Friday, September 28, 2012

Armado ngayon!




Armado ngayon!
REY MARFIL



Dapat suportahan at bigyang kooperasyon ang kautusan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa bagong talagang si Interior and Local Government Sec. Manuel Roxas na paigtingin pa ang paglansag sa mga pribadong armadong grupo sa Pilipinas habang naghahanda ang bansa sa 2013 midterm elections.
Magugunitang walang humpay ang naging kampan­ya noon ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa ilalim ng namayapang si Interior and Local Government Sec. Jesse Robredo para buwagin ang mga armadong grupo sa bansa.
Mula sa 80 armadong mga grupo, idineklara ng Malacañang na kalahati na sa mga ito ang nalansag.
Kailangan nating tiyakin na magiging mapayapa ang darating na halalan at mananalo ang mga kandidatong ibinoto ng mga tao.
***
Napag-usapan ang mga aksyon ng gobyerno, hindi ba’t nakakatuwang marinig na sisimulan na sa lalong madaling panahon ng inter-agency body ang pagbuo sa implementing rules and regulations (IRRs) ng bagong lagdang batas na Cybercrime Prevention Act of 2012 upang sugpuin ang mga krimen sa internet sa Pilipinas.
Itinalaga ang Department of Justice (DOJ), DILG at Information and Communications Technology Office sa ilalim ng Department of Science and Technology (ICTO-DOST) para trabahuhin ang Cybercrime Prevention Act of 2012 IRR.
Nilagdaan ni PNoy ng nakaraang Setyembre 12 ang Republic Act (RA) No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Kabilang sa mga pinaparusahan ng batas ang pag­labag sa pagiging pribado, integridad at umiiral na computer data system, panghihimasok sa files, ilegal na interception, pakikialam sa data, system interfe­rence, at maling paggamit ng devices.
Kasama rin sa tinatawag na computer-related offenses ang forgery, fraud, at identity theft na talamak ngayon sa internet. Parurusahan din sa ilalim ng batas ang content-related offenses kagaya ng cybersex, at child pornography.
Hindi rin paliligtasin ng batas ang tinatawag na unsolicited commercial communications o cyber-squatting, paggamit sa pangalan ng mga tao para sa sariling kapakinabangan o manira ng reputasyon.
Kabilang sa mga umiiral na batas sa bansa na pinarurusahan ang internet crimes ang Republic Act (RA) No. 9995 o Anti-Photo and
Voyeurism Act of 2009; RA No. 9775 o Anti-Child Pornography Act of 2009; at RA No. 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003.
Malinaw na determinado ang administrasyong Aquino na habulin ang mga nasa likod ng iba’t ibang krimen sa internet lalo pa’t nakatali ang kamay ng pulisya sa mahabang panahon.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)





Wednesday, September 26, 2012

Malayo sa nakaraan!




Malayo sa nakaraan!
REY MARFIL



Dapat kilalanin ang pagsusumikap ni Agriculture Sec. Proceso Alcala na mailuwas ang tinatawag na “cavendish bananas” ng bansa sa mga tropang Amerikano sa Gitnang Silangan at Pasipiko.
Tinatrabaho ni Alcala ang bilateral agreement sa Washington para sa posibleng pagluluwas ng mga sa­ging lalo na ngayong mayroong teknolohiya ang Pilipinas upang dalhin ito sa mga sundalong Amerikano na nasa labas ng Estados Unidos.
Bukod sa mga base militar, tinitingan rin ng DA ang Defense Commissary Agency (DeCA) na pinatatakbo ng United States Department of Defense bilang mas magandang merkado ng saging ng Pilipinas. Pinatatakbo ng US Department of Defense ang mahigit sa 250 commissa­ries sa buong mundo.
Nagbebenta ang commissaries ng groceries at household goods sa active-duty, guard, reserve, at retiradong mga kasapi sa lahat ng pitong uniformed services ng US at kasapi ng kanilang mga pamilya.
Dahil sa sinserong serbisyo, malaki na ang tsansa ng cavendish bananas ng bansa na makapasa sa US export requirements matapos ipatupad ng Department of Agriculture ang ilang mga hakbang na nagpataas sa kalidad ng ating mga saging.
Nakipagkita si Alcala sa US Department of Agriculture attachés para talakayin ang sanitary at pythosanitary requirements ng mga saging at asahan natin ang pagluluwas ng produkto sa lalong madaling panahon.
Ginagawa ng administrasyong Aquino ang lahat para sa promosyon ng mga produkto ng bansa na magreresulta sa karagdagang kita at trabaho ng mga Pilipino.
***
Napag-uusapan ang good news, senyales sa lumala­gong ekonomiya ng bansa ang 2012-2013 Global Competitiveness Report na ulat kung saan bumuti ang ran­king ng Pilipinas na nasa ika-65th spot ngayon mula ika-75 posisyon.
Halos 10 puntos ang naging ginansya ng Pilipinas sa ika-65 posisyon ngayon sa hanay ng ekonomiya ng 144 na bansa base sa pinakabagong pananaliksik ng Global Competitiveness Report 2012-2013 o ang taunang publikasyon ng World Economic Forum.
Noong nakaraang taon, 10 puntos rin ang iniangat ng bansa mula sa 85th tungong 75th o kabuuang 20 puntos na pagtaas sa nakalipas na dalawang taon ito’y bunsod ng matuwid na kampanya ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na nagawang maibalik ang tiwala ng publiko at mga negosyante sa pamahalaan.
Kitang-kita rin ang pag-asenso ng mga pampublikong institusyon na nakaabot sa ika-94 na posisyon o pag-angat ng 23 puntos habang 33 puntos naman ang iniakyat ng tiwala ng publiko sa mga pulitiko para sa ika-95 na puwesto.
Talagang malinaw ang hindi natitinag na pag-angat ng sosyal na tiwala at pagpapalakas ng demokratikong mga institusyon bilang resulta ng isinulong na mga reporma sa pamahalaan sapul nang maupo sa kapangyarihan si PNoy noong Hunyo 2010.
Kabilang pa sa paborableng mga resulta ang transpa­rency sa pagbuo ng polisiya na umangat ng 23 puntos at pagiging parehas sa pagkakaloob ng mga kontrata na tumaas naman ng 19 na puntos.
Nakapagtala rin ng 27 puntos na pag-angat sa isyu ng pagbabawas sa tinatawag na paglilipat ng mga pampublikong pondo habang 23 puntos na pagtaas sa pagbabawas ng tinatawag na maaksayang paggugol ng salapi ng bayan at 11 puntos na pagtaas sa pagpapabuti ng iregular na pagbabayad o panunuhol.
Malinaw na nag-ugat ang lahat ng positibong pagbabago sa pagiging “competitive” ng Pilipinas sa mga repormang inilatag ng administrasyong Aquino.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, September 24, 2012

Paglaban!



