Friday, August 29, 2014

Malaking tulong




                                                                   Malaking tulong  
                                                                      Rey Marfil


Malaki ang maitutulong ng nilagdaang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ng Pilipinas at United States (US) para palakasin ang seguridad ng bansa laban sa panlabas na mga banta.

Malinaw at hindi naman na dapat intrigahin pa ang paninindigan ni President Barack Obama na nagpunta sa bansa dahil talagang idedepensa ng US ang Pilipinas.

Hindi nasayang ang paglagda ng bansa sa EDCA para sa mas pinalaking “rotational” na presensya ng mga tropang Amerikano kaugnay sa kanilang pagsasanay sa bansa kasama ng mga sundalong Pilipino.

Nagbabala na nga si Obama sa China laban sa paggamit ng puwersa upang resolbahin ang kaguluhan sa West Philippine Sea at maigting na suportang militar para sa bansa.

Higit na importante dito ang hangarin ni Obama na magkaroon ng mapayapang resolusyon sa krisis na magiging kapaki-pakinabang sa buong mundo lalo na ang paniniyak sa malayang pagbiyahe ng kalakal sa West Philippine Sea.

Kitang-kita sa pahayag ni Obama na laging sasaklolo ang US sa Pilipinas sakaling mayroong bansa na kikilos sa West Phi­lippine Sea na hindi umaayon sa internasyunal na mga batas.

Maganda rin ang ipinakitang kakaibang diplomasya ni Obama sa pagtiyak ng kanilang suporta sa Pilipinas na nagbibigay ng balanseng posisyon upang hindi rin naman makapagbigay ng mga salitang ikakagalit ng China.

Wala naman talagang puwang ang digmaan sa makabagong panahon. Magtulung-tulong tayong lahat upang mapayapang maresolba ang agawan sa teritoryo at umiwas sa nakakagalit na mga pahayag na magreresulta lamang sa kaguluhan.

Isipin rin natin na ang pagpapalakas sa kakayahan ng ating mga kawal ang pangunahing layunin ng US sa kanilang pagtulong sa mga pagsasanay na isasagawa at hindi upang patindihin ang tensyon at magkaroon ng tunggalian sa China.

Dapat rin nating imintina ang posisyon na mareresolba ang kasalukuyang girian sa teritoryo sa pamamagitan ng United Nations (UN) na nagpapatupad ng internasyunal na mga batas.

***

Suportado ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang panukalang itaas ang suweldo ng 1.6 milyong kawani ng pamahalaan.

Pero tama at mahalaga rin naman ang kanyang posisyon na unahin muna ang hindi pa napopondohang pensyon at mga benepisyo ng mga retiradong pulis at kasapi ng militar.

Maganda kung tutuusin ang panukala ni Sen. Antonio Trillanes IV na itaas ang suweldo ng mga nasa pamahalaan lalung-lalo na ang mga kawani upang hindi matukso ang mga ito sa katiwalian.

Bagama’t maigting ang kagustuhan ni Pangulong Aquino na bigyan ng karagdagang sahod ang mga nasa gobyerno, malaking hamon ito sa ngayon sa gitna ng mga nakabinbin pang pinansyal na obligasyon sa kinauukulan.

Batid ni PNoy na hindi pa naibibigay ang kailangang pondo para sa pensyon at benepisyo ng mga nagretirong mga pulis at sundalo.

Taun-taon kasing pinopondohan ng pamahalaan ang pensyon sa ilalim ng pambansang badyet.

Ngunit base sa datos ng Department of Budget Department (DBM), mangangailangan ng P4.3 trilyon upang pondohan ang pensyon ng mga pulis at mga sundalo o halagang sobrang laki kumpara sa P2.6 trilyong kasalukuyang pambansang badyet.

Magandang marinig sa Pangulo ang matapat na pahayag at talagang hindi siya nagsisinungaling sa kung ano ang kayang ibigay ng kanyang pamahalaan.

Isa pa sa magandang balita dito ang pahayag ng Pangulo na mas hangad niya sa ngayon na bigyan ang mga kawani ng pamahalaan ng mga insentibo katulad ng pabahay.

Matagumpay na naisagawa ng administrasyong Aquino ang pagkakaloob ng mahigit sa 50,000 bahay sa mga kasapi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP).

Inihayag rin ng Pangulo ang plano ng pamahalaan na mag-alok ng land reclamation projects upang makalikom ng pondo para sa pensyon ng mga retiradong pulis at sundalo. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Wednesday, August 27, 2014

Oportunistang nagpapanggap!


                                                        Oportunistang nagpapanggap!  
                                                                    Rey Marfil 


Impostor -- mapanlinlang, mapagpanggap, manloloko. Saan man lugar o sektor, hindi mawawala ang mga ganitong klase ng tao na gagawin ang lahat masunod lang ang kanilang sariling interes nang hindi natin namamalayan.

Parang hunyango o chameleon ang mga impostor. Nagagawa nilang ikubli ang tunay nilang pagkatao sa pamamagitan ng paggaya sa lugar na kanilang kinakapitan. Pero kung ang mga hayop na hunya­ngo ay nagbabalatkayo para makaiwas sa panganib o kaya naman ay madagit ang kanilang target na pagkain, ang mga hunyango sa pulitika, walang kabusugan at walang pakialam sa kapakanan ng iba -- kahit pa ang bayan.

Habang papalapit ang halalan sa 2016 kung saan pipili na naman tayo ng mga bagong lider, dumadami na naman ang mga hunyango o impostor. Kaya naman napapanahon at magandang naging paksa ng talumpati ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang tungkol sa mga peke at nagpapanggap na mga nagsusulong din umano ng reporma sa pamahalaan gaya ng kanyang ginagawa.

Dahil epektibo ang platapormang reporma sa paraan ng “tuwid na daan” na ginagawa ni PNoy, marami ang nais sumama at makiisa. Ang problema, ilan sa mga ito ay impostor o hunyango na gustong makiangkas sa biyahe ng daang matuwid pero ang tunay nilang pakay ay ibalik ang dating baluktot o balikong daan.

