Wednesday, May 30, 2012





Positibo!
REY MARFIL




Positibong bagay ang pagkilala ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa sari-sari store na bahagai ng retail industry na nakakatulong sa pagsulong sa progreso ng bansa.
Sa nakalipas na ikapitong Tindahan ni Aling Pu­ring Sari-Sari Store Convention sa World Trade Center sa Pasay City, pinuri ng Pangulo ang mahalagang kontribusyon ng sari-sari stores sa industriya ng Pilipinas.
Sa katunayan, responsable ang retail industry sa pagkakaroon ng masiglang ekonomiya na kumakatawan sa 13 porsiyento o P1.3 trilyon ng P9.7 trilyong gross domestic product (GDP) ng Pilipinas para sa 2011.
Tama ang Pangulo sa pagsusulong ng interes at kagalingan ng retail business para lalong mapataas ang kanilang tubo sa pamamagitan ng palitan ng diskusyon sa mga eksperto, top managers at producers.
Tiniyak ng Pangulo sa mga may-ari ng sari-sari store, micro, small at medium enterprise at mga negosyante ang patuloy na suporta ng pamahalaan upang mas mapahusay nila ang pagpapatakbo ng kanilang mga negosyo.
Isa ang pagpapadali sa requirements na kailangan upang maitayo ang maliliit na mga negosyo sa mahahalagang mga programa ni Pangulong Aquino para tulu­ngan ang kanilang sektor.
Tapos na ang nakagawiang sistema na kailangan upang magtungo sa iba’t ibang tanggapan para lamang makakuha ng kailangang mga papeles sa pagtatayo ng negosyo sa pamamagitan ng pagtatatag ng Philippine Business Registry and Business Name Registration System.
Nararamdaman na sa buong mundo ang pinadaling alituntunin sa pagbuo ng negosyo sa buong bansa na nakatulong upang tumaas ang kumpiyansa ng internasyunal na komunidad para mamuhunan sa bansa.
***
Hindi lang ‘yan, kapuri-puri din ang pagkakaloob ni PNoy ng P3 milyong ayuda sa pamamagitan ng scholarship program sa Congressional Spouses Foundation Inc. (CSFI) na inisyal na nagkaloob ng scholarship sa 100 high school graduates sa buong bansa.
Magmumula ang suportang pinansyal sa Presidential Social Fund at inaasahang isusulong ang scholarship program ng CSFI na sumusuporta sa inisyatibo ng pamahalaan na mas maabot ng mga kabataan ang edukasyon.
Lumalabas na determinado ang pamahalaan na ipatupad ang mga reporma at mapataas ang sistema ng edukasyon sa bansa at magkaloob ng pagkakataon sa hindi pinalad nating mga kababayan na maipadala ang kanilang mga anak sa eskwelahan.
Magandang punto na sumusuporta rin ang Kongreso sa hangarin ng administrasyong Aquino na mapalakas ng karunungan ang mga Filipino lalung-lalo na ang mga kabataan sa pamamagitan ng maayos na kalidad ng edukasyon.
Gagamitin rin ang karagdagang pondo para kunin ang serbisyo ng 13,000 mga guro; gumawa, kumpunihin at ayusin ang 45,231 silid-aralan at bumili ng mahigit 2.53 milyong desks at upuan.
Batid ng Pangulo ang kahalagahan ng edukasyon para makatulong ang mga kabataan na makamit ang kanilang mga pangarap na kritikal na bagay tungo sa progreso at kaunlaran.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, May 28, 2012






Umamin din!
REY MARFIL



Pagkaraan ng may limang buwan na paglilitis kay impeached Chief Justice Renato Corona, lumabas na rin ang katotohanan tungkol sa pinakamahalagang alegasyon ng House prosecution team laban sa Punong Mahistrado -- ang hindi nito pagdedeklara ng lahat ng kanyang ari-arian sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Matapos ang ilang ulit na paliguy-ligoy at pagtanggi tungkol sa mga dollar accounts, inamin na rin ni Corona na meron siyang apat na dollar account at ang halaga umano nito ngayo’y umaabot sa US$2.4 milyon o mahi­git P100 milyon, hindi kasali ang peso account. Take note: P3.4 mil­yon lamang ang cash na idineklara ni Corona sa kanyang SALN noong 2010 -- ito’y malayo kung isasama ang kanyang dollar accounts.
Sa pagharap ni Corona noong nakaraang Biyernes, da­lawang araw makaraang mag-walkout at pag-uupakan ang pamilya ng kanyang misis -- ang Punong Mahistrado na rin ang nagkuwento na matagal na siyang may dollar account at hindi niya idinedeklara ang mga ito sa kanyang SALN dahil sa kanyang sariling “interpretasyon” tungkol sa isang batas na nagbibigay proteksyon sa mga dollar accounts.
Kung tutuusin, maituturing na “grey area” ang tungkol sa naturang batas. Mayroon naman kasing mga opisyal na mayroong dollar accounts pero idinedeklara pa rin nila ang mga ito (pero in conversion na) sa kanilang SALN.
Ang tanong ng marami, kung ang ibang opisyal ay nagagawang ideklara ang kanilang dollar accounts sa SALN, bakit hindi ang isang katulad ni Corona na isang dating mahistrado at ngayo’y pinuno ng pinakamataas na korte sa bansa at pang-apat sa pinakamataas na opisyal sa pamahalaan?
Simple lang ang nakikitang paliwanag dito ng karaniwang tao, kung gugustuhin ay magagawang magdeklara, kung ayaw naman, maraming dahilan.
Ang nadiskubreng dollar accounts ay mas malaki ang halaga kumpara sa iba pang ari-arian ni Corona gaya ng mga condo na hindi rin umano idineklara ng Punong Mahistrado ang tunay na halaga sa kanyang SALN.
***
Napag-uusapan ang impeachment, gaya ng telenovela, maraming kuwento sa ginawang paglilitis kay Corona. Nandiyan ang paggamit sa isyu ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita na sinakyan ng pinapatalsik na opisyal; ang away sa negosyo at pagbabati ng mga Basa at Corona; at ang hamon na pumirma ng waiver ang mga nagpapatalsik kay Corona.
Pero hindi dapat kalimutan ang tunay na sentro ng istorya, ito ay kung naging tapat ba si Corona sa kanyang paglalahad ng ari-arian na itinatakda ng batas. Na bilang isang mahistrado ay dapat niyang sinusunod.
Isama pa ang importanteng usapin kung itinaya ba ni Corona ang lahat kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at poprotektahan ba niya ito sa anumang kasong isasam­pa ng pamahalaan dahil sa alegasyon ng mga katiwalian.
Gaya na lang ng TRO na inilagay ng Justice department na hold departure order sa mag-asawang Arroyo na dahilan kaya kamuntik na silang makalabas ng bansa.
Sa huli, ang desisyon ay nasa kamay ng mga senador kung dapat alisin sa puwesto o hindi si Corona dahil sa mga alegasyon na ipinukol sa kanya ng prosekusyon.
Ngunit sakaling maabsuwelto man ng Senado, ang malaking katanungan, magiging epektibo pa ba siyang Punong Mahistrado? Mapagkakatiwalaan pa ba siya?
At maibalik pa kaya ang nasirang imahe ng institusyon ng hudikatura na malinaw na nadamay sa bagsak na popula­ridad ni Corona?

