Friday, January 30, 2015

-Kapayapaan at katarungan





                                           -Kapayapaan at katarungan
                                                           REY MARFIL/Spy on the Job
                                                                        Jan. 30, 2015

Nagluluksa ang bansa sa pagkamatay ng 44 na magigi­ting na tauhan ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) habang tinutupad ang kanilang tungkulin.


Pero sa harap ng nararamdaman nating matinding emosyon, hindi natin dapat kalimutan ang kahalagahan ng isinusulong na negosasyon sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) para sa kapayapaan sa Mindanao.


Sa kanyang pagharap sa bansa nitong Miyerkules, inihayag ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang pagtutol sa mungkahi ng ilan na talikuran na ang peace negotiation na isinasagawa sa MILF, na mahabang panahon na binalangkas ng magkabilang panig.


Marami ang galit ngayon sa MILF dahil kabilang ang puwersa nito sa mga nakapatay sa mga tauhan ng SAF sa Mamasapano, Maguindanao. Nagtungo sa lugar ang mga bayaning SAF upang dakpin ang wanted na teroristang sina Abdulbasit Usman at Zulkipli Bin Hir, alias Abu Marwan, na kinakanlong ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter.


Bilang pinuno ng bansa at itinuturing na ama ng bayan, inihayag ni PNoy ang matinding kalungkutan sa sinapit na pagbubuwis ng buhay ng 44 kasapi ng SAF. Inilaan nila ang kanilang buhay para madakip ang dalawang tao na nagdudulot ng matinding banta sa seguridad ng maraming tao -- hindi lang sa Pilipinas.


Maliban kasi sa Pilipinas, si Marwan ang itinuturong nasa likod ng maraming insidente ng pambobomba sa iba pang bahagi ng Asya, kabilang na ang Bali bombing sa Indonesia na ikinasawi ng mahigit 200 katao.

Sadyang mapanganib na tao ang target ng operasyon.


Kaya naman napakahalaga ng misyon ng SAF na madakip sina Marwan at Usman, na nagresulta nga ay pagbubuwis ng 44 na buhay. Kasabay nito ay tiniyak ni PNoy na mananagot ang mga opisyal na nagkarooon ng pagkukulang sa nasabing operasyon, batay na rin sa magiging resulta ng imbestigasyon ng binuong board of inquiry.


***


Gayunman, sa kabila ng trahedyang ito, naniniwala si Aquino na dapat pa ring maipagpatuloy ang negosasyon sa MILF. Magandang hakbang din ang desisyon ng kanilang liderato sa pagbuo ng sariling grupo na magsisiyasat sa nangyaring insidenteng nauwi sa bakbakan ng dalawang puwersa, na magkakampi dapat sa panga­ngalaga ng kaligtasan ng mga Pilipino.


Nawa’y makapagpalabas din kaagad ng resulta ang gagawing imbestigasyon ng MILF at papanagutin ang kanilang mga tauhan na mapapatunayang nagkasala. Sa ganitong paraan ay maipakikita nila sa mga mambabatas at sambayanan ang kanilang sinseridad na ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan at pakikiisa sa paghahanap ng katarungan.


Habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon ng pamahalaan at MILF sa naganap na engkuwentro, makabubuting sundin ang pakiusap ni PNoy na iwasan sana ang pagkakalat ng haka-haka tungkol sa pangyayari.


Maging mapagmasid din sana ang publiko at pag-aralang mabuti ang magiging pahayag ng ilang pulitiko tungkol sa trahedyang ito. Hindi maiiwasan na mayroong mga sumakay para sa personal na interes at mayroon ding mga sadyang kritiko ng administrasyon.


Tama si PNoy, malayo na ang narating ng bansa tungo sa kapayapaang matagal nang minimithi para sa Mindanao. Maraming pagsubok na ang pinagdaanan nito at nararapat lang siguro na bigyan pa rin ito ng pagkakataon ng ating mga mambabatas na tumatalakay sa Bangsamoro Basic Law. 


Higit kailanman, ngayon, sa harap ng ating pagluluksa at matinding emosyon na makabawi, dapat magsama-sama ang mga mamamayan na paibabawin ang nagkakaisang adhikain na makamtan ang matagal nang inaasam na kapayapaan sa bansa, kasabay ng paghahanap ng katarungan ng ating mga bayaning pulis ng SAF.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” ­(Twitter: follow@dspyrey)

Monday, January 26, 2015

Pampatalinong pondo





                                                Pampatalinong pondo
                                                          REY MARFIL/Spy on the Job
                                                                      Jan. 26, 2015

Magandang balita ang pagpapalabas ng administrasyong Aquino sa P290.4 milyong pondo para sa rehabilitasyon ng mga pasilidad ng state universities and colleges (SUCs) na sinira ng nakalipas na mga kalamidad.