Ang matindi pa, habang nagkukubli ang mga impostor sa anyong reporma, nagpapakalat pa sila ng maling impormasyon para sirain ang tunay na nagsusulong ng reporma. Aba’y masahol sa pinakamakamandag na kobra ang pangil ng mga impostor na ito na kayang lumason ng isip ng ilan nating kababayan

***

Kaya nakalulungkot kapag may mga tao o grupo na totoo namang naghahangad din ng reporma sa gobyerno pero napapasukan ng mga hunyango o impostor. Ang resulta, nagkakaroon ng paraan ang mga pekeng repormista para maisagawa ang kanilang mapanlinglang na propaganda laban sa mga tunay na naghahangad ng pagbabago.

Sa nalalabing mahigit isang taon na lamang ni PNoy sa liderato dahil magtatapos na ang termino niya sa June 2016, hindi maiaalis isipin na may mga impostor na todo na sa pagkilos para maibalik sa lumang baluktot na daan sa gobyerno na itinutuwid ng kasalukuyang gobyerno.

Nang ipatupad kasi ni PNoy ang tunay na kam­panya laban sa katiwalian, maraming kulokoy at kurimaw ang nawalan o nabawasan ang naibubulsang pera mula sa kaban ng bayan. Alam ng mga kulokoy na ito na hindi sila magtatagumpay na maibalik ang bulok na sistema kaya nagpapanggap sila na kasama sa agos ng mga repormista -- pero ang totoo sila’y mga oportunista.

Sa bilis ng pagkalat ngayon ng impormasyon dahil sa modernong teknolohiya at social media na sinasamantala ng mga oportunista, dapat lang ta­laga na maging mapagmatyag ang lahat at maging mapanuri para makilatis ang tunay para sa pagpapatuloy ng reporma ni PNoy. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, August 25, 2014

Huwag agad husgahan


                                                             Huwag agad husgahan  
                                                                    Rey Marfil

Itinalaga na ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino si dating Solicitor General Francis Jardeleza bilang bagong mahistrado sa Korte Suprema. At gaya ng dati, hindi na naman nawala ang mga tamang duda, tamang hinala, at kaagad-agad kung maghusga.

Sa ilalim ng Saligang Batas, malinaw na nakasaad ang kapangyarihan ni PNoy na pumili ng taong hihirangin niya sa Kataas-taasang Hukuman mula sa listahan ng mga nominado na isinumite ng Judicial Bar Council o JBC. At nasunod naman ang prosesong ito sa ginawang pagpili ng Pangulo, kaya anong kaso?

Katulad ng ibang ginawang paghirang ni PNoy sa iba pang opisyal sa gobyerno at maging sa hudikatura, hindi nawala ang mga puna at mga negatibong pangitain sa pagpili ng Pangulo kay Jardeleza. May nagsasabing magdudulot daw ito ng higit na kaguluhan sa SC dahil hindi raw pabor si SC Chief Justice Maria Lourdes Sereno kay Jardeleza.

Pero ang nangyari, kay Sereno nanumpa si Jardeleza at pagkatapos ay sinamahan pa ni Sereno ang bagong kasama nila sa hudikatura sa pag-iikot sa SC. Sa halip kasi na maganda, bakit ba may mga taong kung mag-isip e “nega”.

May mga hirit pa na hindi raw magiging patas si Jardeleza sa mga magiging desisyon nito sa mga kasong may kaugnayan sa pamahalaan dahil sa utang na loob na tatanawin nito kay PNoy. Kabilang sa kasong binabanggit nila ay motion for reconsideration na inihain ng pamahalaan sa naging 13-0 decision na nagdedeklarang iligal ang ilang bahagi ng Disbursement Acceleration Program.

***

Bilang dating SolGen na naghain ng naturang MR tungkol sa DAP, natural na naaayon sa panig ng gobyerno ang kanyang posisyon. Pero hindi naman yata patas na kaagad husgahan at pangunahan si Jardeleza sa kanyang magiging desisyon kung makikisali ba siya sa deliberasyon ng MR -- o kung mananatili pa rin ba ang kanyang posisyon sa isyu ngayong nasa panig na siya ng hudikatura?

Dapat tandaan na ang unang apat na mahistrato na hinirang ni PNoy sa SC na sina Chief Justice Sereno, Justices Marvic Leonen, Estela Perlas-Bernabe at Bienvenido Reyes, ay pawang bumoto rin kontra sa DAP. Pagpapatunay ito na kahit hinirang sila ng Pangulo, nagiging malaya sila at independyente sa kanilang desisyon.

Idagdag pa natin na ang SC ay binubuo ng 15 mahis­trado at nagdedesisyon sila sa mga usapin bilang lupon o grupo at hindi ng isa lamang. Kaya kung sakaling bumoto man si Jardeleza ng pabor sa MR, wala ring saysay kung hindi magbago ng pasya ang 13 mahistrado na bumoto noon ng kontra sa DAP.

Hindi rin naman dapat ipagtaka kung si Jardeleza ang napili ni PNoy sa listahan na isinumite ng JBC dahil na rin sa ilang taong pagsisilbi nito sa pamahalaan at marahil ay madalas niyang nakakatrabaho. In short, batid ni PNoy kung maganda ang rekord ng nominado at kung mahusay itong magtrabaho.

Maliban sa prerogative o karapatan ni PNoy ang piliin ang nominado na gusto niya, natural lang siyempre na piliin ng Pangulo ang taong higit na pinaniniwalaan niyang karapat-dapat sa posisyon. Dahil kung papalpak ang taong kanyang itinalaga, kay PNoy din babagsak ang sisi nito.

Kaya ang makabubuti, manahimik na muna ang mga kritiko at bigyan ng pagkakataon si Justice Jardeleza na magtrabaho, at hintayin nating tumakbo ang kasaysayan na huhusga sa kanya at sa desisyon ni PNoy na piliin siya. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”.
(mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, August 22, 2014

Nabawasan!


