Friday, August 24, 2012




Prangka lang!
REY MARFIL


Mapupunan ang ibinawas na subsidiya sa apat na Quezon City-based specialty hospitals na nagkakahalaga ng P347 milyon sa ilalim ng 2013 P2.006 trilyong pambansang badyet ng karagdagang pondo at pinalawak na benepisyo ng PhilHealth policy na tinatawag na “zero balance billing” sa 23 kaso na maaaring pakinabangan ng mga miyembro sa mga pampublikong ospital.
Tinutukoy natin dito ang “Type Z Package” ng PhilHealth kung saan itinaas ang halaga na maaaring ma-reimburse sa pagpapagamot ng “catastrophic diseases” kagaya ng leukemia sa mga bata, kidney transplants, prostate, breast cancer, at iba pa.
Binawasan ang subsidiya sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI), Philippine Heart Center (PHC), Philippine Children’s Medical Center (PCMC) at Lung Center of the Philippines (LCP).
Malinaw na konektado sa mas pinagandang pagli­lipat ng polisiya alinsunod sa prayoridad ng Department of Health (DOH) mula “personal health care” tungong “public health program” ang pagbabawas sa subsidiya.
Kung saka-sakali naman, maaaring panatilihin ng pamahalaan ang halaga ng subsidiya ng pamahalaan ngayong taon at 2013 sa pamamagitan ng Kongreso kung talagang makikita na kailangan ito.
Isa sa paraan para mapunan ang pagbabawas sa subsidiya sa Philippine Heart Center ang pagsasapinal ng PhilHealth sa benepisyong maaaring maibigay sa pas­yenteng sumailalim sa cardiac operation.
Nangako ang PhilHealth na ilalabas ang tinatawag na “case rates” para sa mga kaso ng pasyenteng nasa ilalim ng atake sa puso sa ilalim ng Type Z Package.
Base sa inisyal na plano, aabot sa pinakamataas na P600,000 ang maaaring ma-reimburse sa tinatawag na renal transplantation habang P210,000 sa breast at prostate cancer at P210,000 rin sa leukemia ng mga bata.
Bukod dito, kasama rin ang 12 surgical cases at 11 medical cases sa mga bagay na itinaas ng PhilHealth ang benepisyo. Ipatutupad ang programa sa ilang piling mga ospital na pumasok sa kasunduan sa PhilHealth.
Sa 2013, magbabayad ang pamahalaan sa PhilHealth insurance premium ng P12.6 bilyon para sa kabuuang 5.2 milyong benepisyunaryo.
***
Napag-uusapan ang good news, nakakabilib ang pagiging prangka at tapat ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa kanyang saloobin na hindi siya masaya sa ibi­nigay sa kanyang shortlist ng Judicial and Bar Council (JBC).
Tama namang magreklamo si Pangulong Aquino laban sa sinasabing hindi parehas na proseso sa JBC lalo pa’t samu’t sari ang pagkuwestyon sa ilang panuntunan.
Pero mahalaga dito ang pananatili ng paninindigan ni PNoy na mamili sa hanay ng walong nominado na ibinigay ng JBC na bahagi ng kanyang mandato sa Konstitusyon at hindi ibabalik ang listahan para lamang maisama ang kanyang napipisil na kandidato.
Ibig sabihin, labis ang pagpapahalaga at respeto ng Pangulo sa pagpapairal ng batas at legal na proseso kahit pa merong pag-aalinlangan sa mga pangalang isinama sa listahan.
Kumpara sa nakaraang administrasyon, dalawang beses na nagpakita ng pagkadismaya si Mrs. Gloria Arroyo sa shortlist na ibinigay ng JBC pero parehong nasopla. At may karapatan naman siguro si PNoy na magpahayag ng saloobin o pagkadismaya sa listahang inabot ng JBC?
Mayroong 90-araw ang Pangulo na maglagay ng kapalit ni dating Chief Justice Renato Corona na mapapaso sa Agosto 27 matapos itong ma-convict Senate Impeachment Court noong nakalipas na Mayo 27. Kaya’t aba­ngan kung sino ang magtitimon sa paglilinis ng hudikatura!
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, August 22, 2012

Sakripisyo!