Sa kautusan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino agarang ibinigay ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo sa Commission on Higher Education (CHED) para sa 23 SUCs na naapektuhan ng sumusunod na mga kalamidad: 7.2 lindol na tumama sa Visayas noong 2013, Zamboanga City siege noong 2013, at mga bagyong Labuyo, Odette, Santi, Sendong at Vinta.


Gagamitin ang pondo para palitan ang nasirang mga kagamitan, rehabilitasyon ng sistemang patubig, at pagbili ng tinatawag na energy-saving devices at generator sets. Kinuha ang P290.4 milyon sa 2014 Rehabilitation and Reconstruction Fund (RRF).


Narito ang sumusunod na makikinabang na SUCs at halaga ng pondo: Apayao State College (P11.347 milyon); Ifugao State University (P19.35 milyon); Batanes State College (P10.245 milyon); Nueva Vizcaya State University (P56.84 milyon); Quirino State University (P2.244 milyon); Cagayan State University (P7.596 milyon); Aurora State College of Technology (P3.088 milyon); Ramon Magsaysay Technological University (P3.134 milyon); Pampanga Agricultural College (P5.767 milyon); Tarlac State University (P3.97 milyon); Tarlac College of Agriculture (P12.232 milyon); at Nueva Ecija University of Science and Technology (P56.346 milyon).


Kasama rin sa benepisyunaryo ang Bohol Island State University (P39.411 milyon); Siquijor State College (P1.554 milyon); Negros Oriental State University (P3.5 milyon); Zamboanga State College of Marine Science and Technology (P4 milyon); Zamboanga City State Polytechnic College (P34 milyon); Misamis Oriental College of Agriculture and Technology (P2.15 milyon); Bukidnon State University (P3.187 milyon); Davao Oriental State College of Science and Technology (P3.2 milyon); Surigao del Sur State University (P1.895 milyon); Sulu State College (P1.8 milyon); at Adiong Memorial Polytechnic State College (P3.550 milyon).


Noong nakalipas na Mayo, 35 SUCs ang nakatanggap ng P987.3 milyon sa ilalim pa rin ng 2014 RRF na mayroong kabuuang P3 bilyon. Ilan lamang ito sa mga paraang isinasakatuparan ng administrasyong Aquino para mabilis na maisaayos ang nasirang mga pasilidad upang lalong bumuti ang kalidad ng edukasyon sa bansa.


Batid ng Pangulo ang kahalagahan na tiyaking ligtas sa lahat ng pagkakataon ang mga pasilidad na pang-edukasyon sa bansa lalo’t madalas tamaan ng kalamidad ang bansa.


***


Isa pang magandang balita na naman ang kautusan ni PNoy sa Department of Budget and Management (DBM) na ipalabas ang P775.5 milyon para solusyunan ang kakapusan ng mga silid-aralan sa iba’t ibang mga lugar sa bansa.


Ipagkakaloob ang pondo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na ikaapat na transaksiyon ng P39-bilyong Basic Education Facilities Fund (BEFF) sa ilalim ng 2014 General Appropriations Act (GAA).

Aabot sa kabuuang 552 silid-aralan ang gagawin sa 128 mga lugar sa bansa para lalong mapabuti ang kalidad ng edukasyon.


Layunin ng BEFF na isagawa ang konstruksyon, rehabilitasyon, pagpapalit, pagtatapos at pagkumpuni ng mga gusali ng eskwelahan sa mga lugar na mayroong kakapusan ng silid-aralan.


Gagamitin din ang pondo para sa konstruksyon ng mga pasilidad sa tubig at sanitasyon at pagbili ng school desks, furniture, at fixtures para sa pampublikong mga eskwelahan.


Ikinukonsiderang mayroong kakapusan sa silid-aralan ang mga lugar na umiiral ang classroom-to-student ratio na 50:1 at pansamantalang silid-aralan, makeshift o hindi na talaga halos mapakinabangan.


Naglaan ang DBM ng P764.4 milyon para sa 16 na rehiyon, at P11 milyon para sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).


Matitiyak ng ipalalabas na pondo na magiging handa ang kakayahan ng mga eskwelahan sa pangangailangan ng K-to-12 program para sa mas maayos na mga pasilidad.


