Wednesday, December 31, 2014

-Pag-asa’t kapayapaan sa 2015



                                            -Pag-asa’t kapayapaan sa 2015
                                                             REY MARFIL/Spy on the Job
                                                                          Dec. 31, 2014

Maganda ang pagtanaw ng marami nating kababayan sa darating na taon, ayon ‘yan sa resulta ng isang survey. Bakit nga naman, bukod sa gumagandang lagay ng ekonomiya, naaninag din ang kapayapaan sa bansa na ilang dekada nang ginugulo ng mga rebelyon.


Muli, namayani ang pag-asa kaysa sa pangamba sa marami nating kababayang Filipino sa pagsalubong nila sa 2015. Batay sa resulta ng survey ng Social Weather Station, 9 sa bawat 10 Pinoy o 93 percent ang nagpahayag na sasalubungin nila ang bagong taon na may pag-asa.


Mula nang manungkulan si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino matapos ang May 2010 elections, nanatiling mataas ang pag-asa ng mga Filipino sa pagsalubong nila sa bawat taon -- 93% noong 2010, 95% noong 2011, 92% noong 2012, 94% noong 2013 at 93% naman sa 2014.


Ang pinakamataas na antas na pag-asa ay naitala noong 2002 na 95%, na naulit noong 2011.

Pinakamababa naman noong 2004 na umabot sa 81%, at nasa 89% naman noong 2009 ng dating administrasyon.


Maganda rin na makita sa naturang survey na sa kabila ng mga naganap na kalamidad at ingay sa politika hatid ng papalapit na halalan sa 2016,  naging laganap ang pag-asa sa buong bansa -- mula sa Metro Manila (91%), Balance of Luzon (96%), Visayas (91%) at Mindanao (91%).


Kahit nga daw ang mga nagsabi sa isa pang survey na hindi magiging masaya ang kanilang Pasko, naniniwala pa rin sila na may hatid na pag-asa para sa kanila ang susunod na taon.


May dahilan naman para harapin natin ang 2015 na may pag-asa.  Bilang isang Katolikong bansa, puwede nating isipin na isang magandang basbas para sa mga Filipino ang pagbisita ni Pope Francis sa atin simula sa Enero 15.


***


Sana rin ay maging taon ng kapayapaan ang 2015 para sa bansa dahil sa isinusulong ng pamahalaan na maaprubahan ang Bangsamoro Basic Law (BBL),  na seselyo sa usapang pangkapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).  Ito ang magiging bagong political entity na papalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).


Naipadala na ni Pangulong Aquino sa Kongreso ang draft ng Bangsamoro law kaya nakasalalay na sa kamay ng ating mga mambabatas ang pagkakaroon ng katuparan sa hinahangad na bagong simula sa Mindanao.


Maituturing ding magandang panimula ang inihayag na intensiyon ng pamunuan ng komunistang grupo na National Democratic Front of the Philippines (NDFP), na muling ituloy ang usapang pangkapayapaan sa pamahalaan pagkatapos ng pagbisita sa bansa ni Pope Francis.


Bagaman wala pang opisyal na tugon sa bagay na ito si PNoy nagpahayag naman si Presidential Adviser on the Peace Process Teresita Deles, na maaari namang mangyari na muling mag-usap ang magkabilang panig. 


Kung tutuusin, dapat lang naman na laging bigyan ng pagkakataon ang kapayapaan kung ito ang kasagutan upang matigil ang karahasan dulot ng kani-kanilang paniniwala at ipinaglalaban.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Monday, December 29, 2014

-Magandang palatandaan sa 2015




                                       -Magandang palatandaan sa 2015
                                                           REY MARFIL/Spy on the Job
                                                                     Dec. 29, 2014

Ilang araw na lang at sasalubungin na natin ang 2015. Kumpara sa 2013, masasabi natin na higit na naging mabait sa Pilipinas ang 2014, at nagpakita pa ng mga palatandaan na higit na magiging maganda sa mga Pinoy ang susunod na taon.

Sabi sa isang ulat ni Labor Secretary Rosalinda Dimapilis-Baldoz, maganda ang naging takbo ng 2014 sa aspeto ng mga trabaho. Bakit nga naman hindi, kahit tumaas kasi ang labor force o bilang ng mga nagtatrabaho sa Pilipinas ngayong taon, nagawa pa rin ng pamahalaang Aquino na mapababa ang unemployment rate o bilang ng mga walang trabaho.

