Wednesday, July 30, 2014
Ang tiwala kay PNoy
Ang tiwala kay PNoy
Marami ang nagulat sa huling bahagi ng talumpati ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa kanyang ika-limang State of the Nation Address (SONA). Malamang na hindi inasahan ng lahat na magiging emosyonal ang Presidente dahil mas madalas natin siyang nakikita na palaban sa kanyang mga inihahayag sa bayan.
Sa dami ng mga nagawa ng pamahalaan sa nakalipas na taon para paunlarin ang ekonomiya ng bansa, hindi nakapagtataka na tumagal nang mahigit isang oras at kalahati ang kanyang SONA.
Nararapat lang naman na ipakita ni PNoy ang mga proyektong pinaglaanan ng pondo ng bansa, kabilang na ang ipinatupad na Disbursement Acceleration Program (DAP), na idineklara ng Supreme Court (SC) na unconstitutional ang ilang bahagi.
Sa pamamagitan ng SONA, naipakita ni PNoy kung ilang kabataan ang nakinabang sa programang pang-edukasyon, mga nakakuha ng trabaho sa pamamagitan ng vocational courses, mga mahihirap na pamilyang nakinabang at patuloy na makikinabang sa conditional cash transfer program, mga nagawang infrastructure projects, pinaunlad na turismo, paglutas sa kriminalidad, pagpapalakas ng Sandatahang Lakas, at higit lalo na ang paglaban sa katiwalian alinsunod sa programang “tuwid na daan”.
Nitong mga nakalipas na linggo at maging buwan, naging abala ang mga kritiko ni PNoy sa paglabas sa media para araw-arawin ang pagbatikos sa kanya makaraang lumabas ang hindi paborableng desisyon ng SC kontra sa DAP.
Kung anu-anong bansag at mga akusasyon na naman ang ibinato sa Presidente hanggang sa ipaliwanag niya ang posisyon ng pamahalaan sa usapin ng DAP sa pamamagitan ng national address.
Pero maging ang national address ni PNoy na nagsilbing paunang pagpapaliwanag sa gagawing apela ng gobyerno sa naging desisyon ng SC, hinanapan pa rin ng butas ng mga kritiko. Para bang nais palabasin ng mga kritiko na sila ang malinis at tama kahit wala naman silang ginagawa para mapabuti ang kalagayan at buhay ng mga mahihirap nating kababayan.
Ngunit sa SONA nitong Lunes, naipakita ni PNoy na sa kabila ng mga batikos at puna na kanyang inaabot, tuloy lang ang kanilang trabaho sa pagsusulong ng mga programa at proyekto na pakikinabangan ng mga tao; mga tao na tinatawag niyang “boss” sa simula pa lang ng kanyang liderato; mga “boss” na una nang pinagsilbihan ng kanyang amang si Ninoy, na ipinagpatuloy ng kanyang inang si Cory.
Pag-alaala ni PNoy bago ang 2010 elections: “Mga boss, binigyan ninyo ako ng pagkakataong pamunuan ang transpormasyon... Kung tinalikuran ko ang pagkakataon, parang tinalikuran ko na rin ang aking ama’t ina at ang lahat ng inalay nila para sa atin. Hindi po mangyayari iyon.”
***
Tandaan natin na wala sa plano ni PNoy na tumakbong pangulo noong 2010, pero dahil ang bayan ang tumawag at nangailangan sa kanya, hindi niya tinalikuran ang bayan na pinagmumulan niya ng lakas. Sa panahon na nasa balikong daan ang bayan, tumindig si PNoy at pinangunahan ang mga mamamayan sa pagtahak sa “tuwid na daan”.
Pero gaya ng inaasahan, mayroon pa ring ayaw sa tuwid na daan at nais manatili sa balikong direksyon ng kalakaran kung saan sila nakikinabang sa kaban ng bayan. Ang masaklap nito, ang kakaunting nais manatili sa lihis na landas ay sila pang maingay at nakakahikayat sa ilan nating kababayan na magduda sa malinis na hangarin ni PNoy na baguhin ang masamang nakagawian ng nakaraang administrasyon.
Subalit hindi dapat padaig at magpaapekto si PNoy sa iilan na maingay. Higit na marami pa rin ang nagtitiwala sa kanya; mga Pinoy na para sa kanyang amang si Ninoy ay “worth dying for”, na worth living for, at ngayon ay “worth fighting for” kay PNoy.
Umayon man o hindi ang lahat, pero tiyak na higit na nakararami ang naniniwala na kabilang, kung hindi man pinakamahusay, pinakatapat at pinakamatino, na naging lider ng ating bansa si PNoy. (mgakurimaw.blogspot.com)
Friday, July 25, 2014
Paglakas ng turismo
Paglakas ng turismo
REY MARFIL
Maganda ang estratehiya ng administrasyong Aquino sa pangunguna ng Department of Tourism (DOT) kaya naman nagkakaroon ng impresibong pagsulong paitaas ang bilang ng bumibisitang mga dayuhan sa nakalipas na mga taon.
Umangat ng 10.3 porsiyento ang industriya ng turismo na nakapag-ambag naman ng anim na porsiyento sa ekonomiya ng bansa noong 2012 at nakapagtala ng 4.2 milyong trabaho.
Noong nakalipas na taon, umabot sa 4.68 milyon ang mga dayuhang dumating sa Pilipinas upang magbakasyon, 9.6 porsiyento itong mataas kumpara sa 4.27 milyon na naitala noong 2012.
Target nga ng DOT na maitaas sa 6.8 milyon sa katapusan ng taon ang mga dayuhang papasok sa bansa. Mapapatibay nito ang reputasyon ng Pilipinas bilang isa sa nangungunang puntahan ng mga turista sa buong mundo.
