Monday, March 31, 2014


                                                                       Alaga ka!
                                                                      Rey Marfil

Karaniwan na nating napapakinggan ang istorya ng isang mahirap na may sakit ang namatay nang hindi man lang nakapagpatingin sa doktor dahil walang pera. O kaya naman, isang mahirap na kababayan na lumalala ang sakit matapos magpatingin sa albularyo dahil wala ring pera para mapagpatingin sa tunay na doktor.
Mga masaklap na kuwento na maaari nang maiwasan dahil sa bagong programa ng pamahalaang Aquino.
Kung sa mga nakalipas na linggo ay tungkol sa mga proyekto at programang pang-imprastruktura at rehabilitasyon sa mga lugar na sinalanta ng bagyong “Yolanda” ang ating nababalitaan, ngayon naman ay programang pangkalusugan ang inilunsad ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino, na ang pangunahing makikinabang ay ang mga kababayan nating mahihirap.
Mismong si PNoy ang nanguna sa paglulunsad ng multi-sectoral advocacy campaign na “Alaga Ka para sa Maayos na Buhay” o “Alaga Ka”, na inaasahang pakikinabangan ng 14.7 milyong mahihirap na pamilya para makakuha ng pangunahing health care services sa mga pagamutan at klinika sa kanilang lugar.
Sa tulong ng mga lokal na pamahalaan at sektor na pangkalusugan, naniniwala si PNoy na magiging matagumpay ang “Alaga Ka” program na pangungunahan ng Department of Health at PhilHealth, para maisalba ang maraming buhay ng mga mahihirap nating kababayan.
Kung tutuusin, nakakakonsensya naman talaga na sa modernong panahon ngayon ng teknolohiya ay may mga namamatay pa rin sa sakit na ang dahilan ay kawalan ng pambayad para sa check-up at pambili ng gamot; mga kawawa nating kababayan na ipinapaubaya sa tapal ng dahon na may langis na bigay ng albularyo ang kanilang buhay dahil wala silang kakayahan na magpasuri sa mga dalubhasa.
Ang masaklap pa nito, nagtitiis at namamatay ang mga mahihirap na may sakit, gayung may mga opisyal na nagpapasasa dati sa pondo ng bayan na dapat sana’y nailaan sa mga higit na nangangailangan.
Kung may mga opisyal naman na naglalaan nga ng pondo para sa mahihirap na may sakit, nagkakaroon naman ng palakasan at ginagamit sa pulitika ang pagtulong. Lintek talaga.
Kaya naman napapanahon at nararapat ang programang “Alaga Ka” ng gobyernong Aquino upang maipagpatuloy ang reporma sa usaping pangkalusugan.
***
Kung tutuusin, ilan pang programa tungkol sa pagpa­pahusay sa serbisyo ng PhilHealth ang naipatupad mula nang maging Pangulo si PNoy.
Bukod sa dumami pa lalo ang PhilHealth beneficiaries, nadagdagan din ang mga serbisyo nito at naisama na rin sa sakop ng mga tutustusan sa pagpapagamot ang mga delikadong sakit tulad ng sakit sa puso at ilang uri ng cancer na hindi kasama noon sa coverage ng PhilHealth.
Pero higit sa pagpapagamot, nais ni PNoy na gamitin ng mga benepisaryo ng programang “Alaga Ka” na agad silang magpatingin upang maagapan ang sakit.
Sa madaling salita, kahit walang sakit o kung may nararamdaman, maaari nang makapagpatingin ang ating kababayan para hindi na lumala ang sakit, o malaman nila ang posibleng maging sakit nila para maiwasan. Ika nga, “prevention is better than cure”.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, March 28, 2014

Modernisasyon!


                                                                     Modernisasyon!  
                                                                         Rey Marfil

Makakatiyak tayo na isusulong ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang patuloy na modernisasyon ng militar hanggang bumaba ito sa kapangyarihan sa Hunyo 30, 2016.

Kahanga-hanga ang desisyon nitong bumili ng $524.7 mil­yong halaga ng mga eroplano sa South Korea at Canada.

Mahalaga naman talaga ang patuloy na pagpapalakas ng ating militar sa gitna ng umiigting na agawan sa teritoryo ng bansa at China sa West Philippine Sea.

Sinusuportahan natin ang pagpapalakas pa ng puwersang militar ng Pilipinas na dapat noon pa inasikaso ng nakalipas na mga administrasyon.

Ika nga ni Mang Gusting: Hindi maaaring habam­buhay tayong ginigipit at pinagtatawanan ng China at iba pang kanugnog na mga bansa dahil maikukonsiderang halos puro sira ang mga sasakyang pandagat ng ating Navy habang puno ng hangin at walang puwersa ang ating Air Force.

Dapat magkaroon tayo ng disenteng depensa para sa ating teritoryo at magkaroon ng puwersang hindi mapupulbos ng mga kalaban at hindi rin basta-basta hihingi ng saklolo sa Estados Unidos.

Panahon na para hangaan natin ang ating sandatahang lakas sa halip na tawanan ang kahinaaan ng kanilang pu­wersa dahil sa kawalan ng sapat na malalakas na mga armas at gamit. Hindi natin dapat ikompromiso ang ating seguridad at depensa ng bansa.

Sa pahayag ni Defense Undersecretary Fernando Manalo, lalagdaan ang mga kontrata sa Marso 28 kung saan kasama dito ang pagbili sa 12 FA-50 fighter jets mula sa Korea Aerospace Industries na pag-aari ng pamahalaan ng South Korea sa halagang P18.9 bilyon o $417.95 milyon.

Nalaman rin kay Manalo na magsusuplay naman ang Canadian Commercial Corp. na pag-aari ng gobyerno ng Canada ng walong Bell 412 combat utility helicopters na nagkakahalaga ng P4.8 bilyon.

***

Nananatiling masidhi at mainit ang kagustuhan ng banyagang mga mamumuhunan mula sa mga bansang kasapi ng European Union (EU) na maglagak ng kanilang kapital sa Pilipinas, lalung-lalo na sa larangan ng komersyo, eneriya, pamamahala, urbanisasyon at migrasyon.

Inihayag ni Presidential Communication and Operation Office Secretary Sonny Coloma ang magandang balitang ito.

Asahan nating magpapatuloy sa pagkuha ang pamahalaan ng mga pamumuhunan mula sa pangako ng mga kumpanya sa Europa dahil sa matuwid na daan o malinis na pamumuno ni PNoy.

Idagdag pa natin sa patuloy na interes ng mga banyaga na magkaroon ng negosyo sa bansa ang pinaigting pang kampan­ya ng administrasyon para labanan ang katiwalian at pag­butihin ang kalagayan ng pagkakaroon ng pamumuhunan sa bansa.