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
 

Friday, May 25, 2012





Naunsyami!
REY MARFIL



Marami ang tiyak na nadismaya sa inasal ni Chief Justice Renato Corona nang dumating ang pinakahihintay na araw ng marami sa pagharap niya sa Senate Impeachment Court kung saan ipinangako niyang sasagutin ang lahat ng ibinibintang sa kanya.
Subalit gaya ng mga nakaraang taktika ng depensa na pinapaniwalaang sablay, tila palpak na naman ang pagkakasalang kay Corona bilang testigo ng kanyang sarili.
Sa halip kasi na makakuha ng simpatiya sa publiko sa pamamagitan ng paawa epek sa kanyang opening remarks sa Upper House, marami ang hindi natuwa sa ginawang tila pagbastos niya sa mga miyembro ng impeachment court.
Bilang Punong Mahistrado, dapat alam ni Corona na hindi basta-basta tumatalikod ang isang tao sa proseso ng pagdinig. Nang igiit ni Corona nitong Martes sa Senado na basta na lamang tumalikod sa impeachment court nang walang pahintulot ng presiding judge na si Senate President Juan Ponce Enrile, ay malinaw na pambabastos sa korte.
Kung si Corona kaya ang lumagay sa puwesto ni JPE, o kaya’y nasa pagdinig ang Korte Suprema at may isang nakasalang sa proseso ang bigla na lamang tatayo at aalis sa witness stand, matuwa kaya ang Punong Mahistradong inaakusahang midnight appointee ni Mrs. Arroyo?
Ika nga ni Mang Kanor: parang boksingero na suntok at takbo ang ginawa ni Corona nang sumalang bilang testigo sa Senado, aba’y matapos niyang banatan si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino, ang presidential political adviser na si Ronald Llamas, mga kongresistang naghabla sa kanya, at si Sen. Frank­lin Drilon, bigla na lang umeskapo at hindi na tatanggap ng tanong. Tama ba naman iyon?
Kung tutuusin, mukhang malabo o kundi man magulo ang akusasyon ni Chief Justice na pinapaboran ni PNoy ang mga “kaliwa” o “maka-komunistang” grupo dahil kay Llamas na kilalang aktibista.
Kung totoong kina­kampihan ni PNoy ang mga komunista, bakit niya sinasabing inaapi ni PNoy ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita gayong napapaulat na maraming makakaliwang grupo ang sumusuporta sa mga magsasaka?
***
Napag-usapan ang naunsyaming pag-eskapo ni Corona, ni sa panaginip, ayokong isiping gumagawa ng intriga ang Punong Mahistrado para mawala ang suporta ng militar kay PNoy at itulak ang kudeta o anumang pagkilos laban sa gobyerno.
Mantakin n’yo, pati mga kapamilyang nagkasakit, ikinuwento sa impeachment court gayong walang kinalaman sa reklamo. Kung tutuusin, sariling-palo ni Corona na ipagamot kung sinumang kapatid, kapuso o kapamilya ang nagkasakit dahil meron naman kakayahang tumulong lalo pa’t nakakariwasa sa buhay ito, alangang kapitbahay ang gumastos dito?
Sa pantaha ng mga kurimaw, hindi rin maganda sa uga­ling Pilipino ang ginawang pag-atake ni Corona kay Jose Maria Basa, na kapamilya ng kanyang misis at naging kademandahan nila sa ari-arian ng Basa-Guidote Enterprises -- ito’y ti­yuhin na rin ni Corona kung pagbabatayan ang family tree dahil napa­ngasawa ang pamangkin nito.
Halata rin na naghahanap na lamang ng “damay” si Corona nang maghamon ito na pipirma siya ng waiver para masilip ang kanyang mga kayamanan pati na ang mga dollar pero sa “kondisyon” na pipirma rin ng waiver ang mga kongresistang nagpa-impeach sa kanya at si Drilon.
Batid ni Corona na hindi papayag ang mga mambabatas dahil paraan lamang iyon upang malihis ang atensiyon ng publiko sa kasong kinakaharap niya. Hirit ulit ni Mang Kanor: kulang na lang pati pagpapalibing sa namatay na alagang aso, ito’y ikuwento ni Corona para makakuha ng simpatiya.
Ang pinakamahalagang bahagi ng pagharap ni Corona sa impeachment court ay nang “aminin” niya na “totoong” may dollar accounts siya na taliwas sa sinasabi niya noon.
Isa sa mga akusasyon kay Corona ay sadyang pinapaboran niya ang mga kaso ni Mrs. Arroyo bilang kabayaran niya sa pag­hirang sa kanya na bossing ng SC, posisyon na ayaw niyang bitawan sa halip na bigyan ng kalayaan si PNoy na pumili ng Chief Justice na kanyang pinagkakatiwalaan.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, May 23, 2012





