Monday, January 30, 2012


“Luneta Beach”
REY MARFIL
Bukod sa maayos at tapat na pamamahala, isa pang dapat abangan ng mga Pinoy na magiging pamana sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III sa 2016 -- ang muling pagbuhay sa tubig ng Manila Bay, na pwedeng pagmulan ng tatawaging “Luneta Beach”.

Habang abala ang marami sa pagtutok sa impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona, wala namang tigil ang pamahalaang Aquino sa pagtatrabaho, kasama na ang pangangalaga sa kalikasan at kapaligiran.

Patunay ito na mali ang akusasyon ng mga kritiko na pulitika lamang ang inaasikaso ng gobyerno, patunay ang personal pang pagbisita ni PNoy sa Iligan City at Cagayan de Oro upang alamin ang takbo ng proyektong pabahay para sa mga naging biktima ng bagyong Sendong.

Sa darating na Hunyo, tinatayang 1,700 bahay ang magsisilbing simbulo ng panibagong pag-asa sa mga kababayan nating sinalanta ng bagyo sa Iligan City at 2,000 bahay naman sa CDO.

Ang paglakas ng mga bagyo gaya ng Sendong ay sinabing may kaugnay sa lumalalang global warming at climate change. Kaya naman tumitindi rin ang kampanya ng iba’t ibang bansa tungo sa pangangalaga sa kapaligiran at kalikasan, kasama na riyan ang Pilipinas.

***

Napag-usapan ang climate change, sa pagtatapos ng Global Conference on Land-Ocean Connection na ginanap sa Pasig City nitong Biyernes, inilahad ni Department of Environment and Natural Resources Secretary Ramon Paje ang direktiba ni PNoy na sikaping makamit ang kautusan ng Korte Suprema noong 2008, na ibalik ang antas ng tubig sa Manila Bay na tinatawag na “recreational water”.

Ibig sabihin, ibaba sa antas ng mga nakalalasong kemikal at bacteria sa tubig ng Manila Bay, hanggang sa maaari at maging ligtas na itong paliguan ng mga tao. At kapag nangyari ito, ang mga residente ng Metro Manila’y hindi na kailangan magpunta sa malayong lalawigan tuwing summer para makapag-beach dahil maaari silang maligo sa “Luneta Beach”.

Sa pinakahuling water sample na kinuha sa Manila Bay, lumitaw na ang fecal coliform level nito’y nasa 79,000 most probable number (MPN) per 100 milliliter. Samantalang ang standard level lamang dapat ay 200 MPN/100 ml.

Malayo pa ang tatahakin at marami pa ang dapat gawin para maganap ang tiyak na inaasam ng marami na muling makapaglublob sa Manila Bay nang walang kinatatakutang sakit na makukuha.

Ang misyon nga’y maisagawa ito sa pagtatapos ng termino ni Aquino sa 2016 o halos apat na taon mula ngayon.

Aminado si Paje na mahirap at tila imposible, pero sa tulong ng mga lokal na opisyal at maging ng mga mamamayan, maisasakatuparan ito.

Isang hakbang tungo sa katuparan ng pangarap ang pagpapatupad ng “plastic ban” ng iba’t ibang lungsod sa Metro Manila. Kumilos na ang mga lokal na pamahalaan ng Quezon City, Pasay, Las Piñas, Pasig, Mandaluyong at Muntinlupa, na nagpasa ng kanilang ordinansa na nagbabawal sa paggamit ng plastic.

Nakabinbin at tinatalakay naman ang katulad na ordinansa sa Caloocan, Valenzuela, Marikina, Makati at Parañaque. Habang inihahanda na rin ang ordinansa sa Navotas, Taguig at Pateros.

Ang plastic ang isa sa mga malaking problema sa mga basura dahil hindi ito natutunaw. Malaking bahagi rin nito ang tinata­ngay patungo sa Manila Bay. Sa clean up drive na isinagawa sa naturang look ng Maynila, umabot sa halos 3,000 trak ng basura ang nahakot noong nakaraang taon.

Bukod sa pagkontrol sa basura sa Manila Bay, gumagawa rin ng hakbang ang lokal na pamahalaan na ilipat ng tirahan ang mga informal settlers sa paligid nito.

Inayos din ang mga daanan ng tubig at sewerage system para maging malinis ang mga tubig mula sa estero na pupunta sa Manila Bay.

Mission imposible kung tawagin pero may kasabihan din na walang imposible sa mga taong nagpupursige lalo na kung tayo’y nagkakaisa.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, January 27, 2012




Ebidensya ang nagsasalita!
REY MARFIL

Kapuri-puri ang joint project ng administrasyong Aquino sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Habitat for Humanity, at lokal na pamahalaan ng Cagayan de Oro City, na gumawa ng matutuluyan para sa mga biktima ng bagyong Sendong.

Lumagda ang kinauukulan sa isang tripartite agreement para sa konstruksyon ng matutuluyan ng mga biktima sa Calaanan, Cagayan de Oro City kung saan ili­lipat ng DSWD ang P203 milyon sa Habitat for Humanity para sa konstruksyon ng quadruplex houses sa lugar. Take note: makalipas ang 40-days nabigyan ng bahay ang mga pamilyang sinalanta ni Sendong.

Mismong si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang nanguna sa pagtatayo ng bahay sa 9.4 ektaryang lote sa Calaanan bilang permanenteng resettlement site. At hindi biro ang P500 milyong donasyon ni San Miguel Corporation (SMC) big boss Ramon Ang.

Hindi lang ‘yan, halos 50% ng 12 bunkhouses na inilaan ng DSWD at ginagawa ng 52nd Engineering Brigade ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Lumbia, Cagayan de Oro ang natapos at maaaring kumupkop sa 120 pamilya.

Maliban sa resettlement site, mas maraming pamil­yang Filipino ang makikinabang sa kuryente lalo pa’t plano ni PNoy na doblehin ang pondo ngayong taon upang maging P5 bilyon para sa rural electrification.

Ngayong taon, naglaan ang pamahalaan ng P2.5 bil­yon at karagdagang P2.5 bilyon para sa kabuuang P5 bil­yon na malaking bagay sa kampanya ng pamahalaan upang magkaroon ng suplay ng kuryente ang maraming pamilya sa buong bansa.