Dahil sa lahat ng positibong mga bagay na ito, patuloy na nakakatanggap ang administrasyong Aquino ng pangakong pamumuhunan sa mga kumpanya sa Europa na ating inaasahang magiging aktuwal na pamumuhunan sa lalong madaling panahon matapos makuha ng bansa ang pagkilala bilang “investment destination” ng EU.

Sa datos ng Department of Trade and Industry (DTI), lu­mabas na EU ang pinakamalaking namumuhunan sa stock ng bansa na mayroong tinatayang P440 bilyon.

Sa pamumuhunan na ito, nakalikha ito ng tinatayang 400,000 trabaho sa Pilipinas.

Sa estatistika naman ng Board of Investments, umabot ang net Foreign Direct Investment (FDI) ng EU sa $174.22 mil­yon noong 2012 habang $10.35 bilyon naman ang kabuuang FDI Stock noong 2011.

Siguradong mananatiling malakas ang kagustuhan ng mga mamumuhunan mula sa EU na magpasok ng kapital sa bansa.

Sa katunayan, nangako pa ang matataas na EU officials ng karagadagang pamumuhunan. Pagkilala ito sa repormang nagawa ni PNoy sa pamahalan para palakasin ang “transpa­rency at accountability” sa tulong ng malinis na pamamahala.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mga­kurimaw.blogspot.com)

Wednesday, March 26, 2014

Resolusyon!



                                                                       Resolusyon!  
                                                                      REY MARFIL

Lumalakas ang laban ng Pilipinas sa pag-aari ng Scarborough (Panatag) Shoal sa Masinloc, Zambales. Sa tulong ito ng isang resolusyon na buong pagkakaisang inaprubahan ng Centris Democrat International (CDI) na kumokondena sa pagkubkob ng China sa pinag-aagawang mga teritoryo sa West Philippine Sea.

Sa kanilang resolusyon, nanindigan ang asosasyon ng pandaigdigang mga demokratiko na paglabag sa internasyunal na mga batas ang pagsakop ng China sa shoal na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas at nakapaloob sa exclusive economic zone (EEZ) nito.

Partikular na nilalabag ng China sa pagsakop sa mayamang mga isla ang United Nations Charter at UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at ibang internasyunal na mga batas.

Nabatid kay dating Senate President Edgardo Angara, kasapi ng Executive Council at Vice President for Asia Pacific ng CDI, na isa sa limang isyu na tinalakay ng grupo sa kanilang pulong kamakailan sa Brussels, Belgium ang pagsakop ng China sa Panatag Shoal.

Malaking bagay ito sa usapin ng diplomatikong relas­yon kung saan sinusuportahan ng maraming mga bansa ang laban ng Pilipinas.

Kauna-unahang pagkakataon rin na nakakuha ang Pilipinas ng positibo at malaking suporta sa hanay ng internasyunal na komunidad sa gitna ng bakbakan ng bansa at China sa pinag-aagawang mga teritoryo.

Mahigit sa 60 demokratikong mga bansa sa buong mundo ang nagnanais na resolbahin ng Pilipinas, China at iba pang mga nasyon sa mapayapang paraan alinsunod sa umiiral na internasyunal na mga batas ang agawan sa teritoryo.

Positibo ito para sa Pilipinas lalo’t mga nasyong naniniwala sa demokrasya ang sumusuporta sa ating laban.

***

Patuloy ang paninindigan ng administrasyong Aquino na isulong ang promosyon ng “transparency” sa pamahalaan sa pamamagitan ng paglulunsad sa darating na Abril 25, 2014 ng Foreign Aid Transparency Hub (FAiTH) Version 2.0.

Masisiguro nito ang mas malawak na “transparency at accountability” sa paghawak ng mga donasyong ipinagkakaloob ng banyagang donors para sa mga komunidad sa rehiyon ng Visayas na nabiktima ni super typhoon Yolanda.

Ipinakilala ng FAiTH Task Force ang Version 2.0 ng website sa isang briefing ng diplomatic corps sa Department of Foreign Affairs (DFA) kamakailan.

Sa kasalukuyang bersyon ng FAiTH o Version 1.0, inililista ng pamahalaan ang banyagang mga tulong, cash man ito at goods at pangako, na ipinagkaloob matapos manalasa si ‘Yolanda’ sa Pilipinas.

Sa Version 2.0 ng FAiTH website, magkakaroon ng karapatan ang banyagang mga embahada na malayang mapasok ang input at update assistance na may kinalaman sa kanilang bansa sa online portal.

Kabilang dito ang updating ng halaga ng tulong na naibigay at ilalagay kung naging cash o non-cash ang kanilang naunang pangakong tulong at partikular na tutukuyin ang mga organisasyong tatanggap ng mga ayuda.

Bibigyan ng DFA ang banyagang mga embahada ng usernames para ma-update ang kanilang kontribusyon sa FAiTH na maaari nilang makuha sa Abril 7.

Kasama rin sa FAiTH’s Version 2.0 ang pagtugaygay sa pinatunguhan ng tulong ng pambansang pamahalaan.

Isasagawa naman ng Commission on Audit (COA) ang pagsusuri sa pinuntahan ng pondo na ibinigay sa pamahalaan bilang access observer.

Makakatiyak tayo na patuloy na dadami pa ang donors at maibibigay ang pangako ng mga ito sa nangangailangang mga biktima dahil sa itinataguyod na mahigpit na pangangalaga sa donasyon ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na nais matiyak na hindi mawawaldas ang kahit kahuli-hulihang sentimo.
Laging tandaan: ­“Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, March 24, 2014

Sagipin ang OPM!


                                                                    Sagipin ang OPM!  
                                                                           Rey Marfil


Hindi pala biro ang pagbagsak ng kita ng industriya ng musikang Pinoy sa nakalipas na mahigit isang dekada.
Mula sa P2.7 bilyon na kinita ng industriya noong 1999, nalagasan ito ng halos 70 porsiyento o P699 milyon na lamang nitong 2010.

At kung magpapatuloy ito, malamang sa kangkungan na pulutin ang mga ating mga kompositor at mang-aawit pagsapit ng 2020.

Kaya naman napapanahon talaga ang idinaos na Pinoy Music Summit para mapag-aralan at makagawa ng kaukulang hakbang ang mga nasa industriya at maisalba ang OPM o Original Pilipino Music.

Hindi naman sila nag-iisa sa layunin at ka-duet nila ang pamahalaang Aquino sa paghahanap ng paraan para makabangon ang industriya na may 346,000 mang­gagawang Pinoy.

Napakalaki kung tutuusin ng Pinoy music industry kaya hindi ito dapat hayaan na tuluyang mamatay.
Pero kung hindi maaagapan, baka magtuluy-tuloy ang pagkanta nila ng “and now the end is near” at tuluyang magsara ang telon sa kanila.

