Wednesday, November 30, 2011

Nasa hudikatura!
REY MARFIL

Kapuri-puri ang personal na partisipasyon ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na labanan ang climate change, aba’y sa kabila ng kanyang abalang iskedyul, personal niyang pinangunahan ang inagurasyon ng Climate Change Academy ng Albay ng nakaraang Biyernes bilang bahagi ng kampanya kontra climate change at masamang epekto nito sa ekonomiya ng bansa.

Layunin ng Climate Change Academy na itinayo sa loob ng campus ng Bicol University sa Legazpi City, na makatulong sa hakbang ng national government na makasabay sa nagbabagong klima, lalung-lalo na ang lokal na pamahalaan.

May kapangyarihan ang akademya na sanayin ang mga lokal na pamahalan sa disaster risk management, pagtaya ng climate risk hazards at adaptive capabilities, planning, at programming.

Tayo’y umaasa na maraming local government units (LGUs) ang susunod kay PNoy na nanguna para ga­wing institusyon ang paglaban sa nagbabagong klima sa pamamagitan ng public awareness, katuwang ang media.

***

Napag-usapan ang aksyon ng gobyerno, hindi matatawarang adhikain ng administrasyong Aquino na maibigay ang hustisya sa pamilya ng mga biktima ng Maguin­danao massacre na ginunita ang ikalawang taong kaganapan nitong Nobyembre 23.

Desidido si PNoy na maibigay ang hustisya para sa mga biktima ng isang araw na pinakamadugong patayan sa kasaysayan ng halalan sa bansa bilang bahagi ng reporma ng administrasyon sa sistema ng kriminal na hustisya.

Sa katunayan, todo-kayod ang pamahalaan upang pag-isahin ang halalan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa eleksyon sa 2013 upang matigil na ang kultura ng karahasan at political dynasty sa rehiyon.

Bilang proteksyon sa mga residente, patuloy na ipinapatupad ng pamahalaan ang state of emergency sa Maguindanao para matiyak ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.

Alam ni PNoy ang mga hinaing ng mga kapamilya ng mga biktima ng Maguindanao massacre at nananatili ito sa kanyang paninindigan na pagkalooban ng proteksyon ang mga saksi at kamag-anakan ng mga nasawi.

Katulad ng pamahalaan, pareho ang agam-agam ng inyong lingkod na talagang tumatagal ang pagdinig sa Maguindanao massacre at umaasa tayong titingnan mabuti ito ng hudikatura para mapabilis ang pagkakaloob ng hustisya sa mga biktima.

Sa kabuuan, kailangan nating maunawaan na nasa eksklusibong kamay ng hudikatura ang pagpapabilis sa paglilitis ng kaso at hindi sa sangay ng ehekutibo o Palas­yo, katulad ng ipinagsisigawan ng ilang kritiko.

Sa halip na batikusin si PNoy, dapat manatili tayong matatag sa pagsuporta sa pamahalaan na mapalakas ang sistema ng hustisya sa bansa at saluduhan ang nasawing mga mamamahayag at iba pang biktima ng Maguinda­nao massacre.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, November 28, 2011

Sarili ang sisihin!
REY MARFIL


May katwiran si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa pagsasabi na tanging ang korte lalung-lalo na ang sala ni Judge Jesus Mupas ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 112 ang meron pinal na desisyon kung dapat bang isailalim sa house o hospital arrest si Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo matapos makasuhan ng pananabotahe sa halalan.

Bagama’t hindi magiging maganda sa ngalan ng pagkakapantay-pantay at hustisya na ikulong si Mrs. Arroyo sa kanyang magarbong mansion sa La Vista, Quezon City, dapat ipaubaya ng publiko ang desisyon sa mga korte katulad ng ipinahayag ni PNoy.

Sa ngayon, tama munang dalhin ng kapulisan si Mrs. Arroyo sa isang lokal na kulungan sa Southern Police District (SPD) mula St. Luke’s Medical Center (SLMC) matapos tumestigo ang sariling doktor -- si Dr. Mario Ver, orthopedic spine surgeon ni Mrs. Arroyo, sa korte at nagsabing gumagaling na ang kongresista at maaaring gamutin bilang outpatient at magkakaroon ng ganap na kagalingan matapos ang ilang linggo.

Subukang i-flashback ang nakaraan, bago payagan ng Sandiganbayan ang house arrest ni dating President Joseph Ejercito Estrada, ito’y pansamantalang dinala sa Veterans Hospital at inilipat sa isang pasilidad ng militar sa Tanay, Rizal at kinalaunan sa kanyang rest house sa Rizal.

Sa ngayon habang wala pang desisyon ang korte, hindi tama at malinaw na pagkakaloob ng special treatment ang pananatili ni Mrs. Arroyo sa ospital. Maaaring mukhang may sakit si Mrs. Arroyo, ngunit ang hindi maganda dito, hindi naniniwala ang mga tao sa kanya na dumaranas siya ng seryosong karamdaman at nangangailangang komonsulta sa mga eskpertong medikal sa ibang bansa.

Dahil sa kanyang track record ng pag-iwas sa mga isyu, nagiging malaking problema nito ngayon ang kanyang kredibilidad. Hindi siya pinaniniwalaan at pinagkakatiwalaan ng mga tao. Ngunit, siya lamang naman ang dapat sisihin dahil sa hindi pagtupad sa kanyang mga pangako. Naaalala n’yo pa ba ang kanyang pangako sa national television na hindi tatakbo noong 2004 elections -- hindi ba’t nagsinungaling at tumakbo?

***

Sa ating naudlot na usapang APEC (Hawaii) at ASEAN (Bali, Indonesia), hindi lahat ng oras ay maaa­ring makukwenta sa aktuwal na halaga o numero ang mga kapakinabangang inaani ng bansa mula sa mga biyahe ng Pangulo upang dumalo sa mga diplomatikong pagpupulong.

Kung noo’y pawang pagsasang-ayon lamang sa mga ideya at payak na konseptong pangkaunlaran, sa ganitong okasyon naisasapinal at nasesemento ang mga detalyadong kasunduan.

Kagaya ngayon, napagkasunduan at pormal na napabilang ang bansa sa pandaigdigang inisyatibo sa climate change, terorismo, ekonomiya, proteksyon ng ating mga kababayan sa ibayong-dagat at mga kasunduan sa kalakalan. Meron ding impormal na pagpupulong, leveraging, negosasyon at pagpoposisyon sa interes ng ating bansa.

Sa kasalukuyan, isinusulong ng Pilipinas na makapag-upo ng isang hukom sa International Court of Justice sa ilalim ng United Nations (UN). Patunay sa pagiging epektibo ng mga okasyong ito ang pagkakapanalo natin ng isang seat sa Security Council at iba pang komite ng UN ilang taon na ang nakalipas.

Sa 19th ASEAN Summit and Related Summits naman sa Bali, Indonesia pagtutuunan ng pansin ng mga delegado ng Pilipinas sa pangunguna ni Pangulong Noy ang isyu sa kinikwestyong jurisdiction at pagmamay-ari ng mga teritoryo sa West Philippine Sea at Scarborough Shoals.

