Wednesday, October 29, 2014

Ang arogante at ang pasensiyoso


                                                         Ang arogante at ang pasensiyoso  
                                                                       REY MARFIL


Dapat lang na magsisi at mag-sorry ang German national na si Marc Sueselbeck sa ginawa nitong pag-akyat sa bakod ng kampo militar ng Pilipinas, at ang halos pagbalibag sa sundalong bantay na mas maliit sa kanya na si Technical Sergeant Mariano Pamittan.

Kahit humingi na ng paumanhin si Sueselbeck sa kanyang ginawang pag-ober-da-bakod sa Camp Agui­naldo kung saan nakadetine ang Amerikanong sundalo na si Private First Class Joseph Scott Pemberton, pinigilan pa rin siya ng Bureau of Immigration na makaalis ng bansa noong Linggo dahil sa kinaharap niyang reklamo ng pagiging “undesirable alien”.

Matatandaan na inakyat nina Sueselbeck at Ma­rilou Laude ang bakod ng Camp Aguinaldo para daw makaharap si Pemberton na inaakusahang pumatay sa transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude. Si Jeffrey ay kasintahan ni Sueselbeck at kapatid naman ni Marilou.

Kahit pa sabihin na bugso ng damdamin at ma­tinding emosyon ang nagtulak sa dalawa para akyatin ang bakod ng isang kampo militar, kailangan pa rin naman nilang harapin ang batas at patakaran na kanilang nilabag. Sa totoo lang, baka kung sa ibang lugar o bansa iyon ginawa ng dalawa, baka batuta o taser gun ang inabot nila.

Lalong hindi dapat palampasin ng pamahalaan itong napakalaking si Sueselbeck na kitang-kita sa mga news video na halos ibinalibag ang nakaunipormeng sundalo na si Pamittan. Hindi na niya iginalang ang patakaran ng kampo, hindi pa niya iginalang ang isang sundalo ng bansa.

Masuwerte sina Sueselbeck at Marilou dahil na­ging pasensiyoso at mahinahon ang mga sundalong bantay. Marahil ay naisip na rin ng mga sundalo ang pinagdadaanan ng dalawa kaya pinalampas na lang nila ang pambabastos ng mga ito sa kanila.

***

Dahil sa ginawa nina Sueselbeck at Marilou, may pumuna tuloy na nagmistulang “circus” ang eksena sa kampo kung saan nakadetine si Pemberton. Pinipilit ng mga militante na makuha ng pamahalaan ng Pilipinas ang kostudiya ng dayuhan, pero papaano magtitiwala ang US government na ibigay ang pangangalaga sa kababayan nilang dayuhan kung hindi magagarantiyahan ang kaligtasan nito para humarap sa paglilitis?

Kung napahamak o naaksidente sina Sueselbeck at Marilou, walang ibang dapat sisihin kundi ang mga kasama nilang abogado. Sila ang nakakaalam sa batas kaya dapat nilang pinaalalahanan ang kanilang kliyente sa magiging pananagutan nila kapag nilabag nila ito.

Kung may nahulog sa dalawa sa inakyat nilang bakod at nabalian sila ng buto, o kaya naman ay naging sobrang dahas nila na magtutulak sa mga bantay na sundalo na saktan sila -- aba’y sino na naman ang sisisihin, ang gobyerno?

Kaya naman dapat lang na parangalan si Pamittan sa ipinamalas niyang propesyunalismo at mahinahon. Dahil kung sinabayan niya ng dahas ang ginawa ng dayuhan at makikita ng buong mundo kung sakaling nasaktan niya si Sueselbeck, hindi natin alam kung ano ang magiging reaksiyon at pagtingin ng mundo.

At itong si Sueselbeck, dapat lang na hindi pina­yagan na makaalis at paharapin sa kasong isinampa sa kanya kahit pa na ang magiging parusa ay ipa-deport siya at hindi na payagang makabalik sa bansa.
Hindi naman puwede na gagawa ang isang dayuhan ng kasalanan sa bansa, magso-sorry at basta na lang aalis -- ang suwerte naman niya kung ganoon.

Kailangang ipakita sa mundo ng pamahalaan ng Pilipinas na may batas na umiiral sa bansa at mananagot ang mga may kasalanan. Ganito rin ang katiyakan na ibinigay naman ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa kaso ng pinaslang na si Jeffrey na paiiralin ang gulong ng hustisya para makamit nito ang katarungan.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
 http://www.abante-tonite.com/issue/oct2914/edit_spy.htm#.VFAU8mdavFw

Monday, October 27, 2014

Hindi sana sila ‘makuryente’


                                                              Hindi sana sila ‘makuryente’  
                                                                     REY MARFIL


Maghihinay-hinay raw muna ang Kongreso sa pagbusisi sa hinihinging emergency power ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino bilang paghahanda sa posibleng power crisis na maaaring mangyari sa 2015. Ito ay dahil sa paniwala ng ilang mambabatas na mas mababa daw ang pinapangambahang power shortage kaysa sa unang inakala ng mga opisyal.

Sa halip na mailatag na ngayong Oktubre, sa Dis­yembre na lang daw tatalakayin ng Kongreso ang resolusyon na magbibigay ng emergency power kay PNoy para mabigyan siya ng kapangyarihan na makapasok sa mga kontrata sa mga power generator company para sa dagdag na suplay ng enerhiya sa 2015.

Nagbago ang isip ng ilang mambabatas dahil sa paniwala nila na maiibsan at liliit ang problema sa power shortage dahil sa sistemang Interruptible Load Program (ILP) ng mga pribadong kumpanya. Dito, sinasabing sasandal din kahit papaano ang Department of Energy (DOE) sa generator sets ng mga malalaking kumpanya kapag tinamaan tayo ng krisis sa enerhiya.

Pero tanong ng ating kurimaw, papaano kung hindi umubra ang ILP? Papaano kung biglang magkaaberya ang power plant? Papaano kung maging higit sa ina­akala ang krisis?

Sa paunang pagtaya ng DOE, baka abutin daw ng 21 hanggang 31 MW ang maging power reserve shortfall sa Abril 2015. Pero tiyak na inaasahang tataas at titindi pa ang pangangailangan sa enerhiya pagpasok ng summer kung saan busy ang pag-ikot ng mga electric fan at pagbuga ng malamig na hangin sa aircon sa init ng panahon.

Si Energy Secretary Jericho Petilla, nais sana na maaprubahan kaagad ng Kongreso ang emergency powers para kay PNoy dahil ang deadline sa pagpasok sa kontrata sa generator sets na magiging reserba sa posibleng krisis ay sa katapusan ng Oktubre.

Ang tanong na naman ng ating mga kurimaw, sino kaya ang sisisihin kapag nagkatotoo ang pangamba na rotating brownout sa Metro Manila ng tatlo hanggang apat na oras dahil sa power crisis? Sino ang mananagot kapag walang nailatag na reserba sa enerhiya?

