Wednesday, April 29, 2015

‘Di dapat kunsintihin ng ASEAN REY MARFIL



‘Di dapat kunsintihin ng ASEAN
REY MARFIL

Sinimulang buuin ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) noong 1967 kung saan 10 bansa na ang kaanib; kabilang ang Pilipinas at China na lalong tumitindi ang sigalot sa usapin ng agawan sa teritoryo sa ilang bahagi ng West Philippine Sea (WPS) o South China Sea.

Maliban sa Pilipinas, kagirian din ng China sa agawan ng teritoryo sa WPS na halos buong inaangkin ng Beijing ang iba pang maliliit na bansa na kasapi ng ASEAN na Malaysia, Vietnam, Brunei at maging ang Taiwan.

Sinasabing motto ng ASEAN ang “One Vision, One Identity, One Community.” Layunin ng binuong samahan na isulong ang pagkakaibigan ng mga bansang kasapi, at magtulungan para sa kapakanan ng mga kababayan ng bawat nasyon, tungo sa kalayaan, kaunlaran at kapayapaan.

Ang malaking tanong – para ba sa kapayapaan ng rehiyon ang ginawang pag-angkin ng China sa halos buong WPS? Tama ang ginagawa nilang pambabarako sa mga maliliit na bansa gaya ng Pilipinas at Vietnam para magtayo ng mga isla? Makatao ba na itaboy at bombahin nila ang mga payak na mangingisda sa teritoryo na hindi naman kanila?

Sa ganitong dahilan, tama lang ang ginawa ni Pa­ngulong Noynoy “PNoy” Aquino na direktang idinulog niya sa ASEAN meeting na ginanap sa ­Malaysia ang ginagawa ng China. Aminin man o hindi ng mga bansang kasapi ng ASEAN, madadamay o maa­apektuhan sila anuman ang kahinatnan ng ginawang reclamation ng China sa WPS.

***

Hinala ng mga eksperto, layunin ng China na palakasin ang puwersang militar nila sa pagkontrol sa WPS kaya nagtatayo ang mga ito ng tila mga base sa karagatan na mahalagang daanan ng komersiyo sa buong mundo. Kaya naman maliban sa pag-angkin ng China ng teritoryo na hindi kanila, magdudulot din ng tensiyon kapag kinontrol ng China ang daloy ng mga sasakyang pandagat sa WPS.

Dapat alalahanin ng ASEAN countries na lumagda rin ang China sa Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea o DOC noong 2002. Pero dahil sa paniwala na sinasadya ng China na maantala ang pagbuo ng panuntunan ng DOC, hanggang ngayon ay hindi pa ito nagagawa ng ASEAN.

Pero habang wala pa ang opisyal na dokumento, ang pagpirma ng China sa DOC ay malinaw na pagsang-ayon na rin nila sa kasunduan — ang kasunduan na malinaw naman na hindi nila sinusunod.
Sa halip na usapin na magpapalakas sa kalakalan sa ekonomiya para sa mga bansang kasapi ng ASEAN ang matalakay sa pagpupulong sa Malaysia, natabunan ito ng ginagawang pambabarako ng China.
Patunay lang ito na hindi dapat balewalain ng ASEAN ang problema sa WPS dahil apektado ang lahat.

At kung palalampasin ng ASEAN ang ginagawang pambabarako ng China sa maliliit na bansa na kasapi nila, kanino pa lalapit at magsusumbong ang kanilang mga miyembro? Ilagay din kaya ng ASEAN ang kanilang sarili sa sitwasyon ng Pilipinas at Vietnam, ano kaya ang kanilang gagawin?

May gustong patunayan ang China para sa sarili nilang bansa kahit sagasaan nila ang mga kapitbahay nilang bansa. Sa ganitong sitwasyon, dapat gumawa ng hakbang ang ASEAN at ipakita ang dahilan kung bakit binuo ang samahan.

Laging tandaan
: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

http://www.abante-tonite.com/issue/apr2915/edit_spy.htm#.VUDW2iFViko

Monday, April 27, 2015

Tamang programa



Tamang programa
REY MARFIL


Maraming mag-aaral ang makikinabang sa ginawang inagurasyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino upang mailabas ang P3 bilyong pondo para sa konstruksiyon ng mga silid-aralan.

Nagmula ang pondo sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na ipinagkatiwala sa Department of Education (DepEd) para isulong ang “Matuwid na Daan sa Silid-Aralan” program na naglalayong dagdagan ang mga silid-aralan sa buong bansa.

Sumabay sa pagkakaloob ng pondo ang inagurasyon ng dalawang bagong mga gusali ng silid-aralan sa Tarlac National High School sa Tarlac.

Ginawa ang mga silid-aralan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa tulong ng pondo ng PAGCOR.

Nang maupo kasi sa kapangyarihan ang Pangulo noong 2010, hinarap nito ang 61.7 milyong kakulangan sa mga libro, 2.5 milyong kakapusan ng upuan, at 66,800 kakapusan sa silid-aralan na nabibigyan na ng solusyon ngayon.

Pero dahil sa mga repormang ipinatupad ng matuwid na daan ni PNoy nahanapan ng solusyon ang mga problema.

Tinutukoy ng DepEd ang mga lugar kung saan kilangan ang silid-aralan na itinatayo ng DPWH sa tulong ng pondo mula sa PAGCOR.

Dahil sa inilabas na panibagong P3 bilyon, umabot na sa kabuuang P10 bilyon ang naibigay ng PAGCOR para sa mga programa ni Pangulong Aquino sa edukasyon.

Nalampasan pa ng PAGCOR ang pondong naibigay ng banyagang donors para sa programa ng DepEd.

