Mga ampalaya! | |
REY MARFIL
Bagama’t bumaba nang konti ang satisfaction rating ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino, ikinokonsidera pa rin itong ‘maganda’ dahil tatlo sa limang matatandang mga Pilipino o 63% ang “satisfied” sa pangkalahatang performance ng administrasyon.
Ibig sabihin, 18% lamang ang hindi nasisiyahan para sa “good” score na +44, alinsunod sa pinakabagong resulta ng Social Weather Stations (SWS) survey, as in mayorya ng mga Pinoy ang kuntento sa trabaho ni PNoy o bilib sa pagtitimon nito.
Bukod dito, kahanga-hanga para kay PNoy na mapanatiling mataas ang kanyang rating lalo’t papasok sa kalagitnaan ng kanyang termino na hindi nagawa ng dating mga Pangulo ng bansa -- ito’y napakalayo sa “ex-housemate” ng Malacañang (Mrs. Arroyo) kung saan nabuhay sa negatibong numero, sa huling anim na taon matapos talikuran ang sumpang hindi tatakbo noong 2004 presidential election.
Malamang mga taong tutol sa tunay at makatotohanang reporma na ipinapatupad ni PNoy ang mga komokontra sa kanyang pamahalaan. Ika nga ng mga kurimaw: mas malabo pa sa sabaw ng pusit kung makikiisa sa pagtahak sa “daang matuwid” ni PNoy ang mga “taong-ampalaya”, as in “bitter” lalo pa’t hindi makapag-move on sa resulta ng 2010 election at nasanay sa maluho at maanomalyang pamahalaan.
Ang napakalinaw sa lahat at malaking pagbabago sa Pilipinas, naibalik ni PNoy ang kumpiyansa ng mga negosyante sa bansa, maging international community, isang patunay ang pagbibigay ng pamahalaan sa mas maayos na serbisyo sa publiko dahil sa matuwid na daan.
***
Napag-usapan ang “daang matuwid”, ‘di hamak na mas maganda ngayon ang pakiramdam ng mga preso lalo’t nalilinang ang kanilang kakayahan kahit nasa loob ang mga ito ng bilangguan.
Sa pamamagitan ng libreng gupit at grooming kits, 600 na preso sa New Bilibid Prisons (NBP) at Correctional Institute for Women (CIW) ang nagkaroon ng bagong porma ang mga sarili at magagamit din ang bagong talento sa paggugupit mula sa pagsasanay na isinagawa ng tinaguriang mga Specialistas ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Umikot si Secretary Joel Villanueva sa mga bilangguan para masamahan ang mga Specialistas na nagbigay ng libreng serbisyo sa mga bilanggo. Sa ganitong pamamaraan, at least merong “choice” ang mga naligaw ng landas upang ibangon ang sarili at burahin ang masamang panaginip na nangyari sa kanilang buhay.
Kahanga-hanga ang paghikayat ni Sec. Joel sa mga bilanggo na himukin ang mga ito na sumailalim sa skills training na magagamit nila kinalaunan para kumita kapag lumaya.
Ang “buhay-preso” ang pinakamasamang bangungot kapag lumabas ng bilangguan -- ito’y madalas pagkaitan ng pagkakataon sa lipunan kaya’t “balik-rehas” kapag walang oportunidad dahil paggawa ng krimen ang nalalaman.
At kamakailan, sinamahan ni Sec. Joel ang 16 na TESDA Specialistas na nagbigay ng libreng gupit sa 10 bilanggo ng NBP na sinanay sa hair styling sa ilalim ng programa na inilunsad ng ahensiya -- isang paraan upang mabigyan ng hanapbuhay at kasanayan ang bilanggong lalaya.
Sa CIW, 15 TESDA Specialistas na nagtapos kamakailan sa Mobile Training Plus Program sa Barangay Tumana, Marikina ang nagbigay ng libreng serbisyo sa paggupit.
Sa ilalim ng matuwid na daan ni PNoy, sinabi ni Sec. Joel na magagawa ng TESDA na maging institusyunal ang libreng skills training sa loob ng mga kulangan sa buong bansa.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Monday, July 30, 2012
Friday, July 27, 2012
Tagumpay!
Tagumpay! | |
REY MARFIL
Malaking tagumpay sa kampanya laban sa katiwalian ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang pagsasampa ng kasong pandarambong sa Sandiganbayan laban kina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, Manoling Morato at walong iba pa kaugnay sa umano’y pagbulsa sa P365,997,915 pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ipinapakita rito na walang sinasanto ang pamahalaan sa paghahabol ng mga tiwali, mayaman ka man o maimpluwensiya, dapat managot at humarap sa hustisya na pambihirang bagay na nangyayari sa mahabang panahon.
Lalong pinalalakas nito ang katatagang pulitikal ni PNoy na positibo naman sa mga taong matagal nang naghahanap ng hustisya dahil sa pang-aabuso ng tiwaling mga pampublikong opisyal.
Nag-ugat ang umano’y maling paggugol sa pampublikong pondo sa confidential at intelligence funds ng PCSO sa ilang pagkakataon mula Enero 2008 hanggang Hunyo 2010.
Bukod kay Mrs. Arroyo, kabilang sa kinasuhan sina dating PCSO Board of Directors chairman Sergio O. Valencia; dating PCSO general manager Rosario C. Uriarte at ilan pang PCSO directors; at si dating Commission on Audit chairman Reynaldo A. Villar.
Nag-ugat ang kaso sa reklamong isinampa noong Hulyo 2011 nina dating Akbayan partylist Rep. Ana Theresia H. Baraquel, retiradong B/Gen. Danilo Lim at Atty. Jaime Regalario ng Kilusang Makabayang Ekonomiya.
Ang panawagan ni Mang Gusting, dapat kumilos nang mabilis ang prosecutors para matiyak na mananagot ang dating mga opisyal ng PCSO at COA at mananatiling haharap sa paglilitis.
Sa hanay ng mga akusado, tanging si Mrs. Arroyo lamang ang nasa kostudiya ng pamahalaan kahit pinagpiyansa ng Pasay court -- isang patunay na hindi nanghihimasok ang Malacañang, katulad ng ibinibintang ng kabilang kampo, maliban kung naging gawain sa nagdaang siyam taon kaya’t naiisip ang ganitong senaryo?
Bagama’t nakalaya, ito’y pansamantala lamang sa bisa ng P1 milyong piyansa, hindi makakatakas si Mrs. Arroyo dahil merong umiiral na Hold Departure Order (HDO) laban sa kanya.