Kitang-kita naman na talagang malaki ang pagpapahalaga ni Pangulong Aquino sa pagkakaloob ng prayoridad sa sektor ng edukasyon.

Laging tandaan: “Bata mo ako at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter:follow@dspyrey)

Wednesday, January 21, 2015

-Kahanga-hanga






                                                  -Kahanga-hanga
                                                      REY MARFIL/Spy on the Job
                                                                   Jan. 21, 2015

Kahanga-hanga ang ipinakitang pananampatalaya ng mga Pinoy sa pagbisita sa bansa ni Pope Francis. Umulan man o umaraw, umaga man o gabi, nagtiyaga ang ating mga kababayan na maglakad ng malayo at tiniis ang gutom makita lang at mapakinggan ang mensahe ng lider ng Simbahang Katoliko.


Bukod sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na nangasiwa sa seguridad at mga aktibidad ng Santo Papa sa bansa, dapat talagang papurihan din ang mga kababayan natin na nag­pakita ng kanilang pakikiisa para maging maayos at ligtas na maidaos ni Pope Francis ang kanyang mga aktibidad.


Sa totoo lang, dahil sa matagumpay na pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas, hindi lang naman ang pamahalaang Aquino ang nakatanggap ng kredito kung hindi ang buong mamamayang Pilipino. Kabi-kabila nga ang napaulat na papuri ng Vatican at pati ng mga dayuhang mamamahayag sa nasaksihan nilang debosyon ng mga Pinoy.


Bakit nga naman hindi, mula sa pagdating ni Pope Francis kahit gabi na, hanggang sa umulan at bumagyo, kahit na mainit nang umalis siya ng umaga sa Pilipinas, nakita nila ang napakaraming tao na nais masilayan at mabasbasan ng Santo Papa.


Dahil sa pag-ulan dulot ng bagyong Amang, may mga pangamba na baka kakaunti lang ang sumipot na tao sa misang pangungunahan ni Pope Francis sa Tacloban City, gayundin sa Luneta. Pero ipinakita ng mga Pinoy na water­proof ang kanilang pananampalataya.


***


Sa Tacloban City, hindi tubig ang bumaha kung hindi mga tao at kanilang mga luha na naantig sa mensahe ng Santo Papa para sa mga kababayan nating naulila dahil sa mga kalamidad gaya ng lindol at bagyong Yolanda.


Pagdating sa Luneta, umapaw din ang mga tao at nagawa pang higitan ang limang milyong katao na dumalo sa misang isinagawa noon ng yumaong Pope John Paul II, na isa ng Santo ngayon.


Nakalulungkot nga lang dahil may buhay na nawala sa Tacloban City nang mabagsakan siya ng scaffolding matapos ang misa dahil sa malakas na ulan. Dahil din sa bagyo ay kinailangang putulin ang takdang panahon na dapat na ilalagi ni Pope Francis sa Leyte dahil sa bagyong Amang. Madali naman itong naunawaan ng mga tao dahil batid nila higit na kailangan na unahing isipin ang kaligtasan ng Santo Papa.


Mabuti at ligtas din at hindi napahamak ang mga sakay ng eroplanong sumadsad sa Tacloban airport kung saan sakay din ang ilang opisyal ng pamahalaan na sumu­subaybay sa biyahe ng Santo Papa.

Patunay ang insidenteng iyon na hindi biro ang pagbabantay na ginawa ng pamahalaang Aquino sa lider ng Vatican.


Hindi na rin dapat na intrigahin pa ang ginawang pag­puna ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa ilang kasapi ng Simbahang Katolika sa Pilipinas sa harap ni Pope Francis dahil sa pananahimik nila noong panahon na umano’y umaabuso ang nakaraang administrasyon. Kung tutuusin, maging si Pope Francis naman ay may puna at paalala sa mga lider ng bansa na bukas sa kalooban na tinanggap ni PNoy.


Gayunman, sinabi ng Pangulo na bago pa man ang pagbisita ni Pope Francis sa bansa ay tinutugunan na ng kanyang pamahalaan ang usapin tungkol sa kahirapan at katiwalian. Isang patunay nito ang mga opisyal na kinasuhan, pagganda ng ranking ng bansa sa anti-corruption index, at ang conditional cash transfer program naman sa aspeto ng kahirapan at pagpapahalaga sa mga bata.


