Peace tayo!
Rey Marfil
Isang napakagandang balita ang hindi lubos na nabigyan ng atensiyon ng publiko dahil sa kontrobersyang nangyari kay Vhong Navarro -- ang pagkakasara ng ika-apat at pinaka-kritikal na annex sa hinihimay na Framework Agreement on the Bangsamoro (FAB), na tinatawag na “Normalization”.
Nilagdaan ng mga kinatawan ng peace panel ng pamahalaan ng Pilipinas at Moro Islamic Liberation Front ang nabanggit na annex noong Sabado sa Malaysia, na nasabay naman sa pagputok ng police report o blotter tungkol sa alegasyon ng tangkang panghahalay ng aktor na si Vhong Navarro kay Deniece Cornejo.
Habang inaalam ng mga awtoridad ang buong katotohanan sa usapin ni Vhong, talakayin natin ang peace agreement kung saan nakasalalay ang kinabukasan at maraming buhay ng ating mga kababayan sa Mindanao.
Pero bakit ba mahalaga ang nilagdaang annex na tinatawag na “Normalization”? Nakapaloob kasi dito ang kasunduan tungkol sa gagawing pagbababa ng armas ng MILF at pagbuwag sa kanilang armadong hanay bilang bahagi ng pakikiisa nila sa hangarin ng pamahalaan na matigil na ang labanan sa Mindanao.
Ang napagkasunduan ng dalawang lupon ay ipapaloob sa panukalang batas na kailangang aprubahan ng Kongreso na tatawaging Bangsamoro Basic Law, na magbibigay-daan naman para sa pagtatatag ng Bangsamoro region na papalit sa kasalukuyang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Ang kasalukuyang gobernador ng ARMM na inihalal ng mga tao nitong nagdaang 2013 elections na si Governor Mujiv Hataman, nagpahayag ng lubos na suporta sa usapang pangkapayapaan at binati ang mga bumubuo sa peace panel dahil sa nagawang paghimay ng kasunduan.
Handa rin daw ang gobernador na makipagtulungan para sa mapayapang pagsasalin ng kapangyarihan ng ARMM sa bagong liderato ng Bangsamoro na mamahala sa ganap na kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.
***
Kung ang lahat sana ng grupo na nagsasabing hanap nila ay ganap na kapayapaan ay katulad ni Hataman, tiyak na magiging madali ang katahimikan sa Mindanao. Hindi gaya ng mga pagbabanta na ginagawa sa ibang sektor o grupo na magiging daan ng bagong kaguluhan ang pakikipagkasundo sa MILF.
Gaya na lamang ng grupong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters na ang mga namumuno ay dating kasapi ng MILF, na patuloy ang ginagawang panggugulo sa ilang lugar sa Mindanao na ang mga pangunahing naapektuhan ay mga sibilyan.
Mayroon ding ilan na mula sa hanay ng Moro National Liberation Front ay naglalabas ng kanilang sentimyento sa ginagawang peace negotiation ng pamahalaan sa MILF.
Dahil ang grupo nila ang naunang nakapasok sa peace agreement sa pamahalaan na naging daan sa pagkakabuo ng ARMM, hindi maaalis na mangamba ang ilan sa kanila na tuluyang makalimutan ang mga bagay na pinasok na kasunduan sa kanila ng gobyerno.
Ngunit kung susuriin na mabuti ang ideolohiya at komposisyon ng armadong grupo sa Mindanao, hindi ba’t iisa lang naman ang kanilang hangarin -- kasarinlan ng Bangsamoro at kapayapaan tungo sa kaunlaran ng mga tao na sinasabi nilang ipinaglalaban.
Ilang dekada na ang labanan sa Mindanao, maraming buhay na ang ibinuwis at dugong dumanak sa lupang pangako, hindi na mabilang ang mga naulila at naglahong pangarap, siguro naman ay panahon na para bigyan ng pagkakataon na umusad at suportahan ang isinusulong na usapang pangkapayapaan nang walang sinuman na nagbabanta at naglulunsad ng kaguluhan.
Kung ang lahat ng mga lider sa Mindanao ay katahimikan ang hanap, dapat na magkaisa sila na supilin ang naghahasik ng karahasan. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)