Friday, February 28, 2014
Pinapalakas!
Pinapalakas!
Siguradong mapapalakas ng pagbisita sa bansa ni United States (US) President Barack Obama ang panlabas na seguridad ng Pilipinas sa gitna ng agresibong pagpostura ng China sa agawan sa teritoryo sa West Philippine Sea.
Darating sa Pilipinas si Obama sa katapusan ng Abril alinsunod sa imbitasyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino.
Nabatid sa Department of Foreign Affairs (DFA) na makikipagkita si Pangulong Obama kay Pangulong Aquino upang talakayin ang mga paraan para lalong mapalakas ang alyansa ng Pilipinas at US, kabilang ang pagpapalawak ng seguridad, negosyo, at samahan ng mga tao.
Inaasahang magbibigay ng panibagong lakas at sigla sa relasyon ng dalawang bansa ang pagbisita ni Pangulong Obama na nagsimula sa malalim na kasaysayan ng kultura.
***
Patuloy na tutulungan ng administrasyong Aquino ang survivors ni super typhoon Yolanda tungo sa daan ng pagbangon na nananatiling isa pa ring malayong paglalakbay sa ngayon.
Magandang balita ito sa lahat ng survivors na nararamdaman pa rin ang tindi ng mga epekto ng delubyong nanalasa.
Kitang-kita na talagang hindi nangunguyakoy ang pamahalaan sa pagkakaloob ng ayuda at tulong sa mga napinsala at bukas sa mga suhestiyon kung papaano lalong mapapabuti ang pagtulong sa mga tao.
Desidido ang pamahalaan na isulong ang malawakang rehabilitasyon ng 171 munisipalidad at lungsod na naapektuhan ng kalamidad.
Mahalaga rin para sa mga Filipino na isapraktika at pagningasin pa ang espiritu ng 1986 EDSA People Power revolt na ginunita ang ika-28 anibersaryo sa noong Pebrero 25 sa pamamagitan ng sama-samang pagdamay at pagtulong sa mga nangangailangan.
Lubha naman talagang napakalaki ng pinsala at labis na kailangan ng pamahalaan ang lahat ng makukuha nitong mga tulong mula sa mga tao at donors sa internasyunal na komunidad.
Uunahin na ni Presidential Assistant on Rehabilitation and Recovery (PARR) Sec. Panfilo M. Lacson ang rehabilitasyon ng local government units (LGUs) na nakagawa na ng kanilang post-disaster needs assessment analysis at rehabilitation plan.
Nakikipagtulungan na si Lacson, dating senador, sa Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of the Interior and Local Government (DILG), at National Housing Authority (NHA) sa paghahanda ng relokasyon at konstruksiyon ng permanenteng mga pabahay at pasilidad ng LGUs.
Patuloy ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pagtugon sa pangangailangan ng mga pamilya na nakatira sa pansamantalang pabahay.
Nakabantay din ang mga doktor at paramedics ng Department of Health (DOH) laban sa posibleng pagkalat ng mga sakit.
Ipinagkakaloob naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang cash-for-work at temporary employment na oportunidad sa mga tao habang paglinang sa kasanayan ng mga manggagawa ang itinuturo ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Laging nandito ang administrasyong Aquino para magsilbi at tulungan ang mga nabiktima ng delubyo upang makabalik sila sa normal na pamumuhay.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
Wednesday, February 26, 2014
Gets mo ba ang Edsa?
Gets mo ba ang Edsa?
Rey Marfil
Ano ‘yun? Kapag ito ang sagot mo kapag tinanong ka tungkol sa Edsa People Power 1 revolution, malamang hindi ka pa ipinapanganak noon, o mahina ang history mo, o pwede ring sadya kang walang paki sa nangyari noong Pebrero 1986.
Ngayong taon, sa unang pagkakataon ay ginawa sa labas ng Metro Manila ang paggunita sa makasaysayang rebolusyon noong 1986, kung saan mapayapang nag-aklas at napatalsik ng mga tao ang diktaturyang rehimen ni Ferdinand Marcos Sr., na nanungkulan sa Pilipinas sa loob ng may 20 taon.
Mantakin mo nga naman, 28 taon na pala ang nakararaan nang protektahan ng mga walang armas na mga sibilyan ang tropa ng mga sundalo at pulis na kumalas ng suporta kay Marcos na nagkuta sa Kampo Aguinaldo sa Edsa.
Sa tagal na ng panahon, maaaring marami na nga sa mga kabataan ngayon ang hindi alam ang kasaysayan ng people power revolution na hinangaan ng buong mundo, at isinagawa na rin sa ibang bansa ng mga mamamayan nila na naghangad ng pagbabago sa kanilang gobyerno sa mapayapang paraan at walang pumapatak na dugo.
Ngayong taon, sa Cebu ginawa ang paggunita o reenactment ng “Salubungan”, o ang pagtatagpo ng puwersa ng sibilyan at sundalo para ipanawagan ang pagbaba sa kapangyarihan ni Marcos. Pero sa pagkakataon ngayon, may bagong rebolusyon ang dapat maganap; dapat magkaisa muli ang mga Pilipino sa pagtulong sa mga biktima ng kalamidad at paglaban pa rin sa kahirapan.
Isinagawa ang paggunita sa diwa ng Edsa 1 ngayong taon sa labas ng Metro Manila dahil pinili ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na makasama ang mga biktima ng bagyong Yolanda sa Bantayan Island sa Cebu.
