Friday, May 29, 2015

Kastilyong buhangin



Kastilyong buhangin
REY MARFIL

Lalong tumitindi ang tensiyon sa West Philippine o South China Sea matapos mapatunayan mismo ng Amerika ang paghahari-harian ng China na gustong kontrolin ang mga sasakyang-pandagat at maging sa himpapawid na dumadaan sa bahagi ng pinag-aagawang teritoryo.

Nang mapadaan kasi minsan ang isang surveillance aircraft ng Amerika sa pinag-aagawang teritoryo, pilit itong pinapaalis o itinataboy ng Chinese Navy dahil sakop daw nila ang teritoryo. 

Inaangkin ng China ang halos 90 porsiyento ng West Philippine o South China Sea base sa ipinagpipilitan nilang mapa na nine-dash-line. Nagtayo pa sila ng mga isla sa pamamagitan ng pagtambak ng buhangin na ga­ling sa ilalim ng dagat sa mga bahura at batuhan. Kabilang sa mga artipisyal na isla na itinayo ng China ay nasa teritoryo ng Pilipinas.

Pero kung tutuusin, ang lugar na niliparan ng surveillance aircraft ng US ay itinuturing na international water at airspace kaya malaya dapat na dumaan doon ang anumang barko at eroplano.  

Ang ginagawa ng China ay pagsikil o pagkontrol sa kalayaan sa pagbiyahe ng lahat ng bansa sa natu­rang lugar.

Katwiran ng China, ipinaglalaban nila ang kanilang karapatan na protektahan ang kanilang teritoryo. Ang kanila raw paninindigan, “to maintain sovereignty and territorial integrity is as solid as a rock.”

Maganda sana ang naturang linya ng China kung totoo. Ang kaso, ang mga lugar na kanilang inaangkin at nilagyan ng isla ay hindi nila teritoryo kundi teritoryo ng Pilipinas. Kung may basehan ang kanilang pag-angkin, bakit ayaw nilang sagutin ang protesta o kaso na isinampa ng pamahalaang Aquino sa arbitration panel ng Uni­ted Nations tungkol sa kanilang ginagawang pambabarako sa Pilipinas.

Bukod dito, malinaw na ang sinasabi nilang ipinaglalabang teritoryo sa West Philippine o South China Sea ay hindi “solid as rock” kundi mga isla “na gawa sa buhangin”.

***

Sa harap ng umiinit na girian ng US at China sa usapin ng “freedom of navigation” sa West Philippine o South China Sea, na hiwalay sa pansarili nating problema sa China tungkol sa pang-aagaw nila sa ating teritoryo, nananatili ang posisyon ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na resolbahin ang usapin sa mapayapang paraan.

Gayunman, nagpahayag si PNoy na patuloy na bibiyahe ang mga eroplano ng Pilipinas sa mga ruta na kinikilala ng pandaigdigang batas na puwedeng maglayag kahit pa sa mga lugar na nais kontrolin ng China. Sa nga­yon, hindi pa naman direktang nagdedeklara ang China ng air defense identification zone o ADIZ sa pinag-aagawang teritoryo kaya hindi pa masasabing mahigpit ang pagbabantay nila sa mga sibilyang eroplano.

Pero habang maaga pa, marahil ay dapat na ring subukin ng ibang bansa sa Asya -- lalo na ng iba pang bansa na may inaangkin ding bahagi sa pinag-aagawang te­ritoryo kabilang ang Malaysia, Taiwan, Brunei, Vietnam -- ang ginagawang pagkontrol ng China sa lugar at kondenahin para makita ng mundo ang nangyayari sa West Philippine o South China Sea.

Sa kabila ng pambabarako ng China at pagpapakita ng kanilang lakas-militar, tiyak na manghihina ito kapag pumanig sa Pilipinas ang desisyon ng arbitration panel, at kung maglalabas ng nagkakaisang tinig ang ASEAN countries at maging ang iba pang bansa sa ibang panig ng mundo kaugnay sa panganib na ginagawa ng China na maaaring pagsimulan ng digmaan.

Dapat malaman ng China sa laman ng isang awitin ni Basil Valdez, na ang kastilyong buhangin ay sakdal-rupok at huwag ‘di masaling, guguho sa ihip ng ha­ngin. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

http://www.abante-tonite.com/issue/may2915/edit_spy.htm#.VWhimc9Viko

Wednesday, May 27, 2015

Handa ka ba sa ‘the big one’? REY MARFIL



Handa ka ba sa ‘the big one’?
REY MARFIL


Nitong mga nakaraang araw, masidhi ang ginawang pagpapakalat ng impormasyon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) para magbigay ng babala sa publiko tungkol sa malakas na lindol sa Metro Manila na tinatawag nilang “the big one” na maaaring idulot ng paggalaw ng Valley Fault System.

May ilan na pumupuna sa PHIVOLCS na parang “praning” daw at nagpapakalat lang ng takot sa publiko sa kanilang ginagawa. Kasi nga naman, wala pa namang naiimbentong instrumento na makapagsasabi kung kailan talaga magaganap ang lindol. Pero ang tanong, dapat ba nating ipagwalang-bahala ang kanilang babala?

Kung tutuusin, ang paalala ng PHIVOLCS ay para naman sa kaligtasan ng mga tao at hindi sa kanilang sarili. Katunayan, dahil sa ipinalabas nilang Valley Fault System (VFS) Atlas, o ang mapa na nagpapakita ng mga lugar, barangay, subdibisyon, bahay at paaralan na nasa ibabaw o malapit sa fault line, marami ang nagkaroon ng kaalaman at mas lalo silang magiging alerto kapag nagkaroon ng malakas na lindol.

Huwag nating kalimutan ang nangyaring pinsala na idinulot ng bagyong Yolanda. May mga hindi naniwala sa babala sa malakas ng hangin na dala ng bagyo at marami ang hindi nakababatid sa tinatawag na storm surge o daluyong? Kaya naman napakalaki ng pinsala at napakaraming nasawi sa nangyaring hagupit ng bagyo. 

Pero mula nang maganap ang Yolanda at nakita nila ang hagupit ng super typhoon, mas alerto na tayo nga­yon kapag may babala ng malakas na bagyo.

