Friday, October 30, 2015

Masama kung walang pinagkatandaan REY MARFIL



Masama kung walang pinagkatandaan
REY MARFIL


Kung maituturing o masasabi man na may kabutihang iniwan sa atin ang delubyong ginawa ng bagyong Yolanda noong Nobyembre 2013, ito ay ang pagmulat sa kamalayan ng mga Pilipino tungkol lakas o puwersa ng kalikasan na hindi natin dapat balewalain.
Sa susunod na buwan, gugunitain natin ang ikalawang anibersaryo ng mapait na karanasan ng bansa sa hagupit ni Yolanda na kumitil sa buhay nang mahigit 6,000 katao, bumago sa buhay ng libo-libo at sumubok sa katatagan at bayanihan natin bilang isang lahi

Sa pagbabalik-tanaw, nakalulungkot isipin na sa kabila ng paalalang ginawa noon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino III sa pamamagitan ng televised address isang araw bago ang pagtama ni Yolanda, umabot pa rin sa napakalaking bilang ng mga kababayan natin ang nasawi.
Bakit nga ba iyon nangyari? Dahil hindi ba sineryoso ang babala ng mga kinauukulan tungkol sa lakas ng bagyo? Nagkulang ba ang lokal na pamahalaan at hindi maagang nailikas ang mga nasa peligrosong lugar? O dahil kulang pa ang kaa­laman natin sa tinatawag na ‘storm surge’ o ‘daluyong’? Ito ang pag-alsa ng dagat na mistulang tsunami na sinasabing isa sa mga naging dahilan kaya maraming buhay ang nawala.
Gayunpaman, hindi na natin maibabalik ang nakaraan; hindi na natin maibabalik ang mga buhay na nawala. Ika nga, move on na tayo at matuto ng leksyon sa nangyari para hindi na maulit muli. Sabi ng mga nakatatanda, ang mahirap sa tao ay iyong tatanda nang walang pinagkatandaan.
Dahil nga kay Yolanda, naging mas alerto na ang mga tao at nakikinig na rin sa mga abiso ng pamahalaang Aquino at mga kinauukulang ahensiya kapag may tatamang bagyo. Patuloy din ang ginagawa ni PNoy ng paglalaan ng pondo sa PAGASA para sa mas tumpak na mga impormasyon na makakalap kapag may namumuong sama ng panahon.
Bunga ng climate change, kapansin-pansin na nagbabago na rin ugali ng kalikasan -- nagkakaroon ng ma­tinding init na susundan ng malakas na buhos ng ulan. Kung dati ay habagat lang ang naririnig nating nagdudulot ng mga pagbaha maliban sa bagyo, ngayon ay namo-monitor na rin ng PAGASA ang tinatawag na ‘thunder storm’ na kaya na ring pagbaha sa Metro Manila kahit walang bagyo.
Maliban sa mas tumpak na pagtaya ng PAGASA sa lagay ng panahon at regular na nagbibigay ng babala ng gobyerno kapag may tatamang bagyo o magkakaroon ng habagat o thunder storm, nakikiisa na rin ang marami na­ting kababayan sa maagang paglikas upang mailayo sila sa kapahamakan. Marahil kung hindi pinapansin noon ang babala sa storm surge o daluyong, ngayon ay kasama na ito sa listahan ng mga tao na dapat pag-ingatan at iwasan.
***
Dahil na rin sa mga pagbabagong ito sa kahandaan ng pamahalaan at mga tao sa pagdating ng kalamidad, mismong ang Uni­ted Nations Office for Disaster Risk Reduction (UNISDR­) ang nagsabi na tunay na nagkaroon na tayo ng pagbabago. Isang halimbawa na ginamit nila ang kakaunting napinsala na idinulot ng malakas na bagyong si Ruby at maging ni Lando.
Ang sistemang ginagamit daw ngayon ng pamahalaang Aquino sa disaster risk management para magbigay ng babala sa mga mamamayan kapag may nakaambang kalamidad ay maaari raw ibahagi natin sa mundo para tularan ng ibang bansa.
Naniniwala rin ang Center for Disaster Preparedness (CDP) na nakabase sa Pilipinas na malaking bahagi ng pagbabago sa kahandaan ng bansa sa pagtugon sa kalamidad ang pakikiisa ng mga tao na tumugon at sumunod sa babala ng mga awtoridad na lumikas kapag may banta na sa kanilang bahay.
Subalit marami pa rin ang kailangan gawin upang makamit natin ang hinangad nating ‘zero casualty’ kapag may malalakas na bagyo o lindol. Hindi lang ang mga naninirahan sa mga lugar na peligrosong bahain o maabot ng daluyong ang dapat maging alerto sa paglikas kung hindi maging ang mga nakatira sa paanan ng bundok o burol na may peligro ng land, rock at mudslide.
Hindi na natin maibabalik ang mga nawala dahil sa nangyaring mga kalamidad pero ang leksyon na naiwan nito ay dapat nating balik-balikan para magpaalala sa mga dapat nating gawin upang makapagligtas ng mga buhay. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Wednesday, October 28, 2015

