Friday, May 30, 2014

Importanteng gastusin!



                                                                Importanteng gastusin!  
                                                                      Rey Marfil


Patuloy ang paglalaan ng administrasyong Aquino ng malaking pondo para sa programang imprastraktura ngayong taon, as in umabot sa P49.8 bilyon ang nagastos sa imprastraktura at capital outlay (CO) simula noong Pebrero 2014 kumpara sa P33.3 bilyon sa kaparehong yugto noong 2013.

Lumalabas na tumaas ito ng 49.2 porsiyento o P16.4 bilyon, pagpapakita na talagang pinahahalagahan ng pamahalaan ang pagpapabuti ng mga imprastraktura upang lalong magpatuloy ang paglago ng ekonomiya ng bansa.

Mas mataas rin ng 11 porsiyento ang pangkalaha­tan na P313 bilyong pondo sa imprastraktura kumpara sa P282 bilyong naitala sa parehong panahon noong 2013.

Dahil sa malaking pamumuhunang ito, inaasahan natin na maraming trabaho ang malilikha upang mabigyan ng purchasing power ang kanilang mga pamilya.

Sa katunayan, mismong ang Standard and Poor’s (S&P) ang kumilala sa matinding progreso ng bansa dahil sa mga reporma at malinis na pamamahala nang itaas ang investment grade natin ng isang antas na pinakamalaki sa kasaysayan ng Pilipinas.

Kabilang sa mahahalagang pinagkagastusan ng pondo ang mga programa sa Armed Forces of the Philippines (AFP) Modernization Program ng Department of Natio­nal Defense (DND), iba’t ibang proyektong imprastraktura sa Department of Public Works and Highways ­(DPWH), ilang transport infrastructure projects katulad ng pagkumpuni sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ng Department of Transportation and Communications (DOTC), at health facilities enhancement program ng Department of Health (DOH), at iba pa.

Asahan pa nating lalong lalaki ang paggastos sa imprastraktura na lilikha ng karagdagang trabaho sa patuloy na rehabilitasyon sa mga lugar na nasalanta ng bagyong Yolanda.

Bumuti ang paggastos ng pamahalaan sa mga programang imprastraktura dahil sa malinis na pamamahala ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino.

***

Isa pang magandang balita anng pagtukoy ni Labor and Employment Sec. Rosalinda Baldoz sa 99% na hindi pormal na manggagawang sektor na kabilang sa mga prayoridad na mabibigyan ng sosyal na proteksyon sa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Tinapos na ng Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC) ang “profiling” ng 390,253 hindi pormal na sektor o 99 porsiyento ng target nitong 391,200.

Kabilang sa tinatawag na vulnerable workers o mga mahihina at madalas tamaan ng krisis ang mga nasa sektor ng agrikultura, forestry, mangingisda, at serbisyo na kabilang sa tinatayang 15.3 milyong hindi pormal na sektor na manggagawa na matibay na kabalikat naman sa pagsulong ng ekonomiya ng bansa.

Kaya naman tinututukan ng DOLE ang mga sektor na ito sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga progra­mang pangkabuhayan.

Pinupuri natin ang malaking kontribusyon ng tinatawag na Workers in the Informal Sector (WIS) na kumakatawan sa 41 porsiyento ng kabuuang labor force.

Sa bilang ng WIS, 11 milyon dito ang self-employed at 4.3 milyon ang tinatawag na hindi sumusuweldong manggagawa na kasapi ng pamilya.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, May 28, 2014

Ang tingin sa daang matuwid


                                                         Ang tingin sa daang matuwid  
                                                                         Rey Marfil

Maliban sa iilang nagpapansin, dapat ikatuwa ng mga Pilipino na matagumpay na nairaos ng bansa ang World Economic Forum (WEF) na ginanap sa Maynila noong nakaraang linggo. Habang busy ang gobyerno sa pag-estima sa mahigit 600 dayuhang bisita para i-promote ang bansa at ekonomiya, busy naman ang iba sa pamumulitika.

Hindi biro mga kabayan ang mga dumalo sa WEF dahil kinabibilangan ito ng mga opisyal, negosyante at ekonomista sa iba’t ibang bansa. Mistulang puno na hitik sa bunga ang resulta ng pagtitipon kung saan kinilala ang malaking pagbabago ng Pilipinas sa ilalim ng liderato ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino.

Batid ng mga dumalo sa WEF ang malaking potensyal ng Pilipinas bilang susunod na “Asian miracle” pagdating sa malagong ekonomiya.
Ang kaso nga lang, batid din nila na magtatapos ang pamamahala ni Aquino sa kalagitnaan ng 2016 o halos dalawang taon na lamang. Kumbaga sa larong basketball, ngayon pa lang talaga umiinit ang laban pero kailangan na ang substitution papalitan na agad ang captain ball na si PNoy.

Kaya naman kasama sa rekomendasyon ng ilang dumalong ekonomista ang posibilidad na amyendahan ang ating Saligang Batas at habaan ang termino ng Pangulo. Maraming beses na rin kasing may nakapuna na tila maigsi ang anim na taon para sa isang matino at mahusay na Pangulo, at mahaba naman sa isang tiwali at bulok.

Ang paglilimita sa termino ng Pangulo sa anim na taon at isang beses lamang maaaring hawakan ang pinakamataas na posisyon sa bansa, ay dulot ng trauma na dinanas ng mga Pinoy sa liderato ng namayapang dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Umabot kasi ng 20 taon ang kanyang liderato, kung saan malaking bahagi pa nito ay nasa ilalim ng batas militar. Inakusahan si Marcos na nagpasasa sa yaman ng bayan at mga paglabag sa karapatang pantao.
Kaya naman nang mapatalsik siya sa kapangyarihan sa pamamagitan ng EDSA 1 people power revolution noong 1986, naging prayoridad sa binagong Konstitusyon na limitahan na hanggang anim na taon lang puwedeng maupo ang isang Presidente.

***

At ngayon na nakikita ng mga lider, ekonomista at negosyante ang malaking potensyal ng Pilipinas na maging next Asian miracle, lumutang ang usapin ng Charter Change o Chacha.
Pero linawin lang natin mga kabayan, ang suhestyon ay hindi galing kay PNoy o sa Palasyo, ito’y galing sa mga dumalo sa WEF na may kani-kanilang pananaw at hindi naiimpluwensyahan.

Katunayan, ilang beses nang dumistansya ang Malacañang sa inisyatiba ni Speaker Feliciano Belmonte Jr. na amyendahan ang economic provisions sa Saligang Batas.
Ngunit natural, may mga adik na tila praning na pilit na iuugnay si PNoy at Palasyo sa hakbang na ginagawa ng Kongreso.

Sa paglutang ng mungkahi sa WEF tungkol sa posibilidad na habaan ang termino ng Pangulo, malamang na mabuhay din uli ang usapin ng term extension sa mga public officials lalo pa nga’t nakabinbin sa Kamara ang resolusyon tungkol sa Charter Change ng economic provisions.