Sa katunayan, nagkaroon nitong Hulyo 9 ng grand launching ng Marco Polo Ortigas sa Pasig na mayroong P3 bilyong pamumuhunan.
Ipinapakita ng pamumuhunang ito ang malaking tiwala ng mga negosyante na maglagak ng kapital sa bansa lalo’t hindi biro ang 313-room na five-star hotel na ito ng Marco Polo Hotels sa Ortigas.
Ikatlo ang Marco Polo Ortigas sa Marco Polo Hotels na naitayo sa bansa matapos ang mga sangay nito sa Davao at Cebu at ikalawa ang Pilipinas kasunod ng China sa mayroong pinakamaraming Marco Polo Hotels sa buong mundo.
Talagang kayod-marino ang administrasyong Aquino para lamang matiyak na makakakuha ng maraming trabaho para sa mga Pilipino sa tulong ng lalo pang umaasensong turismo.
***
Magandang balita rin ang karagdagang AU$12.2 milyong pondo na ipinagkatiwala ng pamahalaang Australian sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa konstruksyon ng tinatawag na early childhood care facilities sa bansa.
Sa ilalim ng grant, itatayo ng DSWD ang kabuuang 468 silid-aralan at day-care centers sa pamamagitan ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services-National Community-Driven Development Program (KALAHI CIDSS-NCDDP).
Isang pinalawak na bersyon ang KALAHI CIDSS-NCDDP ng Kalahi-CIDSS na isang programa ng pamahalaan noong 2002 na inilunsad noong 2003 upang hanapan ng solusyon ang problema sa kahirapan sa mga pobreng komunidad gamit ang Community-Driven Development (CDD) approach.
Nakatutok ang CDD sa pagpapalakas ng kakayahan ng bawat indibiduwal at local government units (LGUs) na maiangat ang kanilang komunidad, mabigyan ng magandang oportunidad para mas maging maayos ang kanilang desisyon sa buhay.
Tinatayang 117 ang target na silid-aralan at day-care centers na itatayo sa mga lugar na sinalanta ni Yolanda.
Pinangunahan nina DSWD Secretary Corazon Juliano-Soliman at Australian Department of Foreign Affairs and Trade (DFAT) Deputy Secretary Ewen McDonald ang paglulunsad ng programa at groundbreaking ceremonies ng proyekto na popondohan ng grant.
Nagpapasalamat tayo sa pamahalaang Australian para sa karagdagang tulong sa isinasagawang rehabilitasyon sa mga lugar na nasalanta ni Yolanda.
Kailangang patuloy na magtulung-tulong ang mga tao upang lalong mapabilis ang rehabilitasyon, partikular ang pagtatayo ng mga silid-aralan.
Bukod sa AU$12.2 milyong karagdagang grant, pinopondohan rin ng pamahalaang Australia ang konstruksyon ng 626 day-care centers at silid-aralan sa mga komunidad na sakop ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, isang Conditional Cash Transfer program ng bansa, sa halagang US$10 milyon noong 2012.
Ginagawa ng administrasyong Aquino ang lahat ng makakaya nito para lalong matulungan pa sa mas mabilis na paraan ang mga lugar na binayo ni Yolanda.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Wednesday, July 23, 2014
Silipin ang pondo
Silipin ang pondo
Rey Marfil
Parang bata na aagawan ng kendi ang mga nasa hudikatura o judiciary dahil sa binabalak ng mga mambabatas sa Kongreso na silipin at imbestigahan ang P1.775-bilyong Judiciary Development Fund (JDF) ng mga mahistrado sa Supreme Court (SC). Pero kung wala naman silang itinatago, aba’y siguro naman ay wala rin naman silang dapat ikapangamba.
Para sa kaalaman ng ating mga katropa, binubuo ng tatlong pangunahing sangay ang ating gobyerno – ang Executive o ehekutibo (Malacañang); ang Judiciary o hudikatura (Korte Suprema); at Legislative o lehislatura (mga mambabatas).
Iba’t iba ang papel na ginagampanan ng tatlong sangay na ito. Pero ang isa sa pinakamahalagang papel na kanilang ginagampanan ay ang tinatawag na “check and balance”, o sa madaling salita...
magbantayan sa isa’t isa. Kung hindi sila magbabantayan at magsasabwatan ang tatlong sangay na ito para abusuhin ang bayan, aba’y ang mga mamamayan ang kawawa at tiyak na dedo ang demokrasya.
Kung minsan, tila nagiging “silipan” din ang trabaho nilang bantayan ang isa’t isa. Pero anuman ang maging kalalabasan ng ginagawa nilang bantayan, kailangang igalang pa rin at sundin ng bawat isa ang kani-kanilang desisyon para maiwasan ang tinatawag na “constitutional crisis”.
Kapag mayroon kasing isa sa sangay na ito ang naglabas ng desisyon laban sa isa, pero hindi naman susundin ng isa, mauuwi ito sa “titigan” at maghihintay kung sino ang unang “kukurap”. Kapag walang bumigay, tigil at mauuwi sa “nganga” ang lahat.
***
Kaya naman kahanga-hanga ang deklarasyon ng Malacañang na igagalang nila ang anumang magiging pinal na pasya ng Supreme Court (SC) tungkol sa Disbursement Acceleration Program o DAP matapos silang maghain ng motion for reconsideration (MR).
Matatandaan na idineklara ng SC na labag sa Konstitusyon ang ilang probisyon sa DAP. Bagay na hindi matanggap ng Malacañang kaya nagpaliwanag sa bayan si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na wala silang nilalabag na batas, at sinabing sadyang kailangan ng bayan ang ipinalabas na pondo para sa mga kinakailangang programa at proyekto ng mga mamamayan.
