Friday, November 30, 2012

Sobra-sobra pa!




Sobra-sobra pa!
REY MARFIL



Ginagawa ng administrasyong Aquino ang lahat ng paraan upang mabigyang ayuda ang mga magsasaka para sa agri-enterprise projects at iba pang programang pangkabuhayan.
Makakatulong ng malaki sa kagalingan at interes ng mga magsasaka ang desisyon ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino na mailabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang P1 bilyong suporta sa pagpapautang.
Ilalabas ang pondo sa Department of Agriculture (DA), alinsunod sa limang taong memorandum of agreement sa Department of Agrarian Reform (DAR) at Land Bank of the Philippines (LBP) para sa implementasyon ng Agrarian Production Credit Program (APCP) sa buong bansa.
Makakatulong ang ilalabas na pondo sa APCP para sa pagpapabuti ng mga magsasakang benepisyunaryo ng programang agraryo.
Alinsunod rin ang implementasyon ng APCP sa paninindigan ni PNoy na ganap na maipatupad ang reporma sa lupa sa buong Pilipinas hanggang sa 2016.
Matitiyak ng ACPC ang tuluy-tuloy at epektibong produksyon ng mga ani sa buong bansa at magpapalaki sa kita ng makikinabang na mga magsasaka.
Sa nagdaang panahon, nakakatanggap lamang ng maliit na pautang ang mga benepisyunaryo kaya naman limitado lamang ang kanilang naitatanim na naglilimita rin sa kanilang mga kinikita.
Sa ilalim ng kasunduan, mapupunta ang pondo sa Land Bank kung saan eksklusibong mailalaan ang P300 milyon para sa Negros Occidental.
Sa pamamagitan ng programa, makakapagbigay ang DA ng pangunahing suporta at serbisyo katulad ng diskarte sa pagtatanim at paglalaan ng makabagong teknolohiya para sa kuwalipikadong mga organisasyon.
Tutukuyin naman ng DAR sa Land Bank ang karapat-dapat na mga benepisyunaryo ito'y panibagong katibayan sa matuwid na daan ni PNoy kung saan nakikinabang ang mga sektor na dapat matulungan.
***
Napag-uusapan ang good news, hindi rin napigilan ni International Monetary Fund chief Christine Lagarde na purihin ang pamahalaang Aquino dahil sa matikas nitong pagdadala ng magandang ekonomiya ng bansa sa kabila ng pandaigdigang krisis sa pananalapi.
Patunay lamang na nagreresulta sa magandang ekonomiya ng bansa ang matuwid na pamamahala kahit binabayo ng problema ang ekonomiya ng maraming mga bansa, pinaka-latest ang 7.1% economy growth ngayong 3rd quarter ito'y mas mataas sa puntiryang 6.5% gross domestic product (GDP).
Isipin na lamang ninyo, pinagdiinan ni Lagarde na nag-iisang bansa lamang sa mundo ang Pilipinas na itinaas ng IMF ang traget na paglago ng ekonomiya ngayong taon.
Bagama't napakahirap ng 2012 sa maraming mga bansa sa buong mundo, tanging ang Pilipinas lamang ang nakikitaan ng IMF ng potensyal na mas malaking paglago ng ekonomiya habang ibinaba naman ang iba.
Sa ulat na World Economic Outlook (WEO) ng IMF nitong Oktubre, itinaas ang taya sa paglago ng ekonomiya ng bansa ngayong 2012 sa 4.8% mula sa naunang itinakdang 4.2% noong Abril. Itinaas rin ang pagtaya sa paglaki ng ekonomiya ng bansa sa 2013 sa 4.8% mula 4.7%.
Nakakatuwa ring marinig sa unang babaeng lider ng IMF na posibleng lumago ang ekonomiya ng bansa sa mas mahigit sa limang porsiyento 5% o sa pagitan ng 5% hanggang 6% ngayong taon.
Asahan na natin na lalo pang titindi ang pagsusumikap ng pamahalaan na maisulong ang mas malawak na paglago ng ekonomiya ng Pilipinas sa darating na mga panahon.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, November 28, 2012

Tigre!



Tigre!
REY MARFIL




Isang magandang balita ang "record high" na bilang ng bakanteng trabahong maaaring pasukan ng ating mga kababayan na umabot sa 180,190 noong Oktubre base sa Phil-JobNet ang opisyal na job website ng pamahalaan.
Base ito sa impormasyon na nakuha ni Labor Sec. Rosalinda Baldoz sa ulat ni Bureau of Local Employment (BLE) Director Ma. Criselda Sy kung saan lokal na trabaho ang matatagpuan sa Phil-JobNet portal.
At dahil na rin sa matuwid na pamamahala ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino, tuluy-tuloy pa rin ang trabaho sa ibayong-dagat na matatagpuan sa job portal. Noong nakaraang Enero, merong 102,902 bakanteng trabaho na makikita sa Phil-JobNet. Umabot naman sa 171,617 ang mga aplikante noong nakalipas na Oktubre.
Tumaas rin ang bilang ng mga manggagawa na naglabas ng kanilang kakayahan sa trabaho sa job portal matapos maitala ang 8,271 bilang ng skilled workers noong nakalipas na buwan. Itinatampok ng Phil-JobNet ang paglalagay ng "skills for hire", katulad ng "yellow pages" o bulletin board para malaman ang kanilang kakayahan sa trabaho.
Sa datos ng BLE na nangangasiwa sa online job website, lumalabas noong nakaraang Oktubre na pinakapatok na trabaho ang call center agents na mayroong 22,144 bakanteng posisyon; technical support staff, 7,144; production/factory workers, 6,599; product specialists, 6,423; service crew, 6,048; cashiers, 5,379; merchandisers, 4,453; sales clerks, 4,282; customer service assistants, 3,697; sales executives, 2,342; security guards, 2,243; customs representatives, 2,000; utility workers, 1,804; marketing specialists, 1,580; janitors, 1,469; laborers, 1,425; promo salespersons, 1,307; promo staff, 1,302; maintenance crew, 1,212; masons, 1,095; software instructors, 1,070; office clerks, 1,040; stock clerks, 1,026; warehouse clerks, 1,020; production technicians, 1,000; collectors, 964 at drivers, government, 909.
At kabilang sa nangungunang kakayahan na inila­lako sa website sa parehong buwan ang mga sumusunod: Service crew, 3,558; cashiers, 3,327; production machine ope­rators, 2,741; production/factory workers, 2,718; sales clerks, 2,657; salesladies, 1,662; data encoders, 1,316; welders, 1,149; office clerks, 1,064; staff nurses, 840; merchandisers, 717; baggers, 610; call center agents, 567; pipe fitters, 510; secretaries, 489; chec­kers, 482 at customer service assistants, 451.
Kaya't makakabuting silipin ng mga naghahanap sa trabaho ang Phil-JobNet. Ipinapakita rin dito ang patuloy na pagdami ng mga oportunidad sa lokal na merkado.
***
Napag-uusapan ang good news, hindi rin nakakapagtaka ang naging komento ni Canadian Prime Minister Stephen Harper na "emerging Asian tiger" ang ekonomiya ng bansa. Talagang napabilib maging si Harper sa maganda at malakas na lagay ng ekonomiya ng Pilipinas.
Dahil sa matayog na lagay ng ekonomiya ng Pilipinas, nangako pa si Harper na dadagdagan ng pamahalaang Canada ang pamumuhunan sa bansa matapos makipagpulong kay PNoy.
Umaabot ngayon sa $1.5 bilyon ang bilateral trade ng Canada at Pilipinas at asahan nating simula lamang ito ng mas malawak pang kooperasyon.
Makatotohanan talaga ang naging pagsasalarawan ni Harper sa katatagan ng ekonomiya ng bansa dahil sa mabuti at malinis na pamamahala ni Pangulong Aquino.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, November 26, 2012