Kaya hindi naman siguro masama kung parang nananakot ang PHIVOLCS sa pagsasabing maaaring maganap sa ating panahon ngayon ang “the big one”. Base na rin kasi sa mga isinagawang pag-aaral at pag-analisa ng mga dalubhasa, nakakakilabot ang pinsalang maaaring idulot ng isang napakalakas na lindol gaya ng tumama sa Nepal kamakailan na 7.8 magnitude at mahigit 8,000 katao ang namatay.

***

Dahil siksikan ang tao sa Metro Manila at napakara­ming gusali, ang lindol na may lakas na 7.2 magnitude ay pinapangambahang kumitil ng mahigit 30,000 katao sa loob lamang ng isang oras matapos ang unang malakas na pag-uga. Posibleng nasa mahigit 100,000 katao naman ang maaaring masaktan.
Mapuputol ang linya ng komunikasyon, transportasyon at kuryente, at maaaring magkaroon pa ng mga sunog.

Natural na hindi naman nais ng mga nagsagawa ng pag-aaral na magkatotoo ang kanilang pagtaya.
Ginawa nila ang pag-aaral para maging handa ang publiko at sa­ngay ng gobyerno para makontra at hindi mangyari ang kanilang mga pinapangambahang maganap kapag nangyari ang malakas na paggalaw ng lupa.

Isang halimbawa na nga rito ang ginagawa ng PHIVOLCS na magpakalat ng impormasyon kung papaano mapag-iingat at kung ano ang dapat gawin kapag nangyari na ang lindol. Sa kanilang website, makikita kung saan ang mga lugar na tatamaan ng East Valley Fault (na nasa Rizal), at ang West Valley Fault (umaabot sa Bulacan, Rizal, Metro Manila, Cavite, at Laguna).

Nagbigay din ng check list ang PHIVOLCS kung papaano malalaman kung kakayanin ng inyong bahay ang malakas na lindol, saan ang lugar na ligtas puntahan, at ano ang taktikang “duck, cover and hold” na madalas nating makita sa mga earthquake drill na makapagliligtas ng buhay.

Tama na hindi natin alam kung kailan mangyayari ang lindol, pero mas mabuti na ang laging takot pero laging handa, kaysa maging kampante pero aligaga at hindi alam ang gagawin kapag naganap na ang “the big one”.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)

http://www.abante-tonite.com/issue/may2715/edit_spy.htm#.VWXDUM9Viko


Monday, May 25, 2015

Makakatugon!



Makakatugon!
REY MARFIL


Hindi ba’t magandang balita ang pagkakakuha ng Philippine National Police (PNP) sa mahigit sa 200 bagong troop carriers na nagkakahalaga ng P1.8 mil­yon bawat isa na gagamitin ng espesyal na yunit para mapalakas ang kampanya laban sa krimen.

Ipinagkaloob na sa PNP ang tinatawag na ­medium patrol jeeps na gawa ng Kia at pinangunahan nina ­Interior Sec. Mar Roxas at PNP officer in charge De­puty Director General Leonardo Espina ang blessing ng mga sasakyan sa Camp Crame.

Magagamit ang mga sasakyang nagkakahalaga ng kabuuang P397 milyon para sa mabilis na pagtugon ng puwersa ng pambansang pulisya sa iba’t ibang sitwasyon.

Magiging epektibo ang mga malalakas na sasak­yan na mayroong kakayahang magpunta sa kabundukan, kabukiran at iba pang malalayong mga lugar sa bansa na sadyang mahirap puntahan.

May kakayahan rin ang isang sasakyan na magsakay ng 10 hanggang 12 katao.

Dahil sa pagtalima ng mga opisyal sa matalinong paggugol ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, nakatipid ang pamahalaan ng mahigit sa P70 milyon.

Mula kasi sa orihinal na P476 milyong pondo sa Department of Budget and Management (DBM), na­ging P397 milyon na lamang ang proyekto matapos ang mabusising proseso para matiyak na hindi mauuwi sa katiwalian ang pampublikong pondo.

Ibabalik naman ang sumobrang pondo sa DBM o gagamitin sa pagbili ng iba pang mga pangangaila­ngan ng PNP sa hinaharap.

***

Puring-puri ang mga miyembro ng Filipino community sa Canada sa epektibong liderato ni PNoy gamit ang transparent at mabuting pamamahala.

Matapos makipagkita ang Pangulo sa ating mga kababayan sa kanyang pagbisita doon, ipinagmalaki ni Philippine Consul General Neil Frank Ferrer ang malaking paghanga ng Filipino community dahil sa nakamit na tagumpay sa ekonomiya at kampanya laban sa katiwalian.

Kinikilala rin ng Pangulo sa kanyang pagharap sa mga kasapi ng Filipino community ang malaking kontribusyon ng overseas Filipino workers (OFWs).

Bilib sila dahil walang inatupag ang Pangulo kundi ang pagpapabuti sa kalagayan at interes ng mara­ming mga Pilipino.

Hiling ng ating mga kababayan na maipagpatuloy pa sana ang magandang takbo ng ekonomiya sa bansa kahit matapos na ang termino ng ating Pangulo.

Asahan nating lalong bubuti ang lagay ng bansa sa nalalabing panahon ng panunungkulan ng Punong Ehekutibo at umaasa tayong maipagpapatuloy ng papalit sa kanya sa kapangyarihan matapos ang Hunyo 2016 ang magagandang bunga ng malinis na pamamahala.

Sa linis ng pamumuno ni Pangulong Aquino, si­guradong susuportahan ng publiko ang sinumang mga kandidatong mapipisil nitong papalit sa matataas na posisyon sa bansa.

Nakabalik na sa bansa si Pangulong Aquino at mga kasapi ng kanyang delegasyon noong nakalipas na Linggo matapos ang matagumpay na tatlong araw na state visit sa Canada mula Mayo 7 hanggang 9 at isang araw na working visit sa Chicago, USA noong nakaraang Mayo 6. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/may2515/edit_spy.htm#.VWJN8k9Viko

Friday, May 22, 2015

Pagdebatehan sa plenaryo REY MARFIL



Pagdebatehan sa plenaryo
REY MARFIL


Magandang hakbang tungo sa kapayapaan -- hindi lang sa Mindanao kundi sa buong bansa -- ang naging pasya ng House ad hoc committee on the Bangsamoro Basic Law sa ginawa nilang pag-apruba sa draft bill na naglalayong bumuo ng bagong political entity na ipapalit sa kasaluku­yang Autonomous Region on Muslim Mindanao o ARMM.