Makikipagpulong din siya sa mga nakaligtas sa nabanggit na delubyo sa Leyte. Ayaw din kasi ng Malacañang na makadagdag pa sa matinding trapik ngayon sa Edsa kung doon nga naman magsasagawa ng “Salubungan” at programa sa Edsa Shrine.
***
Mahalagang malaman at manatili sa kaisipan ng bagong henerasyon ang diwa ng Edsa 1 People Power revolution dahil sila ang maituturing na nagmana ng pagkakaisa ng mga mamamayan na pumalag sa diktaduryang rehimen. Kung hindi nangyari ang mapayapang pag-aaklas, sino nga ba ang nakakaalam kung ano na ang kalagayan ng Pilipinas ngayon.
Ang kabataan ngayon ang magtuturo at magbibigay ng paalala sa susunod na henerasyon tungkol sa pagkakaisa ng mga mamamayan upang makamit natin ang demokrasya. Mahalagang magpatuloy ang pagbibigay ng kaalaman sa mga kabataan tungkol sa diwa ng Edsa 1 People Power revolt hindi lang sa mga nasa Metro Manila, Visayas, kundi maging sa Mindanao at buong bansa.
Sa pabilis na paglipas ng panahon at pagkakaroon ng mga bagong pinagkakaabahalan ang mga kabataan, hindi dapat mawala sa kanilang kaalaman na minsan sa isang yugto ng kasaysayan ng Pilipinas ay nagtipun-tipon ang mga Pilipino, hindi magkakakilala, pero pinagbuklod ng iisang mithiin na ipaglaban ang tama, ang demokrasya at alisin ang diktaturyang rehimen para sa paghahangad na makapagsimulang muli ang bansa.
Sa ngayon, marahil sa kamalayan ng maraming kabataan na isang malawak na kalsada na ubod ng trapik at dinadaanan ng MRT ang Edsa. Pero sa pamamagitan ng patuloy na paggunita ng Edsa People Power 1 revolt, magi-gets din nila na higit pa sa kalsada at trapik ang nakatatak sa kalsadang ito. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
Monday, February 24, 2014
Political will!
Political will!
Rey Marfil
Sa loob ng susunod na mahigit na dalawang taon, masusubok ang pasensiya ng maraming motorista at mga pasahero dahil sa mga road construction projects na isasagawa sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila kabilang na ang EDSA na magsisimula ngayong linggo.
Mismong ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang nagbigay ng babala tungkol sa mabigat na daloy ng trapiko kaya naman abala rin sila sa paghahanap ng paraan para maibsan kahit papaano ang problema na ang kapalit naman ay ginhawa kapag natapos na ang mga proyekto.
Kabilang sa tinatayang 15 road projects na gagawin na kung hindi man magkakasabay-sabay ay magpapang-abot ay ang six-lane Metro Manila Skyway System na aabot na Balintawak, Quezon City hanggang sa Makati. Bukod pa riyan ang proyektong magdudugtong din sa North Expressway at South Expressway.
Ipikit ang mga mata at isipin na pagkaraan ng dalawang taon ay may iba nang kalsada na dadaanan sa ibabaw ng EDSA; hindi ba mapapangiti ang mga motorista at manlalakbay na sa ngayon ay laging may baon na isang sakong pasensiya dahil sa mabigat na daloy ng trapiko lalo na kung sasapit ang panahon ng Kapaskuhan at kaliwa’t kanan ang mga “sale” sa mga mall.
Batay sa isang pag-aaralan ng Japan International Cooperation Agency, tinatayang umaabot sa P2.4 bilyon ang potensiyal na kita na nawawala sa Pilipinas dahil sa trapik.
Hindi pa kasama riyan ang tinatawag na quality time na nawawala sa bawat miyembro ng pamilya na dapat kasama nila ang mga mahal sa buhay pero nasasayang lang sa kalye bunga ng trapik.
Ngunit bago natin matikman ang ginhawang idudulot ng mga proyektong ito, tiyak na marami sa ating mga kababayan ang mapapakamot ng batok at mapapamura dahil sa posibleng mabigat na daloy ng trapiko na mararanasan sa EDSA at iba pang lansangan sa Metro Manila na maaapektuhan ng konstruksiyon.
Naghahanap naman ng iba’t ibang paraan ang MMDA at ibang ahensiya ng gobyerno kung papaano maiibsan ang mabigat na daloy ng trapiko. Kabilang na rito ang pagtukoy sa mga alternatibong daanan ng mga sasakyan, paggamit muli ng Pasig River Ferry system, pagpapatupad ng mas mahigpit na disiplina sa kalye laban sa mga pasaway na motorista, at posibleng bawasan ang araw sa pasok sa mga paaralan at unibersidad na maaaring maapektuhan ng trapiko.
***
Napag-usapan ang konstruksyon, may mga mungkahi rin na gawin din na four-day work-week sa mga trabahador o kaya naman magpabigay ng flexible time ang mga kompanya sa kanilang mga trabahador na maaaring ma-late sa pasok sa trabaho dahil sa trapik.
Sa sitwasyong ito, mahalaga ang kooperasyon ng pribadong sektor upang makaagapay ang ating mga mag-aaral at manggagawa sa anumang kahihinatnan ng mga gagawing road projects.
Maganda rin sana kung magkakaroon o maglalagay ng pahingahan at “shower room” ang mga kompanya o malls para sa mga maglalakbay na gagamit na lamang ng bisekleta kapag papasok sa trabaho o eskwelahan.
Mahirap din naman na papasok sila na amoy usok at nanggigitata ang hitsura dahil sa isang oras o kaya naman ay 30 minutong pagpadyak.