Sa paghahain pa lang ng MR ay malinaw nang iginagalang ni PNoy ang proseso ng hustisya. Ang paghahain ng MR ay karapatan ng lahat na hindi pabor sa desisyon ng korte, kahit na sa mababang antas pa lamang.
Katunayan, marami sa ating mga kababayan ang suportado ang paghahain ni PNoy ng MR dahil naniniwala rin sila na kailangang ipaglaban ng isang tao ang pinaninindigan niyang tama.
‘Ika nga sa kasabihan—kapag nasa katwiran, ipaglaban mo.
Buweno, habang hinihintay natin ang magiging desisyon ng SC sa inihaing MR ng Malacañang sa DAP, may plano naman ang Kongreso na silipin din ang pondo ng mga mahistrado na tinatawag na JDF.
Huwag nating kalimutan na ang gagawing pagsilip sa JDF at iba pang pondo ng hudikatura ay isasagawa ng mga mambabatas o ng lehislatura. Ang kaso, may ilang kawani sa korte na nais palitawin na ang Malacañang o ehekutibo ang nagsusulong ng imbestigasyon sa kanilang pondo. Ilang beses nang dumistansiya ang Palasyo sa hakbangin ng mga kongresista na silipin ang paggastos ng mga mahistrado sa kanilang pondo.
Dahil “transparency at accountability” ang bukambibig ngayon sa paggamit ng pondo ng bayan, hindi ba’t dapat lang na malaman ng publiko kung saan ginagastos ng mga mahistrado ang bilyones nilang pondo?
Sa tingin marahil ng ating mga kababayan, sa halip na mainis ang mga taga-korte, dapat pa silang matuwa dahil mabibigyan sila ng pagkakataon na maipakita sa ating mga kababayan na wala silang itinatagong anomalya na posibleng lumabas sa gagawing imbestigasyon.
Monday, July 21, 2014
Walang maitatago!
Walang maitatago!
Rey Marfil
Magandang balita ang paglaki sa koleksyon ng buwis ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos maglagay ng bagong X-ray machines ang Bureau of Customs (BOC) doon.
Pinalakas ng X-ray machines ang kakayahan ng NAIA na matiktikan ang itinatagong mamahaling mga bagay na kailangang buwisan katulad ng mga alahas, magarbong mga relo, designer bags, hindi deklaradong banyagang salapi at maging ang ipinagbabawal na droga na nakatago sa mga maleta.
Bahagi ito ng kampanya ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na magbayad ng tamang buwis ang kinauukulan na magagamit naman upang suportahan ang mahahalagang mga proyekto para sa mahihirap.
Sa BOC-NAIA, nakapagtala ng P972,977.50 koleksyon sa mga buwan ng Mayo hanggang Hunyo 2014 mula sa obligasyon at buwis na binayaran ng mga pasahero matapos makita sa kanilang mga bagahe ang mamahaling mga bagay.
Kabilang diyan ang mamahaling mga relo, bultu-bultong electronic goods, halu-halong parte ng mga makina at alahas.
Nitong nakalipas na Mayo, apat na makabagong baggage Nutech X-ray machines ang ikinalat sa NAIA Terminals 1, 2 at 3 na unang bahagi pa lamang ng walong baggage X-ray machines na binili ng BOC ngayong taon.
Bukod sa NAIA, dalawang X-ray machines rin ang inilagay sa Mactan-Cebu International Airport: tig-isa sa Clark International Airport sa Pampanga at Kalibo International Airport sa Aklan.
Malaki ang naitulong ng anim na X-ray machines upang madaling mahuli ang mga tumatakas sa obligasyon sa pagbabayad ng buwis. Mabilis ring mailalabas ang mga bagahe ng mga pasahero para mapabuti ang paglalakbay ng mga pasahero.
Sa ilalim ng pamumuno ni PNoy, asahan nating bibili pa ang BOC ng mas maraming makabagong X-ray machines na ilalagay sa mga paliparan para lalong mapabuti ang serbisyo at mahuli ang mga umiiwas sa pagbabayad ng tamang buwis.
***
Hindi lang ‘yan, binabati rin natin ang BOC sa ginawa nitong pagkakaloob ng 3,915 piraso ng laptop computers sa Department of Education (DepEd) upang mapalakas ang kanilang computerization program.
Malaki ang maitutulong ng ipinamahaging laptops na magagamit sa mga pampublikong paaralan sa elementarya at sekondarya upang suportahan ang lalo pang paglinang sa pamamaraan ng mga guro sa pagtuturo at kaalaman ng mga estudyante.
Nakumpiska ang ipinamahaging ASUS laptops noong nakalipas na Disyembre dahil sa undervaluation at misdeclaration.
Sa donasyong ginawa ng BOC, sinuportahan nito ang Computer Training and Educators and Resource for Students (CompuTERS) Program ng DepEd na naglalayong bigyang-kaalaman sa larangan ng computer technology ang 20 milyong mag-aaral at mahigit sa 600,000 mga guro sa 46,603 na mga eskuwelahang pang-elementarya at sekondarya sa bansa.
Ginagawa ng BOC ang lahat ng makakaya nito para mapabilis ang transaksyon sa pamimigay ng nakumpiskang mga gamit upang pakinabangan ng mga nangangailangan. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Friday, July 18, 2014
Nagkamali kaya ang SC sa DAP?
Nagkamali kaya ang SC sa DAP?
REY MARFIL
Nagkamali kaya ang mga mahistrado ng Korte Suprema sa pagdedeklarang ilegal o labag sa Saligang Batas ang ilang pangunahing probisyon sa Disbursement Acceleration Program o DAP na ipinatupad ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na ang pangunahing layunin ay mabilis na maihatid ang mga serbisyo at proyekto sa mamamayang Pinoy na tinatawag niyang “Boss”.
