Wednesday, February 27, 2013

Nakakabilib




                                          Nakakabilib
                                                                   REY MARFIL


Inaasahan ang nakakabilib na 6.6% na paglago ng gross domestic product (GDP) o ekonomiya ng bansa noong 2012 na kinatampukan ng 6.8% pagtaas ng GDP mula sa tinayang 6.4% sa huling tatlong buwan ng nakalipas na taon dahil sa malinis at matuwid na pamamahala at matalinong paggugol ng pampublikong pondo ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino.
Kahanga-hanga ang naging pahayag ni National Statistical Coordination Board secretary-general Jose Albert na mabilis na lumago ang ekonomiya ng Pilipinas noong 2012 na lalong nagpatibay sa estado natin bilang isa sa may pinakamahusay na ekonomiya sa buong Asya.
Mataas na mataas rin ang nasabing mga datos kumpara sa opisyal na target na 5% hanggang 6% paglago ng GDP noong 2012 at 3.9% na pagtaas sa ekonomiya ng bansa noong 2011.
Nag-ugat ang magandang takbo ng ekonomiya sa ma­lakas na mga sektor ng serbisyo, negosyo, real estate, mataas na remittances ng tinatayang 10 milyong overseas Filipino workers at manufacturing.
Itinulak paitaas ng aktibong partisipasyon ng pribadong sektor at publiko ang ekonomiya ng bansa.
Siyempre, dahil ito sa patuloy na tumataas na tiwala ng sektor ng negosyo sa matuwid na daang kampanya ni PNoy na nakakatulong ng malaki sa buhay ng maraming Pilipino.
Asahan nating magpapatuloy ngayong taon ang inspiradong administrasyong Aquino. Determinado si PNoy na masustina ang lalong paglago ng ekonomiya ng bansa at makamit pa ang mas malaking progreso na narating noong nakalipas na taon, as in diretsong makikinabang ang bawat Pilipino sa mga benepisyong dulot ng magandang pamamahala ni PNoy na magbubunga ng positibong bagay sa ekonomiya ng bansa.
***
Napag-uusapan ang "good news" nakakatuwang mari­nig ang masidhing determinasyon ni PNoy na iwanan ang pamahalaan sa 2016 na mayroong makatotohanang reporma sa burukrasya na malayung-malayo sa hindi pinagkakatiwalaang sistema nang manungkulan siya sa kapangyarihan noong 2010.
Bagama't hindi ipinangako ni PNoy ang 100% pagkatigil ng katiwalian sa bansa dahil lubhang maliit ang kanyang anim na taong panunungkulan, asahan na nating magtatagumpay siya ng malaking-malaki sa kampanya laban sa katiwalian.
Nais ng Pangulo na gawin ang pinakamagaling na paraan na kanyang magagawa sa pagsugpo ng katiwalian sa kanyang pagbaba sa 2016 para matiyak na napakaganda ng posisyon ng bansa kumpara noong 2010.
Dapat magsilbing magandang puhunan ang pagsusumikap ni PNoy sa mga naghahangad na maging mga lider ng bansa sa hinaharap para lalong bumuti ang Pilipinas.
Sa kanyang talumpati nitong nakalipas na Martes sa 5th Global Organization of Parliamentarians Against Corruption (GOPAC), ipinakita ng Punong Ehekutibo ang mali­nis na pamamahala na pangunahing sandata sa pagsugpo ng katiwalian kaya naman patuloy na sumisikad at hinahangaan sa buong mundo ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas.
Estratehiko ang atake ni PNoy sa katiwalian at laging pangmatagalan ang diskarte para sa kapakinabangan ng maraming Pilipino.
Isa sa pangunahing tagumpay ng kontra-katiwalian na kampanya ni PNoy ang pagpapatalsik ng Senado kay da­ting Chief Justice Renato Corona dahil sa alegasyon ng katiwalian.
Kabilang rin sa magandang nagawa ng pamahalaan ang pagtatalaga ng bagong Ombudsman at pagkakahirang sa mga indibidwal na mayroong kahanga-hangang reputasyon sa pangunahing mga posisyon sa gobyerno.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, February 25, 2013

'Di dapat titigil!


