Wednesday, April 30, 2014

‘Wag praning sa EDCA



‘Wag praning sa EDCA
Rey Marfil


Kasabay ng pagbisita sa Pilipinas ni US President Barack Obama, napirmahan din ang kasunduan ng Pilipinas at Amerika para pag-ibayuhin ang kasana­yan at kooperasyon ng da­lawang bansa sa aspeto ng military training at pagtugon sa kalamidad -- ang Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA.

Pero gaya ng inaasa­han, kung anong tahimik ng mga militante at makakaliwang grupo sa ginagawang pambabarako ng China sa Pilipinas sa usapin ng West Philippine Sea, siya namang ingay nila sa nabuong kasunduan sa EDCA at sa pag-a-“eye ball” nina Obama at Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino III.

Kahit hindi pa nila alam ang buong laman ng EDCA, kaliwa’t kanang mga alegasyon na ang ipinukol dito gaya ng pagbabalik daw ng mga base militar ng US, pagpasok ng mga armas nukleyar, at pati ba naman ang pang-aabusong gagawin daw ng mga sun­dalong Kano sa ating mga kababayang Pinay. Aba’y nalahian ba sila ni Nostra­damus para mahulaan ang mga magaganap sa nilalaman ng tratado o sadyang napraning lang ang mga kritiko ng kasunduan?

Sina Pangulong Aquino at Obama na mismo ang nagsabi na ang EDCA ay hindi paghahanda sa anumang uri ng pakikidigma. Layunin nito na balansehin lamang ang puwersa sa ating rehiyon ng Asya kung saan namamayagpag ang komunistang bansa na China -- na mistulang nais angkinin ang lahat ng bahagi ng West Phi­lippine Sea pati na ang malapit sa ating teritoryo.

Bukod dito, maituturing na dagdag pundasyon sa pagkakaibigan ng Pilipinas at US ang EDCA dahil mayroon na tayong umiiral na Visiting Forces Agreement, at maituturing na bahagi ng paglilinaw sa laman ng kasunduan o tratado ang EDCA.

Sa totoo lang, malabo pa sa ilog na pinagbabaran ng kalabaw na magbalik ang mga base militar ng US sa Pilipinas sa ilalim ng administrasyon ni PNoy. Matatandaan na napaalis ang mga base militar ng US sa boto ng mga Senador noong 1991 sa ilalim ng termino ng kanyang namayapang ina na si dating Pangulong Cory Aquino.

Isa pa, wala naman si­gurong bansa na nais pumasok sa digmaan kaya hindi dapat isipin na paghahanda na sa giyera ang EDCA. Nagpahayag na noon pa man si Pangulong Aquino na idadaan natin sa mapayapang paraan ang usapin ng West Philippine Sea kaya tayo dumulog sa United Nations tribunal.

***

Maging ang China rin naman ay nagsabing wala sa kanilang isipan ang gumamit ng puwersa sa paglutas sa isyu ng pinag-aagawang teritoryo. Pero si­yempre, ilang beses na na­ting nakita kung papaano kumilos ang China at patunay diyan ang pagtatayo nila ng mga kongkretong gusali sa isang pinag-aagawang isla.

Sa kanyang mensahe sa bansa, nilinaw din ni Pa­ngulong Obama na para rin siya sa kapayapaan pero dapat igalang ng bawat bansa ang kalayaan ng ibang bansa. Kaya “peace” sign ang dapat nating ipakita sa mga pagtitipon at hindi kuyom na kamao.

Buweno, kung malabo ang bagaman aspeto ng digmaan sa Asya, tiyak naman ang pagtama ng mga kalamidad sa Pili­pinas at iba pang bansa sa rehiyon ng Asya bawat taon. Isa ito sa mga layunin ng koo­perasyon at pagsasanay ng Pilipinas at US sa EDCA. Bukod sa kulang tayo sa mga kagamitan para sa pakikidigma, malaki rin ang kakulangan natin sa pagtugon sa malalaking kalamidad gaya ng pagtama ni “Yolanda”.

Dito, nakita natin ang malaking tulong na naibigay ng US at maging iba pang maunlad na bansa na may sapat na kagami­tan para tumugon sa pa­ngangailangan ng mga biktima. Habang ang China, tila nagpatumpik-tumpik pa sa pagpapadala ng serbisyong medikal.

Ang pagpapatibay ng diplomatikong ugnayan nina Aquino at Obama, at ang pagkakalagda ng EDCA, ay hindi lang para sa ating mga Filipino, ito ay para rin sa buong rehiyon ng Asya.

Kakailanganin natin ang tulong ng US hangga’t hindi natin masasandalan ang dapat sana’y “big brother” natin sa Asya -- ang China.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, April 28, 2014

Paghilom ng sugat



Paghilom ng sugat
Rey Marfil



Minsan pang napatunayan na walang sugat na hindi kayang hilumin ng panahon matapos na maresolba na ang sigalot ng Pilipinas at Hong Kong bunga ng binansagang Manila hostage incident noong August 2010.

Nararapat na pasalamatan ang mga opisyal ng Hong Kong government na nanatiling bukas ang isipin at patuloy na umalalay sa Pilipinas para hanapan ng resolusyon ang sugat na nilikha ng pagwawala ng isang pulis na humantong sa hostage crisis sa Luneta at ikinasawi ng walong turistang mula sa Hong Kong.

Dapat din nating pasalamatan ang pag-unawa at pagpapatawad na ipinagkaloob ng mga naging biktima ng naturang krisis lalo na sa mga pamilyang nawalan ng kanilang mahal sa buhay na hindi naman nais mangyari ng kahit sinong bansa para sa mga taong bumibisita sa kanilang lugar.

Siyempre, hindi rin naman natin dapat kalimutan na bigyan ng saludo si Cabinet Secretary Rene Almendras na siyang inatasan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na siyang makipag-ugnayan sa HK government officials at sa mga pamilya ng biktima.

Gayundin kina Manila Mayor Joseph Estrada at mga tao sa pribadong sektor na nagbigay din ng kanilang kaa­laman, panahon at suporta upang hanapan ng wakas ang madilim na yugtong iyon sa relasyon ng HK at Pilipinas.

