Wednesday, July 31, 2013

Mas mahusay ang koordinasyon!


Mas mahusay ang koordinasyon!
REY MARFIL

'Mas maganda ang hinaharap ng bansa sa aspeto ng pagpasa ng mga panukalang batas ngayong 16th Congress dahil sa inaasahang mas magandang koordinasyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso (Senado at Kamara de Representantes) at Malacañang sa pamamagitan ng Presidential Le­gislative Liaison Office (PLLO).
Ang mga alagad ng pagdududa, nangangamba na magi­ging rubber stamp o tagasunod lamang sa dikta ng Malacañang ang Kongreso dahil pawang kaalyado ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang napiling lider ng Kongreso.
Sa Kamara, muling nahalal na Speaker si Quezon City Rep. Feliciano Belmonte Jr., habang sa Senado ay napiling pinuno naman si Senador Franklin Drilon.
Pero kung ang pagdududa ay papalitan ng positibong pananaw, isipin na lang na madaling maisasabatas ng Kongreso ang mga kailangang panukalang batas ni PNoy na sa tingin niya ay makatutulong sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa o para sa higit na epektibong pamamahala sa ilalim ng tinatawag niyang “daang matuwid”.
Nitong nagdaang 15th Congress, hindi naging maganda ang pagwawakas ng kanilang trabaho. Umabot sa 66 na panukalang batas na inaprubahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang hindi naging ganap na batas at hindi napakinabangan ng mga mamamayan dahil hindi ito nilagdaan ni PNoy.
Hindi ito nilagdaan ng Pangulo dahil sa mga kuwestiyuna­bleng probisyon na sa tingin niya ay hindi makatotohanan, na sa halip na makabuti ay makasasama sa bansa sa hinaharap.
Kung tutuusin, mano bang pirmahan na lang ni PNoy ang mga panukalang batas na ito at maipatupad, tutal ilang taon na lang ang kanyang termino at ang papalit na sa kanya ang magkakamot ng ulo kapag lumabas na ang epekto ng mga palpak na probisyon.
Ngunit hindi ganito mag-isip ang ating Pangulo. Batid niya na mataas ang ibinigay na tiwala sa kanya ng mga mamamayan kaya naman ang bawat panukalang batas na kanyang pipirmahan ay nais niyang matiyak na tunay na pakikinabangan ng bayan at hindi “pa-pogi” lamang.
***
Napag-usapan ang relasyon ng dalawang kapulungan, ang isa pang sinisisi sa pagkaka-veto ng maraming panukalang batas nitong nakaraang 15th Congress ay ang hindi magkasundong liderato noon ni dating Senate President Juan Ponce Enrile at PLLO Chief Manuel Mamba.
Kapwa mula sa lalawigan ng Cagayan sina Enrile at Mamba, na nagkataong hindi magkasangga sa pulitika. Pero ngayong 16th Congress, malaki ang pag-asa na magiging matiwasay na ang koordinasyon nina Mamba sa mga kaal­yado ni PNoy na sina Belmonte at Drilon.
Sa  State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo, ilang panukalang batas na ang inirekomenda niya sa Kongreso na bigyan ng pansin na maipasa. Kabilang na siyempre dito ang P2.268 trilyong 2014 budget; ang pag-amyenda sa Cabotage Law na inaasahang magpapababa sa presyo sa gastusin sa transportasyon sa agricultural products at iba pang industriya; ang pagpasa ng Land Administration Reform bill at Fiscal Incentives Rationalization bill; at pag-amyenda sa Civil Service Code.
Batid natin na mayroon ding sariling mga programa at nakapilang mga panukalang batas na nais unahing maaprubahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso, ngunit sana lang, unahin nila ang mga panukalang batas na higit na kailangan ng mamamayan tulad ng hinihiling ng Pangulo.
Sana’y hindi masayang ang mataas na trust at satisfaction ratings na natatanggap ngayon ng mga pangunahing lider ng ating bansa at maging ng ating mga institusyon. Mas magiging malakas na sandigan ng mamamayan ang Kongreso at Palasyo ngayon kapag nagsanib sila ng ganap na puwersa.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, July 29, 2013

Makatwirang tulungan!



Makatwirang tulungan!
REY MARFIL

Sa susunod na taon, higit na malaking pondo ang ilalaan ng pamahalaang Aquino sa Conditional Cash Transfer (CCT) program na ang pangunahing makikinabang ay ang mga pinakamahihirap nating kababayan.
Batay sa isinumiteng 2014 proposed budget ng pamahalaan, gagawing P62.6 bilyon ang pondo para sa CCT program, mas mataas kumpara sa kasalukuyang P44 bil­yon na ginagamit ngayong taon. Pero gaya ng dati, hindi pa rin naman mawawala ang pagpuna sa programang ito ng pamahalaan.
May mga nagdududa kung epektibo ang CCT program sa pag-ayuda sa mga mahihirap. Mayroon ding naghihinala kung tunay na mga mahihirap ba ang nakikinabang sa programang ito na pinamamahalaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Hindi naman itinatanggi ng DSWD na nagkakaroon ng butas sa programa tulad ng pagdoble ng pangalan ng benipisyaryo o mayroong hindi naman karapat-dapat na tumanggap ng pinansiyal na tulong ng gobyerno pero nakatanggap.
Subalit ang mga problemang ito ay tinugunan na ng DSWD at lalo pang pinag-ibayo ang pagsala sa mga kapus-palad nating mga kababayan na karapat-dapat na makatanggap ng suporta mula sa gobyernong Aquino.
At sa susunod na taon, nais pa ng gobyerno na lawakan ang mga mahihirap nating kababayan na maaabutan ng tulong. Kasabay ng pagtaas ng alokasyon para sa CCT program ay ang karagdagan ding benipisyaryo. Mula sa kasalukuyang 3.9 milyong mahihirap na pamilya, aabot na sa 4.3 milyong pamilya ang masasakop ng programa.
Sa ilalim ng programa, tatanggap ng hanggang P1,200 buwanang pinansiyal na tulong ang mahirap na pamilya papatak ng tig-P300 para sa hanggang tatlong anak na hindi hihigit sa 14 ang edad, at P300 para sa ina. Pero, kasama sa kondisyon sa pagtanggap nila ng tulong ay tiyakin na makapag-aaral ang kanilang mga anak.
Sa susunod na taon, masasakop na rin at makatatanggap na rin ng biyaya ng CCT program ang mga mahihirap na walang tirahan. Bukod pa riyan, itataas na rin ang edad ng mga anak ng benepisyaryo na hanggang 18-anyos na.
***
Napag-usapan ang CCT, layunin nito na masuportahan na makapagtapos ng pag-aaral ang mga mahihirap na kabataan na nasa high school. Kung tutuusin, marami naman talagang kabataan ang hindi nakakatapos ng high school dahil sa kakapusan ng pera.
At ang mga mahihirap na kabataan na nakatapos naman ng high school, kadalasang sumasabak na sa trabaho at hindi na nagko-kolehiyo para makatulong agad sa kanilang pamilya. Mayroon naman talagang kumpanya o uri ng trabaho na sapat na ang tinapos sa high school pero maabilidad sa trabaho.
Kahanga-hanga ang mga kabataang nagsisikap na makapagtapos ng high school at nagtatrabaho na para maalalayan ang kanilang magulang sa pagpapaaral sa iba pa niyang kapatid. At kahanga-hanga rin ang mga nagtapos ng high school at nagtrabaho para tustusan naman ang sariling pag-aaral sa kolehiyo.
Hindi man aminin ng ilang kritiko ng CCT program o maging ng mga kritiko ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, may malaking naitutulong ang programa hindi lang para maitawid ang pangangailangan sa pagkain ng mga mahihirap, kundi para mapanatiling nasa loob ng paaralan ang mga anak nila.
Ang paglalaan ng malaking pondo para sa CCT program ay maituturing na pamumuhunan sa ating mga kabataan na magkaroon ng karunungan at maging produktibong mamamayan sa hinaharap, sa halip na ma­ging pasaway at sakit ng ulo ng lipunan.
Marahil kung may nagtatanong kung nasaan ang epekto ng nagaganap na paglago ng ating ekonomiya sa mga mahihirap nating kababayan, masasabi nating isang paraan nito ang CCT program.
Maaaring sa iba ay walang saysay ang CCT program, pero sa mga mahihirap at naghihikahos nating kababayan, ito’y malaking biyaya.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, July 26, 2013