'Di dapat titigil!
REY MARFIL





Mukhang hindi tama ang puna ng ilang militanteng grupo na paimbestigahan sa Commission on Elections (Comelec) ang ginagawang pamamahagi ng tulong ng pamahalaan sa mga mamamayan at pagsasagawa ng mga proyekto ngayon kahit pa panahon ng kampanya.
Isa sa mga pinupuna ay ang ginagawang pamamahagi ng pamahalaan ng mga PhilHealth cards sa iba't ibang lugar sa bansa, katulad ng ginawa ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino sa Sultan Kudarat nang ilunsad ang Sajahatra Bangsamoro Program.
Ang naturang programa ay nakasentro sa mga kapatid nating Muslim, lalo na doon sa teritoryo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) kung saan may isinusulong na usapang pangkapayapaan ang pamahalaan.
Reklamo ng militanteng grupo, tila agrabyado raw ang ibang kandidato sa halalan sa ginagawang pamamahagi ng programa ng pamahalaan. Naiisip nilang isang paraan ng pamimili ng boto ng pamahalaan ang mga programa kapalit ng pagboto sa mga kandidato ng administrasyon.
Bakit daw itinuon ngayong panahon ng eleksyon ang pamamahagi ng programa at pagpapatupad ng mga proyekto tulad ng pang-imprastruktura na nagdudulot ng trabaho sa iba nating kababayan?
Pero hindi kaya naisip ng grupo na wala namang dapat pinipiling panahon ang pagdating ng mga problema na kailangang hanapan ng solusyon. Hindi naman porke't may eleksyon ay bawal nang magkasakit; hindi dapat na dahil boboto tayo ng kandidato ay hindi na tayo kakain.
At hindi rin naman puwede na tumigil tayo sa pagbiyahe dahil may kampanya: Ibig sabihin, hindi dapat tumigil ang ikot ng ating buhay dahil may halalan.
Kung tutuusin, isa sa mga hinanakit ng mga kapatid nating Muslim ay ang paniwala na napapabayaan sila ng pamahalaan gaya ng kawalan ng mga ibinibigay sa kanilang serbisyo. Kailangan bang ipagpaliban ang paglulunsad ng Sajahatra Bangsamoro Program dahil lang panahon ng kampanya?
Dapat bang hindi na natin ayusin ang mga sirang kalsada at hayaan na nakatiwangwang ang mga lubak-lubak na kalsada dahil may gaganaping eleksyon? Ngayon ang tamang panahon na magkumpuni ng mga kalsada habang mainit ang panahon at wala pang ulan.
***
At hindi rin dapat ihalintulad ang ginagawang pamamahagi ng PhilHealth cards ni PNoy sa pamamahagi din ng PhilHealth cards na ginawa noon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Dapat isi­pin na hindi kandidato ngayon si PNoy kumpara noong panahon ni Mrs. Arroyo.
Bukod dito, wala ring mukha ni PNoy na naka­agay sa mga card at hindi siya nangangampanya na iboto ang mga kandidatong senador ng administrasyon kapag ipinapatupad ang mga programa. Hindi naman desperado ang Pangulo na gumawa ng mga alanganing hakbang para itulak ang kanyang mga manok sa eleksyon.
Dapat ding isipin na kaakibat ng mga programa at proyektong isinasagawa ng pamahalaan, gaya ng mga pang-imprastruktura ay nakalilikha ng mga trabaho na kailangan para sa ikabubuhay ng ilan nating kababayan.
Tiyak na mas marami ang magagalit sa pamahalaan kung titigil ito sa pagkilos at hahayaan ang mga lubak-lubak na kalsada dahil lang sa pag-iwas na maakusahang namumulitika ng ilang grupo.
Matatalino na ang mga botante ngayon. Alam nila kung sino sa mga kandidato ang kailangan ng bayan na dapat nilang iboto.
Sa halip na pag-isipan ng malisya ang mga ipatutupad na programa at proyekto ng pamahalaan kahit na ngayong panahon ng eleksyon, mas nararapat na bantayan ang mga kandidatong lalabag sa itinatakdang batas sa pangangampanya. At hindi si PNoy ang dapat bantayan dahil hindi naman ito kandidato sa eleksyon.
Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, February 22, 2013

Mapayapang solusyon!



Mapayapang solusyon!
REY MARFIL




Tama ang administrasyong Aquino sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa posisyon nitong dalhin na ang bangayan ng teritoryo sa China sa West Philippine Sea sa Arbitral Tribunal ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) para makamtan ang mapayapa at katanggap-tanggap na solusyon sa problema.
Kaya inaasahan na natin ang mabilis na pahayag ng pagsuporta nina Speaker Feliciano 'Sonny' Belmonte Jr. at maging si House Minority Leader and Quezon Rep. Danilo Suarez sa tamang hakbang na ito.
Maganda rin ang plano ng Kamara de Representantes na magpasa ng isang resolusyon na nagpapahayag ng todo-todong suporta sa desisyon ng pamahalaan.
Pinakamainam sa ngayon na suportahan ng lahat ng sektor ang plano ng pamahalaan na ipaglaban ang teritoryo ng bansa sa pamamagitan ng pagpapahayag ng nagkakaisa at malakas na tinig.
Pinakamabuti para sa lahat na dalhin na lamang ang usapin sa isang parehas na lupon para maresolba ang krisis - hindi sa pamamagitan ng pananakot o pambu-bully.
Bukod sa kaso, dapat tanggapin rin natin ang lahat ng ayuda sa iba pang bansa na mayroong interes sa teritoryong pinag-aagawan para barahin ang China lalo pa't limitado ang kakayahan ng ating bansa.
***
Hindi lang 'yan, maganda rin ang determinasyon ng administrasyong Aquino na isulong ang paghahabol sa perwisyong nilikha ng sumadsad na USS Guardian, isang 68-meter long minesweeper, sa Tubbataha Reef.
Sa katunayan, todo-todo ang pagsusumikap ng DFA sa paghahabol ng bansa sa pamamagitan ng dayalogo sa mga opisyal ng US sakaling maialis na ang US Navy ship sa Tubbataha Reef.
Talagang pinahahalagahan ng husto ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino ang Tubbataha Reef bilang pambansang kayamanan at natatanging lugar sa buong mundo.
Magugunitang itinalaga ang Tubbataha Reef ng UNESCO bilang World Heritage Site noong 1992 lalo't naging tahanan ito ng mahahalagang lamang-dagat na nanganganib maubos.
Binubuhay ng reefs ang maraming species ng koral, cetaceans, pating at iba't ibang mga isda o yamang-dagat.
Katanggap-tanggap naman sa ngayon na tutukan muna ang pag-aalis sa barkong sumadsad ng mayroong kakaunting pinsala sa reefs bago talakayin ng husto ang kompensasyon.
Ang paniniyak sa mas maliit na perwisyo at pinsalang maidudulot sa pag-aalis ng barko ang dapat na maging pangunahing konsiderasyon sa ngayon.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo". (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, February 20, 2013

Kasambahay!