Mula sa target ng PAGCOR na maitayo ang 4,500 silid-aralan sa ilalim ng programa na mayroong inisyal na alokasyong P7 bilyon, naitayo na ang 1,124 silid-aralan sa 239 iba’t ibang mga lokasyon sa buong ba

Kung hindi sa matalinong paggugol ng pondo ni PNoy, siguradong imposibleng makamtan ang mga reporma sa sektor ng edukasyon.

***

Maganda na naman ang naging resulta ng matuwid na daan ni PNoy nang makakuha ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na pinamumunuan ni Director General Joel Villanueva ng Nationwide International Organization for Standardization (ISO) 9001:2008 Certification.

Sakop ng sertipikasyon ang central office ng TESDA, 17 regional offices, 81 provincial offices, at tanggapan nito sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Sa pamamagitan ng sertipikasyong iprinisinta ni Femelyn Lati, general manager ng quality management agency TUV SUD PSB Philippines, Inc., kinilala nito ang kalidad, kaligtasan at garantiyang maaasahan ang mga produkto at serbisyo ng TESDA.

Dahil sa kahusayan ni Villanueva bilang pinuno ng TESDA at mga kasamahan nito, umabot sa 65.3 porsiyento ng 7.1 milyong nagsipagtapos sa Technical and Vocational Education and Training (TVET) ng TESDA sapul noong Disyembre 2014 ang nagkaroon na ng trabaho.

Malinaw ang tagumpay na ito ng TESDA na hindi nagmula sa sistemang bara-bara matapos pag-aralan nang husto at lubusan ang lahat ng mga hakbang para masigurong magkakaroon ng mahusay na pagsasanay ang mga mag-aaral at agarang makakuha ang mga ito ng trabaho.

Asahan pa nating lalong paghuhusayin ng kinauukulan ang kanilang trabaho sa TESDA upang mas makinabang ang napakaraming mga tao. 
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/apr2715/edit_spy.htm#.VT4x3CFViko


Friday, April 24, 2015

Kalma lang



Kalma lang
REY MARFIL


Marami sa mga kababayan natin ang kumukulo ang dugo dahil sa ginagawang pambabarako ng China sa ating bansa. Pinakahuling insidente nito ang pagtataboy sa ating mga kababayang mangingisda sa Panatag Shoal.

Masakit man aminin, hindi natin kayang tapatan ng puwersa sa puwersa ang dambuhalang China, na para bang wala nang kinabukasan sa bilis ng ginawa nilang reclamation sa ilang bahagi ng West Philippine o South China Sea, upang gawing isla ang mga dating batuhan at bahura. 

Batay sa pag-analisa ng ilang eksperto, pinapaspasan ng China na gawing isla ang mga batuhan at bahura sa mga teritoryong malapit sa ating bansa para sirain daw ang mga katibayan na nakapaloob sa isinampa nating kaso sa arbitration panel ng United Nations.

Para bang kung ang nakalagay na katibayan natin sa reklamo ay mga bahura at batuhan pa lamang, ipapakita naman ng China na isla na ang mga iyon at nasa kanilang teritoryo na. Pero mukhang hindi naman siguro magpapaloko ang mga didinig sa reklamo natin sa UN pagdating sa paksang ito.

Kahit pa kasi gawin nilang shopping mall ang mga isla, hindi nila maitatago ang katotohanan sa mapa na mas malapit sa ating bansa ang mga islang ito kaysa sa China, na gustong kamkamin ang halos buong WPS.

Sa harap ng ginawang paspas-marinong reclamation ng China, at pagtataboy sa mga mangingisdang Pinoy, may mga kababayan tayo na gigil nang makita na gumawa ng hakbang ang ating pamahalaan at militar na magpapakita ng komprontasyon.

Pero ang tanong, pagkatapos ay ano ang mangyayari?  

***

Sa ganitong sitwasyon, higit na dapat pairalin ang malinaw na pag-analisa sa sitwasyon na hindi hahantong sa karahasan. Bagaman kalayaan at teritoryo ng bansa ang nakataya sa usaping ito, hindi naman ito pinababayaan ng pamahalaang Aquino.

Kaya nga idinulog niya ang usaping ito sa UN, at ina­asahan nating maglalabas ng kanilang makatwirang desisyon ang samahan ng nagkakaisang bansa. Tandaan natin na hindi nakikiisa ang China sa protestang isinampa natin sa UN dahil nais nilang lutasin ang usapin sa teritoryo ng bansa sa bansa.

Bukod sa nakabinbin nating protesta sa UN, patuloy na kumukuha ng suporta si Pangulong Aquino mula sa iba pang lider ng iba’t ibang bansa. Susunod niyang tatalakayin ang usapin ng China at WPS sa pulong ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na gagawin sa Malaysia.

Tiyak na hindi magugustuhan ng China ang gagawing ito ni PNoy dahil lalo pang dadami ang mga bansang hindi sang-ayon sa ginagawa nilang pagpapataas sa tensiyon sa Asya.

Bilang mga bansa sa Asya, mahalagang makuha ni PNoy ang nagkakaisang suporta ng ASEAN, at ipamukha sa China na hindi tamang binabalya nito ang maliliit na bansang kapatid nila sa Asya gaya ng Pilipinas. 

Gaya nga ng sinabi ni PNoy, ang ginagawa ng China ay hindi lang problema ng Pilipinas kung hindi ng buong mundo. 

Aba’y kapag pinabayaan ang China na makalusot sa ginagawa nito sa WPS, lalakas ang loob nito at puwede nitong gawin sa iba pang nilang maisipan. 

