Monday, April 29, 2013

Magkaiba ng numero!



Magkaiba ng numero!
REY MARFIL




Naglabas ng panibagong datos ang National Statistical Coordination Board (NSCB) na nagpapakita na malaking problema pa rin sa bansa ang kahirapan. Ngunit, puna ng ilan, dapat bang ikumpara ang bagong datos ng 2012 sa datos noong 2006?
Sa datos kasi ng NSCB na iprinisenta ni Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan, lumitaw na nakuha ang panibagong numero sa poverty incidence noong first semester ng 2012 na 27.9% at ikinumpara sa 28.8% noong 2006.
May mga nagsasabi na tila malayo na ang pagitan ng mga taon dahil natural din na dumami ang mahihirap noong 2012 dahil din naman sa mas marami na ang po­pulasyon nito kumpara noong 2006.
Bukod pa dito, may mga pumansin din na dahil kinuha ang datos noong first semester ng 2012, hindi naman daw kaya mas mababa na ang bilang ng mga mahihirap ngayon isang taon makaraan ang ginawang pinakahuling survey?
Gayunman, hindi naman talaga maikakaila na lubhang mahirap lunasan ang problema ng kahirapan. Ilang administrasyon na ba ang nagdaan at nangakong buburahin ang kahirapan pero nandiyan pa rin ang mga naghihikahos nating mga kababayan.
Kahit nga ang mga pinakamayayaman at maimpluwensyang mga bansa gaya ng US at sa Europe ay problema rin nila ang kahirapan. Bakit ba naghihigpit ngayon ang Kingdom of Saudi Arabia sa mga illegal at undocumented workers? Para mabigyan ng prayoridad sa trabaho ang kanilang mga kababayan.
***
Napag-uusapan ang report, marami ang pumupuna kung bakit patuloy ang kahirapan sa kabila ng mga sinasabing pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas? Kung tutu­usin, nasa ikatlong taon pa lamang ang administrasyong Aquino kaya hindi dapat asahan na mababago nito ang sitwasyon ng kahirapan sa bansa sa maigsing panahon.
Ngunit kung susuriing mabuti, baka mas marami ang mga pamilyang Pilipino na nagsasabing mahirap sila kung walang pag-unlad na nagaganap ngayon sa bansa. Isipin na lang natin kung wala ang pinalaki at pinalawak na conditional cash transfer(CCT) program o pantawid pamilya program? Ano kaya ang magiging kalagayan ng mga mahihirap na nakikinabang sa programang ito?
Ang pagpapalabas ni Balisacan sa NSCB report ay pagpapakita rin ng transparency ng administrasyon ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino para makita kung epektibo o may nangyayari sa mga anti-poverty program ng gobyerno.
Take note: Mismong ekonomistang si Mareng Winnie Monsod ang nagsabing "hindi puwedeng ikumpara ang data noong 2006 at 2012" lalo pa't lumobo ang populasyon.
Sa kwenta ni Mang Kanor: Kung 92 milyon ang populasyon noong 2006 at 97 milyon noong nakaraang taon (2012), lumalabas pang nabawasan ang numero ng mga Pilipinong naghihirap dahil 5 milyon ang naidagdag sa loob ng 6 taon subalit magkapareho pa rin ang sitwas­yon, alinsunod sa NSCB report.
Kung nananatiling mataas ang antas ng kahirapan ng bansa, asahan na pag-iibayuhin ng gobyerno ang mga programa nito para matulungan ang mga naghihikahos nating kababayan.
Ayon kay Labor Secretary Rosalinda Baldoz, nagbigay na ng direktiba si PNoy na repasuhin ang 2011-2016 Philippines Development Program para makahanap ng paraan upang makalikha ng mga trabaho.
Isa rin sa pinagtutuunan ng pansin ng gobyerno ay ang pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura dahil nandito ang malaking bahagi ng mga mahihirap nating kababayan. Bukod diyan, kailangan din talagang palakasin ang seguridad sa ating pagkain.
Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, April 26, 2013

Lalong pinalakas



Lalong pinalakas!
REY MARFIL



Lalo pang titibay ang lumalakas na ekonomiya ng bansa matapos ang makasaysayang pagkakaloob ng Fitch ng investment grade rating sa Pilipinas dahil sa maayos na lagay ng ekonomiya at mahusay na pamamahala sa pananalapi.
Ipinakita rito ang matalinong polisiya sa ekonomiya ni Pangulong Aquino. Palalakasin ng investment grade rating ang mga industriya dahil makukumbinse ang mga mamumuhunan na maglagak pa ng kapital kung saan mayroon ding katiyakan ang mga magpapautang na mababayaran sila.
Sa naunang desisyon ng Fitch na iangat sa kauna-unahang pagkakataon ang Pilipinas mula BB+ tungong BBB- rating, pinatunayang matatag talaga ang ekonomiya ng bansa.
Nanindigan ang Fitch na lubhang malakas ang ekonomiya ng Pilipinas na nakapagtala ng 6.6 porsiyentong paglago noong nakalipas na taon sa kabila ng nararanasang pandaigdigang krisis.
Patungo na talaga ang mga Pilipino sa progreso. Hindi natin dapat idiskaril ito sa pamamagitan ng paghahalal ng mga kasapi ng Senado, Kamara de Representatnes at mga lokal na opisyal sa nalalapit na halalan para pigilan ang magagandang mga repormang isinusulong ni Pangulong. Noynoy 'PNoy' Aquino.
Kailangan nating ipagpatuloy ang magandang buwelo ng ekonomiya para matiyak ang magandang kinabukasan ng Pilipinas.
Muli tayong umaapela sa mga Pilipino na bumoto sa mga kandidato sa Senado ng Team PNoy para lalong tumibay ang pundasyon ng mga inihaing reporma ni Pa­ngulong Aquino.
Dahil sa magandang mga pangyayari, asahan na natin ang pamahalaan na lalong magsusumikap para isulong ang malinis na pamamahala, mas maayos at epektibong koleksiyon ng buwis at promosyon ng karapatan ng mga tao tungo sa kaunlaran.
***
Hindi ba't nakakatuwa ring marinig sa Malacañang ang paniniyak nitong nakahanda ang pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front (MILF) na tapusin ang ilang nakabimbing usapin sa pagsusulong ng kapayapaan sa lalong madaling panahon.
Katanggap-tanggap ang naging kahilingan ni PNoy na magkaroon ng ekstensiyon sa pagtalakay ng ilang usapin at gawin ang exploratory talks sa Abril sa halip na Marso.
Mayroong ilang mga bagay na nakapaloob sa tinatawag na annexes na kailangang matalakay na nangangailangan ng karagdagang panahon.
Mabuti naman talagang malinaw ang ilang mga usapin bago sumulong sa susunod na estado ang exploratory talks.
Sa ngayon, mayroong dalawang annexes na dapat talakayin na kinabibilangan ng draft annex na may kinalaman sa hatian sa kayamanan at kapangyarihan at pagtatatag ng normal na estado.
Nilinaw ng pamahalaan na hindi isyu sa pagsusulong ng kapayapaan ang naganap na karahasan sa Sabah. Pangunahing pakay ng pamahahaan na plantsahin ang mga nalalabing usapin sa annexes.
Sa inilabas na briefer ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP), ipinagpaliban ang 37th Formal Exploratory Talks mula Marso tungong Abril dahil sa kahilingan sa karagdagang panahon ni PNoy.
Orihinal sanang nakatakda ang pagsisimula ng usapan sa Marso 25 na naipagpaliban hanggang Abril.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo". (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, April 24, 2013

