na anumang oras ay puwedeng sumabog at humantong sa world war 3 dahil sa mga nangyayari sa iba’t ibang bansa. Katulad na lang ng terorismong ginagawa ng Isla­mic State o ISIS, na pinalala pa ngayon ng pagpapa­bagsak ng Turkey sa fighter jet ng Russia.
Ang panggugulo ng ISIS sa Middle East ay umabot na sa Europe at maging sa Great Britain at ngayon ay nagba­banta na rin sila ng pag-atake sa Amerika. Ngunit na­dagdagan ang tensyon ngayon nang pabagsakin ng Turkey ang fighter jet ng Russia dahil sa paglipad daw ng eroplano ng Russia sa airspace ng Turkey.
Sumusolo ang Russia sa pag-atake sa mga sinasabing ISIS at mga rebelde sa kaalyado nilang liderato ng S­yria. Pero dahil boundary lang ang naghihiwalay sa Turkey at Syria, iginigiit ng Russia na nasa teritoryo ng Syria ang kanilang jet; bagay na hindi tinanggap ng Turkey. At matapos umano ng ilang ulit na paalala ng Turkey sa piloto ng Russia na nasa airspace sila ng Turkey kaya dapat silang umalis, hindi raw sumunod ang mga piloto ng Ruso at naganap na ang hindi dapat maganap.
Bunga ng insidente, kung dati ay ISIS at mga rebeldeng kontra sa gobyerno ng Syria ang puntirya ng Russia, nga­yon ay hindi maaalis na gumanti ang mga Ruso sa Turkey lalo pa’t hindi pa malinaw ang kinasapitan ng kanilang mga piloto. Isipin na lang natin ang mga hindi magandang magaganap kapag nagbakbakan ang Rusia at Turkey, at mapilitan ang mga kaalyado nilang mga bansa ng suporta.
Habang umiinit ang tensyon sa Middle East at nababalot ng pangamba sa pag-atake ng terorismo ang Europa, Britanya at Amerika, dito naman sa atin sa Asya ay naka­amba rin ang kaguluhan dahil sa patuloy na pagma­matigas ng China na itigil ang land reclamation at gina­gawang mi­litarisasyon sa West Philippine o South China Sea.
***
Sa nakaraang pagpupulong ng ASEAN, maganda ang ginawang panawagan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa China na itigil ang mga pagkilos nito sa mga pinag-aagawang teritoryo para maibsan ang tensyon sa rehiyon. Dahil sa ginawang pag-angkin ng China sa halos kabuuan ng WPS, nanganganib ang malayang paglalakbay ng mga barkong pangkalakalan sa karagatan na makakaapekto sa maraming bansa -- kabilang ang Amerika.
Ang senaryong ito ng pagkontrol ng China sa paglalayag ng mga barkong pangkalakalan ang ikinaka­bahala ng Amerika dahil makakaapekto ito sa kanilang ekonomiya. Kaya ang ginagawang paglalayag ng mga barkong pan­digma ng US sa mga ginawang isla ng China at tila paghamon ng mga Amerikano sa mga Tsino ay hindi direktang pagkampi sa ating mga Pilipino. Bagkus ay pinoprotektahan din ng US ang kanilang pansariling interes sa komersyo at pagpapatupad ng pandaigdigang batas para sa malayang paglalakbay sa naturang bahagi ng karagatan.
Gayunpaman, tulad ng insidenteng nangyari sa Russia at Turkey, anumang sandali ay maaaring magkasagupa ang US at China sakaling muling paglakbayin ng Amerika ang kanilang mga warship malapit sa mga islang ginawa ng China.
Dahil naniniwala ang US na maaari silang mag­lakbay sa naturang bahagi ng pinag-aagawang teritoryo, tiyak na hindi sila susunod kapag nakatanggap ng tawag at babala sa China na umalis. Kapag ginawa ito ng China, baka maghalo na ang burger sa mami.
Sana lang ay mapag-isipan ng mga lider ng China ang sinabi ni PNoy sa ASEAN meeting; na gaya ng sinabi ng China na sila ang pinakamatandang sibilisasyon sa Asya, dapat silang magsilbing nakatatanda sa rehiyon at ma­ging huwaran sa pagpapatupad ng kapayapaan at kaunlaran sa Asya, sa halip na maging promotor ng kaguluhan.
Kung hindi ito gagawin ng China, magmumukha silang matanda na walang pinagkatandaan. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter:follow@dspyrey)