***

Babala mismo ni PNoy, aabot sa P23 bilyon ang posibleng mawalang kita sa ekonomiya kapag nangyari ang limang oras na brownout na mangyayari sa loob ng tatlong buwan sa summer ng 2015. Kung tatagal naman ng dalawang oras ang brownout, aabot naman ang mawawalang kita ng ekonomiya sa P9.3 bilyon.

Hindi pa raw kasama diyan ang magiging epekto ng brownout sa turismo at magiging pamumuhunan ng mga negosyante. Aba’y idagdag na rin natin dito ang usapin ng kalusugan dahil tiyak na marami ang maiirita, iinit ang ulo, at mai-stress sa sobrang init. Hindi ba nakamamatay ang stress at sobrang init ng panahon lalo pa ngayon na may global warming?

Kaya naman binibigyan-diin ni PNoy ang kaha­lagahan na magkaroon ng reserbang enerhiya. Mas mabuti na nga naman na may reserbang nakatengga kahit hindi magamit, kaysa naman nangyari ang krisis at pagkatapos ay magsisisihan na naman dahil walang mapagkunan ng suplay ng enerhiya. Iyan ay kung hindi kaagad kikilos ang mga mambabatas at hindi na­bigyan ng emergency power ang Pangulo.

Sana lang ay isangtabi ng mga mambabatas at mga opisyal natin kung mayroon man silang hindi pagkakaunawaan. Sana ay masusi nilang talakayin ang usa­ping ito ng power crisis. Tiyak na hindi nanaisin ng mga residente at negosyante sa Metro Manila ang na­raranasan sa Mindanao na nagkakaroon ng ilang oras na rotating brownout dahil sa nangyaring krisis sa ener­hiya sa rehiyon.

Kung anuman ang lumabas sa magiging masusing pag-uusap at talakayan ng ating mga mambabatas at opisyal, sana ito ay tumpak, tunay, tama at totoo, at hindi sana “kuryente”, -- na ang ibig sabihin sa media, “palpak”.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/oct2714/edit_spy.htm#.VE1m42davFw

Friday, October 24, 2014

Ibang usapin ang VFA sa Laude case



                                                     Ibang usapin ang VFA sa Laude case  
                                                                     REY MARFIL

Nakalulungkot ang sinapit ni Jeffrey “Jennifer” Laude na natagpuang patay sa isang motel. Ang sina­sabing suspek sa krimen, ang sundalong Kano na naggu-goodtime sa Olongapo dahil ilang araw na lang ay aalis na sila sa bansa matapos maging bahagi ng joint military exercises ng mga sundalong Pinoy at Kano.

Sa ngayon, ang panig pa lang ng biktima ang luma­labas sa media base na rin sa testimonya ng isang saksi na kasama ni Laude na itinago sa pangalang “Barbie”. Ang testigong ito ang nagturo kay US Marine Pfc. Joseph Scott Pemberton na siyang pumaslang daw sa biktima.

Batay sa lumabas na mga balita, nagkita sa club ang grupo ng biktima at suspek, at humantong sa motel. Kung ano ang nagtulak o motibo ng suspek para patayin ang biktima, hindi pa malinaw dahil hindi pa nakukuha ang panig ng itinuturing na pumatay na si Pemberton.

Marami pang katanungan na naghihintay ng ka­sagutan at hindi ito dapat pangunahan ng mga walang partisipasyon sa pangyayari.

Pero bunga ng nangyaring krimen, nakaladlad na naman ang Visiting Forces Agreement o VFA ng Pili­pinas at Amerika. Mistulang pating na nakaamoy ng dugo ang mga militanteng grupo na sumunggab agad sa panawagan na ibasura na ang VFA. Abalang-abala sila nga­yon sa mga protesta at pag-atake sa pamahalaang Aquino at US na wala raw ginagawa para makamit ni Laude ang hustisya.

Ngunit kung anong ingay ng mga militante tungkol sa isyu ng VFA, hanggang ngayon ay tahimik pa rin sila sa ginagawang panghihimasok ng komunistang China sa mga teritoryong sakop ng Pilipinas. Bukod sa patuloy na nagtatayo ng mga istruktura at ginagawang artificial island sa pinag-aagawang West Philippines Sea, patuloy ang pagpapatrulya ng mga sasakyang pandagat ng China sa mga lugar na inaangkin ng Pilipinas.

Sa kabila ng mga banat ng mga militanteng grupo, nagdeklara na si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na hindi dapat maapektuhan ng kaso ni Laude ang VFA. Para kay PNoy, ang mahalaga ay makalap ang lahat ng ka­tibayan tungkol sa kaso at mapanagot ang may kasalanan.

Bagaman pabor naman si Speaker Feliciano Belmonte na dapat repasuhin o pag-aralan ang VFA, sinabi nito na hindi dapat sumawsaw ang kung sinu-sino sa usapin ng VFA na isang tratado at ang Malacañang at Senado ang may karapatang magpasya.

***

Tiniyak naman ni US Ambassador Philip Goldberg na lubos na nakikipagtulungan ang kanilang gobyerno sa nangyaring krimen at binigyang-diin niya ang kahalaga­han ng VFA, hindi lang sa usapin ng aksyong militar kung hindi maging sa pagtulong nila sa panahon ng kalamidad.

Hindi naman maikakaila na kabilang ang US sa mga unang dayuhan na sumaklolo at naghatid ng tulong sa mga kababayan natin na sinalanta ng bagyong Yolanda. At naging mabilis daw ang kanilang pagkilos bunga ng umiiral na VFA sa Pilipinas at US.

Sa totoo rin lang naman, taliwas sa alegasyon ng mga militante na hindi nakikipagtulungan ang US authorities sa kaso, sila mismo ang naglabas ng ilang larawan ng kanilang sundalo na pinagpilian ni “Barbie” kaya niya natukoy si Pemberton.

Tungkol sa kustodiya ng suspek, may kasunduan na dapat sundin ang Pilipinas at US alinsunod sa nila­laman ng VFA na dapat hintayin na lang kapag ganap nang umusad ang kaso. Kung saan man kustodiya mapunta si Pemberton, ang pinakadulo nito ay dapat humantong sa pagkakaroon ng hustiya; na hindi makakamit ng mag­kabilang panig kung pakikinggan lang ang mga hirit ng mga kritiko na ibasura ang VFA.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/oct2414/edit_spy.htm#.VEl8PWdavFw

Wednesday, October 22, 2014

Magandang epekto!



                                                                 Magandang epekto!
                                                                     REY MARFIL


Makatwirang batiin ang Department of Tourism (DOT) matapos makuha ng bansa ang pagkilala bilang pinakamainam na destinasyon sa Asya-Pasipiko.

Siguradong malaki ang magandang epekto nito sa maigting na kampanya ng pamahalaan para isulong ang turismo sa Pilipinas.

Nakuha ng bansa ang “Destination of the Year” award sa 25th Annual TTG Travel Awards kung saan nakilala ang Pilipinas bilang nangungunang destinasyon sa Asya-Pasipiko base sa isinagawang seremonya sa Bangkok, Thailand.

Dahil na rin ito sa maigting na kampanya ng pamahalaan na maisulong pa ang turismo sa mga banyaga.

