Monday, September 30, 2013

Parating si Barack!



Parating si Barack!
REY MARFIL


Magandang balita ang planong pagbisita sa Pilipinas ni United States President Barack Obama na bahagi ng kanyang apat na bansang pagbiyahe sa Association of South East Asian Nation (ASEAN) mula Oktubre 6 hanggang 12.
Pinagbigyan ni Obama ang imbitasyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na bumisita sa Pilipinas sa Oktubre 11 at 12.
Makikipagkita si Obama kay PNoy upang talakayin ang mga paraan para lalong mapalakas ang alyansa ng Pilipinas at US, kabilang ang pagpapalawak sa pagkakaisa ng dalawang bansa sa usapin ng seguridad, ekonomiya, at iba pa.
Bibiyahe rin si Obama sa Indonesia, Brunei at Malaysia bago tumungo sa Pilipinas mula Oktubre 6 hanggang 12 bilang bahagi ng kanyang paninindigan na palakasin ang alyansang pulitikal, ekonomikal at panseguridad ng US sa Asya-Pasipiko.
Katulad ni PNoy, magtutungo si Obama sa Indonesia para dumalo sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Economic Leaders meeting. Take note: Ito ang ikaapat na paghaharap o one-on-one meeting nina Barack at PNoy, hindi pa kabilang ang meeting sa taunang APEC at ASEAN summit, sa nagdaang tatlong taon.
Sa Brunei naman, dadalo din si Obama sa US-ASEAN Summit at the East Asia Summit (EAS), at makikipagkita sa Sultan ng Brunei, as in makakadaupang palad din si PNoy bago ang pagbisita sa Pilipinas.
Kapag i-flashback ang mga kaganapan, hindi ba’t makailang beses hinabul-habol ni Mrs. Arroyo si Obama para makausap, subalit bigo ang detinidong Pangulo, ito’y hindi lingid sa kaalaman ng Malacañang reporters kabaliktaran sa panahon ni PNoy na tatlong beses nag-one-on-one meeting, pinakahuli ang working visit sa White House noong nakaraang taon.
Bibisita rin ang lider ng US sa Malaysia para maki­pagkita kay Prime Minister Najib kung saan inaasahang tatalakayin ang lumalaking bilateral ties ng US sa Malaysia at makapagbigay ng kanyang pahayag sa Global Entrepreneurship Summit.
Magiging huling destinasyon ni Obama ang Pilipinas, ang ikalimang bansang kaalyado ng US sa Asya na dadalawin nito sa ilalim ng kanyang Panguluhan.
Inaasahang makikipagkita si Pangulong Obama kay Pangulong Aquino upang palakasin pa ang alyansa ng bansa sa US sa usapin ng ekonomiya, seguridad at marami pang mahahalagang bagay.
***
Anyway, tama ang pagdidiin ni PNoy na pangunahing pakay ng kanyang pagbisita sa Zamboanga City ang preserbasyon ng buhay ng mga tao. Nagkaloob rin ang Pangulo ng morale boost sa puwersa ng pamahalaan na patuloy na nakikipaglaban at iniaalay ang kanilang buhay upang labanan ang karahasan.
Makatwirang saluduhan ang administrasyong Aquino dahil ginagawa ang lahat para protektahan ang evacuees sa Zamboanga City na naapektuhan ng kaguluhang pakulo ng mga kasapi ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa paksyon ni Nur Misuari.
Nangunguna sa pagkakaloob ng ayuda ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ka­tulad ng pagkain at iba pang pangunahing suplay sa evacuation centers.
Naglagay na rin ang DSWD-NCR ng desk center para tugunan ang pangangailangan ng stranded nating mga kababayan na patungong Maynila.
Talagang tinitiyak ni PNoy na laging mayroong sapat na suplay ng pagkain at iba pang mga pangangailangan ang naapektuhan nating mga kababayan sa Zamboanga City.
Nanindigan rin ang Pangulo na laging aalalay ang mga ahensya ng pamahalaan para masigurong matatanggap ng evacuees ang tulong ng pamahalaan.
Sinasaluduhan natin ang ating mga sundalo at kapulisan sa kanilang matapang na pagharap sa mga kalaban kahit ialay ang kanilang mga buhay.
Nakikiramay tayo sa pamilya ng mga puwersa ng pamahalaan at mga sibilyan na namatay sa patuloy na karahasan sa Zamboanga City. 
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, September 27, 2013

Wala sa wisyo!



Wala sa wisyo!
REY MARFIL


Walang basehan at matinong katwiran ang mga nasa likod ng karahasan sa Zamboanga City dahil hindi naman ibinasura ng administrasyong Aquino ang 1996 Final Peace Agreement (FPA) na nilagdaan ng pamahalaan at Moro National Liberation Front (MNLF).
Malinaw na paninira lamang ang pagpapakalat ng maling impormasyon na inalis ng pamahalaan ang 1996 FPA para isulong ang pansariling interes at layunin ng ilang makasariling grupo at indibidwal.
Mahirap ding bilhin ang pahayag ni MNLF chairman Nur Misuari na wala siyang kinalaman sa nagaganap na karahasan na pakulo ng grupong kanyang tagasunod lalo’t hindi rin naman niya hinihimok ang mga ito na sumuko.
Si Misuari rin ang nagbanta na magdedeklara ng independent Bangsamoro Republic na mayroong sariling Konstitusyon bago nangyari ang karahasan ngayon sa Zamboanga City.
Sa katunayan, nagpapatuloy ang tinatawag na “tripartite review” sa proseso ng implementasyon ng GPH-MNLF peace pact sa tulong ng Organization of Islami­c Conference (OIC). Hiningi na rin ng pamahalaan ang tulong ng pamahalaang Indonesian para sa pagrebyu ng 1996 peace agreement sa MNLF upang makatulong sa pagresolba ng krisis.
Malinaw na sinusuportahan ng pamahalaan ang pagtatapos ng isinusulong na rebyu ng proseso at hindi ang pagtalikod sa usapang pangkapayapaan o ang 1996 FPA.
***
Napag-usapan ang panggugulo sa Zamboanga, dapat suportahan natin ang pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Justice (DOJ) sa pagbuo ng malakas na kaso laban sa mga kasapi ng MNLF na kaalyado ni Nur Misua­ri na umano’y nasa likod ng nagaganap na karahasan sa Zamboanga City.
Maganda ring pinuntuhan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang pangangailangan na araling mabuti ang ulat na nabasura ang mga kaso laban kay Misuari sa kaagahan ng 2000 dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya.
Nais lamang ng Pangulo na hindi mauulit ng kanyang administrasyon ang katulad na pagkakamali at tiyakin na mananagot ang lahat ng mga responsable sa karahasan sa Zamboanga City.
Dapat ding bigyan ang Pangulo ng malayang mga kamay na gamitin ang kanyang kapangyarihan bilang commander-in-chief ng bansa para resolbahin ang krisis sa Zamboanga City.
Isang mahusay na lider si Pangulong Aquino na mayroong kakayahang resolbahin ang krisis taglay ang ibayong pag-iingat.
Tama rin ang pamahalaan na tugisin ang mga nasa likod ng karahasan sa Zamboanga City na nagpabagsak sa ekonomiya nito matapos ang serye ng kaguluhan doon na kumitil sa buhay ng ilang mga tao at sumira ng maraming ari-arian.
Paglabag din sa Geneva Convention kaugnay sa Protection of Victims of Non-International Armed Conflicts ang mga ginagawa ng MNLF katulad ng paggamit sa mga bihag bilang kanilang panangga, pagbaril sa mga sibilyan, bumbero, at rescue workers katulad ng Philippine Red Cross.
Suportahan natin ang pamahalaan sa desisyon nitong hindi payagan ang mga kasapi ng MNLF na nasa likod ng kaguluhan na makatakas. Papanagutin natin ang mga ito para hindi pamarisan.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy nyo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, September 25, 2013