At hindi ikinagulat ng mga kurimaw kung napakabilis maglabas ng P1 milyon ni Mrs. Arroyo -- ito’y barya lamang, hindi katulad ng isang mahirap na “nagbabahay-bahay” para isanla ang titulo ng lupa, mailabas lamang ng rehas ang sinumang kapamilyang napreso.
Ngunit, maaari namang umalis ng bansa ang mga kasamahan nitong mga akusado sa kasong pandarambong. Pero dapat magsumikap ang prosecutors ng pamahalaan na mapanatili si Uriarte sa pagharap sa hustisya dahil maaari itong maging state witness laban sa dating Pangulo.
Dapat ding kumpiskahin ang mga ari-arian ng mga akusado na hinihinalang bahagi ng posibleng nakaw na yaman sakaling mapatunayang nagkasala sila.
Dahil sa mahabang proseso ng karapatan sa due process, nagsisilbing oportunidad naman ito para maitago ng mga akusado ang hinihinalang mga nakaw na yaman. Kaya dapat lamang na lalong bilisan ang paglilitis sa ngalan ng interes ng bansa.
Makatwiran ding batiin si PNoy sa pagpapakita ng hindi matatawarang determinasyon na papanagutin ang hinihinalang mga tiwaling pampublikong mga opisyal.
***
Anyway, makatwirang bombahin ang pambobomba sa Mindanao -- isang malinaw na pagtatangka upang pigilan ang mga reporma sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa ilalim ng matuwid na daan ng administrasyong Aquino.
Naiulat ang isang pambobomba sa ARMM nakaraang linggo na nakasugat sa dalawa katao na idinidikit ng mga awtoridad sa nagaganap na voter’s registration sa rehiyon.
Talaga namang hindi natin maiiwasan na mayroong mga taong hindi matanggap ang magagandang mga pagbabago sa ARMM na ipinapatupad sa pamamagitan ni officer-in-charge Gov. Mujiv Hataman.
Siguradong marami na ang nasasaktan sa mga nangyayaring reporma sa rehiyon at naniniwala tayong lalo pang magpupursige ang administrasyong Aquino. Dapat papanagutin ng kapulisan at mga sundalo ang mga nasa likod ng pag-atake.
Kumbinsido ang mga awtoridad na nais lamang ng dalawang pagsabog na nangyari sa mga lugar ng Shariff Aguak at Datu Hofer sa Maguindanao na takutin ang mga residente kaugnay sa nagaganap na pagrehistro ng mga boto sa ARMM.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Wednesday, July 25, 2012
Tunay na report!
Tunay na report! | |
REY MARFIL
Hindi dapat ipagtaka kung mas mahaba ngayon ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino kung ikukumpara sa kanyang naunang dalawang SONA.
Kapag ikinumpara sa naunang dalawang SONA ni PNoy na halos tumagal lang ng tig-isang oras, ngayo’y umabot ng halos isa at kalahating oras. Ang rason -- ipinaalam lang ng Pangulo ang sitwasyon ng bayan at kanyang mga planong gawin ngayong taon, kasama na sa kanyang ulat ang mga nagawa sa loob lamang ng dalawang taon.
At hindi rin katulad ng nauna niyang dalawang SONA na matitindi ang mga banat sa pinalitan niyang administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ngayo’y pahapyaw na lang ang ginawang pagpuna ni PNoy sa mga umano’y kapalpakan na ginawa o kapabayaan ng dating gobyerno.
Kung tutuusin, binalikan lang ni PNoy ang nakaraang administrasyon para ikumpara ang mga nagawa ng kanyang administrasyon. Ipinakita lang niya na kung gumagastos ang nakaraang administrasyon ng isang milyon para sa isang proyekto, ‘yun pala’y magagawa ang proyekto sa mas murang halaga at mas mabilis pa ngayon.
Gaya na lang halimbawa ng pagpapailaw sa mga barangay. Ang ginawa umano ng dating administrasyon, kahit ang barangay hall lang ang nailawan, ikinunsidera na isinama sa bilang ang buong barangay. Kaya naman ang ini-report ay 99% na ng mga barangay sa bansa ang nailawan kahit hindi naman pala. Take note: magkaiba ang barangay at sitio.
At nang atasan ni PNoy ang Department of Energy at National Electrification Administration na pailawan ang 1,300 sitios sa pondong P1.3 bilyon ang napailawan nila ay 1,520 sitios, at may sukli pa dahil umabot lang sa P814 milyon ang kanilang gastos.
***
Napag-usapan ang SONA, isa pang halimbawa ang datos ng tourism arrival. Kung mula 2001 hanggang 2010 ng administrasyong Arroyo (9-taon), ito’y umabot lamang sa 1.8 milyon ang tourist arrival sa Pilipinas.
Nang dumating ang Aquino government, naglalaro ngayon sa 3.1 milyon sa loob lang ng dalawang taon. ‘Di hamak na malayo ang 2-taon sa 9-taon, maliban kung “row four” sa arithmetic at malapit sa basurahan ang mga kritiko ni PNoy?
Maliban sa napakaraming programa at proyektong nagawa ni PNoy sa loob pa lamang ng dalawang taong administrasyon, malinaw na inilatag ng pamahalaan ang mga gabay na nais niyang gawin sa susunod na mga taon ng kanyang liderato.
Nakasentro ang mga ito sa pagpapalakas pa lalo ng sumisigla na nating ekonomiya dahil sa pagbabalik ng kumpiyansa ng mga dayuhang namumuhuan hanggang sa pamumuhunan sa edukasyon para sa mga kabataan sa pamamagitan ng dagdag na pondo sa mga State Colleges and Universities, at pagpapatayo pa ng mga paaralan. Isama pa ang pagpapalakas ng militar para protektahan ang teritoryo ng bansa at ng kapulisan para labanan ang mga kriminal.
Ngunit sa kabila ng mga ito, nandiyan pa rin siyempre ang mga pagpuna o pagbatikos at hindi mawawala ang mga kritiko ni PNoy. Asahan na marami pa rin silang “kiyaw-kiyaw”, asahan ang reklamo, asahan na maghahanap ng butas kahit sing-liit na ng karayom. Ang suggestion ng mga kurimaw:
Kung walang nakikitang pagbabago ang mga kritiko ni PNoy, bakit hindi magmartsa sa Mendiola at ilagay sa placard na ibalik ang dating administrasyon kung ikaliligaya ng mga ito!