Magtiwala sa sarili!



Magtiwala sa sarili!
REY MARFIL



Sa loob lamang ng halos apat na buwan, nakapagtala na ang Philippine Stock Exchange index (PSEi) ng ika-27 record-high ngayong 2013 matapos magsara ang merkado noong Lunes sa 7,120.48 points.
Ang record high na ito ay ika-88 na sa loob lamang ng halos tatlong taon ng termino ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino mula nang mahalal siya noong Mayo 2010. Nang panahon iyon, ang ipinagdarasal pa lang ng maraming naglalaro sa merkado o stock market ay u­mabot ang kalakalan sa 5,000 points.
Ngunit higit pa roon ang nangyari. Sa pagsisimula ng kalakalan ng merkado nitong Enero 2013, bagong sigla agad ang bumungad sa bansa dahil sa panibagong record high na nakamit nito sa 6,000 points ng kalakalan.
At dahil sa patuloy na programa ng pamahalaang Aquino kontra sa katiwalian, matatag na liderato at matinong pamamahala, ganap na marahil na nanumbalik ang pagtitiwala ng mga namumuhunan bunga na rin ng panibagong record high na naitala ngayon sa mahigit 7,000 points.
Sa mga positibong numerong ito, mataas ang kumpiyansa ni PNoy na makakamit ng bansa ang panibagong record high na 8,000 points. Kapag nangyari ito, mistulang madodoble na nito ang inabutang marka ng merkado na iniwan ng nakaraang rehimeng Arroyo.
Ang malalaking kumpanya na nakikibahagi sa kalakalan sa stock market ay nagpahayag ng paghanga sa mabilis na pag-angat ng mga numero sa PSEi. Bagama't inaasahan nila na mararating ng merkado ang 7,000 points, hindi nila inasahan na mangyayari ito sa loob lamang ng apat na buwan matapos maitala ang record high na 6,000 points noong Enero.
***
Maaaring ang pagtaas ng kumpiyansa ng mga namumuhunan sa merkado ay dulot na rin ng mga positibong pagtingin ng mga dayuhang credit rating firm sa ekonomiya ng bansa.
Kamakailan lang ay muling itinaas ng kinikilalang Fitch Rating ang marka ng Pilipinas na tiyak na makakatulong sa gumagandang imahe ng bansa bilang destinasyon na dapat paglagyan ng puhunan.
At asahan pa natin na higit na dadami ang mamumuhunan sa Pilipinas kapag nakita nilang naging mapayapa at malinis ang resulta ng halalan. Magiging indikasyon ito ng patuloy na katatagan sa pulitika ng bansa na isa sa mga sinusubaybayan ng mga namumuhunan.
Gayunpaman, hindi kaagad magiging karugtong ng mga bumubuting kalakalan sa merkado ang pagsulputan ng mga trabaho. Hindi maiiwasan na kapag may positibong nangyayari ay may mag-iisip ng negatibo at ikakabit ang katanungan tungkol sa ano ang magiging pakinabang dito ng karaniwang mamamayan.
Isipin na lang natin na tulad ng tubig na lumalabas sa ating gripo, may mga tubo iyan na dadaanan na kaila­ngang gawin, hukayin at ilatag bago maikabit sa bahay. Hindi naman basta nanggaling sa dam ang tubig na diretso sa iyong bahay dahil tiyak na malulunod ka.
Tandaan lang natin na kung ang mga dayuhang namumuhunan ay nagtitiwala sa ating bansa para paglagakan nila ng negosyo, bakit naman tayong mga mismong Pilipino ay magdududa?
Huwag tayong magmadali, asahan na dadaloy din sa ating gripo ang tubig ng buhay.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, April 22, 2013

Impluwensyang may katuturan!