Matagal na nating inirereklamo ang trapiko sa Metro Manila at batid natin na isa sa mga solusyon nito ay pagkakaroon ng dagdag na kalsada na madadaanan ng mga dumadaming sasakyan.
Ngayon ay nagkaroon ng political will ang administrasyong Aquino na isulong ang mga proyektong ito dahil na rin sa suporta at tiwala ng mga pribadong kompanya na ipatupad at pondohan ang mga proyekto.
Ngayon na nakalatag na ang mga proyektong magiging daan tungo sa kaunlaran dahil susi rin ng masiglang kalakalan ang mahusay at mabilis na paglalakbay, kailangan ng mga mamamayan na magbayanihan at pagtiisan kung anuman ang panandaliang abala na ibibigay ng mga road construction projects na ang resulta naman ay pangmatagalang ginhawa sa ating lahat.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
Friday, February 21, 2014
Kakaiba si Mujiv!
Kakaiba si Mujiv!
ReyMarfil
Sa ginanap na ikalawang ARMM-LGU Summit on Governance and Development sa Davao City kamakailan, naging emosyunal si ARMM Gov. Mujiv Hataman sa kanyang talumpati dahil maaaring iyon na ang huling pagtitipon nilang mga dumalo sa pulong kasama si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino dahil na rin sa binubuong Bangsamoro Entity na papalit sa ARMM.
Hindi naman kataka-taka na maging emosyunal si Hataman dahil masasabing “baby” nila ni Pangulong Aquino ang ARMM sa aspeto na baguhin ang imahe ng rehiyon na nakilala noon bilang sentro ng dayaan at karahasan tuwing halalan.
Idagdag pa natin diyan ang kaliwa’t kanang alegasyon ng mga katiwalian at sandamakdak na “multo” -- mula sa mga ghost projects, ghost teachers, ghost students, ghost employees at kung anu-ano pang kalokohan na “ghostong” gawin ng mga kurakot na opisyal.
Pero mula nang italaga ni PNoy si Hataman bilang officer in charge sa ARMM, hanggang sa manalo na siya bilang gobernador sa nakaraang 2013 elections, malaki na ang pagbabagong naganap sa rehiyon.
Bukod na naging mapayapa ang mid-term at barangay elections, mistulang na-exorcise na rin ang mga multo.
Nakakasahod na oras ang mga kawani katulad ng mga guro, nababayaran na ang mga dapat na mabayarang kontribusyon, naipatupad ang mga programa at proyekto, at nanunumbalik na ang tiwala ng mga tao sa liderato ng gobyerno.
Ang pagkakaroon ng koleksiyon o kita ng ARMM noong 2013 na P1.25 bilyon, na mas mataas sa target ng Office of the Regional Treasurer na P1.24 bilyon, ay isang dahilan para bumilib nang lubos si PNoy sa pamamahala ni Hataman at mga opisyal nito sa pagpapatakbo sa rehiyon na ilang taong napabayaan ng mga nagdaang gobyerno at mga namahala sa kanila.
***
Idagdag pa na tinanggap ni Hataman ang pakiusap ni PNoy na pamunuan ang ARMM sa kabila ng kaalaman na hindi basta-basta ang mga taong maaari niyang makabangga sa ipatutupad niyang mga reporma upang tumino ang pamamalakad sa rehiyon.
Higit sa lahat, batid ni Hataman na hindi gaya ng mga nagdaang pinuno ng ARMM na tila for life ang nais na paghawak sa kapangyarihan, kay Hataman ay maliwanag pa sa sikat ng araw ang plano ni PNoy na isulong ang Bangsamoro Entity na papalit sa ARMM, na magbibigay daan sa bagong pamunuan sa rehiyon.
At ang lahat ng ito ay para sa iisang layunin ni PNoy, ang makamit ang kapayapaan sa Mindanao, na bukas palad namang sinuportahan ni Hataman.
Sa naturang pagpupulong sa Davao City, nanawagan si PNoy sa mga mamamayan ng ARMM na bigyan ng pagkakataon ang bubuuing Bangsamoro Entity. Kasabay ito ng garantiya ng Pangulo na hindi na mauulit ang nangyari sa nadaan na mapapako ang mga ipinangakong kaunlaran sa rehiyon sa pagtatayo ng autonomous region.
Mas maganda nga naman na muling magtanim ng panibagong punla ang mga mamamayan sa Mindanao na kanilang aalagaan upang sa sandaling yumabong ang halaman ay sila rin naman ang makikinabang sa bungang ibibigay nito.
Kung handang magsakripisyo ang mga lider ng ARMM sa pangunguna ni Hataman alang-alang sa katahimikan at ikauunlad ng rehiyon, bakit hindi rin ito gawin ng iba pang lider sa Mindanao at bigyan ng pagkakataon ang Bangsamoro Entity kung tunay nilang mahal ang kanilang mga kababayan. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
Wednesday, February 19, 2014
Pang-unawa!
Pang-unawa!
Rey Marfil
Makatwirang unawain natin ang posisyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na hindi magbigay ng paumanhin sa Hong Kong kaugnay sa pagkasawi ng walong Hong Kong nationals na turista sa hostage crisis na naganap sa Lungsod ng Maynila noong 2010.
Kung gagawin kasi ito ng Pangulo, siguradong mahaharap sa malaking legal na problema ang pamahalaan at hindi lingid sa kaalaman ng mga “nagmamagaling” ang magiging kabayaran, sinuman ang nakaupo sa Malacañang.