Sa ngayon, suportahan natin si PNoy na gamitin nito ang lahat ng diplomatikong paraan upang maresolba ang usapin sa China at WPS nang hindi tayo ang gumagamit ng karahasan. Malay natin, makuha natin ang suporta ng buong mundo at magkaroon ng “people power” upang mapalayas ang China sa WPS.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)

http://www.abante-tonite.com/issue/apr2415/edit_spy.htm

Wednesday, April 22, 2015

Labanan ang pagnanasa



Labanan ang pagnanasa
REY MARFIL



Nakababahala ang bagong impormasyon na inilabas ng Department of Health (DOH) kaugnay sa seryosong problema sa paglaganap ng nakamamatay na human immunodeficiency virus (HIV) at acquired immune deficiency syndrome (AIDS) sa ating bansa.

Batay sa ulat ng National AIDS/Sexually Transmitted Infection Prevention and Control Program, may anim na lungsod sa bansa ang minarkahan ng pulang bandila dahil inabot na nila ang antas kung saan maituturing na mahirap nang kontrolin ang paglaganap ng HIV/AIDS.

Ang mga lungsod na ito ay ang Quezon City, ­Manila, Caloocan, Cebu, Davao at Cagayan de Oro.

Bakit nga naman hindi ikababahala ang datos na ito, ayon sa DOH, ang HIV/AIDS prevalence sa nabanggit na mga lungsod nitong 2013 ay higit sa pambansang prevalence na 3.5 percent.

Pinakamataas ang Cebu na 7.7 percent, magkapareho naman ang Manila at Quezon City na tig-6.7 percent, ang Davao ay nasa 5 percent, ang Caloocan City ay nasa 5.3 percent at ang Cagayan de Oro ay 4.7 percent.

Sa anim, higit na naalarma ang DOH sa Caloocan City dahil bigla ang pagtaas ng kaso nito sa HIV/AIDS.
Mantakin mo, noong 2009 ay 0.7 percent lang ang prevalence sa lungsod na ito.

Siya nga pala, ang datos na ito ay para sa mga lalaki na nakikipagtalik sa kapwa lalaki o MSM. At ang itinuturing na dahilan ng pagdami ng mga nahahawahan ng deadly virus ay ang pagpatol ng mga lalaki sa mga lalaking nagbebenta ng aliw, o iyong mga prostitute.

Ayon pa sa DOH, batay sa paniwala ng World Health Organization (WHO), kaya lumampas sa five percent ang prevalence sa magkasunod na dalawang taon, mahirap nang makontrol ang pagkalat ng nakakahawang virus.

***

Pero hindi porke “men to men” ang inilabas na datos ng DOH ay makakahinga na nang maluwag ang mga lalaki na bumibili rin ng aliw sa mga babaeng prostitute. Huwag nating alisin sa isip na ang mga male prostitute ay maaaring nakikipagtalik din sa ­female prostitutes, na makikipagtalik naman sa lalaking “straight” na kostumer. 

Kaya ang mga babae na nag-iisip ding kumuha ng serbisyo ng male prostitute, isip-isip din. Kahit pa sinasabing nakatutulong ang paggamit ng condom para hindi mahawahan ng HIV, aba’y makikipagsapalaran ka pa rin ba? Lalo na kung ikaw ay may asawa na, naku! Baka maipasa mo pa sa asawa mo ang virus.

Sabi nga ng isang Obispo ng Simbahang Katoliko, ang pinakamabisang sandata laban sa HIV/AIDS ay maging tapat sa partner kung may asawa na, at kung wala pa, matutong magtiis hanggang magka-asawa.

Kung sadyang matigas ang ulo – sa itaas at sa ibaba – at hindi kayang labanan ang makamundong pagnanasa, isipin na lang na laging may “one time, big time” at ang pagsisisi ay nasa huli. 

Sadyang iba na ang panahon ngayon, kahit kaya mong magbayad ng “panandaliang ligaya,” may kasama namang peligro na pagsisisihan mo habambuhay.

Laging tandaan:
 “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Monday, April 20, 2015

May malasakit!





May malasakit!
REY MARFIL





Hindi ba’t kapuri-puri ang nilagdaang Memorandum of Agreement (MOA) ng Philippine National Police (PNP) at Department of Energy (DOE) para makatipid at pagyamanin ang paggamit ng renewable energy resources sa bansa sa pamamagitan ng pagkakabit ng Solar Generation System?

Nilagdaan ang kasunduan nina PNP Officer-In-Charge Police Deputy Director General Leonardo Espina at DOE Sec. Carlos Jericho Petilla.

Sa tulong ng ilang pamantayan, tinukoy ng DOE sa tulong ng Japan International Corporation System (JICS) at NEWJEC Inc., tumatayong consultant ng proyekto, ang PNP Sports Center at Center for Law Enforcement Studies (CLES) na mga lugar para sa Renewable Energy generating facility.

Nabatid sa DOE na aabot sa 600,000 kilowatt hour (kWh) kada taon ang makukuha sa dalawang solar power sites na pakikinabangan sa loob ng 10 taon simula sa umpisa ng programa at maaaring ipagpatuloy alinsunod sa kapasyahan ng PNP at DOE.

Sa ngayon kasi, umaabot ang buwanang konsumo ng PNP National Headquarters sa Camp Crame, Quezon City ng P12,398,096.72 base sa P8.88 kada kWh na presyo ng Manila Electric Company (Meralco).

Sa tulong ng Solar Generation System, tinatayang aabot ang taunang matitipid ng PNP sa P5,330,309.33 o buwanang matitipid na P444,192.44.

Bahagi ang paglalagay ng Solar Generation System ng Republic Act (RA) No. 9513 o “Renewable Energy Act of 2008” kung saan iniuutos ang pagtuklas at paggamit ng alternatibong pagkukunan ng kuryente.

***

At dapat ding papurihan si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa pagiging ganap na batas ng isang panukala na naglalayong itaas ang tax exemptions ceiling sa mga bonus ng mga kawani ng pamahalaan at pribadong sektor para lumaki ang kanilang kita.

