Friday, October 28, 2011

May row four pa rin!
REY MARFIL

Sa 3rd survey ng Social Weather Stations (SWS), ipinapakitang mas marami ngayon ang nakakakita at nakakaintindi sa ginagawang reporma ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III, maliban kung sadyang mutain o kaya’y “row four”, malapit sa basurahan ang mga kritiko nito.

Lumabas sa survey ang malaking pagtaas sa public satisfaction rating ng administrasyong Aquino -- ito’y napakalayo sa nagdaang survey kahit pa ikumpara sa mga naunang naupo sa puwesto.

Take note: Nakakuha ang administrasyong Aquino ng positibong 56% net satisfaction rating mula sa hanay ng 1,200 respondents na tinanong ng SWS mula Setyembre 4 hanggang 7.

Nakakuha ang pamahalaan ng 11 points na pagtaas kumpara sa nakalipas na yugto na umabot lamang ng positibong 45% at isinalarawan ng SWS ang +56-net satisfaction rating na “very good” -- ito’y panibagong magandang balita sa pamahalaan at pagkilala sa magandang ginagawa ng administrasyon na sinusugpo ang kahirapan at katiwalian.

Kung manatili tayong nakatayo at nagkakaisa na suportahan ang magandang ginagawa ng pamahalaan at imintina ang paglahok sa mga programa tungo sa kaunlaran, hindi malayong maihanay ang Pilipinas sa mga kalapit-bansang tinitingala, katulad ng Singapore.

Ipinapakita rin ng survey na nanatiling pinakamataas ang kasalukuyang net satisfaction rating ng pamahaalan kumpara sa nakalipas na mga administrasyon sapul nang simulan ng SWS ang survey noong Peb­rero 1989.

Malinaw na mahihimok ng magandang resulta ang pamahalaan na lalo pang pagbutihin ang kanilang trabaho para maisulong sa buong bansa ang inaasam na kaunlaran.

***

Napag-usapan ang reporma at pagbabago, masuwerte ang sambayanang Filipino sa pagkakaroon ng katulad ni PNoy -- isang lider na merong malakas at hayagang posisyon na isulong ang ‘Pantawid Pamil­yang Pilipino Program’ o 4Ps sa kabila ng samu’t sa­ring pag-iingay ng mga “neverheard senatoriables” bilang preparasyon sa 2013 elections.

Makatwirang suportahan ng publiko, sampu ng miyembro ng Dalawang Kapulungan ng Kongreso ang programa -- ito ang pangunahing kapital ng bansa upang matulungan ang mga mahihirap at tanging pagpapatuloy sa programa ang solusyon para bawasan ang kahirapan sa Pilipinas.

Sa hindi pa rin makaintindi sa programa, sa pa­ngunguna ng mga nagbabalak tumakbong senador sa 2013 elections -- isang paraan sa pagsugpo ng kahirapan ang 4Ps at nagsusulong ng kaunlaran sa pamamagitan ng pagbibigay ng conditional cash grants sa labis na mahihirap at pagpapabuti ng kanilang kalusugan, nutrisyon, edukasyon, partikular sa mga bagong panganak hanggang 14-anyos.

Ibig sabihin, inisyal na sagot sa pangngailangan ng mga mahihirap ang “Pantawid program” -- ito ang magsisiguro sa magandang kinabukasan ng mara­ming mga Filipino, maliban kung gusto ng mga kritiko ni PNoy na sila lamang ang kumakain ng tatlong beses kada araw?

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Thursday, October 27, 2011

Sumakto ang mga mahistrado!
REY MARFIL

Sa gitna ng karahasang naganap sa Mindanao, ‘good news’ ang desisyon ng Korte Suprema, pabor sa pagpapaliban ng eleksyon sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) at pagtatalaga ng mga opisyal na pansamantalang mangangasiwa rito -- isang panimula para wakasan ang katiwalian at kahirapang nag-uudyok ng kaliwa’t kanang kaguluhan at terorismo sa rehiyon.

Sa desisyon ng mga mahistrado na magbibigay ng kapangyarihan kay Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na magtalaga ng bagong mga opisyal sa ARMM, sa pamamagitan ng 8-7 votes -- ito’y magreresulta ng epektibong reporma sa rehiyon at maiiwasan ang karasahan, katulad ng nangyayari sa ilang bahagi ng Mindanao.

Nakakatiyak ng bagong pag-asa para sa mga kababa­yan natin sa ARMM ang deklarasyong legal ang Republic Act (RA) No. 10153 o batas na nagsuspinde sa halalan sa ARMM, as in isasabay sa 2013 mid-term election sa halip Augusto 8 ngayong taon.

Napakalaking bagay sa isinusulong na reporma ni PNoy ang pagpapaliban sa ARMM elections dahil tiyak na mahusay at matinong lider ang itatalaga, sinuman ang mapili nito. Ipinapakita sa desisyon ng mga mahistrado na kumapit sa hudikatura ang repormang ipinagla­laban ni PNoy at positibong impluwensiya ng administrasyong Aquino sa Supreme Court (SC), partikular ang ‘Daang Matuwid’.

Higit sa lahat, makikita rin ito bilang suporta ng hudikatura sa reporma ni PNoy sa kabila ng bangayang namagitan sa mga spokesman nito. Sa dulo nito, umaasa ang publiko na magiging mas maganda ang relasyon ng Korte Suprema at Palasyo na magpapatatag din sa pamamahala sa ARMM.

***

Napag-usapan ang good news, dapat suportahan ng publiko ang paninindigan ni PNoy na ibasura ang alok na muling bilhin ng gobyerno ang Petron Bataan refi­nery lalo pa’t hindi mapaglilingkuran ang interes ng nakakarami dahil higit na mas mura ang umangkat ng mga produktong petrolyo katulad ng ginagawa ng maliliit na mga kompanya sa halip na imintina ang mahal na ope­rasyon ng processing plant.

Ibig sabihin, mas makakaperwisyo sa halip na maka­tulong ang muling paghawak sa refinery at hindi mabibigyan ng solusyon ang patuloy na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.

At hindi maiwasan ang senaryong plano ng Petron na mang-angkat na lamang ng mga produktong petrolyo sa halip na isailalim sa proseso ang krudo sa mahal nilang refinery. Ganito ba ang corporate responsibility na nais ipakita ng Petron sa publiko? Nakakagalit at dapat kondenahin ito.

Makatwirang manatili rin ang gobyerno bilang tagabantay sa halip na magpatakbo ng refinery alang-alang sa interes ng publiko. Naniniwala ang inyong lingkod na magreresulta ang muling pagbili sa Petron sa karagdagang pasanin ng publiko. Ika ng mga kurimaw: kung kumikita ang negosyo, ito ba’y ibebenta mo, maliban kung nabubutas ang iyong bulsa sa kaaabono?

