Wednesday, March 14, 2012


Sila lang magaling!
REY MARFIL
Patuloy ang paghahanap ng administrasyong Aquino ng solusyon sa suliraning hatid ng patuloy na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo at liquefied petroleum gas (LPG) upang mabawasan ang epekto nito sa sektor ng transportas­yon at ordinaryong mga konsyumer.

Hindi natutulog sa pansitan ang pamahalaan, ito’y nagbabantay at nakikipag-usap para masuring mabuti ang paggalaw sa presyo ng mga produktong petrolyo bilang tugon sa hinaing ng publiko.

Pero dapat din nating unawaing lahat na hindi lamang problema ng bansa kundi ng buong mundo ang patuloy na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa lumalalang tensyon kaugnay sa ambisyong nukleyar ng Iran.

Dahil deregulated ang industriya ng mga produktong petrol­yo, dapat tanggapin din ng publiko ang katotohanan na nakabase ang presyo ng mga ito sa iba’t ibang mga puwersa sa merkado.

Isa sa konkretong programa ng pamahalaan ang paglalagay nitong nakalipas na linggo ng Department of E­nergy (DOE) ng cards para sa mga tsuper at transport ope­rators sa ilalim ng Pantawid Pasada Program ng pamahalaan.

Patuloy din naman ang ginagawang pakikipag-usap ng Department of Energy at ng Department of Transportation and Communications (DOTC) sa sektor ng transportasyon upang hanapan ng solusyon ang problema lalo’t may mga nagbabanta ng kilos-protesta.

Sa suliranin naman ng tumataas na presyo ng LPG na nakakaapekto sa pangkaraniwang pamilya, nakikipagkonsulta ang pamahalaan sa iba pang ahensya ng pamahalaan para makahanap ng solusyon sa problema.

Hindi lang ‘yan, dapat ayunan ng publiko ang panawagan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na suportahan ang mga programa ng pamahalaan para sa mga mga mahihirap katulad ng pagkakaroon ng kuryente sa buong bansa.

Mada­ling makakamit ang malaking responsibilidad na mabiyayaan ng “liwanag” ang libu-libo pang mga tahanan sa mga barangay ng bansa sa tulong ng kooperasyon ng publiko at pribadong mga sektor.

Nakaraang linggo, pinangunahan ni PNoy ang “Ceremonial Switch-On ng 2.1 Megawatt Linao Cawayan Mini-Hydro Power Plant (LCMHPP)-Lower Cascade Facility at 45 Sitios sa ilalim ng Sitio Electrification Program” sa Calapan City, Mindoro Oriental. Ang good news ibinahagi ni PNoy -- darating ang panahong sekondaryo na lamang ang paggamit ng diesel para sa pagkakaroon ng kuryente dahil sa lumalawak na paggamit ng natural sources.

***

Napag-usapan ang good news, hindi naman na talaga isang sorpresa kung sabihin man ng Asian Development Bank (ADB) na lalago ang ekonomiya ng Pilipinas ng 5% dahil sa balanseng ekonomiya, malakas na sektor ng serbisyo at malusog na pagpapadala ng pera ng overseas Filipino workers (OFWs).

Sinabi ni ADB President Haruhiko Kuroda na lumago lamang ang ekonomiya ng bansa ng 4% ng nakaraang taon bilang resulta ng ilang pandaigdigang pangyayari na nakaapekto sa ekonomiya.

Kabilang dito ang delubyong hatid ng lindol at tsunami sa Japan, malawakang pagbaha sa Thailand at krisis pinansiyal sa Europe at United States.

Dahil na rin sa mga repormang isinulong ng pamahalaan, kumbinsido si Kuroda na lalago pa ang ekonomiya ng bansa ng 6% hanggang 7%. At dahil sa pagkakaroon ng balanseng ekonomiya, asahan na natin na maganda ang hinaharap ng ekonomiya ng bansa.

Bagama’t mahalaga ang pagluluwas ng mga produkto sa ekonomiya, hindi naman dito lamang nakasandig ang bansa lalo na sa larangan ng electronic products na dinadala sa US at Europe.

Malakas din ang sektor ng serbisyo, outsourcing at pi­nansiyal na sektor, kabilang ang sektor ng real-state at merong 10% ang gross domestic product (GDP) ng bansa mula sa remittances ng OFW.