Paglaban!
REY MARFIL


Maganda ang hatid na balita sa lumabas na resulta ng pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na nagpapakita ng malaking kumpiyansa ng mga negosyante tungkol sa pagbaba ng katiwalian sa gobyerno sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino.
Sa 2012 SWS Survey of Enterprises on Corruption na ginawa noong July 16 hanggang Sept. 14, lumabas na 71% ng tinanong na 826 business executives ang nagpahayag na mas kaunti na ang katiwalian sa gobyerno, at dalawang porsiyento (2%) lamang ang nagsabing malala pa rin.
Ang naturang survey ay nagpapakita rin na mas bumubuti ang pananaw ng mga negosyante tungkol sa usapin ng katiwalian sa gobyerno. Sa nakaraang survey kasi na ginawa naman noong May 24 hanggang 27, 2012, 64% ang nagsabing nabawasan na ang katiwalian, kumpara sa dating nagsabi na limang porsiyento (5%) na lumalala ang problema.
Sa pananaw ng SWS, nagkaroon ng radikal o puspusang kampanya ang pamahalaan ni Aquino laban sa katiwalian.
Hindi naman ito kataka-taka dahil lumalabas naman ang mga balita tungkol sa tauhan o maging opisyal ng pamahalaan at law enforcement agencies na natatanggal sa trabaho kapag nasangkot sila sa iskandalo ng katiwalian.
Pagpapakita ito na hindi nakakalimot si PNoy sa kanyang ipinangako noon na lilinisin niya sa katiwalian ang gobyerno na iniwan ng nakaraang administrasyon.
Sa isang survey ng SWS noong 2009, umabot sa 64% ang paniniwala ng mga negosyante na matindi ang katiwalian sa nakaraang gobyerno ito’y hindi kailangan pang i-survey lalo pa’t namutiktik sa iskandalo ang administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at naging “busy” sa inquiry ang Senado.
***
Napag-usapan ang seryosong kampanya ni PNoy laban sa katiwalian, hindi kataka-taka na lalo pang tumaas ang pagtitiwala at approval rating niya sa mamamayan, batay naman sa hiwalay na survey na ginawa ng Pulse Asia nitong Agosto 31 hanggang Sept. 7.
Sa resulta ng naturang survey, 78% o pito (7) sa bawat sampung (10) Filipino ang nasisiyahan sa ginagawa ng Pangulo. Mas mataas ito sa 67% na nakuha sa nakaraang survey na ginawa ng Pulse Asia.
At dahil sa seryosong kampanya ni PNoy laban sa katiwalian, ang mga ahensya ng pamahalaan na dating talamak sa paniwalang korap ay unti-unti ring nakakabangon ng kanilang imahe. Malaking bagay dito ang paglalagay ng matitinong opisyal na namumuno sa iba’t ibang ahensya.
Sa 20 ahensya ng gobyerno, 17 sa kanila ang namarkahan sa SWS survey na seryoso na labanan ang katiwalian. At siyempre, sa mga ahensyang ito, ang tanggapan ng Pangulo (Office of the President) ang nakapagtala ng may pinakamalaking pagbabago sa ilalim ng liderato ni PNoy na mula sa rating na negative 37 noong 2009 sa ilalim ni Mrs. Arroyo, ito’y naging 81%, as in nasa katinuan ngayong 2012 ang gobyerno.
Mahaba pa ang biyahe sa tuwid na daan, marami pang lubak na maaaring daanan. Pero sa pagkakaisa ng pamahalaan at mamamayan, mararating natin ang dulo ng tagumpay.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, September 21, 2012

