Friday, July 31, 2015

Anong maitutulong mo? REY MARFIL




                                                  Anong maitutulong mo?
                                                                        REY MARFIL


Sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pa­ngulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino, marami siyang pangalan na nabanggit at pinasalamatan dahil sa kanilang naiambag para sa ikabubuti ng bansa. Gayunman, mayroon din siyang mga napasaringan upang maipaliwanag sa kanyang mga “boss” kung bakit may mga problema na hindi pa rin nalulutas sa loob ng limang taon ng kanyang pamamahala.


Sa mga mahilig sa balita, tiyak na kilala na nila si PNoy sa mga ibinibigay nitong pasaring o patama sa kanyang mga talumpati. At hindi ito nawala sa kanyang huling SONA nang ipaliwanag niya kung bakit may ilang problema na nadatnan ng kanyang administrasyon na hindi pa rin lubos na natutugunan kahit malapit nang matapos ang kanyang anim na taong termino.


Isa sa mga madalas na ireklamo ng mga tao ang baha kapag malakas ang ulan sa Metro Manila. Sa ngayon, kaliwa’t kanan ang paghuhukay sa mga kalsada para maiayos ang mga daluyan ng tubig at nang maibsan ang pagbaha. Dahil malaki ang problema, natural na pangmatagalang solusyon na ginagawa ng gobyerno ni PNoy.


Isa sa mga nabanggit sanang solusyon sa problema sa baha ay ang paglalagay ng “catch basin” o saluhan ng baha sa bakuran ng isang malaking unibersidad. Pero hindi raw natuloy ang proyekto dahil tumutol ang unibersidad dahil nangamba raw ang mga ito na maapektuhan ang matatandang istruktura sa kanilang bakuran.


Kahit walang binanggit na pangalan, pumalag ang mga taga-University of Sto. Tomas na sila ang tinutukoy ni PNoy na unibersidad. Kaagad na kumalat sa social media ang pagdepensa sa paaralan at pagbalik ng sisi kay PNoy sa problema sa baha.


Ngunit kung tutuusin, hindi ba kabilang naman ang mga mag-aaral ng UST sa libu-libong mag-aaral sa university belt area at mga manggagawa ang makikinabang kung natuloy ang flood catch basin project at nawala ang pagbaha sa lugar? At sa modernong teknolohiya ngayon at mga kagamitan sa mga infra project, hindi ba matitiyak na walang gusali na masisira sa UST? Isa pa, sa ilalim naman daw ng open field ilalagay ang saluhan ng baha kaya kung tutuusin ay wala namang mababago sa ibabaw ng paglalagyan proyekto kapag natapos iyon.


***


Isa pang binigyan ng punto ni PNoy ang problema ng Metro Rail Transit (MRT-3) na matagal na ring binabatikos ng publiko dahil laging nasisira. Pero may ilan na pumuna sa ginawang pagbanggit ni Aquino sa pinalitan niyang administrasyon na tila raw ibinato na naman ang sisi sa iba.


Ngunit kung susuriin, kailangang banggitin ni PNoy ang dating administrasyon para ipaliwanag ang nangyaring kapabayaan sa pamamahala sa MRT. Dapat daw kasing nagkaroon ng major overhaul sa sistema ng MRT bilang bahagi ng maintenance nito. Pero ang nangyari, pintura lang daw ang nabago sa mga tren. Ang resulta ng maraming taon ng ka­pabayaan, palpak na serbisyo ng MRT na namana ng gobyerno ni PNoy, at siya ang tumatanggap ng mga batikos at sisi.


Pero maliban sa kapabayaan ng nagdaang administrasyon, dapat ding malaman ng publiko na ang MRT ay pinapamahalaan ng pribadong kumpanya. At kasama raw ang pribadong kumpanyang ito sa nagpapabagal sa ginagawang hakbang ng gobyerno ni PNoy para ma­solusyunan ang mga problema.


Kabilang sa mga solusyon na ginagawa ng gobyerno ay muling maibalik sa gobyerno ang pamamahala sa MRT at bumili ng mga bagong bagon na kapwa pinalagan ng pribadong kumpanya.


Tandaan natin na isa sa maraming problema ng MRT ay kakulangan ng bagon. Ang pribadong kumpanya ang dapat na bumili ng mga bagon pero anong nangyari? Kaya naman kung tutuusin, hindi dapat ang gobyerno ang sisihin kung hindi man kaagad magawa ang mga solusyon sa problema.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Wednesday, July 29, 2015

Hindi mali ang magpaalala! REY MARFIL



Hindi mali ang magpaalala!
REY MARFIL


Sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pa­ngulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino marami ang nasiyahan sa mga tagumpay na nagawa ng kanyang papatapos na administrasyon.
Pero mayroon din namang iilan na pumuna sa muling pagpapaalala niya sa mga ginawan­g kapabayaan umano ng sinundan niyang administrasyon.
Ang tanong, masama bang balikan ang nakaraan lalo na kung magpapaalala ito na dapat tayong maging maingat sa pagpili ng mga ihahalal nating lider?

Sa dami nga ng nagawang programa at proyekto ng mahigit limang taong administrasyong Aquino -- kasama na ang audio visual ng ilang nagpatotoo sa mga iniha­yag ni PNoy -- inabot ng mahigit dalawang oras ang kanyang talumpati.

At sa huling pagkakataon bago siya bumaba sa puwesto sa June 30, 2016, ipinagmalaki ng Punong Eheku­tibo ang malaking pagbabago ng bansa ngayon sa ilalim ng gobyernong piniling tahakin ang “daang matuwid”.

Dahil sa repormang ipinatupad ni PNoy sa pamamahala, sinabi nito sa kanyang SONA ang pagbabalik ng kumpiyansa ng mga namumuhunan para maglagak ng negosyo sa bansa.
Nabigyan ng mataas na investment grade ng mga pinakatanyag na credit rating agencies ang Pilipinas kaya nabawasan na ang peligro sa pagnenegosyo sa bansa. Para sa mga namumuhunan, worth it na ang tumaya sa Pilipinas.

Mantakin niyo, nang maupo pala si PNoy noong 2010, nasa $1.07 bilyon lang daw ang net foreign direct investments na pumasok sa bansa. Pero noong 2014, pumalo na raw ito sa $6.2 bilyon, ang pinakamataas na naitala sa ating kasaysayan.

***

Samantala, ang domestic investments naman mula noong 2003 hanggang 2010 ay nasa P1.24 trilyon. Pero mula third quarter ng 2010 hanggang 2014, ang ipinasok na puhunan sa merkado ng mga lokal na negos­yante, nasa P2.09 trilyon.

Dahil limitado ang espasyo natin, hindi na natin babanggitin ang lahat ng mga nagawa ng administrasyong Aquino sa nakalipas na mahigit na limang taon.