Hubaran ng maskara



Hubaran ng maskara
REY MARFIL



Ngayong papatapos na ang krisis sa Zamboanga City na binulabog ng paksyon ng Moro National Liberation Front (MNLF) ng kanilang dating chairman na si Nur Misuari, dapat managot sa batas ang mga dapat managot pati na ang mga nagmistulang “producer” ng madugong pag-atake sa mapayapang lungsod.
Kung baga sa pelikula, blockbuster ang ginawang pag-atake ng MNLF sa tindi ng naging pagtutok ng mga tao at media hindi lang sa Pilipinas kundi maging ng mga nasa ibang bansa. Bawat araw, inaabangan ang sitwasyon sa Zamboanga na tila teleserye kung kailan magwawakas.
Pero gaya ng mga pelikula o teleserye na may producer para magawa ang mga eksena at mabayaran ang mga artista, malaki ang posibilidad na may nagpondo o gumastos din sa ginawang pagsalakay ng ilang tauhan ng MNLF para maghasik ng lagim sa Zamboanga.
Hindi biro ang matataas na kalibre ng baril na kanilang ginamit, sa dami ng bala at mga pampasabog na inihanda, at maging ng pagkain upang tumagal ang mga ito sa labanan na tumagal na ng dalawang linggo.
Nakakalungkot na marami rin sa mga tauhan ng MNLF ang mistulang ibinala sa kanyon ng kanilang pinuno matapos silang linlangin sa pamamagitan umano ng pangakong pera na kanilang matatanggap bawat buwan kapalit ng pagpunta sa Zamboanga. Baka hindi lang sila ibinala ng kanilang mga pinuno, baka pinagkakitaan pa!
Sa kuwento ni ARMM Governor Mujiv Hataman, pinangakuan umano ni Misuari ang MNLF na tatanggap ng P10,000 bawat buwan kapag naideklara na silang independent ng United Nations matapos magmartsa sa Zamboanga.
Pero sa halip na martsa, sinakop nila ang ilang barangay pagdating sa lungsod at nang-hostage ng kanilang mga kababayang sibilyan. Ang ibang MNLF na kasama na walang kaalam-alam sa tunay na pakay ng kanilang pinuno, nabigla at wala nang nagawa kundi idepensa ang sarili hindi lang sa mga sundalo na makakaharap nila kundi maging sa kasamahan nilang MNLF na maaaring barilin at patayin sila kapag sumuko.
***
Napag-uusapan ang panggugulo, kung sino man ang mga nasa likod at nagmaniobra ng kaguluhang ito sa Zamboanga ay dapat lang mahubaran ng maskara at mapanagot sa batas. Hindi biro ang pinsala sa ekonomiya na inabot ng lungsod at dami ng buhay na nasayang dahil lamang sa pansariling interes ng iilan.
Kapuna-puna lang na bukod sa sinasabing pagmamarakulyo ni Misuari na hindi raw kinonsulta ng pamahalaang Aquino sa isinusulong na usapang pagkapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) kaugnay sa hinihimay na Bangsamoro Framework Agreement, nataon ang pagsalakay sa Zamboanga sa panahon na mainit ang usapin tungkol sa mga kasong isinampa sa ilang senador at kongresista at sa negosyanteng si Janet Lim-Napoles, tungkol sa pork barrel scandal.
Sa kabila ng pagtanggi ni Misuari na wala siyang kinalaman sa pagsalakay ng kanilang mga tauhan kahit pa ang namumuno dito ay ang kanilang tapat na kapanalig na si Kumander Malik, tila lahat ng indikasyon batay sa mga paunang impormasyon ng pulisya at militar ay sa kanya papunta ang sisi.
Pero maliban sa mga pangunahing personalidad na ika nga ay nakaharap sa kamera, dapat ding malaman ang mga taong nasa likod ng kamera na nagpaypay sa apoy upang lumaki ang kaguluhan na naging daan para agawin ang atensyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino, bago ang pag-atake sa Zamboanga ay nakatuon ang pansin sa paghahanap ng katotohanan sa pork barrel scam, pagpapalago sa ekonomiya ng bansa at pagdepensa sa teritoryo ng Pilipinas laban sa China.
Ngayong papatapos na ang krisis sa Zamboanga, asahan na makakasama na ngayon sa atensyon ni PNoy ang pagba­ngon ng ekonomiya at mamamayan ng lungsod, at paghabol sa lahat ng dapat managot sa nangyaring karahasan.
Teka, bakit nga pala sobrang tahimik ng kampo ni dating Pangulong Gloria Arroyo?
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, September 23, 2013

‘Di iniwan!




