Monday, March 30, 2015
Kinakalinga ng gobyerno
Kinakalinga ng gobyerno
REY MARFIL
Mayorya pa rin o 42 porsiyento ng mga Pilipino ang naniniwala sa tuwid na daang liderato ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino.
Sa resulta ng Pulse Asia survey na isinagawa nitong Marso 1 hanggang 7, higit na nakakaraming Pilipino ang nais na manatili sa kapangyarihan si Pangulong Aquino sa kabila ng kontrobersyang dala ng insidente sa Mamasapano.
Nagsalita na ang taumbayan at mahalagang tumigil na ang mga namumulitika dahil siguradong hindi sila magtatagumpay sa kanilang masamang hangaring pabagsakin ang pamahalaan.
Asahan nating lalong magsusumikap si Pangulong Aquino na isulong ang kagalingan at interes ng kanyang mga boss.
Patuloy ang paghahanap ni Pangulong Aquino ng hustisya sa mga namatay sa Mamasapano, kabilang ang mga sibilyang nadamay sa bakbakan.
Mahalaga ring hindi isuko ang usapang pangkapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) dahil lamang sa naganap na malagim na insidente.
Naging madugo man, matagumpay naman ang operasyon o Oplan Exodus sa Mamasapano noong Enero 25 matapos mapatay si Malaysian terrorist Zulkifli bin Hir, alyas Marwan.
***
Kapuri-puti ang personal na pagbisita ni PNoy para personal na pasalamatan at alamin ang kondisyon ng mga nasugatang sundalo sa nakalipas na bakbakan sa mga rebelde at bandidong grupo sa Maguindanao, Sulu at Basilan.
Kinabiliban ng Pangulo ang tapang ng mga sundalo na laging itinataya ang buhay sa ngalan ng serbisyo sa bansa.
Nagbigay rin ng tulong pinansiyal si Pangulong Aquino sa kanyang pagbisita kasama si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Gregorio Pio Catapang, Jr.
Nanggaling sa Presidential Social Fund ang pondo kung saan nakatanggap ng P100,000 na tulong ang bawat sundalong malubhang nasugatan habang P50,000 naman sa bahagyang nasugatan.
Matapos bisitahin ang unang grupo ng mga sundalo sa V. Luna Hospital sa Quezon City, agarang nagtungo rin ang Pangulo sa Army General Hospital sa Fort Bonifacio, Taguig City kung saan nakaratay ang iba pang sugatang mga sundalo.
Nakipagbakbakan ang mga sundalo sa mga kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Maguindanao, Abu Sayyaf Group sa Sulu at Basilan alinsunod sa inilunsad na opensibang militar laban sa mga kalaban ng pamahalaan.
Kinausap rin ng Pangulo ang sugatang mga sundalo at ipinagdasal ang kanilang agarang paggaling.
Tumuloy rin si Pangulong Aquino sa Fort Bonifacio Naval Station para makiramay at kilalanin ang katapangan ng dalawang sundalo na namatay matapos makalaban ang mga rebeldeng BIFF.
Personal na nakiramay ang Punong Ehekutibo sa kamag-anak ng napaslang na sina Marine Corporal Josen Mias, 29, at Sergeant Francis Jeffel Flores, 31, sa naval station’s mortuary at nagbigay rin ng P250,000 tulong sa bawat pamilya.
Asahan nating hindi lulubayan ng administrasyong Aquino ang paghuli sa mga kalaban ng gobyerno para makamit ang hustisya at kaunlaran.
Lagi ring naka-alalay ang Pangulo para sa mga sundalo at kapulisan sa kanilang pagtugon sa tungkulin.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/mar3015/edit_spy.htm#.VRlBzOG4TzM
Wednesday, March 25, 2015
Ang tiwala ng Pangulo
Ang tiwala ng Pangulo
REY MARFIL
“Trust and confidence.” Ito ang dalawang mahalagang salita na kabilang sa mga basehan ng Pangulo ng bansa sa pagtalaga sa isang tao na nais niyang humawak ng posisyon sa pamahalaan. Kaya naman magiging masakit para sa kanya kapag lumitaw na binigo siya ng tao na kanyang pinagkatiwalaan.
Kaya naman hindi siguro nakapagtataka kung mabalitaan nating sakaling sumama ang loob ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino kay dating PNP Chief, Gen. Alan Purisima dahil sa kinalabasan ng Mamasapano mission kung saan mahigit 60 katao ang nasawi, kabilang ang 44 na kasapi ng Special Action Force.