Mula sa P30,000, magiging P82,000 na ang halaga ng bonus na hindi maaaring buwisan ng pamahalaan para tulungan ang mga tao na mapalakas ang kanilang kakayahang bumili ng mga produkto at serbisyo para sa kanilang mga pamilya.

Sakop nito ang iba’t ibang bonus, kabilang ang 13th-month pay at Christmas bonus. Bahagi ang batas ng pinalawak na reporma sa buwis para makinabang ang mga kawani.

Nakita ng Pangulo ang kahalagahan ng panukala na pakikinabangan ng ordinaryong mga tao.

Asahan natin ang administrasyong Aquino sa pamamagitan ng mga opisyal nito sa pananalapi na agarang maipalabas ang mga alituntunin sa bagong batas upang maipatupad ito sa lalong madaling panahon.

Kitang-kita naman ang pagmamalasakit ni PNoy upang matulungan ang mga kawani sa pamahalaan na magkaroon sila ng karagdagang kita at mapakinaba­ngan ang kanilang pinaghirapan.

Laging tandaan: 
“Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/apr2015/edit_spy.htm#.VTT2-iFViko

Friday, April 17, 2015

Sino ang makapipigil sa China?



Sino ang makapipigil sa China?
REY MARFIL



Hindi lang katahimikan sa rehiyon ng Asya ang inilalagay ng China sa peligro kung hindi maging ang biodiversity at ecological balance sa West Philippine Sea o South China Sea dahil sa ginagawa nitong reclamation o paggawa ng mga artipisyal na isla sa ilang lugar sa pinagtatalunang teritoryo.

Batay sa ipinalabas na impormasyon ng ating Department of Foreign Affairs (DFA), nasa 121.4 ektarya (na katumbas ng dalawang Rizal Park) na ang nasirang coral reefs sa WPS dahil sa ginagawang mga isla ng China na pinaniniwalaang gagamitin nila para palakasin ang kanilang puwersang militar.

Pilit na itinatanggi ito ng China pero kahit yata ang batang nakaupo sa dulong linya ng row four ay hindi maniniwala sa kanilang palusot. Mga bahura at batuhan na itlugan at binabahayan ng mga isda ang tinatambakan nila ng buhangin para gawing isla at nilalagyan nila ng mga gusali at paliparan. 

Ang tone-toneladang buhangin na ginagawa nilang pangtambak sa mga bahura at batuhan ay galing din sa ilalim ng dagat. Natural lang na kapag ginalaw mo ang isang lugar, mabubulabog ang mga yamang-dagat na nasa lugar at tiyak na makakaapekto sa kung anumang mga bagay na may buhay na narooon.

Kung pagbabatayan daw ang United Nations Environment Program, ang pinsalang idinulot ng reclamation ng China sa WPS ay tinatayang aabot sa P4.45 bilyon. Pero maliban sa presyo, nakapanghihinayang ang buhay ng mga yamang-dagat tulad ng mga coral at mga isda na kanilang pinapatay at inaalisan ng tirahan.

***

Sabagay, ano nga ba naman ang pakialam ng China sa kalikasan at halagang binanggit ng DFA, gayung kung totoo na mayaman sa mineral ang WPS -- gaya ng langis at natural gas -- kaya nila inaangkin ang halos buong WPS, aba’y higit pa roon ang kanilang makakamkam. Kaya wala silang paki­alam kung hindi nila sinusunod ang nilagdaan nilang obligasyon sa ilalim ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), gayundin ang Convention on Biological Diversity, at Convention on International Trade in Endangered Species of Wild Fauna and Flora (CITES).

Sa dami ng mga nilalabag na kasunduan ng China, tama lang ang naging babala si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na dapat matakot ang mundo sa ginagawang ito ng mga Tsino. Pangunahing daanan ng mga cargo ship para sa pandaigdigang komersiyo ang WPS at walang makapagsasabi kung ano ang puwedeng gawin ng China kapag nakontrol nila nang tuluyan ang karagatang ito.

Kung makikita ng China na walang sinuman ang kayang makapigil sa ginagawa nila ngayon, sinong hahadlang sa kung ano ang pwede nilang gawin sa susunod?

At dahil mukhang pumasok na sa utak ng China na isa na silang bansa na kabilang sa tinatawag na “super power”­, mukhang wala na ring epekto ang mga paalal­a ng lider sa United Nations at maging ng Amerika na dapat itigil ang mga hakbang na makapagpapalala sa tensiyon sa WPS at resolbahin ang isyu ng agawan sa teritoryo sa mapayapang paraan.

Kahit pinuna na rin ni US President Barack Obama ang ginagawang pambabarako ng China sa mas maliliit na bansa sa Asya gaya ng kaalyado nilang Pilipinas, ang tanong ng marami -- ano ang kayang gawin ng Amerika laban sa China?

Ang pinakamabuting gawin ng US, sumama sa panawagan na dinggin at resolbahin na ng UN ang kasong idinulog ng Pilipinas tungkol sa ginagawang pag-angkin ng China sa teritoryo ng mga Pinoy. 

At kapag umayon sa atin ang pasya ng UN, dapat sundin ito ng China at lisanin ang mga isla na kanilang pinaggagawa sa WPS. Kung hindi naman susunod ang China, dito natin malalaman kung nagkakaisa nga ang mga bansang kasapi ng UN.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)

Wednesday, April 15, 2015

Pinalawak pa!





Pinalawak pa!
REY MARFIL


Magandang balita na naman ang makasaysayang pagtatapos sa high school ng 333,673 mag-aaral na benepisyunaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o Conditional Cash Transfer (CCT) program ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino.

Alinsunod sa kautusan ni PNoy na makatulong sa edukasyon ng mahihirap na mag-aaral, nakinabang sa programang ipinapatupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang ilang daang-libong mag-aaral.