                                                                  Nabawasan!
                                                                   Rey Marfil


Magandang balita ang paglaki sa bilang ng mga Pilipinong mayroong trabaho mula 37.01 milyon noong Abril 2013 tungong 38.66 milyon sa parehong panahon ngayong taon o 1.65 milyong karagdagang trabaho sa buong bansa.

Nanggaling ang ulat kay Labor Sec. Rosalinda Baldoz base sa April 2014 Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Pagpapakita ito ng patuloy na pagsusumikap ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III na ma­isulong ang kapakanan ng maraming Pilipino sa ilalim ng matuwid na daan.

Kaya naman asahan natin na lalo pang tataas ang bilang ng mayroong mga trabaho sa susunod na PSA labor survey lalo’t patuloy na bumubuti ang lagay ng ekonomiya ng bansa.

Malaking tulong dito ang kautusan ng Pangulo na tutukan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang implementasyon ng mga programa na makakalikha ng karagdagang mga trabaho.

Ayon kay Baldoz, nakapagtala ng karagdagang trabaho ang 14 na rehiyon sa bansa na kinabi­bilangan ng mga sumusunod at bilang ng bagong trabahong nalikha: Calabarzon, 325,000; Central Luzon, 205,000; Central Visayas, 186,000; National Capital Region, 185,000; Davao, 181,000; Western Visayas, 173,000; Autonomous Region in Muslim Mindanao, 134,000; Ilocos, 87,000; Northern Mindanao, 83,000; Caraga, 52,000; Soccsksargen, 51,000; Mimaropa, 44,000; Bicol, 26,000 at Cordillera Administrative Region, 4,000.

Sa klase ng mga manggagawa, nanguna ang new wage at salary workers sa bilang na 909,000 na sinundan ng 329,000 self-employed na walang binabayarang mga empleyado at 114,000 na tinatawag na employers na nagpapatakbo ng sariling negosyo ng kanilang pamilya at iba pa.

Base sa 1.65 milyong bagong mga kawani, nagmula ang 929,000 sa sektor ng serbisyo na sinundan ng 374,000 sa sektor ng industriya at 352,000 sa sektor ng agrikultura.

***

Makatwirang batiin natin si Pangulong Aquino dahil nabawasan ng 300,000 pamilya ang nakaranas ng gutom sa ikalawang quarter ng taon kumpara sa unang quarter.

Base ito sa pinakabagong survey ng Social Weather Station (SWS) na isinagawa mula Hunyo 27 hanggang 30.

Lumabas na 16.3 porsiyento ng respondents o 3.6 milyong pamilya ang nakaranas ng gutom sa kanila na tatlong buwan na mas mababa kumpara sa 17.8 porsiyento o 3.9 milyong pamilya na naitala noong nakalipas na Marso.

Hindi naman nagpapabaya ang administrasyong Aquino at ginagawa ang lahat upang tugunan ang kanilang pangangailangan. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.”
(mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, August 20, 2014

Nasa mabuting pamamahala


                                                           Nasa mabuting pamamahala 
                                                                    Rey Marfil

Hindi lang daang matuwid ang ginagawa ng pamahalaang Aquino kung hindi maging “tulay na matuwid” na pinondohan mula sa Disbursement Acceleration Program (DAP), na idineklara ng mga mahistrado ng Korte Suprema na iligal ang ilang bahagi at pinagdudahan pa ang malinis na hangarin ng gobyerno sa pagpapatupad ng programa.

Nauna nang isinapubliko ng Malacañang na may 116 programa at proyekto na pinondohan ng DAP, na tinatayang umabot ng P167.061 bilyon. Gayunman, nasa P144.378 bilyon lang ang naipalabas na pondo at may natitira o balanseng P13.612 bilyon.

At nitong Lunes, ipinakita ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang isa mga produkto ng DAP, ang tulay at mga magkakadugtong na kalsada sa Tuao, Cagayan.

Mantakin niyo, 1968 pa nang pumasok sa isipan ng mga opisyal ang naturang proyekto pero nagkaroon lamang ito ng katuparan sa ilalim ng pamahalaan ni PNoy. Tinatayang nasa P599 milyon ang kabuang gastos sa proyekto, kung saan ang P145 milyon ay mula sa DAP.

Dahil sa proyekto, mapapabilis na ang biyahe ng mga tao, negosyo, paghahatid ng mga serbisyo at produkto, at tiyak na makatutulong din sa turismo sa lugar at lalawigan. Marahil ang mga taong hindi dumadaan sa lugar na ito, dedma sa magandang balitang hatid ng proyekto. Pero sa mga gagamit nito, siguradong todo ang kanilang pasasalamat.

Ganoon naman yata talaga ang ibang tao, walang paki at may tamang duda kung hindi nila lubos na batid ang nangyayari, o hindi naman sila apektado -- iyong bang mentalidad na “M” at “P” (malay ko at pakialam ko).

***

Ang tulay na ito sa Tuao ay isang halimbawa ng maayos na paggugol ng pondo mula sa DAP; na kung nakitaan man ng Korte Suprema na may labag sa batas, hindi ito sinadya ng pamahalaang Aquino at malinis ang kanilang hangarin o ika nga’y saad sa doktrinang “done in good faith”.

Bagay na ipinaliwanag na noon ng mga opisyal ni PNoy na wala sa isipan ng pamahalaan at mga nagpatupad ng programa na pagkakitaan o gamitin sa kasamaan ang anumang pondo na inilaan sa DAP.

Ang 360-lineal meter na tulay na ito sa Barangay San Luis ay magsisilbing inter-regional link sa Regions I, II at Cordillera. Dahil sa tulay na ito, ang dating mahigit na apat na oras na biyahe sa Tuao patungong Kabugao, Apayao ay magiging mahigit dalawang oras na lang. Mabilis na ring mapapasyalan ang mga ipinagmamalaking lugar tulad ng Basilica Minore of Our Lady sa Piat na tinatawag na Pilgrimage Center of the North; ang Tuao Belfry, Lallayug Forest Park, at Cassily Lake.