Sa kanyang national address nitong Lunes, ipinaliwanag ni PNoy kung bakit hindi siya sang-ayon sa naging pasya ng SC na ideklarang labag sa batas ang ilang probisyon sa DAP, gaya ng paglilipat ng pondo sa ibang ahensya, mula sa savings o ipon mula sa ibang ahensya.
Ayon sa Punong Ehekutibo, malinaw na nakasaad sa iba’t ibang probisyon ng isang batas na ang pangalan ay Administrative Code of 1987, at tinalakay ang paggamit ng savings.
Kabilang na dito ang Book VI, Chapter 5, Section 39 ng 1987 Administrative Code of the Philippines na nagsasabing: “—Except as otherwise provided in the General Appropriations Act, any savings in the regular appropriations authorized in the General Appropriations Act for programs and projects of any department, office or agency, may, with the approval of the President, be used to cover a deficit in any other item of the regular appropriations…”
Sa probisyong ito, nakasaad ang pagbibigay ng kapangyarihan sa Pangulo na maglipat ng savings sa ibang proyekto. Wala ritong nakasaad na limitasyon sa isang departamento o sangay ng gobyerno ang paglilipat ng savings. Ang bahaging ito ang sandigan ni PNoy na hindi siya o wala siyang nilalabag na batas sa ipinatupad niyang DAP.
Ikinagulat din ni PNoy na hindi naisaalang-alang sa desisyon ng SC ang ginamit nilang batayan ng DAP.
Hanggang ngayon ay umiiral pa rin ang Section 39 ng Administrative Code, at ang marami pang ibang bahagi nito na tiyak na gagamitin nilang katwiran sa ihahaing motion for reconsideration upang hikayatin ang mga mahistrado na baguhin ang kanilang desisyon.
***
Mali rin daw na ihalintulad o igaya ang DAP sa kontrobersyal na PDAF scam. Ang PDAF scam ay pondo ng mga mambabatas na inilagay umano sa pekeng NGOs na walang pinatunguhang proyekto at ibinulsa daw ang pera ng bayan. Samantalang ang DAP, pondong inilaan sa isang ahensya na may partikular na proyektong pinaglaanan at naipatupad, at pinakinabangan ng tao. In short, hindi ninakaw, hindi winaldas, hindi ibinulsa ang pondo.
Ipinaliwanag din ni PNoy na kinailangang ipatupad ang proyekto para magamit kaagad sa proyekto ang pondo at hindi na dapat palipasin ang mga buwan o taon dahil kailangan na ito ng mga mamamayan.
Base daw sa isang nag-text, ang sitwasyon daw ng DAP ay parang isang taong naghatid ng isang emergency case sa ospital pero pinagalitan siya dahil nag-park siya ng sasakyan sa no parking zone.
Para bang ang nakita lang ay pagkakamali sa maling pag-parking pero hindi nakita ang kabutihan na nagsalba siya ng buhay.
Hindi naman siguro lahat ng mga tao ay madaling magpapadala sa mga taong sinasamantala ang sitwasyon ng DAP upang mailihis ang atensyon sa iba pang malalaking kontrobersya. Batid din ng higit na nakararami na amoy na amoy na ang pulitika sa nalalapit na 2016 presidential election at may mga nangangamba sa lakas ng basbas ni PNoy sa mapipisil niyang suportahan kaya posibleng may kumikilos para mabawasan ang kanilang popularidad.
May iba rin na ang tingin sa naging talumpati ni PNoy ay tila palaban sa mga mahistrado ng SC. Ngunit papaano nga kung nagkamali ang mga mahistrado sa kanilang desisyon? Huwag nating kalimutan at alalahanin natin na makailang beses na ring nagbaligtad ng kanilang desisyon ang mga mahistrado.
Kung sakaling nagkamali nga ang mga mahistrado sa kanilang pagtingin sa isyu ng DAP, hindi ba para itong isang kaso sa korte na pinatawan ng parusa ang isang taong inosente? Kaya naman hindi natin masisisi kung maging palaban ang talumpati ni PNoy dahil nararapat lang naman na gamitin ng lahat ang kasabihan na, “kapag nasa katwiran, ipaglaban mo.”
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Monday, July 14, 2014
Isyung direkta sa sikmura
Isyung direkta sa sikmura
REY MARFIL
Nitong nakalipas na mga araw, naging paksa ng mga balita ang isyu ng impeachment at satisfaction ratings ng mga opisyal ng gobyerno. Pero hindi ba higit na dapat bigyan ng pansin ang sunud-sunod na pagkakabisto sa ilang warehouse na umano’y may nagaganap na milagro sa mga bigas na inilalagay nila sa sako, na bumabagsak sa ating pinggan at didiretso sa ating sikmura?
Ang mga kritiko ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino nagpipista sa isyu ng naging desisyon ng Korte Suprema na nagdeklarang unconstitutional ang ilang probisyon ng Development Acceleration Program o DAP na ginamit para pasiglahin at palakasin pa ang ekonomiya ng bansa. Kasama rin dito ang ayuda sa ilang mambabatas para maipatupad ang kani-kanilang proyekto na makatutulong sa kanilang mga nasasakupan.
Linawin lang natin na hindi ang buong programa ang idineklarang unconstitutional ng mga mahistrado kung hindi ilang probisyon lamang nito. Iginiit din ng Malacañang na maganda ang layunin o “in good faith” ang ginawang pagsusulong ng programa.