Nagka-memory gap!


Nagka-memory gap!
REY MARFIL


Nakaka-high blood kung totoo ang lumabas na balita tungkol sa umano’y scam o kalokohan sa paggamit ng “pork barrel” funds ng mga mambabatas na sinasabing umaabot sa P10 bilyon na naganap sa loob ng 10 taon.
Kung tutuusin, hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng iskandalo sa pork barrel o Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng mga mambabatas na inilalaan ng mga kongresista at senador sa kanilang mga napipiling proyekto.
Ang kakaiba lang sa akusasyon ngayon, lumilitaw na may isang personalidad na sinasabing gumagamit ng mga pekeng NGOs para pagdaanan ng pondo ng mga mambabatas upang maisagawa ang pagkupit sa pondo ng bayan.
Napakaseryoso ng akusasyon lalo pa’t napakalaking pondo ng bayan ang pinag-uusapan. Kaya naman si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, iniutos sa National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng malalim at patas na imbestigasyon tungkol dito.
Mahirap nga naman na basta na lamang patulan ang mga akusasyon laban sa paggamit ng mga mambabatas ng kanilang pondo kung wala namang sapat na katibayan.
At lalong mahirap na magpadalus-dalos sa pagdedesisyon na pakinggan ang ilang mungkahi na buwagin o iti­gil na ang pagkakaloob ng pork barrel sa mga mambabatas.
Kung tutuusin, batay sa mga lumabas na ulat, sinabing nasa 28 mambabatas na kinabibilangan ng limang (5) senador ang umano’y nakunan ng pondo para sa scam. Pero ilan ba ang lahat ng mambabatas natin? Bukod sa 24 na senador, mayroon pa tayong mahigit 270 kongresista.
***
Napag-usapan ang pork barrel -- ang mga senador ay mayroong alokasyon na tig-P200 milyon PDAF bawat taon, habang tig-P70 milyon naman sa bawat kongresista. Kung pagbabasehan ang 28 mambabatas na idinadawit sa scam, napakaliit nito kung ikukumpara sa bilang ng halos kabuuang 300 mambabatas.
Kung totoo ang alegasyon ng pork barrel scam at ititigil ang pagpapalabas ng PDAF, papaano naman ang hi­git na nakararaming mambabatas na gumagamit nang tama sa kanilang PDAF at nakatutulong sa kanilang mga nasasakupan?
Maraming mambabatas ang naglalaan ng bahagi ng kanilang PDAF para magpaaral ng kanilang mga kababayan o kaya naman ay medical assistance upang makatulong kahit papaano sa mga mahihirap na may karamdaman.
Kaya naman makatwiran at tama ang naging pasya ni PNoy na alamin ang katotohanan sa naturang alegasyon kaysa magpadala sa emosyon at opinyon na batay lamang sa lumalabas na ulat na nagmula sa mga nagpapalitan ng akusasyon.
Ang mahirap lang dito, mayroon pa ring ilang sektor na pilit na idinadawit ang Palasyo sa naturang kontrobersiya. Gaya na lang ng lumabas na ulat na may ipinadalang sulat daw kay PNoy ang isa sa mga sangkot sa iskandalo.
Nakasaad umano sa sulat na humihiling kay PNoy na ilibre sa asunto ang taong sangkot sa umano’y pork barrel scam isang media spin upang ilihis ang isyu.
Ngunit kung tutuusin, lahat naman ng tao ay maaaring gumawa ng sulat para kay PNoy at ipadala sa Palasyo. Hindi rin imposible na gumamit ng ibang pangalan ang magpapadala ng sulat at mag-imbento ng kung anoman ang nais niyang sabihin dito.
Ang malinaw lang dito, ang sinasabing anomalya sa paggamit ng pondo ng PDAF ay hindi nangyari sa kasalukuyang administrasyon, maliban kung tuluyang “nagka-memo­ry gap” ang mga kritiko dahil nasobrahan sa pork.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, July 24, 2013

SONA natin!