Makikinabang nang husto ang mga bata sa pagkakaroon ng kuryente dahil inaasahang mapapabuti ang kanilang pag-aaral at makakapagbigay din ng sigla sa negosyo. Rasonable naman para sa kinauukulang mga grupo na suportahan ang magandang programa ng pamahalaan na makapagbigay ng suplay ng kuryente para sa lahat.

***

Anyway, mayroong malakas na basehan para imbestigahan ng Office of the Ombudsman at ilang kinauukulang ahensya ang Supreme Court (SC) na pinamumunuan ni Chief Justice Renato Corona dahil sa umano’y ire­gularidad sa paggugol sa utang na ibinigay ng World Bank (WB) para sa reporma sa hudikatura.

Dapat nating gabayan ang publiko sa pagdetermina kung ginamit ang pondo para sa personal na kapakinaba­ngan. Naglabas ang WB ng pahayag na nagdedetalye sa hindi nararapat na paraan ng paggugol sa pondo ng $24.4 milyong utang para pondohan ang mga reporma sa hudikatura sa ilalim ng Judicial Reform Support Project.

Habang iginigiit ng Chief Justice at Court Administrator at spokesman na si Midas Marquez ang pagiging inosente sa isyu, pinatutunayan ng mga dokumento na talagang nagkaroon umano ng pag-aaksaya sa pondo at binalewala ang alituntunin sa malinis na pamamahala.

Nakaka-iskandalo talaga ang ibinunyag ng WB lalo’t lumalabas na mistulang naging piggybank umano ng Chief Justice ang judicial reform funds para sa kanyang paglalakbay, regalo, pagkain at paglilibang.

Lumabag sa pangunahing alituntunin sa pamahalaan ang Court Administrator na direktang nag-uulat sa Chief Justice nang tumayo itong nag-iisang taga-aprub sa pondo at pinuno ng subasta ayon sa kanyang paggastos.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, January 25, 2012


Maraming good news!
REY MARFIL
Maraming good news noong nakaraang linggo, maliban kung bad news ang turing ng mga kritiko ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III sa multi-bil­yong pisong kinita ng gobyerno sa Malampaya Deepwater Gas-to-Power Project kaya’t dinedma ang ba­lita?

Sa kaalaman ng publiko, maganda ang kinita ng pamahalaan mula sa Malampaya Deepwater Gas-to-Power Project -- ito’y gagamitin para tustusan ang iba’t ibang mahahalagang proyekto ng pamahalaan.

Sa katunayan, tinanggap ni PNoy ang $1.134 bil­yon mula kay Shell Philippines Country Manager Edgar Chua bilang kita ng pamahalaan nitong 2011, isang magandang balita dahil tiniyak ng administrasyong Aquino na makikinabang ang mga Filipino sa joint venture at asahang lalaki pa ang kikitaing pondo mula sa matalinong desisyon na muling mamuhunan para sa Phases 2 at 3 ng proyekto.

Puntirya ng bagong programa na makakuha pa ng mas maraming gas at mapahaba ang suplay dahil na­ngangahulugan ito ng mas malaking pakinabang ng mga Filipino.

***

Isa pang good news ang pasalubong ng apat na senador mula sa Estados Unidos (US) na mas mala­king importasyon ng saging sa ating bansa.

Take note: Meron umiiral na parusang ipinataw sa Iran kung kaya’t hindi pinapapasok ang mga kalakal na labis na nakakaapekto sa mga nagtatanim ng saging sa bansa.

Matapos makipagkita kay PNoy, sumang-ayon rin sina US Senators John McCain, Joe Lieberman, Sheldon Whitehouse at Kelly Ayotte na magkaroon ng mas malakas na kooperasyong militar ang US at Pilipinas.

Nangangahulugan ito na talagang kasama sa prayoridad ng pamahalaan ang interes ng industriya ng saging sa bansa dahil 30% ng kabuuang mga ini­luluwas na ani ang napupunta sa Iran na biglang natigil ngayon.

Hindi naman magkakaroon ng base militar sa pagpapalakas ng kooperasyon, ngunit inaasahang mapapabuti ang pagtiyak ng seguridad sa Asya-Pasipiko.

***

Ang pinaka-latest, pinatunayan sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa nitong Disyembre 3 hanggang 7, 2011 ang maigting na pagsusumikap ng administrasyong Aquino na mapabuti ang antas ng kabuhayan ng mga pamilyang Filipino.

Lumitaw sa survey na patuloy na nababawasan ang bilang ng pamilyang Filipino na ikinokonsiderang mahirap ang kanilang mga sarili.

Natapyasan ng 1.3 milyong pamilyang Filipino ang dami ng mga naghihirap sa nakalipas na tatlong buwan matapos mairehistro na lamang sa 45% ng mga kinapanayam, katumbas ng 9.1 milyong pamilya ang ikinokonsiderang mahirap sila kumpara sa 52% o 10.4 milyong pamilya noong nakaraang Setyembre 2011.

Ito ang pinakamababa sa ilalim ng kasalukuyang gobyerno at nangangahulugang hindi matatawaran ang pagsusumikap ng administrasyong Aquino na maisulong ang pagkakapantay-pantay sa lahat ng bagay, lalo na ang hustisya at kaunlaran.

Asahan nating hindi titigil si PNoy sa implementasyon ng mga reporma para makamit ang pangarap ng bawat pamilyang Filipino na makaahon sa kahirapaan at masugpo ang katiwalian sa pamamagitan ng matinong pamamahala.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.”(mgakurimaw.blogspot.com)

Tuesday, January 24, 2012


Walang bolahan!
REY MARFIL
Nakatuon ang atensyon ngayon ng publiko sa gina­gawang paglilitis ng Senate Impeachment Court kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona, na inaakusahang nagtaksil sa pagti­tiwala ng bayan.

May ilan na nangangamba na baka pati ang pamahalaang Aquino’y nakatutok din sa impeachment ni Corona at mapa­bayaan ang ibang problema ng bansa gaya ng kahirapan.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng publiko na hindi gusto ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na manatili sa kanyang puwesto si Corona bilang Punong Mahistrado ng Korte Suprema.

