Wednesday, October 30, 2013

Dumamay at ‘wag puro laway!




                                Dumamay at ‘wag puro laway!


Sa harap ng trahedya gaya ng mga kalamidad, may tatlong mukha ang maaaring makita -- ang mga biktimang nagdadalamhati, ang mga nagmamalasakit na dumadamay, at ang mga may personal na agenda na nagsasamantala.

Sa nakalipas na ilang buwan, tila kinakabayo ng kamalasan ang bansa dahil sa mga natural at man-made calamities na dinanas ng bansa -- ang matinding mga pag-ulan na nagpalubog sa baha sa ilang lugar sa Luzon; ang pagsalakay ng ilang tauhan ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa Zamboanga City sa Mindanao; at ang mapaminsalang lindol na naranasan sa Cebu at Bohol sa Visayas region.

Sa lahat ng sitwasyong ito, hindi nagpabaya ang pamahalaang Aquino sa pinakamabilis na paraan na magagawa ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang makapaghatid ng tulong sa mga kababayan nating nasalanta. Pero sa lawak at dami ng mga apektadong pamilya, hindi magiging madali ang lahat para kaagad na maiparating ang tulong.

Kaya naman malaking bagay ang nagagawa ng mga media at pribadong sektor para makatulong sa gobyerno sa paghahatid ng mga tulong at pagbibigay ng impormasyon sa kalagayan ng mga tao. Sa pamamagitan ng media, nala­laman ng kinauukulang ahensya ang mga lugar na hindi pa naaabot ng tulong dahil na rin sa pagiging liblib ng lugar o kaya naman ay problema sa mga daraanan.

Ang mga binahang kalsada, daanan na natabunan ng gumuhong bundok, mga nasirang tulay ang karaniwang nagpapahirap sa pagdadala ng kailangang relief assistance sa mga naging biktima ng pagbaha o kaya naman ay lindol gaya ng nangyari sa Bohol at Cebu.

Sa sitwasyon naman sa Zamboanga City, ang sobrang dami ng tao na lumikas at pansamantalang tumuloy sa mga evacuation centers na kailangan ding suportahan ng gobyerno ang naging malaking pagsubok. Bukod sa pagkain, ang pagbabantay sa kanilang kalusugan ay mahalagang tinutukan din ng pamahalaan katuwang ang iba’t ibang pribadong sektor.

Ang pagkakaloob ng paunang tulong sa mga kababayan nating nasalanta ay isang bahagi pa lamang ng problema na kailangang tugunan ng gobyerno. Dahil maliban sa mga tao, dapat ding kumilos ang gobyernong Aquino upang maibalik din sa normal ang mga napinsalang lugar para makapagsimula muli ang ating mga kababayan.

***

Napag-usapan ang trahedya, kalamidad at iba pang problemang sinapit ng Pilipinas, hindi kaila sa publiko na kaila­ngang ayusin ang mga nasirang kalsada at tulay, itayong muli ang mga gumuho o nalubog sa tubig na mga paaralan, o ayusin ang mga tanggapan na nagkaroon ng bitak o natabunan ng putik.

Sa dami ng mga kalamidad na tumama sa ating bansa -- gaya ng mga pag-ulan na ngayon ay lalong tumitindi dulot ng climate change, hindi nakapagtataka na maubos ang pondong nakalaan para dito.
Kung tutuusin, nasa Oktubre pa lamang tayo at sana naman hindi na masundan pa ang malalakas na bagyo at paglindol na gaya ng naranasan sa Cebu at Bohol.

Nakakalungkot lang na may mga tao na hindi na nagagawang tumulong sa mga biktima ng mga kalamidad na ito, nagagawa pa nilang mang-intriga tulad ng pagkuwestiyon sa pondo para sa kalamidad at umano’y mabagal na pagdadala ng tulong sa mga nasalanta. ‘Ika nga ni Mang Kanor: Dumamay at huwag puro laway!

Si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na mismo ang nagpahayag sa media at publiko na nasa P1 bilyon na lamang ang nalalabi sa pagtugon sa kalamidad -- P176 mil­yon sa calamity fund at P824 milyon sa contingency fund.

Pero dahil sa tinatayang nasa P7 bilyon ang kakaila­nganin para sa rehabilitasyon ng mga lugar na nasalanta ng lindol -- hindi pa kasama ang tinatayang P4 bilyon na kailangan naman sa rehabilitasyon ng Zambo City -- planong gamitin ng pamahalaan ang matitipid nito o savings na P20 bilyon sa natitirang mga pangangailangan.

Sa halip na punahin ang gobyerno sa pagtugon sa mga kalamidad na nangyayari na hindi naman ginusto ng sinuman, dapat ipagpasalamat ang pagiging masinop ng pamahalaan sa paggamit ng pondo ng bayan kaya may mga natitipid sa pagtatapos ng taon na gagamitin sa mga maka­buluhang gawain at hindi katulad noon na hindi mo alam kung kaninong masuwerteng bulsa nalalaglag.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, October 28, 2013

Natiyope!