Pero magandang malaman na sa nakalipas na mga taon, nabawasan na ang mga Pinoy na nangingibang bansa para maghanap ng trabaho. Ibig sabihin, may oportunidad na silang nakikita sa kanilang sariling bayan.

Dumami rin ang mga proyektong imprastraktura, at kasamang nakinabang dito ang mga lugar na pinamumunuan ang mga hindi kaalyado ni PNoy.
Patunay lang na mali ang hinala ng ilan na nagkikimkim ng sama ng loob sa mga kritiko ang Pangulo.
Sa kanya kasing talum­pati, muli niyang nabanggit ang umano’y mga katiwalian at kalokohan na ginawa ng pinalitan niyang gobyerno.

Ngayon na iilang buwan na lang ay halalan na, at may posibilidad na muling kumandidato o mag-endorso ang mga taong nagkaroon ng pagkukulang sa kanilang trabaho noon, dapat maging mapanuri ang mga botante.

Sabi nga ni PNoy, kung anuman ang pag-unlad na nararanasan natin ngayon ay simula pa lang daw ito. Simula pa lang ng ginhawang bunga ng kalayaan mula sa katiwalian, at tagumpay bunga ng pagsisikap at paggawa ng tama.

Pero kung tuluyan nating ibabaon sa limot ang ginawang pagsasamantala ng mga umabuso sa kaban ng bayan noon, hindi malayong tahakin na naman ng mga Pilipino ang daang madilim.
At kapag madilim ang paligid, malaki ang posibilidad na malihis ang landas ng pamahalaan sa tinahak na tuwid na daan ng gobyerno ni PNoy. “La­ging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”.
(Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/july2915/edit_spy.htm

Monday, July 27, 2015

Tinutulungan!



Tinutulungan!
REY MARFIL

Hindi ba’t kapuri-puri ang kautusan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino kina Labor Sec. Rosalinda Dimapilis-Baldoz at DOLE-National Capital Region Regional Director Alex Avila kaugnay sa pagkakaloob ng DOLE regional office ng livelihood grants sa 113 na manggagawa at mga naulila ng mga nabiktima ng sunog na tumupok sa Kentex Manufacturing Corporation sa Valenzuela City.

Malaki ang magagawa ng tulong pangkabuhayan katulad ng jigs at tools para makabawi ang mga nakaligtas at naulila ng malagim na trahedya.

Siyempre hindi tatantanan ni Sec. Baldoz alinsunod sa direktiba ni PNoy na masigurong mababayaran ng Kentex ang mga obligasyon nito sa kinauukulan ng mga manggagawa at kanilang pamilya.

Batid ng Pangulo ang kahalagahan na maalalayan ang mga biktima upang muling maibalik ang kanilang normal na buhay lalung-lalo na sa usaping pinansyal.

Personal na pinamunuan ni Avila ang mga opisyal ng DOLE-NCR na kinabilangan ni DOLE CAMANAVA Field Office Director Andrea Cabansag at kanyang staff ang pagkakaloob ng livelihood grants sa Barangay Hall ng Bgy. Ugong, Valenzuela City.

Nagkakahalaga ang tulong pangkabuhayan ng P10,000 na magagamit para sa iba’t ibang home-based livelihoods katulad ng rice trading; karinderya; frozen food trading; patis at dishwashing making; sari-sari store; dress making; buy and sell; burger stand; street food vending; at welding.

Sa kabuuang 113 na nakinabang sa tulong, 35 dito ang dependents ng mga namatay sa sunog. Ang maganda pa dito, inihayag ni Avila ang ikalawang batch ng livelihood beneficiaries na ipagkakaloob para sa mga biktima ng sunog sa Kentex base sa kautusan ni PNoy.

Kasama rin sa tulong ni PNoy ang patuloy na paggabay ng DOLE sa implementasyon ng mga programang pangkabuhayan upang masigurong maaalalayan ang mga benepisyunaryo.

***

Bilib tayo dito kina PNoy at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Director General Joel Villanueva dahil ginagawa ang lahat masiguro lamang na makakapag-aral ang kapos-palad nating mga kabataan.

Kung nabigo man ang ilang kabataan na makapasok ngayong semestre, mayroon na silang pagkakataon na makabalik sa mga eskwelahan at makapili ng technical course na kanilang nais.

Sa kautusan ni PNoy, mabilis na umaksyon si Villanueva upang maging katuwang ng TESDA ang 14 na technical vocational institutions at magkaroon ng kabuuang 5,532 scholarship slots para sa mahihirap ngunit mahuhusay at nagsusumikap na mga kabataan na nais makatapos ng tech-voc na edukasyon.

Pinili ang mga benepisyunaryo mula sa districts 1 at 4 ng San Jose del Monte sa lalawigan ng Bulacan.
Nitong nakalipas na Hulyo 16, 2015, isinagawa ang seremonya ng pagkakaloob ng scholarship na dinaluhan ng mga eskwela­han na inorganisa ng Bulacan Association of Technical Schools (BATS) at local government unit (LGU).

Nasa ilalim ng Training for Work Scholarship Program (TWSP) ng TESDA ang scholarship na layuning matuto at malinang ang kasanayan ng mga kabataan upang makapasok sila sa trabahong mayroong mataas na pangangailangan at magkaroon rin ng sariling negosyo.

Hindi naman nakakapagtakang tumaas ang kalidad ng edukasyon sa TESDA dahil talagang magaling itong si Villanueva na isa sa pinagkakatiwalaang opisyal ni PNoy.
Batid ng Pangulo at Villanueva na malaki ang ia­asenso sa buhay ng mga kabataan sa tulong ng vocational courses. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”
(Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/july2715/edit_spy.htm#.VbeDJ_lViko

Friday, July 24, 2015

Pinunong totoo ang piliin REY MARFIL




Pinunong totoo ang piliin
REY MARFIL



Sampung buwan na lang, susugod muli ang mga botante sa mga paaralan para pumili ng susunod na lider ng ating bansa.
Ngayon pa lang, may payo na si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa kanyang mga “boss” tungkol sa katangian na dapat hanapin sa taong papalit sa kanya sa Malacañang.

Hindi naman maikakaila na malaki na ang naging pagbabago sa pamamahala ng gobyerno mula nang ma­ging pangulo natin si PNoy. Hindi man perpekto, aba’y malayung-malayo naman ang narating ng bansa kung ikukumpara sa pinalitan niyang gobyerno.

Kung dati ay puro negatibo ang inabot na marka ng bansa sa mga international creditors, ngayon ay puro positibo ang nakuhang marka ng Pilipinas dahil sa matatag na ekonomiya at gobyerno. Tumaas din ang ranggo natin sa paglaban sa katiwalian kaya hindi nakapagtataka na mara­ming dayuhan ang muling nagtiwala sa atin at namuhunan.

