Pagpapalakas sa AFP! | |
Magandang balita ang napipintong pagbili ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng mahigit sa P23 bilyong halaga ng bagong boats, helicopters, rifles, combat at communication equipment na magagamit sa pagpapalakas ng panloob at panlabas na seguridad ng bansa.
Nabatid natin ito sa talumpati kamakailan ni Defense Sec. Voltaire Gazmin kaugnay sa ika-75th founding anniversary ng Department of National Defense (DND) sa Camp Aguinaldo sa Quezon City.
Dahil sa matuwid na daang kampanya ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, patuloy na lumalaki ang halaga ng pondong nailalaan sa modernisasyon ng AFP.
Aabot sa 36 na mga proyekto ang mga transaksyon para sa P23.39 bilyon na pawang naghihintay na lamang ng delivery.
Kabilang sa mga bibilhin ang dalawang strategic sea-lift vessels, dalawang naval helicopters, walong attack helicopters, tatlong medium-lift aircrafts, dalawang light-lift aircrafts, ilang assault rifles, ilang force protection and communication equipment.
Bahagi ang proyekto ng AFP Modernization Program sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 7898 na inamyendahan ng RA No. 10349.
Bukod sa 36 na mga proyekto, alinsunod sa implementasyon ng RA No. 10349 o ang Revised AFP Modernization Program, nakalinya rin ang karagdagang 33 na mga proyekto na ipinapatupad sa loob ng limang taon o mula 2013 hanggang 2017 na umaabot sa P90.86 bilyon.
Inaprubahan ni PNoy ang dalawang proyekto sa ilalim ng Revised AFP Modernization Program na kinabibilangan ng pagbili ng 12 surface attack lead-in fighter aircrafts at walong combat-utility helicopters na may kabuuang kontrata na P23.6 bilyon.
Kabilang rin sa bibilhing mga gamit sa ilalim ng Revised AFP Modernization Program ang air defense surveillance radar system, long-range patrol aircraft, close-air support aircraft, C-130 Tango aircraft, anti-submarine warfare helicopters, frigates, amphibious assault vehicles, at iba’t ibang communication equipment at night-fighting systems.
Ipinagmalaki rin ni Gazmin ang Philippine Defense Transformation (PDT) Roadmap na nagawa ng DND kamakailan upang magsilbing gabay sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa pagtugon sa mga sakuna at iba’t iba pang emergency situations.
Kitang-kita naman ang pagsusumikap at pagmamalasakit ni PNoy para protektahan ang bansa at mga Pilipino sa pamamagitan ng pagpapalakas sa AFP.
Ngunit kung naging tiwali ang administrasyong Aquino, matutulad lamang sa nakalipas na mga pamahalaan ang modernisasyon ng AFP kung saan hindi umasenso at walang nangyaring pagbabago.
***
Naiuwi ng administrasyong Aquino pabalik ng bansa ang 4,333 overseas Filipino workers (OFWs) mula sa magulong bansa ng Libya at nakapagpalabas ng P42.78 milyong pinansyal na ayuda sa mga ito.
Nalaman natin ang magandang balita sa Department of Labor and Employment (DOLE) kung saan umabot na sa nasabing bilang ang OFWS na nakabalik sa Pilipinas sapul noong Oktubre 31 kung saan sumailalim ang karamihan sa tinatawag na mandatory repatriation ng pamahalaan.
Ibinalita ni National Reintegration Center for OFWs Director Chona Mantilla na aktibong mga miyembro ng Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA) ang 2,977 o 65 porsiyento ng mga nakauwi habang 1,197 o 28 porsiyento ang hindi mga kasapi.
Nalaman naman kay DOLE Sec. Rosalinda Baldoz na apat na porsiyento o 159 ng 4,333 ng mga nakauwi ang walang records. Pinakamagandang balita rin na nakatanggap ang mga ito ng tulong sa pamahalaan sa pamamagitan ng Assist WELL program.
Kabilang sa mga ahensyang tumulong ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Bureau of Local Employment (BLE), at DOLE regional offices.
Narito ang uri ng mga tulong at bilang ng mga nakinabang: Assistance for overseas employment (2,529), transportation assistance to their home provinces (2,435), livelihood assistance (1,973), training and/or scholarship (1,973), at assistance for local employment (1,429).
Kitang-kita naman ang pagmamalasakit ni PNoy sa pamamagitan ng agarang pagtugon sa pangangailangan ng OFWs na naiipit sa ibang bansa.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/nov2814/edit_spy.htm#.VHedkWdavFw