Ang disgusto ni PNoy kay Corona, ito’y hindi dahil sa hindi siya ang nagluklok kay Corona bilang lider ng SC, kundi dahil sa itinuturing na “midnight” appointment ang nangyaring pagtatalaga sa kanya ni dating Pangulong Gloria Arroyo.

Bukod dito, may nakikitang pattern ang administrasyong Aquino na tila kinikilingan at pinoprotektahan ni Corona ang pamilya ni Arroyo, batay na rin sa mga naging desisyon ng SC sa mga kasong may kaugnayan sa dating pangulo.

Mabilis namang pinawi ng pamahalaang Aquino ang pa­ngamba ng ilan na baka mawala sa focus ang gobyerno sa pagharap sa iba pang suliranin ng bayan. At mukha namang totoo ang pahayag na ito.

***

Napag-usapan ang maling pangamba ng publiko at espekulasyon ng mga kritiko, patuloy ang paglakas ng kalakalan sa merkado na indikasyon ng matatag na pulitika sa bansa. Take note: malaki rin ang nabawas sa bilang ng mga Pinoy na naniniwalang mahirap sila, batay naman sa pinakahuling survey na ginawa ng Social Weather Station (SWS) sa huling bahagi ng 2011.

Sa naturang survey ng SWS na ginawa noong December 2011, lumitaw na 45 percent ng 1,200 respondents ang nagsabing mahirap sila -- ito na ang pinakamababang bilang na naitala ng SWS, o dalawang porsyento (2%) lamang ang layo sa all time low (43%) na naitala noong 1987 sa ilalim naman ng termino ni dating Pangulong Cory Aquino -- ina ni PNoy.

Sa kabila ng pagbaba ng bilang ng mga nagsasabing mahirap, nagpahayag naman ang Malacañang na ipagpapatuloy nila ang mga nakalatag na programa sa pagbaka sa kahirapan ng bansa. At isa na diyan ang pagsugpo sa katiwalian, na alinsunod sa slogan ni PNoy na -- “kung walang korap, walang mahirap.”

Bukod sa paglutas sa kahirapan, nakatutok din ang pamahalaang Aquino na bigyan ng “maliwanag na daang matuwid” ang mga mamamayan sa lahat ng barangay sa bansa.

Pero hindi katulad ng nagdaang administrasyong Arroyo na ibinida noon na 95% ng mga barangay sa bansa ang may pailaw, nais ni Aquino na gawin ang programang ito nang walang ­bolahan, hindi lokohan.

Lumitaw kasi sa ginawang pag-aaral ng Department of ­Energy (DOE) na kahit isang sitio lamang ang nabigyan ng pailaw ng administrasyong Arroyo, isinasama na ito bilang para sa isang buong barangay.

Ang resulta: 30,000 sitio pa ang walang elektrisidad na naiwan sa pamahalaang Aquino. Gayunman, nais ni PNoy na mabigyan ng kuryente ang 90 porsyento ng lahat ng bahay sa Pilipinas pagdating ng 2017.

Ang pagpapailaw (gamit ang solar power) sa may 3,400 kabahayan sa 15 barangay sa malayong lugar ng Polilio Group of Islands sa pamamagitan ng “Project Heart and Soul” electrification project ng DOE at TeaM Energy Corporation -- ito’y katibayan na desidido ang pamahalaang Aquino sa layunin nito.

At sabi nga ni PNoy, ipapaalam niya sa publiko ang kanyang mga plano sa paglutas ng problema, ipapaliwanag kung papaano maaabot ang mga mithiin sa mga araw na darating o buwan. At kahit bumilang man ng taon, ang mahalaga, sasabihin niya ang totoo at walang mangyayaring bolahan.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, January 20, 2012


Dami pang trabaho!
REY MARFIL



Matindi ang pagsusumikap ng administrasyong Aquino para maakit ang mga banyagang mamumuhunan at magkaloob ng karagdagang trabaho sa mga Filipino.

Pinangunahan ni Pangulong Noynoy Aquino ang inagurasyon para sa karagdagang center ng outsourcing provider na ExlService Holdings Inc. sa SM Mall of Asia sa Pasay City.

Magbibigay ng karagdagang benepisyo ang pinalawak na operasyon ng ExlService sa pamamagitan ng trabaho, patunay lamang ng patuloy na paglakas sa kumpiyansa ng mga negos­yante na mamuhunan sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Malaking bagay rin ang plano ng international logistics group na Kuwait and Gulf Link na maglagak ng karagdagang $500 milyong pamumuhunan sa Pilipinas.

Tumawag mismo kay PNoy si KGL Group of Companies Chairman at Managing Director Saeed Dashti kasama si KGL Group Vice Chairman Marsha Lazareva at Investment Director Mark Williams para personal na ipabatid ang kanilang planong palawakin ang negosyo.

Ipinapakita lamang nito na talagang seryoso ang admi­nistrasyong Aquino sa kalagayan ng publiko sa usapin ng pagbibigay ng hanapbuhay.

Anyway, dapat tayong manindigan sa likod ng hakbang ng pamahalaan na papanagutin ang mga lokal na opisyal na posibleng nagpabaya sa kanilang tungkulin sa likod ng pinakabagong pagguho ng lupa na naganap sa Compostela Valley na kumitil sa buhay ng mahigit 30-katao.

Hayaan natin ang isang independent commission na magsagawa ng pagsisiyasat kung nagpabaya sa kanilang trabaho ang ilang mga lokal na opisyal para matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga kababayan sa mga lugar ng minahan.

Pansamantalang bubuuin ang grupo ng mga imbestigador ng mga tao mula sa Departments of Interior and Local Government (DILG), Environment and Natural Resources (DENR), Mines and Geosciences Bureau (MGB), Office of Civil Defense (OCD), chairman ng Committee on Environment ng Provincial Board at non-government organization (NGO).

Tama lamang at makatwiran na papanagutin ang mga nagpabaya sa kanilang mga trabaho na mistulang hinayaang mangyari ang trahedya.