Nasa kategorya ng Outstanding Achievement Awards ang Destination of the Year award na nakuha ng Pilipinas.

Ilan pa sa mga kategorya ang Travel Personality of the Year, Best Travel Entrepreneur, Best Marketing and Relationship Effort at Best Trade Supporter.

Isa ang TTG Travel Awards sa prestihiyosong para­ngal sa industriya ng paglalakbay sa rehiyon na inorganisa ng TTG Asia Media’s Travel Trade Publishing group.

***

Panibagong good news na naman ang ipatutupad ng Department of Agrarian Reform (DAR) na P33.2-mil­yong halaga ng Professional Service Providers (PSPs) para sa kapakinabangan ng mga magsasaka sa ilalim ng Agrarian Reform Beneficiaries Organizations (ARBOs) sa Gitnang Visayas.

Nilagdaan na ang memorandum of agreement (MoA) ng DAR at PSPs para sa Agri-Extension Services (AES), Business Management Services (BMS) at Progress and Process Monitoring (PPM) sa ilalim naman ng Agrarian Reform Community Connectivity and Economic Support Services (ARCCESS) program ng DAR.

Siguradong maraming mga magsasaka at iba pang mga benepisyunaryo ng programang agraryo ang matutulungan ng programa sa ilalim ng ARCCESS pro­jects para epektibong mapangasiwaan ang kanilang agri-enterprises.

Ipagkakaloob ng DAR ang support services na makakatulong para maging matagumpay ang ARB sa maliliit na mga negosyante.

Isang capability building at technical assistance component ang BDS na makakatulong sa ARBs enterpri­ses at kanilang farm management at business operations.

Sa ilalim ng ARCCESS program, mayroon itong contract price na P4.156-milyon para magkaloob ng Agri-Extension Services sa anim na nangungunang ARBOs sa Bohol at P4.625-milyon para sa 17 iba pang ARBOs sa Negros Oriental.

Magkakaloob naman ang Siliman University ng business development services na may contract price na P6.93 milyon para sa 17 ARBOs sa Negros Oriental at First Consolidated Cooperative Along Seaboards sa Tañon Strait (FCCT) bilang service provider hawak ang P3.51-milyong contract price para sa anim na ARBOs sa Bohol at P4.74-milyon sa siyam na ARBOs sa Cebu.

Ipatutupad naman ng Infoshare Management ang Progress and Process Monitoring (PPM) projects systems na may contract price na P1.698-milyon sa anim na sub-projects para sa anim na nangungunang ARBOs sa Bohol.

Ipatutupad naman ng All-Asian Centre for Enterprise Development Inc. (ASCEND Inc.) ang P2.52-milyong contract price sa walong sub-projects sa siyam na na­ngungunang ARBOs sa Cebu at Ateneo de Davao.

Sa tulong naman ng Institute for Socio Economic Development Initiatives (ISEDI), pamamahalaan nito ang P4.052-milyong contract price para sa 12 sub-projects sa 17ARBOs sa Negros Oriental at P963-milyon na 3 sub-projects para sa 10 nangungunang ARBOs sa Siquijor.

Asahan nating maraming mga tao ang makikinabang sa programang ito ng DAR.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/oct2214/edit_spy.htm#.VEbg6mdavFw

Monday, October 20, 2014

May tiwala!



                                                                          May tiwala!  
                                                                           Rey Marfil

Hindi maitatangging napakarami pa rin ang nagtitiwalang mga Pilipino kay Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino dahil sa magandang performance nito base sa pinakabagong resulta ng Pulse Asia survey.

Base sa September 2014 Ulat ng Bayan Survey ng Pulse Asia, nakakuha si Pangulong Aquino ng 55% na approval rating at 14% disapproval rating habang nanati­ling walang desisyon ang 31%.

Sa survey, umabot ang approval at trust ratings ni Pangulong Aquino sa Visayas sa 65% at 61%, ayon sa pagkakasunud-sunod; 68% at 65% sa Mindanao, ayon sa pagkakasunud-sunod; 54% at 52% naman sa Class D, ayon sa pagkakasunud-sunod; parehong 61% sa Class E.

Patuloy pa rin ang malaking suporta ni Pangulong Aquino sa mga tao sa Metro Manila at Luzon.

Base sa survey, nakakuha si Pangulong Aquino ng 48% at 47% na appreciation at trust ratings sa Metro Manila, ayon sa pagkakasunud-sunod; habang 46% at 48% naman sa Luzon, at 48% at 49% sa Class ABC.

Ibig sabihin, maraming Pilipino ang nananatiling masaya sa pamamalakad ni PNoy katulad ng magandang resulta sa nakalipas na mga taon dahil sa matuwid na daan at malinis na pamamahala. Indikasyon ito na positibo ang mga programa ni PNoy kaya siguradong magpapatuloy ang mga ito.

Hindi rin titigil si PNoy sa pagtutok sa programa para lalong mapabuti ang serbisyo ng pamahalaan sa mga tao. Patuloy na nakatutok si PNoy sa pagpapatupad ng mga reporma at programa na mas pakikinaba­ngan ng maraming mga tao.

***

Tinitiyak nating maisasakatuparan sa lalong madaling panahon ang pagpapabuti ng ating mga paliparan lalo’t muling inulit ni PNoy ang paninindigang pag-iigihin ng pamahalaan ang estado ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sigurado tayong aayusin ni PNoy ang mga hinaing na isinapubliko ng website na Wall St. Cheat Sheet kung saan naitala ang Pilipinas bilang isa sa 10 Worst Airports sa buong mundo.

Sa katunayan, inilipat na ang operasyon ng limang nangungunang international carriers mula sa Terminal 1 tungong Terminal 3 para maiwasan ang sikip ng paliparan sa bansa.

Gayunpaman, binigyan ng Wall St. Cheat Sheet ng pagkilala ang plano ng pamahalaan na gumawa ng isang bagong paliparan na magsisimula ang operasyon sa susunod na limang taon.

Kabilang rin sa tatlong worst airports ang nasa Estados Unidos (US) na LaGuardia Airport sa New York, Los Angeles International, at Bill and Hillary Clinton National Airport sa Arkansas.

Kabilang rin sa listahan ng masasamang mga paliparan ang Charles De Gaulle sa Paris; Bergamo Orio al Serio Airport sa Italya; Zurich International sa Switzerland; Chad’s N’Djamena International Airport; Moscow Sheremetyevo Airport sa Russia; at Calcutta Netaji Subhash Chandra Bose International Airport sa India.

Nagpakilala ang Wall St. Cheat Sheet na nagbibigay ng malalim na pagsusuri para sa abalang mga konsumer sa tinatawag na mobile world.

Asahan natin na ipatutupad ng administrasyong Aquino ang magaganda at mabubuting mga programa para mapabuti ang mga paliparan sa bansa. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/oct2014/edit_spy.htm#.VEQoRWdavFw


Friday, October 17, 2014

Ano ang motibo sa pagsukat?