Tamang pagtitipon! REY MARFIL



Tamang pagtitipon!
REY MARFIL



Hindi nakakapagtaka ang pinakabagong resulta ng prestihiyosong Social Weather Stations (SWS) survey kung saan nakapagtala si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ng “very good” rating na 77% na pinakamataas sa kasaysayan.
Mainit talaga ang pagtanggap ng mayorya ng mga Pilipino sa matuwid na daan na kampanya ni PNoy sa pagsugpo ng katiwalian sa pamahalaan kaya’t tanging bulag at bingi sa nangyayaring pagbabago, sampu ng mga “mutain” ang hindi nakakaintindi.
Sa isinagawang survey ng SWS mula Agosto 24 hanggang 27, 77% ng Pilipinos ang nagpahayag ng pagkasiya sa trabaho ng Pangulo para sa +67 na mataas ng 25 puntos kumpara sa +42 satisfaction nitong nakalipas na Mayo.
Malinaw ang suporta ng mga Pilipino sa bagong istilo ng pamumuno ng Punong Ehekutibo na nagsusulong ng malaking reporma sa pamahalaan at maraming pampublikong mga institusyon.
Kinumpirma ng magandang numero ang malaking mandatong nakuha ng Pangulo sa nakalipas na halalan bilang lider ng bansa at pagiging instrumento nito tungo sa pagbabago sa kabila ng malaking mga hamon sapul nang maupo sa kapangyarihan.
Positibo ito sa bansa lalo na sa pagkilalang nakuha ng administrasyong Aquino sa ulat ng Global Competitiveness Report of the World Economic Forum. Kinilala kasi ng internasyunal na lupon ang mga inisyatibo sa pagbabago ng pamahalaang Aquino.
Inaasahan pa natin ang mas magandang numero sa trabaho ni Pangulong Aquino sa hinaharap lalo’t patuloy ang kanyang pagsusulong ng transparency, pananagutan, pagbabalik ng tiwala ng publiko sa pamahalaan, katapatan at integridad sa serbisyo publiko.
***
Napag-usapan ang ratings, pinatotohanan ng Pulse Asia ang mataas na popularidad at performance ni PNoy matapos umakyat sa 78%, halos walang pinag-iba sa naunang SWS survey.
Umarangkada ang approval at trust ratings ni PNoy sa nakaraang tatlong (3) buwan, alinsunod sa Pulse Asia survey na isinagawa noong Agosto 31 hanggang Setyembre 7.
Sa Pulse survey, tumaas sa 78% ang approval rating ni PNoy mula sa 67% noong Mayo, maging ang trust rating nito’y umakyat sa 78%, ‘di hamak na malayo sa 65% na naunang naitala.
Take note: bumaba rin ng 4% ang nagbigay ng disappro­val rating kay PNoy kumpara sa 10% noong Mayo, as in 6% ang ibinawas habang ang undecided o walang maibigay na opinyon, ito’y naging 18% na lamang mula sa dating 25%.
Ibig sabihin, maraming natuwa sa 1,200 respondents na tinanong ng Pulse Asia kung saan nakasentro ang isyu sa paglaban ng Pangulo sa kriminalidad kung saan binigyan ng 66% approval rating mula sa 66% na naitala noong Mayo. Ang tiyak lamang ng mga kurimaw, hindi matutuwa ang mga kritiko ni PNoy.
Hindi lang ‘yan, aprubado sa 59% ng mga respondent ang sistema ng pagpapatupad ng gobyerno sa batas habang 57% ang kuntento sa pagpapanatili sa kapayapaan at 50% ang sumang-ayon sa pagsisikap ng administrasyon na maibalik ang tiwala ng taumbayan sa pamahalaan ito’y hindi nangyari sa mahabang panahon dahil nabalutan ng anomalya at eskandalo.
Sa larangan ng pagsisikap ng gobyerno na protektahan ang kalikasan, 50% ang nag-apruba habang 48% ang umayon sa pakikipaglaban ng gobyerno sa teritoryo ng bansa partikular na sa usapin ng Spratly Group of Islands at Scarborough Shoal -- isang patotoo na nasa tamang landas ang pagtitimon ni PNoy.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, September 19, 2012

‘Di tumitigil




‘Di tumitigil
REY MARFIL



Hindi ba’t kapuri-puri ang pasensya at kahanga-hangang diplomatikong pagposturang ipinapakita ng administrasyong Aquino sa pagsusulong ng mapayapang solusyon sa agawan sa teritoryo ng West Philippine Sea bilang pinakamainam na pamamaraan hindi lamang sa pagtiyak ng interes ng bansa kundi ng buong mundo na umaasa sa napakahalagang ruta ng kalakal at pamumuhunan sa karagatan.
Dapat nating suportahan si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na nananatiling mataas ang nakikitang pag-asa na matutuloy sa hinaharap ang dayalogo sa China upang pag-usapan ang mga isyu na nag-ugat sa agawan sa teritoryo sa West Philippine Sea.
Tama si PNoy sa pagsasabi na ang “puso sa pusong” usapan na mayroong “katapatan at pagiging bukas” ang susi upang maresolba ang problema.
Bagama’t hindi natuloy ang pulong ni PNoy kay Chinese President Hu Jintao sa nakalipas na Asia Pacific Economic Cooperation Summit sa Vladivostok, Russia noong nakalipas na linggo, nananatiling bukas ang pamahalaan ng China sa ideya na magkaroon ng pag-uusap sa isyu.
***
Napag-uusapan ang mga aksyon ng gobyerno, todo-kayod si PNoy para matiyak na maibibigay ang lahat ng mga benepisyo ng mga guro sa bansa, maging ang karagdagang guro at silid-aralan upang mapalakas at maiangat ang antas ng edukasyon.
Sa katunayan, sinaksihan ng Pangulo ang paglagda sa tripartite Memorandum of Agreement ng Departments of Budget and Management (DBM), Education (DepEd) at Government Service Insurance System (GSIS) sa isang seremonya na isinagawa sa Malacañang nitong nakalipas na Martes.
Sa ilalim ng MOA na pinirmahan nina Budget Secretary Florencio Abad, Education Secretary Armin Luistro at GSIS president and general manager Robert Vergara, layunin nitong resolbahin ang problema sa hindi nababayarang kontribusyon sa pamamagitan ng pagbabalik ng benepisyo ng 800,000 aktibo at hindi aktibong mga kawani ng DepEd sapul noong Hul­yo 1997.
Babayaran ng DBM ang P6.92 bilyong premium-in-arrears na kumakatawan sa obligasyon ng pamahalaan sa pamamagitan ng agarang pagpapalabas ng P3.46 bilyon o kalahati ng halagang kailangang maibigay sa GSIS.
Bilang tugon, kakalimutan ng GSIS sa pamamagitan ng Board of Trustees nito ang P14 bilyong naipong interes sa problema at magkakaloob pa ng limang porsiyentong diskuwento sa halagang kailangang bayaran.
Sa naging pahayag ni GSIS president at general manager Vergara sa paglagda ng MOA, makikinabang ang mga kawani ng DepEd sa tamang umento sa pina­laking benepisyo, mas mataas na halaga na maaaring utangin at potensyal na paglaki pa ng mga benepisyo sa pagreretiro.
Nabatid pa sa opisyal na makakatanggap ng mas mataas na pensyon ang mga retirado at aktibong mga kawani ng DepEd dahil magkakaroon ang GSIS ng panibagong kalkulasyon sa kanilang mga benepisyo.
Nakasama ng Pangulo sa seremonya sina GSIS chairman Daniel Lacson Jr., Senator Edgardo Angara, Manila Rep. Rosenda Ocampo at Alliance of Concerned Teachers partylist Rep. Antonio Tinio, at iba pa.
Dumalo rin sa seremonya sina Teachers’ Dignity Coalition chairman Benjo Basas, Philippine Public School Teachers Association (PPSTA) president Mario Ramirez, DepEd-NEU national president Atty. Domingo Alidon at Manila Public School Teachers Association (MPSTA) president Benjamin Valbuena.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, September 17, 2012