Impluwensyang may katuturan!
REY MARFIL




Napabilang si Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino sa listahan ng 100 Most Influential People of 2013 na ipinalabas ng kinikilalang TIME Magazine.
Hindi dapat isipin na small time ang pagkilalang ito ng TIME Magazine dahil kung tutuusin, napakaraming lider sa mundo para mapansin si PNoy at ihilera sa hanay nina US President Barack Obama, China President Xi Jinping, North Korea leader Kim Jong Un at Pope Francis.
Ang 100 Most Influential People ng TIME ay hinati sa limang kategorya na Titan, Leaders, Artists, Pioneers at Icons. Si PNoy ay kasama sa kategorya ng may lider na kinilala ng nabanggit na babasahin.
Ang pagsama sa Pangulo sa listahan ng maimpluwensyang tao ay bunga ng mga ipinakitang paninindigan ni PNoy sa ilang kritikal na isyu na inakala ng iba na hindi niya kayang gawin.
Kabilang sa isyung ito na binanggit ng TIME ay ang usapin ng Reproductive Health Law, na ilang dekadang nabinbin sa Kongreso dahil sa matinding pagtutol ng Simbahang Katoliko.
Ngunit dahil naniniwala ang Pangulo na makatutulong sa mamamayan lalo na sa mga kababaihan ang naturang batas (bukod pa sa inaprubahan na ito ng mga mambabatas), nakalusot at naging ganap na batas sa wakas ang RH bill.
***
Iyon nga lang, hindi pa ito lubos na maipatupad dahil sa mga petisyon na nakabinbin sa Korte Suprema dahil sa pagkuwestyon sa legalidad RH Law. Bagay na kailangang igalang bilang bahagi ng proseso ng demokratikong bansa.
Bukod sa RH Law ay binigyang halaga din ng TIME ang mga nagawa ng administrasyong Aquino upang palakasin ang ekonomiya ng bansa sa loob lamang ng halos tatlong taon ng kanyang liderato.
Dahil din sa magagandang balita na nangyayari sa ekonomiya ng bansa tulad ng patuloy na paglakas ng stock market at pagpasok ng mga dayuhang namumuhunan, sunud-sunod na positibong marka ang nakakamit ng Pilipinas mula sa iba't ibang grupo na ang pinakahuli ay ang Fitch Rating.
Maging ang matibay na posisyon at paninindigan ni PNoy sa usapin ng mga pinag-aagawang bahagi sa West Philippine Sea ay binigyang-pansin ng TIME, na inilarawan nila na "brave stance, given the long-term consequences still unknown".
Ngunit sa isang pahayag mula sa Malacañang, sinabi ni PNoy na ang pagkilala sa kanya ng TIME ay dahil na rin sa mga kababayan niya.
Pero hindi nais akuin na mag-isa ng Pangulo ang kredito sa pagkakasama niya sa listahan ng TIME, bagkus, kinikilala rin niya ang mga tulong at pagtitiwala na ginagawa at ibinibigay sa kanya ng mamamayang Pilipino.
Maaari ngang masabi na maimpluwensya si PNoy, pero ang impluwensyang ito ay ginagamit niya sa patnubay pa rin ng kanyang prinsipyo na "daang matuwid".
Ginagamit ni PNoy ang impluwensya para sa ikabubuti ng bansa at ng mga Pilipino, at hindi para sa pansariling interes.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, April 19, 2013

Patuloy ang paglago!


                                     
                                 Patuloy ang paglago!
                                               REY MARFIL



Hindi na malaking sorpresa ang pahayag ng World Bank (WB) na imimintina nito ang pagtataya sa paglago ng gross domestic product (GDP) ng bansa sa 6.2% at 6.4% para sa 2013 at 2014, ayon sa pagkakasunud-sunod.
Bunsod ito ng patuloy na pagpapakita ng magandang senyales ng pagsulong ng ekonomiya sa ilalim ng matuwid na daang kampanya ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino.
Sa pinakabagong datos na inilabas ng East Asia and Pacific (EAP) Economic Update, sinabi ng World Bank na nananatiling malakas ang pundasyon ng ekonomiya ng bansa dahil sa walang humpay na repormang ipinapakita ng administrasyong Aquino.
Tinaya rin ng WB na malamang na umabot sa 6.3% ang paglago ng ekonomiya ng bansa sa 2015.
Sa pagbawi ng pandaigdigang ekonomiya, tinaya rin ng World Bank na aabot ang tinatawag na regional growth sa 7.8% sa 2013 at bahagyang bababa sa 7.6% sa 2014.
Maraming salamat sa malinis at matuwid na pamamahala ni Pangulong Aquino na siyang ugat sa pagsulong ng bansa tungo sa progreso.
***
Napag-usapan ang good news dahil kahilingan ni PNoy na isulong ang interes ng overseas Filipino workers (OFWs), personal na inasikaso ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Sixto Brillantes Jr. kung papaano pa mas mapapabuti ang sistema ng overseas absentee voting (OAV) bilang paghahanda sa 2016 presidential elections.
Magandang marinig mismo kay Brillantes na isinusulong nito ang makatotohanang reporma sa sistema ng halalan matapos makipagpulong sa mga lider ng Filipino community sa Hong Kong.
Anyway, tama si PNoy na ibasura bilang batas ang Magna Carta for the Poor dahil nagbibigay ito ng maling pag-asa sa mga Pilipino.
Hindi kasi talaga makatotohanan ang ilang probis­yon ng panukalang batas, partikular dito ang paglalaan ng pamahalaan ng pinakamaliit na P2.32 trilyon para sa pabahay ng mga Pilipino.
Papaano nga naman mabibigyan ng pondo ang programa sa pabahay kung mas malaki pa ito sa P2.006 trilyong pambansang badyet ngayong taon?
Hindi bolero at lalong hindi manloloko si Pangulong Aquino kaya tama lamang ang kanyang naging desisyon.
Mas lalong hindi kontra sa interes ng mga mahihirap ang Pangulo, masigasig pa nga niyang pinalalawak at pinalalaki ang conditional cash transfer (CCT) program.
Patunay ang programang CCT sa pagmamahal ni Pangulong Aquino para sa mga mahihirap.
Kaya naman para mahanapan ng solusyon ang problema, inatasan na ni PNoy ang kinauukulang mga ahensiya ng pamahalaan na bumalangkas ng panibagong alternatibong panukala na isusumite sa susunod na Kongreso para talakayin.
Sa bagay na ito, pinatitiyak ng Pangulo na makatotohanan at maipagkakaloob ayon sa kakayahan ng pamahalaan ang magiging laman ng panibagong Magna Carta for the Poor.
Ito ang tinatrabaho ngayon ng Social Cabinet Cluster o Human Development and Poverty Alleviation.
Bakit nga naman paaasahin ng pamahalaan ang publiko sa isang batas na hindi naman talaga magsisilbi sa kanilang interes?
Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo". (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, April 17, 2013

Susi sa pag-unlad!