Dahil sa insidenteng iyon noong Agosto 2010, pinagbawalan ng HK ang kanilang mga kababayan na mamasyal sa Pilipinas. Ang naturang travel alert ay masakit sa tourism industry ng Pilipinas dahil pang-sampu ang mga HK tourist sa pinakamaraming dayuhan na bumibisita sa bansa.

Bukod diyan, nagpatupad din ng patakaran ang HK na pakuhanin ng visa ang mga Pinoy official na pupunta sa kanilang lugar na dating visa free. 
Hindi natin alam kung hanggang saan aabot ang mga parusang ipapataw ng HK sa Pilipinas kung hindi nagkaroon ng positibong resulta ang ginawang emisaryo ni PNoy na si Sec. Almendras.

***

Ngayong nagsisimula na ang bagong kabanata sa ugnayan ng Pilipinas at HK, huwag naman sanang magkaroon ng mga pasaway na gagawa pa ng intriga at pilit na kukuskusin ang “pilat” na iniwan ng hostage tragedy para pagduguin muli.

Sa halip na maghanap pa ng butas para intrigahin ang mga detalye sa ginawang pakikipag-usap ni Almendras at sa mga kaanak ng mga naging biktima, mas makabubu­ting maging masaya na lamang ang lahat at nalampasan na ng Pilipinas ang diplomatikong problema sa HK at wala na ring magiging alalahanin ang mga kababayan nating naninirahan at nagtatrabaho doon.

Maganda ring malaman sa mga balita na positibo rin ang pagtanggap ng ilang mga taga-Hong Kong sa pagkakasundo ng kanilang gobyerno at Pilipinas.
Batay kasi sa mga ulat na lumabas, nais na rin ng ilang taga-Hong Kong na maalis ang travel alert na ipinataw ng kanilang mga opisyal sa Pilipinas para makabisita na uli sila sa ating bansa.

Sa kabila ng nangyaring trahedya, maraming taga-Hong Kong ang kumikilala sa ganda ng mga lugar sa Pilipinas at mababait at palakaibigan na mga Pilipino.

Ang nangyaring trahedya noong 2010 ay maaaring mag-iwan ng pilat dahil sa nilikhang sugat sa ugnayan ng Pilipinas at Hong Kong. Pero ang pilat na ito ay dapat tingnan bilang marka ng katatagan sa relasyon ng Pilipinas at Hong Kong.

Kasabay nito, dapat ipakita nating mga Pinoy na hindi nagkamali ang mga taga-Hong Kong sa ibinigay nilang pang-unawa.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, April 25, 2014

Maging maagap!

 
                                                                  Maging maagap!  
                                                                       Rey Marfil


May kasabihan na daig ng maagap ang maingat. Pero sa banta ng Middle East Respiratory Syndrome-Coronavirus (MERS-CoV) na kinakaharap ng ating mga bayaning kababayan na nasa Gitnang Silangan, at pati ang Pilipinas at buong mundo, mas makabubuting pagsamahin ang pagiging maagap at maingat.

Nitong nakaraang linggo, may good news at not so good news na inanunsyo ang Department of Health (DOH) tungkol sa kinatatakutang virus na tinatawag na Middle East version ng Severe Acute Respiratory System (SARS) na kinatakutan na rin ng mundo noong bahagi ng 2002.

Ang good news, ang Pinoy nurse na galing United Arab Emirates na unang iniulat na kumpirmadong may MERS-CoV, lumitaw na negatibo sa mga sumundo na pagsusuri sa kanya. Magandang balita iyon dahil naging MERS-“free” uli ang Pilipinas habang isinusulat natin ang kolum na ito.

Ang not so good news, hindi natin alam kung hanggang kailan magiging MERS-“free” ang bansa natin.
Hanggang ngayon kasi, kahit nagnegatibo sa virus ang Pinoy nurse at ang kanyang pamilya na kasama niyang umuwi ng bansa, patuloy pa ring hinahanap ang iba pa niyang nakasabay sa eroplano.

Nais ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na makontak at maisalang sa laboratory test ang lahat ng pasahero ng eroplanong sinakyan ng Pinoy nurse.
Dito makikita kung gaano sineseryo ng pamahalaan ang banta ng virus. Pagpapakita ng pagiging maingat at maagap.

Hindi natin maiwasan na may ilang pumuna noong una sa Pinoy nurse kung bakit umuwi kaagad siya sa bansa kahit hindi pa lumalabas ang pinal na lab test sa kanyang kalusugan.
Kaya naman nang dumating siya sa bansa, doon naman lumabas ang inisyal na lab test sa UAE na mayroon siyang MERS virus.

Kaagad namang kumilos ang ahensiyang nakatoka sa paliparan natin at isinailalim kaagad siya sa quarantine at ang kanyang pamilya.
Nagsagawa muli ng ilang pagsusuri sa kanya hanggang sa matiyak na negatibo siya sa virus na kumitil na ng ilang buhay sa ilang bahagi ng mundo kabilang ang dalawang Pinoy overseas workers sa Middle East.

***

Kasunod ng magandang balita sa Pinoy nurse, may ilan pa rin tayong kababayan na pumuna sa DOH at tinawag na nagdulot ng “takot” ang “false alarm” na anunsiyo ng ahensiya.
Subalit sa halip na batikusin natin ang DOH, dapat nating purihin ang maagap nilang pagkakaloob ng impormasyon sa publiko tungkol sa nasabing virus.

Hindi naman kasalanan ng DOH kung nag-anunsyo sila ng “positibo” sa MERS ang Pinoy nurse dahil iyon naman talaga ang lumabas sa “inisyal” na pagsusuri sa UAE.
Bukod diyan, dahil sa maagap na pagbabalita ng DOH, nagkaroon kaagad ng kaalaman ang ating mga kababayan tungkol sa peligro ng virus.

Pero siyempre, katuwang ang media sa pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa panganib ng virus; na ilan sa sintomas ay pagkakaroon ng lagnat, sipon at ubo. Kung minsan, hindi kaagad lumilitaw ang sintomas ng virus kaya dapat higit na maging maingat ang mga kababayan natin na darating sa bansa mula sa Middle East. 

