Friday, December 23, 2011

Utak giveaways at raffle!
REY MARFIL

Walang pinagkaiba sa isang punong hitik sa bunga ang kalagayan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na dahil sa pagkadesperado ng mga kritiko, ito’y pilit sinisilipan o hinahanapan ng butas at pagkakamali ang makatotohanang pangyayari.

Isang patunay ang pagdalo ng PNoy sa Christmas party ng Presidential Security Group (PSG), aba’y inaakusahang nagpapasarap gayong tinamaan ng delubyo ang ilang bahagi ng Minda­nao partikular ang Cagayan de Oro at Iligan City at Dumaguete.

Isang pagtitipon sa mismong bakuran ng Palasyo ang dinaluhan ni PNoy -- isang napakahalagang araw sa hanay ng mga kawal at kanilang mga pamilyang nagbibigay ng 24-oras na seguridad sa Pangulo. Take note: Malayo sa kanilang mga pamil­ya ang sundalo at minsan lamang sa isang taon ang pagtitipon.

Ang tanong ng mga kurimaw, isa bang malaking pagkakamali ang tapunan ng kaunting oras ni PNoy ang mga tauhang nagbibigay ng proteksyon at seguridad, maliban kung sad­yang ‘utak talangka’ ang mga nagpalaki ng isyu.

Hindi isyu ang pag-tweet ni Valerie Concepcion sa PSG Christmas party dahil isang paghanga kay PNoy ang mensaheng nai-post. Ang masama, ito’y kinasangkapan ng mga kritiko para intrigahin si PNoy dahil walang makitang dumi sa administrasyon at isa ring biktima ng maduming laro sa pulitika ang pag-appreciate ng actress sa pagiging cool ni PNoy, katulad sa sinapit ng Pangulo.

Kesa sayangin ng mga kritiko ang kanilang oras sa maghapong pagtu-tweeter at facebook upang batikusin si PNoy, bakit hindi gawing makabuluhan ang buhay -- ilaan ang panahon sa pagtulong at i-donate sa mga nasalanta ng bagyong Sendong ang pinanggastos sa pagtambay ng coffee shop at ipinambili ng internet card.

Hindi big deal sa pagpapaunlak ni PNoy sa mga PSG na makasama sa kanilang pagtitipon, katulad din ng mga ‘nagmamalinis’ at ilang maiingay na sektor na walang inatupag kundi lumikha ng mga pagbatikos gayong kaliwa’t kanan din ang pagdalo sa mga Christmas party at ibang pang kasiyahang inihanda ngayong Pasko, mapainuman o raffle.

Sa pananaw ng karamihan, pilit pinapalaki ng mga kritiko ni PNoy ang maliit na pagtitipon ng PSG, isang malinaw kung paano ipinapamalas ang desperadong paggalaw upang sirain ang Pangulo lalo pa’t hindi matibag ang mataas na popu­laridad nito.

***

Napag-usapan ang mga kritiko, aminin o hindi, gigil ang mga kalaban ni PNoy dahil patuloy ang pag-ani ng malaking tiwala ng taumbayan, patunay ang pinakahuling resulta ng Pulse Asia Survey kung saan naitala sa 72% ng mga Pinoy ang saludo sa performance ng Pangulo.

Ang trust rating naman ni PNoy, ito’y pumalo sa 74% kaya’t hindi maitatangging ‘hilahod’ sa pag-iisip ng mga demolition o black propaganda ang mga kritiko, malinaw ang pagpatol sa napakawalang-kuwentang isyu, gamit ang mga tweeter at facebook o social media para ipintang walang ginagawa ang Pangulo.

Ang napakapositibong resulta sa panig ni PNoy, ito’y epek­to ng puspusang kampanya ng kanyang liderato na tuldukan na ang korapsyon at ipursige ang pagsulong ng bansa, gayundin ang pagkakaloob ng pangunahing pangangailangan ng publiko na nagbibigay ng inspirasyon para ipatupad nang mabilisan ang inaasam na reporma para sa ating lipunan -- ito ang hindi matanggap ng mga kritiko.

Bakit ang pagkansela ni PNoy sa Christmas party ng mga gabinete’y hindi nababanggit o napag-uusapan man lang ga­yong ginawa ng Pangulo ang desisyon bago pa man ang Christmas party ng PSG, as in umaga pa lamang ng Linggo. Ang tanong ng mga kurimaw: ito ba’y naisulat sa blog ng mga nagmamarunong o nai-text blast man lamang para mabasa ng mga followers nito?

Bakit ang minu-minutong paghingi ng update ni PNoy sa mga opisyal ng gobyerno na nakababad sa Cagayan de Oro, Dumaguete at Iligan City gayundin ang pagbibigay ng direktiba sa mga ahensya at departamento ng gobyerno kagaya ng pagbibigay ng lahat ng pangangailangan ng mga nabiktima ni Sendong, ito’y hindi napapansin o inilagay sa tweete­r at facebook.