Batay sa tala ng National Economic and Development Authority noong nakaraang buwan ng Nobyembre, ang unemployment rate sa bansa hanggang nitong Oktubre ay nasa 6 porsiyento na lamang, pinakamababa sa nakaraang 10 taon.

Habang sa datos ng DOLE,  lumitaw sa October 2014 Labor Force Survey na nasa 94 percent ang employment rate sa bansa, mas mataas sa 93.6 employment rate sa kaparehong panahon noong 2013. Nangyari ang paglago sa bilang ng mga may trabaho kasabay ng pagkakadagdag ng 1.046 milyon katao na kailangan nang magtrabaho.

Dahil dito, sinasabing ang labor force ng bansa ay umabot na sa 41.3 milyon, mas mataas ng 2.7 percent kumpara sa kaparehong panahon noong 2013. Isipin na lang natin kung hindi nagawa ni PNoy na mapalago ang ekonomiya ng bansa at hindi nakalikha ng dagdag na mga trabaho ngayong taon.
Aba’y baka mas matindi ang sakit ng ulo natin sa kriminalidad.

***

Sa pagtaya ni Sec. Baldoz, maganda ang ipinakitang pangako ng larangan ng paggawa sa susunod na taon. Alinsunod na rin ito sa plano ng pamahalaan tungkol sa mga sektor na bibigyan ng dagdag na atensiyon para makalikha pa ng mas maraming trabaho. Kabilang dito ang sektor ng agrikultura, turismo, manufacturing, infrastructure at information technology-business process management (IT-BPM). 

Ipagdasal lang sana natin na walang supertyphoon na kagaya ni Yolanda na tatama sa bansa sa susunod na taon para hindi malihis ang atensiyon ng pamahalaan patungo sa rehabilitasyon. Mahirap kasi kung mauulit ang nangyaring pananalasa ni Yolanda, o kaya naman ng malakas na lindol, at matinding bakbakan ng militar at mga rebelde, na magdudulot uli ng matinding pinsala sa mga kababayan natin.

Sana nga ay magpatuloy lang ang pag-angat ng ekonomiya para patuloy din na magkaroon ng sobrang kita ang mga tao at makapag-impok sa bangko. Batay kasi sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas, nasa record high din ngayong taon ang laki ng halaga ng deposito ng mga nagbabangko.

Hanggang noong Setyembre, sinasabing ang kabuuang deposito sa mga bangko ay nasa P6.4 trillion, mas mataas ng P5.5 trillion na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Magandang indikasyon ito na dumadami na ang nakakaisip mag-ipon sa bangko, at dumadami rin ang mga may naitatabing kita. Nabawasan ang pagwawaldas.

Maganda ring malaman ang balita na may mga kababayan tayong OFWs na nakahanap kaagad at nakapagtrabaho sa bansa nang umuwi sila sa Pilipinas. Ngayong nasa bansa na sila, makakapiling na nilang muli ang kanilang mga mahal sa buhay at magpapatuloy ang ikot ng kanilang buhay na magkakasama.

Maliban sa dalangin natin na huwag magkaroon ng matinding kalamidad, isama na rin natin sa dala­ngin ang ibang mga lider ng bansa -- na isantabi ang pulitika dahil sa 2016 pa ang eleksiyon -- at sa halip ay tumulong sana kay PNoy para makamit sa susunod na taon ang hinahangad nating kaunlaran sa buhay.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)

Wednesday, December 24, 2014

Fare hike, fair hike




                                                                     Fare hike, fair hike
                                                                       REY MARFIL


Makaraan ang ilang taong pagpapaliban, tila tuloy na tuloy na ang pagtaas ng singil sa pamasahe sa Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT) simula sa Enero 4, 2015. At gaya ng inaasahan, may ilang pulitiko na “nakikisakay” sa naturang isyu kahit hindi naman yata sila regular na sumasakay sa mga tren na ito.

Para sa isang pulitiko na gustong maging popular at may plano sa 2016 elections, magandang mag-ingay ngayon at kontrahin ang dagdag-singil sa pamasahe para maging “pogi” sa mahigit isang milyong sumasakay sa MRT at LRT bawat araw.

Pero ang tanong, makatwiran bang tutulan ang matagal nang naantalang fare hike kung makatutulong naman para mapaganda ang serbisyo ng mga tren at makatulong sa ipatutupad na proyekto sa ibang lugar?