Walang good gesture!




Walang good gesture!
REY MARFIL



Sa katatapos na ASEAN Summit na ginawa sa Phnom Penh, Cambodia, maliwanag pa sa sikat ng araw ang ipinakitang mensahe ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa iba pang lider ng mga bansang dumalo sa pagtitipon na handa niyang ipaglaban ang karapatan ng Pilipinas sa pinag-aagawang mga teritoryo sa West Philippine Sea at Spratlys.
Sa isang bahagi kasi ng pagtitipon, pinalagan ni PNoy ang naunang pahayag ng Prime Minister ng Cambodia na mayroon nang “consensus” o kasunduan ang 10 kasaping bansa ng ASEAN na lulutasin ang usapin sa mga pinag-aagawang mga teritoryo sa loob ng organisasyon at hindi na ito dadalhin pa sa international forum.
Ang taktikang ito ng Cambodia ay papabor sa dambuhalang bansang China na kaalyado ng Cambodia.
Bukod sa West Philippine Sea, may inaangkin ding teritoryo ang China sa Spratlys kung saan nakakabangga rin nila ang Pilipinas, Malaysia, Brunei at Vietnam.
Mabuti na lang at hindi nagpunta sa comfort room si PNoy nang gawin ng PM ng Cambodia ang naturang pahayag tungkol sa umano’y “consensus” na nabuo sa pulong ng ASEAN. Kung hindi, baka nakalusot ang gustong mangyari ng China na pag-usapan ang problema sa agawan ng mga teritoryo sa paraang “bilateral” o “one-on-one” sa China.
Sa laki ng China, anong magagawa ng isang maliit na bansa gaya ng Pilipinas o Vietnam kung nais nilang pairalin ang kanilang kapangyarihan masunod lang ang gusto nila? Kaya naman ang posisyon dito ni PNoy, panatilihing bukas ang iba pang paraan sa pagresolba sa usapin ng teritoryo gaya ng pagdulog sa mga international forum gaya ng United Nation (UN).
***
Napag-uusapan ang pinag-aagawang teritoryo, sa ilalim ng pandaigdigang kasunduan ng mga bansang kasapi ng UN na kinabibilangan ng Pilipinas, may tinatawag na UN Convention on the Law of the Sea na dapat kilalanin. Bukod pa diyan ang Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea, na kailangan ding igalang.
Kaya naman ang panawagan ni PNoy sa mga nag-aagawang bansa lalo na ang China igalang nito ang Exclusive Economic Zone ng bawat bansa at alisin ang kanilang mga barko sa pinag-aagawang teritoryo.
Gaya na lamang sa Bajo de Masinloc, inalis ng Pilipinas ang mga barko nito sa pinag-aagawang lugar para mabawasan ang tensyon, pero ang China, tatlong barko pa rin ang palutang-lutang doon.
Sa usapin ng negosasyon, dapat magpakita ng tinatawag na “good gesture o good will” ang magkabilang panig para masabing seryoso sila na maayos na maresolba ang problema. Ginawa ng Pilipinas ang parte nito sa pamamagitan ng pag-alis sa mga barko sa Bajo de Masinloc pero ang China, hindi, animo’y ipinagmamalaki ang kanilang puwersa.
Sa inaastang ito ng China bukod sa pagpapadala nila ng sangkatutak na mga mangingisda na gumagahasa sa karagatan sa mga lugar ng pinag-aagawang teritor­yo at pagpapatibay ng mga istruktura sa Spratlys na inaangkin nila papaano pa sila dapat pagkatiwalaan sa gusto nilang sistema na “tayu-tayo” na lang ang mag- usap at huwag nang isali ang iba pang bansa.
Maliit na bansa lang ang Pilipinas, hindi sapat ang mga kagamitan para gumamit ng dahas. Masakit mang tanggapin pero kailangan natin ang tulong ng ibang bansa at pandaigdigang forum gaya ng UN kung kakailangin upang maipaglaban at maigiit natin ang ating karapatan bilang nilalang din sa mundong ito.
Ang ipinakitang posisyon ni PNoy sa naturang pulong kaugnay sa usapin ng teritoryo ay hindi pagsira sa pagkakaisa ng mga bansang kasapi ng ASEAN kung hindi pagpapakita na handa niyang ipaglaban ang interes at karapatan ng mga Pilipino.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, November 23, 2012

Nakamamatay!