Napakaraming paalala at pangaral na ibinigay ni Pope Francis sa mga Pilipino; mula sa kabataan, buong pamilya, mga lider ng bansa, sa mga nahaharap sa pagsubok, at iba pa. Ang malaking pagsubok ngayon sa mga Pinoy sa pag-alis ng Santo Papa ay ipakitang hindi lang matibay ang pananampalataya ng mga Pinoy, kung hindi mahusay din tayong isabuhay ang mga pangaral na ating nakuha sa kanya.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)

Monday, January 19, 2015

-May malasakit









                                                       -May malasakit
                                                                         REY MARFIL

Kitang-kita ang malaking puso at malasakit ni Pa­ngulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa pagtugon sa mga suliranin ng overseas Filipino workers (OFWs).


Sa pamamagitan ng Department of Budget and Management (DBM), iniutos ni Pangulong Aquino ang pagpapalabas ng karagdagang P50 milyon sa Department of Foreign Affairs (DFA) para dagdagan ang P100-milyong emergency fund na makakatulong sa patuloy na pagpapabalik sa bansa ng mga kababayan nating naaapektuhan ng lumalalang kaguluhan sa Libya, Syria, Iraq, at Gaza.


Nagdeklara na ang DFA Crisis Alert Level 4 sa apat­ na bansa, nagpalabas ng total deployment ban at pagpapatupad ng mandatory repatriation para sa mga Pilipinong naninirahan doon.


Labis ang ipinapakitang pagpapahalaga ni PNoy sa ating mga kababayan na nahaharap sa problema sa seguridad sa ibang bansa kaya naman prayoridad nito ang pagpapabalik sa kanila sa Pilipinas.


Kaya sinasagot ng administrasyong Aquino ang kanilang pamasahe pagbalik sa bansa at naghahanda ng mga programa para sa kanilang hanapbuhay. Nauna nang natanggap ng DFA noong Agosto ang P100-milyong emergency fund na ginamit sa mga Pilipinong naipit sa Libya.


Magagamit ang nasabing mga pondo na kinuha sa 2013 Contingent Fund para ayudahan ang Assistance-To-Nationals (ATN) Fund ng DFA.


Bibilisan din ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang kailangang mga proseso para sa pagkakaloob ng P50-milyon at P800-milyong pondo, ayon sa pagkakasunud-sunod para tulungan ang repatriation program ng pamahalaan.


Alam ng Pangulo na mahalaga ang repatriation program sa kaligtasan ng mga Pilipinong naiipit sa problema sa seguridad sa iba’t ibang mga bansa.


Kaya naman laging inihahanda ng administrasyong Aquino ang mabilis na pagtugon sa kanilang pagpapabalik sa Pilipinas sa panahon ng krisis.


***


Patuloy na makikinabang sa matuwid na daan ni PNoy ang sektor ng agrikultura sa bansa. Bunsod ito ng ipinalabas na P2.1-bilyong pondo ng Department of Agrarian Reform (DAR) para sa konstruksiyon ng mga tulay sa iba’t ibang mga lugar sa Pilipinas.


Ipatutupad ng DAR ang programa sa ilalim ng Tulay ng Pangulo para sa Kaunlarang Pang-Agraryo (TPKP) project. Nagmula ang pondo sa 2014 pambansang bad­yet ng Department of Public Works Highways (DPWH) kung saan babayaran ang Matiere SAS, isang kumpanyang French na nagkakaloob ng materyales sa departamento para sa konstruksiyon, paglalagay at pagtatayo ng girder-type universal bridges (unibridges).


Layunin ng TPKP unibridges na idugtong ang tinatawag na agrarian reform communities at mga lugar na sakop ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa mga kalsada patungo sa pangunahing merkado sa tulong ng Program Beneficiaries Development (PBD) ng DAR.


Malaking bahagi rin ng proyekto ang Program Beneficiaries Development ng DAP para masiguradong makakamit ang layunin ng programa. Siguradong matutulungan ng mga imprastrakturang gagawin sa ilalim ng TPKP ang mga benepisyunaryo ng repormang agraryo sa bansa upang lalong mapabilis ang pagdadala ng kanilang mga ani sa merkado.


Nagkasundo na rin ang DAR at DPWH na palitan ang nasirang Desamparados at Tultugan bridges sa Bohol circumferential road sa kondisyong madedetermina na makikinabang dito ang mga benepisyunaryo ng progra­mang agraryo at mga lugar na sakop ng CARP sa rehiyon.


Mahalaga kasing maikonekta ang mga magsasaka sa pangunahing mga kalsada gamit ang itatayong mga tulay para matiyak ang kaunlaran sa kanayunan.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)