Monday, November 23, 2015

Tagumpay ng sambayanang Pilipino REY MARFIL



Tagumpay ng sambayanang Pilipino
REY MARFIL


Salamat at naging matiwasay at walang aberya sa pagdating at pag-alis sa Pilipinas ng may 22 matataas na lider ng mga bansang kasapi ng Asia-Pacific Economic Cooperation, na kinabibilangan ng dalawa sa mga pinakamakapangyarihan sa mundo ngayon -- si US President Barack Obama at Chinese President Xi Jinping.
Sa kabila ng ilang negatibong balita bago at habang idinadaos sa Maynila ang APEC Summit tulad ng alegasyon ng “laglag-bala” modus sa paliparan at reklamo sa mabigat na daloy ng trapiko, sa kabuuan ay naging positibo ang pananaw at komento ng mga dayuhang dignitaryo sa ating mga Filipino.
Maliban sa mahusay na presentasyon na ginawa ng organizing committee ng Pilipinas na namahala sa preparasyon sa pagpupulong, hinangaan din ng mga economic leaders at kasapi ng kanilang delegasyon ang mainit na pagtanggap o hospitality nating mga Filipino.
Katunayan, aminado ang lider ng bansang Vietnam na magho-host ng susunod na APEC meeting na mahirap mahigitan ang ginawa nating mga Filipino. Para sa kanila mataas ang pamantayan na ginawa ng Pilipinas na sana’y mapantayan man lamang nila sa susunod na taon.
Pero hindi lang ang mga dignitaryo ang nasiyahan sa pananatili nila sa bansa ng halos limang araw, ma­ging ang mga dayuhang mamamahayag na nagkober sa pulong ay puro papuri at pasasalamat ang binabanggit. Bagaman batid at nauunawaan nila ang sentimiyento ng ilang motorista at pasahero na naabala sa trapik dahil sa mga isinarang kalsada, at sa pangkalahatan ay nakikita nila ang mga Filipino na magigiliw at mababait.
Sabi nga ng isang dayuhang mamamahayag mula rin sa bansang third world country na katulad natin, halos magkapareho rin ang sitwasyon ng trapiko sa kanila at sa Pilipinas. Subalit sa kabila nito ay ang kabaitan at pagi­ging palangiti ng mga Pinoy ang higit niyang napansin.
***
Kung tutuusin, hindi lang naman tayo ang nagpapa­tupad ng “lockdown sa kalsada” o pagsasara ng ilang kalye kapag may ganitong napakalaki at sensitibong pagtitipon. Dahil mga lider ng iba’t ibang bansa ang kailangang protektahan, nararapat lang na gawin ng mga kinauukulan ang nararapat. At bilang isang Filipino, ang pag-unawa sa sitwasyon ang tangi nating maibibigay.
Sa dami ng mga pag-atake na nagaganap ngayon sa mundo na maging ang mga mas mauunlad na bansa ay nasisingitan ng mga terorista, dapat nating maunawaan na bahagi ng seguridad sa mga lider na dumalo sa APEC kung anumang aberya na ating naranasan.
Aba’y kung may pag-atakeng naganap habang idina­daos ang APEC at may mga dignitaryong napahamak, tiyak na sikat ang Pilipinas sa negatibong paraan. Bukod sa lalong matatakot ang mga dayuhang turista na magpunta sa atin para mamasyal, malamang na iwasan at matagalan bago pagkatiwalaan muli ang bansa na pagdausan ng isang malaking pagtitipon ng mga world leaders.
May mga nagsasabi na dapat ginawa na lang sa ibang lugar ang pulong tulad sa Subic na pinagdausan ng APEC noong 1996, aba’y iba na ang sitwasyon ngayon pagkaraan ng 20 taon. Sabi nga ng organizing committee ng APEC ngayon, sa Maynila lamang mayroong sapat na pasilidad para tanggapin ang may 9,000 bisita mula sa 22 bansa, maliban pa sa 2,700 mamamahayag mula rin sa iba’t ibang bansa.
Marahil ay malaki nga ang sinasabing P10 bilyong pondo na ginamit sa APEC Summit na ito, pero dapat ding malaman ng publiko na ang paghahanda sa pulong na ito ay nagsimula noon pang isang taon. Hindi rin ito isang pagpupulong lang kung hindi mahigit 200 pagpupulong ng 21 bansang kasapi ng APEC na idinaos sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas.
Pero higit sa usapin ng gastos, ang mahalaga ay ligtas na dumating at nakaalis ang mga dayuhang dignitaryo at mga mamamahayag, naging matagumpay ang pagpupulong na ang layunin ay mapalakas pa ang ekonomiya at umunlad ang pamumuhay ng mga bansang kasapi, at napanatili natin ang dignidad ng Pilipinas na kilala sa pagiging magiliw sa mga panauhin dahil sa ipinagmamalaki natin -- Filipino hospitality.
Dahil diyan, hindi nakapagtataka kung dumami ang mga dayuhan na bumisita sa Pilipinas na magpapalakas sa ating turismo. Kaya isipin na rin natin na bahagi ng ginastos ng pamahalaan sa APEC ay para mai-promote ang Pilipinas sa mundo. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Friday, November 20, 2015