Ngunit kung talagang seryoso si Speaker Belmonte sa kanyang posisyon na tanging para sa usapin lamang ng ekonomiya ang gagawin niyang Chacha, dapat niyang harangin ang anumang gagawing pagtatangka na magalaw ang term limits sa lahat ng opisyal ng gobyerno, lalo na kung gagamitin lamang nilang katwiran ang mungkahi sa WEF tungkol sa termino ng Pangulo.

Gayunpaman, habang papalapit ang 2016 national elections ay umiinit na rin ang bangayan at patutsadahan ng mga pulitiko at kanilang mga alipores.
Pero hindi dapat magpaapekto dito ang administrasyong Aquino at sa halip ay dapat na manatiling diretso ang tingin nito sa pagpapaunlad ng ekonomiya hanggang sa makarating at mapakinabangan ng mga mahihirap na kababayan sa nagaganap na kaunlaran ng bansa.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, May 26, 2014

Hindi milagro



                                                                      Hindi milagro 
                                                                       Rey Marfil


Nagsama-sama ang mga kilala at malalaking ekonomista sa mundo sa ginanap na World Economic Forum (WEF) on East Asia dito sa Pilipinas. Sa dami ng mga delegado na aabot sa 600, natural lang na marami rin silang sasabihin, na ang tinutumbok ay paghanga nila sa itinatakbo ng ekonomiya ng bansa sa ilalim ng liderato ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino.

Dahil nakikita ng mga dayuhang ekonomista na steady ang pag-angat ng ekonomiya ng bansa sa mga susunod pang taon, ipinapalagay nila na ang Pilipinas ang posibleng maging “next Asian miracle” mula sa dating bansag na “sick man of Asia”.

Pero hindi naman milagro ang nangyari sa pag­lago ng ekonomiya ng Pilipinas. Pinaghirapan ito ng pamahalaang Aquino at ng kanyang mga opisyal na nagsulong ng mga reporma. At isa sa pinakamatinding reporma na ipinatupad ng kasalukuyang administrasyon ay ang pagputol sa kultura ng katiwalian.

Hindi biro ang ginagawang kampanya ng gobyerno na papanagutin ang mga dating opisyal na inaakusahang nagwaldas ng pera ng bayan.
Alinsunod na rin ito sa platapormang ipinangako ni PNoy sa bayan na “daang matuwid”, at “kung walang korap, walang mahirap”.

Pinatunayan ni PNoy na hindi lang slogan sa kampanya ang kanyang tinuran. Pagkatapos ng eleksyon at hinirang siyang lider ng mga tao, tinotoo niya ang kanyang pangakong malinis na pamamahala.

Kahit si Karim Raslan, ang chief executive ng Malaysia’s KRA Group at isa ring kolumnista, umaming nagbago ang pagtingin niya kay PNoy mula nang una niya itong makapanayam noong 2010.

Kabilang si Raslan sa mga delegado sa WEF, at ayon mismo sa kanya, nang una niyang makapanayam si PNoy noong 2010 ay kinakitaan niya ito ng kakulangan sa karisma. Akala niya, hindi magagawa ng Pangulo ang mga ipinangako nitong pagbabago at pag-unlad.

Kaya naman nang muli niyang makita ang Pa­ngulo at marinig na magtalumpati sa isang pagtitipon sa Malaysia ngayong taon, nakita niya ang malaking pagbabago at nagawa nito ang mga ipinangako. Hindi man maingay si PNoy, tahimik nitong ginawa ang mga dapat magawa para sa bansa.

***

Gayunman, marami pa rin ang kailangang gawin ng administrasyong Aquino para lubos na makabangon sa kahirapan ang marami nating kababayan.
Batid naman ng Pangulo na walang saysay ang mga numero ng pag-unlad ng ekonomiya kung hindi ito napapakinabangan ng mga pinakamahihirap nating kababayan.

Maging ang mga delegado sa WEF ay may mga obserbasyon kung ano pa ang dapat gawin ng Pilipinas para lubos na makamit ang tagumpay at maging “next Asian miracle”.
Pero maliban sa pagpapatupad ng mga karagdagang programa at proyekto, nakikita rin nila na balakid ang limitadong termino ng Pangulo na hanggang anim na taon lang.

Sabi nga nila, lubhang maiksi ang anim na taong termino para sa isang matinong Pangulo. Kaya naman kasama sa rekomendasyon ng ilang delegado ay ang pag-aralan ang pag-amyenda sa Saligang Batas ng bansa para mapahaba ang termino ng Pangulo.

Ngunit hindi nangangahulugan na si PNoy ang makikinabang sakaling baguhin ang term limit ng Pangulo.
Sakaling kumilos ang Kongreso tungkol sa bagay na ito, mahalaga ang suporta at pagsang-ayon ng mga mamamayan.
Sila ang magsasabi kung nais nilang mabigyan ng pagkakataon si PNoy na tumakbong muli bilang lider ng bansa at maipagpatuloy niya ang kanyang mga programa.

Kung hindi naman, tuluyan na siyang bababa sa puwesto sa 2016, at magdarasal ang mga tao na sana ay ipagpatuloy ng papalit na pangulo ang mga nagawa ni Aquino para mangyari ang itinawag sa Pilipinas na “next Asian miracle”.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, May 23, 2014

Kakaiba si Singson!


                                                                Kakaiba si Singson!  
                                                                   REY MARFIL


Milyun-milyong mga biyahero ang makikinabang sa tuluy-tuloy na konstruksyon at pagpapabuti ng drainage system at kalsada sa kahabaan ng España Boulevard sa Sampaloc, Manila na tatapusin sa loob ng dalawang buwan sa halip na regular na tatlong buwan.

Ipatutupad ang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para matiyak ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga Pilipino.

Inatasan na ni DPWH Sec. Rogelio Singson ang DPWH National Capital Region na isagawa ang 24/7 na trabaho sa España Boulevard Phase 2 Project ng North Manila Engineering District sa pagitan ng P. Campa Street hanggang N. Reyes Street (Lerma) na nagsimula nitong Mayo 15, 2014.

Sakto rin ang implementasyon ng proyekto para sa pagbubukas ng klase sa mga kolehiyo sa darating na Agosto. Makakatulong ang P14.3 milyong proyekto upang hanapan ng solusyon ang pagbabaha sa lugar na kinabibibilangan ng pagpapabuti sa drainage system sa kanto ng España Blvd. at P. Campa St. at pagpapataas ng konkretong kalsada mula Lerma patungong P. Campa Street.

Isasagawa rin ang pagpapalawak ng kalsada papuntang Quiapo sa pagitan ng Paquita at R. Papa Streets kasabay ng flood-mitigation project.

