Kiyaw-kiyaw! | |
Ginagawang malaking isyu ng iba ang pangako ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magpahiram sa International Monetary Fund (IMF) ng $1 bilyon na ipagagamit sa mga bansa sa Europa na hilahod ngayon ang ekonomiya.
Tingin ng iba, partikular ang mga hindi makapag-move on sa resulta noong 2010 presidential election at nag-aambisyong matawag na “Your Honor” sa Kongreso, nagpapasikat ang Pilipinas sa gagawin nitong pagpapautang ng $1 bilyon (tinatayang P45 bilyon) na kukunin sa dollar reserve ng bansa.
Meron pang mga litanyang -- bakit ipapautang sa ibang bansa ang pera at hindi na lang gamitin sa pagresolba ng mga problema natin gaya ng kakulangan sa classrooms. Kung hindi natin alam ang laman ng istoryang ito, madali tayong mapapasang-ayon sa mga kritisismo bilang isang mamamayan na nagmamalasakit sa ating sariling bansa.
Subalit sa totoo lang, meron mas malalim na dahilan o rason ang BSP kaya dapat gawin ang pagpapautang.
Paliwanag ni BSP Gov. Diwa Gunigundo, noon pang 2006 nakawala ang Pilipinas sa pag-utang sa IMF.
Tama po, kung dati’y nangungutang ang Pilipinas, nabayaran na natin ang mga atraso at tayo’y puwede nang magpautang -- isang bagay na positibong indikasyon na bumubuti na ang takbo ng ekonomiya ng bansa.
Ang $1 bilyon na ipapahiram ng Pilipinas sa misyon sa institusyon ng IMF pupunta at hindi sa isang partikular na bansa sa Europa. Ibig sabihin, ang IMF din ang magbabayad sa Pilipinas ng ipapautang natin.
Bukod dito, hindi lang tayo ang pagkukunan ng IMF na ipauutang sa Europa, mayroon pang ibang bansa na mag-aambag ng pondo at ‘di hamak mas malaki pa ang ipinahiram.
***
Napag-usapan ang pagpapaluwal ng pera ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino -- kung tutuusin, napakaliit ng $1 bilyon na ipauutang natin kumpara sa iba pa nating kapitbahay sa Asya na nagbibigay din ng pautang sa IMF gaya ng China, Japan at Singapore.
Bukod dito, ang dolyares na ipapautang natin sa IMF -- ito’y “reserba” nating dolyar at hindi nakahalo sa karaniwang pondo ng gobyerno na ginagamit sa mga proyekto, programa at panggastos ng gobyerno taun-taon, as in hindi rin pwedeng gastusin dahil tinatawag ngayong “reserba”, kabaliktaran sa media spin ng mga matatakaw sa camera.
Ibig sabihin, ang dolyares na reserba ay matutulog lang sa vault kapag hindi ginamit; kaya mas mabuting ipahiram upang tumubo at lumago -- at maging kita. Ni sa panaginip, ayaw isipin ng mga kurimaw na sadyang marami lamang ang umaastang henyo gayong “bopols” sa arithmetic o numero?
Huwag sana nating kalimutan na minsa’y nangutang din tayo sa IMF dahil hilahod ang ating ekonomiya. At saan naman manggagaling ang ipinautang sa atin ng IMF kundi doon sa mga bansa na maganda ang ekonomiya.
Hindi natin alam, pero malay natin na baka kasama roon ang mga bansa sa Europa na nagpapautang din sa IMF, na siya namang ipinahiram sa atin. Kaya’t hindi natin dapat hayaan na tuluyang bumagsak ang ekonomiya ng Europa dahil malaki ang magiging epekto nito sa Pilipinas.
Tulad sa United States, marami tayong kababayang Pinoy na nagtatrabaho sa Europa, as in maraming kalakalan sa import at export na ginagawa ang ating bansa sa mga bansa na nasa Europa. Isipin na lang natin ang magiging epekto kung tuluyang maging bangkarote ang mga bansa rito.
Tiyak na dadami ang mga Pinoy na mawawalan ng trabaho at mapipilitang umuwi sa Pilipinas. Hindi lang ‘yan, meron negosyong nasa Pilipinas na matitigil at magiging dahilan din ng pagsasara.
Sa maikling explanation, ang pagtulong sa Europa ay pagtulong din sa ating mga kababayan doon at mga pangangalaga sa kalakalan at diplomatikong ugnayan.
Madaling maghusga kung hindi natin alam ang puno’t dulo ng kuwento. Madaling maghanap ng paraan para bumatikos, pero tila nahihiya namang pumuri kung may posibong nagagawa.
Kaya’t bumabalik sa alaala ang kuwento ni PNoy tungkol sa “Pilipinong alimango” -- ito’y hindi makakatakas sa timba dahil maghihilahan pababa!
Hindi pagpapasikat ang tawag sa pagtulong sa bansang nangangailangan, ang tawag doon, pagmamalasakit.
At tayong mga Pilipino, kahit anong hirap ang ating pinagdadaanan ay kilalang matulungin sa ating kapwa, maliban kung “utak-talangka”?
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)