SONA natin!
REY MARFIL


Kapuna-puna na naging mahaba ang talumpati ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ngayong taon. Pero sa dami ba naman ng magagandang balitang nangyari sa bansa ngayong taon, sadyang mahirap pagkasyahin ang mga ito sa limitadong sandali.
Gaya ng inaasahan, direkta at walang paliguy-ligoy ang laman ng talumpati ng Pangulo. Ang puti ay puti, ang itim ay itim. Pinuri ni PNoy ang mga dapat na purihin dahil sa magandang nagawa, pinuna niya ang mga sa tingin ng ating lider ay may pagkukulang sa kanilang tungkulin at hindi naaayon sa kanyang mithiing “tuwid na daan”.
Tatlong (3) taon mula nang pamunuan ni PNoy ang bansa sa diwa ng pagtitiwala ng mamamayan, nakasandal pa rin dito ang ating Pangulo. Sinabi niya mismo sa huling bahagi ng kanyang talumpati na ang mga tao pa rin ang nagbibigay sa kanya ng lakas at ito’y sa paraan ng pagtitiwala.
Malayo na ang narating ng tiwalang ipinagkakaloob ng mamamayan sa administrasyon ni PNoy. Tiwala na nagsisilbing pundasyon sa daang matuwid na ating tinatahak. At sa kanyang talumpati, inisa-isa ng Pangulo ang mga bunga ng pagkakaisang ito ng mamamayan ng gobyerno.
Pero maliban sa pagganda ng ekonomiya, pagsigla ng turismo, pagbibigay-buhay muli sa agrikultura, pagkakaloob ng suporta sa mga mahihirap at iba pa, kapuna-puna rin ang bagong pag-asa sa matuwid na gawain ng ating mga lingkod bayan.
Kabilang na riyan ang mga pulis na handang tumulong at tuparin ang kanilang sinumpaang tungkulin na tumulong sa nangangailangan.
***
Napag-usapan ang SONA, hindi naman itinago ni PNoy na mayroon pa ring mga alagad ng batas at opisyal ng pamahalaan na hindi lubos na nagtatrabaho para isulong ang kapakanan at interes ng kanyang “Boss”, ang mamamayang Pilipino.
Pagpapakita lang ito na hindi pa tapos ang laban patuloy pa rin ang labanan ng puti at itim sa daang matuwid. Patunay ito na malayo pa ang ating tatahaking landas para makamit ang pinakaaasam nating maginhawang Pilipinas.
Sa tulong ng mga mambabatas sa Kamara de Representantes at Senado, inilatag ni PNoy ang ilang batas na nais niyang mabago o maamyendahan para sa ikabubuti ng pamamalakad sa bayan. Malinaw ang mensahe ni PNoy “SONA n’yo ito”, as in nag-ambagan ang lahat sa pagbabago.
Sa kabila ng mga puna na hindi nakararating sa mga mahihirap ang biyaya ng masiglang ekonomiya, malinaw ang misyon ng Pangulo sa natitirang tatlong taon niya sa puwesto na makamit ang tinatawag na “inclusive growth” o paglago ng ekonomiya mula sa loob ng ating bansa at hindi ng mga dayuhang namumuhunan.
Ngunit kung tutuusin, ang pagpapalawak at patuloy na pagkakaloob ng “pantawid pamilya program” sa milyun milyon nating pinakamahihirap na kababayan, ay maituturing na isang paraan para makarating sa mga kapus-palad nating kababayan ang bunga ng pagsigla ng ekonomiya. 
Dahil sa programang ito, hindi lang sikmura ang nilalamnan ng pamahalaan kundi maging karunungan ng mga bata dahil kasama sa kondisyon ng gobyerno sa mga mahihirap na pamilya ay ang ipasok sa paaralan ang kanilang mga anak.
Walang dudang malaki ang naganap na pagbabago tu­ngo sa ikabubuti ng bansa sa ilalim ng liderato ni PNoy subalit mayroon pa ring puwersa na hindi pa rin nakalilimot sa maling gawain ng nakaraan na pilit haharangan ang tuwid na daan.
Sana lang ay patuloy nating suportahan ang Pangulo sa biyaheng ito tungo sa mas magandang bukas, dahil walang inaasahang pagkukunan ng lakas si PNoy kundi sa kapwa niya mga Pinoy ang kanyang mga Boss.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, July 22, 2013

SONA na!



SONA na!
Rey Marfil

Dahil sa matalinong paggugol sa pondo na libre sa katiwalian, nakatitiyak tayo sa kakayahan ng administrasyong Aquino na pondohan ang P2.3 trilyong pambansang badyet sa 2014 upang maibigay sa buong bansa ang pangunahing serbisyo, lalung-lalo na sa pinaka-mahihirap na mga sektor.

Hihingin ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang pagpasa ng P2.3-trilyong pambansang badyet para sa susunod na taon matapos ang kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ngayong hapon.

Sumailalim sa masusing pag-aaral ng grupo ni Budget Sec. Butch Abad, Jr. ang P2.268 trilyong panukalang badyet.

Sa ilalim ng matuwid na daan ni PNoy, siguradong mahigpit ang paggugol sa pondo upang matiyak na walang masasayang kahit isang sentimo ng pampublikong salapi na gagamitin sa iba’t ibang kapaki-pakinabang na mga proyekto.

Mas mataas ng 13.1% o P262 bilyon kumpara sa kasalukuyang taong P2.006-trilyong pondo ang hihinging pambansang badyet sa 2014.

Mapupunta ang karagdagang pondo sa pinalawak na pamumuhunan sa imprastraktura, kampanya laban sa katiwalian, pagpapalakas ng kakayahan ng mga tao lalung-lalo na ang mga mahihirap sa pamamagitan ng mataas na kalidad na edukasyon, pangangalaga ng pampublikong kalusugan, pabahay, at paghahanda sa epekto ng nagbabagong klima.

Batid ni PNoy na lubhang mahalaga ang mga bagay na ito upang lalong mapalakas ang kakayahan ng bansa na makasabay sa hamon ng patuloy na humihigpit na kompetisyon sa larangan ng kaunlaran.

Kaya’t payo ni Mang Kanor sa publiko: Makinig sa SONA ni PNoy ngayong hapon upang malaman at maintindihan ang estado ng gobyerno kung ano ang direksyong tinatahak at hindi magtanong sa kapit-bahay kung anong problema ang nabigyan ng solusyon.

***

Alinsunod sa tagubilin ni PNoy, ginagawa ni Agriculture Sec. Proceso Alcala ang lahat ng makakaya nito upang lalong mapanatili at mapabuti ang programa sa pagtiyak ng sapat na suplay ng bigas, mais, at iba pang mga pangunahing pagkain.

Walang duda na kumakatok na ang sapat na suplay ng bigas at mais, patunay lamang na mali ang maraming mga kritiko na hindi makakamit ang layuning ito.

Mahalaga at napapanahon ang deklarasyon ni PNoy ng 2013 bilang “National Year of Rice”. Isipin ninyo, matapos ang 40 taon, nagsimula na namang magluwas ang bansa ng bigas, lalung-lalo na ang aromatic, fancy at organic colored varieties.

Asahan na nating patuloy na magsusumikap ang pamahalaan upang ipatupad ang kaukulang mga programa para makamit ang mas magandang mga layunin at adhikain sa larangan ng sektor ng agrikultura, lalung-lalo na sa programang Food Staples Sufficiency Program (FSSP).

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, July 19, 2013

Biyaheng Europa na!