Ang oposisyon ay hindi mo maaasahan ng pupuri sa ibinabalita ng administrasyon at ito’y nalalaman ni PNoy at lalong kinikilala ng Pangulo ang karapatan ng mga ito. Ang reklamo lamang ni Mang Gusting, ano pa nga ba ang papel ng OPOSISYON sa ating lipunan kundi ang “umupo” at “pumosisyon”.
Sa simpleng eksplanasyon, sadyang taga-kontra ang oposisyon pero ‘yan nama’y indikasyon na buhay na buhay ang demokrasya, dangan lamang nakapikit ang mga mata kahit merong nakikitang pagbabago sa gobyernong itinitimon ni PNoy.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Monday, July 23, 2012
Ang kape sa SONA!
Ang kape sa SONA! | |
Rey Marfil
Makatwiran ang paghahain ng reklamong pandarambong at katiwalian sa Office of the Ombudsman laban sa mga dating matataas na mga opisyal ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) at coffee supplier ng ahensiya kaugnay sa P258 milyong ginastos sa kape.
Sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino, ibinuking ang maluhong kape, animo’y nangalumata sa kahihigop ang mga player, sampu ng Pagcor officials na itinuturong salarin. Kabilang sa ipinagharap ng kasong pandarambong at katiwalian sina dating Pagcor chairman Efraim Genuino, dating Pagcor President Rafael Francisco at dating senior vice president Rene Figueroa, at Carlota Cristi Manalo-Tan, may-ari ng Promolabels Inc. na dating supplier ng kape ng Pagcor. May-bahay si Manalo-Tan ni Johnny Tan, kilalang kaalyado ni Genuino at ikalawang nominado sa Bida partylist group na malapit sa dating pinuno ng Pagcor. Sa reklamong isinampa ng mga kasalukuyang Pagcor directors sina Jose Tanjuatco at Enriquito Nuguid, iginiit ng Pagcor na pumasok sina Genuino at mga opisyal nito sa isang concession agreement sa Promolabels. Saklaw ng kontrata mula taong 2001 hanggang 2010 kung saan inaakusahan na nagpayaman diumano ang mga akusado sa pagbili ng sinasabing overpriced na mga produktong Figaro coffee na ibinibigay nang libre sa mga kliyente ng pinatatakbong casino ng Pagcor. Mula 2005 hanggang 2008, sinabi ng Casino na limang Filipino branches ang nagbayad sa Promolabels ng P258 milyon para sa mga produktong kape na overpriced umano ng siyam hanggang 74%, malayo sa naging kasunduan sa Promolabels na dapat kasing halaga ng mga kape sa mall ang presyo nito. Inaasahan nating magbibigay ng panibagong pag-asa sa mga Filipino ang paghahain ng kasong pandarambong at katiwalian lalo’t uhaw ang mga ito sa pagkakaroon ng hustisya. Sa tulong ng matuwid na daan ni PNoy, inaasahan nating haharap sa hustisya sa lalong madaling panahon ang iba pang mga dating opisyal na dapat managot na isang magandang senyales para sa pagpapabalik ng tiwala ng publiko sa pamahalaan. *** Napag-usapan ang good news, magandang investment alang-alang sa kabutihan ng mga Filipino ang conditional cash transfer (CCT) program o subsidiya sa pinakamahihirap na mga pamilya sa buong bansa. Binibigyan ng programa ng magandang kinabukasan at oportunidad ang henerasyon ng mga batang Pilipino sa pamamagitan ng pag-aaral at magkaroon ng maganda at malusog na bukas ang mga nanay para pangalagaan ang kanilang mga pamilya. Hindi maunawaan ng mga kurimaw ang rason at lohika sa likod ng pagkontra sa CCT. Kung meron man, malinaw na pinupolitika lamang ng mga kritiko ang magandang programa. Ika nga ni Mang Gusting “ang hirap sa mga militante at makakaliwa, ito’y pinag-aaral ng mga magulang, puro pagsali sa rally ang inaatupag at inakalang pisara ang mga pader sa Metro Manila. At dalawa o tatlong kataga lang ang natutunan, kundi ibagsak ang rehimen o kaya’y tuta ng Kano! Binibigyan ng CCT program ang isang pinakamahirap na pamilya ng buwanang P1,500 sa konsidyong mangangako ang mga magulang na papanatilihin sa eskuwelahan ang kanilang mga anak at sasailalim ang kanilang mga asawa sa regular na pagsusuri sa health practitioner. Napatunayan na rin na naging matagumpay ang CCT sa Brazil at Mexico at nagiging matagumpay sa 79 ng kabuuang 80 mga lalawigan sa Pilipinas. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”.
(mgakurimaw.blogspot.com)
|
Friday, July 20, 2012
Lumang script!
Lumang script! | |
REY MARFIL
May panibagong sakit ng ulo si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at iba niyang dating opisyal matapos silang kasuhan ng “pluder” ng Office of the Ombudsman dahil sa umano’y pagsasamantala sa pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na umaabot sa mahigit P365 milyon noong 2010.
Sabit din sa reklamong plunder ang mga dating PCSO board of directors, maging ang dating Commission on Audit (COA) chairman. Lumitaw sa isinagawang imbestigasyon ng Ombudsman na mula Enero 2008 hanggang June 2010, inakusahan ang grupo ni Mrs. Arroyo ng “taking raiding the public treasury… transferring the funds for their personal gain… and ‘unjust enriching themselves’ at the expense of the PCSO and the government.”
Gaya ng inaasahan, itinanggi ng kampo ni Mrs. Arroyo ang akusasyon at sinabing bahagi ito ng pagpapapogi ng kasalukuyang gobyerno. Kaduda-duda raw ang “timing” ng pagsasampa ng kaso na itinaon ilang araw bago ganapin ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino.
Pero kung tutuusin, kung “pang-laman” rin lang naman sa SONA ni PNoy ang nasabing kaso, mukhang sapat na ang patuloy na pagkaka-hospital arrest ni Arroyo dahil sa kasong electoral sabotage. Bukod pa diyan, ang kasong “graft and corruption” laban sa dating Pangulo bunga naman ng napurnadang ZTE-NBN deal.
Alangan naman na pigilin ng Ombudsman ang pagsasampa ng kaso kay Mrs. Arroyo o sa iba pang nahaharap sa mga katiwalian dahil lang sa magso-SONA si PNoy? Mukhang malabo yata iyon, maliban kung “minumuta” ang mga “taga-pagsinungaling” ng dating Pangulo?