Sabagay, walang magagawa si PNoy sa may ganitong klaseng mentalidad, basta ang mahalaga’y kinakaya ng Pangulong tugunan ang pangangailangan ng mga nagluklok sa kanya sa poder.

Teka lang, naitanong ba sa sarili ng mga blogger na nagkomento sa tweet ni Valerie Concepcion kung sila’y nagdasal para sa mga biktima ni Sendong bago naki-party ngayong Pasko? Sa malamang, puro raffle at giveaways ang laman ng utak ng mga ito.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, December 19, 2011

‘Di napapansin!
REY MARFIL
Sa kabila ng ingay na dulot ng banggaan sa pulitika, tahimik at tila walang nakapapansin sa mga positibong balita, katulad ng patuloy na pagdami ng mga may trabaho sa taong 2011.

Sa data ng National Statistical Coordinating Board (NSCB), nasa 6.3% na lamang ang unemployment rate sa bansa -- pinakamababa sa nakalipas na apat na taon, ito’y nangyari sa loob lamang ng wala pang dalawang taon ng administrasyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino.

Simula Enero 2011, naitala ang pababang marka ng mga walang trabaho -- mula sa 7.4% nitong Enero, na­tapyasan ang bilang ng mga walang trabaho o tambay sa kanto, patunay ang pagbaba sa 7.2% nitong Abril, at nabawasan pa ng nakaraang Hulyo, malinaw ang naitalang 7.1%.

Kung tutuusin, ang pagbaba sa bilang ng mga walang trabaho at pagdami ng mga may trabaho -- ito’y nangyari sa panahong ‘nagpuputak’ ang mga kritiko at inaakusahan ang administrasyong Aquino ng maling taktika sa pamamahala sa ekonomiya bunga ng ginawang pagtitipid sa paggastos ng pondo.

Kaya naman isipin na lamang ang resulta kung gumastos nang todo sa mga proyektong pang-imprastraktura ang gobyerno, marahil mas mababa pa sa 6.3% ang naging unemployment rate ng bansa -- ito’y patunay na mali ang mga kritisismo ng oposisyon na puro pulitika at paghahabol sa nakaraang administrasyong Arroyo ang ginagawa ng pamahalaang Aquino at napapabayaan ang ekonomiya ng bansa.

***

Napag-usapan ang pagtitipid sa paggastos ng pondo -- ito’y kinailangang gawin ni PNoy habang inilalatag ang mga mekanismo para matiyak na maayo­s at walang ‘tongpats’ ang mga proyektong ipatutupad ng gobyerno.

Sa lalim ng ugat ng katiwaliang inaakusang naibao­n ng nakaraang gobyerno sa mga ahensiya ng pamahalaan, kailangan lamang na tiyakin ng bagong liderato na magagamit nang tama ang buwis na binabayaran ng mga tao at hindi sa bulsa ng mga tiwaling pinuno mapupunta.

At dahil nakaayos na ang mekanismo, asahan ang pag-usad ng programa ng pamahalaan na inaasahang lilikha ng mga trabaho -- ang Private-Public Partnership Program (PPP).

Katunayan, nai-award sa nanalong bidder ang kontrata sa paggawa at pagmantine sa 4-kilometer Daang Hari-South Luzon Expressway (SLEX) Link Road -- ito’y napanalunan ng Ayala Corporation.

Ang Daang Hari-South Luzon Expressway (SLEX) Link Road, isa lamang sa napakaraming proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan sa ilalim ng PPP na magkakaloob ng napakaraming trabaho, hindi lamang sa kalunsuran kundi maging sa kanayunan.

Kaya naman may basehan ang resulta ng pinakahu­ling Pulse Asia survey kung saan 88% ng mga tinanong na Pinoy ang nasabing sasalubungin nila ang 2012 na mataas ang pag-asa.

Mismong si PNoy ang nagsabi nang pirmahan ang 2012 budget, na humihina ang ekonomiya ng mundo, kaya naman hindi tayo dapat umasa sa ekonomiya ng ibang bansa, sa halip ay kailangang palakasin at pasiglahin ang ekonomiya natin sa Pilipinas.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, December 16, 2011

Now na!
REY MARFIL


Ipinasa ng Kongreso ang impeachment complaint laban kay Supreme Court Justice Renato Corona, sa bisa ng 188 lagda o 2/3 -- ito’y ‘di hamak na malayung-malayo sa 1/3 lang na kakailanganing numero para ma-impeach ang isang opisyal ng gobyerno.

Nasa Upper House ang bola bilang impeachment court at magbababa ng hatol kay Corona. Ganito rin ang pangyayari kay dating Pangulong Joseph Estrada, ang kaibahan lamang, maagang umaapaw ang numero mula sa Kamara.

Dapat maunawaan ng publiko, sampu ng mga nakaupo rito -- sila ang kinatawan na nagsisilbing boses ng kanilang mga constituents o nirerepresentang sektor. Ang pag-apaw ng suporta sa Kamara para mailarga ang impeachment complaint laban kay CJ Corona -- ito’y patotoo sa suporta ng publiko sa pamahalaang Aquino na masidhi ang kagustuhang lipulin ang mga tiwali sa gobyerno at makamit na ang hustisya laban sa mga nagsamantala sa tiwalang ibinigay ng sambayanan.