Ang resulta, nadagdagan ang pondo, dumami ang proyekto; nadagdagan ang mga negosyo, dumami ang mga trabaho; nabawasan ang mahirap, nabawasan ang nagugutom. Kaya naman kung noon ay karaniwang pababa ang approval at trust rating ng mga papaalis na pre­sidente, kay PNoy, nananatiling mataas.

Dahil dito, hindi maaaring balewalain ang sinasabing “endorsement” power ni PNoy sa sinumang kandidato na bibigyan niya ng kanyang suporta o basbas. Kung tutuusin, mali na ihambing ang bigat ng endorso ni PNoy sa ibang naging presidente na natalo ang manok sa nag­daang mga panguluhang halalan.

Natalo noon sa panguluhang halalan si dating Speaker Jose de Venecia na inendorso ni dating Pangulong Fidel Ramos. Natalo rin si dating Defense Secretary Gilbert Teodoro na inendorso naman ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Pero alalahanin natin na nanalo si Ramos, na inendorso ng yumaong dating Pangulong Cory Aquino, na ina ni PNoy.

***

Gaya ni PNoy ngayon, nanatiling positibo noon ang popularidad ni Cory nang patapos na ang kanyang lide­rato. Samantala, kahit positibo rin ang marka ng popularidad ni Ramos nang matatapos na ang kanyang termino nang iendorso si De Venecia, aba’y naging mahirap ang laban ng dating Speaker dahil napakataas sa mga survey ang na­kalaban sa panguluhan na si dating Pangulong Erap Estrada.

Habang sa laban noon ni Teodoro, bukod sa sadsad sa negatibo ang popularidad ng nag-endorso sa kanya na si Arroyo, aba’y sa napakataas pa sa survey ng nakalaban niyang si PNoy.

Kaya maraming tagamasid sa pulitika ang tiyak na nag-aabang sa kung sino ang babasbasan ni PNoy sa 2016 presidential elections at sa magiging resulta ng halalan.

Pagkatapos ng huling State of the Nation Address ni PNoy sa Lunes, Hulyo 27, inaasahang tutukuyin ng Pa­ngulo kung sino ang magiging pambato ng administrasyon sa panguluhang halalan.

Pero bago nito, nagbigay na si PNoy ng payo sa publiko na kanyang mga “boss” tungkol sa katangian na dapat hanapin sa susunod na lider ng bansa na magpa­patuloy ng kanyang “daang matuwid”.

Sa isang pagtitipon sa Bulacan, pinayuhan ni PNoy ang publiko na piliin ang susunod na lider na magiging totoo sa paglilingkod sa bayan at hindi iyong sarili lang ang pasasayahin.

Hindi rin dapat basta paniwalaan ang mga sinasabi at mga ipinapangako ng mga pumuposturang ka­kandidato. Dapat kilatisin silang mabuti lalo na kapag mayroong alinlangan na sila’y magsasamantala at manlalamang kapag nakapuwesto na.

Kapag nagkamali ang mga tao sa pagboto ng susunod na lider, tiyak na masasayang ang anim na taong ipinundar ni PNoy para maibangon ang ekonomiya at ang naipundar niyang pag-asa ng bayan na puwede palang labanan ang katiwalian para umunlad ang bayan.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)



Wednesday, July 22, 2015

Ikalat ang pulis sa lansangan REY MARFIL




Ikalat ang pulis sa lansangan
REY MARFIL

Noong panahon na hepe ng Philippine National Police (PNP) si dating Senador Panfilo Lacson, ang “foot patrol” o mga pulis na naglalakad sa lansangan ang isa sa mga programa na ipinatupad niya para labanan ang krimen.
Kaya naman magandang balita ang pahayag ng bagong PNP chief na si Director General Ricardo Marquez na layon din ng kanyang liderato na palakasin ang police visibility sa komunidad.

Kasi nga naman, ang isang luko-loko na nagbabalak gumawa ng masama ay magdadalawang-isip na ituloy ang binabalak kapag nakakita ng unipormadong pulis.
Ngayon, nakakalungkot na kahit marami na ang nakakalat na mga CCTV camera, nagiging souvenir na lang ang mga ito sa krimen na ginawa ng mga kolokoy.

Bagaman nakatutulong ang footage ng CCTV para matukoy ang mga salarin at mahuli, iba pa rin siyempre kung hindi natuloy ang krimen dahil nandoon ang mga awtoridad at nahuli kaagad ang mga kampon ni “taning” bago pa sila makapanakit.

Lalo na ngayon na lumitaw sa datos ng PNP Directorate for Investigation and Detective Management na mula Enero hanggang June ng 2015, tumaas sa 885,445 ang mga naitalang krimen sa buong bansa, mas mataas sa 603,805 na naitala sa kaparehong panahon noong 2014.
Huwag naman sanang gamiting dahilan na kaya tumaas ang naitalang krimen ngayon ay dahil malakas na ang loob ng mga tao na magsumbong sa mga pulis dahil may tiwala na ang mga biktima.

Baka nga marami pa rin ang mga biktima na hindi nagsusumbong dahil sa iba’t ibang kadahilanan tulad ng takot, abala sa pagdedemanda, o kaya naman ay iniisip nilang wala rin namang mangyayari at magagawa ang pulis.
Ang panunumbalik ng tiwala ng publiko sa mga pulis na -- lagi silang nandiyan sa oras na kailangan -- ang isa rin sa dapat pagtuunan ng pansin ni Marquez.

***

Gaya na lang kasi ng mga naibalita at lumabas na mga viral video sa internet, makikita sa CCTV footage na walang pulis sa lugar na pinangyarihan ng krimen.
Tulad ng holda­pan sa paanan ng isang footbridge sa Caloocan-Edsa na ilang beses na pa lang may mga nabiktima.
Gayundin sa isang lugar sa Maynila na nakunan ng video na parang pating na nagpista ang mga kolokoy na isnatser sa mga pasahero ng jeep na inagawan nila ng gamit.

Aba’y mabuti sana kung gamit lang ng mga biktima ang tatangayin ng mga kolokoy, ang kaso, may mga insidente na sadyang buhay ng biktima ang target ng mga kriminal.
At dahil kadalasang naka-helmet at motorsiklo ang mga tirador na suspek kaya hindi sila madaling makilala at mahuli.

Pero kung tutuusin, hindi lang naman pala para lang sa paghuli ng mga kriminal ang mga CCTV.
Dapat ding matuwa ang mga kriminal sa CCTV dahil maaari silang magkakaroon ng proteksiyon laban sa mga pulis na nagtutumba ng mga katulad nila.
Gaya na lang ng nangyari sa Maynila na nakunan ng video ang umano’y paglikida ng mga pulis sa isa umanong holdaper. 