Base sa inilabas na listahan ng Department of Transportation and Communications, maglalaro sa P10 ang dagdag singil sa MRT at LRT. Ang kasalukuyang singil na P20 sa LRT-1, magiging P30; ang singil sa LRT-2 ay magiging P25 mula sa kasalukuyang P15; at magiging P28 naman sa MRT mula sa kasalukuyang P15.

Ang halaga ng dagdag-singil na ito ay noong pang 2011 naitakda pero sa 2015 lang maipatutupad. Sa dagdag-singil na ito, tinatayang mababawasan ng P2 bilyon ang P12 bilyong taunang ibinubuhos ng pamahalaan bilang subsidiya sa mga pasahero ng MRT at LRT.

Sinabing nasa P25 ang sinasagot na subsidiya ng pamahalaan sa bawat sumasakay sa LRT, at mas malaki naman ang subsidiya sa mga sumasakay sa MRT na nasa P45. At sa kabila ng pagtaas ng gastusin sa operasyon ng mga tren sa nakalipas na maraming taon, aba’t lumilitaw na huling nagdagdag ng singil sa pamasahe ang LRT 1 noong 2003, at ang MRT, nagbawas pa na mula sa da­ting P34 ay naging P20 lamang.

Kaya naman kahit pa itaas ng P10 o gawing P30 ang singil sa MRT, mas mababa pa rin ang pamasahe nito noong 1999. Ang pondong inilaan ng pamahalaan bilang subsidiya sa mga pasahero ng LRT at MRT ay mula sa buwis ng lahat ng mga nagbabayad ng buwis sa buong bansa, pero hindi naman lahat ay sumasakay sa LRT at MRT.

***

Kung magagamit ang matitipid na P2 bilyon ng subsidiya sa iba pang proyekto at programa sa ibang lugar, o makapagpapahusay sa operasyon ng MRT at LRT, marahil ay makabubuting suportahan ang dagdag-singil. Lalo pa ngayon na lumitaw sa pag-aaral ng mga taga-Hong­kong na napag-iwanan na ng panahon at delikado na ang MRT na gamitin kung hindi maisasagawa ang mga kinakailangang rehabilitasyon.

Puwede ring isipin na lang ng mga sumasakay sa MRT at LRT na panahon na para tanggapin ang katotohanan (kahit hindi naman buo) na akuin ang dagdag-singil upang maka­tulong sa iba. Aba’y ang P2 bilyon daw ay kayang makapagpatayo ng mahigit 8,000 silid-aralan o makapagpagawa ng 82 kilometrong kalsada, o makabili ng dagdag na bagon.

At kung tutuusin, hindi maliit na halaga ang P10 bilyon na patuloy na ilalaan ng pamahalaan na subsidiya sa mga sumasakay sa MRT at LRT. Kaya hindi naman si­guro magiging mabigat sa loob ng mga tumatangkilik sa mga tren na ito kung magdagdag sila ng hanggang P10 sa pamasahe kung makikita nila na mapupunta talaga sa ibang makabuluhang proyekto o pagpapahusay sa pasa­lidad ang nababawas na P2 bilyong subsidiya.

Sa mga pulitikong maririnig o makikita nating mag-­iingay at kokontra sa dagdag-singil sa pamasahe na ito, dapat suriin ng mga publiko, lalo na ng mga sumasakay sa MRT at LRT kung tunay ba ang intensiyon nilang ipaglaban ang kapakanan ng mga pasahero o para lang sa pansarili nilang kapakanan sa ngalan ng popularidad.
Laging tandaan: ­“Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/dec2414/edit_spy.htm#.VJrKYv8taA

Monday, December 22, 2014

Kaligtasan ng OFWs!








                                                                 Kaligtasan ng OFWs!
                                                                     REY MARFIL

Kitang-kita ang malaking puso at malasakit ni Pa­ngulong Benigno “PNoy” Aquino sa pagtugon sa mga suliranin ng overseas Filipino workers (OFWs).

Sa pamamagitan ng Department of Budget and Ma­nagement (DBM), iniutos ni Pangulong Aquino ang pagpapalabas ng karagdagang P50 milyon sa Department of Foreign Affairs (DFA) para dagdagan ang P100 milyong emergency fund na makakatulong sa patuloy na pagpapabalik sa bansa ng mga kababayan nating naaapektuhan ng lumalalang kaguluhan sa Libya, Syria, Iraq, at Gaza.