Ika nga ni Mang Kanor: Hindi rin naman nagbayad ng anumang kompensasyon ang China sa pamilya ng mga Pilipino na nasawi sa karahasang nangyari sa kanilang bansa.
Sigurado namang tatalima ang mga opisyal ng pamahalaan na apektado ng visa requirement na ipinatupad ng pamahalaang Hong Kong kaya’t walang nakikitang problema si Mang Gusting.
Ang hirit nga nina Mang Kanor at Mang Gusting, maiintindihan naman talaga ang posisyon ng Pangulo at mahalagang suportahan ng mga Pilipino ang kanyang posisyon, maliban kung nilamon na rin ang kamalayan ng mga kritiko sa naglipanang China made?
Tanging pakiusap ng mga kurimaw, hindi dapat idamay ang mga Pilipinong naghahanapbuhay lamang sa Hong Kong at nawa’y walang kinalaman ang pag-iingay para i-pressure ang pamahalaang Pilipinas sa joint exploration na tinatarget ng China sa pinag-aagawang teritoryo.
***
Importanteng umalalay ang mga Pilipino sa posisyon ni PNoy na humingi ng suporta sa internasyunal na komunidad kaugnay sa patuloy na mistulang pananakop ng China sa West Philippine Sea alang-alang sa kabutihan ng nakakarami.
Sa aksiyong ito ng China na naging dahilan upang manawagan ng suporta si Pangulong Aquino, tama siya sa pagbalik-tanaw sa kasaysayan kaugnay sa kabiguan ng mga bansa sa Kanluran na suportahan ang Czechoslovakia laban sa mga kagustuhan ni Adolf Hitler para sa Sudetenland noong 1938.
Hindi dapat umayon ang mga Pilipino sa isang bagay na mali at maninidigan tayo na hindi isusuko ang mga teritoryong bahagi ng Pilipinas.
Mabutin ring narinig natin mismo sa Pangulo ang kanyang positibong pananaw kaugnay sa nalalapit na kasunduan ng Pilipinas at United States (US) para lalong mapalakas ang seguridad ng bansa.
Sa kabila ng lahat, mauunawaan natin ang alinlangan ng Pangulo na itaas ang badyet ng militar dahil siguradong maaapektuhan nito ang ilang mga sosyal na serbisyo sa bansa.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
Monday, February 17, 2014
Ehemplo
Ehemplo | |
Rey Marfil |
Patuloy na ipinapakita ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang isang lider sa konteksto ng pagiging magandang halimbawa nang personal na mag-renew ng kanyang driver’s license noong nakalipas na Pebrero 6 o dalawang araw bago ang kanyang ika-54 na kaarawan.
Personal na nagtungo ang Pangulo sa Land Transportation Office (LTO) sa Tayuman, Manila katulad ng ginagawa ng ordinaryong mga tao tuwing kumukuha ng lisensiya.
Kagaya ng ibang mga aplikante, matiyagang pumila si PNoy sa kabila ng kanyang napakahigpit na mga iskedyul para ipakita ang kanyang senseridad na isulong ang promosyon ng pagkakapantay-pantay.
Matatandaang ibinasura ni PNoy ang tinatawag na wangwang mentality sapul noong manungkulan sa kapangyarihan noong 2010.
Sa katunayan, maraming aplikante ang natuwa at nasorpresa nang makita ang Pangulo na nakapila habang hinihintay na matawag ang kanyang pangalan kung saan bumati ang mga nakasabay habang nagpakuha naman ng larawan ang iba.
Ito ang katulad na lider na kailangan ng bansa upang lalong maisulong ang promosyon ng mga reporma sa Pilipinas.
***
Panibagong magandang balita ang deklarasyon ng pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA) na nakamit nito ang 97-porsiyentong “rice self-sufficiency” o sapat na suplay ng bigas noong nakalipas na taon.
Patunay na hindi tinatalikuran ng pamahalaan ang pag-abandona sa magandang programa na maging sapat na ang produksiyon ng bigas sa bansa para sa pangangailangan ng mga Filipino.
Isa ang bigas sa pangunahing pagkain sa bansa at hindi natin makakamit ang sapat na suplay ng pagkain sa buong Pilipinas kung hindi magiging eksakto para sa mga Filipino ang suplay ng bigas.
Nakatutok din ang DA sa promosyon at produksiyon ng tinatawag na high value crops na mayroong potensiyal sa pandaigdigang merkado katulad ng saging at pinya.
Nasa likod din ang DA sa pagyayaman sa produksiyon ng organikong mga prutas katulad ng dragon fruit.
Bahagi naman ang mga ito ng mga reporma sa ilalim ng matuwid na daan na kampanya ni Pangulong Aquino.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
Friday, February 14, 2014
Ang kay Juan ay kay Juan!
Ang kay Juan ay kay Juan!
Rey Marfil
Magandang inspirasyon ang resulta ng survey ng Social Weather Station (SWS) na nagpapakita na suportado ng mga Pilipino ang legal na pakikipaglaban ng pamahalaan ng Pilipinas kontra sa China kaugnay sa mga teritoryo sa West Philippine Sea o South China Sea.
Sa naturang survey na kinomisyon ng pamahalaan, lumitaw na 81% ng 1,550 katao na tinanong noong Disyembre 11-16, ang nagpahayag ng suporta na ipaglaban sa legal na paraan ang mga teritoryo ng Pilipinas na inaangkin ng China.
Matatandaan na idinulog ng pamahalaan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa International Arbitration Tribunal sa United Nation ang usapin sa ginagawang pagsakop ng China sa ilang teritoryo ng Pilipinas.