Natiyope!
REY MARFIL



Gaya ng isang coach sa basketball, nag-iwan ng simpleng mensahe si Pangulong Noynoy Aquino III sa mga mamamaha­yag na dumalo sa forum ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) kamakailan na “mata sa bola” pagdating sa usapin ng katiwalian sa paggamit ng pork barrel funds.
Kung baga sa basketball, masasabing player o basketbolista ang mga mamamahayag na sumasalo ng bola ng impormasyon tungkol sa mga kontrobersya ngayon sa pondo ng gobyerno tulad ng Priority Development Assistance Funds (PDAF) o pork barrel ng mga mambabatas; at ang Development Acceleration Funds (DAF) ng pamahalaan.
Sa basketball, maraming puwedeng gawin ang kalaban para lansihin o lituhin ang manlalaro upang hindi nito maipasok ang bola sa kanilang ring. Kung isasalin naman ito sa realidad ng usapin sa paggamit ng pondo ng bayan, hindi maipararating ng mamamahayag ang tamang impormasyon sa publiko kapag may mga panlitong impormasyon na isusubo ang mga kalaban.
Ganito ang nakikita ni PNoy sa mainit na paksa ngayon ng PDAF at DAF. Matapos kasing malantad ang umano’y nakagigimbal na anomalya ng ilang mambabatas (kabilang ang ilang sikat na senador) tungkol sa paglustay sa PDAF na sinasabing aabot sa P10 bilyon, bigla namang inatake ang DAF ng Palasyo na ginamit para palakasin ang ekonomiya ng bansa.
Batid ng mga inaakusahan ng anomalya sa PDAF na seryoso si PNoy na papanagutin ang mga mambabatas na nagsamantala sa pondo ng bayan, at nakita nila ito nang kasuhan na sila ng plunder.
Kasunod niya, kung anu-anong isyu na ang ibinato sa gobyerno gaya ng DAF at mga bonus ng ilang ahensya, na nakaagaw na ng atensyon ng media at tila nawala na ang focus sa sinasabing napakalaking anomalya -- ang pork barrel scandal.
Kaya ang panawagan ni PNoy sa mga kasapi ng media na siyang pinagkukunan ng impormasyon ng publiko -- “eyes on the ball.” Huwag magpalansi sa mga panggugulo ng mga taong nais mawala sa kanila ang mata at focus ng publiko kaugnay sa iskandalo ng PDAF. Dapat may managot sa kinukuwestiyong bilyun-bilyong pondo na dapat pinakinabangan ng mga mamamayan.
***
Samantala, kung anong ingay ng mga kritiko nang pansamantalang umalis ng bansa si PNoy para tuparin ang natanguan nitong kompromiso sa South Korea, siya namang tahimik nila nang mag-overnight mismo ang Pangulo sa Bohol, animo’y natiyopeng manok!
Nang umalis kasi si PNoy para sa dalawang araw na state visit sa South Korea, may mga pumuna kung bakit dapat unahin ng Pangulo ang pagdalaw sa ibang bansa at iwan ang sitwasyon sa Cebu at Bohol na sinalanta ng lindol. Isang araw bago nagtungo sa Korea, binisita muna ni PNoy ang dalawang lalawigan.
At kung tutuusin, parang hindi naman nawala sa bansa si PNoy sa tulong ng modernong teknolohiya.
Wala kasing patid ang pakikipag-ugnayan niya sa pamamagitan ng telepono sa mga inatasang opisyal na mamamahala sa ginagawang pamamahagi ng tulong sa mga sinalanta.
Katunayan, ang usapin pa rin ng Cebu at Bohol ang naging pangunahing paksa ng mga pakikipag-usap ni PNoy sa mga mamamahayag kahit sa South Korea. Bukod dito, dalawang beses na palang hindi napagbigyan ng Pangulo ang imbitasyon ng South Korea, kaya hindi na magiging maganda sa kaugalian ng mga Pilipino kung sasablay pa rin tayo sa ikatlong pagkakataon.
At ilang araw matapos siyang bumalik sa bansa mula sa South Korea, muling nagtungo si PNoy sa Bohol para personal na makita ang laki ng pinsala sa lalawigan at ang sistema ng ginagawang pagtulong ng pamahalaan sa ating mga kababayan. Doon pa nga siya nagpalipas ng magdamag sa Bohol at hindi nangamba sa kanyang kaligtasan sakaling magkaroon muli ng malakas na lindol.
Sa tent lang natulog ang Pangulo at nahiga sa isang folding bed. Pagpapakita ng pagiging simple ni PNoy. Aba’t dapat itago na ang folding bed na tinulugan ng Punong Ehekutibo dahil bahagi na iyon ng kasaysayan ng liderato ni PNoy at sa nangya­ring kalamidad sa Bohol.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, October 25, 2013

Damayan ang pairalin!





                                     Damayan ang pairalin!


Sa harap ng trahedya gaya ng mga kalamidad, may tatlong mukha ang maaaring makita -- ang mga biktimang nagdadalamhati, ang mga nagmamalasakit na dumadamay, at ang mga may personal na agenda na nagsasamantala.

Sa nakalipas na ilang buwan, tila kinakabaya ng kamalasan ang bansa dahil sa mga natural at man-made calamities na dinanas ng bansa -- ang matinding mga pag-ulan na nagpalubog sa baha sa ilang lugar sa Luzon; ang pagsalakay ng ilang tauhan ng Moro National Liberation Front sa Zamboanga City sa Mindanao; at ang mapaminsalang lindol na naranasan sa Cebu at Bohol sa Visayas region.

Sa lahat ng sitwasyong ito, hindi nagpabaya ang pamahalaang Aquino sa pinakamabilis na paraan na magagawa ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang makapaghatid ng tulong sa mga kababayan nating nasalanta. Pero sa lawak at dami ng mga apektadong pamilya, hindi magiging madali ang lahat para kaagad maiparating ang tulong.

Kaya naman malaking bagay ang nagagawa ng mga media at pribadong sektor para makatulong sa gobyerno sa paghahatid ng mga tulong at pagbibigay ng impormasyon sa kalagayan ng mga tao. Sa pamamagitan ng media, nalalaman ng kinauukulang ahensya ang mga lugar na hindi pa naabot ng tulong dahil na rin sa pagiging liblib ng lugar o kaya naman ay problema sa mga daraanan.

Ang mga binahang kalsada, daanan na natabunan ng gumuhong bundok, mga nasirang tulay ang karaniwang nagpa­pahirap sa pagdadala ng kailangang relief assistance sa mga na­ging biktima ng pagbaha o kaya naman ay lindol gaya ng nangyari sa Bohol at Cebu.

***

Sa sitwasyon naman sa Zamboanga City, ang sobrang dami ng tao na lumikas at pansamantalang tumuloy sa mga evacuation center na kailangan ding suportahan ng gobyerno ang na­ging malaking pagsubok. Bukod sa pagkain, ang pagbabantay sa kanilang kalusugan ay mahalagang tinutukan din ng pamahalaan katuwang ang iba’t ibang pribadong sektor.

Ang pagkakaloob ng paunang tulong sa mga kababayan na­ting nasalanta ay isang bahagi pa lamang ng problema na kailangang tugunan ng gobyerno. Dahil maliban sa mga tao, dapat ding kumilos ang gobyernong Aquino upang maibalik din sa normal ang mga napinsalang lugar para makapagsimula muli ang ating mga kababayan. 

Kailangang ayusin ang mga nasirang kalsada at tulay, ita­yong muli ang mga gumuho o nalubog sa tubig na mga paaralan, o ayusin ang mga tanggapin na nagkaroon ng bitak o natabunan ng putik.

Sa dami nga mga kalamidad na tumama sa ating bansa -- gaya ng mga pag-ulan na ngayon ay lalong tumitindi dulot ng climate change, hindi nakapagtataka na maubos ang pondong nakalaan para rito. Kung tutuusin, nasa Oktubre pa lamang tayo at sana naman hindi na masundan pa ang malalakas na bagyo at paglindol na gaya ng naranasan sa Cebu at Bohol.

Nakakalungkot lang na may mga tao na hindi na naga­wang tumulong sa mga biktima ng mga kalamidad na ito, nagagawa pa nilang mang-intriga dulot ng pagkuwestiyon sa pondo para sa kalamidad at umano’y mabagal na pagdadala ng tulong sa mga nasalanta.