Ang tanong ng mga kurimaw, ito ba’y pinuri ng mga kritiko ni PNoy o sadyang utak-talangka at ipi­nanganak na paniwala’y sila ang pinakamahusay at maga­ling?

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, March 12, 2012


Bakit ‘di tumestigo?
REY MARFIL
Marami ang nagulat sa ginawang pag-iikot ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona sa ilang media organization at nagsalita tungkol sa kinakaharap nitong kaso na di­nidinig sa Senate Impeachment Court.

Bagama’t hindi ito ang unang pagkakataon na nagsalita si Corona sa harap ng media tungkol sa kaso -- ito ang unang pagkakataon na siya mismo ang nagpunta sa mga ta­nggapan ng media para magpa-interview.

Kaya naman tanong ng mga kurimaw: desperado na ba ang mahistradong pinutongan ng korona ni Mrs. Gloria A­rroyo bilang puno ng Korte Suprema? Nakatulong ba ito sa kanya o lalo lang nakasama?

Kung ang prosekusyon ang tatanungin, mukhang lalong nadiin si Corona sa usapin ng bank accounts nito nang idahilan na kawalan ng tiwala sa PSBank ang dahilan kaya niya isinara ang tatlong bank account isang araw matapos na makalusot ang Articles of Impeachment.

Mukha raw iba ang ibinigay na dahilan noon ng kampo ni Corona kung bakit biglang isinara ang tatlong (3) bank accounts. Kasama sa idinahilan noo’y hindi sa kanila, kundi sa kumpanya ang pera at isinara nila ito para hindi ma­damay sa kaso.

Bukod dito, tila hindi rin malinaw kung saan inilipat ang pera sa isinarang accounts dahil may mga impormasyon na doon din naman sa naturang bangko inilagay ito.

Ilan pa nga ba ang bank accounts ni Corona, malinaw ang testimonya ni PSBank President Pascual Garcia, ito’y idineposito sa kanilang bangko makaraang i-withdraw, kabaliktaran sa media interview ni Corona na wala siyang tiwala sa PSBank kaya’t kinubra ang pera.

At ang pinakamalaking tanong na hindi pa nasasagot -- bakit hindi hayaan ng Punong Mahistrado na masilip ang umano’y dollar accounts.

Tila lumikha rin ng kalituhan ang alegasyon ni Corona na kaya siya pinag-iinitan ay dahil nais ng mga Cojuangco na makakubra ng P10 bilyon sa lupain ng Hacienda Luisita na pinayagan ng SC na ipamigay sa mga magsasaka bilang pagtalima sa agrarian reform program.

Kung totoo na pinag-iinitan siya para maibigay sa mga Cojuangco ang P10 bilyon, nasaan na ngayon ang lohika na hindi siya dapat pag-initan dahil isang boto lamang siya sa lupon ng mga mahistrado. Ibig ba niyang sabihin, makokontrol ang boto ng iba pang mahistrado kapag nawala siya?

Hindi ba’t sinabi noon na kaya pinag-iinitan si Corona dahil naghihiganti umano si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino dahil sa boto ng mga mahistrado na maipamahagi ang naturang bahagi ng lupaing sakahin?

***

Napag-usapan ang alegasyon ni Corona, kung pag-aaralan ang naturang boto sa Hacienda Luisita, maging ang mga mahistradong itinalaga ni PNoy, ito’y bumoto pabor sa mga magsasaka.

Bukod dito, tila nadiin din si Corona sa mismong pag-amin niya na nagkausap sila ni PNoy noong July 2010 kung saan kinunsulta umano siya tungkol sa itatatag na Truth Commission.

Ang naturang komisyon ang dapat sanang mag-iimbestiga sa mga anomalyang naganap sa nakaraang administrasyong Arroyo pero tinabla ng SC na pinamumunuan ni Corona.

Bagama’t inamin ng MalacaƱang na nagkausap sina PNoy at Corona, itinanggi naman ng Palasyo na pinag-usapan doon ang Truth Commission.

Sa naturang pag-uusap, inilatag lang umano ng Pangulo ang programa nito para sa malinis na pamamahala at mabigyan ng pagkakataon si Corona na patunayan na siya’y Punong Mahistrado ng mga Filipino at hindi lang ni Mrs. Arroyo na siyang nagtalaga sa kanya.