Saludo sa SALT REY MARFIL




Saludo sa SALT
REY MARFIL


Maliban sa talaka­yan ng mga lider ng mga bansang kasapi ng Asia-­Pacific Economic Coo­peration (APEC) Summit tungkol sa kalakalan at ekonomiya, isang mahalagang paksa rin ang nakakuha ng atensyon sa pagpupulong na ito na ginanap sa Pilipinas -- ang climate change.
Habang mayroon ta­yong ilang kaba­bayan na nagreklamo dahil “naAPECtuhan” ang biyahe nila sanhi ng pagbigat ng daloy ng trapiko bunga ng pagsasara ng ilang kalsada, nag­ningning naman sa isang bahagi ng forum sa APEC ang pangalan ni Aisa Mijeno, isang engineer at environmental advocate, na kasamang bumuo sa kumpanyang Sustainable Alternative Lighting o SALT.
Hindi dapat maliitin ang nagawa at maga­gawa ng SALT para sa paglaban sa climate change. Katunayan, maging si US Pre­sident Barack Obama at Chinese billionaire na si Jack Ma, na siyang nasa likod ng pinakamalaking e-commerce platform na Alibaba, ay bilib sa na­gawa ni Mijeno -- ang lampara na kayang pailawin ng asin at tubig-dagat.
Marahil para sa ilang naninirahan sa kalungsuran, maliit na bagay ang lampara. Pero ma­laking bagay ito sa napa­karami nating kababayan na naninirahan sa mga lalawigan, lalo na sa malalayong lugar na hindi pa nadadaluyan ng kuryente.
Ayon kay Mijeno, nagsimula ang inspirasyon niya na gumawa ng lampara na pinapailaw ng saline solution o kemikal sa asin, nang manirahan siya sa isang tribu sa Kalinga. Nakita niya doon na nagla­lakbay ng napaka­layo at ilang oras ang mga residente para lang makabili ng gaas o kerosene para mapailaw ang kanilang lampara.
***
Bukod sa nakada­dagdag sa pagpapainit ng temperatura ng mundo ang kemikal na nasusunog mula sa gaas, delikado rin ito dahil maaari itong pagmulan ng sunog. At sa isang lugar na malayo sa kabihasnan, tiyak na ma­laking halaga ang ka­tumbas ng bawat takal o sukat ng gaas na kanilang bibilhin na maaari na sana nilang gamitin sa pagkain. Gayung kung ma­lapit lang ang residente sa dagat, aba’y sulit ang paggamit ng lamparang nagawa nina Mijeno at mas murang ‘di hamak ang asin sa gaas.
Kung sakit nga ng ulo at perwisyo ang tingin ng iba sa pagdaraos ng APEC sa bansa at napili ni Pa­ngulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na gawin ito sa Maynila, para sa marami, ang pagpupulong na ito ng 21 bansang ka­sapi ng APEC ay pagkaka­taon para makahanap ng solusyon sa iba pang suliranin sa mundo, na maa­aring walang halaga sa atin.
Katunayan, pinuri ni Obama si Aquino sa mga ginagawa nitong hakbang para makuha ang atensyon ng mundo upang isulong ang kampanya para mabawasan ang paggamit ng mga sangkap na nagpapalala sa global warming.
Hindi kataka-taka na matindi ang pagpapa­halaga ni PNoy sa isyu ng climate change dahil kabilang ang Pilipinas sa mga bansa na panguna­hing naapektuhan nito. Naranasan na natin ang lupit ng pagbabago ng kalikasan nang tumama sa atin ang bagyong Yolanda na kumitil sa mahigit 6,000 buhay at sumira sa libu-libong kabahayan at kabuhayan.
Kaya naman da­dalo rin si PNoy sa naka­takdang pulong ng 21st Conference of Parties o COP21 sa Paris. Dito ay tatalakayin ng ma­higit 100 lider mula sa iba’t ibang bansa ang mga kasunduan para mabawasan ang global warming na magreresulta para ma­bawasan din ang epekto ng climate change.
At kabilang sa mga taong gumagawa ng paraan para labanan ang climate change ang kababayan natin na si Mijano na umaasa na makakakuha ng suporta upang maparami ang ginagawa nilang lamparang de-asin. Sa ganitong paraan, matutulungan nila ang mga mahihirap nating kababayan at mabawasan ang gumagamit ng lamparang de-gaas.
Habang tinatalakay sa APEC ang paraan para mabawasan ang “carbon” sa himpapawid na nagpapainit sa mundo, may ilan naman na naghihinanakit na naipit sila sa trapiko sa loob ng mga sasakyan na ginagamitan ng diesel at gas na nagbubuga rin ng kemikal na dagdag sa global warming.
Sa ilan nating kaba­bayan na napilitang maglakad dahil naAPECtuhan sila ng trapik, isi­pin na lang natin na na­katulong tayo para ma­bawasan ang global warming at nagkapag-exercise pa na maganda sa ating kalusugan. Laging tanda­an: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Wednesday, November 18, 2015

Sakripisyo para sa bansa at APEC REY MARFIL




Sakripisyo para sa bansa at APEC
REY MARFIL


Nakapanlulumo ang nangyaring pag-atake ng mga terorista sa Paris na nagresulta sa pagkasawi ng mahigit 100-katao at ikinasugat ng mahigit 300 iba pa. Ang kinikilalang “City of Love” ng mundo, sa isang iglap ay binalot ng karahasan; ang pula na simbolo ng pusong nagmamahal, naging dugo na dumanak mula sa mga nasayang na buhay.