Ang pondo na ipinagkaloob sa mga mambabatas ay hindi para sa kanilang bulsa kung hindi para sa programa at proyekto para sa kanilang mga kababayan. Kaya naman ang mga mambabatas ang makapagpapaliwanag kung saan ginugol ang pondo.
Gayunman, may mga taong nais samantalahin ang pagkakataon at nakahanap ng dahilan para atakihin si PNoy. May mga humihirit na ipa-impeach ang Pangulo dahil daw sa DAP.
Pero teka, hindi naman kaya taktika ito ng mga taong nabawasan ng kita dahil sa kontra-katiwaliang programa na ipinatutupad ng administrasyong Aquino? Nais ba nilang mawala na agad si PNoy sa Palasyo para balik na uli sila sa paggahasa sa kaban ng bayan?
Alalahanin natin na ang Aquino government ang nakabisto ng umano’y katiwalian sa paggamit ng pork barrel fund. At nangyari ang kalokohang ito bago pa maupong Pangulo si PNoy.
***
Kung nagpatuloy man ang mga kalokohan nila kahit nakaupo na si PNoy, hindi naman sila tinatantanan ng gobyerno at patuloy ang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso sa kanila.
At ngayon, maging ang bagong resulta ng satisfaction ratings ng mga government official ay hinahanapan ng butas na paggiba kay PNoy kahit bahagya lang na nabawasan ang kanyang marka at tumaas muli si Vice President Jejomar Binay.
May mga nais mang-intriga sa pagiging mas mataas ng rating ng VP sa Presidente. Unang-una, ikinatutuwa ito ng Palasyo dahil bahagi ng pamahalaang Aquino si Binay bilang isang opisyal na may hinahawakang posisyon.
Ikalawa, tradisyunal, normal at karaniwan naman talagang mataas ang ratings ng VP sa Presidente. Ito’y dahil sa ang Presidente ang gumagawa ng mabibigat na pasya -- pati na ang mga hindi popular na pasya. Ikatlo, hindi naman siguro masyadong iniinda ni PNoy kung mabawasan man ang kanyang ratings dahil hindi naman siya kakandidato sa 2016 elections.
Pero kung tutuusin nga, may isyu na higit na dapat tutukan kasya impeachment at ratings; at ito ay ang mga nabibistong kalokohan daw sa ilang warehouse.
Sa ginawang mga pagsalakay nina Sec. Mar Roxas at Sec. Kiko Pangilinan, nabisto na may mga mangangalakal na inihahalo raw ang murang NFA sa commercial rice para ibenta nang mahal. Mayroon pang naghahalo umano ng bigas na para sa hayop sa mga commercial rice at NFA rice para madaya ang mga mamimili.
Hindi biro ang problema natin sa bigas dahil kamakailan lang ay napabalitang nagkakaroon ng posibleng cartel para mapataas ang presyo nito sa merkado. Nagsisikap ang ating pamahalaan na maging self sufficient tayo sa bigas para hindi na tayo umangkat pero may mga kolokoy na negosyante na nais pigain nang husto ang bulsa ng ating mga kababayan. Sila ang dapat mabisto at maparusahan.
Sa kabila ng mga ingay sa pulitika, nararapat lang na ipagpatuloy ni PNoy at ng gobyerno ang trabaho nito na protektahan ang kapakanan at interes ng mga mamamayan -- kahit pa magkalagas-lagas ang ratings nito kung sa ikabubuti naman ng bayan.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Friday, July 11, 2014
Prayoridad ang SUCs!
|
|||||||||||||||||||||||||||||||||||||||||||||||||||||||||||||
Nalaman natin ito sa liham ni Executive Secretary (Paquito) Ochoa Jr. kay Budget Secretary Florencio Abad kung saan binasbasan ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ang pagpapalabas ng pondo.
Ipinapakita ni Pangulong Aquino na hindi niya pinababayaan ang kapakanan ng mga iskolar ng bayan.
Umaabot sa kabuuang P987.3 milyon ang mailalaan sa 35 SUCs na nangangailangan ng mabilisang pagkumpuni alang-alang sa kagalingan at interes ng daan-daang libong mga mag-aaral sa kolehiyo.
Nakakalat ang mga naapektuhang SUCs sa walong rehiyon na kinabibilangan ng Cagayan Valley, MIMAROPA, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao at Caraga.
***
Ilan sa SUCs na grabeng naapektuhan ng ‘Yolanda’ ang Eastern Samar State University (Borongan City); Eastern Visayas State University (Tacloban City); Visayas State University (Baybay City); Northern Iloilo Polytechnic State College (Estancia, Iloilo); Capiz State University (Roxas City); University of the Philippines-Manila School of Health Sciences (Palo, Leyte).
At good news din sa aking mga kababayan sa Romblon, kabilang ang Romblon State University (Odiongan, Romblon); Palompon Institute of Technology (Palompon, Leyte); University of Antique (Sibalom, Antique); Aklan State University (Banga, Aklan); Iloilo State University of Science and Technology (Barotac Nuevo, Iloilo).
Iba pang state universities -- Western Visayas College of Science and Technology (Iloilo City); Cebu Normal University (Medellin, Cebu); Cebu Technological University (Bantayan and Camotes Islands, Cebu); Leyte Normal University (Tacloban City); Naval State University (Naval, Biliran); University of the Philippines-Visayas Tacloban College (Tacloban City); Samar State University (Catbalogan City); at Southern Leyte State University (Sogod, Southern Leyte).
Matatandaang sinalanta ng ‘Yolanda’ ang Eastern Visayas at iba pang parte ng Western at Central Visayas noong Nobyembre 8, 2013 na kumitil sa buhay ng mahigit sa 6,000 katao.