Si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na mismo ang nagpahayag sa media at publiko na nasa P1 bilyon na lamang ang nalalabi sa pagtugon sa kalamidad -- P176 milyon sa calamity fund at P824 milyon sa contingency fund.

Pero dahil sa tinatayang nasa P7 bilyon ang kakailanganin para sa rehabilitasyon ng mga lugar na nasalanta ng lindol -- hindi pa kasama ang tinatayang P4 bilyon na kailangan naman sa rehabilitasyon ng Zambo City -- planong gamitin ng pamahalaan ang matitipid nito o saving na P20 bilyon sa natirang mga pangangailangan.

Sa halip na punahin ang gobyerno sa pagtugon sa mga kalami­dad na nangyayari na hindi naman ginusto ng sinuman, dapat ipagpasalamat ang pagiging masinop ng pamahalaan sa paggamit ng pondo ng bayan kaya may mga natitipid sa pagtatapos ng taon na gagamitin sa mga makabuluhang gawain at hindi katulad noon na hindi mo alam kung kaninong masuwerteng bulsa nalalaglag. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, October 23, 2013

Inililihis ang kuwento!




                                           Inililihis ang kuwento!

Masyadong pinupulitika ng mga kritiko ang Disbursement Acceleration Program (DAP) kaya naman nalilihis ang tunay na isyu kaugnay sa kahalagahan na papanagutin ang mga politikong naglustay ng pork barrel.

Simple lamang naman ang layunin ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa DAP, ang makasabay ang pamahalaan sa gastusin upang magkaroon ng trabaho at aktibidad sa ekonomiya lalo’t naaayon ito sa Saligang Batas ng 1987.

Kailanman, hindi nabahiran ng katiwalian o maling paggasta sa pondo si PNoy kaya’t nakakalungkot isiping binabaluktot ng mga kritiko ang isyu at pilit inililihis ang pork barrel scam na minanipula ni ­Janet Lim-Napoles. Take note: Nangyari ang lahat ng kabalbalan at pambababoy sa pondo sa nagdaang administrasyon at si PNoy ang naging daan upang ituwid ito, subalit ngayo’y gusto pang ipako sa krus.

Kumbinsido si Mang Kanor na makakapasa sa legal na kuwestiyon sa Supreme Court (SC) ang DAP na inilunsad ng administrasyong Aquino noong Oktubre 2011 para hanapan ng solusyon ang kakapusan sa tama at matalinong paggugol ng pamahalaan ng pampublikong pondo.

Nagmula ang pondo ng DAP sa pangkalahatang na­ti­pid ng pamahalaan sa pambansang badyet, kabilang ­dito ang Unprogrammed Funds mula sa sobrang koleksiyon ng buwis, hindi nailabas na pondo dahil sa mabagal na implementasyon ng mga proyekto, inalis na mga programa base sa isinagawang pag-aaral ng tinatawag na ­Zero-Based Budgeting (ZBB), at maging ang hindi na-obliga o hindi nagamit na pondo na ibinigay na sa mga ahensya ng pamahalaan.

Ginamit naman ang pondo ng DAP para sa mabilis na implementasyon ng mga proyekto na sumusuporta sa socio-economic development platform ng pamahalaan alinsunod sa President’s Social Contract para sa mga Pilipino at punuan ang pangangailangan na gumastos nang tama gamit ang pampublikong pondo.

Sapul noong Oktubre 1, 2013, nabatid sa datos ng Department of Budget and Management (DBM) ang kabuuang P137.3 bilyon na nailabas para pondohan ang mahahalagang mga proyekto, malinaw naman na mahihirap ang tinulungan ng DAP para magkaroon ng aktibidad sa ekonomiya at makalikha ng karagdagang trabaho at panibagong mga serbisyo sa publiko.

***

Sa good news, hindi ba’t kapuri-puri ang magandang balitang hatid ng ulat ng Social Security System (SSS) kaugnay sa kanilang nailabas na kabuuang P719.86 mil­yong pondo para sa “study now, pay later” na pautang sa mga estudyanteng-­benepisyunaryo ng mahi­git sa 38,000 mga kasaping tumangkilik ng programa?

Naging malaking tulong sa mga miyembro ang SSS Educational Assistance (Educ-Assist) Loan Program sapul nang ilunsad ito noong 2012.

Magkatuwang na programa ng SSS at pambansang pamahalaan ang Educ-Assist program kung saan P7 bilyong pondo ang nakalaan para dito.

Sa ilalim ng programa, nagkakaloob ito ng pautang na may magaan na sistema ng pagbabayad sa mga kasapi ng SSS para magamit na pambayad sa matrikula sa kolehiyo, vocational at technical courses ng kanilang mga anak. Umabot na sa kabuuang 39,970 na mga estudyante ang nakinabang sa programa sapul noong Hul­yo 31, 2013. 

Sa tulong nito, nabawasan ang pinansiyal na alalahanin ng mga magulang para sa pag-aaral ng kanilang mga anak. Asahan na natin na lalong pag­huhusayin ng SSS ang implementasyon ng programa sa pagpasok ng enrollment nga­yong second semester.

Maaaring makahiram ang isang miyembro ng SSS ng hanggang P20,000 para­ magamit na matrikula sa kolehiyo at P10,000 sa vocational o technical (voc-tech) na mga kurso sa bawat semester o trimester hanggang makatapos ang benepisyunaryo.

Dahil sa magandang programa, natulungan ng SSS ang 37,947 mga estudyante sa kolehiyo na kumakatawan sa pinakamalaking grupo ng Educ-Assist na mga benepisyunaryo na napagkalooban ng P700.71 milyon na pautang habang karagdagang P19.15 milyon naman ang naibigay sa 2,023 na mga estudyante ng voc-tech na mga kurso.

Maliit rin ang interes sa ilalim ng programang Educ-Assist kung saan umaabot lamang ito sa anim na porsi­yento kada taon. Kitang-kita naman sa ganitong programa ng administrasyong Aquino ang pagkalinga nito sa mga mahihirap, lalung-lalo na sa mga nais na makatapos ng kanilang pag-aaral.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, October 21, 2013

Una ang Cebu at Bohol!



                                   Una ang Cebu at Bohol!

Dalawang araw lamang nawala sa Pilipinas si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino para tuparin ang importante at matagal nang natanguang official visit nito sa South Korea, na isa sa mga masugid na kaalyado ng Pilipinas.

At kahit napakahalaga ng naturang biyahe, mayroon at mayroon pa ring maghahanap ng butas para lang masabi na kritikal sila sa Punong Ehekutibo.