***
Napag-usapan ang kaso ni Mrs. Arroyo, tulad ng electoral sabotage, hindi maaaring makapag-piyansa ang mga taong nahaharap sa kasong plunder o pandarambong -- ito rin ang naging kaso noon ni dating Pangulong Joseph Estrada na isinampa ng gobyerno ni Mrs. Arroyo, maliban kung nagka-amnesia ang mga ito.
Kung “timing” ang pag-uusapan, maraming dapat ipaliwanag si Mrs. Arroyo sa “timing” ng paggamit ng pondo ng PCSO na umabot hanggang sa panahon na paalis na siya sa Malacañang noong June 2010 – ito’y hindi lingid sa kaalaman ng mga kakamping kongresista at senador lalo pa’t makailang beses itong naimbestigahan sa Kongreso.
Ang naturang kaso tungkol sa paggamit ng pondo ng PCSO ay hiwalay pa sa kasong plunder na nakabinbin din sa Ombudsman, ‘di pa kasama ang paglilipat ng P530 milyon pondo ng mga OFW na nasa pangangalaga ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
At kung pag-uusapan muli ang “timing” ng sinasabing paglilipat ng Arroyo government sa naturang pondo ng OWWA sa PhilHealth – ito’y sinasabi ng nagrereklamo na umano’y itinaon na malapit isagawa ang kontrobersiyal na 2004 presidential elections kung saan nanalo si Mrs. Arroyo laban sa mas popular na kalaban nitong si Fernando Poe Jr.
Sa halip na kuwestiyunin ang “timing”, mas makabubuting mag-isip ang kampo ni Mrs. Arroyo ng mas mahusay na dahilan kung papaano nila bibigyang katwiran ang paggamit sa pondo ng PCSO -- hindi ‘yung humalungkat ng lumang script sa baul at sila rin mismo ang naituturong script writer, director at producer!
Dapat nilang ipaalam, ipaliwanag at aminin sa publiko na ang “intelligence” fund na inaakusa sa kanila ng Ombudsman na kanilang inabuso ay “confidential” ang auditing at hindi basta-basta puwedeng isiwalat sa publiko.
Sa ganitong pagkakataon, hindi uubra sa matalinong pag-iisip ng mga tao na basta lamang pagdudahan ang “ti0ming” sa pagsasampa ng kaso. Ang dapat gawin ng kampo ni Mrs. Arroyo, patunayan nila sa publiko na hindi nila ibinulsa ang pera ng PCSO na dapat sana’y ginagastos sa mga nangangailangang Pilipino lalo na ang mga may sakit.
Mahirap magsalita pero baka may ibang kababayan tao na nag-iisip na may “karma” na nakalaan sa mga taong nagsasamantala sa perang inilaan para magpagaling ng mga taong may sakit.
Laging tandaan: “Bata n’yo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Wednesday, July 18, 2012
May pagkakataon!
May pagkakataon! | |
REY MARFIL
Nagluluksa pa rin ang sambayanan sa pagpanaw ng Comedy King na si Dolphy.
At kahit nailibing na ang batikang aktor, buhay na buhay pa rin ang mga panawagan na gawing siyang National Artist.
Sa pagpanaw ng batikang komedyante na kilala rin bilang si Pidol, muli ring binalikan ang mga pagkilala na natanggap nito, kabilang ang Grand Collar of the Order the Golden Heart na ibinigay ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino noong 2010.
Ang naturang award ang pinakamataas na parangal na ibinibigay ng Pangulo sa mga pribadong tao o sibilyan. At iginawad ni PNoy kay Pidol, ilang buwan lamang ang nakalilipas matapos ang May 2010 presidential elections.
Sa naging panayam noon kay Pidol, lubos ang pasasalamat ng komedyante kay PNoy sa ibinigay na parangal. Ika nga ni Pidol, “hindi raw niya inaasahan ang naturang parangal dahil si Sen. Manny Villar ang sinuportahan niya sa nabanggit na halalan”.
Paglalarawan pa nga ni Pidol kay PNoy, “napakabuting tao”. Binato raw niya ng bato si PNoy noong halalan, pero ang ibinato sa kanya ni PNoy ay tinapay.
Ang Pangulo pa nga raw ang nagsabi kay Pidol na kalimutan na ang nangyari noong halalan.
At panahon na nagdadalamhati ang taumbayan mula sa pagkakaospital ni Pidol hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay, mukhang tahimik naman si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at tila nagmamasid lang.
***
Napag-usapan si Mrs. Arroyo, kung naging tama lang sana ang diskarte nito sa pagpili ng mga National Artist noong 2009, ilang buwan bago nagtapos ang kanyang kontrobersiyal na panunungkulan, baka kahit papaano’y bumango ang pangalan nito sa panahon na pinag-uusapan si Pidol.
Noong 2009, nakasama si Pidol sa unang screening ng mga nominado bilang national artist na sinala ng National Commission on Culture and the Arts (NCAA) at Cultural Center of the Philippines (CCP). Pero sa ikalawang yugto ng pilian, nalaglag na ang pangalan ng batikang komedyante.
Ang inirekomenda ng CCP at NCAA kay Mrs. Arroyo na mga national artist -- sina Lazaro Francisco, Dr. Ramon Santos, Manuel Conde, at Federico Aguilar Alcuaz. Mula sa naturang listahan, inilaglag o inalis si Santos.
At kahit wala naman sa listahan ng CCP at NCAA, idinagdag sina Cecile Guidote Alvarez, Carlo Caparas, Jose ‘Pitoy’ Moreno at Francisco ‘Bobby’ Mañosa.
Hindi nagustuhan ng iba pang alagad ng sining ang ginawang paglaglag kay Santos at pagdagdag sa apat na pangalan -- kabilang si Caparas na ilang ulit na raw tinanggihan o nalaglag sa screening.
Marahil, kung nabigyan lang ng magandang payo si Mrs. Arroyo, mas mahusay kung si Dolphy na lang ang isiningit niya sa apat na kanyang hinirang na hindi inirekomenda ng CCP at NCAA.
Kung ito’y ginawa ni Mrs. Arroyo, malamang “bayani” sa mata ng mga nagmamahal kay Pidol at kahit papaano nakakuha ng magandang publisidad at nakapagpahinga sa kaliwa’t kanang alegasyon ng mga katiwalian na nangyari sa kanyang administrasyon.