Kasambahay!
REY MARFIL

Makatwirang batiin si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa paglagda nito noong nakalipas na Enero 18 sa Republic Act (RA) No. 1036, o An Act Instituting Policies for the Protection and Welfare of Domestic Workers.
Sa ilalim ng batas ng Kasambahay, itatakda ang minimum wage sa dalawang milyong domestic workers kung saan kasama sa isinusulong dito ang promosyon at pa­ngangalaga sa interes, kagalingan at proteksyon ng kanilang karapatan.
Dahil sa paglagda ni Pangulong Aquino, tatanggap na ang isang kasambahay ng pinakamababang P2,500 buwanang suweldo sa National Capital Region (NCR); P2,000 buwanang kita sa chartered cities at first class municipalities; at P1,500 bawat buwan sa iba pang mga munisipalidad.
Rerebyuhin naman ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards ang estado ng kanilang mga suweldo isang taon matapos ang implementasyon ng batas.
Kasama rin sa benepisyo ng mga kasambahay ang pagkakaroon ng Social Security System, PhilHealth at Pag-IBIG Fund.
Bibigyan rin ang mga kasambahay ng pinakamababang walong oras na pahinga sa loob ng isang araw at isang araw na day off sa loob ng isang linggo.
Naunang isinumite sa Kongreso ang katulad na panukala 15 taon na ang nakakalipas at noong nakalipas lamang na Disyembre ng kasalukuyang 15th Congress sa ilalim ni PNoy naging ganap itong batas.
Malinaw ang labis at malalim na sinserong konsiderasyon ni PNoy sa pagsusulong ng kagalingan at interes ng mga kasambahay.
At tama rin si PNoy sa pahayag nitong hindi titigilan ang kampanya laban sa katiwalian at ipagpapatuloy ang pagkalampag sa mga ahensya ng pamahalaan na hinihinalang tiwali.
Kitang-kita na hindi kumukupas ang sinseridad ng Pa­ngulo na resolbahin ang problema sa katiwaliaan na isa sa mga ugat ng kahirapan ng mga tao sa pamamagitan ng paghahanda ng mga sistema para matigil ito.
Halimbawa dito ang papuring inaani sa bumubuting serbisyo ng Land Transportation Office (LTO) na pugad ng fixers noon. Kinikilala maging ng internasyunal na mga grupo ang pinaigting na kampanya ni PNoy laban sa katiwalian, kabilang ang Transparency International na naglagay sa Pilipinas sa mas magandang estado sa usapin ng nawawalang katiwalian.
Asahan na nating mas bubuti pa ang kalagayan ng bansa sa patuloy na pagsusumikap ng Pangulo na ganap na matigil ang katiwalian sa hinaharap.
***
Napag-uusapan ang good news, asahan natin ang patuloy na progreso at paglikha ng karagdagang mga trabaho matapos aprubahan ni PNoy sa pamamagitan ng National Economic and Development Authority Board kung saan tumatayo siyang chairman ang pagsusulong ng ilang pangunahing proyektong pang-imprastraktura at kontra sa kahirapan na mga programa.
Kabilang sa mga proyektong ito ang Cavite-Laguna Expressway (CALAX Project), P35.57 bilyon; NLEX-SLEX Connector Road Project, P25.55 bilyon; at Adapting to Climate Change sa pamamagitan ng Construction of Water Impounding Facilities in the Philippines: Pasa Small Reservoir Irrigation Project (Pasa SRIP).
Popondohan ang mga proyekto ng official development assistance (ODA) na nagkakahalaga ng P935.6 milyon at lokal na pamahalaan na umaabot sa P93.41 milyon para sa kabuuang P1.029 bilyon.
Inaprubahan rin ang pagpapatupad ng mga sumusunod na programa na kinabibilangan ng Proposed Change in Scope of Second Cordillera Highland Agricultural Resources Management Project (CHARMP II) na nagkakahalaga ng P2.94 bilyon at Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive Integrated Delivery of Social Service (KALAHI-CIDSS) National Community Driven Development Project na aabot sa P81.9 bilyon.
Bahagi ito ng matuwid na daan ni PNoy para matulungan sa kahirapan ang maraming mga Pilipino.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, February 18, 2013

Pamana kay ‘Minda’




Pamana kay ‘Minda’
REY MARFIL


Muling humakbang sa tuwid na daan patungo sa kapayapaan kamakailan ang pamahalaang Aquino at liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa pamamagitan ng paglulunsad ng Sajahatra Bangsamoro Program na ginanap sa Sultan Kudarat.
Mismong si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang namuno sa paglulunsad ng programa sa teritoryo ng MILF. Kapuri-puri ang ipinakitang pagtitiwala ni PNoy sa MILF na walang mangyayaring masama sa kanya kahit tumapak siya sa teritoryo ng itinuturing na mga rebelde.
Sa isang bahagi ng talumpati ni PNoy, binanggit niya na mayroong ilan na nagsabi sa kanya bago tumulak sa Mindanao kung dapat ba talaga siyang magtungo sa teritoryo ng MILF. Ang iba naman ay matindi ang bilin sa kanya na mag-ingat para sa kanyang kaligtasan. 
Kung tutuusin ay may katwiran ang pag-aalala ng ilan sa kaligtasan ni PNoy. Kahit ngayon naman ay may mga nagaganap na pag-atake ng mga armadong grupo sa tropa ng pamahalaan na nasa Mindanao. Bukod pa diyan ang ilang insidente ng pambobomba o pagsabog.
Ngunit dahil pursigido si PNoy na maisara ang usapang pangkapayapaan sa MILF, handa niyang isugal ang kanyang kaligtasan para maipakita niya sa mga rebelde na sinsero siyang makamit ang katahimikan sa Mindanao.
Kapalit naman ng pagtitiwala ni PNoy ay ang pagbibi­gay katiyakan naman ng MILF na kaya rin naman nilang protektahan ang Pangulo sa kanilang teritoryo. Isang makasaysayang eksena na nagsama-sama ang mga opisyal ng pamahalaan at MILF, ang mga tropa ng gobyerno at MILF, sa iisang mithiin ang kapayapaan.
***
Sa pamamagitan ng programang Sajahatra Bangsamoro, mapagkakalooban na ng benepisyong pangkalusugan (gaya ng PhilHealth), pangkabuhayan (cash for work) at iba pa ang mga mamamayan sa lugar, at maging ang mga pamilya ng mga mandirigma ng MILF. Mangyayari ito kahit wala pang opisyal na nilalagdaang kasunduang pangkapayapaan ang magkabilang panig.
Sa kasalukuyan, nirerepaso pa rin kasi ang Framework Agreement na lilikha sa organisasyon na papalit sa kasalukuyang Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM. Inaasahan na bago matapos ang termino ni PNoy sa 2016 ay matatapos na ang kasunduan at opisyal ding mai­dedeklara ang pagwawakas ng pakikidigma ng MILF.
Sabi nga mismo ni PNoy, malaki ang potensyal ng Mindanao kung magkakaroon lang ng ganap na kapayapaan. Napakaraming magagandang lugar dito (gaya ng mga beach) na tiyak na dadayuhin ng mga turista; maraming nakatiwangwang na lupa na puwedeng sakahin at pag-alagaan ng hayop; malawak ang karagatan na pagkukunan ng mga isda at yamang-dagat.
Kung ganap na ang kapayapaan sa Mindanao, higit na yayabong ang karunungan ng mga kabataan doon sa pamamagitan ng pagtatayo ng mas maraming paaralan at paglalagay ng mas maraming guro.
Kaya naman sa halip na armas, tiyak daw na iba na ang ipamamana ng mga nakatatanda sa Mindanao sa kanilang mga anak.
Ngunit gaya na rin ng sinabi ni PNoy, asahan na mayroong madilim na puwersa na hahadlang sa minimithing kapayapaan ng pamahalaan at MILF. Kaya mahalagang magpatuloy ang pag-iipon ng positibong pagtitiwala ng magkabilang panig upang maipluwensyahan ng mga negatibo.
Dapat kapit-kamay ang pamahalaang Aquino at MILF sa pagtahak sa tuwid na daan tungkol sa kapayapaan at walang iwanan.
Ayon na rin mismo sa kuwento ni PNoy tungkol sa ma­rathon sa Boston, USA kung saan ang finish line ay nakapuwesto sa pataas na daan na tinawag na “Heartbreak Hill,” anumang hirap ng daan ay magiging madali at malalampasan kung patuloy na nagtutulungan ang mga magkakasama sa paglalakbay.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, February 15, 2013