Kaya makabubuti marahil na ang mga uuwi nating kababayan mula sa Middle East ay magkusang i-quarantine ang sarili kahit walang naramdamang sakit. Bilang pagiging maagap at maingat, ipagpaliban muna marahil ng ilang araw ang pakikisalamuha sa mga kaanak pagdating sa bansa at pagpapasuri rin sa doktor.

Hindi nga natin alam kung hanggang kailan magiging MERS-“free” ang Pilipinas dahil kahit nagnegatibo sa virus ang Pinoy nurse, daan-daan pa rin nating mga bayaning OFWs mula sa Middle East ang umuuwi, at ilan sa kanila ay inoobserbahan dahil sa kanila na ring pagsasabi na may lagnat sila o may masamang pakiramdam pagdating sa bansa.

Sa dami ng ating mga kababayan na nanggagaling sa Middle East, nandiyan ang posibilidad na makapasok sa bansa ang MERS virus, at ang tangi nating magagawa ay magamot sila at hindi kumalat ang virus sa ating bansa.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com

Wednesday, April 23, 2014

Fly high!

                          
                                                                    Fly high!  
                                                                    Rey Marfil


Kung nabawi ng Pinoy boxing hero na si Manny Pacquiao ang kanyang WBO welterweight belt mula kay Timothy Bradley sa kanilang rematch, good news din ang nakuha ng ating aviation industry matapos na mabawi rin ng Pilipinas ang Category 1 status mula sa US Federal Aviation Administration (FAA) pagkaraan ng pitong taon.

Taong 2008 nang ibaba ng FAA sa Category 2 ang aviation safety status ng Pilipinas dahil sa ilang isyu ng seguridad sa paglalayag.
Ang resulta, naging limitado na lamang ang biyahe ng ating nangungunang airline company at flag carrier na Philippine Airlines sa mga teritoryo ng US at bantay sarado pa.

Kaya naman dapat lang na mabigyan ng pagkilala ang Department of Transportation and Communications (DOTC) at ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa isinagawa nilang reporma sa aviation program na naayos sa platapormang “daang matuwid” ng administrasyon ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino.

Sa loob lamang ng mahigit tatlong taon ng liderato ni PNoy, nagawa nitong resolbahin ang isa pang ipinamanang problema ng nagdaang liderato; problemang nag-iwan ng masamang imahe sa Pilipinas sa paningin ng mundo pagdating sa pagpapatupad ng seguridad sa pagbiyahe sa himpapawid.

Pero dahil nakamit na muli natin ang Category 1 status, maaari nang dagdagan ng PAL ang kanilang mga biyahe at destinasyon sa US. Bukod diyan, makakabili na rin ng mga bagong eroplano ang PAL.
Ang katumbas nito, mas maraming trabaho sa mga manggagawa sa airline industry at makatutulong din nang malaki sa pagpapalakas ng turismo sa ating bansa.

Kung tutuusin, marami sa ating mga “makabayang” kababayan sa Amerika na nais sumakay sa PAL kapag uuwi ng Pilipinas pero napipilitang sumakay sa dayuhang airlines dahil sa kawalan ng biyahe sa kanilang kinaroroonan bunga ng nakuhang Category 2.
Kung mayroon mang biyahe ang PAL, may mga nag-aalinlangan na sumakay dahil sa iniwang negatibong impresyon tungkol sa kanilang kaligtasan.

Ang naturang good news mula sa FAA ay mistulang follow-up good news sa ating aviation industry mula naman sa pagkakaalis din natin sa European blacklist noong nakaraang July 2013 matapos nating matugunan ang pamantayan ng International Civil Aviation Organization o ICAO.

***

Ngunit gaya ni Pacquiao na nagsikap para makabawi sa kontrobersiyal na pagkatalo noon kay Bradley, nagsikap din at nagpursige ang DOTC at CAAP sa giya ng programang “daang matuwid” para mabawi ang Category 1.

Bukod sa magandang balita ng FAA, magandang balita rin ang hatid ng anunsyo ng European Union na payagan ang budget carrier na Cebu Pacific na makapagbiyahe sa kanilang himpapawid.
Mangangahulugan din ito ng dagdag na trabaho at tulong sa pagpapalakas ng turismo ng ating bansa.

Kaya kung nabugbog tayo ng kalamidad noong nakaraang taon at bahagyang nakaapekto sa industriya ng ating turismo, tiyak na dalawang kamay na nakabukas ang pagtanggap ng industriya ng turismo sa mga magagandang balitang ito tungkol sa paglalayag ng ating mga eroplano sa ibang bansa.

Gayunpaman, ang pagbuti ng aviation status ay isang bahagi lamang para magtagumpay nang lubos ang pagkalahatang airline at tourism industry.
Siyempre, kailangang magpakita ng magandang serbisyo ang mga airline company sa kanilang mga pasahero. Bukod pa diyan ang pagbibigay-katiyakan na ligtas maglayag at sakyan ang kanilang mga eroplano.

Ginagawa ng pamahalaan ang parte nito para sa ikabubuti ng industriya, dapat magpakitang gilas din ang nasa pribadong sektor, na tiyak namang kayang-kaya rin nila.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, April 21, 2014

‘Wag mag-panic, ‘wag manisi



‘Wag mag-panic, ‘wag manisi
REY MARFIL


Nakarating na sa Pilipinas ang kinatatakutang Middle East Respiratory Syndrome Coronavirus (MERS-CoV) na kumitil na ng may 88-katao sa iba’t ibang panig ng mundo. Isang kababayan nating Pinoy nurse na galing sa United Arab Emirates (UAE) na dumating sa bansa kamakailan ang nagpositibo sa naturang virus.

Pero kahit hindi na MERS-CoV free ang Pilipinas, hindi ito ang panahon ng sisihan at pag-aalala. Sa halip, dapat gamitin na muli ng mga Pinoy ang pagkakaisa para maiwasan na kumalat ang virus sa ibang bahagi ng bansa at makahawa ng marami na­ting kababayan.

Matapos kasing mapaulat ang kumpirmasyon ng Department of Health (DOH) na taglay ng umuwing Pinoy nurse mula sa UAE ang naturang virus, may ilang hindi magandang komento ang naglabasan.
May mga pumuna sa Pinoy nurse kung bakit kaagad umuwi ng Pilipinas gayung nanggaling siya sa lugar kung saan positibong may MERS-CoV.

