Wednesday, September 30, 2015

Pelikulang may katuturan REY MARFIL


Pelikulang may katuturan
REY MARFIL




Isang pelikulang Pilipino ang palung-palo ngayon sa mga manonood at may tatlong linggo nang ipinapa­labas sa mga sinehan -- ang Heneral Luna. Ano nga ba ang mayroon sa palabas na ito na nakalusot sa hindi mo mawaring panlasa ng mga Pinoy?

Sa mga hindi pa nakakapanood, ang pelikulang Heneral Luna ay tumalakay sa buhay ng rebolusyunaryong heneral na si Antonio Luna. Kontrobersiyal ang pagkakapaslang sa kanya dahil sa kabila ng kanyang mataas na panunungkulan sa hukbong sandatahan, pagiging matapang at matinding pagmamahal sa Inang Bayan para sa kalayaan, aba’y mantakin mong nagtapos ang buhay niya sa kamay ng mga kapwa Pilipinong rebolusyonaryo.

Tulad na lang ng nangyari sa ama ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na si dating Senador Ninoy Aquino Jr., na kahit maganda na ang buhay sa Amerika ay pinili pa ring bumalik sa Pilipinas dahil sa pagmamahal sa bansa pero pinaslang ng mga kapwa Pilipino.

Gaya ng kaso ng pagpatay kay Ninoy na pinaniniwalaang alam ng ilang matataas na opisyal noon sa Malacañan, nakadagdag din sa intriga ng pagkakapaslang kay Luna ang hinalang pagkakaroon ng sabwatan ng ilang matataas na opisyal ng pamahalaan nang panahong iyon na abot daw kay dating Pangulong Emilio Aguinaldo. 

Ang hinalang iyon ay itinanggi na noon ni Aguinaldo at patuloy na pinabubulaanan ng kanyang mga kamag-anak hanggang ngayon. Pero ang malaking katanungan ay kung ano ang nangyari sa mga taong pumaslang kay Luna at kung bakit tila hindi yata sila naparusahan ng pamahalaan ni Aguinaldo.

***

Kung tutuusin, hindi naman ito ang unang pagkakataon na nagkaroon tayo ng pelikulang tumalakay sa buhay ng isang bayani. Iyon nga lang, masuwerte nang tumatagal ang ganitong tema ng pelikula na isang linggong ipinapalabas sa mga sinehan dahil inaalis kaagad dahil kakaunti ang nanonood.  

Masakit mang tanggapin, negosyo pa rin naman ang industriya ng pelikula at kita ang nasa isip ng mga may-ari ng sinehan. At sa nagdaang mga panahon, mga pelikulang dayuhan na hitik sa special effects ang patok sa mga manonood, o mga pelikulang Pinoy na ang tema ay tungkol sa mga kabit.  

Pero dapat magpasalamat ang mga nasa likod ng pelikulang Heneral Luna sa ingay na nilikha ng social media. Naging usap-usapan kasi ng netizens na maganda at may katuturan ang pelikula kaya naengganyo ang mga tao na panoorin ito at alamin kung totoo ang mga nababasa nila. 

Nakadagdag pa sa ingay at kiliti sa isipan ng mga tao ang pagkakapili sa Heneral Luna bilang pambato ng Pilipinas sa Foreign Language category sa prestihiyosong film award-giving body sa Amerika na Oscars.
Pero ngayon pa lang, huwag tayong masyadong umasang mananalo dahil karaniwang matitindi ang mga kalahok na pelikula sa naturang kategorya. 

Hindi kasi sapat na maganda ang tema ng pelikula at mahusay ang mga artistang gumanap para manalo sa Oscars. May mga teknikal na aspeto rin na sinusuri ang mga hurado sa kabuuang pagkakagawa ng pelikula. At bilang isang itinuturing na “indie film” ang Heneral Luna, hindi naman ganun kalaki ang pondo na ginastos sa pagkakagawa nito. 

Gayunpaman, ipagdasal natin na makalusot ang Heneral Luna kahit man lang sa mga nominadong pelikula. Malaking tagumpay na ito sa industriya ng pelikulang Pilipino kapag nangyari.

Laging tandaan:
 “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Friday, September 25, 2015

