Monday, December 31, 2012

May political will!



May political will!
REY MARFIL



Pagkaraan ng 14 na taon mula nang unang isulong sa Kongreso ang tinatawag na "reproductive health" o "responsible parenthood" bill, ngayon lang ito pumasa sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino.
Mula nang maupo sa Palasyo noong 2010, naging malinaw na ang posisyon ni PNoy tungkol sa kontrobersyal na panukalang batas na mas gusto niyang tawagin na "responsible parenthood" bill dahil layunin nitong gabayan ang mga magulang na maging responsable sa pagpaplano ng pamilya.
Gaya ng mga nalathala na pahayagan at naibalita sa media, nakapaloob sa panukalang batas ang paggamit ng mga artificial method sa pagpaplano ng pamilya gaya ng pills at condom. Isa ito sa ilang dahilan kaya mahigpit itong tinututulan ng Simbahang Katoliko na nagtataguyod ng "natural" na paraan ng pagpaplano ng pamilya.
Lubhang mainit ang talakayan tungkol sa panukalang batas dahil bukod sa usapin ng relihiyon ay nakadikit din dito ang usapin ng kalusugan at kahirapan. Kaya para malaman, "once and for all", 'ika nga kung suportado ng higit na nakararaming kongresista ang panukala, hinikayat ni PNoy ang mga mambabatas na pagbotohan na ang RH o RP bill.
Malinaw ang mungkahi ni PNoy sa mga mambabatas talakayin na ito para malaman kung "yes" o "no" vote ang mananaig. Pero walang utos ang Pangulo sa mga mambabatas na talakayin ito at papanalunin ang "yes" votes.
Hinayaan ni PNoy ang mga kongresista na magpasya, batay sa kanilang konsiyensya kung sasalungatin nila ang posisyon ng Simbahan sa kabila ng mga banta na ikakampanya sila na huwag na muling iboto sa halalan ng mga deboto.  
Marahil ang babalang ito ng Simbahan ang dahilan kung bakit tumagal ng 14 na taon bago maaksyunan ng Kongreso ang panukalang batas. Maaaring ito ang dahilan kaya ang tingin noon ng mga nagsusulong at sumusuporta sa RH bill ay walang "political will" ang mga nagdaang administrasyon.
***
Napag-usapan ang botohan sa Kongreso, kung tutuusin, ang mga kongresista ang kinatawan at tinig ng mga tao sa bawat distrito ng bansa. Marahil ito ang hinintay ni PNoy na makita kung lalabas na mayorya sa mga kinatawan ng mamamayan ang susuporta sa RH bill at ganu'n na nga ang nangyari. Sa botohan sa ikalawang pagbasa, dikit na 114-103 ang resulta na pabor sa pagpasa ng RH bill.
Pero nang isertipika na ito ni PNoy bilang urgent bill, lalong dumami ang bumoto pabor sa panukala at nabawasan ang tutol nang isalang sa ikatlo at huling pagbasa ng mga kongresista. Pagpapakita na nakinig ang Pangulo at umayuda sa hangarin at paniniwala ng mas nakararaming mambabatas na makatutulong kaysa makasasama ang RH o RP bill.
Ngayon na natapos na ang botohan, nananawagan ang Pa­lasyo ng pagkakaisa at pagtutulungan sa Simbahan para maisulong ang iba pang programa na kailangan ng mamama­yan. Mas makabubuting magkaisa para makamit ang layunin ng panukalang batas na mabawasan ang hindi planadong pagbubuntis na nauuwi sa pagpapalaglag na kung minsan ay ikinamamatay din ng ina.
Matagal na panahon na walang ganitong batas pero patuloy ang pagdami ng kabataang nabubuntis, mga nagpapalaglag, mga inang namamatay sa panganganak at mga batang nabubuhay sa kahirapan.
Bakit hindi natin bigyan ng pagkakataon ang RH o RP bill?
Iisa lang naman ang dahilan ng pagtatalo ng Simbahan at mga nagtataguyod at kontra sa nabanggit na panukalang batas ang pangalagaan ang kapakanan ng mamamayan.
Ngayong natapos na ang botohan, hayaan natin at bigyan ng pagkakataon na maipatupad ito kapag ganap nang naging batas para malaman kung sino ang tama.
Sa malaking tiwalang ibinigay ng mamamayan kay PNoy nang ihalal nila ito sa Palasyo, hindi siya gagawa ng mga hakbang at desisyon na ikapapahamak ng mga taong kanyang pinaglilingkuran. 

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, December 28, 2012

'Wag kang hahatol!



