Monday, December 30, 2013

Di natibag!


Di natibag! 
Rey Marfil


Lumabas na ang inaabangan ng marami tungkol sa resulta ng pinakahuling ratings sa kompiyansa ng mga tao kay Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa taong ito ng 2013.

At batay sa isinagawang survey ng Social Weather Station (SWS), tiyak na malungkot ang mga kritiko ng kasalukuyang administrasyon, as in may malamlam ang mga mata habang nagkakasayahan ang mga kapitbahay ngayong Bagong Taon!

Dahil sa sunud-sunod na trahedyang sinapit ng bansa ngayong taon; idagdag pa ang mga batikos at puna na inabot ng pamahalaan sa pagtugon sa nangyaring mga kalamidad na ang pinakahuli ay ang bagyong “Yolanda”, inaakala at marahil ay inaasahan ng mga galit sa “tuwid na daan” na magkakaroon ng malaking pagbagsak ang satisfaction ratings ni PNoy sa pagwawakas ng taong 2013.

Pero sa survey ng SWS na ginawa nitong December 11 hanggang 16, o isang buwan matapos manalasa si Yolanda, lumitaw na 69 porsiyento ng 1,500 respondents sa buong bansa ang nagpahayag na nasisiyahan sila sa trabaho ng Pangulo. Mayroon namang 21 porsiyento ang nagsabing hindi sila nasisiyahan, para sa net ratings na +49 o “good”.

Ang resulta ng rating ay pagpapakita rin na tama ang mga ginawang hakbang ni PNoy sa pagtugon sa mga nangyaring kalamidad gaya ng Zamboanga siege, lindol sa Bohol at Cebu, bagyo sa Central Luzon at hagupit ni Yolanda sa Visayas region.

Matatandaan na kabi-kabilang puna at kung anu-anong impormasyon ang lumabas sa media at maging sa internet kaugnay sa naging pagkilos at pagtugon ng pamahalaan sa mga nangyaring kalamidad.
Gaya na lang ng intriga na hindi raw totoo na natulog sa tent si PNoy sa Bohol, o kaya naman ay naging mabagal ang pagkilos ng Pangulo sa krisis sa Zamboanga siege at pagtugon sa pangangailangan ng mga sinalanta ng bagyong Yolanda.

***

Sa kinalabasan ng survey, masasabing mulat at batid ng publiko ang katotohanan sa mga nangyayari sa ating bansa at pagsisikap ng gobyerno na kumilos sa pangangailangan ng sitwasyon.
Gaya na lang ng Zamboanga siege na inabot ng ilang linggo bago natapos ang paghahasik ng lagim ng ilang nalinlang na kasapi ng Moro National Liberation Front.

Kung tutuusin, kaya naman na tapusin ng militar at iba pang tropa ng pamahalaan ang krisis sa mas maigsing panahon sa pamamagitan ng paglusob at pagbomba sa kuta ng mga rebelde. Pero ang tanong, papaano naman ang buhay ng mga kawawang sibilyan na bihag ng mga armadong grupo?

Kaya naman ang naging direktiba ni PNoy sa tropa ng gobyerno, ingatan ang buhay ng mga bihag na sibilyan kahit tumagal pa ang krisis ng ilang araw. Ang resulta, nailigtas ang mga bihag na sibilyan at ang mga rebelde ay nadakip at ang iba naman ay napatay.

Sa sitwasyon ng Yolanda disaster, nakita ng publiko ang ginawang pagsisikap ng gobyerno na mapaalalahanan ang mga lugar na dadaanan ng super typhoon.
Katunayan, naglabas pa ng broadcast sa telebisyon si PNoy isang araw bago tumama si Yolanda at ipinaalam ang matinding epekto na maaaring idulot nito.

Kaya naman kung mayroong mga lugar na nagkaroon ng maraming casualties, ito’y hindi na kasalanan ng pambansang gobyerno dahil hindi sila nagkulang sa paalala.

Sa tindi ng pinsala ng bagyo, mauunawaan ng publiko kung bakit hindi naging madali ang paghahatid ng mga relief goods at maging ng pagsasagawa ng relief at retrieval operations sa mga sinalantang lugar. 

Hindi biro ang ginawang paghawi sa mga nakahambalang na mga puno at basura sa mga kalsada, airport at pantalan para makaarangkada ang ayuda ng pamahalaan.

Pero nang mahawi ang ulap ‘ika nga, dumaloy na ang buhos ng tulong sa ating mga sinalantang kababayan. Isama pa natin ang tulong at suportang ibinigay ng iba’t ibang bansa na pagpapakita ng malasakit ng mundo sa mga Pilipino.

Ngayong nagsalita na ang bayan, dalawa ang posibleng mangyari sa 2014: manlupaypay ang mga kritiko ng gobyerno at sumama na sa higit na nakararaming Pilipino sa pagsuporta sa mga adhikain ng pamahalaan, o lalo pang manggalaiti sa inis at maghahanap ng panibagong paraan para siraan ang gobyernong Aquino.

Ngunit anuman ang gawin ng mga kritiko ni PNoy, walang epek ito hangga’t nasa likod niya ang suporta ng mamamayan na pinanggagalingan ng lakas ng Pangulo.


Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
 

Friday, December 27, 2013

Nasa likod ang buong mundo!






                                        Nasa likod ang buong mundo!


Malaking tulak sa pag-asa ng marami nating kababa­yan na sinalanta ng bagyong “Yolanda” ang pagbisitang ginawa sa bansa ni United Nations Secretary General Ban Ki-moon. Bukod sa garantiya ng lubos na suporta sa rehabilitasyon ng mga napinsalang lugar, ipinakita rin ni Ban na hindi tayo nag-iisa.


Kung tutuusin, sa simula pa lang ng hagupit ni “Yolanda” ay naipakita na ng maraming bansa ang pagmamalasakit nila sa mga Pilipino. Kaagad na nagpadala ng tulong -- hindi lang ang mga malalapit nating kaalyado -- kundi maging ang mga bansa na hindi naman natin sob­rang “close” ‘ika nga.