Bukod sa mga miyembro ng banda at lead vocalist o singer na nakikita nating kumakanta, kasama ring nagta­trabaho sa music industry ang mga kompositor, mga taga-areglo o naglalapat ng liriko, mga musikero at mga taong nasa loob ng opisinang nagpapatakbo ng record bar at kung anu-ano pa.

Sa ginanap na music summit, tama ang mungkahi ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa mga kasapi ng industriya na kailangan nilang pag-aralan kung papaano nila magagamit ang modernong teknolohiya ng internet kung saan nakakabili na ng kanta sa pamamagitan ng pag-download sa halip na bumili ng CD sa mga tindahan.

Sadyang malaki ang epekto ng internet sa music industry dahil kung noon ay isang buong album na may 12 kanta o track ang mapapakinggan, ngayon, kahit paisa-isang kanta ay maaari nang mabili online sa pamamagitan ng pag-download tulad sa iTunes.

Kaya naman malaking hamon sa industriya ang mungkahi ni PNoy na dapat pag-aralan nila ang pagsabay sa pagbabagong ito na ginagawa na ng mga bansang nananatili o nagawa nang buhayin ang kanilang music industry.

***

Napag-uusapan ang music, kapansin-pansin din ngayon ang pagsasama-sama ng mga sikat na singer sa abroad para gumawa ng isang kanta.
Bukod pa ito sa tinatawag na “cover” o pag-awit ng isang singer sa kanta ng ibang singer at mapapanood o mapapakinggan sa internet din.

Kung nagagawa ito ng ibang dayuhang mang-aawit, bakit hindi ito puwedeng gawin ng ating mga local artist alang-alang sa kanilang industriya?
Malamang marami ang gustong marinig o mapanood sa music video na magkasama sina Sarah Geronimo at Regine Velasquez. O kaya naman sina Gloc-9 at Gary Valenciano o ang rock legend na si Pepe Smith.

Habang nag-iisip ng paraan ang mga nasa industriya kung papaano mapapakinabangan ng husto ang mabuting dulot ng internet download, ang gobyerno sa pamamagitan ng Optical Media Board, pag-iibayuhin naman dapat ang kampanya laban sa pamimirata.

Iniutos na rin ni PNoy na mahigpit na ipatupad ang Executive Order na ipinalabas ng kanyang namayapang ina na si dating Pangulong Cory Aquino na nag-oobliga sa mga radio station na magpatugtog ng hindi bababa sa apat na OPM songs sa loob ng isang oras. Malaking tulong ito para sa exposure o promotion ng mga awiting Pinoy.

Hindi naman kataka-taka ang suporta ni PNoy sa OPM dahil kilala naman siyang music lover. Pero hindi lang dapat si PNoy, dapat lahat ng Pinoy ay magbigay ng suporta sa OPM at tangkilikin ang sariling atin; hindi lang sa mga awitin kundi pati na rin sa mga mahilig manood ng concert.

Maraming paraan na puwedeng gawin para muling marinig ang musikang Pinoy, kailangan lamang itong su­bukan at tanggapin ang hamon para hindi mapag-iwanan ng modernong panahon. Ika nga, we have to “face the music” para manatiling buhay ang OPM.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, March 21, 2014

Dangal at paninindigan!


                                                               Dangal at paninindigan!
                                                                        Rey Marfil  

Naging sentro ng paksa sa pagtatapos ng mga kadete sa Class Siklab Diwa ng Philippine Military Aca­demy (PMA) ngayong taon ang usapin ng “karangalan”.

Kasunod ito ng naging pasya ng pamunuan ng institu­syon na sibakin ang isa nilang kadete dahil sa pag­labag daw nito sa “Honor Code”.

Lumikha ng malaking ingay ang naturang sibakan dahil nangyari ito ilang linggo na lamang ay graduation na ng mga kadete.

Ibig sabihin, nawalang parang bula ang apat na taong pinaghirapan ng kadete sa loob ng PMA na kila­lang humu­hubog ng mga pinakamahuhusay na sundalo sa ating Sandata­hang Lakas.

Umani ng simpatiya ang ibang nakaalam sa naging sitwasyon ng sinibak na kadeteng si Cadet Aldrin Jeff Cudia.

May nagsasabing tila maliit lang naman ang nagawa nitong pagkakamali kung pagbabatayan lang ang pagi­ging late sa klase ng ilang minuto o maging ang ibinigay nitong dahilan kung bakit na-late. May naniniwala rin na ang lahat ay dapat mabigyan ng second chance ika nga.

Kung may nakisimpatiya kay Cudia, mayroon din namang pumabor sa naging posisyon ng pamunuan ng aka­demya. Ibang usapan daw kasi ang “dangal” na siyang ini­ingatan at nais na itanim ng institusyon sa kanilang mga kadete. May naniniwala rin na kung nagawang mag­sinungaling sa maliit na bagay, papaano pa kaya sa ma­laking bagay?

Naging pursigido ang pamilya ni Cudia na mabigyan ng isa pang pagkakataon ang kadete at hayaang makapagtapos kasama ng iba pa nitong ka-batch sa Siklab Diwa nitong Linggo sa Baguio City pero nabigo sila.

Marahil, kailangan na lamang nilang mahabol nga­yon ay makakuha pa rin ng diploma si Cudia at maging bahagi pa rin ng AFP kung nanaisin pa rin ng kadete.

***

Si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na kilalang mataas ang pagtingin sa “dangal”, ipinaubaya sa pamunuan ng AFP ang pag-aaral sa kaso ni Cudia.

Higit sa emosyon, ang mga pinuno ng AFP na pa­wang mga “PMAyer” o naghirap din para makapag­tapos ng PMA ang higit na nakakaalam sa naturang usapin.

Sa harap nito, isang mahalagang mensahe ang iniwan ni PNoy sa mga nagtapos na kadete ng Class Siklab Diwa tungkol sa pinakaiingatan nilang “honor” o dangal.

Ayon sa Pangulo, batid niya na dangal ang isa sa mga haligi ng institusyon ng PMA, kaya kung pinaiiral sa loob ng akdemya ang Honor Code, dapat din nila itong pa­nindigan sa labas ng PMA.

Ibig sabihin, hindi nila dapat hayaan o palampasin ang mga kalokohan na kanilang malalaman sa labas ng institu­syon na humubog sa kanila, hindi lang para ma­ging ma­husay na sundalo, kundi para maging isang tapat na sun­dalong magta­tanggol sa Inang Bayan.

Kaya naman kung may malalaman silang hindi tama sa destinasyon na kanilang mapupuntahan, hindi nila ito dapat kunsintihin sino man ang posibleng sangkot.

Gaya na lamang sa usapin ng pork barrel scandal, dahil may mga mambabatas na kaalyado ng administrasyon ang nadadawit ang pangalan, inatasan ng Palasyo ang mga mambabatas na harapin at magpaliwanag tungkol sa isyu.