Kung tutuusin, mismong si PNoy na rin ang nagsabi sa ilan niyang panayam na binigyan niya ng pagkakataon si Corona na patunayan na patas siya sa paghuhusga pero hindi raw ito ginawa ng Punong Mahistrado.

‘Ika nga ng paboritong linya sa pelikula ng namayapang si Fernando Poe Jr. -- napuno na ang salop para kay PNoy nang bumoto ang SC, sa pangu­nguna ni Corona na payagan si Mrs. Arroyo na makabiyahe at muntik nang ma­ging dahilan para makalabas ng bansa -- ito ang pinaniniwalaang diskarte o paraan upang makatakas si Mrs. Arroyo sa mga kasong kakaharapin, kagaya ang paglulustay sa pondo ng bayan.

Take note: Biglaan ang pag-uwi ni Corona mula Amerika para dinggin ang petisyon ng kampo ni Gloria, katulad ng naglabasang report sa media.

Kung sadyang mata­tag si Corona sa kanyang mga alegasyon laban kay Aquino at pagbabago, reporma o pagpapatatag sa hudikatura ang nasa isipan, pinakamabuting gawin niya’y magpasalang sa witness stand ng Se­nate Impeachment Court o kaya’y tumestigo sa nalalamang katiwalian laban kay Gloria.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Nagkasakit sa good news?
REY MARFIL
Hindi ba’t kapuri-puri ang ibinigay na oportunidad ni Noynoy “PNoy” Aquino na magkaroon ng disente at murang pabahay ang mga kawani ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) -- ito’y hindi natanggap ng kasundaluhan at kapulisan sa nagdaang panahon. Kung meron man, napakataas ng monthly amortization.

Ipinapakita ng programang pabahay ni PNoy ang maigting nitong malasakit sa mga sundalo at pulis na maitaas ang antas ng kanilang pamumuhay, pinaka-latest sa programa ng pamahalaan ang “symbolic turnover” ng 1,500 na bahay para sa mga kawani ng AFP at PNP sa Ciudad Adelina 2, Barangay Luciano, sa Trece Martires, Cavite.

Tama si Staff Sergeant Edwin Gumela, nasa kanyang ika-27 taong serbisyo sa Philippine Army, sa pagsasabing hindi lamang nakakataas ng morale ang programang pabahay kundi nakakapagbigay ng malaking suporta lalung-lalo na sa kanya na naninirahan pa sa Mindanao.

Ipinapatupad ang programang pabahay sa ilalim ng Administrative Order (AO) No. 9 o “Directing the National Housing Authority to Formulate, Implement and Manage a Housing Program for the Military and Police Personnel”, na ipinalabas noong Abril 11, 2011.

Sa unang limang (5) taon, magbabayad lamang ang bawat benepisyunaryo ng P200 kada buwan para sa standard row house na tataas sa P809.53 sa ika-26th hanggang ika-30th taon para magamit pa ang kanilang kita sa ibang panga­ngailangan ng pamilya katulad ng edukasyon, kalusugan, at mga katulad na bagay.

***

Napag-usapan ang pagtatalaga ng mga tao sa gobyerno, ito’y kabaliktaran lahat sa mga pang-iintriga ng oposisyon at kritiko. Kung hindi pa nababasa ng mga “Intrigador” ang ilan lamang sa good news -- kinilala ang pagkakahalal kay Commission on Audit chairman Grace Tan bilang kasapi ng Board of the Asian Organization of Supreme Audit Institutions -- ito’y dahil sa seryosong kampanya ni PNoy laban sa katiwalian.

Nangangahulugang nagbabalik ang tiwala ng international community sa Pilipinas dahil sa mga repormang ipinapatupad ng pamahalaan, sa pamamagitan ng “daang matuwid” ni PNoy.

Take note: matagal nang panahong hindi naikukonsidera ang Pilipinas sa board at isang kapani-paniwala at mapagkakatiwalaang institusyon ang Asian Organization of Supreme Audit Institutions kaya’t hindi maaaring ismolin ng mga mokong.