Isang halimbawa nito ang ginawang mapa ng China na 9-dash line na sumakop sa malaking bahagi ng West Philippines Sea na pinaniniwalaang mayaman sa mineral gaya ng mga natural gas.
Dahil sa resulta ng survey, tiyak na magbibigay inspirasyon ito sa pamahalaang Aquino at sa Department of Foreign Affairs na nangunguna sa hakbangin nang kuwestiyunin ang pambabarakong ginagawa ng China sa pamamagitan ng kanilang puwersang militar.
Matatag ang posisyon ng Pilipinas na ipaglaban ang mga teritoryo ni Juan sa West Philippine Sea dahil suportado tayo ng mga dokumento at ng mga pandaigdigang panuntunan. At ang mga basehang ito ang dahilan kaya malakas ang loob ng gobyerno ni Juan na idulog ang usapin sa UN at inaasahan nating kikilingan ng mundo kung ano ang tama at hindi kung ano ang gusto ng naghahari-harian.
Kung ano kasi ang ingay ng China na ibalandra ang kanilang puwersang militar, tila bahag naman ang buntot nila na dalhin sa UN ang kanilang katibayan na magpapatunay na teritoryo nila ang halos buong West Philippine Sea.
Hindi porke nakilala sa kasaysayan ang bahagi ng karagatan na South China Sea ay nangangahulugan na sa kanila na nga iyon!
Ibig din bang sabihin na lahat ng nakilalang China Town sa iba’t ibang bahagi ng mundo ay mangangahulugan na pag-aari rin ng China? I don’t think so.
***
Tama lang ang ginawang pagpapaala ni PNoy sa nangyari sa Sudentenland ng Czechoslovakia na pinabayaan ng mundo na masakop ng Nazi Germany noong 1938. Isang mapait na bahagi ng kasaysayan ng mundo na hindi na dapat maulit; na ang isang naghahari-harian na bansa ay basta na lang mang-aangkin ng teritoryo ng may teritoryo.
Sino nga ba ang nakakaalam ng susunod na hakbang ng China kapag pinayagan ng mundo na angkinin ang buong West Philippine Sea? Baka sunod nilang gawin ay ariin na rin nila ang buong Pilipinas at iba pang kalapit na maliit na bansa gaya ng Vietnam.
Kung ipinagmamalaki ng China na kasama silang lumaban kontra sa Nazi Germany, dapat alam nila ang nangyaring pagbagsak ng dambuhalang emperyo ni Hitler na walang malaki na hindi kayang pabagsakin ng nagkakaisang bansa na tutol sa mga nang-aabuso.
Kung nagawa ng China na kumiling noon sa tama laban sa mapang-abusong Nazi empire, bakit hindi nila gamiting aral ang kasaysayan para makita nila kung ano ang tama at mali sa ginagawa nila ngayon? Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
Wednesday, February 12, 2014
Lumago!
Lumago!
Rey Marfil
Magandang balita sa pagpasok ng 2014 ang pagkilala sa Pilipinas bilang ikalawang bansa sa Asya na mayroong pinakamabilis na pag-asenso ng ekonomiya sa tulong ng matuwid na daan at malinis na pamamahala ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino.
Sa huling quarter ng 2013, nakapagtala ang Pilipinas ng 6.5% paglago ng ekonomiya, dahilan upang umabot sa 7.2% ang gross domestic product (GDP) ng bansa sa buong 2013.
Mabuti ito dahil siguradong nakakalikha ng karagdagang mga trabaho sa iba’t ibang sektor ang patuloy na paglakas at paglago ng ekonomiya ng bansa.
Inihayag ang magandang balita ni Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan, director general din ng National Economic and Development Authority (NEDA), kung saan sumegunda ang Pilipinas sa China na nakapagtala naman ng 7.7% paglago ng ekonomiya.
Malaki ang naitulong ng malinis na pamamahala ni PNoy dahil napanatiling malakas ang ekonomiya ng bansa at nalampasan ang anim hanggang pitong porsiyentong target na pag-asenso sa pagtatapos ng 2013.
Sino pa nga bang mag-aakalang kakayanin pa rin ang ganitong performance matapos bayuhin ang Pilipinas ng serye ng mga trahedya sa nakalipas na taon.
Matindi kasi ang pinsala ng lindol na tumama sa Bohol at iba pang mga lalawigan, kaguluhan sa Zamboanga City at mga bagyo, partikular ang Yolanda.
Sa taong 2014, nanatili ang posisyon ng pamahalaan, ayon kay Balisacan, na makakamit ang tinatayang 6.5% hanggang 7.5% paglago ng ekonomiya.
Nangangahulugan na patuloy na magbubunga ang matuwid na daang kampanya ni PNoy sa paglago ng ekonomiya ng bansa.
***
Bahagi ng patuloy na reporma ang desisyon ni PNoy na buwagin ang tatlong hindi pinakikinabangang government-owned and/or controlled corporations (GOCCs) kung saan dalawa sa tatlo ang nasangkot sa P10-bilyong anomalya sa paggamit ng pork barrel funds sa “ghost projects”.
Kinilala ng Governance Commission for GOCCs (GCG) ang tatlo na Philippine Forest Corp. o PFC, ZNAC Rubber Estate o ZREC, at National Agri-Business Corp. o NABCOR.
Natukoy ang PFC at ZREC na GOCCs na nasa likod ng maanomalya umanong paglalaan ng ibinasurang Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Napatunayan naman na nalulugi ang NABCOR kaya dapat na itong buwagin.