Ang naturang insidente ang tila paalala kay PNP Chief Marquez tungkol sa reyalidad ng kapulisan na hindi lang mga kriminal ang dapat niyang linisin, kung hindi pati na rin ang mga pulis na nalilihis sa daang matuwid na tinatahak ng administrasyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino.

May maganda ring iniwan ang nagretirong dating PNP-OIC Chief Leonardo Espina kay Marquez pagdating sa usapin ng crime solution.
Ayon sa datos ng PNP, lumitaw na umakyat sa 59.58% ang mga krimen na nalutas mula Enero hanggang Hunyo ng 2015. Mas mataas ito ng 16.7% kum­para sa 42.48% na naitala sa kaparehong panahon noong 2014.

Subalit higit sa pagtaas ng bilang ng krimen na nalulutas, mas maganda pa rin kung baba nang todo ang mga krimen na nagaganap. 
Ang motto sa paglaban sa krimen ay katulad din ng motto sa sakit -- prevention is better than cure.
 Mas maganda kung mahuli na ang mga kriminal bago sila makapaminsala. 
“Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”.
(Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/july2215/edit_spy.htm#.Va5IC_lViko

Monday, July 20, 2015

Nagawa sa maikling panahon! REY MARFIL





Nagawa sa maikling panahon!
REY MARFIL


Nakuha ng Department of Tourism (DOT) noong nakaraang taon ang pagkilala bilang pinakamainam na destinasyon sa Asya-Pasipiko at asahang lalo pang dadami ang bilang ng mga turista sa Pilipinas.

Magandang epekto ito sa maigting na kampanya ng pamahalaan para isulong ang turismo sa bansa. Nakuha ng bansa ang “Destination of the Year” award sa ika-25th Annual TTG Travel Awards kung saan nakilala ang Pilipinas bilang nangungunang destinasyon sa Asya-Pasipiko base sa isinagawang seremonya sa Bangkok, Thailand.

Nasa kategorya ng Outstanding Achievement Awards ang Destination of the Year award na nakuha ng Pilipinas. Ilan pa sa mga kategorya ang Tra­vel Personality of the Year, Best Travel Entrepreneur, Best Marketing and Relationship Effort at Best Trade Supporter.

Ang TTG Travel Awards ay isa sa prestihiyosong parangal sa industriya ng paglalakbay sa rehiyon na inorganisa ng TTG Asia Media’s Travel Trade Publishing group.

***

Maliban sa turismo, pinakamalaking pagbabago ang usaping pang-imprastraktura. Hindi mabilang ang mga proyektong inaprubahan ng National Economic and Development Authority (NEDA) board.
Ang babanggitin natin ay ilan lamang sa napakaraming nagawa ng kasalukuyang administrasyon.

Ilan sa naunang inaprubahan ang Road Improvement and Institutional Development (RIID) Project sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Nakapaloob dito ang upgrading ng 339 kilo­metrong kalsada mula sa 10 national roads sa mga lalawigan ng Benguet, La Union, Leyte, Iloilo, Negros Oriental, Agusan del Norte, Bukidnon at Cotabato.

At ongoing ang restructuring ng National Roads Improvement and Management Program Phase 2 na pinopondohan ng World Bank (WB) at binigyan ng basbas ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang implementa­syon ng P2.6 bilyong Agno River Irrigation System Extension Project sa ilalim ng National Irrigation Administration.

Maging ang second phase ng Balog-Balog Multipurpose Project sa ilalim ng Office of the Presidential Assistant for Food Security and Agricultural Modernization (OPAFSAM) at NIA, ito’y binigyan ng basbas ng Pangulo.

Napakalaking tulong ang Balog-Balog project dahil may kakayahan itong mag-imbak ng 420 milyong cubic meters na tubig, magkakaroon ng kanal para sa irigasyon at ibang mga istruktura.

Maliban sa LRT-2 West Extension Project sa ilalim ng Department of Transportation, sinimulan na rin ang second phase ng Bureau of Fire Protection Capability Building Program sa ilalim naman ng Department of Interior and Local Government (DILG) na may kinalaman sa pagbili ng fire trucks na ipa­pamahagi sa buong bansa.

Ipatutupad na rin ng Pangulo ang Local Government Units Investment Program Supplement III na susuporta sa lokal na mga kalsada at tulay; sanitasyon; drainage at flood control; water supply; public market; bus terminal; rehabilitasyon, modernisasyon, at konstruksyon ng pampublikong mga pasilidad; hospitals; schools; telecommunications; information technology; ports; konstruksyon at pagtatatag ng power generation projects; environment at tourism-related projects; at heavy equipment.

Kaya’t isang malaking katanungan ni Mang Gus­ting kung bakit hindi nagawa sa 9-taon gayong na­ipatupad ni PNoy sa maikling panahon? Laging tanda­an: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”
(Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/july2015/edit_spy.htm

Friday, July 17, 2015

May masasandalan




May masasandalan
REY MARFIL


Halos magkasunod na hinirang ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang mga bagong mamumuno sa hanay ng tagapagtanggol ng bayan na Armed Forces of the Philippines (AFP) at pati na sa Philippine National Police (PNP).

Sa hanay ng kasundaluhan, ang bago nilang chief of staff si Lt. Gen. Hernando Iriberri, na pumalit sa nag­retirong si General Gregorio Pio Catapang. Samantala, matapos ang ilang buwan na pagkakaroon lamang ng Officer-­in-Charge o OIC, may opisyal nang PNP chief ang pulisya sa katauhan ni Police Director Ricardo Marquez.

Si Marquez ang pumalit sa nagretiro na ring si Police Director General Leonardo Espina, na naging OIC ng PNP, mula nang masuspendi hanggang sa magbitiw ang dating pinuno ng kapulisan na si General Alan Purisima, na nasangkot sa alegasyon ng katiwalian at kontrober­syal na Mamasapano, Maguindanao operation.

Marami ang pumuri sa naging desisyon ni Aquino sa ginawang pagtalaga kina Iriberri at Marquez bilang mga bagong pinuno ng AFP at PNP. Bukod kasi sa mahusay ang track record ng dalawa, tanggap ang kanilang pagkakahirang sa kani-kanilang hanay.

Nauna nang sinabi ng Palasyo na ang pagpili sa mga bagong pinuno ng AFP at PNP ay ibabase sa merito ng mga kandidato sa posisyon, at kakayahan na pamunuan ang dalawang mahalagang sangay ng pamahalaaan na siyang nakatokang magtanggol sa bansa at mangalaga sa katahimikan at kaligtasan ng mga mamamayan.

