Pagpalawak sa benepisyo! | |
REY MARFIL |
Hindi ba’t kapuri-puri ang kautusan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa pamunuan ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na ipagkaloob ang mas mahusay na serbisyong pangkalusugan para sa mga Filipino?
Nadagdagan nang husto ang benefit package ng mga pasyenteng may sakit sa bato kung saan sasakupin nito ngayon ang 90 dialysis sessions bawat taon mula sa kasalukuyang 45 dialysis sessions.
Inihayag ni PhilHealth president at chief executive officer Alexander Padilla na inaprubahan na ng board of directors ang pagpapalawak sa benepisyo dahil na rin sa lumalalang problema ng bansa sa sakit sa bato.
Ibinaba naman ng PhilHealth sa P2,500 kada sesyon ang kasalukuyang P4,000 hemodialysis session dahil sobra-sobra ang halaga para sagutin ang gastusin.
Batid ng Pangulo na malaki ang maitutulong ng pinalawak na benepisyo upang matugunan ang pangangailangan sa pagpapagamot ng mahihirap nating mga kababayan.
Nakakatuwa rin sa naging desisyon ng PhilHealth na hindi maaapektuhan ang kalidad ng gamutang maibibigay sa bawat benepisyunaryo sa kabila ng pinalawak na benepisyo.
***
Sa datos ng PhilHealth noong 2014, naitala ang pinakamataas na bilang na 691,489 na kaso ng hemodialysis sa lahat ng procedures na nagkakahalaga ng P4,666,806,642.
Nag-ugat ang paglaki ng kaso sa dumadaming bilang ng mayroong diabetes at hypertension.
Nakakatuwa rin na maaaring pakinabangan ang libreng benepisyo sa lahat ng PhilHealth accredited na dialysis centers at ospital sa buong bansa.
Maganda rin ang ginagawang pagbabantay ng PhilHealth sa programa ng pamahalaan upang maiwasang abusuhin ang reimbursement sa mga sumailalim sa programa.
Noong nakaraang buwan, inihayag ng PhilHealth ang pag-imbestiga nito sa Pacific Eye Institute sa Makati City at Quezon City Eye Center sa Quezon City dahil sa umano’y maanomalyang transaksyon na nagkakahalaga ng P402 milyon noong 2013 at 2014.
Karamihan sa isinagawang medical procedures sa dalawang eye centers ang mga pasyenteng may katarata.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)