Wednesday, August 31, 2011

Biyaheng PNoy!
REY MARFIL

BEIJING, China --- Hindi maikakaila ang magarbong paghahanda ni Chinese President Hu Jintao sa pagbisita ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino -- ito’y bakas sa mga malalaking pulong sa iba’t ibang sektor, mapa-investors at kultura, maging sa overseas Filipino workers (OFWs).

Ngayon at sa hinaharap, parehong may pakinabang ang dalawang bansa kung ipagpapatuloy ang mga inisyatibong magpapayabong sa kasalukuyang ugnayan, as in taghiyawat lamang na maituturing ang mga isyung pangdiplomatiko na kinasasangkutan kung titingnan ang mukha ng mabungang pakikipagkaibigan sa isa’t isa, mapanegosyo at kultura na opisyal na sinimulan noong June 9, 1975.

Hindi malikmata o typographical error ang inyong nabasa -- taong 1975 lamang nagsimula ang opisyal na relasyong diplomatiko ng Pilipinas sa Tsina subalit napakalayo ng narating ng pagkakaibigan. Malapit man sa ating mga dalampasigan ang teritoryo ng mga Tsino, marami mang kalahi ni Ma Mon Luk ang nauna nang umapak sa teritoryo ng Lahing Kayumanggi -- mas nauna pang opisyal na nagsimula ang diplomatic relations ng Pilipinas sa France, India, Israel at Mexico kesa Tsina.

Kasama ang piling miyembro ng gabinete at humigit-kumulang 300 negosyanteng Pinoy, tinahak ni PNoy ang tuwid na landas patungong Tsina at sasalubungin ang Pangulo ni Assistant Foreign Minister Liu Zhenmin, Chinese Ambassador to the Philippines Liu Jianchao, Deputy Director-General of Protocol Department Xie Bohua (Ministry of Foreign Affairs) at mga opisyal ng Philippine Embassy sa Beijing.

Diretso si PNoy sa Diaoyutai State Guesthouse na magsisilbing tirahan sa buong linggo. Unang iskedyul ni PNoy ang isang pagtitipon na inihanda para sa kanya ng mga negosyanteng Tsino sa China World Hotel, kasama ang mga opisyal ng Energy World, State Grid of China, China Trend, China Investment Corporation, China Petroleum at ang mga Pinoy na mamumuhunan sa larangan ng imprastraktura, e­nerhiya at pangangalakal.

Kasunod nito, ang pulong kasama ang Vice Premier ng Tsina -- si Wang Qishan. Susundan ng pulong ang talumpati ni PNoy sa mga delegado ng Philippines-China Economi­c Trade Forum at babalik sa Diaoyutai State Guesthouse upang harapin sa isang talakayan, sa pagitan ng mga poli­tical analyst ng CCTV media.

***

Napag-usapan ang China trip, opisyal ding sasalubungin si PNoy sa Great Hall of the People ni Chinese President Hu Jintao na susundan ng isang bilateral meeting ng dalawang lider at personal na sasaksihan ang paglagda sa mga kasunduan sa larangan ng kalakalan, ekonomiya at technical cooperation, sa industriya ng pamamahayag, sports, kultura at impormasyon.

Sa gabi, babalik si PNoy sa Tiananmen Square upang dumalo sa State Banquet na inihanda para sa kanya ni Presi­dent Hu Jintao. At pangungunahan din ng Pangulo, kasama ang piling myembro ng Gabinete ang pakikisalamuha sa mga Pinoy na nasa Beijing upang tiyaking maayos ang kanilang kondisyon sa kani-kanilang mga pinagtatrabahuan.

Sa kaalaman ng publiko, humigit-kumulang tatlong libo ang mga kababayan natin sa Beijing na nagtatrabaho’t naninirahan, katulad ng kapatid natin sa pamamahayag na si Ericson Baculinao ng ABC News at marami pang Pinoy na nagpupunyagi sa iba’t ibang larangan. Dito rin ihahayag ng Pangulo ang mga positibong hakbang sa tuwid na landas na nasimulan ng administrasyon sa pamamahala.