Pero hindi rin naman dapat kalimutan ang mga na­gawa ng mga nagretirong sina Catapang at Espina.
Dapat bigyan natin ng pansin ang ipinakitang propesyunalismo ng dalawa noong krisis ng madugong Mamasapano, Maguindanao encounter.

***

Kung hindi marahil sa mahusay na paghawak nina Catapang at Espina sa kanilang mga hanay, baka tuluyang nabasag ang nalamatang samahan ng dalawang panig bunga nang sisihan sa pagkasawi ng 44 na magigiting na pulis sa naturang operasyon sa Mamasapano.

Gayunman, sa bagong kabanata ng pamunuan ng AFP at PNP, magiging malaking pagsubok kina Iriberri at Marquez ang hamon sa kanila ni Aquino na tiyakin na magiging malinis at maayos na halalan sa 2016.
Hindi kataka-taka na hangad ni PNoy na maging mapayapa ang darating na halalan dahil magsisilbi itong legacy niya sa kanyang pagbaba sa Palasyo sa susunod na taon.

Pero maliban sa halalan, may iba pang mga problema na dapat pag-ukulan ng pansin ng bagong mga pinuno ng AFP at PNP. Gaya na lang ng patuloy na pamba­barako ng China sa West Philippine Sea, at mga panloob na banta sa seguridad na dulot ng mga rebeldeng komunista at mga bandidong grupo sa Mindanao.

Si Marquez, kailangang tiyakin ang seguridad ng mga pinuno ng mga bansa na dadalo sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) meeting na gaganapin sa Pilipinas nga­yong Nobyembre. Kung sabagay, baka hindi na mahirapan dito si Marquez dahil nakapagsanay na siya nang pamunuan niya ang pagkakaloob ng proteksyon sa seguridad ni Pope Francis nang bumisita sa bansa ang Santo Papa noong Enero.

Subalit dapat gamitin din ni Marquez ang malawak niyang karanasan bilang isang mahusay na opisyal na pulis upang mapababa ang kriminalidad sa bansa -- tulad ng mga riding in tandem criminals at talamak pa ring iligal na droga.

At bagaman nabawasan ang mga naglalabasang ano­malya at mga reklamo laban sa mga abusadong pulis at sundalo, dapat ipagpatuloy nina Iriberri at Marquez ang paglilinis sa kani-kanilang hanay; na kahit wala na sa kapangyarihan si PNoy na nagtalaga sa kanila, dapat pa rin nilang tiyakin na patuloy na tatahak sa tuwid na daan ang kasundaluhan at kapulisan para pangalagaan at isulong ang kapakanan ng sambayanan.

 Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Wednesday, July 15, 2015

Ang ekonomiya at si PNoy REY MARFIL



Ang ekonomiya at si PNoy
REY MARFIL


Sa nalalapit na pagtatapos ng termino ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino, maraming batikos, kritisismo, puna ang ibinato sa kanyang pamamahala sa nakalipas na mahi­git limang taon.
Ngunit hanggang ngayon, bibihira pa rin ang mga pumuri sa kanyang maraming magandang nagawa -- isa na riyan ang matatag at umangat na ekonomiya ng bansa.

Ang ekonomiya ang nagsisilbing gasolina ng bansa para patuloy na tumakbo.
Kung bagsak ang ekonomiya, walang sigla ang kalakalan; kung matamlay ang kalakalan, walang gaanong buwis na makokolekta;
kung walang buwis na makokolekta, walang pondong magagamit sa mga proyekto at mga pangunahing serbisyo; kung walang mga proyekto at walang serbisyo, walang silbi ang gobyerno.

Marahil ay hindi napapansin ng ilan sa ating mga kababayan ang kahalagahan ng magandang lagay ng ekonomiya natin ngayon sa ilalim ng pamamahala ni PNoy, iyan ay dala marahil na maganda ang buhay ng marami sa ating mga kababayan.
May kasabihan nga na hindi natin napapansin ang kahalagahan ng isang bagay kapag nandiyan lang sa tabi, at hahanapin lamang kapag wala na. 

Kaya naman sa atin dito sa Pilipinas, dahil mabuti ang lagay ng ekonomiya kaya marahil ay hindi napapansin ng marami. Pero kung tayo ngayon ang nasa kalagayan ng mga mamamayan ng Greece, malamang araw-araw na­ting pag-uusapan ang ekonomiya at ang liderato ni PNoy.

***

Gaano ba kalubha ang sitwasyon ng ekonomiya sa Greece?
Ang ilan sa ating mga kababayan na nagtatrabaho roon, nag-iisip nang bumalik sa Pilipinas o kaya naman ay lumipat ng ibang bansa sa Europa na kanilang mapapasukan.
Mabuti na lamang at hindi marami ang mga Pinoy overseas workers sa Greece kaya hindi magiging malaking problema kung sakaling ihahanap sila ng ibang mapapagtrabahuhan.

Hindi rin makakaapekto sa ating ekonomiya ang krisis sa Greece dahil napakaliit lamang ng kalakalan natin sa kanila na nasa 0.01 percent lang.
At dahil kakaunti­ lang ang OFW­s doon, hindi rin ito makakaapekto sa dollar remittance na ipinapadala ng ating mga kababayan na kung tawagin ay bagong bayani.

Kung naging pabaya ang gobyernong Aquino at kung hindi naging mahusay ang mga itinalaga niyang economi­c managers, hindi malayong mangyari rin sa Pilipinas ang nangyari sa Greece.
At kung maganda nga ang ekonomiya pero tiwali naman at kurakot ang mga namamahala, balewala rin dahil hindi ang bayan ang makikinabang.

Pero iba ang administrasyon ni PNoy. Matapos niyang tutukan at ituwid ang maling sistema ng pamamalakad sa u­nang taon sa gobyerno, isinunod na ang pagpapalago sa ekonomiya. Pinalaki ang koleksiyon sa buwis, pinakalakas ang kalakalan at turismo, binura ang wang-wang at pala­kasan sa pagnenegosyo, at dumami ang dayuhang namumuhunan.

Naging sunud-sunod ang positibong pagtaya ng mga international financial institution na nagbigay sa bansa ng mas mataas na credit rating. Sumigla ang stock market na nagta­tala rin ng sunud-sunod na record high sa transaksiyon. Habang ang paglago ng ekonomiya, hindi bumababa sa anim na porsiyento bawat taon, na pinakamabilis simula noong 1955 o sa loob ng nakalipas na 60 taon.

Resulta nito, mas maraming proyekto ang ginagawa (na ang iba ay nagdudulot ngayon ng pagbagal ng trapiko), dumami ang mga may trabaho, dumami ang mga benepisaryo at maging ang uri ng karamdaman na nakapaloob at siniserbis­yuhan ng PhilHealth, nabawasan ang mahihirap, naipatupad ang modernisasyon ng militar, PAGASA, at marami pang iba.