‘Di iniwan!
REY MARFIL


Ang krisis sa Zamboanga City na marahil ang pinakamabigat na pagsubok na kinaharap ng tatlong taong administrasyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino -- dito ay nasubok ang kanyang katatagan sa pagpapasya at pagiging lider ng bansa.
Sa panahon ng kagipitan, hindi iniwan ni PNoy ang mga mamamayan ng Zamboanga City at ang tropa ng pamahalaan na matapang na nakikipaglaban sa puwersa ng Moro National Liberation Front (MNLF) na sinasabing mga tagasunod ng dati nilang lider na si Nur Misuari.
Hindi katulad ni Misuari na naghugas-kamay sa ginawang pagsalakay ng kanyang mga tauhan sa Zamboanga, si PNoy ay nanatili sa lungsod upang damayan ang libu-libong inosenteng sibilyan na napinsala ng kaguluhan.
Hindi biro ang perwisyo ng pagsalakay ng MNLF sa Zamboanga na ang sinasabing dahilan ng pagpunta doon ay magwagayway lamang ng kanilang bandila. Napakadami ng mga bahay at establisimiyento na nasunog, at nawasak sa tama ng mga bala at pampasabog, at tinatayang aabot sa P4 bilyon ang kailangang gugulin para makabangon ang Zamboanga.
Ngunit higit sa pinansyal na pinsala, hindi na maibabalik pa ang mahigit 100 buhay na nawala at trauma na iiwan sa isipan ng libu-libong nagsilikas lalo na sa mga bata.
Ang lahat ng iyan ay para daw sa ipinaglalaban na kalayaan ng iilang kasapi ng MNLF.
Nakalulungkot isipin na sa kabila ng pagsisikap ng pamahalaang Aquino na hanapan ng ganap na kapayapaan ang buong Mindanao, mayroon pa ring iilan na gustong magpatuloy ang kaguluhan at karahasan sa rehiyon.
Ang nangyaring pagwasak sa Zamboanga City ay nagpaalala sa iba pang pagsalakay na ginawa ng MNLF sa iba’t ibang lugar sa Mindanao. Gaya na lamang ng nangyari sa Jolo, Sulu noong 1974 na tinawag na “the burning of Jolo.”
Inabot din ng mahigit isang linggo ang bakbakan ng militar at puwersa ng MNLF. Marami ring buhay ang nawala at hindi mabilang ang mga bahay, at establisimiyento ang naabo dahil sa ginawang panununog.
***
Napag-uusapan ang bakbakan, tila sanay na nga ang MNLF sa ganitong taktika ng pag-atake at wala na silang pakialam sa mga inosenteng sibilyan na madadamay at mga karaniwan nilang tauhan na mapapatay sa labanan at mga makukulong. Samantalang ang kanilang mga lider, napakadaling maghugas ng kamay para makaiwas sa pananagutan.
Kung balewala sa lider ng MNLF ang buhay ng tao, hindi kay PNoy. Kahit magiging madali na tapusin ang krisis kung bobombahin ang mga lugar na pinagtataguan ng mga MNLF, mas pinili ni PNoy ang “calibrated attack” o piling pag-atake upang hindi mapahamak ang mga bihag na sibilyan at mga inosenteng kasapi ng MNLF na nalinlang sa pagpunta sa Zamboanga.
Ayon kay ARMM Gov. Mujiv Hataman, ang ibang sumukong MNLF ay pinapunta sa Zamboanga para daw sa peace parade at pinangakuan na mabibigyan ng buwanang sahod kapag naideklara nang United Nations ang kanilang kalayaan. Ngunit huli na para malaman nila nang maganap ang standoff at nauwi na sa pakikipagsagupa sa tropa ng pamahalaan.
Sa kabila nito, hindi naman nagdedeklara ng digmaan si PNoy sa buong MNLF dahil batid niya na hindi lahat ng kasapi at lider ng grupo ay sang-ayon sa marahas na hakbang na ginagawa sa Zamboanga City.
At sa pagtatapos ng krisis na ito, naging kasama ng mga mamamayan ng Zamboanga si PNoy mula sa simula, at makakaasa rin sila na kasama nila ang administrasyong Aquino hanggang sa muli nilang pagbangon.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, September 20, 2013

May gusto ring ‘pumicture’




May gusto ring ‘pumicture’
REY MARFIL

May kasabihan na “a picture paints a thousand words”.
Kaya naman marahil marami sa ating mga kababayan ang hindi nalilimutang “mag-picture-picture ‘pag may time”.
Lalo na sa panahon ngayon na lahat ng cellphone ay may camera at may social networking sites na pagdidispliyan ng mga litrato.
Sino nga ba naman ang aayaw sa picture taking kung libre naman at wala nang binibiling “film”, at binayaran para magpa-develop. Kaya naman kapag nasa isang magandang lugar o pagtitipon, asahan na maglalabas ng cellphone ang mga tao -- hindi lang para magbasa ng text message, kundi para magpa-picture din lalo na kung may VIP o very important person.
Ganito ang nangyari sa sitwasyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino nang dumalo sa isang pagtitipon sa Cebu na nagkataon din na dinaluhan ng pamilya ng kontrobersiyal na negosyanteng si Janet Lim-Napoles, na nadadawit sa pork barrel scandal.
Dahil pinakamataas na lider ng bansa, natural na humingi o mag-request kay PNoy ang mga tao na nasa nasabing pagtitipon, kabilang na ang mga Napoles. Isa-isa, nagpakuha ang mga ito at may group picture pa.
Ngunit nangyari ang naturang picture taking bago pa man sumikat ang pangalan ni Napoles dahil sa iskandalo tungkol sa maanomalyang paggamit umano ng ilang mambabatas sa kanilang PDAF o pork barrel funds.
At ilang araw matapos ihayag ni PNoy ang posibleng pagsasampa ng kaso laban kay Napoles dahil sa isyu ng pork barrel, biglang lumutang sa Internet ang larawan ni PNoy kasama ang anak ni Napoles. 
Ano ang motibo ng biglang paglabas ng larawan na iyon? Ang palitawing kakilala o malapit kay PNoy ang mga Napoles o pwede ring ilihis lang ang atensiyon ng publiko tungkol sa iba pang larawan ng mga Napoles na kasama ang ibang mambabatas na nadadawit sa iskandalo.
Pero anupaman ang intensiyon ng pagpapalabas ng nasa­bing larawan, inunahan na ng Malacañang ang pagpapalabas ng iba pang larawan ni PNoy na kasama ang mga Napoles nang magpakuha sila ng larawan sa Cebu.  
Sa ganitong paraan, ipinakita na walang itinatago ang gobyerno at hindi na makalikha ng malisya o kwento ang may intensiyong gumawa ng intriga sa Pangulo -- ito’y isa lamang sa magandang karakter ni PNoy na hindi nakita sa mga naupong Pangulo, partikular sa pinalitan nito.
***
Napag-usapan ang picture, matalino naman ang publiko para maunawaan ang tunay na sitwasyon sa mga nasabing larawan ng mga Napoles na kasama si PNoy. Ang pagtitipon ay hindi kapwa dinaluhan lang ng Pangulo at mga Napoles kaya aksidente lang kung tutuusin ang kanilang pagkikita.
Makikita rin na maraming iba pang tao na nagpakuha ng larawan kasama si PNoy at hindi lamang ang mga Napoles. Kung nagpapansin ang intensiyon ng nagpakalat ng larawan, masasabi nating tagumpay siya dahil kinagat naman ng media ang mga larawan.
Subalit kung nais niyang sirain ang kredibilidad ng Pangulo sa isyu ni Napoles, direkta nating masasabi na palpak ito gaya ng bantang impeachment complaint laban kay PNoy na gagawin daw ng isang mambabatas.
Papaano ipapa-impeach si PNoy sa alegasyon ng pork barrel scandal samantalang sa kanya ngang administrasyon nabisto ang matagal na palang sistema ng umano’y pang-aabuso sa pork barrel at Malampaya funds na pinaniniwalaang naging talamak noong nagdaang administrasyon.
Kung tutuusin, dapat pang hangaan at ipagpasalamat ng publiko ang makatwirang liderato ni PNoy, aba’y naglalabasan ngayon ang baho ng mga kawatan sa gobyerno at hindi pinipigilan ng Pangulo ang mga imbestigasyon, kabaliktan sa gawi ng pinalitan nito sa puwesto.
Ang resbak ni Mang Kanor: Bakit mo patatalsikin ang lider na gumagawa ng paraan para maisaayos ang gobyerno, maging lantad at mabantayan ang paggamit ng tama ang pondo ng bayan? 
Kung hindi kaisa sa magandang hangarin ni PNoy ang taong ito, baka nais lang nitong “pumiktyur” at mapansin sa isyu ng pork barrel o kaya’y i-divert ang kuwento dahil namumurong makulong ang amo nito.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, September 18, 2013