May aksyon
REY MARFIL


Hindi ba’t nakakatuwang marinig ang mabilis na ak­syon ng pamahalaan sa pagtiyak na magiging maayos ang pagbubukas ng klase dalawang linggo bago ito mangyari sa susunod na buwan?
Sa katunayan, gagamitin ng Department of Education (DepEd) ang Brigada Eskwela at Oplan Balik Eskwela (OBE) na mga programa para mabigyan ang mga eskwelahan, mga magulang at mga estudyante ng sapat na panahon upang maghanda sa pagbubukas ng klase sa buong bansa.
Magugunitang isang taunang programa ang Brigada Eskwela (National Schools Maintenance Week), kung saan tumutulong ang volunteers sa pagkumpuni at paglilinis ng mga pampublikong eskwelahan bago magbukas ang mga klase sa Hunyo -- ito’y inilunsad noong nakaraang Lunes (Mayo 21) habang sa Mayo 28 naman sisimulan ang OBE na nag­lalayong tugunan ang lalabas na mga problema sa muling pagbubukas ng mga eskwelahan.
Tatakbo ang programang Brigada Eskwela hanggang Mayo 26 para tutukan ang sanitasyon at pagpapabuti sa kalagayan ng mga eskwelahan sa “indigenous communities”.
Tatagal naman hanggang Hunyo 8 ang Oplan Balik Es­kwela na isusulong ang mga pagpupulong, pagkakaloob ng impormasyon sa pagkakaroon ng information and action cen­ter (IAC) sa pangunahing tanggapan ng DepEd sa Pasig City.
Makakatuwang naman sa mga programa ang Philippine National Police, Department of Health, Department of Interior and Local Government at Department of Public Works and Highways para tiyakin ang seguridad at kaayusan sa pagbubukas ng klase.
Kaya’t makakabuting makiisa ang mga Filipino sa pamamagitan ng pagiging boluntaryo sa mga programang ito.
***
Napag-uusapan ang good news, makatwirang batiin si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa malaking ayudang nakuha ng mga programa nito kontra sa kahirapan kamakailan matapos ipalabas ng Asian Development Bank ang P480 mil­yon para sa lalawigan ng Albay.
Gagamitin ang pondo na matatanggap ng Albay mula sa ADB para sa implementasyon ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS) na programa.
Alinsunod ang KALAHI-CIDSS na programa sa ipinapatupad na conditional cash transfer (CCT) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Magandang balita rin ang pagpapalabas ng pamahalaan ng P318.5 milyon upang linangin ang pasilidad ng mga ospital sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Hindi lang ‘yan, good news din ang inaprubahang P30 additional cost of living allowance (COLA) para sa mga mang­gagawa sa Metro Manila -- ito’y bahagi ng pagsusumikap ng administrasyong Aquino na tulungan ang minimum wage earners na makasabay sa nangyayaring pagtaas ng mga pa­ngunahing bilihin.
Kamakailan, inapruabahan ng wage board sa National Capital Region ang karagdagang P30 na COLA para sa mga manggagawa sa Metro Manila.
Ipatutupad ng Tripartite Wa­ges and Productivity Board-NCR ang karagdagang COLA sa dalawang tranches kung saan ibibigay ang unang P20 sa loob ng 15 araw matapos mailabas sa mga pahayagan ang anunsyo ng kautusan habang sa susunod na anim na buwan naman ang nalalabing P10.00.
Nangangahulugan na masusundan ng P30 ang naunang P22 COLA na ibinigay noong nakalipas na taon.
Dahil dito, maitataas na ang arawang minimum wage sa Metro Manila sa P426 o umentong halos P900 kada buwan para sa mga manggagawa sa NCR.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, May 21, 2012





Simple arithmetic!
REY MARFIL



Mistulang bomba na sumambulat sa mukha ng panig ng depensa ni Chief Justice Renato Corona ang desisyon nilang ipresenta sa impeachment trial si Ombudsman Conchita Carpio-Morales bilang “hostile witness”.
Sa pagharap ni Morales sa impeachment court, lalong nadetalye ang umano’y mga dollar account ni Corona sa mga bangko na pinapaniwalaang hindi nito idineklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Bukod pa ito sa mga alegasyon ng mga ari-arian (gaya ng mga condo units) na hindi rin nakalista sa SALN at kung nakalista man ay sinasabing pinababa ang tunay na halaga.
Gayunman, nanindigan ang panig ng depensa na mali ang mga alegasyon laban kay Corona.
Pero sa kabila ng kanilang pagmamalaki na mahina ang ebidensiya ng prosekusyon at sila ang mananalo, sa dara­ting na Martes na ipiprisenta nila ang pinakamahalaga nilang testigo -- walang iba kundi mismong si CJ Corona.
Hindi man aminin ng depensa na malaking pagkakamali na sila mismo ang nagpatawag kay Morales bilang testigo, ang desisyon nila at pagpayag ni Corona na pumuwesto sa witness stand, ito’y nagpapakita na may mabigat na dahilan sa likod ng naturang desisyon.
Ika nga ni Mang Kanor -- si Corona mismo ang huling baraha ng depensa para maabsuwelto ito ng mga senator-judge. Subalit gaya ng ginawa nilang pagpapatawag kay Morales, hindi maaalis ang tanong na hindi kaya nagkamali muli ang depensa na isalang bilang testigo si Corona?
***
Napag-uusapan ang pagharap ni Corona, sa isip marahil ng marami, sa harap ng matinding usapin tungkol sa dollar accounts, bakit isasalang si Corona sa paglilitis tungkol sa naturang accounts samantalang may umiiral na temporary restraining order (TRO) ang Supreme Court tungkol dito?
Bukod dito, protektado ng batas ang mga dollar deposits kaya hindi maaaring pilitin na magsalita si Corona tungkol dito. Ika nga ng mga kurimaw: Ang mangyayari, mistulang ku­ting na ihahagis ng depensa sa lugar ng mga leon si Corona.
Kapag isinalang na si CJ Corona sa witness stand, lantad na sila sa mga “friendly” interrogation ng mga “friendly” na senador. Pero hindi dapat kalimutan na nandoon din ang mababangis na prosekusyon at mga senador na tiyak na gigisahin siya ng napakaraming tanong -- hindi lamang tungkol sa dollar accounts kundi sa iba pang usapin ng kanyang mga ari-arian.
Sa huli, umaasa ang taong-bayan na hindi magkukubli sa mga teknikalidad ang kampo ni Corona at igigiit ang ilang batas o patakaran para makaiwas sa mga importanteng tanong. Kabilang sa mga tanong na ito ay kung totoo ba na mayroon siyang mga dollar accounts.
Kung totoo nga, kailangang ipaliwanag ni Corona kung bakit hindi ito nakasama sa kanyang SALN?
Huwag sanang igiit ng kampo ni Corona na hindi kasama sa articles of impeachment ang tungkol sa dollar accounts o iligal na nakuha ng Ombudsman mula sa Anti-Money Laundering Council ang mga impormasyon tungkol sa dollar accounts.
Simple lang naman ang tanong tungkol sa kanyang impeachment case kaya dapat maging simple rin ang sagot.
Hindi na kailangan na mag-aral ng abogasya ang mga tao para maunawaan ang simpleng sagot sa simpleng bintang kay Corona tungkol sa kanyang SALN at tila pagkampi kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na naglagay sa kanya sa puwesto, as in simple arithmetic ang isyu!
Marami sa ating mga kababayan ang naiinip na sa tele­nobela ng impeachment, marami na ang nakilala at sumisi­kat kaya nais maging senador.
Kawawa naman ang mga magsi-senador na hindi kasali sa impeachment trial at hindi sila nabibigyan ng magandang publisidad. Tapusin na ang paglilitis sa lalong madaling panahon pagkatapos na maisalang si Corona.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, May 18, 2012