Upang maiwasan ang pagsisikip sa daloy ng trapiko, inobliga ng North Manila District Engineering Office ang kontraktor na Steven Construction and Supply na magpakalat ng traffic aides/enforcer na mayroong two-way radio communication para tulungan ang Manila City at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) traffic enforcers sa panahon ng implementasyon ng proyekto.

Sa orihinal na plano, sisimulan sa unang quarter ng 2011 ang implementasyon ng España Boulevard Project Phase 2 subalit nabigyan lamang ng permiso ng MMDA noong  Mayo 7, 2014.

Ngunit ipinagpaliban upang mabawasan ang pagsisikip sa daloy ng trapiko dahil sa konstruksyon noon ng Quezon Avenue Underpass sa kanto ng Quezon Avenue at G. Araneta Avenue sa Quezon City at ang panukalang España Boulevard Underpass at A.H. Lacson Flyover.

Mabuti rin ang ipapatupad na alternate route para sa northbound vehicles na kinabibilangan ng mga sumusunod na direksyon: mula Quezon Boulevard patungong A. Mendoza, Laon Laan, Dimasalang or A. Mendoza, J. Barlin, P. Noval, España Boulevard o C.M. Recto Avenue, Legarda, Earnshaw, SH Loyola; at mula Taft Avenue patungong Ayala, P. Casal, Legarda, Earnshaw, SH Loyola.

Sa southbound vehicles, irerekomenda ang mga rutang mula Quezon Avenue patungong Kanlaon, P. Florentino/P. Margal/Dapitan, A. Mendoza, Quezon Boulevard (Quiapo); mula Rodriguez Avenue patungong Josefina, J. Fajardo, Earnshaw, Legarda, C.M. Recto Avenue; from España Boulevard take A. H. Lacson, Earnshaw, Legarda, C.M. Recto Avenue or take Adelina, A. Mendoza, Quezon Boulevard (Quiapo).

Sa tulong ng MMDA at City of Manila, ipatutupad ang “no parking” na polisiya sa Dapitan, Laon Lan, A.H. Lacson, P. Noval -- R. Papa -- P. Paredes, J. Barlin, SH Loyola, at N. Reyes.

Bahagi ito ng malinis na pamamahala ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino upang lalo pang mabigyan ng serbisyo ang mga Pilipinong araw-araw na bumibiyahe. At ipagpasalamat ng publiko ang pagkakaroon ng isang malinis at matinong DPWH Secretary sa katauhan ni Babes Singson!


Wednesday, May 21, 2014

Makiisa, makisama sa WEF


                                                            Makiisa, makisama sa WEF  
                                                                          Rey Marfil

Laging bilin ng ating mga magulang at mga nakata­tanda na maging “behave” kapag may bisita. Kasama na kasi sa kultura natin ang pagiging hospitable, o ang pagi­ging mahusay sa pag-istima ng bisita, na isa sa mga kila­lang tatak ng mga Pilipino sa buong mundo.
Sa Miyerkules hanggang Biyernes, tinatayang 600 lider at mga opisyal sa may 30 iba’t ibang bansa ang darating sa Pilipinas para dumalo sa mahalagang pagtitipon na World Economic Forum (WEF) on East Asia.
Magandang pagkakataon ang pagiging host ng Pili­pinas sa naturang pagtitipon ngayong kinikilala ang ating bansa na may pinakamasiglang ekonomiya sa Asya sa naka­lipas na ilang taon mula nang mamuno si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino.
Hindi na nga mabilang ang mga credit upgrade na i­binigay ng iba’t ibang financial credit institution sa buong mundo para sa Pilipinas. Ibig sabihin nito, malaki ang kumpiyansa at tiwala sa Pilipinas ng mga institu­syong nagpapautang na kaya nating magbayad.
Katunayan sa isang ulat, sinabi ni Rajiv Biswas, Asia-Pacific chief economist para sa IHS, ang nagbigay ng kanyang pagtaya na lalago sa $1 trilyon ang ekonomiya ng Pilipinas pagsapit ng 2030. Ibinase niya ito sa patuloy na magandang takbo ng ating ekonomiya sa nakalipas na mga taon at positibo pa ring pananaw sa hinaharap ng bansa.
Sa ngayon, sinabi ng ekonomista na nasa $280 bilyon ang economiya ng Pilipinas, na lalago sa $680 bilyon pagsapit ng 2024 at $1.2 trilyon sa 2030. Sana lang ay buhay pa tayo para personal nating makita kung nagdilang-angel si Biswas.
***
Buweno, sa magandang takbo ng ating ekonomiya, hindi natin hahangarin na mapulaan tayo ng ating mga magiging bisita sa WEF dahil lamang sa gagawing pagkilos ng iilan. Tandaan natin na aabot sa 600 lider, mga opisyal at mga negosyante mula sa may 30 bansa sa iba’t ibang panig ng mundo ang aapak sa ating “bahay”.
Kapag may piyesta, marami sa ating mga magulang ang nangungutang pa ng pera para may maihanda lamang sa ating mga bisita. Sabi nga ng mga nakatatanda sa atin, hindi bale nang mahirapan maging masaya lamang ang mga bisita at walang masabing masama sa ginawang pag-istima sa kanila.
Sana lang ay mapairal natin ang magandang kulturang ito sa mga dayuhang dadalo sa WEF para mag-iwan sa kanila ng magandang impresyon at maibalita nila sa kanilang mga kababayan na tunay ngang “Its More Fun In The Philippines”.
Kapag nangyari ito, makatutulong ito ng malaki sa ating turismo, na makatutulong ng malaki sa ating ekonomiya, na makatutulong din ng malaki para makalikha ng mga trabaho sa ating mga kababayan.
Kaya naman dapat sigurong magdalawang-isip ang mga militante sa kanilang mga plano na magsagawa pa ng mga protesta sa mga araw na isinasagawa ang WEF para lamang ipahiya ang ating bansang Pilipinas sa pa­ningin ng mga dayuhang lider, opisyal at mga negosyante.
Sa halip na ang pagiging host ng Pilipinas ang kanilang iprotesta at kung anu-ano pang isyu na wala namang kaugnay sa nabanggit na pagtitipon, mas okey siguro kung ang mga militante ay magtitipun-tipon sa konsulado ng China para iprotesta ang ginagawang reclamation sa Mabini Reef na inaangkin ng Pilipinas.
Ang kaso, nagpahayag na ang China na tila iisnabin nila ang WEF sa harap ng mainit na isyu sa ginagawa nilang pagbabarako sa Pilipinas at Vietnam sa West Phi­lippine Sea o South China Sea.
Gayunpaman, dahil mga lider ng iba’t ibang bansa ang nandito sa atin, asahan na may mga lugar at kalye na hindi madadaanan sa mga takdang oras. Gaya ng hi­ling natin, makiisa at makisama dahil ang benepisyong idu­dulot naman ng WEF ay hindi lang para sa atin kundi sa buong bansa at sa mga susunod pang henerasyon. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.­blogspot.com)