Leksyon at hustisya



Leksyon at hustisya
REY MARFIL


Hitik sa balita ang nagdaang mga araw dahil sa dalawang malalaking usapin na kinakaharap ng bansa ang pork barrel scandal at sagupuan ng trapo ng pamahalaan, at Moro National Liberation Front (MNLF) sa Zam­boanga City. Pero saan nga ba dadalhin ng dalawang insidenteng ito ang bansa natin?
Sa ngayon, umusad na ang gulong ng hustisya sa usapin ng pork barrel scandal matapos ihatid ng Department of Justice (DOJ) sa Office of the Ombusman ang mga kasong isinampa sa mga mambabatas na sinasabing sangkot sa pag-abuso ng kanilang pork barrel fund.
Kasamang kinasuhan ang kontrobersyal na negosyanteng si Janet Napoles at ilang kawani ng pamahalaan na may kinalaman sa pagpapalabas ng pondo.
Bagaman pamumulitika ang tingin ng ilang mambabatas na isinasangkot sa kontrobersyang ito ng pondo ng mga mambabatas, sa kabilang banda ay mabuti na rin ito para sa kanila upang maipaliwanag at maidepensa nila ang kanilang panig sa tamang forum.
Ika nga ni Mang Kanor: Kung sadyang wala silang kasalanan sa sinasabing pagwaldas ng kanilang pondo na ipinadaan sa umano’y mga pekeng non-governmental organization o NGOs ni Napoles, patunayan nila ito sa korte upang malinis nila ang kanilang pangalan.
Tutal, sa ilalim naman ng kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino at maging sa liderato ng bagong Ombudsman, at mga mahistrado ng Sandiganbayan, nakasisigurong magkakaroon ng patas na imbestigasyon at paglilitis ang mga inaakusahan.
Pero sa dami ng mga inireklamo at bultu-bulto ng mga dokumentong gagamiting ebidensya, inaasahan na kakain ng mahabang panahon ang usaping ito sakaling irekomenda ng Ombudsman na iakyat sa Sandiganbayan.
Magkagayunman, higit na mahalaga na umusad ang kaso at may naiwang leksyon sa pamahalaan upang kumilos ito at magpatupad ng mas mahigpit na proseso sa pagpapalabas ng pondo ng bayan.
Katulad ng pork barrel scandal, tiyak na mag-iiwan din ng aral sa lahat ang sigalot ngayon sa Zamboanga na patuloy ang pag-alingawngaw ng mga putok ng baril mula sa tropa ng pamahalaan at mga kasapi ng MNLF na sinasabing tapat sa kanilang dating chairman na si Nur Misuari.
Sa kabila ng pagsisikap ng pamahalaang Aquino na makamit ang kapayapaan sa buong Mindanao sa pamamagitan ng isinusulong na kasunduan sa Moro Islamic Liberation Front, may ilang grupo na patuloy na maghahasik ng karahasan sa ngayon daw ng kanilang sariling bersyon ng kapayapaan.
Papaano matatawag na para sa kapayapaan ang pagkakasawi na ngayon ng mahigit 60 buhay at pagkakasugat ng maraming iba pa? Bukod pa diyan ang pagkakasunod ng hindi bababa sa 200 kabahayan at paglikas sa kani-kanilang tahanan ng may 65,000-katao. Nasaan ang kapayapaan diyan?
Hindi rin makatwiran ang mungkahi ng ilan na i­tigil ang putukan at hayaan na makaalis sa Zamboanga ang mga tauhan ng MNLF na kasangkot sa pag-atake na nagdulot ng malaking perwisyo sa marami nating kababayan.
Tulad ng usapin sa pork barrel scandal, may leksyon na dapat matutunan sa karasahan sa Zamboanga.
At gaya ng paghahanap ng hustisya sa nawaldas na pondo umano sa pork barrel, dapat maihatid din sa kamay ng hustisya ang mga sangkot sa pagsalakay sa Zamboanga.
Kapag nahatulan at nakulong ang mga nagkasala, makikita ang paggulong ng katarungan at magdadalawang-isip na ang mga magbabalak na tahakin ang maling landas.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, September 16, 2013

Tamang diskarte!


Tamang diskarte!
REY MARFIL

Kasing init pa rin ng bakbakan sa Zamboanga City ng tropa ng pamahalaan at ilang kaanib ng Moro National Liberation Front (MNLF) ang usapin tungkol sa umano’y pagwawaldas ng ilang mambabatas sa kanilang pork barrel fund.
Dapat lang naman na manatiling mapagmatyag ang publiko sa usapin ng pondo ng gobyerno upang hindi na maulit ang pambababoy sa kaban ng bayan na sinasabing nagawa sa pamamagitan ng mga pekeng NGOs na itinayo umano ng negosyanteng si Janet Napoles.
At sa pagpapatuloy din ng imbestigasyon sa Senado tungkol sa iskandalo ng pork barrel fund at testimonyang ibinigay ng itinuturing “taga-pito” o whistleblower na si Benhur Luy, aba’y talaga namang maaalta-presyon ka sa detalye ng hatian umano ng mga mambabatas at ni Napoles.
Ngunit bukod sa alegasyon ng pagsasalu-salo nina Napoles at ilang mambabatas sa pork barrel, lumitaw din na may ilang tauhan sa ilang ahensya ng gobyerno na may kinalaman din sa pagpapalabas ng pondo ang mistulang aso na nakatalungko sa gilid ng lamesa at naghihintay ng buto o taba ng baboy na ibabato sa kanila ng mga sumisibasib sa kaban ng bayan.
Kung tutuusin, magiging palaisipan naman talaga kung papaano nakapag-operate ng matagal ang mga pekeng NGO at nagpa­tuloy ang sinasabing modus ni Napoles nang hindi nalalaman ng mga kinauukulang ahensya sa ilalim ng administrasyong Arroyo.
***
Napag-uusapan si Napoles, ito’y walang pinag-iba sa ginawang pag-atake sa Zamboanga ng ilang MNLF na sinasabing mga loyalist ni chairman Nur Misuari na hanggang ngayon ay palaisipan din kung ano ang tunay na pakay. Tila kasi nagkakaroon ng sabunan at paghuhugas ng kamay sa karahasang ito dahil sinasabing wala daw basbas ni Misuari ang ginawa ng kanyang mga tauhan.
Kung walang basbas ni Misuari ang pag-atake, ibig bang sabihin ay hindi siya ang kinikilalang lider ng grupo o nais lang niyang maging iwas-pusoy sa mga kasong isasampa ng gobyerno lalo pa’t marami na ang nasawi, marami na ang nawalan ng tirahan dahil sa naganap na panununog at malaking perwisyo na rin ang naging epekto sa ekonomiya ng Zamboanga.
Kapansin-pansin na tila may pagkakatulad ang nangyayari ngayon sa Zamboanga sa nangyaring kaguluhan noon sa Sabah na sinasabing kagagawan naman ng mga loyalist ng isang sultan, na sinasabi din namang mga miyembro ng MNLF, meron pang naarestong MNLF-Misuari group member na “kumantang” pinangakuan ng tig-P50 libo bawat isa at P5 libo ang down payment o paunang bayad, kapalit ang pagsama sa kaguluhang ito.
Gaya ng krisis sa Zamboanga, matatag din na hinaharap at hinahanapan ng lunas at katapusan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang kontrobersya ng pork barrel fund. Tiniyak niya na may dapat managot sa pag-abuso sa kaban ng bayan, tulad ng mga dapat managot sa pagkasawi ng mga tao at pinsalang idinulot ng pag-atake sa Zamboanga.
Isang malinaw na halimbawa nito ang paghahanda ng matibay na kasong isasampa ng pamahalaan sa mga sangkot sa pagbulsa ng pondo ng gobyerno. Ika nga ni Mang Kanor: Hindi puwedeng madaliin at sa bandang huli’y makakatakas sa timbangan ng katarungan ang mga kurimaw.
Hindi katulad ng nakaraang administrasyon na nagpalabas pa ng kautusan ang Palasyo para pigilan ang pagdalo ng kanilang opisyal sa pagdinig ng Kongreso para lamang mapagtakpan kung ano man ang nais nilang pagtakpan.
Ang nakalulungkot lang, sa kabila ng ipinakikitang ka­tapatan ni PNoy na ayusin ang paggamit ng pondo ng bayan at nang hindi na maulit ang pang-aabuso, may ilan pa rin naman na panay ang ingay, at kinakasangkapan ang isyu ng pork barrel para magamit na pang-atake sa pamahalaang Aquino.
Dahil walang magamit na isyu tungkol kay PNoy, pati ang kasalanan na nangyari sa nakaraang administrasyon na nabisto na ngayon ng kasalukuyang administrasyon, nais pa rin nilang isisi kay PNoy para lang may magamit na dahilan upang makapagprotesta.
Dapat din nilang tandaan na batid ng mga mamamayan ang ginagawang pagsisikap ng kasalukuyang gobyerno na maituwid ang pagkakamali sa pork barrel fund. Kaya naman anumang pagkilos na gagawin ay isisisi pa rin kay PNoy at lalabas ng “O.A.”, at tiyak na hindi na kakagatin ng mga tao.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, September 13, 2013