Parang dumi!
REY MARFIL



Dalawang “sugal” ang mistulang tinayaan ng kampo ni impeached Chief Justice Renato Corona sa kinakaharap niyang pag­lilitis sa Senado. At posibleng magkaroon ng pangatlo ang tatayaan nila kahit lumilitaw na “talo” na sila sa isa.
Ang tinutukoy nating tayang tinayaan ng kampo ni Corona -- ang ginawang pagpapatawag nila sa Senate Impeachment Court kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales, bilang hostile witness ng punong mahistrado.
Sa kagustuhan marahil ng depensa na ipamukha sa publiko na hindi talaga gusto ni Morales si Corona mula pa man noong italaga itong punong mahistrado ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Dating associate justice ng SC si Morales bago siya nahirang bilang Ombudsman. Nang italaga ni Mrs. Arroyo si Corona bilang punong mahistrado, agad na nagpahayag ng reserbasyon si Morales, o indikasyon na hindi siya lubos na pabor sa ginawa ng dating pangulo.
At sa pag-iimbestiga ngayon ng Ombudsman sa umano’y dollar accounts ni Corona, minabuti ng kampo ng depensa na paharapin sa impeachment court si Morales.
Sa tingin ng mga taga-analisa, maaaring nais ipakita ng kampo ng punong mahistrado na totoo ang kanilang linyada ng depensa na pinag-iinitan lamang ng pamahalaang Aquino ang kanilang kliyente.
Subalit sa pagsalang ni Morales sa witness stand, tila hindi nasunod ang nais na mangyari ng depensa.
Kung tutuusin, natabunan pa ang nais na anggulong mangyari ng depensa nang isiwalat at idetalye ni Morales ang umano’y may 82 dollar accounts si Corona na umaabot sa $12 milyon.
Ang naturang detalye ng dollar accounts na laging itinatanggi ni Corona -- ito’y batay umano sa impormasyong ibinigay ng Anti-Money Laundering Council (AMLC). Katuwang sa pag-analisa sa takbo ng transaksiyon sa mga dollar accounts ang Commission on Audit (COA).
Normal at basa na kung ang magiging linya muli ng depensa ay pagpapakita ito ng pagtutulung-tulong ng mga ahensiya ng pamahalaan para gipitin si Corona.
Ang nais malaman nga­yon ng mga tao ay kung totoo ang mga dollar account? At kung totoo nga, bakit hindi ito isinama ni Corona sa kanyang lista­han ng mga ari-arian?
***
Napag-usapan ang impeachment trial, sa naging takbo ng paglilitis, marami ang naniniwala na “talo” ang depensa sa ginawa nilang “pagtaya” na isalang sa witness stand si Morales. May isa pa silang “taya”, ang isalang din sa witness stand ang mismo nilang kliyenteng si Corona na nakaiskedyul sa Martes!
Sa sandaling umupo si Corona bilang testigo, ito’y isang malaking basyo ng lata ng gatas na inilagay sa gitna ng kalsada at maaaring batuhin ng mga batang may hawak ng tsinelas, as in “open” na siya sa mga matitinding tanong ng mga senador na huhusga kung dapat siyang mapatalsik sa puwesto o hindi.
Pero posibleng may pangatlong taya na ginawa ang depensa nang hilingan nila na ipatawag ang mga opisyal ng AMLC para sertipikahan kung totoo ang mga detalyeng ibinigay ni Morales na sinabi niyang nakuha niya sa nabanggit na ahensiya.
Kapag kinumpirma ng AMLC na sa kanila galing ang impormasyong hawak ni Morales, malamang mapasigaw ng “bingo!” ang mga anti-Corona dahil lalong titibay ang paniwala na may itinagong dollar account ang punong mahistrado kahit hindi pa iyon kasama sa articles of impeachment.
Pero kahit itanggi ng AMLC, kailangan pa ring patunayan ni Corona na wala siyang dollar account o posibleng palitawin na hindi sa kanya at ipinatago lamang ang mga pera. Ang tanong lamang ng mga kurimaw, kaninong dollar deposits ang hawak kung sakaling palabasin nitong ipinatago lamang.
Kapag itinanggi ito ng punong mahistrado, malamang gamitin din itong basehan ng senador para huwag nang kilalanin ang TRO ng SC sa dollar account na sinasabing kay Corona.
Ika nga ni Mang Kanor “Ang Senado ay parang tae -- ito’y ‘di ka­yang paglaruan”.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)