Pero ang pagdalaw ni Ban sa Leyte nitong nakaraang mga araw para makita mismo ang pinsala ni “Yolanda” ay lalo pang nagbigay ng katiyakan na hindi nag-iisa ang gobyernong Aquino sa hakbangin na muling itayo at ibalik sa normal ang pamumuhay ng ating mga kababayan.


Katunayan, muli pang nanawagan si Ban sa mga bansang kasapi ng UN na paigtingin ang pagkakaloob ng tulong sa Pilipinas para makamit ang kinakailangang pondo para sa gagawing rehabilitasyon. Bukod pa diyan, nagpaalala rin siya na hindi dapat maisama sa listahan ng mga nakalimutang trahedya ang nangyaring pananalasa ni “Yolanda”.


Dapat lang naman na hindi makalimutan ng mundo ang lupit ni “Yolanda” na itinuturing na isa, kung hindi man pinakamalakas na bagyo na tumama sa lupa. Isa pa, dahil sa kinakaharap na climate change ng mundo at pag­lakas ng mga bagyo, talagang maaalala at maaalala ng mundo ang nangyari sa Pilipinas dahil maaari ring mangyari sa ibang bansa ang sinapit natin.


***


Sa harap ng ipinakikitang suporta ng buong mundo sa ating pagbangon, pasalamat tayo na nangyari ito sa ilalim ng liderato ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino. Mantakin n’yo, sa laki ng pondong kakailanganin sa rehabilitasyon ng mga sinalantang lugar, isipin na lang natin kung nangyari ito sa panahon ng isang lider na markado sa pagiging matakaw sa pera?


Sa ilalim ng pamamahala ni PNoy, inatasan nito ang mga kinauukulang ahensya na maglagay ng website kung saan makikita ang mga pumapasok na pondo at saan ito ginagamit. Bukod dito, itinalaga niya si dating Senador Panfilo Lacson na kilalang galit sa mga kawatan o tiwali at siguradong hindi tatagas ang pondong ilalaan sa rehabilitasyon.


Sa mga ganitong hakbangin na inilatag ni PNoy sa ngalan ng transparency, tiyak na magiging maingat kundi man magda-dalawang isip ang mga taong “made-demonyo” ang utak na ibulsa ang pondo na para sa mga biktima ni “Yolanda”. Baka hatakin pa ng mga nasawi sa bagyo ang paa ng mga taong magkakainteres sa pera na laan sa naiwan nilang mahal sa buhay na nagsisikap makaba­ngon sa trahedya.


Tama ang panawagan ni Ban tungkol sa kahalaga­han sa pagkakaroon ng mabuting pamamahala sa paghawak sa pondo para sa rehabilitasyon ng mga sinalantang lugar ni “Yolanda”. Pero bago pa man niya ito masabi, nakagawa na ng mga hakbang si PNoy para protektahan ang pera ng mga para sa Yolanda victims.


Sabi nga ni PNoy, makakaasa ang mga tao at maging ang buong mundo na ang pera na para sa mga Yolanda victim ay para sa mga Yolanda victim. Walang puwang sa hangaring ito ng pamahalaan ang mga kurimaw at ma­ngungurakot ng pera ng bayan. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, December 23, 2013

Good news pa rin!



Good news pa rin!
Rey Marfil

Kung hindi dahil sa nangyaring pamamaril sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ay hindi malalantad sa publiko ang mahinang klaseng mga closed circuit television (CCTV) cameras na nakakalat sa paliparan.

Dahil sa pagkamatay ng isa sa apat na napatay sa NAIA na si Zamboanga del Sur Mayor Ukol Talumpa ay ipinarebisa ng isa sa mga anak ng napaslang ang CCTV sa paliparan sa pag-asang mamumukhaan ang salarin  at maging madali ang pagkamit ng hustisya.

Subalit nang iparebisa ang mga video footage sa mga gumaganang CCTV ng NAIA 3 ay hindi makita ang mga kuha dahil malabo na naghatid ng kalungkutan sa mga naulilang  kaanak na umaasam na matutukoy agad ang nasa likod ng pamamaslang gamit ang makabagong teknolohiya.

Ang masaklap mahinang klaseng CCTV na nga ang mga nakaka­bit ay sa mga piling lugar lamang ito nakakalat matapos na makumpirma ni Rayyman Talumpa, anak  ng alkalde na walang CCTV sa bay are­a ng NAIA kung saan nangyari ang pamamaril na lalong nagpalabo ng tsansang mahabol at mapanagot ang mga salarin sa pagpatay sa kanyang mga magulang.

Sa ganang amin, seryosong problema ang lumutang sa nangyaring ambush na dapat tutukan ng mga tagapangasiwa ng paliparan upang hindi man maiwasang may mangyaring kahalintulad na krimen ay madali itong malulutas sa tulong ng mga de-kalidad na mga CCTVs.

Lumalabas tuloy na mistulang mga palamuti lamang ang mga nakakabit na mga CCTV para palabasing namodernisa na ang paliparan.

Pero hindi pa huli ang lahat dahil tuluy-tuloy  ang operasyon ng NAI­A terminal 3 kaya dapat ay inspeksyunin ng mga awtoridad ang lahat ng pasilidad sa paliparan at tingnan ang iba pang palso para naman matugunan ang pangangailangan ng publiko lalo na ang mga bumibiyahe sa kanilang mga problemang panseguridad.

Friday, December 20, 2013

‘Pakuryente’





‘Pakuryente’
Rey Marfil

Habang abala ang pamahalaang Aquino sa pagkilos para maibalik ang suplay ng kuryente sa mga lugar na sinalanta ni “Yolanda” bago mag-Pasko, mayroon namang iba na tila abala sa pagkakalat ng mga “kuryenteng” impormasyon tungkol sa usapin ng power rate hike.

Bilang pagtugon sa direktiba ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, walang pahinga ang sangay ni Energy Secretary Jericho Petilla sa pagtatrabaho upang maibalik ang suplay ng kuryente at mailawan ang mga lugar na sinalanta ng bagyo sa mga lugar sa Visayas region.

Nakita naman natin ang pinsalang idinulot ni “Yolanda” na mistulang toothpick na itinumba ang mga poste at pinag­laruan ang mga naglalakihang tower.
Ang paglalagay ng suplay ng kuryente sa maraming lugar na dinaanan ng bagyo na taon ang ginugol, nawasak sa loob lang ng magdamag, at pinagsisikapan na maibalik sa loob ng ilang linggo o buwan.