Higit sa lahat, dito rin sa Beijing mangyayari ang inaabangang pakikipagpulong ng Pangulo sa iba’t ibang grupo ng investors gaya ng mga opisyal ng Lee World, China ASEAN Fund, Dong Feng at Shandong Sanli Tires. Labas pa rito ang hiwalay na business forum na inihanda ng mga Filipino business leaders at ang kanilang counterparts sa China.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, August 29, 2011

Sa tama lang!
REY MARFIL

Aminin o hindi ng mga kritiko, kapuri-puri ang mala­kas na political will ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na isulong ang kontrobersiyal na reproductive health (RH) o responsible parenthood (RP) bill na naglalayong bawasan ang kahirapan sa bansa, sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga Pilipino ng tamang pagpapamilya.

Sa kabila ito ng pag-alis ni PNoy ng ilang mga probis­yong hindi naman kailangan. Kabilang sa mga tinanggal na de­talye ang probisyon sa paglimita ng bilang ng mga anak sa dalawa at pagbabago ng edad para maituro ang sex education sa mga bata at iba pa.

Maganda ang ginagawa ni PNoy para mapagbigyan ang kahilingan ng mga kritiko at ilang pumapalag sa panukalang batas.

Hindi lang ‘yan, tama si PNoy pagsasabing dapat mapunta ang karagdagang kokolektahing buwis sa sin products para tustusan ang gastusin sa universal health care program.

Habang inaasahan ng pamahalaan ang P60 bilyong buwis sa sigarilyo at alak, plano rin ng panukala na mabawasan ang pagsuporta ng mga Pilipino sa mga bisyong ito. Ika nga, mas mabuting mapunta ang karagdagang buwis sa sin taxes para sa pagtiyak ng kalusugan ng mga Filipino.

Kinikilala ni PNoy ang malaking benepisyo sa ekonomiya ng karagdagang buwis sa sin taxes habang nahaharap sa paghina ng ekonomiya ang Estados Unidos (US) at Europe.

At ipinakita rin ni PNoy ang kanyang kooperasyon at pakikiisa sa mga kapatid nating Muslim sa paglalabas ng Proclamation No. 234 na nagdedeklara sa Agosto 30, 2011 bilang regular holiday sa buong bansa bilang paggunita sa Eid’l Fitr o Feast of Ramadhan -- ito’y inilabas, alinsunod sa Republic Act (RA) No. 9177 na nagdedeklara sa Eid’l Fitr bilang re­gular holiday sa Pilipinas.

Ginugunita ang Eid’l Fitr ng mga Muslim sa buong mundo tatlong araw matapos ang buwan ng pag-aayuno. Isinusulong nito ang promosyon ng cultural understanding sa mga Filipino na nangangailangan ng oportunidad.

Importanteng madala sa pambansang kamalayan ang religious at cultural significance ng Eid’l Fitr. Sa buwan ng Ramadan, nag-aayuno ang mga Muslims sa loob ng 12-oras araw-araw mula sa pagsikat ng araw hanggang gabi.

***

Napag-usapan ang mga kritiko, nakakalungkot ang pang-iintriga kay PNoy sa hindi pagkakasama ng Freedom of Information (FOI) bill sa mga panukalang batas na kabilang sa prayoridad sa ikalawang Legislative, Exe­cutive Development Advisory Council (LEDAC).


Walang duda at malinaw na nais ni PNoy na palakasin ang transparency at labanan ang katiwalian sa pamahalaan. Inaprubahan naman sa prinsipyo ng Pangulo ang pagpasa ng FOI bill at kailangan lamang maresolba ang ilang usapin na sa tingin nito ay dapat munang pag-aralang mabuti.

Nais ni PNoy na likhain ang independent Information Commission na mayroong badyet at quasi-judicial functions katulad ng pagkakaroon ng kapangyarihan na maglabas ng subpoena. Magsisilbing tagapamagitan ang komisyon sa pamahalaan at anumang partido na mayroong tanong sa pagpapatupad ng panukala.

Umaabot sa 13 FOI bills ang pinag-aaralan nang husto na kinabibilangan ng mga ipinatupad sa United States, Ca­nada, United Kingdom, Australia, at South Africa kung saan kabilang din ang exemption sa classified information at dokumento na krusyal sa pambansang seguridad.

Nais ng panukalang FOI na tugunan ang probisyon sa Konstitusyon na nagbibigay garantiya sa karapatan ng mga tao na magkaroon ng impormasyon at dokumento na nasa posisyon ng mga pampublikong opisyal at mga tanggapan.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, August 26, 2011

Nakakatuwa’t nakakalungkot!REY MARFIL

Determinado si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na dalhin sa progreso ang bansa, patunay ang karagdagang 13 panukalang batas na kasama sa prayoridad nito sa ikalawang Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC), kabilang ang anim sa naunang tinukoy ng Pangulo sa kanyang State of the Nation Address (SONA) nakaraang Hulyo 25.