Sa 333,673 na nagsipagtapos, nanggaling ang 153,470 sa Luzon habang 74,182 naman sa Visayas at 106,021 sa Mindanao at umabot sa 21,844 sa National Capital Region (NCR).

Kitang-kita ang pagmamalasakit ni Pangulong Aquino sa edukasyon ng mga mahihirap na mag-aaral kaya naman naging prayoridad nito ang paglalaan ng pinansyal na suporta sa mga ito.

Nagsagawa rin ang DSWD ng tinatawag na post-graduation event na tatawaging “Pagtatapos N’yo, Tagumpay ng Pilipino” para sa unang batch ng mga nagsipagtapos na pawang mga benepisyunaryo ng CCT.

Ginawa ito sa Philippine International Convention Center (PICC) nitong Abril 9 kung saan tinatayang 4,000 high school graduates mula sa NCR ang dumalo sa selebrasyon.

***

Isasagawa naman ang ikalawang event sa Araneta Coliseum sa Abril 23 na dadaluhan ng tinatayang 14,000 na mga mag-aaral.

Layunin ng okasyon na kilalanin ang pagsusumikap ng mga nagsipagtapos na panibagong bahagi ng kanilang buhay.

Sa pagtitipon, ibabahagi ng mga nanguna sa pagtatapos ang kanilang karanasan upang lalong pahalagahan ng kanilang mga kasamahan ang edukasyon.

Magsisilbi rin ang pagtatapos na lugar para magtuloy ang mga mag-aaral sa pag-aaral katulad ng vocational courses at college scholarships.

Hiniling kasi ni PNoy na dumalo ang mga opisyal ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Labor and Employment (DOLE), Commission on Higher Education (CHED), National Youth Commission (NYC) at maging mga kinatawan ng pribado at mga negosyanteng grupo para matulungan ang mga nagsipagtapos at makamit ang kanilang mga pangarap sa buhay.

Sa ilalim ng CCT, tinutulungan ang mga bata mula sa mahihirap na pamilya na nasa edad 0 hanggang 18 taon para malampasan ang hamon sa kanilang kalusugan at edukasyon.

Nagbibigay ang programa ng cash grants sa mga benepisyunaryong nakakasunod sa mga kondisyon na magpatuloy ang kanilang mga anak sa pag-aaral, madala sa health centers para sa pagsusuri, at dumalo sa buwanang Family Development Sessions (FDS).

Noong 2013, pinalawak ng DSWD ang sakop ng Pantawid Pamilya para makinabang ang mga batang nasa edad na 15-18 para matiyak na makapagtatapos pa rin ang mga ito ng high school at magkaroon ng malaking tiyansa na makapaghanapbuhay at malampasan ang kahirapan.

Mula sa mahigit sa 7,000 mahihirap na pamilya na naka-rehistro noong 2007 nang simulan ang programa, umabot na ngayon sa 4.4 milyong pamilya ang benepisyunaryo mula Marso 2015 dahil sa malasakit ni PNoy na nagtataguyod ng matuwid na daan.

Laging tandaan:
 “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Monday, April 13, 2015

May kalalagyan! REY MARFIL



May kalalagyan!
REY MARFIL


Magandang balita ang naging tagumpay sa isang kaso ng Social Security System (SSS) alinsunod sa kautusan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na habulin at kasuhan ang mga employer na hindi nagbabayad ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado.

Base ito sa naging desisyon ng San Fernando Regional Trial Court sa La Union kung saan hinatulang mabilanggo ng pinakamatagal na 20 taon ang manager ng isang security agency na nabigong bayaran ang kontribusyon ng kanyang security guards.

Dapat magsilbing aral ito sa mga abusadong employers na niyuyurakan ang karapatan ng kanilang mga kawani kaya naman patuloy ang pagsusumikap ni PNoy na maitaguyod ang karapatan ng mga manggagawa.

Sa 13-pahinang desisyong isinulat ni RTC Branch 66 Presiding Judge Victor O. Concepcion na ibinaba nitong nakalipas na Enero 15, 2015, kinilala ang akusadong napatunayang nagkasala na si Fred Ventura, operations manager ng Guardsman Security Agency and Detection Group sa San Fernando City.

Nalaman na nilabag ni Ventura ang Social Security Act of 1997 lalung-lalo na ang pagkakaltas sa mga suweldo ng security guards na hindi naman ibinabayad sa SSS.

Isinampa ng SSS ang kaso sa pamamagitan ng kanilang Account Officer na si Glynna A. Galito at Legal Counsel Russel L. Ma-ao na nagbigay ng libreng serbisyong legal para sa mga inaping mga kawani ng Guardsman.

Patuloy na magbabantay si PNoy sa pagsusulong ng mga kasong may kinalaman sa hindi pagbabayad ng kontribusyon ng pobreng mga kawani ng SSS.

***

Dagdag na trabaho na naman ang inaasahang malilikha ng patuloy na pagsusulong ni PNoy ng mga mahahalagang programa na kailangan ng bansa.

Isinalang ng pamahalaan sa Pre-qualification (PQ) conference ang mga proyekto sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) ng Department of Transportation and Communications (DOTC) at Department of Justice (DOJ) ngayong buwan.

Dumalo ang maraming mamumuhunan sa pagtitipon kung saan isinagawa ang PQ conference ng limang Regional Airports (Bohol, Laguindingan, Davao, Bacolod, and Iloilo) nitong nakalipas na Abril 7, 2015 sa Crowne Plaza Manila Galleria.

Sa programa ng DOTC, ipatutupad nito ang Regional Airports PPP Projects para sa Development, Operations and Maintenance ng Bundle 1 at Bundle 2 airports.