Sa susunod na taon ay bababa na sa puwesto si Aquino, magkakaroon ng bagong liderato na sisihin at pupunahin ang mga kritiko. Sana lang ay tandaan natin ang kahalagahan na maipagpatuloy ang mga magagandang programa na nasi­mulan niya para sa bayan at mga mamamayan.

Hindi na siguro natin kailangang danasin ang problema ng Greece bago natin makita ang mabuting nagawa ni PNoy sa ating ekonomiya at bansa.  Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”.
(Twitter: follow@dspyrey)

http://www.abante-tonite.com/issue/july1515/edit_spy.htm#.VaZpdPlViko

Monday, July 13, 2015

May malasakit!



May malasakit!
REY MARFIL


Sa pamamagitan ng kautusan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ipinalabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang P14 bilyon para sa tinatawag na Productivity Enhancement Incentive (PEI) o bonus ng mga kuwalipikadong guro at kawani ng Department of Education (DepEd).

Malaki ang maitutulong ng bonus sa pamilya ng bawat benepisyunaryo na katumbas ng isang buwang suweldo ng mga kawani.

Batid ng Pangulo ang pangangailangan ng bawat guro kaya naman naging prayoridad nito bilang bahagi ng matuwid na pamamahala ang pagkakaloob ng bonus alinsunod sa Executive Order (EO) No. 181, series of 2015.

Inilabas kamakailan ng DBM ang Special Allotment Release Order (SARO) para sa pagkakaloob ng PEI upang pakinabangan na ng mga benepisyunaryo.

Sinimulan nang ibaba ng DepEd ang pondo sa tanggapan ng mga ito sa iba’t ibang rehiyon sa buong bansa na maaaring natanggap na ng mga guro at ibang kawani habang isinusulat ito ng may-akda.

Iniutos na ni DepEd Sec. Armin Luistro ang pagka­kaloob ng pondo sa pamamagitan ng pagsasama nito sa suweldo ng kanilang mga kawani.

Kabilang sa kuwalipikadong benepisyunaryo ang sino mang nagtrabaho na ng apat na buwan sapul noong Mayo 31, 2015, kabilang ang mayroong leaves of absence with pay at mayroong kaaya-ayang serbisyo.

Siguradong direktang makikinabang ang bawat miyembro ng pamilya ng mga guro at kawani ng DepEd sa mabilis na pagtugon ni Pangulong Aquino sa pagka­kaloob ng kanilang benepisyo.

***

Malaki ang naitulong sa turismo ng katatapos lamang na P150 milyong kalsada sa Bukidnon patungo sa isa sa mga pangunahing tourist attraction doon. Naging posible ang bagong access road na ginawa ng Department of Public Works and Highways (­DPWH) sa pamamagitan ng matuwid na daan ni PNoy.

Nasa ilalim ang programa ng Tourism Infrastructure Program na matatagpuan sa Sitio Kalanganan, Barangay San Vicente sa bayan ng Baungon.

Dahil sa proyekto, magiging madali para sa mga turista na mabisita ang Rafflesia Yard na idineklara ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na kritikal na tahanan ng pambihira at pinakamalaking bulaklak sa bansa o ang Rafflesia na kilala rin sa lokal na tawag na ‘bo-o’ o ‘kolon busaw’.

Sa buong mundo, ikalawa ang Rafflesia sa pinakamalaking bulaklak na maaaring umabot sa 80 sentimetro. Dadayuhin ng mga turista ang lugar at magkakaroon ng karagdagang hanapbuhay ang mga tao doon. 

Huli kasing nakita ang bulaklak ni German Alex Schandenberg sa Mt. Apo noong 1881 bago ito mu­ling nakita sa Bukidnon matapos ang 126 taon. Bukod sa pambihirang bulaklak, matatagpuan rin sa Bukidnon ang apat na bundok na kabilang sa 10 mataas sa bansa na kinabibilangan ng Mt. Dulang-Dulang (2nd), Mt. Kitanglad (4th), Mt. Kalatungan (5th) at Mt. Maagnaw (8th).
 Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Friday, July 10, 2015

Walang katumbas! REY MARFIL



Walang katumbas!
REY MARFIL


Magandang makita na nagkakaisa at solido ang tatlong pangunahing institusyon ng gobyerno -- ang ehekutibo, lehislatura at hudikatura -- sa hangaring i­paglaban ang karapatan ng Pilipinas sa agawan ng teritoryo sa West Philippine o South China Sea sa pamamagitan ng mapayapa at legal na paraan sa lupon ng United Nations.

Kamakailan lang, sinimulan na ng five-member panel ng Permanent Court of Arbitration ng United Nations sa The Netherlands ang pagdinig sa petisyon ng Pilipinas laban sa ginagawang pag-angkin ng China sa ating mga teritoryo sa WPS.

Gaya ng inaasahan, dedma ang China sa petisyon natin at wala silang ipinadalang kinatawan sa pagdinig sa UN.

Kung dedma ang China, full force naman ang ating deligasyon na kinabibilangan ng mga de-­kalibreng opisyal sa pangunguna nina Supreme Court Asso­ciate Justice Antonio Carpio at Supreme Court Associate Justice Francis Jardeleza, Sandiganbayan Justice Sa­rah Fernandez; Executive Secretary Paquito Ochoa Jr., Chief Presidential Legal Counsel Benjamin Caguioa; Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario, Defense Secretary Voltaire Gazmin, Justice Secretary Leila de Lima at Speaker Feliciano Belmonte.

Sa laki ng nakatayang interes ng Pilipinas sa WPS, natural lang na ipadala natin ang pinakamatinding delegasyon na makatutulong para mapalakas ang laban natin sa UN.

***

Bukod kasi sa potensyal na mga mina at mga yamang-­dagat na makikita sa bahagi ng karagatan na inaangkin ng China, dapat lang na ipaglaban natin nang ubod-tindi ang ating karapatan sa teritoryong nais angkinin ng ibang bansa.

Kaya naman nakalulungkot kung may kababayan tayo na pupuna pa sa gastos ng delegasyon natin sa UN at pagkuha ng mga dayuhang abogado. Dapat pa bang kuwentahin at lagyan ng presyo at tipirin ang pakiki­paglaban natin sa teritoryong nais angkinin ng iba?

Kahit nga ang pagkuha ng Malacañang ng serbisyo ng ilang dayuhang abogado na makatutulong sa ating kaso ay hindi na rin dapat gawing isyu. Dahil sa pandaigdigang lupon natin idinulog ang kaso, makabu­buti rin na may dayuhang eksperto sa usapin na nasa panig natin.