'Wag kang hahatol!
REY MARFIL




Muling ipinakita ni Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino ang kanyang political will sa pagpasa ng Sin Tax bill sa Kongreso na masugid na isinusulong ng kanyang pamahalaan.
Panibagong malaking reporma na naman ito para makalikom ng buwis ang pamahalaan na magagamit para pangalagaan ang kalusugan ng publiko.
Ipinantay din ng Sin Tax bill ang laban sa industriya ng tabako upang maging parehas ang buwis sa lahat ng mga kumpanya.
Tama ang papuri at paghangang ibinigay ng administrasyong Aquino sa mga liderato nina Senator Franklin M. Drilon, Speaker Feliciano Belmonte, Jr., House Majority Floor Leader at Mandaluyong City Rep. Neptali "Boyet" Gonzales II, at Davao City Rep. Isidro Ungab sa pagsusulong ng panukalang batas.
Hindi ba't kapuri-puri ang determinasyon at paninindigan ng pamahalaan na maisulong ang ganitong krusyal na reporma sa bansa.
***
Napag-usapan ang determinasyon, kahanga-ha­nga rin ang desisyon ni PNoy na sertipikahang urgent measure ang Reproductive Health (RH) bill sa kabila ng mahigpit na pagtutol ng maimpluwensyang Simbahang Katolika.
Nais lamang naman ni PNoy na maturuan ang bawat pamilyang Pilipino na magkaroon ng responsableng pagpapamilya para maiiwas sila sa kahirapan, kabaligtaran sa paglilihis ng ilang kritiko at kontra sa bagong batas.
Malinaw ang paninindigan ni PNoy at naka­tulong ang kautusan para maipasa ng Kamara de Representantes at Senado ang RH bill sa ikatlo at huling pagbasa bago nagbakasyon ang mga ito.
Ang nakakalungkot lamang, ilang alagad ng Simbahan ang umaaktong tagahatol, sa pamamagitan ng pagbibigay ng kung anu-anong katawagan o name calling sa mga senador at kongresistang pumabor sa RH bill. 'Ika nga ni Mang Gus­ting, malinaw ang nakapaloob sa Bibliya: "'Wag kang hahatol kung ayaw mong hatulan."
Nahirapan ang mga kritiko ng panukala na baligtarin ang 113 kontra 104 at tatlong abstention na botohan na nangyari sa Kamara de Representantes nang ipasa ang panukala sa ikalawang pagbasa, as in binago ng sertipikasyon ng panukala ang takbo ng labanan.
Kauna-unahan sa nakalipas na 15 taon na naipasa ng Kamara de Representantes ang panukala sa ikalawa at huling pagbasa sa ilalim ng compromise version o substitute measure na House Bill (HB) No. 4244 o An Act Providing for a Comprehensive Policy on Responsible Parenthood, Reproductive Health and Po­pulation and Development.
Malinaw naman na walang aborsyon sa panukala at isinusulong lamang nito ang paggamit ng ligtas, mura at nararapat na contraceptives na ibibigay ng pamahalaan nang libre sa mga mahihirap na komunidad kaya't hindi nakakapagtakang naisabatas ito.
Ngayong ganap nang isang batas at meron nakalaang pondo sa responsible parenthood, asahang mababawasan ang pasanin o gastusin ng gobyerno sa pagpapatayo ng mga eskuwelahan, pabahay sa mahihirap at iba pang serbisyo. 

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, December 26, 2012

Modernisasyon




Modernisasyon
Rey Marfil


Hindi ba’t kapuri-puri ang paglagda ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa
Revised Armed Forces of the Philippines (AFP) Modernization Act o Republic Act No. 10349 sa hangaring maitaas ang antas ng kapasidad ng ating militar na idepensa at protektahan ang seguridad ng bansa.

Ipinakita ni PNoy ang kahalagahan na gawing moderno ang sandatahang lakas upang mas epektibo nitong magampanan ang kanilang mandato na pangalagaan ang seguridad at teritoryo ng Pilipinas sa lahat ng pagkakataon.

Mahalaga ang modernisasyon ng militar upang maihatid ang Pilipinas sa isang mas demokratiko, kalmado at progresibong bansa. Inamyendahan ng RA No. 10349 ang ilang probisyon ng RA No. 7898 o AFP Modernization Act.

Sa paglagda sa RA No. 10349, epektibong magagawa ngayon ng AFP ang kanilang konstitusyunal na mandato na isulong ang soberenya at mapanatili ang patrimonya ng Republika ng Pilipinas.

Palalakasin ng batas ang kakayahan ng AFP na protektahan ang exclusive economic zone ng bansa mula sa iligal na pagpasok ng mga dayuhang mangingisda at paninira sa yamang-dagat at labanan ang smuggling, pamimirata, drug trafficking, poaching, at iba pang ilegal na aktibidad.

Pinalakas din ng RA No. 10349 ang kakayahan ng AFP na pangalagaan ang natural na yaman at kalikasan ng bansa at maging sa pagtulong sa search and rescue operations sa panahon ng delubyo at kalamidad.

Sa ilalim ng Revised AFP Modernization Program, maglalaan ang Kongreso ng P75 bilyon sa unang limang (5) taon para isulong ang modernisasyon ng AFP.

Sa nagdaang ilang taon, hindi makitaan ng modernisasyon ang AFP at palaging nagmumukhang “kawawang cowboy” kapag ikinumpara ang mga armas at kagamitan sa karatig-bansa nito. Kaya’t hindi nakakapagtakang nakikitampisaw sa ating karagatan ang mga dayuhang hindi man lamang makapag-Ingles ng kahit good morning, aba’y walang ipanghahabol!

Bagama’t luma ang nabiling barko dahil wala naman tayong kakayahang bumili ng bago, ‘di hamak napupunta ang pondo sa tunay na modernisasyon, hindi sa bulsa ng kung sinong Pontio Pilato.

***

Napag-usapan ang good news, magandang reporma na naman ang pagbibigay-halaga ni PNoy sa pangangailangan na maibaba ang singil sa kuryente sa bansa para mabawasan ang mabigat na pasaning ito ng bawat pamilyang Pilipino.

Tinukoy ng Pangulo ang Wholesale Electricity Spot Market (WESM) bilang pang-matagalang solusyon sa problemang kinakaharap natin.

Sa pamamagitan ng WESM at iba pang programang inilunsad ng pamahalaan,
magkakaloob ang mga ito ng tinatawag na lifeline electricity rates kung saan mas mababa ang singil sa mga konsyumer na kumokonsumo lamang ng mas maliit na 100-kilowatt hour kada buwan para maiiwas na

rin ang mga tao sa negatibong epekto ng hindi inaasahan at biglaang pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin.

Sa tulong ng WESM at iba pang programa, mabibigyan ng pagkakataon ang
mga tao na mabawasan ang kanilang kahirapan para mapanatili ang rasonableng singil sa kuryente.

Pero kailangang magpakita ng kaunting pasensya ang mga tao dahil hindi naman agarang mahika ang dulot na maibibigay ng WESM upang agarang bumaba nang husto ang singil sa kuryente.

Ibig sabihin, mananatili ang pamahalaan sa pagsusulong ng kompetisyon at maiiwas ang mga tao sa monopolyo. Kahit hindi naman biglaan, epektibong maitataas ng WESM ang kompetisyon na magpapababa sa singil sa kuryente. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.”

(mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, December 24, 2012

Walang duda!



Walang duda!
REY MARFIL




Inaasahan na mananatiling napakataas ang performance at trust ratings ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino base sa inilabas na Ulat ng Bayan survey ng Pulse Asia sa huling tatlong buwan ng taon dahil sa malinis at matuwid na pamamahala nito.
Sa Ulat ng Bayan survey ng Pulse Asia na isinagawa mula Nobyembre 23 hanggang 29, lumabas na tumaas pa ang trust rating at napanatili ang malawak na suporta kay PNoy.
Hindi nagbago ang performance approval rating ni PNoy na nanatiling +78 katulad noong ikatlong quarter ng taon habang tumaas naman ng dalawang puntos ang kanyang trust approval rating na umabot ngayon ng +80.
Pambihira at makasaysayan ang napakataas na ra­tings ng dalawa at kalahating taon sapul nang manungkulan ang administrasyong Aquino na patunay lamang ng patuloy na malawak na suporta ng publiko sa Pangulo dahil sa makatotohanang mga repormang ipinatupad at ipinapatupad nito.
Matagumpay ang Pangulo sa pagpapakilala ng pa­nibagong uri ng malinis na pamamahala na hinaha­ngaan maging ng internasyunal na komunidad kaya naman sumulong nang husto ang ekonomiya ng bansa, patunay ang kaliwa’t kanang imbitasyon ng mga dayuhang negosyante at world leader para magsilbing guest speaker.
Asahan pa natin ang lalong pagsusumikap ng admi­nistrasyong Aquino para magkaroon ng mas maganda at mahusay na resulta na pakikinabangan ng publiko, partikular ang pagbibigay ng pinakamahusay na serbisyo ito’y walang halong pambobola, katulad ng nakaugalian sa nakaraang administrasyon.
Sa kabilang banda, mas mahalaga kay PNoy ang resulta ng mga repormang inilalatag sa gobyerno, as in bonus lamang na maituturing ang mataas na gradong nakukuha nito. Take note: hindi kailangan ng Pangulo ang magandang grado lalo pa’t hindi naman reelectionist at mapapaso sa 2016 ang termino nito.
***
Sa mga aksyon ng gobyerno, dapat tapatan ng publiko ng suporta ang kautusan ni PNoy kay Interior and Local Government Sec. Manuel Roxas II na bumuo ng malakas na kaso laban sa mga nasa likod ng operasyon ng iligal na jueteng at kanilang kasapakat at tiyakin ang kaligtasan ng mga saksi.
Kitang-kita naman ang determinasyon ni PNoy na resolbahin ng pamahalaan ang operasyon ng iligal na sugal na jueteng.
Inatasan ng Punong Ehekutibo si Roxas na tiyakin ang kaligtasan ng mga saksi na tetestigo kaugnay sa operasyon ng jueteng at pagkakasangkot umano ni Pangasinan Governor Amado Espino Jr. ito’y agarang pinabulaanan ng huli.
Maganda rin ang ginawang agarang pag-reshuffle ni Roxas ng mga opisyal ng pulis sa Pangasinan para determinahin ang pananagutan ng ilan sa mga ito kung mayroon man para matiyak na walang pagtatakip na mangyayari sa imbestigasyon.
Sa ilalim ng liderato ni PNoy, determinado ang kanyang pamahalaan na magsampa ng mga kaso na lohikal na paraan sa ilalim ng batas at magsilbing mahigpit na babala laban sa mga pampublikong opisyal, operators at kanilang kasapakat na tumigil o ipatitigil ang kanilang operasyon ng jueteng.
Sa naglabasang report, iniugnay ni Bugallon, Pangasinan Mayor Rodrigo Orduna at Barangay Captain Fernando “Boy Bata” Alimagno si Espino sa umano’y iligal na jueteng kung saan sila ang tumulong dito para patakbuhin ang iligal na sugal sa lalawigan.
Naunang nagsampa ang dalawang pampublikong opis­yal ng kasong pandarambong sa Office of the Ombudsman laban sa gobernador.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, December 21, 2012

Sakto!