Kabilang sa 13 panukalang batas ang sapat na proteksiyon para sa mga kasambahay, pagpapalawig ng scholarship sa siyensiya at teknolohiya, amyenda sa Rural Electrification Law, sin tax, amyenda sa Human Security Act at Data Privacy Act at Responsible Parenthood (RP).

Kasama rin sa mga panukala ni PNoy ang expanded consumer protection, reorganization ng statistical system ng bansa, amyenda sa batas sa PTV-4, probisyon sa limitasyon ng partikular na kagubatan at public domain, mabigat na parusa sa pagnanakaw at pagbabago sa government risk reduction at preparedness equipment, at amyenda sa Lina Law o Urban Development Housing Act of 1992.

Sa 22 panukalang ito, tatlo ang ganap nang batas, kinabibilangan ng GOCC Governance Act of 2011 o Republic Act No. 10149, Rationalizing the Night Work Prohibition on Women Workers o Republic Act No. 10151 at Resetting and Synchronizing the ARMM Elections with the National and Local Elections in 2013 o Republic Act No. 10153.

Umaasa ang inyong lingkod, sampu ng naglipanang kurimaw sa Kongreso na agarang maipapasa ang P1.816-trilyong 2011 national budget upang magtuluy-tuloy ang pagsusulong ng kaunlaran. Take note: Nais ni PNoy na maipasa ang priority measures na isinumite sa unang LEDAC.

***

Napag-usapan ang kaunlaran, nakakatuwa at nakakalungkot isipin ang ilang kaganapan sa usapang pangkapayapaan, partikular ang pagtabla sa proposal ng pamahalaan at bakbakan ng magkalabang paksyon sa liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) lalo pa’t seryoso si PNoy sa adhikaing ipagkaloob ang tunay na kapaya­paan at kaunlaran sa Mindanao.

Sa kabilang banda, nakakatuwang mayorya ng mga Pilipino ang sumusuporta sa usapang pangkapayapaan na isinusulong ng pamahalaan sa MILF.

Base sa survery ng Social Weather Station (SWS), may petsang Hunyo 3 hangang 6, malinaw ang ebidensiya na 83% ng mga Pilipino ang naniniwalang malakas ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng MILF.

Isang positibong indikasyon na naniniwala ang mala­king bilang ng mga Pilipino sa isinusulong na mga polisiya ni PNoy para makamit ang kapayapaan sa Mindanao at magkaroon ng pantay-pantay na hustisya sa mga Moros, Kristiyano o Lumads.

Lumabas na “hopeful” ang 83% ng mga Pilipino na matutuloy ang peace agreement sa MILF kung saan 38% ang “very hopeful” at 45% ang “somewhat hopeful”.

Tanging 17% ng mga Filipino ang hindi “hopeful”, at 8% ang “somewhat not hopeful” at 9% ang “not hopeful at all”. Kahit itanong n’yo pa kay birthday boy at Media Relations Director Paolo Espiritu!

Kaya’t sayang kung mauuwi lamang sa “wala” ang pagpapakahirap ng mga nakaupo sa negotiating table lalo pa’t mismong si PNoy -- ito’y bumiyahe ng Tokyo, Japan nakaraang Agosto 4 upang nakipagkita kay MILF chairman Al Haj Murad Ibrahim para ipakita ang sinseridad ng pamahalaan sa peace talks.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, August 24, 2011

Karapatan ng mga bata!
REY MARFIL
AUGUST 24, 2011

Hindi ba’t kapuri-puri ang paglalabas ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ng Executive Order No. 53 na naglalayong palakasin ang inisyatiba ng pamahalaan na protektahan ang mga bata laban sa paglabag sa kanilang karapatan at iba pang pang-aabuso?

Sa pamamagitan ng EO 53, siguradong mapapati­bay ang kampanya ng gobyerno na protektahan ang kalagayan ng mga bata at mapabuti ang pagkakaloob ng legal na tulong sa mga biktima.

Inamyendahan ang Executive Order (EO) No. 275 na inilabas noong 1995 na lumikha sa Committee for the Special Protection of Children (CSPC), malinaw ang malaking pagpapahalaga ni PNoy sa implementas­yon ng batas na susi para protektahan ang mga bata.