Nakamamatay!
REY MARFIL




Sa isang pagtitipon ng World Bank na dinaluhan ng sikat na singer na si Bono ng U2, idineklara niya na ang korupsyon ay "biggest killer" sa mundo.
Kabilang si Bono sa nagtatag ng anti-poverty ONE campaign na naglalayong matulungan ang mga naghihikahos sa mundo. Panawagan niya, transparency sa harap ng tinatawag na "fiscal cliff" sa budget ng Amerika.
Bunga ng tumataas na budget deficit ng US, inaasahan na magbabawas ng gastusin ang Amerika, kasama na ang pagbabawas ng ayuda sa mga programang makatutulong sa mga naghihikahos na bansa.
Simple lang kung tutuusin ang nais ipunto ni Bono, kailangan ang maaayos na paggamit ng pondo. May mga lugar sa mundo na halos wala nang makain ang tao kaya binibigyan ng ayuda ng Amerika.
Kung hindi nga naman maaayos ang programa at sa bulsa ng mga tiwaling opisyal babagsak ang pondo na para sana sa mahihirap, asahan na walang makakain ang mga mahihirap at mamamatay.
***
Napag-uusapan ang mga punto ni Bono ito rin ang problemang nais na resolbahin ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino na naglalakbay sa paninindigan ng tuwid na daan sa pamamahala.
Nang maupo sa Palasyo si PNoy matapos ang May 2010 elections, nahalungkat ang umano'y malalim na pagkakabaon ng katiwalian na sinasabing iniwan ng nagdaaang liderato.
Sa nangyaring sakuna sa sinakyang eroplano ng nasirang DILG Secretary Jesse Rodredo, sadyang naging malinaw ang ipinunto ni Bono na nakamamatay ang katiwalian.
Lumitaw kasi sa isinagawang imbestigasyon ng Aircraft Accident Inquiry and Investigation Board, na bukod sa pilot error, binigyan ng pekeng clearance ang eroplanong sinakyan ni Sec. Robredo.
Ang paniwala ng pamahalaan, nagkaroon ng lagayan para mabigyan ng clearance na makalipad ang eroplano kahit hindi lubos na nasuri. Isang halimbawa ng katiwalian ang lagayan na ang resulta, pagpanaw ng tatlong katao kabilang ang iginagalang na si Sec. Robredo.
Ang hindi nasunod na tamang proseso sa pagsusuri ng eroplanong sinakyan ni Robredo ay latak ng katiwalian na ibinaon ng nakaraang umanong administrasyon na patuloy na itinutuwid ng gobyernong Aquino.
Isipin na lang natin kung ilan ang posibleng namatay sa mga ghost project, ghost deliveries, mga substandard na proyekto, medisina at kung anu-ano pang programa na hindi nagawa o natapos dahil may nagbulsa ng pondo.
May mga lugar na kailangang isugal ng mga kabataang mag-aaral ang kanilang buhay sa paglangoy o pagsakay sa salbabida para makatawid sa kabilang pampang upang makapasok sa eskwelahan.
Kung tutuusin, maaari namang gawan ng kahit tulay na gawa sa matibay na kawayan at kahoy upang hindi mabasa at malagay sa peligro ang buhay ng mga residente subalit hindi nangyari dahil sa matinding corruption.
Tama si Bono sa kanyang paglalarawan na nakamamatay ang katiwalian at hindi siya nag-iisa sa ganitong pananaw na seryosong tinutugunan ni Pangulong Aquino.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, November 21, 2012

'Di garantiya!



'Di garantiya!
REY MARFIL



Sa nakalipas na mga linggo, ilang kaso ng karumal-dumal na krimen ang iniulat ng media. Dahil sa mga brutal na paraan ng pagpatay, muling nabuhay ang panawagan na ibalik ang parusang kamatayan sa mga akusadong masasangkot sa mga karumal-dumal na krimen.
Ngunit ang tanong, handa na ba ang lipunan at sistema ng hustisya na umangkin ng buhay ng iba? Ika nga, panahon na bang gamitin ang kasabihang "mata sa mata, ngipin sa ngipin?" na kapag buhay ang inutang, buhay din ang kabayaran?
Si Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino, naniniwalang hindi pa handa ang sistema ng hustisya sa bansa para ibalik ang parusang kamatayan. Dahil may mga butas pa at hindi perpekto ang sistema ng hustisya, may posibilidad na mahatulan ng kamatayan ang isang inosenteng akusado.
Kung mabibitay ang isang inosenteng akusado dahil hindi mahusay ang kanyang naging abogado, hindi na maibabalik ang kanyang buhay. Ang kalalabasan nito ay pagkakamali na dulot ng isa pang pagkakamali.
Nang panahon na ipatupad ang parusang kamatayan, ang intensyon nito'y magsilbing babala o "deterrent" sa mga taong gagawa ng karumal-dumal na krimen. Inaakalang magdadalawang-isip na gumawa ng karumal-dumal na krimen ang mga kriminal pero hindi ito nangyari bagkus lalo pang dumami ang krimen.
Patuloy na dumami ang mga karumal-dumal na krimen, at humaba lang ang pila sa death row, animo'y hinahamon ang batas at sinusukat ng mga kriminal ang tapang ng pamahalaan.
Para kay PNoy, mas makabubuti sa ngayon na pahusayin ang sistema ng hustisya at kapulisan.
Magsisimula ito sa pagpapaigting ng kampanya at mga programa na mapigilan ang krimen; kung nangyari na ang krimen, mahuli ang mga may sala; at kapag mahuli ay mausig sa korte at mahatulan.
***
Sa ngayon, pinaigting ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang police visibility sa maraming lugar. Nag­lagay na rin ng mga CCTV camera at pinahuhusay ang mga gamit ng mga awtoridad para sa pagbabantay sa mga tao at pagtugis sa mga inuusig ng batas.
Noong nakaraang mga linggo, ilang krimen ang hindi napigilang maganap. Gayunpaman, ipinakita ng pulisya na magbabayad ang mga nagkasala sa pamamagitan ng paghuli sa mga suspek.
Kabilang sa mga kaso na mabilis na nalutas at nadakip agad ang mga suspek ay ang karumal-dumal na pagpatay sa UST student na si Cyrish Magalang sa Cavite; ang pagpatay at paggahasa sa model na si Julie Ann Rodelas; ang pagpatay ng isang pulis sa kanyang kinakasama na si Kylie Ann Barocca; at maging ang pagpatay sa mag-inang Teresita at Evelyn Tan, at kasambahay nila sa Maynila.
Pinaka-latest ang mabilis na pagkaaresto at pagbasa ng sakdal sa magboypren (Fernando Quimbao Jr. at Althea Altamirano) na itinuturong mastermind sa pagpaslang sa dating talent ng ABS-CBN at modelo (Jaja Rodelas) isang patunay na epektibo ang matalinong imbestigasyon ng pulisya kung kaya't nagresolba ang kaso, sa pamamagitan ng ebidensyang (resibo) nakuha sa biktima.
Sa kabuuan, hindi lang dapat ipaubaya ng mamamayan sa pamahalaan at pulisya ang paglaban sa kriminalidad. Dapat magkaisa ang publiko sa pagbabantay at pagiging mapagmatyag sa mga taong may masamang hangarin.
Ang tunay at pinakamabisang "deterrent" o panakot sa mga kriminal ay maipakitang nagkakaisa ang mamamayan kontra kriminalidad.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, November 19, 2012

Lumilinaw!