Wednesday, May 16, 2012





May choice ka!
REY MARFIL



Bagama’t ang korte na ang mayroong hurisdiksyon sa nakapiit na si dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, tama naman ang posisyon ng MalacaƱang na dapat magkaroon muna ng masusing berepikasyon kung talagang kailangan itong operahan sa ibang bansa. 
Kung talagang nasa balag ng alanganin ang buhay nito, si Pasay City Regional Trial Court Judge Jesus Mupas na dumidinig sa kasong pananabotahe sa halalan ng dating pangulo kaugnay sa May 2007 senatorial polls ang dapat na magdesisyon.
Sa mga naglalabasang balita, kinakapos sa hininga at nabubulunan si Gng. Arroyo dahil sa mga komplikasyong nag-ugat sa pagkalas ng titanium implant mula sa kanyang nakaraang operasyon sa problema sa leeg.
Ngunit para matiyak nating hindi naman malalagay sa ala­nganin ang kampanya ng pamahalaan laban sa katiwalian, dapat tiyaking mabuti ang tunay na kalagayan ng dating lider. 
Hindi naman dapat lagyan ng kulay pulitika ang isyu dahil tinitiyak lamang ng pamahalaan na nasusunod ang lahat ng tamang proseso bago man payagan o makaalis ng bansa ang dating pangulo sa gitna ng malaking pangambang tatakas ito sa prosekusyon.
***
Sa good news tayo, alinsunod sa tagubilin ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, kapuri-puri ang hakbang ni Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Director General Joel Villanueva na isailalim sa bokasyonal na pagsasanay ang mga kabataan sa ilang mahihirap na mga barangay sa mga lalawigan ng Cebu at Neg­ros Oriental upang higit na maging produktibo ang mga ito.
Ipamamahagi ng TESDA sa mga benepisyaryo ang mga sertipikasyon ng pagsasanay na nagkakahalaga ng P2.3 milyon gamit ang Training for Work Scholarship Program (TWSP) sa ilalim ng bagong lunsad na Adopt-A-Barangay program ng TESDA sa pakikipagtulungan ng mga lokal na pamahalaan.
Sa tulong ng programa, magkakaroon ng mahuhusay na bihasang mga manggagawa ang bansa na nakahandang magtrabaho alinsunod sa pangangailangan at pamantayan ng mundo.
Inaasahang makakatulong ang tagumpay ng mga sinasanay na iskolar sa panahon ng kanilang pagtatapos at paghahanap ng trabaho upang baguhin ang kapalaran ng kanilang mahihirap na mga komunidad.
Kabilang sa kursong iaalok ang bartending, heavy equipment operation, hilot (wellness massage) at shielded metal arc welding.
Nitong 2011, nakatanggap ang Cebu ng training scholarship na nagkakahalaga ng P65.1 milyon. 
Sa parehong taon, umabot sa kabuuang 81,190 ang enrollees sa ilalim ng iba’t ibang technical vocational education training (TVET) programs. Dahil dito, tumaas ang employment rate sa 85.88 porsyento sa hanay ng TVET graduates. At least, sa TESDA may Choice Ka!
Hindi lang ‘yan, siguradong makakatulong ng malaki sa kakayahan ng local government units (LGUs) sa Metro Manila ang ipapamahaging multi-purpose tents at power generators ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na rumesponde sa panahon ng kalamidad.
Magagamit kasi ang multi-purpose tents bilang command centers na mahalagang bagay sa pagtugon sa pangangailangan ng mga taong nasalanta ng kalamidad.
Aabot sa 170 tents ang ipamamahagi ni MMDA Chairman Francis Tolentino sa 17 LGUs sa National Capital Region (NCR) kasama ang katulad na bilang ng power generators. Mayroong 35 metro kuwadrado ang bawat tent.
Tatanggap naman ang bawat LGU ng 10 tents at 10 gene­rators. Nakatanggap na ang mga lungsod ng San Juan, Muntinlupa, at Malabon ng kanilang tents at generators. 
Alinsunod ito sa matuwid na daan na kampanya ni PNoy upang mapalakas ang kakayahan ng LGUs na tumugon sa kalamidad at mapabuti ang kanilang paghahanda sa mga delubyo.
Magagamit ang multi-purpose tents bilang command at control centers, tent hospitals, at pansamantalang tirahan. Maaaring magkasya ang 34 katao at mayroon pang sapat na espasyo para sa kagamitan sa bawat Metro Manila Field Center tent.
Maitatayo ang waterproof tent na mayroong generator sa malalayong lokasyon kung saan maaaring isagawa ang agarang pagsaklolo at pagtugon sa mga taong nangangailangan ng tulong.
Magsisilbi rin ang tents bilang first-aid stations, pansamantalang silid-aralan, first-aid shelters o field hospitals kung saan maaa­ring lapatan ng pangunang lunas ang mga biktima.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, May 14, 2012





Inaani na!
REY MARFIL




Nararapat ang pahayag ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na sertipikahang mahalaga ang mga resolusyong ipinasa ng Senado at Kamara de Representantes na nanawagan sa Commission on Elections (Comelec) na ipawalang-bisa ang kasalukuyang voters’ list sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) at magsagawa ng panibagong pangkalahatang pagrerehistro ng mga botante doon.
Layunin nitong gawing malinis ang talaan ng mga botante upang matiyak na ang mga tunay na nanalo ang siyang mahihirang sa darating na halalan sa ARMM.
Ibig sabihin, makatwirang suportahan natin sina Sens. Franklin Drilon, Aquilino Pimentel III at 16 na iba pang senador sa kanilang pagsusulong ng Joint Resolution No. 17 para magsagawa ang Comelec ng bagong pagrehistro ng mga botante sa ARMM.
Nagdesisyon na rin ang Kamara de Represenantes na aprubahan ang Joint Resolution No. 29 na sumusuporta rin sa hakbang ng Senado para sa bagong listahan ng mga rehistradong mga botante sa ARMM.
Makakamit natin ang matino at maayos na pamamahala sa ARMM na isinusulong ni PNoy kung matitiyak ang malinis na eleksyon sa pamamagitan ng pagkakaroon ng bagong voters’ list.
Hindi lang ‘yan, dapat ding suportahan ng publiko ang desisyon ng House committee on ways and means na aprubahan ang House Bill (HB) No. 5727 o ang panukalang sin taxes sa mga produktong alcohol at sigarilyo upang makalikom ng kahit P33 bilyong taunang buwis na magagamit para tustusan ang programa sa kalusugan ng mga Pilipino.
Kapuri-puri rin ang suporta ng MalacaƱang sa paglusot ng House Bill (HB) No. 5727 o “Act restructuring the excise tax on alcohol and tobacco products” na isinulong ni Cavite Rep. Joseph Abaya.
Nagsimula ang pagtatangka na repormahin ang excise tax system 15 taon na ang nakakalipas at ngayon lamang naisulong ito sa ganitong estado sa tulong ng mahusay at matikas na liderato ni Pangulong Aquino.
Layunin ng panukala na magkaroon ng pondo para sa pagpapagamot ng maysakit na mga Pilipino at mapabuti rin ang kalagayang pang-ekonomiya ng mga magsasaka ng tabako, mapalakas ang sistema ng pagbubuwis at ma­pataas ang koleksyon.
***
Sa iba pang good news, maganda ang mabilis na pagtugon ng administrasyong Aquino sa paghahanap ng solusyon sa problema ng smuggling ng baboy sa bansa. Positi­bong bagay para sa industriya ang pagiging sensitibo ng pamahalaan na agarang kumilos upang tugunan ang reklamo at hinaing ng mga nasa likod ng lokal na pagbababoy na nahihirapan sa patuloy na smuggling.
Sinimulan na nga ng Department of Agriculture, Department of Finance, Bureau of Customs at iba pang kinauukulang mga ahensiya ng pamahalaan ang implementas­yon ng mga hakbang para pigilan ang technical smuggling ng baboy.
Dapat lamang kilalanin natin ang pagsusumikap ng administras­yon sa pagtugon sa pangunahing hinaing ng hog raisers at pork producers sa bansa lalo’t nagresulta ang smuggling sa pagkawala sa trabaho ng 20% hog farmers sa nakalipas na taon.
At nakakabilib din ang plano ng pamahalaan na magluwas sa ibang bansa ng mataas na uri ng bigas sa susunod na taon na malinaw na produkto ng matuwid na daan ni PNoy.
Hindi naman talaga imposible ito matapos ilaan ang milyun-milyong pisong halaga ng pampublikong pondo sa paglinang ng mga pangangailangan sa agrikultura ng mga magsasaka.
Ilan lamang sa magagandang pamumuhunang ginawa ng administrasyon ang paglalagay ng maayos na sistemang patubig at certified seed program para mapataas ang aning agrikultural ng mga magsasaka.
Unti-unti na nating inaani ang sinserong malasakit ni PNoy sa kalagayan ng mga magsasaka. At inaasahan ang pag-export ng bigas sa susunod na taon.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)



