Pasalubong! | |
REY MARFIL |
Tulad ng isang nakakatandang kapatid na nagpupunyagi sa ibayong dagat, mataas man ang morale ng isang Pangulo dahil napagsisilbihan nito at naibibigay ng sapat ang pangangailangan ng pamilya, hindi maiiwasang magdamdam tuwing malagay sa balad ng alanganin ang mga mahal sa buhay. Kung ‘di lamang kay Pedring, uuwi sana si Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III na may ngiti.
Pagtuunan ninyo ang listahan ng mga pasalubong sa bansa: Una, nakakuha ng isang kaalyado ang Pilipinas sa bansang Japan sa usapin ng Spratlys. Sinabi ni Prime Minister Yoshihhiko Noda na susuportahan nila ang mapayapang solusyon sa isyu ng pagmamay-ari sa bahaging iyon ng West Philippine Sea. Nasa interes ng buong mundo ang kapayapaan sa nabanggit na teritoryo dahil pangunahing daanan ito ng kalakal at negosyo sa rehiyon;
Pangalawa, tutulungan tayo ng Japan Coast Guard upang epektibo nating mabantayan ang napakahaba nating mga baybayin. Magtatalaga ng mga tauhan ang Japan na magsasanay sa mga Pinoy sa bagong mga kaparaanan at makabagong kagamitan;
Pangatlo, pauunlarin nang husto ang pakikipagtulungan at kooperasyon ng mga ahensyang namamahala sa kani-kanyang tanggulang pambansa; Pang-apat, pag-iibayuhin ang pakikipag-ugnayan ng Japan at Pilipinas sa loob ng mga napagsang-ayunan sa ilalim ng JPEPA kabilang na ang pagdadagdag ng mga nurses at ibang trabaho sa kalusugan;
Panglima, ang P5.87 bilyong Official Development Assistance mula sa Japan para sa Forest Management Project at tulong sa pagsasaayos ng apat na malalaking ilog na naitakdang kritikal sa kakayahan ng bansang ibsan ang epekto ng Climate Change;
Maliban dito, pasalubong ng Pangulo ang mga bagong investment sa iba’t ibang industriya na nagkakahalaga ng 1.1 bilyong dolyar. Kabilang dito ang pamumuhunang ilalagak sa bansa ng 30 Japanese businessmen at mga kasapi ng Japan-Philippine Economic Coordinating Committee and the Philippine-Japan Economic Coordinating Committee na kausap ng Pangulo sa Tokyo Kaikan Hotel;
At panghuli, maging ang Toyota ay magdadagdag ng kanilang pamumuhunan na nagkakahalaga ng P3.6 bilyon at magdadagdag ng limanlibong manggagawa sa plantang itatayo na nagkakahalaga ng $170 milyong dolyar.
Magtatayo rin ang Murato Manufacturing Company ng isang paktorya sa Laguna sa 2012. Ang Marubeni Corporation naman ay aambag sa pasalubong ng Pangulo sa pamamagitan ng expansion projects nito sa kanilang power plant sa Pagbilao, Sual at Subic at sa Leyte-Mindanao interconnection project.
***
Napag-usapan si Pedring, habang nasa kalagitnaan ng isang pagpupulong si PNoy kaharap ang mga mamumuhunang Hapon, balisa itong nasa telepono sa bawat pagkakataon -- kausap ang mga naiwang taumbahay ng pamahalaan. Sinigurong angkop ang kahandaan ng mga local government units sa harap ng delubyong si Pedring.
Umani man kasi ng laksa-laksang bagong negosyo’t pamumuhunan para sa bansa, hindi tatapat ito sa kahit isang buhay o kabuhayang nanakawin ng nagngangalit na panahon.
Kung hindi sinayang ng nakaraang pamamahala ang pagkakataong maglingkod ng buong katapatan sa bayan kabilang na ang pagsasagawa ng mga proyekto sa climate change mitigation at adaptation, mas maliit sana ang bilang ng mga naapektuhan ng mga kalamidad na tumatama sa atin.
Alam naman nating limitado lamang ang magagawa ng pamahalaan sa panandaliang paghahanda sa gitna ng mga ganitong kalamidad.
Mas malaking pakinabang ang mangyayari kung makikiisa ang mga komunidad, information dissemination at isang gobyernong nagpapatupad ng long-term na mga programa.
Sa huli kong nasabi, nakapanlulumo ang ginawa ng mga dating nakaupo sa puwesto. Imbes na dagdagan ang kahandaan sa mahahabang baybayin ng bansa, tanging kanilang bulsa ang napunan.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)