Sa isang may kaliitang bansa na nahaharap sa ganitong isyu, malaking bagay ang magkaroon ng solidong kaalyadong kapit-bahay. Bagama’t nagki-claim din ang ilang bansang kasapi sa ASEAN, hindi maipagpapalit ang mapasang-ayon ang mga ito na hanapin ang solusyon sa mahinahon at diplomatikong paraan.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, November 25, 2011

Patas lang!
REY MARFIL

Isang malaking tagumpay sa ngalan ng hustisya ang kautusan ng Pasay City na arestuhin si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa kasong pananabotahe sa halalan dahil napigilan itong makalabas ng bansa at maiwasan ang posibleng pagtakas.

Malinaw na tagumpay sa ngalan ng hustisya at pananagutan ang pangyayaring ito dahil ipinapakita ng pamahalaan na seryoso sa kampanya na habulin ang malalaking mga isda na sangkot sa umano’y malawakang maanomal­yang transaksyon at malakihang katiwalian sa nakalipas na administrasyon.

Dapat ding purihin ang ipinapakitang parehas at maka­taong pagtrato ng administrasyong Aquino kay Mrs. Arroyo. Kung tutuusin, napakabait ng kasalukuyang admi­nistrasyon nang hindi tumutol sa desisyon ng kapulisan na isailalim si Mrs. Arroyo sa hospital arrest sa St. Luke’s Me­dical Center bago pa man ito payagan ni Judge Jesus Mupas ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 112.

Dapat din nating bigyang pagkilala ang pagtiyak ng pamahalaan na magkaroon ng parehas at walang kinikili­ngang paggalang sa bawat karapatan ng dating pangulo bilang akusado na ginagarantiyahan ng Konstitusyon.

Kumpara sa nakalipas na gobyerno, naniniwala akong maghahari ang paggalang sa karapatan ni Mrs. Arroyo sa due process sa panahon ng palilitis.

Ang masamang balita lamang para sa mga Arroyo, solido ang suporta ng publiko sa hakbang ng pamahalaan na isulong ang prosekusyon at nananawagan ng kanyang conviction.

***

Anyway, nakakatuwang makita ang patuloy na tagumpay ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa pagtanggap ng ma­laking paghanga at respeto ng makapangyarihang mga lider sa mundo dahil sa kanyang itinataguyod na makatotohanang reporma tungo sa matuwid na daan.

Kamakailan lang, mismong si United States President Barack Obama ang pumuri kay PNoy sa isang bahagi ng 19th Association of Southeast Nations (ASEAN) Summit sa Bali, Indonesia dahil sa malawakang reporma na ipinapatupad ng kanyang pamahalaan.

Sa pagbisita naman ni Republic of Korea President Lee Myung Bak, ipinaabot nito ang kanyang malalim na pagha­nga kay Pangulong Aquino dahil sa mga polisiya nitong ipinatupad para manatili ang pag-asenso ng ekonomiya sa bansa habang nagaganap ang pandaigdigang krisis.

Dahil sa paghanga ni President Obama, lalong maigting ang paniniyak ng US na magpapatuloy ang suporta ng kanilang pamahalaan sa mga repormang itinataguyod ni Pangulong Aquino sa buong bansa.

Malinaw na lubhang epektibo ang malinis na pamamahala ni Pangulong Aquino sa pagsugpo ng kahirapan na isa sa kanyang mga pangako noong nakalipas na kampanya. Binigyang puntos ni President Lee ang 7.6% paglago ng ekonomiya sa ilalim ng administrasyong Aquino na kanyang tinitingnan na “outstanding number” na labis na inaasam ng ibang mga bansa.

Pinuntuhan din ni President Lee ang malaking tagum­pay ni PNoy, base sa maigting nitong pananaw at kagustuhan na maisulong ang kaunlaran sa lahat ng mga tao at magkaroon ng magandang kinabukasan.

Take note: panlima sa pinakamalaking trading partner ng Pilipinas ang Republic of Korea na merong $6.08 bilyong pamumuhunan at ikatlo sa nangungunang mamumuhunan ng nakaraang taon na umabot sa $693.1 milyon.

Dahil sa magandang lideratong ipinapakita ni PNoy, inaasahan nating lalago pa nang husto ang bilateral relations ng Pilipinas at Republic of Korea sa larangan ng negosyo matapos lagdaan ang ilang mga kasunduang mayroong kinalaman sa agrikultura at enerhiya ng dalawang bansa.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Thursday, November 24, 2011

May pinatunguhan!
REY MARFIL

Papaano natin masisisi si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa serye ng kanyang mga biyahe sa Estados Unidos (US) at Asya kung nagresulta ito sa paglago ng pamumuhunan ng bansa at nagsulong ng interes ng mga Filipino?

Pawang obligasyong internasyunal ang kanyang pinakahuling mga biyahe bitbit ang maliit na delegasyon, alinsunod sa programang pagtitipid ng kanyang pamahalaan.

Kabilang dito ang pagtungo sa Hawaii kung saan du­malo si PNoy sa 19th Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Meeting at ASEAN Summit sa Bali, Indonesia na naglalayong patatagin ang ekonomiya at pulitikal na kalagayan ng bansa.

Take note: imbitasyon ng iba’t ibang mga bansa ang kanyang mga paglalakbay, isang magandang indikasyon ng pagkilala ng banyagang mga lider sa maayos at magandang pamamalakad ng liderato nito para repormahin ang bansa.

Isang halimbawa ang imbitasyon ni Prime Minister Julia Eileen Gillard kay PNoy na bisitahin ang Australia sa kalagitnaan ng 2012, maging si United States President Barack Obama ipinaabot ang imbitasyon sa pamamagitan ni Secretary of State Hillary Clinton nang bumisita sa Pilipinas, pinaka-latest ang harapang imbitasyon ni Barack sa APEC summit sa Hawaii at ASEAN summit.

Malinaw ang paghanga ng makapangyarihang mga li­der ng bansa kay PNoy base sa mga imbitasyon dahil sa mga magaganda at makatotohanang repormang ipinapatupad nito, kabaliktaran sa “ex-occupant” ng Malacañang kung saan halos ipagduldulan ang sarili at mag-amazing race sa paghahabol para maimbitahan, as in “invite me”.

Sa kaalaman ng publiko, napaka-importante ang mga biyahe ng sinumang Pangulo -- ito’y isang paraan upang maiparating nito sa iba’t ibang mga bansa ang matinong pagbabago na inilatag ng kanyang pamahalaan para isulong ang kagalingan ng mga Filipino at maging ang mga ipatutupad pang mga programa.

At hindi rin naman kaila sa publiko ang matinding pagtitipid ni PNoy at tanging “working staff” ang bitbit. Higit sa lahat, mabibilang sa daliri ang biyahe kada taon, kabaliktaran sa nagdaang panahon kung saan dalawang (2) foreign trip kada buwan ang average ng nakaupo sa Palasyo.