Nagdeklara na ang DFA ng Crisis Alert Level 4 sa ­apat na bansa, nagpalabas ng total deployment ban at pagpapatupad ng mandatory repatriation para sa mga Pilipinong naninirahan doon.

Labis ang ipinapakitang pagpapahalaga ni Pangulong Aquino sa ating mga kababayan na nahaharap sa problema sa seguridad sa ibang bansa kaya naman prayoridad nito ang pagpapabalik sa kanila sa Pilipinas.

Kaya sinasagot ng administrasyong Aquino ang kanilang pamasahe pagbalik sa bansa at naghahanda ng mga programa para sa kanilang hanapbuhay.

Nauna nang natanggap ng DFA noong nakalipas na Agosto ang P100 milyong emergency fund na ginamit sa mga Pilipinong naipit sa Libya. Magagamit ang nasabing mga pondo na kinuha sa 2013 Contingent Fund para ayudahan ang Assistance-To-Nationals (ATN) Fund ng DFA.

Bibilisan rin ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang kailangang mga proseso para sa pagkakaloob ng P50 milyon at P800 milyong pondo, ayon sa pagkakasunud-sunod para tulungan ang repatriation program ng pamahalaan.

Alam ng Pangulo na mahalaga ang repatriation program sa kaligtasan ng mga Pilipinong naiipit sa problema sa seguridad sa iba’t ibang mga bansa. Kaya naman laging inihahanda ng administrasyong Aquino ang mabilis na pagtugon sa kanilang pagpapabalik sa Pilipinas sa panahon ng krisis.

***

Patuloy na makikinabang sa matuwid na daan ni PNoy ang sektor ng agrikultura sa bansa. Bunsod ito ng ipinalabas na P2.1 bilyong pondo ng Department of Agrarian Reform (DAR) para sa konstruksiyon ng mga tulay sa iba’t ibang mga lugar sa Pilipinas.

Ipatutupad ng DAR ang programa sa ilalim ng Tulay ng Pangulo para sa Kaunlarang Pang-Agraryo ­(TPKP) project. Nagmula ang pondo sa 2014 pambansang badyet ng Department of Public Works Highways (DPWH) kung saan babayaran ang Matiere SAS, isang kompanyang French na nagkakaloob ng materyales sa departamento para sa konstruksiyon, paglalagay at pagtatayo ng girder-type universal bridges (unibridges).

Layunin ng TPKP unibridges na idugtong ang tinatawag na agrarian reform communities at mga lugar na sakop ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa mga kalsada patungo sa pangunahing merkado sa tulong ng Program Beneficiaries Development (PBD) ng DAR.

Pangangasiwaan ng DAR ang TPKP project habang isasagawa naman ng DPWH ang pagbuo ng re-fabrication ng modular steel bridges na nagmumula sa Matiere SAS-Eiffel Consortium.

Sa 418 tulay na gagawin, inendorso na ng DAR ang 287 kung saan natapos na ang 15 at kasalukuyang ginagawa ang isa pa.

Malaking bahagi rin ng proyekto ang Program Be­neficiaries Development ng DAP para masiguradong makakamit ang layunin ng programa. Siguradong matutulungan ng mga imprastrakturang gagawin sa ilalim ng TPKP ang mga benepisyunaryo ng repormang agraryo sa bansa upang lalong mapabilis ang pagdadala ng kanilang mga ani sa merkado.

Nagkasundo na rin ang DAR at DPWH na palitan ang nasirang Desamparados at Tultugan bridges sa Bohol circumferential road sa kondisyong madedetermina na makikinabang dito ang mga benepisyunaryo ng progra­mang agraryo at mga lugar na sakop ng CARP sa rehiyon.

Mahalaga kasing maikonekta ang mga magsasaka sa pangunahing mga kalsada gamit ang itatayong mga tulay para matiyak ang kaunlaran sa kanayunan.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
 http://www.abante-tonite.com/issue/dec2214/edit_spy.htm#.VJgldf8taA

Friday, December 19, 2014

Mga Pinoy ang dapat magprotekta





                                    Mga Pinoy ang dapat magprotekta
                                                    REY MARFIL/Spy on the Job
                                                                Dec. 19, 2014

Pagkatapos ng pagbibilang sa araw ng pagsapit ng Pasko at pagsalubong sa Bagong Taon, isa pang countdown ang aabangan nating mga Pinoy -- ang pagbisita sa bansa ni Pope Francis sa Enero 15, 2015.