‘Di dapat nangyari! REY MARFIL



‘Di dapat nangyari!
REY MARFIL


Nakalulungkot ang nangyaring pagdukot ng mga armadong lalaki sa ilang dayuhang turista sa isang resort sa Samal Island sa Davao del Norte kamakailan dahil nagpaalala ito sa nangyaring pagdukot sa ilang turista sa Dos Palmas resort sa Palawan noong 2001.
Kung tutuusin, hindi lang ang bangungot ng Dos Palmas kidnapping ang nabuhay dahil sa nangyari sa Samal Island, kung hindi maging ang pagsalakay noon ng mga armadong grupo sa Pearl Farm Resort sa Davao din noong 2001.
Hindi nga lang katulad sa Dos Palmas, walang na­tangay na mga turista ang mga kidnapper na umatake sa Pearl Farm Resort pero ilang empleyado sa resort ang nasawi.
Bunga ng nangyari ngayon sa Samal Island, tiyak na may mga turista na mag-aalala sa kanilang seguridad na magtungo sa naturang lugar at baka maging sa iba pang pasyalan sa Mindanao; na huwag naman sana.
Nakalulungkot na ilang linggo pa lang ang nakararaan ay nagtungo pa sa Samal Island si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino para pasinayaan ang circumferential road project na inaasahang magpapalakas pa lalo sa turismo sa lugar.
Dahil sa ganda ng lugar, nakikita ng Department of Tourism na malaki ang potensyal ng Samal Island na dayuhin ng mga lokal at dayuhang turista. Kaya naman nilaanan ito ng pamahalaang Aquino ng pondo para maiayos ang mga kalsada at nang mapadali ang pagbiyahe ng mga tao.
Kaya naman hindi maalis na manghinayang ang mga nasa industriya ng turismo sa Davao region sa nangyaring insidente ng kidnapping sa Samal Island. Maaari kasing magdulot ito ng pangamba sa mga bibisita sa kanilang lugar pagdating sa usapin ng seguridad.
***
Katunayan, nagpalabas na ng travel advisory ang Canada sa kanilang mga kababayan upang sabihan sila na iwasang magpunta sa Davao region at iba pang lugar sa Mindanao, kabilang na ang ARMM.
Kung bakit ba naman kasi ngayon pa nakalusot ang mga kidnapper kung kailan maganda ang takbo ng tu­rismo sa bansa. Sa ilalim kasi ng pamamahala ni Aquino, naging napakasigla ng turismo. Nalampasan na nga ang unang target na 35 milyong local travelers kahit hindi pa natatapos ang taong 2015.
Habang ang international tourist arrivals, naitaas sa taunang average rate na 8.3 porsiyento mula 2010 hanggang 2014. Ang datos ay mataas sa 6.7 porsiyento na annual average rate noong 2001 hanggang 2009. Kaya naman ang kinita sa turismo noong 2014, tinatayang nasa P1.7 trilyon.
Bukod sa maaaring negatibong epekto ng Samal Island kidnapping sa ating turismo, hindi rin magiging maganda sa imahe ng Pilipinas ang insidente lalo pa’t gaganapin sa bansa sa darating na Nobyembre ang Asia Pacific Economic Cooperation summit.
Ang pagtitipong ito ay dadaluhan ng mga matataas na opisyal at lider mula sa iba’t ibang bansa kabilang na sina US President Barack Obama, Japanese Prime Mi­nister Shinzo Abe at Russian President Vladimir Putin.
Kung nagkaroon man ng kakulangan para mapigilan sana ang insidente sa Samal Island, may pagkakataon namang bumawi ang mga kinauukulang awtoridad kung ligtas nilang mababawi sa lalong madaling panahon ang mga dinukot na turista at mahuhuli ang mga salarin. La­ging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)

Wednesday, September 23, 2015

Mainit ang laban sa El Niño REY MARFIL


Mainit ang laban sa El Niño
REY MARFIL




Bago ang inaasahang mainit na labanan sa pulitika sa susunod na taon para sa presidential election, isa pang mainit na laban ang kakaharapin nating mga Pinoy na inaasahang magaganap simula sa susunod na buwan na tiyak na magpapatagaktak sa ating pawis -- ang El Niño phenomenon.

Ang El Niño ay ang matinding init ng panahon na kabaligtaran ng La Niña, na labis namang ulan. At kung sasakto ang mga pag-aaral ng mga dalubhasa, magsisimulang maranasan nang husto ang epekto ng tagtuyot sa Oktubre, na posible pa raw umabot hanggang sa susunod na bahagi ng 2016. Kaya ngayon pa nga lang, nagbawas na ng suplay sa tubig sa kanilang mga kostumer ang Maynilad at Manila Water para masiguro na may tubig na aabot sa susunod na tag-init sa 2016.

Sa ngayon, nagsasagawa na ng kaukulang paghahanda ang pamahalaang Aquino upang maibsan ang epekto ng tagtuyot. Dahil ang mga taniman ang ina­asahan na matinding tatamaan ng kalamidad, mag-aangkat ng bigas ang bansa upang matiyak ang seguridad ng pagkain bilang paniguro.

Ang tindi ng tagtuyot ngayong taon ay pinapa­ngambahan na mas matindi pa sa nararanasan noong 1998 na nakaapekto sa mga produktong agrikultura na tinatayang nagkakahalaga ng $5 bilyon.

Base sa isang pag-aaral ng isang specialist sa climate change, sa nangyaring El Niño noong 2010, umabot ang pinsala ng tagtuyot sa $240 milyon. Kaya naman hindi rin ipinagsasawalang-bahala ng pamahalaan ang maaa­ring pinsalang idulot ng paparating na kalamidad.

Kapag naapektuhan ang produksiyon ng pagkain, hindi malayong magkaroon din ito ng epekto sa ha­laga ng mga bilihin na magpapataas sa inflation. Ang magandang balita, dahil sa mga programa at proyektong naunang naipatupad na ng pamahalaan at maa­yos na ekonomiya, napanatiling mababa ang inflation rate sa bansa ngayon.

***

Bukod dito, magandang balita rin ang dulot ng mababa pa ring halaga ng mga produktong petrolyo sa world market kaya kahit papaano ay mababa pa rin ang gastusin sa transportasyon ng mga produktong agrikultura na ginagamit na katwiran ng ibang negos­yante para magtaas ng halaga ng kanilang paninda.

Kung magiging matindi ang epekto ng tagtuyot sa sektor ng agrikultura, tiyak na mababawasan din ang maiaambak nito sa paglago ng ekonomiya sa pagtatapos ng 2015 hanggang sa unang bahagi ng 2016.
At muli, sasandal tayo sa ambag na manggagaling sa business process outsourcing, mga remittance ng mga kababa­yan natin sa ibang bansa, service sector at iba pa.

Dahil sa pinapangambahang epekto ng El Niño sa sektor ng agrikultura, may mga agam-agam na baka hindi makamit ng bansa ang inaasahang pito hanggang walong porsiyentong paglago sa ekonomiya sa taong ito. Pero dahil sa mga nakalatag na programa ng pamahalaang Aquino tulad ng mas malaking paggastos sa huling bahagi ng taon, asahan na patuloy ang masiglang ekonomiya ng bansa.