Binigyan din ng direktiba ni PNoy ang Department of Justice na magsagawa ng ibayong imbestigasyon sa kontro­bersya at sampahan ng kaso ang lahat ng mapa­patunayan na may pananagutan sa pagwaldas ng pondo ng bayan kahit ano pa man ang partidong kina­aaniban nito.

Sadyang mahalaga sa isang tao ang mayroong da­ngal dahil ito ay kayamanan sa sarili na hindi mabibili o katumbas na halaga.

Ang taong may dangal, tiyak na paninindigan. At ang taong may paninindigan, may sariling pagpapasya at dis­posisyon.

At ang taong may sariling pagpapasya at hindi basta naki­kinig sa dikta, hiling, o mungkahi ng iba, ay hindi tamang sabihan na matigas ang ulo, lalo na kung ang nagsabi nito ay hindi lang napagbigyan ang sariling kagustuhan. La­ging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.”

Wednesday, March 19, 2014

Political stability!


                                                                     Political stability!  
                                                                         Rey Marfil



Tila hindi na maiiwasan ang pagporma ng ilang pulitiko at kanilang mga kaalyado para sa 2016 presidential election.

At kahit hindi naman kasali o kakandidato si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa nabanggit na halalan, mukhang idadamay siya sa bangayan ng mga naghahangad na pumalit sa kanyang puwesto sa Palasyo.

Kahit ilang beses nang binanggit ng MalacaƱang na wala pa sa isip nila ngayon ang 2016 elections dahil abala sila sa pagpapatupad ng mga proyekto at programa ng gobyerno, panaka-nakang may nagbabato ng kritisismo at intriga laban kay PNoy.

Gaya na lamang ng isinusulong na Charter change o planong pag-amyenda sa economic provisions ng Saligang Batas ng bansa. Kahit nagdeklara na ang Pangulo ng pagtutol sa naturang hakbangin, may nagpipilit pa rin na si PNoy daw ang promotor sa ginagawang ito ng liderato ni Speaker Feliciano Belmonte Jr.

Matapos ang alegasyon na may sikretong basbas daw ni PNoy ang Cha-cha move, ngayon naman ay may nang-iintriga na ginagawa ng mga kongresista ang Cha-cha para magtagal daw sa kapangyarihan ang kasalukuyang administrasyon kahit matapos na ang termino ni Aquino sa 2016.

Tila nakalimutan nila ang dating pahayag ng Palasyo na tiyak na bababa sa puwesto ang Pangulo pagtapos ng termino nito sa June 2016.

At hindi gaya ng mga nagdaang presidente na lantaran ang pagpabor sa Chacha, si PNoy, malinaw ang posisyon kontra sa paggalaw ng Saligang Batas kahit pa sinasabing economic provisions lang ang hihimayin at hindi kasama ang political gaya ng pag-alis ng term limits.

***

Pero bukod sa isyu ng Chacha, kinakaladkad ng mga mambabatas si PNoy sa ibang panukalang tinatakay nila kay Freedom of Information (FOI) bill, na nais nilang pasertipikahan urgent bill para mapabilis ang pagpasa.

Ngunit dahil hindi pabor ang Malacanang na sertipikahan ito na urgent bill para matalakay ng husto, kung ano-anong kritisismo na naman ang ibinabato sa pangulo.

May nag-aakusa na hindi raw seryoso si PNoy sa kampanya kontra sa katiwalian at kung ano-ano pa.  Mukhang nakalimutan din nila ang posisyon dito ng gobyernong Aquino na kailangang dumaan sa masusing pag-aaral ang panukalang batas para matiyak na hindi malalagay sa alanganin ang seguridad ng bansa.

Sa dalawang usapin na ito na idinadaan sa proseso ng lehislatura, trabaho ito ng mga mambabatas sa Kamara at Senado. Kapag nakialam dito ang Palasyo, tiyak na may magsasabing  nagdidikta si PNoy sa mga mambabatas.
Ngayong hinahayaan niya ang mga mambabatas na gawin ang trabaho nila, may pumupuna pa rin sa pangulo.

Maging sa pagpapasya at estilo ng pamamahala ni PNoy, mayroon ding pumipintas. May nagsasabing “matigas daw ang ulo” ng pangulo.
Hindi kaya ito’y dahil hindi pinakinggan ang payo niya na magpatalsik ng opisyal sa gobyerno? O baka naman may hiniling na hindi napagbigyan ng pangulo?

Pero anuman ang mga kritisismo at tawag na gawin nila sa estilo ng pamamahala ni PNoy, hindi nila maaalis ang katotohanan na bumuti ang lagay ng ekonomiya ng bansa.

Bukod diyan, nagbalik ang tiwala ng mga dayuhang negosyante at namumuhunan dahil sa ipinatutupad na reporma ng pamahalaan kontra sa katiwalian. At higit sa lahat, matatag at mayroong political stability ang Pilipinas kaya maayos ang takbo ng pamamahala.

Sa huli, alin ba ang mas mabuti? Ang presidente na hindi nag-iisip at sunud-sunuran na lang sa dikta at bulong ng iba? O presidente na inaalaman ang lahat at nagpapasya kung ano ang sa tingin niya ang nararapat kahit pa masabihan siyang matigas ang ulo? Doon na ko sa huli.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy nyo”(mgakurimaw.blogspot.com

Monday, March 17, 2014

Sino ang dapat mahiya?


                                                               Sino ang dapat mahiya?
                                                                          Rey Marfil

Dalawang isyu tungkol sa batas at kahihiyan ang bumandera sa media; ang isa ay tungkol sa isang magnanakaw umano ng tuyo na nahuli at ipinarada sa pelengke; at ang isa ay tungkol sa ipinalabas na ads o anunsyo ng Bureau of Internal Revenue (BIR) tungkol sa mga doktor at iba pang propesyunal na hindi nagbabayad ng tamang buwis.

Sa dalawang paksa, parehong may mga pumalag sa paggamit ng taktikang pagpapahiya para maipatupad ang batas. Kung tutuusin, walang mairereklamong diskriminasyon ang mga bundat na kurimaw sa kanto dahil parehong swak sa banga ang mayaman at mahirap sa magkaibang uri ng “shame campaign”.

Sa “shame campaign” na ipinatupad ng mayor ng Tanauan, Batangas sa nahuling magnanakaw daw ng tuyo, “ipinahiya” ito sa pamamagitan ng pagparada sa kanya sa palengke habang may karatulang nakasulat na “magnanakaw ako”.

Hindi lang iyon, para rin siyang Hawaiian dancer dahil isinukbit sa kanyang baywang ang ilang piraso ng tuyo na kanyang ninakaw sa isang kawawang tindera. Habang naglalakad, ipinapasigaw din sa kanya ang kanilang kasalanan sa pagkulimbat ng mga tuyo.