Masama kung walang pinagkatandaan REY MARFIL




Masama kung walang pinagkatandaan
REY MARFIL



Kung maituturing o masasabi man na may kabutihang iniwan sa atin ang delubyong ginawa ng bagyong Yolanda noong Nobyembre 2013, ito ay ang pagmulat sa kamalayan ng mga Pilipino tungkol sa lakas o puwersa ng kalikasan na hindi natin dapat balewalain.
Sa susunod na buwan, gugunitain natin ang ikalawang anibersaryo ng mapait na karanasan ng bansa sa hagupit ni Yolanda na kumitil sa buhay ng mahigit 6,000 katao, bumago sa buhay ng libu-libo at sumubok sa katatagan at bayanihan natin bilang isang lahi.
Sa pagbabalik-tanaw, nakalulungkot isipin na sa kabila ng paalalang ginawa noon ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa pamamagitan ng televised address isang araw bago ang pagtama ni Yolanda, umabot pa rin sa napaka­laking bilang ng mga kababayan natin ang nasawi.
Bakit nga ba iyon nangyari? Dahil hindi ba sineryoso ang babala ng mga kinauukulan tungkol sa lakas ng bagyo? Nagkulang ba ang lokal na pamahalaan at hindi maagang nailikas ang mga nasa peligrosong lugar? O dahil kulang pa ang kaa­laman natin sa tinatawag na “storm surge” o “daluyong”? Ito ang pag-alsa ng dagat na mistulang tsunami na sinasabing isa sa mga naging dahilan kaya maraming buhay ang nawala.
Gayunpaman, hindi na natin maibabalik ang nakaraan; hindi na natin maibabalik ang mga buhay na nawala. ‘Ika nga, move on na tayo at matuto ng leksyon sa nangyari para hindi na maulit muli. Sabi ng mga nakatatanda, ang mahirap sa tao ay iyong tatanda nang walang pinagkatandaan.
Dahil nga kay Yolanda, naging mas alerto na ang mga tao at nakikinig na rin sa mga abiso ng pamahalaang Aquino at mga kinauukulang ahensya kapag may tatamang bagyo. Patuloy din ang ginagawa ni PNoy ng paglalaan ng pondo sa PAGASA para sa mas tumpak na mga impormasyon na makakalap kapag may namumuong sama ng panahon.
Bunga ng climate change, kapansin-pansin na nagbabago na rin ang ugali ng kalikasan -- nagkakaroon ng matinding init, na susundan ng malakas na buhos ng ulan. Kung dati ay Habagat lang ang naririnig nating nagdudulot ng mga pagbaha maliban sa bagyo, ngayon ay namomonitor na rin ng PAGASA ang tinatawag na “thunderstorm” na kaya na ring magpabaha sa Metro Manila kahit walang bagyo.
***
Dahil na rin sa mga pagbabagong ito sa kahandaan ng pamahalaan at mga tao sa pagdating ng kalamidad, mismong ang United Nations Office for Disaster Risk Reduction (UNISDR) ang nagsabi na tunay na nagkaroon na tayo ng pagbabago. Isang halimbawa na ginamit nila ang kakaunting napinsala na idinulot ng malakas na bagyong si Ruby at maging ni Lando.
Ang sistemang ginagamit daw ngayon ng pamahalaang Aquino sa disaster risk management para magbigay ng babala sa mga mamamayan kapag may nakaambang kalamidad ay maaari daw ibahagi natin sa mundo para tularan ng ibang bansa.
Kasama sa binigyang-pansin ng UNISDR ang ipinatutupad ng PAGASA na maglabas ng regular update sa sitwasyon ng bagyo at ang pakikipag-ugnayan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa mga lokal na pamahalaan at sa mga pri­badong organisasyon para maghanda sa kinakaila­ngang ayuda bago at matapos tumama ang kalamidad.
Naniniwala rin ang Center for Disaster Preparedness (CDP) na nakabase sa Pilipinas na malaking bahagi ng pagbabago sa kahandaan ng bansa sa pagtugon sa kalamidad ang pakikiisa ng mga tao na tumugon at sumunod sa babala ng mga awtoridad na lumikas kapag may banta na sa kanilang bahay.
Hindi na natin maibabalik ang mga nawala dahil sa nangyaring mga kalamidad, pero ang leksyon na naiwan nito ay dapat nating balik-balikan para magpa-alala sa mga dapat nating gawin upang makapagligtas ng mga buhay.  Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/oct2815/edit_spy.htm