Kung tutuusin, may ibang nagsimula nang gumawa ng countdown sa four-day Pope visit na tatampukan ng pagbisita niya sa ilang lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda sa Leyte. Inaasahang dadagsain din ng mga mananampalataya ang misa na pangungunahan niya sa Quirino Grandstand sa Luneta.

Pero asahan na hindi magiging madali para sa pamahalaang Aquino ang ilalatag na seguridad para sa Santo Papa, na mistulang walang takot kung mayroon mang nag-iisip ng masama sa kanyang buhay.
Mantakin ba naman na mas gusto niya na hindi bullet-proof at walang takip ang kanyang sasakyan na “Pope mobile”.

Ang dahilan daw kung bakit nais ni Pope Francis na bukas ang kanyang sasakyan ay para makita siya nang lubos ng mga tao. Kasabay nito, pagpapakita rin ito nang lubos na tiwala niya sa ating mga Pilipino -- bagay na hindi natin dapat sirain.

Matindi ang direktiba ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa mga naatasang mangasiwa sa seguridad ni Pope Francis. Nais ni PNoy na kung anong seguridad ang ibinibigay sa kanya bilang lider ng bansa, nais niyang doblehin pa ang seguridad na ibibigay sa lider ng mga Katoliko sa mundo. Ganuong katindi ang malasakit ng Pangulo sa Santo Papa.

Pero hindi lang si Pope Francis ang nais ni PNoy na ingatan kundi maging ang libu-libo o milyun-mil­yong mananampalatayang Pinoy na inaasahang dadagsa sa mga lugar na pupuntahan ng lider na Santo Papa sa apat na araw niyang pananatili sa bansa.

Ngunit lagi nating tandaan na walang perpektong segu­ridad sa isang taong may masamang pakay; na gagawin ang lahat kahit harangan man ‘ika nga ng sibat, kahit sino pa ang madamay. Gaya na lang ng pambobombang naganap sa isang bus sa Bukidnon, na tila sinadya pa ng nambomba na pasakayin ang mga inosenteng mag-aaral bago pinasabog ang bomba.

Base sa lumabas na mga ulat, lumilitaw sa imbestigasyon ng mga awtoridad na pangingikil sa kumpanya ng bus ang motibo ng isang armadong grupo sa Minda­nao sa ginawang pagpapasabog. Dapat na mahuli ang may pakana ng pambobombang iyon upang mabigyan ng hustisya ang mga nasawi at nasugutan.

***

Samantala, wala naman daw nasasagap na impormasyon ang mga awtoridad sa ngayon tungkol sa seryosong banta sa seguridad sa pagbisita ng Santo Papa. Ngunit hindi ito sapat para maging kampante ang mga awtoridad at maging ang mga taong nagnanais na pumunta sa mga lugar na pupuntahan ni Pope Francis.

Gaya nga ng sabi natin, marahil ay malaki ang tiwala ng Santo Papa na safe siya sa Pilipinas dahil mayorya sa populasyon ng Pinoy ay Katoliko. Naniniwala marahil siya na iingatan siya ni Lord, at nang laksa-laksang mananampalatayang Pinoy na nais siyang masilayan. Kaya naman dapat na gawin natin ang lahat upang makatulong sa pamahalaang Aquino sa ibibigay na proteksiyon sa lider ng Simbahang Katolika.

Isang paraan nito ay ang huwag maging pasaway at sumunod sa mga security measure na ilalatag para sa kaligtasan ng Santo Papa; na kapag sinabing bawal ang tao sa tinukoy na lugar, aba’y huwag nang makipagtalo at sumunod na lamang tayo. Ipagbigay-alam din natin sa kinauukulan kapag may nasagap tayong impormasyon na maaaring makatulong upang higit na maging epektibo ang gagawing pag-iingat kay Pope Francis.

Maituturing na magandang biyaya sa mga Pinoy ang gagawing pagbisita ng Santo Papa sa pagsisimula ng 2015. Pero mauuwi ito sa bangungot kapag may masamang nangyari sa Santo Papa habang nasa Pilipinas, bagay na hindi dapat hayaang mangyari ng mga Pinoy.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/dec1914/edit_spy.htm#.VJQyenuFkqs

Wednesday, December 17, 2014

Ang diwa ng pag-asa


                                                                 Ang diwa ng pag-asa  
                                                                     REY MARFIL


Magandang pamasko sa administrasyong Aquino ang positibong pananaw ng mga Pinoy sa 2015. Batay kasi sa resulta ng isang survey, lumilitaw na halos siyam sa bawat 10 kababayan nating tinanong ay nagpahayag na puno ng pag-asa ang tingin nila sa susunod na taon.