At base na rin sa pag-analisa ng isang dayuhang financial institution, ang Pilipinas pa rin ang isa sa mga bansa sa Asya na may pinakamatatag na ekonomiya sa kabila ng pagtamlay ng mga kalapit nitong bansa. Bunga ito ng matatag na lagay ng pulitika sa bansa sa ilalim ng pamamahala ni Aquino at pagbabalik ng tiwala ng mga namumuhunan dahil sa kampanya niya kontra katiwalian.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Monday, September 21, 2015

Pagkilala pa! REY MARFIL


Pagkilala pa!
REY MARFIL




Kapuri-puri ang mabilis na pag-aalok ng emergency loan sa mga kasapi at pensiyonado ng Government Service Insurance System (GSIS) hanggang Setyembre 18, 2015 para sa mga nabiktima ng bagyong Falcon at malakas na pag-ulan sa Bani, Agno, at Dagupan City, Pangasinan alinsunod din sa kautusan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino.
Batid ni PNoy ang kahalagahan na mabigyan ng agarang ayuda ang mga kasapi upang makabangon sa perwisyong dala ng bagyo sa pamamagitan ng loan na may napakababang interes. Naglaan ang GSIS ng mahigit sa P180 milyon upang magamit ng mga nabiktima ng bagyo.
Kabilang sa benepisyunaryo ang mga kasapi kung hindi sila naka-leave of absence without pay, walang arrears sa pagbabayad ng kanilang premium contributions, walang problema sa kanilang naunang utang, at walang anumang nakabimbing kasong administratibo at kriminal.
Maaaring bayaran ang loan sa loob ng 36 na buwan at mayroong anim na porsiyentong interes bawat taon.
Tinatayang 2,403 na aktibong mga kasapi sa nasabing mga lugar na pawang first-time borrowers ang maaaring makinabang sa P20,000 emergency loan habang P40,000 naman para sa 2,323 na mga miyembrong mayroong naunang binabayarang emergency loan.
Maaaring mag-aplay ang mga kasapi ng kanilang loan sa pamamagitan ng GSIS Wireless Automated Processing System (GWAPS) kiosks na matatagpuan sa tanggapan ng mga ito sa kapitolyo, lungsod, piling munisipalidad, malalaking sangay ng pamahalaan katulad ng Department of Education (DepEd) at ilang Robinsons Malls.
Hindi rin naman mapapabayaan ang 1,030 na mga pensiyonado dahil maaari rin silang makautang ng P20,000 pension emergency loan (PEL). Sinasakop ang PEL ng loan redemption insurance kung saan awtomatikong bayad ang pagkakautang sakaling mamatay ang pensioner. Agarang ipapasok ang makukuhang loan sa tinatawag na borrower’s GSIS eCard o unified multipurpose identification (UMID) card.
Maaaring tumawag ang interesadong mga aplikante para sa kaukulang mga detelye sa GSIS Contact Center 847-4747.
***
Sa tulong ng matuwid na pamamahala ni PNoy, namayagpag ang Pilipinas bilang bansa sa Timog Sila­ngang Asya na mayroong pinaka-transparent na budget.
Sa tulong ito ng ipinatupad na 2015 Open Budget Survey (OBS) ng Department of Budget and Management (DBM) dahil sa napakataas na pagpapahalaga ni PNoy sa wastong paggugol ng pampublikong pondo.
Dahil sa “transparent” na paggastos ng pampublikong pondo, nakuha ng Pilipinas ang ikalawang ranggo sa kabuuang Asya at ika-23rd naman sa buong mundo.
Base sa 2015 OBI, nakuha ng Pilipinas ang markang 64 na mas mataas sa tinatarget ng pamahalaan na 60 at ihinatid ang bansa sa hanay ng mga nasyon na mayroong malaking pagbabago sa usapin ng transparency katulad ng South Korea. Nakakatuwa ang pagkilala ng kinauukulan sa matinong pamamalakad ni Pangulong Aquino sa usapin ng paggastos ng salapi.
Naging prayoridad nito ang reporma sa pananalapi ng bansa upang matiyak na makikinabang ang pinakahirap na mga sektor ng lipunan. Noong 2012, nakakuha lamang ang Pilipinas ng markang 48 mula sa pinakamataas na 100.
Dahil 45 marka lamang ang average na nakuha ng ibang mga bansa sa 2015 OBI, maikokonsiderang above-average ang Pilipinas sa ilalim ng tinatawag na global scale sa transparent na paggastos ng pampublikong salapi.
Pinangunahan ng International Budget Partnership (IBP) ang paggawa ng OBS upang malaman ang katinuan at kaayusan ng mga bansa sa paggugol ng kanilang salapi sa buong mundo. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Friday, September 18, 2015