Upgrade




Upgrade
REY MARFIL


Kapuri-puri ang pagsusumikap ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na bawasan ang tinatayang 300,000 nur­sing graduates sa bansa na walang trabaho.
Gugugol ang pamahalaan ng P2.8 bilyon sa susunod na taon para kunin ang serbisyo ng 22,500 nurses; 4,379 komadrona at 131 doktor sa pamamagitan ng pinalawak na Doctors to the Barrio and Rural Health Practices Program sa ilalim ng 2013 P2.006-trillion General Appropriations Bill (GAB).
Aabot sa P1.114 trilyon ang bagong pondo o 66 porsiyento na mas malaki kumpara sa kasalukuyang P1.686 bil­yong alokasyon ngayong taon na sapat lamang para kunin ang serbisyo ng 12,000 nurses; 1,000 komadrona at 200 doktor.
Inaasahang mapapabuti ang serbisyong kalusugan sa mga mahihirap na mga lugar sa bansa sa pamamagitan ng pinalawak na programa na makakatulong din upang magkaroon ng pansamantalang trabaho at karagdagang pagsasanay ang walang trabahong health professionals sa bansa.
Asahan nating makakatulong ang karagdagang kaalaman at karanasan na matututunan ng health professionals sa programa ni PNoy para makakuha ang mga ito ng trabaho sa loob at labas ng bansa sa hinaharap.
Sa pahayag kasi ng Professional Regulation Commission (PRC), kabilang ang nurses at mga komadrona sa malaking grupo ng mga propesyonal na nahaharap sa krisis sa pagkakaroon ng permanenteng trabaho.
Ngayong taon, nagkaloob ang PRC ng lisensya sa 50,583 bagong nurses at 2,149 bagong komadrona na nakapasa sa eksamin. Marami sa mga ito ang talagang walang trabaho o kaya naman naghahanapbuhay ng hindi angkop sa kanilang tinapos at desperadong magkaroon ng permanenteng pagkakakitaan kaya naman todo kayod si PNoy sa paghahanap ng mga paraan para matulungan ang mga ito.
Sa ilalim ng Doctors to the Barrio Program and Rural Health Practices Program, tutulong ang nurses para ipatupad ang P2 bilyong pinalawak na pagbakuna sa 2.7 milyong sanggol na mayroong edad na 0 hanggang 15 buwan kontra sa tuberculosis (TB), diphtheria, pertussis, tetanus, polio, measles, at rotavirus.
Tutulong din sila sa pagbakuna ng senior citizens laban sa flu at pneumonia at umagapay sa pagpapatupad ng P1 bilyong TB Control Program sa pamamagitan ng tinatawag na Directly Observed Treatment Short Course (DOTSC) Strategy.
Katuwang naman ang mga komadrona sa pagkakaloob ng modernong pamamaraan ng pangangalaga sa kalusugan ng mga nanganganak at kanilang mga sanggol sa malalayong mga lugar sa bansa kung saan kadalasang nanganganak ang mga kababaihan sa kanilang mga bahay nang walang kasamang medical professionals.
***
Napag-usapan ang good news, binabati natin ang administrasyong Aquino sa pagpapatupad ng mga reporma sa industriya ng paliparan sa bansa para maibalik ang Pilipinas sa Category One status ng United States Federal Aviation Administration (FAA).
Itinalaga ni outgoing Transportation and Communications Sec. Manuel Roxas si retired Lieutenant General William Hotchkiss III at grupo nito para tiyaking maaalis ang bansa sa tinatawag na Category 2 sa lalong madaling panahon.
Nitong nakalipas na Hulyo, hinirang din ng board of directors ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) si Hotchkiss bilang director-general ng CAAP. 
Ginagawa naman ng mga opisyal ng administrasyong Aquino ang lahat ng kailangang mga reporma para maalis ang bansa sa Category 2 status kung saan nasita ang sinasabing mga kakulangan sa kaligtasan ng ating mga paliparan.
Hindi lamang kasi naaapektuhan ang budget airlines kundi tinatamaan din maging ang mga kompanya ng eroplanong nagtutungo sa Europe at Estados Unidos (US).
Dapat tayong magpasalamat sa dobleng pagsusumikap ng pamahalaang Aquino upang makabalik ang Pilipinas sa Category 1 level at agresibong maisulong ang turismo at mapalawak pa ang merkado nito.
Magugunitang ibinaba ng US FAA sa Category 2 mula Category 1 noong Enero 17, 2008 ang kalagayan ng mga paliparan sa bansa dahil sa isyu ng seryosong teknikal na problema sa pangangasiwa ng mga paliparan matapos magsawa ng pagsusuri sa kaligtasan ng mga pasi­lidad at istruktura.
Kabilang sa naging mga isyu ang kakulangan ng pagsasanay ng safety inspectors, mahinang electronic record-keeping at kabiguan ng CAAP na magkaloob ng safety oversight ng kanilang operasyon para makasunod sa itinatakdang alituntunin ng International Civil Aviation Organization.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, September 14, 2012

“Puno” ng espekulasyon!