Biyaheng Europa na!
REY MARFIL

Hindi ba’t magandang balita ang pagkakaroon muli ng lisensiya ng Philippine Airlines (PAL) na muling lumipad sa Europa matapos alisin ng European Union (EU) ang Pilipinas sa listahan ng mga bansang nabigong makasunod sa pandaigdigang pamantayan sa kaligtasan ng paliparan?
Sigurado ang positibong kapakinabangan sa bansa ng ulat ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at mga opisyal ng EU kaugnay sa pagkakaalis natin sa ban kung saan maaari na muling makalipad ang mga eroplano ng PAL sa London, Paris, Rome at Amsterdam.
Mapapalakas rin ang tiyansa ng iba pang airlines na magkaroon ng mahahabang ruta ng paglipad sa kanilang mga eroplano matapos matanggal sa listahan ng blacklist ang bansa dahil na rin sa pagsusumikap ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino.
Tinanggal ng EU ang bansa sa blacklist dahil sa bumuting pamantayan ng pagtiyak sa seguridad ng CAAP at epek­tibong pagtalima ng PAL sa hininging mga regulasyon sa isinagawang on-site safety assessment noong nakalipas na Hunyo 26 ng EU Air Safety Committee na tumalakay sa kaso ng Pilipinas.
Napabilib ang European Commission at Air Safety Committee sa mga aksiyon na isinagawa ng CAAP at mga kompanya ng eroplano sa bansa para tugunan ang panawagan na lalong mapabuti ang pagtiyak sa kaligtasan ng mga paliparan na patuloy naman nilang babantayan.
Dahil dito, plano ng PAL na lumipad patungong Europa ngayong Setyembre o Oktubre at maaaring magkaroon ng unang paglipad alinman sa Paris, London, Rome at Amsterdam.
Nagsimulang mailagay ang bansa sa blacklist noong 2010. Naganap ang pagkakatanggal ng bansa sa EU ban matapos ring mawala ang Pilipinas sa talaan naman ng International Civil Aviation Organization ng mga nasyon na mayroong tinatawag na significant safety concerns (SSCs) o matinding problema sa seguridad ng mga pasahero.
Sa patuloy na pagsusumikap ng administrasyong Aquino, umaasa ito na maibabalik ng US Federal Aviation Authority (FAA) ang bansa sa Category 1 na estado ngayong taon.
Sa ngayon, nasa Category 2 ang bansa kaya naman hindi mapalawak ng PAL ang operasyon nito sa Estados Unidos.
Kung patuloy na magiging mainam ang lagay ng ating mga paliparan, asahan na natin na lalong mapapabuti ang turismo na isa sa mga industriya na makakatulong upang makamit ang target na pito hanggang walong porsiyentong paglago ng ekonomiya.
***
Hindi lang ‘yan, patuloy din ang maigting na pagsusumikap ni PNoy na maresolba ang problema sa human trafficking sa bansa matapos ang conviction ng 118-katao sa hanay ng 1,519 kaso ng human trafficking na naisampa sapul noong Hunyo 2013.
Ganito ang magandang balita ni Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) Secretariat Atty. Neil Simon Silva sa isinagawang forum kamakailan na may temang “Stop Trafficking Now: Iligtas Ating Kababayan, Human-Trafficking ay Labanan” na inorganisa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ibig sabihin, umiikot ang mga gulong ng hustisya sa ilalim ng matuwid na daang kampanya ni PNoy.
Maganda ring naipataw sa mga salarin ang pinakamabigat na parusang habambuhay na pagkakabilanggo at multang P1 milyon hanggang P8 milyon.
Patuloy rin ang mga programa ng pamahalaan sa pamamagitan ng DSWD sa pagtulong sa mga biktima ng human trafficking sa pamamagitan ng Recovery and Reintegration Program for Trafficked Persons (RRPTP).
Sa ilalim ng programa, pinagkakalooban ang mga biktima ng sapat na mga gabay para sa kanilang pagbangon at pagbabalik sa lipunan, psycho-social counseling, pansamantalang pagkakaloob ng pabahay at iba pang serbisyo.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Wednesday, July 17, 2013

Philippines first!



Philippines first!
REY MARFIL


Magandang balita ang hatid sa turismo at negosyo ng Pilipinas ang ginawa ng European Union (EU) na alisin na ang ban sa ating flag carrier na Philippine Airlines (PAL). Dahil dito, maaari na muling bumiyahe ang ating mga eroplano direkta sa mga bansang kasapi ng EU.
Hindi biro ang epekto ng nasabing ban na pinairal noon dahil sa usapin ng kaligtasan at seguridad. Ang mga European na nais magpunta sa Pilipinas para mamasyal o magnegosyo ay dadaan pa muna sa ibang bansa para sa connecting flight papunta sa atin.
Kung isa kang turista o negosyante na ayaw ng malayo at palipat-lipat na biyahe, natural na maghahanap ka lang ng ibang bansa na may direktang biyahe para bawas sa gastos at pagod. Kaya naman sadyang magandang balita ang dulot ng pag-alis ng ban sa EU sa PAL.
Ang muling paglipad ng PAL sa EU ay indikasyon din ng pagsisikap ng Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP na tiyaking ligtas ang mga naglalakbay na­ting eroplano. Huwag nating kalimutan na dala-dala ng PAL ang pangalan at bandila ng ating bansa bilang flag carrier.
Asahan natin na ang dagdag na biyahe na ito ng PAL sa EU ay lilikha rin ng dagdag na trabaho, at higit sa lahat, oportunidad sa turismo at negosyo ng bansa.
Sa loob pa lamang ng tatlong taon ng liderato ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, marami nang positibong ba­lita ang nakamit sa sektor ng turismo sa ilalim ng pamamahala ni Sec. Mon Jimenez. Sa malamang, kamag-anak ni Fidel Jimenez ng GMA-7, aba’y kasing-galing!
***
Napag-usapan ang turismo, noong 2012, sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng turismo sa bansa ay umabot sa 4.3 milyon ang ating mga dayuhang turista. Mas mataas ito ng siyam na porsiyento sa 3.9 milyong dayuhang turista na bumisita sa atin noong 2011.
Ngunit higit sa lahat, kahanga-hanga ang ating mga kababayan na masiglang naglibot sa ating bansa na umabot sa 37.5 milyong domestic tourists noong 2011. Ang naturang bilang ng mga lokal na turista ay higit pa sa inaasahan na akalang sa 2016 pa makakamit.
Sadya nang buhay-na-buhay sa ating mga kababa­yan ang katagang “huwag maging dayuhan sa sariling bayan.” Napakaganda naman talaga ng ating bayan at maraming lugar tayong maaaring pasyalan. Hahayaan ba natin na ang mga dayuhan pa ang unang makakita at humanga sa ating mga ipinagmamalaking pasyalan?
Sa pamamagitan ng pagbisita at pag-iikot sa ating sa­riling bansa kaysa unahin ang pamamasyal sa ibang bansa, dala-dala rin natin ang isa pang kasabihan na magpapakita ng pagmamahal natin sa ating bayan, ang “Think Philippines first”.
Hindi naman masaya ang mamasyal sa ibang bansa dahil hinihikayat rin naman natin ang mga dayuhan na bisitahin ang Pilipinas na hindi naman nila bansa.
Pero makabubuti kung sa loob ng isang taon ay maglista rin naman tayo ng mga pasyalan sa sarili nating bayan na ating pupuntahan sa halip na sa ibang bansa lamang magpaplanong mamasyal.
Gayunpaman, dahil nga sa kahanga-hangang dami ng mga Pinoy na namasyal sa sarili nilang bayan, nagbigay ng panibagong hamon si PNoy sa DOT ni Sec. Jimenez na itaas na sa 56 milyon ang target na bilang ng mga local tourist pagsapit ng 2016.
Kung magpapatuloy ang magandang takbo ng ekonomiya sa bansa sa ilalim ng pamahalaang Aquino, hindi imposibleng makamit ng DOT ang bagong hamon ni PNoy.
Ipagdasal natin ang patuloy na pagsigla ng turismo ng bansa dahil malaki ang maitutulong nito sa ating ekonomiya, at paglikha ng napakaraming trabaho direkta man o hindi.
Magmula sa pagkuha ng tao para maging empleyado sa mga lugar ng pasyalan, mga construction worker na gagawa ng mga hotel at iba pang establisiyemento, mga hotel staff, receptionist, waiter at iba pa, hanggang sa mga taong nagtitinda ng mga pang-souvenir, at iba pa.
Kapag masigla ang turismo, hindi lang mga Pinoy ang magsasabing “It’s More Fun In the Philippines”, kundi ang buong mundo.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, July 15, 2013