Bakit ‘di magpa-endorso kay Gloria?




Bakit ‘di magpa-endorso kay Gloria?
REY MARFIL


Nagsimula na ang kampanya para sa mga kakandidatong senador sa darating na midterm elections sa Mayo. Mahalaga sa administrasyong Aquino ang kampanyang ito para sa nalalabing tatlong taon ng kanyang liderato.
Bagama’t marami nang nagawa ang pamahalaan para mapabuti ang bansa, marami pa ring programa na hindi naipatutupad at kakailanganin ng batas para ito maisagawa. Dito kakailanganin ang suporta ng mga mambabatas sa Senado at House of Representatives.
Kung hindi mga kaalyado ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang maluluklok sa dalawang kapulungan ng Kongreso, asahan na magiging mahirap na maaprubahan ang mga hihilingin niyang panukalang batas na aprubahan.
Dapat ding tandaan na pagkatapos ng halalan sa Mayo 2013, pampanguluhang halalan naman sa 2016 ang gaganapin. At kung may kanya-kanyang agenda ang mga se­nador na mananalo sa darating na halalan, magiging balakid din ito sa mga nakaprogramang nais ni PNoy na matapos bago siya bumaba sa puwesto sa 2016.
Ito marahil ang isa sa mga dahilan kung bakit ipinapaalala ni PNoy sa publiko ngayong kampanya ang kahalagahan na iboto ang mga pinili niyang kandidato sa pagka-senador.
Kung mananalo ang kanyang mga manok sa Senado, mahihiya ang mga ito na lumihis ng tamang daan at hindi suportahan ang kanyang agenda sa nalalabing tatlong taon ng kanyang termino.
***
Napag-uusapan ang kampanya, may katwiran din naman si PNoy na mangamba sa ibang kandidato na kilalang kaalyado ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo pero nagsasabi na ngayon na kaisa rin sila sa layunin ng kasalukuyang administrasyon kontra sa katiwalian at sumusuporta sa mga programang kontra kahirapan.
Ika nga ni Mang Kanor: Aba’y mahirap nga naman na magtiwala sakaling maluklok ang mga ito sa Senado dahil tiyak na haharangin nila ang mga panukalang batas na hihilingin ng Palasyo na pagtibayin.
Ibig sabihin, presidential campaign ang susunod na eleksyon sa bansa kaya natural lamang na “palihim” na gugustuhin ng mga tatakbong presidente at kanilang mga kaalyado na mabigo ang mga programa ni PNoy para bumagsak ang imahe nito at hindi manalo ang bibigyan niya ng basbas sa pagka-Pangulo.
Sa dami ng mga kasong kinakaharap ni Mrs. Arroyo na may kaugnayan sa katiwalian at pananabotahe sa nagdaang halalan, hindi malayong abutin ng susunod na administrasyon ang pagdinig sa mga kasong ito. Magiging malaking katanungan kung ano ang kahahantungan ng mga kaso kapag nanalo sa darating na halalan ang mga kaalyado niya; at kung pati ang Presidente na mahahalal sa 2016 ay kilalang malapit sa kanya.
Kung tutuusin, wala namang direktang pangalan na tinutukoy si PNoy kapag nagbibigay siya ng babala sa publiko tungkol sa mga taong nagpapanggap na kaisa niya sa kampanya kontra katiwalian. Kaya naman siguro masasabing batu-bato na lang sa langit ang magagalit at magpi-feeling guilty.
Kung naniniwala rin ang mga kandidato na kaalyado ni Mrs. Arroyo na wala itong kasalanan sa mga kasong ibinibintang ng kasalukuyang administrasyon; at kung sampalataya sila sa basbas ng dating pangulo, bakit hindi sila magpa-endorso rito at gamitin nila sa kanilang campaign ads?
Kapag hindi nila ito ginawa, magpapatunay ito na sila man ay naniniwalang “kiss of death” ang basbas ni Mrs. Arroyo at ‘yan ay bunga ng kinakaharap niyang mga kaso at mga alegasyon ng katiwalian na naganap sa ilalim ng kanyang liderato.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (www.mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, February 13, 2013

Bawas-tambay



Bawas-tambay
Rey Marfil



Ilang buwan na lang at magmamartsa na ang libu-libong estudyante sa kolehiyo na tanda ng kanilang pagtatapos. Ibig sabihin nito, madadagdagan na naman ang ating mga kababayan na maghahanap ng trabaho.