Sa ilalim ng bagong EO, inorganisa ni PNoy ang CSPC, isang inter-agency body na nagpapatupad ng Republic Act (RA) No. 7610 o Anti-Child Abuse Act at iba pang polisiya ng pamahalaan para kilalanin ang karapatan at kagalingan ng mga bata. Inatasan din ang CSPC na tulungan ang mga batang kabilang sa indi­genous people, Muslim, at iba pang naiipit sa armadong labanan.

Nais lamang ni PNoy na bantayang mabuti ng CSPC ang imbestigasyon at prosekusyon ng mga kaso na kinabibilangan ng Anti-Child Abuse Act at iba pang child-related criminal laws -- ito’y magandang balita lalo pa’t tinitiyak ng Punong Ehekutibo ang direktiba para sa legal na proteksiyon ng mga bata na siyang biktima ng pang-aabusong pisikal, sekswal, trafficking, prostitusyon, child labor, kapabayaan at exploitation.

***

Napag-usapan ang pag-aruga ng gobyerno, maganda ang ipinapakitang pagtugon ni PNoy sa kampanya laban sa dengue sa pamamagitan ng panawagan nito sa local government units (LGUs) na tulungang ikalat ang “dengue traps”, kalakip ang hangaring mapababa ang bilang ng mga kaso ng dengue sa bansa.

Isang positibong balita sa interes ng publiko ang walang humpay na pagpapaalala sa LGUs at komuni­dad na kumuha ng dengue traps o Mosquito Ovicidal/Larvicidal trap o OL Trap sa Department of Science and Technology (DOST). Hindi ba’t nakakabilib ang nadiskubreng napakamurang dengue trap ng DOST?

Nakaraang Pebrero 19, sinimulan ng DOST at Department of Health (DOH) ang pamimigay sa buong bansa ng OL Trap sa Balyuan Convention Center sa Tacloban City para mapababa ang bilang ng mga tinamaan ng dengue sa bansa. Layunin ng OL Trap na mapababa ang bilang ng “dengue-carrying female Aedes aegypti” na lamok sa pamamagitan ng paghalina sa mga ito na magpunta sa kit at mapuksa ang kanilang mga itlog.

Kaya’t tama ang Malacañang sa pagsasabing ma­laki ang papel ng LGUs sa pagpapakalat ng bagong teknolohiya kontra lamok na namemerwisyo ngayon nang husto.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)


Tuesday, August 23, 2011

World Bank nagsabi niyan!
REY MARFIL
AUGUST 22, 2011

Nakamit ng administrasyong Aquino ang malaking positibong pagbabago sa pagpapaunlad ng edukasyon, maging sa kabuhayan ng mga mahihirap matapos ang halos 14-buwan sa kapangyarihan, sa pamamagitan ng conditional cash transfer (CCT) program at seryosong programa ng Department of ­Education (DepEd).

Malapit nang makamit ng DepEd ang 1:1 textbook-to-student ratio sa lahat ng antas ngayong ­Disyembre -- kinabibilangan ng mga paksang English, Science, Math, Social Studies at Filipino.

Sa usapin ng suweldo, umaabot sa P17,099.00 ang basic ­salary ng Teacher 1 nitong Hulyo kung saan merong 2,807 kinder­garten teachers na nasa regular na posisyon ang tumatanggap ng P17,099.00 kada buwan at P25,868.00 kada buwan ang ­volunteer teachers na kumikita ng P3,000.00 (per month) sa isang sesyon hanggang P6,000.00 kung dalawang sesyon.

Iniulat rin ng DepEd ang 22,015 bagong silid-aralan sa unang taon ng administrasyong Aquino kung saan 4,155 ang naipagawa, simula Hulyo 2010 hanggang Mayo 2011 at 11,169 classrooms ang malapit nang matapos habang 6,691 ang suma­sailalim sa rehabilitasyon.

Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino, naitala ang 1:39 sa elementarya ang classrooms-to-students ratio at 1:53 sa high school habang umabot naman sa 691,494 ang benepisyunaryo sa Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) na nakatanggap ng P10,000.00 bawat isa sa National Capital Region at P5,000.00 sa labas ng Metro Manila, simula 2010 hanggang 2011.