Sa ilalim ng Bundle 1, kabilang dito ang Bacolod-Silay at Iloilo airports habang nasa Bundle 2 naman ang Laguindingan, Davao, at Bohol (Panglao) airports. Aabutin ang Regional Airport Projects ng kabuuang P108.19 bilyon.

Sa panig naman ng DOJ, isinusulong nito ang subasta para sa disenyo, financing, construction, at maintenance ng modernong kulungan sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija na nagkakahalaga ng P50.18 bilyon.

Sapul noong 2010, naipagkaloob na ng pamahalaan ang siyam na mga kontrata sa ilalim ng PPP na nagkakahalaga ng P136.37 bilyon.

Lumikha ito ng napakaraming trabaho para sa mga Pilipino kung saan mabusising inaral ni PNoy ang pagkakaloob ng mga kontrata para masigurong hindi magkakaroon ng katiwalian.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/apr1315/edit_spy.htm

Friday, April 10, 2015

Suportahan ang turismo



Suportahan ang turismo
REY MARFIL




Panahon ng bakasyon kaya asahan na marami sa ating mga kababayan ang namamasyal.
Pero bago isipin ang pangingibang-bayan, huwag sana nating kalimutan na isama sa listahan ng mga pupuntahan ang magagandang tanawin sa ating sariling bayan.

Ngayong 2015, inaprubahan ni Pangulong PNoy Aquino III ang Proclamation No. 991, na pormal na nagdedeklara bilang “Visit the Philippines Year”. Nakapaloob dito ang kautusan sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan -- nasyunal at lokal -- na magtulungan at suportahan ang mga kampanya para mapalakas pa ang turismo sa bansa.

Sa totoo lang, malaki ang potensiyal ng industriya ng turismo upang mapalago ang ekonomiya ng bansa at magbigay ng maraming trabaho sa ating mga kababa­yan. Kahanga-hanga ang mga proyekto at programang isinasagawa ni Tourism Sec. Ramon Jimenez dahil patuloy na nagawa ng ahensiya na mapaangat ang turismo kahit may mga naging problema noong nakaraang mga taon.

Noong nakaraang 2014, ang mga dayuhang turista sa bansa ay umabot sa 4.833 milyon, na may mataas ng bahagya sa 4,681 milyon na naitala noong 2013. Ngayong 2015, 5.5. milyon hanggang anim na milyon ang target na maabot ng DOT na turista.

Hindi ito imposibleng makamit kapag nagtulungan nang husto ang mga ahensiya ng pamahalaan at pribadong sektor na rin. Ipagdasal din natin na wala sanang matinding kalamidad na mangyari na makapipinsala sa ating mga pasyalan gaya ng nangyaring lindol na nakaapekto sa Cebu at Bohol, o magkaroon ng mga krimen na ang magiging biktima ay mga dayuhang turista gaya ng nangyari sa hostage taking sa Luneta park noong 2010.

***

Ngayon pa lang buwan ng Enero, umabot na sa 479,149 ang mga turista sa bansa, na mas mataas sa 461,383 na naitala noong Enero 2014. Ang kita rito, umabot sa P22.48 bilyon, na mas mataas din sa P21.08 bilyon na kita noong Enero 2014. Magandang panimula ito para sa taong 2015.

Kahit nga bahagya lang ang nadagdag sa bilang mga turista sa kabuuan ng 2014 kumpara sa 2013, lumago pa rin ng 10 porsiyento ang iniangat ng kita sa turismo ng bansa na umabot sa kabuuang $4.84 bilyon o P214.88 bil­yon. Noong 2010, nagsimula ang pagbibilang sa kita sa turismo sa $3 bilyon kaya malaking bagay na mapalago ito sa kabila ng mga naging problema.

Ang mga Korean pa rin ang pinakamaraming turis­tang dumating sa Pilipinas noong nakaraang taon, sumunod ang mga Amerikano, Australian, Japanese, Canadia­n, at Chinese. Marami ring taga-Singapore ang bumisita sa Pilipinas, gayundin ang mga galing sa Taiwan, Malaysia, United Kingdom, at Hong Kong.

Sa mga numerong naitala tungkol sa turismo, makikita na malaki talaga ang potensiyal sa sektor na ito na dapat bigyan ng ibayong suporta. Kaya naman kasama sa direktiba sa proklamasyon ni PNoy ang pagkakaroon ng nagkakaisang aktibidad sa mga ahensiya ng gobyerno tungkol sa turismo sa bansa.

Kasama na rito ang pag-atas sa mga embahada at konsulado ng Pilipinas sa buong mundo na tumulong sa pagpapakalat ng impormasyon para ibenta ang magagandang tanawin natin. May papel din na gagampanan dito ang Postmaster General dahil inatasan silang magpalabas ng special stamp para sa kampanya ng Visit the Philippines 2015.

Ang suporta ng gobyerno para sa turismo ay dapat ding tapatan ng mga stakeholder gaya ng mga pribadong kompanya na nasa hotel, tour companies, restaurants at iba pa. Magagawa nila ito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga programa at magagandang packages upang makahikayat ng mas marami pang turista.

Ang karaniwang mamamayan, may maiaambag din upang dumami ang mga turista sa ating bansa. Ito’y sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila ng ating Filipino hospitality.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)

Wednesday, April 8, 2015

May ginagawa ang mas mahalaga




                                  May ginagawa ang mas mahalaga
                                                                  REY MARFIL


Sa tindi ng emosyon na nilikha sa nangyaring trahedya sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, at samahan pa ng paggatong mula sa mga kritiko ng administrasyon, hindi na kataka-taka kung bumaba rin ang satisfaction ratings ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa bagong survey ng Social Weather Station (SWS).


Ang resulta ng SWS survey na sinasabing ginawa noong Marso 20-23, na mayroong 1,200 tao na tinanong, ay hindi nalalayo sa nauna nang survey na inilabas ng Pulse Asia, na ginawa naman noong Marso 1-7, na mayroon ding 1,200 tao na tinanong.