SAF ang nakapatay, period! REY MARFIL




SAF ang nakapatay, period!
REY MARFIL


Nakaamoy na naman ng pang-iintriga ang mga kritiko ng administrasyong Aquino sa usapin ng madugong Mamasapano encounter na nangyari noong Enero sa Maguindanao.
Kahit wala namang sinabi si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na pagdududa tungkol sa kabayanihan ng mga tauhan ng Special Action Force (SAF) na nagsagawa ng operasyon sa Mamasapano para madakip ang mga wanted na terorista, may mga nagpapalabas na iniinsulto raw ng Pangulo ang pagsasakripisyo ng mga magigiting na SAF sa paghahanap nito ng katotohanan.
Kung tutuusin, ang binanggit ni PNoy nang matanong sa isang media forum tungkol sa kalagayan ng mga kasong isasampa sa mga sangkot sa Mamasapano encounter, ay pagsusuri at pagberipika sa mga impormasyon na nagla­labas ng “alternative version” sa nangyaring engkuwentro.
Pero ang nangyari, ang binanggit ni PNoy na “alternative version” ay biglang naging “alternative truth” sa ibang tao na tila nais kiskisin ng asin at patakan pa ng kalamansi ang hindi pa naghihilom na sugat na nilikha ng nasabing operasyon na naging dahilan ng pagkakasawi ng mahigit 60-katao -- kabilang ang 44 na SAF.
Kaduda-duda rin ang motibo sa paglutang ng video na sinasabing kuha raw sa Mamasapano encounter na nagpa­pakita na isang “mestizo” o “Caucasian” na umano’y sundalo na kasama raw sa mga nasawi sa operasyon.
Nakapagtataka na may nagpipilit na may kasamang dayuhang militar sa naturang operasyon samantalang hindi pa nga natitiyak kung totoo ang video o kuha talaga iyon sa naturang engkuwentro. Kahit nga ang katauhan ng sinasabing “mestizo” o “Caucasian” ay hindi pa malinaw.
Mismong ang SAF ang nagsabing walang dayuhan na kasama sa naturang operasyon, at itinanggi na rin ng embahada ng Amerika sa Maynila na may tropa silang kasama at namatay sa Mamasapano. At malinaw sa speech ni PNoy kahapon na walang dudang SAF ang nakapatay kay Marwan. Period!
***
Kung tutuusin, marahil ang mga ganitong hindi malinaw at hindi beripikadong istorya at impormasyon ang posibleng dahilan kaya nabanggit ni PNoy ang salitang “alternative version”. Pero hindi nangangahulugan na ito na ang “alternative truth” na nais palabasin ng ibang tao na sinabi raw ng Pangulo.
Noon pa man ay wala nang ibang panawagan ang mga naging biktima sa nasabing engkuwentro -- at pati na rin ang publiko, kung hindi malaman ang buong katotohanan sa nangyari sa Mamasapano. At dahil dito, natural lang na patuloy na magsiyasat ang pamahalaan at alamin ang iba pang lumalabas na impormasyon sa paghahanap ng katotohanan para sa isasampang kaukulang kaso sa mga dapat na managot sa batas.
Sinabi na rin mismo ni Justice Secretary Leila de Lima na walang masama na tingnan ang ibang impormasyon tungkol sa engkuwentro pero hindi ito nangangahulugan na iyon na ang katotohanan o totoong nangyari.
Dahil inaabangan ng bayan ang mga isasampang kaso tungkol sa Mamasapano encounter, dapat lang na tiyakin ng DOJ na matibay ang isasampa nilang kaso at ang mga tunay na responsable ang mapapanagot.
Sa paghahanap ng hustiya para sa mga naging biktima ng madugong engkuwentro, mas makabubuting hindi haluan ng mga kritiko ng pulitika ang paghahanap sa katotohanan.
Bukod dito, dapat ding matiyak na lalabas ang katotohanan kapag isinara na ang madugong kabanatang ito sa kasaysayan ng ating bansa. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Wednesday, September 16, 2015

Sa tamang panahon REY MARFIL




Sa tamang panahon
REY MARFIL


Kapuri-puri ang mga mambabatas na nagsusulong ng panukalang batas na ibaba ang buwis sa kita ng mga manggagawa para lumaki ang pera na kanilang mauuwi at panggastos sa pamilya. Pero ang malaking tanong marahil ni Lola Nidora sa usaping ito -- ngayon ba ang tamang panahon?

Kung si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang tatanungin ni Lola Nidora, hindi ito ang tamang panahon ang isasagot niya. Dahil sa posisyong ito ng Pangulo, baka masabihan na naman siyang “manhid” at “matigas” ang ulo.

Sa totoo lang, kung naghahangad si PNoy ng pogi points para tumaas ang popularidad niya sa sektor ng mga manggagawa, malamang na kaagad niyang inayunan ang panukalang batas na bawasan ang buwis na kinukuha ng gobyerno sa sahod ng mga empleyado. Pero hindi ganun ang Presidente.

Noon pa man, malinaw ang disposisyon ni PNoy sa pamamahala -- mananaig at higit na bibigyan ng bigat sa kanyang mga desisyon ang kapakanan ng higit na nakararami. Ilang beses na itong pinatunayan ng Pangulo tulad ng pag-apruba sa Reproductive Health Law at sa Sin Tax Law, o mas mataas na buwis sa alak at sigarilyo.

Ilang administrasyon na ang dumaan pero hindi naipapasa ang RH bill dahil sa matinding pagtutol ng ilang maipluwensiyang sektor. Pero dahil mas marami ang makikinabang sa nabanggit na panukala kapag naisabatas, sinuportahan niya ito.

Gayundin ang nangyari sa Sin Tax Law na marami ang nag-aakala na papanigan niya ang malalaking kumpanya na tatamaan ng panukala, pero nagkamali sila.

***

Kung papogi lang ang habol ni PNoy sa pagbaba ng income tax rate, madali niya itong magagawa.
Tutal ay patapos na ang kanyang termino bilang lider, hindi na masyadong maaapektuhan ang kanyang pamahalaan kapag bumaba ang kita ng gobyerno dahil sa nabanggit na panukala.

Pero hindi nga ganun ang Pangulo. Sa kanya, higit na binigyang-timbang ni PNoy ang epekto ng pagbaba ng income tax rate sa pangkalahatan. May mungkahi rin kasi na para matakpan ang mawawalang kita ng gobyerno sa gagawing pagbaba ng income tax, itaas sa 14 porsiyento ang kasalukuyang 12 porsiyentong singil sa buwis sa VAT o Value Added Tax.

At sa pag-analisa ni PNoy, higit na malaki ang tulak na mangyayari sa lahat ng Pilipino kaysa kakabigin o iuuwing kita ng mga empleyado kapag natuloy ang taas VAT, na kapalit ng mababang income tax rate.

Ang makikinabang kasi ng direkta sa pagbaba ng income tax ay mga empleyado o kawani na nakakaltasan ng buwis ng kanyang tanggapan. Pero ang mahahagip naman sa taas-singil ng VAT ay lahat ng mga komukonsumo ng produkto, maging ang mga maliliit na manggagawa na isang kahig, isang tuka. At dahil may VAT din sa gasolina at iba pang pangunahing produkto, natural na ipapasa rin ang taas-buwis sa paraan ng dagdag pa­sahe o dagdag singil sa kuryente at iba pa.

Hindi rin malayong maapektuhan ang credit ratings ng Pilipinas ng ibinibigay ng mga dayuhang financial institution kapag nabawasan ang kita ng gobyerno at makakaapekto ito sa integridad ng susunod na lider o gobyerno.

Tutal ay patapos na ang taong 2015, at maging ang termino ni PNoy sa June 30, 2016, makabubuting hintayin na lamang ang kalalabasan kung gaano na talaga katatag ang pananalapi ng bansa sa loob ng kanyang naging anim na taong pamamahala.

