Wednesday, March 27, 2013

Makatotohanan!



Makatotohanan!
REY MARFIL




Nagdesisyon na si Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino na ibasura ang ipinasang panukalang batas ng Kongreso na Magna Carta for the Poor, na sa pananaw ng ilang tagamasid ito'y malayo sa katotohanan at magbibigay ng maling pag-asa sa mga mahihirap nating kababayan.
Muling ipinakita ni PNoy ang kanyang "makatotohanang" liderato na ibasura ang isang "popular" na panukalang batas, alinsunod sa reyalidad. Hindi nais ng Pangulo na sumakay sa mga "papoging" desisyon na sa huli ay hindi naman magagawa kaya ang ending, umaasa sa wala ang mga pinangakuan.
Gaya ng panukalang batas na ito ng Magna Carta for the Poor, prangkang inamin ni PNoy na walang sapat na pondo ang gobyerno para tugunan ang "magandang layunin" nito ang maipagkaloob sa mga mahihirap ang limang (5) pangunahing pangangailangan ng mga tao lalo na ang mga mahihirap sa usapin ng pagkain, trabaho, dekalidad na edukasyon, tahanan, at kalusugan.
Ginawang halimbawa ni PNoy ang isa sa limang tinukoy sa Magna Carta, ang usapin sa pabahay; kung bibigyan ng murang pabahay ang lahat ng maralitang walang bahay alinsunod sa panukala, gagastos na ang gobyerno ng tinatayang P3 trilyon na katumbas na ng pambansang budget ng bansa sa loob ng isang taon.
Take note: Pabahay pa lang ang humigit-kumulang P3 trilyong gagastusin kada taon, 'di pa kasama ang gagastusin sa pagkain, edukasyon, at kalusugan. Aber, saan kukuha ang gobyerno gayong P2 trilyon lamang ang kabuuang budget kada taon ng national government?
Nakasaad sa panukalang batas na kailangan nang gawin ang naturang mga pabahay dahil kung hindi ito magagawa ay maaaring maidemanda ang ahensyang namamahala rito ang National Housing Authority.
Kung ibang lider marahil, baka pinirmahan na agad ang panukalang batas dahil mag-eeleksyon ngayon, ang pogi points na ito na makukuha niya sa mga mahihirap ay maaaring maipasa sa kanyang mga kandidato sa darating na eleksyon.
***
Napag-usapan ang Magna Carta for the Poor, wala namang mawawala kay PNoy kung pinirmahan niya ang batas dahil hindi naman siya reelectionist sa 2016 elections. Ang magmamana ng sisi kapag hindi naipatupad ang nilalaman ng panukalang batas, walang iba kundi ang susunod sa kanyang gobyerno.
Pero iba ang lider natin ngayon, ito'y matuwid at kabaliktaran ang karakter sa nagdaang Pangulo, as in ang mga desisyon niya'y nakabase sa katotohanan at hindi pantasya. "Kung kaya, kaya!; kung kakayanin, kakayanin!; kung hindi, hindi!" -- ganyan kasimple ang kanyang mga desisyon.
Sa usapin ng Magna Carta for the Poor, hindi pa naman ito masasabing tuluyang "HINDI" kay PNoy.
Katunayan, ipinaubaya niya ang panukalang batas sa kinauukulang opisyal upang pag-aralan at bumuo ng mas makatotohanang bersyon na makakayang ipatupad ng gobyerno.
Bukod diyan, wala namang tigil ang kasalukuyang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programa upang matulungan ang mga mahihirap nating kababayan. Wala man ang Magna Carta, nakalatag ang mga programa ng gobyerno para tugunan ang limang usapin ang kawalan ng trabaho, pabahay, edukasyon, kalusugan at pagkain.
Ngunit dahil panahon ngayon ng eleksyon, asahan na mayroon mga pupuna at babatikos sa ginawang pag-veto ni PNoy sa panukalang batas. At kagaya ng prediksyon ni Mang Kanor, nagsimula na ngang "magmarunong" ang mga kulelat sa senatorial survey para mapag-usapan ang pangalan sa peryodiko.
Ang pagsakay sa Magna Carta for the Poor, ito'y nangangahulugang makakuha ng "pogi" points ang mga "nangangamoteng kandidato" mula sa mga maralita at asahang may mga hihirit at mag-aakusa na kontra at sadyang walang malasakit sa mga mahihirap ang ating Pangulo.
Sa huli, hindi naman makitid ang isip ng ating mga kababayang mahihirap. Maraming taon na silang ginagamit ng mga mapagsamantalang pulitiko at grupo.
Nararamdaman nila kung sino ang tunay na may malasakit para sa kanila.

Laging tandaan: "Bata mo 'ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, March 25, 2013

Magbayad kayo!



Magbayad kayo!
REY MARFIL




Sa mga susunod na araw, huwag ipagtaka kapag marami kayong nakitang Filipino-Chinese na nagmamadaling pumunta sa Bureau of Internal Revenue para magbayad ng kanilang buwis o kumukuha ng Tax Identification Number o TIN. 
Sa isang pagtitipon ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc., inimbitahan nila si Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino para maging guest speaker. Kung inaakala nilang bobolahin sila at kakamutin ang likod para hikayatin na lumikha pa ng mga negosyo para magkaroon ng dagdag na trabaho… nagkakamali sila!
Gaya ng ibang okasyon kung saan naging tagapagsalita si PNoy, naging matapat siya at diretsahan sa kanyang mga binitiwang salita na nilalaman ng kanyang isip kahit pa masakit ito at nandoon pa ang mga mahahagip. 
Sa talumpati ni PNoy sa harap ng mga negosyanteng Tsinoy, pinaalalahanan niya na may kasamang pagbabanta ang mga miyembro ng organisasyon na magbayad ng tamang buwis kung ayaw nilang maging laman sila ng presscon ni BIR Commissioner Kim Henares.
Bakit ba naman hindi! Mantakin n'yo na mayroon pa lang mga negosyanteng Tsinoy na ang buwis na binayaran lang ay hindi pa umaabot ng P1,000, at mayroon din na talagang wala o zero.
Kaya hindi rin natin masisisi ang mga karaniwang manggagawa na suwelduhan kada kinsehan o katapusan na magalit dahil awtomatiko silang nakakaltasan ng buwis, samantalang maraming mayayaman ang nagpapalusot sa pagbabayad ng buwis. 
Samantalang marami pa lang Tsinoy na limpak-limpak ang kinikita sa kanilang negosyo pero hindi nagbabayad ng buwis! Aba'y kaya pala marami sa kanila ang madaling yumaman at patuloy na yumayaman. 
Mismong si PNoy, sinabi niya sa harap ng mga negosyante na ikinagulat niya nang malaman ang isinagawang pag-aaral sa listahan ng mahigit 200 kasapi ng samahan na marami sa mga ito ang walang TIN, hindi nagsusumite ng kanilang tax return, at kung nagbabayad man ng buwis, napakaliit. 
***
Napag-usapan ang talumpati ni PNoy, sa pagtaya at sa ginawang pag-aaral sa samahang ito ng mga negosyanteng Tsinoy, lumilitaw na nasa 16 porsyento lang ng 207 kasa­ping kumpanya ang nagbabayad ng tamang buwis… ang iba, pasaway! At sa 552 indibidwal na kasapi, 64 porsyento rin ang hindi nagbayad ng tamang buwis.
Kaya naman ang paalala ni PNoy, may panahon pa ang mga pasaway na negosyante na magpakatino sa pamamagitan ng pagbabayad ng tamang buwis hanggang matapos ang takdang araw sa pagbabayad ng buwis sa Abril. Kung mananatili silang pasaway, si Comm. Henares na raw ang bahala sa kanila. 
Muling ipinaalam ni PNoy sa mga negosyante na tapos na ang panahon ng pagpapalusot sa ilalim ng kanyang administrasyon. Dapat nga namang isipin ng mga negosyanteng ito na ang buwis na ibabayad nila ay mapupunta sa tunay na proyekto at programa na pakikinabangan ng mga nangangailangan. 
Tapos na ang panahon na puwede ang mga palusot sa pagbabayad ng buwis dahil may ilang timawang opisyal ang nakikinabang sa kalokohan.
Kaya lang, kahit tatlong taon na ang gobyernong PNoy, mukhang marami pa rin sa mga negosyanteng Tsinoy ang ayaw dumaan sa tuwid na daan. 
Pagkatapos ng bayaran ng buwis sa Abril, malalaman natin kung sino sa mga ito ang mananatili sa baluktot na daan. Pero hindi lang ang mga pasaway na negosyante ang dapat sampolan, kundi maging ang mga nasa gobyerno na kumunsinti sa mga ito para hindi magbayad ng tamang buwis.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, March 22, 2013