Lumilinaw!
REY MARFIL


Hindi ba't kapuri-puri ang paninindigan ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino na matulungan ang isang overseas Filipino worker (OFW), kabilang ang legal na ayuda kaugnay sa pagkakasangkot nito sa pagsabog ng isang tanker na ikinamatay ng 23-katao sa Riyadh, Saudi Arabia.
Pinamumunuan ni Foreign Affairs Sec. Albert Del Rosario ang pagtulong sa ating kababayan sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa pamahalaan ng Saudi para imbestigahan ang malagim na pangyayari.
Sa kaso naman ng isang Pinay sa Vietnam na kinasuhan ng drug trafficking at nahaharap ngayon sa parusang kamatayan, aapela mismo ang Pangulo kay Vietnam Premiere Ngu­yen Tan Dung para maibaba ang magiging sentensya dito.
Kinilala naman ang naipit na tsuper ng tanker na si R­obin Kebeng na nagtatrabaho sa Kingdom of Saudi Arabia sa loob ng halos isang taon. Sinasabing nasa kustodiya na ito ngayon ng Criminal Investigation Office (CIO) sa Riyadh.
Natukoy naman ang Pinay sa Vietnam na si Amodia Te­resita Palacio, 61-anyos, na naaresto sa Hanoi airport dahil sa pag-iingat ng shabu.
Bagama't ga-hibla ang tsansang mapagbigyan, masidhi ang pagsusumikap at hindi nagpapabaya ang Pangulo para matulungan ang OFWs na nahaharap sa iba't ibang problema sa ibang bansa.
***
Napag-uusapan ang aksyon, malinaw na resulta ng matuwid na daan ni PNoy ang patuloy na pagbuti ng implasyon sa bansa kung saan kontrolado ang presyo ng mga produkto at serbisyo.
Pinagsusumikapan naman kasi ng husto ni Pangulong Aquino ang pagkamit sa parehas at maunlad na paglago ng ekonomiya na pakikinabangan ng lahat at upang maitaas ang kalagayan sa pamumuhuay ng mga Pilipino.
Base sa inflation rate nitong nakalipas na Oktubre, naitala lamang ang 3.1% na mas mababa kumpara sa 3.6% noong Setyembre at 3.8% noong Agosto ng kasalukuyang taon.
Ito ang pinakamababa sa nakalipas na apat na buwan sa usapin ng consumer price index at mababa kumpara sa implasyon ng parehong buwan noong nakalipas na taon na pumalo sa 5.2%.
Bumuti rin ang taunang inflation rate sa National Capital Region na naitala sa 2.9% nitong Oktubre mula 3.5% noong Setyembre at nakapagtala rin ng mababang inflation rate ang 10 iba pang mga rehiyon sa bansa.
Dahil dito, naitala ng Pilipinas ang pinakamababang inflation rate sa buong rehiyon ng Timog-Silangang Asya.
Sa buwan ng Oktubre, nakapagtala kasi ang Vietnam ng 7% habang 4.61% ang Indonesia at 3.32% ang Thailand.
Hindi lumampas ang inflation rate ng bansa sa itinakdang 3-5% ng Philippine Development Plan para sa 2011-2016 na sumabay sa mataas na kumpiyansa ng mga mamimili at mataas sa kasaysayan ng pag-arangkada ng Philippine Stock Exchange Index.
Talaga namang nagreresulta sa magandang ekonomiya ang mabuti at malinis na pamamahala. At lalo pang lumilinaw ngayon ang mga katibayan sa pag-asenso ng kabuhayan ng ating mga kababayan.
Kitang-kita naman natin ito sa napakataas at hindi matatawarang tiwala, pagkasiya at suporta ng mayorya ng mga Pilipino sa Pangulo at kanyang administrasyon.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, November 16, 2012

Magkaiba ang langka sa mangga!



Magkaiba ang langka sa mangga!
REY MARFIL




Sa kilatis pa lang, malayo na ang itsura ng magaspang na balat ng langka sa pinong balat ng mangga ganito ang tila nais gawin ng ibang kritiko sa ginagawang pagkukumpara kay Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
May nagsasabi kasi na walang raw pinagkaiba si PNoy kay Mrs. Arroyo pagdating sa pagbiyahe sa ibang bansa lagi raw itong umaalis ng Pilipinas na ang pinakahuli'y ang pagdalo sa pulong ng mga Asian at European leaders sa Laos.
At asahang muling "mabubuhay ang dugo" ng mga hindi makapag-move on sa resulta ng 2010 presidential elections lalo pa't paalis si PNoy ngayong Sabado (Nov. 17) papuntang Cambodia para dumalo sa ASEAN summit isang napakahalagang pagtitipon ng mga kalapit-bansa sa Asya na naglalayong palakasin ang relasyon, negosyo at resolbahin ang mga gusot sa pag-aagawan ng teritoryo.
Ngunit kung tutuusin, mabibilang lang sa daliri ang pag-alis ng bansa ni PNoy kada taon at mas hamak na konti kumpara sa mga biyahe ng dating liderato. Bukod pa rito, mas maliit din lang delegasyon o kasama sa biyahe ni PNoy, na taliwas din sa mga biyahe noon ni Mrs. Arroyo na madalas may mga bitbit na paborito nilang kaalyadong mga kongresista kasama pa ang mga asawa at tagabitbit ng Louis Vuitton.
Ang maliit na delegasyon ang malaking rason kung bakit mas maliit din ang gastos ni PNoy sa mga biyahe, bukod pa sa wala itong mga pinupuntahang "side trip" para magpahinga sa magagarang hotel o kumain sa mamahaling resto.
Kahit sa bangketa, puwedeng kumain ng hotdog si PNoy na malayong mapagawa mo sa nakaraang liderato. Isa pa, walang misis na isasama si PNoy sa mga biyahe sa abroad kaya solong katawan lang ang ginagastusan sa mga opis­yal na paglalakbay nito sa ibang bansa.
***
Napag-uusapan ang biyahe, wala ring masama kung ulit-ulitin ni PNoy sa kanyang mga talumpati sa abroad sa harap ng mga kababayan natin ang mga kasong kinakaharap ni Mrs. Arroyo at nangyaring impeachment kay dating Chief Justice Renato Corona.
Inilalahad lamang ng Pangulo ang katotohanan tungkol sa nangyayari sa ating bansa. Hindi ba totoong nahaharap sa mga kaso si Mrs. Arroyo dahil sa alegasyon ng katiwalian? Hindi ba totoo na napatalsik si Corona sa Korte Suprema dahil sa hindi siya nagdeklara ng tamang dami ng kanyang ari-arian sa statement of assets liabilities and networth? Kung mali at kasinungalingan ang lahat ng tinuran ni PNoy sa harap ng Filipino community sa abroad dito may karapatang mag-alburoto ang mga kritiko!
Ang tanong ni Mang Gusting: Masaya ba ang nakakaraming Pilipino sa siyam na taong panunungkulan ni Mrs. Arroyo sa Palasyo o tanging nakinabang sa puwesto? Nag­ra-rally ba ang mga Pilipino sa kalye para ipanawagan na palayain sa hospital arrest si Mrs. Arroyo? At hindi rin ba totoo na nahaharap sa kasong katiwalian si Corona dahil sa usapin ng umano'y 'di niya tamang pagdedeklara ng buwis?
Lahat naman ng ito'y totoo at ibinabalita lang ni PNoy sa mga kababayan natin na wala sa Pilipinas dahil hindi makapagbasa ng diyaryo ito'y para mabigyan sila ng kaalaman sa ginagawang pagsisikap ng kasalukuyang gobyerno para malinis ang duming iniwan ng nagdaang liderato.
Ang pagbiyahe ng Pangulo ay limitado lamang, pili at matipid. Mapalad ang bansa na magkaroon ng simpleng lider at hindi maluho kaya hindi nawawaldas ang kaban ng bayan sa mga biyahe.
Kapalit ng matipid na biyahe ay pagpapalakas ng ugna­yan ng Pilipinas sa mga bansang binibisita ni PNoy. Bukod sa pagpapabuti ng diplomatikong ugnayan, nagpapasok din ito ng mga bagong negosyo at mamumuhunan sa bansa na magbibigay ng maraming trabaho sa ating mga kababayan.
Sana lang sa susunod, huwag ikumpara ng mga kritiko ang langka sa mansanas o mangga sa pagnanais lamang magpabida sa media o masabing sila ay kritiko kahit sobrang layo na sa kanilang inaasinta.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, November 14, 2012