Monday, October 26, 2015

Mag-ingat sa mga mapagsamantala! REY MARFIL



Mag-ingat sa mga mapagsamantala!
REY MARFIL




Kapag panahon ng kalamidad, tatlong uri ng tao ang nalalantad -- ang mga kawawang biktima, ang mga dakila na handang tumulong sa mga biktima, at ang mga hinayupak na kolokoy na magsasamantala sa mga biktima.
Matapos manalasa at magdulot ng matinding pinsala sa maraming lugar sa Luzon ang makupad umusad na bagyong si “Lando”, maraming kababayan natin ang nangangailangan ngayon ng tulong; at marami rin naman ang handang magkaloob ng tulong.
Kahanga-hanga ang mga awtoridad na tumugon sa kanilang tungkulin at maging ang mga sibilyan na itinaya ang kanilang buhay para iligtas ang mga kababayang naipit sa baha. Nakalulungkot nga lang na sa kabila ng maagang abiso na ginawa ng pamahalaan sa banta ng bagyo, ay umabot pa rin sa mahigit 30 katao ang nasawi sa kalamidad na ito.
Gayunman, si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino at ang ilan pang opisyal ng gobyerno ay kaagad na nagtungo sa ilang lugar na sinalanta ni Lando para maghatid ng agarang ayuda sa mga nangangailangan. Inatasan din niya ang mga opisyal ng kinauukulang ahensya na linisin kaagad ang mga kalsada na nabarahan ng mga natumbang puno, poste at mga landslide para makadaan ang mga sasakyan na magdadala pa ng tulong sa mga nasalanta.
***
Bukod pa rito ang gagawing pagkumpuni sa mga nasirang imprastraktura gaya ng mga tulay at kalsada, at iba pang maibibigay na ayuda sa kanila ng gobyerno para makabangon muli sa trahedya sa lalong madaling panahon ang mga biktima ng bagyo.
Kahanga-hanga rin ang mabilis na pagkilos ng iba’t ibang pribadong organisasyon para mangalap ng tulong sa mga kababayan natin upang maibigay sa mga biktima ni Lando; na marami ang nawalan ng kabuhayan bilang mga magsasaka at mangingisda, at napinsala pa ng baha ang kanilang mga bahay.
Sa pagtaya ng Department of Agriculture, tinatayang nasa mahigit P6 bilyon ang pinsala sa sektor ng agrikultura ni Lando, ang pinakamatinding hagupit ng kalamidad  ngayong taon. Hindi pa kasama rito ang pinsalang ginawa ng bagyo sa mga imprastraktura gaya ng mga nawasak at napinsalang mga tulay, dike at kalsada.
Sa ganitong sitwasyon, dapat bantayan ang mga magsasamantala gaya ng mga negosyante na magtataas ng presyo sa kanilang mga produkto para tumiba sa kita. Kailangang isumbong kaagad sa mga awtoridad ang mga ganitong negosyante para mabigyan ng leksyon.
Kailangan ding mag-ingat ang mga kababayan natin sa mga magsasamantala na kunwaring mangangalap ng tulong para sa mga biktima ng kalamidad pero sa bulsa lang pala nila mapupunta ang malilikom na pondo. O kaya naman ay manghihingi ng mga gamit at produkto sa mga tao pero ibebenta lang pala at hindi sa mga biktima ng kalamidad mapupunta.
Gaya na lang ng ibinigay na babala ng DPWH sa publiko tungkol sa mga manlolokong gumagamit ng cellphone para mangalap ng donasyong pera at bigas para umano sa isasagawang relief operation naman daw ng ahensya sa Maguindanao.
Paglilinaw ng ahensya, wala silang ganitong hakbang na ginawa sa DPWH saan mang field office nila sa rehiyon o distrito kaya ‘wag papaloko ang publiko. 
Kung nais tumulong sa mga biktima ng kalamidad, piliin ang mga mapagkakatiwalaang tao, ahensya at pribadong organisasyon upang matiyak na ang tulong na ibibigay ay mapupunta sa mga tunay na nangangailangan at hindi sa mga kolokoy na manggagantso. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Friday, October 23, 2015