Hirit kasi ng ilan, bakit daw itinuloy pa ni PNoy ang biyahe sa South Korea gayung may naganap na matinding kalamidad sa ­Visayas region bunga ng malakas na lindol na lubhang nakapinsala sa Bohol at Cebu? Pero kung tutuusin, parang hindi naman nawala sa Pilipinas si PNoy dahil kahit nasa South Korea siya, ang sitwasyon pa rin sa Cebu at Bohol ang kanyang nasa isip.

Dalawang araw bago ang nakatakdang paglipad ni PNoy noong Huwebes, naganap ang magnitude 7.2 quake sa Central Visayas na tinatayang kumitil na ng mahigit 180 buhay at nagpabagsak sa maraming gusali, kabilang na ang ilang luma at makasaysayang simbahan.

Matapos ang pagsusuri at pag-analisa ng mga dalubhasa sa naganap na lindol, lumipad kaagad ang Pangulo sa Cebu at ­Bohol noong Miyerkules para personal na makita ang sitwasyon sa ilang lugar na napinsala at siyempre, makita rin kung ano ang ginagawang aksiyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan par­a tulungan ang mga nasalanta.

At sa kanyang obserbasyon, nakita ni PNoy na awtomatikong kumikilos ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan na hindi na kailangan pang diktahan niya o sabihin ang mga nararapat na gawin. Nandoon din ang mga kalihim ng iba’t ibang kagawaran na lubhang kailangan sa sitwasyon gaya ng Social Welfare department, Interior and Local Govern­ment, Public Works and Highways at National Defense.

Sa madaling salita, kahit wala sa Bohol at Cebu si PNoy, kikilos at kikilos ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno para tumugon sa pangangailangan ng bayan. Kung tutuusin, ito naman ang nais talaga ni PNoy, ang magkaroon ng kusang aksyon ang mga ahensya ng gobyerno at hindi ‘yung parang pak­o na kailangan pang pukpukin para bumaon.

Katunayan, kahit nang panahon na nasa South Korea si PNoy, makikita sa ulat ng mga media ang ginagawang pag-iikot ng mga kinauukulang kalihim sa Bohol at Cebu para suriin ang tindi ng pinsala ng lindol. Gayunman, dahil nga matindi ang pagkasira ng ilang kalsada at tulay, may ilang lugar na hindi agad narating ng tulong. Bagay na ginamit na pambutas ng mga kritiko para atakihin ang ginawang pagtuloy ni PNoy sa South Korea.

Ang nakalimutan yata ng mga kritiko, moderno na ang mga teknolohiya ngayon kaya kahit nasa Maynila o South Korea si PNoy, masusubaybayan nito ang sitwasyon sa Cebu at Bohol, at magagawang mag-utos sa pamamagitan lamang ng isang pindot sa cellphone kung kakailanganin.

***

Sa totoo lang, hindi naman nagpunta si PNoy sa South Korea para manood ng K-Pop, nagtungo siya roon upang patatagin pa ang ugnayan ng mga Filipino at Koreano. Sa panahon ngayon na hindi pa rin humuhupa ang tensyon sa agawan sa West Phi­lippine Sea, mahalaga na magkaroon tayo ng mga kasangga na susuporta sa ipinaglalaban nating teritoryo.

Bukod pa riyan ang paghikayat sa mga negosyanteng ­Koreans na maglagak ng kanilang puhunan at negosyo sa Pilipinas. Aba’y hindi birong kliyente kung tutuusin ang South Korea, pangatlo sila sa may pinakamasiglang ekonomiya sa Asya at pang-13 sa buong mundo.

Kaya naman ang dalawang araw na pagpunta ni PNoy sa South Korea ay tiyak na sulit pagdating sa benepisyong makakamit ng Pilipinas at mga Pinoy sa hinaharap dahil sa ipinakita niyang dedikasyon na tumupad sa pandaigdigang obligasyon.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, October 18, 2013

‘Wag iwan si PNoy sa laban!




                             ‘Wag iwan si PNoy sa laban!


Pinagtibay ng mga bagong resulta ng mga survey ang ginawang hakbang ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino at liderato ni Speaker Feliciano Belmonte Jr. na alisin na ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng mga mambabatas sa ilalim ng hinihimay ngayon na 2014 budget.

Batay sa resulta ng Pulse Asia survey at Social Weather Station (SWS), malaking bilang ng ating mga kababayan ang naniniwala na dapat alisin na ang pork barrel funds, at nagagamit ito ng mga pulitiko para manalo sila sa kanilang puwesto.

Gayunpaman, huwag nating kalimutan na ang survey ay mula sa perception o paniniwala ng mga taong na-survey. Marahil ang kanilang opinyon ay batay sa mga napanood o nabasa nilang balita tungkol sa iskandalong pumutok tungkol sa umano’y paglulustay ng pondo ng ba­yan -- partikular ang pagkakasangkot ni Janet Lim-Napoles at ng kanyang mga sinasabing pekeng non-governmental organization (NGO).

Ang nakalulungkot lamang, tila nakaapekto sa satisfaction ratings ni PNoy ang iskandalo dahil natapyasan ng may 15% ang bilang ng mga taong nasisiyahan sa kanyang panunungkulan. Pero huwag sana nating kalimutan na ang nalantad na usaping ito ng pag-abuso sa pondo ng bayan sa ilalim ng liderato ni PNoy -- at nangyari ang sinasabing iskandalo sa ilalim ng nagdaang rehimeng Arroyo.

At kahit pa marami rin ang naniniwala o may pananaw na nagpapatuloy ang anomalya sa paggamit ng pork barrel sa kasalukuyang administrasyon ni PNoy, patuloy naman ang ginagawang reporma ng gobyerno upang mabawasan kung hindi man lubusang mabura na ang kalokohan sa hindi wastong paggamit ng kaban ng bayan.

Isa na nga riyan ang ginawang pag-aalis ng liderato ni Belmonte, alinsunod na rin sa deklasyon ni PNoy na buwagin na ang PDAF. Dahil ang Kongreso lamang ang may karapatan na mag-alis sa naturang pondo, ang mga mambabatas ang kumilos sa ginawa nilang deliberasyon sa 2014 budget na ilipat na sa mga kinauukulang kagawaran ang dapat sana’y alokasyon ng mga mambabatas para sa kanilang PDAF.

Sa pamamagitan ng bagong sistema, higit na mababantayan ng pamahalaan ang paggamit ng pondo ng bayan at maiiwasan na ang pagpapadaan sa mga kuwestiyunableng NGOs at pagrerekomenda ng mga mambabatas sa kanilang paboritong kontratista na magpapatupad ng proyekto.

***

Napag-usapan ang pork, ang isang pinakamagandang pangyayari sa usaping ito ay ang maitaas ang kamala­yan ng publiko sa usapin ng pondo ng bayan, partikular sa pork barrel funds. 