Sakto!
REY MARFIL




Hindi ba’t kapuri-puri ang agarang pagdedeklara ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ng State of National Calamity para mapabilis ang pagliligtas, pagkakaloob ng tulong at rehabilitasyon matapos wasakin ng bagyong Pablo ang ilang lalawigan sa Mindanao.
Sa ilalim ng Proclamation No. 522 na inilabas ng Pangulo, nabigyan ang mga lokal na pamahalaan ng agarang pagkakataon na gamitin ang kanilang pondo para sa kalamidad upang saklolohan ang mga biktima.
Mapapabilis din ang pagpapalabas ng tulong ng pambansang pamahalaan at pribadong sektor, kabilang ang tulong sa internasyunal na komunidad, at epektibong makokontrol ang presyo ng pangunahing bilihin sa mga apektadong lugar.
Agaran at epektibo ring maipatutupad ang mga mekanismo para sa internasyunal na “humanitarian assistance” alinsunod sa Republic Act (RA) No. 10121 na mas kilala sa Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010.
Dahil dito, inatasan ng Pangulo ang lahat ng mga departamento at kinauukulang mga ahensya ng pamahalaan para maipagkaloob sa mga biktima ang medikal na ayuda, tulong at rehabilitasyon alinsunod sa umiiral na mga plano at kautusan.
Obligado rin ang mga institusyong nagpapautang na magkaloob ng zero interest sa lugar na labis na naapektuhan sa pamamagitan ng kooperatiba o organisasyon ng mga tao.
Kabilang sa labis na tinamaan ang mga lalawigan ng Compostela Valley, Davao Oriental at Davao del Norte sa Region 11; Surigao del Sur sa CARAGA Region; Lanao del Norte, Misamis Oriental at Cagayan de Oro City sa Region 10; Siquijor sa Region 7; at, Palawan sa Region 4-B.
Magandang halimbawa rin ang pagtungo nang personal ng Pangulo sa nasalantang mga lugar sa New Bataan sa Compostela Valley at Boston sa Davao Oriental.
At kailanman hindi naging ugali ni PNoy ang makigulo o maging hadlang sa rescue operation kaya’t madalas nababatikos ‘pag nahuhuli sa pag-aksyon dahil hindi agarang nagtutungo sa mga lugar na sinalanta ng kalamidad o bagyo.
Ang hindi nalalaman ng mga kritiko, ito’y kailangang gawin ng Pangulo dahil mada-divert ang mga sundalo at pulis na naka-assign sa rescue bilang security nito, maging ang iba pang resources, katulad ng mga helicopter na ginagamit sa operasyon.
Isang halimbawa ang tinamaan ng bagyong Pablo, ipinagamit ni PNoy sa relief and rescue operation ang mga helicopter na nagsisilbing back-up o sinasakyan ng mga security sa mga engagement nito.
***
Napag-usapan ang aksyon, kapuri-puri rin ang paglalaan ni PNoy sa pamamagitan ng Kongreso ng P292.7 bil­yong pondo para sa edukasyon na magmumula sa Department of Education sa ilalim ng 2013 General Appropriations Bill (GAB).
Sa ilalim ng matuwid na daan, asahan nating gagamitin ito para mapabuti at mapataas ang antas sa kalidad ng pagkakaloob ng edukasyon sa mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagtatayo at rehabilitasyon ng mas maraming silid-aralan, pagbili ng mga libro, at pagtiyak na maibibigay ang suweldo ng mga guro sa tamang panahon.
Matapos ang mahabang panahon, maganda ang kalagayan at posisyon ng pamahalaan ngayon na ipagkaloob ang mas magandang kalidad ng pampublikong edukasyon para sa ating mga anak.
Malinaw din ang tagubilin ng Pangulo kaugnay sa istriktong paggamit ng pondo kung saan ito dapat gugulin hanggang sa kahuli-hulihang sentimo.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, December 19, 2012

Sadyang may tigasin!



Sadyang may tigasin!
REY MARFIL




Hindi napigilan maging ng United Nations (UN) Office for Disaster Risk Management (UNISDR) na purihin ang pinagbuting sistema ng pagbibigay ng babala na ipinatupad ni Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino na nakapagsalba ng maraming buhay matapos bayuhin ang bansa ng bagyong Pablo.
Kung hindi ito naipatupad, tama ang UNISDR sa pagsasabing mas maraming buhay ang malalagas at mas malala ang pinsala. Tanging problema lamang, marami pa ring matitigas ang ulo, hindi lamang sa usapin ng pag­lilikas kundi sa illegal mining at illegal logging.
Bagama't hindi ngayon ang oras para magturuan at magsisihan, katulad ng pahayag ni PNoy, masakit ang katotohanang tila excited pang makaranas ng bagyo ang ilang residente ng Mindanao kaya't nagbilang ng patay sa Compostela Valley at ilan pang karatig barangay.
Tinukoy ni Jerry Velazquez, pinuno ng tanggapan sa Asya, ang bagong "automated rainfall" at "flood predictions systems" na sobrang nakatulong sa pagtaya ng lagay ng panahon at naging madali ang agarang pagbibigay ng babala sa publiko kaugnay sa paparating na mga panganib.
Bahagi ang sistemang ito ng Project NOAH o Nationwide Operational Assessment of Hazards na inilunsad ng pamahalaan sa maagang bahagi ng taon na kinabibila­ngan din ng pagbibigay ng babala sa telebisyon at Internet.
Kaya naman naging agresibo ang iba't ibang mga ahensya ng pamahalaan, lokal na mga pamahalaan at mga tao para makapaghanda bago pa man dumating ang banta sa kanilang seguridad. Labis itong importante lalo't tumatama sa bansa ang 20 bagyo bawat taon.
Asahan na nating mas maraming buhay ang maisasalba at maiiwasan ang mas maraming pagkasira sa susunod na taon kung saan buung-buo nang maipatutupad ang programang NOAH ng Pangulo.
Bahagi pa rin ito ng matino at malinis na pamamahala ni Pangulong Aquino sa kanyang matuwid na daan na hindi lamang nagbalik sa tiwala ng mga negosyante na mamuhunan sa bansa para umunlad ang ekonomiya kundi maging ang pagsasalba ng maraming mga buhay.
***
Napag-usapan ang bagyo, tama ang pamahalaan sa plano nitong sampahan ng kaso ang nagpabayang mga lokal na opisyal matapos ang mapinsalang pagbayo ng bagyong Pablo sa Mindanao na nagresulta sa pagkamatay ng mga tao.
Inatasan na ni PNoy ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Justice (DOJ) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na imbestigahan ang pinsalang dulot ng bagyo para papanagutin ang mga biktima ng bagyo at maiwasan ang pagkalagas ng mga buhay sa darating na panahon.
Suportahan natin ang hakbang ng pamahalaan na papanagutin ang mga nagkulang at nagkasala kahit ano pa man ang koneksyon nila.
Malinaw naman na layunin ng imbestigasyon na maiwasan kung hindi man ganap na mapigilan ang pagkalagas ng buhay sa panahon ng sakuna at mga trahedya.
Malinaw na kitang-kita ang pagsusumikap ng pamahalaan para tulungan ang mga biktima na makabangon muli at maiwasan ang pagkalat ng mga sakit sa evacuAtion centers kaya naman dapat tapatan ito ng kooperasyon ng lahat, lalung-lalo na ng mga tao.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, December 17, 2012

Sabay-sabay bumangon!