Umaksiyon ang Pangulo dahil na rin sa mga proyekto ng PFC at ZREC na ipinatupad gamit ang pekeng non-government organizations (NGOs) na konektado sa nakabilanggong negosyanteng si Janet Lim-Napoles.
Asahan na nating iuutos pa ni PNoy ang pagbuwag sa ilan pang hindi kapaki-pakinabang na GOCCs dahil sa isyu ng pagkalugi at duplikasyon ng trabaho sa ibang mga ahensiya.
Sa ngayon, pinag-aaralan ng GCG ang posibleng pagbuwag o pagsasapribado ng Technology Resource Center and National Livelihood Development Corp.
Sa ilalim ng matuwid na daan na kampanya ni Pangulong Aquino, asahan nating mabubuwag ang non-performing GOCCs para matipid ang pondo ng pamahalaan na magagamit ng mga taong nangangailangan. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
Monday, February 10, 2014
May tamang lugar!
May tamang lugar!
REY MARFIL
Tama ang pamahalaan sa paninindigang ipatupad ang polisiya nitong “no-build zones” sa baybaying mga komunidad na naapektuhan ng malakas na bagyong “Yolanda”.
Bagama’t nauunawaan natin ang kagustuhan ng ating mga kababayan na makabalik sa kanilang lugar, maikonsidera rin sana nila na proteksiyon ang kanilang mga buhay at mga ari-arian sakaling tumama ang isang panibagong malakas na bagyo, ang iniisip ng pamahalaan.
Hindi maaaring isakripisyo ng pamahalaan ang kaligtasan ng mga residente, lalung-lalo na ang mga naninirahan sa mga baybaying lugar.
Klaro naman ang dahilan sa polisiya ng pamahalaan, kaligtasan lamang ng mga tao ang pangunahing konsiderasyon na posibleng malagay sa alanganin kung lalabagin ang no-build zone.
Sana naman itigil na ng isang grupo ng Yolanda survivors ang kanilang kahilingan na huwag ipatupad ang no-build zone policy na nais nilang mangyari ngayon o hanggang bago sumapit ang Pebrero 14.
Ipinapatupad ng pamahalaan ang no-build zone sa kahabaan ng tinatawag na “eastern seaboard” ng Eastern Visayas para matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa storm surges o biglang paglaki ng alon.
Noong nakaraang taon, sinalanta ng Yolanda ang Visayas at bahagi ng Katimugang Luzon na nagresulta sa kamatayan ng 6,200 katao -- isang malaking bangungot sa sambayanang Pilipino, maging sa buong mundo.
Ang good news lamang, sa ilalim ng pangangasiwa ni Secretary Panfilo ‘Ping’ Lacson bilang rehabilitation czar, ipinupusta ni Mang Kanor ang buong pagkatao nito na walang pondong tatagas sa konstruksyon at rehabilitasyon. Subok ang pagkatao ni Sec. Ping sa pera at kailanma’y hindi nasilaw sa pork barrel o nakipag-jamming kay Janet Napoles.
Kaya’t mahalagang suportahan natin ang mga polisiya ng pamahalaan dahil ginagawa naman ng administrasyong Aquino ang lahat ng makakaya nito upang maibalik sa normal ang paninirahan ng survivors sa lalong madaling panahon, patunay ang pagtalaga ng mga taong mapagkakatiwalaan sa pera.
***
Asahan nating gagawin lahat ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang lahat ng makakaya nito para matiyak na magiging pamana ng kanyang administrasyon ang matagumpay na usapang pangkapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Siyempre nakahanda rin ang pamahalaan na pakinggan ang mga sentimiyento ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), ang breakaway faction ng MILF.
Pero hindi naman tamang tumigil ang pamahalaan sa pagsusulong ng usapang pangkapayapaan dahil lamang sa inilulunsad na opensiba ng BIFF na nilalabanan ng puwersa ng pamahalaan.
Sa anumang magandang simulain, talagang mayroong indibidwal o grupo na kokontra sa mga adhikain kahit magdudulot ito ng kabutihan sa mas nakakarami.
Sa kabilang banda, mahalagang bilisan ng Bangsamoro Transition Commission (BTC) ang pagbuo sa draft ng Bangsamoro Basic Law (BBL) para agaran itong matalakay sa Kongreso, maratipikahan at maipatupad kasabay ng 2016 presidential elections.
Mayroon talagang pangangailangan sa BTC na bilisan ang pagbuo sa draft BBL upang matiyak na maipapasa ito at madesisyunan ng mga tao at magkaroon ng sapat na panahon sa “transition”.
Katulad ng iniutos ng Pangulo, asahan nating magiging transparent ang BTC at kukunin ang pulso o kokonsultahin ang lahat ng kinauukulan o grupong apektado.
Maganda ring marinig mismo kay Pangulong Aquino ang paniniyak nito sa BTC ng buong suporta, teknikal man, gabay, payo at pinansiyal na pangangailangan.
Magdasal po tayong lahat sa matagumpay na usapang pangkapayapaan na inaasam ng marami sa ating mga kababayan sa Mindanao.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
Friday, February 7, 2014
Seryoso!
Seryoso!
Rey Marfil
Tama ang administrasyong Aquino na trabahuin sa ganito kaagang panahon ang paniniyak na hindi magkakaroon ng kawalan ng suplay ng kuryente sa panahon ng summer.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Department of Energy (DOE) sa stakeholders upang tiyaking magiging maayos ang suplay ng kuryente.