Sana!



Sana!
REY MARFIL




Nakakalungkot ang nangyaring karahasan sa Lahad Datu sa Sabah na maaari sanang maiwasan kung nakinig lamang si Sultan Jamalul Kiram III sa apela ng administrasyong Aquino na iurong ang kanyang puwersa roon.
'Ika nga ni Mang Kanor: hindi maaaring masisi si Pa­ngulong Noynoy "PNoy" Aquino sa insidente dahil ilang beses itong humingi ng pang-unawa sa grupo ni Kiram na hanapan ng mapayapang solusyon ang problema.
Tama ang Pangulo na mayroong mga paraan para mapayapang maresolba ang krisis at mabigyan ng atensyon ang paghahabol ni Kiram sa lupaing binabawi nito sa Sabah na pag-aari ng kanyang mga ninuno.
Nakakapanghinayang ang buhay na nalagas, matapos magdesisyon ang mga awtoridad sa Malaysia na tapusin ang problema ito'y nagsimula lamang sa pag-uudyok ng ilang indibidwal para itulak ang pansariling interes at kapakanan.
Hindi sana nangyari ang lahat kung pumayag ang grupo ni Kiram sa kahilingan ng Pangulo na bumalik na ang kanyang mga tropa sa Pilipinas para masimulan ang mapayapang dayalogo sa paghahabol ng usapin.
Simula sa umpisa, hangad ni Pangulong Aquino na matapos ang problema nang hindi magreresulta sa karahasan maging kalmado sana ang lahat at hanapin ang ligtas na pamamaraan upang makumbinse ang dalawang magkabilang panig na humarap sa mapayapang pag-uusap.
Tama rin ang administrasyong Aquino na hindi pa huli ang lahat para maayos ang gusot na pinalala ng naganap na karahasan. Sa ngayon, walang ibang option kundi sumuko at bumalik ng Pilipinas ang natitirang tropa ni Kiram lalo pa't hindi paaawat ang Malaysia.
***
Tama si Senador Panfilo "Ping" Lacson sa pagsasabing maganda ang diskarte ni PNoy sa paghawak sa krisis na nagaganap sa Sabah sa kabila ng karahasang nangyayari roon.
Kumikilos ang Pangulo base sa intelligence reports at intelligence assessments na ibinibigay ng intelligence community. Ibig sabihin, mayroong mga impormasyong hindi alam ng publiko o mga bagay na naging basehan ng kaukulang pahayag at aksyon ni Pangulong Aquino sa isyu.
Kailangan ding bumalanse ang Pangulo upang pangalagaan ang pambansang interes, kabilang dito ang usapang-pangkapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at kalagayan ng overseas Filipino workers.
Huwag nating alisin ang posibilidad na mayroong mga grupong nagmamanipula ng isyu para pigilan ang usapang pangkapayapaan sa MILF.
Isipin na lamang ninyo, mayroong mga personalidad na nakitang dumalaw sa bahay ni Sultan Kiram. Hindi mo maiiwasang mag-isip dahil sa kanilang presensya.
Ano ang ginagawa ng ilang personalidad sa bahay ng mga Kiram gayong hindi naman Muslim? At meron ding personalidad ang pumapapel at gustong makabalik sa poder gayong malinaw ang mga ebidensyang pinagkakitaan lamang sa mahabang panahon ang peace talks.
Sa ngayon, dapat tayong kumilos para matapos na ang krisis sa Sabah at mapigilan pa ang karagdagang pagkalagas ng buhay, sa pamamagitan ng pakikipag-dayalogo at hindi sa pagpapakita ng tapang kung wala rin namang pinaghahawakang katibayan na lehitimong pagmamay-ari ang Sabah.
Tanging sa panahon lamang ng pagiging mahinahon, kalmado at pagkakaroon ng magandang-loob dapat pag-usapan ang matagal nang paghahabol ng bansa at pamilya Kiram sa Sabah.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, March 20, 2013

Mamasyal!