Sa ginawang pag-apruba ng nasabing komite na pinamunuan ni Cagayan de Oro Rep. Rufus B. Rodriguez, nakausad na muli ang sasakyang pangkapayapaan at maipapasa na ngayon ang bola sa pagtalakay sa naturang panukalang batas sa buong kapulungan ng mga mambabatas.

Bagaman nagkaroon ng mga pagbabago sa ilang probisyon sa BBL, positibo pa rin ang naging pagtanggap dito ng liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) kahit sinasabing nabawasan o naalis ang ilan sa kanilang “wish list” sa magiging laman ng isinusulong na bagong liderato sa autonomous region ng Mindanao.

Sabi ni MILF chief negotiator Mohagher Iqbal, kahit may mga malalaking mungkahi sila sa komposisyon ng itatatag ng political entity na ipapalit sa ARMM, masaya pa rin sila sa pag-usad ng BBL. Kaya naman daw 90 porsiyento ng laman ng draft bill na inaprubahan ng komite ni Rodriguez ay suportado nila.

Sa kabila ng posibleng pagkilos ng mayorya sa mga kasapi ng komite ni Rodriguez, hindi pa rin maiiwasan ang magkaroon ng intriga na galing sa hanay ng mga ilang kasapi ng oposisyon na tutol sa BBL. Pero sana, kahit tutol sila sa BBL, hindi naman sana sila tutol sa kapayapaan sa Mindanao, na kung tutuusin ay magiging kapayapaan ng buong Pilipinas.

Matapos kasi ang pagpasa ng BBL sa komite, luma­bas ang mga tsismis na nagkaroon daw ng suhulan sa mga mambabatas na bumoto pabor sa panukalang batas. Ang kanilang alegasyon, bibigyan daw ng gobyerno ng pondo para sa pet projects ng mga kongresista na boboto para sa paglusot ng BBL. 

Kung totoo man ang tsismis at lalabas na ang “suhol” ay para sa proyekto sa distrito na ang mga tao ang makikinabang, aba’y hindi na siguro masama. Ang masama ay kung direkta sa bulsa ng mga mambabatas ang punta ng suhol, na tiyak naman na hindi mangyayari sa liderato ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino.

Sabi kasi sa intriga, nangyari raw ang aregluhan nang pulungin ni PNoy ang mga kongresista noong weekend bago maganap ang botohan. Pero pinabulaanan na ito ng Palasyo. Ang totoo, pinulong ng Punong Ehekutibo ang ilang kongresista para pag-usapan ang ‘timetable’ sa pag-apruba ng BBL.

***

Kung tutuusin, ang naturang alegasyon o intriga ng suhulan ay insulto sa mga mambabatas dahil nais palabasin ng ilan sa kanilang kasamahan na tutol sa BBL na wala silang sariling desisyon at nababayaran.
Papaano kaya kung baliktad ang nangyari at hindi nakalusot sa komite ang BBL? Ano naman kaya ang sasabihin ng oposisyon at kritiko ng administrasyon?

Nauna nang ipinaliwanag ng Palasyo na nang dahil sa nangyaring trahedya sa Mamasapano, Maguindanao, nausod nang nausod ang target date ng pamahalaan na maaprubahan ng Kongreso ang BBL na kanilang sinusuportahan. Kaya natural lang kay PNoy na alamin mula sa mga mambabatas kung kakayanin pang maipasa ang panukalang batas sa panibago nilang target period kaya nakipagpulong siya sa ilang mambabatas.

Para kasi kay PNoy, naniniwala siya na makatutulong ang BBL para maituwid ang mga pagkakamali sa ginawang eksperimento sa paglikha ng ARMM. Kapag nalunasan ang mga butas sa pamamahala sa autonomous region, posibleng makamit na ang kapayapaan sa Mindanao; at ang katahimikan sa Mindanao at magdudulot din ng katahimikan sa buong bansa.

Sa pagkilos ng mga kongresista upang dalhin na sa plenaryo ang debate sa BBL, makabubuting sumunod na rin ang komite sa Senado na tumatalakay sa BBL. Dapat na aprubahan na rin nila sa komite ang BBL at hayaan itong pagdebatehan ng lahat ng senador at saka magpasya kung nararapat o hindi ito nararapat na maging ganap na batas.

Marahil ay sapat na ang oras na ginugol ng mga kongresista at senador sa pag-aaral sa panukalang batas sa BBL. Panahon na para malaman ng mga mamamayan ang pasya ng buong kapulungan ng Kamara at ng Senado sa pamamagitan ng debate sa plenaryo ang magiging kapalaran ng BBL. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)

http://www.abante-tonite.com/issue/may2215/edit_spy.htm#.VV8o-U9Viko

Wednesday, May 20, 2015

Lumalakas ang turismo



Lumalakas ang turismo
REY MARFIL


Hindi ba’t kapuri-puri ang ginawang hakbang ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na talakayin sa kanyang pagbisita sa Canada ang pagresolba sa shipping containers na naglalaman ng mga basura na dumating sa Pilipinas mula sa nasabing bansa.

Iniutos na rin noon pa ni PNoy sa Bureau of Customs (BOC) na sampahan ng mga kasong kriminal ang importer na Chronic Plastics at licensed brokers dahil sa ilegal na shipments.

Tinatayang 50 shipping containers na naglalaman ng iba’t ibang basura ang ilegal na ipinasok sa bansa mula Canada noong Hunyo hanggang Agosto 2013.

Patuloy ang ginagawang pagsusumikap ng Pangulo­ para agarang mahanapan ng solusyon ang problema.

Kinasuhan ng BOC noong Pebrero 2014 ang Chronic Plastics at licensed brokers ng paglabag sa Tariff and Customs Code of the Philippines, at Toxic Substance and Hazardous Wastes and Nuclear Wastes Control Act of 1990 (Republic Act 6969).