***

Napag-usapan ang mga aksyon ng gobyerno, muling pinatunayan ng administrasyong Aquino ang paninindigan nitong magkaloob ng de-kalidad na serbisyong pangkalusugan para sa mga Filipino matapos ilunsad sa Tagum City, Davao del Norte ang nag-iisang cancer treatment center sa Mindanao.

Ang aksyon ng gobyerno’y suporta at tugon sa pangako ni PNoy na isulong at itaas ang kalidad ng serbisyong medikal para sa mga Filipino sa buong bansa. Senyales ang inagurasyon ng Nuclear and Radiotherapy Center sa Minda­nao Cancer Center, Davao Regional Hospital.

Noong nakaraang linggo, nagningning ang pag-asa sa mga taga-Apokon, Tagum City, partikular sa mga pasyenteng tinamaan ng kanser, lalung-lalo na ang mga hirap na hirap sa buhay para makakuha ng maayos na serbisyong kalusugan.

Inaasahang matutulungan ng makabagong mga kagamitang medikal ang tinatayang 200 libong residente na tinatamaan ng sakit na kanser kada taon.

Take note: Naglaan ang pamahalaan ng P40 bilyon ngayong taon para pondohan ang imprastraktura, kagamitan at kakayahan ng mga doktor sa pagkakaloob ng mas maayos na serbisyong pangkalusugan.

Kasama rin sa programang pangkalusugan ng administrasyong Aquino ang pagtaas sa pondo ng health insurance ng mga tao sa pamamagitan ng PhilHealth mula P3.5 bilyon noong 2011, ito’y itinaas sa P12 bilyon ngayong taon.

Makakatulong ang karagdagang pondo para sa pagkakaloob ng tulong medikal sa 5.2 milyong mahihirap na tinukoy sa pamamagitan ng National Household Targeting System.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, January 18, 2012


Laging handa!
REY MARFIL

Mapalad ang mga sundalo dahil sa matindi at ser­yosong paninindigan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na itaas ang kalidad ng kanilang mga buhay at gawing mo­derno ang mga kagamitan sa propesyon para sa mas maa­yos at epektibong serbisyo sa publiko.

Kinikilala at binabati rin ng Pangulo ang pagsusumikap at dedikasyon ng bawat sundalo sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa pagdepensa ng bansa sa kasarinlan nito.

Nakakatuwang nasa likod lagi at todo ang suporta ng pamahalaan sa pag-asenso ng mga sundalo katulad ng pagkakaloob ng mura at disenteng pabahay at pagpapaunlad ng mga kampo ng militar sa buong bansa.

Mula sa pagiging tiwaling institusyon, mabilis na nagkakaroon ng reporma sa Armed Forces of the Philippines (AFP) upang maitaas ang propesyunalismo sa institusyon bitbit ang matinding paninindigan na protektahan ang publiko at labanan ang katiwalian sa militar.

Hindi lang ‘yan, ginagawa ng administrasyong Aquino ang lahat para mabawasan ang epekto ng posibleng kakapusan sa suplay ng mga produktong petrolyo dahil sa pagkaipit ng suplay mula sa Iran matapos ang tensyon sa Strait of Hormuz.

Nakahanda ang pamahalaan sa contingency plans nito para maiwasan ang malaking perwisyo sa mga negosyo sa bansa at hindi opsyon sa ngayon ang pagrarasyon ng langis.

Sa katunayan, binubuhay na ng pamahalaan ang Pantawid Pasada Program (PPP) para pigilan ang negatibong epekto sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo dahil sa mga puwersang hindi kontrolado ng pamahalaan.

Naglaan ang Department of Energy (DOE) ng P200 mil­yon para mabawasan ang epekto sa pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo sa tulong ng PPP para sa sektor ng transportasyon na labis na nangangailangan ng tulong.

Nag-iisang daanan ang Strait of Hormuz ng mga barko na nagdadala ng mga produktong petrolyo mula sa mga bansa sa Arabian peninsula na nagluluwas ng langis sa buong mundo.

Kamakailan, itinaas ng Iran ang tensyon sa Estados Uni­dos (US) kaugnay sa karapatan na makadaan sa Strait of Hormuz na nagsilbing malaking banta sa maayos at mabilis na pagdaan ng mga barkong mayroong dalang langis.

***

Napag-usapan ang langis, kadugtong ang tubig kung saan nakakatuwang marinig na naghahanda na ang pamahalaan ng plano kung papaano sisimulan ang rehabilitas­yon at pagpapalakas ng Angat Dam sa gitna ng mga balitang makakaranas ang bansa ng kakapusan sa suplay ng tubig dahil sa nagbabagong panahon.

Ibig sabihin, kumikilos ang administrasyong Aquino bago pa man magkaroon ng kakapusan ng tubig sa Metro Manila at iba pang panig ng bansa.

Pinag-aaralan na ng kinauukulang mga ahensya, kabilang ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang mga panukala na gamitin ang ilang pinagmumulan ng tubig katulad ng Wawa River sa Marikina; Laiban Dam sa Tanay, Rizal; Sierra Madre at Laguna Lake dahil sa pangamba ng kakapusan, kasama ang kaligtasan ng publiko sa kalidad ng tubig at epekto sa presyo ng serbisyo.

Mapalad tayo sa pagkakaroon ng pamahalaan na mayroong magaling na diskarte sa mga desisyon sa pagharap ng mga suliranin kaya marapat lamang na suklian ito ng publiko sa pamamagitan ng pagpapatindi sa kampanya sa pagtitipid ng tubig.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, January 16, 2012



‘Di porket Mam, magaling!
REY MARFIL

It’s the economy, student! -- ito ang titulo ng isinulat ni ­dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na may pitik sa pamama­lakad ngayon ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III, ­kalakip ang paghahambing sa lagay ng ekonomiya ng dalawang administrasyon.

Si Mr. Arroyo’y naging guro ni PNoy sa economics. Kaya may tonong pa-lecture ang paninita sa lagay ngayon ng ekonomiya ng bansa at sa umano’y maling pamumulitika nito na naghahati sa bansa.