Kay Ryzza ang ‘Chacha’


Kay Ryzza ang ‘Chacha’
REY MARFIL

Ano ang koneksyon ng eleksyon at Charter Change?
Tuwing ikatlong taon nagaganap ang eleksyon para pumili tayo ng mga bagong mambabatas; at kasunod ng elek­syon na ito ang ingay na muling nililikha ng planong amyendahan ang Saligang Batas o kung tawagin ay Charter Change o ChaCha.
At gaya nga ng kanyang pangako, tinutotoo ng inaasahang magiging Speaker muli ng House of Representatives na si Quezon City Rep. Feliciano Belmonte, Jr. ang paghahain ng resolusyon para isagawa ang ChaCha kahit pa nagpaha­yag dito ng pagtutol si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino.
Layunin ng ChaCha resolution ni Speaker Belmonte na amyendahan ang ilang probisyon sa Saligang Batas patungkol sa ekonomiya. Nais niya na luwagan ang probisyon sa mga dayuhang namumuhunan tulad ng pagbibigay sa kanila ng pahintulot na makapagmay-ari ng kompanya nang 100% at payagan silang makapagmay-ari ng lupain sa Pilipinas.
Katwiran ng mga sumusuporta na pahintulutan ang mga dayuhan na makapagmay-ari ng lupain, hindi naman daw naiiuwi ng mga dayuhan sa kanilang bansa ang lupa sa Pilipinas. Magandang dahilan pero tama ba namang literal na “ibenta” natin sa mga dayuhan ang ating mga lupa?
Ang masaklap sa usaping ito, kahit walang kinalaman si PNoy sa panibagong hakbang na ChaCha sa Kamara, may ilang kontra-ChaCha na pilit na iniuugnay si PNoy sa ginawa ni Speaker Belmonte.
Hindi naman yata makatwiran na iugnay si PNoy sa ChaCha move ni Speaker Belmonte dahil lamang sa magkapartido sila sa Liberal Party (LP). Bukod diyan, hindi rin dapat sabihin na LP ang may pakana ng ChaCha dahil lamang sa opisyal ng partido ang kongresista.
Dapat na tandaan na mambabatas si Speaker Belmonte at mayroon itong sariling isip at desisyon sa kung ano ang panukalang batas o resolusyon na nais niyang ihain sa Kapulungan. Bukod diyan, co-equal ang Kongreso at Malacañang kaya hindi nanghihimasok ang Pangulo sa usa­pin ng mga mambabatas.
***
Napag-usapan ang “ChaCha”, malinaw na naman ang posisyon ni PNoy hindi siya naniniwala na kailangang gawin ang pagbabago sa economic provision ng Saligang Batas para lamang makaakit ng mga dayuhang mamumuhunan.
Kung tutuusin, sa loob ng tatlong (3) taong termino ni PNoy ay patuloy ang pag-angat ng ekonomiya ng bansa nang walang ChaCha na isinasagawa. Kung nais talaga ng mga mambabatas na makahikayat ng mga dayuhang negosyante na mamuhunan sa bansa, ang higit na dapat gawin ng Kapulungan ay gumawa ng paraan para mapababa ang singil ng kuryente sa bansa na isa sa mga pinakamahal sa Asya.
Kailangan ding bawasan ang burukrasya o red tape upang mapabilis ang proseso ng pagtatayo ng negosyo sa Pilipinas. Lutasin rin ang problema sa mabigat na daloy ng trapiko at ayusin ang mga proyektong pang-imprastruktura.
Minsan na ring pinuna ni PNoy na ang ekonomiya ng China ay patuloy na lumalago sa kabila ng paghihigpit nito sa mga dayuhang namumuhunan sa kanilang bansa. Patunay lamang na hindi sapat na dahilan ng ilang kongresista para isagawa na ang ChaCha.
Bukod dito, papaano mabibigyan ng katiyakan ang mga mamamayan na talagang economic provision lamang ang kanilang gagawin at hindi nila isasama ang probisyon sa pulitika tulad ng pag-alis ng term limit o pagpapalawig ng kanilang termino?
Bagaman iginagalang ng Malacañang ang kalayaan ng mga mambabatas na maghain ng mga resolusyon at panukalang batas, umasa na lamang tayo na hindi makasisira sa prayoridad ng pamahalaan ang muling pagbuhay sa ChaCha, na tiyak na pagmumulan muli ng matinding balitaktakan at pagkakahati-hati ng mga mamamayan.
Sa totoo lang, mas makabubuting ipaubaya na lang ng mga politiko sa child star na si Ryzza Mae Dizon ang “chacha” dahil marami ang naaaliw kapag sinasayaw niya ito.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, July 12, 2013

Serbisyo!




Serbisyo!
Rey Marfil


Kahit hindi isagawa ang pagpupulong ng gabinete sa iba’t ibang mga rehiyon sa bansa, hindi nakakaligtaan ng administrasyong Aquino ang pangunahing obligasyon nitong mailapit ang pamahalaan sa publiko.

Sa katunayan, hindi nalilimutan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang pagtungo sa malala­yong mga lugar sa bansa para makadaupang-palad ang mga tao at matiyak na maibibigay ang pangunahing serbisyo sa mga ito.

Hindi lamang ang National Capital Region (NCR) ang binibisita ng Pangulo, nagtutungo rin ito sa ibang mga lugar sa bansa para mapakinggan ang damdamin, saloobin at hinaing ng mga tao at maiparamdam sa mga ito na laging umaalalay ang pamahalaan sa kanilang pakikibaka sa buhay.

Regular rin ang ginagawang pagbisita maging ng mga kasapi ng gabinete sa iba’t ibang panig ng bansa para malaman ang kanilang pangangailangan at masiguro ang mas epektibong pamamahala.

Ngunit, tama rin naman na ikonsidera ang panukalang isagawa ang pagpupulong ng gabinete sa iba’t ibang panig ng bansa katulad ng panukala ng ilang mambabatas.

Ipinanukala ng isang mambabatas kay PNoy na gawin ang buwanang pulong ng gabinete sa iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas.

Nais naman ng isang mambabatas na gawin ang sesyon ng Senado sa loob ng tig-apat na buwan sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

Pero mahalagang masusing pag-aralan nang husto ang panukalang ito dahil mangangailangan ng karagdagang pondo upang maisakatuparan ito nang maayos.

***

Napag-usapan ang serbisyo, malaking progreso na ang narating ng administrasyong Aquino sa usapin ng eliminasyon o pagpapababa ng red tape o mabagal at matagal na pagkakaloob ng serbisyo ng pamahalaan kahit nananatili pa rin itong isang mabigat na hamon.

Ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng makakaya nito upang matiyak na tumutugon ang mga local go­vernment units (LGUs) sa Anti-Red Tape Act.

Sa tulong ng report card survey, maaari nang malaman ng publiko kung tumutugon ang kanilang lokal na pamahalaan sa Anti-Red Tape Act.