Lubak sa kapayapaan!


                                  

                                    Lubak sa kapayapaan!


Nakalulungkot ang pinakabagong insidente ng karahasan sa Mindanao dahil sa ginawang pagsalakay ng mga armadong tauhan ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa Zamboanga City na nagresulta na sa pagkasawi ng ilang buhay.

Hindi pa lubos na malinaw ang dahilan ng pagsalakay ng mga sinasabing paksiyon sa MNLF ni chairman Nur Misuari pero may mga naghihinala na maaaring konektado ito sa isinusulong na pakikipagnegosasyon ng pamahalaang Aquino sa grupo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Ang pagsalakay na ginawa ng MNLF sa Zamboanga ang pinakabagong insidente ng karahasan sa Mindanao sa nakalipas na ilang buwan. Matatandaan ang nangyaring mga pagsabog sa Cagayan de Oro at Cotabato na nagresulta rin sa pagkamatay ng ilang katao at pagkasugat ng maraming iba pa.

Nakalulungkot na ang mga karahasang ito ay naganap habang binabalangkas ng pamahalaang Aquino at mga opis­yal ng MILF ang framework agreement na bubuo sa Bangsa­moro entity na papalit naman sa kasalukuyang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Maganda ang layunin ng pag-uusap ng dalawang panig -- ang makamit ang kapayapaan na matagal nang hinahanap ng mga mamamayan sa Mindanao. Pero sadya nga yatang hindi madali ang daan tungo sa kapayapaan sa rehiyon na ilang dekada nang bugbog sa digmaan ng mga kapwa Pilipino.

Mula sa dating pagiging rebeldeng grupo, nabuo ang usaping pagkapayapaan ng noo’y administrasyon ni dating Pangulong Fidel Ramos at MNLF sa pamumuno ni Misuar­i. Ngunit hindi kontento ang ilang kasapi ng MNLF sa resulta ng pag-uusap kaya tumiwalag sila at nagtayo ng sarili nilang grupo na kilala na ngayong MILF.

Makaraang ilang taon ng armadong pakikibaka, ngayon ay handa na ang MILF na tahakin ang kapayapaan kasama ang administrasyong Aquino. Ang masaklap, may ilang kasapi naman ngayon ng MILF ang hindi rin nasisiyahan sa negosasyon at kumalas para magtayo rin ng panibagong grupo na nagsusulong din ng armadong pakikibaka.

Taliwas sa napapaulat na reklamo umano ng grupo ng MNL­F ni Misuari na hindi sila kinunsulta ng pamahalaan sa pakikipagnegosasyon nito sa MILF, sinabi ni Presidential Adviser for Peace Process Sec. Ging Deles, na ilang pagpupulong at pakikipag-usap ang ginawa nila sa grupo tungkol dito.

Ang masaklap lang nito, habang may grupong nag-aalsa laban sa pamahalaan para igiit ang kanilang kalayaan, ang higit na naapektuhan ay ang mga kawawang sibilyan na sinasabi nilang kasama sa kanilang mga ipinaglalaban.

Hindi na nga mabilang kung ilang pamilya na ang napilitang iwanan ang kanilang tirahan para makaiwas sa labanan; ilang bata na ang naulila sa kanilang mga magulang; ilang ginang ang nawalan ng kanilang mister; at mga magkakamag-anak na pinaghiwalay ng karahasan?

Iisa lang ang hangarin ng lahat ng mamamayan sa Mindanao, magkaroon ng kapayapaan at pag-unlad sa rehiyon tinawag na “lupang pangako”. Hindi man maging madali ang paglalakbay sa daan patungo sa kapayapaan, hindi dapat sumuko ang gobyerno at mga lider ng grupo na pagod na sa ilang dekadang karahasan.

Higit kailanman, ngayon dapat ipakita ng mga mamamayan ang suporta at pakikiisa sa isinusulong na usapang pang­kapayapaan ng pamahalaang Aquino sa MILF.

Dapat kondenahin ang anumang hakbang ng mga grupong nais hadlangan ang kapayapaan sa Mindanao dahil lamang sa personal na interes ng iilan. Kung kapayapaan ang hangad nila, walang dahilan para gumamit ng dahas. La­ging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, September 11, 2013

Sa kabila ng kontrobersya!