At habang abala si Sec. Petilla na maisakatuparan ang kautusan ni PNoy na bigyan ng liwanag ang mga lugar na binagyo bago mag-Pasko, nasabayan naman ito ng napa­kataas na pagtaas ng singil ng kuryente.
Ang dahilan daw ng po­wer rate hike ay bunga ng pagsasara ng mga power generation company para isailalim sa maintenance. 

Tanong ng mga kurimaw: bakit naman nagkasabay-sabay? Nagkaroon ba ng sabwatan? Tama ba ang presyo ng price hike? Mga tanong na iniutos din ni PNoy kay Sec. Petilla na alamin.

Dahil inaprubahan ng Energy Regulation Commission (ERC) na pinamumunuan ni dating Pampanga Rep. Zenaida Ducut ang utay-utay na power rate hike na mahigit P4 per kilowatt hour, tuloy ang high blood ng mga tao dahil sa mataas na bayarin sa kuryente.

Para sa kaalaman ng publiko, si Ducut ay naitalaga sa ERC sa ilalim ng administrasyon ng kanyang “kabalen” na si dating Pangulong Gloria Arroyo.
At dahil naka-fixed ang term ng pinuno ng ERC na isang “independent body” alinsunod sa batas, hindi siya basta-basta mapapaalis sa posisyon maliban na lamang kung kusang magbibitiw.

Mainit ngayon sa mata ng publiko si Ducut dahil bukod sa power rate hike, nasasabit din siya sa kontrobersyal na pork barrel scam o PDAF scam ng mga mambabatas.
Batay sa akusasyon ng whistleblower na si Benhur Luy, nakakakuha ng komisyon sa kanila si Ducut sa bawat maisasarang kontrata sa PDAF project noong hindi pa ito naitatalaga ni Mrs. Arroyo sa ERC.

***

Kung susuriin, matagal nang nakalagay ang pangalan ni Ducut sa mga akusado sa PDAF scam pero hindi nabibigyan ng lubos na pansin. Ngunit dahil sa inaprubahan nilang power rate increase, mistulang pati siya e “nakuryente” dahil natuon na sa kanya ang atensyon ng media at publiko.

Kasabay ng panawagan ng ilang mambabatas na magbitiw si Ducut, mayroon ding nanawagan kay PNoy na gamitin ang Malampaya funds para daw mabawasan ang matinding epekto ng power rate increase. Hindi raw dapat magpatumpik-tumpik pa ang gobyernong Aquino sa paggamit ng Malampaya funds.

Maganda sana ang mungkahi na gamitin ang Malampaya funds pero tila nakalimutan nila na mayroong ipinalabas na desisyon ang Korte Suprema kamakailan lang na nagsa­sabing maaari lamang gamitin ang naturang pondo sa pagtuklas ng mga bagong pagkukunan ng enerhiya at wala nang iba.

Kung seryoso ang mambabatas na magamit ang Malampaya funds at hindi lang nagpapogi at magkalat ng kur­yenteng impormasyon sa publiko, bakit hindi na lang sila maghain ng panukalang batas para amyendahan ang kasalukuyang batas na nagtatakda kung saan lang dapat gamitin ang Malampaya funds. 
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, December 18, 2013

Epekto ng kalinisan!



                                    Epekto ng kalinisan!


Magandang balita na halos makukumpleto na ang P130 bilyong kakailanganin ng Pilipinas para sa rehabilitasyon ng nasirang mga komunidad sa rehiyon ng Visayas sa tulong ng Japan, World Bank, Asian Development Bank at iba pang mga institusyon.

Sa kanyang mensahe matapos makabalik ng bansa, ibinalita ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na itinaas ng pamahalaang Japan ang pondong maaaring mahiram ng Pilipinas mula $100 milyon tungong $500 milyon.

Nanggaling sa Japan ang Pangulo kung saan dumalo ito sa ASEAN-Japan Commemorative Summit at iba pang mga aktibidad. Isa ang pamahalaang Japan sa pangunahing donors ng bansa sa usapin ng relief at recovery efforts.

Bago pa man tumulak sa Japan ang Pangulo, nagkaloob na ang pamahalaang Japan ng $50 milyong tulong sa Pilipinas, isang patunay kung gaano kalalim ang relasyon ng dalawa (2) kahit naging mapait ang pagsisimula matapos umusbong ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Matapos makipagpulong si Pangulong Aquino kay Japanese Prime Minister Shinzo Abe, nabatid na magkakaloob pa ang Japan ng karagdagang $66 milyong tulong para mabilis na makabangon ang nasalantang mga lugar.

Bukod sa pamahalaang Japan, nangako rin ng tulong ang iba’t ibang mga kompanya sa Japan para sa mga nasalanta ng bagyo. Kilala ang Japan sa mga modernong kagamitan -- ito’y nasaksihan ng mga Pinoy sa isinagawang search and rescue operation o medical effort.

Kitang-kita na ginagawa ni PNoy ang lahat ng makakaya nito para sa mabilis na pagbangon ng nasalantang mga lugar at lalo pang nagbigay pag-asa sa mga sinalanta ng bagyong Yolanda ang pagtalaga kay Secretary Ping Lacson bilang Rehabilitation czar. Ibig sabihin, hindi lamang pagbangon ang kailangang gawin sa Leyte at Samar kundi ihulma ang pagkakaroon ng disiplina ng mga opisyal -- isang karakter na nasa dugo ni Sec. Ping!

Hindi rin naman uulan ng tulong sa bansa kung hindi nakita ng donors ang malinis na pamamahala ni PNoy kaya’t sakto ang pagkakatalaga kay Secretary Lacson bilang Rehab czar na kilalang malinis ang reputasyon sa paghawak ng pera, katulad ng Pangulo. 