Ang Pulse Asia ang nagsagawa ng survey noong Nobyembre 14-20, kung saan lumitaw na 88 porsiyento ng kanilang 1,200 katao na tinanong ang nagsabi na mas magandang buhay ang inaasahan nila sa 2015.

Ang maganda pa sa survey na ito, halos lahat ng mga Pinoy sa Luzon, Visayas at Mindanao, at bawat estado ng buhay -- mayaman, middle class, at mahirap, ang positibo ang pagtingin sa ating bansa sa susunod na taon.

Kung ang mga nagse-“senti” (sentimental) at mga “emo” (emotional) ‘ika nga ay may “pinaghuhugutan” kapag malungkot, tiyak na may pinaghugutan din o may basehan ang mga natanong sa survey ng Pulse Asia kung bakit positibo o puno ng pag-asa ang pananaw nila sa 2015.

Marahil, kabilang sa basehan nila ang patuloy na pagiging seryoso ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na ipatupad ang kanyang kampanya laban sa katiwalian. Kung hindi nga naman kasi nawawaldas ang pondo ng bayan, mas magagamit ito sa kailangang mga proyekto at programa.

Bukod diyan, kung nakikita ng mga negosyante -- dayuhan man o lokal -- na nawala na ang palakasan at laga­yan sa paglalagak ng puhunan, mas marami ang maeenggan­yong magpasok ng negosyo sa bansa. Kapag maraming negosyo, mas maraming trabaho sa ating mga kababayan.

Sa pag-aaral ng Philippine Statistics Authority (PSA) para sa ikatlong bahagi ng taon, naitala nitong Oktubre ang pinakamababang unemployment rate sa bansa na 6 percent, kumpara sa 6.4 percent sa kaparehong panahon noong 2013.

Ito na ang pinakamababang bilang ng mga Pinoy na walang trabaho sa bansa sa nakalipas na 10 taon, mula noong Abril 2005, ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA).

***

Kung tutuusin, baka mas mataas pa ang paglago ng ekonomiya natin at mas maraming trabaho pa ang naibigay sa ating mga kababayan kung hindi narendahan ang gastos ng pamahalaan sa mga infrastructure project bunga ng desisyon sa Disbursement Acceleration Program.

Bukod diyan, ang malaking pinsala rin na idinulot ng bagyong Yolanda noong 2013 na higit na naramdaman ngayong taon. Maraming kababayan natin sa lalawigan ang napinsala ang kabuhayan, at siyempre kailangang paglaanan ng pamahalaan ng malaking pondo ang rehabilitasyon sa mga sinalantang lugar ng bagyo -- at idagdag rin natin ang mga sinalanta ng lindol at ang kaguluhang nangyari sa Zamboanga.

Sabi ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr., magsisilbing malaking suporta ang mataas na pag-asa ng mga Pinoy para magpatuloy ang momentum ng pamahalaan sa pagpapaunlad ng bansa.

Mismong si PNoy ang nagsabi na higit silang magi­ging abala sa nalalabing taon niya sa liderato para maipa­tupad ang mga programang kailangan ng bansa. Kaya naman magiging “kill joy” ang sinumang haharang at magiging balakid sa patuloy na pag-asenso ng ating bansa at mga kababayan.

At sa ating mga kababayan na may mga “pinagdadaanan” sa buhay, tandaan ang kasabihan ng mga pilosopo, na “patay lang ang walang pag-asa.” Pero kung nabasa mo ito, ibig sabihin, buhay ka pa. Kaya huwag kang mawalan agad ng pag-asa; magpakatatag at magsumikap para malampasan ang problema sa 2015.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/dec1714/edit_spy.htm#.VJF_FHuFkqs

Monday, December 15, 2014

Prayoridad ang edukasyon!




                                                            Prayoridad ang edukasyon!
                                                                     REY MARFIL

Magandang balita ang pagpapalabas ng adminis­trasyong Aquino sa P290.4 milyong pondo para sa rehabilitasyon ng mga pasalidad ng state universities and colleges (SUCs) na sinira ng nakalipas na mga kalamidad.