Monday, May 19, 2014

Kalma lang tayo

                          
                                                                  Kalma lang tayo  
                                                                       Rey Marfil

Sumiklab na ang kaguluhan sa ilang bahagi ng Vietnam nitong mga nagdaang araw na sinasabing “protesta” laban sa China kaugnay ng paglalagay nito ng deep-sea oil rig sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine o South China Sea.
Kung sa umpisa ay bombahan lang ng tubig at banggaan ng mga barko ang komprontasyon ng China at Vietnam, kamakailan ay iniulat na na may mga nasawi at nasaktan sa naganap na mga protest riot sa lalawigan ng Ha Tinh sa Vietnam na sinasabing mga Chinese na nandoon ang target.
Dahil sa nangyayaring karahasan laban sa mga Chinese na pinaniniwalaang nag-ugat sa paglalagay ng oil rig ng China sa karagatang inaangkin ng Vietnam, at insidente ng sadyang pagbangga ng Chinese boat sa mga Vietnamese vessel -- maraming Tsino na ang umalis ng Vietnam para makaiwas sa galit ng mga tao doon.
Sa mga lumabas na ulat, sinabing may mga karahasan ding naitala sa industrial zone sa lalawigan ng Bohn Duong at Dong Nai sa Vietnam. Mahigit 400 kompanya raw sa lugar ang napinsala sa nangyaring kaguluhan.
Ang nakakalungkot dito, kung tutuusin ay wala namang kinalaman ang mga Chinese na nasa Vietnam sa ginagawang pambabarako ng kanilang gobyerno sa West Philippine o South China Sea.
Malamang na nandoon sila sa Vietnam para maghanapbuhay. Pero ngayon ay mapipilitan silang iwan ang kanilang pinagkakakitaan at malalagay na sa peligro ang kanilang kinabukasan.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng komprontasyon ang dalawang nabanggit na bansa. Noong 1979 ay nagbakbakan na sila dahil sa usapin ng agawan sa hangganan ng teritoryo sa kalupaan o boarder issue.
Muli silang nagbakbakan noong 1988 sa pag-angkin sa John South Reef (na tinatawag nating Mabini Reef) na bahagi ng West Philippine o South China sea. Nasa 64 sundalo ng Vietnam ang nasawi sa komprontasyon nila sa China dahil sa pagpapatrulya sa nasabing reef noon.
Kasama ang ating bansang Pilipinas sa mga umaangkin sa John South Reef o Mabini Reef dahil pasok ito sa 200 nautical mile exclusive economic zone ng ating teritoryo. Ang kaso, kung naglalagay ang China ng oil rig sa bahaging pinapalagay ng Vietnam, pinakialaman at nagsasagawa naman ng reclamation o pinapalaki naman ng China ang Mabini Reef.
***
Batay sa mga kuha ng larawan na nakuha ng Department of Foreign Affairs, tila naglalagay pa ngayon ng airstrip o lapagan at liparan ng eroplano sa Mabini Reef. In short, talagang inangkin na ng China ang nabanggit na lugar at binalewala na ang nilagdaan nilang Declaration of Code of Conduct Of Parties in the South China Sea (DOC).
Ano ba ang DOC? Kasunduan ito ng mga bansang may inaangking bahagi sa West Philippine o South Sea na pinirmahan noong 2002. Kasama sa mga pumirma ang Pilipinas, Vietnam, Malaysia, Brunei at China. Layunin ng kasunduan na walang sinuman sa mga bansang ito ang gagawa ng hakbang sa pinag-aagawang bahagi ng karagatan para maiwasan na magkaroon ng tensyon sa rehiyon.
Pero sa nangyayari ngayon, sino ang lumabag sa kasunduan at nagpapainit ng tensyon sa rehiyon?
Sa harap ng nangyayaring protesta ng mga Vietnamese laban sa China, nagpahayag naman ang pamahalaang Aquino na itutuloy ang posisyon nito na resolbahin sa mapayapang paraan ang usapin nito sa China sa pamamagitan ng idinulog na protesta ng Pilipinas sa United Nations (UN).
Tiyak na marami sa ating mga kababayang Pinoy ang gigil na sa ginagawa ng China at humahanga sa ginagawang protesta ng Vietnam. Pero manatili lamang tayong kalmado at hintayin nating pairalin ng mundo sa pamamagitan ng UN ang iginagalang nating “rule of law”. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, May 16, 2014

Paggahasa sa yamang-dagat

                                                     
                                                             Paggahasa sa yamang-dagat
                                                                         Rey Marfil


Kalunus-lunos ang kumalat na mga larawan sa social media kamakailan na nagpapakita ng mga pawikan na kung hindi patay, tungkab na ang mga bao, at ang iba’y naghihingalo habang nakataob at nakabilad sa araw.
ng mga yamang-dagat na ito ay nakumpiska ng mga awtoridad sa bangka na pag-aari “na naman” ng mga mangingisdang Chinese sa karagatang sakop ng Pilipinas sa Palawan.

Maliban sa usapin ng “poaching” at “agawan sa te­ritoryo” sa West Philippine Sea, napakahalagang usapin sa pangyayaring ito ang patuloy na panghuhuli sa mga yamang-dagat na nakasaad na “endangered” species o nanganganib nang maubos.

Hindi natin masisisi kung maghimutok ang mga environmentalist sa pinakabagong insidenteng ito ng panghuhuli sa mga yamang-dagat na pilit nilang isinasalba at pinaparami, gayung ang mga abusado na mangingisdang Tsino at mga kasabwat nilang mangilan-ngilang mangingisdang Pinoy ay nagpipiyesta sa pagpatay sa mga kawawang hayop.

Dagdag inis pa sa sitwasyong ito ang lakas ng loob ng pamahalaang China na iutos na pakawalan ang mga kababayan nilang walang habas na nang-aabuso sa kalikasan at yamang-dagat ng Pilipinas.
Dapat daw palayain ang mga mangingisdang killer ng mga pawikan dahil sa karagatan daw naman nila nanghuhuli ang mga ito.

Pero napanis lang ang laway ng China sa hirit na ito dahil natuloy ng lokal na awtoridad ang pagsasampa ng kaso laban sa mga mangingisdang Intsik na tirador ng pawikan. Bakit hindi sila doon sa karagatan na sakop nila utusan nila ang mga kababayan nilang magmasaker ng pawikan?
 O baka naman “extinct” na at sa drawing at picture na lang nila makikita ang pawikan nila dahil itlog pa lang ito ay tinitira na nila?

Hindi ito ang unang pagkakataon na may mga ma­ngingisdang Tsino na nahuling nangingisda sa karagatang teritoryo ng Pilipinas. Buti sana kung karaniwang pangingisda lang ang pakay nila, eh hindi.
Kung ano ang mga isda at yamang-dagat na ipinipreserba natin at pinaparami, iyon ang kanilang kinakana. Gaya na lamang ng mga pawikan at maging ang mga higanteng taklobo.