Kaya’t asahan natin na magpapakita ng positibong kontribusyon si Tan sa organisasyon kung saan makakasama nito ang iba pang kasapi ng board mula sa mga bansang China, Saudi Arabia, Russia, Thailand at Bangladesh hanggang matapos ang kanilang termino sa 2015.

Hindi lang ‘yan, asahan natin ang pagsulong ng ekonomiya ng bansa matapos makapagtala ang local stocks ng bagong pinakamataas nitong record nang magtapos ng mas mataas sa psychological 5,000-point level ng nakaraang Biyernes -- ito ba’y nangyari sa nagdaang siyam (9) na taon? Sa malamang, alam n’yo na ang sagot lalo pa’t kaliwa’t kanan ang naim­bestigahang corruption at eskandalo ng Kongreso.

Pinakamalinaw na indikasyon ng pagpapakita ng mataas na kumpiyansa ng mga mamumuhunan sa ekonomiya ng bansa ang magandang lagay ng stock market. Umangat ang pa­ngunahing Philippine Stock Exchange index (PSEi) ng 1.57 porsyento o 77.69 points nang magsara ito sa all-time high na 5,016.30.

Ang tanong ng mga kurimaw, bakit tameme at walang kibo ang mga nag-aakusa ng “KKK” kay PNoy, maliban kung nagkasakit ang lahat dahil araw-araw nakakabasa at nakaka­rinig ng good news?

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, March 7, 2012


Sobrang tiwala!
REY MARFIL

Kung susuriin ang sitwasyon, mapalad ang Pilipinas sa pagkakaroon ng isang pamahalaan na determinadong solusyunan ang matagal nang problema kaugnay sa kakapusan ng silid-aralan sa buong bansa sa susunod na taon.

Ginagawang posible ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa pamamagitan ng mga reporma na ipatutupad sa iba’t ibang programa, kabilang ang Public Private Partnership (PPP), as in simula nang manungkulan noong 2010, iniulat ng Department of Education (DepEd) ang 66,800 kakapusan sa silid-aralan.

Lingid sa kaalaman ng nakakarami, dahan-dahang naibaba ng DepEd ang estadistika ng kakapusan nang bumuo ng 15,000 silid-aralan noong 2011 at gagawa ng panibagong 35,000 ngayong taon.

Maganda ang hangarin ng Pangulo na tuluyang mabura ang problema sa pamamagitan ng patuloy na konstruksyon sa susunod na taon ng karagdagang 15,000 silid-­aralan sa tulong ng PPP at iba pang donasyon. Ipinapakita lamang ni PNoy ang kanyang malaking pagpapahalaga sa edukasyon sa pagbuo ng isang maunlad na bansa.

Hindi lang ‘yan, isang panibagong tagumpay ni PNoy sa pagsusulong ng reporma sa edukasyon ang paglagda nito sa Republic Act (RA) No. 10157 o Kindergarten E­ducation Law na naglalayong magkaroon ng compulsory kindergarten bilang paghahanda sa Grade 1.

Ipagkakaloob ng pamahalaan sa ilalim ng Republic Act 10157 o “An Act Institutionalizing the Kindergarten Education into the Basic Education System and Appropriating Funds Therefore” ang libreng compulsory kindergarten education simula sa darating na school year na 2012-2013.

Binibigyang importansya ng batas ang malaking kontribusyon ng kindergarten upang mas maging handa at matalino ang mga batang papasok sa grade school.

Magkakaroon ang mga bata ng mas malakas na laban upang iangat ang kanilang mga buhay. Sa ilalim ng batas, obligado ang mga bata na kumuha ng kindergarten bago pumasok ang mga ito sa Grade 1.

Tama ang posisyon at paniniwala ng Department of Education (DepEd) na mapapataas nito ang kakayahan ng mga bata na unawain ang kanilang mga aralin at mabawasan ang insidente ng dropout.

***

Napag-usapan ng good news, nakakatuwang marinig na pangunahing pinaglalagakan ng pamumuhunan sa rehiyon ang Pilipinas base sa P1.995-trilyong kinita ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) at pagkakaroon ng bansa ng paborableng pananaw mula sa Japan External Trade Organization (JETRO).

Mismong si PNoy ang natuwa sa inihandang ulat ni PEZA Director General Lilia De Lima at mga opisyal ng JETRO tungkol sa magandang balita.