Ang suhestyon ni Mang Gusting, kung meron delicadeza, mas makakabuting magbitiw ngayon si Corona kesa hintaying gumulong ang impeach sa Upper House upang maisal­ba ang imahe ng Korte Suprema at buong hudikatura na tuluyan nang sinira ang integridad at kredibilidad.

Aminin o hindi ni Corona, namamayani ang impresyong hindi nakakamit ng taumbayan ang hinahanap na patas na proseso ng hustisya laban kay Mrs. Arroyo hangga’t nasa poder si CJ Corona lalo pa’t nagsilbing chief of staff at napakahaba ng kanilang pagsasama bilang mag-amo. Take note: iniluklok ni Mrs. Arroyo si Corona sa panahong nalalapit ang pag-upo ng bagong Pangulo.

Ika nga ng mga kurimaw, kung may natitira pang pagmamahal sa bayan si CJ Corona at maginoo, katulad ng kanyang ipinangalandakan sa harap ng mga court employees na nagmartsa sa harapan ng Supreme Court, gawin mo ang nararapat na hakbang na magpapabalik sa tiwala ng publiko sa SC -- ito’y sa pamamagitan ng pagbibitiw sa tungkulin.

Mawawalan lamang ng saysay ang pakikipaglaban sa independensya ng hudikatura kung kumakalas ang pagtitiwala ng sambayanan o mayorya na siyang dinaranas ngayon ng SC mula sa publiko.

Sana’y tuldukan ni Corona ang tensyong ito upang tuluy-tuloy nating maramdaman ang pagbabagong inasam natin, mula nang iluklok si PNoy na naging matapang sa pagpuna sa hindi patas na sistemang ipinaiiral ng SC dahil sa pananatili sa posisyon ng mga kadikit ni Mrs. Arroyo.

***

Napag-usapan si Corona, hindi dapat maging balat-sibuyas ang mga kasapi ng Supreme Court (SC) sa pagpuna at batikos lalo pa’t hindi naman inihalal ng bayan kundi itinalaga lamang sa posisyon.

Dapat manatili ang pananagutan ng mga pampublikong opisyal sa kanilang mga aksiyon sa lahat ng pagkakataon at hindi itratong “sacred cows” ang mga miyembro ng SC bilang bahagi ng “check and balance” sa gobyerno alinsunod sa kampanya kontra katiwalian ni PNoy.

Ipinahahayag lamang ni PNoy ang kanyang opinyon bilang bahagi ng pribilehiyo ng Ehekutibo at imposibleng walang basehan ang pagkuwestiyon ng Pangulo sa hindi pagiging parehas ni Corona sa mga desisyon sa mga kasong kinasasangkutan ni Mrs. Arroyo.

Kahit pagbabaliktarin ni Corona ang angulo, ito’y “midnight appointee” sa tingin ng nakakarami at nakakaduda ang kanilang malapit na relasyon ni Mrs. Arroyo lalo’t minsang naging spokesman ng dating pangulo. Bahagi ng karapatan ng Pangulo ang batikusin nang todo-todo ang Chief Justice lalo’t nakikita ang basehan.

Hindi naman sinasagasaan ng pagbatikos ang co-equal branch ng pamahalaan. Ika nga sa English “give and take” ang kailangan para maging buhay at kapaki-pakinabang ang demokrasya.

Wala dapat pinoprotektahan o sacred cows. Ba­hagi ng lehitimong katanungan ng publiko ang inihirit ni PNoy.

Itinatanong din ng ordinaryong tao at maging ng aking sarili ang mga ibinato ni Pangulong Aquino. Sa tingin mo ba hindi? Importanteng manatili ang pagiging independence ng SC.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, December 14, 2011

Tiwala!
REY MARFIL


Boto ng malaking tiwala sa liderato ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino ang mabilis na ratipikasyon sa P1.816-trilyong General Appropriations Bill (GAB).

Malaking tagumpay ng pamahalaan ang overwhel­ming vote sa agarang pagpasa ng pambansang badyet na nakabase sa pagtulong sa pangangailangan ng mga mahihirap.

Talagang layunin ni PNoy na agarang matulungan ang mga sektor na labis na nangangailangan ng ayuda ng pamahalaan at paglaban sa katiwalian kaya naman naging mabilis ang pagkilos dito ng kanyang gobyerno.

Dahil sa agarang paglusot ng pambansang bad­yet sa susunod na taon, matitiyak natin ang agarang implementas­yon ng pangunahing mga programa at proyekto ng pamahalaan.

***

Sa pagkaka-impeached ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona, sa pamamagitan ng botong 188 sa Lower House, nais kaladkarin pababa ang usapan, as in Constitutional Crisis ang prediksyon at pananakot ng iilan.