Lump sum budget at ang kalamidad REY MARFIL



Lump sum budget at ang kalamidad
REY MARFIL

Minsan pa, naranasan na naman ng bansa ang hagupit ng kalamidad kung kailan patapos na ang taon at papaubos na ang pondo ng bansa. Habang hinaharap ng Aquino government ang pinsalang idudulot ng matinding init na dala ng El Niño phenomenon, bigla naman binaha ng usad-pagong na bagyong si Lando ang malaking bahagi ng Luzon.
Matatandaan na patapos na rin ang taon nang manalasa sa bansa ang ubod nang lakas na bagyong si Yolanda noong November 2013. Matinding napuruhan ang marami nating kababayan sa Visayas region at marami pa nga sa kanila ang patuloy na nagsisimula ng panibagong buhay hanggang ngayon.
Parang mapait na gamot o bida-kontrabida nga itong si Lando na naging tugon sa panalangin ng marami na­ting kababayang magsasaka sa Luzon na madilig sana ng ulan ang tigang nilang sakahan. Iyon nga lang, sumobra ang ulan na dala ni Lando at binaha ang maraming palayan at pinaapaw ang mga palaisdaan.
Bukod sa binasa ni Lando ang mga natuyong saka­han at nilinis niya ang tubig sa mga palaisdaan, dinagdagan din ng bagyo ang tubig sa mga dam -- kabilang na ang Angat Dam kung saan nanggagaling ang tubig-inumin ng mga taga-Metro Manila.
At dahil nadagdagan nga ang tubig sa Angat Dam dahil kay Lando, kinansela muna ng Maynilad ang ipinatupad nilang 9:00 p.m. to 4:00 a.m. cut-off sa supply ng tubig ilang linggo na ang nakalilipas na ang layunin nga ay makapagtipid noon ng tubig.
Pero hindi porke nadagdagan ang tubig sa dam at tuloy-tuloy na muli ang buong araw na pagtulo ng tubig sa gripo ay balik na uli tayo sa pag-aksaya. Kung magpapa­tuloy kasi muli ang El Niño kapag wala na ang bagyo, natural lang na iinit na muli ang panahon at bibilis din ang pagkaubos muli ng tubig sa dam dahil sa evaporation. Alalahanin natin na hanggang sa susunod na taon pa ang pinapangambahang epekto ng El Niño at wala na tayong aasahang bagyo o pag-ulan hanggang Hulyo o Agosto sa 2016.
***
Sa kabila naman ng pinsalang dulot ng El Niño at hagupit ni Lando, nakaalalay naman ang pamahalaang Aquino sa pagbibigay ng ayuda sa mga nasalanta. Bago pa nga tumama ang bagyo, nagbigay na ng pambansang babala si PNoy sa pamamagitan ng mga telebisyon kaugnay ng matinding epekto na dala ni Lando.
Sa umpisa pa lang kasi, nakita na ng mga kinauukulang ahensiya tulad ng PAGASA na malakas ang ha­ngin na dala ni Lando, maraming dalang tubig at mabagal ang usad kaya mas matindi ang pinsalang dala. Sana nga ay manatiling mababa ang bilang ng mga nasawi sa epekto ni Lando dahil indikasyon ito na handa na ang talaga ang mga kakabayan natin sa kalamidad at nakikinig na sila sa mga kinauukulan kapag kinailangang lumikas.
Gaya ng ibang malalakas na dumating na bagyo sa bansa, wala namang magagawa ang pamahalaan sa pinsalang iiwan ni Lando sa agrikultura at impraistruktura. Ang tanging magagawa na lamang ay bigyan ng ayuda ang mga magsasaka at mga taong nawalan ng kabuha­yan para makapagsimula silang muli at kumpunihin agad ang mga nasirang mga kalsada, tulay, gusali at iba pa.
Ang hagupit na ginawa ni Lando ay patunay na sad­yang mahirap ispelingin ang kalikasan -- isang araw eh matinding init, kinabukasan naman ay bubuhos ang malakas na ulan. Hindi rin masasabi kung gaano kapaminsala ang tatamang kalamidad na kailangang tugunan ng gobyerno.
Kaya hindi nakapagtataka kung lump sum o bulto ang hinihinging pondo ng gobyerno sa taunang national budget gaya ng nakapaloob sa 2016 budget, na mayroong calami­ty fund na P19 bilyon at contingency fund na P4 bilyon.
Kung ‘pork barrel’ funds ang tingin ng mga kritiko sa calamity at contingency funds ng Pangulo, masasabi namang ‘good cholesterol’ ang ihahatid nito sa mga kababayan nating mangangailangan ng tulong sa panahon ng kagipitan at kalamidad... Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter:follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/oct2315/edit_spy.htm

Wednesday, October 21, 2015

‘Wag tayong pa-dengue REY MARFIL




‘Wag tayong pa-dengue
REY MARFIL


Kung hindi magbabago ang pataas nang pataas na bilang ng mga kababayan nating nadadale ng dengue sa iba’t ibang bahagi ng bansa, tiyak na mahihigitan nga­yong taon ang bilang ng mga nagka-dengue noong 2014 lalo pa’t pinapangambahan ng mga dalubhasa na makakadagdag sa problemang ito ang El Niño phenomenon.

Batay sa datos ng Department of Health, mula pa lamang noong Enero hanggang Setyembre, umabot na sa 92,807 ang kaso ng dengue sa bansa, na mas mataas ng 23.5 porsiyento sa 75,117 kaso na naitala sa kaparehong panahon noong 2014. 

Ang mga lugar na dapat maging alerto dahil may mataas na kaso ng dengue batay sa datos ng DOH ay ang Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon, Ilocos Region, Northern Mindanao, Cagayan Valley at Soccsksargen.

At dahil may tatlong buwan pang natitira sa 2015 at wala na ring pinipiling panahon ang pag-atake ng mga lamok na may taglay ng dengue virus -- mainit man o maulan, aba’y baka tumaas pa nga lalo ang bilang ng mga mabiktima ng peligrosong sakit.

Ngayon pa nga lang, may mga ulat na nagkakaroon na ng kakapusan ng hospital bed sa ilang pampublikong ospital dahil sa dami ng mga kababayan nating isinusugod sa mga pagamutan. Tulad na lang sa San Lazaro Hospital na umaabot daw sa 140 hanggang 150 katao ang mga nagpapakonsulta bawat araw at hindi bababa sa 60 hanggang 70 ang kanilang ina-admit.

