Mission accomplished si PNoy
Hindi biro ang 12-araw na working visit ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino III sa iba’t ibang bansa sa Europe at ilang estado sa Amerika. Sa layo ng mga lugar na pinuntahan at paghahandang kailangang gawin sa mga pagpupulong, tiyak na nakakapagod at hindi mawawala siyempre ang panganib ng aksidente sa bawat biyahe.
Pero salamat naman at maayos na nakauwi si PNoy sa bansa at ang kanyang mga kasama sa biyahe. Sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas, bitbit ng Pangulo ang magagandang balita na iniulat niya sa kanyang “boss” na mamamayang Pilipino.
Siyempre, una sa magandang balita ang mahigit $2 bilyong investment at mga pangako mula sa mga nakausap niyang negosyante at kumpanya na maglalagak o magpapalaki pa ng kanilang negosyo sa ating bansa. Mukhang hindi nga nahirapan si PNoy na manghikayat sa mga mamumuhunan na magnegosyo sa Pilipinas.
Aba’y sa kabi-kabilang positibong puna at upgrade na nakakamit ng Pilipinas sa credit ratings, hindi na kataka-taka na batid na rin ng mga dayuhan na “the real deal” ang Pilipinas bilang bansa na dapat paglagakan ng puhunan. Kaya nga hindi ba kamakailan ay may lumabas pang “anti-Philippine” ad na ang layunin ay sulutin ang napakalaking BPO industry natin.
Maliban sa mga nahikayat na mamuhunan sa Pilipinas, nagawa rin ni PNoy na maipaalam sa mga bansang makapangyarihan sa Europa ang posisyon ng Pilipinas sa usapin ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.
***
Sa mga pakikipag-usap na ito ni PNoy, natiyak natin na kaisa at katulad ng Pilipinas ang pananaw ng mga lider sa European Union na dapat igalang ng lahat ang pandaigdigang alituntunin sa usapin ng pinag-aagawang teritoryo. Kaisa natin sila na hindi dapat gumamit ng dahas o puwersa ang sinuman na nang-aangkin ng teritoryo.
Nagawa rin ni PNoy na maiparating sa United Nations sa isang komperensiya tungkol sa climate change ang tinig ng Pilipinas at marahil maging ng iba pang maliit na bansa na matinding naaapektuhan ng kalamidad na dulot ng pagbabago na ng panahon.
Talaga namang makikita na ang epekto ng climate change sa Pilipinas tulad ng malalakas na pag-ulan kahit wala namang bagyo. At kung may bagyo naman, mas matindi pa ang pag-ulan gaya ng epekto ni Yolanda, at kamakailan ay ang mistulang pagtutulungan ng bagyong Mario at ng habagat.
Bukod sa layunin ni PNoy sa naturang biyahe para sa bansa, maganda rin ang ginawang pagbalik niya sa naging bahay nila sa Boston nang ma-exile ang kanilang pamilya noong panahon ng Batas Militar.
Naging emosyunal siya nang balikan ang mga alaala na kasama pa noon ang kanyang ama na si dating Sen. Ninoy Aquino Jr. at inang si dating Pangulong Cory Aquino.
Mahirap man para sa Pangulo na sariwain ang mga masasaya at malungkot na bahaging iyon ng kanyang buhay sa Boston, makatutulong sa kanya na balikan ang nakaraan upang magkaroon siya ng higit na magandang pananaw at mga gagawing desisyon sa hinaharap.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/sep2914/edit_spy.htm#.VCh_PlctefE