Ang nangyari sa Paris ang pinakabago sa serye ng mga pag-atake na umano’y kagagawan ng Islamic State na ISIS o ISIL laban sa mga bansang sumusuporta sa kampanya laban sa kanila. Matatandaan na ilang beses nang nasangkot ang ISIS sa mga pagpatay sa mga sibil­yan na iba sa kanilang paniniwala.

Hindi madali ang kampanya laban sa ISIS na higit na aktibo sa ilang bansa sa Middle East at North America. Kaya nakababahala na makagawa sila ng pag-atake sa isang bansa sa Europa na marami ang nasawi gayung nasa walo pa lang ang napapabalitang nasawi sa hanay ng mga terorista.

Kung nagawa ng ISIS at ng kanilang mga kapanalig na malusutan ang seguridad ng mga modernong bansa gaya ng France, papaano pa ang Pilipinas? Hindi sa sina­sabi nating lantad tayo sa pag-atake ng mga terorista pero minsan na ring nalusutan ang ating mga awtoridad noong taong 2000 na tinawag na “Rizal Day Bombing”.

Gaya sa Paris, iba’t ibang lugar din ang halos magkakasabay na tinarget ng mga teroristang nagsagawa ng pag-atake sa noong Dec. 30, 2000; may sumabog na bomba sa bagon ng LRT na puno ng pasahero, may bombang sumabog din sa isang bus na nasa EDSA, Cubao area, may bomba ring sumabog sa Makati at pati sa NAIA sa Pasay City.

Ang naturang karahasan ay nagresulta sa pagkakasawi ng mahigit 20-katao at pagkakasugat ng mahigit 100 iba pa.

***

Gayunpaman, nahuli naman ng ating mga awtoridad ang mga nasa likod ng pag-atake kabilang ang sinasabing may pakana nang lahat na Indonesian Islamic extremist na si Fathur Rahman al-Ghozi ng Jema’ah Islamiyah, na konektado sa grupong Al Qaeda ni Osama bin Laden.

Bagaman kapwa patay na ngayon sina al-Ghozi at bin Laden, wala pa ring katiyakan na ligtas na ang mundo mula sa mga terorista gaya ng nangyari sa Paris. Pero hindi dapat magpadala sa takot ang mundo -- gaya ng ginawa ni Madonna na itinuloy ang concert sa Stockholm, Sweden.

Sabi ni Madonna, pinili niyang ituloy ang concert habang nakikidalamhati sa mga biktima ng pag-atake sa Paris. Hindi raw dapat magpadala sa takot ang mga tao dahil ito ang nais mangyari ng mga terorista na nais ding supilin ang kalayaan.

Dito man sa atin sa Pilipinas, hindi nagpadala sa takot ang pamahalaang Aquino sa harap ng ginaganap na APEC Meetings sa Maynila na dadaluhan ng may 21 lider mula sa iba’t ibang bansa kabilang ang presidente ng Amerika at China. Kung mayroong grupo na nais lumikha ng matinding gulo sa mundo, malamang na pumasok sa isip ng mga ito na targetin ang APEC. Pero hindi naman papayagan ng pamahalaang Aquino na maisagawa ng sinuman na may masamang balak sa pan­daigdigang pagtitipon na ito.

Kaya naman unawain natin at pagpasensyahan kung anuman ang abala na idinulot ng APEC at na-hashtag #APECtado bunga ng pagkakabuhul-buhol ng daloy ng trapiko. Inasahan na mangyayari ito kaya naman idineklarang holiday ang halos buong linggo mula Nob. 17 hanggang 20.

Sa halip na magalit at mag-isip ng hindi maganda dahil sa inabot na perwisyo dahil sa seguridad na ipina­tupad sa APEC, mas maka-Filipino kung ang iisipin natin ay magtagumpay ang pagpupulong at walang anumang karahasan na maganap sa mga dayuhang lider na nan­dito sa atin sa Pilipinas.

Isipin na lang natin na ang perwisyong naranasan natin ay ambag na sakripisyo para sa ikatatagumpay ng APEC, na magiging tagumpay din ng ating bansa.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Monday, November 16, 2015