Napakakritikal ng isinasagawang pagdinig ngayon ng Permanent Court of Arbitration dahil tatalakayin nito kung may hurisdiksyon sila sa kasong isinampa natin laban sa China. Kaya naman dapat na makumbinsi natin ang lupon sa ating reklamo upang pormal na masimulan ang pagtalakay sa merito ng ating kaso. Aba’y nakakahiya naman kung ibabasura ng lupon ang ating reklamo at partida pang hindi nakiki­sali ang China.

Mabigat ang laban na kinakaharap ng bansa sa usaping legal na ito kaya suporta ang kailangan ng pamahalaan sa lahat ng Pilipino at hindi ang walang kawawaang puna para lang magmukhang kritiko ng gobyerno; lalo na kung ang taong pupuna ay may ambisyon palang kumandidato sa halalan sa panig ng oposisyon.

May kasabihan na kung walang maitutulong, mabuting manahimik na lang.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)


Monday, July 6, 2015

Malinis at matino!



Malinis at matino!
REY MARFIL



Nakakatuwa ang balitang inalis na ang airport ban na ipinataw ng European Union sa airlines ng Pilipinas dahil siguradong lalong lalakas ang biyahe at turismo sa bansa.

Sa pamamagitan ng kautusan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino trinabaho nang husto ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang suliranin na nagbunga naman ng maganda ngayon.

Batid ng Pangulo na malaki ang naitutulong ng turismo upang lalong lumakas pa ang masiglang ekonomiya ng bansa alinsunod sa daang matuwid.

Inalis na ng European Commission sa blacklist ang nalalabing Philippine carriers dahil sa mga repormang isinagawa alinsunod sa kautusan ng CAAP.

Dahil dito, magkakaroon ng mas maraming biyahe sa ibang mga lugar sa Europa ang mga kumpanya ng eroplano sa Pilipinas.

Ginawa ng European Commission ang pag-aalis sa Philippine-certified airlines sa negatibong listahan ng European Union Air Safety List dahil sa desididong aksyon ng CAAP na ayusin ang lahat ng problema para mas tiyakin ang kaligtasan ng mga pasahero.

Maaari nang makapasok ang iba pa nating mga eroplano sa European airspace at samahan ang national flag carrier na Philippine Airlines Inc. (PAL) at budget carrier na Cebu Air Inc. (Cebu Pacific).

Siguradong mahihikayat rin ang Europeans na maglakbay sa Pilipinas at iba pang destinasyon sakay ng Philippine carriers.

Nakita rin kasi ng European Commission ang kahalagahan ng Pilipinas na mayroong yumayabong na sektor ng paliparan lalo’t maganda ang ekonomiya sa ilalim ng malinis na pamamahala ni Pangulong Aquino.

***

Hindi naman nakakapagtaka na umangat ng 10 porsiyento ang satisfaction rating ni PNoy base sa pinakabagong pananaliksik ng Social Weather Stations (SWS) survey.

Malinis at matinong pamamahala ang ipinagkakaloob sa bansa ni Pangulong Aquino kaya naman nakikita ito ng nakakaraming pamilyang Pilipino.

Patuloy at walang puknat ang pagpapabuti ni Pangulong Aquino sa pagkakaloob ng serbisyo sa publiko bilang bahagi ng matuwid na daan.

Asahan pa nating paghuhusayin ng Pangulo ang pagkakaloob ng mga reporma para sa kapakinabangan ng mas nakakaraming Pilipino sa nalalabing panahon ng kanyang termino.

Kabilang diyan ang patuloy na pagpapaunlad sa sektor ng imprastraktura, papalakas ng mga institusyong nagkakaloob ng direktang serbisyo sa publiko at makamit pa ang patuloy na pagsulong ng ekonomiya na mararamdaman ng bawat pamilyang Pilipino.

Sa SWS survey na isinagawa mula Hunyo 5 hanggang 8 sa hanay ng 1,200 respondents sa buong bansa, tumaas ng 10 porsiyento ang satisfaction rating ng Pangulo sa 57 porsiyento ngayong buwan mula sa 47 porsiyento noong Marso.

Nakakabilib talaga si PNoy dahil napakataas pa rin ng pagtitiwala ng publiko sa kanyang pamunuan kahit malapit nang matapos ang termino nito.

Sa kasaysayan, mababa ang lahat ng pagtitiwalang ibinigay ng publiko sa lahat ng nakalipas na administrasyon habang lumalapit ang pagtatapos ng kanilang termino.

Kung sa bagay, ang walang kapagurang paglaban ni PNoy sa katiwalian at pagsusulong ng mga programa para sa mahihirap ang susi sa patuloy na ma­laking pagtitiwala ng publiko.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/july0615/edit_spy.htm

Friday, July 3, 2015

‘Di dapat hinog sa pilit REY MARFIL




‘Di dapat hinog sa pilit
REY MARFIL



Nagbunyi ang komunidad ng mga bakla at tomboy sa buong mundo dahil sa makasaysayang desisyon ng Korte Suprema ng Amerika na nagdedeklarang legal ang pag-­aasawa ng magkaparehong kasarian sa lahat ng kanilang estado.

Dahil dito, nabuhay rin ang pag-asa ng mga “beki” at “tibo” sa Pilipinas na darating din ang panahon na papayagan ng Simbahan at gobyerno na nagpapalitan ng “I do” ang lalaki sa lalaki, at babae sa babae.

Kung tutuusin, hindi naiiwasan na talagang umaasa ang mga bakla at tomboy na payagan din ang same-sex union o marriage sa Pilipinas dahil sinasabing marami sa ating batas ay kopya, kung hindi man sadyang sinunod sa sistema ng Amerika.

Katunayan, ang sistema nating gobyernong presidensyal ay katulad sa Amerika na mayroong dalawang kapulungan ng Kongreso -- ang Senado at Kamara de Representantes.

Pero kung dito sa Pilipinas siguro nangyari ang desisyon ng Korte Suprema ng US, hindi kataka-taka kung dumating ang panahon na bawiin ng mga mahistrado ang kanilang desisyon. Kasi naman, dikit sa 5-4 boto ang desisyon ng mga mahistrado ng US. At dito sa atin, kahit bihirang mangyari ay nakailang beses nang binaliktad ng SC ang kanilang desisyon.

Subalit hindi dapat magpadalus-dalos ang ating mga opisyal sa pagpapasya sa isyu ng same-sex union o marriage para makiuso lang sa nangyari sa Amerika. Bilang isang Katoliko at ikinukonsiderang bansang konserbatibo, dapat na pag-aralang mabuti ang naturang paksa para matimbang nang mabuti ang magkabilang posisyon ng mga pabor at tutol.