May pakinabang!



May pakinabang!
REY MARFIL






Muling ipinakita ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino ang kanyang matindi at hindi matatawarang malasakit sa mga marino nang bigyang prayoridad ang pagsusulong sa kanilang kagalingan at interes sa nakalipas na 9th Asia Europe Meeting (ASEM) sa Laos na nagresulta para matiyak na mapapanatili ang trabaho sa halos isang daang libong marino.
Kapuri-puri ang hakbang ni PNoy matapos makipag-usap kina European Council President Herman Van Rompuy at European Commission President Jose Manuel Barroso upang ta­lakayin ang kalagayan ng mahigit sa 91,000 marinong Pilipino na nangangasiwa ng maraming barko sa Europa.
Naalarma ang Pangulo sa posibilidad na ma-blacklist ng European Union ang ating mga marino na siguradong makakaapekto sa kanilang mga pamilya.
Pinuntuhan ni PNoy ang kapabayaan ng nakalipas na administrasyon sa pagtalima ng bansa sa alituntunin sa maritima na itinatakda ng Standards of Training, Certification and Watchkeeping (STCW) ng European Commission.
Para nga makatugon ang bansa sa alituntunin, nilagdaan ng Punong Ehekutibo ang Executive Order (EO) No. 75 na nag-uutos sa Department of Transportation and Communications (DOTC) na siguruhing makakasunod ang bansa sa itinatakdang pamantayan ng STCW.
Dahil dito, napanatili ng Pilipinas ang katayuan nito sa ma­ritime whitelist ng European Commission at sinigurado ng Pa­ngulo na makakapasa tayo sa susunod na pagsusuri ng EMSA.
Mismong si Norwegian Prime Minister Jens Stoltenberg, pinuri ang Pilipinas sa mga repormang ipinapatupad nito at maging ang mga programa para matulungan ang mga mahihirap, as in nangako rin ang Norway na tutulungan ang Pilipinas na makalusot sa European Union maritime audit.
Bukod sa pagkuha sa serbisyo ng mga marinong Pilipino, nangangailangan rin ang Norway ng malaking puwersa ng mga kawani, lalung-lalo na sa sektor ng medikal na pagsusumikapang makuha ng Pilipinas.
***
Napag-uusapan ang Laos trip, isa pang positibong bagay sa nakalipas na biyahe ni PNoy ang pagkakakuha nito sa pangako ng mga kasaping bansa ng ASEM na lalo pa nilang susuporta­han ang pag-unlad sa Mindanao matapos lagdaan noong nakalipas na buwan ang Framework Agreement para sa kapayapaan.
Isa lamang ito sa mabungang biyahe ng Pangulo sa 9th ASEM na isinagawa sa Vientiane, Lao People's Democratic Republic.
Sa katunayan, pinuri pa ng mga lider ng ASEM ang Pilipinas matapos maisara ang Framework Agreement for Mindanao para sa kapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Bukod sa kasunduang pangkapayapaan sa mga rebeldeng Muslim, bumilib rin ang mga lider ng bansang mga kasapi ng ASEM sa mga repormang ipinatupad ng pamahalaan kaya nais nilang makibahagi sa magandang mga nangyayari.
Sa kanyang pulong kay Japanese Prime Minister Yoshihiko Noda, sinabi ng Pangulo na nasentro ang diskusyon sa malinaw na alituntunin sa West Philippine Sea at maging ng kapayapaan sa Mindanao.
Magugunitang nagkaroon ng kontribusyon ang Japan sa proseso ng kapayapaan, partikular sa naging pulong ni Pa­ngulong Aquino sa Narita sa matataas na mga opisyal ng MILF noong Agosto 2011.
Magkakasama ang Japan, UK, Turkey at Saudi Arabia sa tinatawag na International Contact Group (ICG) na itinatag noong Disyembre 2009 upang isulong ang wagas na kapayapaan sa Mindanao.
Walang duda na ang matino at maayos na mga polisiya ni Pangulong Aquino ang nasa likod ng lahat ng mga tagumpay at papuring ating inaani sa mata ng internasyunal na komunidad.
Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, November 12, 2012

Makakatulong ka!