                                                          Ano ang motibo sa pagsukat?
                                                                   REY MARFIL

Sa unang pagkakataon, isang survey ang ginawa at lumabas para sukatin ang pananaw ng publiko tungkol sa kampanya at pangako ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino tungkol sa “daang matuwid”. Ngunit maliban sa mga numero, ang isa pang mahalagang punto na dapat malaman dito ay kung bakit bigla yatang nagkaroon ng naturang uri ng survey na hindi naman ginagawa noon?

Sa naturang survey na ginawa ng Pulse Asia sa may 1,200-katao bilang respondents o kanilang tinanong mula Setyembre 8-15, lumitaw na 29% ng mga ito ang nag­sabing naniniwala sila na natupad ni Aquino ang pangakong daang matuwid.

Pero mayroon namang 36% na nagsabing nabigo raw si PNoy sa pangako at 34% naman ang hindi nakapagdesisyon.

Ang tanong naman ng mga istambay sa kanto, sumasalamin ba sa katotohanan ang naturang survey para sa 100 milyong Pinoy kahit 1,200-katao lang ang tinanong? At kung tumpak ang survey, masasabi bang higit na nakararami ang naniniwalang binigo ni PNoy ang kanyang mga “boss” kahit may 34% ang hindi nakapagdesisyon?

Kahit ang mahina sa math, malamang na mag-­alanganin na paniwalaan na higit na nakararami ang naniniwalang bigo si PNoy sa kanyang pangakong daang matuwid dahil sa 34% na hindi nakapagdesisyon.

Kung bibiyakin kasi ang 34% sa mga pabor at hindi, li­litaw na hati o kung hindi nakalalamang lang ng kaunti ang nagsabing bigo si PNoy sa kanyang pangako. Ngunit pa­paano naman kung iyong lahat ng 34% ay higit na pabor pala sa nagsasabing natupad ni PNoy ang kanyang pangako?

Subalit higit nga sa numero ng survey na ito na base lang sa perception o pananaw ng respondents, dapat ding sigurong pag-usapan ang motibo kung sino man ang nag­pagawa ng survey. Tila alanganin kasi ang timing para i­pasama sa survey ang tanong dahil may nalalabi pang mahigit isang taon sa termino ni PNoy para alamin sa publiko kung natupad ba o hindi ang pangako niyang daang matuwid.

***

Hindi tuloy maalis isipin ng mga istambay sa kanto na magtanong kung may nagnanais bang gamitin ang usaping ito para sa personal nilang interes politikal. Ang problema lang, bakit isasama nila si PNoy sa isyung politikal gayung hindi naman siya kandidato sa 2016 elections? O baka naman may naghahanda lang nito dahil sa lumulutang na posibilidad ng Charter Change at ikalawang termino ni PNoy? Hindi kaya?

Medyo malabo rin kung tutuusin ang tanong sa ginawang survey na “kung natupad ba ni PNoy ang pangako nitong tuwid na daan”. Dapat yata ay ginawang ma­linaw at eksakto ang tanong kung ang tinutukoy ba ay ang pamamalakad ni PNoy, o kasama ba ang mga pasaway na ilang opisyal na hirap maglakbay sa tuwid na daan?

Malamang kung tungkol mismo sa pamamahala ni PNoy ang tanong, tiyak na marami ang magsasabing natupad niya ang pangakong daang matuwid dahil wala siyang kinasangkutang katiwalian o alegasyon na nagbulsa siya ng pondo ng bayan. Pero kung tungkol sa ibang opisyal, batid naman natin ang mga naglalabasang tungkol sa mga kinakasuhan at iniimbestigahan.

Pero isang indikasyon na patuloy na pagtitiwala ang publiko kay PNoy ay ang hiwalay na trust at satisfaction ra­tings na isinagawa ng Social Weather Station (SWS) na nagpakitang tumaas ang kanyang marka ng siyam na puntos.

Sa naturang survey na ginawa noong Sept. 26-29 na may 1,200 respondents din, 59% ang nagsabing satisfied sila sa pamamalakad ni PNoy, 25% ang hindi, para sa kanyang “good” net rating na +34. Mas mataas ito sa +25 na nakuha niya noong Hunyo.

Kung paniniwalaan ang Pulse Asia survey na nagsa­sabing higit na marami ang naniniwalang bigo si PNoy sa kanyang pangakong daang matuwid, papaano nangyari na lilitaw sa SWS survey ang nagsasabing higit na marami naman ang nasisiyahan sa trabaho ni PNoy?

Dahil perception o pananaw lang naman ang survey, puwede kayang isipin na higit na malaking bahagi ng 34% na hindi nakapagdesisyon sa survey ng Pulse Asia ay panig sa 29% na nagsabing naniniwala silang na­tupad ni PNoy ang kanyang pangakong daang matuwid? Ganu’n nga kaya?
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/oct1714/edit_spy.htm#.VEEM-xZWXps

Wednesday, October 15, 2014

Maging handa sa banta!




                                                  Maging handa sa banta!  
                                                       REY MARFIL

Sabi nga, malalaman mo ang sagot sa problema kung aaminin at aalamin mo na may problema. Kaya naman maituturing na panimulang hakbang sa paghahanda laban sa nakamamatay na Ebola virus ang pagtanggap sa katotohanan ng pamahalaang Aquino na may posibilidad na makapasok sa bansa ang kinatatakutang virus.

Sa ginanap na Western Pacific regional committee meeting ng World Health Organization (WHO) noong Lunes sa Pasay City, dumalo si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino at inihayag niya na sa dami ng mga Fi­lipino na nagtatrabaho sa ibang bansa, hindi malayo ang posibilidad na makapasok sa Pilipinas ang Ebola virus.

Hindi biro ang Ebola virus, umabot na sa mahigit 8,000 katao ang tinamaan nito sa ilang bahagi ng mundo, pinakamarami sa West Africa. Sa nabanggit na bilang, mahigit 4,000 na ang nasawi at patuloy na tumataas ang bilang. 

Pero hindi lang Ebola virus ang binabantayan at ipinapanalangin natin na huwag sanang makapasok sa Pi­lipinas na bitbit ng mga dumarating mula sa ibang bansa -- mga balikbayan man o turista. Mala-Jaworski rin ang ginagawang pagbabantay ng Department of Heath at iba pang ahensya sa mga paliparan para hindi rin makapasok sa atin ang isa pang deadly virus na Middle East Respiratory Syndrome coronavirus (MERS-CoV).

Kung may dapat man tayong ipagpasalamat o maging dahilan para magkaroon ng positibong pananaw, iyan ay ang magandang balita na nananatiling MERS-CoV free pa rin tayo. Aba’y sa dami ng mga kababayan natin na nagtrabaho sa Middle East at umuuwi sa atin, sadyang nakaamba lagi ang posibilidad na magkaroon ng unang kaso ng MERS-CoV sa atin.

Gaya na lang ng nangyari noong nakaraang buwan na isang nurse na galing sa Middle East ang inakalang may MERS-CoV. Naging abala ang mga kinauukulang ahensya sa pagsusuri sa nurse at sa mga nakasalamuha niya, at pati na sa mga nakasabay niya sa eroplano. At makaraan nga ng ilang linggong monitoring, nagnegatibo sa virus ang nurse at lahat ng mga sinuri.