Katunayan, pinaniniwalaang nalantad sa virus ang Pinoy nurse sa lugar kung saan pumanaw din ang isang Pinoy paramedic sa UAE kaugnay na rin ng kumplikasyon sa virus. Ang naturang paramedic ay pinaniniwalaan na nahawa sa isang pasyente na namatay din sa virus matapos nilang tulungan. Lima pang kasamahan ng Pinoy paramedic ang mino-monitor sa UAE.

Kaya naman may ilang nagkomento patungkol sa Pinoy nurse na dapat ipinagpaliban muna niya ang pag-uwi sa Pilipinas hangga’t hindi lubos na batid sa UAE ang kanyang kalusugan. Lumitaw kasi na nandito na sa bansa ang Pinoy nurse nang lumabas ang resulta ng pagsusuri na taglay niya ang naturang virus na itinuturing na Middle East version ng SARS o Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS).

Ang SARS ay kinatakutan din noon sa mundo at nagdulot din ng pangamba sa Pilipinas noong 2003.
Katunayan, 14 ang naging kumpirmadong kaso ng SARS sa bansa sa nabanggit na taon, at dalawa rito ang nasawi mula sa Pangasinan.

Gayunpaman, hindi naman lumaganap ang SARS at naagapan bunga ng ginawang pagkilos ng DOH at pakikipagtulungan ng mga taong kinailangang i-qua­rantine o ihiwalay habang hindi pa sila lubusang gumagaling sa virus.

***

Sa panibagong pagsubok na kinakaharap natin sa MERS-CoV, dapat pairalin din ang pagtutulungan at pagkakaisa. Hindi dapat na magsisihan, at hindi rin makatutulong ang mag-panic. Tiyak naman na hindi nanaisin ng Pinoy nurse na ilagay sa peligro ang kanyang mga kababayan -- pati na ang kanyang asawa at dalawang anak na kasama niyang bumalik sa bansa.

Sa ngayon, kailangan lamang na matukoy ang iba pang nakasabay ng Pinoy nurse sa eroplano upang masuri kung nailipat din sa kanila ang virus. At kung lalabas na positibo rin sila sa virus, kailangan naman na matukoy ang mga taong kanilang nakasalamuha para masuri rin hanggang sa matiyak na na-monitor na ang lahat at maagapan ang kanilang kalusugan upang hindi sila magkaroon ng kumplikasyon na magiging dahilan ng kanilang kamatayan.

Sa ngayon, ang pamilya pa lamang ng umuwing Pinoy nurse at mga sumundo sa kanila sa airport ang naka-quarantine. Ang iba pang kasabay niya sa Etihad Flight No EY 0424 na dumating sa NAIA noong April 15 mula sa UAE ay dapat makipag-ugnayan sa DOH. Kung may kakilala na suma­kay sa naturang eroplano, mabuting sabihan sila ng kanilang dapat gawin lalo na kung may nararamdaman silang hindi maganda sa katawan.

Sa kabila nito, mismong ang DOH na ang nagsabi na walang outbreak ng MERS-CoV kaya naman hindi nag-uutos ang pamahalaang Aquino ng anumang paghihigpit sa pagpunta at maging sa mga umuuwi mula sa Middle East. Take note: Kahit Semana Santa ay nakatutok si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino para tiyaking walang magpa-panic.

Iniutos ni PNoy ang mas masusing pagsubaybay sa kundisyon ng mga pa­saherong dumarating sa mga paliparan ng Pilipinas mula sa ibang bansa gamit ang mga thermo scanning machine. Sa pamamagitan ng mga makinang ito, makikita kung may mataas na lagnat ang isang tao -- na isa sa mga sintomas ng taong may taglay na virus.

Gaya ng nasabi natin, galing na tayo sa SARS at H1N1 influenza virus, sanay na tayo sa paghahanda sa mga ganyan kaya tiyak na malalampasan din natin ang pangamba sa MERS-CoV.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, April 16, 2014

Rule of law!


                                                                   Rule of law!  
                                                                    Rey Mafil


Kung puwersa at pambabarako ang ipinamalas ng China sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea o South China Sea, kababaang-loob naman ang ipinakita ng Japan sa paghingi nila ng paumanhin sa mga Filipino dahil sa mga nagawa nilang kalupitan nang sakupin nila ang Pilipinas sa madalim na kabanata ng mundo noong World War II.

Halos tatlong (3) taon na sinakop ng Japan ang Pilipinas mula 1942 hanggang 1945. Sa taong ito ay nakalasap ng matinding pinsala ang bansa at paghihirap ang maraming Filipino.

At ang nagawang kalupitan noon ng mga sundalong Hapon ay batid ng mga Hapon ngayong henerasyon kaya naman ganoon na lang ang paghingi nila ng paumanhin nang gunitain ng bansa ang Araw ng Kagitingan.

Ayon mismo sa embahador ng Japan sa Pilipinas, sila man ay nasasaktan kapag naaalala ang mga nagawa nilang pagkakamali noong panahon ng digmaan.

Pero hindi naman nasayang ang lahat ng nakaraan; dahil ang nangyari noon ay naging leksyon sa Japan kaya daw hindi na sila ngayon basta-basta gagamit ng puwersa at papasok sa panibagong digmaan.

Kung tutuusin, nang panahon ng WWII, ang Japan ang naghaharing puwersa sa Asya. Gamit ang propaganda at kampanya na “Asia for Asians”, binalak nilang pamunuan o pag-isahin ang mga bansa sa Asya; kahit pa sa paraan ng paggamit ng puwersa. At hindi lang ang Pilipinas ang nakatikim ng kalupitan noon ng mga Hapon, kundi maging mga Tsino.

Pero ang nakaraan ay naging leksyon sa Pilipinas at Japan ewan lang sa China? Sa ipinakikitang postura kasi ngayon ng Tsino sa usapin ng West Philippine Sea o South China Sea, parang handa silang gumamit ng dahas at pumasok sa giyera masunod lang ang kanilang gusto ang maangkin ang mga bahagi ng karagatan na hindi naman kanila.