Marami ang nagalit sa “shame campaign” ng mayor ng Tanauan dahil nilabag daw nito ang karapatang pantao ng tirador ng tuyo. Kumalat din kasi sa Facebook ang video nang ginawang pagpataw ng parusa sa lalaki.

Pero kung may mga nagalit, marami rin ang natuwa. Dapat lang daw ang parusang sinapit ng suspek para hindi na umulit at hindi na rin pamarisan ng iba. Sa ibang mga kaso, madalas kasing nakakalaya ang mga nahuhuli sa tinatawag na “petty crime” gaya ng pagnanakaw, sa sandaling mahuli at maibalik nila ang kanilang ninakaw.

***

Isa pang pinag-usapan ay ang shame campaign ng BIR laban sa mga propesyunal na hindi nagbabayad ng tamang buwis. Sa inilabas kasing print ad o anunsyo ng BIR, ipinakita ang larawan ng isang “tila” doktor” na nakasampa sa isang “tila” guro.

Ang nais ipahiwatig ng ads, higit na nagbabayad ng tama ang mga guro na buwanan ang sahod, kumpara sa mga propesyunal gaya ng mga doktor na higit na malaki ang suweldo mula sa kanilang mga pasyente.

Ang anunsyo ay ikinagalit ng mga nasa medical profession dahil tila napag-initan daw sila. Pero ang tanong, totoo ba o hindi ang nais ipahiwatig ng BIR na may mga doktor at mga propesyunal na nagpapalusot sa pagbabayad ng tamang buwis? Ang sagot at inamin din naman ng ilang prospesyunal, totoo.

May kasabihan nga na, “the truth hurts”. Kung ikaw ay propesyunal na nagbabayad ng tamang buwis, bakit ka masasaktan? Kawawa naman ang mga karaniwang manggagawa na buwanan o kinsenas na ang suweldo, na bago pa man lumapag sa palad nila ang perang pinag­hirapan nila ay nakaltas na ang buwis na para sa gobyerno.

Pero ang ibang propesyunal na trabaho ay magbigay ng kanilang kaalaman at serbisyo, hindi lubos na namo-monitor ang kanilang buong kita kaya naman nakakapag­palusot sa buwis. At ang ganyang sistema, pasok sa “utak wang-wang” o panggugulang na nais ituwid ng administrasyong Aquino.

Sa usaping ito ng “shame campaign”, dapat lang mahiya ang mga “tinatamaan” ng hiya kung sila ay may nilalabag o hindi sila marunong sumunod sa batas. Dito akma rin ang kasabihan na, “bato-bato sa langit, ‘pag tinamaan, sapul!” Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, March 14, 2014

Amoy 2016!

               
                                                                    Amoy 2016!  
                                                                    Rey Marfil


Dalawang taon pa ang layo ng susunod na pampanguluhang halalan sa 2016, pero daig pa nito ang panahon ng Amihan dahil kahit barado ang magkabilang butas ng iyong ilong ay amoy na amoy mo ang simoy ng pulitika para sa nabanggit na halalan.

Pero bakit nga ba parang alimuom na sumingaw ngayon ang mga nagpopormahan sa 2016 presidential poll gayung dalawang taon pa naman sa puwesto si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino?

Sabi ng ating kurimaw sa pantalan, magsasagawa ng field work ang isang survey firm tungkol sa kung sino sa mga pulitiko ngayon ang nasasaisip ng mga tao na maaaring maisip nilang puwedeng maging kandidato bilang presidente at bise presidente.

Kumbaga, batid ng ilang pulitiko at mga opisyal ngayon na magkakaroon ng survey kaya naman may mga nag-iingay at nagpapatunog ng kanilang mga pangalan sa pag-asam na baka mabanggit ng mga mase-survey ang kanilang pangalan ito na rin nga naman kung maagang lulutang ang iyong pangalan bilang presidentiable o vice presidentiable.

Ang iba naman kasi diyan, puwesto ng senador talaga ang ambisyon at nagbabaka-sakali lang na baka maging matunog din ang pangalan nila sa mas mataas na posisyon bilang presidente o kaya naman ay bise presidente. Tandaan natin na parehong ibinoboto ng buong bansa ang tatlong nabanggit na national positions.

At dahil kailangan nilang mag-ingay alang-alang sa survey, may ibang bumabanat sa kapwa nila opisyal, may pumipitik sa kanilang mga kalaban at may nagpapa-cute lang para maka-landing sa balita ang kanilang istorya.

Hindi nga naman maganda kung lalabas na ang survey ng mga tinatawag na “presidentiable” at “vice presidentiable” eh wala ang pangalan nila. Sakaling lumabas man ang pangalan nila ay parang buteteng nalunod dahil nasa dulong ilalim ang puwesto at sobrang layo ng rating sa mga matu­tunog ang pangalan.

***

Ang mahirap lang nito, kahit hindi naman kandidato si PNoy at bababa sa puwesto sa 2016, pati siya ay nahahagip ng mga banatan ng mga nais pumorma sa panguluhang halalan.

Nandiyan na pilit na idinadawit siya sa Charter Change move sa Kongreso kahit pa ilang beses nang sinabi ng Pa­ngulo na hindi siya naniniwala na kailangan sa ngayon na amyendahan ang Saligang Batas.

Tila may smear campaign pa sa Kongreso dahil sa ipinaka­kalat umanong form sa mga kongresista na galing daw sa Palasyo.

Ang form ay magiging listahan daw ng mga proyekto na nais hingin ng kongresista sa Pangulo. Hindi lang ‘yan, unlimited pa raw ang pondong puwedeng hingin ng kongresista sa MalacaƱang para sa proyekto nito.

Pero mahirap paniwalaan ang naturang form na galing daw sa Palasyo dahil bukod sa blangko ang mga ito, wala namang kongresista kahit na ang mga taga-oposisyon na nagsabing totoo ang listahang iyon ng mga proyekto.

Aba’y kahit magtataho na marunong mag-computer ay maaaring makagawa ng form, makapagpa-Xerox at sabihin ito po’y galing sa MalacaƱang.

Pati nga ang P2 bilyong pondong alokasyon para sa mga infrastructure projects sa Tarlac na lalawigan ni PNoy ay binigyan ng kulay. May mga nais palabasin na nabigyan ng malaking pondo ang Tarlac dahil sa paboritismo dahil nga doon nagmula ang Pangulo.

Subalit sa paliwanag ng Palasyo, ang Public Works and Highways Department ang nagrekomenda ng pondo at mga proyekto, inendorso ng Department of Budget and Management at saka lang inaprubahan ni PNoy.