Friday, May 11, 2012





Nakatutok?
REY MARFIL





Kapuri-puri ang malaking suporta ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino III sa palakasan sa pamamagitan ng pagtiyak na makukuha ng bawat atletang Pilipino ang tamang pagsasanay at kagamitan na kanilang kakailanganin sa paghahanda sa internasyunal na paligsahan.
Tiniyak ng Pangulo ito sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng 2012 Palarong Pambansa sa Narciso Ramo­s Sports and Civic Center sa Lingayen, Pangasinan nakaraang Lunes.
Bukod sa paglalaan ng P200 milyon mula sa badyet ng Department of Education ngayong taon para sa Pala­rong Pambansa, naglatag ng plano ang pamahalaan sa pamamagitan ng Philippine Sports Commission (PSC) para sa palakasan na tinatawag na 2011-2016 Philippine Sports Roadmap.
Sa talumpati ni PNoy, nakatutok aniya ang atensi­yon ng programa sa paglinang ng boxing, taekwondo, athle­tics, swimming, wushu, archery, wrestling, bow­ling, weightlifting at billiards. 
Sa kaalaman ng publiko, manggagaling ang P200 mil­yong ilalaan ng gobyerno sa 33% taunang remittance ng National Sports Development Fund.
Magagamit ang pondo para tustusan ang Philippine National Games na magbibigay sa pagkaraniwang mga atleta ng tsansa na maipakita ang kanilang kakayahan at talento para makakuha ng puwesto sa Philippine Team.
At nakakatuwa ring marinig ang paniniyak ng admi­nistrasyon na tutulungan ang mga Pilipinong nagluluwas ng saging na nahaharap sa problema ng pagdadala sa kanilang mga produkto sa China bilang resulta ng nagaganap na sigalot ng dalawang bansa sa Panatag (Scarborough) Shoal.
Makakabuti para sa kanila ang mabilis na pagkilos ng pamahalaan upang idulog ang suliranin sa kinauukulang mga ahensiya ng pamahalaan para matulungan ang mga nagluluwas ng saging sa China.
Dahil sa nagaganap na gusot, inihayag ng mga Pilipinong nagluluwas ng saging na naglatag ang China ng mahigpit na regulasyon sa mga produktong nagmumula sa Pilipinas na pumapasok sa kanilang merkado.
Nanindigan ang lokal na banana producers na maaapektuhan ang kanilang industriya kung hindi maaayos ang problema sa agawan ng teritoryo.
Sa ganitong mga problema, talagang tama ang desis­yon ni Pangulong Aquino na gamitin ang lahat ng diplomatikong pamamaraan para maresolba ang sigalot sa pagitan ng China at hindi magpasulsol sa ipinipintang giyera ng mga utak-pulbura.
***
Napag-usapan ang aksyon ng gobyerno, magandang senyales sa pagpapahalaga sa propesyon ng media ang muling paniniyak ng palasyo na bibigyang proteksiyon ang mga mamamahayag sa bansa matapos ang paggunita ng buong mundo sa World Press Freedom Day nakaraang Mayo 3.
Tama ang pamahalaan sa pagbibigay-diin na dapat manatiling buhay ang kalayaan sa pamamahayag nang hindi sinisikil.
Talaga namang kaparehas ng pamahalaan ang media sa pagbuo at pagsulong ng bansa at dapat pasalamatan si Pangulong Aquino sa pagtiyak ng kaligtasan sa pagtugon sa tawag ng tungkulin.
Positibo rin ang deklarasyon ng pamahalaan na hindi papayagan ang extralegal killings lalung-lalo na sa mga mamamahayag.
At kailanma’y hindi sinikil ni PNoy ang kalayaan sa pamamahayag lalo pa’t dito nagsimula ang career ng kanyang ama.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)