Mamasyal!
REY MARFIL



Tagaktak na naman na parang talon ng Hinulugang Taktak ang pawis sa kili-kili nating mga Pinoy ngayong opisyal na deklarado na ang pagsisimula ng summer season. At ang kasabay ng panahon ng tag-init, panahon ng bakasyon at pagliliwaliw.
Pero sana lang, huwag naman nating kalimutan na unahin ang magagandang tanawin natin sa Pilipinas sa listahan ng mga lugar na nais ninyong puntahan. Baka naman magpatalo pa tayong mga Pinoy sa mga dayuhan na kumikilala sa Pilipinas na kabilang sa mga bansang dapat pasyalan.
Parang may mali kung ang mga dayuhang turista ay nagdadatingan sa Pilipinas para makita ang kagandahan ng ating bansa, samantalang ang mga Pinoy, nag-aalisan naman para mamasyal sa ibang bansa gayung hindi pa nila nabibisita ang ilan sa mga ipinagmamalaki nating pasyalan.
Kamakailan nga lang ay pinirmahan ni Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino ang isang batas para alisin ang 3% common carrier's tax sa mga foreign airlines na nag-o-operate sa Pilipinas para maibaba ang presyo ng air fare.
Inaasahan na makatutulong ang bagong batas na ito para makaakit pa ng mas maraming dayuhang turista na papasyal sa Pilipinas. Malaki kasi ang potensiyal ng turismo ng bansa na hindi lang makapagpapataas sa ekonomiya ng bansa, kundi may direktang silbi rin sa mga kababayan natin na nais magkatrabaho.
Bukod kasi sa mga manggagawang direktang makikinabang sa pagtaas ng turismo gaya ng mga nagtatrabaho sa mga hotel at resort, mayroon ding mga hindi direktang makikinabang sa paglago ng turismo gaya ng mga driver na masasakyan ng mga turista, mga bangkero, mga gumagawa ng souvenir, at kung anu-ano pa.
At kamakailan din lang, umangat ng 12 baitang ang Pilipinas sa listahan ng Travel and Tourism Competitiveness Report 2013 ng World Economic Forum. Habang ang Guangzhou Information Times at Guangzhou International Tourism Fair, kinilala ang Pilipinas bilang "Most Popular Destination in Asia".
***
Napag-usapan ang turismo, ang ipinagmamalaki nating Boracay Island ang inilista sa TripAdvisor's Travelers' Choice of Best Beaches in Asia sa taong 2013. Tinalo nito ang 24 na iba pang mga beaches sa Asia. 
Pero kung tutuusin, maliban sa mga beach ay marami pang lugar na magandang puntahan at i-explore 'ika nga, hindi lang ng mga dayuhan kundi tayo mismong mga Pinoy.
Ngunit bukod sa pagiging explorer, maaari rin tayong maging tourism ambassador sa pamamagitan ng paborito nating gawin kapag namamasyal... ang "picture! picture!" at "upload! upload!" sa ating mga social networking sites gaya ng Facebook at Instagram.
Malay mo, ang katuwaang picture ng barkada na sabay-sabay na tumatalon sa tabi ng beach habang papalubog ang araw na in-upload mo sa FB, eh nakita pala ng kaibigan mo at "ni-like", at pagkatapos ay nakita naman ng kaibigan niyang fo­reigner na nagandahan sa lugar kaya magpaplano siyang bumi­sita sa Pilipinas para makita iyon nang personal.
Ang kagandahan sa usapin ng turismo, kumbaga sa laro ay hindi ito basketball na madedehado tayong mga Pinoy kapag palakihan na ng manlalaro ang pag-uusapan. Dito sa turismo, hindi kailangan ang height, ang kailangan lang ay abilidad at husay ng presentasyon ng laro at malaki ang tiyansa nating manalo.
Ang ibang bansa sa Europe, nabubuhay ang kanilang ekonomiya dahil sa turismo. Kaya kung mapapaganda natin nang husto ang mga pasilidad at imprastruktura ng ating turismo, tiyak na malaki ang magagawa nito para magkaroon ng trabaho ang ating mga kababayan.
Pero siyempre, bago magustuhan ng mga dayuhan ang ating produkto, dapat mauna tayong mga Pinoy na tumangkilik nito. Kaya ano pa ang hinihintay natin? Mag-empake na at mamas­yal… ooops! 'Wag kalimutan ng camera para sa "picture! picture!".

Laging tandaan: "Bata mo 'ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, March 18, 2013

Itinuwid ang PhilHealth!



Itinuwid ang PhilHealth!
REY MARFIL



Kabilang ang mga sakit sa puso at kanser sa mga pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga Pilipino ngayon. At kung dati ay itinuturing na sakit na pangmayaman ang dalawang nabanggit na karamdaman, hindi na ngayon.
Kasama sa mabilis na pagbabago sa takbo ng mundo ang pagbabago rin ng lifestyle ng mga Pinoy.
Nawawalan na tayo ng panahon na mag-ehersisyo, kabi-kabila ang mga tindahan ng mga pagkain tulad ng mga fast food, at madali na ring maengganyo sa mga masasamang bisyo gaya ng sigarilyo at alak.
Ang masaklap, nababawasan na rin ang hilig ng marami sa atin na kumain ng mga masustansyang gulay at prutas.
Pero kahit papaano, ang mga may kaya sa buhay ay nakakagawa ng paraan upang maipagamot o maipaopera ang mga mahal nila sa buhay na nagkakaroon ng kanser o sakit sa puso. Pero hindi biro ang gastusin sa delikado at matagal na gamutang ito.
Ang operasyon sa puso na may bara ang ugat ay tinatayang hindi bababa sa kalahating milyon ang gastos depende kung gaano kalala ang sitwasyon. Ganito rin ang tinatayang halaga na kakailanganin sa mga dadapuan ng kanser depende sa stage o lubha ng sakit ng pasyente.
Kaya kung mula sa mahirap na pamilya ang taong tatamaan ng ganitong sakit, tiyak na sasakit ang kanilang ulo sa paghahanap ng mga malalapitan para may maha­gilap na perang pampagamot.
Ang mga kababayan nating dukha na may edad na at tinatamaan ng ganitong sakit, mas nanaisin na lang nilang hintayin ang kanilang oras na kunin sila ni Lord kaysa mabaon pa sa utang ang kanilang mga mahal sa buhay.
Katwiran nila, matanda na naman sila kaya hayaan na lamang dumating ang takda nilang panahon.
Ngunit ang mga may kaya sa buhay, may sapat na pera para gastusan ang operasyon ng kanilang mga mahal sa buhay kahit pa gaano na ito ka-senior citizen.
***
Napag-usapan ang kalusugan, malaking bagay ang programa ng PhilHealth na tinatawag na Type Z Benefits na ipinatupad ng administrasyon ni Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino.
Sasagutin ng PhilHealth at malaking bahagi, kundi man buong gastusin sa pagpapagamot (depende sa sitwasyon nito) ng mga sakit na kanser at maging sa sakit sa puso. 
Nakapaloob na sa "Z Benefits" ang mga tinatawag na catastrophic illnesses gaya ng childhood acute lymphocytic leukemia, breast cancer (early stage o stage 0-111-a), gayundin ang prostate cancer.
At sa susunod ay isasama na rin sa programa ang sakit sa puso gaya ng coronary bypass o bara sa ugat sa puso, total correction of tetralogy of fallot o butas at ma­ling posisyon ng malaking ugat sa puso at closure of ventricular defects.
Ang pagsagot ng PhilHealth sa malaking gastusin sa mga ganitong mga sakit ay nagagawa dahil nailalaan sa tamang paggagastusan ang pondo at hindi nagagamit sa ibang personal na interes o pampulitika.
Hindi maiwasang balikan ni Mang Kanor ang kaganapan sa nagdaang administrasyon kung saan kinasangkapan ang pondo ng PhilHealth para maimpluwensyahan ang resulta ng eleksyon ito'y naimbestigahan ng Senado at malinaw ang pagkakasulat sa mga peryodiko!
Idagdag pa ang mga repormang ipinatutupad ng pamahalaan para makahanap ng pagkukunan ng karagdagang pondo para sa kalusugan tulad ng sin tax o buwis sa sigarilyo at alak. 
Bukod sa mga bagong programang ito ng PhilHealth, patuloy na pinagsisikapan ng pamahalaan na mapahusay ang serbisyo sa mga ospital sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa pribadong sektor.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, March 15, 2013

Di pinabayaan ang Pampanga!