Bukod kasi sa tiwala at kumpiyansa, malalim ang naging samahan nina Aquino at Purisima, na nagsimula pa noong panahon na inaatake ng kudeta ang administrasyon ng kanyang namayapang ina na dating pangulong Cory Aquino.
Si PNoy na rin naman ang nagkuwento sa isa sa kanyang mga naging talumpati tungkol sa nagawa sa kanya ni Purisima nang ma-ambush siya noong panahon na pangulo pa ang kanyang ina.
Sa madaling salita, buo ang tiwala at kumpiyansa ni PNoy kay Purisima na gagawin nito nang tama at walang sablay ang anumang ibibigay niyang direktiba, bagay na hindi nangyari sa naging misyon ng SAF troopers sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Sa lumabas na mga ulat, inihayag ni PNoy na kung may pagkukulang man siya sa nangyari sa Mamasapano, ito ay ang kabiguan niyang matunugan kaagad na hindi sinunod ng mga pinagkatiwalaan niyang tao ang kanyang simpleng utos ang ipaalam sa acting PNP o PNP-OIC Gen. Leonardo Espina ang gagawing misyon sa Mamasapano at makipagkoordinasyon sa militar.
May basehan naman si PNoy kung sumama man ang loob niya kay Gen. Purisima at tuluyang humantong ito sa pagkakasira ng kanilang pagkakaibigan. Sino nga ba ang makapagsasabi na baka kung sinunod lang niya at ni dating SAF commander Director Getulio Napeñas ang bilin ni PNoy, baka buhay pa ang Fallen 44, o baka hindi ganito karami ang nasawi o ka-brutal ang kanilang pagpanaw.
***
Bukod dito, kung sinunod lang marahil ng dalawang opisyal ng PNP ang direktiba ni PNoy, marahil ay hindi makakaladkad nang husto sa sisihan ang Pangulo. Ang ibang kritiko kasi ng administrasyon, ginagamit na isyu laban kay PNoy ang kawalan ng alam ni Espina sa nangyaring misyon, pati na ang hindi kaagad pagresponde ng militar upang masaklolohan ang napahamak na SAF troopers dahil sa kawalan ng koordinasyon.
Ang posisyon bilang lider ng bansa ay base rin sa “trust and confidence” na ibinigay ng mga botante sa mandato ng taong inihalal nilang Pangulo. Kaya naman ganoon na lang ang hangarin ng Pangulo na tamang tao ang mailalagay niya sa iba’t ibang sangay ng gobyerno upang makamit niya ang inaasahan sa kanya ng mamamayan na pagbuti ng kalagayan ng bansa.
Hindi naman sila binibigo ni PNoy kung pag-uusapan ang aspeto ng patuloy na pagbuti ng lagay ng ekonomiya, dumadami ang bilang ng mga may trabaho, gumaganda ang kalidad ng edukasyon, nilalabanan ang katiwalian, pinapahusay ang sistema ng transportasyon, at marami pang iba.
Ang pagkasawi ng maraming buhay sa Mamasapano para sa misyon na tugisin ang mga mapanganib na terorista ay isang trahedya. Pero huwag na nating dagdagan ang trahedya dahil sa mga tsismis, mga walang basehang akusasyon, at batuhan ng sisi na hindi makatutulong sa bayan at sa paghahanap ng katarungan.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/mar2515/edit_spy.htm#.VRKh8OG4TzM
Monday, March 23, 2015
Sino ang dapat mag-sorry?
Sino ang dapat mag-sorry?
REY MARFIL
nilabas na rin ng Senado ang resulta ng kanilang imbestigasyon tungkol sa Mamasapano encounter, at sinasabing halos hindi ito naiiba sa resulta ng imbestigasyon na ginawa ng Board of Inquiry (BOI) ng Philippine National Police (PNP).
Kung paglabag daw sa chain of command ng PNP ang birada ng BOI kay Pangulong Noynoy Aquino, aba’y sa Senate committee report, si PNoy naman daw ang may “ultimate responsibility” sa nangyaring sagupaan na ikinasawi ng may 60 katao kabilang ang 44 kasapi ng Special Action Force (SAF).
Sa totoo lang, hindi na dapat maging isyu ang “responsibilidad” sa nangyaring trahedya sa Mamasapano dahil kung babalikan ang televised national address ni PNoy noong Pebrero, inako na niya ang responsibilidad sa nangyari bilang “lider ng bansa.”
Pero kung dapat bang mag-sorry si PNoy sa nangyari mukhang ibang usapan iyan. Kahit ang karaniwang tao, hindi mo mapipilit na mag-sorry kung hindi naman ikaw ang nagkasala.