Sakripisyo!
REY MARFIL





Dalawampu’t siyam na taon (29) na ang nakalilipas nang magimbal ang bansa sa balitang patay na si Ninoy, ang matinding kalaban noon sa pulitika ni Makoy.
Sa mga bagong henerasyon, si Ninoy ay ang da­ting senador na si Benigno Aquino Jr., butihing ama ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III. Samantala, si Makoy ay ang diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., ama ng kasalukuyang senador na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Bagama’t halos tatlong (3) taon pa ang lumipas bago naganap ang makasaysayan at mapayapang People Power revolution noong 1986 na naging dahilan para mapatalsik sa Palasyo si Makoy, ang pagkamatay ni Ninoy ang itinuturing na naging mitsa ng rebolusyon na naging dahilan ng pagbabalik ng kalayaan sa bansa.
Marahil ngayon, kilala na lang natin si Ninoy dahil sa kanyang larawan sa P500 papel -- si Ninoy na tatay ng aktres na si Kris Aquino -- si Ninoy na asawa ni da­ting Pangulong Cory Aquino -- si Ninoy, ang tatay nga ni Noynoy.
Ang mga Pilipino raw ay madaling makalimot, mahina sa history at tila walang masyadong interes sa kasaysayan. Kaya naman marahil marami sa ating historical landmark ang napapabayaan, hinahayaang masira.
Bagaman 29-taon pa lang ang nakakaraan, marami na sa ating mga kababayan ang nakalimutan na ang ginawang pag-aalay ng buhay ni Ninoy para sa bayan na labis niyang minahal -- ang Pilipinas.
Kahit mapayapa na noon ang buhay ng kanyang pamil­ya sa Amerika kasama si Cory at kanilang mga anak na kinabibilangan ni Noynoy, mas pinili pa rin ni Ninoy na umuwi, hindi para kalabanin si Makoy, kundi paghilumin ang hidwaan sa pulitika sa bansa.
Lalo na’t lumalakas noon ang puwersa ng mga rebeldeng komunista laban sa gobyerno ni Makoy. Ano nga kaya ang nangyari sa ating bansa kung naging makasarili si Ninoy at nanatili na lamang sa US at wala na siyang pakialam sa Pilipinas? Pero hindi, kahit batid niya na may banta sa kanyang buhay kapag umuwi sa Pilipinas, nagpasya si Ninoy na umuwi sa bansa.
***
Napag-usapan ang pagka-martir ni Ninoy, gamit ang pasaporte na may pangalang Marcial Bonifacio (pinagsamang martial law na idineklara ni Makoy at bayaning si Andres Bonifacio), lumapag sa Manila International Airport ang eroplanong sinakyan ni Ninoy.
Bago bumaba ng eroplano, nagpaalala noon si Ninoy sa mga kasamang media sa eroplano nang umuwi siya na dapat silang maging alerto at ihanda lagi ang camera; dahil anumang sandali ay maaaring may mangyari daw sa kanya at matapos na ang lahat.
Hindi nagkamali si Ninoy sa kanyang naisip na senaryo. Ilang sandali nang sunduin siya ng ilang militar sa eroplano, ilang putok ng baril ang narinig -- patay na si Ninoy.
Sa pagkamatay ni Ninoy, napagbuklod ang oposisyon at nagpatawag ng snap elections si Makoy noong 1986 kung saan ang nakalaban niya sa pampanguluhang halalan ay si Cory.
Nang maganap ang halalan, nagkaroon ng mga alegasyon ng dayaan and the rest is history na nga ‘ika nga… naganap ang EDSA 1 People Power, napatalsik si Makoy at naupo si Cory.
Dalawampu’t siyam na taon na nga ang nakalipas, nakabalik na sa Pilipinas ang mga kamag-anak ni Makoy at mga nakaupo na ulit sa puwesto. Nagtapos na ang termino ni Cory at Pangulo natin ngayon ang anak nilang si Noynoy.
Sa pagsasakripisyo ni Ninoy at sa tulong ng kanyang may-bahay na si Cory, nawala ang diktadurya at naibalik ang demokrasya. Pero nanganib muli ang katatagan ng bansa sa ilalim ng nakalipas na administrasyong Arroyo dahil sa alegasyon ng mga katiwalian.
Pero sa pagkakataong ito, ang kanilang anak na si Noynoy na ang may bitbit ng sulo ng katwiran para mailatag ang mga reporma tungo sa “tuwid na daan”, at mapalakas muli ang mga pinahinang institusyon.
Sa paglipas ng panahon, hindi lang dapat sa kanyang kabayanihan dapat nating pasalamatan si Ninoy, dapat din natin siyang pasalamatan sa pagkakaroon ng anak na katulad ni Noynoy, at pinalaki nila ito ni Cory na may takot sa Diyos, malasakit sa bayan at pagmamahal sa mga Pilipino.
Laging tandaan: “Bata n’yo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, August 20, 2012

Walang premature!




Walang premature!
REY MARFIL



Walang basehan ang alegasyong “premature campaigning” nang isama ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang kanyang potensyal na pambato sa Senado sa 2013 sa pagbisita sa mga evacuation centers.
Take note: Hindi pa nakakabuo ng senatorial slate ang administrasyon at pa­wang “palipad-hangin” ang mga pangalang binabanggit sa publiko.
Sa kaalaman ng publiko, mahalaga at mayroong kanya-kanyang papel na ginagampanan ang presensya nina TESDA Director-General Joel Villanueva, Aurora Rep. Sonny Angara at dating Akbayan Rep. Risa Hontiveros sa pagkakaloob ng relief goods -- ito’y personal na nasaksihan ang problema sa mga evacuations.
Kailangan ang kasanayan ni Sec. Joel para sa posibleng pagkakaloob ng pagsasanay at trabaho sa mga lugar na nasalanta ng kalamidad na bahagi ng kanyang mandato sa TESDA -- ito ang binabago ni Sec. Joel sa kanyang departamento na napakalayo sa masamang imaheng nadatnan nito.
Mahalaga naman na malaman ni Cong. Sonny ang lawak ng pinsala ng bagyo dahil sa isinasagawang delibe­rasyon ng Kongreso sa 2013 P2.006 trilyong pambansang badyet. At paano masasabing “premature” ang ginawa ng mga senatoriables, eh hindi naman buntis ang mga ito?
Hindi rin magpapahuli ang kahalagahan sa presensya ni Hontiveros na siyang tagapagsalita ng National Anti-Po­verty Commission. Ang pagtakhan at batikusin ng mga kritiko kung walang nakikitang public officials na tumutulong sa mga biktima ng kalamidad o walang relief goods na natatanggap ang mga ito.
Bilang public officials na posibleng tumakbo sa Senado, mahalaga na malaman nila ang mga pinasalang hatid ng iba’t ibang delubyo dahil iba ang personal na makasama ang mga taong biktima at makita ang kanilang mga pangangailangan. Sa halip batikusin, bakit hindi gumawa ng sariling itinerary sa iba’t ibang evacuations centers ang mga mahilig “kumiyaw-kiyaw” kesa pag-initan ang pagmamagandang-loob ng mga kakampi ni PNoy!
Sumama sina Cong. Sonny at Sec. Joel kay PNoy sa pagbisita sa nabahang mga lugar sa Muntinlupa City, Marikina, Quezon City, Caloocan at Valenzuela kung saan labis na kailangan ang mga tulong. Ang tanong ni Mang Gusting: Sino bang gusto ng mga kritiko na isama ni PNoy sa evacuations, alangang sila, eh puro banat lang naman ang nasa kukote?
Sumama naman si Customs Commissioner Ruffy Bia­zon kay PNoy sa Muntinlupa City kung saan siya dating kongresista at personal na makita na rin kung ano ang mga nakum­piskang mga bagay ng kanyang ahensya na posibleng pakinabangan ng mga biktima. At naroon ang amang si Cong. Rodolfo Biazon.
Maging si Senator Koko Pimentel, ito’y umaming kasama dapat sa pagbisita ni PNoy sa mga biktima ng pagbaha sa Marikina at hindi lamang natuloy dahil na-divert ang Pa­ngulo sa NDRRMC. Kung natuloy ang pagsama ni Senator Koko, wala rin nakikitang masama ang mga kurimaw lalo pa’t residente ng Marikina ang mambabatas at isa sa mga biktima ng bagyong Ondoy.
Ni sa panaginip, ayaw isipin ng mga kurimaw na naninira at bahagi ng maruming pamumulitika ng mga kalaban ng administrasyon ang pag-atake sa mga ito kahit malinaw na malinis ang intensyon ng kinauukulan na makatulong.
***
Anyway, tama ang MalacaƱang sa kautusang paigtingin ang implementasyon ng mga batas upang protektahan ang mga estudyante sa fraternity hazing at dapat mapanagot sa batas ang mga nasa likod nito.
Kailangan ang istriktong pagpapatupad ng batas at dapat kilalanin sa lahat ng oras at pagkakataon.
Importanteng maisulong ang prosekusyon ng mga taong nahaharap sa karu­mal-dumal na krimen.
Kung mahuhuli ang mga ito, dapat lamang silang humarap sa pinakamabigat na parusa base sa itinatakda ng batas.
Tinutukoy natin ang pagkamatay ni San Beda College freshman law student Marc Andrei Marcos sa isang farm sa DasmariƱas City na sinasabing resulta ng fraternity hazing.
Mahalaga ring isipin ng mga unibersidad at kolehiyo na kanilang responsibilidad ang pagtiyak sa kaligtasan ng kanilang mga estudyante laban sa iba’t ibang porma ng karahasan sa kanilang campus, kabilang ang hazing.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, August 17, 2012