***

Kung nagagawa nating mabantayan ang pagpasok ng MERS-CoV na galing sa bansa na higit na mas marami ang Pilipino, kumpara sa Ebola virus na ang pinakaapek­tado ay ang Africa, na mas kakaunti ang mga kababa­yan natin na nagtatrabaho, masasabi nating ginagawa ng pamahalaang Aquino ang lahat ng magagawa nito para mapangalagaan ang kaligtasan ng kanyang mga “boss”.

Pero hindi natin dapat ipaubaya lang sa pamahalaan ang pagkilos para manatiling MERS-CoV at Ebola free pa rin ang Pilipinas. Dapat siguro na ang mga kababayan natin na may kamag-anak o kaibigan na nagtatrabaho sa mga bansang apektado ng mga nabanggit na deadly virus ay makabubuting paalalahanan sila na maging maingat at sundin ang ipatutupad ng pamahalaan kung uuwi sila sa bansa.

Kabilang sa mga patakarang ito ay ang magkuha ng medical clearance bago sila umuwi. At kung nasa Pilipinas na, dapat ikulong muna nito ang sarili ng may hanggang tatlong linggo sa bahay o lugar na wala siyang mahahawahan, huwag munang gumala o mamasyal habang hindi natatapos ang pagsubaybay sa kanyang kalusugan.

Sa ngayon, nilagdaan ni PNoy ang executive order na bubuo ng inter-agency task force na mamamahala sa mga infectious disease sa bansa. Kailangan ito lalo na ngayon na magpa-Pasko at inaasahan na dadagsa ang mga kababayan natin na uuwi mula sa ibang bansa tulad ng Middle East at maging sa Africa.

May kasabihan na “there is always a first time”, na sana naman ay hindi mangyari sa usapin ng pagpigil natin sa virus. Pero magagawa natin ‘yang kontrahin sa pamamagitan ng isang paborito nating kasabihang “walang imposible” basta determinado.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/oct1514/edit_spy.htm#.VD6Y-xZWXps

Monday, October 13, 2014

Ang mga ‘boss’ ang magpapasya!


                                                         Ang mga ‘boss’ ang magpapasya!
                                                                           Rey Marfil


Mahigit limang taon na ang nakalilipas nang manawagan at makinig siya sa mga mamamayang “boss” ng noo’y senador pa lamang na si Noynoy ‘PNoy’ Aquino para tumakbo siyang pangulo ng bansa sa gaganapin pa lamang na 2010 national elections. Kaya naman hindi kataka-taka kung ipaubaya pa rin ni PNoy sa kanyang mga “boss” ang magiging desisyon niya sa usapin ng posibleng ikalawa nitong termino.

Sa ilalim ng kasalukuyang Saligang Batas, isang beses lang maaaring manungkulan ang pangulo ng bansa sa loob ng anim na taon. Kaya naman kahit may mga nagsusulong na ngayon na tumakbong muli si PNoy sa 2016 presidential election para sa ikalawa niyang termino ay hindi mangyayari dahil magiging labag iyon sa bansa.

Kilala si PNoy na masunurin at tagapagpatupad ng batas. Kung batas trapiko nga lang ay ayaw niyang labagin at tumitigil sa red ng traffic light ang convoy ng kanyang mga sasakyan, iyon pa kayang nakasaad sa Konstitusyon na nabuo sa panahon ng namayapa niyang mahal na ina na si dating Pangulong Cory Aquino, ang lalabagin niya? Siyempre hindi.

Pero gaya nang nasabi ni PNoy, bukas siya at handa siyang makinig sa anumang magiging pasya ng kanyang mga “boss” na mamamayang Filipino sa usapin ng ikalawang termino. Kung magiging malakas at higit na nakararami ang mga magnanais na manatili siyang li­der ng bansa para magpatuloy ang reporma laban sa katiwalian at pag-angat ng ekonomiya ng Pilipinas, aba’y bilang lider ng bansa ay marapat lang siguro na sundin niya ang mga tao at gumawa siya ng paraan upang ma­ging legal ang pagtakbo niya muli sa posisyon bilang pangulo kung kakailanganin.

Habang ang ating mga mambabatas na silang gagawa ng batas para maamyendahan ang Saligang Batas, dapat din sigurong sumunod at gumawa ng paraan upang mapagbigyan ang magiging panawagan ng mga mamamayan na kanila rin namang “boss”. Pero ang lahat ng iyan ay kung magiging malakas ang tinig ng publiko na hayaan na magkaroon ng ikalawang termino si PNoy.

***

Sa ngayon, may mga naniniwala na kakapusin na sa panahon ang Kongreso kapag ginalaw pa ang Saligang Batas o kung gagawin ang Charter change. Bukod kasi sa magi­ging debate sa Kongreso para maaprubahan ang mga susu­gang probisyon para alisin ang term limit ng pangulo, kaila­ngan ding dumaan muna sa plebisito o pagsang-ayon ng mga “boss” ang anumang inamyendahang probisyon.

Kaya naman laging sinasabi ni PNoy na ang mga tao ang magpapasya para sa kanya tungkol sa usapin ng Charter change at sa posibilidad ng isa pang termino. Kasi, kung ipipilit lang basta ang ChaCha at pag-alis sa term limit, tapos mababasura din naman ito sa plebisito, aba’y sayang lang ang effort. Bukod pa diyan, sakaling payagan man na tumakbo muli si PNoy sa halalan pero iyon pala ay ayaw na sa kanya ng mga “boss” niya, si­yempre, hindi rin siya iboboto at hindi rin siya magkakaroon ng ikalawang termino.

Sa ngayon, tila hindi pa lubos na malinaw o ‘di dapat sabihing “conclusive” o sumasalamin sa saloobin ng mga mamamayan ang pinakabagong resulta ng Pulse Asia survey. Sa naturang survey, lumitaw na 62 percent umano ng kanilang 1,200 respondents ang ayaw sa ChaCha at term extension ni PNoy.

Dahil kung pagbabasehan naman ang isa pa nilang survey tungkol sa “trust” at “satisfaction” ratings ni PNoy, lumilitaw na mahigit 54 percent ng kanilang respondents ang nananatiling kumpiyansa sa pangulo.

Ibig sabihin, malaki pa rin o mahigit kalahati pa rin ng mga “boss” ang maaaring magsabing nais nila ng ChaCha at term extension ni PNoy sakaling makita nila na wala sa mga lumulutang na pangalan ng mga “presidentiables” sa 2016 elections ang maaari nilang pagkatiwalaan na magpapatuloy ng mga repormang napasimulan ni PNoy.

Katunayan, may iba’t ibang kampanya na sa mga social media na nagsusulong para sa ikalawang termino ni PNoy. Mayroon ding grupo na nangangalap ng lagda upang kumbinsihin ang pangulo na makinig sa kanyang mga “boss” para sa panibago niyang termino.