Pero hindi nangyari kaya’t hanggang ngayo’y sinisingil sa mga kamalian nito.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Monday, July 16, 2012
Bumaba!
Bumaba! | |
REY MARFIL |
Sa pamamagitan ng kautusan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino, maganda ang pagsunod ng Highway Patrol Group (HPG) ng Philippine National Police (PNP) sa pagpapababa ng bilang ng mga insidente ng pagnanakaw ng sasakyan at carjacking sa bansa.
Ngayon, masasabing hindi na masyadong abala sa pagnanakaw ng mga sasakyan ang mga tirador matapos bumagsak nang husto ang bilang ng mga insidente sa unang anim na buwan ng taon kumpara sa parehong panahon noong 2011.
Sa ulat ni Supt. Edwin Butacan, HPG spokesperson, napag-alamang 547 kaso ng pagnanakaw ng mga sasakyan sa buong bansa mula Enero hanggang Hunyo kumpara sa 739 kaso sa unang anim na buwan ng 201, katumbas ang 26% pagbaba.
Naramdaman ang pinakamalaking pagbaba sa kaso ng nakawan ng sasakyan nitong nakalipas na buwan ng Hunyo kung saan naitala lamang ang 49 insidente, mas mababa ng 69% mula 159 na kaso noong Hunyo 2011. Kaya’t makatwirang batiin ang PNP sa tagumpay na ito at inaasahan nating mas bababa pa ang bilang hanggang matigil na sa pamamagitan ng kautusan ni PNoy.
Hindi lang ‘yan, ginagawa ni PNoy ang lahat ng paraan upang makamit ang hustisya sa lalong madaling panahon para sa mga biktima ng 2009 Maguindanao massacre patuloy at walang humpay ang maigting na panawagan ng administrasyong Aquino sa hudikatura na bilisan ang paglilitis at resolusyon ng Maguindanao massacre case.
Sa kabilang banda, hindi naman natin masisisi si Myrna Reblando, biyuda ng napatay na mamamahayag na si Alejandro ‘Bong’ Reblando, na napabalitang lumabas na ng bansa at naghahanap ng asylum dahil talaga namang marami itong pinagdaanan matapos ang masaklap na trahedya.
Dating mamamahayag si Reblando sa Manila Bulletin na kabilang sa 32 journalists na napatay sa masaker na nangyari sa lalawigan ng Maguindanao noong Nobyembre 2009.
Sa pagsusumikap ng pamahalaan, 96 suspek sa 2009 Maguindanao massacre ang nasa kostudiya ng kapulisan at hinahabol pa sa ngayon ang tinatayang 100 iba pa na nagtatago sa batas.
Hindi rin natin mapipilit ang mga kaanak ng mga biktima ng masaker sa kanilang karapatan na magdesisyon kung sasailalim sa seguridad na inaalok ng pamahalaan sa ilalim ng Witness Protection Program (WPP).
Ang malinaw, hindi papayag si PNoy na hindi magkaroon ng hustisya ang mga biktima ng karumal-dumal na krimen.
***
Napag-usapan ang mga aksyon ng gobyerno, masigasig si PNoy sa paghahanap ng solusyon upang mapababa ang halaga ng kuryente sa bansa at matiyak na merong sapat na suplay nito para sa kapakinabangan ng bansa, kabilang ang sektor ng negosyo.
Puntirya ng Punong Ehekutibo na magkaroon ang bansa ng kakayahan na maglagay ng tinatawag na base load plants upang maging reasonable ang halaga ng kuryente.
Sa pamamagitan ni Energy Secretary Rene Almendras, patuloy ang pagsusumikap ng pamahalaan na mahimok ang mga mamumuhunan na maitayo ang base load generation expansion na susi sa pagpapababa sa halaga ng kuryente.
Ikinokonsiderang murang pinagmumulan ng kuryente ang base load plants kung saan gumagamit naman ang bansa ng non-base load plants o ang mas mahal na fuel plants kaya naman nagiging mahal ang halaga ng kuryente. Ginagawa ni PNoy ang lahat para makumbinsi ang mga mamumuhunan na magtayo ng mga plantang mag-aalok ng murang halaga ng kuryente.
Kamakailan, inanunsiyo ni Sec. Almendras na lumalagda ang pamahalaan sa mga kontratang nag-aalok ng murang generation charge kung saan mayroong bagong coal-fired plant na mag-aalok ng P4.25 kada kilowatt hour na serbisyo mula sa P5.35 o P1.10 na mas murang generation charge.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
Friday, July 13, 2012
‘Wag isnabin!
‘Wag isnabin! | |
REY MARFIL |
Karaniwan na sa ating mga Pinoy, lalo pa’t nakatira sa lungsod -- hindi nabibigyan ng pansin ang usapin na nangyayari sa mga lugar na hindi natin tanaw gaya ng mga kabundukan -- ito’y hindi lamang sa masyado tayong abala sa ating mga trabaho kundi sadyang hindi natin pinapansin ang bagay na hindi pa tayo apektado.
Gaya na lang ng usapin sa illegal logging; noon, walang pakialam ang mga nasa lungsod kung makalbo man ang gubat basta’t meron tayong muwebles -- tulad ng silya at lamesa na mabibili. Ano nga ba ang pakialam natin kung maubos ang puno sa gubat gayong nasa bundok ‘yan at tayo ay nasa sementadong lugar ng lungsod.
Pero dahil sa pagbabago ng klima sa buong mundo, ang mga lugar na hindi binabaha, nilulunod na ngayon ng tubig na mula sa ulan. Nagkakaroon ng maraming flash flood, mudslide at landslide sa iba’t ibang lugar, maging sa mga subdibisyon.
Climate change ang sinasabing dahilan ng lalong pagbangis ng mga bagyo dahil na rin sa kakulangan na ng mga puno na sasalo sa init ng araw, sisipsip sa tubig ng ibinubuhos ng ulan, at humahawak sa lupa para ‘di dumausdos.
Sa isang iglap, nakuha ang atensiyon ng mga taga-lungsod at nakiisa na rin sa mga panawagan laban sa illegal logging. At dahil sa lumakas ang suporta ng mga tao, naipatutupad na ang kampanya laban sa gawaing ito na sumisira ng kalikasan.
***
Napag-usapan ang mining, mainit ngayong pinagdedebatihan ang Executive Order 79 na pinirmahan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino para sa mas mahigpit na patakaran sa pagmimina sa bansa. Gaya ng usapin ng illegal logging, malayo sa pananaw ng mga tagalungsod ang nagaganap na pagmimina.