Sabay-sabay bumangon!
REY MARFIL



Dalawang dagok ang sinapit ng ating bayan ngayong buwan. Una, ang trahedyang iniwan ng bagyong "Pablo", at ikalawa ang masaklap na pagkatalo ng ating boxing hero na si Manny Pacquiao.
Sa sitwasyong ito, muli na namang sinusubok ng tadhana ang katatagan ng mga Pilipino. Kahit ilang beses na tayong bumangon mula sa trahedya, tila hindi nagsasawa ang "pagsubok" na sukatin ang ating katatagan.
Noong isang taon nga lang, mahigit 1,000 buhay at maraming ari-arian ang napinsala ng bagyong "Sendong" na tumama rin sa Mindanao. Ngayon, umaabot na sa 700 buhay ang kinuha ni "Pablo" at 800 katao pa ang nawawala.
Libu-libong pamilya rin ang naapektuhan ni "Pablo" na inalisan niya ng mga bahay at kabuhayan. Sa tindi ng pinsala sa mga kalsada at tulay, nagiging malaking pagsubok sa ating pamahalaan ang paghahatid ng tulong sa ating mga kababayan.
Kung nanalo sana si Pacquiao, kahit papaano ay magbibigay ito ng ligaya sa sambayanan dahil malaking karangalan na marinig sa buong mundo ang tagumpay ng isang Pilipino. Pero wala tayong magagawa kung higit na mahusay o masuwerte nang araw na iyon si Juan Manuel Marquez ng Mexico.
Pero sa halip na magmukmok at maghanap ng sisisihin, dapat tumugon ang mga Pilipino sa panawagan ni Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino na sama-samang kumilos at tumulong sa mga nasalanta ng bagyo.
Si Pacquiao ay mag-isang bumagsak sa laban niya kay Marquez kaya naman nagawa niyang ibangon mag-isa ang sarili sa tinamong kabiguan.
***
Napag-usapan si Pacman, ito'y mag-isang bumagsak kumpara sa tama ni Pablo, as in hindi lang isa, hindi lang isang-daan, hindi lang isang-libo kundi libu-libo na nagmula sa iba't ibang lalawigan gaya ng Davao Oriental, Davao del Norte, Surigao del Sur, Lanao del Norte, Palawan at iba pa.
Sa tindi ng pinsalang dulot ni "Pablo", nagdeklara si PNoy ng state of national calamity para mapag-ibayo pa ang pag-ayuda sa mga biktima at rehabilitasyon sa mga lugar na pininsala ni "Pablo".
Sa kabila ng direktiba ni PNoy na maging pro-active, alerto at aktibo ang pamahalaan sa pagbibigay ng babala sa publiko at paghahanda sa pagtama ni "Pablo", naging malaki pa rin ang pinsalang inabot ng bansa dahil sadyang malakas ang bagyo.
Pero padadaig ba tayo? Ngayon pa ba susuko ang mga Pinoy matapos ang ilang ulit nang kalamidad na dumaan sa bayan? Hindi na ba tayo babangon mula sa hagupit ni "Pablo"?
Aminado ang pamahalaan na sa lawak ng pinsala ng bagyo ay magiging malaking bagay ang anumang maitutulong mula sa ating mga mamamayan. Nanawagan ang gobyerno para sa mga boluntaryong maghahanda ng mga relief goods, sasama sa paghahanap sa mga nawawala, mga doktor na gagamot sa mga sugatan, at maging sasakyan tulad ng helicopter na maghahatid ng tulong sa mga sinalanta.
Ginagawa ng pamahalaang Aquino ang lahat para matulungan ang mga biktima na malampasan ang trahedyang ito. Nakahanda na ang pagsasaayos ng mga nasirang kalsada at tulay, at maging ang mga nasirang kabuhayan ng mga tao sa agrikultura.
Ang inaasam nating pagbangon ng bayan ay higit na mapapadali kung tutulong ang lahat. 'Ika nga, walang imposible, kung sama-sama.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, December 12, 2012

Epektibong daan!




Epektibong daan!
REY MARFIL



Ang matuwid na daan ng administrasyong Aquino ang malaking rason kung bakit naitala ang pinakamataas na antas sa kasaysayan ng Philippine Stock Exchange index (PSEi) ngayong taon, patunay ng magandang lagay ng ekonomiya ng bansa.
Malinaw na nagbunga ang malinis na pamamahala ng tama at magandang pundasyon sa pananalapi at ekonomiya sa kabila ng nangyayaring pandaigdigang krisis.
Dahil sa magandang takbo, tumaas ang PSEi ng 0.61% o 33.60 puntos upang maging 5,534.18 puntos at ika-50 na pagkakataon na tumaas sa ilalim ng kasalukuyang pamahalaan ng nakaraang Nobyembre, pinaka-latest ang 5,800 mark ngayong linggo.
Asahan na nating magpapatuloy ang ganitong magandang takbo dahil tama ang inilatag na polisiya sa pananalapi at ekonomiya ng administrasyon ni Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino.
Hindi lamang kinakatigan ng mga banyagang mamumuhunan, credit rating agencies ang ganitong positibong sentimyento kundi maging ni International Monetary Fund Managing Director Christine Lagarde. Hindi nakakapagtaka na kilalanin ang Pilipinas na langit ng pamumuhunan sa gitna ng nagaganap na krisis sa pananalapi sa buong mundo.
Isa pang good news, napakahalagang hakbang ang pagpasa ng Senado sa sin tax bill upang maisulong ang mas maayos at pinalawak na programa ni PNoy sa pagkakaloob ng serbisyong kalusugan sa mas mara­ming mga Pilipino.
Sa katunayan, sinertipikahan ni PNoy Aquino na mahalagang panukala ang sin tax bill upang matiyak na hindi maaantala ang programa sa pagkakaloob ng mas kapaki-pakinabang na programang pang-kalusugan para sa mga tao.
Tinugunan ng Senado ang magandang layunin ng administrasyong Aquino na magkaroon ng pang­kalahatang programa sa kalusugan upang maging karapatan ito ng bawat Pilipino sa halip na maging pribilehiyo.
Bahagi ng paninindigan ng administrasyong Aquino ang pagkilala at pagbibigay ng mas makabagong sistema ng pangangalaga sa kalusugan ng mga Pilipino.
Layunin ng panukalang sin tax na makalikom ang pamahalaan ng P40 bilyong buwis mula sa sigarilyo at alak upang mapabuti ang pangangalaga sa kalusugan ng mga tao.
***
Napag-usapan ang aksyon ng gobyerno, dapat suportahan ng publiko ang pamahalaang Aquino sa pinalakas nitong kampanya laban sa maanomalyang pamumuhunan sa gitna ng Aman Futures investment scheme na nambiktima ng libu-libong katao sa Mindanao.
Mahalagang magbigay ng kooperasyon ang publiko sa pamamagitan ng pag-uulat sa Department of Trade and Industry (DTI) at Securities and Exchange Commission (SEC) ng lahat ng katulad na anomalya sa kanilang mga tanggapan.
Bukod sa Aman Futures investment scam, mayroon pang ilang mga kompanya na sangkot sa pyramid scams na nambibiktima ng inosenteng mga tao sa iba't ibang panig sa Mindanao.
Manatili tayong mapagmatyag laban sa maanomal­yang pamumuhunan kung saan nag-aalok ang mga kompanya ng napakataas na interes. Kung kitang-kita naman natin na malayo sa katotohanan ang ipinapangakong sobrang taas na interes, magduda na tayo at huwag kagatin ang kanilang pakulo.
Asahang didikdikin ng pamahalaan sa mga imbestigasyon ang Aman Futures at iba pang mga kompanya na nagsusulong ng maanomalyang sistema ng pagkakaloob ng tubo sa pamumuhunan upang hindi na makapanloko pa ng mga tao.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, December 10, 2012