Kasabay ng pagbubukas sa kamulatan ng mga tao ay ang pagiging aktibo nila na maipaalam sa mga kinauukulan na batid nila ang nangyayari at sila’y nagmamatyag.

Pero hindi malalaman ng mga mamamayan ang matagal na pa lang iregularidad sa paggamit ng pork barrel funds sa ilalim ng rehimeng Arroyo kung hindi ito nahalungkat ng Commission ng Audit (COA) at Department of Justice (DOJ) sa ilalim ng kasalukuyang rehimen ni PNoy. 

Ang masaklap lang nito, dahil sa laki ng perang sangkot at mga malalaking tao ang iniimbestigahan at mga nakasuhan, natural na may mga kikilos upang mailayo sa kanila ang usapin, o kaya naman ay ibaling sa gobyerno ni PNoy ang sisi para sirain ang integridad nito sa ginagawang kampanya laban sa mga tiwala at umabuso sa kaban ng bayan.

Mahaba pa ang landas na tatahakin ng administrasyong Aquino upang linisin sa katiwalian ang tinatahak nitong tuwid na daan. Sa patuloy na paglalakbay, asaha­n din na may mga alipores ang mga sangkot sa iskandalo ng pork barrel at maging sa Malampaya funds na magsisilbing mga alulod para magkalat ng mga maling impormas­yon laban kay PNoy.

Matindi ang pagkakabaon ng ugat ng katiwalian na kailangang bunutin ni PNoy upang matigil na ang pag-abuso sa kaban ng bayan. Para mabunot ang ugat na ito, kailangan ni PNoy ng ibayong lakas at ang lakas na iyan ay sinabi na niyang kinukuha niya sa suporta ng kanyang mga boss -- ang mamamayan. 

Kaya naman hindi natin dapat iwan si PNoy sa patuloy na laban nito kontra sa katiwalian. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, October 16, 2013

Upgrade ulit!



Upgrade ulit!


Patuloy na bumubuti ang pagtingin ng internasyunal na komunidad sa piskal na pamamahala ng administrasyong Aquino dahil sa matalinong paggugol nito base sa investment upgrade na ibinigay ng Moody’s Investor’s Service sa bansa.

Itinaas muli ng Moody’s ang rating ng bansa ng isang baitang mula BAA3 patungong BA1. Binigyan rin ng Moody’s ang Pilipinas ng “positive outlook” na rating na nangangahulugang posibleng magkaroon na naman ng panibagong upgrade sa hinaharap.

Binigyang-pansin ng Moody’s sa naging desisyon nito ang tuluy-tuloy na magandang ekonomiya ng bansa, maayos na pagdadala ng pananalapi at katatagang pampulitika dulot ng maayos na pamamahala.

Dahil sa nakuhang upgrade sa Moody’s ng Pilipinas, lalong bumuti ang magandang credit rating natin. Magugunitang ang Moody’s ang isa sa tinaguriang “Big 3” credit rating agencies na nagkaloob sa Pilipinas ng investment grade.

Nitong Marso, binigyan ng Fitch Ratings ng isang baitang na upgrade ang long-term foreign currency rating ng Pilipinas tungong BBB-minus at binigyan ng matatag na “outlook rating” ang bansa.

At nakaraang Mayo, itinaas din ng Standard & Poor’s ang credit rating ng bansa ng isang baitang mula BB+ tungong BBB o pinakamaliit na investment grade dahil sa magandang macroeconomic fundamentals ng Pilipinas sa kabila ng pandaigdigang pinansiyal na krisis.

Lumalabas lamang na ang mabuti at matinong pamamahala ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang pangunahing susi sa tagumpay ng ekonomiya ng bansa at tiwala ng pandaigdigang pinansiyal na mga institusyon.

***

Napag-usapan ang good news, isang magandang balita ang suporta ng Brotherhood of Christian Businessmen and Professionals (BCBP) sa “transparency program” ni PNoy.

Nais ng BCBP na ipagpatuloy ng Pangulo ang mga reporma nito tungo sa transparency at propesyunalismo ng serbisyo publiko. Isang Catholic charismatic na organisasyon ang BCBP na kinabibilangan ng mga negosyante at professionals sa buong bansa.

Kamakailan, isang almusal ang inihanda ng grupo kay PNoy upang ipahayag ang kanilang suporta at kahandaan na tumulong sa mga positibong pagbabagong inilulunsad ng kanyang administrasyon.

Magandang pinagmumulan ng inspirasyon at direksiyon ang suportang ito dahil malaki ang magagawa ng mga negosyo at mga propesyunal upang lalong mas maging epektibo ang pagbabago na kapaki-pakinabang sa buhay ng mga Pilipino.

Sa kabila ng mga kontrobersiya ng katiwalian nga naman, nanindigan ang grupo na mapalad pa rin ang bansa sa pagkakaroon ng tapat at matinong Pangulo.

Asahan na natin na lalo pang magsusumikap si PNoy sa pagkamit ng mas magandang lagay ng ekonomiya ng bansa kasabay ng maigting na paglaban sa katiwalian.

***

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, October 11, 2013

Tuloy ang pamamahagi!



        Tuloy ang pamamahagi!
       Rey Marfil


Hindi ba’t magandang balita ang plano ng administrasyong Aquino sa pamamagitan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na kunin na ang serbisyo ng pribadong kompanya upang hukayin ang mga ilog sa Subic, Zambales bilang bahagi ng paghahanap ng solus­yon sa lumalalang pagbaha.

Malaking tulong ang magagawa ng plano kung saan ipinapakita ng pamahalaan ang agaran nitong aksiyon sa problema matapos tamaan ng pagguho ng lupa at pagbaha ang mga komunidad ng Subic dahil kay Super Typhoon Odette.

Masyado na kasing mababaw ang Calaclan River at iba pang mga ilog na dumadaan sa Subic kaya naman umapaw na nagresulta sa pagbaha. Mayroon nang nakaantabay na dredger mula sa DPWH sa Olongapo na hindi lamang gumana sapul noong Agosto 2011 dahil nasira ang tinatawag na converter module.

Dahil hindi gumagana at wala na ring mabilhang piyesa sa merkado, ikinokonsidera na ni Sec. Rogelio Singson ang pagkuha sa serbisyo ng pribadong dredging company.

Bukod sa paghuhukay ng mga ilog, plano rin ng DPW­H na palawakin ang mga daluyan ng tubig para maiwasan ang malawakang pagbaha.

Mabuting balita ito para sa kaligtasan ng mga tao na pagpapatunay na serbisyo ang pangunahing konsiderasyon ng administrasyong Aquino.