Noong Disyembre 2014, isinampa ng prosekusyon matapos ang preliminary investigation ang kabuuang 15 kasong kriminal sa Manila Regional Trial Court (MRTC) laban sa mga ito.

Nagsagawa ang Interagency Technical Working Group (ITWG) na pinumunuan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng Waste Analysis and Characterization Study (WACS) para madetermina ang laman ng shipping containers.

Sa resulta, naglalaman ang shipping containers ng mga basurang hindi maaaring ma-recycle, ngunit maaari namang ayusin para maitapon at hindi maging mapanganib.

Inirekomenda ng ITWG ang pagproseso sa mga basura gamit ang tamang paraan at pamantayan upang maitapon ang mga ito sa pamamagitan ng tinatawag na cement kiln co-processing o direktang pagtatapon sa landfill.

Batid ng Pangulo ang kahalagahan na magkaroon ng hustisya sa pangyayari lalo’t lubhang mapanganib sa kaligtasan ng publiko ang mga basurang natakambak pa sa Port Area sa nakalipas na dalawang taon.

***

Malaki ang maitutulong sa turismo ng katatapos lamang na P150-milyong kalsada sa Bukidnon patu­ngo sa isa sa mga pangunahing tourist attraction doon.

Naging posible ang bagong access road na ginawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pamamagitan ng matuwid na daan ni PNoy. Nasa ilalim ang programa ng Tourism Infrastructure Program na matatagpuan sa Sitio Kalanganan­, Barangay San Vicente sa bayan ng Baungon.

Dahil sa proyekto, magiging madali para sa mga turista na mabisita ang Rafflesia Yard na idineklara ng DENR na kritikal na tahanan ng pambihira at pinakamalaking bulaklak sa bansa o ang Rafflesia na kilala rin sa lokal na tawag na ‘boo’ o ‘kolon busaw’.

Sa buong mundo, ikalawa ang Rafflesia sa pinakamalaking bulaklak na maaaring umabot sa 80 sentimetro.

Siguradong dadayuhin ng mga turista ang lugar at magkakaroon ng karagdagang hanapbuhay ang mga tao roon.

Unang napabalita na natukoy ang Rafflesia sa Bukidnon ng botanist na si Ulysses Ferreras bilang Rafflesia Schadenbergiana Goppert na inakala noon na extinct na.

Huli kasing nakita ang bulaklak ni German Alex Schandenberg sa Mt. Apo noong 1881 bago ito muling nakita sa Bukidnon matapos ang 126 taon.

Bukod sa pambihirang bulaklak, matatagpuan din sa Bukidnon ang apat na bundok na kabilang sa 10 mataas sa bansa na kinabibilangan ng Mt. Dulang-Dulang (2nd), Mt. Kitanglad (4th), Mt. Kalatungan (5th), at Mt. Maagnaw (8th). 
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)

http://www.abante-tonite.com/issue/may2015/edit_spy.htm#.VVyC5vlViko


Monday, May 18, 2015

Kagimbal-gimbal REY MARFIL



Kagimbal-gimbal
REY MARFIL

Nakalulungkot at nakagigimbal ang trahedyang nangyari sa Valenzuela City sa pagkasawi ng 72 katao na pinaniniwalaan na pawang mga karaniwang manggagawa sa nasunog na pagawaan ng tsinelas.

Ang nangyari sa Valenzuela City ay nagpapaalala sa malagim na trahedya na nangyari rin sa Bangladesh noong nakaraang taon kung saan 112 manggagawa sa pabrika naman ng damit ang namatay ng dahil din sa pagkasunog ng kanilang gusali.

Gaya ng nangyari sa Bangladesh, may pagkakatulad ang nangyari sa Valenzuela dahil sa kondisyon ng gusali na sinasabing nakulong ang mga nasawi sa ikalawang palapag dahil sa kawalan ng sapat na fire exit at may rehas ang mga biktima.

Maliban sa posibleng kapabayaan sa hindi pagsunod ng may-ari ng gusali sa Fire Safety Code, nararapat ding pagtuunan ng atensiyon ang kalagayan ng mga karaniwang manggagawa sa mga tinatawag na “sweat factory”.

Ito ang mga pabrika na literal na mainit ang kapaligiran dahil sa kakulangan ng bentilasyon kaya talagang pinagpapawisan ang mga manggagawa. Bukod diyan, hindi rin sila nabibigyan ng sapat at tamang sahod at benepisyo.

Dahil karamihan sa mga manggagawang ito ay hindi nakatapos ng pag-aaral at gipit na makahanap ng trabaho para makatulong sa kanilang mga pamilya, lantad sila sa pang-aabuso ng mga mapagsamantalang kapitalista.

***

Isa sa nakitang pag-abuso ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Rosalinda Baldoz sa sitwasyon ng nasunog na pabrika sa Valenzuela ay ang pagkakaroon umano ng sub-contractor na kumu­kuha ng mga manggagawa na “pakyawan” ang ­trabaho at hindi arawan.

Ibig sabihin, may quota sila o dami ng magagawang tsinelas para makatanggap ng sahod na lumilitaw din na mababa sa itinatakdang batas sa minimum wage.

Sa ganito nga namang sitwasyon, may lusot ang may-ari ng pabrika pagdating sa isyu ng pasahod at benepisyo dahil ikakatwiran lang niya na idinadaan niya sa kausap na kontratista ang tamang pasuweldo.

Sa nangyaring ito sa pabrika ng Valenzuela, tiyak na lalong magiging mahigpit ang pamahalaang Aquino sa mga mapang-abuso at mapagsamantalang mga negosyante. Bagaman kailangan natin lumikha ng mga trabaho, hindi naman siguro makatwiran na abusuhin ang mga manggagawa.

Kamakailan nga lang ay nakiusap si PNoy sa isang pagtitipon ng mga employer na matuto naman silang magdagdag ng sahod at magbigay pa ng benepisyo sa kanilang mga manggagawa. Simple lang naman kasi ang katwiran ng Pangulo, katuwang ng mga negosyante ang mga manggagawa sa paglago ng negosyo kaya dapat lang na mabahaginan sila ng natatamasang pag-unlad sa kita.