Nailawan!


Nailawan!
REY MARFIL





Isang napakagandang balita na naman ang paniniyak ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na mabibigyan ng kuryente ang karagdang 6,007 sitio sa pagtatapos ng taon dahil sa maigting na trabaho at dedikasyon ng Punong Ehekutibo.
Nangangahulugan na makikinabang ang mas ma­raming tahanan sa benepisyo ng kuryente, maging ang mga residenteng nasa malalayong mga lugar, partikular ang mga nag-aaral na bata.
Sa mahabang panahon, kinaligtaan ng mga da­ting nakaupo sa gobyerno ang malalayong probinsiya at sinadya pang “doktorin” ang mga datos, as in pinalabas pang nakumpleto ang programa gayong ang katotohana’y balot pa rin ng kadiliman ang napakaraming sitio sa Pilipinas.
Sa nakaraang 33rd Annual General Membership Meeting of the Philippine Rural Electric Cooperatives Association, Inc. (PHILRECA) na isinagawa sa Philippine Trade Training Center sa Pasay City, tiniyak ni PNoy ang pagpapailaw sa mga natitirang sitio sa buong kapuluan.
Matapos ang dalawang taong panunungkulan, sa tulong ng Department of Energy, National Electrification Administration at stakeholders, katulad ng PHILRECA, unti-unting nakakapagdulot ng ginhawa ang programang pailaw ng pamahalaan sa mas maraming mga Pilipino.
Mula Oktubre 2011 hanggang Hulyo ng kasalukuyang taon, 2,400 sitio ang nabigyan ng serbisyo sa kur­yente, as in walang kuwestyon na talagang kapaki-pakinabang ang programang ito ng Pangulo na nagawang posible dahil sa malinis na pamamahala nito.
Maganda rin ang pananaw ng Pangulo kaugnay sa pagkilala na marami pang kailangang gawin upang mas maraming Pilipino ang makinabang sa serbisyo ng kur­yente dahil matitiyak natin na magtutuluy-tuloy ang magandang programa.
***
Napag-uusapan ang aksyon, kapuri-puri ang pi­naigting na kampanya laban sa smuggling ni PNoy para matiyak ang mas malaking koleksyon sa buwis na magagamit para sa pagkakaloob ng serbisyo sa publiko.
Tunay na mabuti sa kapakanan ng publiko ang tamang komendasyon ng Pangulo sa Bureau of Customs (BOC) dahil sa inisyatibo nitong supilin ang iligal na aktibidad, partikular ang pagkakahuli sa smuggled na bigas sa Subic.
Matindi ang pagsusumikap ni Customs Commissioner Ruffy Biazon para maresolba ang problema sa smuggling at habulin ang mga grupo at indibidwal na nasa likod ng iligal na aktibidad at mismong si PNoy ang nagbigay ng “tip” sa kontrabadong nasabat sa Freeport.
Dapat nating tulungan sina PNoy at Biazon sa kanilang pinalakas na kampanya laban sa smuggling dahil magagamit sana sa kapakinabangan ng publiko ang tumatagas na koleksyon, katulad ng panustos sa kons­truksyon ng karagdagang classroom, pambili ng libro at pang-repair sa mga kalsadang winawasiwas ng mga bagyo.
Sa kabuuan, malaki ang paniniwala ni Mang Gusting na maihaharap sa hustisya ang mga nasa likod ng katiwalian sa pamamagitan ng matuwid na daan ni PNoy at hindi mauulit ang mga kabulastugan sa nagdaang panahon.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, August 15, 2012

Ang nega!