***

Napag-usapan ang Japan, nakatanggap si PNoy ng honorary doctoral law degree sa Sophia University sa kanyang pagbisita sa Japan kung saan dumalo ito sa ASEAN-Japan Commemorative Summit.
Sa kanyang commemorative lecture, ibinalik-tanaw ni PNoy ang buhay ni Jesuit priest Horacio dela Costa, huling Filipino na nakatanggap ng honorary doctorate mula Sophia University noong 1973 at nagsilbing inspirasyon sa Pangulo at kanyang yumaong amang si Sen. Benigno ‘Ninoy’ Aquino Jr.

Tiniyak ng Pangulo ang kanyang obligasyon at panata na patuloy na tutulungan ang kanyang bansa tungo sa daan para makamit ang sosyal na hustisya at progresong pang-ekonomiya.

Inihayag rin ng Pangulo sa kanyang talumpati doon ang magandang nagawa ng kanyang pamahalaan laban sa katiwalian at pagsusulong ng mga programa sa pagkakaroon ng transparency.

Mismong si Sophia University president Tadashi Takizawa ang nagkaloob kay Pangulong Aquino ng Honorary Doctorate Degree.

Pinuri ni Takizawa si PNoy dahil sa malaking tagumpay na nagawa nito sa nakalipas na tatlo at kalahating taon para maisulong ang malinis na pamamahala na nagresulta sa magandang ekonomiya.
Nagpasalamat rin ito sa Pangulo dahil sa suporta at tulong na ibinigay ng Pilipinas nang bayuhin ang Japan ng tsunami noong 2011.

Binati rin ni Chancellor Toshiaki Koso si Pangulong Aquino na nagsabing pambihirang karangalan sa unibersidad na maigawad ang honorary doctorate dito matapos maipatupad ang mga politikal na reporma.

Nakatanggap rin si PNoy ng commemorative token mula sa mga mag-aaral ng Sophia University.
Isang Jesuit na educational institution ang Sophia University na may kasunduan sa ibang Jesuit universities, kabilang ang Ateneo de Manila University o alma mater ni Pangulong Aquino. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, December 16, 2013

Pinatibay ng pagsubok






Pinatibay ng pagsubok
Rey Marfil

Simbang Gabi (Night Mass) begins today. It will end on Christmas Eve. Misa De Gallo (Rooster’s Mass) as it is also called, is a happy nine-day novena period when Filipinos prepare their hearts and minds for the coming of our Savior. We continue to pray for the good and bad people, the happy and sad times, the sick, the poor and the hungry. We pray for our safety, our health, our financial woes, our leaders and for our beloved country.
The Simbang Gabi tradition began during the Spanish period and we have kept it since. The Christmas breeze, the ringing of the church bells, the freshness of the morning dew and the delicious scent of the puto-bumbong and bibingka, the shopping frenzy, are signs that indeed Christmas is just around the corner. This creates a good and positive spirit as we prepare for the celebration of the birth of Jesus and the coming New Year.
By the way, the first Christmas in our country was celebrated 200 years before Magellan discovered the Philippines, probably between 1280 and 1320 A.D. On December 25 in the late 12th century, Fr. Odoric, a Franciscan priest from Perdenone, Italy, celebrated the first yuletide mass (Misa de Gallo) on the shores of ancient Pangasinan.  His group passed by the Philippines on their way back to Italy after eight years of stay in the Orient, during which they endeavored to convert Asians to Christianity. Father Odoric showed the people a picture of Joseph, Mary and Jesus in a manger. A Christmas tree was planted beside the black cross. With his men kneeling around, Father Odoric proceeded to say the first Christmas mass in the Philippines. The Italian priest called the first Philippine Christmas, Natale.
Christmas is a time to rekindle our spirits especially during these times when the country has been experiencing a series of downfalls. Natural and man-made disasters caused our people to suffer. Our government seems to be losing a good grip of the situations affecting the citizens in their daily lives. Resignations left and right, lawmakers violating the very same laws they have passed, word war at the Senate, among local government officials and Cabinet members, donations for Yolanda victims allegedly being repacked and sold in Manila, towns and cities still not reached by relief goods, robberies, hold-ups and crimes in general as Christmas draws near – all these and many more, have in some ways dampened the Christmas spirit in each of us.
Some companies have actually cancelled their Christmas parties and decided to donate their Christmas party budget to organizations taking care of the relief and rehabilitation programs for the victims of Yolanda. What a laudable gesture. Others have simplified their Christmas parties.
Despite what we have just been through, I personally feel that we should still celebrate Christmas even in the simplest way. Our people need rejuvenation. We need to bring in some good cheer. We deserve to be happy even if we are not victims of any disaster. As a matter of fact we are all actually victims of our daily grind. This government has made life more difficult for us. Our people need more love, care, protection and affection. We work so hard. But in the end public officials steal the good life that we deserve to have. Instead of making things more convenient, comfortable and systematic for us, they make us suffer in the tedious process of getting government records, permits, licenses, paying high taxes, kotong and corruption.
Let’s take a breather now. Remember Christmas began when God looked in love, spoke in love, and acted in love. He acted by coming in the flesh via His only-begotten Son, Emmanuel, God with us. We call Him Jesus. He is the greatest mystery, this God in the flesh, Son of God, God with us, Savior of the world. But don’t be confused or intimidated by all the theological muscle-flexing in these titles. Just know that when you see Jesus, you see God. Just keep in mind that when you see Jesus, you see love, a love that abides with us, sees us, and never leaves us. The love of God never abandons the suffering and struggling. He sees, He knows, He loves at all times. And this is the very reason Filipinos are very devoted. We need to get our inner strength from God.
Let us not lose the true meaning of Christmas. Christmas is more than sharing, giving, making people happy amidst all the troubles and images of discontent and suffering. It is a time to rejoice for the coming of our Savior, Jesus Christ. We need to celebrate and be jubilant despite all the hardships. “For God so love the world that He gave his only begotten Son…”
Don’t let the Grinch steal your Christmas!

Friday, December 13, 2013

Epektibong reporma!




Epektibong reporma!
Rey Marfil

Resulta na naman ng matuwid at malinis na pamamahala ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang bumuting estado ng bansa sa pag-aaral ng Transparency International’s Corruption Perception Index 2013.

Patuloy ang pag-arangkada ng mahusay na gobyerno kung saan mismong isang pandaigdigang koalisyon kontra sa katiwalian ang kumikilala.