Normal lang!





Normal lang!
REY MARFIL


Normal lamang naman na magkasakit paminsan-minsan si Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino dahil sa dami ng trabahong kanyang kailangang gawin.
Hindi isang robot ang Pangulo at nangangailangan maging ang isang makina na magpahinga at mabigyan ng tamang pangangalaga upang patuloy na pakinabangan.
Kailangang maunawaan ng publiko na lubhang nakakapagod ang papel ni Pangulong Aquino dahil talaga namang sandamukal ang kanyang dapat na intindihin at asikasuhin.
Kaya nga hindi na nakakapagtaka kung magkasakit man siya paminsan-minsan at asahan na rin natin na talagang nasasakripisyo ang kanyang kalusugan sa pagharap ng napakaraming mga problema ng bansa.
Tandaan po natin na Ama ang Pangulo ng 94 milyong Pilipino kaya iba't ibang mga aktibidad ang kanyang dapat na suungin.
Ibig sabihin, talagang abalang-abala at malaki ang hamon na kinakaharap ng Pangulo kaya imposibleng makaiwas sa mataas na antas ng matinding pagod.
Sa ganitong sitwasyon, maliwanag ang mga dahilan kung bakit nagkakasakit ang Pangulo paminsan-minsan.
***
Anyway, hindi rin natin masisisi ang administrasyong Aquino sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) na patuloy na iproseso ang mga aplikasyon sa visa ng Chinese nationals na mayroong bagong e-passports kung saan nakalagay ang mapa ng West Philippine Sea at mga islang ina­angkin ng Pilipinas na bahagi ng ating teritoryo.
Layunin nitong makaiwas sa problema dahil na rin sa malaking negatibong epekto sa ekonomiya kung saka-sakaling tatablahin natin ang mga ito.
Dapat lagi tayong kalmado sa pagharap sa China sa pamamagitan ng paghahanap ng diplomatikong solusyon dahil siguradong makakasama sa halip na makabuti kung magiging emosyonal tayo. Maaari namang mapayapang iprotesta ng pamahalaang Pilipinas ang sitwasyon gamit ang legal at diplomatikong pamamaraan.
Kung hindi kasi natin ipoproseso ang kanilang mga aplikasyon, siguradong ganito rin ang gagawin ng pamahalaang Chinese sa mga Pilipinong nangangailangan ng visa sa na­sabing bansa.
Kakayanin ba natin ang negatibong epekto? Alalahanin na lamang ang nangyari sa industriya ng saging na naapektuhan ng krisis noon kung saan hinarang-harang at pilit na hinaha­napan ng butas para pigilang makapasok sa China.
Katulad ng pag-imprenta natin ng mapa ng Pilipinas kung saan makikita rin ang pinag-aawayang mga isla, hindi naman magiging opisyal na pag-aari ng bansa ang kontrobersyal na mga teritoryo. Wala namang basehan ang mapa sa internasyunal na mga batas, lalung-lalo na sa ating soberenya.
Sa ganitong punto, tama ang administrasyong Aquino na ipagpatuloy lamang ang mga hakbang para mapalakas ang ating kakayahang militar upang makapaghanda sa mga susunod na panggigipit sa hinaharap.
Bilang pangkalahatang alituntunin sa diplomasya, nega­tibong resulta ang aanihin kung magpapakita tayo ng kagaspangan.
Hindi naman na kailangang ipahayag pa ang dapat na awtomatikong pagtingin sa pakinabang ng bawat isa bilang prayoridad na opsyon.
Ngunit talagang hindi tamang magsisimula ang Pilipinas ng hindi magandang solusyon sa pagharap sa problema.
Dapat manatili tayo sa mapayapang negosasyon sa pamamagitan ng multilateral agreements kung saan kailangan ang pakikisangkot ng ibang mga bansa sa pagresolba ng krisis.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, December 7, 2012

Buhay na buhay!