Ang nega!
REY MARFIL





Nakatutuwang isipin na “automatic” na ngayon ang pagkilos ng mga kababayan natin sa pagtulong sa mga naging biktima ng kalamidad - pagpapakita na nagmamalasakit ang marami sa atin para damayan ang mga nangangailangan.
Nang sandaling rumaragasa ang baha, naglabasan muli ang mga bayani mula sa hanay ng pamahalaan at maging sibilyan - mga taong handang isugal ang sariling kaligtasan para maisalba ang mga nasa panganib.
Sa kabila ng trahedya, makikita ang pagkakaisa at pagtutulungan ng gobyerno at sibilyan sa pagtulong sa mga nangangailangan. Sa totoo lang, sa dami ng mga naaapektuhan ng pagbaha na dulot ng Habagat, magtatagal marahil o kundi man ay sadyang mahihirapan ang gobyerno na maiparating ang tulong sa lahat ng nangangailangan.
Nakakalungkot lang na sa kabila ng pagsisikap ng pamahalaang Aquino at ng mga karaniwang mamamayan na makatulong, mayroon din naman tayong kababayan na nag-aabang ng masisilip na puna o kaya nama’y sadyang mag-iisip ng kanyang puwedeng ipuna sa gobyerno.
Gaya na lang ng pagbibigay-kulay pulitika sa pagpunta ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa mga evacuation centers kasama ang ilang opisyal na nagkaloob din ng kanilang oras at serbisyo para makapaghandog ng tulong.
Mahirap ngang unawain ang mga taong nag-iisip ng masama sa ginagawang pagtulong ng iba sa mga nasalanta; kapag hindi kumilos o nakita si PNoy na namamahagi ng tulong - sasabihin na walang ginagawa o walang malasakit. Ngayon na nakitang nag-iikot naman at binisita ang mga nasalanta, sasabihing namumulitika.
***
Napag-usapan ang aksyon ni PNoy, kung tutuusin, nalagay pa nga sa panganib ang buhay ng Pangulo at mga kasama niya sa ginawang pagbisita sa mga evacuation centers lalo na sa Central Luzon nang mapilitang mag-emergency landing ang helicopter na sinasakyan nila dahil sa masamang panahon.
Ang dapat na itanong marahil ay kung ano na ang naibigay na tulong sa mga biktima ng kalamidad nitong mga taong mahilig mag-isip ng “negative.” Nagawa ba nila na mag-volunteer man lang o mag-empake ng mga relief goods para sa mga sinalanta?
Kahanga-hanga rin ang mga artista at mga television networks na mistulang isinantabi ang kompetisyon para makatulong sa ating mga kababayan. Mas mabuti na talaga ang tumutulong kaysa wala nang naitutulong ay nag-iisip pa ng negatibo.
Hindi lang pamamahagi ng tulong ang naging pakay ni PNoy sa pag-iikot sa mga evacuation centers - dito ay ipinaalam din niya ang mga planong gawin ng pamahalaan para maibsan ang pagbaha kung hindi man tuluyang mawala.
Kasama na rin sa pagbisita ang paghikayat sa mga tao na naninirahan sa mga peligrosong lugar na umalis na at huwag isugal ang kanilang buhay tuwing may malakas na pag-ulan. At higit sa lahat, nais ipadama ng Pangulo na kasama sila ng mga tao sa panahon ng pagsubok na hinaharap nila.
May tunay na pagmamalasakit ang administrasyong Aquino sa mga tao. Kaya naman sa kanyang pangakong hahanapan ng lunas ang problema sa pagbaha, asahan na mangyayari ito at hindi katulad ng nagdaang administrasyon na kinakitaan ng kuwestiyunableng kasunduan ang mga proyektong gagawin daw kontra sa baha.
Konting “flashback” lang - sa siyam (9) na taong panunungkulan ng nakaraang administrasyon, inabot ng siyam-siyam ang flood control project sa CAMANAVA area, pero hanggang ngayon, lubog pa rin sa baha ang naturang mga lugar.
Laging tandaan: “Bata n’yo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, August 13, 2012

Kahit sariling buhay!