Hindi naman yata tama na dahil alam mo ang nangyaring kasalanan, ikaw na ang dapat mag-sorry dahil ayaw umamin ng tunay na may kasalanan.
Kung babalikan natin ang kuwento sa mga pangyayari batay sa mga lumabas sa media, inamin naman ni PNoy na batid niya ang operasyon ng SAF troopers sa Mamasapano para hulihin ang mga mapanganib na terorista. Hindi ba’t lumabas na rin naman sa mga ulat na ilang beses at ilang taon nang binalak na isagawa ang pagdakip kina Marwan at Basit Usman?
Pero kahit alam ni PNoy ang misyon na gagawin ng SAF, hindi naman siya ang nagplano kung kailan, papaano, saan at sinu-sino ang huhuli sa mga wanted na terorista. Sino ang may kakayahan at katungkulan na gawin ang mga planong ito at ipatupad?
Bakit hindi natin itanong kina ex-PNP chief Alan Purisima at ex-SAF chief Director Getulio Napeñas Jr., na silang nagpresinta ng plano kay PNoy?
Natanong na rin ba kina Purisima at Napeñas kung bakit hindi nila sinunod ang utos ni PNoy na ipaalam kay OIC-PNP Chief Leonardo Espina ang misyon sa Mamasapano? Dito ay makikita na hindi talaga nais ng Pangulo na paglihiman ng impormasyon tungkol sa misyon ang PNP-OIC.
***
Isa pang dapat na tandaan na base sa mga ulat, si Purisima ang nagsabi kay Napeñas na siya na ang bahala kay Espina at maging sa militar. Dahil pinaniwalaan ni Napeñas si Purisima kahit batid niyang suspendido ito, sino ang may kasalanan?
Bukod diyan, lumalabas din na hindi rin nasunod ang utos ni PNoy kay Napeñas na makipag-ugnayan sa militar sa gagawing misyon ng SAF sa Mamasapano. Kaya naman nang mapa-engkuwentro na ang SAF, nahirapan at hindi kaagad nakasaklolo ang militar dahil wala silang kamalay-malay sa nangyayari dahil sa ginawang paglilihim sa kanila.
Bilang lider ng bansa, karapatan ni PNoy na makakuha ng pinakamabilis na impormasyon sa sinumang maiisip niyang tauhan o opisyal ng mga sangay ng pamahalaan na makatutulong sa kanya, lalo na kung kailangang-kailangan.
Mahalagang misyon ang pagtugis sa mga kilabot na teroristang sina Marwan at Usman kaya marahil ay naisip niya na tanungin ang mga taong may pinaka-nalalaman sa plano; mga tao na silang dapat na umako ng responsibilidad at kung kinakailangan ay mag-sorry sa kinahantungan ng misyon.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/mar2315/edit_spy.htm#.VQ8_i45c5dk
Friday, March 20, 2015
Tuloy ang programa
Tuloy ang programa
REY MARFIL
Makatwirang batiin at pasalamatan ang administrasyong Aquino sa desisyong itaas ang pondo para sa conditional cash transfer (CCT) program ngayong taon na nagkakahalaga P64.7 bilyon.
Habang abalang-abala ang pamahalaan sa paglikha ng karagdagang trabaho, magpapatuloy ang programa na isa sa pangunahing epektibong hakbang upang matulungan ang mga nangangailangan.
Kailangang suportahan natin ang pinalawak na CCT program lalo’t marami nang mga Pilipino ang direktang nakinabang dito para makabili ng pagkain, gamot at makapagtapos ng pag-aaral ang mga bata.
Pinalawak ang CCT program para makinabang ang 4,309,769 na mahihirap na pamilya sa buong bansa.
Dahil sa pinalaking sakop ng programa, tutulungan na ring makatapos ng pag-aaral maging ang nasa high school dahil mas malaki ang tsansang makakuha sila ng trabaho.
Bukod dito, matutulungan na rin ng CCT program ang walang mga tirahan at maging mga katutubo sa pamamagitan ng household-based survey.
Sa 2015, inaasahan ng administrasyong Aquino na bubuti ang kalagayan sa buhay ng 50 porsiyento o 2 milyong pamilya sa tulong ng programang CCT at karagdagang 300,000 pamilya naman ang makakapasok sa tinatawag na “self-sufficiency”.
***
Panibagong testamento na naman ng matuwid na daang kampanya ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang parangal na nakuha ng bansa dahil sa isinusulong na Grassroots Participatory Budgeting (GPB) program.
Nanalo ang GBP ng ikatlong puwesto sa 2014 Open Government Awards na iprinisinta sa Open Government Partnership (OGP) high-level event sa New York.