Kung susuriin ang dalawang survey, ginawa ng Pulse Asia ang kanilang pagtatanong bago mailabas ng Board of Inquiry (BOI) ng Philippine National Police (PNP) noong Marso 13 ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa naganap na trahedya sa Mamasapano.


Samantala, bagama’t ginawa ng SWS ang kanilang survey isang linggo lang matapos mailabas ang BOI report, halos katatapos pa rin lang nito ang ginawang pagbibigay naman ni PNoy ng kanyang panig tungkol sa nalalaman niya sa operasyon na naganap noong Marso 18.


Ibig sabihin, maaaring hindi pa lubos na laganap sa ibang kababayan natin ang buong resulta ng BOI report at ang paglabas din ng paliwanag ng Pangulo tungkol pa rin sa nasabing resulta ng imbestigasyon.


Maliban sa pagbaba ng satisfaction ratings ni PNoy sa dalawang survey, bunga ng pagtaas ng bilang ng mga “dissatisfied”, dapat ding bigyang-pansin ang mataas pa ring “satisfaction” ratings ng Pangulo, pati na ang bilang ng mga “undecided”.


Kaya naman kahit bumaba ang net ratings ni PNoy, hindi na kataka-taka na mayorya pa rin sa mga tinanong sa survey ang tutol na bumaba siya sa puwesto. Indikasyon marahil ito na ang mga nadagdag sa listahan ng “dissatisfied” ay maaaring “nagdaramdam” o “nagtatampo” sa kinahantungan ng operasyon sa Mamasapano.


***


Maaaring mas naging matindi rin ang pagpapakalat ng negatibong impormasyon tungkol sa partisipasyon ni PNoy sa naturang operasyon sa Mamasapano para hulihin ang mga teroristang sina Marwan at Basit Usman. Gaya na lang ng maling paniwala na may pahintulot ng Pangulo ang tinatawag sa operasyon na “time on target” at ang paglilihim kina PNP-OIC Leonardo Espina, DILG Sec. Mar Roxas, at sa militar sa ginawang misyon ng SAF.


Matapos lumabas ang BOI report at magpaliwanag si PNoy, nalinawan na hindi sinunod nina dating PNP Chief Alan Purisima at dating SAF chief Getulio Napeñas ang importanteng direktiba ng Pangulo na dapat sabihin kaagad kay Espina ang misyon, at dapat may koordinasyon sa mi­litar ang lahat. Ibig sabihin, mayroon pang mga paliwa­nag alinsunod sa nangyaring trahedya ang hindi pa lubos na naipapaalam sa publiko bago ginawa ang dalawang survey.


Hindi man natin masabi kung makababawi si PNoy sa kanyang ratings, mahalaga sigurong malaman din natin ang pananaw ng publiko sa Pangulo pagdating sa ibang aspeto ng kanyang pamamahala -- gaya sa ekonomiya, paghahanap ng trabaho sa mga tao, paglaban sa katiwalian, paglaban sa kriminalidad, at iba pa.


Mahigit isang taon pa sa puwesto si PNoy, o marahil mayroon pang hanggang limang survey bago matapos ang kanyang termino sa June 2016. Hindi natin masabi kung maka­babawi pa ang marka niya.

Ito’y sa kabila ng mga survey record sa nagdaang mga lider na sadyang pababa ang marka nila habang patapos na ang kanilang pamamalagi sa puwesto.


Hindi natin hangad na kalimutan ng publiko ang trahedyang nangyari sa Mamasapano, pero huwag din nating kalimutan na naging matagumpay ang misyon ng mga bayaning pulis na mapatay ang kanilang target na tero­ristang si Marwan. Kasabay nito, huwag ding natin kalimutan ang iba pang magagandang nangyayari sa ating bansa sa ilalim ng pamamahala ni PNoy.


Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/apr0815/edit_spy.htm

Monday, April 6, 2015

Iba si Babes!


                                                                    Iba si Babes! 
                                                                  REY MARFIL




Magandang balita na naman tungo sa tuwid na daan ang inaasahang implementasyon sa Iloilo City ng kabuuang P1.15 bilyong halaga ng imprastraktura na nakapaloob sa pambansang badyet ngayong taon na inaasahang lilikha ng maraming trabaho.


Nabatid sa masipag na si Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Rogelio ‘Babes’ Singson na aabot sa 73 ang mga proyekto na hahatak ng karagdagang pamumuhunan at turismo sa Iloilo.


Kabilang sa mga proyekto ang anim na kalsada para sa turismo, tatlong rehabilitasyon ng kalsada, 13 proyekto para sa konstruksiyon at pagmantina ng flood control at drainage infrastructure, anim na road widening, pitong tulay, at 38 na proyekto sa ilalim ng local infrastructure program (LIP).


Nagsimula na rin ang ikalawang bahagi ng Iloilo­ Convention Center (ICC) Project Phase II noong nakalipas na Marso 2, 2015 at nakikitang matatapos sa Hulyo 2015.


Iniutos na ni Singson sa kontraktor ng ICC na bilisang matapos ang proyekto dahil dalawa sa mga pagpupulong ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) sa mga buwan ng Setyembre at Oktubre ang gagawin dito.


Sa tuwid na daan at malinis na pamamahala, asahan natin ang kaunlaran, as in walang katulad si Singson, napakalayo sa karakter ng mga naupong kalihim ng DPWH, napakatino ng mga imprastraktura ngayon at tumino ang mga kontraktor.


***


Talagang hindi magtatagumpay ang anumang impeachment laban kay Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino dahil lamang sa Mamasapano.