Kahit sariling buhay!
REY MARFIL



Hindi ba’t kahanga-hanga ang ginawang mga pagbisita ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa Metro Manila, Pampanga, Bataan, Bulacan at Tarlac upang personal na mataya ang pinsalang idinulot ng malawakang pagbahang hatid ng ulang Habagat at pangunahan ang distribusyon ng relief goods sa naapektuhang mga pamilya.
Hindi biro ang ginawa ni PNoy, as in apat lalawigan sa isang araw -- ipinaramdam ng Pangulo na hindi sila nag-iisa at kasama nila ang pamahalaan sa panahon ng kalamidad para umalalay at tumulong sa kanilang mga pangangailangan.
Nagbigay ng pag-asa sa mga biktima ang pagbisita ni PNoy upang manatiling mataas pa rin ang kanilang morale sa kabila ng negatibong mga epekto ng pagbaha.
At makabagbag-damdamin rin ang eksena nang ilagay ng Pangulo sa alanganin ang kanyang buhay matapos mag-emergency landing ang sinasakyan nitong chopper sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) dahil sa patuloy na masamang panahon at tumulak ng Tarlac sa pamamagitan ng panlupang transportasyon.
Inaasahang magreresulta rin sa bolunterismo ang naging mga pagbisita ng Pangulo sa binahang mga lugar.
Magandang marinig rin kay PNoy na ginagawa nito ang lahat para maresolba ang malawakang pagbaha sa pamamagitan ng pagtiyak na gagamitin ang pondo ng pamahalaan sa pagbuo ng mga imprastraktura kontra sa pagbaha at rehabilitasyon ng mga kalsada at tulay na nasira ng baha.
Nakakatuwa ang paninindigan ng pamahalaan na magkaroon ng pangmatagalang solusyon sa pagbaha at tiyakin ang kaligtasan ng mga Pilipino, lalung-lalo na sa panahon ng tag-ulan dahil talaga namang laging tinataaman ng mga bagyo at iba pang sama ng lagay ng panahon ang bansa.
Bagama’t mas malaki ang pinsalang idinulot ng mga ulang hatid ng Habagat kumpara sa bagyong Ondoy, kitang-kita naman na mas naging handa ang pamahalaan sa pagtugon sa malawakang pagbaha.
Sa tulong ng pagsusumikap ng Pangulo, mabilis na nakapagpakalat ng rescue teams ang mga lokal na pamahalaan.
Responsable rin ang Pangulo sa pagkumbinse sa mga pri­badong pamahalaan katulad ng San Miguel Corporation at Yokohama Tire Philippines na magkaloob ng tulong at suporta sa mga biktima ng pagbaha at inaasahan nating darating sa mga susunod na araw ang banyagang mga tulong.
Nasa likod rin ang Pangulo ng desisyon ng mga kumpanya ng langis na pansamantalang ipagpaliban ang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo para mabigyan ang mga biktima ng baha na nais agarang makabangon sa pagbaha ng kaunting ginhawa.
***
Napag-uusapan ang aksyon, tama ang kautusan ni PNoy na isagawa ang malawakang pagrebyu sa lahat ng plano kontra sa pagbaha ng dating administrasyong Arroyo na minana ng kanyang pamahalaan.
Isang hakbang ito upang epektibong hanapan ng solusyon ang lumalala at lumalawak na problema sa pagbaha sa bansa, partikular sa Metro Manila.
Isang halimbawa dito ang pagbusisi sa ugat ng P18.7 bil­yong halaga ng “dredging project” ng nakalipas na administrasyon sa Laguna Lake para daw kayaning sumalo pa ng 4,000,000 cubic meters ng tubig.
Tinawag na nga ni Pangulong Aquino na “biro” ang plano at hiniling sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilalim ni Secretary Rogelio Singson, tumatayong pan­samantalang water czar, na rebyuhin ito.
Kitang-kita ang malasakit ni Pangulong Aquino sa paghahanap ng matino at maayos na solusyon sa problema sa pagbaha katulad ng posibleng implementasyon ng road ring dike sa Laguna de Bay.
Kailangan naman talagang busisiin ang flood control pro­jects ng nakalipas na pamahalaan para matiyak na wala tayong mga proyektong gagawing gatasan lamang ng iilang mga taong nagpapasasa at nagsasamantala sa kaban ng bayan na inaasahang makakaperwisyo pa kinalaunan.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, August 10, 2012

Madaling magpa-pogi!




                                  Madaling magpa-pogi!



Bukod sa Reproductive Health (RH) bill, kontrober­syal din at inaabangan -- lalo na ng ilang mga mamamahayag ang Freedom of Information (FOI) bill.
Ang FOI bill ang sinasabing magiging sandata ng mga nais magkaroon ng totoong “transparency” sa gobyerno.
Kung magkakaroon ng ganitong batas, mas magiging madali sa mga publiko -- lalo na sa media na makakuha ng mga dokumento na may kaugnayan sa mga transaksyon ng gobyerno o mga opisyal ng pamahalaan.
Kung tutuusin, maging si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ay nagpahayag ng suporta noong panahon ng kampanya tungkol sa ganitong panukala. Hindi naman ito kataka-taka dahil kasama noon sa kanyang plataporma ay ang magkaroon ng lubos na transparency sa pamahalaan.
Nakakalungkot nga lang na may ilang grupo na tila nagmamadali na maipasa ang kanilang panukalang batas ga­yung nasa ikalawang taon pa lamang ang kasalukuyang administrasyon.
Mismong si PNoy na rin naman ang naggarantiya na maipapasa ang panukala pero kailangan lamang na himayin at pag-aralang mabuti para mabalanse ang kapakanan din ng estado.
Kung tutuusin, kung nais ni PNoy na magpa-pogi at makuha ang kiliti ng media, madali niyang maisasama sa priority bills ang panukala para maipasa kaagad ito ng gob­yerno lalo pa nga’t ngayo’y tila may nais samantalahin ang pagiging prangka ng Pangulo tungkol sa ilang media personalities na tila may kulay ang mga negatibong kritisismo sa gobyerno.
Muling naging sentro ng atensyon ang FOI bill nang hindi ito mabanggit ni PNoy sa kanyang nakaraang talumpati sa SONA. Bukod pa diyan, ipinagpaliban din ng House committee on public information ang pagtalakay sa panukalang batas.
Ngunit paliwanag ni Rep. Ben Evardone na chairman ng komite, walang intensyon na patulugin sa komite ang panukalang batas, bagkus ay patuloy na isinasagawa ang pagrepaso dito upang mapagsama-sama ang magkakaibang panukala.
***
Napag-uusapan ang FOI bill, maging sa naunang panayam kay Undersecretary Manuel Quezon III ng Presidential Communications Development and Strategic Planning Office (PCDSPO), sinabi nitong si PNoy na mismo ang nagsabi na nais niyang maisabatas ang FOI bill sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Hindi ba’t apat na taon pa ang nalalabing termino sa kanyang pamahalaan? Kaya ano ang dapat apurahin? Ika nga ni Mang Gusting: Dapat ikatuwa ng mga sumusuporta sa FOI bill ang ilang hangarin ng pamahalaan na baguhin sa panukala tulad ng pag-alis sa naunang mungkahi na bumuo pa ng ahensya na susuri sa mga request sa pagsilip sa mga dokumento dahil magiging panibagong sapin iyon ng burukrasya.
Masusi ring pinag-aaralan ang pagdodokumento sa mga transaksyon sa gobyerno para sa tinatawag na “paper trail” kung may hahalungkating anomalya -- iyon nga lang, dapat din namang protektahan ng pamahalaan ang kapakanan ng estado lalo na kung sangkot dito ang seguridad ng gobyerno o iba pang operasyon ng militar at pulisya.
Bagaman suportado ni PNoy ang FOI bill, dapat din naman niyang timbangin at pag-aralan itong mabuti. Hindi dapat magpadala ang Pangulo sa pressure at pangungulit ng mga ibang nagtataguyod sa panukala. Dapat alalahanin na hindi lang ang gobyerno niya ang mapapasailalim dito kundi ang gobyerno ng mga susunod sa kanyang presidente.
Kapag nagkaroon ng palpak sa panukala, natural na siya ang masisisi; at tiyak na hindi niya iyon nais mangyari. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, August 8, 2012