Bukod sa ‘Yolanda’, ilan pa sa mga kalamidad na tumama sa bansa noong 2013 ang 7.2 magnitude na lindol sa Bohol at kanugnog na mga lalawigan noong Oktubre 15 na kumitil sa buhay ng 209 katao at ang kaguluhan sa Zamboanga City noong Setyembre 9 hanggang 28 na ikinasawi ng 140 katao. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Wednesday, July 9, 2014
‘Wag namang abusuhin ang demokrasya
‘Wag namang abusuhin ang demokrasya
Rey Marfil
May mahalagang okasyon kayo sa bahay o barangay, inimbitahan mo ang mga malalapit mong kamag-anak at kaibigan; pero sa gitna ng kasiyahan ay may biglang nanggulo na hindi naman imbitado... ano na lang ang mararamdaman mo?
Sa sitwasyong ito, gatecrasher ang tawag sa mga taong biglang sumusulpot sa mga pagtitipon na hindi naman imbitado. Ang masaklap pa, kadalasang sila ang pinagmumulan ng mga kaguluhan at nagdudulot ng kahihiyan sa mga naging punong-abala sa okasyon.
Ganito rin kung maituturing ang mga tinatawag na “heckler” o iyong mga nambubulabog sa mga pagtitipon o pagpupulong. Gaya na lang nang nangyari sa nakaraang pagtatalumpati ni Pangulong Noynoy Aquino III sa lungsod ng Naga at Iloilo.
Sa mga militante at aktibista, protesta ang tawag nila sa ganitong paraan ng pag-iingay habang may nagtatalumpati o may ginaganap na deliberasyon sa Kongreso o iba pang politikal na aktibidad. Pero sa ibang tutol sa ganitong paraan ng protesta, kabastusan at pag-abuso sa demokrasya ang tawag nila.
Hindi natin masisisi ang mga tutol sa “heckling” kung kabastusan o pagmamalabis sa demokrasya ang tingin nila dito. Kasi nga naman, tulad ng mga gatecrasher, hindi naman sila dapat na nasa lugar na iyon pero sila pa ang pagmumulan ng kaguluhan. Pero bakit nila iyon ginagawa? Dahil ba inaabuso nila ang umiiral ngayon na demokrasya?
Kung tutuusin, may tamang lugar at panahon para ipahayag ang saloobin ng bawat mamamayan kung mayroon silang hindi gusto sa gobyerno. Sa ilalim ng kasalukuyang administrasyong Aquino, makikita ang kalayaan na magprotesta sa mga lansangan.
***
Kapansin-pansin nga na tila dahil sa sobrang “tolerance” o pagbibigay na pinapairal ng mga awtoridad na makapagprograma ang mga demonstrador, sila pa ang gumagawa ng pagkilos para magkagulo at magkapaluan gaya ng pagsugod sa mga lugar na hindi naman nila dapat puntahan.
Ngunit bakit gusto ng mga nagpoprotesta ng kaguluhan? Bakit ginagawa nila ang “heckling” gayung puwede naman silang magsisigaw sa kalye? Dahil ba sa kailangan nila ng pansin at atensyon ng media kahit pa magmukha silang bastos?
Tanong kay Mang Gusting ng isang istambay sa kanto, may mga heckler din kaya noong panahon ng batas militar at nagawa kaya nilang guluhin nang lantaran ang nagtatalumpating diktador na pangulo? Aba’y kung mayroon man, baka raw hindi na iyon nakita pa nang buhay dahil nang mga sandaling iyon ay walang demokrasyang umiiral sa bansa.
Ang isang nanggulo sa Naga City habang nagtatalumpati si PNoy na itinaon pa sa selebrasyon ng Araw ng Kalayaan ay pinalaya rin matapos na kasuhan ng pulisya ng alarm and public scandal na napakaliit lang ng multa.
Pinakawalan din matapos ilayo sa pagtitipon ang may tatlo kataong nanggulo sa talumpati ni PNoy sa Iloilo City habang pinasisinayaan ang mga proyekto na malaki ang pakinabang sa mga tao.
Sa dalawang insidenteng ito na kinasangkutan ng aktibista at militante, ngiti lang at “salamat” ang itinugon ng Pangulo. Kaya naman sino ang ipinahiya ng mga heckler? Makakakuha kaya sila ng simpatiya sa publiko sa ganitong paraan ng kanilang protesta?
Sa harap ng demokrasyang tinatamasa natin ngayon, hindi lang ang mga demonstrador at mga nagpoprotesta ang may kalayaan na magpahayag ng kanilang saloobin. May karapatan din naman ang iba na makadalo sa malayang pagtitipon at marinig ang mga sasabihin ng Pangulo, at hindi ito dapat guluhin ng mga taong hindi imbitado.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com
Monday, July 7, 2014
Kapahamakan sa Kapatiran
Kapahamakan sa Kapatiran
Rey Marfil
Isa na namang buhay na puno ng pangarap ang nasayang sa ngalan ng tinatawag na kapatiran.
Nagwakas ang buhay ng 18-anyos na si Guillo Cesar Servando sa kamay ng mga taong inaakala niyang masasandalan at magtatanggol sa kanya kaya sumapi siya sa fraternity.
Natagpuang wala nang buhay si Servando, sophomore sa De La Salle-College of Saint Benilde (DLS-CSB), sa isang condo building sa Maynila noong Linggo. Puro pasa ang kanyang mga hita na pinaniniwalaang dulot ng mga hampas ng padel nang isailalim siya sa initiation ng sinalihang fraternity.
Tatlo pang neophyte na katulad ni Servando ang nailigtas at nagtamo rin ng mga matitinding pasa sa katawan matapos ding sumalang sa hazing. Nakapagtataka na patuloy itong nangyayari kahit may batas nang umiiral laban sa pagsasagawa ng pananakit o hazing sa mga sumasali sa fraternity.