Kung walang kuwentang lider si PNoy at isang tiwali, sa tingin ba ninyo iimbitahan nina President Obama, Prime Minister Gillard at iba pang mga lider na magpunta sa kanilang mga bansa? Natural hindi ang kasagutan.

Malaking katibayan ang mga imbitasyon na nasa tamang landas ang bansa sa ilalim ng pamumuno ni PNoy at ipinapakita rin ng mga pagbatikos sa biyahe ng Pangulo na walang maibatong isyu ng katiwalian ang mga kalaban o kritikong hindi matanggap ang resulta ng 2010 pre­sidential election.

***

Napag-usapan ang foreign trip, bilib ang international community sa nakamit ni PNoy sa usapin ng pagkakaroon ng sapat na suplay ng bigas sa unang tatlong (3) buwan ng taong 2011 nang hindi mangangailangan ng pag-aangkat ng bigas.

Sa katunayan, iprinisinta ni PNoy ang magandang ba­lita sa isang diskusyon kasama ang chief executive officers (CEO) ng malalaking mga kompanya sa ika-19th APEC Leaders’ Meeting sa Hawaii kamakailan -- ito’y resulta ng pro-farmers campaign ng pamahalaan para makamit ang sapat na suplay ng bigas, bagay na hindi nagawa ng dating administrasyon dahil ginawang pambansang polisiya ang pag-aangkat ng bigas.

Ibig sabihin, makatwirang papurihan ang administrasyong Aquino sa pagkakaloob ng mga binhi, kailangang inputs, pagtulong sa marketing campaign sa mga magsasaka at pagtataguyod ng pagtatanim bilang mura at kapaki-pakinabang na paraan kumpara sa pag-aangkat ng bigas.

Sa ganitong polisiya ni PNoy, matitiyak natin na hindi na mangyayari muli ang nasayang at nabubulok na tone-toneladang bigas sa ilalim ng dating administrasyon.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, November 21, 2011

Sa kauna-unahang pagkakataon, inilabas ng mga kritiko ang linyang benggatibo si Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III at ginagantihan ang dating inaakusahang “kapit-tuko” sa palasyo. Hindi Marcos ang middlename ng mga Arroyo. Lalong hindi Marcos si Mrs. Arroyo.

Walang motibo si PNoy na paghigantihan ang mga dating namayagpag sa palasyo.

Kung gumaganti man ang kasalukuyang administras­yon, tanging para sa mamamayang Filipino ang maaaring motibasyon sa posisyon ng Pangulo na pursigihin sa tamang proseso’t paraan ang mga taong minsa’y pinag­laanan ng tiwala ng bayan ngunit siya namang nagkait sa mga ito ng matuwid na pamamahala at marangal na buhay.

Hindi natin papakialaman ang mga bagay na legal at nararapat lamang pagdebatehan ng mga eksperto sa batas at hukuman. Ang malinaw sa publiko, sila mismo ang gumawa ng kapahirapang nangyari sa kanila -- ito ang namutawi kay MIAA Chief Angel Honrado.

Ang naka-fax na request, ito’y hindi gawa-gawa lang. Ang pirmadong hiling, ito’y hindi nagmula sa Malacañang. Noong Martes, saktong 7:19 ng gabi ang request ng mga Arroyo na gamitin ang ramp ng NAIA kasama ang mga pasilidad na nauukol lamang sa mga dignitaryo at VIPs, ito’y natanggap ng MIAA public affairs office at agad na naaprubahan. Katunayan nito, isang liaison ng mga Arroyo ang personal na nag-ayos upang hindi sila mahirapang dumaan sa proseso.

Sa planong inilatag ng pamunuan ng MIAA, papasok ang mag-asawang Arroyo sa ramp gate kung saan may lagusan diretso sa isang lounge para sa mga VIP. Dito, kumportable silang maghihintay habang pinuproseso ang kanilang mga dokumento sa pag-alis ng bansa.

Ngunit dahil nga ang nakatagong misyon ay ang kumalap ng habag, pinili o pinilit nilang sa passenger entrance dumaan. Doon, libre ang publisidad. Sabayan pa ng linyang, “maawa naman kayo”, hindi ba’ “Ayos talaga ang buto-buto”?

***

Napag-usapan ang biyahe, pabagu-bago ang travel plan, pabagu-bago ang pupuntahan. Limang bansa ang nakaiskedyul sa loob ng iilang linggo. Sa isipan ng taumbayan, kakayanin kaya ng merong dinaramdam na katawan? Ang totoong may sakit, ito’y namamahinga at nagpapagamot, hindi lamang nagpapaospital at “tuma-timing” na makasakay ng eroplano!

Hindi lang pabagu-bagong travel plan. Pati ang totoong kondisyon, ito’y pabagu-bago rin. Kapag ganito ang humihiling ng permisong umalis, inyo bang papayagan? Take note: “binomba” ang publiko ng paulit-ulit na mga katagang ‘di mahagip ng ating kamalayan.

Mula “spondylosis” hanggang “cervical arthritis”. Mula. “bone mineral disorder” hanggang.

“hypoparathyroidism”. Mula “bone degeneration”, ang pinakabago’y “glandular disease”. Ano ba talaga, Ma’am?

Pinalululon sa atin ang mga termino ng mga dalubhasa’t aral sa siyensya’t medisina upang hindi natin maintindihan ang totoong kalagayan at ibaling ng masa ang atensyon sa nais ng kanilang kampong pagtuunan, walang ibang misyon kundi sila’y kahabagan na hindi ipinaramdam sa sambayan sa nagdaang 9-taon habang naghahari sa Malacañang.

Puwede ba talagang mangyari ito sa gitna ng ginawa nilang walang habas na pagpapahirap sa bayan at mga kaaway ng kanilang pamumuno?

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Ayos na ang buto-buto!
REY MARFIL

Friday, November 18, 2011

Teleserye!
REY MARFIL

Mala-soap opera ang mga pangyayari ng lumipas na mga araw -- kumpleto ang elemento, as in alta-sociedad ang bida, may pansamantalang tagumpay, may trahedya, may pagkalugmok sa masaklap na kinasapitan.

Kung hindi mag-iisip, siguradong tutulo ang luha. Kung hindi magmamatyag, pihadong madudurog ang puso. Lahat ay dramang idinerehe ng mga “spin doctors” ng dating “kapit-tuko” sa Malacañang.

Suriin ang mga eksena -- dalawang (2) linggo bago ang nasabing media blitz, trabahong kalabaw na umikot ang mga handlers ng mga ito sa lahat ng istasyon, mapa-radyo at telebisyon, as in “Operation Mercy” ang arrive. Ang target, umani ng habag sa publiko sa sinapit na kalagayan ng dating pangulo.

Bago pa maisampa sa Kataas-taasang Hukuman ang petisyong pigilan ang implementasyon ng Circular No. 41 na nagbibigay ng kapangyarihan sa kalihim ng DOJ na mag­lagay ng mga taong nasasakdal o masasakdal sa batas sa immigration Watchlist Order, naglabasan ang mga picture ni Mrs. Gloria Arroyo sa lahat ng media outlets -- maging print o broadcast.