Hindi talaga natin dapat payagan na magkaroon ng malawakang kawalan sa suplay ng kuryente dahil makakasama lamang ito sa ekonomiya ng bansa at asahan natin ang DOE na tututukan ang sitwasyon.
Tinatrabaho ng DOE ang pagbalanse sa suplay ng kuryente at pangangailangan upang mapigilan ang kawalan ng kuryente. Bukas ang pamahalaan sa mga konkretong panukala na maaaring magbigay ng proteksiyon sa mga konsyumer kaugnay sa tumataas na singil sa kuryente.
Kabilang dito ang pag-aaral sa 12-taong Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang palitan ang mga mahihinang probisyon at makatulong sa pangangailangan ng mga tao.
***
Magandang marinig ang paniniyak ng gobyerno sa publiko na ginagawa nito ang lahat para matiyak na hindi magiging transshipment point ng ipinagbabawal na gamot ang bansa.
Mismong si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang nag-utos sa kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na magbigayan ng impormasyon at magkatuwang na magtrabaho upang maging epektibo ang kampanya ng pamahalaan sa ipinagbabawal na gamot.
Sa katunayan, pinalakas ang kooperasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), National Bureau of Investigation (NBI), at the Philippine National Police (PNP).
Mahalaga naman talaga ang pinalakas na kooperasyon at bigayan ng impormasyon para protektahan ang bansa laban sa ilegal na droga na maaaring makasira sa kabataan.
Dahil maganda ang ipinapakita ng mga awtoridad sa pagsugpo ng mga laboratoryo ng ipinagbabawal na mga gamot, posibleng naglipatan na rin ang malalaking sindikato sa ibang bansa at maaaring nagiging transshipment point ang Pilipinas.
Pero naging maganda talaga sa pangkalahatan, nagresulta ang bigayan ng impormasyon at pagtutulungan ng mga ahensiya ng pamahalaan para masugpo ang ipinagbabawal na gamot, kabilang ang nasakoteng P1.3-bilyong ilegal na droga kamakailan.
At dapat suportahan din ng publiko ang pinatindi pang kampanya ng pamahalaan na labanan ang sinasabing drug cartel sa bansa matapos ang matagumpay na drug bust sa Batangas.
Sinusuring mabuti ng pamahalaan ang partikular na mga impormasyon sa Bureau of Immigration (BI) dahil sa balitang gumagamit ng pasaporte ng US ang ilang mga kasapi ng sindikato.
Sa pamamagitan ng kautusan mula sa Pangulo, nagresulta sa matagumpay na drug busts ang pinatinding koordinasyon ng PDEA, PNP, NBI at iba pang anti-drug groups o ang banyagang drug enforcement agencies.
***
At makatwirang purihin din ang administrasyong Aquino kaugnay sa paninindigan nito na tutukan ang ekonomiya, pagsugpo sa kahirapan at labanan ang katiwalian ngayong 2014.
Konektado ang lahat, partikular sa pagsulong ng turismo na nangangahulugan ng karagdagang trabaho para sa mga Pilipino.Upang makamit ito, kailangang pagbutihing mabuti ng pamahalaan ang pag-aayos at konstruksiyon ng mga imprastraktura na kitang-kitang pinagsusumikapang gawin ng administrasyong Aquino. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
Wednesday, February 5, 2014
May resulta!
May resulta!
Rey Marfil
Maganda ang resulta ng pagsusumikap ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino III na maisulong ang usapang pang-kapayapaan, patunay ang pirmahan sa final annex na magbibigay-daan sa komprehensibong usapang pang-kapayapaan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Binabati natin ang magkabilang panig dahil sa magandang balitang ito nang nilagdaan ng kanilang mga kinatawan ang annex sa Kuala Lumpur ng nakaraang linggo.
Dahil matuwid na daan, asahan na natin ang mabilis na aksiyon ng Kongreso sa pagpasa ng panukalang batas sa paglikha ng Bangsamoro Basic Law na isusumite sa isang plebisito.
Nakapaloob sa normalization annex ang pagbaba ng armas ng mga kasapi ng MILF habang babawasan naman ng pamahalaan ang bilang ng puwersa ng militar sa Mindanao at tutulungan ang MILF na puksain ang armadong grupo.
Ipatutupad rin ng pamahalaan ang mga programang sosyal at ekonomikal para sa mga kasapi ng MILF.
Dahil dito, asahan nating bubuti ang pambansang seguridad sa Mindanao at makikinabang ang mas maraming mga tao sa kaunlarang darating sa rehiyon.
***
Inaasahan na nating mataas ang ibibigay na satisfaction rating ng mga nakaligtas sa super typhoon Yolanda kay PNoy base sa resulta ng Social Weather Stations (SWS) survey dahil ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng makakaya nito para matulungan sila.
Sa ulat ng Fourth Quarter 2013 survey ng SWS, 73 porsiyento ng Yolanda survivors na ikinokonsidera ang kanilang mga sarili na mahirap at naghihirap sa pagkain na nasisiyahan sila sa performance ng Pangulo
habang 19 porsiyento ang hindi para sa resultang “very good” na net satisfaction rating na +54.
Sa kabilang banda, 69 porsiyento naman ng hindi nabiktima ng Yolanda na kasama rin sa survey ang nagsabing nasisiyahan sila sa performance ng Pangulo at 21 porsiyento ang hindi para sa “good” net satisfaction rating na +48.
Nakakatuwa ring isipin na mas nagpapahalaga ang mga taong nabiktima ng trahedya dahil na rin sa pagsusumikap na ginagawa ni PNoy para matulungan ang kanilang hanay at malampasan ang lahat ng pagsubok.