Base sa pinakabagong datos ng pamahalaan, mayroong 317 LGUs na nakakuha ng “excellent” ratings sa kanilang report cards, 309 ang may rating na “good”, 60 ang “acceptable”, at 36 ang may “fail” na marka.

Kabilang sa mga reporma ng administrasyong Aquino ang paglaban sa katiwalian at reporma sa burukrasya para mas maging epektibo ang pamahalaan sa pagtugon sa pangangailangan ng publiko.

Sa pagsugpo kasi ng red tape sa pamahalaan, nangangahulugan ito ng mas magandang negosyo at epek­tibong serbisyo sa pamahalaan.

Sa ilalim ng malinis na pamamahala sa tulong ng tuwid na daang kampanya ni PNoy, asahan na natin ang mas malawak at mahusay na serbisyo sa mga susunod na buwan.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”
(mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, July 10, 2013

Itinutuwid lang!




Itinutuwid lang!
REY MARFIL

Asahan ang mas malawak na asenso at karagdagang trabaho nang aprubahan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang pondo para sa P76.56 bilyong halaga ng kasalukuyan at bagong imprastraktura na target matapos sa panahon ng kanyang panunungkulan.
Anim (6) na pangunahing mga proyekto sa enerhiya, edukasyon, public works, transportasyon at agrikultura ang inaprubahan sa pulong ng National Economic and Development Authority (NEDA) board kung saan ang Pangulo ang tumayong chairman.
Sa ilalim ng “Philippine Rural Development Program” ng Department of Agriculture, layunin nitong mapalaki ang ani sa pagsasaka at pangingisda sa 16 na mga lalawigan na nakakuha ng pinakamalaking pondo na nagkakahalaga ng P27.5 bilyon.
Para sa sektor ng transportasyon, inaprubahan ng NEDA board ang P5.9-bilyong “Philippine Ports and Coast Guard Capability Development Project”, para sa pagbili ng apat na bagong 24-meter patrol boats at isang 82-meter patrol boat.
Siguradong mahigpit na tututukan ni PNoy ang implementasyon ng mga proyekto upang matiyak na walang masasayang na pampublikong pondo.
***
Napag-usapan ang mga aksyon at pagtugon, talagang malalim ang malasakit ni PNoy sa mahihirap na mga tao, lalung-lalo na sa mga tsuper ng pampasaherong mga sasakyan nang lagdaan bilang batas ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013 o Republic Act (RA) No. 10586 na nagbasura sa drug test sa pagkuha ng lisensiya sa pagmamaneho.
Inaasahang P400 ang matitipid ng bawat aplikante dahil sa batas na ito na titiyak rin sa seguridad ng publiko laban sa mga nagmamaneho sa ilalim ng impluwensiya ng alak at droga.
Kailangang mahigpit na maipatupad ang batas, partikular ang Section 19 na nagbasura sa probisyon ng Comprehensive Dangerous Drugs Act o RA No. 9165 na nag-o­obliga sa pagkakaroon ng drug test sa pagkuha ng lisensiya sa pagmamaneho.
Hindi naman hangad ng batas na makalibre ang mga gumagamit ng ilegal na droga sa panahong kumukuha sila ng lisensiya sa pagmamaneho.
Pero malinaw na walang silbi ang proseso na ito para hulihin ang mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot dahil 0.06% lamang ang nag-positibo sa milyun-milyong aplikante sa driver’s license na sumailalim sa drug test alinsunod sa datos ng Land Transportation Office (LTO) mula 2002 hanggang 2010.
Sa paningin ni Mang Kanor, naging “gatasan” lamang ng mga kompanyang nagsasagawa ng drug test ang probisyon na ito at pag-aaksaya ng pera dahil hindi naman ito nakakahuli ng mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Maaari kasing hindi muna gumagamit ng ipinagbabawal na gamot ang mga aplikante ng driver’s license sa panahong kumukuha sila nito. Kumbaga, malinis na malinis sila sa panahong kumukuha ng drug test at posible nga namang nagkakalokohan lamang tayo dito.
Kung tutuusin, karagdagang pasakit lamang ang mandatory drug test sa responsableng mga motorista dahil gumagastos pa sila ng P400 para lamang mahuli ang mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot na nakakatakas rin naman.
Bahagi na naman ng panibagong reporma ang batas na ito ni Pangulong Aquino na nagkaroon ng katuparan sa tulong ng kanyang kaalyadong mga mambabatas sa Kongreso.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, July 8, 2013

‘Wag pasilaw!



‘Wag pasilaw!
REY MARFIL


Isa na namang kababayan natin ang nabitay sa China sa pamamagitan ng lethal injection dahil sa pagpupuslit doon ng iligal na droga. 
At gaya ng dati, muling nabanggit ang sinasabing African drug syndicate na nagre-recruit sa ating mga kababayan para gawin ang iligal na gawain kapalit ng malaking halaga.
Hindi naman nagkulang ang ating gobyerno na bigyan ng legal na tulong ang ating kababayan para maipagtanggol niya ang sarili laban sa akusasyon. Pero tila mabigat ang katibayan sa kanya ng China dahil naitala na ilang ulit na siyang pumasok sa nabanggit na bansa bilang turista.
At dahil lumilitaw na hindi na iyon ang unang pagkakataong magpasok sa China ng iligal na drogang heroin nang mahuli noong 2011, ipinataw sa kanya at sa kasama niyang pinsan ang pinakamabigat na parusang kamatayan.
Pero hindi katulad ng Pinay na naisalang na sa bitayan, ang pinsan niya ay nabigyan ng reprieve ng dalawang taon. May pagkakataon pang mapababa ang hatol sa kanya kung makikitaan siya ng magandang pag-uugali sa loob.
Kung hindi tayo nagkakamali, first time niyang ginawa ang pagpuslit ng droga sa China kaya marahil binigyan siya ng pagkakataon na kahit papaano ay humaba ang buhay.
Iyon nga lang, may ibang tao na binibigyan ng ma­ling kahulugan ang pagsisikap ng pamahalaang Aquino na maisalba ang buhay ng ating mga kababayan na nahaharap sa bitayan dahil sa kasong iligal na droga.
Hindi raw dapat makialam ang pamahalaan sa hatol na kamatayan sa mga Pinoy drug mule at hayaan na lamang ang mga ito na maturukan ng likidong pampapantay ng paa at wala nang gisingan. Mali naman yata iyon.
Sa ilalim ng Saligang Batas, nakasaad na kaila­ngang ipagtanggol at pangalagaan ng estado ang lahat ng mamamayang Pilipino, nasa loob man o nasa labas ng bansa. Hindi nakasaad sa Saligang Batas ang probisyon na hayaan na mamatay ang mga Pinoy drug mule dahil galit din tayo sa mga nagkakalat ng droga sa Pilipinas.
***
Napag-usapan ang Pinay drug mule, ang ginagawang pag-apela ng pamahalaan sa mga bansang may Pinoy na nasa death row ay para iapela lamang ang kanilang buhay, hindi ang kanilang sentensiya.
 Ibig sabihin, nais lamang ng pamahalaan ng Pilipinas na pagdusahan ng kababayan nating drug mule ang kanyang kasalanan sa loob ng kulungan, hindi sa loob ng ataul at nitso.
Gaya rito sa atin, ang mga nahahatulan ng pinakamabigat na parusa ay habambuhay na lamang maghihimas ng malamig at may kalawang na rehas dahil wala naman tayong parusang kamatayan.
Kung tutuusin, hindi naman magaang na parusa ang life imprisonment dahil hindi ka naman makakapunta ng mall o Disneyland sa Hong Kong.
Pero dahil walang maisip na pambatikos kay Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang ibang kritiko niya, pilit silang mag-iisip ng maipupuna kahit naman batid nila sa kanilang sarili na mali ang kanilang paratang.
In short, masabi lang na may nasabi sila sa isyu.
Gayunpaman, hindi na natin maibabalik ang buhay ng ating kababayang nabitay na. Ngunit para hindi masasayang ang kanyang kamatayan at ng iba pang Pinoy drug mule na nabitay sa ibang bansa, dapat na magsilbing aral sa iba ang kanilang sinapit at hindi na sila tularan.
Dahil sinasabing malaking halaga ang iniaalok ng mga sindikato kapalit ng pagpayag na maging drug mule, may ilan tayong kababayan na nasisilaw sa tawag ng pera. Ngunit bago isipin ang malaking halaga, tandaan na hindi ito makasasapat sa sandaling mahuli kayo sa ibang bansa.
Hindi matutumbasan ng kikitain sa pagiging drug mule ang inyong buhay, at ang pighati, trauma, at konsensiyang mararamdaman ng mga mahal niyo sa buhay na maiiwan.
Maaaring hindi ka na makakaramdam ng alalahanin o emosyunal na pahirap dahil dedo ka na, pero papaano ang mga maiiwan mo na habambuhay na dadalhin sa kanilang isipan ang masaklap mong sinapit dahil sa katwirang naging drug mule ka para mabigyan lamang sila ng masarap na buhay?