Isang alternatibong paraan ng pagbabadyet ang GPB program kung saan pinapayagan ang mga komunidad at lokal na pamahalaan na tukuyin ang mga proyektong popondohan na pakikinabangan ng kanilang komunidad at popondohan ng pamahalaan.
Ibig sabihin, binibigyan ng pamahalaan ang mga tao ng kapangyarihan na tumukoy ng mga programa at malalim na makilahok sa proseso ng badyet.
Malinaw na promosyon ito ng transparency sa paggugol ng salapi ng taumbayan.
Tinanggap ni Social Welfare Sec. Dinky Soliman ang parangal kung saan napunta ang dalawang pangunahing parangal sa Denmark at Montenegro, ayon sa pagkakasunud-sunod.
Noong 2013, nanalo ang Citizen Participatory Audit -- isang joint Commission on Audit-civil society project na sumaliksik sa performance ng pamahalaan -- ng Bright Spots Award sa OGP Summit sa London.
Isang samahan ang OGP na kinabibilangan ng 64 na pamahalaan at internasyunal at nasyunal na civil society organizations kasama ang layunin na palalimin ang kanilang koneksyon.
Obligasyon ng bawat bansang kasapi na maging transparent at accountable ang kinauukulang mga pamahalaan.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/mar2015/edit_spy.htm#.VQtEeI5c5dk
Wednesday, March 18, 2015
Basahin at suriin ang BOI report
Basahin at suriin ang BOI report
REY MARFIL
Lumabas na ang pinakahihintay na resulta ng imbestigasyon ng Board of Inquiry (BOI) ng Philippine National Police (PNP) tungkol sa naganap na Mamasapano encounter kung saan mahigit 60 katao ang nasawi kasama ang 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF).
Pero kasabay ng paglabas ng BOI report ay ang paglitaw din ng iba’t ibang interpretasyon, pananaw at panghuhusga ng mga tao -- depende siguro kung sino ang kanilang pinapanigan. Kaya naman mas makabubuti na tayo na mismo ang magbasa ng report na makikita naman sa website ng PNP, at magsagawa ng sarili nating pag-analisa.
Mahalaga ang BOI report dahil ito ay resulta ng imbestigasyon ng mismong PNP, kung saan kabilang ang mga nasawing SAF. Dahil dito, marami ang umaasa na walang kikilingan ang BOI at tutumbukin kung sino ang mga may pagkukulang sa nangyaring misyon ng SAF troopers sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Kung tutuusin, kasama sa trabaho ng SAF ang peligro sa buhay sa bawat misyon na kanilang susuungin. Kahit nga ang karaniwang pulis na nakikita natin sa kalye o patrol car, kahit wala silang special training gaya ng ginagawa ng SAF, sasabihin nila na nasa hukay ang isa nilang paa tuwing lalabas na sila sa kanilang tahanan dahil batid nila na ang pinasok nilang trabaho ay hindi pangkaraniwan. Hindi naman sila bibigyan ng baril kung hindi peligroso ang kanilang propesyon, ‘di po ba?
At dahil tinatawag na elite of the elite ang SAF sa sangay ng PNP, sila ang ipadadala sa mga masasabi nitong “buwis buhay” na misyon gaya nga ng pagtungo nila sa Mamasapano para hulihin ang mga mapanganib na terorista. Alalahanin din natin na kasama rin ang SAF sa mga ipinadala noon sa Zamboanga City nang sumalakay doon ang ilang miyembro ng Moro National Liberation Front na kapanalig ni Nur Misuari.
Katunayan, ilan sa mga nasawing bayaning SAF sa Mamasapano mission ay beterano ng Zamboanga siege. At hindi naman nabigo ang bansa sa inaasahang husay ng SAF troopers dahil napatay nila ang international terrorist na si Malaysian Zulkifli bin Hir alias Marwan. Dahil dito, nabanggit noon ng sinibak na SAF commander na si Getulio Napeñas Jr., na sa kabila ng trahedya, “worth it” ang misyon dahil nabura na sa mapa si Marwan, na sinasabing Bin Laden ng Asya.
***
Kapuna-puna sa BOI report na bumabagsak kay Napeñas ang sisi sa sinapit ng SAF troopers na sinasabing sa simula pa lang kahit sa pagpaplano ay mayroon na umanong depekto. Kaya naman kung si Sen. Antonio Trillanes IV ang tatanungin, dapat akuin na ni Napeñas ang buong pananagutan sa misyon at huwag nang ibato ang sisi sa pagkamatay ng 44 SAF sa iba -- maging sa sinasabing naantalang suporta ng militar.