Ayon nga kay Baldoz, naging pursigido ang pamahalaang Aquino na mapabuti ang kalagayan ng mga manggagawa sa ating bansa. Katunayan, umabot na sa 10,000 ng tinatayang 15,000 illegal employment agencies ang kanilang naipasara.

Hindi na natin maibabalik ang buhay ng mga manggagawang nasawi sa Valenzuela. Ang magagawa na lamang ng pamahalaan ay mabigyan ng katarungan at mapanagot ang mga may kasalanan sa kanilang sinapit.

Dapat ding matugunan ang mga problema sa sektor ng paggawa tulad sa usapin ng pasahod at kanilang kaligtasan sa lugar na kanilang pinagtatrabahuhan para hindi na maulit ang trahedyang ito. 
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

http://www.abante-tonite.com/issue/may1815/edit_spy.htm#.VVnjEvlViko

Friday, May 15, 2015

Dagdag-trabaho, bawas-gutom REY MARFIL



Dagdag-trabaho, bawas-gutom
REY MARFIL


Maganda at tila nagtutugma ang resulta ng nakaraang survey ng Social Weather Station tungkol sa bilang ng mga walang trabaho at pamilyang nagugutom sa bansa sa unang tatlong buwan ng taong 2015.

Base sa resulta ng nabanggit na survey na ginawa noong Marso 20-23, sinasabing nasa 19.1 percent ang bilang ng mga walang trabaho sa bansa, na mas mababa sa naitalang 27 percent sa huling survey na ginawa noong December 2014.

Magandang balita ito para sa administrasyon ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na patuloy na gumagawa ng mga programa na mapalago ang ekonomiya ng bansa upang makalikha ng maraming trabaho para sa mga Pilipino.

Batay sa datos ng SWS, pababa nang pababa ang unemployment rate sa kanilang survey mula noong Marso 2012 kung saan naitala ang pinakamataas na bilang na 34.4 percent ng mga walang hanapbuhay.

Maganda rin ang resulta sa usapin ng positibong pananaw ng mga Pilipino na mas maraming trabaho ang maaasahan sa taong ito na umangat sa +20 percent mula sa dating +16 noong Disyembre.

Ang pagkakaroon ng trabaho ng mas maraming Pinoy ay indikasyon na sadyang gumaganda ang ekonomiya ng bansa at pagkakaroon ng tiwala ng mga negosyante na mamumuhunan sa ilalim ng liderato ng “daang matuwid” ni Aquino.

At kung tumaas ang bilang ng mga may hanapbuhay, natural lang na mabawasan din ang bilang ng mga pamilyang nagugutom. Kaya naman siguro lumitaw sa isa pang survey na ginawa ng SWS na nabawasan ang bilang ng pamilyang nagsasabi na nakararanas sila ng araw na hindi kumakain.

***

Sa datos ng pag-aaral na ginawa rin sa nabanggit na buwan ng Marso, sinabing 13.5 percent ng pamilya ang nakararanas ng walang makain, na mas mababa sa 17.2 percent na naitala noong Disyembre 2014.

Sinasabing ito na ang pinakababang bilang ng mga pamilyang nagsasabing nakararanas ng gutom sa nakalipas na sampung taon.

Kung tutuusin, mataas pa rin naman ang naturang bilang pero magandang balita na rin ito dahil lumilitaw na nagkakaroon ng resulta ang mga programa ng pamahalaang Aquino kontra sa kahirapan at gutom.

Ayon sa Palasyo, ang pagkabawas ng bilang ng mga nagugutom ay resulta ng mga programa ng gobyerno tulad ng conditional cash transfer Pantawid Pamilyang Pi­lipino Program at pagpapalawig ng PhilHealth program.

Pero siyempre, ang magandang balitang ito ay masamang balita sa mga kritiko ng administrasyon na pilit pa ring maghahanap ng butas at paraan para kumontra. Gaya na lang ng katwiran ng isang makakaliwang grupo na nagsabing kaya nabawasan ang bilang ng mga nagugutom ay dahil daw sa mga pagkain sa basurahan na kung tawagin ay “pagpag.”

At kahit nabawasan ang bilang ng mga walang trabaho, idinahilan pa rin ng mga kritiko na hindi pangmatagal o kaya naman ay makabubuhay ng pamilya ang trabahong nakukuha ng mga kababayan natin. Aba’y sadyang may mga taong sala sa init, sala sa lamig, at mahirap pasayahin.

Ngunit para sa marami nating kababayan, tiyak na ang hiling nila ay madagdagan pa sana ang trabahong maibibigay ni PNoy sa nalalabing isang taon niya sa panunungkulan nang mabawasan pa lalo ang bilang ng mga nagugutom.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

http://www.abante-tonite.com/issue/may1515/edit_spy.htm#.VVXwZflViko

Wednesday, May 13, 2015

World class ang husay ng mga Pinoy



World class ang husay ng mga Pinoy
REY MARFIL




Nakakabilib ang mga kababayan nating sumali sa kauna-unahang Asia’s Got Talent. Sa siyam kasi na nakapasok sa grand finals, apat dito ay nagmula sa Pilipinas.

Sa pangalan pa lang ng programa, alam na natin na pagalingan ng talento ang labanan ng mga kalahok.
At kung talento ang pag-uusapan, makikita kung gaano karami ang mga Pinoy.

Ang isa sa mga lumalabas na paboritong manalo na El Gamma Penumbra ay grupong nagpapakita ng galing sa pagsayaw na anino lang ang nakikita. Nagpapahayag sila ng iba’t ibang mensahe tulad ng pangangalaga sa kalikasan na ipinakita nila sa finals.

Magkaibang husay naman sa pag-awit ang ipinamalas ng operatic singer na si Gerphil Flores, at ang mala-diva na si Gwyneth Dorado kahit 11-anyos pa lang siya. Nakilala naman at hinangaan sa kanilang buwis-buhay na pagsayaw ang hip hop dance group na Junior New System. 

Hindi na kataka-taka kung tutuusin ang pagkakapasok ng apat na kinatawan ng Pilipinas sa nasabing kompetisyon. Kilala naman sa mundo ang galing ng mga Pinoy gaya nina Charice Pempengco, Manny Pacquiao, Lea Salonga, Efren ‘Bata’ Reyes, Monique Lhuillier, at marami pang iba.