Aminin o hindi ng mga top executives ng Petron, malinaw ang katotohanang hindi na masaya ang kanilang kumpanya sa kasalukuyang sitwasyon kaya’t nais nitong dispatsahin ang Bataan refinery.

Dapat maging sensitibo ang pamunuan ng Petron sa sentimiyento ng mga tao at hindi dapat na ipasa sa publiko ang bigat na mistulang kanilang dinadala ngayon.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy nyo”. (mgakurimaw.blogspot.com)




Monday, October 24, 2011

Damay ang makialam!
REY MARFIL


Tama si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na ibasura ang pagsusulsol na maglunsad ng todong digmaan o all-out war laban sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) su­balit hindi nangangahulugang palulusutin ng gobyerno ang ginawang kabuktutan ng grupong responsable sa pagkamatay ng labing-siyam (19) na sundalo sa Al-Barka, Basilan.

Makaraang makaharap ang pamilya ng mga sundalong minasaker sa Basilan noong Biyernes ng gabi sa Libingan ng mga Bayani, Fort Bonifacio, Taguig City, binigyaang diin ni PNoy ang paghahanap ng hustisya. Malinaw ang mensahe ng Pangulo, damay ang sinumang makikialam sa pagtugis ng pulisya at militar sa grupong promotor sa madugong ambush, as in matitikman ang lupit ng estado.

“‘Yung mga akalang makakalusot dito, palagay ko madada­ma nila kung ano ang ibig sabihin kapag nakatutok ang estado sa pagtutugis sa kanila. Hindi ko ipapangako sa inyo na bukas, makalawa, ibig sabihin in 24 hours, in 48 hours, hindi ko po istilo ‘yun, hindi ko po usong manloko. Pero ginagarantiya ko po na lahat ng tutugusin ng estado, makukuha po natin.”

“`Yun naman ho sa gustong makihalo pa dito sa kaguluhan na ito, hindi ho rin kayo sasantuhin maski sino pa kayo. ‘Pag kayo po ay tumulong doon sa mga hinahabol ng estado, kasama na rin po kayo sa kumakalaban sa estado at tutugisin rin kayo” -- ito ang banta ni PNoy sa ilang bugok na miyembro ng MILF.

Kailangang balansehin ng gobyerno ang bawat panig at sitwasyon, as in makatwirang i-abot ni PNoy ang kamay sa rebeldeng grupo sa halip na makipagbakbakan na magreresulta upang lumala ang problema sa bansa. ‘Ika nga ng mga kurimaw: bakit naman idadamay ang malaking bahagi ng MILF na naghahangad ng kapayapaan o gustong pumasok sa peace agreement?

Hindi ba’t mas makakabuti sa pamahalaan na imbestigahan muna ang puno’t dulo ng pangyayari sa halip na agarang magkaroon ng konklusyon? Take note: sumailalim na sa ilang siglo ng digmaan ang bansa kung saan nananatili pa rin ang mga suliranin. Sa pagkakataong ito, bakit hindi subukan ang usapang pangkapayapaan bilang solusyon para maisalba ang pagkasira ng maraming buhay at mga ari-arian?

Tiniyak ni PNoy na maibibigay ang nararapat na hustisya para papanagutin ang ilang mga bulok na mga kasapi ng MILF at naiintindihan ng husto ng Pangulo ang sitwasyon dahil siya lamang ang nakakatanggap ng lahat ng mapagkakatiwalaang impormasyon na hindi nakukuha ng mga tao.

Mas malaking larawan ang nakikita ni PNoy kumpara sa sinumang nagsusulsol ng all-out war at maganda ang tiyansang makamit ang kapayapaan sa MILF kung hindi bibitiwan ang usapang pangkapayapaan dahil sa pangyayari. Kung magiging padalus-dalos, masasayang ang mahabang panahon ng paghihintay at paghahanap ng kapayapaan kung digmaan ang itataguyod ng pamahalaan.

***

Napag-usapan ang matalinong posisyon ni PNoy, makatwirang papurihan ang Pangulo dahil sa kanyang pa­tuloy na paninindigan na maitalaga ang mahuhusay at hindi makasariling mga opisyal na magtataguyod ng kanyang mga reporma sa gobyerno, as in tamang italaga lamang ang magagaling, prinsipyado at hindi maiimpluwensiyahang mga opisyal sa pamahalaan para itayo ang malalakas na mga institusyon sa kapakinabangan ng mga tao.

Makakatulong ang matigas na paninindigan ni PNoy para walisin sa gobyerno ang tiwaling mga lider na nakakasira sa tungkulin at mandato na paglingkuran ang mga tao. Magsisilbi naman talagang susi sa reporma ang pagtatalaga ng mga magagaling na mga lider at kitang-kita ang sinseridad ng administrasyong Aquino na isulong ang mga reporma.

Makikita rin natin na nagresulta sa positibong mga pagbabago ang reporma ni PNoy sa pananaw ng publiko sa pamamahala dahil sa mas aktibong pakikisangkot ng mga tao sa kampanya laban sa katiwalian.

Laging tandaan: “Bata n’yo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, October 21, 2011

Pamana sa NAIA!
REY MARFIL

Dapat suportahan ng publiko ang aksyon ng Department of Transportation and Communications (DOTC) na imbestigahan ang P2 bilyong hindi awtorisadong “interconnectivity fees” na kinolekta ng Stradcom bilang kabayaran para sa tinatawag na government-owned data.

Bagama’t paksa na ito ng litigasyon, tamang isapinal ng DOTC ang legal nitong posisyon laban sa maling paniningil kaya’t makatwirang papurihan ang determinadong kampanya ng administrasyong Aquino na pigilan ang hindi tamang nakagawian.

Sa kaalaman ng publiko, ipinasa ng Commission on Audit (CoA) ang ulat nito sa legal na grupo ng DoTC na pinamumunuan ni Undersecretary Jose Perpetuo Juju Lotilla para sa masusing imbestigasyon at tamang aksyon ng kinalaunan, as in dapat merong parte ang pamahalaan sa kinita ng Stradcom sa interconnectivity fees, ngunit wala namang nakuha kahit isang sentimo.

Hindi naman madetermina ng Land Transportation Office (LTO) ang eksaktong interconnectivity fees na nakuha ng Stradcom dahil pribado ang naging transaksyon. Ngunit base sa koleksyon noong 2007 hanggang 2011, umabot sa tinatayang P2 bilyon ang nakolekta base na rin sa ulat ng CoA.