Sa kabila ng kontrobersya!
REY MARFIL

Sa mga nakakaiyak na balita tungkol sa mga kontrobersya ng pork barrel fund at ni Janet Lim-Napoles, may magandang balita tungkol sa ekonomiya ng bansa pero baka hindi mabigyan ng sapat na pansin dahil hindi kaintri-intriga.
Hindi pang-telenobela ang good news na hatid sa bagong marka na nakuha ng Pilipinas sa World Economic Forum’s (WEF) Global Competitiveness Report. Pero dapat itong ikatuwa ng mga Pinoy dahil magpapakita ito na tuloy ang trabaho ng gobyernong Aquino sa kabila ng mga intriga sa isyu ng pork barrel fund ng mga mambabatas.
Ang magandang balitang hatid ng WEF, ang pagtaas ng “competitive standing” ng Pilipinas sa 59th spot ngayong 2013, na mas mataas sa 65th spot natin noong 2012.
Hindi biro ang pagtaas ng ating marka dahil nasa 148 bansa ang mino-monitor sa WEF report na ginagawa taun-taon. Dito ay sinusukat ang kakayanan ng isang bansa na makipagsabayan sa larangan ng pagnenegosyo at pag-angat ng kabuhayan ng kanilang mamamayan.
May mga “indicator” na ginagamit ang WEF para makita kung umaangat o bumababa sa kanilang monitoring system ang bansa. Kabilang sa mga indicator na ito ay ang domestic market size index, affordability ng financial services, madaling pagkuha ng loans, regulation ng securities exchanges, pati na rin ang financing sa pamamagitan ng local equity market.
Bukod sa magandang competitive ranking ng bansa, isa pang magandang balita ang economic growth ngayong ikalawang bahagi ng taon matapos makapagtala ng mataas na 7.5% growth rate.
Hindi ito nalalayo sa 7.6% na naitala ngayong unang bahagi ng 2013, kaya naman inaasahan na makakamit natin ang mas mataas na paglago ng ekonomiya sa pagtatapos ng taon na 6 hanggang 7 porsiyento.
***
Napag-uusapan ang growth rate, napantayan din ng Pilipinas ang China ngayong second quarter, na itinutu­ring pinakamabilis na mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nation. Naungusan natin ang Indonesia (5.8%), Vietnam (5%), Malaysia (4.3%), Singapore (3.8%) at Thailand (2.8%).
Magandang malaman ang ganitong mga balita dahil pagpapakita ito na hindi nalilihis ang atensyon ng pamahalaang Aquino sa pagpapalago ng ekonomiya ito’y kahit pa abala rin ang gobyerno sa pagsasaayos sa kung papaano gagamitin ang pondo ng bansa sa 2014 at ang masamang epekto sa agrikultura, at imprastraktura ng mga nagdaang kalamidad.
Isipin na lang natin ang pinsala ng nagdaang dalawang bagyo na sumira at lumunod ng mga taniman at palayan, nagpabagsak ng mga tulay at sumira ng mga kalsada.
Hindi ba sayang ang bilyun-bilyon na gagastusin muli ng gobyerno para ipaayos ang nasirang mga imprastraktura na pondo na sana’y magagamit sa iba pang proyekto o programa?
Hindi ba’t sayang din ang mga nasirang palay o mais o saging na malapit nang anihin ng ating mga kababayan na dahil sa kalamidad ay kakailanganin muli nilang umutang ng puhunan at bumangon muli sa dagok sa buhay na kanilang naranasan?
Pero dahil sa magandang takbo ng ekonomiya at katatagan ng pamahalaang Aquino sa tamang paggamit ng pondo ng bayan, may magagamit ang gobyerno upang isaayos kaagad ang mga nasirang imprastraktura, at mabigyan ng ayuda ang mga nasalanta upang matulungan sila sa pagbangon sa kanilang kinalalagyan.
Umasa tayo na pagkatapos ng mga kontrobersya, intriga at kalamidad, kapag nahawi na ang ulap ika nga, lalabas din ang nakangiting sikat ng araw.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, September 9, 2013

Sablay!


Sablay!
REY MARFIL


Sablay! Ganyan inilarawan ng mga miron na nag-uumpukan sa kanto ang naging pasabog ni dating ZTE-NBN whistleblower Jun Lozada tungkol sa sinasabing pagkunsinti ng Aquino government sa kontratang pinasok ng PhilForest Corporation sa San Jose Builders.
Para sa kaalaman ng publiko, ang PhilForest ay isang sangay na ahensya ng pamahalaan na dating pinamunuan ni Lozada noong panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo. Samantala, ang San Jose Builders ay pag-aari ng negosyanteng si Jerry Acuzar, na bayaw naman ni Executive Secretary Paquito ‘Jojo’ Ochoa.
Ang pinasok na kontrata ng PhilForest at San Jose Builders ay kasunduan na pagyayamanin ang ekta-ektaryang bakanteng lupain sa Busuanga sa Palawan.
Ayon kay Lozada na madalas umiyak sa harap ng media, “midnight deal” daw ang kasunduan ng PhilForest at San Jose Builders dahil nangyari ito ilang araw bago magtapos ang termino ni Mrs. Arroyo.
At dahil midnight deal, dapat daw ipinabasura ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang kontrata pero hindi raw ito ginawa dahil sa alegasyon niya na malakas daw kasi si Acuzar bilang bayaw ni Ochoa.
Pero ang totoo pala, na baka hindi alam ni Lozada, ibinasura ng pamahalaang Aquino ang pinaghihimutok niyang kontrata ng PhilForest at San Jose Builders noon pang 2011.
Kaya’t ang tanong ni Mang Kanor: Hindi nga kaya alam ni Lozada ang impormasyong iyon o sadyang hindi niya ipinaalam para may maipuna kay PNoy?
Kung sabagay, hindi maaalis na paghinalaan na baka may itinatago pa ring hinampo si Lozada kay PNoy bunga ng nangyaring pag-uusap nila noon na sinasabing may kaugnayan sa dalawang kaso na kinakaharap niya sa Sandiganbayan.
***
Napag-uusapan ang himutok ni Lozada, sa isang press briefing, sinabi ni deputy spokesperson Abegail Valte, may hininging tulong si Lozada kay PNoy na hindi naman napagbigyan ng Pangulo. Malinaw noon pa man ang paninindigan ni PNoy na hindi ito makikialam sa anuman o kaninumang kaso na nakabinbin sa korte.
Kung tutuusin, kung sadyang naniniwala si Lozada na inosente siya sa ipinaparatang sa kanya, ano ang dapat niyang ikatakot? Panahon na ito ni PNoy na patas ang gulong ng hustisya at hindi katulad noon na panahon ng benggatibo na kapag hindi ka kakampi, katakut-takot na kaso ang isasampa sa iyo para lang gipitin.
Para sa kaalaman ng publiko: Ang kaso ni Lozada ay alegasyon noong panahon na siya pa ang presidente ng PhilFo­rest. Naiakyat sa Sandiganbayan ang kaso laban kay Lozada dahil sa umano’y pagkiling nito na mabigyan ng leasehold rights sa public land ang kumpanya ng kanyang kapatid.
Ngunit bukod pa diyan, kinasuhan din si Lozada dahil sa pagbibigay niya ng isa pang leasehold rights sa public land para sa “sarili” niyang kumpanya at kanyang asawa, na lumilitaw na may pagkasariling interes.
Sa harap ng mga ingay ngayon tungkol sa alegasyon ng pag-abuso ng mga mambabatas sa kanilang pork barrel fund, mga naglipanang pekeng NGOs, at umano’y pagiging malambot ni PNoy sa mga kaalyado nito, hindi maiiwasan na mayroong magsamantala sa pagkakataon na makabira kahit kulang o mali ang kanilang sasabihin.
Hirit naman ni Mang Gusting: Kapag nabisto na walang basehan ang kanilang patutsada laban sa kanilang inaatake, walang masama at hindi kabawasan sa kanilang pagkatao na aminin ang kanilang pagkakamali, at humingi ng paumanhin.
Malay nila, baka may himalang mangyari sa kanilang kababaang loob... who knows.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, September 6, 2013

Kahit paano, meron!