Susi sa pag-unlad!
REY MARFIL



Malaking perwisyo ang dulot ng mabigat na daloy ng trapiko sa lahat ng mga sumasakay sa pampublikong sasakyan. Kapag papasok sa trabaho, lagot kay boss kapag na-late; at kapag uwian na, kay kumander ka naman lagot.
Kaya naman magandang balita ang hatid nang gina­wang test run ng kauna-unahang Filipino-built Automated Guideway Transit (AGT) System sa UP Diliman, kung saan sinaksihan mismo ito ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino.
Personal na inalam ng Pangulo ang development sa naturang proyekto na pinagtutulungang gawin ng Department of Science and Technology (DOST) at ng mga henyo ng UP. At masaya si PNoy sa resulta ng proyekto matapos ang kanyang biyahe sakay ng air-condition train na may layong 500 metro mula sa College of Fine Arts ng UP hanggang sa University Avenue.
Kapag nagtuluy-tuloy ang proyektong ito ng monorail ng DOST at UP, talaga namang maipagmamalaki itong "Gawang Pinoy Para sa Pinoy." Maaari kasing ipakalat ang proyektong ito sa iba pang lugar na may mabigat na daloy ng trapiko at madalas na binabaha ang kalsada.
Hindi katulad ng tren ng Philippine National Railways (PNR), ang AGT ay parang MRT o LRT na nakataas.
Ang sinampolan ng Pangulo ay nakataas ng 6.1 meters mula sa lupa at walang naging problema sa pagliko sa mga kurbada kaya safe.
Kaya kung magiging pulido na ang AGP, maaari na itong ilagay sa mga masisikip na kalsada na hindi maaaring paglagyan ng MRT o LRT at sa mga kalsada na binabaha na hindi na maaaring dumaan ang mga pampasaherong sasakyan kahit ang bus.
Sa patuloy na pag-unlad ng ekonomiya ng bansa sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ni PNoy, asahan din na magiging mabilis ang takbo ng buhay ng mga manggagawa. Pero papaano makasasabay ang tao sa mabilis na pagkilos kung usad-pagong ang daloy ng trapiko na pinapalala ng mga bastos at walang disiplinang mga motorista lalo na ang mga bus driver?
***
Kung tutuusin, isa sa mga layunin nang gawin ang MRT at LRT ay mapabilis ang biyahe ng mga mga tao tulad ng mga manggagawa dahil sumisikip na nga ang mga pangunahing highway tulad ng EDSA sanhi na rin ng dumada­ming sasakyan kasama ang mga dambuhalang bus.
Subalit hindi pa rin makasabay ang LRT at MRT sa patuloy na pagdami ng mga manggagawa dahil na rin sa kakulangan ng pondo upang mapabuti ang serbisyo ng mga mass transport system na ito.
Hanggang ngayon kasi, malaking bahagi ng pamasahe ng mga pasahero ay sinasagot pa ng gobyerno sa pamamagitan ng subsidiya.
Kaya naman kung nais talaga ng mga pasahero o suki ng LRT at MRT na mapahusay ang serbisyo ng mga mass transport system na ito, kailangan din naman siguro tayong mag-ambag ng ating tulong sa pamamagitan ng dagdag na bayarin sa pamasahe. Ika nga sa kasabihan, "wag naman nating iasa ang lahat sa gobyerno kung makikita naman natin na ang tulong na ating ibibigay ay tayo rin ang makikinabang".
Ang maliit na dagdag sa pamasahe, kapag pinagsama-sama ay lalaki at makasasapat para makabili ng dagdag na bagon o coach sa tren. Mas maraming coach, mas maraming pasahero ang maisasakay, maiiwasan ang siksikan, mas mabilis ang pagdating ng mga bagon.
Kaya naman bukod sa pagpapahusay ng serbisyo ng MRT at LRT, magandang karagdagan sa transport system ng bansa ang AGP dahil makatutulong din ito sa pagsisiksikan ng mga sasakyan sa kalye na ang ibinubugang usok ay may masamang epekto sa kalikasan.
Sinabing ang isa sa mga palatandaan ng maunlad na bansa ay makikita sa mahusay nilang transportasyon kaya ngayon pa lang ay dapat na rin natin itong paghandaan.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, April 15, 2013

Ipaglaban ang kandidato!


Ipaglaban ang kandidato!
REY MARFIL


Noong nakaraang Sabado, Abril 13, maaari nang bumoto ang ating mga kababayang nasa abroad ng mga napipisil nilang kandidato sa darating na midterm election sa Mayo sa pamamagitan ng Overseas Absentee Voting.
Batay sa datos ng Commission on Elections, tinatayang nasa mahigit 737,000 ang rehistradong absentee voters natin ngayong taon. Mas mataas ito kumpara sa naitalang mahigit 589,000 OAVs noong 2010 elections.
Sana'y magkatotoo ang pagtaya ng Comelec na umabot sana sa 60% ng mga OAVs ang boboto ngayong halalan na tatagal ng isang buwan. Noong 2010 elections, 50% ng OAVs ang inasahan ng Comelec na boboto pero nasa 153,000 lang ang naging resulta o halos 26%.
Hindi dapat sayangin ng ating mga kababayan sa abroad ang pagkakataon na magamit ang kanilang kapangyarihan na pumili ng mga taong nais nilang maging lider ng ating bansa. Ngayong 2013 elections, maaaring bumoto ang OAVs ng 12 kandidatong senador at isang party-list group.
Noong 2010 elections, kasama sa mga ibinoto ng OAVs ang kandidatong Pangulo at Bise Presidente. Sa mga kandidatong senador na ibinoto ng mga kababayan natin sa abroad, isa lang kung tutuusin ang hindi nakalusot si Sonia Roco.
Sa resulta ng nagdaang halalan, pinili ng mga overseas voter si Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino. Nakapasok din ang 11 sa 12 senatorial candidates na nakakuha ng pinakamarami nilang boto na binubuo ng mga senador na ngayon na sina Franklin Drilon, Miriam Santiago, Ramon Revilla Jr., Pia Cayetano, Ralph Recto, Jinggoy Estrada, Juan Ponce Enrile, Ferdinand Marcos Jr., Teofisto Guingona III, Tito Sotto at Sergio Osmeña III.
***
Sa gaganaping halalan ngayon sa Mayo, posibleng maging "swing vote" ang boto ng mga OAVs kung pagbabatayan ang mga naglalabasang survey sa mga kandidatong senador. Sob­rang dikit ang mga kandidatong nasa pang-anim hanggang pang-15 kaya mahalagang bagay ang magiging boto ng mga kababayan natin sa abroad at ng kanilang pamilya.
Kung mangyayari ang pagtaya ng Comelec na aabutin ng 60% ang resulta ng OAVs, lalabas na nasa 400,000 ang puwersa ng mga kababayan nating nasa abroad. Hindi ito biro lalo na kung magiging magkakadikit ang mga nasa hulihang puwesto ng mga kandidato.
Sa pamamagitan ng pagboto ay magagamit ng mga kababayan natin sa abroad ang kanilang karapatan at maipadinig ang kanilang tinig gaya ng ginawa nilang pagboto kay PNoy noong 2010 na malayo ang agwat sa pumangalawang kandidato.
Upang higit na mapagsilbihan ang mga bobotong overseas Filipino, gagamit ng PCOS machines ang mga embahada sa pitong lugar na may malaking bilang ng OAVs na Hong Kong, Riyadh, Abu Dhabi, Dubai, Jeddah, Kuwait at Singapore.
Minsan lang sa loob ng tatlong taon ang halalan kung saan nagkakapantay-pantay ang karapatan ng lahat sa pagkakaroon ng isang boto sa pagpili ng kanilang kandidato kaya hindi ito dapat palampasin ng mga bototante.
Magandang senyales sa ilalim ng administrasyong Aquino ang muling pagtaas ng bilang ng mga rehistradong botante sa ilalim ng absentee voting. Pagpapakita rin ito ng panibagong interes at kumpiyansa ng ating mga kababayang tinatawag na "bagong bayani".
Dapat nating tandaan na bahagi ng mga pinagpagurang kita ng ating mga overseas Filipino na ipinapadala sa Pilipinas sa pamamagitan ng remittance ay napupunta sa mga proyekto, programa at gawain ng pamahalaan gaya ng pag­hahanda sa halalan.
Kaya naman dapat gamitin nila ang kanilang karapatan sa pagboto para hindi masayang ang kanilang kapangyarihan sa paghalal ng pinuno ng ating bayan.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, April 12, 2013