Ang nakakatawa, noong una’y bawal kunan ang da­ting pangulo’t “bising-bisi” ang mga “Hawi boys”, mapigilan lamang ang mga cameraman na kumu-cover sa mga ito, ngayo’y halos mag-iyakan at ipagdikdikan ang mukha, maipalabas lamang ang kunwari’y kalunus-lunos na kalaga­yan ng kanilang amo.

Nakaraang Martes, hindi pa man lumalabas ang TRO ay nakaumang na ang “bookings” sa eroplano.

Una’y sa Clark lulan ng Tiger Airways papunta raw ng Singapore, anunsyo ng inupahang tagapagsalita. Alam naman ng mga nagmamasid na dibersyon lamang ito. ‘Yun nga at kinahapuna’y sa NAIA pala at PAL na ang sasakyan patungong bayan ni Lee Kuan Yew.

***

Napag-usapan din lang ang pagmamadali ng kampo ni Mrs. Arroyo na makalabas ng bansa, aba’y nang hindi umub­ra ang unang plano, hayun at lumabas na ang totoo -- Dra­gon Air ang eroplano at Hong Kong pala ang punta.

Ibang klase rin itong “malubha ang kalagayan”. Lamyerda at shopping ang unang nakaprograma sa adyenda.

Paiba-iba ngunit hindi na bago sa uri ng plot ng tele­seryeng pang-uga ng puso.

Alam naman nilang matatag ang paninindigan ng kalihim ng katarungan. Hindi patitinag sa modus ad hominem. Alam na alam naman ng mga ito na hindi papayag ang pamahalaan na ganun-ganun na lang at hahayaang kuma­ripas ang matagal na nagliwaliw sa ligayang dulot ng pandarambong sa bayan.

Gayunpaman, itinuloy ang drama. Libre nga naman ang co­verage, e ‘di sagarin na lang. ‘Yun nga ang nangyari. Convoy ng magagarang SUV at dahil ipinagbawal ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang sirena sa kalsada -- ang kumumpleto sa drama ang ambulansyang “de-wangwang”. Pansinin ang mga eksena, animo’y hinintay na magsidati­ngan ang mga camera, sabay baba na walang kulang sa nakaplanong costume at props.

Ayos nga ang butu-buto, hindi iilang mata ang naglawa. Meron ang nangilid ang luha at tila nakalimutan ang katiwaliang ipinupukol sa pamilya. Gagawin ng pamahalaan ang lahat hindi lamang masuway ang marubdob na pagnanais ng lipunan na panagutin ang may kagagawan ng halos isang dekadang pagpapahirap sa bayan.

Bago pa natin tuluyang makalimutan, sana’y sariwa pa sa alaala ni Mrs. Arroyo, maging sa sambayanang Filipino na nagoyo sa resulta ng 2004 elections ang katotohanang -- ang inihingi nilang TRO ay ang mismong Circular na sila rin mismo ang may likha nito -- ito’y inilimbag at inisyu sa panahong si Mrs. Arroyo ang may hawak ng timon at gi­namit upang ipitin ang mga kaaway o taga-oposisyon.

Ang pangyayaring ito ang buhay na patotoo sa kasabihang “kung anong itinanim, siya rin ang aanihin.”

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, November 16, 2011

Buhos sa edukasyon!
REY MARFIL

Lalo pang ipinakita ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang paninindigan nitong isulong ang magandang kalidad na edukasyon, patunay ang kautusang ipalabas ang karagdagang P1.15-bilyon para pondohan ang iba’t ibang proyekto ng Department of Education (DepEd).

Malinaw na layunin ng karagdagang pondo na mapabuti ang pagkakaloob ng pangunahing serbisyo sa mga estudyanteng Filipino upang makamtan ang mithiin ng pamahalaan na magkaroon ng tinatawag na “Education for All” at maabot ang Millennium Development Goals (MDG) sa sektor ng edukasyon sa 2015.

Gagamitin ang pondo sa pagpapalakas ng non-tea­ching personnel at iba pang national English proficiency program, kabilang ang pagkumpuni at rehabilitasyon sa elementary at secondary school buildings sa iba’t ibang lokasyon na labis na mahalaga sa pag-aaral ng mga estudyante.

Sa kabuuang P1.15 bilyong ilalabas ng Department of Budget and Management (DBM), P500 milyon ang mapupunta sa maintenance and other operating expen­ses, kabilang ang pagbili sa school supplies na kaila­ngan sa pagtuturo.

Mapupunta naman ang P483.8 milyon sa pagsasanay ng mga guro, scholarship at fellowship grants, pagpapa­lakas ng non-teaching personnel at iba pang human resourced development activities.

Kukunin ang ilalabas na pondo sa P1.157-bilyong badyet ng Human Resources Training and Development.

Sa kabuuang P483.8 milyon, mapupunta ang P179 milyon sa National English Proficiency Program habang P74.7 milyon ang ilalabas para sa Madrasah E­ducation Program ng DepEd sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Gagamitin naman ang P104 milyon sa pagkumpuni at rehabilitasyon ng mga gusali sa elementary at high school sa iba’t ibang lokasyon.

Ilalaan naman ang P60 milyon sa pagbili ng 52,630 upuan at 1,169 na lamesa ng mga guro at 1,169 silid-aralan o 725 para sa elementarya at 444 sa sekondarya mula sa kabuuang 1,430 kuwarto na itatayo mula sa P1-bil­yong pondo ng DepEd School Building Program nga­yong taon.

Mula naman sa P192-bilyong regular na badyet ng DepEd para sa 2011, P171.2 bilyon na ang nailabas ng DBM sa ahensya sapul noong Setyembre 30, 2011.

***

Anyway, binabati natin ang administrasyon sa pakikiisa nito sa paggunita ng mga Filipinong Muslim sa E­idul Adha o pista ng sakripisyo, isa sa kapita-pitagang pista ng Islamic community.

Ipinakita ni PNoy ang tahimik nitong pagrespeto sa kagawian ng mga Filipinong Muslim para palakasin ang pananampalataya sa pagsusulong ng tunay na Islam na kinabibilangan ng kapayapaan at pagkakaisa.

Ipinapaalala ng Eidul Adha sa mga Filipinong Muslim na magsakripisyo bilang pagsubok sa prinsipyo sa gitna ng mapanghamong buhay.

Ipinapakita rin ng okasyon ang aral ng katapangan at pagtanggap sa mga pagsubok bilang bahagi ng kaliwanagan ng kaisipan. Isang magandang senyales kaugnay sa pagrespeto ng mga Muslim ang ipinakitang pakikiisa ni Pangulong Aquino.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, November 14, 2011

Husay ng Pinoy!
REY MARFIL


Dahil sa kawalan ng katiwalian sa pamahalaan, napipi­litan ang mga kritiko ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III na lumikha at magtagni-tagni ng walang basehang mga reklamo, as in kung sinu-sino ang inaarkilang “script writer”, makaresbak lamang sa palasyo.