Hindi nakapagtataka kung ganito karami ang mga tinatamaan ng dengue dahil maging ang mga nakaririwasa sa buhay ay walang ligtas sa lintek na mga lamok. Hindi ba’t kahit sina Senate Minority leader Juan Ponce Enrile at Speaker Feliciano Belmonte ay naibalitang naospital dahil sa dengue.

***

Kung may maganda mang balita na maituturing sa kaso ng dengue ngayong taon, ito ay ang pagbaba ng bilang ng mga nasawi bagaman tumaas ang bilang ng mga nagkakasakit at dinadala sa mga ospital.
Sa nabanggit na bilang ng mga nagkasakit ng dengue mula Enero hanggang Setyembre, 269 sa mga pasyente ang binawian ng buhay. Pero mas mababa ito sa naitalang 316 na nasawi sa kaparehong panahon noong 2014.

Pinapaniwalaan na bumaba ang bilang ng mga nasawi sa dengue dahil na rin sa kaalaman at pagiging alerto na rin ng publiko sa peligrong dulot ng virus. Dapat lang na maging alisto at huwag magpa-bebe kapag nakaramdam ng hindi maganda sa katawan tulad ng mataas na lagnat na may kasama pang pamumula sa balat, aba’y magtungo na sa doktor para magpatingin.

Ang Palasyo, tiniyak na handa ang mga pampublikong pagamutan na tumugon sa pangangailangan ng mga dadalhin sa ospital alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa DOH. At bukod sa usapin ng pag-asikaso sa mga nagkasakit na, may mga hakbang din na ginagawa ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno para maiwasan ang paglaganap ng sakit tulad ng mga pagpuksa sa pinagtataguan ng mga lamok.

Pero siyempre, dahil ang problema sa dengue ay nasa bawat komunidad, dapat ding kumilos ang lokal na pamahalaan -- lalo na ang barangay officials at mga mamamayan para tiyaking malinis ang paligid at alisin ang mga tubigan na pinamumugaran ng mga lamok.

Kahit nga ang simpleng panlaban na paglalagay ng screen sa mga bintana para hindi makapasok ang lamok sa loob ng bahay at paggamit muli ng kulambo sa pagtulog ay hindi na masama. Pagsuotin din ng long pants ang mga mag-aaral lalo na ang mga bata para hindi sila makagat ng lamok sa ilalim ng upuan. 

At kung gusto naman magpapawis, kaysa mag-gym ay mabuti pang silipin ang mga lugar sa paligid ng bahay na posibleng may naiipong tubig na posibleng maging boarding house at itlugan ng mga lamok. Huwag tayong patalo sa lamok, ‘wag tayong magpa-dengue.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Monday, October 19, 2015

May tiwala ngayon! REY MARFIL



May tiwala ngayon!
REY MARFIL




Hindi ba’t good news ang pamamahagi ng 21 makinarya sa bukid ng Department of Agrarian Reform (DAR) para sa mga kooperatiba ng magsasaka sa Ilocos Norte na nagkakahalaga ng P3.7 milyon.
Sa kautusan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, siguradong malaki ang magagawa ng ayudang ito ng DAR upang mapabuti ang produksiyong agrikultu­ral ng mga magsasaka.
Kinabibilangan ang farm machines ng 13 hand tractors, anim na rice threshers at dalawang rice reapers kung saan 20 kooperatiba ang nabiyayaan para sa tinatayang 3,000 mga benepisyunaryo ng repormang agraryo.
Magaling ang programa dahil siguradong lalaki ang ani ng mga magsasaka sa ibinahaging tulong na ito ng DAR sa pamamagitan ng kahilingan ni PNoy na tulu­ngan ang sektor ng agrikultura.
Sa ilalim ng programa, ipinamahagi ang makinarya bilang “equipment grant” na patatakbuhin ng mga koo­peratiba bilang isang negosyo kung saan magagamit ang kita para na rin sa kapakinabangan ng mga magsasaka at pagmintina ng makinarya.
Nasa ilalim ang programa ng Agrarian Reform Community Connectivity and Economic Support Services (ARCCESS) ng DAR na naglalayong maging mga negosyante ang tinatawag na agrarian reform beneficiaries o ARBs sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanila ng makina at teknolohiya para lumaki ang kanilang mga ani at madagdagan ang kanilang kaalaman.
Tinuturuan rin sa pamamagitan ng ARCCESS ang mga magsasaka ng tinatawag na farmers agri-business technologies para mas maging matatag at malakas ang kanilang hanapbuhay.
***
At dahil din sa malinis na pamamahala ni PNoy nabiyayaan ng Royal Australian Navy (RAN) ang bansa ng dalawang sasakyang pandagat.
Kamakailan lang, nagkaroon na nga ng inspeksyon si PNoy sa dalawang Landing Craft Heavy na pinakabagong mga gamit ngayon ng Philippine Navy.
Dumaong na sa Sangley Point sa Cavite ang dala­wang Landing Craft Heavy mula sa Australia at nagtu­ngo rin sa Navy Headquarters.
Inihayag ng Pangulo na tatlo pang sasakyang pandagat ang target na makuha ng bansa sa hinaharap.
Pinangalanan ang bagong mga sasakyang pandagat bilang BRP Batak (AT-299) at BRP Ivatan (AT291) na siguradong magpapalakas sa Philippine Navy na bantayan ang katubigan sa Pilipinas.
Bukod dito, mangunguna rin ang mga sasakyang pandagat sa pagtiyak ng kaligtasan ng publiko sa panahon ng sakuna at masiguro ang mas mabilis na paghahatid ng tulong kabilang na ang naglalakihang equipment sa iba’t ibang panig ng bansa.
Pinamumunuan ang BRP Batak, dating HMAS Tarakan ng RAN, ni Lieutenant Ariel Constantino habang si Commander Joselito de Guzman naman ang magmamando sa BRP Ivatan, dating HMAS Brunei.
Sa pahayag ng Philippine Navy, mayroong kakayahan ang BRP Ivatan na magdala ng 163.2 toneladang kargamento at maaaring magsakay at magbaba maging ng mga sasakyan.
Ang pagtitiwala ng internasyunal na komunidad sa malinis na liderato ng tuwid na daan ni Pangulong Aquino ang rason kung bakit marami ang natutuwa at tumutulong sa Pilipinas -- ito’y kabaliktaran sa nagdaang administrasyon. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Friday, October 16, 2015

