Bumabaha ng proyekto! | |
REY MARFIL |
Magandang balita ang patuloy na pagtataguyod ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino III sa Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA).
Sa ilalim nito, isasagawa ng Japan Embassy ang isang job fair para sa mga nagbabalik na Filipino nurses at caregivers sa darating na Agosto 28, 2015 na pansamantalang gagawin sa Ascott Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City.
Tinatayang 400 na Filipino nurses at caregivers ang nakabalik na sa bansa mula sa Japan at posibleng makinabang sa programa. Kabilang sa benepisyunaryo ang mga nagbalik na nurses at caregivers na hindi nakakuha ng Japanese licensure at maging sa mga nanatili sa bansa matapos ang kanilang trabaho sa Japan.
Mayroon silang karanasan sa ospital at caregiving facility sa Japan sa ilalim ng direktang superbisyon ng Japanese staff at mayroong kaalaman sa nasabing bagay.
Nagkaroon rin sila ng edukasyon sa lengguwaheng Japanese sa pamamagitan ng language training na ibinibigay ng pamahalaang Hapon na nananinirahan na sa naturang bansa sa loob ng tatlo hanggang limang taon.
Nagsasagawa ang Japanese Embassy ng taunang job fair sa mga kompanyang Hapon at medical institutes para tulungan ang mga nagbabalik na Filipino nurses at caregivers upang lalong mahasa ang kanilang kasanayan at karanasan sa Japan.
Bukod dito, lalo pang napapatibay ang magandang relasyon ng Japan at Pilipinas. Noong nakaraang taon, tinatayang 50 JPEPA returnees at 26 na mga kompanya ang lumahok sa job fair.
***
Isa pang magandang balita na umabot sa 1,549 kilometro ang kalsadang natapos na mula sa P60 bilyong pondo ng pamahalaan para sa Tourism Road Infrastructure na magpapabuti ng turismo sa bansa dahil sa tulong ng matuwid na daan ni PNoy.
Inihayag ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Rogelio Singson na 463 proyekto sa loob ng limang taon mula 2011 hanggang 2015 ang ginawa na may kinalaman sa konstruksiyon, upgrading, rehabilitasyon at pagpapabuti ng mga kalsada at tulay.
Kinuha ang pondo para sa mga proyekto mula sa Department of Tourism (DOT)-DPWH Convergence Program na nagkakahalaga ng P47.58 bilyon habang nanggaling naman ang P12.91 bilyon sa DPWH infra program para sa mga kalsada na kailangan sa turismo.
Isinama rin ni Aquino ang P24 bilyon para makumpleto ang 1,200 kilometrong kalsada na kritikal sa pagsulong ng turismo sa ilalim ng P3.002 trillion General Appropriations Bill (GAB) sa susunod na taon.
Sa Northern Luzon, natapos na ng DPWH Region 1 ang apat kilometrong konstruksyon at pagpapabuti ng Junction Ilocos Norte-Abra Road na magsisilbing daanan patungo sa ecotourism spots ng mabundok na munisipalidad ng Nueva Era, Ilocos Norte.
Kabilang ang Tubeg Viewdeck, Imelda Park, Hercules Mines Access patungong Mt. Sicapo Camp Site sa ecotourism spots sa Nueva Era na naidugtong dahil sa P91 milyong halaga ng proyektong kalsada.
Tinutukan ni Aquino ang programa sa kalsada para lalong maging mabilis ang pagbiyahe ng mga turista dahil batid nitong malaki ang kontribusyon ng turismo sa kaunlaran at trabaho sa bansa.
“Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”
(Twitter: follow@dspyrey)