Makakatulong ka!
REY MARFIL





May kasabihan na lahat ng bagay na nilikha sa mundo ay may silbi. Kailangan lamang alamin ang silbi nito para magamit pero dapat sa mabuting paraan.
Ganito rin ang mensaheng ipinaabot ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino nang dumating siya sa bansa matapos dumalo sa Asia-Europe Meeting o ASEM sa Laos dito ay nakasalamuha ni PNoy ang mahigit 50 mga pinuno mula sa iba't ibang bansa sa Europa at Asya.
Sa biyaheng ito ng Pangulo, may ilang pumuna kay PNoy kung kailangan ba talaga niyang magbibiyahe sa ibang bansa? May mapapala ba raw ang Pilipinas sa mga biyaheng ito? May naghalintulad pa nga kay PNoy kay da­ting Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na madalas daw bumiyahe na wala namang nangyari sa mga biyahe.
Sa totoo lang, foul at below the belt kumbaga sa boksing na ihalintulad si PNoy kay Gloria. Una, 'di naman marami ang biyahe ni PNoy kung tutuusin. Pangalawa, hindi magarbo sa biyahe si PNoy at kaunti lang ang mga kasama kaya tipid sa gastos. At pangatlo, hindi lilipad si PNoy sa ibang bansa kung hindi kailangan.
Lingid sa kaalaman ng marami, hindi mahilig sa biyahe ang ating Pangulo. Kung babalikan natin ang nakaraang mga balita nang nagsisimula pa lang si PNoy na manungkulan bilang Pangulo, makikita dito kailangan pa siyang ikuha ng pasaporte ng kanyang sekretarya.
***
Napag-uusapan ang biyahe, sa ASEM, ikinuwento ng Pangulo na isa sa mga dahilan ng pagdalo niya dito ay matiyak ang kapakanan ng ating mga kababayang nagtatrabaho sa Europa. Batid naman natin na kabilang ang Europe sa mga lugar sa mundo na dumadanas ng financial global crisis.
Isama na diyan ang pagtiyak sa kapakanan ng may 91,000 Pinoy seafarers sa mga European-flagged vessels na baka ma-blacklist sa European Union kung hindi masusunod ang ilang alituntunin na kanilang ipinatutupad.
Partikular na dito ang tinatawag na Standards of Trai­ning, Certification and Watchkeeping, o STCW na ipinatutupad ng European Commission na napabayaang tugunan ng nakaraang administrasyon para sa kapakanan ng mga Pinoy sailors.
Sa pamamagitan ng pakikipag-usap ni PNoy sa mga li­der ng Europa, naipaalam niya na ginagawan na ng paraan ng Aquino government na makamit ang pamantayan na ito ng European Commission at ng European Maritime Safety Agency (EMSA) para hindi ma-blacklist ang ating mga kababayan.
Ilan lang 'yan sa mga layunin ng pagbiyahe ni PNoy sa Laos bukod pa sa pagpapalakas ng diplomatikong ugna­yan ng Pilipinas sa ibang bansa at makahikayat ng mga dayuhang mamuhunan ng negosyo sa bansa para lumikha ng dagdag na trabaho sa mga Pilipino.
Kung maraming trabahong puwedeng pasukan sa Pilipinas, mababawasan na rin ang mga Pinoy na napipilitang magtrabaho sa ibang bansa para buhayin ang kanilang pamilya. Isa kasi sa pangarap ni PNoy na dumating ang panahon na bago sana matapos ang kanyang termino sa 2016 ay hindi maging obligasyon ang pangingibang bansa ng mga kababayan natin.
Hiling ni PNoy sa mga kababayan sa kanyang talumpati, "Magkusa tayong sumagwan at makiambag. Ikaw man ay nurse sa isang baryo, isang seaman sa Italya; ikaw man ay guro sa liblib na sitio, o inhinyero ng pinakamatayog na gusali sa Espanya; may maitutulong ka para sa pag-
angat ng iyong kapwa; may maibabahagi ka sa tagumpay ng iyong bansa."
Kaya naman sa halip na mang-intriga o maghanap ng butas na maipupuna sa kapwa o kung kritiko ng gobyerno na walang magawa kundi maghanap ng puwedeng ipang-asar, mas mabuting maghanap na lamang ng solusyon sa problema at tiyak nakatulong ka pa!

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, November 9, 2012

Nagmamarka!




Nagmamarka!
REY MARFIL



Hindi nakakapagtakang pumangalawa ang bansa sa Global Consumer Confidence Survey na isinagawa ng Nielsen Company kinakatawan ng pinakabagong survey ang dalawang porsiyentong pagtaas sa third quarter ng 2012 kumpara sa second quarter ng taon.
Sa naitalang 118 na marka, pumangalawa ang Pilipinas sa India at Indonesia na parehong nakakuha ng 119 sa hanay ng 58 na mga nasyong isinama sa pananaliksik. Maliit na 12 bansa lamang sa hanay ng 58 ang nagrehistro ng pagiging optimistiko.
Malinaw na maganda ang pananaw ng mga konsumer sa takbo ng ekonomiya kaya mataas ang kanilang kumpiyansa isang patotoo ang pagdagsa ng puhunan at negosyo. Ma­ging ang iba't ibang world leader, napapansin ang Pilipinas at bago ang ASEM summit, bisita ang France, pinaka-latest ang Canada ngayong Sabado.
Tinalo ng Pilipinas ang Thailand ng anim na puntos at 13 puntos naman ang iniangat natin sa Malaysia.
Nakakuha naman ang Singapore ng 98 points at 87 sa Vietnam.
Walang kaduda-duda na bahagi ng matuwid na daan na kampanya ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino ang magandang resulta ng survey, malinaw ang nagmamarkang liderato sa loob lamang ng humigit-kumulang tatlong taon.
***
Napag-uusapan ang good news, nasa tamang direk­syon talaga ang pinalawak na Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) o subsidiya ng administrasyong Aquino para makamit ang Millennium Development Goals (MDGs) upang masugpo ang kahirapan at kagutuman sa bansa.
Inaasahan natin na mamimintina ng matuwid na daang kampanya ng administrasyong Aquino ang 4Ps bilang "best investment asset" para sa mga Pilipino.
Hindi lamang pinagkakalooban nito ang mga benepisyunaryo ng kita kundi maging ng kakayahan upang ma­ging produktibong mga tao bilang pangmatagalang ayuda.
Makikita naman talaga ang masigasig na pagsusumikap ng pamahalaan na hanapan ng lunas ang pagpapababa sa kahirapan.
Tinutukoy ng MDGs ang walong internasyunal na target na pangkaunlaran na itinatakda ng United Nations (UN) at napagkasunduan ng 192 UN member-states at 23 international organizations na makamit sa 2015.
Bukod sa pagsugpo sa kahirapan at kagutuman, kabilang rin sa Millennium Development Goals ang pagkamit sa universal primary education; promosyon ng gender equality at pagpapalakas ng mga kababaihan.
Nakapaloob din ang pagpapababa sa pagkamatay ng mga bata; pagpapabuti sa kalusugan ng mga nanganganak, pagsugpo sa HIV/AIDS, malaria, at iba pang nakamamatay na mga sakit; pagtiyak ng maayos at kaaya-ayang kapaligiran; at paglinang sa pandaigdigang samahan tungo sa kaunlaran.
Sapul nang maupo si PNoy sa kapangyarihan noong Hunyo 30, 2010, talaga namang nireporma at pinalawak nito ang CCT. Mula sa kulang-kulang isang milyong mga benepisyunaryo bago pumasok si PNoy sa tanggapan, target ngayon ng programa na makuha ang 3.1 milyong benepisyunaryo sa pagtatapos ng taon.
Bagama't mayroong mga kritiko ang programa, hindi naman napigilan maging ni Junko Onishi, Social Protection Specialist ng World Bank, na magsabing mayroong mga ebidensya na tama ang Pantawid Pamilya at mayroong positibong epekto sa mga benepisyunaryo.
Idinagdag naman sa ulat ng World Bank-AusAID na naitataas ng 4Ps ang kita ng mga benepisyunaryo sa 12.6 porsiyento at mapababa ang pangkalahatang kahirapan sa pagkain na sakop ng programa ng 5.5 porsiyento.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blog­spot.com)

Wednesday, November 7, 2012

Upgraded!