Sabi nga nila, ang anim na taon ay matagal para sa isang palpak na pangulo. Pero kung ang pangulo ay matino at nakagagawa ng paraan upang mapalago ang ekonomiya at maiahon sa hirap ang bansa, aba’y napakaigsi ng anim na taon. Ngunit kung talaga sigurong malakas ang sigaw ng mga “boss” para magkaroon ng isa pang termino si PNoy, aba’y may kasabihan din na “kung sad­yang gugustuhin, may paraan.” At iyan ang dapat na aba­ngan. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

 http://www.abante-tonite.com/issue/oct1314/edit_spy.htm#.VDryPlctefE


Friday, October 10, 2014

Trabaho pa!


                                                                      Trabaho pa!  
                                                                      Rey Marfil

Asahan ang pagdagsa pa ng maraming trabaho sa ating mga kababayan dahil sa napipintong implementa­syon ng pamahalaan sa walong bagong proyekto sa ilalim ng public-private partnership (PPP).

Nalaman kay Cosette Canilao, PPP Center e­xecutive director, ang magandang balita dahil i­nendorso na ang mga ito upang maaprubahan sa susunod na pagpupulong ng National Economic and Development Authority (NEDA) board.

Kinabibilangan ang mga proyekto ng Davao Sasa Port, Motor Vehicle Inspection System, Regional Prison Facilities, NLEX-SLEX Connector Road at apat na paliparan. Nalaman kay Canilao na a­abutin ng P553 bilyon ang halaga ng PPP projects na ilulunsad sa susunod na 12 buwan.

Sa ngayon, limang proyekto na ang nasubasta ng administrasyon na matatapos bago bumaba sa kapangyarihan si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa Hunyo ng 2016.

Kabilang dito ang Automatic Fare Collection System, Daang Hari-SLEX Link, NAIA Expressway Phase 2 at School Infrastructure Project pha­ses 1 at 2.

Ilan pang proyekto ang nai-award na ang mo­dernisasyon ng Philippine Orthopedic Center, Mactan-­Cebu International Airport New Passenger Terminal Building, at LRT 1 Cavite Extension at operation & maintenance contract. Magandang balita ito para sa lahat dahil siguradong ginhawa ang idudulot nito alinsunod sa daang matuwid ni PNoy.

***

Nagsusumikap nang husto ang administra­syong Aquino para hanapan ng solusyon ang krisis sa e­nerhiya sa bansa. Isang lokal na renewable energy firm ang nakakuha ng kontrata mula sa pamahalaan na maglalagay ng maraming hydro projects sa Palawan at Lanao del Sur.

Nilagdaan kamakailan ng Department of E­nergy (DOE) ang 15 renewable energy service contracts sa AQA Global Power Inc. Kasama sa mga kontrata ang paglinang sa hydro power projects sa na­sabing mga lalawigan na mayroong kabuuang power ge­nerating capacity na 288 megawatts (MW).

Dalawa sa pinakamalaking proyekto ang matatagpuan sa Lanao del Sur na kinabibilangan ng 50 MW Lake Dapao at 50 MW Maitling Ri­ver. Sapul nang maipasa ang Renewable Energy Act of 2008, nai-award ng DOE ang 649 renewable e­nergy projects na may potensyal na kapasidad na 10,683,l096 MW.

Karamihan sa nai-award na mga proyekto ang tinatawag na hydro-based na mayroong potensyal na kapasidad na 6,158 MW. Sa ilalim ng National Renewable Energy Plan, target ng pamahalaan na triplehin ang kakayahan ng bansa na makakuha ng renewable energy na umaabot sa 5,438 MW hanggang sa 15,304 MW sa 2030.

Maigting rin ang koordinasyon ng pamahalaan sa Kongreso para naman pagkalooban si Pangulong Aquino ng emergency power upang resolbahin ang kakapusan sa suplay ng kuryente sa mga buwan ng tag-init sa 2015. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter:follow@dspyrey)http://www.abante-tonite.com/issue/oct1014/edit_spy.htm#.VDb79FctefE

Wednesday, October 8, 2014

Na-wrong send kaya ang NTC?



                                                        Na-wrong send kaya ang NTC?  
                                                                    REY MARFIL


Marami ang nagulat, nagtaka, nagduda, at hindi makapaniwala sa lumabas na balita kamakailan tungkol sa panawagan ng ilang alagad ng Simbahang Katolika na dapat bumaba na sa puwesto si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino dahil wala na raw itong “moral right” na pangunahan ang bansa bunga ng iba’t ibang alegasyon gaya ng katiwalian. Kaya ang tanong ng marami -- tamang presidente kaya ang tinutukoy nila?

Kung tutuusin, wala namang masama sa ginawang pagpapahayag ng pananaw ng ilang alagad ng Simbahan tungkol sa pamamalakad sa gobyerno. Kahit may umiiral na doktrina na “separation of Church and State”, maganda pa rin na bumato ng mga kritisismo ang mga alagad ng Simbahan para magsilbing tagapagbantay ng bansa lalo na sa usapin ng moralidad.

Pero hiling ng mga kababayan natin, sana lang ay iyong tamang puna, tamang puntirya at tamang panahon.

Hindi kasi makapaniwala ang marami sa naging panawagan ng grupo na kinabibilangan ng pitong Arsobispo at Obispo na tinawag na National Transformation Council o NTC, na wala nang karapatang moral si PNoy na pamahalaan ang bansa bunga ng ilang alegasyon tulad ng umano’y katiwalian sa paggamit ng Development Acceleration Program o DAP at katiwalian sa Priority Development Assistance Fund o PDAF.

Tila nakabase lang ang paniniwala ng mga kasapi ng NTC sa mga banat ng mga bumabatikos sa DAP at hindi nila nakuha ang paliwanag ng Department of Budget and Management sa mabuting idinulot ng programa, hindi lang sa ekonomiya ng bansa, kundi maging sa mga lokalidad na nabiyayaan ng proyekto at programang napondohan ng DAP. Samantala, ang isyu ng PDAF ay nangyari sa ilalim ng termino ng dating pamahalaang Arroyo at ngayon ay isa-isang sinasampahan ng kaso ang mga mambabatas na lumilitaw na umabuso sa kaban ng bayan.

Kaya naman hindi maiwasan ng marami nating kababa­yan na mag-isip kung may basehan ba o dapat bang isisi kay PNoy ang nangyaring katiwalian noong panahon ni Mrs. Arroyo? Habang patuloy naman na hinaharap ni PNoy ang usapin ng katiwalian sa ilalim ng kanyang liderato. 

***

Dapat nating tandaan na sa tagal ng panahon na tila naging bahagi ng kalakaran sa gobyerno ang katiwalian nang datnan ni PNoy, napakalalim ng pagkakabaon ng ugat nito na patuloy na hinuhukay ng kasalukuyang gobyerno para mabunot nang husto at hindi na tumubo pang muli.

Isa pa, higit na magiging malaking problema sa bansa kapag nagbitiw si PNoy at makasasama ito sa lumalagong ekonomiya, at gumagandang reputasyon ng Pilipinas sa buong mundo pagdating sa usapin ng paglaban sa katiwalian at katatagan sa pamahalaan.