Sa mga mulat at masusing nagmamasid sa mga pangyayari ng nakalipas na linggo, hindi tunggalian sa pagitan ng Palasyo at Korte Suprema ang labanan -- ito’y simpleng pagbabalik sa taumbayan ng kanilang karapatang itakda ang uri ng pamumuno sa bansa.

Ibinabalik lamang ni PNoy sa taong bayan ang karapatang matagal nang nabura sa isipan matapos mamayagpag sa pamahalaan ang sistemang nasa kamay ng iilang makapangyarihang nilalang ang resulta ng halalan kung saan ha­yagang nilapastangan ng mga ito ang sagradong karapatan ng mamamayang pumili ng kanilang nais mamuno sa bansa.

Ngunit kung susundan natin ang kanilang argumento, wala rin talaga sa tamang wisyo ang naglikha ng mga ito. SC vs Pangulong Noy ba kamo? Sino ba ang nagtalaga sa Pangulo kundi ang mayorya ng higit 80 milyong Pilipino? Hindi ba’t, bilang isang Kristiyanong bansa, noon pa natin sinusundan ang argumentong vox populi, vox dei?

Sino ba ang nagtalaga sa 12 sa 15 na kapita-pitaganang mahistrado ng Korte Suprema kundi iisang tao -- ang da­ting pangulo? -- ito’y si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na “nagreyna” sa loob ng siyam na tao­n kung saan anim na taong termino ang kuwestyunable dahil sa alegasyong pandaraya noong 2004 election.

Ang nakasampang alegasyong minanipula ni Mrs. Arroyo ang resulta ng halalan noong 2007 senatorial elections upang panalunin ang “12-0” sa Maguindanao ang mga manok nito. Kung papayagang kumaripas palayo si Mrs. Arroyo, sino ang mananagot sa hablang ito?

Kung ito ang kaparaanang pilit nilang paghariin sa Pilipinas, kung trip lang ng iisang tao ang magtatakda sa kinabukasan ng bansa, saan na lang tayo pupulutin nito?

Anyway, si Arroyo ay hindi si Erap. Paglakarin natin ang dalawa, saanmang kalyeng matao at maghintay tayo sa dulo nito. Tingnan natin kung sino ang lalabas na duguan.

Hindi pa nga ganun, tingnan natin kung sino sa da­lawa ang makakalabas nang buhay. Ang isa’y lehiyon ang suporta mula sa masa, ang isa nama’y me­ron akusasyong pera ang ipinantatapat sa masa, ito’y wala pa ring matanggap na suporta!

Bagama’t ginamit nila lahat ng instrumento, paraan, pera at makinarya ng pamahalaan na nasa kanilang kontrol upang mangalap ng simpatiya at suporta, mabilis na dumausdos ang popularidad hanggang sumagad sa negative 60 nang ito’y umalis sa MalacaƱang. Ma­ging mga kababayan nito sa Pampanga’y hindi makuhang sumuporta. Iyan ang malaking pagkakaiba.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, December 12, 2011

Kailangang bunutin!
REY MARFIL


Labing-pitong buwan mula nang maluklok sa MalacaƱang, nakabuwelo si Pangulong Noynoy Aquino at nailatag ang mga kinakailangang reporma para umarangkada ang ekonomiya ng bansa simula sa 2012.

Tulad sa pagtatanim ng mga bagong halaman, hindi basta-basta mabubuhay ang ilalagay na mga binhi o punla kung may mga damo na dating nakatanim sa lupa. Kailangang alisin ang damo at bunutin ang ugat nito para mabuhay nang maayos ang bagong halaman na itatanim.

Sa nakalipas na mga buwan, ganito ang ginawa ng admi­nistrasyong Aquino, binunot ang masasamang damo na naiwan ng nakaraang administrasyong Arroyo, at nilinis ang sinasabing sistema ng katiwalian hanggang sa pinakailalim para matiyak na matatanggal pati ang nakakapit na ugat.

Ibig sabihin, inilatag muna ang mga kinakailangang reporma sa pamamahala sa iba’t ibang ahensiya, partikular sa mga mahahalagang departamento na nagpapatupad ng mga proyektong makatutulong sa paglago ng ekonomiya ng bansa.

Take note: sa mga unang buwan ni PNoy sa Palasyo, nadiskubre ang samu’t saring kuwestiyunableng transaksyon na pinasok umano ng Arroyo government na naging dahilan ng paglobo ng budget deficit ng bansa at pagkabaon sa utang.

Isa na rito ang bilyun-bilyong pisong halaga na ginastos sa pag-angkat ng bigas ng Arroyo government kung saan nadiskubre ng bagong pamunuan ng National Food Autho­rity (NFA) sa ilalim ng PNoy government na marami sa mga inangkat na bigas ang nabubulok lamang sa mga warehouse.