Hindi natin masisisi ang kanyang mga kalaban na gumawa ng walang kuwentang mga isyu mula sa kawalan lalo’t nararamdaman nila ang init ng matuwid na daan na nakabase sa matinong pamamahala at kampanya laban sa malawakang katiwalian.

Tinutukoy natin ang walang basehang banta na magsampa ng impeachment complaint laban kay PNoy na nag-ugat sa ibinigay na P5 milyon ng pamahalaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Katulad ng isinampang impeachment complaint ni Atty. Oliver Lozano laban kay PNoy sa pamamagitan ng registered mail dahil sa pagtanggi ng huli na mabigyan ng state honors ang paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos, inaasahan na sa basurahan din mapupunta ang panibagong reklamo.

Nag-ugat ang walang basehang plano ng isang kongresista sa P5 milyong pondo ng MILF para lumikha ng Bangsamoro Leadership and Management Institute.

Ang kawalan ng anumang alegasyon ng katiwalian sa kasalukuyang pamahalaan ang nagbibigay ng mataas na pagtingin ng publiko kay PNoy -- ito ang rason kung ba­kit nagtatahi ng kuwento ang mga kritiko.

Tunay na mas maramng importanteng bagay na dapat asikasuhin ang Kongreso sa halip na ubusin ang panahon sa pagtalakay sa walang basehang isyu. Kaduda-duda rin kung makakalusot sa pamantayan ng House committee on justice ang anumang reklamo.

Sa kabila ng malawak na sakop ng pagkakanulo sa tiwala ng publiko, hindi lubos maisip ng mga kurimaw kung saan pumapasok ang isyung ito kaugnay sa pagkakaloob ng P5 milyon sa MILF. Papaano na ang isang magandang mithiin na magkaroon ng wagas na kapayapaan sa bansa ay ikokonsiderang pagkakanulo sa tiwala ng publiko?”

***

Anyway, nakakatuwa ang pagkilala ng Malacañang sa nagawa ng mga batang Filipino math wizards na tinalo ang ibang mga kalahok sa international math competition na isinagawa sa China kamakailan.

Isang magandang balita na pagmumulan ng hindi matatawarang karangalan ang tagumpay ni Farrell Eldrian Wu kasama ang anim na iba pang mag-aaral sa elementarya nang manguna sa pangunahing dibisyon ng individual contests sa 2011 World Mathematics Team Championship na isinagawa sa Beijing, China mula Nobyembre 2 hanggang 6.

Isang Grade 6 na mag-aaral si Wu mula Taguig na na­nalo ng gold medal at nasa ikaunang ranggo sa panguna­hing dibisyon ng individual contests.

Sa pangkalahatan, nasa ikalawang puwesto ang grupong Philippine Team 1 ni Farrel kasama ang iba pang mag-aara­l -- sina Clyde Wesley Ang, Miguel Lorenzo Ildesa, Andre­a Jaba, Sedrick Scott Keh at John Aries Ceazar Hingan.

Ipinapakita ng matinding kompetisyon ng paligsahan na kayang-kaya ng mga Filipino na makipagpaligsahan sa larangan ng talino.

Nakakatuwa rin ang papuri ng Malacañang sa tagumpay na nakamit ni Miss Philippines candidate Gwendoline Ruais na naging first runner-up sa katatapos na 2011 Miss World beauty pageant sa Earls Court Two sa London, United Kingdom.

Sa kanyang opisyal na Twitter account (@PresidentNoy), pinuri ni PNoy ang tagumpay ng 21-anyos na Filipino-French -- si Ruais.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, November 11, 2011

“Like Ramona”
REY MARFIL


Nagsalita na ang Department of Justice (DOJ) na hindi papayagan si ex-President at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na mangibang-bansa para raw magpagamot ng kanyang sakit sa gulugod.

Hindi natin masisisi si Justice Sec. Leila de Lima na magduda sa tunay na pakay ni Mrs. Arroyo na mag-abroad dahil na rin sa mga nangyari noon at sa update sa tunay na lagay ng kanyang kalusugan.

Hindi pa rin nakakalimutan ng mga Pinoy ang sinabi noon ni Mrs. Arroyo sa Baguio na hindi siya tatakbong Pangulo sa 2004 elections pero tumakbo. Ang malupit, naging kontrobersyal ang resulta ng halalan dahil sa alegasyon ng mga dayaan.

At pagkatapos manalo, naglabasan ang mga whistleblo­wer tungkol sa Hello Garci scandal at ginawa na nga ni Mrs. A­rroyo ang pamosong anunsyo niya sa television na, “I am sorry.”

Kung tutuusin, ang pinagbatayan ng desisyon ni Sec. De Lima na pagbawalan si Arroyo na lumabas ng bansa dahil sa kinakaharap nitong mga kaso ay resolusyon na ginawa ng DOJ noong panahon mismo ni Mrs. Arroyo -- at nagamit din noon sa mga kritiko ng Arroyo government para hindi makabiyahe gaya ng ilang militanteng kongresista.

Ibig sabihin, biktima si Mrs. Arroyo ng patakaran na nabuo sa panahon ng kanyang administrasyon. Kaya tama lang na dalhin ng mga Arroyo sa korte ang usapin para malaman kung illegal o hindi ang naging desisyon ni Sec. De Lima.

***

Napag-usapan ang pagtabla ng DOJ sa request ni Mrs. Arroyo, hindi lang plunder at electoral sabotage ang isyu bagkus meron pagdududang nakikita si Sec. De Lima sa tunay na lagay ng kalusugan ng dating pangulo, maging sa mga bansang pupuntahan nito.

Makailang ulit inanunsyo ng mga inarkilang spokesman ang gumagandang kalagayan ni Mrs. Arroyo at mismong mga doktor ng dating pangulo sa Saint Luke’s Medical Center ang nagsabing bumubuti ang kalusugan nito.

At kung pagbabatayan ang mga litratong lumabas ni Mrs. Arroyo, hindi naman siya pumayat nang husto. Nagmukhang kahabag-habag lamang si Mrs. Arroyo dahil hindi siya inayusan, as in hindi sinuklay ang buhok. Sinadya kaya iyon para magmukha siyang kawawa at makakuha ng simpatiya sa publiko?

Iyon ang hindi natin alam, maliban sa mga miron sa photo op!

Nagduda rin ang DOJ dahil sa dami ng makakasama ni Mrs. Arroyo sa biyahe. Bukod pa sa dami ng bansa na balak puntahan na aabot sa tatlo (3) hanggang lima (5). At sa nabanggit na mga bansa, isa lang ang may extradition treaty ang Pilipinas -- ito’y sa Amerika na wala sa prayoridad ng kampo ni Mrs. Arroyo.

Ibig sabihin, kung magpunta si Mrs. Arroyo sa bansa na wala tayong tratado at naisin nitong magtago na roon, walang habol ang Pilipinas. Tingnan na lang natin ang nangyari sa kaso ni Ramona Bautista na idinadawit sa pagpatay sa kapatid niyang si Ramgen Revilla, as in tali ang kamay ng pamahalaan na ibalik si Ramona sa bansa dahil walang extradition treaty ang Pilipinas sa Turkey na bansang kinaroroonan daw ni Ramona.