***

Napag-usapan ang “poaching”, hindi ba’t noon lang nakaraang taon ay may nasabat ding mga Tsino na nagpupuslit ng mga pongohin o anteater. Ang masaklap sa usa­ping ito, sa kabila ng paulit-ulit na pagkakahuli sa kanila, wala rin silang tigil sa panghihimasok sa ating teritoryo at gahasain ang ating likas na yaman.

Sa isang pahayag ng World Wildlife Fund (WWF), tinatayang nasa 900 dayuhang mangingisda na ang nahuli at nakasuhan dahil sa pangingisda sa karagatang sakop ng Pi­lipinas sa nakalipas na siyam na taon. At sa nasabing bilang ng mga dayuhan, mahigit 600 sa mga ito ay mga Chinese.

Mistulang kinukunsinti rin ng pamahalaang China ang ginagawa ng kanilang mga kababayan na manggahasa sa kalikasan.
Dahil sa napakaraming insidente na nasakote ang kanilang mga kababayan na may huling mga engendered animals sa kanilang bangka, kahit minsan ay hindi naibalita na kinondena ng liderato ng China ang ginagawa ng kanilang mga kababayan.

Kahit pa iginigiit ng pamahalaan ng China na sa kanilang teritoryo ng karagatan nanghuhuli ang kanilang mga kababayan, hindi nila dapat hayaan na abusuhin ng mga ito ang likas-yaman ng dagat, maliban na lang kung sadyang pinababayaan at pinapayagan nila ang hindi magandang gawain ng mga mangingisda.

Kasabay ng pagkondena sa ginagawang pambabarako ng China sa mga maliliit na bansa gaya ng Pilipinas at Vietnam sa usapin ng agawan ng teritoryo, dapat ding batikusin sa pinakamariing pahayag ang anumang gawain ng pang-aabuso sa mga yamang-dagat na ginagawa ng kanilang mga kababayan.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, May 14, 2014

Paggahasa sa yamang-dagat


                                                             Paggahasa sa yamang-dagat  
                                                                         Rey Marfil

Kalunus-lunos ang kumalat na mga larawan sa social media kamakailan na nagpapakita ng mga pawikan na kung hindi patay, tungkab na ang mga bao, at ang iba’y naghihingalo habang nakataob at nakabilad sa araw. Ang mga yamang-dagat na ito ay nakumpiska ng mga awtoridad sa bangka na pag-aari “na naman” ng mga mangingisdang Chinese sa karagatang sakop ng Pilipinas sa Palawan.
Maliban sa usapin ng “poaching” at “agawan sa te­ritoryo” sa West Philippine Sea, napakahalagang usapin sa pangyayaring ito ang patuloy na panghuhuli sa mga yamang-­dagat na nakasaad na “endangered” species o na­nganganib nang maubos.
Hindi natin masisisi kung maghimutok ang mga environmentalist sa pinakabagong insidenteng ito ng panghu­huli sa mga yamang-dagat na pilit nilang isinasalba at pinaparami, gayung ang mga lintek na mangingisdang Tsino at mga kasabwat nilang mangilan-ngilang mangingisdang Pinoy ay nagpipiyesta sa pagpatay sa mga kawawang hayop.
Dagdag inis pa sa sitwasyong ito ang lakas ng loob ng pamahalaang China na iutos na pakawalan ang mga kababayan nilang walang habas na nang-aabuso sa kalikasan at yamang-dagat ng Pilipinas. Dapat daw palaya­in ang mga mangingisdang killer ng mga pawikan dahil sa karagatan daw naman nila nanghuhuli ang mga ito.
Pero napanis lang ang laway ng China sa hirit na ito dahil tinuloy ng lokal na awtoridad ang pagsasampa ng kaso laban sa mga mangingisdang Intsik na tirador ng pawikan. Bakit hindi sila doon sa karagatan na sakop nila utusan ang mga kababayan nilang magmasaker ng pawikan? O baka naman “extinct” na at sa drawing at picture na lang nila maki­kita ang pawikan nila dahil itlog pa lang ang mga ito ay tini­tira na nila?
Hindi ito ang unang pagkakataon na may mga ma­ngingisdang Tsino na nahuling nangingisda sa karagatang teritoryo ng Pilipinas. Buti sana kung karaniwang pangi­ngisda lang ang pakay nila, eh hindi. Kung ano ang mga isda at yamang-dagat na ipinipreserba natin at pinaparami, iyon ang kanilang kinakana. Gaya na lamang ng mga pawikan at maging ang mga higanteng taklobo.
***
Napag-uusapan ang “poaching”, hindi ba’t noon lang nakaraang taon ay may nasabat ding mga Tsino na nagpupuslit ng mga pongohin o anteater. Ang masaklap sa usa­ping ito, sa kabila ng paulit-ulit na pagkakahuli sa kanila, wala rin silang tigil sa panghihimasok sa ating teritoryo at gahasain ang ating likas na yaman.
Sa isang pahayag ng World Wildlife Fund (WWF), tina­tayang nasa 900 dayuhang mangingisda na ang nahuli at nakasuhan dahil sa pangingisda sa karagatang sakop ng Pilipinas sa nakalipas na siyam na taon. At sa nasabing bilang ng mga dayuhan, mahigit 600 sa mga ito ay mga Chinese.
Mistulang kinukunsinti rin ng pamahalaang China ang ginagawa ng kanilang mga kababayan na mang­gahasa sa kalikasan. Dahil sa napakaraming insidente na nasakote ang kanilang mga kababayan na may huling mga en­dangered a­nimals sa kanilang bangka, kahit minsan ay hindi na­ibalita na kinondena ng liderato ng China ang ginagawa ng kanilang mga kababayan.
Kahit pa iginigiit ng pamahalaan ng China na sa kanilang teritoryo ng karagatan nanghuhuli ang kanilang mga kababayan, hindi nila dapat hayaan na abusuhin ng mga ito ang likas-yaman ng dagat, maliban na lang kung sadyang pinababayaan at pinapayagan nila ang hindi magandang gawain ng mga mangingisda.
Kasabay ng pagkondena sa ginagawang pamba­barako ng China sa mga maliliit na bansa gaya ng Pilipinas at Vietnam sa usapin ng agawan ng teritoryo, dapat ding batikusin sa pinakamariing pahayag ang anumang gawain ng pang-aabuso sa mga yamang-dagat na ginagawa ng kanilang mga kababayan. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, May 12, 2014

Tinutumbok ang tamang daan


                                                           Tinutumbok ang tamang daan  
                                                                     Rey Marfil