Buhay na buhay!
REY MARFIL



Sa pagsipa ng paglago ng ekonomiya sa pagtatapos ng taong 2012, buhay na buhay ang pag-asa ng mga Pilipino na mas maganda ang naghihintay para sa atin sa susunod na taon.
Mismong si Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino ay na­ngakong gagawin niya ang lahat para magtuluy-tuloy ang naitalang paglago ng ekonomiya sa 7.1 percent na pinakamataas na pag-usad sa ekonomiya sa mga bansa sa Asya.
Kasama ng paglago ng ekonomiya ang patuloy na pagtaas ng tiwala ng mga dayuhang namumuhunan sa kampanya ng gobyerno kontra sa katiwalian kaya magiging patas ang laban kung maglalagay sila ng negosyo sa Pilipinas.
Tapos na ang panahon na kailangan ng mga namumuhunan na maglagay o magpadulas para lamang makapagnegosyo sa bansa. Hindi na rin kailangan ang "palakasan" upang mawala ang ka-kumpetensya sa negosyo at maipasok ang kanilang mga "bata-bata".
Ngayon, kung legal ang iyong negosyo, kumpleto sa papeles at magbibigay ng trabaho sa mga Pilipino, welcome ka sa Pilipinas. 
Kaya't hindi kataka-taka ang naging resulta ng pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) kung saan lumitaw na pito (7) sa bawat sampung (10) Pinoy ang nagpahayag ng kumpiyansa na magiging mas maunlad ang ekonomiya ng bansa sa 2013.
Ginawa ang survey noong Agosto, buwan na hindi pa nailalabas ang magandang balita sa mataas na 7.1 percent na pag-angat ng ekonomiya sa ikatlong bahagi ng taon.
Sa naturang survey ng SWS na lumabas sa pahayagan, 31 porsyento ng 1,200 katao na tinanong ang nagsabing, naniniwala sila na mas magiging maganda ang ekonomiya sa 2013.
Sa bilang ng mga respondent, 14 porsyento lang ang negatibo ang tugon kaya ang resulta ng "net rating", very high na +17.
Bagama't bahagyang bumaba ang personal optimism ng mga respondent na mula sa +30 noong Mayo at naging +27 nitong Agosto, asahang magbabago ang personal na pananaw na ito dahil nga sa magandang resulta ng ekonomiya sa pagtatapos ng taon.
***
Napag-usapan ang good news, nakatutuwang isipin na ang mga positibong nagaganap sa ekonomiya ng bansa ay naisakatuparan sa loob pa lamang ng mahigit dalawang taon sa liderato ni PNoy, ito'y sa kabila pa ng mga matinding pagsubok ng mga kalamidad na tumama sa bansa at puminsala sa sektor ng agrikultura.
Bukod pa rito, hindi pa lubos na naipatutupad ng gob­yerno ang bilyun-bilyong proyekto sa ilalim ng private-public-partnership o PPP contracts na tiyak na magbibigay din ng maraming trabaho sa ating mga kababayan.
Asahan na rin ang magandang dulot ng patuloy na paglakas ng piso kontra dolyar na umabot na sa pinakamataas na P40.80 vs $1. Bagaman maaapektuhan nito ang kita ng ating mga overseas Filipino workers (OFWs) at nasa export-import sector, asahan naman na may nakahandang ayuda ang ating pamahalaan para sa kanila.
Malay natin, baka sa patuloy na paglakas ng piso ay maisipan na ng ating mga kababayan na manatili na lamang sa Pilipinas at dito na maghanap ng trabaho kabilang ang kanilang mga mahal sa buhay.
Pero sabi nga natin, nasa ikalawang taon pa lamang ng termino si Aquino at malayo pa ang kanyang lalakbayin upang tuluyang maihango sa hirap ang ating mga kababayan. Kailangan natin na patuloy siyang suportahan sa kanyang mga gagawing programa at repormang ipatutupad.
Ipagdasal din natin na patuloy na bigyan ng malusog na pangangatawan ang ating Pangulo at himuking magbakasyon paminsan-minsan para makapagpahinga. Itigil na rin sana ang mga kritisismo na wala namang basehan at nais lang magpapansin.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, December 5, 2012

Sino ang tuta?




                                          Sino ang tuta?


Isang pambihirang desisyon ang ginawa kamakailan ng mga bansang kasapi ng United Nations (UN) kung saan ina­prubahan ang isang resolusyon na bigyan ng “non-member observer state” ang Palestine.
Ang naturang resolusyon ay pagkilala sa Palestine bilang isang sariling estado na tinutulan ng Israel dahil sa agawan sa teritoryo. Suportado ng Amerika ang posisyon ng Israel, at katunayan, bumoto ang Amerika kontra sa naturang resolusyon ng US.
Pero ang masugid na kaalyado sa Asya ng Amerika -- ang Pilipinas ay bumoto pabor sa resolusyon, na salungat sa posisyon ni Uncle Sam -- isang patunay na hindi nagpapadikta ang kasalukuyang administrasyon.
Sa resulta ng botohan, 138 bansang kasapi ng UN ang pabor sa pagkakaloob ng non-member state status sa Palestine, 41 ang nag-abstain o hindi bumoto, at siyam ang kumontra kabilang na ang US at Israel.
Sa lumabas na ulat matapos ang naturang desisyon ng UN, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) spokesman Raul Hernandez, na umaasa sila na balang araw ay magiging kaisa ng mundo ang Palestine sa pagsusulong ng kapayapaan sa mundo.
Hindi rin naging malapit ang kapayapaan sa Palestine na ilang dekada na ring may sigalot sa Israel dahil sa agawan sa teritoryo at iba pa. Noong nagdaang mga linggo, muling nagpalitan ng bomba ang dalawang lugar na nagresulta sa pagkamatay ng ilan nilang kababayan.
***
Napag-usapan ang botohan, nakakalungkot lang na sa kabila ng naging desisyon ng Pilipinas sa usapin ng Pa­lestine na salungat sa posisyon ng US ay meron pa ring mga militanteng grupo na walang humpay sa pag-akusa sa pamahalaan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino  bilang “tuta ng kano”.
Ginawa ng mga militante ang tila paulit-ulit na lamang na pagparatang (sa halos lahat na yata ng nagdaang admi­nistrasyon) na “tuta ng Kano” ang gobyernong Aquino nitong nakaraang selebrasyon ng Bonifacio Day sa harap ng embahada ng US sa Maynila.
Ngunit ang kataka-taka, habang binabatikos nila ang umano’y sabwatan ng US at gobyernong Aquino sa seleb­rasyon ng kinikilala nilang bayani na si Andres Bonifacio, napakatahimik naman nila sa usapin ng ginagawang pambabarako ng China sa Pilipinas.
Ang ipinagtataka ni Mang Gusting: kung tunay na ma­kabayan ang mga ito, bakit hindi gamitin ng mga militante ang inspirasyon ni Bonifacio laban sa China na nagpalabas ng bagong passport na nakalagay sa mapa ng kanilang bansa ang mga teritoryo na inaangkin at mas malapit sa Pilipinas?
Kaya’t ang hamon ni Mang Gusting, bakit hindi magprotesta ang mga militante sa harap ng Chinese Embassy at hingan nila ng paliwanag sa umano’y bagong patakaran na ipatutupad sa susunod na taon na ipagbabawal ang paglalayag ng ibang barko na dadaan sa West Philippine Sea na wala silang pahintulot?
Ang hirit din ng mga kurimaw sa kanto ng Mendiola, bakit hindi mag-rally ang mga militante laban sa ginaga­wang pagsasamantala ng mga Chinese fishermen sa likas na yaman ng karagatan sa West Philippine Sea at inaagawan ng kita ang ating mga kababayang mangingisda?
Habang tahimik ang mga militante tungkol sa usapin ng ginagawang “pambabarako” ng China, malinaw naman ang mensahe ni PNoy nitong selebrasyon ng kapanganakan ng lider ng Katipunan, “ipaglalaban ang teritoryo na sad­yang sa atin.”
Ngayon, ang tanong ng mga kurimaw sa militanteng grupo, sampu ng mga walang inatupag kundi maki­pagbangasan sa riot police bilang bahagi ng propaganda para makakuha ng malaking pondo sa international group: Sino nga kaya ang tuta nino? Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, December 3, 2012