Nangangahulugang malaking kita ng PEZA na tama ang matuwid na landas na tinatahak para isulong ang interes ng publiko. Ang maganda pa rito, nakuha ng pamahalaan sa nakalipas lamang na 18 buwan o sa panahon ng administrasyong Aquino ang 22%, katumbas ng P413-bilyon ng kabuuang kinita ng PEZA sapul noong 1995.

Ang tanong ng mga kurimaw: ito ba’y nakikita ng mga kritiko ni PNoy, maliban kung sadyang mutain at bulag sa katotohanan?

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, March 5, 2012


Haharap ba?
REY MARFIL
Nagpahinga na ng kanilang presentasyon ng ebidensya sa impeachment trial laban kay Chief Justice Renato Corona ang panig ng prosekusyon. Ito’y dahil na rin sa kanilang paniwala na naipakita na nila sa tatlong Articles of Impeachment ang pagkakasala ng Punong Mahistrado.

Kung tutuusin, hindi naman paramihan ng akusasyon ang impeachment trial. Sa isang article lamang, kung makakakuha ng 16 na boto ng senator-judges ang prosekusyon, ito’y sapat para mapatalsik at tanggalan ng korona si Corona.

Kaya naman hindi na maituturing na isyu pa ang pag­laglag ng prosekusyon sa limang articles, lalo pa’t mabi­bigat din naman daw kung tutuusin ang nailatag na tatlong articles lalo na ang article 2 at article 7.

Ang article 2 ay tungkol sa usapin ng Statement of ­Assets, Liabilities and Networth (SALN), kung saan nakapaloob din ang kontrobersyal na umano’y dollar bank accounts ni ­Corona. Hindi nabusisi ng Impeachment Court ang natu­rang accounts dahil na rin sa temporary restraining order na ipinalabas ng SC.

Habang ang article 7, ito’y nakasentro sa umano’y pagkiling ni Corona kay dating Pangulong Gloria Arroyo kaya pinaboran nito ang pagpapataw ng SC ng TRO sa tra­vel ban na ipinalabas ng Department of Justice laban sa ­dating ­pangulo.

Pinaka-kritikal sa article 7 ang testimonya ni DOJ Sec. Leila de Lima na may mga kondisyon na inilatag ang SC sa pagpapataw ng TRO sa travel ban, na kahit hindi nasunod ay pinanatili pa rin ng mga mahistrado.

Sino nga ba ang makapagsasabi kung nasaan na kaya ngayon si Arroyo kung nakalabas siya ng bansa?

Pangunahing basehan ni De Lima sa kanyang testimonya ang dissenting opinion o hindi pagpabor ni Associate ­Justice Ma. Lourdes Sereno sa pagpapataw ng TRO sa ­travel ban

. Nais sana ng prosekusyon na mapaharap si Sereno sa ­Impeachment Court upang masuportahan ang testimonya ni De Lima pero hindi ito nangyari.

***

Napag-usapan ang depensa ng mahistradong “pinu­tongan” ng korona ni Mrs. Arroyo bilang puno ng Korte ­Suprema, marami ang umaasang mismong ang nasasakdal ang haharap sa witness stand para linawin ang mga alegasyon laban sa kanya, partikular sa articles 2 at 7.

Mismong sina Senate President Juan Ponce Enrile at House Minority floor leader Danilo Suarez, naniniwala na walang ibang pinakamahusay na testigo ang depensa para kontrahin ang mga akusasyon ng prosekusyon kundi mismong si Corona.

Ang problema, may pag-aalinlangan ang depensa na isalang bilang testigo si Corona dahil sa pangamba nilang mailagay sa “open firing line” ang kanilang kliyente. Baka hindi nito mapaghandaan ang ibang itatanong ng prose­kusyon at maging ng mga senador na maaaring magdiin sa Punong Mahistrado.

Ngunit dapat nating tandaan, at ipaalala kay Corona na siya mismo ang nagsabi na ipaliliwanag niya ang mga akusasyon sa kanya -- gaya ng dollar accounts. At wala nang pinakamagandang panahon para tuparin niya ang pangako kundi sa araw na sila na mismo sa depensa ang magpa­pakita ng ebidensya.

