Umangkas!
Lumabas na ang inaasahang pinal na desisyon ng Korte Suprema na pinamumunuan ni Chief Justice Renato Corona na pumapabor sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita, na ipamahagi ang bahagi ng lupaing pag-aari ng mga Cojuangco na sakop ng Comprehensive Agrarian Reform Program.
Sa kabila ng ilang ulit na pag-uugnay ni Corona na ang kaso ng hacienda na pag-aari ng pamilya ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na dahilan kaya siya pinag-iinitan ng huli, hindi pa rin nag-inhibit ang punong mahistrado sa ginawang botohan.
Ang tanong ni Mang Kanor: bakit nga naman siya mag-i-inhibit sa pagpapalabas ng isang popular na desisyon na maaaring makatulong sa kanya na bumango kahit bahagya ang kanyang imahe? Take note: sa mga nakaraang survey, hindi lang sumayad, kundi nakabaon na sa lupa ang kanyang popularidad at satisfaction ratings.
Lahat ng mga mahistrado na kasama ni Corona -- pati na ang tatlong itinalaga ni PNoy -- ito’y pawang bumoto pabor sa pamamahagi at pagbabayad ng mas mababang kumpensasyon sa mga Cojuangco, isang patunay na hindi nakialam ang Pangulo o nang-impluwensiya sa mga mahistrado tungkol sa kontrobersiyal na kaso.
Matapos makiangkas sa popular na desisyon, nagpasaring pa si Corona kay PNoy na inaasahang gagantihan siya sa naging desisyon ng SC sa hacienda. Pero tanong ulit ni Mang Kanor: hindi ba collegial o sama-samang boto at hindi lang iisa ang SC? Ang sundot naman ng mga kurimaw: Kung totoo ang hinala ni Corona, dapat lahat ng mahistrado ang gantihan ng Pangulo.
***
Napag-usapan ang desisyon, dapat balikan ng publiko ang mga naunang pahayag ni Corona na siya mismo ang makailang ulit na nagsabi na isang boto lang siya. Kaya naman kahit hindi siya (Corona) bumoto’y makukuha ng mga magsasaka ang pinakahihintay nilang lupa, maliban na lang kung totoo rin ang hinala ng marami na makapangyarihan ang posisyon ni Corona at kaya nitong impluwensiyahan ang desisyon ng mga kapwa mahistrado.
Kaya’t pangatlong tanong ni Mang Kanor: Ganito kaya ang nangyari nang magpalabas ng mabilis na temporary restraining order (TRO) ang SC noong nakaraang taon na kamuntik nang maging dahilan upang makalabas ng bansa si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at mister nitong si Atty. Mike Arroyo?
Ang hirit tuloy ng mga kaanib ng prosecution panel, tila nagpapaawa effect lang si Corona at nais magmukhang martir sa mata ng publiko upang makakuha ng simpatiya sa harap na rin ng muling pagpapatuloy ng kanyang impeachment trial sa Senado sa Mayo 7.
At kahit ilang popular na desisyon pa raw na katulad ng Hacienda Luisita ang sakyan ni Corona, hindi pa rin nito maipapaliwanag ang mga alegasyon sa kanya sa impeachment court, na pinoprotektahan niya sa kaso at binalak na tulungan na makalabas ng bansa si Mrs. Arroyo; hindi nagsumite ng tamang bilang ng mga ari-arian sa Statement of Assets and Liabilities and Networth, at iba pa.
Ang duda ngayon ng mga tambay sa kanto, hindi kaya natutunungan na ni Corona na baka matalo siya sa kaso sa Senado at tuluyang ma-impeach kaya nagpapalutang siya ng mga alegasyon na bubuweltahan siya ni PNoy o nais palabasin nito na kayang impluwensiyahan ng palasyo ang mga senador para bumoto laban sa kanya?
Kung ganito ang hinala ni Corona, ito’y malaking insulto, hindi lang sa mga senador kundi maging sa mga nag-iisip na mamamayang Pilipino. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”.(mgakurimaw.blogspot.com)