Sabagay kung tutuusin, hindi lang naman ang pamahalaan ang naaakusahan ng katiwalian kundi maging ang Simbahang Katolika ay nadadamay din sa usaping ito.

Natatandaan n’yo pa ba ang kontrobersya ng pagtanggap umano ng ilang obispo ng mamahaling sasakyan mula sa pamahalaang Arroyo, at umano’y pagtanggap ng pe­rang “donasyon”. 

Buweno, kung iyon ang pananaw ng NTC na kinabi­bilangan nga ng may pitong matataas na opisyal ng dio­cese ng Simbahan, eh iginagalang naman daw iyon ng Malacañang. Pero malinaw daw na hindi naman kuma­katawan sa mas nakararaming Pinoy ang pananaw na iyon ng NTC. Katunayan, maging ang liderato ng mas malaking samahan ng Simbahan na Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, ay nagpahayag na hindi posisyon ng CBCP ang inihayag ng NTC.

Laging tandaan:
“Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)http://www.abante-tonite.com/issue/oct0814/edit_spy.htm#.VDRV4VctefE

Monday, October 6, 2014

Hindi pambala ng kanyon!



                                                              Hindi pambala ng kanyon!  
                                                                      REY MARFIL

Nasa likod ng mga matatapang nating sundalong miyembro ng United Nations (UN) peacekeepers na umuwi sa bansa mula sa maaksiyong pagkakatalaga sa Golan Heights sa Syria, si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino.

Matatandaan na napasabak sa mga rebelde sa Syria ang ating mga kababayan, na sa halip na purihin ay tinawag na “duwag” ng tumatayong lider doon ng UN Disengagement Observer Force o UNDOF.

Pero para kay PNoy, ginawa ng may 300 Pinoy peacekeepers ang nararapat nilang gawin nang sandaling lumusob sa kanilang lugar ang mga rebeldeng Syrian. Hindi sinunod ng mga kababayan natin ang utos na isuko sa mga rebelde ang kanilang armas, at sa halip ay naghanda sila sa posibleng pakikipaglaban para idepensa ang kanilang sarili.

Pero bago nito, nauna nang “napasuko” ng mga rebelde ang tropa ng mga Fijian peacekeeper. Inabot din ng ilang araw bago pinakawalan ng mga rebelde ang kanilang mga bihag.

Nais daw sana ng lider ng UNDOF na sundin ng mga Pinoy peacekeeper ang gusto ng mga rebelde na isuko ang kanilang armas para hindi raw malagay sa alanganin ang buhay ng mga Fijian na bihag. Pero hindi “bali” ang mga kababayan natin na bibitawan ang tanging sandata nila na magagamit para ipagtanggol ang kanilang buhay.

Sa dami ba naman ng mga patayan at massacre na nangyayari sa Syria, walang garantiya ang mga Pinoy peacekeeper na hindi sila papatayin ng mga rebelde. Aba’y kung ang mga kababayan nga nila ay hindi nila pinapatawad, ang mga dayuhan pa kaya sa kanilang lugar gaya ng mga Pinoy?

Kung sakaling naging bihag ang mga kababayan natin sa Syria, aba’y naging dagdag na problema sila sa UN para isabak sa negosasyon para palayain. Tiyak na magiging malaking problema din iyon sa ating gobyerno at magiging mahirap para magsagawa ng rescue mission sa napakalayong lugar.

Pero hindi iyon nangyari kaya naman bilib sa kanila ang Pangulo at binigyan sila ng pagkilala. Nararapat din ang pasya ng pamahalaan na ipagpaliban ang pagpapadala ng tropa sa Syria hangga’t hindi natatapos ang imbestigasyon sa nangyaring iyon ng pagsalakay ng mga rebelde sa tropa ng UN.

***

Malinaw ang pasya ni PNoy na dapat maging maliwanag ang misyon ng ating ipadadalang tropa sa ibang bansa at hindi iyong parang “mission impossible”. Batid ng Pangulo na kung naging hostage ang ating mga kababayan, lalong magiging kumplikado ang problema.

Ang ibang lider sa ibang bansa, tinawag na world-class ang mga sundalo natin. Bukod sa katapangan, dapat ding hangaan ang dedikasyon ng mga UN peacekeeper na nananatili sa Syria para tumulong sa pagpapatupad ng katahimikan sa magulong bansang iyon. Ang ibang bansa tulad ng Japan, Austria, at Croatia, ay inalis na ang tropa nila dahil sa lumalalang civil war.

Kung tutuusin, dapat ding imbestigahan ang lider ng UNDOF na si Lt. Gen. Iqbal Singh Singha, ng India. Inilagay sa alanganin ang buhay ng mga Pinoy peacekee­per sa utos niyang sundin ang mga rebelde na isuko ang armas. Kahit nga ang paliwanag na “don’t shoot” lang daw ang order ay kalokohan din.
Papaano kung pinagbabaril na ang mga kababayan natin sa kanilang puwesto, “don’t shoot” pa rin?
Bakit din kaya sila nakikipagnegosasyon sa mga rebelde na sinasabing may kaugna­yan sa teroristang grupo?

Sa halip na tawagin na hindi propesyunal at duwag, dapat pasalamatan ni Singha at purihin ang ating mga kababayan dahil hindi na sila naging dagdag na problema sa pakikipagnegosasyon sa mga rebelde.
Kung ­ayaw ni Singha na mag-sorry, mag-resign na lang siya sa kanyang puwesto sa UNDOF.

Samantala, habang nandito ang ating mga Pinoy peacekeeper mula sa Syria, magiging abala muna sila sa pagsasanay at paghahanda dahil kasama sila sa mga magbibigay ng proteksyon kay Pope Francis pagdating nito sa bansa sa Enero 2015.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/oct0614/edit_spy.htm#.VDGy1VctefE

Friday, October 3, 2014

Maging responsableng amo



                                                           Maging responsableng amo  
                                                                  REY MARFIL


Man’s best friend ang tawag natin sa mga aso. Pero kapag napabayaan ito at hindi inalagaan, ang cute na­ting alaga, puwedeng maging bangungunot kapag nakakagat kahit pa nabakunahan ng anti-rabies.

Sa isang lungsod sa Metro Manila, nasa 15 asong gala sa kalye ang nahuhuli at dinadala sa city pound. Ang masaklap nito, sa nabanggit na bilang ng aso, 10 sa kanila ang isinasailalim sa “mercy killing” o pinapatay dahil hindi na kinukuha ng kanilang mga amo.

Ang kawawang si Bantay, pinabayaan ng amo, na­ging kalye ang bahay. Kung tutuusin, masasabi pang ma­palad ang “askal” na mahuhuli at madadala sa city pound kahit pa sa mercy killing ang bagsak niya; kaysa naman sa kawali ng lasenggo siya mapunta at gawing kaldereta.