Di pinabayaan ang Pampanga!
REY MARFIL


Pinangunahan ni Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino ang inagurasyon ng Plaridel Bypass Road project na itinayo upang mabawasan ang sikip sa daloy ng trapiko sa Pan-Philippine Highway (PPH) ng 40%.
Itinayo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang bagong bypass road sa ilalim ng loan agreement na nilagdaan ng Pilipinas at Japan sa pamamagitan ng Japan International Cooperation Agency (JICA). Sa ilalim ng Plaridel Bypass Road project, mayroon itong habang 24.61 kilometro, 2.40 kilometrong access road at 10 tulay.
Binabaybay ng kalsada ang mga munisipalidad ng Balagtas, Guiguinto, Plaridel, Bustos at San Rafael sa Bulacan.
Bahagi ang proyekto ng pagpapabuti ng Inter-Urban Highway System sa Philippine-Japan Friendship Highway para paluwagin ang mga kalsada sa matataong mga lugar sa kahabaan ng Maharlika Highway patungong Cagayan Valley Road mula sa Bulacan.
Magandang balita rin ang pagbubukas ni Pangulong Aquino ng marker at inagurasyon sa tulay na matatagpuan sa Mac­Arthur Highway sa Barangay BiƱang 2nd, Bocaue, Bulacan.
Pinalawak sa apat ang dating two-lane na tulay para matiyak ang kaligtasan at maging kumportable ang mga motorista sa MacArthur Highway na dating kilala sa tawag na Manila North Road.
Sa mismong project briefing, ipinagmalaki ni Public Works and Highways Undersecretary Alfredo Tolentino na nakatipid ang pamahalaan ng P4 milyon para sa mga proyekto dahil sa transparency sa ilalim ng "tuwid na daan" na polisiya ng administrasyong Aquino.
Umabot sa P61.5 milyon ang halaga ng inaprubahang halaga ng proyekto kung saan P57.4 milyon lamang ang nagastos. Mahalaga ang tulay para lalong matulungan ang mga negosyo sa lugar kaya't maraming salamat sa daang matuwid ni Pangulong Aquino.
***
Makatwiran ding batiin si PNoy sa kanyang dedikasyon na matapos ang mga proyekto sa Pampanga dahil na rin sa pagsunod ng publiko sa kanyang matuwid na daan na polisiya sa lalawigan.
Walang kuwestiyon na naibigay ng administrasyong Aquino ang mga reporma sa Pampanga dalawang taon at siyam na buwan matapos itong humalili sa dating pamahalaan.
Iniulat ng Pangulo ang pagtugon ng pamahalaan sa kakapusan sa 66,800 silid-aralan na mareresolba sa Disyembre 2013.
Nagawa naman ng Department of Education (DepEd) noong nakalipas na taon na mabigyan ang mga bata ng sapat na libro at upuan.
Sa lalawigan ng Pampanga, inihayag ng Pangulo na nakagawa ang pamahalaan ng 1,250 silid-aralan para sa kapakinabangan ng mga estudyanteng Kapampangan.
Gagawin din ng pamahalaan ang lahat para matiyak na magkakaroon ng kuryente ang lahat ng komunidad kung saan sinisimulan nang ilawan ang 36,000 pang sitios na walang kuryente. Kamakailan, nabigyan ng kuryente ang 7,200 sitios.
Sa kabuuang 36,000 sitios, target ng pamahalaan na ila­wan ang 77 sitios sa Pampanga sa ilalim ng Sitio Electrification program, kalahati sa mga ito ang nabigyan na ng kuryente sa murang halaga.
Target din ng Pangulo na maibaba mula sa isang oras tungong 30-minuto ang paglalakbay mula Pampanga patungong Bataan sa panahong ganap na matapos ang Gapan-San Fernando-Olongapo Road project.
Inaasahan ding makikinabang ang turismo at komersyo dahil sa pagpapalawak na isinasagawa sa 12-kilometrong Lubao-Hermosa, Bataan na kalsada at lumuwag din ang sikip ng trapiko sa San Fernando City matapos mabuksan ang Lazatin flyover.
Nakikinabang din ngayon nang husto ang mga bayan ng Florida Blanca, Magalang, Lubao, Sta. Ana, Mexico, Masantol at Apalit sa pagtatapos ng ginawang pitong farm-to-market roads ng administrasyong Aquino.
Karagdagan ito sa P52 milyong alokasyon sa pagkumpuni at rehabilitasyon ng limang sistema ng irigasyon para matulungan ang sektor ng agrikultura sa Pampanga.
Sinimulan na rin ng pamahalaan ang Delta Phase 1 Pampanga River Project na magpapalakas sa sistema ng dike at mabigyang-proteksyon ang mga komunidad sa Bulacan at Pampanga laban sa pagbaha.
Bahagi ang Delta Phase I Pampanga River Project ng P5 bilyong proyekto ng pamahalaan o ang Flood Management Master Plan na siyang magsusulong ng rehabilitasyon ng San Fernando City, Sto. Tomas at Minalin Tail Dike at maging ang Del Carmen-Balimbing Creek.
Isinasagawa rin para sa Kapampangan ang P2.9 bil­yong Integrated Disaster Risk Reduction and Climate Change Adaptation Measures para sa mabababang mga lugar sa Pampanga Bay.
Kasama sa unang bahagi ng proyekto ang paghuhukay sa 32-kilometrong ilog sa Pampanga para hindi umapaw sa panahon ng pagbaha.
Kabilang naman sa ikalawang bahagi ang pagpapataas sa mga binabahang mga lugar at paglilipat ng mga eskwelahan sa mas ligtas na mga lugar.

Laging tandaan: "Bata mo 'ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, March 13, 2013

Balikan ang unang kabanata!