***

Napag-usapan ang pagbubunot ng damo, malaking pera ang nasayang sa pag-angkat ng mga bigas, napabayaan o sad­yang pinabayaan ng nagdaang pamahalaan ang mga lokal na magsasaka kaya naging dependent sa imported rice ang bansa, maliban kung nagka-amnesia ang publiko sa isyu ng “fertilize­r fund scam” na nangyari rin sa ilalim ng Arroyo government?

Ang usapin ng rice importation ay isa lamang sa mga problemang iniwan ng dating administrasyon na kinaila­ngang hanapan ng solusyon ng kasalukuyang gobyerno. Kailangang takpan ang butas na ginawa ng dating liderato na nagpatagas sa malaking gastusin upang makakilos muli nang maayos ang mga kinauukulang ahensiya na nakatoka rito gaya ng NFA at Department of Agriculture (DA).

At pagkaraan nga ng 17-buwan, inaasahan ng PNoy go­vernment na babalik sa normal ang lokal na produksiyon ng palay at kakayanin na ng mga magsasakang Pinoy na paka­inin ang kanyang mga kababayan sa pinakamaagang pagsapit ng 2012 o kaya’y pagsapit ng 2013.

Ang resulta nito, hindi na natin kakailanganin na gumastos muli ng bilyun-bilyong halaga sa pag-import ng bigas at hindi na rin mapapabayaan ang ating mga kababayang magsasaka. Kung magpapatuloy ang mahusay na produksiyon ng palay, at maging self sufficient ang Pilipinas, at matitiyak na ang food security ng bansa, malay natin, mangyari sa ilalim ng PNoy government na muli tayong magbebenta ng bigas sa ibang bansa.

Pero maliban sa usapin ng seguridad ng pagkain, inaasa­hang sisigla ang ekonomiya sa 2012 dahil maipatutupad ang iba’t ibang infra project ng gobyerno sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) program na makalilikha ng napakaraming trabaho. Kinailangan ding rendahan ang pagpapatupad ng programa para mailatag ang mga mekanismo na titiyak na magiging patas at maayos ang paggamit ng pondo na naaayos sa kampanya ng pamahalaang Aquino para sa “tuwid na daan”.

Madaling mambatikos at mag-akusa ang mga kaalyado ng nakaraang administrasyon na naging mabagal ang paglago ng ekonomiya ng bansa, pero kung makikita naman sa mga susunod na taon ang magandang bunga ng mga inilatag na reporma ng kasalukuyang gobyerno, tiyak na nasa likod pa rin ni PNoy ang suporta at tiwala ng mamamayang Pilipino, patunay ang napakataas na approval at trust rating ng Pangulo, alinsunod sa huling Pulse Asia survey.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, December 9, 2011

May nauna!
REY MARFIL

January 27, 2010 ang petsa at State of the Union Address ang okasyon -- ito ang kauna-unahang pagkakataon na harap-harapang sinalubong ng kritisismo ng isang Pangulo ng bansa ang mga kagalang-galang na mahistrado ng Kataas-taasan­g Hukuman -- si Barack Obama ng Amerika laban sa Chief Justice ng US Supreme Court.

Binira ni Obama ang SC ng America dahil sa desisyon nitong payagang buksan sa dayuhang mamumuhunan ang donasyon sa mga partidong pampulitika sa panahon ng halalan. Isandaang (100) taon ang nakalipas matapos itakda ng batas ng Estados Unidos ang pagbabawal sa mga dayuhang kompanya na impluwensyahan ang resulta ng halalan sa nasa­bing bansa hanggang ito’y baliktarin ng nasabing hukuman.

Nitong Disyembre 5, 2011, sa okasyon ng kauna-una­hang Criminal Justice Summit na binuo upang pag-aralan ang mga hakbang upang mapabuti ang sistema ng kataru­ngan sa bansa, muling sinuong ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang pambihirang pagkakataong ipamukha sa bayan ang kasaliwaan ng mga desisyong ibinababa ng Korte Suprema sa loob ng kanyang panunungkulan.

Mula sa pagbasura ng SC sa probisyon ng Saligang Batas na nagtatakda ng dami ng populasyon bilang rekisito sa pagbuo ng isang Congressional District (Camarines Sur) na naging daan upang umupo bilang kinatawan ang anak ni Mrs. Arroyo (Cong. Dato) hanggang sa pagtalikod ng hukuman sa nauna nitong desisyong itakda ang mga alituntunin ng ibinabang TRO sa watchlist order ng Department of Justice (DOJ) laban sa pagkaripas palayo sa saklaw ng batas ng da­ting Pangulo, patuloy na humahaba ang listahan ng mga desisyong batbat ng katapatan, hindi sa sinumpaang tungkulin o Saligang Batas, kundi sa taong isiniksik sila sa kasalukuyang puwesto sa Korte Suprema -- ito ang reklamo ni PNoy.

Wasak ang relasyon ng kasalukuyang Pangulo at Chief Justice na pinaupong-pilit ni Mrs. Arroyo. Hindi maitatangging maasim pa sa kamias ang turing ni PNoy kay Chief Justice Renato Corona.

Ang sama ng turingang ito’y hindi lamang kapritso ng Pangulo, hindi rin puwedeng sabihing wala itong basehan.