Pero gaya ng sinasabi sa commercial sa television -- but wait, there’s more! Nasa P33.7 milyon ang natipid ng pamahalaan sa naturang proyekto dahil sa mabilis at matinong pagsubaybay ng Department of Public Works and Highways.

Sabi nga ni PNoy, isinusulong ng kanyang pamahalaan ang kailangan, de kalidad, tamang gastos, at matatapos sa tamang oras na mga proyekto para sa mga tao. Habang ang ibang opisyal natin ay nagkakagulo na para sa 2016 elections, ang liderato ni PNoy, abala sa paggawa ng mga programa at proyekto na kailangan ng kanyang mga “boss”, na mamamayang Pinoy.

Pero teka, ngayong naipakita ng pamahalaan Aquino kung saan napunta ang pondo ng DAP, baka puwedeng ang mga mahistrado naman natin sa Korte Suprema ang magpakita naman ng listahan kung saan nila ginagamit ang mga pondo nila katulad ng kontrobersiyal na Judicial Development Funds.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, August 18, 2014

Huli ka!




                                                                            Huli ka!  
                                                                         Rey Marfil

Minsan pa, ipinakita ng pamahalaang Aquino na seryoso ang kasalukuyang gobyerno na iharap sa hus­tisya ang mga inaakusahang akusado anuman ang estado nito sa lipunan -- kahit pa dating matikas na heneral sa Sandatahang Lakas ng bansa.

Noon, kabi-kabilang akusasyon ang ibinabato ng mga makakaliwa at militanteng grupo laban sa gobyerno ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino kaugnay ng paghahanap kay retired Army Major General Jovito Palparan, na binansagan nilang “Berdugo” dahil sa mga alegasyon ng paglabag sa mga karapatang pantao.

Nasasakdal at may arrest warrant ang korte sa Bulacan laban kay Palparan bunga ng pagkawala ng dalawang babaeng estudyante ng University of the Philippines na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño noong 2011.

Pero linawin lang natin, si Palparan ay akusado pa lamang at nananatiling “inosente” hangga’t hindi pa nahahatulan ng korte. Itinatanggi niya rin na may kinalaman siya sa mga ibinibintang sa kanya.

Buweno, nang mahuli noong nakaraang Marso sa Cebu ang mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon, na itinuturong mataas na lider ng Communist Party of the Philippines, inulan ng kritisismo mula sa mga makakaliwang grupo ang gobyernong Aquino. Bakit daw pinuntirya ang mag-asawang Tiamzon gayung si Palparan ay hindi tinutugis.

Pero ‘yon ang akala nila, maling akala nila.

***

Nang ipangako ni PNoy na magiging patas ang lahat sa pagpapatupad ng hustisya at paghahanap sa mga taong nagtatago sa batas, seryoso rito ang Pangulo. At kamakailan nga lang, bumagsak na sa mahabang kamay ng batas si Palparan.

Gaya ni Palparan, kasama rin sa itinuturing “most wanted” ng batas ang mag-asawang Tiamzon na may malaking halagang pabuya sa kanilang ikadarakip. Sa mga nangunguna sa listahan ng bigating most wanted, tatlo na lang ang patuloy na hinahanap -- sina dating Congressman Ruben Ecleo Jr., dating Palawan Governor Joel Reyes at kapatid nito na si Mario Reyes.

Nahuli na rin at nakakulong dahil sa kasong syndicated estafa ang negosyanteng si Delfin Lee.
Sa pagkakahuli kay Palparan, pinatunayan ni PNoy na patas na kumikilos ang mga awtoridad para maipatupad ang sistema ng hustisya sa bansa. Kahit pa sinasabing may mga nagkakanlong na militar sa dating heneral, nadakip pa rin siya. Katunayan, kasama ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation sa mga humuli kay Palparan at ilang miyembro mismo ng militar.

Kaya nga maging si Palparan na nagpabago ng itsura para hindi madaling makilala, napahanga sa mga nakaaresto sa kanya.

Ipinakita rin ng mga awtoridad na wala silang kinikilingan sa mga taong kanilang hinahanap -- rebelde man ito, mayamang negosyante o kahit pa dating opis­yal ng militar.

Pagpapatunay ito na seryoso ang gobyernong Aquino na ipatupad ang batas, at pagpapakita na hindi dapat katakutan ang mga awtoridad dahil kakampi sila sa paghahanap sa katotohanan.

Ngayon, dadaan na ang mga akusado sa tama at makatarungang proseso upang timbangin sa korte ang kanilang pananagutan sa ibinibintang sa kanilang kasalanan. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, August 15, 2014

Pagsaludo sa DOT






                                                                 Pagsaludo sa DOT 
                                                                       Rey Marfil 



Makatwirang batiin natin ang Department of Tourism (DOT) matapos makatanggap ng pagkilala dahil sa epektibong pandaigdigang kampanya sa turismo gamit ang “It’s More Fun in the Philippines”.

Nasa ikatlong puwesto ang slogan ng DOT na ikinukonsiderang pinakamahusay na marketing campaigns at nangunguna sa Asia Pacific region base sa pagtataya ng Warc 100, isang grupo na nagsasagawa ng pandaigdigang taunang ranking sa marketing campaigns base sa kahusayan, pagiging epektibo at ga­ling ng estratehiya.

Ikinukonsidera ang Warc 100 na pinakamahusay na grupo sa larangan ng kahusayan sa paggawa ng anunsyo.

Saludo tayo sa diskarteng ginagawa ni Tourism Sec. Mon Jimenez dahil walang kaduda-duda ang tagumpay ng ‘It’s More Fun in the Philippines’.

At higit sa pagkilalang natanggap, talaga namang lumaki nang husto ang bilang ng pagdating ng mga turista sa bansa base sa mga polisiya ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino.