Ang katotohanan, mas nakakarami ang sasang-ayon kapag sinabi nating hindi lahat ng guro’y mahusay sa kanilang ­estudyante.

Kung tutuusin, maraming guro ang natutuwa kapag ang bata na kanilang tinurua’y lumabas na mas mahusay sa kanila ­paglipas ng panahon.

Ibig kasing sabihin, tumanim sa bata ang kanilang itinuro at ginawa nila ang kanilang home works.

Ngunit sa kalagayan ngayon ni Mrs. Arroyo na naka-hospital arrest sa ilalim ng gobyerno ng dati niyang estudyante, mauunawaan na natin siya kung hindi siya matuwa kay PNoy.

Dahil sa pagtupad ni PNoy sa kanyang pangako sa publiko na pananagutin ang mga nagkasala at inaakusahang nagpasasa sa yaman ng bayan, natural lang na may dapat makasuhan at makulong -- kahit pa ito’y dating tinatawag na Mam!

Sa isinulat ni Mrs. Arroyo, ilan sa nabigyan ng higit na pansin ay pagpuna sa pamamalakad ni PNoy sa larangan ng ekonomiya at pulitika subalit hindi napagtuunan ang anti-corruption drive kung saan unang nasampolan ito.

Ang “politics of division” ang kinakapital ni Mrs. ­Arroyo kaya’t bagsak ngayon ang ekonomiya ng bansa. Ikinum­para ni Mrs. Arroyo ang iniwang economic growth bago bu­maba sa puwesto noong June 2010 na nasa 7.9% kumpara sa mahi­git 3.2 % economic growth sa pagtatapos ng 2011 sa ilalim ng liderato ni Aquino.

***

Napag-usapan ang libro ni Mrs. Arroyo:

Ang tanong ni Uncle Douglas Diola ng Barangay III, Poblacion, Romblon, Romblon: Tama bang pagkumparahin ang dalawang administrasyon?

Si Mrs. Arroyo’y nasa puwesto sa loob ng mahigit 9 na taon, kumpara sa wala pang dalawang taon ni PNoy. Marahil, puwede pang pagbigyan ang pagkumpara ni Mrs. Arroyo kung ang paghahambingin nito’y ang huli niyang taon sa puwesto at gayundin kay PNoy.

Subalit sa 2016 pa magtatapos ang termino ni PNoy. Marahil, makagagawa lang si Mrs. Arroyo ng panibagong “econo­mic paper” sakaling magtatagal pa siya sa kostudiya ng awtoridad.

Kung may mabuti mang sigurong naibunga ang kanyang “pagkakapiit”, ito’y ang pagkakaroon niya ng panahon na makapagsulat.

Ngunit ang iba pang tanong, totoo bang maganda ang lagay ng ekonomiya noong panahon ni Mrs. Arroyo? Dahil kung ­talagang maganda, bakit bagsak ang credit ratings noon ng Pilipinas sa mga dayuhang nagpapautang?

Bakit mataas ang antas ng kahirapan at mga walang trabaho na kayang bumuhay ng pamilya? Bakit marami pa rin ang umalis ng bansa at maging OFWs? Bakit sobrang laki ng budget deficit? At higit sa lahat, bakit sadsad sa ilalim ang popula­ridad ni Mrs. Arroyo.

Siguro kung ang dami ng alegasyon ng katiwalian at paglulustay sa pondo ng bayan ang magiging sukatan ng mahusay na takbo ng ekonomiya, siguro nga’y totoo. Ngunit sino ang nakinabang sa naturang paglago ng ekonomiya?

Silang mga dapat ilagay sa likod ng rehas na bakal kahit pa sabihin na ang kam­panyang ito’y tawaging “politics of division”.

Sa pagpapairal ng “tuwid na daan”, dapat lang naman na magkaroon ng malinaw na paghahati sa kung ano ang mabuti at masama.

Walang dapat nasa gitna sa pagpapatupad ng tunay na reporma sa matinong pamamalakad sa pamahalaan na matagal na panahong hinintay ng bayan.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, January 13, 2012



Maraming good news!
REY MARFIL


Makatwirang suportahan ng publiko sa lahat ng pagkakataon ang kampanya ng pamahalaan para mapababa ang antas ng kahirapan sa bansa at mati­gil ang katiwalian.

Aminin o hindi ng mga kritiko, sampu ng mga hindi makapag-move on sa resulta ng 2010 national election, mga nag-aambisyon sa 2013 mid-term election at 2016 presidential election, mapalad tayo sa pagkakaroon ng administrasyong Aquino na determinadong maisaayos ang mga programang ito bilang prayoridad ng gobyerno ngayong 2012.

Katotohanan at hindi pantasya ang adhikain ni Pa­ngulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III na magkaroon ng parehas at masaganang buhay ang bawat Filipino subalit napakaimportante ang kooperasyon ng publiko para makamit ang kinakailangang mga reporma na ibinase sa matuwid na daan nito.

Mas maraming trabaho ngayong 2012 at bilang patunay, sisimulan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang implementasyon ng mga programag nagkakahalaga ng P125.5 bilyon.

Tumaas ng 13.5% ang P125.5 bilyon sa ilalim ng national budget kumpara sa 2011 na pondo na nagkakahalaga lamang ng P110.6 bilyon. Take note: Tututok sa pagpapataas ng kalidad at kaligtasan ng pambansang mga kalsada ang misyon ni Sec.Singson.

Sa 2012 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH), mapupunta ang P29.7 bilyon sa rehabilitasyon at pagmantine ng pambansang mga kalsada at tulay; P15.9 bilyon sa upgrading at pagsemento ng 809 kilometrong national roads; P38.5 bil­yon para sa konstruksyon ng 6,229 kilometrong bagong kalsada at 15,292 linear meters sa mga bagong tulay.

Malapit nang ipatupad ang programa dahil nai­sagawa ang “procurement activities” sa last quarter ng taong 2011. Higit sa lahat, ginawa rin ang maagang pagsubasta sa proyekto upang magamit ang magandang panahon para sa konstruksyon sa unang tatlong buwan ng taon.