Gamot sa kahirapan REY MARFIL



Gamot sa kahirapan
REY MARFIL

Sa nalalapit na pagtatapos ng liderato ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino III, inaasahan na magkakaroon ng mga bagong sistema sa pamamahala ang papalit na administrasyon.
Ngunit sana lang, ipagpatuloy pa rin ng susunod na lider ang mga epektibong programa na ipinatupad ni PNoy sa pagtulong sa mga mahihirap gaya ng Conditional Cash Transfer (CCT) program na kilala rin bilang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.
Kontrobersyal man ang 4Ps dahil sa mga kritisismo na hindi ito ang mabisang paraan para matulungan ang mga mahihirap, ang katotohanan ay tumatalab ang programa para kahit papaano ay magamot ang sakit ng bansa sa kahirapan.
Totoo na mas magandang mabigyan ng trabaho ang mga mahihirap na pamilya kaysa bigyan sila ng pinansyal na tulong ngunit tulad ng ibang karamdaman, may kasamang komplikasyon, ika nga ang sakit na kahirapan -- ang kawalan ng edukasyon at mahinang kalusugan ng mga salat nating kababayan.
Ang mga komplikasyong ito ang kasamang ginagamot ng 4Ps. Kapalit kasi ng buwanang ayudang pinansya­l na ibibigay sa mahirap na pamilya ay kailangang mapa­natiling nag-aaral ang mga anak at regular na nasusuri sa klinika ang kanilang kalusugan.
Kung malusog ang mga bata at nakapagtapos ng kahit man lang high school, kahit papaano ay makaka­hanap na siya ng maayos-ayos na trabaho na susuporta sa kanyang pamilya.
Hindi naman “wonder drug” o anting-anting ang 4Ps na isang subo lang ay magiging milyonaryo na at mahahango na sa kahirapan ang benepisaryo. Tuloy-tuloy na gamutan ang kailangan para maiwasan ang komplikasyon at tuluyang gumaling sa sakit na kahirapan ang pamilya. Pero mas maganda kung gagawa rin ng sariling kabuhayan ang benepisaryo at hindi lang aasa sa tulong na nakukuha sa gobyerno.
Bagaman hindi masasabing perpekto ang pagpapatupad ng programa tulad ng mga reklamo tungkol sa pagpili ng mga benepisaryo pero sa pangkalahatan ay epektibo ito upang hindi na tumaas ang bilang ng mga mahihirap sa bansa sa loob ng limang taon na pamahahala ni PNoy.
Maging ang mga dayuhang institusyon gaya ng World Bank (WB) at Asian Development Bank (ADB) ay naniniwala na mabisang sandata ang 4Ps para labanan ang kahirapan. Dahil pinalawak pa ng administrasyong Aquino ang sakop ng programa -- tulad ng pagbibigay ayuda sa mga high school student at suporta sa mga mahihirap na walang permanenteng tirahan, ang bersyon ng progra­mang ito ng Pilipinas ang itinuturing pinakama­laki sa Asya, ikatlo sa buong mundo kasunod ng Brazil at Mexico.
***
Mula sa 380,000 mahihirap na pamilya na unang na­ging benepisaryo ng 4Ps noong 2008, pinalawak pa ang mga nakinabang sa programa sa ilalim ng liderato ni PNoy sa 4.4 milyong mahihirap na pamilya. At kumbaga sa ulan, sinahugan pa ang 4Ps ng iba’t ibang rekado para madagdagan ang kaalaman ng mga mahihirap upang makahanap sila ng trabaho tulad ng mga sustainable livelihood program at maging skills at technical-vocational training programs.
Kahit ang 4Ps ay sinimulang ipatupad sa ilalim ng liderato ni dating Pangulong Gloria Arroyo, ipinagpatu­loy ito ni PNoy matapos na repasuhin ang sistema at matiyak na mawawala ang katiwalian at talagang ang mga mahihirap ang makikinabang.
Naniniwala rin kasi si PNoy na makatutulong ang programa para maputol ang tinatawag na “cycle” ng kahirapan sa isang pamilya kapag may miyembro nito na nakapagtapos ng pag-aaral kahit man lang sa high school.
Ngayong magkakaroon ng bagong administrasyon, nawa’y ipagpatuloy pa rin ang 4Ps upang masuporta­han ang mga mahihirap nating kababayan at patuloy na makapag-aral ang mga kabataang benepisyaryo sa ilalim ng administrasyon ni PNoy hanggang sa makapagtapos din sila ng high school at maging ang mga nakaabot sa kolehiyo. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/oct1615/edit_spy.htm