Pero kung tutuusin, kung hindi gagawa ng hakbang si PNoy para bantayan ang malawakang pagmimina ngayon, darating ang araw na mauubos na rin ang bundok sa Pilipinas na pinaglalagyan ng iba’t ibang uri ng puno at halaman, at iba’t ibang mga hayop, ibon at kulisap.
Bukod pa riyan, may posibilidad din na malason ang mga tubigan na pinagkukunan ng tubig na dumadaloy sa ating mga gripo kung hahayaan na hindi masusubaybayan ang mga nagmimina -- legal man sila o illegal.
Hindi dapat basta na lamang natin tanggapin ang tinatawag na “responsible mining”. Dahil kahit anong responsable ng nagmimina, hindi maitatago ang katotohanan, na may nature formation silang sinisira, gumagamit sila ng delikadong kemikal para makuha ang nais nilang mineral.
Huwag nating kalimutan ang nangyaring trahedya sa Marinduque kung saan isang malaking kumpanya ng nagmimina ang sumablay sa kanilang tapunan ng kemikal na dumaloy sa ilog at nagdulot ng matinding perwisyo.
Maganda ang layunin ni PNoy sa pagpapalabas ng kanyang EO 79, protektahan ang mga lugar at kapaligiran na dapat protektahan, tiyakin na ligtas ang mga lugar na pinagmiminahan, at malikom ng gobyerno ang dapat na malikom.
Subalit sa kabila ng magandang hangarin ng pangulo, asahan na papalag ang mga tatamaan ng kanilang sariling interes. Tiyak na kukuwestiyunin nila sa korte ang legalidad ng kautusan ni PNoy kahit hindi pa man nila ito binibigyan ng pagkakataon na maipatupad para makita ang benepisyo.
Sa unang pagkakataon, isang pangulo ang naglakas ng loob na banggain ang malalaking kumpanya na nasa minahan at mga lokal na opisyal na personal na nakikinabang din sa lokal na buwis sa pagmimina.
Wala naman kasing mawawala sa kanya dahil wala naman siyang interes o negosyo sa pagmimina.
Dapat suportahan ng lahat ng Pilipino ang hakbang na ito ni PNoy sa pagtatakda ng mas mahigpit at maayos na patakaran sa pagmimina - ikaw man ay nasa kanayunan o nasa lungsod.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
Wednesday, July 11, 2012
Binago ni Joel!
Binago ni Joel! | |
REY MARFIL
Lalong pinakikinabangan ng mga Pilipino ang magagandang programang isinulong ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ito’y matapos bumaba sa 18.4% ang insidente ng kahirapan sa bansa nitong Mayo mula sa naitalang pinakamataas na 23.8% sa naunang tatlong buwan base sa resulta ng pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS).
Sa SWS survey mula Mayo 24 hanggang 27, lumabas na 18.4% o 3.8 milyong pamilya na lamang ang nakaranas ng kagutuman sa nakalipas na tatlong buwan na mababa ng isang milyong pamilya mula sa dating 23.8% o 4.8 milyong pamilya.
Ibinunyag ng SWS na kauna-unahang pagkakataon na bumaba ito sapul noong Enero 2011 kung saan naitala ang 20% na nakaranas ng kahirapan.
Hindi naman nakakapagtaka dahil talagang magaganda ang mga programang ipinagkakaloob ni PNoy, katulad ang conditional cash transfer (CCT) na nagbibigay ng direktang tulong sa pamamagitan ng subsidiya sa pinakamahihirap na mga pamilya.
***
Napag-usapan ang good news, positibong bagay ang paglalaan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng P3 milyong pondo bilang subsidiya sa pagsasanay na isasagawa sa mga komunidad sa ilalim ng ABS-CBN Foundation Inc. (AFI).
Nilagdaan nina Secretary Joel Villanueva, Secretary General ng TESDA, at Regina Paz Lopez, managing director ng foundation, ang memorandum of agreement na naglunsad ng hakbanging ipatupad ang mga programa sa pagsasanay sa tatlong komunidad sa BayaniJuan ng AFI sa Palawan, Laguna at Zambales.
Inilunsad ng AFI noong 2008 ang BayaniJuan upang tulungang muling makabangon ang mga mahihirap na komunidad sa pamamagitan ng socio-civic programs.
Mula sa Training for Work Scholarship Program (TWSP) fund, ilalabas ng TESDA ang kabuuang P3,139,500 sa training requirements ng Provincial Training Center (P727,000) and Hope Beginnings Institute Inc. (P150,000) para sa Zambales; Jacobo Z. Gonzales Memorial Arts and Trade (P1,287,000) sa Laguna, at Puerto Princesa School of Arts and Trade (P975,000) sa Palawan.
Pinakamalaking kasiyahan dito ang paniniyak ng AFI sa 60 porsiyentong employment rate sa hanay ng mga magsisipagtapos.
Ipagkakaloob din ng TESDA ang teknikal at administratibong suporta para sa implementasyon ng programa, ayuda sa pagpili ng training providers na makakatulong sa scholars, pagsasagawa ng competency assessment at pagbabantay at inspeksiyon ng implementasyon ng proyekto.
Ibibigay naman ng AFI ang ayuda sa pagkuha at pagpili ng target na mga benepisyunaryo, pagtiyak na makakatapos sa programang pagsasanay ang mga iskolar at promosyon ng samahan sa media.
Kabilang din ang pagtulong sa paglikha ng social enterprise system na magsusulong ng kaunlaran sa mga komunidad base sa social enterprises at employment services, koordinasyon sa iba’t ibang mga kompanya at industriya hinggil sa posibleng pagpasok sa trabaho ng trainees.
Isang social at enterprise development institution ang AFI na dedikado sa pagbuo ng bansa sa pamamagitan ng entrepreneurship, edukasyon, at pagpapaunlad at rehabilitasyon ng komunidad.
Isa sa pangunahing layunin nito na maging pangunahing rehiyonal, pambansa at pandaigdigang puwersa ito para maisulong ang entrepreneurship at produktibong edukasyon.
Malaking reporma ang ginawa ni Sec. Joel sa TESDA dahil nagiging isang kapaki-pakinabang itong ahensiya na nagbibigay ng trabaho sa daan-daang libong Pilipino na malayung-malayo sa nagdaang panahon kung saan batbat ng katiwalian.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Monday, July 9, 2012
Pati oposisyon! | |
REY MARFIL | |
Patuloy na inaani ng mga Pilipino ang matuwid na daang kampanya ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino, isang patunay ang muling pag-angat ng credit rating ng bansa sa Standard & Poor’s dahil sa bumababang utang at ibang positibong pagbabago sa ekonomiya ng bansa.