Dagdag pa sa pagdududa na nagsimulang lumakas ang suwestiyon na mag-abroad si Mrs. Arroyo mula nang ianunsyo ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na sisimulan ng pamahalaan ang pagsasampa ng kaso ngayong Nobyembre.

Kung tutuusin, suwerte pa rin si Mrs. Arroyo, aba’y handa naman si PNoy na gastusan ng pamahalaan ang pagbiyahe ng mga dayuhang doktor na mapipili at dadalhin sa Pilipinas para dito siya magamot.

Dapat balanse ang lahat, as in kailangan ding pangalagaan ni PNoy ang tungkulin niya sa bansa na papanagutin ang mga nagkasala sa bayan -- dahil ‘yan ay ipinangako niya sa mga mamamayan.

At kay Mrs. Arroyo, ito’y pinayuhan ni Delfin Pasaway na habang hinihintay ang magiging desisyon ng korte, mabuting basahin muna niya ang pambatang kuwento na may titulong, “The Boy Who Cried Wolf”.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, November 9, 2011

Buti na lang!
REY MARFIL


Malinaw ang kahanga-hangang determinasyon ng administrasyong Aquino na pulbusin ang masasamang mga elemento sa Mindanao sa pamamagitan ng all-out justice policy sa kabila ng pagbasura sa all-out war na nag-ugat sa karahasang inihasik ng ilang pasaway na mga elemento ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na nagresulta sa kamatayan ng mga sundalo at pulis.

Tama si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa paninindigan nitong hulihin ang masasamang mga elemento sa Mindanao at nagbabalang mananagot sa hustisya ang sinumang magkakanlong sa mga ito.

Ipinapakita ng pamahalaan ang determinasyon na hulihin ang masasamang mga elemento, ngunit hindi bilang MILF. Dapat nating ilagay sa ating isipan na mangyayari lamang ang wagas na kapayapaan sa pamamagitan ng pag-uusap at hindi ng digmaan.

Sa ganitong bagay, importante sa magkabilang panig na magpatuloy ang pormal at hindi pormal na pag-uusap at laging maging bukas ang linya ng mga ito sa isa’t isa.

Makatwiran ang pag-obliga ng pamahalaan sa MILF na makiisa o hayaan na lamang ang kinauukulan na gawin ang kanilang trabaho na arestuhin ang masasamang mga elemento ng rebeldeng grupo.

Dapat ding papurihan ang administrasyong Aquino matapos tiyakin na hindi papayag na makialam ang banyagang mga bansa sa isinusulong na usapang pangkapayapaan sa MILF matapos ang balitang posibleng manghimasok ang Malaysia.

***

Napag-usapan ang all-out justice, hindi na tayo magmamagaling sa tunay na detalye ng engkuwentro dahil wala naman tayo roon. May bersyon ang mga sundalo, at may bersyon din ang MILF.

Ang malinaw dito, may naganap na bakbakan at may namatay, sa kabila ng umiiral na ceasefire dahil sa isinusulong na peace talks sa magkabilang panig.

Ngayon, may mga urot at mainit ang pamato na nag-uudyok sa gobyerno na itigil na ang peace talks at giyerahin na ang MILF… in short -- all-out war daw. Pero silang nang-uurot ng all-out war -- ito’y wala sa Mindanao at milya-milya ang layo sa pinangyayarihan ng bakbakan.

Silang mga nang-uurot na hindi naman pinagpapawisan ang kilikili dahil laging naka-aircon sa bahay, kotse at opisina. Mga hindi napuputukan ang paa dahil sementado ang bahay, ang kalsadang dinadaanan ng kotseng magara at pati na ang kanilang opisina ulit.

At habang nag-uurot ang mga urot, ang mga sundalo natin at mga mandirigma ng MILF ang gusto nilang magpang-abot ulit. Gusto ng mga urot na dumanak uli ang dugo at luha ng mga mauulila.

Bukod pa ang mga sibil­yan na madadamay at mapipilitang umalis ng kanilang bahay para hindi tamaan ng mga bala na may pasabi na, “to whom it may hit.”

Madaling mang-urot ng gulo pero mahirap mamagitan para mapagbati ang mga nag-aaway. Ilang dekada na ang giyera sa Mindanao pero magulo pa rin, kaya dapat na suportahan lang ang posisyon ng Pangulo na i­tuloy ang usapang pangkapayapaan habang naghahanap ng hustiya sa mga biktima ng karahasan.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, November 7, 2011

Tamang proteksyon!
REY MARFIL

Dapat suportahan ang desisyon ng administrasyon na ipagbawal ang mga Filipino na magtrabaho sa 41-bansa dahil sa kabiguan ng mga ito na maging kaaya-aya ang kanilang mga nasyon para sa interes ng banyagang mga manggagawa.

Sa kabila ng deployment ban na ipinalabas ng Phi­lippine Overseas Employment Administration (POEA), nakapaloob sa Amended Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995 na dapat payagan naman ng pamahalaan ang pagpapadala ng OFWs sa mga kompanyang merong international operation na sumusunod sa pandaigdigang pamantayan na itinataguyod ng POEA sa panga­ngalaga ng mga manggagawa.

Dapat nating balansehin ang pagkakaloob ng seguridad at kabuhayan sa ating OFWs dahil hindi natin sila ipinapadala sa isang bansa para gahasain, saktan o abusuhin ng kanilang mga amo. Ipinapakita dito ang matinding pagmamalasakit ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa ka­galingan at interes ng overseas Filipino workers (OFWs).

Dapat tingnan ang pagbabawal bilang oportunidad sa 41-bansa na amyendahan nila ang kanilang batas sa paggawa para protektahan ang interes ng banyagang mga manggagawa, lalung-lalo na ang OFWs.

Mismong Department of Labor and Employment (DOLE) ang nagsabing 200 OFWs lamang ang maaapek­tuhan ng pagbabawal at tutulungan ng mga programa ng pamahalaan ang mga boluntaryong uuwi na lamang ng bansa. Higit sa lahat, hindi paboritong puntahan o destinasyon ng manggagawang mga Filipino ang 41 bansa.

Sa kasalukuyan, merong pagbabawal ang Pilipinas sa pagpapadala ng OFWs sa mga bansang Somalia, Syria, Nigeria, Lebanon at bahagyang pagbabawal sa Iraq at Afgha­nistan. Dapat nating tandaan na higit na mas mahalaga ang pagpapanatili ng buhay ng mga tao na siyang panguna­hing obligasyon ng pamahalaan sa ilalim ng Konstitusyon.

***

Napag-usapan ang aksyon at proteksyong ipinagkakaloob ng gobyerno, kapuri-puri ang pagsuporta ng administrasyong Aquino sa paninindigan ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization’s (UNESCO) kaugnay sa promosyon ng kalayaan sa pamamahayag.