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com

Friday, July 5, 2013

Itinutulak!



Itinutulak!
REY MARFIL

Positibo sa interes ng Pilipinas ang plano ng pamahalaan na payagan ang United States, Japan at iba pang mga kaalyado na magamit ng mga ito ang base militar sa bansa sa i­lalim ng kasunduan na magagamit ang puwersa upang labanan ang unti-unting pagsakop ng China sa pinag-aagawang mga teritoryo sa West Philippine Sea.
‘Ika nga ni Mang Kanor: Kailangang matigil na rin ang patuloy na paninindak ng China sa agresibong pagposisyon ng mga tropa nito sa pinag-aagawang mga teritoryo sa tulong ng mga bansang ating kaalyado para mapagsilbihan ang ating interes.
Tiniyak naman ni Defense Secretary Voltaire Gazmin na hindi gagawa ang Pilipinas ng panibagong air at naval bases. Hindi ito magugustuhan ng China, pero malinaw na matitigil ang kanilang panggigipit at paggamit ng puwersa sa West Philippine Sea.
Kailangan rin naman talaga natin ang pagsasanay sa tubig kasama ang United States (US) kahit sa Panatag Shoal o Scarborough Shoal pa ito lalo’t bahagi naman ang lugar ng exclusive economic zone ng Pilipinas na pilit sinasakop ng China matapos ang halos dalawang buwang maritime standoff noong nakalipas na taon.
Sa pantaha ni Mang Kanor: Kung saka-sakaling aprubahan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang plano, papayagan ng Pilipinas ang US, Japan at ibang mga kaalyado na magkaroon ng “access” sa kasalukuyang base militar sa ilalim ng kasunduang tatalima sa Konstitusyon at Visiting Forces Agreement (VFA).
Dahil mahigpit na ipinagbabawal ng Saligang Batas ng 1987 ang pagtatatag ng base militar, hindi papayagan ng bansa ang konstruksiyon ng nasabing bagong mga istruktura dahil “access” lamang ang kanilang magagamit. Sa kabuuan, kailangan pa ring maresolba sa mapayapang kaparaanan at maging mahinahon.
Ang reklamo naman ni Mang Gusting: Itinutulak ang Pi­lipinas ng China na pumasok sa ganitong kasunduan lalo’t patuloy ito sa pagpapatindi ng tensiyon dahil mistulang nais sakupin ang halos lahat ng mga isla sa West Philippine Sea.
Bilang nagmamalasakit na mga Pilipino, importanteng suportahan natin ang pamahalaan sa planong ito alang-alang sa pagtatanggol ng ating mga nasasakupan.
***
Napag-usapan ang pagiging mahinahon, magandang balita ang desisyon ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front (MILF) na muling mag-usap para sa kapayapaan.
Matapos ang apat na buwang pagkaantala ng negosas­yon, inihayag ni Miriam Coronel-Ferrer, pinuno ng government peace panel, na makikipagkita ang kanyang lupon sa MILF sa maagang bahagi ng Hulyo sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Tatalakayin nila ang annexes kaugnay sa hatian sa kayamanan, kapangyarihan at iba pang mahahalagang detalye ng itatayong Bangsamoro na estado kapalit ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Sa ilalim ng liderato ni PNoy, matitiyak natin ang sinserong intensiyon nito na magkaroon ng isang mapayapang kasunduan sa MILF. 
Positibong balita ito para sa mga Pilipino na naghahangad na wakasan ang armadong pakikibaka ng mga ka­patid nating Muslim at maisulong ang tunay na kapayapaan at kaunlaran.
Kung magbabalik-loob kasi ang MILF sa pamahalaan, inaasahan natin ang mas malawak na kaunlaran sa Mindanao.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, July 3, 2013

Harapan!