Hindi lang ‘yan, tumaas pa ito sa 757 libong benepisyunaryo sa ilalim ng GASTPE education service contracting scheme para sa SY 2011-2012 kung saan nakakuha ng karagdagang P500.00 ang bawat benepisyunaryo sa labas ng Metro Manila.

Sa usapin ng food for school program, sumandal ang DepEd sa CCT program ng gobyerno. Take note: Malinaw sa joint report ng World Bank (WB) at Australian Agency for Development (AusAID) ang malaking tulong ng CCT program sa indigent families -- ito’y magpapaangat ng 12.6% sa annual incomes, as in 6.2% ang ibababa ng poverty, maliban kung sadyang “mutain at lugain” ang mga kritiko ni PNoy?

***

Anyway, nakakatuwang marinig na mismong si PNoy ang naguna nitong nakalipas na Biyernes sa pagsindi ng mga ilaw sa Burnham Park sa Baguio City para lamang palaguin ang turismo at itaas ang pampublikong kamalayan kaugnay sa paggamit ng tinatawag ng energy saving lights.

Sa kabila ng napakaabalang iskedyul sa pagtugon sa sandamukal na mga problema ng mga Pilipino, ipinapakita ni PNoy na isa siyang “working President” na tinitiyak ang mga programa ng gobyerno at kitang-kita sa video kung paano pinu-promote ng Pangulo ang turismo sa Baguio -- ito ang isa sa katangiang dapat makita sa magiging kapalit ni Department of Tourism (DOT) Secretary Albert Lim, pagsapit ng Setyembre 1.

Sa programang inilunsad ng mga local officials ng Baguio City, pinalitan ang lahat ng mercury lights sa parke ng energy efficient light na kinabibilangan ng high pressure sodium vapor lamps at fluorescent lamps. Ibig sabihin, makakatipid ang lungsod ng P1.5 milyon na konsumo sa kuryente.

Hindi maitago ng mga residente ang mapabilib at mamangha, aba’y nagbabad si PNoy at ilang minutong naglibot sa Burnham Park kahit nabasa ng ulan. Higit sa lahat, nag-speech pa ang Pa­ngulo kahit wala sa scenario ang magsalita kaya’t masaya ang Baguio media dahil busog sa balita.

Laging tandaan: “Bata niyo ako at Ako ang Spy niyo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, August 19, 2011

Tunay at makatwiranREY MARFIL

Tunay na tinatrabaho nang husto ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang pagkakaroon ng wagas na kapayapaan sa buong bansa, isang patotoo ang kanyang pakikipagpulong sa lider ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Japan at paglagda sa usapang pangkapayapaan ng pamahalaan at Cordillera People’s Liberation Army.

Sa pamamagitan ng mga bagay na ito, ipinakita ng administrasyong Aquino ang kanilang lakas at obligasyon na resolbahin ang anumang kaguluhan na siyang dahilan ng patuloy na paghihirap ng maraming mga Pilipino.

Mismong si dating peace adviser Jesus Dureza kinilala ang magandang hakbang ng pamahalaan at MILF alang-alang sa kapayapaan. At positibong kinilala rin ang pulong nina Bayan Muna partylist Rep. Teddy Casiño at Cotabato City Vice Mayor Muslimin Sema, chair ng isang paksiyon ng Moro National Liberation Front (MNLF).

Maraming iba pa ang nagpahayag ng pag-asa na matatapos na ang mga armadong pakikibaka sa tulong ng “political masterstroke” ng Pangulo, maliban sa ilang kritiko na walang inatupag kundi “magkiyaw-kiyaw” upang mabigyan ng soundbite sa 6 o’clock news.

Anyway, tama ang posisyon ni PNoy na dapat magkaroon ng pagrebyu ang kinauukulang mga opisyal ng Cultural Center of the Philippines (CCP) kaugnay sa mga polisiya nito matapos ang pagpapatigil sa kontrobersiyal na art exhibit na “Kulo”.

Magaling ang pahayag ni PNoy na walang “absolute freedom” sa bansa dahil tayo ay ginagabayan ng umiiral na mga batas. Ipinatigil ng CCP ang “Kulo” exhibit na nagtatampok ng iskandalosong religious images ni Hesukristo at iba pang religious icons matapos magpalagan ang iba’t ibang sektor sa exhibit hanggang bantaan na kakasuhan ang CCP Board members.