Ang sabi ng mga pantas, hindi kailanman pumapalag ang Pangulo sa mga ibinababang hatol ng Kataas­taasang Hukuman, mula pa noong panahon ni Tita Cory sa panguluhan, kahit na ang mga ito’y sumasalubong sa ninanais ng mga nakaupong liderato.

Totoo marahil ito sa ating bansa. Ngunit sa pangunang imbukada natin, sadyang napatunayang hindi lamang si PNoy ang tahasang pumalag sa mistulang kalabisan sa natatanging karapatang iniatang ng batas, animo’y nagsisimu­lang sumaliwa sa batayan ng tama.

Hindi lamang si PNoy ang unang pumalag sa mga ito ng hayagan at harap-harapan. Hindi pinagbabawalan ng precedence o maging ng Saligang Batas ang Pangulo upang kwestyunin ang kanilang mga ibi­nababang kapasyahan.

Utang na loob ang isyu, sino ang may kinauutangan at kanino?

Ang usapin ay ukol sa delicadeza na siyang isa sa mga katangiang hanggang ngayo’y hinahanap pa rin ng ba­yan sa mga nakaupo sa institusyong dapat ay nangunguna -- ito’y usapin ng batas at katwiran ng pananagutan, ng katotohanan at katapatan sa Saligang Batas.

Ang ehekutibo’y hindi lamang sundalong tagapagpatupad ng mga itinakdang hatol ng hukuman. Hindi ito isang utusang dapat ay sunud-sunuran lamang sa wisyo ng iilang pantas sa hudikatura.

Ang ehekutibong pinangungunahan ng Pangulo’y isang kapantay o kaparehong sangay ng pamahalaan sa mata ng Saligang Batas.

Bagama’t totoong inaasahan ang kooperasyon at pakiki­pagtulungan, hindi kailanman itinakdang maging tagasang-ayon lamang o tagasunod ng hukuman ang nasa katungkulan sa ehekutibong sangay ng pamahalaan.

Hindi rin naka­lupalop sa hukuman ang lubos na kapangyarihang pamunuan o pangunahan ang mga kapantay nitong sangay -- ang ehekutibo man o kahit ang lehislatura.

Ang ginawa ni PNoy sa Manila Hotel noong Lunes sa gitna ng mga kalahok sa kauna-unahang Criminal Justice Summit ay hindi pagmamalabis o paglabag sa takda ng kaugalian maging ng batas, bagkus ito’y pagpapakita ng katapatan o sinseridad na itulak ang adyenda ng mamamayan sa loob ng kanyang katungkulan -- ito rin ay nagsisilbing matibay na patotoo sa kakayahang isulong ang malawakang reporma sa pamahalaan maging sa mga ahensyang dapat ay pangunang halimbawa ng integridad at kalinisan sa panunungkulan.

Maitanong ko lang: Kung ibabaling ninyo ang atensyon sa punong mahistrado, ang kanyang gawi sa publiko ba’y statesmanship, o pawang kamanhiran sa malawakang panawagan sa pagbabago?

Ito ba’y pagiging simbolo ng kalayaan sa impluwensya ninuman o sadyang kakapalang dala ng katapatan, hindi sa Saligang Batas kundi, sa taong napag-utusan lamang ng katungkulang sila’y ihirang?

Maitanong ko rin, sino ba sa tingin ninyo sa mga kasalukuyang institusyon ng pamahalaan ang hanggang sa ngayo’y puno ng mga nalalabing galamay ng panggigipit ng dating pamunuan?

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, December 7, 2011

Suspense thriller!
REY MARFIL

Kung hihimayin ang bawat eksena, napakasuwerte ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo nang ibigay ni Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 112 Judge Jesus Mupas ang kautusang ilipat sa Veterans Memorial Me­dical Center (VMMC) sa Quezon City mula St. Luke’s Me­dical Center sa Taguig City sa halip na dalhin sa pangkaraniwang kulungan kung saan nakakulong ang ordinaryong mga kriminal na akusado sa iba’t ibang krimen.

Kung mga kurimaw ang tatanungin, iuutos ko muna ang masusing pagtaya sa kalusugan ni Mrs. Arroyo para malaman ang kondisyon at masuri kung talagang dapat sa VMMC ikulong matapos maharap sa kasong pananabotahe sa halalan.

Kung ibinase lamang ang desisyon sa testimonya ng personal na doktor ni Mrs. Arroyo na dumaranas ng colitis at diarrhea, dapat bigyan din ng katulad na konsiderasyon ang libu-libong ordinaryong mga bilanggo.

Ngunit hindi lang nagdudumilat ang katotohanan na hindi nakakatikim ng ganitong pribilehiyo ang maraming bilanggo. Nananatili silang nakakulong sa pangkaraniwang bilangguan sa kabila ng kanilang mas malalang kalagayan.