Wednesday, May 9, 2012



 ‘Di naman magkakasakit!
REY MARFIL



Panibagong good news ang hatid ng inagurasyon ni Pa­ngulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa Bato, Catanduanes ng makabagong P500 milyong halaga ng Doppler radar system upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at maingatan ang kanilang mga ari-arian.
Naunang napatunayan ng mga opisyal ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Admi­nistration (Pagasa) na makakapagbigay ang Doppler radar system ng tamang impormasyon sa lakas ng buhos ng ulan na mayroong 95 porsiyentong “accuracy” bilang isa sa pinakabagong kagamitan sa buong mundo at ikawalo itong radar station na nailagay sa bansa.
Pinakamaganda ang pagkakapuwesto ng bagong radar system dahil nakaharap ito sa Karagatang Pasipiko kung saan nabubuo ang 95 porsiyento ng mga bagyong pumapasok sa bansa, as in makakatulong ang radar system hindi lamang sa pagtaya ng paparating na masamang lagay ng pa­nahon kundi ma­ging sa pagdetermina ng lakas ng ulan na ins­trumental sa pagkakaloob ng maagang babala kaugnay sa posibleng pagbaha.
Tunay na panibagong malaking tagumpay ito ng matuwid na daan ni PNoy na naglalayong pagsilbihan ang interes at kagalingan ng publiko na kadalasang pinagbabantaan ng natural na mga kalamidad na hindi masyadong nabibigyan ng aten­syon ng dating administrasyon sa usapin ng pagtata­tag ng mo­dernong radar system.
Sa susunod na taon, target ni PNoy na maglagay ng dalawang katulad na radar system sa Aparri, Cagayan at Guiuan, Eastern Samar. Dapat nating suportahan ang magandang proyektong ito sa pamamagitan ng paglalaan ng sapat na pondo sa pagtatatag ng sistema na magbibigay ng maagang patalastas at babala sa paparating na masamang lagay ng panahon.
Hindi naman siguro magkakasakit ang mga kritiko kung pasasalamatan si PNoy sa pagsusulong ng ganitong programa na makakatiyak sa mga awtoridad na malaman ang lagay ng panahon, lalung-lalo na’t binibisita ng 20 hanggang 24 na bagyo ang Pilipinas bawat taon.
Hindi lang ‘yan, isa pang positibong balita ang seremonyal na pagbubukas ni PNoy ng Solong at Hitoma 1 Hydro­electric Power Plants sa Bato, Catanduanes. Makakapagbigay ang proyekto ng apat na karagdagang megawatts ng kuryente sa lalawigan gamit ang lakas ng agos ng tubig sa ilog o river currents para magkaroon ng karagdagang suplay ng kuryente ang mga residente ng Catanduanes.
Maganda ang kinakaharap ng mga residente sa Catan­duanes sa isinasagawang paglinang sa natural na kuryenteng magmumula sa kalikasan. Take note: Kauna-unahan ang Solong at Hitoma 1 mini-hydro na mga planta na isinusulong ng pribadong kumpanya na Sunwest Water and Electricity Inc. sa isla sa ila­lim ng special power utilities groups (SPUG) ng National Po­wer Corporation.
Kung malilinang ang karagdagang hydropower capa­city, makikilala ang Catanduanes bilang kauna-unahang island grid sa bansa na manggagaling ang malaking bahagi ng kur­yente sa tinatawag na renewable source.
Sa panahong magsimula ang operasyon, makakatulong ang Solong at Hitoma 1 plants para mabawasan ng P100 milyong subsidiya sa bunker at diesel-based power generation ang konsumer sa labas ng Catanduanes. Hindi maisasakatuparan ito kung wala ang matuwid na daan ni Pangulong Aquino.
***
Napag-uusapan ang good news, sa tulong ng malaki at mataas na respeto ni PNoy sa propesyon ng pamamaha­yag, hindi nakakapagtaka ang ulat ng Washington-based advocacy organization na Freedom House na naglagay sa bansa sa pinakamataas na posisyon sa larangan ng kalayaan sa pamamahayag sa hanay ng mga bansa sa Timog-Silangang Asya ngayong 2012.
Kinikilala nito ang inisyatibo ng pamahalaan sa panga­ngalaga at pagpapalakas pa lalo sa Pilipinas ng kalayaan sa pamamahayag.
Naitala ang 42% rating ng Pilipinas sa kalayaan sa pamamahayag o apat na porsiyentong pagbuti kumpara sa 46% rating noong nakalipas na taon base sa Freedom of the Press Report 2012.
Bumuti ang posisyon ng bansa sa resulta ng pag-aaral ng Freedom House dahil sa pagbaba ng karahasan laban sa mga mamamahayag, mga programa ng pamahalaan upang resolbahin ang katulad na panggigipit at pandarahas sa propesyon ng media at pagpapalawak sa pag-aari ng media.
Iniulat rin ng Washington-based advocacy organization na umangat ang pandaigdigang estado ng bansa ng limang posisyon mula 93rd ng nakaraang taon, ito’y na-ging 88th ngayong taon.
Kapansin-pansin sa internasyunal na komunidad ang magandang kalagayan ng bansa sa usapin ng buhay at igi­nagalang na pamamahayag.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
  



Monday, May 7, 2012





Masakit ang katotohanan!
REY MARFIL



Sa pambihirang pagkakataon, napili ang Pilipinas ng mga pinuno ng Asian Development Bank (ADB) na dito ganapin ang kanilang pagpupulong -- isang magandang indikasyon na napapansin at bumalik na ang pagtitiwala ng malalaking organisasyon sa mundo ang ating bansa.
At dahil ito ang unang pagkakataon sa ilalim ng halos dalawang taong liderato pa lamang ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na mag-host ng pulong ng mga pinuno ng ADB, dapat lang na ibida niya ang mga nagawa na at ginagawa pa ng kanyang pamahalaan para sugpuin ang kahirapan sa Pilipinas.
Ang ADB ay kabalikat ng pamahalaan sa paglaban sa kahirapan dahil may pondong nagmumula sa kanila upang malamnan ang sikmura ng mga nagugutom. Isang halimbawa na rito ang bahagi ng pondong ginagamit ng pamahalaan sa conditional cash transfer program o pagkakaloob ng pinansyal na tulong sa mga pinakamahihirap na pamilyang Pilipino.
Katunayan, mismong si ADB President Haruhiko Koroda ay binigyan ng pagkilala ang naturang programa ng pamahalaan na nagpabago umano sa maraming buhay ng mahihirap na Pilipino. Gayunman, kailangan pa rin umano ng ibayong pagsisikap ng administrasyong Aquino para mabawasan ang bilang ng mga nagugutom sa bansa.
Pero hindi nagiging madali ang pagbangon ng bansa dahil sa lalim ng kalokohang ibinaon umano ng nagdaang administras­yon, ayon kay PNoy. Sa harap ng mga delegado sa ADB meeting, ipinabatid ng Pangulo ang maling sistema na umiral sa nakalipas ng mahigit siyam na taong panunungkulan na kanyang pinalitan.
Ayon kay PNoy, noong nakaraang administrasyon, hindi maaa­ring mauna ang matinong tao. Para mauna, kailangang wala kang konsensya at magpakita ng kawalanghiyaan -- iyung tipong makikipagkamay ka, pero ang kabilang kamay ay nakadukot sa bulsa.
Ika nga ni PNoy, naging talamak noon ang palakasan at laga­yan para makapagsara ng kontrata. Ginawang halimbawa ng Pangulo ang walang habas na pag-angkat ng bigas na nabulok lang sa mga bodega at hindi napakinabangan ng mga nagugutom na sikmura.
***
Napag-uusapan ang pag-angat, kung noo’y isang beses na- upgrade pero anim na beses namang na-downgrade ang credit rating (antas ng pagpapautang sa Pilipinas ng mga dayuhan) sa loob ng mahigit siyam na taon ng nakaraang administrasyon; sa ilalim ng halos dalawang taon pa lamang na pamamahala ni PNoy, nakaanim na “upgrade” na sa credit ratings ang Pilipinas.
Bukod pa diyan ang ilang ulit na pagsipa ng stock market at pagtala ng highest record ng trading, malinaw na palatandaan na sumisigla na ang kalakalan at ekonomiya ng bansa. Kung sa nakaraang taon ay nagpigil o nagtipid sa gastos ang pamahalaang Aquino, ngayong taon bubuhos na ang mga programa at proyekto na inaasahang makalilikha ng trabaho.
Sa pagtaya ni Socioeconomic Planning Secretary Cayetano Paderanga Jr., ang paglago ng gross domestic product o GDP ngayong 2012 ay papalo sa 5% hanggang 6%, mas mataas kumpara sa unang inaasahan na hanggang 3.7% lamang.
Pero para sa mga kapanalig ng nakaraang administras­yon, sampu ng mga taong hindi makapag-move on sa pagkatalo ng kanilang manok -- ang ginawang pagbatikos ni PNoy sa pinalitan niyang babaeng lider ay pagtatakip lang daw sa kahinaan at kapabayaan ng kasalukuyang pamahalaan para solusyunan ang pinakamalaking problema ng bansa -- ang kahirapan at gutom.
Ngunit ang tanong ni Mang Kanor, kaninong administrasyon kaya lumobo ang bilang ng mga mahihirap at nagugutom? Batay sa datos ang insidente ng kahirapan sa bansa ay 24.4% noong 2003, dalawang taon matapos malagay sa puwesto si dating Pa­ngulong Gloria Arroyo sa pamamagitan ng people power revolt 2.
At dalawang taon matapos naman niyang manalo sa kontrobersyal na 2004 elections, tumaas pa ang antas ng kahirapan sa 26.4%. At isang taon bago siya bumaba sa puwesto, nasa 26.5% na ang bilang ng kahirapan.
Ang malaking bilang na ito ng mga mahihirap ang hinahanapan ng solusyon ng kasalukuyang administrasyon. Kaya sa mga kapanalig ng nakaraang gobyerno, sadya nga lang sigurong masakit tanggapin ang katotohanan.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)