Upgraded!
REY MARFIL





Matuwid na pamamahala ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino na nagbunga ng magandang ekonomiya ang pangunahing rason sa patuloy na tagumpay ng kanyang pamahalaan, patunay ang mataas na credit ratings na ipinagkaloob ng Moody's Investors Service sa Pilipinas.
Itinaas ng Moody's Investors Service ang Pilipinas mula BA2 tungong BA1 o isang puntos na lamang na mababa sa tinatawag na investment grade status o estado ng pamumuhunan, as in siyam na pagkakataong na-upgrade ang Pilipinas, sapul nang manungkulan noong Hunyo 30, 2010 si PNoy.
Kinilala rin ng Moody's ang malakas na macro-economic fundamentals at pagsusumikap ng pamahalaan na mapalakas ang pananalapi para sa kaunlaran, kabilang ang kaaya-ayang mga programa katulad ng makasaysayang Bangsamoro Framework Agreement na posibleng magbigay-daan upang malinang ang yaman ng Mindanao at makinabang ang sambayanan sa progreso.
Ipinakita lamang ng Moody's upgrade ang katulad na kumpiyansang ibinigay ng Standard & Poor's and Fitch Ratings na naunang nagkaloob sa Pilipinas ng markang isang puntos upang makamit ang investment grade status, 'di hamak na napakalayo sa nagdaang 9-taon.
Makasaysayan ang pag-upgrade dahil isang dekada na ang nakakalipas, simula nang magbigay ang tatlong credit ratings agencies ng nagkakaisang markang ganito sa bansa. Take note: Mismong si PNoy ay hindi maiwasang magpasaring na masisira ang calculator sa dami ng "addition" sa mga kontratang pinalusot ng pinalitan nito sa puwesto.
Ipinapamalas lamang sa ganitong pagtanaw ng credit ratings ang namimintinang kumpiyansa ng international community sa magandang kalagayan ng pamumuhunan sa bansa, sa ilalim ng administrasyong Aquino sa tulong ng malinis na pamamahala at sa gitna ng paghina ng pandaigdigang ekonomiya.
***
Napag-uusapan ang good news, pinatunayan sa ginawang pagkilala sa Pilipinas ng international think-tank na Economist Intelligence Unit (EIU) bilang isa sa magagandang mga lugar sa buong mundo para sa micro-enterprises o maliliit at katamtamang mga negosyante na naghahari ang malinis at matuwid na pamamahala ni PNoy.
Isang magandang balita para sa publiko ang mataas na gradong ipinagkaloob dahil lubhang napakahalaga ang micro-financing lalo pa't nakakatulong ito sa tinatawag na maliliit at katamtamang mga negosyo isang pamamaraan upang mapalago ang ekonomiya at mabawasan ang pagdami ng tambay sa mga pundahan o kanto.
Muling hinirang ang Pilipinas bilang isa sa mga bansa sa buong mundo na mayroong paborableng kapaligiran para sa maliliit na mga negosyo matapos makuha ang ikaapat na posisyon sa hanay ng 55 nasyon na sinaliksik ng EIU ito'y mataas ng dalawang puntos kumpara sa nakuhang ikaanim na puwesto ng Pilipinas noong 2011.
Sa ulat ng "Global Microscope on the Microfinance Business Environment 2012", sinabi ng EIU na maganda ang mga ipinatupad na regulasyon ng mga ahensya ng pamahalaan katulad ng Central Bank kaya napanatili ng Pilipinas ang estado nito sa 10 nangungunang mga bansa na mayroong magandang kapaligiran para sa micro-business.
Kabilang sa mga regulasyong nakakatulong sa maliliit na mga negosyo ang umento sa halagang maaaring utangin sa mga bangko at pangkalahatang pagpapahiram ng puhunan ng mga bangkong pag-aari ng gobyerno.
Nakakuha ang bansa ng 63.3 puntos sa pangkalahatang micro-business environment. Nanguna naman ang Peru sa naitalang 79.8 puntos na sinundan ng 71.8 puntos ng Bolivia at ikatlo naman ang 67.4 puntos ng Pakistan.
Kaya't ipagpasalamat natin ang matuwid at malinis na pamamahala ni PNoy na nakatulong ng malaki upang manumbalik sa pamahalaan ang tiwala ng publiko at kumpiyansa ng mga negosyante.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo". (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, November 5, 2012

Kasunduan!