***

Hanggang ngayon, ang ipinagpipilitan ng China ay kasaysayan kuno ng kanilang bansa na bahagi nila ang mga parte ng karagatan na pasok sa Exclusive Economic Zone (EZZ) ng Pilipinas. Ang pagsukat sa distansya kung hanggang saan ang sakop ng isang bansa ay hindi inimbento ng bawat bansa kundi ng United Nations (UN), na kapwa miyembro ang Pilipinas at China.

Ang ipinipilit na katwiran ng China ay batay sa sinaunang panahon na ang umiiral ay tapang ng mga naghaha­ring uri; na handang sakupin ang isang mahinang teritoryo para maging bahagi ng kanilang teritoryo. ‘Ika nga ni Mang Kanor: Hindi pa yata nila matanggap na tapos na ang era ng paghahari-harian at ang umiiral na ngayon ay batas na nilikha ng mga makatriwang nilalang at hindi mga barbaro.

Kaya naman si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, hindi tinatapatan ng dahas ang ipinakikitang dahas ng China gaya ng ginagawa nilang pagtaboy sa ating mga kababa­yang mangingisda sa karagatan na sakop pa ng Pilipinas.

Sa halip, ang usapin sa pag-angkin ng teritoryo ay idinulog ni PNoy sa UN upang sumailalim tayo sa proseso ng batas, na siyang nararapat sa isang nasyon na nagbibigay-halaga sa kayapaan at katwiran.

Pero ang pagdulog ng Pilipinas sa UN ay hindi dapat isipin ng China na kahinaan. Kahit na malaki ang kalamangan nila sa puwersang militar, tiyak na hindi naman patatalo sa katapangan at pagmamahal sa bayan ang mga Pilipino at ito ay naipakita na ng ating mga ninuno na ilang ulit na lumaban sa mga nanakop sa ating bansa.

Sa nakaraang pakikipagpulong ng bagong embahador ng China kay PNoy, nakiusap silang iurong natin ang isinampang reklamo sa UN at pag-usapan na lamang nang bansa sa bansa ang sigalot sa pinag-aagawang teritoryo.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, April 14, 2014

Parang eleksyon!


                                                                  Parang eleksyon!  
                                                                     Rey Marfil


Humingi ng paumanhin at pang-unawa ang Palasyo sa mga pasahero ng Metro Rail Transit (MRT) system dahil sa mga aberyang nagaganap dito at mahabang pila bunga ng kakulangan ng mga bagon.
Gayunpaman, tiniyak ng pamahalaan na ginagawa nito ang mga kinakailangang paraan para matugunan ang mga problema.

Isa mga solusyon sa problema ng MRT ay pagkuha ng mga bagong bagon para madagdagan ang maisasakay na pasahero upang maging mas mabilis ang ikot ng ruta nito.
Kung tutuusin, ang kakulangan ng bagon ay kabilang sa mga problemang minana ng pamahalaang Aquino na hinahanapan ng solusyon.

Ang sistema ng MRT ay masasabing serbisyo na may kaakibat na negosyo. Ibig sabihin, serbisyo para maging mas mabilis ang biyahe ng mga tao, pero kailangan din namang kumita para matustusan ang maintenance ng buong sistema nito. Take note: Hindi biro ang maintenance ng MRT dahil pinapatakbo ito ng ­enerhiya at teknolohiya.

Araw-araw ay sinusuri ang track o riles nito para matiyak ang kaligtasan sa biyahe, ganundin ang mga bagon na bugbog na bugbog na sa pagsakay ng mga overloaded na pasahero, at idagdag pa ang maintenance ng cable system at iba pang makina na ­de-pindot.

Kasama sa maintenance ng mga buong sistema ng MRT ang pagpapasahod sa mga manggagawa na sumusuri sa mga gamit at pasilidad nito. Pero kahit anong pagsisikap na gawin nila, nababalewala ito kapag nangyayari na ang aberya sa MRT.

Kung tutuusin, hindi lang naman ang mga bagon ang problema ng MRT, usapin din ito ng pondo dahil batid naman ang malaking pinapasan ng pamahalaan sa pamasahe ng mga pasahero sa paraan ng subsidiya.

Isang taktika ito na ginawa ng nakaraang rehimen para maibsan ang bumubulusok noon na popularidad at hindi alintana ang pangmatagalang epekto ng kapabayaan.

***

Sa ngayon, halos kalahati ng aktuwal na dapat sanang singil sa pamasahe ng bawat pasahero ay binabayaran ng gobyerno.
Ang kaso, nasanay ang iba sa mababang singil sa pamasahe kaya kahit karampot na kinakailangang dagdag na singil ay inaangalan maliban pa siyempre sa ginagawang pagsakay ng ilang grupo sa isyu ng fare hike.

At dahil lugi ang negosyo at hindi makalilikom ng pondo para sa maintenance, ang gobyerno rin ang papasan nito.

Upang mapabilis ang rotation ng mga tren at makapagsakay ng mas maraming pasahero, kailangan ang mga bagong bagon.
Pero kailangang dumaan sa proseso at magkaroon ng bidding kung saan makakakuha ng pinakamababang alok mula sa kumpanyang magsusuplay ng mga bagong bagon na matagal nang hinihintay.

Ang problema, ang bidding sa atin ay parang eleksyon walang natatalo, kundi nadadaya. Ang natatalong kumpanya sa bidding, mag-aakusa ng dayaan at ang iba ay umaabot pa sa korte.
Ang resulta, nagkakaroon ng legal na problema na nagpapatagal sa pagpapatupad ng proyekto... gaya ng nangyari sa pagkuha ng mga bagong bagon.
Isang grupo ang nag-aakusa na nagkaroon umano ng kikilan sa pagsubasta sa kontrata ng pagkuha ng mga bagong bagon.
ng nakapagtataka lang, ginagawa ang alegasyon pagkatapos mangyari ang bidding at matalo ang kumpanya ng nag-akusa.
Ang matindi pa nito, bumilang pa ng buwan pagkatapos ng bidding para umangal ang nagre­reklamo na nagkaroon daw ng kikilan.

Papaano kung sila kaya ang nanalo sa bidding? Mag-akusa pa kaya sila na nagkaroon ng kikilan? ­Siyempre hindi na kasi happy sila. Pero baka ang natalo naman nila ang mag-akusa.