Ngayong 2013 Corruption Perceptions Index, napunta sa ika-94 na posisyon ang Pilipinas mula sa 105th puwesto o 11 puntos na pag-angat.

Isipin ninyo, nanggaling ang Pilipinas noong 2012 sa 129th na puwesto bago napunta sa 105th na posisyon o pagbuti ng 24 puntos.

Sa ranggong 94th ng bansa ngayong taon, nakakuha ito ng score na 36, mas mataas sa 34 puntos sa ika-105 na puwesto noong 2012.

Isang non-governmental organization (NGO) ang Transparency International na nagbabantay at naglalabas ng pagsasaliksik kaugnay sa estado ng katiwalian sa iba’t ibang mga bansa at mga repormang isinasagawa.

Inaasahan nating magpapatuloy ang mabuting pagbabago sa ilalim ng administrasyong Aquino laban sa katiwalian at magbubunga ng mas malaking pagtitiwala ng internasyunal na komunidad sa Pilipinas.

***

Bagama’t nakatali ang mga kamay ng gobyerno sa pagsirit ng presyo ng gasolina at krudo, magandang balita pa rin ang paniniyak ng administrasyong Aquino na gagawin nito ang lahat upang protektahan ang publiko kaugnay sa anumang hindi rasonableng pagtaas sa singil sa kuryente sa pamamagitan ng pagpapanagot sa mga mang-aabuso.

Ang direktiba at aksyon ni PNoy bilang tugon sa plano ng Manila Electric Company (Meralco) na ipatupad ang mataas na singil sa kuryente. Take note: umaasa lamang ang Pi­lipinas sa dikta ng world market, as in nakadepende tayo sa importasyon ng langis.

Bagama’t nakasalalay ang singil sa kuryente sa mga puwersa sa merkado, nasa mandato naman ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa ilalim ng Section 43 ng Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) law o Republic Act (RA) No. 9136 na ipatupad ang mga alituntunin at regulasyon sa pagsugpo ng mga pang-aabuso katulad ng hindi makatwirang umento sa singil sa kuryente.

Nasaksihan na natin ang tigas ng ERC noong nakalipas nang iutos ang refund ng Meralco sa kanilang konsumer dahil sa sobrang singil.

Bagama’t nakapaloob na sa EPIRA law ang pagtulong sa mga mahihirap katulad ng “lifeline rate”, patuloy pa rin ang ginagawang pagsusumikap ng administrasyong Aquino sa pamamagitan ng Department of Energy (DOE) na maghanap ng maitutulong sa mga nangangailangan sa usapin ng kur­yente, partikular sa mga lugar na nasalanta ng mga trahedya.

Noong 2011 nga, nilagdaan ni PNoy ang batas upang dugtungan ng bisa sa loob ng 10 taon ang lifeline subsidy sa mga tahanang kumukonsumo ng 100 kilowatts pababa kung saan nakikinabang ang mahigit 2 milyong mahihirap na mga pamilya.

Sa ilalim ng lifeline system, libre sa pagbabayad ng kur­yente ang isang pamilya na kumonsumo lamang ng 20 per kilowatt hour (kWh) bawat buwan.

Aabot naman sa 50% ang diskuwento ng isang pamilyang kumokonsumo ng 21 hanggang 50 kWh na kuryente habang 35% na diskuwento sa nakakagamit ng buwanang 51-70 kWh.

Kung nasa 71 hanggang 100 kWh ang buwanang konsumo, aabot lamang sa 20% ang diskuwento at 20% rin ang subsidiya para sa senior citizens.

Makikita natin kung gaano katindi ang pagmamalasakit ni PNoy para maisulong ang kagalingan at interes ng bawat Filipino.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, December 11, 2013

Di masisisi ang sarili


Di masisisi ang sarili
REY MARFIL

Nakahanap ng masisisi si Tacloban City Mayor Alfred Romualdez sa delubyong nangyari sa kanyang lungsod sa pagtama ng bagyong “Yolanda” na nagresulta sa pagkamatay ng hindi bababa sa 2,000 niyang kababayan.

Sa isinagawang joint investigation ng Senado at Kamara kaugnay sa naging pagkilos ng NDRRMC -- bago at pagkatapos ng pagtama ni “Yolanda”, dumalo si Romualdez at madramang ikinuwento ang mga nangyari -- bago at pagkatapos ng nangyaring delubyo.

Giit ng alkalde, hindi sila nagkulang sa lokal na pamahalaan sa paghahanda sa bagyo. Inilikas daw nila ang mga tao na naninirahan sa tabing-dagat at inilipat sa mas ligtas na lugar. Pero marami raw ang bumabalik sa kanilang mga bahay hanggang sa naganap ang pagtama ni “Yolanda”.

‘Di ngayon ang panahon ng sisihan subalit hindi maiwasang kuwestyunin ni Mang Kanor ang palusot ng ilan. Tandaan din na mismong si Romualdez ang nagkuwento, mapa-international o local media, maging sa mga umpukan na siya’y inabutan ng bagyo at storm surge sa kanilang “resort”. Maging ang kanilang asawa at mga anak daw ay nasa lugar na malapit sa airport na malapit din lang sa dagat. 

‘Ika nga ni Mang Gusting: ano ngayon ang iisipin n’yo at paano susunod ang mga nasasakupan, aba’y kahit ang mismong alkalde na itinuturing na ama ng kanilang lungsod ay hindi alam ang peligro ng storm surge, o binalewala lang talaga ang babala sa peligrong hatid ng bagyong Yolanda?  

***

Napag-usapan ang “pagtuturo” ni Romualdez, ang ipi­nagtataka pa ni Mang Kanor: bakit ang maliliit na munisipalidad ng Camotes Island na na-direct hit din ni Yolanda, may lima lamang na katao ang nasawi.

Ang munisipalidad ng San Francisco, zero casualties dahil sa maagap na paglikas sa mga tao.

Sabi ng kanilang dating alkalde (Camotes Island), alam nila ang epekto ng storm surge kaya dinala nila sa mas mataas na lugar ang kanilang mga kababayan. Hindi rin sila basta nagugutom kahit nasalanta ang kanilang lugar dahil nakapagtabi sila ng pagkain na sapat hanggang tatlong araw.