Dapat ding unawain ang bahagi ng BOI report na nagsasabing kasama si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino (pati na sina dating PNP chief, Gen. Alan Lastimosa at Napeñas), sa lumabag sa tinatawag na chain of command ng PNP dahil sa hindi nasabihan sina PNP-OIC Gen. Leonardo Espina at DILG Sec. Mar Roxas.
Ngunit kung si Justice Sec. Leila de Lima ang tatanungin, hindi kagaya ng militar, walang umiiral na chain of command sa PNP dahil ang sangay ay sibilyan. Kung tama ang pananaw ng kalihim, lilitaw na walang nilabag si PNoy.
Kung anuman ang kahantungan ng imbestigasyon sa naganap na trahedya sa Mamasapano, ang mahalaga nawala na si Marwan na malaking peligro ang dulot sa kaligtasan ng mga tao.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/mar1815/edit_spy.htm#.VQiico5c5dk
Monday, March 16, 2015
Wag gamitin sa pulitika
‘Wag gamitin sa pulitika
REY MARFIL
Hindi pa lumalabas ang resulta ng mga imbestigasyon sa Mamasapano encounter pero mukhang hindi na maiiwasan na mayroong mga tao o grupo na kakaladkarin sa pulitika ang paghahanap ng hustisya sa nasawing magigiting na mga miyembro ng Special Action Force o ang SAF 44.
Gaya na lang ng ginawa ng Board of Inquiry (BOI) ng Philippine National Police na ipagpaliban ng ilang araw ang pagsusumite nila ng pinal na ulat sa Mamasapano probe para marepaso nilang mabuti ang ulat, aba’y mayroon kaagad na naghinala na may kinalaman dito si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino.
Nataon kasi na may dinaluhang pagtitipon si PNoy nang araw din na dapat sanang ilalabas ng BOI ang kanilang ulat pero kanilang ipinagpaliban. Sa naturang pagtitipon, muling ipinaliwanag ng Pangulo ang limitado niyang nalalaman sa operasyon ng SAF sa Mamasapano na nauwi nga sa trahedya.
Kung tutuusin, wala namang bago sa inilahad ni PNoy sa nabanggit na pagtitipon dahil noon pa man ay lumabas na rin sa mga ulat na nadismaya siya sa mga maling impormasyon na kanyang natanggap mula sa opisyal na namamahala sa operasyon nang mga sandaling nagaganap ang pakikipaglaban ng SAF sa Mamasapano.
Ang naturang bagay ay nabanggit ni PNoy sa pakikipag-usap niya sa ilang mambabatas ilang linggo na ang nakalilipas at nalathala na sa mga balita. Kaya imposibleng paniwalaan ang hinala ng iba na makakaapekto pa iyon sa resulta ng imbestigasyon ng BOI.
Bukod diyan, ang BOI ay isa lang sa mga ahensya na nagsagawa ng pagsisiyasat sa Mamasapano encounter. Kaya naman madaling maikukumpara ang resulta ng imbestigasyon ng BOI sa imbestigasyon ng iba pang grupo gaya ng Senado, Commission on Human Rights, Department of Justice, Moro Islamic Liberation Front, at iba pa.
***
Kapansin-pansin din ang ipinatawag na press briefing ng grupo ng minorya o oposisyon sa Kamara de Representantes, at kasama ang ilang kaanak ng ilan sa nasawing SAF para igiit na ituloy ang imbestigasyon nila sa Mamasapano clash.
Ibig bang sabihin nito ay duda o hindi kumbinsido ang ilang kaanak ng nasawing SAF na dumalo sa presscon ng oposisyon sa Kamara, sa magiging resulta ng imbestigasyon ng BOI, Senado, at iba pang ahensya? Hindi naman kaya ang mga mambabatas lang sa oposisyon ang may gusto na matuloy ang pagdinig sa Kamara para makakuha muli sila ng atensiyon sa media?
Atensiyon din kaya ng media ang habol ni Akbayan Partylist Rep. Walden Bello kaya siya kumalas sa alyansa sa grupo ng administrasyon sa Kamara? Kung sasabihin kasi na napuno na siya sa labis na pagkadismaya kaya siya bumitiw ng suporta sa administrasyong Aquino, aba’y tila mahirap itong paniwalaan. Maraming beses na kasi siyang bumabanat, bumabatikos at maraming reklamo sa gobyerno noon pa man kahit pa sinasabing kaalyado siya ng gobyerno.