ayan mo ang nakataya sa APEC! (part 2) REY MARFIL



Bayan mo ang nakataya sa APEC! (part 2)
REY MARFIL



Ngunit bukod sa malaki ang maitutulong nito sa ekonomiya ng Pilipinas kapag nagtagumpay, maaari ring maging daan ang summit para mapag-usapan ng mga bansang kasapi ng APEC ang mga personal na usapin nito sa ibang bansa.
Gaya halimbawa ng Pilipinas at Japan na may sigalot sa China dahil sa agawan sa teritoryo; ang China na may isyu sa Amerika dahil sa pagpalalayag ng mga barkong pandigma ng huli sa South China Sea; ang Amerika na may isyu rin sa Russia dahil naman sa gulo sa Syria; at marami pang iba na posibleng ma­resolba kapag nakapag-usap sila habang nasa ating bansa.
Kaya naman dapat na mag-isip tayo -- sino ang hindi magnanais na maging matagumpay ang APEC Summit? Bakit may mga pumupuna sa halos P10 bil­yon na ang inilaang pondo sa pagtitipon na kung tutuusin ay hindi naman ginastos ng isang bagsakan lang kung hindi sa loob ng halos isang taon na preparasyon?
Kabilang sa ginastusan nito ay ang pagpapaganda ng Roxas Boulevard, paghahanda at pagbili ng mga gamit para sa seguridad upang mabantayan ang mga darating na lider, at mga lugar na pagdarausan ng pulong at marami pang iba.
Kung tutuusin ay mababawi rin naman ang pondong ito sa paraan ng maisasarang negosasyon ng bansa sa mga negosyanteng kasama sa delegasyon ng APEC members na mahihikayat na mamuhunan sa bansa kapag nasiyahan sila sa makikita nila sa pagbisita sa atin.
***
Kahit nga ang pag-alis sa mga informal settlers sa mga dadaanang lugar ng APEC delegates ay sini­sita dahil itinatago raw ang mukha ng kahirapan sa Maynila. Pero hindi yata naiisip ng mga pumupuna na kung may taong namamalagi sa lugar na dadaanan ng world leaders gaya ni US President Obama, maaari itong samantalahin ng mga may masamang hangarin at magtago doon para isagawa ang pananabotahe.
May mga nagbabalak pang magprotesta malapit sa lugar na pagdarausan ng APEC Summit gayung may iba namang lugar na maaari silang magprotesta. Para bang isang kapitbahay na pasaway na nais lang hiyain ang kapitbahay sa harap ng mga bisita nito.
Kumpara sa APEC meeting na ginawa sa Subic, Zambales noon pang 1996, higit na malaking hamon sa bansa na idaos ito ngayon sa Maynila. Kaya naman dapat makiisa at unawain ng lahat -- kabilang na ang maaabalang mga motorista na minsan lang ito mangyayari sa atin kaya dapat nating ipagmalaki at ipag­dasal na maging matagumpay at walang anumang pa­ngit na magaganap na ikasisira ng imahe natin bilang Pilipino. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Friday, November 13, 2015

Bayan mo ang nakataya sa APEC! (part 1) REY MARFIL



Bayan mo ang nakataya sa APEC! (part 1)
REY MARFIL


May ilang pumupuna kaugnay sa ginagawang paghahanda ng pamahalaang Aquino sa gagana­ping Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) meetings sa Maynila sa susunod na linggo.
Pero sa mga nakauunawa sa kahalagahan ng pagtitipon na ito ng mga lider mula sa Asya-­Pasipiko, batid nila na kailangan itong suporta­han para magtagumpay dahil dangal ng mga Pinoy ang nakataya at hindi lang si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino.
Simple lang naman para maunawaan kung bakit mahalaga ang APEC meeting at kung bakit dapat kasabikan din naman ito ng mga Pinoy; kumbaga sa isports, puwedeng ikonsidera na Olympics o ASEAN Games ang APEC meeting sa larangan ng kalakalan sa mundo at ugnayang panlabas, at tayo ang mapalad na host.
Tulad ng mga international big events sa sports, nagbi-bid ang mga bansa para sila ang mag-host ng pagtitipon dahil makatutulong iyon para mai-­promote ang kanilang bansa, mapalakas ang tu­rismo at makatulong sa kanilang ekonomiya. Ma­laking bagay kasi ang pagiging host ng isang international event dahil maibabalita ang host country sa lahat ng bansang dumadalo o kasali sa pagtitipon.
At sa gaganaping APEC meeting na magsi­simula sa susunod na linggo, tinatayang 21 mata­taas na lider sa mundo ang darating sa Pilipinas -- kabilang na ang mga pangulo ng Amerika, Russia, Japan at China.
***
Bilang host country ang Pilipinas, hindi lang ang mukha ni PNoy ang nakataya sa pagtitipong ito na maibabalita ang buong mundo -- kung hindi ikaw...bilang Pilipino.
Nang bumisita sa bansa si Pope Francis, hindi lang naman si PNoy ang pinasalamatan ng Santo Papa at hinangaan ng mundo sa ginawang pakikiisa para protektahan ang lider ng Simbahang Katolika, kung hindi ang buong sambayanang Pilipino.
Kung sakaling may hindi magandang nangyari sa Santo Papa habang nasa Pilipinas, hindi rin lang si PNoy ang masisisi kung hindi maging tayong mga Pinoy din.
At kung noon na mag-isa lang si Pope Francis ay naging mahigpit na ang seguridad na ipina­tupad sa Metro Manila at mga lugar na kanyang pinunta­han, isipin na lang natin at unawain kung papaano pa ang pagdating ng 21 lider mula sa iba’t ibang bansa. Isa lang sa kanila -- o ang kasama ng kanilang delegasyon ang madisgrasya habang nasa Pili­pinas, lagot tayo.
Kung sa mga international sports event ay sabik tayong makapag-host para maipakita ang husay ng ating mga manlalaro, makita ang mga manlalaro ng ibang bansa at mai-promote ang Pilipinas, hi­git na malaki ang nakataya sa APEC Summit dahil ka­lakalan sa buong mundo ang pag-uusapan dito. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Wednesday, November 11, 2015