Katulad ng naibasurang impeachment complaints kay Pangulong Aquino noong nakalipas na taon, propaganda at pamumulitika lamang ang puno’t dulo ng lahat para pahinain ang kanyang lakas na mag-endorso ng kandidatong papalit sa kanya sa 2016 presidential polls.


Kung nagkaroon man ng komunikasyon ang Pa­ngulo sa noon ay suspendidong si Philippine National Police (PNP) Director General Alan Purisima kaugnay sa inilunsad na operasyon sa Mamasapano kontra terorismo, dahil ito sa tinatawag na sentido kumon lalo’t pinagkakatiwalaan niya talaga ito.


Maling isisi sa pangulo ang kamatayan ng 44 na mga kasapi ng Special Action Force (SAF) ng PNP.


Hindi naman nasayang talaga ang pagbubuwis ng buhay ng ating kapulisan sa pangkalahatan.


Naging marahas man, matagumpay naman ang operasyon o Oplan Exodus sa Mamasapano noong E­nero 25 matapos mapatay si Malaysian terrorist Zulkifli bin Hir, alyas Marwan.


Malaki ang suporta ng Pangulo sa mga mambabatas dahil kitang-kita ng mga ito ang pagsusumikap ng Punong Ehekutibo na mapabuti pa ang kalagayan ng bansa.


Maging ang oposisyon ay kontra sa proseso dahil wala namang mangyayari rito katulad noong nakaraang taon.


Itigil na sana natin ang pamumulitika at magkaisa sa nalalabing panahon ng Punong Ehekutibo sa kapangyarihan alang-alang sa interes ng bansa.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)
 

Wednesday, April 1, 2015

Peace be with you



                                                                Peace be with you 
                                                                   REY MARFIL




Sa banal na misa ng Simbahang Katolika, laging bahagi ang pagbati ng kapayapaan sa isa’t isa ng mga taong nasa simbahan. At sa simpleng ngiti at pagbigkas ng katagang “peace be with you”, umaapaw ang pagkakaisa ng lahat ng nandoon.

At ngayong Semana Santa, may panahon muli ang mga tao ng pagninilay. Ngunit hindi lang dapat sa ating sariling buhay tayo magnilay, kung hindi maging sa ating lipunan. Gaya na lang ng isang mahalagang usapin ang nakabitin ngayon sa Kongreso na may kinalaman sa kapayapaan sa Mindanao -- ang Bangsamoro Basic Law.

Ang kapayapaang ito sa Mindanao na inaasam ng napakarami nating kababayan ay hindi isusuko ng administrasyon ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino. Sa kabila ng nangyari sa Mamasapano, Maguindanao, nakikita ng pamahalaan ang katapatan at determinasyon ng liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na wakasan ang armado nilang pakikibaka.

Mahirap timbangin kapag ipinasok sa argumento ng peace negotiation ang naging papel ng ilang tauhan ng MILF sa naganap na trahedya sa Mamasapano kung saan 44 na police commandos ang nasawi. Kaya lang, lagi itong mauuwi sa turuan at sisihan na para bang tanong sa kung ano ang nauna, itlog ba o manok?

Laging may maninisi sa MILF sa pagkamatay ng 44 SAF troopers, samantalang ikakatwiran naman ng MILF ang walang koordinasyon, at ang mga pulis ang unang nagpaputok at nakapatay sa kanilang tauhan. Kapag nagpatuloy ito, ang pag-asa ng kapayapaan sa Mindanao at hinahangad na tahimik na pamumuhay ng mga sibilyan ang maiiwan.

***

Dahil sa mga isinagawang pagdinig at imbestigasyon ng Kongreso sa Mamasapano tragedy, lumabas ang ilang pagdududa at nasira ang kumpiyansa ng ilang mambabatas sa tinatalakay nilang BBL, na mahalagang bahagi ng peace negotiation ng pamahalaan at MILF.

At kung paniniwalaan ang isang survey, lumilitaw na marami rin sa ating mga kababayan ang nagkaroon na rin ng pag-aalinlangan sa BBL. Ang ilang mga mambabatas, iginiit na dapat magkaroon ng lubos pang pag-aaral sa BBL, na naglalayong magkaloob ng bagong awtonomiya sa rehiyon na ipapalit sa ARMM.

Kung panibagong pagsusuri sa BBL ang pag-uusapan, nararapat at tama ang naging pasya ni Pangulong Aquino na bumuo ng citizen’s o leaders’ council na magpapatawag ng national summit na tatalakay sa BBL.

Ang citizen’s council na kabibilangan ng mga respetadong lider gaya nina Manila Archbishop Luis Antonio Tagle, businessman Jaime Augusto Zobel de Ayala, civil society lea­der Howard Dee, at peace advocate Bai Rohaniza Sumndad-Usman, ang magsisilbing “third party” na pag-aaral sa BBL.

Magbibigay ang lupon ng kanilang obserbasyon kung makakasama ba talaga o makabubuti sa Mindanao at sa buong bansa ang BBL.

Ang problema nga lang, hindi pa nagsisimulang kumilos ang citizen’s council ay may mga patutsada na agad at agam-agam ang mga kritiko ni PNoy at mga tutol sa BBL. Ano kaya ang kinatatakutan nila samantalang hindi pa naman nila alam ang magiging rekomendasyon ng lupon at wala pang isinasagawang summit? Ayaw ba talaga nilang bigyan ng pagkakataon ang kapayapaan sa Mindanao kahit man lang mapag-usapan?

Kung tutuusin, hindi lang naman ang mga kapatid nating Muslim ang makikinabang sakaling magkaroon ng ganap na kapayapaan sa Mindanao. Marami na ring mga Kristiyano ang naninirahan doon; at higit sa lahat, tayo ay pare-parehong peace loving Filipino.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/apr0115/edit_spy.htm#.VRselY5c5dk