“Puno” ng espekulasyon!
REY MARFIL


Parang matayog na puno na hitik sa bunga ngayon si Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Rico Puno dahil sa mga intrigang ipinupukol sa kanya at maging ang pagkakaibigan nila ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ito’y iniintriga pa.
Nag-ugat ang lahat sa pagpunta ni Puno sa condo unit at tanggapan ng namayapang “boss” nito si DILG Secretary Jesse Robredo sa Napolcom. Nanganak na ang kwento sa umano’y pagkakadawit niya sa overpriced arms deals sa Philippine National Police. 
Bukod pa diyan, may tsismis pa tungkol sa jueteng collection at pinakamatindi ang pananabotahe diumano sa eroplano ni Robredo na isang napakalaking kalokohan, katulad ng gustong ipinta ng grupong sagad hanggang kaibuturan ng laman-loob ang inggit kay Puno, sampu ng kontratistang na-disqualify sa bidding at ngayo’y kumuha ng PR group upang wasakin ang mabuting imahe nito.
Dahil pinili ni Puno na manahimik sa kabila ng mga nag­lalabasang alegasyon at tsismis, simula sa kuwentong-barbero hanggang usapang-kanto, tila mas lalo namang nagpiyesta ang mga nais sumakay sa isyu. Maging si PNoy ito’y binato ng mga mokong at nais palabasin na kinakampihan si Puno at kesyo may nilulutong cover-up sa pagkandado ng opisina at condo ni Robredo.
Subalit kung tutuusin, simple lang naman ang kuwento may mga mahahalagang dokumento sa tanggapan ni Robredo na dapat pag-ingatan at posibleng meron din sa condo unit nito. Kaya naman ang Pangulo na mismo ang nag-utos kay Puno na i-secure ang mga dokumento- kahit pa ang mga dokumentong ito’y may kaugnay sa iniimbestigahang arms deal na sinasabing kabahagi si Puno.
Kung may masamang motibo si Puno sa pagpunta sa condo unit at opisina ni Robredo, hindi naman “row four” ang opisyal na siya mismo ang nandoon at nagpalista pa ng pangalan sa guwardiya? Bakit pa siya magsasama ng photographer at videographer na nagdokumento ng isinagawang pag-sealed sa tanggapan ni Robredo? Take note: nagtapos sa state university si Puno at lalong hindi “saling-pusa” sa classroom!
Lalong hindi sisirain ni PNoy ang tiwala sa kanya ng publiko kung poprotektahan niya si Puno kung tunay na may ginagawa itong kalokohan sa DILG. At hindi rin naman siguro sira si Puno na ipapahamak ang kaibigang nagtiwala dito. Tama si Senador Chiz Escudero hindi mahanapan ng butas si PNoy ng mga kritiko kaya’t iniintriga ang mga kaibigan nito.
Si PNoy na mismo ang nagsabi na si Puno ang kanyang “mata at tenga”. Ibig sabihin, si Puno ang nagbibigay ng mga mahahalagang impormasyon tungkol sa DILG, partikular na marahil sa kapulisan.
Tiyak na may mga sensitibong impormasyon si Puno na ibinibigay kay PNoy na hindi natin alam. Mga impormasyon na marahil ay dahilan para marami rin ang hindi masiyahan kay Puno lalo na kung nakakasagabal sa kanilang “raket”.
***
Napag-usapan din lang naman ang mga samu’t saring kuwentong kutsero ng mga intrigador sa laki ng tiwala ng mga tao sa ating Pangulo, malabong babalewalain ni Puno ito. Batay nga sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations, 8 sa bawat 10 Pilipino ang kumpiyansa kay PNoy, pinakamataas mula nang mamuno siya sa ating bansa.
At batay na rin sa imbestigasyon sa pagbagsak ng eroplano ni Robredo, mismong ang nag-iimbestiga na ang nagsabi na aksidente at hindi sinabotahe ang eroplano ng kalihim kaya’t tigilan ng mga inarkilang PR group ang paglulubid ng buhangin.
Marahil dahil sa tiyak niya sa sarili na hindi siya “guilty” sa mga paratang, mas pinili ni Puno na manahimik. Kahit naman noon ay hindi matakaw sa media ang opisyal.
Pero isa lang ang tiyak, kung may mga hindi natutuwa sa pananatili ni Puno sa DILG dahil nakakarating kay PNoy ang kanilang ginagawa, malamang na masaya sila ngayon dahil nagbitiw ang kaibigan ng Pangulo, as in wala ng punong sagabal sa kanilang palusot at masamang adhikain
Sadyang mahirap ang pulitiko, magsalita ka sasabihin “mukhang guilty” dahil “defensive”. Kung pipiliin mo naman ang manahimik, sasabihin “bakit hindi magsalita kung wala namang itinatago?”
Sa huli, antayin natin ang imbestigasyon at magtiwala sa pasya at disposisyon ng ating Pangulo. Dahil sa “tuwid na daan”, tiyak na hindi hahayaan ni PNoy na may nakaharang, kahit malaking troso pa ‘yan.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com

Wednesday, September 12, 2012

Tama lang!