Mula rito, hayaan at ipaubaya na sa susunod na mahahalal na pangulo at sa mga mambabatas ang pasya kung napapanahon nang ibaba ang income tax rate, at baka sa halip na itaas ang VAT ay baka puwede rin itong ibaba pero doble happy ang mga manggagawa.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)


Monday, September 14, 2015

Kapaki-pakinabang! REY MARFIL



Kapaki-pakinabang!
REY MARFIL


Sa tulong ng programa ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, inani na ng 220 na mga benepisyunaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ang bunga ng kanilang pagsisikap.
Umabot sa tinatayang 2,000 bangus ang nakuha ng mga kasapi ng Gigaquit Self-Employment Association (SEA-K) Incorporated sa pamamagitan ng Bangus Production project.
Pinondohan ang programa ng Sustainable Livelihood Program (SLP) na ipinapatupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa pamamagitan ng SLP, itinuturo ng DSWD ang kasanayan at kaukulang puhunan para magkaroon ng kita ang mga benepisyunaryo ng Pantawid Pamilya. Malaki talaga ang nagagawa ng Pantawid Pamilya na programa ni Pangulong Aquino sa kapakinabangan ng mahihirap nating mga kababayan.
Isang programa ito upang umunlad at umasenso ang mga tao at magkaroon sila ng pagpapahalaga maging sa kalusugan at edukasyon lalung-lalo na sa mga batang 0 hanggang 18 taon ang edad.
Nagkakaloob din dito ng cash grants para sa mga benepisyunaryo sa kondisyong ipapadala nila ang kanilang mga anak sa eskuwelahan, dadalhin sa health centers para sa kaukulang check-ups, at dadalo sa buwanang Family Development Sessions (FDS).
Mula Enero 2011 hanggang Hulyo 2015, umabot na sa kabuuang 681,030 katao ang nakinabang sa Pantawid Pamilya sa buong bansa sa pamamagitan ng skills training at capital assistance.
Nalaman kay SLP regional coordinator Roy R. Serdeña na isa lamang ang bangus production project sa mga programang pangkabuhayan na isinusulong. Asahan pa nating mas maraming mga tao ang makikinabang sa programang ito ni Pangulong Aquino.
***
Magandang balita rin ang ipatutupad na electronic Inmate Management Information System (IMIS) upang maiwasan na ang tinatawag na overstaying prisoners sa bansa dahil sa kawalan ng kaukulan at tamang datos sa kanilang sentensiya.
Inilunsad na ni Justice Sec. Leila de Lima ang programa na pakikinabangan ng mga bilanggo sa New Bilibid Prison (NBP) Reservation at Bureau of Corrections (BuCor). Mabilis na malalaman dito kung maaari nang makalaya ang bilanggo matapos bunuin ang kanilang sentensiya sa kulungan.
Itinatampok dito ang live capturing sa pagkuha ng biometric information ng bilanggo, automated na pagbibilang ng pagkakakulong kasama ang Good Conduct Time Allowance (GCTA) at pagbabantay sa galaw ng mga preso sa loob ng bilangguan.
Madali ring malalaman sa tulong ng biometric feature ng sistema ang positibong pagkilala sa mga preso kahit magpalit ang mga ito ng pagkakakilanlan.
Pero higit na mahalaga ang agarang pagdetermina kung dapat na bang
lumaya ang isang bilanggo para naman maiwasan ang overstaying. Pangungunahan ng DOJ ang implementasyon ng programa na matatapos sa Marso 2016.
Batid ni Pangulong Aquino na mahalagang makabalik sa normal na buhay ang mga bilanggo at makasama ang kanilang pamilya matapos ang sentensiya. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/sep1415/edit_spy.htm

Friday, September 11, 2015

Ipagdasal natin ang Syria REY MARFIL



Ipagdasal natin ang Syria
REY MARFIL


“Human catastrophe” na kung ilarawan ngayon ang nangyayaring paglikas ng mga mamamayan ng Syria para matakasan ang kaguluhan sa kanilang bansa. Sa kanilang pagtakas patungo sa ibang bansa na inaasahan nilang kukupkop sa kanila, nagiging lantad sila sa kapahamakan; katulad ng nangyari sa tatlong taong gulang na si Aylan Kurdi.
Kasama ang kanyang ama’t ina, at ilan pang kababayan, sumakay ng bangka si Aylan at tumawid ng dagat patungo sana sa Greek island sa Kos. Pero lumubog ang kanilang bangka at nalunod ang mga sakay nito at napadpad ang kanilang bangkay sa baybayin ng Turkey -- kabilang ang musmos na si Aylan at ang kanyang ina.
Bukod kay Aylan, may ilan pang musmos ang nasawi sa naturang trahedya na pumukaw sa damdamin ng mundo.
Dahil sa kaguluhan sa kanilang bansa bunga ng digmaan, tinatayang kalahati ng populasyon ng Syria ang lumilikas para makaligtas sa labanan. Libu-libo nga­yon ang tumatawid ng Hungary para makapunta sa iba’t ibang bansa sa Europe upang maging pan­samantala nilang kanlungan tulad ng Austria at Germany.
Nakakalungkot lang na mayroon pang mamamahayag sa Hungary na nakunan ng video na namatid at nanipa ng mga Syrian refugee na nais makatawid sa kanilang boundary. Ano kaya kung mabaliktad ang eksena at ang Hungarian reporter ang maging refugee at siya kaya ang sipain?
Sa tala ng United Nations, aabot na sa tatlong mil­yon ang Syrian refugees na pansamantalang tumu­tuloy ngayon sa iba’t ibang bansa at inaasahan na ta­taas pa ang naturang bilang.
Kung mayroon mga bansang tumatangging kupkupin ang mga Syrian refugees, mayroon ding mga bansa at kanilang mga mamamayan na handa silang tulungan. Pero sana, mas maging bukas sa pagtulong sa kanila -- lalo na sa mga bata, babae at nakatatanda -- ang mga kalapit nilang bansa.
***
Ang Pilipinas kahit malayo sa Syria, nag­pahayag ng kahandaan na tulungan ang mga Syrian refugees bilang pagtulong sa nagaganap na humanitarian crisis na ito.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, maa­aring maging pansamantalang destinasyon ng mga refugee ang Pilipinas habang naghihintay sila ng bansa na kanilang permanenteng tutuluyan. Gayunman, asahan na limitado lang ang maaaring itulong ng ating gobyerno sa kanila.
Nitong nakaraang Hunyo, nagpahayag na rin ang pamahalaang Aquino sa pamamagitan ng DFA na handa rin tayong tulungan ang mga refugee rin mula sa Bangladesh na mga ethnic Rohingya.
Hindi na bago kung tutuusin ang pagkanlong o pagkupkop natin sa mga refugee dahil ginawa na rin natin ito noon sa mga Vietnamese noong panahon ng digmaan.
Sadyang walang maidudulot na mabuti ang digmaan sa sangkatauhan. Kaya dapat na pairalin ng kahit anong gobyerno ang kahinahunan na nahaharap sa hidwaan para maiwasan ang kaguluhan.
Marami man tayong reklamo ngayon tulad ng trapik at pagbaha, sana ay hindi natin danasin ang paghihirap ng mga mamamayan ng Syria. Sana’y matapos na ang kaguluhan sa kanilang bansa para bumalik na sa normal ang kanilang buhay. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/sep1115/edit_spy.htm