Sa kautusan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, agarang ibinigay ng Department of Budget and Ma­nagement (DBM) ang pondo sa Commission on Higher Education (CHED) para sa 23 SUCs na naapektuhan ng sumusunod na mga kalamidad: 7.2 lindol na tumama sa Visayas noong 2013, Zamboanga City siege noong 2013, at mga bagyong Labuyo, Odette, Santi, Sendong at Vinta.
Gagamitin ang pondo para palitan ang nasirang mga kagamitan, rehabilitasyon ng sistemang patubig, at pagbili ng tinatawag na energy-saving devices at generator sets. Kinuha ang P290.4 milyon sa 2014 Rehabilitation and Reconstruction Fund (RRF).

Narito ang sumusunod na makikinabang na SUCs at halaga ng pondo: Apayao State College (P11.347-mil­yon); Ifugao State University (P19.35-milyon); Batanes State College (P10.245-milyon); Nueva Vizcaya State University (P56.84-milyon); Quirino State University (P2.244-milyon); Cagayan State University (P7.596- milyon); Aurora State College of Technology (P3.088-milyon); Ramon Magsaysay Technological University (P3.134-milyon); Pampanga Agricultural College (P5.767-milyon); Tarlac State University (P3.97-mil­yon); Tarlac College of Agriculture (P12.232-milyon); at Nueva Ecija University of Science and Technology (P56.346-milyon).

Kasama rin sa benepisyunaryo ang Bohol Island State University (P39.411- milyon); Siquijor State College (P1.554-milyon); Negros Oriental State University (P3.5-milyon); Zamboanga State College of Marine Science and Technology (P4-milyon); Zamboanga City State Polytechnic College (P34-milyon); Misamis Oriental College of Agriculture and Technology (P2.15-milyon); Bukidnon State University (P3.187-milyon); Davao Oriental State College of Science and Technology (P3.2-milyon); Surigao del Sur State University (P1.895-milyon); Sulu State College (P1.8-milyon); at Adiong Memorial Polytechnic State College (P3.550-milyon).

Noong nakalipas na Mayo, 35 SUCs ang nakatanggap ng P987.3-milyon sa ilalim pa rin ng 2014 RRF na mayroong kabuuang P3 bilyon. Ilan lamang ito sa mga paraang isinasakatuparan ng administrasyong Aquino para mabilis na maisaayos ang nasirang mga pasilidad upang lalong bumuti ang kalidad ng edukasyon sa bansa.

Batid ng Pangulo ang kahalagahan na tiyaking ligtas sa lahat ng pagkakataon ang mga pasilidad na pang-edukasyon lalo’t madalas tamaan ng kalamidad ang bansa.
***
Isa pang magandang balita ang kautusan ni PNoy sa DBM na ipalabas ang P775.5-milyon para solusyunan ang kakapusan ng mga silid-aralan sa iba’t ibang mga lugar sa bansa. Ipagkakaloob ang pondo sa Department of Public Works and Highways na ika-apat na transaksiyon ng P39-bilyong Basic Education Facilities Fund (BEFF) sa ilalim ng 2014 General Appropriations Act (GAA).

Aabot sa kabuuang 552 silid-aralan ang gagawin sa 128 mga lugar sa bansa para lalong mapabuti ang kalidad ng edukasyon. Layunin ng BEFF na isagawa ang konstruksiyon, rehabilitasyon, pagpapalit, pagtatapos, at pagkumpuni ng mga gusali ng eskuwelahan sa mga lugar na mayroong kakapusan ng silid-aralan.

Gagamitin rin ang pondo para sa konstruksiyon ng mga pasilidad sa tubig at sanitasyon at pagbili ng school desks, furniture, at fixtures para sa pampublikong mga eskuwelahan. Ikinokonsiderang mayroong kakapusan sa silid-aralan ang mga lugar na umiiral ang classroom-to-student ratio na 50:1 at pansamantalang silid-aralan, makeshift o hindi na talaga halos mapakinabangan.

Naglaan ang DBM ng P764.4-milyon para sa 16 na rehiyon, at P11 milyon para sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). Matitiyak ng ipalalabas na pondo na magiging handa ang kakayahan ng mga eskuwelahan sa pangangailangan ng K-to-12 program para sa mas maayos na mga pasilidad.