Bukod diyan, lumabas na sa mga ulat ang desisyon niyang kumalas sa administrasyon pero bakit nais pa rin niyang magtalumpati sa plenaryo ng Kamara? Para saan pa, gayung naipaliwanag na niya na kumalas siya dahil sa sinasabi niyang cover-up at paninisi ni PNoy sa iba ukol sa Mamasapano mission.
Pero gaya ng mga batikos niya noon sa administrasyong Aquino, mag-isa lang si Bello at nananatili ang suporta ng Akbayan at ng iba pang opisyal ng partylist group kay PNoy. Bakit kaya inabot ng halos limang taon, o mahigit isang taon bago ang 2016 elections bago naisipan ni Bello na kumalas kuno sa administrasyon? Nagtatanong lang.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/mar1615/edit_spy.htm#.VQX-DY5c5dk
Friday, March 13, 2015
May mga magandang nangyayari
May mga magandang nangyayari
REY MARFIL
Dahil puro
balita tungkol sa Mamasapano tragedy at all-out war ng militar laban sa
Bangsamoro Islamic Freedom Fighters ang madalas na mabigyan ng malaking
importansya sa nakaraang mga araw, hindi na natin masyadong namamalayan na
mayroong mga magagandang nangyayari sa ating bansa.
Kahit wala
pa ang resulta ng imbestigasyon na ginawa ng iba’t ibang sangay ng gobyerno
tungkol sa Mamasapano encounter, kapuna-puna na sadyang may ilang sektor na
nais na ibato ang sisi kay Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang sinapit ng mga
nasawing SAF troopers. Kaduda-duda rin ang intensyon ng ilan kung bakit
pinipilit nila ang Pangulo na mag-sorry gayung hindi naman siya ang namuno at
nagsagawa ng plano sa naging misyon sa Mamasapano.
Pero dahil
nga sa mainit na usapin na may kaugnayan sa Mamasapano, Bangsamoro Basic Law
at BIFF all-out war, may mga pangyayaring positibo na hindi natin lubos na
nabigyan ng pansin. Gaya na lang ng pandaigdigang paggunita sa Araw ng mga
Kababaihan na ang ilang pagtitipon tungkol dito ay nabahiran at idinikit pa rin
sa Mamasapano tragedy.
Kung
tutuusin, napakahalagang mabigyan ng sapat na pagkilala ang ating mga
kababaihan dahil sa malaking kontribusyon nila sa lipunan at sa kani-kanilang
pamilya.
Katunayan,
base sa ulat ng International Organization for Migration, bagaman mas maliit
ang kinikita ng mga kababaihang nagtatrabaho sa ibang bansa, mas malaki, kung
hindi man kapantay sila ng mga kalalakihan kung magpadala ng kita sa kanilang
kaanak na naiwan sa Pilipinas.
Maliban pa
dito, mas regular at sa mas mahabang panahon kung magpadala ng pera ang mga
babaeng nasa abroad kaya itinuturing mas maaasahan sila ng kanilang pamilya.
***
Samantala,
magandang malaman din na tuloy ang trabaho ng gobyernong Aquino at hindi
nagpapatali sa usapin ng BBL, all-out war at Mamasapano tragedy. Gaya halimbawa
ng pagpapalabas ng pondo na aabot sa P3.45 bilyon para sa mga tobacco-producing
local government units, gaya ng nasa Ilocos region.
Tiyak na malaki
ang maitutulong ng pondo sa mga magsasaka ng tobacco para masuportahan ang
kanilang mga programa at proyekto na makadaragdag sa kanilang kita. Ang P3.45
bilyon ay parte ng tobacco-producing local government units sa kita ng gobyerno
mula sa buwis ng mga produktong tobacco, alinsunod sa itinatakda ng bansa.
Gaya ng mga
magsasaka ng tobacco, may magandang balita rin sa mga nasalanta ng bagyong
Yolanda dahil sa may 700 proyektong pabahay na ipinagkaloob ng Prince and Grand
Master ng Sovereign Order of Malta na si Fra’ Matthew Festing.
Bumisita
kamakailan si Fra’ Festing sa bansa para sa 50th anniversary ng diplomatikong
relasyon ng Sovereign Order of Malta at Pilipinas kung saan isinagawa ang
symbolic handover sa mga bahay para sa Yolanda victims.
Maging ang
mga naapektuhan at nawalan ng tirahan sa nangyaring Zamboanga siege noong 2013
ay nakatanggap din ng magandang balita. Naipagkaloob na kasi ng National
Housing Authority sa mahigit ng 100 pamilya ang pabahay para sa kanila na
bahagi ng Zamboanga Roadmap to Recovery and Reconstruction ng gobyernong Aquino
sa mga naapektuhan ng kaguluhan.