Sinuportahan ng Pangulo ang pagsasara ng exhibit lalo na at talagang hindi niya nagustuhan ito. Nakakalungkot lamang dahil hindi man lamang kinonsulta ng CCP ang Pangulo sa kontrobersiyal na art exhibit nang ilabas ang “Kulo”.

***

Mapag-usapan ang “good news”, binabati natin ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga ipinatupad nitong reporma sa sektor ng paggawa na nagresulta upang isang welga lamang ang maitala sa unang pitong buwan ng 2011 na malayo sa walong pag-aaklas na nangyari sa parehong mga buwan noong 2010.

Responsable rito ang mapayapang pamamaraan na ipinapatupad ng pamahalaan sa pagresolba ng mga problema sa paggawa na malaking bagay upang tumaas ang tiwala ng mga pamumuhunan na maglagak ng kapital upang makalikha ng karagdagang pondo.

Sa report ng National Conciliation and Mediation Board (NCMB), nangyari ang kaisa-isang welga sa unang pitong buwan ng taon noong nakalipas na Enero nang mag-aklas ang union ng Supreme Steel Corporation sa Region 3 (Central Luzon) dahil sa umano’y hindi parehas na labor practice lalung-lalo na ang hindi pagpapatupad ng collective bargaining agreement (CBA) sa pamunuan.

Kung magpapatuloy ang magandang relasyon sa sektor ng paggawa, makikilala ang 2011 bilang pinakamapayapang taon sa kasaysayan ng industriya na kabaligtaran sa mga nangyari sa nakalipas na mahigit dalawang dekada.

Ang isa pang magandang balita, umabot sa 119 notices of strikes ang agarang naresolba na kinakatawan ng 121,008 manggagawa sa parehong panahon.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy nyo” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, August 17, 2011

Hiwaga ng niyog!REY MARFIL

Hindi ba’t kapuri-puri ang muling pagtiyak ni Pa­ngulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa malaking suporta ng pamahalaan para sa mga kasapi ng kapulisan at militar upang tugunan ang kanilang pangangailangan sa modernong kagamitan at mga baril para lalo nilang magampa­nan ang kanilang trabaho?

Tama ang pahayag ni PNoy na maglaan ng puhunan sa pagkakaloob sa ating awtoridad ng kanilang panga­ngailangan mula sa barkong pandigma hanggang helicopters at modernong mga armas -- ito’y isang malaking “good news”, hindi lamang sa liderato ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) bagkus sa sambayanan.

Bilang patunay sa malaking suporta ni PNoy sa AFP ang Hamilton Class Cutter mula Estados Unidos. Sa pagdating ng bagong barko, siguradong bubuti ang kakayahan ng bansa para banta­yan ang ating teritoryo sa katubigan.

Magkakaroon din ng “capability upgrades at mo­dernization” ng kagamitan ang PNP at AFP katulad ng pagdating ng bagong choppers, patrol craft, at mga armas na bahagi rin ng pagkilala ng Pangulo sa malaking nagagawa ng mga pulis at sundalo sa pagtiyak ng kapayapaan.

Ibig sabihin, walang saysay ang mga teyoryang pinag-aaralan sa mga eskuwelahan kung mananatiling salat sa bagong kagamitan ang mga pulis at sundalo. Hindi naman pwedeng payabangan na lamang ng kuwento kapag nagkasalubong sa daan ng mga taong-gobyerno ang masasamang elemento.

***

Napag-usapan ang good news, gagamitin ng pamahalaan ang “bio-engineering solution” upang labanan ang pagbaha at paguho ng lupa -- ito’y gawa sa balat ng niyog. Sa simpleng explanation, binubuhay ang natural na fiber na napipiga sa balat ng niyog na tinatawag na “coir” para mabawasan ang pagbaha at pagguho ng lupa sa daana­n ng mga tubig sa Metro Manila.

Sa ilalim ng programa ng Department of Public Works and Highways (DPWH), gagamitin ang bio-engineering solution para makapiga ng “coconut coir fiber” para sa rehabilitasyon ng mga nagbabarang mga estero sa Metr­o Manila sa halip na gumamit ng konkretong istruktura sa creeks at iba pang daluyan ng tubig.

Mismong si DPWH Secretary Rogelio Singson ang nagpapatunay na maganda ang epekto ng coconut sa paglinya ng creekside dahil may kakayahan itong humigop ng tubig para makatulong kontra sa pagbaha. Kung “walang himala” ang sigaw ni Nora Aunor, merong hiwagang bumabalot sa bawat hibla at balat ng niyog.

Sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at civic organizations, nangunguna ang DPW­H South Manila District Engineering Office sa rehabilitasyon ng Estero de Paco gamit ang coconut laban sa pagguho ng lupa, slope protection/stabilization, embankment at shore protection.

Bahagi ang Estero de Paco Rehabilitation Project na bumabaybay mula Pedro Gil patungong Pasig River ng kampanya ng pamahalaan laban sa pagbaha. Take note: makakalikha ng panibagong oportunidad at kita sa hanay ng mga magniniyog ang bagong tuklas ng gobyerno dahil hindi masasayang ang balat ng niyog.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, August 15, 2011

Nakakalason!
REY MARFIL

Hindi ba’t nakakatuwang marinig ang determinadong aksiyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na pagkalooban ang mga Pilipino ng malinis na kapaligiran sa pamamagitan ng isang pambansang programa na magbabawas sa nakalalasong carbon sa sektor ng transportasyon?

Sa pakikipagtulungan sa Asian Development Bank (ADB), ipinapatupad ng pamahalaan ang National Electric Vehicle Strategy (NEVS) para maisulong ang paggamit ng alternatibong gasolina sa mga sasakyan. Nanguna ang ­Mandaluyong City sa mga lokal na pamahalaan sa pagtanggap at paggamit ng 20 electric tricycles (or e-tricycles) para masubukan ang mga ito.

Sa kaalaman ng publiko, makakatipid ang mga tsuper ng e-tricycles mula sa salaping dapat sanang ipambili ng tradisyunal na gasolina at makakabawas din sa lason na ibinubuga sa kapaligiran.

Take note: Nangako rin ang ADB ng $500 milyong suporta para sa e-tricycle project. Kaya’t mas makakabuting itikom ng mga kritiko ang kanilang bibig kesa makadagdag sa “noise pollution” lalo pa’t nakakalason ng isipan ang maniwala sa kasinungalingan.

Isinusulong din ng pamahalaan ang Fueling Sustainable Transport Program (FSTP) upang magamit ng mga pampubliko at pribadong sasakyan sa pamamagitan ng alternatibong gasolina. Sa dulo nito, inaasahan ng pamahalaan na mababawasan ng 30% sa 2020 ang mga sasakyan na gumagamit ng gasolina at diesel.

Hindi lang ‘yan, makatwirang papurihan si PNoy sa ma­laking nagawa nito para makamit ang matatag at tuluy-­tuloy na suplay ng enerhiya sa Visayas -- ito’y isa sa maraming magagandang ginagawa ni ‘ES Almendras’, as in Energy Secretary Jose Almendras.

Sa report ng Department of Energy (DOE), labis na maliit noon ang suplay ng kuryente kumpara sa pangangailangan ng Visayas sa ilalim ng nakalipas na pamahalaan -- ito ang malaking dahilan kung bakit nagkakaroon ng pagkawala ng kuryente na nakaapekto sa negosyo sa rehiyon.

Bago nakakuha ng serbisyo ng bagong mga planta ng kuryente ang administrasyon ni PNoy, umaabot lamang sa 1,043 megawatts (MW) ang power supply capability ng Visayas kumpara sa pangangailangan na 1,164 MW. Pero dahil sa tatlong bagong power plants, tumaas ang nakuhang suplay ng kuryente sa Visayas sa 610 MW o surplus ng kur­yente na umaabot sa 600MW.

Bunsod ito ng kuryente na nagmula sa mga planta katulad ng 246 MW coal-fired power plant ng Cebu Energy Development Corporation (CEDC), 164 MW clean coal-fired power plant ng Panay Energy Development Corporation (PEDC), at 200 MW coal-fired power plant ng KEPCO Salcon Power Corporation. Higit sa lahat, naibaba rin ng DOE ang singil sa kur­yente sa tulong ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM) at ipinapakita ang pagsusumikap ng administrasyong Aquino sa paghahanap ng sapat at maaasahang suplay ng kuryente.

***

Napag-usapan ang aksyon, hindi rin matatawaran ang pagkakaloob ng tulong ng administrasyong Aquino sa libu-libong overseas Filipino workers (OFWs) na naapektuhan ng krisis pulitikal at sa natural na kalamidad sa iba’t ibang panig ng mundo.