Hindi rin biro ang dami ng kaso ng mga asong na­giging biktima ng “dognapping” o “dog trafficking”.
Sila iyong mga aso na huhulihin sa isang lugar at kapag marami na ay ibibiyahe sila sa ibang lugar tulad ng isang lalawigan sa Luzon na kilalang sikat ang putaheng “azuzena”.

At least sa “mercy killing” hindi mararamdaman ng “askal” na patay na siya dahil binabakunahan lang sila ng pampatulog na wala nang gisingan. Ibang usapan naman iyong mga lokal na pamahalaan na nagtitipid sa pondo sa “mercy killing” ng aso. Kaysa gumastos sa bakunang pampatulog na walang gisingan, pinapausukan ng tambutso ang mga kawawang aso hanggang sa ma-high sa usok ng gasolina at mamatay.

Pero mas malala pa rin ang sasapitin ng aso kapag “tomador” ang nakakuha sa kanila. Tiyak na palo sa ulo ang aabutin nila o kaya matinding sakal para sila mamatay. Kung mamalasin pa ang aso, baka buhay pa sila ay gi­gilitan sila bago balatan upang kainin ang kanilang karne.

Ang puno’t dulo nito kung babagsak sa kanilang scenario o kapalaran ang aso ay kapabayaan ng kanilang amo. Puwede kasing aksidente silang nakawala sa kanilang kulungan, o kaya naman ay sadyang pinapakawalan ng amo para maka-ebak ang mga alaga sa ibang lugar dahil tamad na maglinis ng dumi ng alaga.

Hindi natin masisisi ang lokal na pamahalaan kung hinuhuli nila ang mga asong gala at pinapatulog ng walang gisingan. Hindi naman kasi biro kung pa­payagan lang silang gumala sa kalye at maging banta sa kaligtasan ng publiko kung makakakagat. Bukod kasi sa mahal ang gatos ng bakuna kontra rabies, matinding trauma rin ang iniiwan ng kagat ng aso sa magiging biktima nito.

***

Sa ngayon, may kampanya ang pamahalaan sa pagba­bakuna sa mga aso para sa mithiing maging rabies free ang Pilipinas sa 2020. Bagaman nabawasan ang mga Pinoy na namatay dahil sa rabies noong 2013, dumami naman ang kaso ng mga nakakagat ng paborito nating alaga.

Mula sa 231 kaso ng namatay dahil sa rabies bunga ng kagat ng aso noong 2012, naging 187 kaso ito noong 2013. Mataas pa rin kung tutuusin lalo pa’t hindi biro at napakatindi ng pinagdadaanan ng isang namamatay sa rabies.

Ang mga nakagat naman ng aso at kailangang pa­bakunahan, libu-libong halaga ang kanilang gugugulin para sa bakuna at malabanan ang virus na dala ng rabies ng aso. Bukod sa sakit ng kagat, titiisin niya ang sakit ng ilang ulit na bakuna at trauma tuwing makakakita ng aso na puwede niyang dalhin habambuhay.

Samantala, umabot naman sa 522,420 ang insidente ng kagat ng hayop noong 2013, kumpara sa 410,811 noong 2012, ayon sa tala na rin ng National Rabies Prevention and Control Program ng Department of Health.

Hindi dapat maliitin ang usapin sa pagpapabaya sa mga alagang hayop. May buhay din sila na kinikitil kapag isinailalim sa mercy killing at ginagawang pulutan; at may mga tao na malalagay ang buhay sa peligro at nape­perwisyo kapag nakakagat dahil sa naglipanang aso na pinabayaan ng kanilang iresponsableng amo.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/oct0314/edit_spy.htm#.VC2_xlctefE

Wednesday, October 1, 2014

Dumaraming oportunidad!





                                                  
                                                             Dumaraming oportunidad!  
                                                                   REY MARFIL
 

Magandang balita na naman ang pahayag ni Labor and Employment Sec. Rosalinda Dimapilis-Baldoz kaugnay sa lumalaking bilang ng trabahong maaaring mapasukan ng mga Filipino.

Sa ulat ng Bureau of Local Employment (BLE) ng DOLE, umabot sa 320,440 ang bakanteng trabaho sa unang semestre ng taon na inilagay ng employers sa Phil-Job.Net o ang job search at job and skills matching facility ng pamahalaan.

Ipinapakita dito ang patuloy na paglago ng oportunidad sa loob at labas ng bansa sa ilalim ng matuwid na daang liderato ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino.

Nakapaloob rin dito ang trabaho sa ibang bansa kung saan protektado ang mga Filipino laban sa illegal recruitment.

Kabilang ang mga sumusunod na rehiyon at bilang ng trabaho na maaaring mapasukan sa unang semestre ng taon:

NCR—137,897; CAR—15,601; Region 1—15,527; Region 2—2,655; Region 3—48,348; Region 4A—3,112; Region 4B—56; Region 5—9,097; Region 6—6,502; Region 7—34,146; Region 8—550; Region 9—1,808; Region 10—1,517; Region 11—29,256; Region 12—7,309; at CARAGA—7,059.
Napansin ni Baldoz na nangunguna na ang Phil-JobNet sa hanay ng job search at job and skills matching portal sa Pilipinas.

Nalaman rin na nakapagtala na ang e-Phil-JobNet ng kabuuang 3,818 accredited establishments na kalahok sa programa sa hanay ng 5,237 registered establishments.

Narito ang rehiyon at bilang ng mga establisyamentong kalahok:

NCR—899, CAR—200, Region 1—88, Region 2—104, Region 3—991, Region 4A—34, Region 4B—50, Region 5—62, Region 6—130, Region 7—177, Region 8—87, Region 9—42, Region 10—139, Region 11—180, Region 12—404, at CARAGA—231.

Kapuri-puri talaga ang magandang trabaho ng administrasyong Aquino.

***

Tama si PNoy sa pagsasabing mga kontra sa kapayapaan ang mga tumututol sa usapang-pangkapayapaan na kanyang isinusulong sa mga kapatid nating Muslim.

Dapat nating suportahan ang inisyatibang ito ng Pangulo na maaprubahan sa lalong madaling panahon ang Bangsamoro Basic Law (BBL) para matiyak ang kapayapaan sa Mindanao na nakapaloob sa kasunduang nilagdaan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Malinaw naman na hindi hiwalay na bansa ang itatayong Bangsamoro na mananatiling bahagi ng Pilipinas at nasa ilalim ng kontrol ng Pangulo.

Dumalo nga sa deliberasyon sa Kamara de Representantes maging ang aktor na si Robin Padilla na naniniwalang tama ang Pangulo sa pagsusulong ng usapang-pangkapayapaan.

Talaga namang kinabukasan ng mga kapatid nating Muslim ang BBL at hindi dapat natin ito ipagkait sa kanila na maranasan ang mapayapang pamumuhay.

Tunay na maghahatid rin ang BBL ng kapayapaan at progreso sa mga lugar sa bansa na may kaguluhan kaya marapat lamang na suportahan nating lahat ito.

Laging tandaan:
“Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (Twitter: follow@dspyrey)

http://www.abante-tonite.com/issue/oct0114/edit_spy.htm#.VCsYilctefE