Sa madaling salita, ang pangmatagalang solusyon sa problema ng MRT ay hindi lang nakasalalay sa gobyerno. Dapat may bahagi rin ang mga taong nakikinabang dito.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, April 11, 2014

Importasyon!

                                   
                                                                  Importasyon!
                                                                   Rey Marfil


Magandang balita na naman ang ulat kaugnay sa sumiglang pag-aangkat ng bansa na umangat ng 21.8 porsiyento nitong Enero na pinakamalaki sa nakalipas na halos tatlong taon.

Ipinapakita rito ang pagsulong ng ekonomiya ng Pilipinas na isa sa pinakamabilis na umaasenso nga­yon sa Asya kasunod ng China.

Sa datos ng pamahalaan, naitala ang pinakama­laking 21.9 porsiyentong pag-angat ng importasyon noong Marso 2011. Pangunahin dito ang inangkat na raw materials na kailangan ng bansa para naman sa pagluluwas ng mga produkto sa larangan ng electro­nics at garments.

Ibig sabihin, tataas din ang eksportasyon ng mga produkto ng bansa dahil sa malaking bilang ng ina­angkat na raw materials. Umabot ang importasyon ng bansa noong Enero sa $5.757 bilyon o mas mataa­s ng 21.8 porsiyento kumpara sa parehong panahon noong 2013.

Umangat ng nakakabilib na 7.2 porsiyento ang ekonomiya ng bansa noong 2013 sa ilalim ng malinis na pamamahala ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquin­o. Sa kabila ito ng matitinding mga kalamidad na dumaan katulad ng mapanirang super typhoon Yolanda noong nakalipas na Nobyembre.

Umangat ang importasyon ng bansa dahil sa pagbawi ng eksportasyon natin sa electronics at garments at buhos na paggugol ng malaking halaga sa imprastraktura para sa pagbangon ng mga lugar na nasalanta ni Yolanda.

Gagamitin ang malaking bahagi ng importasyon sa produksiyon kung saan sa konstruksiyon naman ng mga nasalantang mga lugar mapupunta ang bakal at mga kemikal.

Ibig sabihin, positibo ang pananaw ng mga negos­yante sa takbo ng ekonomiya ng Pilipinas. Sa tulong ng matuwid na daang kampanya at malinis na pamamahala ni PNoy, inaasahang lalong uunlad ang ekonomiya ng bansa.

***

Dahil sa malinis na pamamahala ng administrasyong Aquino, positibo na naman ang desisyon ng International Monetary Fund (IMF) na itaas ang pagtaya sa paglago ng ekonomiya ng bansa sa 6.5 porsiyento ngayong taon mula sa pagtaya nitong 6.3% noong Enero.

Inaasahan din kasing malaki ang maitutulong sa ekonomiya ng bansa ng isinasagawang konstruksiyon at rehabilitasyon ng nasalantang mga lugar. Tinaya rin ng IMF sa 6.5 porsiyento ang paglago ng ekonomiya ng bansa sa 2015, bahagyang mababa kumpara sa tinatayang 6.6 porsiyentong pag-angat noong Enero.

Sumikad paitaas ang ekonomiya ng bansa nang maitala ang 7.2 porsiyento noong nakalipas na taon sa kabila ng serye ng mga kalamidad, kabilang ang super typhoon Yolanda noong nakalipas na Nobyembre.

Kung papalarin, baka nga makamit ng bansa ang target na 6.5 hanggang 7.5 porsiyentong paglago ng ekonomiya ng Pilipinas ngayong taon at 7 hanggang 8 porsiyentong pag-asenso sa susunod na taon.

Hindi maikakaila na produkto ng matuwid na daan at malinis na pamamahala ni PNoy ang pag-asenso. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, April 9, 2014

Tagumpay ng lahat!


                                                                Tagumpay ng lahat!  
                                                                     Rey Marfi


Naging susi sa matagumpay na paglagda sa usapang-pangkapayapaan ng pamahalaan at pinakamalaking rebeldeng grupong Muslim sa bansa ang maigting na paninindigan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na isulong ang kayapaaan at kaunlaran sa Mindanao.

Ikinokonsidera itong isa sa pinakamatindi at pinakamalaking nagawa ng administrasyon ni PNoy at pamana ng kanyang Panguluhan.

Nilagdaan ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) nitong nakalipas na Huwebes ang makasaysayang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) sa MalacaƱang.

Lubhang mahalaga sa Pangulo ang pagpapanatili sa maraming mga buhay at mga ari-arian ng mapamuksang digmaan at mabigyan ang mga bata ng Mindanao ng magandang kinabukasan.

Sa tulong ng malakas na impluwensya ni PNoy, asahan natin ang napapanahong pagpasa sa Kongreso ng batas na lilikha sa Bangsamoro juridical entity.

Siguradong igagalang ng panukalang batas na isusulong ni PNoy sa Kongreso ang soberenya, umiiral na mga batas at Konstitusyon ng bansa.

Ipagkakaloob ang awtonomiya o kasarinlan sa Bangsamoro sa ilalim ng konteksto ng soberenya ng Pilipinas.

Ibig sabihin, sakop pa rin ng Pilipinas bilang pambansang pamahalaan ang Bangsamoro juridical entity kahit mayroong kapangyarihan ang ihahalal na mga opisyal doon na pamunuan ang kanilang nasasakupan.

***

Napag-usapan ang lagdaan, nakatitiyak tayong gagabayan ng umiiral na mga batas at Konstitusyon ang mga diskusyong isasagawa sa Kongreso sa pagbalangkas ng batas.

Kaya walang basehan ang pangamba ng iba na malalabag ang soberenya ng bansa dahil siguradong mangingibabaw ang kapangyarihan ng Saligang Batas sa lahat ng usapin.

Harangan man ng sibat sa Supreme Court (SC), inaasahang papasa sa legal na mga katanungan ang panukalang lilikha sa bagong Bangsamoro na papalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Titiyakin ni PNoy na naka-base sa Konstitusyon ang ipapasang batas; tutugon sa pangangailangan ng mga Muslim, Kristiyano, at maging ng mga katutubo na masasakop sa lugar; at mayroong garantiya kaugnay sa mapayapa at maunlad na autonomous region sa loob ng Pilipinas.