  Kahit paano, meron!
REY MARFIL

Hindi ba’t kapuri-puri ang maigting na determinadong hakbang ng administrasyong Aquino na palakasin ang kakayahan ng bansa na bantayan ang ating katubigan sa kabila ng limitadong pondo matapos dumating sa bansa ang BRP Ramon Alcaraz, ang ikalawang Hamilton-class cutter mula sa United States (US).
Malinaw na hindi pag-aaksaya ng pondo ang pagbili ng pamahalaan sa BRP Ramon Alcaraz -- ito’y napakalaking tulong upang protektahan ang teritoryo ng Pilipinas, hindi lamang sa mga “nambu-bully” bagkus sa panahon ng kalami­dad na maaaring gamitin sa search and rescue operation.
Bagama’t magastos ang pamumuhunan sa ganitong aspeto ng depensa ng bansa at mayroong mahahalagang mga pangangailangan na dapat pondohan sa larangan ng pangunahing serbisyo at edukasyon, malaki ang maitutulong nito para labanan ang patuloy na panggigipit ng China sa West Philippine Sea.
Malaking tagumpay sa modernisasyon ng Philippine Navy ang pagdating sa bansa ng barko sa tulong ng pagsusumikap ni PNoy. Nakakalungkot isipin lamang na nasayang ang multi-bilyong pondo sa nagdaang siyam taon bago naupo si PNoy, ika nga ni Mang Kanor: sana ipinambili ng barko at eroplano ang saku-sakong perang ina-account ng Commission on Audit (COA) ngayon!
Ikinokonsidera si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na lider na naglaan ng malaking pondo para sa depensa ng bansa kumpara sa ibang naging presidente kahit papasok pa lamang ng apat na taon ang kanyang panunungkulan.
Lagi nating iisipin na pinakamabuting kasangkapan laban sa mga mananakop ang presensiya ng militar.
Kalimutan na rin natin ang mga kritiko na nagsasabing hindi uubra ang bagong dating na Hamilton-class cutter kumpara sa makabagong barkong pandigma ng ilang nambu-bully sa Panatag at Scarborough.
Pinakamainam na hindi natutulog sa pansitan si Pangulong Aquino at gumagawa ng mga paraan at hakbang upang matiyak na magkakaroon ng lakas ang ating militar.
***
Napag-usapan ang good news, panibagong tagumpay na naman sa pagkakaloob ng serbisyong pangkalusugan ang desisyon ni PNoy sa pamamagitan ng Department of Budget and Management (DBM) na ipalabas ang P2.8 bilyong pondo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa konstruksiyon at pagkumpuni ng pampublikong mga ospital sa buong bansa.
Bahagi ang pondo ng ipinapatupad na Health Facilities Enhancement Program (HFEP) sa ilalim ng Department of Health (DOH). Layunin ng inilalaang pondo na palakasin ang pagkakaloob ng serbisyong pangkalusugan ng administrasyong Aquino sa publiko.
Hindi naman nakakapagtaka ito dahil sa pangako at pagiging sensitibo ni PNoy sa pangangailangan sa kalusugan ng maraming Pilipino.
Bahagi ang programa para makamit ang tinatawag na Millennium Development Goals sa larangan ng pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa publiko sa 2015.
Dahil sa pagpapaunlad ng rural health centers, matitiyak natin na mabibigyan ang ating mga kapamilya ng mas maayos na serbisyong pangkalusugan at iba pang emergency services mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Kasama rin sa hangarin ng HFEP na maitaas ang antas ng imprastraktura at mga kagamitan sa pampublikong health facilities sa buong bansa.
Kabilang dito ang 512 regional health units (RHUs), 363 barangay health stations (BHSs), 147 district hospitals at 20 provincial hospitals.
Karagdagan ito sa pagpapayaman ng BHSs at RHUs para matulungan ang nursing students, makapagbigay ng hospital-grade services at mabawasan ang sobrang pasyente sa pangunahing pampublikong mga ospital.
Positibo ako sa tulong ng pagsusumikap ni PNoy, magpapatuloy ang mabuting serbisyong pangkalusugan para sa mga Pilipino.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, September 4, 2013

Nakasinghot ng katol!