Balikan ang unang kabanata!
REY MARFIL



Nangyari na ang pinangangambahan ng gobyernong Aquino sa krisis na nangyayari ngayon sa Sabah dahil sa "kalkuladong" pagpunta doon ng mga tinatawag na "Royal Army" ni Sulu Sultan Jamalul Kiram III.
'Ika nga ni Mang Kanor: Kalkulado ang pagpunta sa Sabah ng mga tagasuporta ni Kiram dahil planado na parang "field trip" ang biyahe nila doon at may misyon… "homecoming" ng isa sa mga kapatid ng Sultan na maninirahan doon, at muling paingayin ang pag-angkin nila sa Sabah.
Pero tila may ibang natutunugan ang Palasyo sa naging pagkilos na ito ng tropa ni Kiram dahil hindi nga naman biro ang biyahe nila mula sa Mindanao papuntang Sabah. May kamahalan ang barkong sinakyan ng grupo kung totoo na nasa mahigit 200-katao ang tumawid ng dagat, bukod pa ang kanilang baon na pagkain at armas.
Nagkataon din lang kaya na nangyari ang "field trip" ng tropa ni Sultan Kiram, ilang araw lang matapos mabuo ang mga miyembro ng konseho na babalangkas sa kasunduang pangkapayapaan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at gobyernong Aquino -- na kinastigo ni Kiram dahil hindi raw siya nakonsulta?
Ang sinasabi ni Mang Kanor na pinangangamba­han ng pamahalaan, walang iba kundi ang pagsiklab ng karahasan sa bakbakan ng tropa ni Sultan Kiram at puwersa ng Malaysia.
At ngayon, nadadamay na nga ang mga sibilyan mga kapwa nating Pinoy na tinakasan ang kahirapan sa Mindanao at namuhay nang payapa sa Sabah pero ayun--biktima na rin ng karahasan.
Balikan natin ang mahigit dalawang (2) linggong standoff sa Sabado na wala pang nagaganap na bakbakan. Ilang ulit na hiniling ni Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino sa Malaysia na magkaroon ng extension sa kanilang pakiusap sa mga Kiram na pabalikin ang kanilang mga tagasuporta sa Mindanao.
Kasama sa apela ni PNoy ang pagtiyak na kapag nakabalik na ang tropa ni Kiram sa Mindanao ay sisimulan ang pag-uusap para sa pag-angkin ng Sabah.
Pero sa kabila ng ilang ulit na extension at lumitaw din na ilang "set" ng mga pinakiusap kay Sultan Kiram, nagmatigas siyang hindi aalis doon ang mga kanyang mga tagasuporta at handa raw mamatay.
Sa ganitong mga pahayag ni Sultan Kiram sa simula pa lang, tila dalawa lang ang kanyang kondisyon – "gulo o away?"
***
Ang posisyon ng pamahalaang Aquino ay para sa mahinahong paglutas sa krisis. Batid ng mga nag-iisip na tao na kapag nagkagulo doon, may mga buhay na malalagay sa alanganin, may mga sibilyang madadamay, maaapektuhan ang diplomatikong relasyon ng Pilipinas at Malaysia at ang pinakamalala, mapapasubo tayong mga Pinoy sa giyera sa Malaysia.
Marahil, ang mga taong may malaking problema lang sa gobyernong Aquino ang matutuwa kung papasok sa giyera ang Pilipinas dahil mawawala ang atensyon sa kanila ng gobyerno.
Pero kailangan bang makipaggiyera tayo kung puwede namang dalhin sa isang forum gaya ng United Nations o Organization of Islamic Conference ang usapin ng pag-angkin sa Sabah?
At higit sa lahat, tama bang makipag-giyera tayo dahil lang sa kagustuhan ng isang pamilya na manirahan sila sa Sabah dahil sa paninindigan nila na sa kanila iyon, at mistulang isinakay na lang ang buong bayan sa pagsasabing karapatan ng Pilipinas sa Sabah?
Dahil sa kaguluhan ngayon sa Sabah, marami sa ating mga inosenteng kapatid na Muslim ang napipilitang bumalik sa Mindanao upang makaiwas sa karahasan; kahit alam nila na ang naghihintay sa kanila sa Pilipinas ay paghihirap.
Kung naghahanap tayo ng sisisihin sa mga nangyayaring ito sa ating mga kababayan sa Mindanao, huwag nating kalimutang balikan ang mga naunang kabanata.

Laging tandaan: "Bata mo 'ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, March 11, 2013

Kakaiba!



Kakaiba!
REY MARFIL




Hindi ba't kahanga-hanga ang kabaitan at konsiderasyong ipinakita ni Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino sa paggunita ng kanyang ika-53 taong kaarawan ng nakaraang Pebrero 8, nang bisitahin ang isang pasyenteng may kanser sa buto sa isang ospital sa Quezon City.
Nagtungo ang Pangulo sa Philippine Orthopedic Center para makita ang 15-anyos na lalaking nagngangalang si Jericho Rafols na humiling na makita siya.
Sa kabila kasi ng kanyang abalang-abalang iskedyul, naisingit pa ng Pangulo ang pagpunta sa maysakit na bata upang personal itong batiin.
Naging ordinaryong araw sa Pangulo para sa kanyang trabaho ang dapat sanang espesyal na araw kung saan nanguna pa ito sa isang buong pagpupulong ng kanyang mga gabinete kinatanghalian bago ilaan ang kaunting oras para makasama ang mga kasapi ng pamilya at ilang mga kaibigan.
Ipinakita lamang ni Pangulong Aquino kung gaano ito ka­subsob sa trabaho na malayung-malayo sa ibang mga lider na inuubos ang buong araw hanggang sa mga susunod pang mga araw para sa marangyang paggunita ng kanilang kaarawan.
At nakakatuwa ring marinig kay PNoy na inaasahang magsisimula ang operasyon ng Light Rail Transit (LRT) Line 1 Cavite Extension sa 2015. Malaking tulong naman talaga ito kung saan inaasahang lalaki lalo ang arawang bilang ng mga sumasakay sa LRT 1 sa 250,000 pasahero.
Layunin ng LRT Line 1 Cavite Extension Project na magkaloob ng mabilis at maaasahang sistema ng transportasyon sa mataong lugar sa katimugang bahagi ng Maynila at maging sa mga estratehikong komersiyal, industriyal, at edukasyunal na mga establisyimento at distrito sa Metro Manila.
Isang magandang balita rin ang naging pahayag ni PNoy na ipagpapatuloy ng pamahalaan ang implementasyon ng pangunahing mga imprastraktura para lalong sumulong ang kaunlaran sa Cavite.
***
Napag-usapan ang good news, isa pang magandang ba­lita ang naging pahayag ni World Bank Philippines Country Director Motoo Konishi na nakatulong ng malaki sa pag-asenso ng ekonomiya ng Pilipinas ang macroeconomic stability, transparency at pananagutan na bahagi ng ilang mga reporma sa pamahalaan.
Mismong ehekutibo ng isang kapita-pitagang internasyunal na institusyon sa pagbabangko ang kumilala at humanga sa naganap na mga reporma sa bansa.
Dahilan ito upang sabihin ni Konishi na hindi na "sick man of Asia" ang Pilipinas kundi "rising tiger" sa kabila naman ng pandaigdigang pinansiyal na krisis na nagaganap.
Maging ang Germany, pinakamalaking ekonomiya ngayon sa Europa, sa pamamagitan ni German Foreign Minister Guido Westerwelle at kanyang delegasyon na dumalaw kay PNoy ang nagsabing pangunahing susi ngayon ang Pili­pinas sa pag-unlad ng mundo.
Tandaan nating nagkaroon ang bansa ng 6.6% na paglago sa ekonomiya noong 2012 at tinalo ang pinakamalapit na naging kakompetensya na Indonesia na nakapagtala lamang ng 6.2% pagtaas ng kanilang ekonomiya.
Asahan na natin na lalo pang magsusumikap ang administrasyong Aquino at gagamitin ang magandang pagkakataong ito para maipatupad ang iba pang mga reporma na titiyak sa lalo pang paglago ng ekonomiya ng bansa.
Nangangahulugan ang pag-asenso ng disenteng trabaho at pagpapababa sa kahirapan sa pamamagitan ng malinis na pamamahala at pagtutok sa sektor ng agrikultura at turismo.
Siguradong lalo pang palalakihin ni PNoy ang umento sa pondo para sa sosyal na serbisyo, partikular sa mga grupong labis na nangangailangan ng tulong ng pamahalaan.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)!