Wednesday, May 2, 2012




  ‘Di hawak sa leeg!
REY MARFIL



Kinumpirma sa pina­kabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na nagpapakita na mayor­ya ng mga Pilipino ang naniniwalang nagkasala si Supreme Court (SC) Chief Justice Renato Corona sa mga reklamo laban sa kanya ang malaking suporta ng publiko sa posis­yon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na linisin ang pinakamataas na korte.
Ika nga ni Mang Kanor: Kung may natitira pang kaunting dangal at respeto sa kanyang sarili si Corona, mas makakabuting ilabas niya ang sarili sa publiko, buksan ang lahat ng accounts -- lokal man o dollar accounts, ilantad ang mga ari-arian at humarap sa witness stand.
Sa kabilang banda, hindi rin ikinagulat ng mga kurimaw ang resulta ng survey dahil sinasalamin lamang nito ang mabigat at matibay na mga ebidensiyang iniharap ng prosekusyon.
Ipinakita rin ng SWS na matagum­pay na nagawa ng prosekus­yon ang kanilang mandato para sa paglilitis ni Corona.
Malinaw rin ang lehitimong kagustuhan ng publiko na isulong ang makatotohanang reporma sa SC sa pamamagitan ng pagtanggal sa “supreme error” na si Corona.
Sa resulta ng SWS survey, lumabas na 63% ng respondents ang kumbinsidong mayroong tagong yaman si Corona at 58% naman ang umaayon na nais ng Punong Mahistrado na tulungan ang bilanggong da­ting Pangulo at kasaluku­yang Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo at mister nitong si dating Unang Ginoo Jose Miguel ‘Mike’ Arroyo na makatakas ng bansa.
Lumabas rin sa SWS na 57% ng respondents ang umayon kontra sa 14% kumontra at 28% ang hindi makapagdesisyon na tumanggap si Corona ng espesyal na mga pabor ka­tulad ng diskuwento sa pagbili ng condominium at ti­ket sa eroplano.
Nabatid pa sa survey na 46% ang nagsasabing people power ang dapat gamitin kay Corona para mapatalsik ito sa posisyon kung hindi ipapataw ng Senate Impeachment Court ang hatol na guilty.
Anyway, ipinapakita sa pinal na hatol ng Supreme Court sa pagkakaloob sa mga magsasaka ng lupain sa Hacienda Luisita sa Tarlac na buhay na buhay ang demokrasya at kitang-kita ang “independence” ng tatlong mahistrado na itinalaga ni PNoy.
Malinaw na kumilos ang tatlong mahistrado ng MalacaƱang ayon sa kanilang sari­ling desis­yon at hindi nagpakita ng anumang pagbabayad ng utang na loob kay PNoy -- ito’y malayo kumpara noong araw kung saan talaga namang kumakampi ang mga itinatalaga sa administrasyon.
Kabilang sa tatlong iti­nalagang mahistrado ng administrasyong Aquino sa SC na kabilang sa mga kumontra sa interes ng angkan ni PNoy sa isyu ng pagkakaloob ng 4,915.75 ektar­yang Hacienda Luisita sa 6,296 na magsasaka sina Associate Justices Bienvenido Reyes, Ma. Lourdes Sereno at Estela Perlas-Bernabe.
Ibig sabihin, hindi hawak sa leeg ang mga appointment ni PNoy at hindi iniimplu­wensiyahan ng palasyo.
***
Noong nakaraang linggo, pinag-initan ang talum­pati ni PNoy sa Phi­lippine Press Institute (PPI) pero tanging “guilty” ang pu­malag.
Ika nga ni Mang Kanor: Dapat din namang bigyan ng media ng konting bigat at espasyo sa pag-uulat ang magagandang mga ba­lita para makapagbigay ng inspiras­yon sa publiko.
Kabilang sa isa sa mga magagandang balita ang pagkilala ng World Bank (WB) sa Pilipinas bilang modelo sa pagbibigay ng ayuda sa mga tao upang mabawasan ang epekto ng pandaigdigang krisis pinansiyal at problema sa ekonomiya.
Nangangahulugan na nakikita ng WB na tama ang diskarte ni PNoy sa pagsusulong ng mga programa nito para sa mga mahihirap upang makasabay sa agos ng buhay sa tulong ng mga subsidiya.
Sa pagsisimula kamakailan ng 2012 WB-IMF Spring Meetings, pinuri ni WB president Robert Zoellick ang patuloy na paglaki ng Pantawid Pamil­yang Pilipino Program (4P) ng pamahalaan na nagkakaloob ng direktang tulong sa mga mahihirap.
Nagsimula ang 4P o conditional cash transfer program ng pamahalaan noong 2008 at nagnanais na targetin ang 5.2 milyong benepisyunaryo sa pamamagitan ng pagkakaloob ng cash.
Sa ilalim ng General Appropriations Act of 2012, nag­laan si Pangulong Aquino sa pamamagitan ng Kongreso ng P39 bilyon para magkaroon ng karagdagang 700,000 benepisyunaryo ang programa ngayong taon at uma­bot sa tatlong mil­yon. Target naman na magkaroon ng 5.2 mil­yong household-beneficiaries sa 2015.
Nais ng pamahalaan na pagbutihin pa ang 4P sa pamamagitan ng pagpapahaba ng panahon na makakatanggap ng cash ang mga benepisyunaryo.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)