Ipinapakita rito ang ganansiyang nagawa ng administrasyong Aquino sa larangan ng matalino at matinong paggugol at iba pang paggamit ng pananalapi. Siguro naman, naiintindihan ngayon ng mga malakas “kumiyaw-kiyaw” kung bakit hinigpitan ni PNoy ang paggastos!
Itinaas ng S&P ang pangmatagalang foreign currency rating ng bansa sa BB+ mula BB, parehong antas na nakuha ng administrasyong Aquino sa Fitch Ratings.
Pinagtibay rin ng S&P ang pangmatagalang local currency rating sa BB+ na ikinokonsiderang “stable outlook” katulad ng una para sa interes at kagalingan ng bansa.
Bahagi ang pagkilalang ito ng positibong bagay na nakamit ni PNoy sa larangan ng pananalapi na ikawalong positive credit ratings sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Inaasahan nating lalong magsusumikap nang husto ang kinauukulan na magpursige sa mas magandang credit rating ng bansa sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng nasimulang magandang macroeconomic stability, fiscal sustainability at inclusive economic growth.
Isipin na lamang ninyo na tinatamasa ito ng bansa sa gitna ng paghihirap ng ekonomiya ng maraming mga nasyon sa mundo na nagsusulong ng matinding pagtitipid kontra sa pagkakaroon ng mas agresibong paggastos o stimulus na naglalayong mapalakas ang ekonomiya.
Tunay ngang naibalik ni PNoy ang tiwala ng mga mamumuhunan sa bansa sa pamamagitan ng matinong pamamahala at libre sa katiwaliang liderato na hindi nagawa ng mga dating nakaupo.
Dahil sa patuloy na pagtaas ng ating credit rating, malapit nang marating ng administrasyong Aquino ang tinatawag na investment grade status.
***
Napag-usapan ang mga papuri, hindi rin napigilang humanga ng oposisyon sa matuwid na daang kampanya ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino -- isang patunay na hindi nagkamali ang mayorya ng nakaraang eleksyon.
Sa sobrang ganda ng ginagawa ng administrasyong Aquino, bilib si House Minority Leader at Quezon Rep. Danilo Suarez. Kaya’t nakakapagtaka kung ano ang pinaghuhugatan ng ilang kritiko na hindi magawang kilalanin ang nagawa ni PNoy.
Sa kanyang press conference, hindi na naitago ni Suarez ang kanyang paghanga sa mabubuting programa ni PNoy na nagtataglay rin ng hindi matatawarang sensiridad at katapatan na dahilan kaya nasa tamang direksyon ang bansa.
Eto ang eksaktong sound bite ni Cong. Suarez, “Kung sumagot ako baka akala nyo si (Presidential spokesman Edwin) Lacierda ang nagsasalita.
Pero kung hindi honest ang Presidente, matagal nang nag-collapsed itong gobyerno na ito”. “Admirer niya ako, masaktan na ang masaktan pero nagkaroon tayo ng lider na honest katulad ni P-Noy”.
Naunang inihayag nina Marikina City Rep. Miro Quimbo at Citizens Battle Against Corruption Rep. Sherwin Tugna na naging matagumpay si PNoy sa pagpapanumbalik ng tiwala ng mga negosyante sa bansa kaya naalis ang talamak na “lagay system” na nakaugalian sa mahabang panahon.
Ginawa nina Quimbo at Tugna ang pahayag matapos maitala ang pinakamataas na positive ratings ng iba’t ibang malalaking samahan ng mga negosyante sa bansa kaugnay sa kanilang tiwala sa administrasyong Aquino.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
Friday, July 6, 2012
Matuwid na Philhealth! | |
REY MARFIL
Hindi lang sakit ng lipunan na corruption ang nais pagtuunan ng pansin ng pamahalaang Aquino kundi maging ang literal na sakit na kumitil ng buhay gaya ng kanser -- ito’y isang problemang hindi natugunan sa mahabang panahon dahil inuna ang pansariling interes at pamumulitika ng mga taong takot mawala sa kapangyarihan.
Sa loob lamang ng ikalawang taon ng pamumuno ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino, ipinatupad nito ang isang mahalagang programa sa kalusugan -- sa pamamagitan ng PhilHealth na hindi nagawa ng nagdaang mga administrasyon.
Sa nakaraang panahon, ito’y pambili ng boto ang tingin ng marami sa ipinamumudmod na PhilHealth card; o kung hindi nama’y merong kadikit na isyu ng katiwalaan -- sa ilalim ng kasalukuyang pamahalaan, malinaw na pagkalinga sa mga tunay na nangangailangan ang nakaloob dito.
Sino nga ba ang makalilimot sa isyung ginamit o inilipat ang P546 milyong kontribusyon ng mga OFWs sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) funds, patungo sa PhilHealth noong Pebrero 2004 -- ilang buwan bago ganapin ang kontrobersiyal na 2004 presidential elections.
Noong Enero 2012, nagpalabas ng resolusyon ang prosekusyon ng Justice department na nagsasabing may basehan ang reklamong technical malversation laban kay Mrs. Arroyo at iba pang dating opisyal nito dahil sa ginawang paglilipat ng pondo ng mga OFW.
Gaya ng dapat asahan, itinanggi ng kampo ng dating Pangulo ang alegasyon na may anomalya sa paglilipat ng pondo kahit pa umabot sa Dalawang Kapulungan ng Kongreso ang isyu at nagsawa sa kaiimbestiga ang mga senador. Kahit itanong n’yo pa kay Senador Ping Lacson!
***
Napag-usapan ang eskandalo nakaraang administrasyon, hindi maikakaila, may bahid ng pagdududa at pag-aalinlangan kung nagamit ba sa tamang paraan ang pondo -- ito’y dahil na rin sa mababang kredibilidad ng administrasyong Arroyo para maniwalaan na ang ginagawa nito ay tama at para sa kapakanan ng mga mamamayan.
Ibang-iba nga ang administrasyong PNoy ngayon. Sa loob ng dalawang taong liderato, ibinalik nito ang pag-asa ng mga tao na kikilos ang pamahalaan para sa kanilang kapakanan at hindi sa interes ng bulsa ng iilang opisyal.