Huwag nating sayangin ang ginto at pambihirang pagkakataong ito na wakasan ang karahasan sa Mindanao sa pamamagitan ng pagsuporta sa pagtatatag ng Bangsamoro juridical entity.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, April 7, 2014

Dapat saluduhan!


                                                                  Dapat saluduhan!  
                                                                     Rey Marfil


Pulis-patola, buwaya, rogue at kung anu-ano pang bansag ang naririnig natin minsan patungkol sa ilang miyembro ng kapulisan natin na nalilihis sa “daang matuwid”. Pero kamakailan lang, ipinakita ng apat na bagitong babaeng pulis na hindi lahat ng alagad ng batas ay pulpol.

Kahit nga si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ay napahanga sa apat na policewomen na kaagad rumesponde sa nangyaring pagsalakay ng “liyabe-tubo” gang sa isang tindahan ng mga alahas sa Mall of Asia.

Bakit “liyabe-tubo” at hindi “martilyo” gang ang itinawag natin sa mga suspek sa MOA? Kasi, hindi naman martilyo, kundi, liyabe-tubo ang ginamit ng mga kawatan sa pagbasag sa mga istante na pinagla­lagyan ng mga alahas.

Buweno, hindi naman importante kung ano ang pangalan ng gang, ang magandang balita ay hindi nagmukhang eksena sa pelikula na laging “huli na” at nakatakas na ang mga salarin bago dumating ang mga pulis; sa nangyaring nakawan sa MOA, tamang-tama ang timing ng mga PNP’s Angels.

Naabutan ng mga bagitong policewomen ang mga kawatan, at kaagad na kumilos dala ang kanilang baril. Ang resulta, isa sa mga suspek ang nahuli, at hinihinalang dalawa pang suspek na nakatakas ang sugatan base sa mga nakitang damit sa lugar na iniwan nila at may dugo.

***

Sa nakaraang pagbibigay ng parangal sa mga pulis na pinangunahan mismo ni PNoy, hindi niya kinali­mutan na purihin ang apat na policewomen dahil sa ipinakita nilang katapangan.

Nagsilbi nga naman silang magandang ehemplo sa mga pulis, naging daan din para ipakita sa publiko na maaari silang sandalan ng mga mamamayan sa panahon ng pangangailangan.

Kung tutuusin, puwede namang nagpahuli ang apat sa pagresponde sa lugar dahil maaari nilang gamiting dahilan na baguhan lang sila at mga babae pa. Pero hindi, ipinakita nila na ang kayang gawin ng lalaking parak, kaya rin ng bebot na parak.

Sa ipinakitang dedikasyon ng apat na babaeng pulis, dapat tamaan ng hiya ang mga lalaking parak na bundat na sinasadyang magpahuli sa pagresponde dahil takot silang makaengkwentro ang mga suspek.

Dapat ding mahiya ang mga pulis na nahuhuli at nasasangkot sa bentahan at paggamit ng iligal na droga. O kaya naman ay mga pulis na walang ginawa kundi mangotong para may panggastos sa kanilang kulasisi.

Bukod sa apat na pulis na buong tapang na nakipagbarilan sa mga suspek sa MOA, nararapat din na tumanggap ng pagkilala mula kay PNoy si Police Insp. Marjorie Manuta, na tanging pulis na babae, sa may 20 pulis sa Tacloban City, na nag-report sa duty nang manalasa ang bagyong Yolanda noong Nobyembre.

Humanga si PNoy sa dedikasyong ipinakita ni Manuta sa serbisyo dahil hindi biro ang lima hanggang anim na kilometro na nilakad nito para makapag-­duty at magampanan ang kanyang sinumpaang tungkulin sa bayan, sa ngalan ng kaniang uniporme bilang ala­gad ng batas.

Ang ipinakitang katapatan sa tungkulin ng mga bebot na pulis na ito ay dapat talagang purihin. Patunay ito na hindi lahat ng itlog sa basket ay bugok, marami pa rin ang matino at maaasahan sa mga sandaling hindi mo inaakala.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, April 4, 2014

Nasilip kaya?


                                                                     Nasilip kaya?
                                                                      Rey Marfil


Habang tumatagal, parang tubig na nasa takure at nakasalang sa apoy ang isyu ng Pilipinas at China tungkol sa pag-aagawan sa West Philippine Sea, na tinatawag ding South China Sea.
Walang nakakaalam kung kailan ito kukulo hanggang sa tuluyang sumingaw ang usok na likha ng ma­tinding init. Tulad ng hangad ng marami, nais din ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino, na malutas ang sigalot sa mapayapang paraan.
Kaya naman sa kabila ng ilang ulit na pambabarako na ginagawa ng mga Tsino sa mga kakabayan natin na napapadako sa pinag-aagawang bahagi ng WPS, puro diplomatikong protesta ang ipinapadala natin sa China, kahit pa panay ang isnab nila sa mga reklamo natin.
Bukod sa mga diplomatikong reklamo, idinulog na rin ng pamahalaang Aquino sa arbitration tribunal ng United Nations (UN) ang reklamo natin sa ginagawang pag-angkin ng China sa halos buong baha­gi ng West Philippines Sea. Parang nahihiya lang silang sabihin na kanila ang buong Asya at mga bansang nandito pati na ang Pilipinas.
Ika nga ni Mang Gusting: Kung makaasta ang China, parang tingin nila ay dapat silang katakutan ng mga maliliit na bansa na katulad ng Pilipinas; na para bang kung ano ang gusto nila ay dapat makuha nila.
Reklamo pa ni Mang Gusting: Tila nalulunod sa kapangyarihan ngayon ang China at nakalimutan nila ang madalim na bahagi ng kasaysayan na ginulpi sila ng “maliit” na bansang Japan noong World War II.
Hirit naman ni Mang Kanor: Ngayon nakahanay na ang China sa mga bansa na tinatawag na “super power”, gaya ng United States, mukhang lumaki na ang kanilang ulo at nakalimutan ang magandang pa­ngaral na maging “humble”.
Resbak pa ng magkumpareng Kanor at Gusting: Imbes na sila ang manguna para pagkaisahin ang mga bansa sa Asya na nag-aagawan sa bahagi ng WPL, partikular sa bahagi ng Spratlys, at sama-samang magsagawa ng exploration para sa anumang puwedeng mina na pakinabangan, aba’y tila nagiging dupang ang mga Tsino at gusto nila na sa kanila lang lahat ang anumang mina na mayroon doon.
***
Pero bakit nga ba tila naging agresibo ang China sa pag-angkin ang mga isla at pulutong sa Spratlys, at pagkatapos ay sa buong bahagi na ng WPS mula nang maupo sa Palasyo si dating Pangulong Gloria Macaparagal-Arroyo? May kinalaman kaya rito ang pagpayag ni Arroyo na isagawa ang kontrobersiyal na Joint Marine Seismic Undertaking (JMSU) na kasama ang China at Vietnam noong 2005?
Sa ilalim ng JMSU na kinuwestiyon sa Korte Suprema ang legalidad, at nananatili pa yatang nakabin­bin, pumayag si Arroyo na masilip ang kailaliman ng karagatan sa bahagi ng pinag-aagawang bahagi sa Spratlys.
May mga ulat na maging ang bahagi ng WPS na malinaw na sakop ng Pilipinas ay kasamang nasilip ng mga Tsino na patay na patay sa pag-angkin ngayon ng mga teritoryong isang dura lang ang layo sa ating kalupaan, kumpara sa kalupaan nila na dapat suma­kay muna ng tren at tricycle bago umabot ang dura nila.
At dahil kontrobersiyal ang JMSU na may iba na ang tingin sa ginawa ng Arroyo government ay “pagbebenta” sa likas-yaman ng Pilipinas sa China, sa halip na “exploration” ay “seismic” ang ginamit nilang termino. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, April 2, 2014