Harapan!
REY MARFIL

Kahit nangangalahati na o nakakatatlong taon na sa termino si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, tila may iba pa ring opisyal at kawani ng pamahalaan ang hindi nakukuha ang estilo ng kanyang liderato lideratong walang bolahan.
Sa anibersaryo ng National Irrigation Administration (NIA), muling namalas ang pagiging prangka ng ating Pangulo na punahin ang mga kahinaan ng mga taong pinagkatiwalaan niya at inasahan niyang makatutulong sa kanya na maihatid sa mga mamamayan ang pangakong tapat at masigasig na pamamahala.
Kritikal ang papel na ginagampanan ng NIA sa pamahalaan dahil sa kanila nakasalalay ang pagpapatubig sa ating mga taniman o sakahan sa pamamagitan ng paggawa nila ng mga irigasyon. Kung walang bagong patubig na magagawa ang pamahalaaan, aasa na lang sa ulan ang ating mga magsasaka.
Huwag sana nating kalimutan na isa sa mga sinasabing malaking bahagi ng mga walang trabaho sa ating bansa at nasa sektor ng agrikultura. Kaya naman kung mas magi­ging malawak sana ang lupa na mapapatubigan, mas marami rin ang magtatanim, mas marami ang may hanapbuhay, mas marami ang ating pagkain sa lamesa.
Pero dahil sa hawak na datos ni PNoy na hindi nakakamit ng NIA ang target na taniman na dapat mapatubigan sa nakalipas na tatlong taon, natural na hindi matuwa ang Pangulo.
At sa papaanong paraan nga naman magandang maiparating ang kanyang pagkadismaya sa trabaho ng ahensya, sa mismong okasyon na kung saan present ang lahat ng opisyal at mga tauhan nito sa kanilang anibersaryo.
Kaya naman sa harap ng mga opisyal at kawani, ipinarating ni PNoy ang kanyang diskontento sa trabaho ng ahensya. Kung sa tingin ng ilan ay sapat na ang kanilang ginawa, sa pananaw ng Pangulo batay sa mga datos na hawak niya ay kulang pa.
Ang masaklap pa nito ay kung gagawa ng dahilan ang mga opisyal para lamang mabigyan ng katwiran ang kanilang kabiguan na makamit ang target. Pero ang kaso, mabibisto na naman na hindi kapani-paniwala ang katwiran kaya nadagdagan lang ang atraso nila sa Pangulo.
***
Anyway, hindi naman ito ang unang pagkakataon na may pinuna si PNoy sa isang pagtitipon. May ilan na nagsasabing hindi raw dapat ginagawa iyon ng Pangulo at dapat maghanap ito ng ibang pagkakataon o sabunin nang sarilinan ang opisyal na nais niyang pagalitan.
Ngunit hindi ba mas mabuti na ipakita ng Pangulo sa harap ng publiko, at sa harap ng mismong sangkot na opisyal, ang saloobin niya sa mga bagay na nais niyang magawa nang tama at nasa panahon?
At sa ganito ring pagkakataon, nagiging mensahe rin ito sa iba pang opisyal at ahensya ng pamahalaan na dapat silang magpursige na matupad ang ipinangako nila sa Pangulo at sa mga mamamayan na magagawa nila ang tungkulin o trabaho na iniatang sa kanila.
Kung tutuusin, hindi lang naman puro sermon si PNoy. Pinupuri rin naman niya at pinaparangalan ang mga ahensyang nagawa ang trabaho na inaasahan sa kanila ng Pangulo.
Dapat tandaan na ang sisi sa kapalpakan ng isang ahensya ay babalandra sa Pangulo, gayundin naman ang papuri kung nakapag-deliver nang mabuti ang mga opisyal at tauhan ng pamahalaan. Sa madaling salita, naturang lang na maging bastonero ang isang lider para mangyari ang dapat mangyari.
Ang bawat ahensya ng pamahalaan ay may mahalagang papel na ginagampanan upang makamit ang matagal nang pangarap ng bayan na umasenso ang mga mamamayan. Ang pagpili ni PNoy sa bawat opisyal ng ahensya ay may nakapaloob na malaking tiwala niya sa taong ito, na makatutulong ito upang makamit ang mga mithiin niya para sa mga “boss” ang mamamayang Pilipino.
Kung mabibigo ang napiling opisyal ni PNoy na gampanan nang mahusay ang kanyang trabaho, parang binigo na rin niya ang mga Pilipino. Kaya may dahilan at katwiran ang Pangulo na ipahayag ang kanyang saloobin sa anumang pagtitipon kung magiging daan ito para lalong magpursige ang mga pinagkatiwalaan niya sa kanyang gobyerno.
Anyway, happy birthday sa aking magandang ex-girlfriend at ngayo’y butihing maybahay si Ethel Marfil.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, July 1, 2013

Tamang pagtugon!



Tamang pagtugon!
REY MARFIL


Maganda ang tugon ng Malacañang sa pagharap sa problemang kinasangkutan ng ilang overseas Filipino workers (OFWs) na napabalitang biktima ng tinatawag na “sex-for-fly” na pakana umano ng ilang mga opisyal ng Embahada sa Gitnang Silangan.
Tama ang paniniyak ng Malacañang na ibigay nito ang kailangang suporta sa OFWs na nakaranas umano ng panggigipit sa dapat sana’y nagbibigay ng proteksyon sa mga ito.
Mabuti rin ang ginawa ng Department of Foreign Affairs (DFA) na agarang kinontak ang OFWs na nakahandang humarap sa imbestigasyon -- isang patotoo kung paano pinuprotektahan ng kasalukuyang administrasyon ang mga OFW at kung gaano ka-seryoso ang pamahalaan para ituwid ang baluktot na pamumuno ng mga tiwaling opisyal.
Kapuri-puri rin ang hakbang ng DFA na pauwiin para humarap sa pagsisiyasat ang ilang consuls generals at ambassadors sa Gitnang Silangan kung saan ipinapakita ng gobyerno ang kahandaang makinig sa bawat reklamo.
Suportado ni Mang Kanor ang paniniyak ng Malacañang na magkakaroon ng parehas at walang kinikilingang pagsisiyasat base sa ipiprisintang mga ebidensya.
Ibinunyag ni Akbayan party-list Rep. Walden Bello ang umano’y sex-for-fly scheme kung saan sinasabing ibinubugaw ng ilang mga opisyal ng embahada ang problemado nating mga kababayang babae para magkaroon ng tiket at agarang makauwi ng bansa.
Hiniling ni Bello kay Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na bumuo ng presidential committee na magsisiyasat sa alegasyon. Nagsasagawa na ng hiwalay na pagsisiyasat ang Department of Labor and Employment (DOLE) at DFA sa problema.
Dahil hindi natutulog ang pamahalaan, aasahan na nating maibibigay ang hustisya sa mga biktima at mapaparusahan ang mga posibleng nagkasala.
***
Anyway, dapat pahalagahan nang husto ng publiko ang paalala ng Malacañang kaugnay sa kahandaan sa sakuna ng bawat pamilyang Filipino para agaran silang makatugon sa emergency lalo’t nagsimula nang pumasok sa bansa ang mga bagyo.
Maganda naman kasi ang pangunahing adhikain ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na magkaloob ng agresibong “information campaign” para ipabatid sa bawat pamilya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng paghahanda sa panahon ng delubyo.
Dahil panahon ng tag-ulan, lubhang napakahalaga ng apela ng Palasyo at kailangang rebyuhin natin ang ating emergency plan para makaiwas sa disgrasya.
Hindi ba’t kapuri-puri ang pagtutok ng pamahalaan para masigurado ang zero-casualty policy sa pagsisimula ng pagbayo ng mga bagyo sa bansa?
Tanging problema lamang, likas sa mga Pinoy ang pagiging matigas ang ulo kaya’t kahit anong panawagan ang gawin ng palasyo, kahit pa maglupasay ang mga local official para pakiusapang lumikas ang malalapit sa estero, meron pa ring pasaway sa mga ito.
Sinang-ayunan din ni Mang Gusting ang kautusan ng Pa­ngulo sa mga ahensya ng pamahalaan na unahin sa programa ang kaligtasan ng mga taong mas posibleng tamaan ng sakuna.
Nakakatuwa rin ang pagtutulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of the Interior and Local Government (DILG) at NDRRMC para mapaghandaan ang mga sakunang posibleng tumama sa panahon ng tag-ulan.
Ibig sabihin, masigasig ang pagsusumikap ng mga opisyal ni PNoy para matiyak ang kaligtasan ng bawat Pilipino.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)