Pero hindi lang sa sining at isports sikat ang mga Pinoy kung hindi maging sa trabaho. Maraming bansa na nangangailangan ng mga manggagawa tulad ng guro, nurse, at kahit sa construction works, ang nagbibigay ng prayoridad sa mga Pilipino.

May mga nagsasabi na marami sa mga kababayan natin ang napipilitan na mangibang bansa dahil sa kawalan ng oportunidad sa Pilipinas. Pero kung pagninila­yan natin ang usapin tungkol sa pagiging OFWs, puwede mo ring isipin na marami ang kababayan natin na nangi­ngibang bansa dahil nanghihinayang sila sa magandang oportunidad at kita dahil nga marami ang bansa na nais na Pinoy ang makuhang manggagawa.

***

Bukod dito, ang katwiran na walang trabahong makuha sa Pilipinas kaya nangingibang bansa ang marami sa ating kababayan ay mukhang hindi na malaking dahilan ngayon mula nang manungkulan si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino. 

Gaya nang naging laman ng talumpati ni PNoy nang makadaupang palad niya ang komunidad ng mga Pinoy sa Canada, ibinalita niya ang patuloy na pagganda ng ekonomiya sa Pilipinas, ang pagdami ng mga negosyo na mapagkukunan ng trabaho, ang pagpapahusay sa edukasyon, at pagbaba ng bilang ng mga walang trabaho.

Naging maganda at masaya ang pakikipag-usap ni PNoy sa mga kababayan natin na nasa Canada dahil pinili ng pangulo ng gawin ang kanyang talumpati sa sarili nating wikang Filipino. Kaya naman kahit nasa ibang bansa sila, para na rin silang nakauwi sa Pilipinas nang sandaling iyon, at tiyak na marami sa mga kababayan natin na dumalo sa pagtitipon ang na-home sick na naman.

Buweno, kahit nasa ibang bansa sila, nagsisikap ang ating mga kababayan na maipakita ang kanilang galing sa trabaho upang umasenso at matulungan ang kapa­milya na naiwan sa Pilipinas.

Sa ating apat na pambato sa Asia’s Got Talent, may ilan na nangangamba na baka mahati ang boto para sa kanila at maging daan ng kanilang kabiguan. At dahil ang mananalo ay ibabatay sa dami ng mga boto at text, hindi natin alam ang kalalabasan ng resulta. Pero ang alam ng lahat ng buong Asya, ginawa niyo rin ang lahat ng inyong makakaya, hindi lang para sa ating bansa kung hindi para rin sa inyong mga pamilya.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)

http://www.abante-tonite.com/issue/may1315/edit_spy.htm#.VVMwXflViko

Friday, May 8, 2015

Bigyan ng pagkakataon ang BBL REY MARFIL



Bigyan ng pagkakataon ang BBL
REY MARFIL


May bagong pag-asang nakikita sa pagpasa ng isinusulong na Bangsamoro Basic Law (BBL) ng pamahalaan na inaasahang magiging daan tungo sa kapayapaan sa Mindanao.

Nitong nakaraang mga araw, dalawang mahalagang pangyayari ang naganap na maituturing na positibong hakbang tungkol sa pagkilos ng mga mambabatas sa Senado at Kamara de Representantes para pagtibayin na nila ang BBL.

Una rito ang naging resulta ng ginawang pagrepaso ng binuong Peace Council ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na inatasan niyang sumuri sa legalidad ng BBL. Ito’y bunga na rin ng mga naunang naglabasan na alegasyon na mayroong mga probisyon sa BBL na labag sa Saligang Batas.

At sino ang nasa tamang posisyon para magpasya kung labag o hindi sa Saligang Batas ang BBL?
Walang iba mismo kung hindi ang mga dating mahistrado sa Korte Suprema, tulad ni dating Chief Justice Hilario Davide at mga iginagalang na personalidad sa lipunan.

Mabuting ang mga tao na wala sa posisyon at nasa hanay ng pribadong sektor ang sumuri sa BBL para makapagbigay sila ng patas at walang kinikilingan pananaw tungkol sa kontrobersiyal na panukala.
Nakapaloob kasi rito ang pagbuo ng political entity sa Mindanao na papalit sa kasalukuyang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

At base nga sa pag-aaral ng Peace Council, maliban sa ilang salita sa BBL na dapat alisin at may dapat idagdag, sa pangkalahatan ay naaayon sa Saligang Batas ang BBL, na mahalagang bahagi ng usapang pangkapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front o MILF.

Sabi mismo ni Fr. Joel Tabora, na kumakatawan sa Peace Council member na si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, katanggap-tanggap ang panukalang batas at dapat suportahan ng lahat ng Pilipino.

At taliwas sa sinasabi ng ilan na masyadong makapangyarihan ang political entity na malilikha sa BBL, at mistulang hiwalay na estado, sinabi ni Davide na naaayon sa paglikha ng autonomous region sa bansa ang panukalang batas.

Paliwanag ng dating punong mahistrado, “The grant of exclusive powers to the Bangsamoro Government is not tantamount to a superior Bangsamoro government or a weakened Central Government. It only refers to powers that are devolved to the Bangsamoro government, which remains under the Central Government, but as an autonomous region.”

***

Bukod sa paglabas ng opinyon ng Peace Council tungkol sa BBL, magandang hakbang din ang ipinakita ng MILF sa balitang pagkakapatay ng kanilang mga tauhan sa wanted na si Basit Usman.

Matatandaan na kasama si Usman sa target ng mga operatiba ng Special Action Force (SAF) ng PNP sa ­Mamasapano, Maguindanao na nauwi sa trahedya at pagkamatay ng 44 na police commando.

Dahil kasama ang ilang tauhan ng MILF sa mga nakasagupa ng SAF, naapektuhan ang deliberasyon ng BBL at nagkaroon ng kuwestiyon sa katapatan ng MILF na makipagkasundo sa pamahalaan.