Hindi lang ‘yan, dapat matuwa ang publiko sa ipinalabas na datos ng Asia 2020 Report -- isa sa pinakamalaking financial services groups DBS Group Holdings Ltd, nagsasabing maaaring lumago ang ekonomiya ng 80% sa 2020 kung saan posibleng maging P6% ang GDP growth.

Nangangahulugang tama ang mga pundasyon sa ekonomiya ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III na nakabase sa pagsugpo ng katiwalian, alinsunod na rin sa natatanggap na magandang pagkilala ng gobyerno para sa respetadong ins­titusyon.

Kinilala ng ulat ang reporma sa pananalapi ng pamahalaan at pamumuhunan sa public-private partnerships, kabilang, ang sobrang kampanya sa transparency at accountability.

***

Napag-usapan ang pagtutuwid ng DOTC, hindi kaila­ngan maging Harvard graduate para maintindihan kung bakit bi­nansagang “worst airport” ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) -- ito’y Nababasa at Nasusulat, aba’y balikan ang mga kaganapan sa nagdaang taon, meron bang ginawang aksyon ang gobyerno?

Kung ikumpara ang kalagayan ng NAIA ngayon, ‘di hamak malaki ang nabago. Take note: Mismong si Ted Failon ang nagpapatotoo kung paano unti-unting inaayos ni Gene­ral Manager Honrado ang pasilidad sa paliparan.

Bagama’t mali ang mabuhay sa nakaraan, hindi maiwasang balikan ng mga kurimaw ang nagdaang 9-taon. Kung meron ginawang aksyon ang nagdaang gobyerno, sana’y hindi “worst airport” ang NAIA ngayon?

Sa ocular inspection ni PNoy sa NAIA, ilang buwan makaraang maupo sa MalacaƱang -- hindi naitago ng Pangulo ang madismaya at mairita nang makitang bungi-bungi ang mga urinal at toilet bowl, walang tubig, sira ang gripo at bakbak ang tiles -- ito ang isa sa misyong napagtagumpayan ni Hondrado sa NAIA subalit paano pagagandahin at gagawing mo­derno ang paliparan kung sadyang luma at hindi inaalagaan ng mga dating namamahala?

Kung inaalagaan ang NAIA sa nagdaang 9-taon, hindi lalaki ang sira at lalong hindi lalaki ang gastos ng gobyerno para sa rehabilitasyon at pagkukumpuni nito. Kaya’t ang hamon ng mga kurimaw:

Ngayon mag-ingay at magmagaling ang mga kritiko ni PNoy, sampu ng mga nakinabang sa nagdaang administrasyon para magkaalaman kung bakit “pagka-pangit” ang paliparang pinagbuwisan ng buhay ni dating senador Benigno ‘Ninoy’ Aquino Jr., na nagsilbing simula ng pagbabago.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, October 19, 2011

May kuryente!
REY MARFIL

Sa laki ng problema sa power sector, simula ng mauso ang gobyerno, kahit sinong maupong Pangulo -- ito’y isang ma­laking adobeng nakapasan sa balikat ng Department of Ener­gy (DOE) kaya’t makatwirang papurihan si Secretary Jose Rene Almendras, aba’y naninindigan sa resonableng si­ngil ng kuryente sa Pilipinas lalo’t masyadong kumplikado at masalimuot ang usaping ito.

Lagi tayong nahaharap sa katanungan kung talagang tumataas o bumababa ang singil sa kuryente. Nasa tamang panahon para ipakita ng DOE ang mandato nito para tiyaking mababa at tuluy-tuloy ang serbisyo ng kuryente sa buong bansa -- ito ngayon ang pinagkakaabalahan ni Sec. Almendras, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino.

Lingid sa kaalaman ng nakararami, dinedetermina ang singil sa kuryente, base sa generation charge, transmission charge at distribution charge. Kaya’t tinitiyak ng administrasyong Aquino na merong sapat na suplay ng kuryente at maipatupad ang mga programa para pahinain ang epekto ng mataas na singil sa kuryente.

Kasalukuyang nire-review ng DOE ang bilateral contract structures na magtatatag ng reward system para mas maging epektibo ang generators service. Nakapaloob ito sa rewards generators na magiging savings ng mga konsumer kinalaunan.

Pangalawa, iginiit ni Sec. Almendras ang pangangaila­ngan kaugnay sa tuluy-tuloy na pagtutol sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) para matiyak na tama ang presyo ng kuryente base sa umiiral na mga panahon.

Layunin na maging independent market ito. Pangatlo, inulit ni Sec. Almendras ang maigting na pagrebyu ng DOE sa aplikasyon para sa Universal Charge (UC) at posibleng mga pamamaraan upang mabawasan ang epekto nito.

Pang-apat, magkaroon ng kuryente sa malalayong mga lugar sa bansa. Pinakahuli, masigasig ang hakbang ng kalihim ng DOE na harapin ang mga hamong kinakaharap ng electric cooperatives at itinutulak ng DOE ang amyenda sa National Electrification Administration (NEA) Charter para mas maging epek­tibo ang operasyon ng electric cooperatives sa buong bansa.

***

Napag-uusapan ang kuryente, kabahagi ng P72 bilyong stimulus fund na ipapalabas ni PNoy ang P6.5 bilyong nakalaan sa LGUs na labis na dumedepende sa kanilang Internal Re­venue Allotment (IRA) -- ito’y gagamitin sa konstruksyon ng arterial roads na magkokonekta sa national road; kuryente sa mga barangay at sitio; at iba pang prayoridad na mga programa na merong agarang epekto sa buhay ng mga mahihirap.

Ilalaan rin ang P750 milyon sa paglinang sa Quezon pro­vince, alinsunod sa pag-aayos sa utang sa buwis ng National Power Corporation (Napocor) habang tatanggap ng P11.05 bilyon ang National Housing Authority (NHA) para sa iba’t ibang programang pabahay, kabilang ang P10 bilyon para sa pabahay ng mga taong nakatira sa delikadong mga lugar at P500 milyong pabahay ng mga kasapi ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) personnel.

Upang suportahan ang premium subsidies ng mga mahihirap sa ilalim ng National Health Insurance Program, P1.5 bilyon ang ilalaan na kabayaran sa mga obligasyon ng national government at makakatanggap ng P249 milyon ang Department of Health (DOH) para sa pagkuha ng nurses at kumadrona na magsisilbi sa malalayong mga lugar sa bansa.

Mabibiyaaan naman ng P1.1 bilyon ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at ibang ahensya para makapareha ang iba’t ibang industriya, lalung-lalo na ang Business Process Association of the Philippines for Human Resource Development.