Makatatanggap
din ang mga benepisyaryo ng pabahay ng ayudang pinansyal mula sa gobyerno para
may magamit silang pantustos sa kanilang pangangailangan sa pagsisimula ng
panibago nilang buhay sa bago nilang tahanan.
Panibagong
sigla rin ang maidudulot sa bansa at ekonomiya ng iba pang proyekto at programa
ng pamahalaang Aquino gaya ng planong pagpapaganda sa pasilidad at pagpapalawak
ng operasyon ng Clark International Airport. Sa proyektong ito, inaasahang
mababawasan ang pagsisiksikan ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International
Airport.
Bukod pa
diyan ay nakalinya rin sa public-private partnership (PPP) program ang unang
subway system na Mass Transit System Loop Project (MTSL), na inaasahang
makababawas sa mabigat na trapiko sa Metro Manila.
Nandiyan din
ang Integrated Transport System-Southwest Terminal project, ang LRT Line 1
Cavite Extension, ang Daang Hari-South Luzon Expressway Link Road, ang Ninoy
Aquino International Airport Expressway, ang Mactan-Cebu International Airport
Project, at iba pa.
Laging
tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/mar1315/edit_spy.htm#.VQIM1I5c5dk
Wednesday, March 11, 2015
Malinaw ang tiwala!
Malinaw ang tiwala!
REY MARFIL
Malinaw sa pinakabagong
survey ng Social Weather Station (SWS) na positibo ang pananaw ng mayorya ng
mga Filipino sa maayos na kalidad ng buhay at magandang lagay ng ekonomiya sa
susunod na 12 buwan.
Solidong
indikasyon ito ng malaking suporta at pagtitiwala kung papaano pinatatakbo ni
Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang bansa sa tulong ng matuwid na daan.
Bagama’t
sakop ng SWS survey ang huling quarter ng 2014, ipinapakita ang magandang
pananaw ng maraming mga Filipino sa maayos na pagpapatakbo sa bansa ng
administrasyong Aquino.
Base sa
resulta ng SWS survey noong 2014, 41 porsiyento ng respondents ang umaasang
bubuti pa ang kanilang kalagayan sa buhay habang anim na porsiyento lamang ang
nagsabi ng kabaligtaran.
Lumabas na
naitala ang net personal optimism score na “very high” na 35% mula sa 30% noong
ikatlong quarter ng taon at 33% noong Disyembre 2013.
***
Sa SWS
survey na isinagawa mula Nobyembre 27 hanggang Disyembre 1, 2014, nabatid rin
na marami sa mga Filipino ang nakikitang bubuti ang lagay ng ekonomiya ng bansa
sa susunod na 12 buwan.
Naitala ang
iskor na 31% mula sa dating 30% noong Setyembre 2014 at 15% lamang ang
naniniwalang hindi magiging maganda mula sa dating 19%.
Maaaring
mayroong naging suliranin sa naganap na insidente sa Mamasapano, pero hindi
nangangahulugang palpak ang administrasyong Aquino.
Nais rin ng
karamihan ng mga Filipino na matapos ni PNoy ang kanyang termino.
Nagsasamantala
lamang ang grupong nanawagan ng kanyang pagbibitiw para mawalan ng saysay ang
magagandang mga nagawa ng pamahalaan.
Hindi naman
kasi talaga tama na gamitin ang nangyaring insidente sa Mamasapano para
kalimutan na ang mabubuting ginawa ni PNoy lalung-lalo na sa larangan ng pagsugpo
sa katiwalian.
Kaya nga
tumatag ang ekonomiya ng bansa dahil sa malinis na pamamahala ni PNoy at isa sa
mayroong pinakamalakas na ekonomiya sa Asya ang Pilipinas.
Tinutukan
rin kasi ni PNoy ang matalinong paggugol sa pondo kung saan naglaan ng mas
malaking pondo sa mga programang direktang makikinabang ang pangkaraniwang mga
tao katulad ng pagsugpo sa kahirapan, edukasyon, modernisasyon at pagpapabuti
ng imprastraktura.
Laging
tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/mar1115/edit_spy.htm#.VP9vQI5c5dk
Monday, March 9, 2015
-Sinasamantala
-Sinasamantala
REY MARFIL
Tama ang inihaing resolusyon ng mga kongresista sa Bicol
region na nagpapahayag ng todong suporta sa pagkakaroon ng kapayapaan sa
Mindanao at pananatili ng liderato ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa gitna
ng walang basehang panawagang bumaba siya sa kapangyarihan dahil sa naganap na
insidente sa Mamasapano, Maguindanao. Sa pangunguna ni Catanduanes Rep. Cesar
Sarmiento, nanindigan ang mga ito sa pamamagitan ng House Resolution (HR) No.