Dahil na rin sa dumaraming kaso ng sakit na kanser, isinama na sa benepisyo ng mga miyembro ng Philhealth ang delikado at magastos na sakit na kanser -- partikular ang breast at prostate cancer at childhood leukemia.
Ang pagbibigay doon sa leukemia sa mga bata -- kanser sa dugo -- ay pagpapakita ng pagmamalasakit ng pamahalaan sa mga bata na dapat bigyan ng pagkakataon na humaba ang buhay.
Hindi biro ang bilyong pondong inilaan ng pamahalaan sa programang ito ng pangkalusugan. Pero sa kabila ng malaking pondo, walang mag-iisip na may kalokohan sa likod ng programa. Ito ay dahil malaki ang pagtitiwala ng mamamayan sa integridad ng kasalukuyang Pangulo -- si PNoy.
Bukod sa pagtulong sa mga may sakit na kanser, itinaguyod din ng pamahalaang Aquino ang programang Rotavirus vaccine na ipagkakaloob sa mga batang limang taong gulang pababa.
Sa programang ito, bibigyan ng pangontra ang mga paslit sa pagtatae na tinatayang dahilan ng pagkamatay ng 3,500 bata bawat taon.
Sa ganitong programa, mababawasan ang bilang ng mga batang maagang nililisan ang mundo. Hindi nga kailangan na maging ama para maipakita ng isang tao ang pagmamalasakit sa mga bata.
Pero batid ni PNoy ang hirap na pinagdadaanan ng mga taong may sakit na kanser dahil ito ang kumitil sa buhay ng kanyang inang si ex-President Cory Aquino, kaya naman suportado niya ang pagkakaloob ng tulong sa mga nakikipaglaban sa delikadong karamdaman.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Wednesday, July 4, 2012
Lalo pang gumaganda! | |
REY MARFIL
Dahil sa makatotohanang mga repormang ipinapatupad ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino III sa ilalim ng matuwid na daan, nakapag-ambag na ang bansa ng $1 bilyong pautang sa International Monetary Fund (IMF) bilang bahagi ng responsibilidad para saklolohan ang ibang mga nasyon na nahaharap sa krisis-pinansiyal.
Kung babalikan ang kasaysayan, sobra-sobra ang pakinabang ng bansa bilang benepisyunaryo ng pautang ng IMF sa nakalipas na 40 taon.
Ngayong ikinokonsidera ang Pilipinas bilang nagpapa-utang na bansa, obligasyon naman natin na magkaloob ng ayuda sa mga nasyong nangangailangan ng pondo mula sa IMF lalo’t makakatulong rin ito para maalis ang krisis sa Europa.
Sigurado naman na kayang-kayang garantiyahan ng pamahalaan sa mga Pilipino na hindi malulustay ang ipinahiram na $1 bilyon sa IMF, hindi katulad noong nakaraang panahon. Umaabot na ngayon ang standby fund sa $456 bilyon kasama ang iniambag na $1 bilyon ng bansa.
Sa pamamagitan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ipinagkaloob ng pamahalaan ang $1 bilyong pautang sa IMF para suportahan ang pandaigdigang hakbang na saklolohan ang mga ekonomiya ng ibang mga bansa sa mundo na nangangailangan ng paglago ng kanilang kabuhayan.
Pero kung tutuusin, hindi naman makakamit ng bansa ang ganitong estado kung hindi nagsusumikap si PNoy sa pagsusulong ng mga makatotohanang reporma.
***
Napag-usapan ang good news, isang pagkilala sa desidido at agresibong kampanya ng administrasyong Aquino sa pagresolba ng problema sa human trafficking ang pananatili ng bansa sa Tier 2 Category ng 12th Annual Trafficking in Persons (TIP) Report ng United States (US) State Department.
Binigyang-diin sa ulat ang ilang pangunahing nakamit ng pamahalaang Pilipinas para supilin at resolbahin ang human trafficking.
Sa ilalim ng matuwid na daang kampanya ni PNoy, lalo pang napaganda ang estado hanggang maalis ang bansa sa Tier 2 lalo’t mas pinatindi ang kampanya sa pagsupil sa “illegal traffickers at recruiter” na bumibiktima sa mga pobreng kababayan.
Responsable ang Inter-Agency Council Against Trafficking in Persons (IACAT) sa pagbuo ng mga programa para matiyak na matitigil ang human trafficking sa buong bansa.
Kabilang sa ilang nakamit ng bansa na nakita sa ika-12th Annual Trafficking in Persons Report ang paghuli at pagsasampa ng kasong kriminal at administratibo laban sa mga kawani ng pamahalaan na pinaghihinalaang kasabwat ng human trafficking syndicates o tumutulong sa operasyon ng mga ito.
Sa ulat ng TIP, nakita rin ang patuloy na tagumpay ng pamahalaan sa prosekusyon at conviction ng mga taong nasa likod ng human trafficking at maging ang pagtulong sa mga nabiktima ng sindikato.
Pinuri rin ng US State Department ang mahalagang papel ng pamahalaang Aquino sa pagsasanay ng mga pampublikong opisyal, partikular sa pagtatatag ng human trafficking indicators, kaugnay sa Filipino migrant workers’ pre-deployment overseas.
Nalaman rin sa ulat ang hakbang ng pamahalaan para tiyakin ang interes at kagalingan ng mga manggagawang Pilipino sa pamamagitan ng bilateral agreements, lalung-lalo na ang labor-related accessions sa banyagang mga bansa.
Umabot naman sa $1.5 milyon o P65 milyon ang inilaan ng pamahalaan para suportahan ang kampanya laban sa human trafficking, prosekusyon ng offenders, at pagpapanatili ng proteksiyon sa publiko mula sa pandaigdigang problema.
Sa ilalim ng Tier 2 status, opisyal na kinikilala ang mahalagang ginagawa ng isang bansa sa paglaban sa problema alinsunod sa pinakamababang pamantayan ng US State Department.
Nakasunod naman ang Tier 1 na estado sa pinakamababang pamantayan sa Trafficking Victims Protection Act (TVPA) habang hindi ganap na makasunod, ngunit patuloy na nagsusumikap para sa malaking positibong pagbabago sa reporma ang Tier 2 na estado.
Anyway, happy birthday sa aking “ex-girlfriend” at nag-iisang may-bahay (Ethel Mallen-Marfil).
Laging tandaan: “Bata n’yo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Subscribe to:
Posts (Atom)