Wednesday, October 14, 2015

Inaagrabyado nga ba si Gloria? REY MARFIL



Inaagrabyado nga ba si Gloria?
REY MARFIL



Sinasabing nakakuha raw ng paborableng desisyon ang kampo ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa isang lupon ng United Nation (UN) kung saan tila naghanap sila ng kakampi kaugnay ng patuloy na pananatili sa “piitan” ng dating lider sa kabila ng kalagayan ng kanyang kalusugan sa kinakaharap na kasong pandarambong.

May tatlong taon na ngayon na naka-hospital arrest si Arroyo sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) dahil sa kinakaharap na kasong pandarambong kaugnay sa umano’y maling paggamit ng pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong siya pa ang presidente na nagkakahalaga ng P366 milyon.

Batay umano sa mga impormasyon na galing sa international lawyer na si Amal Alammudin-Clooney, asawa ng Hollywood actor na si George Clooney, naniniwala umano ang Working Group on Arbitrary Detention (WGAD) ng UN, na labag sa international human rights laws ang pananatili ni Arroyo sa “piitan” dahil sa kalagayan ng kalusugan nito. 

Naniniwala rin daw ang lupon ng UN na biktima ng pamumulitika ang dating pangulo kaya iniipit ito at kinasuhan. Ilang beses nang nagpetisyon ang kampo ni Arroyo na payagang makapagpiyansa o ma-house arrest pero hindi pinapayagan ng anti-graft court dahil naniniwala silang matibay ang kaso laban sa dating pangulo.

Si Alammudin-Clooney ang nagsilbing abogado ni Arroyo at siyang naghain ng petisyon sa WGAD. Kung nagkaroon ng kinatawan ang panig ng Sandiganbayan sa naturang pagdinig ng lupon ng UN ay hindi malinaw. At maging ang pamahalaang Aquino ay tiyak na hindi rin makikialam sa naturang deliberasyon dahil ang kaso ay nasa korte.

*** 

Kilala si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na hindi nakikialam sa trabaho ng mga mahistrado at lalong hindi makikialam sa mga nakasampang kaso. Katuna­yan, isa nga sa mga naging misyon ng liderato ni PNoy ay mapalakas muli ang integridad ng korte na pinaniniwalaan niyang nabalahura ng nagdaang administrasyon. 

Kapuna-puna nga na pawang babae ang nahirang na mga pinuno ng mga sangay na may kaugnay sa hustisya -- si Secretary Leila de Lima sa Department of Justice, si Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa Korte Suprema at Conchita Carpio-Morales sa Office of the Ombudsman, ang sangay ng Hudikatura na nag-aaral sa kaso ng mga opisyal ng gobyerno at naghahain ng demanda sa Sandiganbayan kapag nakitaan nila ng basehan ang reklamo.

Kung integridad kasi ang pag-uusapan, hindi magpapahuli ang mga kababaihan pagdating sa tibay ng paninindigan.

Kaya naman maging ang pinuno ng Commission on Audit, ahensya na sumisilip sa gastusin ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, ay babae rin na sina Maria Gracia Pulido-Tan at Heidi Mendoza. 

Kaya kung mayroong magbabalak na palitawin na nang-aagrabyado ng babae ang pamahalaang Aquino kaugnay ng kaso ni Arroyo, mukhang malabo itong paniwalaan. Sabi nga ni Presidential Communications Secretary Herminio Coloma Jr., bagaman titingnan nila ang opinyon ng WGAD, ang desisyon pa rin sa kaso ni Mrs. Arroyo ay nasa kamay ng korte -- ng Sandiganbayan.

At nanindigan si Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang na ang desisyon nila sa bail petition ni Arroyo ay nakabase sa matibay na ebidensya at wala silang nilalabag na anumang international law.

Aminado rin naman ang kampo ni Mrs. Arroyo na hindi “legally binding” o hindi nila maipipilit na masunod ang desisyon ng WGAD tungkol sa kaso ng dating pangulo. Pero bakit pa nga ba sila dumulog pa sa UN at bakit hindi na lang sa SC natin? 