Umaabot sa P425 milyon ang maibibigay sa pagpapabuti ng kapasidad ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), partikular sa pag­linang ng Doppler radar network at pagtatatag ng National Meteorological and Climate Center, gamit ang makabagong mga kagamitan sa pagtaya ng lagay ng panahon.

Laging tandaan: “Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, October 17, 2011

Tamang pagtitipid!
REY MARFIL


Dahil sa matalinong pamamaraan ng paggugol ni Pa­ngulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa pampublikong pondo na malayo sa nakagawian ng mga dating nakaupo sa puwesto, multi-bilyong piso ang natipid ng gobyerno at hindi kailangang magmakaawa sa mga dayuhan o mangutang sa tuwing nagkakaaberya ito.

Kung tutuusin, hindi nakakapagtaka ang magagandang nangyari dahil matagumpay ang kampanya ni PNoy sa pagsupil sa katiwalian sa gobyerno. Kaya’t ang tanong ng mga kurimaw: Bakit hindi matanggap ng mga kritiko ang pagbabago at repormang ginagawa ni PNoy, ma­liban kung “believers” ng maling pamamahala sa nagdaang panahon?

Hindi ba’t kapuri-puri ang desisyon ni PNoy na ipatupad ang karagdagang P72.11 bilyong “stimulus package” para sa mga proyekto kung saan mabilis ang implementasyon para mapalago ang ekonomiya ng bansa sa gitna ng nangyayaring paghina ng pandaigdigang ekonomiya na pinalala ng nakalipas na natural na mga kalamidad.

Nakikita ni PNoy na hindi sapat ang paggugol ng pamahalaan sa pampublikong pondo kaya’t agarang nagdesisyong ipalabas ang P72.11 bilyon para lalong lumago ang ekonomiya. Nakapaloob ang mabilis pero matalinong paggasta ng pampublikong pondo sa importanteng mga proyekto sa Disbursement Acceleration Plan para sa 2012.

Kahit walang tubo ang pangungutang kapag nai­deklarang state of calamity ang isang lugar, hindi kailanman sumagi sa isipan ni PNoy ang manghiram ng pera sa World Bank (WB) para sa rehabilitasyon ng mga lalawigan at bayang sinalanta ng dalawang bagyo -- ito’y kabaliktaran sa nagdaang panahon.

Dati-rati’y konting ulan lang at pagbaha dahil nabarahan ng mga basura o plastic ang kanal at estero, “ngising-aso” ang mga nakaupo sa puwesto, aba’y merong pagkakakitaan ang mga ito, as in awtomatikong nangungu­tang kung kaya’t nagkabaun-baon ang gobyerno, mapapera o utang na loob sa kung sinong Pontio Pilato. Ika nga, “may tubo o wala -- ito’y utang pa ring babayaran”.

***

Napag-uusapan ang pondo, kabilang sa mga proyekto ang ilang kritikal na public works at imprastraktura sa agrikultura, pabahay, relokasyon at resettlement pro­jects, karagdagang pondo para suportahan ang local go­vernment units (LGUs), rehabilitasyon ng rail systems, proyekto para sa usapang pangkapayapaan, insurance ng kalusugan ng mga mahihirap at human resource deve­lopment training, at iba pa.

Sa kabuuang P72.11 bilyon, nakapaloob ang P37.92 bilyong ibibigay sa mga ahensiya ng pambansang pamahalaan; P7.25 bilyon sa LGUs; at P26.90 bilyon sa go­vernment-owned and controlled corporations (GOCCs).

Kukunin ang pondo sa pinagsama-samang natipid na mga pera sa hindi nagamit na salapi sa ilalim ng kasalukuyan at maging ang 2012 na pambansang badyet. At maglalaan ang Department of Agriculture (DA) ng P1.62 bilyong halaga para sa pagpapanatili ng irigasyon, farm-to-market roads at ibang imprastraktura.

Ipapalabas rin ang karagdagang pondo para sa Min­danao Rural Development Project sa halagang P919 mil­yon at Agno River Integrated Irrigation Project na umaabot sa P411 milyon.

Magsasagawa naman ang Department of Budget and Management (DBM) katuwang ang National Statistics Office, DA at Department of Agrarian Reform (DAR) ng National Survey of Farmers and Fisherfolk -- ito’y nagkakahalaga ng P625 milyon.

Laging tandaan: “Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, October 14, 2011

Epekto ng sinturon!
REY MARFIL


Sa latest survey ng Social Weather Station (SWS), isang pa­nibagong sampal sa mga kritiko ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III ang satisfaction rating -- ito’y umangat ng 10%, ka­baliktaran sa inaasahan ng grupong nangangarap pabagsakin ang imahe ng Punong Ehekutibo, sa pamamagitan ng “pagtahi-tahi” nang kung anu-anong kwento at walang kwentang intriga, mapa-facebook o tweeter account ng mga ito.

Hindi nagsisinungaling ang numero, umakyat sa 56% ang satisfaction rating ni PNoy, ‘di hamak mas mataas sa naunang naitalang 46%. Kung ibabatay sa “grading system”, nakakuha ng “very good” ang Pangulo.

Ang tanong ng mga kurimaw: Ito ba’y naiintindihan ng mga kritiko ni PNoy, maliban kung sad­yang manhid sa pulso ng publiko o kaya’y likas sa dugo ang ugaling “ali­mango” kung kaya’t pilit sinisira ang magandang diskarte nito?

Kapag ikinumpara ang “very good” rating ni PNoy sa iba pang government officials, malinaw ang katotohanang “angat” sa liderato nina Senate President Juan Ponce Enrile at House Speaker Sonny Belmonte.

Ang good news lamang, tila nahawa sa magandang liderto ni PNoy ang lahat ng institusyon, aba’y umangat ng 3% ang Senado -- mula 47% noong nakaraang Hun­yo, ito’y nakapagtala ng 50%.

Maging House Leadership, nakapagtala ng bahagyang pag-angat sa satisfaction rating -- ito’y nakakuha ng 31%, mas mataas kumpara sa 30% noong nakaraang June survey ng SWS.

Ang bad news, nabawasan ng 3% si Vice President Jojo Binay -- ito’y bumaba sa 63% mula 69% ang satisfaction rating kaya’t hindi maiwasang magtanong ng mga kurimaw sa gilid ng Sofitel Hotel kung may kinalaman sa maagang deklarasyon na tumakbong Pangulo sa 2016.

Kung good news din lang ang pag-uusapan, siguro naman mananahimik ang mga kritiko ni PNoy, sampu ng grupong hindi matanggap ang resulta ng 2010 presidential elections ang inanunsiyong P72 bilyong stimulus package ng Pangulo -- ito’y naglalayong gamitin sa public works at poverty reduction projects.