Wednesday, September 9, 2015

Magparehistro at bumoto REY MARFIL




Magparehistro at bumoto
REY MARFIL




Kung papalapit na nang papalapit ang halalang pampanguluhan sa Mayo 2016, mas unang papalapit ang deadline ng pagpaparehistro ng mga botante via biome­tric na magtatapos sa Oktubre 31.

Dahil nagkukumahog din ang Commission on Elections sa paghahanda sa 2016 dahil naatraso ang pagsasara ng kontrata sa kumpanyang gagamitin sa automated elections, huwag daw umasa ang publiko na mag-e-extend sila ng re­histro matapos ang itinakdang deadline ng pagpapa-biometric.

Kabilang kasi sa hindi kagandahang ugali nating mga Pinoy ang mentalidad ng “mayana”, teka-teka”, at saka magkukumahog sa “last minute”, o huling araw ng pagpapatala. Kaya mas mabuti na ngayon pa lang ay maglaan na ng araw kung kailan pupunta sa tanggapan ng Comelec o sa mga itinalagang lugar kung saan puwedeng magpa-biometric.

Dapat ding malaman ng mga botante na kahit nakarehistro sila, hindi sila papayagang bumoto kung hindi sila sumailalim sa biometric. ‘Ika nga sa patakaran ng Comelec sa 2016 elections, “no biometric, no boto”.

Batay sa datos ng Comelec, tinatayang 53 milyon ang inaasahang boboto sa 2016 elections kung saan kabilang sa ihahalal ay ang susunod na lider ng bansa na papalit kay Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino.

Ang malungkot dito, nasa apat na milyong botante pa raw ang hindi sumasailalim sa biometrics.
Napakalaking bilang nito na tiyak na kayang makaapekto sa resulta ng halalan. Sayang kung hindi sila makakaboto.

Alalahanin natin na ilang beses na ring nangyari sa kasaysayan ng eleksyon sa bansa na lubhang dikit ang resulta ng pampanguluhang halalan na halos isang milyon lang ang naging lamang ng nanalo sa pumangalawa sa kanya. 

Nangyayari rin ito sa resulta ng halalan sa bise presidente at tiyak na malaki rin ang magiging epekto ng apat na milyong boto sa mga kakandidatong senador.

***

Bukod sa mga botanteng Pinoy na nasa Pilipinas na may deadline sa Oktubre 31, dapat ding maglaan na ng panahon ang mga kababayan nating nasa ibang bansa na nais makilahok sa pagpili ng mga susunod na lider sa Pilipinas dahil mayroon din silang hiwalay na deadline.

Batay din kasi sa anunsiyo ng Comelec, mayroon na lamang hanggang Oktubre 12 ang mga overseas absentee voters na nais magpalipat ng kanilang rehistro o lugar ng pagbobotohan.

Kung may katanungan, mas mabuting makipag-ugnayan sa embahada ng Pilipinas sa kinaroroonang bansa para makasiguro sa patakarang itinakda ng Comelec.

Wala namang pagpaparehistrong magaganap mula Oktubre 12 hanggang 16, ang isang linggong panahon na itinakda sa mga kakandidato sa 2016 elections para magsumite naman ng kanilang Certificates of Candidacy (COCs).

At dahil isang linggo rin ang malalagas sa takdang panahon ng pagpapatala ng mga botante para sa biometric, mas dapat talagang ayusin na ang schedule para magparehisto.

Kapag naman nagparehistro, huwag naman sanang sayangin ang boto -- nandito ka man sa Pilipinas o isa kang absentee voters. 

Noong 2010 presidential elections kung saan nagwagi si Pangulong Aquino, naging maganda ang turnout o bilang ng mga bumoto. Sa 50.899 milyong botante, nasa 38.169 milyon ang bumoto o halos 74.99 porsiyento.

Sana ay matularan ng mga absentee voter ang dami ng turnout ng mga kababayan nating boboto. Sa nagdaan kasing mga eleksiyon, patuloy na mababa at hindi man lang umaabot sa kalahati ang bilang ng mga bumoto sa bilang ng mga nakarehistro.