Friday, March 8, 2013

Parang suka!


Parang suka!
REY MARFIL



Sa usapin ngayon ng Sabah sa Malaysia, mahihiya ang toyo at suka, pati na ang patis sa dami ng mga "nakikisawsaw". Maraming matatalino at nagkukunyaring "matalino" na sa halip na makatulong upang humupa ang krisis ay tila nakakagatong pa sa mainit nang usapin.
Kung tutuusin, simple lang naman ang problema sa Sabah, na naging kumplikado lang nang magmatigas si Sulu Sultan Jamalul Kiram III at ilan niyang kamag-anak na panatilihin sa Sabah ang kanilang mga tagasunod at huwag bumalik ng bansa.
Bago pa man maganap ang bakbakan ng tropa ng Malaysia at mga tagasunod ni Kiram sa Sabah, malinaw ang pakiusap ni Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino, na masisimulan lang ang pag-uusap tungkol sa paghahabol ng mga Kiram kung pababalikin nito sa bansa ang kanyang mga tagapanalig.
Sabihin man natin na parehong "de-III" sina Aquino at Kiram; at kahit pa maituturing na "pre-historic" ang titulo ni Kiram na "Sultan", ang malinaw na katotohanan si PNoy na ang lider ng bansa na siguro naman ay dapat pakinggan ng sinuman lalo na kung ito'y "nakikiusap".
Kung babalikan din ang mga naunang pangyayari bago ang bakbakan sa Sabah, ang mga Kiram ang laging nagmamatigas at paulit-ulit sa kanilang banta na handang mamatay sa Sabah ang kanyang mga tauhan. Ganito rin umano ang ibinibigay na posisyon ng mga Kiram nang pumagitna at makipagdayalogo sa kanila si ARMM OIC-Gov. Mujiv Hataman.
***
Napag-usapan ang isyu, nais ng mga Kiram na kausapin muna sila ng Pangulo (PNoy) bago nila aatasan ang kanilang mga tauhan na bumalik ng Pilipinas. Hindi naman siguro kulang sa bitamina sa pag-iisip si PNoy na bibigay sa kagustuhan ng mga Kiram. Aba'y parang sila na ang magdidikta kung ano ang dapat na maging posisyon ng pamahalaan sa isyu ng Sabah.
Kung tutuusin, ang mga Kiram lang naman ang dapat sisihin kung dumanak sa Sabah ang dugo ng ating mga kababayan, at malagay sa alanganin ang kaligtasan ng halos 800,000 kababayan natin na nandoon.
Una, sino ba ang nagpapunta sa Sabah ng mga tinatawag na Royal Army? Hindi ba ang mga Kiram.
Ikalawa: sino ang nagmatigas na handang mamatay sa Sabah? Hindi ba ang mga Kiram?
At sa kabila ng mga pakiusap ng pamahalaan na umuwi na sila sa Pilipinas, sa pangunguna ni PNoy, sino ba ang hindi nakinig sa pakiusap? Hindi ba ang mga Kiram?
At ngayong patuloy ang pagtugis ng tropa ng Malaysia sa mga tagasunod ni Kiram sa Sabah, marami ang mga matatalinong nais sumawsaw, at pumupuna sa gobyerno kung bakit hindi raw sinasaklolohan ng pamahalaan ang mga kababayan natin na nakikipaglaban, pati mga walang "career" sa ilang industriyang umaastang "suka" kung sumawsaw.
Dapat nating unawain na kahit hindi isinusuko ng pamahalaan ang karapatan ng Pilipinas sa Sabah, pero technically, sa hinaba-haba ng panahon ay itinuturing na teritoryo o nasa ilalim pa rin ito ng pamamahala ng Malaysia hanggang ngayon.  
Kung magpapadala ng tropa ng sundalo si PNoy sa Sabah, magmimistula itong pananakop sa mata ng mundo. At hindi katulad ng nais mangyari marahil ng iba, hindi ipapasubo ni PNoy ang Pilipinas at ang mga Pilipino sa isang digmaan dahil lamang sa personal na interes ng isang pamilya kahit pa ipinapangalandakan nila na para sa bansa ang ginagawa nilang pag-angkin sa Sabah.
Ang ikinakadismaya ni Mang Kanor: Para bang nakalimutan na natin ang usapin tungkol sa "renta" ng Malaysia na nais ng mga Kiram na maitaas ang singil.
Ngunit maliban doon sa mga nagmamagaling, may iba pang sumasawsaw sa usapin ng Sabah na may ibang motibo. Motibo marahil para madiskaril ang peace talks ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front.
Isa pang duda ni Mang Kanor: Pwede ring panggulo lang para mawala ang atensyon ni PNoy sa pagtutok sa ekonomiya at pamamahala sa bansa o kaya naman ay may tao o grupong may mas malaking plano na binabalak? Abangan 'ika nga ang susunod na kabanata!

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, March 6, 2013

Bakit ngayon lang?