Pagpapakita ito ng kahandaan ng lokal na lider na tunay na may malasakit sa kanilang kababayan. Hindi sila basta umasa sa tulong ng pambansang gobyerno dahil sapat ang kanilang kaalaman sa posibleng tindi ng pinsalang idudulot ng bagyo.

Balikan natin si Romualdez, sa naturang pagdinig, sinisi niya ang kawalan daw ng tulong ng pambansang gobyerno para tulungan ang kanilang mga kababayan. Hindi raw kaagad ipinadala ang mga sundalo at pulis para magbantay sa seguridad at maalis ang mga patay sa kalsada.

Sinabihan pa raw siya ni DILG Sec. Mar Roxas na kailangang maging pormal ang lahat sa pagkilos ng pambansang gobyerno sa Tacloban dahil Romualdez siya at ang liderato ng pamahalaan ay Aquino. 

Nais daw ni Roxas na gumawa ng sulat si Romualdez na humihiling ng ayuda kay PNoy dahil hindi na nakakakilos ang lokal na pamahalaan ng mga sandaling iyon. Pero dahil sa payo ng kanyang abogado na maaaring magamit ang sulat upang siya ay maalis sa kapangyarihan, hindi niya ginawa ito.

Pero kahit walang sulat na ginawa si Romualdez, dumating at bumuhos kaagad ang tulong ng gobyerno -- at maging ng ibang bansa. Sino ba ang naglinis ng mga kalsada, pantalan at airport, hindi ba’t ang mga tauhan ng national government na walang inisip kundi tumulong at ibalik ang normalidad ng Tacloban City? 

Sa kabilang banda kung iisipin, kung ikaw ay tunay na may malasakit sa kapakanan ng mga kababayan mo, iisi­pin mo pa ba ang “posisyon” mo na baka masibak ka kung gagawa ka ng sulat? 

Hindi ba’t mas maganda yatang kuwento na isinakripisyo mo ang personal na kapakanan dahil ang kapalit naman ay buhay at kinabukasan ng mga taong naghalal at nagtiwala sa iyo na hindi mo sila pababayaan?
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)




Monday, December 9, 2013

Pinatindi pa!




Pinatindi pa!
REY MARFIL



Pinatindi pa ng MalacaƱang ang ayuda sa mga biktima ng bagyong Yolanda na nawalan ng tirahan, isang paniniyak na laging nasa tabi ng mga ito ang pamahalaan para umalalay.

Magandang balita ang pahayag ni Presidential Communications Operations Office Secretary Herminio ­“Sonny” Coloma Jr. na kabilang sa tulong ang tinatawag na pansamantalang pagkupkop sa mga pamilyang tumakas sa kanilang lugar patungong Metro Manila.

Sa ngayon, nagtutulung-tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Health (DOH), at Philippine Air Force, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Philippine Information Agency (PIA), at local government units para makipagtrabaho sa mga pribadong grupo at non-government organizations upang saklolohan ang internally displaced persons (IDPs).

Kamakailan, inilunsad ng DSWD ang proyektong adopt o host a family sa Metro Manila para masaklolohan ang mga residenteng nawalan ng tirahan sa kanilang mga lugar sa Eastern Visayas.
Lumabas sa datos ng DSWD na 4,352 pamilya o 18,016 katao ang nagpunta sa Metro Manila mula Samar at Leyte sakay ng C-130 planes o nagbiyahe sa mga bus ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) mula Nobyembre 16 hanggang 29.

Sa nasabing bilang, 3,042 pamilya o 2,932 katao ang natulungan sa pamamagitan ng Oplan Hatid ng pamahalaan habang nanatili naman ang iba sa tent city sa Pasay City o mga ospital sa Metro Manila.
Inaalagaan rin ang iba ng non-government organizations o local government units.

Kailangang samahan ng sambayanang Filipino ang pamahalaan upang patuloy na tulungan ang mga biktima ni Yolanda gamit ang espiritu ng bayanihan.

***

Hindi ba’t kapuri-puri ang kautusan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino para sa karagdagang tulong sa mga biktima ng bagyong Yolanda sa porma ng pinansiyal na ayuda para muling makabangon.

Ipinalabas rin ni Pangulong Aquino ang Memorandum Circular #59 na nag-aatas sa government financial institutions (GFIs) na pansamantalang hindi singilin sa loob ng anim na buwan ang mga biktima ng bagyo kaugnay sa kanilang pagkakautang na libre sa anumang interes.

Nilagdaan ang circular noong Nobyembre 26 at kabilang sa inatasang GFIs at government-owned and controlled-corporations (GOCCs) ang Landbank of the Philippines (LBP), Development Bank of the Philippines (DBP); Government Service and Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS), National Home Mortgage Finance Corporation (PAG-IBIG), People’s Credit and Finance Corporation (PCFC), Philippine Postal Savings Bank (PPSB), Philippine Retirement Authority, Quedan and Rural Credit Guarantee Corporation (QUEDANCOR), at United Coconut Planters Bank (UCPB).

Bago pa man magdatingan ang mga pinansiyal na tulong at iba pang porma ng ayuda sa mga lugar na sinalanta ni Yolanda, inilatag na ng pamahalaan ang mga programa para sa mabilis na rehabilitasyon at pagbangon ng mga apektadong lalawigan.

Kabilang sa mga ahensya ng pamahalaan na nangunguna sa rehabilitasyon ang Departments of Public Works and Highways, Energy, and Education para maibalik ang nasirang mga pangunahing imprastraktura habang maigting na pinagtutulungan ng Departments of National Defense at Social Welfare and Development ang relief at retrieval operations.

Kitang-kita naman ang pagdamay ng administrasyong Aquino sa mga nasalanta sa pamamagitan ng pagtiyak na naibibigay sa mga ito ang kanilang mga pangangailangan.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, December 6, 2013

Maganda pa rin!



Maganda pa rin!
Rey Marfil



ng malaki ang malinis na pamamahala ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino para mamintina ang magandang takbo ng ekonomiya ng bansa sa kabila ng serye ng mga trahedya, kabilang ang mapaminsalang bagyong si ‘Yolanda’.

