Kaligtasan ang mahalaga! | |
Dapat pahalagahan nang husto ng publiko ang paalala ng MalacaƱang kaugnay sa kahandaan sa sakuna ng bawat pamilyang Pilipino para agaran silang makatugon sa emergency lalo’t nagsimula nang pumasok sa bansa ang mga bagyo.
Maganda ang pangunahing adhikain ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na magkaloob ng agresibong “information campaign” para ipabatid sa bawat pamilya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng paghahanda sa panahon ng delubyo.
Dahil panahon ng tag-ulan, lubhang napakahalaga ng apela ng Palasyo at kailangang rebyuhin natin ang ating emergency plan para makaiwas sa disgrasya.
Hindi ba’t kapuri-puri ang pagtutok ng pamahalaan para masigurado ang zero-casualty policy sa pagsisimula ng pagbayo ng mga bagyo sa bansa.
Tama rin ang kautusan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa mga ahensiya ng pamahalaan na unahin sa programa ang kaligtasan ng mga taong mas posibleng tamaan ng sakuna.
Nakakatuwa rin ang pagtutulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of the Interior and Local Government (DILG) at NDRRMC para mapaghandaan ang mga sakunang posibleng tumama sa panahon ng tag-ulan. Ibig sabihin, masigasig ang pagsusumikap ng mga opisyal ni PNoy para matiyak ang kaligtasan ng bawat Filipino.
***
Napag-usapan ang kaligtasan ng bawat Pilipino, kailangang suportahan ang plano ng administrasyong Aquino na ilipat sa mas ligtas na lugar at bigyan ng relokasyon ang mga pamilya ng informal settlers na naninirahan sa binabahang mga lugar.
Hindi naman talaga dapat payagan ng pamahalaan na makita ang mga tao na namumuhay sa mga delikadong lugar dahil napakahalaga ang buhay ng bawat Pilipino, lalung-lalo na ngayong nagsimula nang pumasok sa bansa ang mga bagyo.
Makatwirang sang-ayunan ang posisyon ng mga lokal na opisyal na mailipat sa lalong madaling panahon ang mga kababayan nating naninirahan sa gilid ng mga ilog at estero dahil importanteng maisulong ang tinatawag nating “zero casualty” sa panahon ng pagbaha.
Mahalaga rin ang buong kooperasyon ng informal settlers para maiwasan ang insidente ng kamatayan at pagkakasugat sa panahon ng sakuna.
Bilang isang mamamayang sumusunod sa batas, magandang serbisyo para sa bansa ang positibong pagtugon ng mga pamilya ng informal settlers sa programa para mabawasan na rin ang sakripisyo sa pagkakaroon ng rescue at emergency groups kung saan nalalagay din sa alanganin ang buhay ng volunteers.
Isang pagpapakita ng porma ng pagpapakabayani ang pagtalima ng informal settlers sa magandang layunin ng pamahalaan.
Talaga naman kasing nalalagay sa alanganin ang maigting na kampanya sa paglilinis ng mga kanal, estero, ilog at iba pang daluyan ng tubig dahil sa presensiya ng informal settlers sa nasabing delikadong mga lugar.
Sa ilalim ng administrasyong Aquino, matitiyak natin na maibibigay ng maayos ang relokasyon para sa mga kuwalipikadong informal settlers.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)