Kung tutuusin, baka nga ngayon lang nabigyan ng sapat na pansin ang infra projects sa Tarlac dahil alalahanin natin na oposisyon si PNoy sa maraming nagdaang taon at wala siyang nakuhang PDAF fund na inilalaan sa mga proyekto.

Bukod diyan, ano naman ang masama na maglaan ng ma­laking pondo sa isang lalawigan kung nagamit naman ito ng tama at napakinabangan ng wasto ng mga tao? Ang masama, kung nawaldas lang ang pondo at nag-all the way sa bulsa ng iilan.

Gayunman, panimula pa lang ito ng pormahan at banga­yan ng mga pulitiko. At habang papalapit ang 2016, asa­han na titindi at iinit pa ang birahan, at madadamay ang mga wala namang kinalaman gaya ni PNoy na bababa sa puwesto pagsapit ng nabanggit na taon.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, March 12, 2014

Ang pangarap!


                                                                   Ang pangarap!
                                                                    Rey Marfil



Talaga namang walang imposible.

Sa katatapos na prestihiyosong Oscar award sa Amerika, ang awiting “Let It Go”, na nilikha ng Filipino-Ame­rican na si Robert Lopez, ang itinanghal na Best Song.

Ang parangal na nakamit ni Lopez ay isa lamang sa maraming pagkilala na nakamit ng kanyang nilikhang awitin na naging theme song ng pumatok ding animated movie na “Frozen”.

Simple lang ang mensahe ni Lopez sa mga ka-dugo niyang Pinoy nang tanggapin ang pagkilala sa kanyang nilikhang awitin, kahit na “Let It Go”, ang titulo nito, “don’t let go” naman ang kanyang payo sa mga may pa­ngarap na nais makamit.

Sino nga ba naman ang mag-aakala na darating ang araw na isang ka-dugong Pinoy natin ang tatayo sa harapan ng entablado ng Oscar at tatanggap ng napakasikat na tropeo? Aba’y ilang beses na rin nating inasam-asam na sana ay may pelikulang Pinoy na manalo rin bilang Best Foreign Movie sa Oscar di ba?
Kung hindi pa ito nangyayari ngayon, malay natin sa susunod na taon o sa mga susunod pang taon. Ang maha­laga, “don’t let it go” sa ating mga pangarap ang hangarin.

***

Gaya ng ating basketball team na Gilas Pilipinas na sasabak sa FIBA World Cup sa Spain ngayong taon -- marami ang nagsasabi na mahihirapan ang Pilipinas muli sa nabanggit na torneo pero ngayon ay isa na itong katuparan.

Ganundin ang ating football team na Azkals na unti-unting lumikha ng pangalan sa naturang larangan ng isport at isa na ngayon sa mga pinapangilagang koponan sa Asya. 

Mula sa kalye, sasabak ang tropa natin sa AFP Challenge Cup sa Maldives at kapag pinalad ay sa AFC Asian Cup sa Australia.

Isama na rin natin ang nagawa ni Michael Martinez na naging kauna-unahang Pinoy na sumabak at nakapasok pa sa finals ng 2014 Winter Olympics. Mantaking mong wala namang winter sa Pilipinas pero napakahusay niya sa ice skating. Take note: binibili sa Pilipinas ang yelo at pampalamig sa beer!

Sadyang may pag-asa ang buhay at nagiging posible ang imposible kapag pinagsikapan. Kaya naman hindi kataka-taka na kahit kinabayo tayo ng kalamidad at mga problema noong 2013, maaliwas pa rin ang pananaw na­ting mga Pinoy ngayong 2014.

Batay sa datos ng Social Weather Station na gumawa ng nabanggit na survey noong Disyembre 2013, +33 ang net ratings ng mga Pinoy na puno ng pag-asa nga­yong 2014.

Ang magandang pananaw ng mga Pinoy para sa kanilang kabuhayan ay kapuna-puna raw na nananati­ling mataas mula pa noong June 2011, at iyan ay sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino.

Kung tutuusin, maging si PNoy ay tila humahawak din sa katagang “don’t let it go.” Bilang Pangulo at li­der ng bansa, natural lang na siya ang unang makakaramdam ng problema dahil siya ang maghahanap ng lunas sa problema.

Pero papaano siya magle-let go kung ang mga kababayang boss niya na mga mamamayang Pilipino ay buhay na buhay ang pag-asa sa ilalim ng kanyang liderato.

Inakala natin noon na wala nang pag-asang mareporma ang bansa, pero nangyari iyon sa ilalim ng pamamahala ni PNoy, kaya tunay na walang imposible basta sama-sama at nagkakaisa. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, March 10, 2014

Tinutulungan


                                                                      Tinutulungan  
                                                                     REY MARFIL


Magandang balita ang ulat ng Department of Agrarian Reform (DAR) kaugnay sa kanilang pamamahagi kamakailan ng kabuuang 756 ektaryang lupang agrikultural sa Zamboanga del Norte upang lalong mapabuti ang ka­buhayan ng mga magsasaka sa bansa.

Sa pamamagitan ni Agrarian Reform Sec. Virgilio R. de los Reyes, namahagi ang DAR ng kabuuang 464 certificates of land ownership award (CLOA) sa 394 agrarian reform beneficiaries (ARBs) mula sa mga munisipalidad ng Godod, Sirawai, Siayan, Sindangan at Dapitan City.

Ibinigay ang 297 CLOAs kay Felix Ligutom na kumakatawan sa Godod town, 34 CLOAs kay Majid Baid para sa Sirawai; 81 CLOAs kay Eufrocina Quitong para sa Siayan at Sindangan; at 52 CLOAs kay Abraham Bayron para sa naman sa ARBs ng Dapitan City.

Dinaluhan mismo ang distribusyon ng CLOA ng mga nangungunang opisyal sa lalawigan katulad nina Zamboanga del Norte Governor Roberto Uy, Dipolog City Mayor Evelyn Uy, Regional Director Julita Ragandang, at mga magsasaka at ibang stakeholders ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Pinasinayaan rin ng DAR ang groundbreaking ng P58 mil­yong rehabilitation project ng Dipolog Communal Irrigation System sa Sitio Banicapt, Galas sa Dipolog City.

Pinondohan ang proyekto ng Agrarian Reform Communities Project phase II (ARCP2) na may 50% counterpart na pondo sa lokal na pamahalaan ng Dipolog at inaasahang matatapos sa loob ng 210 araw.

Malaking bagay ang programa dahil inaasahang do­doblehin nito ang kakayahan ng mga magsasaka na magtanim para lalong umasenso ang kanilang pamumuhay sa pamamagitan ng karagdagang ani.

Makikinabang sa proyekto ang 486 ARBs sa lugar at ma­ging ang mga residente ng kalapit na mga barangay.

Dadaloy ang irigasyon sa Barangay Gulayon, Sta. Felomina, Galas, Olingan, Punta at Sinaman.