Ngayon, mismong ang militar ang nagkompirma na mga tauhan ng MILF ang nakahuli kay Usman nang pumasok ito sa kanilang teritoryo. Nang dadalhin na raw ito sa Central Committee ng MILF, pumalag si Usman at nauwi sa barilan kaya siya napatay.

Kung katapatan sa peace process ang hinahanap ng iba sa MILF, maaaring ang pagkakapatay nila kay Usman ay isang palatandaan na nais nilang bumawi sa anumang pagkakamali na nangyari sa Mamasapano.

Laging tandaan: 
“Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)

http://www.abante-tonite.com/issue/may0815/edit_spy.htm#.VUywPPlViko


Wednesday, May 6, 2015

Unawain natin!



Unawain natin!
REY MARFIL





Sa halip na kahabagan, inulan ng batikos si Gng. Celia Veloso, ang ina ni Mary Jane, ang Pinay na nahatulan ng kamatayan sa Indonesia dahil sa pagdadala umano roon ng iligal na droga. Pero sa halip na magpakumbaba kasi at pasalamatan ang mga nagdasal at tumulong sa kaso ng anak kaya hindi natuloy ang pag-firing squad, galit ang namutawi sa kanilang pagbabalik sa Pilipinas.

Kung pagbabatayan ang mga lumabas na ulat sa media, hindi maitatanggi na nagkumahog ang lahat -- ­maging ang pamahalaan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa huling mga linggo mula nang dalhin na sa exe­cution island si Mary Jane.

Nagsimula ang maituturing na “last two minute” sa kaso ni Mary Jane nang ibasura ng korte ng Indonesia ang apela ng Pilipinas na muling marepaso ang kaso ng Pinay. Naging “last minute” na lang nang ibasura uli ng korte ng Indonesia ang ikalawang apela ng Pilipinas at dinala na nga si Mary Jane sa execution island, ang lugar kung saan isinasagawa ang firing squad sa mga bilanggong hinatulad nila ng kamatayan.

Ngunit kung baga sa basketball, tila ang nalalabing segundo ng laban ay tila naaayon pa rin kay Mary Jane. Mantakin ba naman na ma-timing ang execution kay Mary Jane at walong iba pa, ilang araw bago ang ASEAN Summit. Dahil dito, nagkaroon pa ng pagkakataon na personal na makausap ni PNoy ang lider ng Indonesia na si Widodo.

At dahil mahalaga kay PNoy ang buhay ni Mary Jane at nangako itong gagawin ang lahat ng paraan para siya matulungan, nilabag ng pangulo ng Pilipinas ang “protocol” o patakaran nang magpakumbaba siyang kausapin ang isang ministro para talakayin ang kaso ni Mary Jane.

Isang araw bago ang takdang pagbitay, sumuko si Cristina Sergio, ang sinasabing recruiter at nanlinlang kay Mary Jane kaya nakapunta ito sa Malaysia at nakapagpasok ng droga sa Indonesia. 

***

Ang pagsuko na iyon ni Sergio ang isa sa mga huling segundong dahilan para maipagpaliban ang pagbitay kay Mary Jane. Dahil may kasong isinampa ang gobyerno kay Sergio, ipinaliwanag ni PNoy sa Indonesia na kailangang manataling buhay si Mary Jane para malaman ang katotohanan sa kaso nito at matukoy ang sindikato sa likod ng pagkakalat ng iligal na droga na gumagamit ng mga ‘mule’.

Mismong isang opisyal sa Indonesia ang nagsabi na ang pakiusap ni PNoy ang dahilan kaya ipinagpaliban ang pagbitay kay Mary Jane. Pero para kay PNoy, hindi maha­laga kung sino ang tumanggap ng kredito sa pagkakaligtas ni Mary Jane. Ang mahalaga sa kanya ay hindi natuloy ang pagbitay at umaasa siyang hindi na iyong maitutuloy pa.

Bukod sa pagkilos ng pamahalaan, hindi rin maalis ang suporta ng mga taong nagdasal para sa kaligtasan ni Mary Jane, at pati na ang pagkilos ng mga pribadong indibidwal, kasama na ang mga human right advocates.

Batid ng mga tao ang sama-samang pagkilos para maisalba si Mary Jane. Kaya naman hindi maiiwasan na magalit ang publiko -- gaya ng netizens -- nang magbitiw ng masasakit na salita ang ina ni Mary Jane na si Aling Celia na nagsabing “manini­ngil sila sa gobyerno” dahil walang ginawa sa kaso ng kanyang anak.

Anuman ang nangyari sa nakalipas na taon habang dinidinig ang kaso ni Mary Jane, ang higit na mahalaga ay hindi natuloy ang pagbitay sa kanyang anak at patuloy pa nila itong makakausap. At kung papalarin, kung mapapatunayan na si Sergio talaga ang may kasalanan, baka muli pa nilang makapiling si Mary Jane.

Sana lang, gaya ng gobyerno na nangakong gagawin ang lahat para tuluyang masagip ang buhay ni Mary Jane, huwag ding bibitiw ang mga taong nais sarilinin ang kredito at patuloy ding kumilos para hindi na maibalik sa execution island ang ating kababayan.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/may0615/edit_spy.htm#.VUoQjvlViko


Monday, May 4, 2015

Sumasaklolo! REY MARFIL



Sumasaklolo!
REY MARFIL

Magandang balita ang pagbuhay ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Crisis Monitoring and Response Team (CMRT) upang tumugon sa kasalukuyang kritikal na sitwasyon sa Yemen matapos itaas sa ika-apat na antas ang alarma dahil sa lumalalang armadong tensiyon doon.

Isang espesyal na komite ng OWWA ang CMRT na binubuhay tuwing nagkakaroon ng kaguluhang pulitikal sa mga bansa kung saan naghahanapbuhay ang ating overseas Filipino workers (OFWs).

Sa pamamagitan ng daang-matuwid ni Pangulong Noynoy “P-Noy” Aquino, sinisiguro ng komite ang napapanahong pagtugon at pagkakaloob ng ayuda ng OWWA sa ating mga kababa­yang naiipit sa kanilang pakikipagsapalaran sa ibang bansa.

Matapos iutos ni Pangulong Aquino, mabilis na tumugon si OWWA Administrator Rebecca Calzado para buhayin ang CMRT at masu­sing bantayan ang mga kaganapan sa estado ng paglilikas, pagtawid ng mga hangganan at iba pang tulong.