Indikasyon ng malaking pagmamahal at malasakit ng pamahalaan ang pahayag ng suporta ni Communications Sec. Herminio Coloma, Jr. sa opening ceremonies sa pulong ng CI (Communication and Information) Commission -- isinagawa ang 36th UNESCO Conference sa Pa­ris, France ng nakaraang linggo.

Ipinakita rito na nakahanda ang pamahalaan na protektahan ang mga tao, partikular ang mga mamamaha­yag sa paggampan ng kanilang tungkulin. Tama ang pamahalaan sa posisyon na palakasin ang promosyon ng kala­yaan sa pamamahayag at impormasyon na bahagi ng tinatawag na Social Contract ng gobyerno sa mga Filipino sa ilalim ng liderato ni PNoy.

Ipinapaliwanag din ng suporta ang paninindigan ng pamahalaan na isulong ang pagsasabatas ng Witness Protection, Security and Benefit Act na naglalayong palakasin ang karapatan ng mga nagbubunyag ng katiwalian sa pamahalaan.

Inaasahang lilikha ang pahayag ng suporta ni Coloma kaugnay sa paggamit ng pamahalaan sa UNESCO-ins­pired communication for development (C4D) framework ng aktibong partisipasyon ng mamamayan sa gawain ng gobyerno.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, November 4, 2011

Common sense!
REY MARFIL


Malinaw ang pagsuporta ni World Bank Group Pre­sident Robert Zoellick sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) o Conditional Cash Transfer (CCT) prog­ram ng administrasyon -- isang patunay na epektibo at matagumpay ang kampanya ng gobyerno sa pagtulong sa mga mahihirap.

Dahil sa “daang matuwid” ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino, meron inilaang $100-milyong pasilidad ang World Bank sakaling mangailangan ng pondo ang gobyerno para sa programang CCT na kinukuwestyon ng mga kritiko subalit wala namang mailatag na solusyon upang tapyasan ang bilang ng mga nagugutom.

Isang napakagandang bagay ang pagsuporta ni Zoellick sa kampanya ng administrasyong Aquino laban sa katiwalian. Kailangan natin ngayon na suportahan ang anti-poverty at anti-corruption campaign ng pamahalaan upang maramdaman ang kaunlaran maging sa ilang mga lugar sa bansa.

***

Kapuri-puri rin ang pagtiyak ni PNoy sa malakas na bilateral relations ng Pilipinas at Vietnam sa kabila ng kontra-alyansa ng superpowers noong Cold War, as in pinalalim sa pagbisita ni President Truong Tan Sang ng Socialist Republic of Vietnam ang pagkakaibigan, ekonomiya, negosyo at bilateral relations ng dalawang (2) bansa.

Positibong bagay ang presensya sa Pilipinas ni President Sang sa gitna ng tensyon sa West Philippine Sea dahil sa pinag-aagawang mga isla. Higit na kailangan nga­yon ng bansa ang malakas na samahang pulitikal, ekonomikal at seguridad para sa kapayapaan at kaunlaran -- ito’y pagmumulan ng matinding kasiyahan sa pagsusulong natin ng kaunlaran at mga hamon sa iba’t ibang nasyon.

Dahil sa magandang pangyayaring ito, umaasa ta­yong matatamasa ng mga bansang kasapi ng ASEAN ang kapayapaan, kaunlaran at kooperasyon.

Manatili sana tayong nakatindig para sa pagsusulong ng magandang kinabukasan ng mga nasyon sa Asya.

Sa pagbisita ni President Sang, lumagda ang Pilipinas at Vietnam sa bilateral agreements na naglalayong pa­lakasin ang kooperasyon sa karagatan, coast guard at turismo at maging ang kasunduan sa bilateral projects na ipatutupad sa 2016.

***

Napag-usapan ang biyahe, hindi masisisi ang Malacañang kung pagdudahan ang tunay na motibo sa pla­nong pagpapagamot ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa sandamakmak na destinasyong nais puntahan, katulad ng Singapore, Spain, Germany, Italy at US.

‘Ika nga ng mga kurimaw, “sentido kumon” lamang ang kailangan para malaman na nakakapagod kahit sa isang taong malusog ang bumiyahe sa iba’t ibang bansa sa loob lamang ng maikling panahon.

Mas lalo na kung isang maysakit ang bibiyahe, maliban kung sadyang walang “common sense” ang mga “taga-tahol” nito?

Hindi rin masisisi ang mga anti-Gloria na ilutang ang senaryong tatakas ang dating pangulo lalo pa’t kaliwa’t kanan ang mga iskandalong nagsisingawan. Alangang magpikit-mata na lamang ang mga dating nasagasaan o kaya’y magbulag-bulagan sa kanyang pananagutan?

Dapat lamang balansehin ng pamahalaan ang kanyang karapatan na makapagpagamot sa ibang bansa para mai­salba ang kanyang buhay at ang obligasyon nito sa batas na harapin ang mga imbestigasyon at prosekusyon.

Ang suggestion ni “Boy G”, bakit hindi na lamang papuntahin sa Pilipinas ang mga doktor na gusto nitong sumuri sa kanyang kalusugan?

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)


Wednesday, November 2, 2011

Mahalaga ang mga bata!
REY MARFIL


Makatwirang suportahan ang panawagan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa mga kabataang Filipino na magkaisa, tumulong sa pagsusulong ng matinong pamamahala at magpakita ng sinseridad bilang epektibong sandata para magtagumpay kontra kahirapan.

Dahil sa kanilang potensyal sa pagbuo ng bansa, tama lamang na tugunan ng mga kabataan na kumakatawan sa 30% ng populasyon ng bansa ang hamon ni PNoy na mabuhay sa mga katangiang nabanggit na likas naman sa mga Filipino kesa gamitin ang pagiging malikhain sa paggawa ng kabulastugan o makakasira sa buhay.

Kailangan ang kooperasyon para makamit ang tulu­­y-tuloy na progreso at malaki ang magiging kontribusyon dito ng mga kabataan. Ibig sabihin dapat ta­yong makilahok sa magandang ginagawa ng gobyerno sa pamamagitan ng iba’t ibang social projects na nagpapalakas hindi lamang sa mga kabataan kundi maging sa ilang mga kasapi ng lipunan.

***

Napag-usapan ang mga kabataan, hindi ba’t naka­kabilib ang pagpapahalaga ni PNoy sa promosyon ng interes at karapatan ng mga bata, patunay ang pangu­nguna ng Pangulo sa paggawad ngayong taon ng Child Friendly Municipalities and Cities.

Sa kaalaman ng publiko, tumanggap ang limang (5) nanalo ng Presidential Trophy at tig-P300,000 cash prize -- kinabibilangan ng mga munisipalidad ng Villaverde, Nueva Vizcaya; Mariveles, Bataan; Vigan City, Ilocos Sur; Santiago City, Isabela; at Mandaluyong City, isang patunay na ginagawa ng administrasyong Aquino ang lahat ng paraan upang protektahan ang buhay at karapatan ng mga bata na siyang kinabukasan ng bansa.

