Batu-bato sa langit! | |
Sa official visit ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino sa New Zealand, hindi lang natuwa ang mga kababayan natin doon nang makita siya, napatawa pa sila sa mga "political jokes" na binitiwan nito.
Pero mayroon tayong kababayan na wala naman sa naturang pagtitipon doon sa New Zealand at nandito sa Pilipinas ang tila hindi nasiyahan sa naturang joke ni PNoy tungkol sa mga kurap na kababayan sa bansa.
Sa harap ng may 1,000 Pinoy sa naturang pagtitipon sa New Zealand, malinaw ang pahayag ni PNoy, isi-share niya ang narinig niyang joke. Karaniwan na rin naman sa speaker ang magpatawa bago ang seryosong talakayan para makuha ang atensiyon ng mga tao.
Panimula ni PNoy: "Share ko ho lang sa inyo isang…tawang-tawa ako sa narinig kong joke. 'Yung mga kababayan raw ho nating kurap sa Pilipinas, kagagara ng kotse, kamamahal, katutulin, pero pagka ginustong tumakas ang ginagamit wheelchair.
May binanggit din ang Pangulo tungkol sa mga taong "ginatasan" na ang baka, gusto pang gawing "bulalo".
Malinaw ang biro ng Pangulo, wala siyang tinukoy na pangalan ng kurap na Pilipinas. At ang biro ay hindi sa kanya nagmula kundi ibinahagi lang niya ang kanyang narinig na nagpasaya sa kanya.
Kung tutuusin, hindi naman nabigo si PNoy sa kanyang intensyon dahil nagtawanan ang mga tao, nabuhayan ng sigla kaya nakuha niya ang intensiyon.
***
Napag-usapan ang joke -- pumalag sa Pilipinas ang kampo ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na gustong palitawin na sila ang pinatatamaan ni PNoy.
Hindi raw maganda na gawing katawa-tawa ang sitwasyon ng dating lider na naka-hospital arrest ngayon dahil sa mga alegasyon ng kasong katiwalian.
May karamdaman umano si Mrs. Arroyo kaya pinayagan siyang manatili sa ospital ng Sandiganbayan kaysa ilipat at idetine sa regular na kulungan. Kung tutuusin, dapat pang magalit ng mga taong meron kapansanan dahil kinakasangkapan ng ilang corrupt officials ang kanilang sektor o kapansanan upang makaiwas sa pag-uusig ng batas, as in dobleng insulto ang ginawa!
Mayroon ding humirit na nagsabing may sakit siya at gumagamit ng wheelchair at hindi raw nito nagustuhan ang birong iyon ni PNoy.
Pero kung tutuusin, hindi kay PNoy dapat magalit ang sinumang tunay na may sakit at nakabilanggo sa wheelchair. Sa halip, dapat silang magalit sa mga kurap na pulitiko na kapag huhulihin sa kasong katiwalaan ay biglang nagkakasakit at makikitang nakasampa sa wheelchair.
Sa mga taong ito sila dapat magalit at mainis dahil kinakasangkapan ang wheelchair para magmukhang kaawa-awa at makakuha ng simpatya makaiwas lang sa kulungan.
Samantala, kung alam mo malinis ang iyong konsensiya at hindi totoo ang ibinibintang sa iyo, hindi mo dapat ikairita ang anumang biro o pahaging na ibabato sa ito. Maliban na lamang kung akma sa iyo ang kasabihang: "batu-bato sa langit, ang tamaan 'wag magalit".
Dahil kung ikaw ay pumiyok kahit hindi naman tinamaan ng bato, pag-iisipan na ikaw ay "feeling guilty".
Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo". (mgakurimaw.blogspot.com)