At higit pang nakapagtataka, paulit-ulit itong nagaganap sa kabila ng mga nauna nang insidente ng pagkamatay ng ibang neophyte mula sa iba’t ibang grupo. Kabilang na ang kaso ng mga nasawing sina Marc Andre Marcos, Lenny Villa, Dennis Venturina at Marvin Reglos.
Ano nga ba ang nangyari sa mga kaso nila at tila hindi umuusad at walang napaparusahan kahit maraming taon na ang nakalipas? Dahil sa mabagal na pagdating ng hustisya, hindi maiwasan ng ilan na magduda na baka kumikilos ang mga maimpluwensyang “ka-brod” ng mga fraternity para maprotektahan at hindi makulong ang kanilang mga kasamahan na sangkot sa hazing.
Kung may katotohanan ang ganitong hinala ng mga anti-crime group, aba’y dapat din namang isipin ng mga maimpluwensyang “ka-brod” ng frat na “ka-brod” na rin nila ang nasawing biktima dahil sumalang na ito sa initiation.
Siguro naman, mas dapat bigyan nila ng timbang ang pagpapatupad ng hustisya sa “ka-brod” nilang namatay, kaysa sa “ka-brod” nilang nabigong ingatan ang buhay ng dapat sana’y bago nilang miyembro na nagtiwala sa kanilang samahan.
***
Tulad na lang ng nangyari kay Servando, may mga nagsasabing posible pa siyang nabuhay kung idineretso siya sa ospital ng kanyang mga kasamahan sa frat sa halip na dinala sa condo building.
Batay sa mga lumabas na ulat, sinasabing Sabado naganap ang initiation sa grupo ni Servando. Pero sa mga ipinakitang video footages sa hallway ng condo building, nakita pang buhay si Servando habang may isang tao na tumatawag sa hotline ng Emergency 117 para madala sa pagamutan ang kawawang biktima.
Nagbigay na ng pahayag ang Malacañang na tinututukan ng mga awtoridad ang kaso ni Servando para mabigyan ito ng hustisya at mapanagot ang mga taong naging dahilan ng maaga nitong kamatayan. Maging ang pamunuan ng paaralan ay nangakong tutulong para sa ikalulutas ng kaso.
Ngunit higit sa lahat, marahil ay panahon na para bumaon ang pangil ng Republic Act 8049 o Anti-Hazing Law. Kailangang may masampolan at maipakitang seryoso ang sistema ng hustisya ng bansa sa paggawad ng katarungan kahit gaano pa kaimpluwensya ang “ka-brod” ng mga nasasakdal... dahil “ka-brod” din naman nila ang biktima.
Panahon na rin para seryosohin ng mga nakatatanda sa mga fraternity na tuluyang ipagbawal ang hazing. Hindi nabubuo ang tunay na kapatiran sa pamamagitan ng pananakit sa mga taong nagtitiwala sa kanilang samahan.
Marami pang ibang paraan na puwedeng ipagawa sa mga bagitong sasapi para maipakita ang kanilang dedikasyon sa fraternity nang hindi na kailangang isugal pa ang kanilang buhay. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Friday, July 4, 2014
Kaliwa’t kanang proyekto
Kaliwa’t kanang proyekto
REY MARFIL
Asahan na natin ang karagdagang trabaho para sa mga Pilipino matapos aprubahan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang siyam na malalaking mga proyektong imprastraktura, transportasyon, suplay ng tubig, at pangangalaga sa kalusugan na nagkakahalaga ng P62.3 bilyon.
Inaprubahan ang mga proyekto ng National Economic Development Authority (NEDA) Board na pinamumunuan ni PNoy. Asahan nating magdudulot ng kaginhawaan ang mga proyekto na magkakaloob ng serbisyo sa maraming tao.
Kabilang sa inaprubahan ang P18.7 bilyong Kaliwa Dam project at P5.8 bilyong Angat Dam water transmission project na titiyak sa sapat na suplay ng tubig sa Metro Manila.
Sa ilalim ng Kaliwa Dam project, itatayo ang isang dam na lilikha ng arawang 600 milyong litrong tubig kung saan may kakayahan ang water conveyance tunnel na saluhin ang dadaloy na arawang 2,400 milyong litro ng tubig bilang paghahanda sa konstruksyon ng Laiban Dam.
Sasakupin ng proyekto ang bahagi ng mga munisipalidad ng Tanay, Antipolo, at Teresa sa lalawigan ng Rizal at mga bayan ng General Nakar at Infanta sa Quezon. Ipatutupad ang proyekto sa pamamagitan ng Public-Private Partnership (PPP) at sa ilalim ng build-lease-and-transfer (BLT) scheme.
Sa Angat Dam water transmission project naman na gagastusan ng $60 milyon mula sa hihiraming salapi sa Asian Development Bank (ADB), layunin nitong pagbutihin ang kakayahan at seguridad ng Angat raw water transmission system sa pamamagitan ng rehabilitasyon ng mga koneksyon mula Ipo Dam patungong La Mesa treatment plant.
***
Hindi lang ‘yan, binigyan na rin ng basbas ng NEDA Board ang paglinang ng local water districts sa pamamagitan ng pagpapatulad ng mga proyekto ng Local Water Utilities Administrations (LWUA).
Inaasahang bubuti ang pasilidad at serbisyo ng 60 lokal na water districts sa buong bansa sa pamamagitan ng mga proyektong ito. Kabilang sa makikinabang ang Koronadal City; San Fernando City, Pampanga at 15 water districts sa Bulacan.