Pagkalipas ng anim na buwan mula nang iwasiwas ng bagyong “Yolanda” ang malaking bahagi ng gitnang kabisayaan at ilan pang lugar, hindi lang ang naganap na trahedya ang mababakas pa rin kundi maging ang pag-asa at katatagan ng ating mga kababayan na makabangon sa pagkakalugmok. Huwag nating kalimutan na hindi pang­karaniwang bagyo si “Yolanda” na kumitil ng mahigit 6,000 buhay at sumira ng libu-libong tahanan.
Maging ang mga dayuhang bansa ay namangha sa lakas ni “Yolanda” sa lawak ng pinsalang iniwan nito sa Pilipinas. Sa madaling salita, malaking trabaho ang kailangang gawin ng pamahalaan para maibalik sa dati ang takbo ng pamumuhay ng ating mga kababayan.
Kaya naman madaling maunawaan kung sa susunod na buwan ng Hunyo pa mabuo ang master plan sa gaga­wing rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta, na panga­ngasiwaan ni Presidential Assistant for Recovery and Rehabilitation (PARR) Secretary Panfilo ‘Ping’ Lacson.
Sa pagtaya ng dating senador, aabutin ng P106 bil­yon ang gugugulin sa gagawing rehabilitasyon ng mga napinsalang lugar, kasama na ang pagtatayo ng mga bagong kabahayan. Ang good news mula kay Sec. Lacson -- naibaba ang gastusin mula sa tinatayang P300 bilyon dahil sa tulong ng mga pribadong sektor, malinaw ang pagtitiwala sa gobyerno ng mga negosyante.
Pero hindi lang basta rehabilitasyon ang direktibang ibinigay ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino kay Lacson at sa iba pang kinauukulang ahensya ng gobyerno. Nais niyang mas matibay at mas ligtas ang mga lugar na paglilipatan ng mga tao at ang mga itatayong gusali tulad ng mga paaralan at ospital.
Ang komprehensibong plano na magmumula sa mga rekomendasyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Education, Department of Public Works and Highways, Department of Trade and Industry, Office of the Vice President, Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pa, ay isusumite kay PNoy para makuha ang kanyang pag-apruba na isagawa na ang plano.
***
Kung masusunod ang inaasahang takdang oras ng pagbuo ng master plan, naniniwala si Sec. Lacson na maisasagawa at matatapos ang may 80 porsyento ng gagawing rehabilitasyon bago matapos ang termino ni PNoy sa June 2016. Kaya naman mahalaga ang pagtutulungan at koordinasyon ng lahat ng ahensya ng pamahalaan na may kinalaman sa proyektong ito para makabangon sa lalong madaling panahon ang mga biktima ni “Yolanda”.
Sa pagsusuri ni Lacson, naniniwala siya na ginagawa naman ng mga kaukulang ahensya ng gobyerno ang kanilang trabaho para matulungan ang ating mga kababayan. Tingin niya, nasa tamang daan ang tinatahak na direksyon ng gobyerno para sa ginagawang rehabilitas­yon. Palatandaan umano nito na kahit papaano ay bumabalik na sa normal ang ilang lugar na napinsala ng bagyo.
Wala rin namang malawakang gutom na nangyayari sa mga naapektuhang lugar, walang epidemya ng sakit at walang kaguluhan na para bang kailangang gumawa ng masama ang mga tao para sila mabuhay.
Dahil na rin sa naunang direktiba ni PNoy na aksyunan agad ang mga pangunahing pangangailangan ng mga naapektuhang kababayan, nagsagawa ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno ng mga bunkhouses na pansamantalang tirahan ng ating mga kababayan. Batay sa ulat ng DSWD, nasa 265 bunkhouses ang may 3,455 pamilya. Iba pa ang mga nabigyan ng emergency shelter kits at ayudang pagkain sa mga nakaligtas sa trahedya ni “Yolanda”.
Pero malayo pa ang daang tatahikin ng mga pamahalaan at ng ating mga kababayan para sa tuluyan at lubos na pagbangon mula sa hagupit ni “Yolanda”. Ipagdasal din natin na sana ay wala na munang katulad na kalamidad ni “Yolanda” na tumama sa bansa para matutukang mabuti ng ating mga opisyal ang programa ng rehabilitasyon. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, May 9, 2014

Mas simple!


                                                                       Mas simple!  
                                                                       Rey Marfil

Hindi ba’t kapuri-puri ang hakbang ng Department of Science and Technology (DOST) na lalong pagbutihin pa ang pagbabalita sa publiko kaugnay sa taya ng panahon sa bansa para sa kaligtasan ng mas maraming mga buhay at pagsasalba ng mga ari-arian.
Tugon ito sa kanilang pag-aaral na hindi pa rin sapat ang kaalaman ng publiko kaugnay sa mga isyu ng kalagayan ng panahon, klima at trahedya.
Isinagawa ang pag-aaral ng Department of Science and Technology Information Institute (DOST-II) at Nationwide Operational Assessment of Hazards o Project NOAH strategic communications team.
Lumabas sa kanilang pananaliksik ang paniniwala ng publiko na hindi sapat ang kaalaman ng mga ito sa nakukuhang mga impormasyon sa lagay ng panahon dahil masyado itong “scientific” at sobrang pangkalaha­tan kaya naman hindi lubos na maunawaan.
Ginawa naman ang pananaliksik upang madetermina kung naging epektibo ang serbisyong kanilang ipinagkakaloob sa publiko at lalo pang mapabuti.
Dahil dito, nalaman ng kinauukulan ang panga­ngailangan na gawing simple ang pag-uulat sa panahon.
Hindi lamang simpleng pagsasalin mula English tu­ngong bernakular ang kailangang gawin sa pag-uulat ng panahon kundi pagpapaliwanag na rin hinggil sa mga terminong ginagamit at mga konsepto.
Nalaman rin na pangunahing inaasahan ng mayorya ng mga Pilipino sa kalagayan ng panahon ang telebisyon na sinundan ng radyo, dyaryo, Internet, mobile phones at barangay officials.
Maganda dito ang tama at agarang tugon ng DOST na pagbutihin pa at gawing simple ang pagpapakalat ng impormasyon sa buong bansa hinggil sa lagay ng panahon.
***
Isa pang magandang balita ang pag-upgrade ng U.S. Federal Aviation Administration (FAA) kaugnay sa kaligtasang pang­himpapawid ng bansa matapos makuha ang Category 1 mula sa Category 2 na estado na siguradong malaking tulong para sa turismo.
Ibinaba ng U.S. FAA ang bansa sa Category 2 dahil sa ilang mga isyu sa seguridad noong 2008. Dahil dito, makakalipad lamang ang mga eroplano ng bansa sa U.S. sa ilalim ng mahigpit na re­gulasyon ng FAA.
Ipinapakita ng upgrade ang kakayahan ng Civil Avia­tion Authority of the Philippines (CAAP) na ipatupad ang institusyunal na mga reporma upang tiyakin na maaa­ring makipagsabayan ang industriyang panghimpapawid ng bansa sa pandaigdigang pamantayan sa kaligtasan.
Nakapasa kasi ang bansa sa pamantayang itinakda ng International Civil Aviation Organization (ICAO).
Nangyari ang upgrading sa gitna ng paborableng aksyon at pagkilala ng European Union kaugnay sa pagtalima ng mga eroplano ng bansa sa kanilang pamantayang panseguridad.
Kabilang sa benepisyo ang mas malawak na pagbiyahe sa mga ruta sa US, paggamit ng mga eroplanong mas makakatipid sa gasolina, at mas mabilis na pagsulong ng turismo at sektor ng paliparan.
Pinupuri natin ang Department of Transportation and Communications (DOTC) at CAAP dahil nagresulta ang kanilang pagsisikap para maayos ang mga problema ng nakaraan.
Hindi magiging matagumpay ito kung hindi tumalima ang kinauukulan sa malinis na pamamahala na isinusulong ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa ilalim ng matuwid na daan. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, May 7, 2014