Tama lang!
REY MARFIL


Hindi naman talaga nakakagulat ang pagkakaroon ng bansa ng magandang takbo ng ekonomiya na lumago ng 5.9% sa ikalawang quarter ng 2012 dahil sa matino at matuwid na pamamahala ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino.
Mas mataas ng 3.6% ang paglaki ng ekonomiya ng bansa na sinusukat sa Gross Domestic Product (GDP) kumpara sa parehong panahon noong 2011.
Walang kuwestyon na ilan sa mga dahilan ng magandang lagay ng ekonomiya ang matuwid na landas na tinatahak ng administrasyong Aquino kung saan reporma at serbisyo para sa kapakinabangan ng maraming Pilipino ang isinusulong.
Dahil sa malinis na pamamahala, tumaas ang kumpiyansa ng mga negosyante sa pamahalaan na lumikha ng malaking karagdagang trabaho na pinaganda pa ng mas malaking pondo na inilalaan ng pamahalaan sa mga mabubuting proyekto upang lumikha ng mga aktibidad sa ekonomiya.
Sa ikalawang quarter ng taon, tumaas ng 45.7% ang paggastos ng pamahalaan sa mga proyekto ng pamahalaan. Base sa 6.1% paglago ng ekonomiya ng bansa sa unang anim na buwan ng taon at pagbaba ng implasyon sa tatlo hanggang limang porsiyento, naniniwala ang mga iginagalang na mga ekonomista na papalo ang GDP sa lima hanggang anim na porsiyento sa kabuuan ng taon.
Tinitingnang dahilan ng magandang pigura ng ekonomiya sa unang anim na buwan ng taon na mas mataas kumpara sa 4.2% noong 2011 ang matatag na sektor ng serbisyo, paglago ng manufacturing at pagbawi ng industriya ng konstruksyon.
Mas mataas rin ang 5.9% sa ikalawang quarter ng 2012 sa itinayang average market forecast na 5.3%.
Nakakatuwa rin na sumisikad ang ekonomiya ng bansa sa kabila ng mga negatibong epekto ng paghina ng mga ekonomiya sa Europe at US. Kaya’t salamat sa matuwid na pamamahala ni PNoy na kontra sa katiwalian at kabuktutan na talamak sa nakalipas na pamahalaan.
***
Napag-uusapan ang good news, tama ang desisyon ni PNoy na italaga si Mar Roxas bilang bagong kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) at pangalanan naman si Cavite Rep. Joseph Emilio Aguinaldo Abaya Jr. bilang kapalit nito sa Department of Transportation and Communications (DOTC).
Klarung-klaro ang parehong hindi matatawarang kakayahan at dedikasyon ng dalawa na maglingkod sa kanilang bagong mga trabaho at inaasahan nating magtatagumpay sila.
Pawang mayroong silang karakter, integridad, at kakayahang administratibo na hawakan at pamunuan ang mga ahensya, at masasabing mahusay na karagdagan sa pamilya ng gabinete ni Pangulong Aquino. Labis na pinagkakatiwalaan ni PNoy si Roxas at epektibong tulay nito para sa lokal na mga opisyal.
Mayroong kakayahan sina Roxas at Abaya na mamahala at kasanayang politikal na kapaki-pakinabang sa administrasyong Aquino. Dapat rin nating maintindihan na mayroong politikal na aspeto ang pagtatalaga ng mga opisyal ng Pangulo.
Bigyan natin ng pagkakataon ang bagong itina­lagang mga kasapi ng gabinete na mapatunayan ang kanilang kakayahan lalo’t malinis naman ang kanilang pa­ngalan at reputasyon sa ngalan ng paglilingkod sa bansa.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.”(mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, September 10, 2012

Binago ni Jun!



Binago ni Jun!
REY MARFIL





Tama ang Malacañang na laging ipaalala na kailangan ng suporta ng bawat pamilya, komunidad at mga ahensya ng pamahalaan ang paghahanda ng buong bansa lalo na ang Metro Manila sa mga lindol matapos yanigin ang karagatan ng Samar ng malakas na 7.6 magnitude na lindol, halos da­lawang linggo na ang nakakaraan.
Dapat naman nating seryosohin ang mga paalala ng pamahalaang Aquino kaugnay sa kahalagahan ng koo­perasyon ng bawat pamilya sa paghahanda sa mga sakuna. At mahalagang tumulong din ang publiko sa pagsusuri ng kanilang mga bahay at tanggapan kaugnay sa katatagan ng kanilang mga istruktura.
Sa katunayan, iniutos ng pamahalaang Aquino sa pamamagitan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagtaya sa katatagan ng istruktura at gusali ng pamahalaan matapos ang naganap na malakas na lindol sa Japan.
Agaran ding tumugon ang mga lokal na pamahalaan sa pagsuri ng kanilang
kinauukulang mga gusali para matiyak na nakahanda ang mga ito sa malalakas na lindol na posibleng maganap.
Dapat tayong magpasalamat sa mabilis na pagtugon ng kinauukulang mga tanggapan ng pamahalaan sa nakalipas na pagyanig kung saan agaran silang nakakuha ng mga impormasyon sa tinamaang mga lugar upang agarang makapagbigay ng tulong.
Mabilis ding kumilos ang mga tanggapan sa rehiyon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para matiyak ang agarang pagresponde ng mga lokal na pamahalaan sa mga lugar na nangangailangan ng tulong.
Nagtungo pa nga si newly-appointed Interior and Local Government Secretary Mar Roxas, maging sina Social Welfare Secretary Dinky Soliman, Defense Secretary Voltaire Gazmin, at Presidential spokesman Edwin Lacierda sa tanggapan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) para lamang tiyakin na agarang matutulungan ang mga lalawigang naapektuhan ng pagyanig.
***
Napag-usapan ang askyon, malaking pagkilala ang dapat nating ibigay sa liderato ni Philippine National Railways (PNR) General Manager Jun Ragragio dahil sa mga repormang inilatag nito sa ahensya, partikular ang pagbubukas ng Bicol line na nagkaloob ng buhay sa dating isina­rang ruta sapul noong 2006.
Nangangahulugang nagsisilbi na naman ngayon sa milyun-milyong katao ang hindi napapakinabangang linya ng riles. Alinsunod sa matuwid na daan na kampanya ni Pa­ngulong Noynoy “PNoy” Aquino, naitaas ng kanyang lide­rato ang kapasidad ng South Manila commuter line matapos umabot sa 15.3 milyon noong 2001 ang sumakay na mga pasahero mula sa siyam na milyon noong 2010.
Sa pagsunod sa kautusan ni PNoy na magsilbi sa mga tao, naitaas pa ni Ragrario ang kita nito mula P102 milyon noong 2010 tungong P186 milyon nitong 2011 at napalago rin ang kita sa mga renta mula P138 milyon noong 2010 tungong P163 milyon noong nakalipas na taon.
Mula sa tinatawag na emergency, negotiated o direct contracting procurement system noon, ipinapatupad na ng PNR sa ilalim ng pamumuno ni Ragrario ang pagsunod sa tamang subasta alinsunod sa itinatakda ng batas.
Nabayaran din ni Ragrario ang pagkakautang ng PNR sa Government Service Insurance System (GSIS), PhilHealth, Pag-IBIG at Bureau of Internal Revenue (BIR) na namana nito nang pumasok sa ahensya, ewan lang kung alam ni ex-PNR chief Mike “Tol” Defensor ang problemang ito?
Nakipagtulungan din si Ragrario sa Department of S­cience and Technology (DOST) para magkaroon ng memorandum of agreement (MOA) kaugnay sa pagkakaloob ng teknikal na pagsasanay sa PNR upang simulan ang produksyon ng lokal na bahagi ng mga tren.
Nagkaroon din ang PNR ng mga MOA sa mga lokal na pamahalaan na dinadaanan ng riles ng tren para matiyak ang kaligtasan ng mga sumasakay at tumatawid.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, September 7, 2012

Pagbigyan!