Ang mga papalarin na makahanap agad ng trabaho, mapapasama sa listahan ng mga “employed,” habang ang mga mabibigo naman ay madadagdag sa mga istambay o “unemployed.”

Pero maganda ang tiyansa ng mga kabataan nga­yon na maghahanap ng trabaho sa ilalim ng pamahalaang Aquino.
Batay kasi sa ulat ng isang pandaigdigang organisasyon, pababa o patuloy na nababawasan ang bilang ng mga walang trabaho sa Pilipinas sa nakalipas na tatlong taon.

Kung ang takbo ng “employment” rate sa mundo ay pababa o dumadami ang walang trabaho, hindi naman ito ang nangyayari sa Pilipinas, batay sa pagsusuri ng International Labor Organization (ILO).

Ayon sa ulat na ILO Global Employment Trends 2013, ang unemployment rate sa Pilipinas ay bumaba sa 6.9 percent sa ikalawang bahagi ng 2012, kumpara sa 7.2 percent sa kaparehong panahon noong 2011.

Lumitaw na nabawasan ang bilang ng mga lalaki na walang trabaho na naging 7.0 percent mula sa dating 7.6 percent. Habang hindi naman nagbago ang datos sa mga babaeng manggagawa sa 6.7 percent.

Maging ang unemployment rate sa mga kabataang manggagawa ay nabawasan din sa 16.0 percent, mula sa 16.6 percent noong 2011 at 18.8 percent noong 2010.

Ngunit kung tutuusin, tiyak na mas bababa pa ang datos ng mga walang trabaho sa Pilipinas kung malulutas ang problema sa tinatawag na “job mismatch” o hindi tugmang kasanayan ng mga manggagawa sa bakanteng trabaho.

Ang problemang ito ang hinahanapan ng solusyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) dahil maraming bakanteng trabaho ngunit hindi inaaplayan ng mga tao dahil hindi ito akma sa kurso na kanilang kinuha.

***

Napag-usapan ang isyu, marami sa mga kabataan ang kumukuha ng kurso na pang-opisina samantalang ang pangangailangan ngayon sa industriya ay para sa construction, electronics, tourism, business processing at outsourcing at agri-fisheries, ayon sa DOLE.

Magandang hakbang din ang gagawin ng pamahalaang Aquino sa pamamagitan ng DOLE na magsagawa ng mga job fair sa mga lalawigan upang makapag-aplay ng trabaho ang ating mga kababayan doon.

Marami nga naman sa ating mga kababayan ang walang sapat na pera o pamasahe para magtungo sa mga malalaking lunsod gaya sa Metro Manila para maghanap ng trabaho. Kaya magiging malaking ginhawa sa kanila kung sa kanilang mga lugar gagawin ang mga job fair.

Sana lang, ang mga bakanteng trabaho na iaalok ng DOLE ay nandoon din o malapit lang sa lugar ng mga aplikante para hindi na sila kailangang lumayo sa pamil­ya at hindi gumastos ng malaki sa pamasahe.

Kapag nagpatuloy ang ganitong pagsisikap ng pamahalaan na lumikha ng mga trabaho at dadalhin mismo sa mga tao, asahan na tuluy-tuloy din na bababa ang bilang ng mga I.S.B. o “istambay sa bahay.” Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”
(mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, February 11, 2013

Walang kupas!




Walang kupas!
Rey Marfil



Maging ang oposisyon sa Kamara de Representantes, ito’y sumama sa pagpuri sa administrasyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino kaugnay sa umangat na estado ng Pilipinas bilang isa sa mga bansa sa buong mundo na mayroong malayang ekonomiya base sa 2013 Index of Economic Freedom.

Hindi na nakakapagtaka kung bumilib si House Minority Leader at Quezon Rep. Danilo Suarez sa panibagong karangalang nakuha ng pamahalaan para maisulong at masustina ang progreso ng ekonomiya dahil sa sinserong mga ginagawa nito laban sa katiwalian na nakakatulong sa pagpapataas ng kumpiyansa ng mga mamumuhunan sa bansa.

Tunay na malaking tagumpay ang 10 puntos na pag-angat ng bansa at asahan nating hindi titigil si PNoy sa pagkuha ng mas malaki pang tagumpay sa hinaharap.

Naitala ng Pilipinas ang 58.2 puntos sa kabuuang 100 puntos na pinakamataas sa lahat ng mga bansa sa buong Timog-Silangang Asya.

Base ito sa 2013 Index of Economic Freedom na magkatuwang na inilabas ng Washington D.C.-based na The Heritage Foundation at The Wall Street Journal.

Pinuri nito ang serye ng mga reporma sa Lehislatura para mapabuti ang ekonomiya ng bansa at magkaroon ng mas malawak na bagong mga trabaho para sa mga Pilipino.

Nakita rin nito ang umasensong paggugol ng pamahalaan, paglaya sa katiwalian, kalayaan sa pananalapi at kalayaan sa pamumuhunan.

At tama si PNoy sa pahayag nitong hindi titigilan ang kampanya laban sa katiwalian at ipagpapatuloy ang pagkalampag sa mga ahensya ng pamahalaan na hinihinalang tiwali.

Kitang-kita na hindi kumukupas ang sinseridad ng Pa­ngulo na resolbahin ang problema sa katiwalian na isa sa mga ugat ng kahirapan ng mga tao sa pamamagitan ng paghahanda ng mga sistema para matigil ito.
Halimbawa dito ang papu­ring inaani sa bumubuting serbisyo ng Land Transportation Office (LTO) na pugad ng fixers noon.

Kinikilala maging ng internasyunal na mga grupo ang pi­naigting na kampanya ni PNoy laban sa katiwalian, kabilang ang Transparency International na naglagay sa Pilipinas sa mas magandang estado sa usapin ng nawawalang katiwalian.

Asahan na nating mas bubuti pa ang kalagayan ng bansa sa patuloy na pagsusumikap ng Pangulo na ganap na matigil ang katiwalian sa hinaharap.