Obligasyon!




                                            Obligasyon!




Parang batong nag-uumpugan ang pamahalaan at Simbahang Katoliko sa usapin ng pagpaplano ng pamilya partikular sa Reproductive Health (RH) o Responsible Parenthood (RP) bill.
Mala-adobe sa tigas ang paninindigan ng Simbahan na tutulan ang naturang mga panukalang batas na naglalayong big­yan ng karapatan ang magsing-irog tungkol sa kanilang pagpapamilya o pagkakaroon ng dami ng anak.
Habang ang pamahalaan naman ay seryoso sa layunin nito na kumbinsihin ang Kamara at Senado na ipasa ang panukala para maging ganap na polisiya ng gobyerno.
Mauunawaan natin ang moral na obligasyon ng Simbahan na tutulan ang panukalang batas dahil sa salungat ito sa doktrina na “humayo kayo at magpakarami.” Pa’no ba naman, isinusulong sa programa na bigyan ng kaalaman ang mag-irog na planuhin ang pagkakaroon nila ng anak - sa puntong hanggang kaya lang nilang buhayin at pag-aralin.
Sa totoo lang, taliwas sa ilang kritisismo ng Simbahan na isinusulong ng RH o RP bill ang aborsiyon o pagpapalaglag sa bata. Walang ganitong probisyon na nakasaad sa panukala. At hindi ito maaaring ilagay dahil labag iyon sa probisyon sa a­ting Saligang Batas.
Ang layunin ng panukala ay lubos na itaguyod ang pagbibigay ng kaalaman sa mag-irog sa paggamit ng mga artipisyal na paraan upang hindi kaagad mabuntis - hindi ang ipalaglag ang ipinagbubuntis.
***
Napag-usapan ang artificial method, kabilang sa paraan na ito’y paggamit ng mga contraceptive pills na sa totoo lang ay nabibili at nagagamit ngayon - iyon nga lang, ang mga may kakayahan lamang na bumili ng pills ang nakakagawa nito.
Ang tanong ni Mang Gusting: papaano naman ang mga mahihirap - lalo na ang mga nanay na ayaw mabuntis pero laging sinisipingan ng kanilang mister na lasing?
Ang ganitong problema ay maaaring matugunan sa RH o RP bill – ito’y sa pamamagitan ng paglalaan ng pondo para makapagkaloob ng libreng pills sa mga mahihirap. Dagdag pa diyan ang pagpapakalat ng impormasyon sa iba pang paraan upang hindi kaagad o tuluyan nang hindi mabuntis o makabuntis, sa pama­magitan ng pagpapa-kapon o vasectomy sa lalaki at IUD sa babae.
Malinaw ang layunin ng pamahalaan na pigilan ang pagdami ng populasyon sa NGAYON dahil hindi kayang sabayan ng kita o pondo ng pamahalaan ang patuloy na pagdami ng populasyon. Gaya halimbawa na magpagawa ngayon ang pamahalaan ng da­lawang paaralan, pero pagkaraan lamang ng anim na taon, isang batalyon na naman na mga bata ang papasok at kailangan mong pagawan muli ng panibagong paaralan.
Bukod pa diyan ang mataas nang bilang ng mga ina at ma­ging sanggol na nasasawi dahil sa panganganak. Bunga iyan ng kahirapan at kawalan ng sapat na kaalaman ng mga ina kung papaano iingatan ang kanilang pagbubuntis.
Kung mas kakaunti ang mabubuntis, mas magkakaroon ng sapat na pondo ang gobyerno para sila matulungan. Ibig sabihin, dapat unawain ang posisyon ng Simbahan sa pagkontra sa RH o RP bill, pero dapat ding unawin ang hangarin ng pamahalaan na nakatuon sa kapakanan ng mas nakararaming Pilipino.
Marahil, sa halip na pagkastigo lamang sa mga nagsusulong ng RH o RP bill, ang dapat na i-sermon ng mga pari sa kanilang misa ang pagbibigay-payo sa mga magulang o mag-asawa sa tamang pagpaplano ng pamilya sa abot lamang ng kanilang makakaya na isang malaking kasalanan kung mag-aanak nang mag-aanak at pagkatapos ay hahayaan silang mamalimos sa kal­ye at hindi pinag-aaral.
Pagtuunan din ng Simbahan ang kanilang moral na obligasyon na akayin sa tamang daan ang MORALIDAD ngayon ng mga kabataan na maagang namumulat sa “sex” kaya naman dumadami ang bilang ng teen-age pregnancies. Katuwang ang mga magulang pa rin at pati na ang paaralan, dapat pagtulungan na harapin ang malaking problema ng dumadaming kabataan na nabubuntis.
Sa ginagawang pagtalakay ng Kongreso sa kontrobersyal na panukalang ito, nawa’y manaig ang higit na makabubuti sa sambayanan. Laging tandaan: “Bata n’yo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”(mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, August 6, 2012

Sino ang may “B”?