Asahan na natin na ipagpapatuloy ni PNoy ang lahat ng magagandang programa alinsunod sa malinis nitong pamamahala.
Isa pang good news ang resulta ng pag-aaral ng Freedom House, isang US-based non-government organization, na nagsasabing nagbubunga na ang mga repormang isinusulong ng kasalukuyang administrasyon para sa kanilang pangunahing mga karapatan.
Nagningning ang Pilipinas sa hanay ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa usapin ng pagsusulong ng karaparang pulitikal at kalayaang sibil.
Napanatili ng Pilipinas ang bahagyang malayang estado sa ulat ng Freedom House, isang internasyunal na NGO sa Washington D.C. Kabilang ang Pilipinas sa mga bansa sa ASEAN na nakakuha ng puntos na 3 na nasa kategorya ng political rights at civil liberties.
Sa ilalim ng Freedom House’s rating system, higit na malaya ang nakakuha ng isa habang bahagyang malaya rin ang pitong puntos.
Nakakuha naman ang ibang mga bansa sa Asya ng apat na puntos.
Malinaw na nag-ugat ang magandang kalagayan ng bansa sa pananaliksik ng Freedom House sa mga isinulong na reporma ng administrasyong Aquino kung saan labis na pinahahalagahan ang demokrasya at paggalang sa karapatang-pantao.
Kitang-kita ang pagpapahalaga dito ni PNoy dahil batid niyang ito ang pangunahing mga susi para sa isang mas malakas at progresibong bansa.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Monday, February 3, 2014
Wala sa ayos!
Wala sa ayos!
REY MARFIL
Kasabay ng muling pagbuhay sa usapin ng pagpapataw ng parusang kamatayan sa mga gumagawa ng karumal-dumal na krimen ay ang pagkakabisto ng isang kakaibang paraan ng pagpapahirap o pag-torture sa mga bilanggo na ginagamitan daw ng “wheel of torture” o “roleta ng kamalasan”.
Pero sa pagkakataong ito, ang may 10 pulis ng Biñan, Laguna na sinasabing nasa likod ng pag-torture sa mga nahuhuli nilang sangkot sa iligal na droga ang minalas sa pagpapaikot ng roleta dahil sila ngayon ang nasibak sa puwesto at iniimbestigahan.
Batay sa report, nakalagay sa roleta ang mga uri ng parusa na ipapataw sa pahihirapang bilanggo kaya tinawag itong “wheel of torture o “roleta ng kamalasan”. Aba’y kahit ano kasi ang mapili sa parusa sa roleta -- gaya ng ilang minutong sapak sa mukha o itatali nang patiwarik -- talaga namang mamalasin ang pahihirapang bilanggo.
Gayunpaman, itinatanggi ng mga pulis ang alegasyon na tino-torture nila ang mga nahuhuli nila. Pakana lang daw iyon ng mga taong nasasagasaan nila sa kanilang kampanya laban sa bawal na gamot. Kaya lang, ang Human Rights Commission ang nagsiyasat sa alegasyon at batid naman ng kapulisan na wala sa bukabolaryo ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang torture.
Kaya naman inalis na sa kanilang puwesto ang mga inaakusahang pulis at isasailalim sila sa imbestigasyon ng liderato ng PNP. Pero dapat pagbutihan nila ang paliwanag sa kanilang mga opisyal upang malaman ang katotohanan.
Sa ganitong patas na imbestigasyon, makikita ng mga pulis na hindi kailangang pahirapan ang isang tao para magsabi ng totoo. Dapat ding magsilbing aral at paalala sa ibang pulis na hindi kokonsintihin ng kasalukuyang gobyerno ni PNoy ang mga gawaing lalabag sa karapatang pantao ng bawat Pilipino, kahit pa may kinakaharap itong kaso.
***
Bukod sa dignidad ng bawat isa, binibigyang-halaga rin ng pamahalaang Aquino ang buhay ng tao kaya naman malamig ang Pangulo sa mga mungkahi na ibalik ang parusang bitay o kamatayan sa mga taong nasasangkot sa karumal-dumal na krimen.
Pero hindi ito nangangahulugan na nais nang hayaan ni PNoy na mamayagpag ang mga kriminal tulad ng mga rapist ng bata. Nais lang niyang unahin na mapahusay ang sistema ng hustisya sa bansa at matiyak na kung sino man ang tunay na may sala ay siyang mapapatawan ng karampatang parusa.
Bukod diyan, pinapahusay ng pamahalaan ang hanay ng kapulisan upang masawata ang krimen o mahuli kaagad, masampahan ng kaso at malitis nang mabilis ang akusado. Higit kasi sa parusang kamatayan, mas pinakamabisang deterrent o panakot sa mga kriminal ang mabilis na pagpapataw at implementasyon ng hustisya.
Kahit kasi maibalik ang bitay, wala ring hustisya kung ang mabibitay ay inosente at ang tunay na may sala ay patuloy na nakalalaya. Tandaan natin na ang buhay ay isa lang, at hindi ito larong dama na pwedeng ibalik ang piyesa kapag mali ang tira.
Bukod sa mabilis at epektibong paggulong ng hustisya, magiging malaking panlaban din sa krimen ang pagtutulungan ng mga mamamayan na maging mapagmatyag at isumbong sa mga awtoridad para mahuli ang mga kriminal na gagawa pa lamang at mga nakagawa na ng kasalanan.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Posts (Atom)