Kasunduan!
REY MARFIL





Napakagandang balita ang desisyon ng Pilipinas at Pransya na magtulungan sa larangan ng produksyon ng enerhiya at kultura na naglalayong palakasin pa ang bilateral ties ng dalawang bansa na naging pormal sapul noong 1947.
Sinaksihan mismo nina Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino at French Prime Minister Jean-Marc Ayrault ang paglagda sa Declaration of Intent ng pamahalaang Pilipinas at Pransya na may kaugnayan sa pag-aaral ng produksyon ng enerhiya sa biomass at ikalawang kasunduan sa Philippine Exhibition at Musee Du Quai Branly sa Paris, France.
Nilagdaan ito nina France Minister of Foreign Trade Nicole Bricq at Foreign Affairs Secretary Albert Del Rosario. Isinagawa ang paglagda sa unang araw ng State Visit ni Ayrault sa Pilipinas kamakailan kung saan binigyan ito ng arrival honors ng Pa­ngulo sa MalacaƱang.
Sa ilalim ng Declaration of Intent, ipagkakaloob ng pamahalaan ng Pransya ang grant na nagkakahalaga ng 372,272 euros para pondohan ang feasibility study sa rice straw para lumikha ng kuryente gamit ang Orga­nic Rankine Cycle (ORC) technology.
Sa kasunduan, napili ang Pilipinas na bansang itatampok sa Grand Exhibition kung saan 300+ artifacts kaugnay sa pre-colonial Philippines ang ipapakita.
Mismong si PNoy ang nagsabing makakatulong ang kasunduan para lalo pang palakasin ang samahan ng da­lawang bansa habang iginiit ni Prime Minister Ayrault na lalo nitong maitataas ang tiwala sa isa’t isa ng Pi­lipinas at Pransya.
Talaga namang magandang pagkakataon at oportunidad ito para mapabuti ang relasyon ng dalawang bansa at maisulong ang interes sa larangan ng ekonomiya na makakatulong sa mga tao.
***
Napag-uusapan ang good news, hindi napigilan ni Prime Minister Ayrault na mapahanga sa matuwid na daan ni PNoy. Pinuri ni Ayrault ang lakas ng Pangulo at mga Pilipino na lumaban sa mga hamon na isang ugali na ipi­nagmamalaki rin ng mga Pranses.
Kinilala rin ni Ayrault ang pambihirang diplomatikong kakayahan ni Pangulong Aquino na resolbahin ang mga problema at suliranin. Take note: Bilib rin ang mataas na opisyal ng Pransya sa lakas ng mga Pilipino na ipaglaban ang kanilang kalayaan at demokrasya.
Hindi naman nakakapagtaka ang naging paghanga ni Ayrault dahil talagang laging lumalaban si PNoy sa pagpapaunlad at pagkakaloob ng hustisya sa bansa, as in naharap ang buhay ng Pangulo sa ilang matitinding pagsubok para ipaglaban ang interes at kagalingan ng mga Pilipino.
Pinuri rin ng opisyal ng Pransya ang mga magulang ng Pangulo na sina dating Senator Benigno ‘Ninoy’ Aquino, Jr. at dating Pangulong Corazon Aquino na nagpakita noon ng magandang mga halimbawa bilang mga lider ng bansa upang isulong ang pagpapanatili ng kalayaan at demokrasya.
Saludo rin ang mayorya o nakakaraming Pilipino sa mapayapang pamamaraan ng Pangulo na resolbahin ang mga panloob at panlabas na krisis ng bansa.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, November 2, 2012

Positibo!




Positibo!
REY MARFIL





Hindi nakakapagtaka ang pinakabagong survey ng Social Weather Station (SWS) na nagpapakita ng patuloy na mataas at malakas na tiwala ng publiko sa administrasyong Aquino na indikasyon ng kanilang pagsang-ayon sa ipinapatupad na mga reporma.
Pinatunayan rin ng survey ang malaking tagumpay ng pamahalaan sa pagtiyak ng epektibo at pantay-pantay na pagkakaloob ng serbisyo sa publiko.
Naniniwala akong gagamitin ito ng pamahalaan para lalo pang paghusayin at pagbutihin ang pagresolba sa mga suliranin at tugunan ang pangangailangan ng mga tao at mapanghamong panahon.
Tandaan: Walang sinumang administrasyon ang tuluy-tuloy na nakakuha ng mataas na ratings katulad ng liderato ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino sapul nang simulan ng SWS ang ganitong survey noong Pebrero 1989.
Base sa SWS survey nitong nakalipas na Agosto, tumaas ang public's net satisfaction ng administrasyong Aquino sa +62, halos tabla ng tinaguriang best rating nitong +64 na naitala noong Setyembre 2010.
Naitala ang pagtaas ng net satisfaction sa lahat ng geographic regions, economic classes at tinatawag na overwhelming number of indicators.
Nakapagtala ang administrasyon ng mataas na marka sa larangan ng ekonomiya katulad ng pagkakaloob ng trabaho na +43 at paglaban sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo o implasyon mula -6 patungong +19.
Kapansin-pansin rin ang mataas na markang nakuha sa paglaban sa krimen na mula +16 patungong +42 at pagsugpo sa katiwalian mula +12 patungong +40.
Mataas rin ang nakuhang marka ng administrasyong Aquino sa pagtulong sa mga nabiktima ng kalamidad base sa naitalang +73 habang +59 naman sa pagtulong sa mga mahihirap mula sa dating +35.
Maganda rin ang ipinakita ng pamahalaan sa promosyon ng kagalingan at interes ng overseas Filipino workers (OFWs), relasyong diplomatiko at pagtatanggol ng bansa sa teritoryo nito.
***
Napag-uusapan ang good news, nakakatuwang marinig sa administrasyong Aquino ang kanilang target na pagkakaloob ng walong mga proyekto ngayong taon at katulad na 10 karagdagan pa sa 2013 sa ilalim ng programang public private partnership (PPP) na siguradong lilikha ng aktibidad sa ekonomiya at magreresulta sa karagdagang trabaho para sa mga Pilipino.
Sa nakalipas na business forum sa New Zealand kung saan nagkaroon si PNoy ng state visit, inihayag nito ang pagsubasta sa ilang mga proyekto katulad ng Light Rail Transit extension at konstruksyon ng mga silid-aralan ng Department of Education.
Sa ngayon, naibigay na ng pamahalaan ang konstruksyon ng 10,000 silid-aralan at magkakaroon ng karagdagang subasta para sa 10,000 pang katulad na mga pasilidad na gagawin. Isinubasta na rin ng pamahalaan ang toll way at ipagkakaloob pa ang isang katulad na proyekto.
Sa tulong ng matuwid na daan ni PNoy, naitatag ng pamahalaan ang PPP projects at asahan nating pakikinabangan ang mga ito ng maraming mga Pilipino.
Hindi lamang nito sinasakop ang tinatawag na economic infrastructures katulad ng mass transit, toll ways, kuryente, sewerage at tubig kundi maging ang social infrastructures kagaya ng konstruksyon ng mga eskwelahan at maging ng mga tanggapan.
Nais lamang ng Pangulo na tugunan ang kakulangan sa imprastraktura ng Pilipinas kumpara sa ibang mga kanugnog na bansa sa Asya kung saan ginagawa ang PPP projects base sa pondong nakalaan.
Dahil sa matalino at hindi maaksayang paggugol ng pampublikong pondo, nagawa ng pamahalaan na itaas ang alokasyon sa imprastraktura ng halos 50 porsiyento sapul nang maupo ang Pangulo sa posisyon noong 2010.
Umaasa ang pamahalaan na magtutuluy-tuloy ang magandang programang ito hanggang bumaba sa kapangyarihan si PNoy sa 2016. At kamakailan nagtungo ang Pangulo sa New Zealand para sa dalawang araw na state visit at tumuloy sa Australia sa katulad na trabaho.
Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)