                                     Sino ang may “B”?



Hindi dapat matakot ang mga pulitiko sa maigting na pagtutol ng maimpluwensiyang Simbahang Katolika laban sa Responsible Parenthood bill na isinusulong ng administrasyong Aquino, maliban kung naniniwalang iisa ang kapangyarihan ng Simbahan at gobyerno kaya’t nagpapatali ang mga ito?
Lubhang mahalaga ang panukala na labis na makaka­tulong sa bansa, lalung-lalo na sa larangan ng ekonomiya. Ang panawagan ni Mang Gusting: Hindi dapat umurong ang mga mambabatas sa pagsusulong ng panukalang batas dahil lamang sa isinagawang prayer rally ng Simbahang Katolika at mga tagasuporta nito sa EDSA Shrine noong nakaraang Sabado kontra sa Responsible Parenthood bill.
Hindi naman nagsusulong ng aborsyon ang panukala at malinaw na paninira lamang ito ng mga kritiko upang lituhin ang publiko, katulad ng “ini-spin” sa media ng mga kontra sa Responsible Parenthood. Dapat nating isipin na mayroong obligasyon ang pamahalaan na pagkalooban ng pagkakataong magdesisyon at makapamili ang mag-asawa sa magiging laki ng kanilang pamilya.
Sa tulong ng malakas na political will ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino, naniniwala ang publiko na mayroong sapat na kinatawan ang parehong sangay ng Kongreso para suportahan hanggang tuluyang maging ganap na batas ang panukala. Ang napakalaking kalokohan ang naglalakihang banner at slogang “Yes to Saved Sex; No to Safe Sex” ng mga nagtampisaw sa EDSA Shrine noong nakaraang Sabado, animo’y ipinu-promote pa ang walang pakundangang pagtatalik, sinuman at anuman ang kapartner nito.
Dapat hindi rin gawing pulitikal ng mga kritiko ang panukala dahil hindi ito tungkol sa pulitika kundi para sa mas magandang kinabukasan ng bansa. Ngayon magkakaalaman kung “merong B” ang mga kongresista at senador -- hindi naman siguro maniningil ng “royalty” si Senador Chiz Escudero nu’ng inendorso si Vice President Jejomar Binay noong nakaraang eleksyon?
***
Napag-uusapan ang kawalan ng pagpaplano ng pamilya, konektado ang informal settlers na naninirahan sa mga “danger zones”, aba’y mas lalo pang dina­dagdagan ang problema ng gobyerno sa paghahanap ng masisilungan ang mga ito.
Kaya’t dapat makinig naman ang ating informal settlers na naninirahan sa tinatawag na “danger zones” na nawalis ng matinding pagbaha ang kanilang mga barung-barong kamakailan upang mailipat sila sa ligtas at kaaya-ayang komunidad.
Ipinakita ng personal na pagbisita ni PNoy sa mga pamilyang nasalanta sa Tondo ang kanyang matin­ding pag-aalala at kagustuhang mailagay ang mga ito sa tamang lugar upang mailayo sa panganib.
Ginagawa naman talaga ng administrasyong Aquino ang lahat upang maisalba ang mga pamilyang nasa danger zones matapos masira ang kanilang barung-barong sa pamamagitan ng pag-apela na makiisa sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaugnay sa kanilang relocation plans.
Tinutukoy natin dito ang mga pamilya na pansamantalang nanunuluyan sa covered court ng Barangay 105 Vitas, Tondo, Maynila matapos tamaan ang kanilang mga tirahan ng barges na tinangay ng storm surge sa nakalipas na pananalasa ng bagyong ‘Gener’.
Hindi lamang dapat magsilbing aral sa mga lokal na lider ang naging mga karanasan ng bansa sa dumaang mga kalamidad kundi maging ng publiko para malampasan ang mga perwisyong hatid ng tinatawag na climate change. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.”(mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, August 3, 2012

Responsible!