Nakasinghot ng katol!
REY MARFIL


Marami ang tila nagulat sa bilis ng mga pangyayari sa kaso ng kontrobersyal na negosyanteng si Janet Lim-Napoles.
Ilang oras lang ang lumipas mula nang ihayag ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang P10 milyong reward nitong Miyerkules para sa kanyang ikadarakip, bigla siyang sumuko kinagabihan na ikinawindang ng marami.
Linawin muna natin ang istorya bago tayo matangay sa mga alegasyon sa napaulat na anomalya umano sa pork barrel fund o pondo ng mga mambabatas. Si Napoles ay naging wanted dahil sa warrant of arrest na inisyu ng Makati court sa kasong serious illegal detention ng isa niyang dating tauhan.
Walang piyansa na inirekomenda kay Napoles kaya siya nakakulong ngayon kahit pa sinasabing limpak-limpak ang kanyang salapi. Pero ang malinaw nito, hindi tungkol sa pork barrel ang kaso kaya siya pinaghahanap ng batas. Bukod diyan, hindi pa “convicted” ang negosyante sa anumang kasong kinakaharap niya kaya “technically” ay dapat pa rin siyang ituring “inosente”.
Sa pagtanggap ni PNoy na sumuko sa kanya si Napoles, may ilan na nakasinghot yata ng pekeng katol ang biglang naging tamang duda at mabilis na umiral ang pagiging malikhain sa paggawa ng istorya.
Tinalo pa ang mga mahuhusay na scriptwriter ng “My Husband’s Lover” sa paggawa ng mga senaryo tungkol sa umano’y gawa-gawang pagsuko.
Sa halip na matuwa sa ginawa ni PNoy dahil hindi na makakasama si Napoles sa bilang ng mga prominenteng tao na pinaghahanap ng batas, nagawa pa ng ilan na silipin maging ang pagsama ng Presidente sa mga nagdala kay Napoles sa Camp Crame mula sa Malacañang upang matiyak ang kaligtasan nito.
Kung tuluyang nawala si Napoles, papaano na ang isinigaw na katarungan ng mga taong nakiisa sa anti-pork barrel protest na One Million March at mga nagalit sa mga social media kung hindi magkakaroon ng tuldok sa kuwento ng umano’y paglulustay sa pondo ng bayan?
***
Napag-usapan ang pagsuko -- kung lalabas naman sa imbestigasyon na solo flight lang sa diskarte si Napoles at naging biktima lang ang mga mambabatas, hindi ba’t mas nararapat din na panagutan niya ang kasalanan? Ang ikinaka-bad trip ni Mang Kanor:
Hindi man lang nabahiran ng konting tuwa sa katawan ang mga “astang-henyo” at “feeling-columnist/journalist” sa Twitter at Facebook dahil nakatipid ang gobyerno, as in walang kumubra ng P10 milyong reward.
Marahil ay naisip din ni PNoy na magiging kontrobersyal ang desisyon na tanggapin niya mismo ang pagsuko ni Napoles. Pero sinabi niya, naging aral sa kanya ang nangyari kay dating General Jovito Palparan, na nagparamdam noon sa kanya na posibleng sumuko pero hindi niya pinagbigyan.
Kabilang sa mga hindi mahanap na prominenteng wanted si Palparan na nahaharap sa mga kasong pagdukot at pagpatay sa sinasabing mga kasapi, at tagasimpatya ng militanteng grupo.
Kung tinanggap kaya ni PNoy ang pagsuko ni Palparan, matuwa kaya ang mga militante sa Pangulo o maggagalit-galitan sila kung bakit binigyan ng ganoong importansya ang retiradong heneral?
Para sa ilang kritiko ni PNoy, hirap silang tanggapin ang katotohanan sa pagiging patas nito kaya siya pinagkakatiwalaan maging ng mga pinaghahanap ng batas.
Kahit naisip niya na magiging kontrobersyal at pagdududahan ang ginawa niyang pagtanggap sa pagsuko ni Napoles, mas nangibabaw pa rin sa Pangulo ang hangarin na umusad ang hustisya at lumabas ang katotohanan sa usapin ng pork barrel fund, na siya rin namang gusto ng mas nakararami.
Ang magagawa lang nating mamamayan sa ngayon, maghintay, maging mapagmatyag at sumama kay PNoy sa pagbabantay upang lumabas ang katotohanan. Ang mga nangyayaring ito ay totoong buhay, hindi hango sa istorya ng mga taong tamang duda.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, September 2, 2013

Daming epal!



 Daming epal!
REY MARFIL


Hindi man umabot sa isang milyon ang bilang ng mga duma­lo sa “One Million March” sa Luneta, sa tingin ni Mang Juan ay sapat na ang dami ng mga Pinoy na nakiisa sa pagkilos sa iba’t ibang panig ng bansa at mundo para matauhan ang mga taong nambaboy sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) o mas kilala sa tawag na pork barrel fund ng mga mambabatas.
Iyon nga lang, marami rin ang nakapuna sa naturang pagtitipon na mayroon ding mga “baboy” na sumampa sa likod ng isyu ng “babuyan” para makaepal. Hindi pa kasama diyan ang mga kritiko ng administrasyong Aquino na nagkakandarapa sa paghabol sa “baboy” para makabato lang ng birada sa kasalukuyang gobyerno.
Ang nakakatawa, sinasabing nabuo ang panawagan na iprotesta ang pork barrel sa pamamagitan ng social media, partikular ang Facebook. Ang ibang kritiko na walang maipukol na puna sa “daang matuwid” ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino, biglang nakakita ng koral na mapapasukan para makapaglaro ng putik.
Ang kaso, ang putik na gusto nilang ibato sa gobyerno ni PNoy tungkol sa isyu ng pork barrel ay naipon pa ng nagdaang gobyerno na siya namang patuloy na nililinis ng kasalukuyang pamahalaan -- ang katiwalian.
Ika nga ni Mang Kanor: Madaming sumakay sa isyu, as in “pasahero” ang pabigat dahil sila mismo’y nakinabang at tahimik sa panahong “binababoy” ang pork barrel ng nakaraang administrasyon.
Sinasabing lumala ang pang-aabuso sa PDAF sa nakaraang administrasyong Arroyo dahil ginamit itong “kendi” sa mga mambabatas para hindi siya ma-impeach at mapatalsik sa puwesto.
At ngayong lumutang ang isyu ng PDAF kay Janet Napoles na nangyari sa loob ng nakaraang 10 taon, at nasundan ng COA report tungkol din sa kuwestyonableng paggamit ng PDAF mula naman 2007 hanggang 2009, nagdesisyon si PNoy na ibasura na ang PDAF.
Pero dahil hindi naman puwedeng pabayaan ang mga distrito at kababayan ng mga mambabatas, magpapasok pa rin ng alokasyon para sa mga programa at proyekto sa kanilang nasasakupan pero sa prosesong hindi na ito masasamantala ng mga mambabatas.
***
Napag-uusapan ang rally, sa ginanap naman na pagtitipon sa Luneta, maging ang ilang baboy na nagkukunwaring maamong tupa ay dumalo at nakikikatay din sa pork barrel. Mabuti na lang at hindi mga “slow” ang mga tao na nandoon, pinaalis ang mga dorobong baboy.
Pero may ilan pa ring mga dating opisyal, dating mga mam­babatas at dating mga heneral na nagsilbi sa gobyernong Arroyo, at nahaharap din sa mga kasong katiwalian o inakusahan din noon ng katiwalian ang umepal ay naki-ride din sa baboy. Hindi kaya sila kinilabutan sa acting na ginawa nila doon?
At may iba rin na pilit na naghahanap ng malisya at maipupuna sa Malacañang kahit pa sinabi na ng gobyerno na kaisa ito sa hangarin ng mga mamamayan sa matinong paggamit ng pondo. ‘Yung tipong kahit idineklara na mismo ni PNoy na ibinasura na ang PDAF, ay ipipilit pa rin nila na buhay pa ang PDAF at magkakaroon ng bagong pangalan.
Kahit pa sinabi ng Palasyo na nakikinig ang pamahalaan sa sentimiyento ng mga tao, ay ipipilit pa nila na hindi at maghahanap ng bagong dahilan para makakontrata gaya ng paggiit na isama rin na alisin ang President Social Fund ng Pangulo, at ipagpipilitan na pork barrel din ang nabanggit na pondo kahit hindi naman.
Ipinaliwanag na ng Palasyo na hindi pork barrel ang PSF at nakalaan ito sa mga espesipikong programa tulad ng mga biglaang problema tulad ng kalamidad o pagpapauwi sa mga kababayan natin sa abroad, mga pensyon, at iba pa.
Gayunpaman, habang patuloy na hinihimay sa Kongreso ang 2014 budget, asahan na may mga baboy na papalag dahil naapa­kan ang kanilang buntot sa mga isinasagawang reporma ni PNoy at paghabol sa mga umabuso sa kaban ng bayan.
Asahan din na may mga baboy na maghahanap ng iba pang koral para makapaglaro ng putik at mga baboy na maghahanap ng baboy na masasakyan para makaepal.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)