Huwag nating kalimutan na karapatan at kapangya­rihan n’yo ang bumoto. At kung hindi kayo bumoto, parang inalisan n’yo na rin ng karapatan ang inyong sarili na magreklamo kapag may ginawang hindi maganda ang gobyerno.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Monday, September 7, 2015

Bayani vs ‘epal’



Bayani vs ‘epal’
REY MARFIL




Dahil nalalapit na ang halalan at ginunita natin kamakailan ang Araw ng mga Bayani, napapanahon na pag-usapan natin ang magkaibang personalidad na ito na puwede nating gamiting panukat sa pagpili ng ating mga susunod na lider; gusto mo ba iyong may palatandaan ng pagiging bayani o marka ng pagiging “epal”?
Kung dati ay sinasabing kailangan munang mamatay ang isang tao bago maging bayani, hindi na ngayon. Hindi lang naman kasi sa paraan ng pagbubuwis ng buhay masusukat ang kabayanihan ng isang tao. 
Sa panahon ngayon, maaari kang kilalang buhay na bayani ng bayan kung isinakripisyo mo ang sariling kaligayahan para sa kapakanan ng iba; kung may nagawa kang maganda na ikinabago ng buhay ng marami para sa kanilang ikabubuti, aba’y bayani ka; at kahit sa maliit na paraan na iyong gagawin para makabawas sa problema ng bayan mo, aba’y bayani ka.
Kaya kung isa kang motorista o drayber ng pampublikong sasakyan tulad ng taxi, jeepney o bus na sumusunod sa batas sa trapiko para hindi ka maging dahilan ng pagsisikip ng daloy sa kalye, aba’y bayani ka. Dahil ang isang bayani, may disiplina sa sarili at iniisip ang kapakanan ng iba na maaapektuhan ng kanyang gagawin.
Sabi nga ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa kanyang talumpati sa Araw ng mga Bayani, may dahilan kung bakit nakapaloob ang salitang “bayan” sa katagang “bayani”. Sabi niya, ang bawat isa raw sa atin ay mayroong kakayahang lampasan ang pansariling interes alang-alang sa kapwa at bandila. Kahit na ikaw ay karaniwang tao o may mataas na katungkulan, lahat ay may tungkulin at kakayahang makilahok sa pagpapabuti ng lipunan.
***
Gaya ng simpleng pagsunod sa mga batas at patakaran; sa pagtulong sa kapwa, lalo na sa mga higit na nangangailangan; hanggang sa kahandaang ipaglaban ang tama’t makatwiran nang walang pinipiling panahon at pagkakataon. Ito ang ilan sa mga katangian ng bayani, kabaliktaran ito ng mga “epal” na handang isakripisyo at gamitin ang iba para lang sa personal na kapakinabangan at interes gaya ng ilang pulitiko at kritiko ng gobyerno.
Ngayon pa nga lang, marami na tayong nakikitang mga “epal” na larawan na ipino-post sa social media ng mga netizen. Mayroon ding mga “epal” na pulitiko at kritiko na nagpo-post ng kanilang mga komento tungkol daw sa problema ng bayan pero wala naman silang iniaalok na alternatibong solusyon.
Sa halip, ang tanging hangad nila ay makakuha ng atensyon ng publiko kahit magkalat sila ng maling impormasyon. Pero ang mas nakalulungkot nito ay kapag may taong naniwala sa kanilang taktikang epal at sumikat sila sa kanilang kasinungalingan. 
Papaano makokontra ang mga “epal”? Aba’y dapat ibisto ang kanyang kasinungalingan at ilantad ang kanilang tunay na agenda para mabigyan ng babala ang mga tao nang hindi sila magtagumpay sa masama nilang balak.
Kapag nilabanan mo ang “epal”, nakagawa ka ng maganda para sa iyong bayan sa maliit na paraan, aba’y bayani ka. 
Sabi nga uli ni PNoy sa kanyang talumpati, kapag may mali at di-makatwiran sa lipunan at nagmasid ka lang at walang ginawa, kung susunod ka lang sa dikta ng “status quo”, o nagrereklamo ka pero wala namang inaalok na solusyon, aba’y dagdag ka lang sa problema at pinapahaba mo ang pagdurusa ng iyong kapwa.
Pero kung may nangyayaring mali at may kahit isang tao lang na tatayo at magsasalita tungkol sa hindi tamang nangyayari, iiral ang katarungan at pagkakataon na mabago ang lahat.
Kaya saan mo gustong mapabilang, sa mga bayani o sa mga epal? Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Friday, September 4, 2015