Isang halimbawa ang kaso ng bilanggong pulitikal na si Crisanto Fat na isang ordinaryong magsasaka sa Negros na namatay sa atake sa puso habang nakapiit at hindi man lamang napagbigyan ang kanyang kahilingang makapagpagamot.

Habang ipinapatupad ng korte sa Pasay ang hustisya kung saan talagang mabagsik at malupit ang batas, hindi natin maitatago ang katotohanang iba ang pagtrato kay Mrs. Arroyo.

Sa ganitong klase ng trato, malinaw talagang walang basehan ang alegasyon na nais lamang gantihan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino si Mrs. Arroyo, sampu ng mga inaakusahang kasapakat sa kalokohan noong 2004 at 2007 elections, maging sa napakaraming eskandalong naimbestigahgan ng Senado.

Sa dulo, dapat ipataw ang karampatang parusa, sinuman ang gumawa nito, katulad ang pagbilanggo sa mga piitang minamantine ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Metro Manila kung saan mayroong mga babaing bilanggo.

Hindi rin naniniwala si Mang Kanor na lilikha ng nega­tibong epekto sa buong mundo ang pagpapakulong kay Mrs. Arroyo. Nakita na natin sa iba’t ibang bansa ang pagpapabilanggo sa mga dating Pangulo at iba pang matataas na mga lider. Ika nga ni PNoy -- kung hindi natin hahabulin ang mga tiwali at abusado, siguradong pagtatawanan tayo ng buong mundo sa kabaligtaran.

Sa ngayon, pinakaimportante’y matiyak ng pamahalaan na iginagalang ang kanyang mga karapatan kahit nabibigyan pa ito ng pabor sa kanyang magiging kulungan.

***

Napag-usapan ang paglilipat kay Mrs. Arroyo, hindi dapat magpaloko ang publiko sa spin doctors kaugnay sa umano’y plano ng administrasyon na ‘Put the Little Girl to Sleep’ o pla­nong likidahin ang dating lider dahil isa itong porma ng panibagong drama para maiwasan ang pagpapakulong sa kanya.

Isang malaking kasinungalingan na walang pinagkaiba sa kanyang petisyon na magpasuri sa mga espesyalista sa ibang bansa kahit mismong ang kanyang mga doktor sa pa­ngunguna ni Dr. Mario. Ver, orthopedic spine surgeon ng dating Pangulo, ang tumestigo sa korte sa Pasay na guma­galing na ito at maaari nang makalabas ng ospital.

Ni sa panaginip, ayokong isipin desperado ang kampo ni Mrs. Arroyo na makakuha ang simpatya ng publiko at pinalalabas lamang nila na masama at mapaghiganti ang mga taong naghahangad managot siya sa batas.

Matapos mabigo ang grupo ni Mrs. Arroyo na mapalabas siyang biktima ng pambihirang sakit sa buto, nais naman nilang ipinta na posibleng maging murder victim ito. Malinaw na inililipat ng mga humahawak ng publicity stunt ni Mrs. Arroyo ang script ng telenovela mula sa isang medical drama, ito’y ginawang suspense thriller.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, December 5, 2011

May pag-asa!
REY MARFIL

Malinaw pa sa sikat ng araw ang mensaheng dala ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa kanyang talumpati sa mga miyembro ng Makati Business Club (MBC) tungkol sa pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan -- dapat managot ang mga nagkasala sa batas, anuman ang estado sa buhay at posisyong pinanghahawakan, maimpluwensya man o isang tambay sa pundahan.

Sa pagkakataong ito, hindi lamang mga karaniwang empleyado at opisyal sa gobyerno ang nais ni PNoy masampolan. Kung nais nga naman niyang malakas na maihatid sa lahat ang mensahe na seryoso ang kanyang kampanya kontra katiwalian, dapat na malaking isda ang lambatin -- hindi pawang “gurami” lamang na nagiging isang “malaking palabas” sa nagdaang panahon upang ipakitang merong ginagawa ang pamahalaan.

Bukod sa mga malalaking negosyante na hinahabol at kinakasuhan ng Bureau of Internal Revenue (BIR), ipinakita ng pamahalaan na seryosong papanagutin si dating Pangulong Gloria Arroyo na inaakusahang nagsamantala sa kaban ng bayan sa ilalim ng kanyang siyam na taong pamumuno -- ito’y bukod pa sa kasong pananabotahe sa halalan noong 2007 na isinampa na sa korte.

Sa kabila ng alegasyon ng kampo ni Mrs. Arroyo na paghihiganti at panggigipit ang ginawa ng pamahalaang Aquino, sa marami ito’y pagtupad sa kanyang pangako sa bayan sa nakaraang kampanya na papanagutin ang mga nagkasala at aayusin ang maling sistema ng pamamalakad sa gobyerno na naging institusyon sa mahabang panahon.

***

Napag-uusapan ang naitalang katiwalian sa nagdaang gobyerno, hindi naman nasasayang ang pagsisikap ni PNoy na walisin ito. Sa pinakabagong pahayag ng anti-corruption watch group na Transparency International, lumitaw na tumaas ang puwesto ng Pilipinas sa 2011 Corruption Perception Index (CPI) sa paglaban sa katiwalian.