Pinapatunayan ng mga programang ito ang dedikasyon ng pamahalaan na magkaroon ng reporma sa lupa sa bansa upang matulungan at lalong mapabuti ang kalagayan ng mga magsasaka sa buong bansa.

***

Magandang balita ang paniniyak ni Energy Sec. Carlos Jericho Petilla na ibabalik ang kabuuan ng nawalang kuryente sa Cateel, Davao Oriental sa loob ng 45 araw matapos manalasa doon ang bagyong Pablo noong Disyembre 2012.

Ginawa ni Petilla ang paniniyak alinsunod sa naging direktiba ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na tinalakay ang problema matapos bumisita sa Tacloban City kamakailan.

Magandang naging mabilis ang pagkilos ni Petilla sa gitna ng pagkadismaya ng Pangulo sa sitwasyon dahil na rin sa turuan ng ilang opisyal.

Malinaw na ginagawa ng Pangulo ang lahat ng makakaya nito upang mahanapan ng solusyon ang mga problema na dulot ng mga kalamidad sa bansa.

At kapuri-puri rin ang ginawa ng mga opisyal sa pangu­nguna ni Philippine Ambassador to Malaysia Eduardo Malaya na nagtrabaho para sa pagpapauwi sa hindi dokumentadong libu-libo nating kababayan mula sa Malaysia.

Sa pamamagitan ng apela ng administrasyong Aquino, mahigit 7,000 undocumented Filipinos ang boluntaryong sumailalim sa voluntary repatriation program.

Tinatayang mayroong 8,000 hanggang 10,000 Filipinos ang nagtatrabaho o nananatili ng iligal sa Malaysia.

Nakipagtulungan ang embahada ng bansa sa mga opis­yal ng Malaysia para matiyak ang kaligtasan ng mga Filipino na iligal na nananatili sa Malaysia sa halip na hulihin at i­bilanggo ang mga ito.
Nagtungo ang ating mga kababayan sa tanggapan ni Malaya para makakuha ng exit permit upang makabalik ang mga ito sa Pilipinas nang hindi nakukulong ng kahit isang araw man lamang.

Magandang balita rin ang ulat ni Malaya kaugnay sa pagkakaloob ng pamahalaan ng legal na tulong sa ating mga kababayang nahaharap sa paglilitis sa Malaysia kaugnay sa naganap na karahasan sa Lahad Datu noong nakaraang taon.

Bukod sa regular na pagbisita ng mga opisyal ng Philippine Consul sa bilangguan sa Malaysia, inihayag ni Malaya na kinuha ng pamahalaan ang serbisyo ng international criminal law expert para saklolohan ang mga Filipinos.

Sa kabila ng apela ng administrasyong Aquino na sumuko ang mga loyalista, nanindigan ang pamahalaan na dapat pa ring tulu­ngan ang mga ito upang isulong ang kanilang karapatan sa due process.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, March 7, 2014

Hidwaan magpakailanman?




                                                          Hidwaan magpakailanman?
                                                                      Rey Marfil

Sa kanilang House Resolution No. 796, nanawagan ang ­apat na mambabatas sa United Nations (UN) Arbitration tribunal na madaliin ang pagresolba sa petisyong inihain ng Gobyernong Pilipinas hinggil sa patuloy na pang-aangkin ng teritoryo sa dakong West Philippine Sea (WPS) ng mga karatig bansa.

Ang hirit nina Representatives Ben Evardone (Eastern Samar), Cesar Sarmiento (Catanduanes), Dakila Carlo Cua (Quirino) at Rene Relampagos (Bohol) na magdudulot ng tuluyang kapayapaan sa rehiyong South East Asia (SEA) ang agarang pag-ayos sa isyu.

Nanawagan din sila sa mga kaalyado ng Pilipinas na suportahan ang nasabing petisyon na inihain alinsunod sa UN Convention on the Law of the Seas o UNCLOS.

Ang UNCLOS ay batas internasyunal na napagkasunduang ipatupad sa halos lahat ng mga bansa, kasama na ang Tsina at Pilipinas, na pumirma dito.

Nakapaloob sa UNCLOS ang proseso sa paghahain ng petisyon hinggil sa isyung pang-teritoryo tulad ng inihain ng Gobyernong Pilipinas noong Enero 2013.

Nakasaad sa UNCLOS at sa UN Charter, ang saligang batas ng mga miyembro ng UN, na ang mga bansang kasapi nito ay naniniwalang pantay-pantay sa karapatan. At obligasyon.

Nagmamando ang UNCLOS at UN Charter na obligasyon ng lahat ng miyembro ng UN na panatilihin ang kapayapaan sa kani-kanilang teritoryo, rehiyon at buong mundo. Walang lamangan, walang ‘bullying’.

***

Simple lang ang isyu: alam ng mga mambabatas na ang Resolution nila ay pawang suntok sa buwan. Ngunit, kaila­ngang subukan.

Alam nilang ang petisyong inihain ng Pilipinas ay mareresolba lamang ng naturang korte kapag ang bansang kinasuhan, gaya ng Tsina, ay magbibigay ng pahintulot o consent dito. Alam din nilang tutol ang Tsina sa inihaing petis­yon ng Gobyernong Pilipinas. At sa pananaw ni Mang Gus­ting, napapanahon ang Resolution 796 ng mga mambabatas.

Una, ang Resolution 796 ay pagpaparamdam ng suporta ng mga mambabatas -- apat sa ngayon -- sa isang ka-pantay na sangay ng gobyerno, ang Ehekutibo. Klaro ang mensahe ng apat na mambabatas na hindi nag-iisa ang Ehekutibo sa laban para sa soberenya.

Sa harap ng mga napapabalitang ‘di pagkakaunawaan ng mga ahensyang ito, kailangang maramdaman at makita ng sambayanan ang pagkakaisa ng mga lider ng bansa sa pagtutol sa panlalamang ng Tsina.
Walang iwanan, lalo na’t suportado ng karamihan ng mga kababayan natin ang posisyon ng gobyerno sa isyung ito, ­ayon sa pinakabagong SWS survey.

Pangalawa, ang paghimok sa Korte ng UN na madaliin ang kaso ng Pilipinas ay pagpapakita ng seryosong pagrespeto ng mga mambabatas sa binitawang commitment ng gobyerno na mapanatili ang kapayapaan sa Rehiyong SEA sa pamamagitan ng pagsunod sa batas internasyunal.

Pangatlo, ang paghingi ng suporta sa petisyon ng Pilipinas sa mga kaalyado nito ay pagsukat sa lalim ng kanilang paniniwala sa UNCLOS, na nagmamando ng mapayapang pagresolba sa isyung pang-teritoryo sa ilalim ng batas internasyunal.

Kumbaga, ang Resolution ay paalala at panawagan na rin sa Beijing na sundin nito ang kanyang pinirmahang UNCLOS at nang maagang maayos ang palala nang palalang tensyon sa rehiyon.