Kabilang sa tulong ng pamahalaan sa mga bata ang kampanya laban sa kahirapan katulad ng Pantawid Pa­milyang Pilipino Program (4Ps) at pambansang prog­rama sa kalusugan sa pamamagitan ng PhilHealth na nakakatanggap ng mas malaking pondo para maparami ang mga benepisyunaryo.

Nakaraang Setyembre, tinatayang 2.23 milyong pamilyang Filipino ang nakinabang na sa 4Ps habang 5.2 milyong pamilya naman sa serbisyong kalusugan. At pangunahing prayoridad ni PNoy ang edukasyon na pinatingkad ng Counter-Parting for Classroom Cons­truction Program na gagawa ng 1,300 silid-aralan sa buong bansa.

Hindi lang ‘yan, lumahok din ang Pangulo sa UNICEF Philippines at Department of Social Welfare and Development para sa paglulunsad ng libro tungkol sa mga batang lansangan ng nakaraang linggo.

Tinatalakay ng librong A Journey with Children: Living and Working on the Streets of the Philippines ang mga kuwento ng 45-batang kalye, kalakip ang mga larawang kuha ni UNICEF photographer Giacomo Pirozzi.

Ipinakita ng libro ang kalagayan ng mga batang lansangan at ang pag-asang maaayos ang kanilang kalaga­yan na siyang pinagsusumikapang isulong ng administrasyon.

At nanawagan si PNoy sa pribadong mga kumpanya na ipagpatuloy ang pagsuporta sa mga programa ng pamahalaan upang protektahan ang mga bata.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Si Miriam ang nagsabi niyan!
REY MARFIL

Suportado ng mga kongresistang Muslim ang posis­yon ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na ipagpatuloy ang peace talks sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), kalakip ang “all-out justice campaign” sa halip na all-out war ang ipatupad laban sa masasamang elementong namumugad sa kabundukan ng Zamboanga Sibugay at Al-Barka, Basilan.

Sa pangunguna ni Basilan Rep. Jim Hataman at Confederation of Provincial Governors, City Mayors and Municipal Mayors League Presidents of Mindanao (CONFED MINDANAO) na pinamumunuan ni Davao del Norte Gov. Rodolfo del Rosario, umayon sa ideneklarang “all-out justice” ni PNoy ang grupo sa halip na pumasok sa isang magastos at mapinsalang digmaan. Pansinin: ta­nging taga-Luzon at residenteng hindi nakakaranas ng giyera at kaguluhan ang “mainit” sa all-out war!

Hindi lang tama bagkus matalino at makatwirang posisyon ang naging tugon ni PNoy sa serye ng mga atake laban sa masasamang elemento o ilang pasaway na kasapi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Ang panawagan para sa hustisya ang nararapat na gawin bilang pagkilala sa karangalan ng mga nasawing sundalo na matapang na idenepensa ang bansa kapalit ng kanilang buhay.

‘Pag babaliktarin ang anggulo, malinaw ang mensahe ni PNoy na habulin, parusahan at papanagutin ang mga nasa likod ng pag-atake at ipagkaloob sa mga biktima ang hustisya.

Bagama’t ayaw aminin ng mga kritiko, ilalagay ng “all-out war” sa alanganin ang usapang pang­kapayapaan at hindi rin mareresolba ang ugat ng ilang dekadang rebelyon ng mga Moro at inaasahang lalaki ang pinsala sa buhay at ari-arian ng lahat ng grupong masasangkot sa digmaan.

Hindi ba’t libu-libong pamilya ang napilitang lumikas nang abandonahin ang kanilang mga tahanan para magtago sa ligtas na lugar nang ilunsad ng isang dating administrasyon ang all-out war policy?

Maaaring nagresulta ang all-out war policy laban sa rebeldeng mga Moro sa pagkakabawi ng iba’t ibang mga kampo, ngunit wala naman itong naitulong para maresolba ang ugat ng kanilang pakikibaka.

Ibig sabihin, hindi lunas sa insureksiyon ang digmaan. Sa halip, pinalalakas nito ang kanilang armadong pakikipaglaban. Bukod dito, malaki ang magiging pinsala ng digmaan sa buhay at kapaligiran kung saan inaasahang libu-libo na naman ang refugees at grabeng mapipinsala ang kagubatan dahil sa bakbakan.

Ang kailangan natin ngayo’y pamahalaang magsusulong ng hustisya para sa mga nabiktima ng karahasan, hindi para magpasulsol sa init ng ulo ng iilan. Kahit itanong n’yo pa kina birthday boy Vic Somintac (dzEC) at Willard “Mr. Ambassador” Cheng (ABS-CBN)!

***

Napag-usapan ang matibay na posisyon ni PNoy, mismong si Senadora Miriam Defensor-Santiago, tinaguriang “Kampeon ng Konstitusyon” -- ito’y hanga sa paninindigan ng Pangulo at hindi kailanma’y pinagdudahan ang kagalingan sa pagdi-desisyon, katulad sa usapin ng Charter Change (ChaCha).

Sa programang Krusada ni Henry Omaga-Diaz sa ABS-CBN, pagkatapos ng Bandila noong nakaraang Oktubre 21, malinaw ang mga binitawang salita ni Santiago kung anong klaseng lider si PNoy. Narito ang kumpletong transcript sa naging panayam.

Issue: Charter Change

Henry O. Diaz: Hindi naman naniniwala si Sen. Santiago na may agenda si PNoy pagdating sa ating Saligang Batas.

Sen. Miriam Santiago: 1987 pa lang ‘yung Konstitusyon na ‘yun at gusto na nating palitan. We haven’t even fully implemented some of its provisions. At sa tingin ko, ‘di ‘yan papalitan ni Presidente Noynoy dahil sa pagmamahal sa ina niya.

Eh identified ‘yan sa isip niya kay Mommy niya. Pinaghirapan ‘yan ng nanay niya eh. Ngayon papalitan ‘yan ng maski kanino at hindi naman maliwanag ang rason.

Henry O. Diaz: Kung meron mang pinagdududahan ang senadora, ‘yun ang mga naka­paligid sa Pangulo.

Sen. Miriam Santiago: ‘Yun ang problema ng mga ga­lamay ng maski sinong Presidente. Kasi akala nila Pre­sidente rin sila. Isa lang ang nahalal, ang daming nanga­ngarap kung anong gagawin nila, sa buong bansa pa? Hindi sila nakontento sa na-assign sa kanilang jurisdiction.

Akala nila mga “junior presidents” na rin sila. Maaari nga ganu’n ang isipan ng ibang kasamahan. Pero si Presidente Aquino, sa pagkaalam ko sa kanya nu’ng magkasama pa kami sa Senado, ay hindi mo siguro basta-basta ma­bulungan ‘yan. Ayaw niya ng bulong brigade eh. May sarili siya, he has a mind of his own.

Take note: si Senator Miriam ang nagsabi niyan, hindi ang sinumang malapit kay PNoy, siguro naman walang kritiko at grupong hindi makapag-move on sa resulta ng 2010 national election ang mag-aalburoto sa blog at Facebook!

Laging tandaan: “Bata n’yo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)