Sa listahan ng 183 bansa, nasa 129 ang Pilipinas sa 2011 Corruption Perception Index, mas mataas ng limang baitang kumpara sa nakaraang taon. Ang paghabol kay Mrs. Arroyo’y pinapaniwalaang isa sa mga rason kaya’t tumaas ang puwesto ng Pilipinas -- ito’y pagpapakita na seryoso ang pamahalaang Aquino tungkol sa matinong gobyerno.

Nakabuti rin sa pagbuti ng pananaw ng Pilipinas ang mahusay na paghahatid ng serbisyo ng pamahalaang Aquino at pagbawas sa red tape sa pamahalaan.

Bukod sa magandang pananaw ng mga negosyante at mga anti-corruption watch group sa gobyernong Aquino, malaki rin ang pag-asang nadarama ng mga Pilipino sa mas magandang buhay sa 2012 -- na siyang pagpasok ng ikalawang taon pa lamang ng liderato ni PNoy.

Batay na rin sa resulta ng pinakabagong survey ng Social Weather Station (SWS) noong Setyembre, naitalang 39% ng mga tinanong ang naniniwala sa mas magandang buhay sa susunod na taon, kumpara lamang sa 9% na nega­tibong pananaw para sa +30% na net rating ng gobyerno.

Kasabay nito, 35% naman ng mga tinanong ang naniniwala na patungo sa mas maganda ang pagbabagong magaganap sa ekonomiya sa 2012, kontra sa 14% na negatibong pananaw para sa +22 net positive rating na ibinigay ng mga Pilipino sa gobyernong Aquino. Ibig sabihin, malaki ang tiwala ng publiko at nararamdaman ang pagbabagong ipinapatupad ni PNoy.

Laging tandaan: “Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, December 2, 2011

Nasa hudikatura
REY MARFIL


Kapuri-puri ang personal na partisipasyon ni Pa­ngulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na labanan ang climate change, aba’y sa kabila ng kanyang abalang iskedyul, personal niyang pinangunahan ang inagurasyon ng Climate Change Academy ng Albay nakaraang Biyernes bilang bahagi ng kampanya kontra climate change at masamang epekto nito sa ekonomiya ng bansa.

Layunin ng Climate Change Academy na itinayo sa loob ng campus ng Bicol University sa Legazpi City, na makatulong sa hakbang ng national government na makasabay sa nagbabagong klima, lalung-lalo na ang lokal na pamahalaan.

May kapangyarihan ang akademya na sanayin ang mga lokal na pamahalaan sa disaster risk management, pagtaya ng climate risk hazards at adaptive capabilities, planning, at programming.

Tayo’y umaasa na maraming local government units (LGUs) ang susunod kay PNoy na nanguna para gawing institusyon ang paglaban sa nagbabagong klima sa pamamagitan ng public awareness, katuwang ang media.

***

Napag-usapan ang aksyon ng gobyerno, hindi matatawarang adhikain ng administrasyong Aquino na maibigay ang hustisya sa pamilya ng mga biktima ng Maguindanao massacre na ginunita ang ikalawang taong kaganapan nitong Nobyembre 23.

Desidido si PNoy na maibigay ang hustisya para sa mga biktima ng isang araw na pinakamadugong patayan sa kasaysayan ng halalan sa bansa bilang bahagi ng reporma ng administrasyon sa sistema ng krimi­nal na hustisya.

Sa katunayan, todo-kayod ang pamahalaan upang pag-isahin ang halalan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa eleksiyon sa 2013 upang matigil na ang kultura ng karahasan at political dynasty sa rehiyon.

Bilang proteksyon sa mga residente, patuloy na ipinapatupad ng pamahalaan ang state of emergency sa Maguindanao para matiyak ang kapayapaan at kaa­yusan sa lalawigan.

Alam ni PNoy ang mga hinaing ng mga kapamil­ya ng mga biktima ng Maguindanao massacre at nananatili ito sa kanyang paninindigan na pagkalooban ng proteksiyon ang mga saksi at kamag-anakan ng mga nasawi.

Katulad ng pamahalaan, magpareho ang agam-agam ng inyong lingkod na talagang tumatagal ang pagdinig sa Maguindanao massacre at umaasa tayong titingnan mabuti ito ng hudikatura para mapabilis ang pagkakaloob ng hustisya sa mga biktima.

Sa kabuuan, kailangan nating maunawaan na nasa eksklusibong kamay ng hudikatura ang pagpapabilis sa paglilitis ng kaso at hindi sa sangay ng ehekutibo o palasyo, katulad ng ipinagsisigawan ng ilang kritiko.

Sa halip na batikusin si PNoy, dapat manatili ta­yong matatag sa pagsuporta sa pamahalaan na mapa­lakas ang sistema ng hustisya sa bansa at saluduhan ang nasawing mga mamamahayag at iba pang biktima ng Maguindanao massacre.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)