At malaking kalokohan kung “kakainin” ng mga kritiko ni PNoy ang mga salitang binitawan laban dito, katulad ang akusasyong mabagal ang mga proyekto at walang pondong inilalabas ang palasyo.

Kung naging ura-urada si PNoy at walang pakundangan sa paggastos o hindi ipinatigil ang mga kontratang pinamugaran ng kaliwa’t kanang komisyon, katulad ng nakasanayan sa nagdaang panahon, hindi makakatipid ang gobyero.

Take note: Kahit binaha ang buong Central Luzon, hindi nangutang si PNoy upang pondohan ang rehabilitasyon at konstruksyon ng nasirang imprastraktura ng bagyong Pedring at Quiel kahit pa idineklarang state of calamity ng local officials ang mga balwarte nito. Ang rason: May pagkukunan ng pondo.

Ang P72 bilyong package plan na nakalaan sa public works at poverty reduction projects -- ito’y hindi rin inutang ni PNoy sa dayuhang gobyerno o financial institutions bagkus epekto sa “paghihigpit ng sinturon” na naunang kinukuwestyon ng mga kritiko at oposisyon na walang inatupag kundi mang-intriga sa tweeter at facebook.

***

Makatwirang papurihan ang administrasyong Aquino sa matagumpay na pagkumbinsi sa Yokohama na maglagak pa ng $650 milyong pamumuhunan sa pagpapalawak ng kanilang pa­silidad sa Clark -- ito’y resulta ng mabungang pagbisita ni PNoy sa Japan noong nakaraang buwan.

Sa kaalaman ng publiko, lumagda ang Clark Development Corporation (CDC) at Yokohama Tire Philippines Inc. (YTPI) sa isang memorandum of understanding (MOU) para sa $650 mil-­ yong expansion project para sa pasilidad sa Clark Freeport Zone, Pampanga.

Ang Yokohama Tire Philippines Inc. (YTPI) ang subsidiary sa bansa ng Yokohama Rubber Co. (YRC) Ltd. Katulad ng pagdami ng mga banyagang mga turista, nangangahulugan ng maraming trabaho at oportunidad sa mga Filipino ang papa­lawaking operasyon ng Yokohama, maliban kung “kinamoteng arithmetic” ang natutunan sa elementarya ng mga kritiko ni PNoy kaya’t nagiging negative ang addition?

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, October 12, 2011

Aksyon o photo-op
REY MARFIL

Kahit anong pag-iingay ang gawin ng mga kritiko, hindi maitatanggi ang mabilis na pagresponde ng administrasyong Aquino para tugunan ang pangangailangan ng mga Pilipino na sinalanta ng mga bagyong Pedring at Quiel.

Ang pinakamalinaw sa lahat, walang drama at photo-ops ka­tulad ng tradisyunal na nasasaksihan at ginagawa ng mga opisyal sa mahabang panahon -- ito marahil ang rason kung bakit nagdadaldal ang mga kritiko, aba’y nasanay sa photo-op!

Mas pinili pa nga ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na tutukan ang mga pangyayari sa halip na umagaw ng eksena sa media at magpa-cute -- ito’y ugali ng Pangulo na sadyang ikinasama ng loob ng mga kritiko. Take note: Nasa Japan pa lamang, harapang pinakiusapan ni PNoy ang Japanese businessmen na iklian ang pagtatanong dahil tinututukan ang pananalasa ng bagyo.

Noong nakaraang Oktubre 5, 2011 binisita ni PNoy ang mga lugar sa Gitnang Luzon na tinamaan ng mga bagyong Pedring at Quiel para personal na makita ang kondisyon ng mga pa­milya na naapektuhan ng bagyo at makapagsuri para sa rehabilitasyong isasagawa ng mga lokal at pambansang pamahalaan.

Kung ura-uradang bumisita si PNoy, ito’y magiging pabigat pa sa kapulisan at sundalong nagsasagawa ng rescue ope­rations dahil ida-divert ang tropa sa security nito. Ewan lang kung naiintindihan ng mga kritiko ito?

Mas mahalaga sa ngayon ang katotohanan na binibigyan tayo ng pamahalaan ng positibong pananaw sa pagharap sa mga bagyo at iba pang trahedya dahil laging nandiyan ang gobyerno.

Dahil dito, asahan natin na mas magiging handa ang pagharap ng pamahalaan sa mga susunod na trahedyang posibleng tumama sa bansa.

Hindi lang ‘yan, mabilis na inihayag ni Social Welfare and Development Sec. Corazon Soliman ang donasyon ng Lina Group of Companies para sa 86 portalets na makakatulong sa mga taong tinamaan ng bagyong Pedring.

Pinabilis rin ng Department of Agriculture (DA) sa pamamagitan ng Philippine Crop Insurance Corp. (PCIC) ang pagpapalabas ng P334 milyon para sa mga magsasaka sa Luzon na nasira ang mga pananim dahil sa dumaang trahedya.

Ipinataw naman ng Department of Trade and Industry (DTI) ang price freeze sa pangunahing mga bilihin sa iba’t ibang lugar para protektahan ang mga residente laban sa mapagsamantalang mga negosyante.

Iniulat naman ni Assistant Secretary Eric Tayag ang pagsasagawa ng Department of Health (DOH) ng mabilis na pagtaya sa lagay ng kalusugan ng mga residente ng binahang mga barangay sa Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga at Tarlac.

Nagdeklara rin ang Pag-IBIG Fund (Home Development Mutual Fund) ng tatlong buwang pagsuspinde sa pagbaba­yad ng housing loan sa mga miyembrong apektado ng dalawang bagyo at nagkaloob sa mga miyembro na naapektuhan ng bagyo sa pamamagitan ng calamity loan program.

Nagsagawa rin ang Department of Tourism (DOT) ng “emergency relief operation” para matulungan ang mga nabiktima ng mga bagyo sa Gitnang Luzon. Siguro naman, mas mahalaga ang aksyon kesa “photo ops”.

***

Napag-uusapan ang aksyon, hindi matatawaran ang pagsisikap ng administrasyong Aquino sa pagkumbinse sa mga banyaga na bisitahin ang bansa kung saan talagang nakuha ng Pi­lipinas ang tinatarget na 2.6 milyong turista mula Enero hanggang Agosto 2011.

Naitala naman nitong Hulyo ang pinakamalaking karagdagang turista na umabot sa 360,784 habang nakapagrehistro ang buwan ng Pebrero ng pinakamalaking “growth rate” na 18.52%.