Nakatutok!



Nakatutok!
REY MARFIL

Katanggap-tangap ang desisyon ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino na ibasura ang panukalang batas na nag-aalis ng "height requirement" para sa mga aplikante sa Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Tinutukoy natin dito ang Senate Bill 3217/House Bill 6203 o "An Act Repealing the Minimum Height Requirement for Applicants to the Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, and Bureau of Jail Management and Penology".
Sa ilalim ng mga umiiral na batas, partikular ang PNP Reform and Reorganization Act of 1998 (RA 8551), BFP and BJMP Professionalization Act of 2004 (RA 9263 as amended by RA 9592) at Department of Interior and Local Government Act of 1990 (RA 6975), kailangan talagang makapasa sa ilang pangkalahatang kuwalipikasyon ang mga aplikante ng PNP, BJMP at BFP dahil sa maselang trabaho ng mga ito.
Kailangang umabot ang isang aplikanteng lalake sa taas na 5'4" habang 5'2 naman sa mga babae at mayroong tinatawag na "waiver" o exemption ng kuwalipikasyong ito sa ilalim ng ilang mga kondisyon.
Kaya nga hindi nagpulis si Pareng Fidel Jimenez ng GMA-7 kundi ang nakakabatang kapatid!
Nangangahulugan na tama ang desisyon ni PNoy dahil hindi naman talaga kailangan ang batas base sa umiiral na exemption.
Bagama't tama ang layunin ng panukala na alisin ang diskriminasyon sa height, binigyang-diin lamang ni PNoy ang pangamba ng PNP at BJMP na malalagay sa ala­nganin ang kanilang trabaho at kaligtasan ng publiko sa pangkalahatan sakaling babawasan ang umiiral na mga pamantayan.
Mahihirapan nga naman ang mga kinauukulang magbantay ng mga bilanggo kung kulang sa pisikal na pangangatawan ang mga ito.
***
Dapat suportahan din ang desisyon ni PNoy na maglaan ng P20 bilyon para labanan ang digmaan kontra sa kahirapan para bumuti ang kalagayan ng buhay ng mga Pilipino.
Magandang pangyayari ito na nagpatingkad sa sensiridad ng Pangulo na sugpuin ang kahirapan at mabigyan ng magandang buhay ang mga mahihirap.
Hamon din ito sa mga kandidato sa darating na halalan na ilabas ang kanilang plataporma at mga programa para sa pagsugpo ng kahirapan sa bansa. Sa programa ni PNoy, matitiyak nito ang progreso ng ekonomiya na mararamdaman ng ating mga kababayan.
Sa ilalim ng pinakabagong programa ng pamahalaan kontra kahirapan na tinawag na Bottoms-Up-Budget (BUB), maglalabas ang pamahalaan ng P20 bilyon para pondohan ang mga proyektong tutukuyin ng mga alkalde mula sa mahihirap na mga lalawigan sa bansa.
Inatasan na ng Pangulo ang Department of Education (DepEd), Department of Health (DOH), Department of Environment and Natural Resources (DENR) at iba pang mga ahensiya ng bansa na may kinalaman sa pagkakaloob ng sosyal na serbisyo na ilaan ang bahagi ng kanilang pondo sa BUB simula sa susunod na taon.
Ikinokonsidera ang BUB na ikaapat na bahagi ng kontra sa kahirapan na programa ng pamahaan.
Kabilang sa tatlong naunang mga programa ang K to 12 ng DepEd, Pantawid Pamilyang Pilipino Program o Conditional Cash Transfer Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Kalusugang Panlahat ng DOH at Philippine Health Insurance Corp.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo". (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, April 10, 2013

'Wag mangamba!