Walang patawad?




                                         Walang patawad?



Isang imbestigasyon ang ginagawa ngayon ng Commission on Audit (COA) at Department of Agrarian Reform (DAR) kaugnay sa proyektong ipinatupad sa Masantol, Pampanga na pinondohan mula sa kita ng Malampaya gas sa Palawan.
Ang Malampaya gas ay pinagmiminahan ng natural gas na nagpapasok ng malaking kita sa gobyerno sa pamama­gitan ng parte sa mga kumpanyang nakikinabang sa mina.
Sa lumabas na mga naunang ulat, sinabing batay sa isang report ng COA, umabot sa P23.6 bilyon ang pinakawalan mula sa Malampaya funds magmula 2002 hanggang 2010.
Ang naturang pondo ay sinasabing ginamit sa iba’t ibang programa ng pamahalaan, tulad ng pagpapahusay sa agrikultura, pagtulong sa mga sinalanta ng kalamidad, paghaha­nap ng iba pang minang langis, pagpapailalim sa mga barangay at kung anu-ano pa.
Kung pupunahin, ang panahong nabanggit ay pasok sa ilalim ng pamamahala ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. At ang iniimbitahang posibleng anomalya sa agricultural project ay mula sa lalawigan ng dating pangulo sa Pampanga.
Ang iniimbestigahang posibleng katiwalian ay naganap umano noong 2009, na ang lider pa ng bansa ay si Mrs. Arroyo. Ang halagang sinasabing sangkot sa kontrobersya ay umaabot sa P89.2 milyon.
Batay sa paunang impormasyon mula sa isinasagawang imbestigasyon ng COA, namudmod ng agricultural packa­ges na nagkakahalaga ng tig-P35,781 ang bawat isa ang DAR na ipinadaan sa Kaupdanan para sa Mangunguma Foundation Inc. (KMFI).
Ang naturang agri packages ay ipinamigay daw sa may 2,500 na magsasaka sa Masantol, na batay sa mga naglabasang ulat sa telebisyon ay “pangingisda” ang pangunahing ikinabubuhay ng mga tao.
Kung pangingisda ang ikinabubuhay ng mga tao sa lugar, bakit sila bibigyan ng mga gamit pangsaka? Pero lumabas sa mga ulat na may mga taong nakalagay sa mga tumanggap ng gamit ay hindi naman talaga tumanggap ng gamit, bagkus ay pineke ang kanilang pirma para palitawin na naipatupad ang proyekto.
***
Napag-usapan ang pondo, lumabas din na mayroong mga nakapirmang tumanggap ng proyekto na matagal nang patay. ‘Ika nga ni Mang Gusting -- kung matatawag na “ghost project” ang proyektong ito ng pamamahagi ng agricultural packages na ito, pasok na pasok ito dahil mayroong element ng multo dahil napirma ang taong patay na.
Hindi biro ang pondong sangkot sa kasong ito dahil maraming abono at binhi ang mabibili ng P89.2 milyon para sa tunay na mga magsasaka. At kung totoo na may anomalya dito, hindi na kinilabutan ang may pakana nito, hindi pinatawad kahit ang mga naghihirap na kababayan ni Mrs. Arroyo.
Sa pagkakatuklas ng usaping ito sa DAR, tiyak na maraming makakaalala na naman sa fertilizer fund scam bago ang 2004 presidential election na ang mga kinasangkapan din sa anomalya ay mga naghihikahos nating magsasaka.
Marapat lang na pag-ibayuhin ng COA ang pag-imbestiga at pag-imbentaryo sa iba pang proyekto na ginawa ng da­ting administrasyon na ginamitan ng Malampaya fund. Malay natin, bagong “tip of the iceberg” ‘ika ang anomalyang ito sa Masantol.
Dapat ding hayaan at hindi kasuhan ang mga magsasaka na inilagay na beneficiary ng proyekto na pineke ang pirma. Hindi rin siguro kailangang dikdikin ang mga magsasaka na tumanggap ng pera at hindi gamit dahil tiyak na naloko rin lang sila. Ang dapat habulin ay ang opisyal na at mga pinuno ng grupo na may pakana ng kalokohan. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)