Bakit ngayon lang?
REY MARFIL



Lingid marahil sa kaalaman ng marami, malaki ang papel na ginagampanan ng Malaysia sa nagaganap na usapang pangkapayapaan ng pamahalaan ng Pilipinas at Moro Islamic Liberation Front o MILF.
Ang katuparan ng negosasyong ito ay inaasahang makatutulong nang malaki, kundi man lubos na magdudulot ng katahimikan sa Mindanao.
Pero dahil nasa Pilipinas tayo, natural na mayroong hindi sasang-ayon sa ganitong hangarin. Mayroong mga ilan na maisasangtabi na hindi masisiyahan at gagawa malamang ng paraan upang idiskaril ang biyahe ng kapayapaan sa tinatahak nitong tuwid na daan.
Kaya naman mayroong ilang politikal na tagamasid ang hindi maiwasang magduda sa tiyempo ng pagpunta sa Sabah, Malaysia ng mga sinasabing tagasunod ng Sultan ng Sulu na umaangkin sa teritoryo. "Bakit ngayon lang?"
Dekada na ang inabot ng paghahabol ng Sultan ng Sulu sa Sabah, ilang administrasyon na ang dumaan, pero bakit nga ba ngayon lang nila naisipan na magtungo doon sa maramihang bilang at armado pa ang iba? Tila talagang nais nilang makuha ang atensiyon ng Malaysia at Pilipinas, taliwas sa kanilang paliwanag na nais nilang manirahan doon nang tahimik.
Nangyari ang pagpunta sa Sabah ng tropa ng Sultan halos ilang araw lang ang nakalilipas matapos namang pangalanan ng MalacaƱang ang mga taong uupo sa Bangsamoro Transition Panel ang lupon na bubuo ng mahalagang mga detalye sa itatatag na transition government na mamamahala sa mga teritoryo sa Mindanao na mapapaloob sa usapang pangkapayapaan ng pamahalaan at MILF.
Nais ni Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino na matapos ang kasunduan sa MILF bago matapos ang kanyang termino sa 2016 o tatlong taon na lamang mula ngayon. Ang mabubuong transition government ang papalit sa kasalukuyang liderato ng Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM.
Ang mga lalawigan at lungsod na nakapaloob sa autonomous region ang mapapasailalim sa transition government na tinatalakay ngayon ng pamahalaan at MILF iyan ay sa tulong ng Malaysia.
Pero bago natin makalimutan, sa unang mga araw ng standoff sa Sabah, naglabas ng hinanakit ang Sultan ng Sulu na hindi sila kasama sa kinonsulta sa binubuong transition panel. Bagay na pinabulaanan naman ng kinatawan ng pamahalaan na namamahala sa usapang pangkapayapaan.
***
Napag-usapan ang "timing", ang Sulu ay kabilang sa mga lalawigan na nakapaloob sa ARMM, na mapapasama sa mabubuong liderato sa ilalim ng binubuong transition government. Sayang!
Kung mabibigyan lang sana ng pagkakataon ang pamahalaan at MILF sa binubuong transition panel, maaari sanang matalakay dito ang paghahabol ng Sultan sa Sabah.
Kapag nagkaroon na ng identity ang transition government bilang kapalit ng ARMM, maaaring sila na ang manguna at mamahala para sa panig ng pamahalaan at ng Sultan upang ipaglaban na maibalik sa Pilipinas ang Sabah at maisama sa teritoryo ng transition government.
Malinaw naman ang deklarasyon ng pamahalaang Aquino na hindi isinusuko ng pamahalaan ang pag-angkin sa Sabah, bagay na hindi yata nauunawaan ng mga taong sadyang ayaw umunawa at nagpapakagat sa ilang "anay" na sumisira sa imahe ng bansa.
Ngunit sa kasalukuyang kaguluhan sa Sabah, sa palagay kaya natin ay basta na lamang magiging malambot ang Malaysia sa paghawak sa Sabah? Papaano kung mainis din ang Malaysia at bumitiw na rin bilang tagapamagitan sa pamahalaan at MILF? Hahayaan na lang ba nating madiskaril ang biyahe ng kapayapaan?
Malaki ang epektong idinulot ng Sabah standoff, hindi lang sa usaping pangkapayapaan, kundi maging sa kapakanan ng iba pang mga Pilipino na naninirahan at nagtatrabaho doon na maaaring maging target ngayon ng crackdown.
Bukod pa sa lamat na maaaring idulot nito sa relasyon ng Pilipinas at Malaysia. Lahat 'yan ay dahil sa sinasabing pagmamalasakit ng ilan na mabawi ang Sabah, pero iyon nga kaya ang kanilang dahilan?

Laging tandaan: "Bata mo 'ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, March 4, 2013

Nagsulputang anay!