Sa Tamang Panahon... REY MARFIL



Sa Tamang Panahon...
REY MARFIL



Umiral na naman ang ugaling "sala sa init at sala sa lamig" ng ilan nating kababayan pagdating sa usapin ng paghanap ng solusyon sa problema ng matinding traffic sa Metro Manila partikular sa kahabaan ng EDSA.
Dati ay marami ang nagrereklamo sa matinding traffic sa EDSA at panay ang sisi nila sa gobyerno. Ngayong inatasan ni Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino ang Highway Patrol Group (HPG) ng Philippine National Police (PNP) na pangunahin ang pagresolba sa problema, may mga angal pa rin.
Aba'y hindi pa nga pormal na nagta-take over ang HPG sa pagtutok sa problema ng trapiko sa EDSA, may mga humihirit na agad na baka mabuhay na naman daw ang "kotongan" o "hulidap". May pumupuna pa na bakit daw ngayon lang kumikilos ang gobyerno sa problema sa trapiko?
Unang-una, hindi naman ngayon lang kumilos ang pamahalaan para lutasin ang problema sa trapiko. Katunayan, may mga proyektong ginagawa na pangmatagalang solusyon para maibsan ang problema sa trapiko.
Kabilang na riyan ang itinatayong bagong 14.8-kilometer skyway na magdudugtong sa Buendia, Makati City at Balintawak, Quezon City. Kapag nagawa na ito, tiyak na malaking oras ang mababawas sa biyahe ng mga motorista. Bukod diyan, mababawasan din ang mga sasakyan na dadaan sa EDSA kapag naitayo na ang bagong skyway.
Ang mga ginagawa ring bagong linya ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) na aabot na sa Masinag sa Cainta, Rizal na makatutulong din para mabawasan ang problema sa trapiko at makatutulong sa publiko para makaiwas na makipagsiksik sa mga pampasaherong bus o jeepney.
Kung darating na ang mga bagong bagon ng MRT at maaayos ang mga riles, bibilis na ang biyahe at dadami na ang mga pasahero na maaaring maisakay. Magiging malaking tulong din ito sa publiko na makaiwas sa problema ng trapiko sa EDSA.
At kung magiging komportable na ang pagsakay sa MRT, malamang na rito na rin sasakay ang ibang motorista at hindi na gagamit ng kanilang kotse na bibiyahe sa EDSA. Kapag nangyari ito, mababawasan din ang mga sasakyan at makaluluwag sa trapiko.
Hindi pa kasama riyan ang iba pang proyekto na kasalukuyan nang ginagawa ng pamahalaan na hindi kayang tapusin ng ora-orada. Maging ang mga anti-flood projects na kasalukuyang ginagawa ay nakadadagdag din sa problema sa trapiko.
Pero kapag natapos ang mga ito, hindi lang problema sa baha (na nagiging dahilan din ng problema sa trapiko) ang mababawasan, kung hindi maging ang problema sa trapiko.
***
Pagdating sa EDSA, isasalang pa sa pagsasanay ang mga tauhan ng HPG na tututok sa anim na lugar sa EDSA na madalas pagmulan ng pagbigat ng daloy ng trapiko dahil sa mga pasaway na mga motorista at lalo na ang mga pasaway na drayber ng mga pampublikong sasakyan, partikular na ang bus.
Kaya abangan natin kung may malaking pagbabago sa daloy ng trapiko sa Balintawak sa Caloocan City, Cubao sa Quezon City, Ortigas Avenue sa Pasig City, Shaw Boulevard sa Mandaluyong City, Guadalupe sa Makati City at Taft Avenue sa Pasay City.
Inaasahan na sa Lunes pa magsisimulang magmando ng trapiko ang mga tauhan ng HPG. Pero hindi lang naman sila ang makikita sa EDSA, katuwang pa rin nila ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation and Franchising Board (LTFRB).
Kung mayroon mang dapat kabahan sa pagpasok ng HPG sa EDSA, ito ay ang mga pasaway na drayber at mga nakalulusot na kolorum na mga pampasaherong sasakyan. At dahil si PNoy mismo ang nagbigay ng direktiba, dapat lang na magdalawang-isip ang mga pulis na magbabalak na gumawa ng pera sa panghuhuli dahil tiyak na malilintikan sila sa Pangulo.
Magandang timing din ito dahil pumasok na ang "ber" month na hudyat ng pagiging abala ng marami sa pamimili sa kapaskuhan. Kaya naman dahil sa direktiba ni PNoy, maaaring makapagpraktis ang HPG kung ano pa ang mga dapat gawin para mabawasan ang trapiko sa EDSA pagsapit ng Disyembre.
Ngunit kung pangmatagalang solusyon sa problema ng trapiko ang hahanapin, aba'y sabi nga ni Lola Nidora sa kalye-serye ng Eat Bulaga, mangyayari ‘yan sa "tamang panahon" kapag natapos na ang mga ginagawang proyekto. At kapag nangyari iyan, suwerte ng susunod na administrasyon. "Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/sep0415/edit_spy.htm

Wednesday, September 2, 2015

Proteksyon pa! REY MARFIL


Proteksyon pa!
REY MARFIL


Hindi ba’t kapuri-puri ang patuloy na pinatinding kampanya ng administrasyong Aquino laban sa naglipanang investment scams na nambibiktima sa maraming mga tao.

Alinsunod sa kautusan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, pinamunuan ng Department of Trade and Industry (DTI) sa pamamagitan ng Consumers’ Protection and Advocacy Bureau at ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang kampanya.

Katuwang ng mga ito ang Enforcement and Investor Protection Department kung saan iprinisinta ng mga ito ang hakbang para balaan ang ating mga mamamayan na huwag magpaloko sa mga pyramid scam, Ponzi scam at iba pang mga uri ng investment scam na nagsasamantala sa ating publiko.

Nabatid sa DTI na lalong tumaas ang bilang ng investment scams sa internet at online shopping sa iba’t ibang lalawigan sa bansa.

Patuloy ang paglalabas ng DTI at SEC ng advisories na nagbababala sa publiko kaugnay sa potensyal na scams.

Tumutulong din sa kampanya ang Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI) at ang Philippine National Police (PNP).

Nagsampa na nga ng kasong estafa laban sa mga sangkot sa mga scam ang DOJ batay sa kanilang mga nakalap na ebidensya.

Nananawagan din tayo sa ating mga kababayan na manatiling mapagmasid, suriing mabuti ang mga inihahain sa kanilang investment proposal na nangangako ng napakataas na kikitain o tutubuin dahil maaaring mapanlinlang at mapagsamantala ang mga panukalang ito.

***

Hindi naman nakakapagtaka ang magandang resulta ng executive outlook survey ng Makati Business Club (MBC) sa administrasyong Aquino. Pagpapakita ito ng panibagong boto sa matino at matuwid na liderato ni PNoy.

Positibo ang pagtingin ng MBC sa ginawa ng mga departamento at ahensya ng pamahalaan sa usapin ng economic at financial management sa ikalawang quarter ng taon.

Kaya nga nakakuha ang bansa ng sunud-sunod na upgrading sa iba’t ibang investment rating at maging ang nakakabilib na global competitiveness rankings.

Kinilala ng MBC ang Department of Foreign Affairs (DFA), Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) at Civil Service Commission (CSC) bilang ilan sa 10 nangungunang performing government agencies.

Maganda naman talaga kasi ang mga diplomasyang hakbang na ipinakita ng DFA sa pagharap sa mga krisis lalung-lalo na sa tensyon sa West Philippine Sea.

Maganda rin ang ipinapakita ng CSC sa pagsusulong ng serbisyo sa ngalan ng interes ng mara­ming Filipino.

Asahan pa nating magiging mabuti at maganda ang resulta ng susunod na performance ng pamahalaan sa tulong ng matuwid na daan ni PNoy.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)