Magandang hamon! | |
Sa pagsisimula ng taon, isang magandang balita ang hatid ng 2013 Index of Economic Freedom dahil sa paglagay nila sa Pilipinas sa ika-97 puwesto ng mga tinatawag na “bansang malaya ang ekonomiya”.
Ang puwesto natin ngayon ay mas mataas ng 10 baitang kumpara sa ika-107 puwesto noong nakaraang taon. Ang nakamit na 58.2 Economic Freedom Score ng Pilipinas ay pinakamataas sa mga bansa sa Southeast Asia, na pagpapatunay ng masiglang ekonomiya na nagawa ng liderato ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino noong nakaraang taon.
Maging ang lider ng oposisyon sa House of Representatives ay nagpahayag ng paghanga sa administrasyong Aquino sa magandang marka na nakuha ng Pilipinas sa 2013 Index of Economic Freedom.
Sadyang kahanga-hanga raw ang nagawa ni PNoy at ng kanyang mga tauhan.
Pero hindi raw dapat tumigil ang pamahalaan at kailangang pag-ibayuhin pa ang trabaho para sa patuloy na pagpapalago ng ekonomiya.
Kung tutuusin, bago pa man lumabas ang magandang balita tungkol sa economic freedom ay nagsabi na si PNoy na ipagpapatuloy ng kanyang liderato ang mga nasimulang programa na pahusayin ang ekonomiya upang mabawasan kung hindi man mabura ang kahirapan sa bansa.
Matapos ang mga record-breaking na puntos sa paglago ng ekonomiya ng bansa sa pagtatapos ng 2012, at record breaking din sa transaksyon ng Philippine Stock Exchange (PSE) sa unang linggo ng kalakalan sa merkado ngayong 2013, talagang maganda ang bungad ng taon sa ekonomiya dahil nasundan pa ito ng pagkilala ng economic freedom report.
***
Napag-usapan ang mga datos, kung tutuusin, papasok pa lang sa ikatlong taon ang administrasyon ni PNoy pero malaki na ang pagbabagong nagawa nito para maibalik ang kumpiyansa ng mga namumuhunan at maging ng mga dayuhang financial institution sa Pilipinas.
Binigyan ng mahalagang pansin sa economic freedom report ang kampanya ng pamahalaan kontra sa katiwalian at patuloy na pagpapalakas ng pananalapi ng bansa upang hindi na umaasa sa mga pautang ng dayuhan, na dahilan para umangat ang ranggo natin sa kanilang listahan.
Kung hindi marahil nagkaroon ng pagbabago at reporma sa ating gobyerno, baka hindi natin mababalitaan na mayroon pa lang mga ganitong economic freedom report na nagbabantay sa kalayaan ng mga bansa sa mundo pagdating sa ekonomiya.
Sa totoo lang, sa nakaraang administrasyon na tumagal ng siyam (9) na taon ang liderato, puro negatibong balita sa ekonomiya gaya ng pag-downgrade sa credit ratings ng iba’t ibang financial institution ang ating nabalitaan.
At baka kung wala ang mga dollar remittance ng ating mga overseas Filipino worker (OFW), marahil ay bumagsak na ang ekonomiya natin noong nakaraang administrasyon kasabay ng paghina ng ekonomiya sa buong mundo.
Kaya naman ngayon sa ilalim ng pamamahala ni PNoy, magiging malaking hamon sa kanyang liderato na ipagpatuloy ang sunud-sunod na magagandang nangyayari sa ating ekonomiya. Bukod dito, magiging hamon din sa gobyerno kung papaano ganap na mararamdaman ng mga mahihirap ang pag-unlad.
Hindi naman ikinaila ni PNoy na mahirap pantayan ang magandang naitala ng bansa sa paglago ng ekonomiya noong 2012. Kaya naman nanawagan siya sa mga mamamayan na patuloy siyang samahan at tulungan para maipagpatuloy niya ang kanyang mga nasimulan.
Ngunit kung tutuusin, hindi magiging mahirap sa bansa na makamit ang higit na pag-unlad ngayong taon. Dahil maliban sa tuluy-tuloy ang kampanya kontra sa katiwalian, patuloy din ang programa ng pamahalaan para palakasin ang sektor ng agrikultura na marami ring manggagawa na umaasa.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)