Responsible!
REY MARFIL






Ano ang pagkakatulad nina Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino at mga alagad ng Simbahang Katoliko - sila’y pare-parehong walang anak, maliban sa ilang kaparian na itinatago ang kabalbalan at gusto pang palabasing “nagkahimala” kaya’t nagkaanak kahit labag sa kautusuan at panuntunan ng Vatican.
Kaya’t nagtataka ang mga magtataho sa kanto ng EDSA na may walong anak kung bakit nagtatalo sila sa Reproductive Health bill o sa panukalang batas na Responsible Parenthood na isinusulong ni PNoy.
Ika nga ng mga kurimaw, ano ba nga naman ang alam nina PNoy at mga obispo tungkol sa pagpapamilya gayung wala naman silang pinapalaking anak. Tama ba ang nasa isip ng magtataho? Mali.
Ang katotohanan -- si PNoy ang ama ng ating bansa, tayong mga mamamayan ang kanyang mga anak. At ka­tulad ng isang ama, hangad din ni PNoy ang magandang buhay para sa kanyang mga anak.
Pero papaano mabibigyan ni PNoy ng magandang buhay ang kanyang mga anak kung sobrang dami ito pero maliit lang ang pondo para maitaguyod ang kanyang pamilya? Dito pumapasok ang pagiging responsableng magulang; huwag kang mag-aanak ng marami, kung hindi mo naman kayang damitan, pag-aralin at pakainin.
Marahil, tanging walang konsensyang ama o magulang lang ang makakatiis na makitang nagugutom at naghihirap sa sakit ang kanilang mga anak, nakikitang nababasa tuwing umuulan dahil tumutulo ang bubong ng bahay o lumilikas tuwing bagyo dahil nakatira sa ilalim ng tulay.
***
Napag-uusapan rin lang naman ang Responsible Parenthood, binata man ang ating Pangulo, nakita naman niya ang ginawang pagpapalaki ng kanyang mga kapatid na babae sa kanyang mga pamangkin.
Nakita rin niya ang mga problema ng kanyang mga kaibigan na may pamilya kung gaano kahirap at kaseryoso ang magpa­aral ng mga anak.
Kung taong walang pakialam si PNoy, marahil ay hahayaan lang nito ang mga mag-asawa na mag-anak nang mag-anak kahit hindi na nila kayang tustusan. Pero hindi, ang kawalan ng kakayahan ng mga magulang na buhayin ang kanilang mga anak, ito’y naipapasa sa “ama” ng ating bansa.
Walang binanggit si PNoy sa responsableng pagpapamilya o maging sa Reproductive Health bill na ipa­laglag ang mga sanggol sa sinapupunan, katulad sa “media spin” ng mga kontra sa panukalang batas kaya’t walang dapat ipagngitngit ang kaparian.
Ibig sabihin, kabaliktaran lahat sa nais palabasin ng ilang obispo na itinataguyod ng RH bill ang abortion. Kung totoo ang abortion sa RH bill, hindi ito papasa dahil ipinagbabawal ito sa ating Saligang Batas.
Sa halip, nais lang gabayan ng panukalang batas ang mag-asawa na magdesisyon at suportahan kung nais nilang planuhin ang pagdami ng kanilang anak. Dito papasok ang mga contraceptives at iba pang pamamaraan upang hindi mabuntis -- ito’y malayo pa rin sa gustong palabasin ng mga obispo na “alisin” ang ipinagbubuntis.
Hindi gaya ni PNoy, ang mga alagad ng Simbahan ay walang pananagutan sa ilalim ng batas na buhayin ng maayos ang lahat ng mga Pilipino -- Katoliko man o anumang relihiyon.
Ika nga ni Mang Gusting, hindi kaya naisip ng ilang alagad ng Simbahan na dumadami na ang mga batang hindi nabibinyagan, hindi naipaparehistro at lumalaking walang birth certificate dahil sa kahirapan ng buhay?
Tungkulin ng Simbahan na ipaglaban ang kanilang doktrina, pero tungkulin din ng estado na itaguyod ang magandang kinabukasan ng bawat sanggol na Pilipino na isisilang sa ating bansa.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, August 1, 2012

Referee!





Referee!
REY MARFIL



Maganda ang suhestiyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na tumayong “referee” nina Budget Sec. Florencio Abad at Commission on Elections Chairman Sixto Brillantes upang talakayin ang kailangang pondo ng Come­lec para tiyaking walang aberya ang halalan sa 2013.
Dahil dadaan naman sa proseso ng deliberasyon ng 2013 General Appropriations Bill ang problema, maaari naman talagang maayos ang anumang suliranin sa halip na magsalita ang mga opisyal sa media.
Kulang lamang naman dito ang dayalogo at inaasahan nating magiging maayos ang lahat dahil na rin sa magandang panukala ni PNoy -- dito napakaeksperto ng Pangulo.
Walang nakikitang problema ang mga kurimaw sa pangangailangan na dagdagan ang pondo ng ahensiya sa kondisyong maipapaliwanag nito nang lubusan na tala­gang kailangan ang mas malaking halaga.
Sigurado naman sa ilalim ng matuwid na daan ni PNoy, ipagkakaloob ng pamahalaan ang kailangang ayuda sa Comelec at kailangan lamang magtugma ang kuwenta nina Chairman Brillantes at Sec. Abad para hindi magkaroon ng problema.
Kapuri-puri ang kagustuhan ni PNoy na mamagitan kina Sec. Abad at Chairman Brillantes para matiyak ang malinis, kapani-paniwala at mapayapang halalan sa susunod na taon. Sa mahabang panahon, isyu ang dayaan sa bawat eleksyon at hindi pa nga nakakapag-file ng certificate of candidacy, merong sumisigaw na dinaya!
***
Sa kabila ng patuloy na nakakainis na panggigipit ng China, kahanga-hanga ang pagdadala ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa isyu alinsunod sa kautusan ni PNoy upang isulong ang kasarinlan ng bansa kaugnay sa tumitinding tensiyon sa West Philippine Sea.
Mahusay ang pagsusulong ng Code of Conduct ni DFA Secretary Albert Del Rosario sa pinag-aagawang mga teritoryo, alinsunod sa direktiba ni PNoy na magkaroon ng mapayang solusyon sa halip na mauwi ang sitwasyon sa isang digmaan.
Tanging ikinakasama ng loob ni Mang Gusting -- ang katotohanang salat sa armas ang gobyerno na dapat sana’y pinalakas sa nagdaang panahon -- isang rason kung bakit dinuduro ngayon ang Pilipinas dahil sa kapabayaan ng mga dating opisyal at mas inuna ang kumita sa mga kontrata.
Mantakin n’yo, nakipag-golf pa kahit may-sakit at naka-confine ang asawa sa ospital! 
Sa ngayon, walang ibang dapat gawin ang publiko kundi suportahan ang pamahalaan sa posisyon nito na ­meron mga lugar na dapat pag-usapan kung sino ang magmamay-ari at mayroon din naman talagang mga isla na hindi kailangang magkaroon ng debate dahil malinaw na bahagi ito ng Pilipinas.
Nanatiling magandang bagay dito ang pagiging bukas ng pamahalaan na maresolba ang suliranin sa mapayapang pamamaraan, alinsunod sa umiiral na internas­yunal na mga batas at kasunduan.
Napakadaling maghamon at magkomento ng ­giyera, katulad ng suhestyon ng mga “utak-pulbura” subalit anong kapakinabangan sa kabuuan kapag nagkaputukan -- maraming buhay ang madadamay at kabuhayan ang masisira -- ito’y hindi katanggap-tanggap sa lipunang demokrasya at mapayapa.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)