Sabi ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa isang interview sa Calapan City, Mindoro -- kung walang itinatago si Corona, bakit matatakot na humarap sa katotohanan?

‘Ika nga ng mga kurimaw, tatanggapin na lamang ba ni Corona ang naglabasang ebidensya sa multi-milyong peso at dollar accounts, maliban kung meron pinanghahawakang numero sa Upper House kaya’t nagmamatigas?

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, March 2, 2012


May aksyon!
REY MARFIL

Hindi ba’t kapuri-puri ang kautusan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa Department of Energy (DOE) na ipatupad ang reload sa bawat Pantawid Pasada Prog­ram card na naglalaman ng P1,200 sa bawat tsuper ng public utility vehicles (PUVs) na naglalayong pababain ang epekto ng tumataas na presyo ng mga produktong petrolyo.

Nilikha ng pamahalaan ang Pantawid Pasada Program upang magkaloob ng subsidiya sa pampublikong sektor ng transportasyon base sa serye ng naganap na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.

At bilang pagpapakita ng malasakit sa kalagayan ng mga tsuper, maaari ring makinabang ang mga bene­pisyunaryo ng diskuwento sa pagbili ng mga gulong, ba­terya at iba pang spare parts para matulungan ang sektor ng transportasyon.

Ibig sabihin, mapalad tayo sa pagkakaroon ng isang pamahalaan na walang inisip kundi ang pagsilbihan ang publiko at gumawa ng mga bagay para mapabuti ang kalagayan ng mga tao.

Hindi lang ‘yan, kasiya-siya ring marinig ang pa­ngunguna ni PNoy sa inagurasyon ng bagong P594-mil­yong Aurora Memorial Hospital (AMH) sa Baler, Aurora -- ito’y nangangahulugang bubuti ang serbisyong pangkalusugan ng pamahalaan sa mga residente ng lalawigan ng Aurora.

Ipinapakita ang malakas na samahan ng Pilipinas at Japan dahil sa patuloy na paglalaan ng pondo ng banyagang bansa sa kabila ng naganap na malakas na lindol at tsunami na tumama sa lugar noong nakalipas na taon.

Inaasahan na mapapalakas ng proyekto ang samahan at pagkakaibigan ng dalawang bansa dahil sa matagum­pay na programa at hindi naman maisasakatuparan ang proyekto kung hindi dahil sa pinagsamang pagkakaisa ng pambansang pamahalaan at mga lider ng Aurora -- sina Rep. Juan Edgardo “Sonny” Angara, Sen. Edgardo A­ngara at Gov. Bellaflor Angara-Castillo.

Nangako ang Pangulo na tutulong sa operasyon ng ospital sa pamamagitan ng pagkakaloob ng gamot at ibang kagamitan.

Maaaring makapagbigay ng serbisyo ang bagong ospital sa 800 pasyente bawat taon na mayroong 50-bed capacity. Base sa pahayag ng Provincial Health Office, kakayanin ng ospital na gamutin ang 13,000 uri ng mga sakit mula sa 7,000 pasyente.

***

Napag-usapan ang good news, matindi ang pagsusumikap ni PNoy para makamit ang Millennium Deve­lopment Goals (MDGs).

Hindi ba’t nakakatuwang mari­nig ang pahayag ng Punong Ehekutibo na nakamit ng bansa ang malaking bahagi ng target sa MDGs sa pagpapababa ng kaso ng child at maternal mortality, pagpapaliit sa estadistika ng mga sakit at mabilis na pagkakaloob ng serbisyong kalusugan sa mas maraming mga Filipino.

Ginawa ni PNoy ang pagtataya sa pagsikad ng mga aktibidad sa paggunita ng 26th taong anibersaryo ng E­DSA People Power Revolution na may titulong Edsa Noon, Atin Ngayon: Tagumpay ng Bayan / Pulong Bayan ng Pangulo na ginawa sa Mother Consuelo Barcelo Theatre sa La Consolacion College, Manila nitong nakalipas na Huwebes ng nakaraang linggo.

Upang makamit ang mga target, itinaas ng pamahalaan ang pondo ng Department of Health (DOH) para maipatupad ang inisyatiba sa pamamagitan ng pagpapa­kalat ng mas maraming nurses at medical practitioners sa mga liblib at malalayong parte ng mga lalawigan sa bansa.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)