Ginagawa ang lahat! REY MARFIL


Ginagawa ang lahat!
REY MARFIL




Hindi ba’t magandang balita ang patuloy na ayudang ginagawa ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino para makabangon ang mga lugar na nasalanta ng 7.2 magnitude na lindol sa Visayas na ginunita kamakailan ang ikalawang taong anibersaryo ng trahedya.

Sa tulong ng matuwid na daan ni Pangulong Aquino, umabot na sa P3.07 bilyon ang nailabas na pondo para sa rehabilitasyon at pagbangon ng mga lugar na naapektuhan ng lindol sa Bohol at Cebu.

Kabilang dito ang P556.9 milyon o 30 porsiyentong pondo na kakailanganin sa pagtatayo ng mga pasilidad at gusali sa ilalim ng “Build Back Better” na programa ng pamahalaan.

Sa ilalim nito, mas maganda at maaasahang pasilidad ang ibabalik sa mga nawalang istruktura sa mga lugar upang mas maging matatag sakaling mayroon pang dumating na mga trahedya sa hinaharap.

Sa P3.07 bilyon, napunta ang P2.46 bilyon sa Bohol at P24.6 milyon naman sa Cebu para maitayong muli ang mga gusali, palengke, civic centers, barangay facilities, tulay at sistemang patubig.

Mahalaga kay PNoy ang buhay at kaligtasan ng mga Pilipino kaya naman magpapatuloy ang ayuda sa nasalantang mga lugar kung saan lalong paghahanda­an ang pagharap sa mga sakuna.

***

Isa pang magandang balita ang inapruba­hang P25 bilyong halaga ng proyekto ng National Economic and Development Authority (NEDA) Invest­ment Coordination Committee-Cabinet Committee (ICC-CC) para sa tatlong proyekto sa ilalim ng public-private partnership (PPP) agreement.

Nabatid sa PPP Center na binigyan na ng permiso ni PNoy sa pamamagitan ng ICC-CC na pondohan ang Philippine Travel Center Complex (PTCC) ng Department of Tourism (DOT), Plaridel Bypass Toll Road ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Batangas-Manila (BatMan) 1 Natural Gas Pipeline project ng Philippine National Oil Company (PNOC).

Sa ilalim ng P1.747 bilyong PTCC project, kinabibilangan ito ng pagtatayo ng multimodal complex o tanggapan para maging tahanan sa Intramuros, Maynila ng iba’t ibang mga ahensya na may kinalaman sa turismo.

Higit kasing makakabuti kung magkakaroon ang Pilipinas ng isang one-stop shop para gawin ang mga transaksyon na may kinalaman sa turismo upang mas maging maayos at mabilis ang proseso.

Nagkakahalaga naman ng P9.387 bilyon ang Plaridel Bypass Toll Road na isang 23.3 kilometrong kalsada na magmumula sa Balagtas Inter­change sa North Luzon Expressway hanggang sa San Rafael, Bulacan para mapabilis ang biyahe.

Malaki naman ang maitutulong ng makukuhang karagdagang enerhiya na mabuti sa kapaligiran ng Batangas-Manila (BatMan) 1 Natural Gas Pipeline project ng PNOC.

Siguradong malaking ginhawa ang ibubunga nito sa marami at magbubunga rin ng karagdagang trabaho.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Friday, November 6, 2015