Kaya naman tama at makatwiran na itaas ang pondo ng DOT para lalong masuportahan ang mga programa at proyekto ng ahensya.

Nagtutulung-tulong rin nang husto ang DOT, Department of Public Works and Highways (DPWH) at ibang mga ahensya ng pamahalaan para lalong mapalakas ang sektor ng turismo sa bansa.

Halimbawa dito ang koneksyon ng mga paliparan sa pangunahing mga destinasyon sa bansa.

Sa ilalim ng 2015 na pambansang badyet na i­prinisinta ng DOT sa mga kasapi ng gabinete, nag­laan rin ang ahensya ng pondo sa DPWH para sa paggawa ng kalsada at tulay kaya umabot ang badyet sa P186.6 bilyon mula sa dating P130.4 bilyon.

Itinaas rin ang badyet ng departamento para sa tina­tawag na tourism infrastructure mula P14.7 bil­yon tungong P20 bilyon.

***

Magandang balita ang pahayag ng Malacañang na pag-aaralan ang panukalang gawing natural gas-­powered facility ang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) para mabawasan ang lumalaking panga­ngailangan sa enerhiya ng bansa.

Mayroon nang panukala sa Kongreso na gawing gas-fired plant ang BNPP.

Maganda naman talaga ang panukala lalo’t kina­kapos ang bansa sa suplay ng kuryente at walang masama na alamin ang posible pang pakinabang ng BNPP bilang alternatibong solusyon sa pangangaila­ngan sa kuryente na makakatulong sa mga mamumuhunan.

Marami ang nagsasabi na magiging madali ang operasyon ng BNPP bilang gas-powered plant dahil na rin sa pagkakaroon ng bansa ng natural gas sa Pa­lawan.

Sa halip na gumastos ng taunang P26 milyon para imintina ang BNPP, maaaring gawing gas-­powered plant ito ng pamahalaan para makalikha ng 1,800 megawatts ng kuryente.

Sa kabutihang palad, isang kumpanya sa South Korea ang napabalitang nagkakaroon ng interes na isagawa ang kumbersyon ng BNPP bilang coal-­powered plant.

Epektibong opsyon ito para sa kabutihan ng lahat sa gitna ng krisis sa enerhiya.

Mahalaga lamang na masiguro nating legal at ma­ayos ang lahat ng gagawin para matiyak natin ang kaligtasan ng taumbayan. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)


Wednesday, August 13, 2014

Higit sa panalo ang pag-asa



                                                           Higit sa panalo ang pag-asa  
                                                                        Rey Marfil


Nakatutuwa ang naging panalo ng koponan ng University of the Philippines laban sa Adamson University sa UAAP men’s basketball tournament noong Sabado. Dahil sa tagumpay na iyon, natapos na ang 27 sunud-sunod na pagkatalo ng unibersidad mula pa noong 2012.

Kahit anim na ang talo ngayon ng UP sa kasaluku­yang laro ng UAAP, pero parang nag-champion na sil­a sa naging panalo nila noong Sabado. Gaya ng pangako ng coaching staff ng tropa ng Maroons, naganap ang bonfire sa UP Diliman nang talunin nila ang Bulldogs, na silang nakabaon ngayon sa standing ng torneo na 0-6.

May ilan na nagkomento na parang OA o overacting daw ang UP community sa naging panalo nila sa Adamson gayung kulelat pa rin naman sila sa standing ng liga. At kahit magkasunud-sunod ang panalo ng UP, mukha naman daw malayo namang makapasok sa semifinal ang koponan ng mga Iskolar ng Bayan.

Marahil tama ang ganitong pagtaya ng ilan sa magiging kapalaran ng UP Maroons sa liga ngayon.
Su­balit mukhang hindi nila nakita ang higit na mahalaga sa na­ging panalo na iyon ng koponan -- pag-asa.

Hindi biro at masakit tiyak sa pride ng mga taga-UP ang 27 sunud-sunod na pagkatalo sa loob ng dalawang taon. Para bang nakabitin lagi ang tanong sa koponan kung bakit lumalaro pa sa liga gayung matatalo rin lang naman. Mga biro na, ‘bakit hindi na lang gastusin sa Cheer Dance contest ang pondo sa varsity players tutal doon naman ang higit na may pag-asang magkampeon ang mga Iskolar ng Bayan’.

***

Ngunit nitong Sabado, may pinatunayan ang mga manlalaro ng UP Maroons; na kahit anong nakaraan mo at pinagdadaanan, may tagumpay na naghihintay basta magpupursige at magtutulungan ang mga magkakampi.

Hindi gaya ng ibang koponan sa UAAP na pag-aari ng mga mayayamang kompanya, korporasyon o indibidwal, ang UP ay isang state university na ang pondo ay nanggagaling sa gobyerno. Pero siyempre, ang pondong ito ay mapupunta sa edukasyon o pag-aaral ng mga estudyante at hindi sa mga manlalaro.

Kaya nga ang mga manlalaro ng UP, sinasabing nagpupunta sa ensayo na ang iba ay gutom dahil sa wala naman silang sapat na allowance para sa naturang aktibidad. Sa ngayon, nagkakaroon ng panibagong lakas at pag-asa ang mga manlalaro dahil mayroon nang mga alumni at sponsors na handa sa kanilang tumulong.

Ang ganitong sitwasyon ay pagpapakita na hindi sapat na magaling ang manlalaro para magtagumpay. Hindi sapat na mayroon silang fighting o never-say-die spi­rit. Kailangan din nila ng pinansiyal na ayuda para masuportahan ang pangangailangan para manalo.

Hindi ito nalalayo sa pamamalakad ng gobyerno. Kaya naman ang administrasyong Aquino, masinop ang ginagawang paggastos sa pondo ng bayan at tinitiyak na magagamit ito sa tamang proyekto at programa.