Pagbigyan!
REY MARFIL



“Give me a chance” -- sabi nga sa isang awitin. Ganito rin marahil ang dapat nating gawin sa mga bagong talagang opisyal ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino.
Una na rito ang ating first lady Chief Justice na si Maria Lourdes Sereno na napili ni PNoy sa listahang isinumite ng Judicial and Bar Council (JBC) na kapalit ng pinatalsik na si dating punong mahistrado Renato Corona.
Hindi pa man kasi nakakaupo si Sereno bilang chief justice, kung anu-anong intriga na ang naglalabasan, kesyo bagsak umano sa psycho test na ginawa ng JBC kaya delikado raw na ito ang mamuno sa Korte Suprema.
May tsismis pa na hindi raw nakatala sa isinapublikong Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ni Sereno ang lahat ng kinita nito noong siya’y abogado pa ng pamahalaan sa kaso tungkol sa Piatco.
Anu’t anopaman, ginawa na ni PNoy ang kanyang obligasyon sa ilalim ng Saligang Batas na pumili ng kapalit ni Corona sa takdang panahon. Hindi naman “ogag” ang mga kasapi ng JBC na magrerekomenda sa Pangulo ng chief justice na may “sayad” ang utak.
Marahil, ang mga intrigang lumabas laban kay Sereno ay kathang-isip ng mga taong ayaw sa chief justice. Una, dahil hindi nila ito mapapakiusapan; ikalawa, ng mga taong nasapawan niya; o kaya’y ng mga simpleng naiinggit lamang, as in “taong-ampalaya” dahil bitter hanggang ngayon.
***
Bukod kay Sereno, dapat ding igalang ang pasya ni PNoy sa pagpili kina Sec. Mar Roxas na kapalit ng pumanaw na si Jesse Robredo sa Department of Interior and Local Government (DILG); at si Cavite Rep. Emilio Abaya, bilang kalihim naman ng Department of Transportation and Communications (DOTC).
Gaya ni Sereno, hindi pa man nakakaupo sina Roxas at Abaya sa kani-kanilang bagong trabaho ay katakut-takot na intriga na rin ang naglalabasan. Nahaluan pa ito ng pulitika at pilit na binubuhay ang matagal ng isyu tungkol sa umano’y paksiyon ng Balay at Samar groups.
Ngunit kung tutuusin, makikita na walang basehan ang intriga dahil mismong si Executive Secretary Jojo Ochoa pa nga ang nagdepensa sa budget ng DILG para sa 2013 nang isalang ito sa budget hearing ng Kongreso.
Si Ochoa, na sinasabing mula sa Samar group, ang itinalagang OIC ni PNoy sa DILG. Kung totoo na may paksiyon at iringan, marahil ay hindi isusulong ni Ochoa ang DILG budget na ang makikinabang ay si Roxas, na mula sa sinasabing grupo ng Balay.
Hindi lang basta idinepensa ni Ochoa ang magiging budget ni Roxas sa DILG, binigyan katwiran pa niya ang pangangailangan na mabigyan ito ng mas mataas na bud­get kaysa ngayong 2012. Nanawagan pa si Ochoa na sana’y bilisan ang pagpapalusot kay Roxas sa Commission on Appointments para makapagsimula na ito sa DILG.
Patuloy ang magandang performance ng ekonomiya ng ating bansa. Katunayan ay tumaas ng 10 baytang ang marka ng Pilipinas sa 2012 World Economic Forum’s Global Competitiveness Report.
Kaya mula sa dating 75, nasa pang-65 na tayo sa 144 mga bansa na may masiglang kalakalan sa mundo. Ito’y bunga ng mataas na kompiyansa ng namumuhunan sa Pilipinas at seryosong kampanya ni PNoy laban sa katiwalian at korapsyon.
Kaya sana naman, isangtabi muna ang bangayan at pulitika. Hayaan munang umusad ang bansa at diretsong tahakin ang tuwid na daan tungo sa kaunlaran.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, September 5, 2012

Walang kupas!