***

Anyway, sarado na dapat ang isyu ng pag-uugnay kay Executive Sec. Paquito ‘Jojo’ Ochoa Jr., pinuno rin ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), sa madugong operasyon ng pulis at militar na nagresulta sa kamatayan ng 13-katao sa Atimonan, Quezon matapos nitong linawin na hindi inaprubahan ng pamahalaan ang code-named “Coplan Armado”.

Nagkakaroon ng panliligaw sa intrigang inaprubahan ng Malacañang ang nasabing madugong operasyon laban sa hinihinalang jueteng operator kung hindi titigilan ng mga intrigero ang walang basehang pag-uugnay.

Sa ilalim ni PNoy, hindi nito papayagang mangyari ang anumang iligal na operasyon o plano na posibleng makalabag ng batas at Konstitusyon.

Ipagpalagay man nating pinayagan man ang operasyon, imposible namang iutos ni Ochoa ang paggawa ng iligal na bagay laban sa batas lalo pa’t wala sa karakter ng opisyal ang gumawa ng kabulastugan.

Tanging si Victor “Vic” Siman, hinihinalang operator ng iligal na “jueteng”, ang target ng “Coplan Armado”.
Ang maganda dito, inatasan ni Ochoa ang kanyang mga tauhan sa PAOCC na isumite ang kanilang mga sarili sa awtoridad na nagsasagawa ng imbestigasyon. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.”
(mgakurimaw.blogspot.com)


Friday, February 8, 2013

‘Wag magpatalo!


‘Wag magpatalo!
Rey Marfil




Hindi lang ang ekonomiya ng bansa ang nagpakitang gilas noong nakaraang 2012, kundi maging ang ating turismo matapos malampasan nito ang bilang ng mga dayuhang bumisita sa Pilipinas na naitala noong 2011.

Sa datos ng Department of Tourism (DOT), tumaas ng siyam na porsiyento ang bilang ng mga dayuhan na nakaranas ng “fun in the Philippines” noong 2012 (4.272 million foreign visitors) kumpara noong 2011 (3.917 million).

Mula sa Korea ang pinakamaraming foreign visitors ng bansa na umabot sa 1.031 million, na kumakatawan sa 24.13% ng bilang ng lahat ng mga bumisita sa Pilipinas. Positibong balita ito dahil ngayon lang umano uma­bot sa isang milyon ang mga bisita mula sa iisang bansa.

Dumagsa rin sa Pilipinas para mamasyal ang mga Amerikano, Hapon, Tsino, Taiwanese, Malaysian at mga Australyano. Naitala rin ang pagtaas ng bilang ng mga Ruso na dumayo sa ating bansa kumpara noong 2011.

Sa naitalang tagumpay na ito ng DOT, dapat lang na bigyan ng pagkilala ang ginagawang pagsisikap ni Secretary Ramon Jimenez, na maituturing “silent worker” sa mga opisyal ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino. At hindi ipagtataka ni Mang Kanor kung malayong kamag-anak ni Fidel Jimenez ng GMA 7 ang kalihim, aba’y ‘di nagkakalayo sa husay at galing!

Batid ni PNoy na malaki ang potensyal ng bansa sa turismo kaya ganu’n na lamang ang suporta niya sa programa ng DOT na palakasin ang sektor na ito. Bakit nga naman hindi, bukod sa papasok ang dolyares sa bansa sa pamamagitan ng gastos ng mga dayuhan, magiging daan din ito sa paglikha ng maraming trabaho?

***

Napag-uusapan ang turismo, sa kaalaman ng publiko ang pagdating ng maraming turista ay mangangahulugan ng mas maraming hotel na kanilang tutuluyan, mas mara­ming pasyalan na kanilang pupuntahan, mas maraming restaurant na kanilang kakainan at mas maraming sasak­yan na gagamitin sa kanilang transportasyon.

At ang lahat ng ito’y mangangailangan ng tao, kaya ang resulta’y karagdagang trabaho, ewan lang kung “nababasa at naiintindihan” ng mga kritiko ni PNoy ang mga nangyayaring reporma at pagbabago, maliban kung sadyang nagmamaang-maangan para maganda ang soundbite ng mga ito?

Asahan na patuloy pang madadagdagan ang mga dayuhan na bibisita sa Pilipinas dahil sa patuloy na pagkilala na ginagawa ng mga dayuhan sa iba’t ibang pasyalan natin, tulad ng Boracay at Underground River sa Palawan.

Katunayan, kahit ang mga Tsino ay aminado na ang Pilipinas ang “Most Romantic Destination” batay sa isi­nagawang survey ng isang pahayagan doon. Habang ang Boracay ay naitalang panglima sa listahan ng “world’s most romantic islands”, batay naman sa mga mambabasa ng Travel and Leisure.

Pero hindi dapat iasa lamang ng mga Pilipino sa mga dayuhan ang pagpapasigla sa ating turismo, tayo mismo ay dapat manguna sa paglilibot sa magagandang lugar sa ating bansa.

Ngayong bakasyon, bago magplano ng “out of the country” trip, isipin muna kung anong lugar sa Pilipinas ang hindi mo pa napupuntahan at bigyang prayoridad ito sa gagawin mong paggastos sa pagliliwaliw.

Hindi masamang bumisita at tuklasin ang kultura at tanawin sa ibang bansa, gaya ng ginagawa ng mga dayuhan na pakay nila sa pagpunta sa Pilipinas.

Pero ang nakakahiya ay kung ang mga dayuhan pa ang unang nakakapansin sa mga magagandang tanawin sa Pilipinas at ikaw ay walang nalalaman at napupuntahang lugar sa sarili mong bayan. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.”
(mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, February 6, 2013

Ipaglaban ang dapat!