Hindi kasi sapat na mahusay ang mga namumuno sa isang ahensiya para matapos ang proyekto o maipa­tupad ang programa, kailangan ang pondo. At kapag natapos at naipatupad ang mga ito, ang resulta, parang laro ng UP Maroons, panalo, may pag-asa. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, August 11, 2014

Mga boss ang magdidikta


                                                            Mga boss ang magdidikta  
                                                                     Rey Marfil



Sadyang umiinit na talaga ang hangin ng pulitika habang papalapit nang papalapit ang 2016 presidential elections. Kahit hindi naman kakandidato si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sadyang hindi maiiwasan na pati siya ay madamay sa nagaganap na pagpostura ng iba’t ibang grupo.

Matapos na maipaliwanag ni PNoy sa kanyang mga “boss” na mamamayang Pilipino ang tungkol sa usapin ng paggamit ng pondo ng Disbursement Acceleration Program (DAP), tila nagkaroon ng paggalaw sa linya ng pulitika patungo sa darating na halalan.

May nagpapalutang ng posibilidad ng panibagong alyan­sa ng mga partido at may suhestyon na dapat magtagal pa sa Palasyo si PNoy upang mapagpatuloy nito ang reporma sa pamamahala ng bansa at paglaban sa katiwalian.

Hindi naman kataka-taka kung may mga magmungkahi na bigyan ng isa pang pagkakataon si PNoy na kumandidato sa 2016 presidential elections upang maipagpatuloy nito ang kanyang mga hangarin para sa bayan at sa kanyang mga “boss”.

Pero linawin lang natin, wala sa isipan ng Pangulo na manatili sa Palasyo kapag natapos na ang kanyang termino sa June 30, 2016, na itinatakda sa Saligang Batas at kontrata niya sa bayan nang manalo siya noong 2010 presidential elections.

Ano ba ang nakalagay sa Saligang Batas? Sinasabi doon na isang beses lang ang termino ng Pangulo na tatagal lang ng anim na taon. At dahil ito ang itinatakda ng batas, tiyak na ito ang susundin ni PNoy.

Ang paglutang ng mungkahi na payagan si PNoy na ma­bigyan ng ikalawang termino -- tulad nang inilunsad ng netizens sa Facebook -- ay pagpapakita ng kanilang tiwala sa platapormang “tuwid na daan” ng kasalukuyang administrasyon.

At kung may mga grupo man na nagpapahayag na bukas sa kanilang pananaw na makipag-alyansa at humingi ng basbas kay PNoy sa 2016 elections, pagpapakita rin ito ng kanilang tiwala sa “endorsement power” ng Pangulo.

Hindi ito katulad, o sabihin na natin na napakalayo sa na­ging sitwasyon noong 2010 elections, na itinuring na “kiss of death” ang basbas ng nakaupo noong Pangulo na si Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo. Dahil sa paniwala nila na ikatatalo ng kandidato ang basbas ni GMA, umiwas ang ilang pulitiko na itaas ni GMA ang kanilang kamay sa entablado.

***

May kalayuan pa kung tutuusin ang May 2016 elections pero tila ngayon pa lang ay may mga kababayan na tayo na nag-iisip kung ano ang naghihintay sa ating bansa kapag bumaba na sa kanyang posisyon si PNoy.

Sabagay, nakasaad sa nakaraang SONA ni PNoy ang kanyang paalala sa kanilang mga “boss” na nakasalalay sa kanila ang magiging kapalaran ng bansa. Sa pagtatapos ng kanyang termino, ang mamamayan ang magpapasya kung sino ang mga pipiliin nilang susunod na mga lider ng bayan na magpapatuloy ng kanyang mga sinimulan.

Marami sa ating mga kababayan ang naniniwala sa sinseridad ng Pangulo na ayusin ang sistema ng pamamahala laban sa katiwalian at maayos na paggamit ng kaban ng bayan.
Subalit ang batas ay batas, dapat sundin.

Sabi nga ni Communications Secretary Sonny Coloma, ma­linaw ang deklarasyon ni PNoy na binibilang na nito ang mga araw at mga buwan sa pagtatapos ng kanyang termino. At minsan ay hindi raw sumagi sa isipan ng Pangulo na maghangad o humingi ng karagdagang termino na higit sa nakasaad sa Konstitusyon.

Bukod dito, ilang beses na ring inihayag sa publiko ni PNoy na tutol siya sa anumang hakbang na amyendahan ang Saligang Batas. Kaya naman kung may pagkilos man na gawin ang mga mambabatas tungkol sa Charter Change, hindi dapat na iugnay dito ang Pangulo.

Pero teka, sino nga ba ang dapat matakot sakaling magkaroon ng ikalawang termino si PNoy? Malamang ‘yung mga tumatahak sa baluktot na daan. Anuman ang resulta ng panawagang term extension, pakatandaan ng publiko -- taong bayan o ibinatay ni PNoy sa kanyang mga boss ang desisyon nu’ng tumakbong Pangulo noong 2010 elections. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, August 8, 2014

Buhay ang isinalba



                                                                  Buhay ang isinalba  
                                                                     Rey Marfil


Makatwiran ang paglalaan ng P425 milyong Disburse­ment Acceleration Program (DAP) para ma­tiyak ang eksaktong pagtataya sa lagay ng panahon ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Service Administration (PAGASA).

Nabatid kay Iloilo Rep. Jerry Trenas na malaki ang nai­tulong ng DAP para sa eksakto at wastong pagta­taya ng PAGASA sa lagay ng panahon kaya naman nakapag­handa nang husto ang pamahalaan sa pagdating ni Super Typhoon Glenda kamakailan.

Ibig sabihin, inaasahang mas malala ang magiging epekto ng dumaang bagyo kung hindi nagamit ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang DAP para sa PAGASA.

Bagama’t idineklara ng Supreme Court (SC) na labag sa Saligang Batas ang DAP, naniniwala akong maganda ang pagkakagamit nito sa lahat ng mga programa, kabilang ang Project NOAH o ang Nationwide Operational Assessment of Hazards ng Department of Science and Technology (DOST).