Kabaliktaran sa atungal ng mga kritiko, lalo pang mabubuhay o sisigla ang ekonomiya ng bansa, base na rin sa malilikhang mga trabaho para sa mga Filipino.

***

Napag-usapan ang proyekto, asahang mas marami at aktibong negosyo sa Davao Oriental dahil sa natapos na dalawang farm-to-market road projects ng Department of Agrarian Reform (DAR) na nagkakaha­laga ng P8.5 milyon.

Good news sa mga magsasaka ng LACAMBITA o La Union, Cambaleon, Bitaogan, Talisay, isang agraryong komunidad sa San Isidro, Davao Oriental ang farm-to-market road. Malinaw na mapapataas ang kita ng mga magsasaka sa pamamagitan ng paglaki ng kanilang mga produksyon.

Mahalaga ang kampanya ng pamahalaan na isulong ang kaunlaran at pagpapayabong sa agrarian reform community (ARC).

Ibig sabihin, mas malaki at maganda ang oportunidad na naghihintay sa mga magsasaka sa kanilang transaksyon sa mga negos­yante matapos masemento ang dalawang farm-to-market roads na tinatawag na Junction National Highway hanggang Talisay road at ang Bangkok 1 to Purok Dahlia road.

Makikinabang ang tatlong libong benepisyunaryo ng repormang agraryo mula sa mga kalsada kung saan magiging mabilis ang pagpunta sa mga bukirin at magkakaroon din ng komportableng pagbiyahe ng mga produktong agrikultural at maging ng mga lamang-dagat.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, January 9, 2012




Kuwentas-Claras!
REY MARFIL

Inaasahang mapapadali ang pagpasa ng Freedom of Information (FOI) bill sa Kongreso na malaking tulong para magtuluy-tuloy ang transparency at accountability ng mga pinuno sa gobyerno kahit tapos na ang termino ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III.

Gaya ng kanyang pangako na irereporma ang pamamalakad sa gobyerno para maging maayos at malinis na pamamahala, nagbigay ng direktiba si PNoy na suportahan ang pagpasa ng FOI bill makaraan ang mga isinagawang pagrepaso sa mungkahi.

Sa pamamagitan ng naturang batas, mabibigyan ng karagdagang kapangyarihan ang publiko na makakuha ng impormasyon sa mga pinapasok na transaksyon ng gobyerno. Gayunman, nilag­yan ito ng limitasyon tungkol sa mga usapin ng national security at kung ang nakasalalay ay kapakanan ng higit na nakararami.

Ang pagsasabatas ng FOI bill ay magsisilbing magandang pamana ng Aquino government sa bayan dahil ilalatag nito ang mekanismo ng tuwid na daan. Ibig sabihin, kahit iba na ang nakaupong pangulo, mananatili ang bisa ng reporma maliban na lamang kung magiging malakas ang loob ng panibagong gobyerno at utusan muli ang Kongreso na magpasa ng panibagong batas para pawalang-bisa ang FOI.

Ang direktiba ni PNoy ay umani ng positibong reaksyon maging sa mga mambabatas na sumusuporta sa transparent government o gobyernong walang itinatago.

Katunayan, maaari na umanong isalang ang panukalang batas sa Pebrero.

***

Napag-usapan ang FOI at transparency, posibleng maantala ang pagpasa ng panukala dahil sa nakatakdang impeachment trial ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona sa Senado kung saan magiging judge ang mga senador at tatayong tagausig ang mga kongresista.

Si Corona ay inaakusahan ng mga kongresista na hindi transparent sa kanyang mga ari-arian at kinikilingan ang dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Dahil dito, 188 kongresista ang pumirma sa impeachment complaint para siya mapatalsik sa puwesto.

Bilang ikaapat sa pinakamataas na opisyal sa Pilipinas, si Corona ay dapat magsilbing magandang huwaran sa publiko na ipakita na wala siyang inililihim.

Hinamon ng mga mambabatas si Corona na ilantad ang kanyang statement of asset, liabilities and networth (SALN) para makita kung talagang mayroon siyang hidden wealth. Pinaratangan ang punong mahistrado na may mamahaling condo na hindi isinama sa kanyang SALN.

Pero sa kabila ng hamon, mas pinili ng kampo ni Corona na manahimik at sa impeachment trial na lamang daw nila sasagutin ang alegasyon. Sinayang na pagkakataon para patunayan na mali ang mga paratang sa kanya.

Kung malihim si Corona, hindi sina Associate Justices Antonio Carpio at Maria Lourdes Sereno. Kapuri-puri ang ginawa ng dalawang mahistrado na kasama ni Corona sa SC dahil boluntaryo silang nagpakita ng kanilang SALN matapos hilingin ng ilang grupo.

Kung walang itinatago ang isang opisyal gaya nina Carpio at Sereno, natural lang na wala silang dapat katakutan. Kung malinis ang kanilang hangarin na magsilbi sa mamamayan, ipakikita nila ito sa publiko at hindi maghahanap ng kung anu-anong dahilan.

Sabagay, sa unang araw pa lang ni Corona bilang punong mahistrado ay natatakan na ito ng pagdududa. Kontrobersyal at inaakusahan na may iregularidad ang paghirang sa kanya dahil ginawa ito ni Gng. Arroyo na umiiral ang “appointment ban” dahil patapos na ang kanyang termino.

At ngayon, pati si Gng. Arroyo ay naka-hospital arrest dahil nahaharap sa mga kaso ng umano’y katiwalaan. At ang naging mahigpit na kalaban noon ni Corona sa posisyon bilang chief justice, walang iba kundi si Carpio.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, January 6, 2012





Malinaw ang survey!
REY MARFIL

Tamang direksyon ang hakbang ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III na likhain ang inter-agency task force para gawing simple ang pagbabantay sa ulat kaugnay sa naging performance ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Gagawin ang reporma sa pamamagitan ng Administrative Order (AO) No. 25 na nilagdaan ng Pangulo nitong Disyembre 21 para linangin ang tinatawag na “unified and integrated” Results-Based Performance Management System (RBPMS) sa lahat ng mga tanggapan sa gobyerno.