‘Wag balewalain


                                                                  ‘Wag balewalain  
                                                                       Rey Marfil


Sa nakalipas na mga buwan, lumilitaw sa pag-aaral ng mga meteorologist sa mundo na lumalaki ang tsansa na magkaroon El Niño o matinding tagtuyot ngayong taon. Kaya naman ang pamahalaang Aquino, nanawagan sa mga ahensya ng pamahalaan at maging sa mga mamamayan na maghanda sa magiging epekto nito sa bansa.
Sa ipinalabas na ulat ng iba’t ibang ahensya sa mundo na sumusubaybay sa klima ng mundo gaya ng World Meteo­rological Organization at ang Bureau of Meteo­rology ng Japan at maging ng Australia, nagkakatugma ang kanilang pag-analisa na mahigit 50 porsiyento ang tsansa na magkaroon ng El Niño ngayong taon.
Bagaman tagaktak na ang pawis natin ngayon na abot hanggang singit, alam niyo ba na hindi pa ito ang pinakamatinding epekto ng weather phenomenon na El Niño. Posibleng sa June pa rin lubos na makukumpirma na mayroon talagang El Niño at ang negatibong epekto nito ay mararamdaman natin sa huling bahagi ng taon.
Ano naman ang masamang epekto ng El Niño sa atin maliban sa makakasira ng porma at aalingasaw ang sam­yo ng putok ng kili-kili ng katabi mo sa jeepney o bus? Buweno, dahil mangingibabaw ang mainit na daluyong ng ha­ngin, magiging madalang ang kaulapan na puwedeng magpaulan sa mga bukirin.
Kung walang ulan, walang tubig na madadagdag sa mga dam na pinagkukunan natin ng inumin, patubig sa mga palayan at sa ibang lugar ay pinagku­kunan pa ng ener­hiya partikular sa Mindanao. Sa ngayon, ilang lalawigan na sa Mindanao na sinusuplayan ng mga geo­thermal po­wer plant ang nakararanas ng rotational brownout.
Kapag walang patubig sa ating palayan at mga taniman, mangangamatay ang mga pananim gaya ng palay at magiging problema ang suplay sa pagkain. Bukod diyan, may masamang epekto rin ang matinding init sa mga hayop gaya ng manok at baboy na maaaring ma­ging dahilan ng kanilang pagkamatay. Isama na rin natin ang mga isda sa palaisdaan na delikado sa fish kill kapag kinapos ng oxygen ang tubig sa kanilang lugar dahil sa ma­tinding init ng tubig.
***
Pero dahil abnormal na kondisyon ng klima ang El Niño, delikado rin ang posibleng maging dulot nito sa pag­likha ng bagyo. Batay sa pag-aaral ng World Meteo­rological Organization, ang init ng panahon ay nagmu­mula sa ibabaw ng karagatan ng Pacific, na bukod sa labis na tagtuyot at bagaman magiging madalas ang bagyo ay posibleng ubod naman ng lakas.
Bakit magiging malakas ang mga bagyo? Sa simpleng paliwanag ng science subject tungkol sa evaporation; kung matindi ang init sa karagatan, mas mara­ming nag-e-­evaporate na tubig, mas maraming maiipon sa kaulapan na maaaring itapon sa kalupaan.
Nauna nang nanawagan si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa mga mamamayan at mga opisyal ng pamahalaan -- lokal at nasyunal na paghandaan ang posibleng epek­to ng El Niño. Ngayon pa lang ay magtipid na sa paggamit ng tubig at enerhiya, maghanda ng mga emergency plan. Kumikilos na rin ang mga ahensya ng pamahalaan upang mabawasan ng epekto ng El Niño sa mga ta­niman gaya ng paggawa ng mga karagdagang pag-­iipunan ng tubig na magagamit sa irigasyon.
Pero siyempre, ang bawat isa sa atin ay maaaring makapag-ambag ng tulong para mabawasan ang epekto ng matinding tagtuyot. Ang bawat tabo ng tubig na hindi a­aksayahin, kapag pinagsama-sama ay kasing­dami rin iyan ng drum at aabot hanggang sa swimming pool. Makabu­buti rin siyempre kung magiging malinis sa katawan para maiwasan ang putok sa kili-kili at nang hindi makahawa sa iba ngayong tag-init. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, May 5, 2014

Manalig sa kapanalig


                                                                   Manalig sa kapanalig  
                                                                        Rey Marfil

Magandang pakinggan ang litanyang “walang tutulong sa Pilipino, kundi kapwa Pilipino”. Ngunit sa totoo lang, hindi sa lahat ng bagay ay kaya na nating tumayo sa sarili nating paa. Napatunayan natin iyan nang manalasa ang bagyong “Yolanda”.

Sa tindi at lawak ng pinsalang idinulot ni “Yolanda”, naparalisa ang operasyon ng ilang lokal na pamahalaan tulad ng Tacloban. Maging ang tulong mula sa pambansang pamahalaan ay hindi rin kaagad nakarating dahil walang madaanan.

Ngunit pagkaraan ng ilang araw, mabilis na nagdatingan ang tulong ng mga dayuhang bansa sa pangunguna ng ma­tagal na nating kaalyadong Amerika.
Sa tulong ng mga dayuhan, marami tayong kababayan ang nailigtas at natulungan; bagay na dapat nating tanawin at bigyan ng pagpapahalaga.

Ang matinding krisis na gawa ng kalamidad ay isa sa mga insidenteng hindi natin nais na maulit pa. Pero pa­paano pa kaya ang krisis na dulot ng digmaan? Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na nagsisimula pa lamang tayong pa­lakasin ang ating puwersa.

Masakit mang aminin, tiyak na madaling magagapi ang ating puwersa kapag may malaki at maunlad na bansa na tinoyong giyerahin tayo, bagay na huwag naman sanang mangyari dahil kawawa ang mga bata.

Kung tapang din lang naman ang pag-uusapan, tiyak na kahit bato at tirador ay hahawak ang ating mga kababayan para ipaglaban ang ating inang bayan. Subalit sa modernong panahon ngayon, higit sa tapang ang kailangan para manalo sa digmaan.