Kasama rin dito ang koordinasyon sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Philippine Missions sa pagpapabalik sa bansa ng naipit na OFWs upang agarang mabigyan ang mga ito ng saklolo.

***

Tinutukoy rin ng grupo ang pangangailangan na dapat maibigay sa OFWs at serbisyong karaniwang ipinagkakaloob ng Repatriation Assistance Division (RAD) pagdating sa paliparan at magkaloob ng napapanahong anunsiyo at pagmintina ng datos ng mga nagbalik sa bansa na mga manggagawa.

Umabot na kamakailan sa 342 na OFWs ang naibalik sa bansa ng OWWA mula sa Yemen na nabigyan rin ng kaukulang mga ayuda sa kanilang pagdating sa bansa, kabilang ang espesyal na linya para sa pagproseso ng immigration papers.

Siyempre hindi pinapabayaan ng administrasyong Aquino ang ating mga kababayan kaya naman binibigyan rin ang mga ito ng pansamantalang tirahan, transportasyon at pamasahe para makabalik sa kani-kailang mga lalawigan.

Bahagi rin ang OWWA ng DOLE-Assist WELL na tumutulong sa pangangailangan ng ating OFWs na naipit sa labanan.

Kitang-kita naman ang malasakit ni Pangulong Aquino para sa kapakanan ng ating OFWs.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

http://www.abante-tonite.com/issue/may0415/edit_spy.htm#.VUdlxflViko

Friday, May 1, 2015

Ang mahalaga ay buhay si Veloso REY MARFIL



Ang mahalaga ay buhay si Veloso
REY MARFIL


Tanggapin man o hindi ng iba, ang pagkakasalba sa buhay ni Mary Jane Veloso sa bitayan ng Indonesia ay ang magkasamang pagkilos at pagsisikap ng pamahalaang Aquino at panalangin ng sambayanang Pilipino.

Habang nagdiriwang ang sambayanan sa naging desisyon ng Indonesia na ipagpaliban ang pagbitay kay Veloso,  ang mga kritiko ni PNoy ay abala pa rin sa paghaha­nap ng ipupuna sa pamahalaan. Hindi raw dapat bigyan ng kredito ang gobyerno na naisalba si Veloso, ang kaisa-isang nakaligtas  sa siyam na nakasalang sa firing squad.

Kahit nakaligtas si Veloso, ang puna pa rin ng mga kritiko, wala naman daw ginawa si PNoy at pinabayaan daw ang kaso nito mula nang mahuling nagtutulak ng iligal na droga sa Indonesia noong 2010.

Pero ayon mismo sa Department of Foreign Affairs, tinutukan ng pamahalaan mula sa simula ang kaso ni Veloso. Pero sadyang mahigpit ang batas ng Indonesia pagdating sa usapin ng iligal na droga -- na gaya ng Pilipinas ay itinuturing din nilang salot.

***

Isa pa, kahit sinasabi noon ni Veloso na hindi niya alam na may droga ang ipinadala sa kanyang bagahe, nang mga panahon na nililitis ang kaso niya ay walang makakasuportang katibayan sa kanyang mga pahayag.

Kaya malaking bagay ang nangyaring pagsuko sa pulisya ng sinasabing nag-recruit kay Veloso na si Kristina Sergio. Dahil sa pangyayaring ito, nagkaroon ng pagkakataon si Pangulong Noynoy Aquino na imungkahi at kumbinsihin ang pamahalaan ng Indonesia na panatiling buhay si Veloso upang makuha ang kanyang testimonya at maihatid sa hustisya ang mga tunay na dapat managot sa pagkakalat ng iligal na droga.

Ayon nga kay Cabinet Secretary Rene Almendras, nilabag mismo ni PNoy ang protocol sa hangarin nito na makausap ang foreign minister ng Indonesia.  Ang natu­rang pag-uusap ang sinasabing nagpabago sa sitwasyon sa kaso ni Veloso -- isang araw bago ang takdang pagbitay sa ating kababayan.

At maging ang tagapagsalita ng Attorney General ng Indonesia, inaming  na ang kahilingan ni Aquino ang dahilan kaya ipinagpaliban ang pagbitay kay Veloso. Pero siyempre, hindi iyan paniniwalaan ng mga kritiko ni PNoy.

Maliban sa personal na pagkilos ni PNoy, kumikilos din ang iba pang sangay ng gobyerno na nais mailigtas ang ating kababayan. Gaya ng paggamit ng Department of Justice sa tratado ng ASEAN na Mutual Legal Assistance Treaty (MLAT) kung saan kapwa miyembro ang Pilipinas at Indonesia.

Dahil nga lumilitaw na biktima ng human trafficking at drug syndicate si Veloso, at may sumuko na sinasabing sangkot sa usapin, hiniling ng DOJ sa kanilang counterpart sa Indonesia na tulungan tayo na malaman kung sino ang mga taong nasa likod ng sindikato.

Kung tutuusin, posibleng maging magandang panimula ito sa paglaban sa sindikato ng nagkakalat ng iligal na droga kapag natukoy at nahuli ang sinasabing “Ike”. Ito raw kasi ang nagbigay kay Veloso ng bagahe na may nakatagong heroin habang siya ay nasa Malaysia, na dinala niya sa Indonesia.

Ang pagkakaligtas kay Veloso sa bitay noong Miyerkules ay pansamantala lang. Ang dapat pagsikapan ngayon ay makabuo ng malakas na kaso na magpapatunay na biktima si Veloso ng sindikato para tuluyan siyang makaligtas sa parusang kamatayan.

Hindi man bigyan ng kredito ng ilan si PNoy at ang kanyang gobyerno, ang mahalaga ay nananatiling buhay si Veloso at nabigyan siya ng panibagong pag-asa. Sabagay, kung natuloy ang pagbitay sa ating kababayan, ganundin naman malamang ang gagawin ng mga kritiko ng gobyerno -- si PNoy na naman ang may kasalanan.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako aang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)

http://www.abante-tonite.com/issue/may0115/edit_spy.htm#.VUN0YSFViko