Ipaglaban ang dapat!
REY MARFIL



Dapat suportahan nating mga Pilipino ang ginawang hakbang ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na idulog na sa United Nations (UN) ang problema sa ginagawang pambabarako at pag-angkin ng China sa teritoryo ng ating bansa sa West Philippine Sea.
Sa paliwanag na rin mismo ni PNoy sa mga mamamahayag nang dumalo siya sa World Economic Forum sa Switzerland, isinangguni niya sa mga mambabatas, kasapi ng hudikatura at mga dating pangulo ang planong pagdulog sa UN tungkol sa ginagawa sa atin ng China.
Nagkakaisa naman ang mga lider ng ating bansa, maging ang kinatawan ng oposisyon sa Kongreso na dalhin na sa UN ang usapin ng West Philippine Sea upang malaman na sa mapayapang paraan kung sino ang may karapatan sa pinag-aagawang bahagi ng karagatan na pinaniniwalaang mayaman sa mineral.
Paliwanag pa ng Pangulo, may ilang insidenteng naganap sa WPS na tinatawag din nating Bajo de Masinloc na hindi naman talaga dapat palampasin. Isa na rito ay ang ginawang pagtaboy ng mga Chinese sa ating mga kababayang mangingisda na sumilong sa loob ng Bajo de Masinloc bunga ng masungit na panahon at malalakas na alon.
At kahit pa malinaw na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas ang Bajo de Masinloc dahil pasok ito sa ating exclusive economic zone, pinalayas sa Bajo de Masinloc ang ating mga kababayang mangingisda at itinaboy sa malakas na alon sa kabila ng panganib.
***
Napag-uusapan ang pagtataboy, tinitiyak ni Mang Kanor na kung Chinese ang pumasok sa loob ng Bajo de Masinloc para sumilong at mga Pinoy ang nagbabantay dito, tiyak na hahayaan lamang natin sila sa loob habang masama ang panahon. Gagawin natin ito dahil marunong tayong magpahalaga sa buhay ng mga tao - dayuhan man o hindi.
Kaya kahit mayroong negosyante na nangangamba na baka ang pag-akyat sa UN sa usapin ay maglagay sa alanganin ang gagawing pagmimina sa pinag-aagawang bahagi ng West Philippine Sea, dapat pa ring unahin na ipaglaban ang ating karapatan sa lugar.
Ang pangamba ni Mang Kanor, gaya nga ng sinabi ni PNoy, baka pagkatapos ng Bajo de Masinloc ay ibang bahagi naman ng teritoryo ng Pilipinas sa WPS ang angkinin ng China at tuluyan na nilang kunin ang lahat ng ating teritoryo.
Nakakalungkot lang isipin na mayroon tayong mga kababayang negosyante, na higit na tinitimbang ang interes ng kanilang negosyo kaysa sa karapatan ng kanyang bansa.
Ang himutok naman ni Mang Gusting, matagal nang nanahimik at sumunod sa “trip” ng China ang mga Pinoy sa usapin ng WPS. Sa lahat aniya ng ginawang pambabarako sa Pilipinas tulad ng paglapastangan ng mga kababayan nila sa mga yamang-dagat na nasa ating teritoryo; pagpapalayas sa mga mangingisdang Pinoy sa loob ng Bajo de Masinloc; at paglalayag ng kanilang mga barko na malapit sa atin; pawang reklamo sa papel o “diplomatic protest” lang ang ating ginawa.
Baka nga sa dami ng ating protesta na ipinadala sa China na kanila namang dinededma, eh naubusan na ng bond paper ang Department of Foreign Affairs. Hirit pa nina Mang Kanor at Mang Gusting, aba’y nagpakita na tayo ng kabutihang asal nang alisin natin ang ating barko sa Bajo de Masinloc, pero ang isinukli sa atin ng China, laway!
Kung tutuusin, diplomatikong paraan pa rin naman ang ginawang pag-akyat ni PNoy sa UN sa reklamo natin sa China. Ang kagandahan lang nito, buong mundo na ang makakaalam sa problema, na taliwas sa gusto ng mga Tsino na pag-usapan ang problema ng “tayong dalawa lang”.
Sa ginawang hakbang ni PNoy sa pag-akyat sa UN, kahit papaano ay naipakita natin sa Tsina na wala kayong kwentang kausap kung hindi kayo magpapakita ng katibayan na kayo’y mapagkakatiwalaan at marunong magpahalaga sa buhay ng tao, kahit hindi niyo kababayan.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, February 4, 2013

Mahaba-habang laban!



Mahaba-habang laban!
REY MARFIL




Napapanahon ang pagdaraos sa Pilipinas ng ikalimang komperensya ng Global Organization of Parliamenta­rians Against Corruption (GOPAC) kung saan si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang siyang nagbukas ng seremonya kamakailan.
Ang pagsusulong ng kampanyang “tuwid na daan”, na sentrong programa ng pamahalaang Aquino kontra sa katiwalian ang isa sa mga sinasabing dahilan ng paglago ng ekonomiya sa loob lamang ng halos tatlong taon sa termino ng Pangulo.
Matapos na mailatag ang mga reporma, nagtala ang pamahalaan ng 6.6 percent growth sa gross domestic product, na mas mataas sa inaasahang lima hanggang anim na porsiyentong paglago sa buong taon ng 2012.
Sa kanyang talumpati sa GOPAC, binigyang-diin ni PNoy sa mga dumalo sa komperensya ang pangangailangan ng estratihiko at pangmatagalang programa kontra sa katiwalian para hindi ito magpaulit-ulit.
Ginawa niyang halimbawa ang pagsasampa ng kaso laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa mga alegasyon ng katiwalian sa panahon ng panunungkulan nito at ang pagpapatalsik kay dating Chief Justice Renato Corona bunga ng hindi pagdedeklara ng tamang ari-arian.
Kung walang pangmatagalang programa na gagawin ang mga mambabatas sa kani-kanilang bansa, hindi malayong magpapaulit-ulit lamang ang korupsyon na isa sa mga dahilan ng paghihirap ng mga mamamayan.
Ang pangambang ito ni PNoy ay maaaring mangyari din sa ating bansa lalo pa’t kilala ang mga Pilipino na madaling makalimot at magpatawad.
***
Napag-uusapan ang anti-corruption drive, isang araw lang matapos magsalita si PNoy sa GOPAC, nagpalabas ng pahayag si Mrs. Arroyo sa pamamagitan ng kanyang tagapagsalita, na nagsasabing kaisa raw ang dating Pangulo sa pagkontra sa katiwalian.
Ipinagmalaki pa ni Mrs. Arroyo na kasalukuyang nakadetine sa Veterans Hospital na ilang panukalang batas daw ang naaprubahan sa ilalim ng kanyang administrasyon na paraan upang labanan ang korupsyon sa transaksyon ng gobyerno.
Si Mrs. Arroyo ay nahaharap sa kasong pandarambong dahil sa umano’y maanomalyang paggamit sa pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office at ang nakanselang national broadband project sa isang kumpanya sa China. Hindi pa kasama diyan ang kasong electoral sabotage na pawang nakabinbin sa korte.
Hindi naging madali para sa administrasyong Aquino ang paglilinis sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan na nataniman ng sistemang katiwalian. Kung tutuusin, patuloy ang pagpurga sa mga opisyal at kawani sa gobyerno na nais subukan ang tuwid na daan ng kasalukuyang administrasyon.
Marahil ay maihahalintulad ang problema ng korupsyon sa ligaw na damo na nagkalat sa isang palayan.
Hindi sapat na tabasin lamang ang dahon dahil tutubo at tutubo pa rin ito.
Para mapakinabangan ang palayan, kailangang ganap na bunutin ang ugat ng damo para maitanim ang binhi ng palay at lubos na mapakinabangan ng mga mamamayan.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, February 1, 2013