Inaprubahan din ang National Irrigation Administration (NIA) Malinao Dam improvement project sa Bohol na nagkakahalaga ng P653 milyon upang domoble ang naiipong tubig sa dam para sa pangangailangan sa irigasyon ng Bohol Integrated Irrigation System.
Inayunan din ng Pangulo ang implementasyon ng P10.6-bilyong Cebu bus rapid transit project na matatapos sa 2017 upang mabigyan ng solusyon ang mga problema sa transportasyon sa Cebu.
Ipatutupad ang programa sa tulong ng hihiraming pera sa Agence Francaise de Development (AFD) at International Bank for Reconstruction and Development-World Bank.
Maglalaan din ang administrasyong Aquino ng P4.1 bilyon upang mapabuti ang runway at maging moderno ang pasilidad sa paliparan ng Busuanga sa Palawan.
Asahan nating lalong bubuti ang turismo sa Palawan sa programang ito lalo’t 47 porsyento ang average na taunang inilalaki ng mga bumibiyahe sa Busuanga at Coron.
Kabilang din sa inaprubahan ang implementasyon ng LRT 2 operations and maintenance project na nagkakahalaga ng P16.5 bilyon upang mapalaki ang bilang ng mga mananakay at mapabuti ang serbisyo.
Kasama rin sa ipatutupad ang P1.2 bilyong Laoag airport road link project na magkakaloob ng mas mabilis na biyahe patungong Laoag international airport at Currimao port sa Ilocos Norte upang lalong bumuti ang negosyo at turismo doon.
Popondohan ang programa sa pamamagitan ng taunang badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Palalawakin din at gagawing moderno ang Jose Fabella Memorial Hospital, pinakamalaking maternity care at birthing facility sa bansa, upang mapalaki ang kapasidad mula sa 447 kama patungong 800 na gagastusan ng P2 bilyon sa tulong ng pondo ng Department of Health (DOH).
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Wednesday, July 2, 2014
‘Wag mainip
‘Wag mainip
REY MARFIL
Hindi dapat mainip ang kinauukulan sa pagsusumite ng Malacañang ng Bangsamoro Basic Law (BBL) sa Kongreso, mas mainam nang segurista keysa bara-bara at mabalewala ang lahat ng pinaghirapan kung sasalto ang legalidad.
Ang malinaw, nais lamang tiyakin ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na tumutugon ito sa mga probisyon ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).
Sinisiguro rin ni Pangulong Aquino na makakapasa ang panukalang batas sa Konstitusyon upang masiguro ang wagas na kapayapaan sa Mindanao.
Inaasahan kasi talaga ng pamahalaan na mayroong ilang grupong kukuwestiyon sa legalidad ng panukalang batas sa Supreme Court (SC) kahit sabihin nating hindi naman sila kumokontra sa usapang-pangkapayapaan sa pangkalahatan.
Patuloy ngayong sinusuri ang BBL ng Office of the President and the Chief Presidential Legal Counsel -- ito ang dahilan kaya hindi pa naipapasa sa Kongreso ang BBL upang aprubahan.
Nilagdaan ang CAB sa Malacañang noong nakalipas na Marso 27 upang wakasan ang armadong pakikibaka ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
***
Magandang balita na natapos na ng panibagong grupo ng Pilipino nurses at caregivers ang pagsasanay sa lengguwahe at kultura ng mga Hapon sa ilalim ng Japan-Philippines Economic Partnership Agreement (JPEPA) upang magkaroon ang mga ito ng magandang oportunidad sa ibayong-dagat.
Umabot sa kabuuang 186 na Filipino (36 nurses at 150 caregivers) na kinabibilangan ng 6th batch ng trainees, ang nakapagtapos noong nakalipas na Mayo 27 sa isinagawang seremonya ng Preparatory Japanese Language Training sa Women’s Center ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa Taguig City.
Kabilang sa nanguna sa okasyon ang mga opisyal ng TESDA at matataas na mga opisyal ng Embahada ng Japan. Isinagawa ang pagsasanay sa tulong ng TESDA at Japan para magkaroon ng kaalaman ang ating mga kababayan sa kulturang Hapon upang makapagtrabaho ang mga ito.
Inaasahang makakatulong at magagabayan ang mga nagsipagtapos para makapasa sa Japanese Licensure Examinations matapos silang makapasok at makapag-trabaho sa Japan.
Tama si Secretary Joel Villanueva, TESDA Director General, sa pagsasabing walang kaduda-duda sa galing at husay ng mga talentadong Filipino. Ngunit, importanteng maging maalam sila sa lengguwahe at kultura ng mga Hapon.
Kung makakapasa kasi sa pambansang pagsusulit doon, matitiyak ang maayos at permanenteng trabaho sa Japan ng ating mga kababayan bilang nurses.
Inaayunan ko si Villanueva sa pagsasabing napakalaki ng tiyansang magtagumpay ng ating mga kababayan na sumailalim sa pagsasanay sa programa.
Nagsimula ang pagsasanay noong Nobyembre 19, 2013 at natapos noong huling linggo ng Mayo at aalis patungong Japan ang mga nagsipagtapos sa Hunyo 2014 upang muling sumailalim naman sa panibagong anim na buwang pagsasanay sa lengguwaheng Hapon doon.
Nalaman kay Japanese Ambassador to the Philippines Toshinao Urabe, base sa isinagawang ebalwasyon ng Japan Foundation na 83.8 porsiyento ng mga kasama sa 2012 batch ang nakarating sa N4 Level proficiency ng Japanese-Language Proficiency Test standards matapos ang anim na buwang pagsasanay doon.
Ibig sabihin, nakakaunawa ang mga Pilipino ng pangunahing mga lengguwaheng Japan sa ilalim ng N4 level.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Posts (Atom)