'Wag mangamba!
REY MARFIL


"The truth will set you free."
Iyan ang madalas na payo na naririnig natin sa mga alagad ng Simbahan kapag may taong lumalapit sa kanila at nalalagay sa alanganin.
Pero tila hindi yata ganito ang nararamdaman ng ilan sa kanila kaugnay ng kasong kinakaharap sa Sandiganbayan ng dating whistleblower na si Jun Lozada.
Sino nga ba si Jun Lozada? Siya ang dating "mala-BFF" o best friend forever ni dating economic planning Secretary Romulo Neri, na taga-apruba naman ng mga proyekto noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Nang panahon ni Mrs. Arroyo, itinalaga si Lozada bilang pinuno ng ahensyang Philippine Forest Corp., kung saan sinasabing nagkaroon siya ng mga palpak o maanomalya raw na desisyon na humantong na nga sa kasong katiwalian na kinakaharap niya ngayon sa Sandiganbayan.
Si Lozada rin ang naging isa sa mga pangunahing tumestigo noon sa Senado kaugnay sa imbestigasyon sa nabuliyasong kontrata ng ZTE-NBN deal ng China.
Katunayan, nang pahaharapin na siya noon sa Senado, bigla itong nawala at hindi mahagilap ng ilang araw dahil nagtungo pala sa Hong Kong.
At nang bumalik, sinabing "dinukot" siya ng mga kaalyado ni Mrs. Arroyo para hindi makadalo sa pagdinig ng Senado. Sa tulong ng mga madre na "nagkanlong" kay Lozada, natuloy ang pagharap niya sa Senado at idiniin sa umano'y anomalya sa ZTE deal ang ilang opisyal kabilang na sina Mrs. Arroyo at Neri.
Nang panahong iyon, ilang ulit nating narinig at nabasa sa mga pahayagan ang mga payo kay Lozada na huwag matakot na humarap sa Senado at isiwalat ang nalalaman niya dahil sa katwirang "the truth will set him free".
***
Napag-uusapan ang isyu, kung tutuusin, napakalaking sakripisyo ang ibinigay ni Lozada sa ginawang pagtestigo laban kay Mrs. Arroyo at sa dati niyang "BFF". Kaya naman inaasahan siguro ng mga tagasuporta ni Lozada na ngayong wala na si Mrs. Arroyo ay maaari na rin siyang malibre sa anumang pananagutan niya sa batas.
At laking dismaya nga siguro ng mga tagasuporta ni Lozada nang wala silang makuhang garantiya kay Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino na tutulungan ng kasalukuyang gob­yerno ang whistleblower at matatapos na ang kanyang kaso.
Katunayan pa nga, nagpalabas na ng arrest order ang kor­te laban kay Lozada dahil sa kinakaharap niyang kaso. Kaya humingi sila ng panahon na makausap si PNoy na hindi naman sila binigo.
Katunayan, ilang matataas pa na opisyal ng Palasyo ang kasamang humarap sa kanila para malaman ang tunay na legal na katayuan ng kaso.
At ang resulta, umiikot na ang gulong ng pagdinig sa kaso ni Lozada kaya hindi na ito dapat pakialaman.
Kapag pinakialaman ni PNoy ang kaso, ito'y siguradong makakasuhan din bagay na nalalaman ng mga "supporter" ni Lozada.
Sa pagtantiya ni Mang Kanor, nais yata ng mga tagasuporta ni Lozada na gamitin ni PNoy ang kanyang kamay para mapigilan ang pag-ikot ng gulong ng hustisya. Kahit pa batid nila na magkahiwalay ang kapangyarihan ng ehekutibo at hudikatura.
Subalit malinaw ang naging posisyon ng Malacañang na hindi gagawain ng Pangulo na manghimasok sa mga kaso. Ang hirit naman ni Mang Gusting: Kung wala naman talagang kasalanan si Lozada sa kasong ibinibintang sa kanya, ano ang dapat niyang katakutan?
Ika pa ng magkumpareng Kanor at Gusting: Dapat ding isipin ng mga sumusuporta kay Lozada na magmumukhang walang pinagkaiba ang gobyernong Aquino sa dating administrasyon kapag sinunod ni PNoy ang kanilang kagustuhang pigilin ang pag-usad ng gulong ng hustisya.
Ang pinakamabuting gawin ng kampo ni Lozada hayaan ang korte na dinggin ang kaso at kapag nagkaroon na ng desisyon, saka natin hintayin ang aksyon ng pamahalaan, dahil dito ay maaari nang kumilos ang Pangulo sa pamamagitan ng "pardon". Kung guilty ang magiging hatol sa kanya ng korte.
Let's wait and see.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, April 8, 2013

Epektibo!



Epektibo!
REY MARFIL




Dapat suportahan ng publiko ang panawagan ng pamahalaan na isumbong sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga pulitikong ginagamit ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa pulitika matapos magsimula ang kampanya sa lokal na halalan.
Kumikilos ang administrasyong Aquino upang tugunan ang mga reklamo mula sa ilang local government units (LGUs) na ginagamit ng ilang pasaway na mga pulitiko ang programa para makuha ang boto ng publiko sa halalan.
Tama si Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino sa paninindigang walang sinumang pulitiko ang maaaring magdesisyon kung maisasama o hindi ang mga benepi­syunaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Tanging ang DSWD lamang ang maaaring magtanggal ng benepisyunaryo ng programa sakaling hindi makasunod sa pamantayan at alituntunin. Maaaring maisama ang mga benepisyunaryo ng programa sa panahong matukoy sila ng National Household Targeting System ng DSWD.
Kabilang sa mga kondisyon ng programa ang regular na pagpasok sa mga eskwelahan ng mga anak ng benepisyunaryo, pagpapasuri ng mga buntis sa health centers at pagdalo sa tinatawag na family development sessions.
At ang determinadong pahayag ng pamahalaan na hindi titigilan ang paghahabol sa smugglers, tax evaders at ibang mga kriminal sa pamamagitan ng pagbuo ng malakas na kaso upang matiyak na mabibilanggo ang mga gumagawa ng mali.
Sa tulong ng malakas na "political will" ni PNoy para labanan ang katiwalian, hindi susuko ang pamahalaan nito para tapusin ang problema sa smuggling at prosekusyon ng mga nasa likod nito.
Sa ilalim ng liderato ni PNoy, nakasisiguro tayong kayod marino ang pamahalaan para mahuli ang smugglers at mga nasa pamahalaan na kanilang kasapakat.
Hindi lamang nagsasampa ng mga kaso ang pamahalaan laban sa smugglers, responsable rin ito sa pagsusulong ng tax evasion cases at iba pang kaso ng paglabag sa umiiral na mga batas.
***
Napag-uusapan ang good news, muli na namang nagkaroon ng positibong epekto ang matuwid na kampanya ni PNoy matapos lumabas sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na apat sa limang Pilipino o 81% ang kuntento sa kanilang buhay.
Ipinapakita dito ng mga Pilipino ang kanilang nag-uumapaw na tiwala, kumpiyansa at suporta kay PNoy isang patunay kung gaano ka-epektibo ang kampanyang "daang matuwid" ng Pangulo.
Sa hanay naman ng usapin ng kita ng Class ABC, 95% ang kuntento sa kanilang buhay. Ipinakita rin ng survey na lubhang mataas ang bilang ng mga taong kuntento sa kanilang buhay kung saan pumalo sa 82% sa Class D at 74% sa Class E.
Isinagawa ang fourth quarter 2012 survey sa hanay ng 1,200 adults sa buong bansa noong Disyembre 8 hanggang 11 kung saan sa hanay ng 81%, 33% dito ang labis na kuntento at 48% ang bahagyang nasisiyahan.
Asahan nating lalo pang magpapatuloy ang pamahalaan sa pagsusulong ng mga programa para iahon ang kalagayan sa ekonomiya ng bansa alang-alang sa interes ng publiko.
Malinaw na ginagawa ni Pangulong Aquino ang lahat upang maisulong ang interes at kagalingan ng publiko kaya't hindi nakakapagtakang namamayagpag ang senatorial candidates ng administrasyon.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, April 5, 2013

Parang patis!