1945 na hindi tamang kuwestiyunin ang pamunuan ni Pangulong Aquino matapos
masawi ang 44 na mga kasapi ng Special Action Force (SAF) ng Philippine
National Police (PNP).
Nanawagan ang mga kongresista sa pagpapanatili ng kapayapaan
sa buong bansa upang hindi naman mauwi sa wala ang sakripisyo sa pagbuwis ng
buhay ng 44 na kasapi ng SAF at iba pang nasawi sa mga bakbakan sa Mindanao.
Matagumpay naman ang naging operasyon ng SAF sa Tukanalipao, Mamasapano noong
Enero 25, 2015 kung saan napatay si Malaysian terrorist Zulkifli bin Hir o
“Marwan” at nasugatan ang nakatakas na si Filipino terrorist Basit Usman.
Kasama ni Sarmiento sa paghahain ng HR No. 1945 sina Albay
Reps. Edcel Lagman, Fernando Gonzales, at Al Francis Bichara; Camarines Norte
Reps. Elmer Panotes, at Cathy Barcelona-Reyes; Camarines Sur Reps. Maria Leonor
Gerona-Robredo, Felix William Fuentebella, at Salvio Fortuno; AKO Bicol
partylist Rep. Rodel Batocabe; Sorsogon Reps. Deogracias Ramos Jr., at Evelina
Escudero; at Masbate Reps. Elisa Kho, Maria Vida Bravo at Scott Davies Lanete.
Hindi naman maikakaila na ilang dismayadong grupo lamang na
nasagasaan ng matuwid na daan at malinis na pamamahala ni PNoy ang nasa likod
ng panawagang magbitiw ito sa posisyon. Kaya pilit ginagamit ng mga ito ang
insidente sa Mamasapano para linlangin ang publiko at manggulo sa bansa sa
pamamagitan ng mga bali-balita na mang-aagaw ng kapangyarihan.
Wala sa hulog ang grupong nanggugulo dahil hindi pinapayagan
ng Konstitusyon ang pagkakaroon ng transition council para magpalit ng matataas
na mga halal na opisyal sa bansa. Malinaw ang naging mandato ni PNoy na
lehitimong nanalong lider ng bansa noong Mayo 2010 at mananatili sa
kapangyarihan hanggang sa katapusan ng Hunyo 2016.
***
Malinaw na pamumulitika ang pakay ng tinaguriang National
Transformation Council (NTC) sa panawagang bumaba sa kapangyarihan si PNoy gamit
ang naganap na insidente sa Mamasapano.
Nagtatangka ang grupo na mapahina ang lakas ni PNoy na
mag-endorso ng kanyang kapalit sa panguluhan. Kasama na rin sa walang basehang
panawagan ng grupo na sirain ang magagandang nagawa ng administrasyong Aquino lalung-lalo
na sa larangan ng pagsugpo ng katiwalian. Nakakalungkot lamang na ginagamit ng
grupo ang naganap na insidente sa Mamasapano para sa kanilang personal na
hangarin sa halip na makiisa sa panawagan na magkaroon ng hustisya. Ngunit
matalino ang mga Filipino, hindi na magpapagamit sa maling pamumulitika ng mga
oportunista.
Halata ring mayroong pondo ang organisadong grupo na
kinabibilangan ng mga taong kilalang nasagasaan ng tuwid na daang kampanya ni
PNoy katulad ng nasibak na si Chief Justice Renato Corona.
Nagsasamantala ang grupo sa hangaring pahinain ang lakas ng
endorsement power ni Pangulong Aquino sa 2016 presidential elections lalo’t
hindi naman magtatagumpay ang kanilang maling layunin sa bansa.
Nandiyan rin sa grupong nanggugulo ngayon ang mga
personalidad na naghahangad na makabalik sa kapangyarihan matapos silang isuka
sa nakalipas na halalan. Ginugulo ng ilang mga personalidad ang patuloy na
diskarte ni PNoy na ipabilanggo ang mga mandarambong sa kaban ng bayan. Malinaw
na walang basehan ang panawagan ng ilang grupo na magbitiw si PNoy na
naghahangad lamang na muling makabalik sa posisyon para sa kanilang maling
hangarin sa bansa.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter:
follow@dspyrey)
Subscribe to:
Posts (Atom)