Kitang-kita naman na talagang malaki ang pagpapahalaga ni PNoy sa pagkakaloob ng prayoridad sa sektor ng edukasyon.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
 http://www.abante-tonite.com/issue/dec1514/edit_spy.htm#.VI7ocHuFkqs

Friday, December 12, 2014

Positibo lang dapat





                                                                 Positibo lang dapat
                                                                   REY MARFIL


Isang taon na ang nagdaan nang manalasa si “Yolanda” sa bansa. Sa tindi ng pinsalang iniwan niya, nagulantang maging ang ibang bansa. Sa kabila ng delubyo, dahan-dahang nakabawi ang mga nasalanta sa tulong ng mga pribadong organi­sasyon at ng pamahalaan.

At ngayong taon, panibagong pagsubok ang hinaharap ng marami nating kababayan na naapektuhan naman ng bagyong si “Ruby”. Salamat na lamang at hindi nagpatuloy na maging super­typhoon si “Ruby” kaya hindi kasing-lawak ng pinsala ni Yolanda ang kanyang iniwan sa mga dinaanang lugar.

Pero gaya ng mga biktima ni “Yolanda”, kampante ang mga kababayan natin na makakabawi rin ang mga naging biktima ni “Ruby”. Hindi ito imposibleng mangyari dahil nakaalalay lagi ang mga pribadong sektor at ang pamahalaan para mag-abot ng tulong sa kanilang pagbangon. Dapat lang na laging manalig at maging positibo ang pananaw na may magandang bukas na naghihintay sa atin.

Gaya ng resulta ng survey ng Social Weather Station (SWS) na inilabas noong nakaraang Nobyembre kung saan ipinakita na dalawa sa limang Pinoy ang naniniwalang magiging maganda ang kalidad ng kanilang pamumuhay sa susunod na taon.

Mukhang hindi naman ito imposibleng mangyari sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino dahil na rin sa mga positibong pagtaya sa ekonomiya ng bansa ng mga ekonomista sa Pilipinas at maging ng mga dayuhan.

Naniniwala sila na kasama pa rin ang Pilipinas sa mga bansa sa Asya na magkakaroon ng pinakamasiglang ekonomiya sa susunod na taon. Iyon nga lang, ipagdasal natin na sana ay hindi na magkaroon ng malalakas na bagyo sa mga susunod na taon. Malaking perwisyo kasi sa ekonomiya ang epek­to ng mga matitinding bagyo.

***

Bukod sa nawawalan ng kabuhayan ang mga kababayan natin sa agrikultura, ang pondong puwedeng ilaan sa ibang proyekto at programa ay napupunta sa pang-ayuda sa mga evacuees at pagpapakumpuni ng mga nasirang empraestruktura.

Kung walang mga mapaminsalang bagyo na katulad ni Yolanda, tiyak na mas maganda ang resulta ng pinakabagong datos tungkol sa bilang ng mga walang trabaho sa bansa. Sa ulat kasi ng Philippine Statistics Authority (PSA), lumitaw na naibaba sa 6 percent mula sa nakaraang 6.4 percent ang unemployment rate sa ikaapat na bahagi ng 2014, na pinakamababa na sa nakalipas na 10 taon.

Gayunman, hindi kasama sa datos ng PSA ang employment rate sa Leyte, ang lugar na matin­ding sinalanta ni “Yolanda” at muling hinagupit ni ­“Ruby”. Bukod dito, lumitaw din sa pag-aaral na bumagal ang pagdagdag ng trabaho sa sektor ng agrikultura na karaniwang nahahagip ng bagyo.

Dahil sa mga positibong pananaw ng mga kababayan natin, hindi rin kataka-taka na patuloy ring tumaas ang satisfaction ratings na ibinibi­gay ng publiko kay Aquino, na mula sa +34 percent ay naging +39 sa huling bahagi ng taon, ayon sa SWS survey.

Kung magpapatuloy ang tamang paggastos sa pondo ng bayan, matinong pamamahala gaya ng ginagawa ni PNoy, patuloy na paglago ng ekonomiya, tahimik na pulitika, at walang mala-delubyong bagyo na katulad ni “Yolanda”, walang duda na makakamit ng bayan natin ang matagal nang inaasahan na pag-unlad ng bayan at ng mga mamamayan. Manalig lang at maging positibo.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/dec1214/edit_spy.htm#.VIr7lxaTvps