Agimat o ‘itinanim’ na bala? REY MARFIL



Agimat o ‘itinanim’ na bala?
REY MARFIL


Hindi na nakatutuwa ang iskandalong nilikha ng sinasabing raket o modus na “laglag” o “tanim” bala sa airport para makikilan daw ang ilang pasahero. Pero ang tanong, may sindikato nga ba sa likod nito o sadya lang na marami tayong kababayan na pasaway?
Hindi rin maiwasan na isipin na nagkataon rin lang kaya o sadyang may nanadya na nangyari ang pagputok ng kontrobersyang ito sa panahon na papalapit ang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders Summit na gaganapin sa Maynila ngayong Nobyembre.
Batay na rin sa kasi sa mga datos tungkol sa mga insidente ng pagkakadiskubre ng mga bala sa bagahe ng ilang pasahero sa Ninoy Aquino International Airport, lumi­litaw na hindi nalalayo ang bilang ng mga naku­kumpiskang bala sa mga bagahe ngayong taon na nasa 1,394 na insidente, kumpara sa nakalipas na mga taon.
Noong 2012, umabot umano sa 1,214 ang insidente ng pagkakabisto ng mga bala sa mga bagahe; 1,813 naman noong 2014; at mas mataas noong 2013 na umabot sa 2,184.
Ang tanong, kung dati na itong nangyayari, bakit ngayon lang pumutok? May grupo kaya na nais palakihin ang kontro­bersya at ipahiya ang administrasyong Aquino sa inter­national community dahil sa papalapit na APEC Summit kung saan darating sa Pilipinas ang mga lider ng iba’t ibang bansa?
Aba’y kung may grupo talagang nais ipahiya si Pa­ngulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa international community, dapat sigurong bantayang mabuti ang mga magsu­suri sa bagahe ng mga diplomatic officials na darating sa bansa at baka pati ang mga ito e taniman ng bala.
***
Ngayon pa nga lang, mayroon nang mga bansa ang nagbigay ng babala sa kanilang kababayan -- pati na ang United Nation -- na mag-ingat sa sinasabing kalokohan na nangyayari sa ating paliparan. Pati tuloy ang mga kaba­bayan natin na bibiyahe papunta at paalis ng Pilipinas ay nagiging praning na at binabalutan na parang mummy ang kanilang bagahe para hindi masingitan ng bala.
Hindi rin maiaalis ang posibilidad at paghinalaan na baka konektado rin sa pulitika ang paglaki ng kontrobersya dahil nalalapit na ang panguluhang halalan. O baka naman may nananabotahe lang sa NAIA upang magkaroon ng balasa­han at mapalitan ang mga nakaupong opisyal ngayon?
Pero sa kabila ng lahat ng espekulasyong ito, hindi rin naman dapat alisin ang posibilidad na baka sadyang mayroon din tayong mga kababayan na talagang pasaway? Ito ang mga kababayan natin na naniniwalang “anting-anting” ang bala; na kahit alam na nilang bawal ay dinadala pa rin nila sa pagla­lakbay sa pag-aakalang makalulusot sa mga nagbabantay. Sa halip na suwertihin, malas ang inaabot nila kapag nahuli.
Kung susuriin kasi, kung may sindikatong nasa likod ng “tanim” o “laglag” bala, tiyak na magpapalipas o magla-lie low muna ang mga ito dahil “mainit” sa kanila ang paningin. Pero hindi. Kahit mainit ang usapin ay mayroon pa ring nahuhulihan ng bala. Katunayan nga, kamakailan lang ay mayroong tatlong pasahero na nahulihan ng bala sa loob lang ng isang araw.
Anuman ang katotohanan sa likod ng kontrobersyang ito, ang malinaw ay hindi ito binabalewala ni PNoy para protekta­han ang kanyang mga “boss” na manlalakbay. Inatasan niya ang Department of Transportation and Communications na a­lamin ang katotohanan sa nangyayaring ito sa airport. At may hiwalay ding imbestigasyon na ginagawa ang Department of Justice sa pamamagitan ng National Bureau of Investigation (NBI).
Kaya naman makabubuting hintayin natin ang magiging resulta ng mga imbestigasyon. Dahil ang direktiba ay galing kay PNoy, tiyak na may magtatanim ng kamote sa kangkungan kapag napatunayan na mayroong mga tauhan ng paliparan na nasa likod ng hinihinalang modus na ito. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Wednesday, November 4, 2015

Puro laway lang!




                                                   Puro laway lang!
                                                                       REY MARFIL



Sa ginawang paglalayag ng mga barkong pandigma ng Amerika sa pinag-aagawang bahagi ng West Philippine o South China Sea, lalong napatunayan ang pagiging bully ng China at tanging ang mga maliliit na bansa lang ang kinakaya nila gaya ng Pilipinas at Vietnam.


Aba’y noong nakaraang mga buwan, binobomba ng tubig ng mga barko ng China ang mga bangka ng kawawa nating mga mangingisdang Pinoy, at maging ng Vietnam. Itinataboy nila ang mga kababayan nating hindi naman armado at tanging pangingisda lang ang pakay sa parte ng karagatan na bahagi naman ng Pilipinas.


May insidente pa nga na halos sagasaan o sinagasaan na nga ng barko ng China ang mga bangka ng mga mangingisdang Pinoy. Ilang beses na rin nating nabalitaan na itinataboy ng mga barko ng China ang mga kababayan natin na gustong magpalipas sa ligtas na bahagi ng Bajo de Masinloc kapag masama ang panahon.


Hindi lang iyon, pati nga ang barko ng Pilipinas na nagdadala ng suplay sa mga sundalo nating nakadestino sa nakasadsad na barko para bantayan ang Second Thomas Shoal ay hindi pinapatawad ng China.


Hindi naman nagpapabaya ang pamahalaang Aquino sa mga insidenteng ito. Dahil hindi natin nais ang karahasan, idinadaan ng Pilipinas sa diplomatikong protesta ang mga pambabarakong ginagawa ng China sa ating mga kababayan. Sa mapayapang paraan din nais ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na maresolba ang agawan sa teritoryo kaya tayo naghain ng protesta sa arbitration committee ng United Nation.