Pag-usad ng kapayapaan!



                                                             Pag-usad ng kapayapaan!
                                                                      Rey Marfil

Isang kabanata na naman sa kasaysayan ng Pi­lipinas ang naganap nitong Huwebes sa Palasyo ng MalacaƱang kaugnay ng ginawang paglagda ng pamahalaan ng Pilipinas at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Comprehensive Agreement of the Bangsamoro (CAB) na magbibigay-daan sa kapaya­paan ng bansa, hindi lang sa Mindanao.
Marahil may iba tayong kababayan sa Luzon at Visayas ang hindi masyadong nagbibigay ng pansin sa nabanggit na kasunduan dahil sa paniwala nila na malayo naman ito sa kanila. Marahil ay may mga nag-iisip din na hindi ito mahalaga sa kanila dahil sa akalang mga kapatid lamang nating Muslim sa Minda­nao ang makikinabang sa kasunduan.
Pero kung tutuusin, dapat subaybayan ng lahat ng ating kababayan ang tinatahak na usapang pang­kapayapaan ng pamahalaan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino at liderato ng MILF dahil buong bansa ang makikinabang kapag natigil na ang kaguluhan sa Mindanao.
Kahit malayo sa Luzon at Visayas ang kaguluhan na nagaganap sa Mindanao, mga kapwa Pilipino pa rin natin ang naglalaban-laban. Ang mga sundalong sumasabak sa giyera sa Mindanao, na ang iba ay nasasawi o nasusugatan, ay nagmumula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Dahil sa kaguluhan, maraming taga-Mindanao ang lumilikas at ang iba ay napipilitang makipagsapalaran sa Luzon o Visayas.
Bilyun-bilyong pondo rin ang nailalaan ng gobyerno para tustusan ang tropo ng gobyerno sa Mindanao at pati na ang gastusin sa pagtulong sa mga evacuees; mga pondo na maaari sanang magamit sa iba pang mahahalagang programa o proyekto sa Luzon at Visayas.
Ngunit higit sa lahat, ang ganap na kapayapaan sa Mindanao ay magsasalba sa libu-libong buhay na maaaring mabuwis dahil sa digmaan bunga ng kani-kanyang paniniwala, na kung tutuusin ang puno’t dulo ng kanilang ipinaglalaban ay para pa rin sa kapa­yapaan at kasarinlan ng Bangsamoro.
***
Tunay naman na dapat batiin ang pamahalaang Aquino at lahat ng mga bumubuo sa peace panel ng pamahalaan at MILF sa narating na kasunduan na nagresulta sa CAB, na kailangan pang aprubahan at pagtibayin ng Kongreso para magkabisa. Pagkaraan nito, magdaraos ng plebisito sa mga lugar na masasakop ng Bangsamoro Entity na papalit sa kasalukuyang Autonomous Region for Muslim Mindanao o ARMM.
Sa mga taong may personal na karanasan sa ilang taon nang digmaan sa Mindanao -- mula pa sa Moro­ National Liberation Front (MNLF), hanggang sa MILF, at iba pang armadong grupo sa rehiyon -- hindi kataka-taka na may mga naiyak at naging emosyunal sa naganap na pirmahan sa CAB.
Bakit ba naman hindi, ilang bata at magulang na ba ang naulila dahil sa digmaan? Ilang pamilya na ang nawalan ng kabuhayan at tirahan? Ilang kabataan na ang natigil sa pag-aaral? At ilang pangarap na ang naglahong parang bula? Mahirap nang bilangin dahil sa haba ng panahon na umalingawngaw ang pu­tok ng baril at mga panaghoy.
Hindi ba masarap isipin na darating na ang pag-asa sa Mindanao na wala nang mga paslit na umiiyak sa takot bunga ng mga putukan at pagsabog; wala nang dugong papatak sa lupa; wala nang luha ng pagdurusa; at wala nang maghihikahos sa mga evacuation center.
Nawa’y pakinggan ng iba’t ibang grupo sa Mindanao ang panawagan ni PNoy na suportahan at bigyan ng pagkakataon ang CAB. Matakot din sila sa babala ng Pangulo na hindi ito mangingiming gamitin ang buong puwersa ng pamahalaan sa mga mag-iisip na idiskaril ang hinahangad niyang kapayapaan.
Dapat tandaan na ang mga kakampi ng kapayapaan ay kakampi ng sambayanan. Habang ang mga tutol sa kasunduan ay kalaban ng katahimikan.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)