Nagsulputang anay!
REY MARFIL



Umabot na sa tatlong linggo ang standoff sa Sabah, Malaysia kung saan nananatili sa isang barangay ang may 200 Pilipino na tagasunod umano ng Sultan ng Sulu na umaangkin sa Sabah. At nakaraang Biyernes (March 1), humantong sa madugong bakbakan dahil sa katigasan.
Sa kabila ng pagkamatay ng ilang tauhan, patuloy na nagmamatigas si Sultan Jamalul Kiram na hindi aalis sa Sabah ang kanyang kapatid, ang mga kapanalig nito kahit paulit-ulit pang nakiusap at nagmanikluhod si Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino. At dinedma rin ang banta ng Malaysian government.
Ang ilang ulit na pagpapaliban sa planong pagdakip ng mga awtoridad ng Malaysia sa mga Pinoy na nagkukuta sa Datu Lahad village, ito'y bunga na rin ng pakiusap ng pamahalaang Pi­lipinas. Iyan ay para mabigyan ng pagkakataon at patuloy na maisagawa ang dayalogo ng gobyerno ng Pilipinas sa pamilya ni Kiram na bumalik na sila sa Pilipinas.
Ang paghikayat ng pamahalaan na lisanin ng tropa ni Kiram ang Sabah ay hindi dapat na ituring na pagsuko o kawalan ng interes ng gobyernong Aquino na ituloy ang pag-angkin sa Sabah.
Sa halip, ang iniiwasan ng pamahalaan ay mauwi sa madugong komprontasyon ang sitwasyon. At nangyari ang kinakatakutan ni PNoy na pilit namang isinisisi sa gobyerno ang madu­gong engkwentro, katulad ng gustong palabasin ng mga "anay" na nagsulsol!
Makalipas ang ilang administrasyon, muling lumutang ang mga "anay" at ngayo'y nag-iingay para painitin ang Sabah issue isang pamamaraan upang hilahin pababa ang gumagandang imahe ng Pilipinas.
'Ika nga sa mga talumpati ni PNoy iyan ang "Pilipinong alimango", hindi makakalabas at makakatakas sa timba dahil naghihilahan!
Ang deklarasyon ng mga Kiram na hindi sila aalis sa Sabah at handa silang mamatay kung walang makikipag-usap sa kanila tungkol sa kanilang paghahabol sa Sabah sa panig ng pamahaan ng Pilipinas at Malaysia, ay maituturing na pangho-hostage.
'Ika nga ni Mang Kanor, mistulang pananakot ito na dadanak ang dugo kung hindi sila kakausapin bagay na hindi naman siyempre papayag ang gobyerno ng dalawang bansa. Kung nais ng mga Kiram na makuha ang suporta ng Pilipinas at muling mapag-usapan ang kanilang pag-angkin sa Sabah, kailangang sundin nila ang utos ng pinuno ng Pilipinas -- si PNoy.
***
Napag-usapan ang pag-aangkin sa Sabah, kailangan din kasi munang malaman kung sino ba talaga sa mga Kiram ang dapat kilalanin na may karapatan at awtoridad na kumatawan sa pag­hahabol sa Sabah.
Mahirap na nga naman na baka habang kinakausap ng gobyerno ang isang panig ay mayroon na namang magrereklamo na sila ang dapat kinakausap.
Kung tutuusin, nakamit na ng mga Kiram ang kanilang pakay na muling mabuhay ang usapin ng Sabah; at hindi lang ang Pi­lipinas at Malaysia ang nakapansin nito, kundi ang buong mundo. Kaya ano pa ang dahilan para manatili sila sa Sabah at isu­gal ang buhay ng kanilang mga tagasuporta?
Matapos man ang madugo o mapayapang paraan ng standoff na ito sa Sabah, tiyak na magkakaroon ito ng masamang epekto sa libu-libong Pilipino na naninirahan at nagtatrabaho na sa Sabah. At ngayo'y nagsimula nang maghigpit ang Malaysia sa pagpunta doon ng mga Pinoy sa pangambang maulit ang insidente.
Pero ang pagbuhay nga ba sa pag-angkin ng Sabah ang pa­ngunahing dahilan ng pagtungo doon ng mga tagasuporta ng Sultan? Ang duda ni Mang Gusting, hindi kaya may iba pa silang intensyon na nais nilang iparamdam kay PNoy?
Hirit naman ni Mang Kanor: Hindi kaya konektado ito sa isinusulong na usapang pangkapayapaan ng pamahalaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF), as in ayaw nitong magtagumpay ang pamahalaan dahil marami ang mawawalan ng raket sa Mindanao?
Sa mga naunang ulat na lumabas, isa sa mga lumutang na hinanakit ng Sultan ay hindi umano sila naisama sa konsultasyon sa binubuong Framework Agreement ng pamahalaan at MILF.
Bagay na itinanggi naman ng mga may kinalaman sa negosasyon. Sinasabing kamag-anak din ng Sultan si Nur Misuari na dating pinuno ng Moro National Liberation Front (MNLF), na nagpahayag din ng pagtutol sa binubuong kasunduan sa MILF.
Kaya naman hindi maiwasan na may mga magduda na baka may nais lang manabotahe sa usapang pangkapayapaan sa MILF lalo pa't umuusad na ito para mabuo ang Framework Agreement.  
Bagaman itinanggi naman ni Sultan Kiram na sinasabotahe nila ang MILF-gov't peace talks, mas makabubuting himukin na nito ang kapatid at mga tagasunod na sundin ang pakiusap ni PNoy na bumalik na sa Mindanao.

Laging tandaan: "Bata mo ko at ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, March 1, 2013

Damay ang PNP!



Damay ang PNP!
REY MARFIL


Nakikinabang na rin maging ang dating masamang imahe ng Philippine National Police (PNP) sa matuwid na daang kampanya ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino matapos bumuti ang reputasyon nito ngayon.
Sa tulong na rin ng pamumuno ni Pangulong Aquino, tinatamasa ngayon ng PNP ang pinakamataas na marka sa usapin ng performance, alinsunod sa mga resulta ng isang pambansang survey.
Sa isinagawang pananaliksik ng Social Weather Station (SWS) noong nakaraang Christmas holidays, lu­mabas na anim sa 10 Pilipino ang kuntento sa trabaho ng PNP na nakakuha ng pinakamataas na 50% net satisfaction rating sa kasaysayan.
Maganda rin ang diskarte ni PNP chief Director General Alan Purisima na nagtagubilin sa kapulisan sa buong bansa na huwag paapekto sa isyu ng nakalipas na shooting incidents at nakawan lalung-lalo na ang Atimonan 13 at sa halip, tutukan na lamang ang kanilang mandato na magsilbi at protektahan ang publiko.
Siguradong nag-ugat ang magandang tiwala at suporta ng publiko sa PNP sa kahanga-hangang liderato ni Pangulong Aquino.
Asahan na natin ang maganda pang resulta sa trabaho ng ating kapulisan sa hinaharap dahil magsisilbi ang magandang balitang ito bilang inspirasyon, lakas at dahilan para lalo nilang gawin ang kanilang trabaho na imintina ang kaayusan, kapayapaan at katiwasayan sa buong bansa.
***
Napag-uusapan ang kapulisan, ginagawa ng admi­nistrasyong Aquino ang lahat ng makakaya nito para mapagkalooban ang mga saksi ng proteksyon sa gitna ng pagkamatay ng isang pangunahing testigo sa pamamaslang sa Palawan environmentalist at mamamahayag na si Gerry Ortega.
Nananatili ang paninindigan ng pamahalaan na bigyan ng proteksyon ang mga saksi para maresolba ang mga krimeng nangyayari sa bansa katulad ng kaso ni Ortega.
Kailangan lamang mailapit ang pangangailangan sa proteksyon ng mga testigo sa kalihim ng Department of Justice (DOJ) upang maiparating ang mensahe.
Nakapanlulumong balita talaga ang pagkamatay ni Dennis Aranas, sinasabing nagsilbing lookout sa pagpatay kay Ortega, na nakitang walang buhay ng kanyang mga kasamahang bilanggo sa loob ng Quezon provincial jail sa Lucena City.
Ngunit, ginagawa naman ng pamahalaan ang lahat ng makakaya nito upang pawiin ang pangamba ng mga tagasuporta ng pamilya Ortega sa pagkamatay ng pangunahing saksi.
Sa pahayag ng mga opsiyal ng bilangguan sa Lucena City, nagpakamatay umano si Aranas matapos hindi kayanin ang bigat ng pagiging isang bilanggo.
Bahagi ng ginagawang pagtulong ng pamahalaan ang pag-atas sa kapulisan na magkaroon ng isang malaliman at walang kinikilingang imbestigasyon upang alamin kung mayroong foul play na naganap.
Lumitaw sa imbestigasyon noon ng kapulisan na bahagi si Aranas ng tatlong kataong nasa likod ng pamamaslang kay Ortega noong Enero 24, 2010.
Pinaghahanap naman ng batas ngayon si dating Palawan Gov. Joel Reyes dahil umano sa pagkakasangkot nito sa naganap na pamamaslang kay Ortega.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)