Pinakamarami sa dumating na mga turista ang Koreans na uma­bot sa 23.63% o 615,218 habang nakapagtala ng 16.49% ang Estados Unidos (US) o 429,280 at 9.74% naman ang Japanese.

Binabati natin ang administrasyong Aquino sa pamamagitan ng DOT dahil sa kanilang magandang ginagawa.

Laging tandaan: “Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, October 10, 2011

Mas pinalakas!
REY MARFIL

Hindi ba’t kapuri-puri ang determinasyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na idepensa ang mga teritoryo ng buong bansa at siguradong malaki ang asensong makikita sa kakayahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para tiyakin ang seguridad sa desisyong ipalabas ang P4.95 bilyon.

Aminin o hindi ng mga kritiko, sampu ng mga hindi makapag-move on sa resulta ng 2010 national elections, napapanahon ang pagpapalabas ng P5 bilyon para mapalakas ang kakayahan ng AFP, kabilang ang pagbibigay ng proteksyon sa Malampaya Natural Gas and Power Project.

Walang duda ang bawat aksyon ni PNoy at nakakasiguro ang publiko na mapupunta ang bawat pisong ginugugol ng AFP sa pagbili ng mga kagamitan at ibang pangangailangan sa operasyon nito sa ngalan ng transparency at accountability.

Sa Japan trip, mas lalo pang pinalakas ni PNoy ang seguridad ng Pilipinas -- patunay ang bilateral relations na isinusulong sa pagitan ng pamahalaang Hapon, partikular ang promosyon ng kooperasyon sa seguridad at isyung pampulitikal. Kahit itanong niyo pa kay birthday boy -- Senator Chiz Escudero na nagdiriwang ng kanyang kaarawan nga­yong araw, maging kina MalacaƱang reporters Joel Guinto (Bloomberg) at Marie Ruiz (Radyo ng Bayan)!

Kabilang ang palitan ng kaalaman ng Philippine Navy at Japanese Maritime Self Defense Forces at Philippine Coast Guard. Pinagtibay nina PNoy at Prime Minister Noda ang alituntunin sa diplomatikong pagharap sa pinag-aagawang isla sa West Philippine Sea lalo’t mahalagang magpatuloy ang kalayaan sa nasabing karagatan.

Ipagpapatuloy rin ng pamahalaang Japan ang pagtulong sa Mindanao Young Leaders Invitational Program at “Rice-based Farming Technology Extension Project” para sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Nagkasundo rin ang mga lider ng dalawang bansa na suportahan ang palitan ng mga tao sa Japan at Pilipinas, partikular sa larangan ng turismo at kabataan upang malinang ang kultura at matiyak ang tuluy-tuloy na magandang bila­teral relations sa darating na hinaharap.

Iba pang kasunduan na nakamit -- ang tulungan sa disaster prevention, lalo na sa kahalagahan na magbigayan ng kaalaman at kahalagahan na resolbahin ang epekto ng nagbabagong klima, denuclearization ng North Korea at pagpa­patibay sa inter-Korean dialogue sa Korean Peninsula, suporta sa iba’t ibang aktibidad ng United Nations, kabilang ang UN Security Council Reform at UN Peacekeeping Ope­rations.

***

Napag-uusapan ang langis, makatwirang suportahan ang desisyon ng pamahalaan, sa pamamagitan ng Bureau of Customs (BOC) na idemanda ang ilang oil companies dahil sa illegal transactions na nagresulta sa P4.1 bilyong obligasyon sa gobyerno. Ganyan kalaki ang kinupit ng kawatang oil firms sa publiko!

Hindi lang mga opisyal ng oil companies ang kinasuhan ng gobyerno, bagkus, ilang kawani at indibidwal sa Customs na sangkot sa illegal transactions o nakipagsabwatan sa ma­ling deklarasyon ng importasyon ng diesel at unleaded fuels, isang patunay na walang sinasanto ang pamahalaan.

Sa report ng BOC, malakas ang ebidensya ng Run-After-The-Smugglers (RATS) Team laban sa isang oil company dahil umano sa paggamit ng mga diskarte na nagresulta upang mawala sa pamahalaan ang malaking halaga ng buwis.

Sa datos, lumabas noong Hunyo 2010 hanggang Hunyo ngayong taon na nagkaroon ng importasyon ng mga produktong petrolyo ang isang oil firm na may pinagsamang dutiable value na P4.1 bilyon -- ito’y ikaanim na kasong technical smuggling na sinampa ng BOC laban sa mga kumpanya ng langis sa nakalipas na 15 buwan.

Laging tandaan: “Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, October 7, 2011

Mabuting ehemplo!
REY MARFIL


Tanging nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan ang hindi nakakaalam sa malaking tiwalang ibinibigay ng buong mundo sa administrasyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino -- isang patunay ang parangal kina Finance Secretary Cesar Purisima at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Amado Tetangco Jr.

Kinilala bilang “Finance Minister of the Year for Asia 2011” si Purisma habang isa sa “World’s Best Central Bankers for 2011” si Tetangco ng New-York based publication Global Finance magazine.

Kaya’t ngayon, mag-ingay ang mga nag-aakusa ng “kaklase, kaibigan at kabarilan” o “KKK ng Pangulo”, maliban kung sadyang nakasanayang makita at makasama ng mga kritiko sa mahabang panahon ang mga “kotongero, kasabwat at kurakot”?

Sa simpleng explanation, ang parangal kina Purisma at Tetangco -- ito’y ilan lamang sa mga tagumpay na inaani ng Pilipinas sa pandaigdigang komunidad dahil sa “matuwid na daan” ni PNoy.

Kung sablay ang nakaupong Pangulo, kahit magta-tumbling sina Purisma at Tetangco, hindi mapapansin ng international community ang kanilang “effort” at siguradong hindi rin magtatrabaho ng matino dahil nakasalalay sa leadership ang bawat pagkilos.

Sa kaalaman ng publiko, kinilala ng London-based ma­gazine Emerging Markets si Purisima bilang “Finance Mi­nister of the Year for Asia 2011” na tinawag ring positibo dahil sa paniniwalang kayang bawasan ang pambansang kakulangan sa pondo nang hindi nagtataas ng buwis.

Take note: Si Purisima rin ang malaking rason kung bakit maayos ang promosyon ng Pilipinas sa mga foreign investors at kung bakit gumanda ang pagtiyak ng kaunlaran.

Nang italaga si Purisima noong Hunyo 2010, minana nito ang inaasahang P345 bilyong budget deficit sa pagtatapos ng taon subalit naibaba sa P315 bilyon, ‘di hamak na mas maliit pa ng P10 bilyon sa kanyang tinayang P325 bil­yon sa pagtatapos ng taong 2010.