Walang kupas!
REY MARFIL



Ang “tuwid na daan” ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino kapag dinagdagan ng tiwala ng mga namumuhunan, ang resulta nito’y -- paglago ng ekonomiya.
Patunay ang pinakabagong datos sa ekonomiya ng bansa sa nakaraang tatlong buwan na umabot sa 5.9% -- mas mataas sa inaasahan ng mga independent analyst na nasa 5.4 hanggang 5.8%.
Ang pag-arangkada ng ekonomiya ng Pilipinas, ito’y mas mabilis kumpara sa iba nating kapit-bansa gaya ng Malaysia (5.4%); Vietnam (4.4%); Thailand (4.2%) at Singapore (2%). Ang tanong lamang ni Mang Gusting: Ito ba’y nakikita ng mga kritiko ni PNoy o sadyang nagbubulag-bulagan dahil nagpi-feeling ampalaya, as in “bitter” pa rin sa resulta ng halalan?
Dahil mataas din ang sipa ng ekonomiya ng Pilipinas noong unang tatlong buwan ng taon sa 6.3 %, ina­asahan na magpapatuloy ang paglago ng ekonomiya hanggang sa nalalabing apat na buwan ng taon.
Ang pag-angat ng ekonomiya sa ikalawang bahagi ng taon ay bunga ng malakas na services sector na nasa 4.3%. Kailangan naman ang lubos pang ayuda sa sektor ng agrikultura na nagposte lamang ng 0.1%, habang nasa 1.5% ang industry.
Ang patuloy na paglago ng ekonomiya ay hindi mangyayari ng basta na lamang. Hindi ito katulad ng kabute na maaaring basta na lamang tumubo sa kung saan-saan. Ang pag-angat ay bunga ng mga programang ipinatupad ng pamahalaang Aquino upang makuha muli ang tiwala ng mga namumuhunan.
***
Napag-uusapan ang datos, mismong si Socio Economic Planning Secretary Arsenio Balisacan ang nagsabing hindi nakakamit ng bansa ang mataas na pag-angat sa ekonomiya kung hindi nagbago ang pagtingin ng mga tao sa paraan ng pamumuhunan sa bansa.
Dahil sa mga kontra-katiwalian na programa ka­tulad ng anti-wangwang at mas mabilis na pagpro­seso ng mga dokumento, mas patas na mga tran­saksyon, dumami ang mga negosyante na namumuhunan sa ating bansa -- sa industry man o service sector.
Maging ang ilang media sa ibang bansa ay nagpahayag ng paniniwala na ang Pilipinas na ang maa­aring ituring “Asia’s new darling of investors” kung pagbabatayan ang resulta ng pag-angat ng ekonomiya sa taong ito.
Sa pananaw ng mga dayuhang namumuhunan, sinasabing magandang maglagak ng negosyo sa Pilipinas dahil sa mababang fiscal deficit, malakas na domestic demand at mataas na dollar remittances.
Idagdag pa ang masiglang outsourcing business sa bansa.
Marahil may ilang magsasabing hindi naman nila nararamdaman ang naturang pag-unlad ng ekonomiya. Pero kung ating papansinin, makikita ang mara­ming proyektong pang-imprastruktura at mas maraming mahihirap na naayudahan ng mga anti-poverty program tulad ng Conditional Cash Transfer (CCT).
Makikita rin na mabilis ang mga proyekto sa pagsasaayos ng mga lugar na nasalanta ng mga pagbaha at iba pang programa at proyekto na kailangan ng mga mamamayan. Take note: Nasa ikalawang taon pa lamang ang administrasyon ni PNoy at asahan na lubos nating mararamdaman ang bunga ng paglago ng ekonomiya sa malapit na hinaharap.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, September 3, 2012

Tiwala sa girls!



Tiwala sa girls!
REY MARFIL




Isa na siguro ang administrasyon ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa may pinakamaraming bilang ng mga babae na sabay-sabay na nanunungkulan sa pamahalaan.
 Ang pinakabago -- si Chief Justice Ma. Lourdes Sereno na siyang mamumuno sa sangay ng hudikatura.
Ilan sa mga opisyal na babae sa administrasyon ni PNoy -- sina Secretary Leila de Lima ng Justice; Ombudsman Conchita Morales, Secretary Rosalinda Baldoz ng Labor; Secretary Corazon Soliman ng Social Welfare; Presidential Management Staff Julia Abad; Presidential adviser on Peace Process Teresita Deles, CHED chairperson Patricia Licuanan; Human Rights Commissioner Etta Rosales; Internal Revenue Commissioner Kim Henares at Mindanao Development Authority Chair Lualhati Antonino.
Patunay lang ito na mataas ang tiwala ni PNoy sa kakayahan ng kababaihan na pamunuan ang bansa, tulad ng ginawa ng kanyang inang si dating Pangulong Cory Aquino -- ang kauna-unahang babaeng lider ng bansa.
Hindi naman nakapagtataka na pagkatiwalaan natin ang kababaihan sa mga mahahalagang posisyon sa ating bansa. May mga pag-aaral na nagsasaad na mas matapat at masipag sa trabaho ang mga babae kaysa lalaki.
Sabagay, kung papansinin natin ang mga napabalitang kaso na may kaugnayan sa katiwalian, mas marami naman ang lalaki. Iyon nga lang, mas marami rin naman kasing lalaki ang nakapuwesto kaysa kababaihan kaya siguro mas marami rin ang lalaking opisyal ang inaakusahang tiwali sa paggamit ng pondo ng bayan.
***
Napag-usapan ang pagdami ng mga kababaihan sa ga­binete ni PNoy -- umukit ng kasaysayan sa bansa ang pagkakapili kay Sereno dahil ang huli ang kauna-unahang babaeng punong mahistrado sa Korte Suprema.
Si Sereno rin ang ikalawa sa pinakabatang nahirang na chief justice, at pangalawa rin sa may pinakamahabang termino na aabot ng 18 taon. Ibig sabihin, bukod sa administrasyon ni Aquino, may tatlong pangulo pa na pagsisilbihan si Sereno -- ito’y kung hindi siya mai-impeach gaya ng nangyari sa pinalitan niyang si dating chief justice Renato Corona na imposible namang mangyari dahil sa magandang karakter nito.
Pero hindi dapat paghambilingin ang usapin ng disgusto ni PNoy kay Corona. Ang pagkakatalaga ni Corona bilang chief justice ni dating Pangulong Gloria Arroyo, ito’y itinuturing na “midnight appointment”.
Paalis na sa pwesto si Arroyo at mas nararapat na hinayaan na lamang si PNoy na siyang pumili ng chief justice. Kaya naman nagkaroon ng mga alegasyon na “baka” kaya ipinilit ni Arroyo na ilagay sa pinakamataas na puwesto ng SC si Corona ay para magkaroon siya ng “protector”.
Ngunit dito sa kaso ni Sereno, legal at walang bahid ng pagdududa ang pagtatalaga ni PNoy. Kaya naman hindi maaaring magreklamo ang susunod na dalawang pa­ngulo na “midnight appointment” ang paghirang kay Sereno at hiritan din nilang magbitiw kapag wala na sa poder si PNoy.
Pero malayo pa ang senaryong ito, sa 2016 pa matatapos ang termino ni PNoy para maghalal ng bagong pangulo. At ang ikatlo at ikaapat na pangulo na aabutan ng termino ni Sereno ay mahahalal naman sa 2022 at 2028. Kaya naman sa ngayon, hayaan na muna natin ang bagong hirang na punong mahistrado na patunayan ang kanyang kakayahan.
Manalig tayo sa desisyon ni PNoy na aakayin niya tayo sa tuwid na daan at manmanan na lamang muna natin si Chief Justice Sereno kung kaparehong landas natin ang kanyang tatahakin, hindi sana siya maligaw.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)