Sinusuportahan nito ang pangako ng pamahalaan na mas ma­ging epektibo ang proseso at sistema sa mga pampublikong tanggapan at ang paninindigan ni PNoy na isulong ang transparency, accountability at paglahok ng publiko sa epektibong pamamahala.

Sa kasalukuyan, mayroong iba’t ibang pamamaraan ang mga ahensya ng pamahalaan sa pag-uulat at pagdetermina ng kanilang performance sa sangay ng Ehekutibo na nagreresulta sa hindi kailangang mga datos, magkakaibang porma ng ulat, naaantalang pagsusumite, hindi tamang resulta at palpak na ebalwasyon sa pagbabantay ng performance at pag-uulat nito.

Sa ngayon, gumagamit ang oversight agencies ng mga sumusunod na sistema sa National Economic and Development Authority (NEDA), Results Matrix (RM); Department of Budget and Management (DBM), Organizational Performance Indicators Framework (OPIF); Civil Service Commission, Strategic Performance Management System (SPMS); at Career Exe­cutive Service Board (CESB), Career Executive Service Performance Evaluation System (CESPES).

Sa tulong ng inter-agency task force, isang Common Set Performance Scorecard and Government Executive Information System ang lilinangin para matugunan ang suliranin sa kapalpa­kan at doble-dobleng proseso sa performance monitoring system.

Gagamitin ang bagong sistema sa pagdetermina kung karapat-dapat pagkalooban ang kawani ng pamahalaan ng performance-based allowances, insentibo o kompensasyon.

Sa ganitong paraan, mapapalakas ang mga pampublikong instistusyon upang muling maibalik ang tiwala ng publiko sa gobyerno. Nais lamang patunayan ni PNoy na mali ang naging malawakang desperadong pananaw ng publiko bago siya manungkulan na imposible ang reporma sa pamahalaan.

***

Anyway, hindi nakakagulat ang pananatili ng “very good” net satisfaction ratings ni PNoy sa pinakabagong Social Weather Stations (SWS) survey. Dahil sa patuloy na matinong pamamahala para makamit ang matuwid na daan alang-alang sa ka­lagayan ng mahihirap na mga Filipino, inaasahan na mamamantine ang mainit na suporta ng publiko sa kanyang gobyerno.

Isinagawa ang bagong survey ng SWS noong nakaraang Disyembre 3 hanggang 7 kung saan 71% ang satisfied at 13 % ang dissatisfied sa performance ni PNoy, malinaw ang +58 bilang net score -- ito’y napakataas kumpara sa mga dating nanilbihan sa palasyo.

Ipinapakita lamang sa resulta ng survey ang malaking suporta at hindi matatawarang tiwala ng publiko sa liderato ni PNoy at programa nito sa pagsugpo ng katiwalian at pagpapanagot sa mga nagkasala, as in tumaas ang pinakabagong rating ni PNoy ng dalawang puntos mula sa +56 noong Setyembre at 12 puntos mula sa “good” na +46 noong Hunyo.

Tumaas nang husto ang public satisfaction ratings ng Pa­ngulo sa Metro Manila kung saan umangat ito ng 13 points para magkaroon ng “very good” na +54 (70% satisfied at 16% dissatisfied) mula sa “good” na +41 (61% satisfied at 20% dissa­tisfied) kumpara sa nakalipas na quarter.

Pinakamataas ito sa buong bahagi ng Luzon sa antas na “very good” o +60 (72% satisfied at 14% dissatisfied). Napanatili ni PNoy ang “very good” score na +59 sa Visayas o pitong puntos na mataas kumpara sa naitalang +52 noong Setyembre.

Tumaas din ng bahagya ang puntos ng Pangulo sa Minda­nao mula +55 noong nakalipas na Setyembre tungong +56. Na­ging maganda rin ang satisfaction ratings ni PNoy na may ma­rkang “very good” sa urban at rural areas.

Nakakuha ang Pangulo ng +52 (68% satisfied at 16% dissatisfied) sa urban areas at +64 sa rural areas. Naitala rin ni PNoy ng “very good” ratings sa lahat ng socioeconomic classes: +61 (72% satisfied at 11% dissatisfied), 8% pag-angat sa ABC crowd kumpara noong Setyembre; +56 o umangat ng a­pat na puntos sa class E; at +58 (72% satisfied at 13% dissatisfied) sa class D o masa.

Sa mga kalalakihan, nakakuha si PNoy ng +59 (72% sa­tisfied at 13% dissatisfied) o pagtaas ng 5% habang nakapagtala siya ng +57 (70% satisfied at 13% dissatisfied) sa mga kababaihan.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.”(mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, January 4, 2012

May aksyon!
REY MARFIL

Sa nangyaring trahedya sa Mindanao, agarang ipinag-utos ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III ang pagpapalabas ng P150 milyon para sa pagkakabit ng 1,000 automatic water level sensors sa buong bansa upang matulungan ang mga nagtataya sa lagay ng panahon at mabantayan ang antas ng tubig sa mga ilog na dahilan ng pagbaha.

Gagamitin ang pondong pangangasiwaan ng Department of Science and Technology (DOST) para sa 1,000 automatic water level sensors na ilalagay sa 18 river basins. At naging mabilis din ang pagtugon ng administrasyong Aquino sa pagkakaloob ng ayuda sa mga biktima ng bagyong Sendong.

Naging abala rin ang gobyerno sa pagkakaloob ng karag­dagang teknolohiya upang mas maging epektibo at maa yos ang sistema sa pagtaya ng lagay sa panahon. Bahagi ang paglalagay ng automatic water level sensors ng aga rang pagtugon sa nangyaring pagbaha sa Visayas at Northern Mindanao.

Nakakalungkot lamang na malaman sa ulat ng DOST na apat na ilog lamang sa bansa ang nakabitan ng water level sensors sapul noong 1980s. Gagawing prayoridad ng pamahalaan ang paglalagay ng water sensors sa Cagayan de Oro River (dalawang sensors upstream, isang downstream), Iponan River, Cagayan de Oro-Iligan, Misamis Oriental (isang sensor), at Iligan City (isang sensor upstream at isang sensor downstream) na sisimulan sa 2012.