Mahigit isang taon nang nakahain ang petisyon sa korte ng UN ngunit tutol pa rin ang Tsina dito.

Pang-apat, ang Resolution ay paalala sa lahat na ang patuloy na tensyon sa WPS ay kumakain ng oras at pondo ng kada bansang kalahok dito, kung kaya’t kailangan nang maresolba ang problemang ito sa lalong madaling panahon.

Habang tumatagal ang tensyon sa WPS, kapansin-pansin ang pagbabago ng spending priorities ng mga bansang involved dito.

Ilang mga investor na rin ang nawalan ng interes na magnegosyo dito sa Pilipinas dahil sa tensyon sa WPS. Pinaniniwalaang mayaman sa mineral at langis at sagana sa yamang-dagat ang pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.  Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, March 5, 2014

Fish pa rin tayo!

         
                                                                  Fish pa rin tayo!  
                                                                      Rey Marfil

Sang-ayon tayo sa maagap na pagkilos ng Akbayan Party-List group para harangin ang inihaing petisyon ng Meralco sa Energy Regulatory Commission (ERC) na magpatupad ng P5.33 dagdag-singil sa kuryente.

Kahapon ay maagap na naghain ng petition to intervene and oppose sa ERC ang Akbayan para kontrahin ang aplikasyon ng Meralco.

Salamat na lamang at may grupong aktibo sa pagkontra sa mga aksyong ginagawa ng Meralco dahil kung hindi magigising na lamang muli ang mga consumers ng electric company na sobra-sobrang singil na naman ang ipinapataw.

Kanya nga lamang, sana ay maging patas na ang ERC sa pagtugon sa petisyon at isalang-alang ang kapakanan ng publiko at hindi ang Meralco na wala nang ginawa kundi gatasan ang mga consumers nito.

Umaasa kaming hindi maging makatwiran ang ilalabas na desisyon ng ERC sa petisyong ito ng Meralco lalo na’t masyadong katawa-tawa ang mga dahilan ng kanilang hinihirit na dagdag singil na pagbawi sa P2B gastusin sa fuel cost at P9B deferred generation cost.


Monday, March 3, 2014

Malayo na!


                                                                     Malayo na!
                                                                      Rey Marfil

Laging sinisiguro ng administrasyong Aquino ang proteksyon at kagalingan ng ating mga kababayang overseas Filipino workers (OFWs) na nakabase sa Saudi Arabia matapos maiulat na ipatutupad doon ang tinatawag na mega-recruitment system.

Sa katunayan, magpapadala si Department of Labor and Employment (DOLE) Sec. Rosalinda Baldoz ng “technical team” sa Saudi Arabia upang aralin ang bagong sistemang ipatutupad.

Sa mga naunang ulat, nagpahayag ng pangamba ang ilang mga kumpanya sa recruitment industry na magiging “for rent” sa employers sa gobyerno at pribadong sektor ang OFWs na magtutungo sa Saudi Arabia.

Maraming sektor rin ang nangangamba na ididikta na lamang ng mga ito ang magiging suweldo ng OFWs.

Siyempre hindi naman papasok sa negosasyon ang pamahalaan na magreresulta upang bumaba ang proteksyon ng ating OFWs.

Gagawin ng administrasyong Aquino ang lahat ng makakaya upang garantiyahan pa rin ang karapatan at kagalingan ng ating OFWs bago man o luma ang sistemang ipatutupad.

Sa ngayon, kailangan muna nating maghintay sa ulat ng grupong ipapadala ng DOLE para mag-aral ng bagong patakaran at sistema sa Saudi Arabia.

Pero umaasa tayo ng magandang balita lalo’t kagalingan ng interes lagi ang ikinukonsidera ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino para sa ating OFWs.

***

Malaki na talaga ang magandang pagbabagong nagawa ng pamahalan kaugnay sa kondisyon ng Autonomous Region in Mindanao (ARMM) sa ilalim ng bagong liderato na responsable sa implementasyon ng pangunahing mga imprastraktura, programang agrikultural at kapayapaan at kaayusan.

Susi dito ang matuwid na daan at malinis na pamamahala ni PNoy na ipinatutupad ni ARMM Gov. Mujiv Hataman.

Sa kanyang talumpati kamakailan sa 2nd ARMM LGU Summit on Governance and Development sa Waterfront Insular Hotel, ipinagmalaki ng Pangulo ang tagumpay ng bagong liderato ng ARMM sa paglaban sa katiwalian, pagsulong ng serbisyo publiko, at pagmintina ng kapayapaan at kaayusan.

Dahil sa ipinatupad na synchronized election sa ARMM noong 2013, napababa sa isang presinto ang nagkaroon ng failure of election mula sa 17 munisipalidad na nakapagtala ng failure of election noong 2007.

Napababa rin sa anim na kaso mula sa 33 insidente noong 2010 ang naitalang karahasang konektado sa halalan ng Philippine National Police (PNP).

Noong 2013, nasaksihan rin ang malaking positibong pagbabago sa pagkakaloob ng serbisyong kalusugan.

Lumaki rin ang bilang ng mga mahihirap na pamilyang nakatanggap sa pamahalaan ng suporta sa ilalim ng Pan­tawid Pamilyang Pilipino Program at target ngayong 2014 na makinabang ang 389,656 mag-anak sa ARMM sa ilalim ng programa.

Ibig sabihin, maraming mga lugar sa Mindanao ang nabibigyan na ngayon ng serbisyong kalusugan at libreng edukasyon na kabilang sa pangunahing mga serbisyong tina­tamasa ng maraming mga Pilipino sa ibang mga lugar sa bansa.

Sa ulat ni Hataman sa Pangulo, kapuri-puri rin naman ang paglaki ng pamumuhunan sa ARMMM matapos maitala ang P1.46 bilyon noong 2013 na 157 porsiyentong mas mataas kumpara sa P569 milyong naitala noong 2012.

Bahagi ng pamumuhunang ito ang siyam na milyong litro ng oil depot sa Port of Polloc sa Maguindanao na inaasahang magpapababa sa presyo ng mga produktong petrolyo sa Gitnang Mindanao.

Tumaas rin noong 2013 ang koleksyon ng buwis nang ihayag ng Office of the Regional Treasurer ang P1.25 bilyon kumpara sa P1.24 bilyong target ng nasabing taon.

Sa ilalim ng matagumpay na Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA) at pakikipagtulungan ng ARMM, nakapaglaan ang pamahalaan ng P1.49 bilyon noong 2013.

Asahan pa natin ang mas magandang ARMM na kapaki-pakinabang sa mga tao bago bumaba sa kapangyarihan si Pangulong Aquino at Hataman sa kapangyarihan sa Hunyo 30, 2016. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)