***


Dahil sa pinaggagawa ng mga barko ng China sa mga kababayan nating mangingisda na hindi naman armado, tinawag silang bully. Kinakaya-kaya nila ang mga maliliit at inaagaw ang mga teritoryo ng mga bansang kalapit nila sa Asya.


Kahit ilang protesta ang ginawa ng Pilipinas laban sa China upang itigil ang pagtatayo nila ng mga artificial island sa bahagi ng West Philippine o South China Sea, na higit na mas malapit sa atin, aba’y nagbubulag-­bulagan at nagbibingi-bingihan sila. Patuloy nilang ina­angkin at iginigiit na sa kanila ang halos buong bahagi ng nabanggit na bahagi ng karagatan.


Pero kamakailan nga ay mistulang ipinamukha ng Amerika na puro daldal lang ang China at bully lang talaga sila sa mga maliliit na bansa.


Mantakin niyo, naglayag ang barkong pandigma ng US malapit sa artipisyal na isla na itinayo ng China ay wala silang ginawang karahasan. Kahit man lang yata mangbelat ang mga Tsino ay hindi nila nagawa sa mga Amerikano.


Kung noon ay mabilis pa sa alas-kuwatro ay nakabuntot na ang mga barko ng China sa mga hindi armadong bangka ng mga mangingisda nating Pinoy, aba’y noong naglayag ang mga barkong pandigma ng US na malapit sa mga ginawang isla, aba’y kahit anino yata ng barko ng China ay walang naibalita.


Imposibleng hindi nila alam na may barkong pandigma ng US sa lugar dahil tiyak na makikita nila ito sa radar dahil sa laki at mga armado pa.


Kung tutuusin, dapat noon pa ito ginawa ng US, noong panahon na wala pa ang mga artificial island. Sa totoo lang, personal na interes ang nasa likod ng paglalayag na ito ng US. Kung magtatagumpay kasi ang China na kontrolin ang mga barko na dadaan sa mga international waters, mapeperwisyo ang multi-bilyong negosyo o kalakalan sa mundo sa pamamagitan ng pag­biyahe ng mga produkto gamit ang barko.


Kahit si Pangulong Aquino, walang nakikitang masama sa ginawang paglalayag ng US malapit sa mga artipisyal na isla basta naaayon ito sa pandaigdigang batas na dapat respetuhin at sundin ng lahat ng bansa -- dapat maging ang China.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Monday, November 2, 2015

Ang tunay na may malasakit! REY MARFIL



Ang tunay na may malasakit!
REY MARFIL


Malaki ang maitutulong ng kautusan ni Pa­ngulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa Department of Transportation and Communications (DOTC) at Light Rail Transit Authority (LRTA) na bumili ng 120 pirasong bagong Light Rail Vehicles (LRVs) para sa LRT Line 1.
Kailangan rin ito dahil sa planong paabutin ang kasalukuyang Roosevelt sa Quezon City hanggang Baclaran sa ParaƱaque City na ruta patungong Bacoor, Cavite o karagdagang 11.8 kilometrong ekstensyon.
Popondohan ang proyekto ng pinahiram na salapi ng Japan International Cooperation Agency (JICA).
Malaki ang maitutulong ng ekstensyon upang maging mabilis at maayos ang biyahe ng ating mga kababayan sa Cavite patungong Metro Manila.
Bahagi ito ng malawakang modernisasyon na isinu­sulong ni Pangulong Aquino hindi lamang sa LRT-1 kundi maging sa buong sistema ng riles sa bansa.
***
Nakakatuwa ang desisyon ng Social Security System (SSS) alinsunod sa malasakit ni PNoy na pahaba­in ang panahon kung saan maaaring iparating ng overseas Filipino workers (OFWs) sa ahensya ang kanilang pagkakasakit.
Mula sa limang araw, gagawin ngayong 35 araw o karagdagang 30 araw ang tinatawag na prescriptive period para sa paghahain ng sickness notifications ng OFWs para sa mga nagkakasakit na hindi naman naospital.
Batid ni Pangulong Aquino ang malaking sakri­pisyo at hirap ng OFWs habang nasa ibayong-dagat na talaga namang hindi ganoon kadali para sa mga ito na maipabatid sa SSS ang kanilang pagkakasakit.
Sa pamamagitan ng bagong patakaran, mas ma­laking benepisyo ang makukuha at makakaiwas sa posibilidad na maibasura ang aplikasyon ng OFWs sa SSS.
Maaaring makontak ng OFW ang SSS OFW Contact Services Unit (OFW-CSU) sa ofw.relations@sss.gov.ph o telepono sa bilang na +632 364-7796 o +632 364-7798 mula alas-sais ng umaga hanggang alas-10:00 ng gabi mula Lunes hanggang Biyernes, oras sa Pilipinas.
Umaabot ngayon sa 1.07 milyon ang OFWs na miyembro ng SSS sapul noong Hunyo o siyam na porsiyentong pag-angat mula sa naitalang 983,000 rehistradong miyembro noong Hunyo 2014. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/nov0215/edit_spy.htm