Kinialala naman si Tetangco dahil sa pagkakakuha ng “A grade” sa ikatlong sunod na pagkakataon sa loob ng anim na taon. Isa si Tetangco sa 6 na mga mahuhusay at magaga­ling na central bankers na binigyan ng parangal, kabilang ang mga opisyal sa Australia, Israel, Lebanon, Malaysia at Taiwan.

***

Napag-uusapan ang mga papuri at parangal, makatwirang batiin si PNoy sa pagbibigay ng karangalan sa bansa, isang halimbawa ang huling pagbisita sa Amerika -- ito’y pinagkalooban ng “doctor of laws” sa Fordham University noong nakaraang Setyembre 20, kahanay ang mga maga­galing at tinitingalang lider sa buong mundo.

Aminin o hindi ng mga kritiko, pinili si PNoy ng Fordham University dahil sa kanyang hindi makasarili at matinding paninindigan na isulong ang demokrasya, alituntunin sa batas at pagkalinga sa mahihirap na mga tao para maisulong ang mga reporma sa bansa.

Saksi ang inyong lingkod, sampu ng 23-media delegation, matinding palakpakan at standing ovation ang respetong ibinigay kay PNoy, kinabibilangan ng mga opisyal ng Fordham University, mga Filipino-American at banyagang mag-aaral, mga magulang at iba pa -- ito’y nangyari sa pagsisimula hanggang sa pagtatapos ng programa.

Higit sa lahat, kasama ang pangalan ni PNoy sa tinatawag na alamat ng mga lider sa mundo, katulad nina dating United States Presidents John F. Kennedy, Harry Truman at Franklin Roosevelt, at iba pa sa “41-elite group” na mga pinuno ng iba’t ibang bansa na nakakuha ng kaparehong parangal sa Fordham University.

Nakasama rin ni PNoy ang mga dating lider ng bansa na nakakuha ng parehong parangal sa Fordham University -- ang inang si dating Pangulong Corazon ‘Cory’ Aquino, dating Pangulong sina Elpidio Quirino, Ramon Magsaysay, Carlos Garcia at tatlong iba pa.

Inukit ang pangalan ni PNoy sa 19 steps na “Terrace of the President” sa loob ng Fordham University katabi ng pangalan ng kanyang ina.

Laging tandaan: “Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, October 5, 2011

Ang ‘KJ’ ni Pedring!
REY MARFIL

Aminin o hindi ng mga kritiko ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino, sa pangunguna ng mga ambisyoso at ambisyosang mag-senador sa 2013 mid-term elections, gamit ang media mileage kahit wala sa ayos ang mga argumento sa bawat sinasakyang isyu, napakalaki ang pinagbago ng pagtataya sa lagay ng panahon, maliban kung sadyang “followers” ng “bali-balikong daan” dahil patuloy na pinakikinaba­ngan ang dating amo kaya’t bulag at bingi sa mga reporma at pagbabago?

Ipinakita ng pamahalaan ang kahandaang iwasan ang mas maraming trahedyang dulot ng mga kalamidad dahil sa mga pagbabagong inilunsad sa weather bureau.

Sa pamamagitan ng kautusan ni PNoy, masusing binantayan ng Phi­lippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Servi­ces Administration (PAGASA) ang lagay ng panahon para matiyak ang tamang pagtataya bilang bahagi ng kanilang res­ponsibilidad na protektahan ang mga Pilipino.

Bagama’t “zero” ang love life ni PNoy, “sakto” ang mga pagtataya ng bureau (PAGASA) kaya naman maganda ang naging responde ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Metro Manila Deve­lopment Authority (MMDA) at Department of Interior and Local Government (DILG) sa sitwasyon at pangangaila­ngan ng publiko sa panahon ng bagyo at matinding pag-ulan.

Malinaw ang ebidensiya, matindi ang ipinakitang dedikasyon ng administrasyon ni PNoy upang gawing moderno ang pagtataya sa lagay ng panahon. Ang problema lamang, mas matigas pa sa adobe ang ulo ng ilan nating kababayan kaya’t hindi maaabot ang “zero casualty” tuwing hinahagupit ang Pilipinas ng sangkanterbang bagyo.

Suriin ang pagbahang dulot ng bagyong Pedring at Quiel -- katigasan pa rin ng ulo ang rason kung bakit nauwi sa malaking bedroom ang bubungan ng mga bahay nito. Ibig sabihin, hangga’t hindi natututo ang publiko, nagsasayang lamang ng laway ang gobyerno at walang katapusan ang pagmamakaawang lumikas ang mga ito.

***

Napag-uusapan si Mang Pedring, hindi lang mga taga-Central Luzon, Northern Luzon at Metro Manila ang winasiwas ng bagyo, bagkus, ang buong sambayanang Pilipino, as in numero unong biktima si PNoy, aba’y sinira ang lahat ng pinaghirapan sa Japan kaya’t hindi napansin ng publiko ang kaliwa’t kanang good news at naiuwing foreign investment.

Matagumpay ang 4-day working visit ni PNoy sa Japan at napakainteresado ng mga Hapong magnegosyo sa Pilipinas, patunay ang naiuwing $1.4 bilyong puhunan at suporta sa multilateral solution sa pinag-aagawang Spratly Islands subalit “napaka-KJ” (kill joy) ni Mang Pedring, aba’y nang-agaw ng eksena at tinakpan ang headlines, sa pamamagitan ng pananalasa sa Metro Manila at pagkalubog ng US Embassy sa Roxas Boulevard.

Walang duda -- isang malaking tagumpay ang biyahe ni PNoy sa Japan -- ito’y ginastusan lamang ng P20 milyon at maituturing na “bengkong” o mas mababa pa sa barya kapag ikinumpara sa $1.4 bilyong nasungkit ng mula sa sektor ng enerhiya, manufacturing at serbisyo para sa bansa.

Take note: Resulta ng “36 meetings” ang foreign investment na bitbit ni PNoy pabalik ng Pilipinas -- iyan ba ang walang ginagawa?

Sa $1.4 bilyong naiuwi ni PNoy, nakapaloob ang P5.87 bilyong disaster management project -- ito’y napakalaking tulong lalo pa’t “favorite destination” ng mga bagyo ang Pi­lipinas.

Ang good news sa lahat, tuloy ang multi-bilyong development assistance at mismong si Prime Minister Yoshihiko Noda ang nag-announce.

Mantakin niyo, kahit nilindol at tinamaan ng tsunami, hindi nabasawan ang financial assistance. Ngayong taon lang, umabot sa $3 bilyong ODA aid ang ipinagkaloob ng Japan.