Parang patis!
REY MARFIL


Nitong nakalipas na mga araw, marahil ay may napulot na dagdag kaalaman ang ating mga kababayan tungkol sa kapangyarihan ng Pangulo na magbasura ng panukalang batas na ipinasa ng Kongreso na "veto power" kung tawagin.
Hindi po ipinapahid sa kili-kili ng Pangulo ang veto power kung hindi, ito'y kapangyarihan ng lider ng bansa na huwag pirmahan para maging ganap na batas ang isang panukalang batas na inaprubahan na ng ating mga mambabatas sa dalawang Kapulungan ng Kongreso ang Senado at Kamara de Representantes.
Ang pinakahuling ibinasura o na-veto ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino ay ang panukalang batas na Magna Carta for Poor at ang panukalang nag-aalis sa height requirement o kinakailangang taas sa mga nagnanais na maging pulis, bumbero at jailguard.
Ang dagdag na kaalaman pa tungkol sa usapin ng veto power ay ang kapangyarihan din ng mga senador at kongresista na sapawan o baligtarin ang veto power ng Pangulo sa pamamagitan ng tinatawag na "override".
Kailangan lamang na merong magmosyon sa Senado at Kamara na nagpapatawag ng botohan para i-override ang veto power ng Pangulo sa "pag-isnab" nito sa ipinasa nilang panukalang batas. Kung makukuha sa dalawang kapulungan na sapat na boto para baligtarin ang desisyon ng Pangulo, may pag-asang maging ganap na batas ang panukala na unang na-veto ng Pangulo.
Sa usapin ng Magna Carta for the Poor, tanggap naman ng mga mambabatas ang paliwanag ni PNoy na walang sapat na pondo ang gobyerno para rito at "malabo pa sa sabaw ng adobong pusit" na maipapatupad ang panukalang batas kaya hindi niya ito pinirmahan.
Bukod dito, inatasan naman ng Pangulo ang kinauukulang ahensiya na mag-draft ng mas makatotohanang bersiyon ng Magna Carta for the Poor na irerekomenda niya sa Kongreso na aprubahan at tiyak na magkakaroon ng makatotohanan din ang pondo.
Pero siyempre, may mga pulitiko na ang tingin sa usapin ng Magna Carta for the Poor ay parang "patis" na gusto nilang gawing "sawsawan". Gagawa ng mga akusasyon na may diskriminasyon si PNoy pagdating sa mga mahihirap kaya niya "inisnab" ang panukalang batas.
***
Hindi lang 'yan, ganito rin ang tirada ng mga kritiko ni PNoy sa panukalang batas na nag-aalis sa "height requirement" sa mga magpupulis, bumbero at jailguards. May diskriminasyon daw ang pamahalaan pagdating sa mga pandak. Papaano raw ang mga hindi katangkaran pero kuwalipikadong maging pulis, bumbero o jailguards?
Gaya ng Magna Carta for the Poor, marahil ay kailangan din lang na gumawa ng panibagong bersiyon ng panukalang batas tungkol dito na magtatakda ng mas "mababang" height requirement sa aplikante pero "hindi" naman dapat tuluyang alisin ang "height requirement".
Ika nga ni Mang Kanor: aba'y paano kung maisipan ng mga kasing taas nina "Dagul" o "Mura" na magpulis o jailguard? Kung pumasa sila sa mga pagsasanay at kuwalipikado sa lahat, puwede ba silang isabak sa rally o mag-escort ng kriminal?
Papaano kung may magwala na namang PBA import sa hotel o police station at sila ang natiyempong nasa lugar nang sandaling iyon, aba'y baka mabaril nila ang import bilang depensa sa sarili dahil baka apakan lang sila ng nagwawalang Kano.
Kung tutuusin, hindi kasalanan ng Pangulo kung mayroon mang batas na mabi-veto, ito'y kasalanan ng mga mambabatas at mga opisyal ng pamahalaan na kasamang hihingan ng impormasyon na isinusulong na panukalang batas. Take note: hindi kasama si PNoy sa proseso o paglikha ng batas, as in kongresista at senador ang nag-debate sa committee room at session hall.
Ang tamang aksyon: pag-aralang mabuti ang panukalang batas para matiyak na makatotohanan ito at hindi dahil sa popular kaya nila ipinasa at ipapaubaya na lang sa Malacañang ang pasya kung ganap na gagawing batas at sila ang sasalo sa sisi kapag pumalpak.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo". (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, April 3, 2013

Nagpakatotoo lang!