***

Napag-usapan ang good news, talagang sinsero ang administrasyong Aquino sa implementasyon ng batas kaugnay sa programang agraryo matapos simulang ipamahagi ang mga lupa sa mga kuwalipikadong farm worker-beneficiaries (FWBs) ng Hacienda Luisita.

Panibagong magandang balita ito para makapagsimula ang pamilya ng bawat benepisyunaryo ng panibagong kabanata ng kanilang buhay na mayroong tinitingalang bagong magandang bukas.

Isang simpleng seremonya pa nga ang isinagawa kamakailan kung saan 600 farmer-beneficiaries sa Barangay Pando sa Tarlac ang nabigyan ng Certificate of Land Ow­nership Awards (CLOAs).

Nagsimula nang mamahagi ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng titulo ng mga lupa sa Hacienda Lui­sita, pagpapatunay na pawang kasinungalingan at paninira ang pahayag ng mga kritiko na imposibleng ipamahagi ang mga lupa roon.

Mahigit sa 600 na mga magsasakang benepisyunaryo sa Barangay Pando ang nabiyayaan naman ng kanilang CLOAs.

Kinakatawan ng CLOAs ang 5,800 ng 6,200 benepis­yunaryo na nakarehistro na sa Register of Deeds habang inaa­sahang marami pa ang magpapatala bilang benepisyunaryo sa panahong kunin ng mga ito ang kanilang CLOAs.

Ayon kay DAR legal affairs Undersecretary Anthony Parungao, umabot sa 5,800 qualified FWBs na may CLOA­s ang lumagda ng kaniilang Application to Purchase and Farmers Undertaking (APFU) sa DAR at nairehistro sa Register of Deeds sapul noong Setyembre 25, 2013.

Sapul noong Setyembre 25, 2013, tanging 296 na mga magsasakang benepisyunaryo ang hindi pa nakakakuha ng kanilang Lot Allocation Certificates (LACs), habang 377 ang kailangan pang lumagda at magsumite ng kanilang APFUs.

Ang maganda pa rito, ipapamahagi sa mga magsasakang benepisyunaryo ng Hacienda Luisita ang certified true copies ng kanilang CLOAs, pagpapatunay na sila ang may-ari ng lupa.

Nagsimula ang pamamahagi ng CLOAs sa Barangay Pando noong nakalipas na Setyembre 30, sinundan sa Barangay Motrico noong Oktubre 1, at Barangay Lourdes nitong Oktubre 2. Ipinagpatuloy ang pamamahagi ng CLOAs ng nakaraang Oktubre 8 sa Barangay Parang, Barangay Mabilog (Oktubre 9) at Barangay Bantog (Oktubre 10).

Matapos ito, magpapatuloy ang DAR sa kanilang trabaho sa pamamahagi ng CLOAs sa apat na nalalabing barangays: Cutcut (October 15), Asturias (October 16), Balete (October 17), at Mapalacsiao (October 18). Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.”
(mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, October 9, 2013

‘Di pasisilaw!




                                          ‘Di pasisilaw!


Kung ang ibang lider ng bansa ay naging kapit-tuko sa puwesto o kaya nama’y gustong gawing “unlimited” ang kanilang pananatili sa Palasyo, iba si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino -- ito’y hindi man lamang nakitaan ng kahit ga-hiblang kiliti sa samu’t saring katanungan ng media at international community tungkol sa term extension.

Gaya ng kanyang yumaong ina na si dating Pangulong Cory Aquino, wala sa isipan ni PNoy na humirit ng ikalawang termino bilang Pangulo kapag natapos na ang kanyang panunungkulan sa 2016, malayo sa karakter o kabaliktaran ng mga naunang naupo kung saan hindi pa nakakapag-oath, kaagad iniisip ang formula kung paano mapapalawig ang pagre-reyna sa Palasyo.

Sinabi ito ni PNoy sa ginawang panayam sa kanya sa dinaluhang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) CEO Summit forum sa Indonesia.

Bagaman sa ilalim ng kasalukuyang batas ay isang termino lang o anim na taon lang ang panunungkulan ng Pa­ngulo, wala sa isip ni PNoy na paglaruan ang Saligang Batas upang maalis ang term limit na ito at mapayagan siyang kumandidato muli.

Kung tutuusin, madali itong magagawa ni PNoy dahil mismong ang mga lider ng Kamara at Senado ang nagsusulong na amyendahan ang Saligang Batas para amyendahan ang mga probisyon na pang-ekonomiya.

Kapag pinayagan ni PNoy ang paggalaw sa Saligang Batas para sa tinatawag na economic provision, sino pa ang makapagsasabi kung biglang maisipan ng mga pagkakatiwalian sa pag-amyenda ng Konstitusyon sakaling isama nila sa babaguhing probisyon ang pag-alis sa term limit ng Pa­ngulo? Wala ‘di ba?

At sa taas ng popularidad ni PNoy at dami ng mga nakikiisa sa isinusulong niyang kampanya kontra sa katiwalian, tiyak na marami rin ang susuporta sa panawagan na muling tumakbo si PNoy sa pagka-Pangulo pagkatapos ng kanyang termino upang maipagpatuloy niya ang mga sinimulang pagbabago sa gobyerno.

Take note: Ang ina ni PNoy na si dating Pangulong Cory na naupo sa Palasyo matapos ang 1986 EDSA People Po­wer ­Revolution, kahit maaari pa siyang tumakbo sa posisyon matapos ang kanyang termino noong 1992 at sa kabila ng mga pana­wagan na tumakbo siyang muli, hindi nagbago ang pasya ni Tita Cory na bumaba sa kapangyarihan pagkatapos ng kanyang panunungkulan.

***

Napag-usapan ang extension, malinaw ang hangarin at misyon ni Tita Cory nang tanggapin ang posisyon bilang kapalit ng dating diktador na Pangulo na si Ferdinand Marcos Sr., na 20 taong nanatili sa poder ng kapangyarihan -- at ito ay maibalik lamang ang demokrasya sa Pilipinas.

Kaya naman nang magawa na niya ang kanyang misyon, bumaba si Tita Cory sa Malacañang pagsapit ng 1992 kung saan nanalo at pumalit sa kanya sa demokratikong halalan si dating Pangulong Fidel Ramos.

Gaya ng kanyang ina, may misyon si PNoy sa kanyang pagtanggap na tumakbong Pangulo noong 2010, ito ay ang maibalik ang tiwala ng mga mamamayan sa mga institus­yon na sinasabing nasira ang imahen dahil sa mga naglabasang alegasyon ng katiwalian sa ilalim ng siyam na taong panu­nungkulan ni da­ting Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

At batay sa mga nahahalungkat na datos ng administrasyon ni PNoy, hindi biro ang laki ng halaga ng pondo ng ­bayan na pinaniniwalaang nakulimbat o kaya naman ay nawaldas sa ilalim ng pamamahala ni Arroyo.