Noon kasi, nababatikos ang PAGASA sa palpak na prediksyon ng panahon hanggang makabawi ang ahensya sa tulong ng inilunsad ni Pangulong Aquino na pro­ject NOAH gamit ang DAP.

Sa tulong ng DAP, nakapaglaan ang administrasyong Aquino ng P275 milyon para sa National Meteorological Climate Center (NMCC) ng DOST na nasa likod ng maka­bagong teknolohiya ng PAGASA.

Nakapaglaan rin ang pamahalaan sa tulong ng DAP ng P150 milyon upang mapabuti ang Doppler Radar Network ng PAGASA para sa National Weather Watch, Accurate Forecasting and Flood Early Warning.

Nakatulong ang DAP sa pagkakaroon ng karagdagang state-of-the-art Doppler radars at pagtatatag ng tatlong Doppler Radar Stations sa Western Seaboard para masigurado ng PAGASA na magkakaroon ng tamang pagtaya sa lagay ng panahon.

Nakatulong rin ang mga proyektong pinondohan ng DAP upang mas masiguro ang pagtataya sa lagay ng panahon dalawang araw bago tumama ang Super Typhoon Yolanda sa kalupaan ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Nakapaghanda nang husto ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa pagka­kaloob ng mas maagang babala sa mga lokal na awtoridad upang mailikas ang mga tao sa papasok na malakas na bagyo.

Kung hindi kasi sa proyektong ito, inaasahang mas malaki pa ang bilang ng mga taong nasawi dahil sa bagyong Yolanda.

Hindi natin masisisi si PNoy na madismaya sa desisyon ng SC dahil talaga namang naapektuhan nang husto ang maha­halagang mga proyekto katulad ng Project NOAH na nakakapagligtas sa buhay at ari-arian ng mayorya ng mga Pilipino.

***

Magandang balita ang matinding papuri na i­binigay ni World Bank president Jim Yong Kim kay PNoy. Nag­kita ang Pangulo at si Kim kamakailan matapos bumisita sa bansa ang opisyal ng WB kung saan idineklara nitong susunod na Asian “Miracle” ang Pilipinas.

Inihayag rin ni Kim ang pagkakaloob ng WB ng $119 milyon para sa konstruksyon ng bagong mga kalsada, tulay at sistemang pang-irigasyon sa Muslim Mindanao bilang suporta sa promosyon ng kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.

Sa isinagawang open forum na tinawag na Daylight D­ialogue sa Malacañang, binalik-tanaw ni Kim na ibinaba ng WB ang pangkalahatang pagtataya sa paglago ng ekonomiya ng bansa mula 3.2 porsiyento tungong 2.8 percent.

Ngunit hindi ibinaba ng WB ang pagtaya sa pag­lago ng ekonomiya ng bansa kung saan pinanatili nito sa ma­taas na 6.4 porsiyento.

Nakakatuwa rin ang pananaw ni Kim na mararamdaman nang husto ang epekto ng magandang ekonomiya sa ilalim ng pamumuno ni PNoy hanggang sa panahong matapos na ang termino nito.

Nakakabilib rin ang pahayag ni Kim na si Pangulong Aquino sa tulong ng kanyang malinis na pamamahala ang dahilan sa likod ng magandang ekonomiya ng bansa. La­ging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.­blogspot.com)

Wednesday, August 6, 2014

Salbabida para sa mga dukha



                                                            Salbabida para sa mga dukha  
                                                                         Rey Marfil


Panahon na naman ng pagtalakay ng Kongreso sa hinihingi ng pamahalaan na taunang national budget ng bansa. At minsan pa gaya ng dati, may mga mambabatas na galing sa oposisyon o kritiko ng gobyerno ang nagnanais na burahin ang tulong na ibinibigay ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa mga pinakamahirap nating kababayan -- ang conditional cash transfer program o Pantawid Pa­milyang Pilipino Program.

Sa susunod na taon, mahigit P2.6 trilyon pondo ang hinihingi ng pamahalaang Aquino sa Kongreso. Nasa P64.7 bilyon nito ang ilalaan sa CCT program upang matulungan ang may 4.4 milyong pinakamahihirap na­ting mga kababayan sa bansa.

Pero ngayon pa lang, may mga nagpapahiwatig ng mga mambabatas mula sa hanay ng oposisyon ang kumukuwestiyon sa pagpapatuloy ng naturang programa. Bakit daw ba patuloy na naglalaan ng naturang malaking pondo si PNoy sa mga mahihirap sa nakalipas na apat na taon ng liderato nito gayong nananatiling marami ang mahirap?

Kung tutuusin, tama naman ang mga puna na nananatiling marami ang mahihirap sa bansa batay na rin sa mga survey at pag-aaral ng mismong ahensiya ng pamahalaan. Ang kagandahan nito, kung hindi man nagbabago ang datos, bahagyang bumababa pero hindi na lubos na tumataas na nadaragdagan ang mga nagsasabing mahirap sila.

Kaya naman ang tanong ng nag-iisip nating mga kababayan...papaano kung wala ang CCT program? Baka lalong dumami ang mahirap.

***

Para sa kapakanan ng ating mga kababayan, ang pe­rang ipinagkakaloob sa mga benepisaryo ng CCT program ay hindi basta ibinibigay sa kanila ng gobyerno nang walang kondisyon. Kabilang sa kondisyon na ito ay kailangang i-enroll ng magulang ang kanilang anak na bata para makapag-aral at tiyakin na mababantayan din ang kalusugan nila, pati na ang mga buntis.

Simple lang ang intensyon ng programa -- matulu­ngan ang mahirap na pamilya, edukasyon ng paslit, at kalusugan nila para sa kapalit na P1,400 buwanang ayuda.

Gusto ba ng mga kritiko ni PNoy at CCT program na alisin ang salbabidang ito at tuluyang malunod at mamatay ang mga mahihirap nating kababayan? Sana hindi naman.