Nagpakatotoo lang!
REY MARFIL




Sa mga susunod na araw, huwag ipagtaka kapag marami kayong nakitang Filipino-Chinese na nagmamadaling pumunta sa Bureau of Internal Revenue (BIR) para magbayad ng kanilang buwis o kumukuha ng Tax Identification Number o TIN.
Sa isang pagtitipon ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc., inimbitahan nila si Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino para maging guest speaker.
Kung inaakala nilang bobolahin sila at kakamutin ang likod para hikayatin na lumikha pa ng mga negosyo para magkaroon ng dagdag na trabaho nagkamali sila!
Gaya ng ibang okasyon kung saan naging tagapagsalita si PNoy, naging matapat siya at diretsahan sa kanyang mga bibitiwang salita na nilalaman ng kanyang isip -- kahit pa masakit ito at nandoon pa ang mga mahahagip.
Sa talumpati ni PNoy sa harap ng mga negosyanteng Tsinoy, pinaalalahanan niya na may kasamang pagbabanta ang mga miyembro ng organisasyon na magbayad ng tamang buwis kung ayaw nilang maging laman sila ng presscon ni BIR Commissioner Kim Henares.
Bakit ba naman hindi, aba'y mantakin n'yo na mayroon palang mga negosyanteng Tsinoy na ang buwis na binayaran lang ay hindi pa umaabot ng P1,000 at mayroon din na talagang wala o zero.
Kaya hindi rin natin masisisi ang mga karaniwang manggagawa na suwelduhan kada kinsehan o katapusan na magalit dahil awtomatiko silang nakakaltasan ng buwis, samantalang maraming mayayaman ang nagpapalusot sa pagbabayad ng buwis.
Samantalang marami palang Tsinoy na limpak-limpak ang kinikita sa kanilang negosyo pero hindi nagbabayad ng buwis! Aba'y kaya pala marami sa kanila ang madaling yumaman at patuloy na yumayaman.
Mismong si PNoy, sinabi niya sa harap ng mga negos­yante na ikinagulat niya nang malaman ang isinagawang pag-aaral sa listahan ng mahigit 200 kasapi ng samahan na marami sa mga ito ang walang TIN, hindi nagsusumite ng kanilang tax return at kung nagbabayad man ng buwis, napakaliit.
***
Napag-uusapan ang talumpati ni PNoy sa pagtaya sa ginawang pag-aaral sa samahang ito ng mga negosyanteng Tsinoy, lumilitaw na nasa 16% lang ng 207 kasaping kumpanya ang nagbabayad ng tamang buwis at ang iba ay pasaway. At sa 552 indibidwal na kasapi, 64% ang hindi nagbayad ng tamang buwis.
Kaya naman ang paalala ni PNoy, may panahon pa ang mga pasaway na negosyante na magpakatino sa pamamagitan ng pagbabayad ng tamang buwis hanggang matapos ang takdang araw sa pagbabayad ng buwis sa Abril. Kung mananatili silang pasaway, si Comm. Henares na raw ang bahala sa kanila.
Muling ipinaalam ni PNoy sa mga negosyante na tapos na ang panahon ng pagpapalusot sa ilalim ng kanyang administrasyon. Dapat nga namang isipin ng mga negosyanteng ito na ang buwis na ibabayad nila ay mapupunta sa tunay na proyekto at programa na pakikinabangan ng mga nangangailangan.
Tapos na ang panahon na puwede ang mga palusot sa pagbabayad ng buwis dahil may ilang timawang opisyal ang nakikinabang sa kalokohan. Kaya lang, kahit tatlong taon na ang gobyerno PNoy, mukhang marami pa rin sa mga negos­yanteng Tsino ang ayaw dumaan sa tuwid na daan.
Pagkatapos ng bayaran ng buwis sa Abril, malalaman natin kung sino sa mga ito ang mananatili sa baluktot na daan. Pero hindi lang ang mga pasaway na negosyante ang dapat sampolan, kundi maging ang mga nasa gobyerno na kumunsinti sa mga ito para hindi magbayad ng tamang buwis.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, April 1, 2013

Panibagong pag-asa!


Panibagong pag-asa!
REY MARFIL





Napakaganda ng timing ng Semana Santa ngayong taon na tila maraming bitbit na bagong pag-asa sa ating mga Pilipino.
Tulad ng pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus, maraming senyales na ipinapakita sa ating bansa tungo sa panibagong buhay.
Sa paggunita kamakailan ng Holy Week, nataon ang pagpapalabas ng ulat ng Fitch rating kung saan naibigay nila sa ating bansa sa unang pagkakataon ang inaasam nating mataas na positibong investment grade.
Sa unang pagkakataon nga, nakamit ng Pilipinas sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino ang "BBB" rating mula sa dating "BB+". Patunay ito na nasa tamang daan ang pamamalakad sa ating ekonomiya, na napapansin naman ng mga dayuhang namumuhunan. 
Kung may positibong balita, natural lang na mayroong mga "utak-nega" na galing sa mga kritiko ng administrasyon. Uusisain nila na wala namang silbi ang mas magagandang investment rating, at pupunahin nila na hindi naman ito nararamdaman ng mga karaniwang manggagawa. 
Natural din na mayroong mga alipores ng nakaraang administrasyon na aangkinin ang kredito sa nakamit na positibong rating ng bansa. Palalabasin na sila ang higit na magaling kahit pa ang katotohanan ay tatlong taon na silang wala sa posisyon.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nakatanggap ng positibong pagtanaw mula sa mga dayuhang credit at investment ratings ang Pilipinas. Bukod sa mahusay na pamamalakad sa pananalapi ng bansa, pinupuri rin nila ang kampanya ni PNoy sa pagsupil sa katiwalian para maibalik ang kumpiyansa ng mga dayuhang namumuhunan. 
Malaking bentahe para mapaganda ang imahe ng Pilipinas sa larangan ng kalakalan ang maipakitang "patas" ang labanan ng mga namumuhunan sa bansa; wala na ang palakasan at lagayan system para makapagnegosyo dito.
***
Napag-usapan ang mga kritiko, natural din na hindi kaagad mararamdaman ng bansa ang magandang ratings na ibinigay ng Fitch, pero sa darating na taon, asahan na dadami ang mga dayuhang mamumuhunan sa Pilipinas na magiging negosyo, at magdudulot ng maraming trabaho sa ating mga kababayan at dagdag na kita naman sa gobyerno.
Sa mensahe nga ni PNoy para sa Linggo ng Pagkabuhay, sinabi niya na dapat makita ng mga Pinoy at ng bansa ang sarili sa muling pagkabuhay ni Hesu Kristo -- na maging larawan ng pag-asa tungo sa bagong buhay. 
Bakit nga naman hindi, sino ba ang mag-aakala na makakamit natin ang mataas na markang ibibigay ng Fitch makaraan ang maraming taon na nalubog sa katiwalian ang pamamahala sa Pilipinas? Ang ating stock market, sunud-sunod ang pagtatala ng mga "record-breaking" na marka sa lakas ng kalakalan.
Kahit papaano, mas dumami na ang mahihirap nating kababayan na nasusuportahan ng Conditional Cash Transfer program ng gobyerno; nagagawa na rin nating isama sa PhilHealth ang mga magastos na pagpapagamot ng mga sensitibong sakit.
Hindi lang 'yan, unti-unti nang nasosolusyunan ang problema sa kakulangan ng silid-aralan; at nasusuportahan na ang produksyon ng palay sa bansa at hindi magtatagal ay mag-e-export na rin tayo.
Ang lahat ng mga ito ay nangyayari na sa loob pa lang ng halos tatlong taon ng administrasyong Aquino. Kaya dapat kapanabikan kung ano pa ang magagandang balitang naghihintay sa ating bansa sa susunod na nalalabing tatlong (3) taon ng termino ni PNoy.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)