Para kay PNoy, sapat na sa kanya ang maipamalas at napatunayan na maaaring magkaroon ng malinis na pamamahala ng gobyerno. Sa dami ng mga nasasagasaan sa mga natutuklasang katiwalian sa nagdaang administrasyon ni Arroyo, hindi magi­ging mahirap na isipin na marami ang gagawa ng paraan upang makaganti kay PNoy o siraan ang kasalukuyang gobyerno.

Bukod pa diyan, hindi na rin nalalayo ang 2016 presidential elections kaya ang mga maaaring tumakbo o kanilang mga tagasuporta, gagawa na ngayon pa lang ng paraan upang mabawasan ang “bango” ni PNoy para mapahina ang lakas ng kanyang “basbas” sa taong mapipili niyang nais niyang pumalit sa kanya para maipagpatuloy ang nagawa niyang mga reporma sa tamang pamamahala.

***

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, October 7, 2013

‘Wag ibahin ang usapan!




‘Wag ibahin ang usapan!
REY MARFIL


Sa umpukan ng usapan, minsan hindi maiwasan na maging sentro ng talakayan. At kapag mainit na ang diskusyon tungkol sa kanya, gagawa siya ng paraan upang maibaling sa iba ang usapan at mailayo sa kanya ang atensyon tila ganito ngayon ang nangyayari sa kontrobersiyal na pork barrel scam ng mga mambabatas at negosyanteng si Janet Lim-Napoles.
Sa pagkakabisto sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa umano’y matagal nang pag-abuso ng ilang mambabatas sa kanilang Priority Development Assistance Fund o pork barrel funds, natural na may mag-alburoto dahil nawalan sila ng limpak-limpak na delihensiya.
Hindi biro ang P10 bilyong pondo ng PDAF na sinasabi ng Commission on Audit (COA) na sangkot sa anomalya ng paggamit ng pork barrel ang mga mambabatas na pinadaan daw sa mga pekeng non-government organizations (NGOs) ni Napoles mula 2007 hanggang 2009 pa lamang.
Bukod pa iyan sa iba pang nakakahindik na iskandalo sa paggamit naman ng Malampaya funds na bilyun-bilyon din ang halaga na kinasasangkutan din ng ilang lokal na opisyal ng pamahalaan at ilang ahensya sa ilalim ng nakaraang administrasyong Arroyo.
Sa laki ng pondong pinag-uusapan, hindi talaga maiiwasan na magalit ang mga mamamayan sa mga inaakusahang mambabatas at kay Napoles na nadadawit sa iskandalo. At kung irerekomenda ng Ombudsman sa Sandiganbayan ang plunder case na isinampa ng Department of Justice (DOJ) laban kina Napoles at ilang mambabatas, tiyak na kulong at hihimas sila ng malamig na rehas sa piitan dahil walang piyansa o non bailable ang nabanggit na kaso.
At kung nakasentro na sa kanila ang atensyon, ano ang dapat nilang gawin? Ibahin ang usapan sa pamamagitan ng paglikha ng bagong kontrobersya o ingay na makakakuha ng atensyon ng media.
Ang masakit sa lahat si PNoy ang gumawa ng reporma at naging daan upang manumbalik ang tiwala ng sambayanan, sampu ng international community sa malinis na pamamahala pero ngayo’y binabaliktad ang usapan -- ito pa ang pinagbibintangang promotor sa maling paggasta sa pondo ng bayan. ‘Ika nga ni Mang Kanor: Tanging wala sa tamang katinuan ang nag-iisip ng ganitong bintang.
***
Napag-usapan ang isyu, hindi maiwasang lumabas ang ilang espekulasyon na baka may mga sangkot sa pork barrel scam na nagpondo sa pagsalakay ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa Zamboanga City na umagaw ng atensyon ng media at publiko.
At nang patapos na ang init sa Zambo attack ng MNLF, sumunod naman ang paglutang sa alegasyon ng umano’y karagdagang pondo na ibinigay ng Malacañang sa mga senador na bumoto para ma-impeach si dating Chief Justice, na inaangguluhan ng iba na “suhol”.
Pero kung tutuusin, hindi naman “pagkatapos” ng impeachment ibinigay ang sinasabing dagdag na alokasyon sa mga senador kundi pagkalipas ng ilang buwan at halos papatapos na ang taon at inaayos na ang taunang budget ng gobyerno kung saan ipinasok ang pondo.
Take note: Walang masama sa pork barrel o anumang pondong ipinagkatiwala sa mga mambabatas kung nagastos nang tama. Ang masama at nakakarimarim -- kung ito’y pinag­laruan at inangking parang pag-aari ng kanilang pamilya.
Matanong lang ang mga nagmamagaling at umaastang patas sa paggasta sa pera ng bayan, sampu ng nagli-lecture sa mga rally site: Kung iba ang nakaupong Pangulo ngayon, mararanasan kaya ng Pilipinas ang kaliwa’t kanang papuri sa labas ng bansa at lumabas kaya ang samu’t saring isyu sa pagwawaldas ng pera? At nasaan ang mga “feeling-henyo” sa kuwenta sa panahon ni Gloria, hindi ba’t nakabusal ang bibig, nagmumuta ang mga mata sa kapipikit at puno ng tutule ang tainga?
***
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, October 4, 2013

Hokus-pokus!



Hokus-pokus!
Rey Marfil


Higit pa sa horror story at talaga namang nakakapangilabot ang ibinunyag ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino tungkol sa posibleng nakurakot o pinaglaruang pambansang pondo ng gobyerno sa siyam na taong panunungkulan ni dating Pa­ngulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Maaaring may ibang kababayan tayo na hihirit ng linyang, “kay Gloria na naman ang sisi?” Pero ano ang magagawa natin kung ito ang katotohanang lumalabas, at sa laki ng pondo ng bayan na pinag-uusapan ay aabutin talaga ng mahabang panahon para mahalungkat ang lahat ng posibleng gina­wang pagmanipula sa kaban ng bayan.

Kung noong una ay raket lang sa sobrang importasyon ng bigas ang nakitang pinagkakitaan ng nakaraang rehimeng Arroyo na umaabot sa mahigit P1 bilyon, ngayon ay nahalungkat na ng pamahalaang Aquino ang sinasabing “apat” na mekanismong ginamit ng dating pangulo para abusuhin umano ang pambansang pondo sa panahon ng kanyang panunungkulan.

Ang apat na ito ay ang: 1) Paulit-ulit na reenactment ng budget; 2) Rice importation ng National Food Authority; 3) Malampaya funds; at 4) Congressional insertion.