Higit sa lahat, napakaimportante ang Japan trip ni PNoy, aba’y bibihirang tao ang makasama sa pananghalian si Emperor Akihito -- ito’y nangyari sa Imperial Palace at hindi nararanasan ng ibang mga lider ng iba’t ibang bansa!

Laging tandaan: “Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, October 3, 2011

‘Wrong mistake’
REY MARFIL

Ipinakita ng pinakabagong resulta ng Pulse Asia at Social Weather Stations (SWS) survey ang malakas na suporta ng publiko kay Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino dahil sa maaayos nitong pamamalakad sa pagsusulong ng mga polisiya sa ekonomiya at programa ng pamahalaan.

Nangangahulugang nagsisimula nang maramdaman ng mga tao ang positibong resulta ng magagandang mga polisiya, lalung-lalo na ang mga mahihirap. Take note: Nakakakuha rin ng magandang suporta ang Conditional Cash Transfer (CCT) at iba pang pro-poor programs ni PNoy dahil sa matuwid nitong pamamalakad sa bansa.

Sa kabuuan, hindi nakakapagtakang tumaas ang ratings ni PNoy lalo’t matindi ang kampanya nito laban sa katiwalian, transparency at magandang pamumuno na kitang-kita namang sinusuportahan ng mga tao. Ika nga ng mga naglipanang kurimaw sa Batasan Complex, isang malaking “wrong mistake” ang pag-atake kay PNoy.

Positibong mga bagay ang ipinahahayag ng resulta ng dalawang surveys tungo sa isang progresibong Pilipnas habang naghihingalo naman ang ekonomiya ng buong mundo. Ipinapakita rin ng surveys ang malakas na pananalig at pagtitiwala ng mga tao sa liderato ni PNoy na hindi humihina kundi lalong lumalakas.

Sa resulta ng Pulse Asia survey na tinawag na Ulat ng Bayan at isinagawa mula Agosto 20 hanggang Setyembre 2, lumilitaw ang mataas na approval rating ni PNoy -- ito’y pumalo sa 77% habang 75% ang trust rating, mas mataas kumpara sa naitalang resulta ng parehong survey mula Mayo 21 hanggang Hunyo 4 kung saan 71% ang appro­val at trust ratings.

Sa SWS survey naman na isinagawa nitong Setyembre 4-7, tumaas ang net satisfaction rating ni PNoy mula 46%, ito’y umakyat sa 56% noong Hunyo, sapat upang tumaas ang klasipikasyon nito mula “Good” tungong “Very Good”. Ang problema lamang, hindi kayang tanggapin ng mga kritiko ang pagtaas ng approval rating at trust rating ni PNoy, sampu ng mga hindi makapag-move on sa resulta ng 2010 national elections kaya’t kaliwa’t kanan ang pagkahol.

***

Napag-uusapan ang “wrong mistake”, hindi natin binubusalan ang karapatan ng mga empleyado ng PAL na iha­yag ang kanilang mga hinaing. Makikipaglaban tayo sa kahit kaninong magkakait sa kaninuman ng karapatang iha­yag ang saloobin. Ang punto lamang, may mga tamang paraan at angkop na pagkakataon upang gawin ito.

Kapag ang pagpa­pahayag ng hinaing ay nag-umpisa nang sumaklaw sa karapatan ng ibang ipagpatuloy ang daloy ng buhay at unti-unti nang napaparalisa ang patuloy na pag-inog ng kalakalan at pambansang ekonomya -- ito’y ibang usapan.

Ang strike ng PALEA sa kasagsagan ng pagdaluyong ng bagyong Pedring ay hindi simpleng pananabotahe sa management ng PAL -- ito’y pagpapakita ng kalyo’t kamanhiran sa sentimiyento ng iba’t karamihan.

Sa panahong bawat Pilipino dapat sana’y nagkakapit-kamay upang itawid ang mga nasalanta sa mas maayos na kalagayan, may mga kababa­yan tayong tinahak ang landas ng mga makasarili’t gahaman.

Hindi naibsan ng strike ang sinapit ng buong Luzon ng sinabay nila ito sa pananalasa ng bagyong Pedring. Maikukumpara pa nga ito sa asing pinahid sa sugat, lalong nagpaibayo ng kirot sa bansa habang itoy binabagyo’t may sinat dala ng virus ng Eurozone financial collapse. Tamang kaparaanan sa maling pagkakataon.

Itaga niyo sa bato at ito’y sigurado. Nakikinita na naman nating malinaw pa sa bolang kristal na uulit-ulitin na naman ng mga kritiko ni PNoy ang walang habas na pag-upak sa mga aktibidades nito sa ibayong-dagat nang mga nagdaang araw. Sa palagay nila’y aaray ang panguluhan sa mga punang walang basehan.

Ang hindi nila maaaring pasubalian ay ang mga bu­ting naidulot ng mga inisyatibong ito ni PNoy upang patibayin ang mga depensa ng bansa laban sa krisis pang-ekonomiya na halos lahat ng bansa sa mundo ay apektado ngayon. Dagdag investment sa negosyo’t kalakal mula sa Japan -- iyan ang habol ng tropa ni PNoy sa Japan.

Gumastos man sa isang biyaheng pinatipid, ito’y kakapiranggot sa maiuuwing gana para sa bansa. Ika nga’y nangangapital lamang tayo ng may ibayong pag-iingat. Sa laki kasi ng potensyal na benepisyong matatamasa ng bayan mula sa investment market ng Japan, katangahan na ang magpahuli sa mga ekonomiyang humahakot ng pamumuhunan mula sa bansang ito.

Ang isa pang hindi nila maaaring itanggi o pasinungali­ngan ay ang maagang pagkilos ng Pangulo upang pangunahan ang mga preemptive measures upang maibsan ang pinsala ng dalawang kalamidad na dadaan sa ating bansa.

Hindi lihis o may disconnect ang mga hakbang ng pamahalaan sa pangunguna ni PNoy gaya ng ipinagpipilitan ng mga alipores at bataan ng mga kawatan. Ang katotohanan dito’y sakto, walang aling at swak na swak sa tawag ng panahon ang mga hakbangin ng Pangulo.

Ganito maisasalarawan ang panguluhan ngayon. Kung noon ay naghihintay ng sakuna bago magkumahog ang pamahalaan, ngayon ay pinagsusumikapang walang maperwisyong mga kababayan sa kalkulado ngunit maagang paghahanda at bagong kaparaanan.

“Pre-emptive at Proactive” kumpara sa “Relaxed at Reactionary”. Hindi ba napakalaki nitong kaibahan?

Laging tandaan: “Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo.” (mgakurimaw.blogspot.com)