Kaya naman magandang pampalakas ng loob ang binitiwang pahayag ni US President Barack Obama sa kanyang ikalawang araw na pagbisita sa bansa mula sa imbitasyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na patuloy na kini­kilala ng Amerika ang matagal na alyansa ng dalawang bansa.

***

Malinaw pa sa mineral water ang sinabi ni Obama sa harap ng mga sundalong Pinoy at Kano, at mga opisyal ng dalawang bansa, na “The United States has an ironclad commit­ment to defend you [Pilipinas], your security and your independence.”

Pero siyempre, may ilan sa ating mga kababayan ang nagtataglay ng masamang ugali na “sala sa init, sala sa lamig”.
Sa kabila ng deklarasyon na iyon ni Obama, may ilan pa rin na tamang duda at hindi naniniwala na sasaklolo sa atin ang mga Kano sa panahon ng digmaan.

Sa unang araw ng pagdating ni Obama sa Pilipinas, nagbigay siya ng pahayag sa media na pinuna rin dahil sa kawalan daw ng malinaw na deklarasyon ng US na sasaklolo sa bansa kapag humantong sa giyera ang agawan ng mga teritoryo sa West Philippine Sea.

Ang kaso, mukhang bumuwelo lang si Obama at tila gi­namit ang kasabihang “save the best for last”.
Dahil bago siya umalis, binitiwan niya ang pahayag na nais marinig ng mga Pinoy sa kanya na sasaklolo ang US at hindi mag-iisa ang mga kaalyado nilang bansa sa panahon ng pag-atake ng ibang bansa.

Kung tutuusin, sinadya yata talagang sabihin ni Obama ang nabanggit na pahayag sa huling araw niya sa bansa, at ginawa pa niya ito sa harap ng mga sundalo at mga beterano ng World War II kaya naman naging mas dramatiko at may diin.

Gayunpaman, marami pa rin ang duda; hindi lamang sa deklarasyon mismo ni Obama kundi maging sa nilalaman ng kasunduan ng Pilipinas at US sa Visiting Forces Agreement at maging sa pinakabagong Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA.

Hindi sa naghahangad tayo ng “false hope” o maling pag-asa na may prinsipeng sasagip sa Pilipinas kapag nagkaroon ng digmaan.
Ngunit hindi natin dapat pagdudahan ang katapatan ng kaalyado nating bansa na nagsabing tutulong sila sa panahon ng ating kagipitan.

Bukod diyan, huwag naman sanang mangyari na mapasok tayo sa giyera para lang malaman natin kung tu­tuparin ng US ang kanilang pangako.
Sapat na marahil ang ipinakita nilang pagdamay sa atin noong manalasa si Yolanda para maipakita ng mga Amerikano na nandiyan lang sila sa tabi kapag ating kinailangan.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, May 2, 2014

Rey Marfil


Pagdami ng negosyo
Rey Marfil

Magandang balita ang pahayag ng Philippine Exporters Confederation Inc. (PhilExport) na ilang mga kompanya ang nakatakdang mamuhunan sa bansa ng $500 milyon at kukuha ng 3,000 manggagawa. Plano ng mga kompanya na ilipat na ang kanilang negosyo sa bansa mula China na hindi na masyadong kaaya-aya sa kanilang produksyon.

Alinsunod sa pahayag ni Foreign Buyers Association of the Philippines (Fobap) president Robert M. Young, nabatid sa PhilExport ang napipintong pagbisita sa bansa ngayong buwan ng dalawang potensyal na mamumuhunan mula sa Pransiya, hindi pa kasama dito ang ilang mga kompanya mula sa Canada, China at United States sa Mayo.

Mahaba ang pisi ng mga negosyante na seryosong mamuhunan para sa produksyon ng mga apparel, garments, housewares, sapatos at laruan. Aalis ang mga kompanya sa China dahil sa sinasabing labor unrest sa mainland na nagresulta sa mahihinang kalidad sa hanay ng mga maggagawa at mas mataas na kapital.

Tinatalo ng Pilipinas ang ibang mga bansa sa Asya bilang alternatibong lugar ng pamumuhunan sa China dahil sa mataas na kalidad ng labor force sa bansa.

Plano ng Fobap na maitaas ang pinagmumulan ng goods mula sa itatayong mga pabrika kung saan sa lokal na merkado rin sisimulan ang pagbili ng mga kailangan sa negosyo.

Magandang balita talaga ito dahil alam ng buong mundo ang husay at hindi matatawarang talento ng kakayahan ng mga manggagawang Pilipino.

***

Hindi ba’t kahanga-hanga ang paglilinaw ng administrasyong Aquino na hindi nito ibinebenta ang mga pampublikong ospital, isang magandang balita para sa mahihirap nating mga kababayan.

Reporma ang layunin ng pamahalaan upang mapabuti ang serbisyo na pilit na nilalagyan ng kulay ng mga kritiko kahit walang basehan para lamang mang-intriga.

Bahagi ito ng tinatawag na reporma sa pamamahala sa pagkakaloob ng pampublikong serbisyo sa kalusugan na kabaligtaran sa napaulat na nais ng administrasyong Aquino na isapribado ang 70 hanggang 100 pampublikong mga ospital sa bansa.

Sa katunayan, inaprubahan ang reporma na isasagawa sa Philippine Orthopedic Center (POC) ng mismong National Economic and Development Authority (NEDA).

Gagawin ito sa pamamagitan ng public-private partnership (PPP) project sa ilalim ng build, operate, and transfer scheme.

Ibig sabihin, bibigyan ang pribadong kompanya na isagawa ang disenyo, gastusan at itayo ang gusali ng proyekto kapalit ng operasyon at pagmintina ng ospital sa loob ng 25 taon.

Bagama’t mayroong bahagyang pagsasapribado, hindi naman 100 porsiyento dahil 30 porsiyento lamang ng 700 na higaan ang isasailalim sa pribadong serbisyo para mapabuti ang serbisyo ng kalusugan ng ospital.

Nangangahulugan na 210 kama lamang ng kabuuang 700 ang isasapribado at mananatiling pampubliko ang serbisyo sa nalalabing mas malaking 490 na kama.

Wala ring basehan ang pangamba na tataas ang billing sa ospital. Mananatiling mura ang singil sa POC katulad ng Heart Center at National Kidney Transplant Institute na pinatatakbo rin ng pamahalaan.
Para sa indigents o mahihirap na mga pasyente, sasagutin ng PhilHealth ang bills at magpapatuloy ang subsidiya ng pamahalaan sa POC sa loob ng limang taon.

Hindi rin naman isusuko ng pamahalaan ang pamamahala at kontrol sa POC kaya magpapatuloy ang maayos at mas pinabuting kalidad ng serbisyo. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.”(mgakurimaw.blogspot.com)