Ayon kay PNoy, hindi bababa sa P836 bilyon at posibleng humigit sa P1 trilyon ang pondo ng bayan na posibleng napaglaruan ng gobyerno ni Mrs. Arroyo, na magmula noong 2005 ay walang tigil na niyanig ng kontrobersya na muntik-muntikan nang mapatalsik sa pamamagitan ng impeachment.

Mantakin ninyo, ang kasalukuyang budget ng pamahalaan ay nasa P2 trilyon, ibig sabihin, halos kalahati ng pambansang budget ang posibleng nasayang sa siyam na taong termino ni Mrs. Arroyo.

Ang tanong na dapat masagot, saan napunta ang pera o sinu-sino ang nagbulsa? Posible rin kaya na ilang bahagi ng perang ito ay umiikot ngayon para wasakin o siraan si PNoy dahil sa sobrang higit ngayon ng pamahalaan at pagiging seryoso na habulin ang mga nagwawaldas ng pondo ng bayan?

Hindi naman nakapagtataka kung magkatotoo man ang hinala na may nagaganap na kampanya para siraan at wasakin ang kredibilidad ni Aquino dahil sa dami ng mga posibleng tao na tatamaan at makakasuhan sa lawak ng anomal­yang naganap sa ilalim ng Arroyo government.

***

Napag-usapan ang isyu, gaya na lang sa koneksyon ng mga pekeng non-government organization umano ng negos­yanteng si Janet Lim Napoles, na aabot na sa P10 bilyon ang pinag-uusapang pondo mula sa Priority Development Assistance Funds ng mga mambabatas sa loob pa lamang ‘yan ng tatlong taon magmula 2007 hanggang 2009.

Kaya naman siguro ganu’n na lang ang pag-atake at kritisismong ginagawa ng ilang kritiko kay PNoy tungkol sa Development Acceleration Program o DAP na pilit na iniuugnay at sinasabing panuhol sa impeachment ni dating Chief Justice Renato Corona.

Aba’y kung tutuusin, nangyari ang pagpapatalsik kay Corona sa kalagitnaan ng 2011, habang ang pamamahagi ng DAP ay nangyari sa huling bahagi ng taon, at naipatupad ang karamihan sa proyektong hiningi ng mga mambabatas sa unang ba­hagi na ng 2012.

Bukod dito, hindi lang naman ang mga mambabatas ang nakinabang sa DAP kundi ang iba pang lugar na kailangang buhusan ng pondo upang lumakas ang kilos ng pananalapi sa lugar at magpasigla sa merkado at ekonomiya. Kabilang sa mga nabigyan ng malaking pondo ng DAP ay ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na umabot sa mahigit P8 bilyon.

Ngayon ang tanong, dapat din bang iugnay sa Corona impeachment ang ARMM gayong wala naman silang kina­laman sa usapin? Hindi, dahil ang DAP ay sadyang ipinatupad para mapondohan ang mga kailangang proyekto at programa sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ang maganda rito, ang pondong nalikom ngayong panahon ng panunungkulan ni PNoy ay tiyak na napunta sa bayan, at hindi sa bulsa ng iilan gaya ng posibleng nangyari noong panahon ni Mrs. Arroyo. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.”
(mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, October 2, 2013

MEGAN’DA!




MEGAN’DA!
Rey Marfil


Parang ulan na dumilig sa tuyot na lupa ang pagka­panalo ni Megan Young bilang kauna-unahang Pinay na Miss World ngayong 2013. Ang tagumpay ni Megan ay “megandang” balita sa bansa na ilang buwan na ring bugbog sa mga ‘di kaiga-igayang pangyayari sa Pilipinas.

Marahil ay maraming kababayan natin ang laging nakakunot ang noo mula nang mabisto ang pork barrel funds at Malampaya funds scandal na kinasasangkutan ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles at ilang mga mambabatas, na nasundan pa ng pagsalakay ng ilang miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa Zamboanga City.

Kaya naman ang pambihirang panalo ni Megan bilang Miss World ay nagsilbing pang-exercise sa mukha nating mga Pinoy para makangiti man lang kahit sandali at maging proud sa ating lahi.

Sabi nga ni Megan, umaasa siya na ang kanyang panalo ay makapagbigay-inspirasyon sa diwa ng mga Pinoy. Bakit nga naman hindi. 
Sa panalo ni Megan, nakita ng buong mundo ang kagandahan at katalinuhan ng Pilipino, at kahit papaano ay nakabawas sa masamang nababalitaan nila tungkol sa mga mambabatas na nangdedekwat ng pera ng bayan, o mga kapwa Pinoy na nagpapatayan sa Zamboanga.

Hindi biro ang nakamit na tagumpay ni Megan dahil siya ang kauna-unahang Pinay na nakakuha ng korona ng Miss World. Kahit matitindi ang mga kalaban, hindi nawalan ng pag-asa at naging kampanya ang pambato ng Pilipinas na magtatagumpay.

Kung tutuusin, taglay talaga ng mga Pilipino ang pagiging matatag at nasa dugo natin ang “never say die” gaya ng koponang Ginebra sa basketball. Ang dugong ito ay hindi kay Megan dumadaloy, kundi maging sa mga Zamboangenyo na bumabangon na ngayon mula sa pagkakalugmok dahil sa pag-atake ng MNLF.

***

Kahit papaano, unti-unti nang bumabalik sa normal ang pamumuhay ng mga tao doon kahit batid pa na aa­butin ng ilang buwan o taon bago ganap silang makabangon lalo na sa mga kababayan natin na nasunugan ng mga bahay.

Pero sa pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at administrasyon ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, tiyak na mas magiging mabilis ang pagbangon ng mga Zamboangenyo na higit pa sa inaasahan.

Napakaganda rin ang pananaw ng ilang lider sa lungsod na mas nakatingin sila ngayon sa hinaharap kaysa nagdaan. Mas nais nilang bigyan ng pansin ang pagba­ngon kaysa lingunin nila ang bakas ng karahasan.

Gaya ni Megan na buo at buhay na buhay ang loob sa pagsabak sa kompetisyon ng Miss World 2013 kahit alam niya na hindi magiging madali ang tinatahak na daan tu­ngo sa tagumpay, ganito rin ang nasa isipan ng mga Zamboangenyo na handang harapin ang kinabukasan ngayong tapos na ang lagim na idinulot ng MNLF.

Kung tutuusin, papaano mo malalasap ang saya ng tagumpay, kung hindi mo naranasan ang lungkot ng ka­biguan? Mabuhay si 2013 Miss World Megan Young, at mabuhay ang mga kababayan nating Zamboangenyo.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”
(mgakurimaw.blogspot.com)