Mas makabubuti rin kung ibabatay ng mga kinauukulan nating mga pinuno sa Kongreso at sa SC ang kanilang magiging pasya nang naaayon sa legal na basehan kaysa magpadala sa emosyon kung papahintulutan na maikasal ang magkapareho ng kasarian.

Bagaman karapat-dapat lang naman na kilalanin at maging kapantay sa karapatan ng mga “straight” ang mga bakla at tomboy, dapat din naman na may basehang legal at walang batas na malalabag sakaling payagan sa atin ang same-sex union o marriage.

***

Ang pamahaang Aquino, nais na ipaubaya sa mga mambabatas sa Kongreso at maging sa mga mahistrado ng SC ang pagtalakay sa legalidad kung papayagan ang pagpapakasal ng magkaparehong kasarian.

May mga nagsasabi kasi na kailangang amyendahan ang Saligang Batas para pahintulutan ang same-sex marriage at mayroon ding nagsasabi na hindi na kailangan. May nagsasabi rin na hindi na kailangan ang batas at SC na lamang ang dapat magpasya para payagan ang pagkasal sa magkaparehong kasarian, pero may nagsasabi rin na dapat may mapagtibay munang batas sa Kongreso.

Dati nang inihayag ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa panayam sa kanya noon na nais niyang ma­talakay nang mabuti ang usapin sa pagpapahintulot sa gay couple na umampon ng magiging anak. Nais kasi niya na matiyak ang kapakanan ng bata.

Kung pagkilala lang naman sa karapatan ng same-sex couple na magsama ang pag-uusapan, masasabing tanggap na rin naman ito ng maraming Pilipino. Subalit may mga same-sex couple na hangad na makakuha rin ng karapatang legal na natatanggap ng mga mag-­asawang lalaki at babae; katulad ng mga insurance, paghati ng ari-arian, pagbibigay ng mana, at iba pa.

Kumpara sa Amerika, masyado pang “bata” ang ating bansa kaya marami pa tayong dapat na matutunan at mapag-aralan. Huwag na huwag itong mamadaliin o gagamitan ng kalburo dahil ang prutas na hinog sa pilit ay maasim, mapakla at hindi kaaya-aya sa panlasa.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/july0315/edit_spy.htm

Wednesday, July 1, 2015

Tagtuyot, tag-ulan, tagtuyot REY MARFIL





Tagtuyot, tag-ulan, tagtuyot
REY MARFIL


Handa ka na ba, kabayan?

Hindi sa pagpili ng mga iboboto sa darating na May 2016 presidential elections, kung hindi sa magiging epekto ng mga darating na mga bagyo na posible umanong maging mas malalakas dahil naman sa nararanasan na nating patuloy na pag-init ng mundo.

Kung tutuusin, parang good news at bad news sa iba nating kababayan ang opisyal na pagdeklara ng PAGASA na tapos na ang summer season ngayong huling bahagi ng Hunyo at simula na ng panahon ng tag-ulan.

Sa datos ng mga eksperto, sinasabing naantala ng ilang linggo ang pagpasok ng panahon ng tag-ulan ngayong taon bunga na rin ng labis na init ng panahon. Kung tutuusin, inaasahan na sa Oktubre pa raw lubos na makakaapekto sa atin ang El Niño phenomenon na tatagal hanggang sa unang bahagi ng 2016. Pero kapansin-pansin na kahit idineklara na ang rainy season, nananatiling tirik pa rin ang init sa Metro Manila na paminsan-minsan ay lulunurin sa ilang oras na malakas na ulan.

Ang ilang lalawigan natin sa Northern Luzon, nagmamakaawa na sa ulan dahil natutuyo na ang kanilang mga sakahan. Samantalang ang ilang lugar naman sa Min­danao, nagdedeklara na ng state of calamity dahil sa pinsala ng ulan -- kahit wala pang bagyo.

Bunga ng abnormal na kalagayan ng ating panahon -- na nararanasan hindi lang sa Pilipinas kung hindi maging sa buong mundo sanhi ng global warming o climate change -- pinaghahanda ang publiko, hindi lang sa pagtama ng mga bagyo kung hindi maging sa mas matagal na epekto ng tagtuyot.

***

Sa mga lalawigan o lugar na nakararanas na nga­yon ng kakapusan ng tubig dahil sa El Niño, mabuting kumilos na ang mga kinauukulang ahensya at lokal na pamahalaan upang humanap ng paraan kung papaano makakapag­reserba ng tubig na ibubuhos ng paparating na mga bagyo. Katunayan, maging ang mga residente sa Metro Manila ay pinayuhan nang magtipid ng konsumo ng tubig dahil patuloy pa ang pagbaba ng tubig sa dam na pinagkukunan ng tubig na dumadaloy sa ating gripo.

Kahit pinapangambahan na malalakas ang mga bagyo na darating, inaasahan naman na mas kaunti ang bagyong tatama sa bansa ngayong taon. Kaya doble ang dapat paghandaan ng publiko -- ang tagtuyot at malakas na bagyo; depende siguro sa lugar na kinaroroonan mo kung ano sa dalawa ang matindi ang tama ng kalikasan.

Matuto na dapat tayo sa naging karanasan ng marami nating kababayan sa pinsalang idinulot ni Yolanda. Bukod sa pagpapatibay ng mga bahay, dapat makinig tayo at sumunod sa abiso at ipag-uutos ng lokal na pamahalaan kapag may banta ng kalamidad.

Sa ganitong panahon higit na kailangan ang kahandaan ng lokal na pamahalaan, magmula sa antas ng barangay, upang masuri ang kahinaan at lakas ng kanilang nasasakupan sa pagtugon sa mga kritikal na sitwasyon.

Ngayon pa lang, alamin na ang mga peligrosong lugar na babahain, tatamaan ng daluyong o matatabunan ng lupa. Dapat ding tiyakin na ligtas ang mga mapipiling lugar na gagawing evacuation center para hindi malagay sa panganib ang mga taong lumikas dahil sa panganib.

Nagsikap ang pamahalaang Aquino na matugunan ang pangangailangan ng ating state weather bureau o PAGASA upang makapagbigay ng tamang datos at impormasyon sa papalapit na kalamidad. Ngayon, nakasalalay sa kamay ng mga lokal na opisyal ang agad na pagkilos para ilikas ang kanilang mga kababayan kung may banta sa buhay ng kanilang mga nasasakupan.

Bukod sa paghahanda, ipagdasal natin na sana ay hindi maulit ang tindi ng pinsala na idinulot ni Yolanda para hindi makapaminsala sa buhay ng marami na­ting kababayan at maging maganda ang iiwang ekonomiya ng pamahalaang Aquino bago magtapos ang kanyang termino 2016.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)