Huwag din nating kalimutan na ang edad ng mga bata na kuwalipikado sa CCT program ay iyong mga pati nasa sinapupunan ng ina hanggang 14-anyos lamang. Ibig sabihin, kung ang isang bata na isang taong gulang na benepisaryo, sa pagkatapos ng termino ni PNoy sa 2016 ay lilitaw na nakapag-aral lang siya ng prep at kinder at papasok pa lang siya na sa grade 1 sa pagtatapos ng termino ng ating pangulo.

Kung sa pagpasok lang ng grade one naihanda ang bata sa loob ng anim na taong termino ni PNoy, nabantayan naman ang kanyang kalusugan dahil kasama rin sa patakaran o kondis­yon ng programa ay masubaybay ang kanyang kalusugan.

Sa susunod na taon, pinalawak pa ni PNoy ang mga makikinabang sa CCT program dahil kasama na ring masusuportahan ang mga mag-aaral sa high school. Sa ganitong paraan, matitiyak na makapagtatapos sa high school ang isang mahirap na mag-aaral. Dito ay may pag-asa siyang makapaghanapbuhay na upang matulungan ang kanyang pamilya, o kaya naman ay suportahan niya ang pag-aaral sa kolehiyo.

Sa argumento ng mga kritiko na higit na nararapat na trabaho ang ibigay ng gobyerno sa mga mahihirap kaysa pera, aba’y hiwalay na tinatrabaho ito ng pamahalaan. Ang makatotohanang problema lang talaga ay job mismatch o bakanteng trabaho na hindi akma sa tinapos na kurso ng mag-aaral, at ang lumolobo nating populasyon na nasa 100 milyon na. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, August 1, 2014

Huwag sayangin ang oras


                                                             Huwag sayangin ang oras  
                                                                      Rey Marfil


Gaya nang inaasahan, lumikha ng kani-kanilang opinyon ang ilang tao na nakapanood ng naging paliwanag ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa posisyon ng pamahalaan sa naging desisyon ng Supreme Court (SC) sa Disbursement Acceleration Program o DAP. Ang iba, tila hindi kuntento na mailabas ang kanilang pananaw at gusto pa nilang makisawsaw.

Sa kabila kasi ng deklarasyon ng mayorya ng mga kongresista na hindi nila susuportahan sa anumang hakbang na i-impeach si Aquino, may iilan pa ring mam­babatas na nais daw ituloy ang paghahain ng reklamo.

Kung batid naman nilang walang patutunguhan ang isasampang impeachment complaint, bakit pa nila ipipi­lit? Para ba makakuha sila ng atensyon ng media? O baka may iba pang dahilan na hindi alam ng publiko?

Ang kapansin-pansin pa, ilan sa mga nagsasabing maghahain ng impeachment complaint laban sa Pa­ngulo ay isang dating opisyal ni dating Pangulong Gloria ­Arroyo na may kinakaharap ngayon na kasong katiwalian. Hindi ba halatang nais lang nitong manggulo?

Ang isa pang pursigidong maghain ng reklamong impeachment ay isang kilalang kaalyado ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. na ilang beses nang nagsasampa ng impeachment complaint sa nagdaang presidente na pawang nabasura dahil daw sa mahinang pagkakagawa ng mga reklamo.

Sa kabila ng garantiya ng pinuno ng House Committee on Justice na magiging patas ito sa pagtalakay sa anumang impeachment complaint na ihahain basta naaayon sa itinatakda ng batas, sinabi na ng mga lider ng Kongreso na malabong magtagumpay ang anumang hakbang na ipa-impeach si PNoy.

Bukod kasi sa paniwala na wala namang basehan ang reklamo kung gagamiting basehan ang usapin ng DAP, ang impeachment ay isang political act na nangangahulugan ng “number games”. Ibig sabihin, kung walang sapat na bilang ang nagsusulong ng impeachment complaint, wala rin itong patutunguhan.

***

Sa ngayon, ang mayorya ng mga kongresista sa Kamara ay kaalyado ng administrasyon sa pangunguna mismo ni Spea­ker Feliciano Belmonte. Maging ang ilang lider sa grupo ng minorya at maging sa oposisyon ay nagpahayag din na hindi nila susuportahan ang impeachment complaint laban sa Pangulo.

Hindi lang naman usapin ng kampihan ang dapat bigyan ng pansin sa impeachment. Dapat ding isaalang-­alang kung may basehan ang reklamo, at kung ano ang magiging epekto nito sa buong bansa.
Ngayong nasa ika-apat na taon na ang administrasyong Aquino at nasa krusyal na bahagi ng pagsusulong ng ekonomiya ng bansa, pagsasara ng usapang pangkapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front, pagtugon sa pangangailangan at pagba­ngon ng mga biktima ng bagyong Yolanda, at mainit na usapin sa West Philippine Sea, at bukod diyan, halos dalawang taon na lang ay presidential election na... sa tingin ba nila ay makabubuti pa na guluhin ngayon ang political stability ng bansa?

Sa dami ng kailangang gawin ng pamahalaan para sa ika­bubuti ng bansa -- katuwang ang mga mambabatas sa Kamara at Senado -- hindi makatwiran na sayangin ng sinuman ang panahon ng Kongreso para matutukan nila ang trabaho sa paglikha ng mga batas na kailangan ng bansa.

Ang Malacañang na rin naman ang nagpaliwanag na ang talumpati ni PNoy sa nakaraan nitong National ­Address ay hindi para banggain ang SC. Ang talumpati ay para ipaliwanag lamang ang posisyon ng pamahalaan kaugnay sa gagawing paghahain ng motion for reconsideration (MR) sa naging desisyon ng mga mahistrado.

At sa gagawing paghahain ng MR ng pamahalaan, patunay ito na iginagalang ng pamahalaan ang SC bilang sangay ng pamahalaan na tagapagpaliwanag ng batas kaya dapat itigil na rin ang mga espekulasyon ng namimi­ligrong krisis Konstitusyunal. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)