‘Di maka-move on!



‘Di maka-move on!
REY MARFIL


Gaya ng inaasahan, puna at kritisismo sa administrasyong Aquino ang laman ng ipinalabas na pahayag ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) matapos ang ilang araw na pagpupulong ng mga pinuno ng Simbahang Katolika na pinangunahan ng mga arsobispo at obispo.
Hindi siyempre nawala sa mga batikos na ito ng Simbaha­n ang usapin ng bagong batas na Reproductive Health Law na ma­tinding kinontra ng Simbahan, na sinuportahan naman ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino nang makita na higit na nakararami ang bilang ng mga mambabatas ang pabor sa batas ito.
Tila hindi pa nga nakaka-move on ika nga ang mga arsobispo at obispo sa usapin ng RH law dahil patuloy pa rin ang batikos nila sa mga mambabatas na sumuporta rito. At malamang na tumagal pa ito dahil tiyak na ikakampanya nila na huwag iboto ang mga kandidatong sumuporta sa nasabing batas sa darating na May elections.
Bukod sa RH law, inupakan din ng CBCP sa inihanda nilang pahayag ang pamahalaan tungkol sa umano’y patuloy na paghahari ng political dynasty, laganap na kahirapan, krimen at pagpapatuloy ng kultura ng karahasan sa bansa.
Patuloy daw na nangyayari ang mga nabanggit na usapin dahil sa tila kawalan ng political will ng kasalukuyang administrasyon na lutasin ang problema.
Pero teka, nakakailang taon pa lang ba si PNoy sa Palasyo? Hindi ba’t magtatatlong taon pa lang?
Naging ganito rin ba katindi ang CBCP noong panahon ng siyam na taong administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo?
***
Anyway, sa panahong pinutakte ng alegasyon ng katiwalian ang gobyernong Arroyo at maging ang ilang pinuno ng Simbahan na inakusahang tumanggap ng pabor sa nakaraang rehimen, naging maingay ba noon ang CBCP tungkol sa maraming naitalang kaso ng pagkamatay at pagkawala ng mga tagasuporta o pinaghihinalaang sumusuporta sa makakaliwang grupo? -- na panahon din kung saan maraming kasapi ng media ang pinaslang?
Kung nasilip ng CBCP ang mga puna sa magtatatlong taon pa lang na liderato ni PNoy, wala ba silang nasilip na magandang balita na maaari dun sana nila inilagay at pinuri sa ipinalabas nilang mensahe. Wala ba silang nakitang pagsisikap na ginagawa ng kasalukuyang gobyerno para sa ikabubuti ng bansa?
Gaya halimbawa ng kampanya ni PNoy kontra sa katiwalian kahit pa medyo malamig ang pagtanggap ng Palasyo sa Freedom of Information o FOI bill na isinusulong din ng Simbahan.
Hindi ba batid ng mga arsobispo at obispo na maraming opisyal, pulitiko at maging mga kontratista ang umaangal ngayon dahil lumiit kundi man tuluyang nawala ang kanilang “kickback” sa mga proyekto ng gobyerno dahil sa pagsusulong sa tinatawag na “tuwid na landas”?
Hindi rin ba nabalitaan ng mga opisyal ng CBCP ang patuloy na paglago ng ekonomiya ng bansa at pagbabalik ng kumpiyansa ng mga dayuhang namumuhunan sa ating bansa para maglagak sila ng negosyo? Nakalimutan ba nila na mas maraming negosyo, mas maraming trabaho para sa mga Pilipino?
Sa mga susunod na raw, ilalahad ni PNoy ang kabuuang pag­lago ng ekonomiya ng taong 2012 at tiniyak nilang ikalulugod ng mga Pilipino ang datos na nakalap ng National Economic and Development Authority (NEDA). 
Hindi man sinabi ni PNoy ang eksaktong datos, pero malamang daw na mahigitan ng bansa ang inaasahang 5-6 percent na growth rate sa buong 2012. Kung tutuusin, partida pa iyan dahil mas mataas malamang ang paglago ng ekonomiya kung walang matitin­ding bagyo at pag-ulan na nangayari noong nakaraang taon na labis na puminsala sa ilang bahagi ng bansa tulad ng ginawa ni ‘Pablo’.
Sa panahon ngayon, nag-iisip na rin naman ang mga tao kung ang ibinabatong akusasyon sa gobyerno ay may batayan o nanggaling lang sa isang grupo o sektor na sadyang nais lang makapitik para makaganti.  
Marahil kung mayroon mang pagkukulang ang administrasyong Aquino sa maigsing panahon ng liderato nito, hindi rin naman mawawala ang mga magagandang balita na nangyayari sa ating bansa na hindi nakikita ng taong nakapikit ang mata dahil sa inis o inggit.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)