Inihayag na ni Economic Planning Secretary Arsenio Balisacan na 0.8% pag-angat lamang sa gross domestic product (GDP) ang mawawala sa huling quarter ng taon.

Lumabas sa opisyal na datos na nakapagtala ang Pilipinas, isa sa mga nangungunang bansa sa Asya, na may mataas na paglago ng ekonomiya, ng pag-angat na 7.0 porsiyento sa nakalipas na third quarter o mula Hulyo hanggang Setyembre.

Mas mataas rin ang 7.1 porsiyentong naitala ng mga ekonomista na kinapanayam ng Wall Street Journal. Ibig sabihin, maganda ang lagay ng ekonomiya kahit sabihin pang nagkaroon ng bahagyang pagbaba dahil sa bagyong Yolanda lalo’t malaki pa rin ang inaasahang 7.0 porsiyentong paglago ng ekonomiya sa huling quarter ng 2013.

Tatanghalin pa rin ang Pilipinas bilang isa sa mga bansa sa mundo na mayroong mabilis na pag-angat ng ekonomiya, kasunod ng China dahil sa matinong pamamalakad ni PNoy.

Bago umatake si Yolanda, tiwalang-tiwala ang mga opisyal ng bansa na mahihigitan pa ang buong taong target na paglago ng ekonomiya ng bansa na 6 hanggang 7 porsiyento dahil sa magandang naging lagay ng ekonomiya sa unang anim na buwan ng 2013.

Pero dahil sa naganap na trahedya, kabilang si ‘Yolanda’ na tumama sa bansa noong Nobyembre 8, naniniwala si Blisacan na bababa ang GDP growth mula Oktubre hanggang Disyembre ng 0.3 hanggang 0.8 porsiyento.

Nakakatuwa rin ang opisyal na pahayag ng National Statistical Coordination Board na lumago ang ekonomiya ng bansa ng 7.4 porsiyento sa unang siyam na buwan ng taon na mas malaki kumpara sa 6.7 porsiyento sa katulad na panahon noong 2012.

***

Doble-kayod ang administrasyong Aquino at ang Kongreso sa mabilis na pagkakaloob ng ayuda at tulong para sa rehabilitasyon at pagbangon ng mga lugar na sinalanta ng sandamukal na trahedya sa pamamagitan ng pagpasa ng P14.6 bilyong supplemental budget.

Nakakasiguro ang mga tao na hindi magiging bagong pork barrel ang panukalang lump sum supplemental budget.

Sinertipikahan na ni PNoy na “urgent measures” ang House Bill (HB) No. 3423 o P14.6 bilyong supplemental budget at House Joint Resolution (HJR) No. 7.

Tutustusan ng supplemental budget ang pagkumpuni, rehabilitasyon at pagbangon ng mga lugar na sinalanta ng mga bagyong Labuyo, Odette, Pablo, Sendong, Santi at Vinta, naganap na rebelyon sa Zamboanga City, 7.2 lindol na tumama sa Bohol at bagyong Yolanda na dumaluyong sa Gitnang Pilipinas, kabilang ang Katimugang Luzon at Visayas.

Sa ilalim naman ng HJR No. 7, durugtungan ng isang taon ang bisa ng ilang mahahalagang pondo sa ilalim ng kasalukuyang pambansang badyet para magamit sa rehabilitasyon, kabilang ang calamity, savings, unobligated allotments para sa maintenance and other operating expenses at capital outlays.

Walang basehan ang pangamba at bagong intriga ng militanteng mga kongresista na magiging pork barrel na naman ang supplemental budget.

Minamadali ng Kongreso ang paglusot ng mga panukala dahil hangad ng mga mambabatas na maibigay nang mabilisan ang mga tulong na labis na kailangan ng mga tao. Hindi rin naman ipinagbabawal ang lump sum sa supplemental budget ng batas at Konstitusyon kung malinaw ang pagkakagastusan.

Sa ngayon, mahirap naman talaga para sa MalacaƱang na magsumite ng detalyadong panukala kung saan agarang magagamit ang P14.6 bilyon.

Hanggang sa ngayon, patuloy pa rin ang pagtataya ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kaugnay sa komprehensibong pinsala ng mga kalamidad,.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, December 4, 2013

Tamang desisyon!



                                          Tamang desisyon!


Kahanga-hanga ang ginawang desisyon ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ruffy Biazon na magbitiw sa kanyang puwesto, at ang pagkakatalaga kay da­ting Senador Panfilo Lacson bilang rehabilitation czar sa mga lugar na sinalanta ng bagyong “Yolanda”.

Ilang araw matapos isama ng Department of Justice (DOJ) sa listahan ng mga dating kongresista na kinasuhan sa Office of the Ombudsman dahil sa pagwawaldas umano ng Priority Development Assistance Fund (PDAF), na kilala rin sa tawag na pork barrel fund, nagbitiw na si Bia­zon bilang lider ng BOC.

Ito na ang ikalawang pagkakataon na naghain ng kanyang resignation si Biazon, na ang una ay nang punahin ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa kanyang talumpati sa SONA noong Hulyo ang ilang iregularidad sa BOC.

Pero hindi tinanggap noon ni PNoy ang pagbibitiw ni Biazon dahil batid niya ang pagsisikap ng dating kongresista ng Muntinlupa na linisin ang ahensya na kilala noon bilang isa sa mga tanggapan ng pamahalaan na talamak ang katiwalian.

Ngunit sa pagkakataong ito, iba na ang usapan dahil ang mismong DOJ ang nagsampa ng reklamo laban kay Biazon kaugnay ng umano’y kickback na nakuha niya sa isang NGO ng kontrobersyal na negosyanteng si Janet Napoles noong siya ay mambabatas pa. 

Bagaman nananatili pa rin naman siyang inosente hangga’t hindi pa napapatunayan sa korte ang kanyang kasalanan, magkakaroon na ng bahid ang kanyang kredi­bilidad na patakbuhin ang BOC at habulin ang mga tiwali.