Kung dumulog na sila sa SC, bakit hindi na lang doon ibaling ang kanilang atensyon upang ipanawagan na resolbahin kaagad ang kanilang petisyon? Baka sa ganitong paraan ay makuha ng kampo ni Arroyo ang inaasam na pansamantalang kalayaan.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Friday, October 2, 2015

Pabebe generation REY MARFIL


Pabebe generation
REY MARFIL

Nang dahil sa pelikulang “Heneral Luna”, tila nabuhay kahit bahagya ang interes ng mga kabataan ngayon tungkol sa kasaysayan ng bansa at mga taong nagbuwis ng kanilang buhay para sa kasarinlan ng ating bayan.
Bukod kay Heneral Antonio Luna na siyang panguna­hing paksa sa nabanggit na pelikula, biglang sikat din ni Apolinario Mabini bunga ng kuwento ng aktor na si Epy Quizon tungkol sa grupo ng mga kabataan na nagtanong sa kanya kaugnay ng ginampanang karakter na si Mabini.
Tanong daw sa kanya ng grupo ng mga kabataan, bakit hindi siya tumayo (o ang karakter niyang si Mabini) sa naturang pelikula. Dahil dito, nalungkot ang aktor dahil sa til­a kawalan na ng kaalaman ng mga kabataan ngayon sa buhay ng ating mga bayani.
Marahil sa henerasyon ngayon na matatawag nating “pabebe”, o mga “pa-cute”, baka mas kilala pa nila ang “Kath­Niel” nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, ang “JaDine” nina James Reid at Nadine Lustre o ang AlDub nina Alden Richards at Yaya Dub (Maine Mendoza) kaysa sa mga bayani.
Kahit nga si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino napa­iling daw nang marinig ang kuwento tungkol kina Quizon at Mabini. Sa kabila ng modernong teknolohiya ng internet na “Google” lang ang kasagutan sa maraming katanungan, tila walang panahon ang mga kabataan ngayon na alamin ang tungkol sa kasaysayan ng ating lahi at buhay ng mga bayani.
Aba’y kung hindi na batid ng mga kabataan ngayon ang tungkol kay Mabini, papaano pa kaya ang mga bayaning mas nauna sa kanya? Baka ang isda na lang ang kilala nilang “Lapu-lapu”, at hindi na rin nila kilala si Magat Salamat at iba pa.
Tulad ng sabi ni PNoy sa isang pagtitipon, bagaman masasabing iilang kabataan lang ang maaaring hindi nakakaalam na lumpo si Mabini kaya hindi ito nakakatayo, masasabi pa rin na isa rin itong salamin ng kakulangan ng kaala­man sa kasaysayan ng ilang kabataan sa kasalukuyan.
***
Kaya naman daw makikipag-ugnayan si PNoy kay Edu­cation Secretary Bro. Armin Luistro para pag-aralan at gawan ng kaukulang hakbang ang naturang usapin. Batid kasi ng Pangulo ang kahalagahan na mapanatili sa alaala ng mga kabataan ang ginawang pagsasakripisyo ng mga taong nauna sa atin para patuloy nating mabigyan ng pagpapaha­laga kung anuman ang kalayaan na ating tinatamasa ngayon.
Dahil sa iniambag ni Mabini para sa ating kalayaan ng bansa mula sa pakikipaglaban sa mga mananakop na Kastila hanggang sa maipasa tayo sa puwersa ng mga Amerikano ay tinagurian siyang “Dakilang Paralitiko”. Hindi man siya nakalalakad, ang talino naman niya ang ginamit niyang sandata kaya binansagan din siyang “Utak ng Rebolusyon”.
Bunga ng kanyang nagawa para sa kalayaan ng bansa, hindi man nakakatayo si Mabini ay tinitingala siya ng mga taong nakakakilala sa kanya. Kaya sorry na lang doon sa mga kabataang nagtanong kay Quizon kung bakit laging nakaupo ang kanyang karakter sa pelikulang “Heneral Luna”.
Tulad ni Mabini, marami tayong mga kababayang may kapansanan na may silbi sa bayan; gumagawa ng sarili nilang paraan upang makatulong sa iba; sinisikap na maging katuwang sa pag-unlad ng bayan at hindi maging pabigat sa kapwa.
Aanhin mo ang isang tao na kumpleto ang katawan pero wala namang utak? Wala ngang kapansanan pero salot naman sa bayan? Malakas pa sa kalabaw pero pabigat naman sa pamilya?
Masuwerte ang henerasyon na hindi dumanas ng digmaan dahil hindi na nila kinailangang maging alipin ng mga dayuhan at sumigaw para sa kalayaan ng bayan. At higit sa lahat, hindi nila kailangang magbuwis ng buhay.
Hindi masamang maging pabebe, pero sana naman, basa-­basa rin ng ating kasaysayan ‘pag may time. Sa ganitong paraan, kahit papaano ay makanti kahit kaunti ang ating kamalayan at makapagpasalamat tayo sa ating mga bayani -- na kung hindi nang dahil sa kanila ay baka wala ka nga­yong tinitiliang “KathNiel”, “JaDine” o “AlDub”. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)
https://www.blogger.com/blogger.g?blogID=4196080107113471929#editor/target=post;postID=6391968237108451271