Siguradong mapapanatili ng programa ang kaligtasan ng mga Filipino at maiiwasan din ang pagkasira ng maraming mga ari-arian at perwisyo sa kapaligiran sa panahon ng na tural na mga kalamidad.

Sa huling bahagi ng taon, inilabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang P150 milyon para sa pagbili ng tatlong Doppler radars upang mapalakas ang pambansang pagtaya sa lagay ng panahon, mas eksaktong pagtataya at maagang babala sa pagbaha ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Ikakabit ang Doppler radars sa Antique, Palawan at Zamboanga Peninsula. Inaasahang makukumpleto ang tinatawag na real-time coverage ng pagtaya sa lagay ng panahon sa pagkakabit ng Doppler radars sa kanlurang bahagi ng bansa.

***

Anyway, nakakatuwang marinig ngayong Pasko ang magandang balita para sa 40,000 regular pensioners ng Philippine National Police (PNP) at Integrated National Police (INP) nitong nakalipas na Pasko.

Iniutos ni PNoy ang pagpapalabas ng karagdagang P1.125 bilyon para sa lumalaking halaga ng pensyon para sa retiradong mga pulis upang maging masaya ang kanilang pagdiriwang ng holidays.

Ipinapakita nito ang pagtalima ng administrasyong Aquino sa pangako na protektahan ang retiradong mga pulis sa pamamagitan ng pagtiyak na makukuha ng mga ito ang nararapat na benepisyo sa pagtatapos ng taon.

Bahagi ang karagdagang pondo ng adjustment sa pensyon ng mga retirado sa ilalim ng second tranche ng Salary Standardization Law III.

Gagamitin ang ipinalabas na P1.125 bilyon para tustusan ang balanseng P471.01 milyon mula sa kabuuang P12.95 bilyong budyet ng PNP para maabot ang P1.596 bilyon na pangangailangan sa pension adjustment sa second tranche.

Ilalabas din ang karagdagang P675.5 milyon para naman sa tinatawag na transferee at survivorship-beneficiaries sa panahong makuha na ng pamahalaan ang tamang impormasyon kaugnay sa kanilang estado.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, January 2, 2012

Kumpiyansa!
REY MARFIL

Sasalubungin ng mga Filipino ang 2012 na may pinakamataas na pag-asa, malinaw ang 95% na naniniwala rito, alinsunod sa isinagawang survey ng pinagkakatiwalaang Social Weather Station (SWS).

Ang mataas na pagtitiwala ng mga Pinoy sa mas magandang buhay sa 2012 -- ito’y magsisilbing malaking pagsubok din sa administrasyon ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III, nangangahulugan na kailangan pang paghusayin ng gobyerno ang trabaho para hindi mabigo ang umaasang mamamayan.

Mahalagang nasa likod ni PNoy ang tiwala ng mamamayan upang maisagawa nito ang mga kritikal na desis yon at kinakailangang programa. May mga desisyon na hindi popular sa publiko ang maaaring samantalahin ng mga kritiko para lamang manggulo.

Pero kung nasa likod ni PNoy ang tiwala ng mamamayan, makukuha pa rin ng Pangulo ang suporta ng publiko dahil batid nila na ito ang kailangan at walang ibang makikinabang kundi ang higit na nakararami.

Sa isang panayam kay PNoy, sinabi nitong isa sa pinakamalaking nagawa ng kanyang administrasyon ang baguhin ang pananaw ng mga mamamayan. Kung dati’y iniisip ng mga Filipino na wala ng pag-asang magbago ang bulok na sistema ng gobyerno, ngayo’y iba na!

***

Napag-usapan ang reporma, sa unang araw pa lang ni PNoy sa Malacañang, itinakda niya ang malinaw na patakaran na buburahin niya ang masamang imahe na iniwan ng nakaraang administrasyon -- ang malawakang katiwalian.

Kasabay ang pagbuhay sa pag-asa ng mga Pinoy, nabuhay rin ang diwa na magkaroon ng pagmamalasakit sa kapwa. Nang maganap ang kalamidad sa ilang bahagi ng Mindanao, bumuhos ang tulong ng ating mga kababayan.

Hindi biro ang ipinagkatiwala ng mamamayan ang kanilang pinansyal na tulong sa iba’t ibang pribadong organisasyon at maging sa gobyerno. Ibig sabihin, kampante ang mamamayan, mahirap man o mayaman na makarara ting sa mga nangangailangan ang tulong na kanilang ibibigay.

Ang pagbabagong ito’y kabaliktaran sa nagdaang panahon kung saan nagdadalawang isip ang mamamayan na magbibigay ng tulong sa mga biktima ng kala midad dahil sa pangambang ibulsa lang ito ng ilang tiwaling nasa gobyerno.

At bukod sa nanumbalik ang pagmamalasakit natin sa kapwa, sabi nga ni PNoy, nagbalik ang dangal natin sa sarili at taas noo natin itong maipagmamalaki. Nagbalik ang kumpiyansa nating mga karaniwang mamamayan na may magagawa tayo para sa ikauunlad ng ating bayan.

Hindi lamang sa ating mga Filipino nagbalik ang ating kumpiyansa at tiwala, maging ang mga dayuha’y kampante na rin sa kakayanan ng ating gobyerno na gamitin ng tama ang pera na kanilang ipahihiram.

Isang patotoo ang aksyon ng World Bank (WB) -- ito’y magpapalabas ng $500 million loan o P22 bilyon para tulungan ang gobyerno na maibangon ang mga lugar na sinalanta ng bagyong Sendong.

Kasabay nito’y ang direktiba ni PNoy na magpalabas din ng mahigit P1 bilyon pondo para naman ipambili ng mga kailangang kagamitan para higit na matutukan ang mga tatamang bagyo sa bansa.

Marahil kung ibang gobyerno ito, marami sa atin ang mangangamba at mag-iisip na kukurakutin lamang ang pe rang gagamitin sa rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta ni Sendong.

Pero dahil sa ito’y panahon ni Pangulong Noynoy, kampante tayo at nagtitiwala na nasa mabuting kamay ang pondo at gagamitin ito sa tama.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)