Bukod diyan, batid ni Biazon na kung mananatili pa siya sa puwesto kahit sa kabila ng kinakaharap na asunto, tiyak na gagamitin siyang pambala ng mga kritiko ng administrasyon para batikusin si PNoy. Pero ngayon, naipakita ng administrasyon na walang katotohanan ang akusasyon ng mga kritiko na pinipili lamang ng DOJ ang mga kakasuhan kaugnay ng pork barrel scandal.

Maliban sa malapit na kaalyado at mataas na opisyal ni PNoy si Biazon, kapartido rin niya ito sa Liberal Party, maging ang ama ng huli na si dating senador at nga­yon ay Muntinlupa Rep. Rodolfo “Pong” Biazon.

Sa pag-alis ni Ruffy sa BOC, nakapag-iwan siya ng mga reporma sa ahensya na dating puno ng katiwalian. Kasabay nito, natutukan niya ang kinakaharap na kaso sa Ombudsman para linisin ang kanyang pangalan na nabahiran dahil sa alegasyon ng pork barrel scam.

***

Magandang balita rin ang pagkakatalaga kay Lacson na mamumuno sa gagawing rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda -- isang taong may kre­dibilidad at integridad sa paghawak ng pondo. 

Sa laki ng pondong gagastusin para maibangon ang mga sinalantang lugar, dapat lang na matiyak na ang lahat ng ito ay hindi masasayang at magagamit ng tama. Hindi biro ang hirap na dinadanas ng ating mga kababayan dahil sa kalamidad kaya marapat na maging mabilis ang isasagawang rehabilitasyon.

Bilang dating hepe ng malaking organisasyon ng Phi­lippine National Police, magagamit ni Lacson ang kanyang kasanayan sa pamamahala ng malaking ahensya bilang rehabilitation czar upang maging mabilis at maayos ang pagsasagawa ng mga proyektong kailangan sa pagbangon ng lugar na winasak ng bagyo.

At dahil kilalang graft buster at walang inaatrasan sa laban, tiyak na mangingilag ang mga taong nag-iisip na pagkaperahan ang pondong ilalaan sa rehabilitation program. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, December 2, 2013

Makakabangon!



Makakabangon!
REY MARFIL


Dapat makahugot ng pag-asa at inspirasyon mula sa mahusay na pagkapanalo ng Pambansang Kamao at Sarangani Rep. Manny Pacquiao ang ating mga kababayang subsob ngayon sa buhay dahil sa pinsalang iniwan ng bagyong ‘Yolanda’.

Pero huwag isipin na ang biyayang ibibigay ni Pacquiao sa mga nasalanta ng bagyo ang dapat magbigay sa kanila ng panibagong lakas para makaahon sa kanilang kinalalagyan ngayon. 

Bagaman malaking tulong ang anumang bagay na maibibigay ng Pinoy boxing icon, higit na dapat maging inspirasyon sa ating mga kababayan ang muli niyang tagum­pay matapos ang dalawang sunod na kabiguan.

Bago ang ginawang pagbugbog ni Pacquiao sa mas ma­laking nakatunggali na si Brandon ‘Bambam’ Rios sa Macau noong Linggo, natalo muna si Pacman kay Timothy Bradley na dahilan para maagaw sa kanya ang korona. 

Naging kahindik-hindik naman ang sumunod na pagka­talo ni Pacquiao nang literal na patulugin at pahalikin siya sa lona ng Mexican great na si Juan Manuel Marquez noong Nobyembre 2012.

Sa kabila ng dalawang kabiguan -- lalo na ang mala-halimaw sa banga na suntok ni Marquez -- hindi nawalan ng pag-asa ang ating kababayang si Pacquiao. Sa halip, ang kabiguan na iyon ay ginamit niya para higit na maging mahusay na boksingero at naipakita niya iyon sa ginawang pagdomina sa laban nila ni Rios.

Marahil kung ibang boksingero si Pacquiao na mahina ang paniniwala sa sarili at walang sampalataya sa kanyang Lumikha, aba’y baka naging lasenggo na si Pacman at araw-araw na tumotoma para makalimutan ang nakakahiyang pagkatalo niya kay Marquez. Pero iba ang Pinoy, kaya nating malampasan at tawanan ang mga pagsubok na ating pinagdadaanan.

Sa laban ni Pacquiao kay Rios, kapuna-puna na naging maingat na siya sa pagsugod kapag matatapos na ang round. Kapag naghahamon ng bugbugan o sabayan si Rios, hindi iyon kinakagat ni Pacquiao at sa halip ay sinunod ang kanyang game plan na ikutan, suntukin, at ikutan si Rios. 

Tandaan na patapos na ang round nang nahagip ng ma­tinding banat ni Marquez sa panga si Pacquiao; at sa mga nagdaang round ay lamang ang ating kababayan kaya kung tutuusin ay walang dahilan noon si Pacman para mag-apura. Kaya nga tingin ng marami, naging pabaya noon si Pacman at pinagbayaran niya iyon ng malaki.

***

Napag-usapan ang pagbangon, ‘ika nga ni Mang Kanor: ang nakaraan ay nakaraan na. Nakabawi na si Pacquiao at pinatunayan niya na may ibubuga pa siya at hindi pa dapat mag­retiro gaya ng sinasabi noon ng kanyang mga kritiko. Ganito rin ang dapat na maging pananaw ng ating mga kababayan na sinusubok ngayon ang katatagan.

Hindi na natin maibabalik ang mga mahal sa buhay na nawala at mga gamit na nawasak ng kalamidad, pero ang bawat isa na nakaligtas sa hagupit ni ‘Yolanda’ ay dapat magpatuloy sa kanilang buhay; hindi lang para sa sarili kung hindi para sa ibang mahal sa buhay na kasamang nakaligtas sa trahedya -- kapamilya man iyan, kaibigan o kapitbahay.

Dahil sa pagkakataong ito, mahalagang magpakita ng tibay para may paghugutan ng lakas ang mga katulad na Yolanda survivors na pinanghihinaan ng loob.

Dapat ding tandaan na hindi sila nag-iisa sa kanilang pagbangon. Gaya ni Pacquiao, hindi niya magagawang makabawi sa kanilang laban kay Rios kung wala ang tulong ng ibang tao, gaya ng kanyang pamilya, mga kaibigan, mga tagasuporta, mga tauhan at tagasanay.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)