Sa lahat ng mga lugar, aktibo ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa pagtulong ng OFWs sa pamamagitan ng pagpapabalik sa kanila sa Pilipinas, consular missions at Assistance to Nationals (ATN) fund -- ito’y konkretong patotoo sa seryosong pagtulong at pagtutok ni PNoy sa nangangailangang OFWs na katuwang ng bansa sa pagpapanatili ng masiglang ekonomiya.

Sa kasagsagan ng krisis sa Gitnang Silangan, lindol sa New Zealand at nuclear disaster sa Japan, naibigay ng pamahalaan ang mahigit P281 milyon sa pamamagitan ng ATN fund para sa mga naipit na OFWs.

Take note: Kinargo rin ng pamahalaan ang pagkain, gastos sa papeles at pagpapa­balik ng kabuuang 10,369 OFWs mula sa mga bansang nagkaroon ng kaguluhan mula ­Enero hanggang Hunyo ngayong taon.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, August 12, 2011

Saludo sa Dragon!
REY MARFIL


Tama ang panawagan ng Malacañang na magbigay ng patuloy na suporta sa Philippine Dragon Boat Team na nag-uwi ng karangalan sa bansa matapos manalo ng limang ginto at dalawang pilak sa International Dragon Boat World Championships sa Tampa, Florida.

Pinuri ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang grupong nakapagtala ng bagong world record. Mantakin n’yo, tinalo sa world title ang mga bigating kalahok, katulad ng Australia at Hungary. Sa kaalaman ng publiko, kasapi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang karamihan sa 12-kasapi ng Philippine Drago­n Boat Team.

Importanteng magtulungan ang pamahalaan at mga pribadong sektor para masuportahan ang mga laban ng Philippine Dragon Boat Team. Aminin o hindi ng mga sports analyst, sampu ng mga “pulitiko” sa Philippine Sports, hindi kakayaning mag-isa ng gobyerno ang gastos sa lahat ng mga atletang sumasabak sa international competition kung walang suporta ang private sector -- hindi makukuha sa dasal ang panalo.

Sa kabila ng samu’t saring intriga, malinaw ang suporta at pakilala ni PNoy sa tagumpay ng Philippine Dragon Boat Team -- isang heroes’ welcome ang ipagkakaloob ngayong ala-una ng hapon at isasagawa sa Heroes Hall, patunay ang kawalang interes ng Pangulo sa “pamumulitika” ng ilang sports officials dahil mas mahalaga kung sino ang nakapagbibigay ng karangalan sa Pilipinas.

Anyway, nakakatuwang marinig din ang suporta ni PNoy sa pagpapabuti pa ng industriya ng business process outsourcing (BPO) upang lalong makalikha ng mas maraming trabaho. At bilang konkretong hakbang, inatasan ni PNoy ang mga ahensiyang may kina­laman sa edukasyon at paglinang ng kakayahan na tutukan ang mga kailangang trabaho sa BPO.

Ibig sabihin, sasanayin ang mga magsisipagtapos base sa mga trabahong kakailanganin sa halip na magkaroon ng graduates para sa industriyang hindi naman nangangailangan ng trabaho, as in mas maganda nga­yon ang tsansa ng mga magsisipagtapos sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon -- isang pagtutuwid sa maling nakasanayan sa mahabang panahon.

***

Napag-usapan ang nakaraan, dapat suportahan ng publiko ang kampanya ni PNoy laban sa maanomal­yang mga transaksiyon na inaprubahan ng nakalipas na administrasyon na kontra sa interes ng publiko. Kaya’t tama ang panawagan ni PNoy na kanselahin ang 66-kontrata para sa konstruksiyon ng roll-on roll-off (Ro-Ro) ports na hindi naman kailangan.

Lumabas sa pag-aaral na anim lamang sa kabuuang 72 Ro-Ro projects na inaprubahan ng nakaraang administrasyon ang talagang kailangan ng mga Pilipino. Take note: gagastos din ng karagdagang pondo ang pamahalaan sa pagkumpuni ng mga itatayong pier sakaling masira ang mga ito.

Kung hindi natuklasan ang problema, tinata­yang P15 bilyon ang posibleng masayang para sa mga proyektong hindi naman kailangan -- ito’y nangangahulugang karagdagang pondo na magagamit para sa pagkakaloob ng serbisyo sa naghihirap.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, August 10, 2011

Walang duda!
REY MARFIL

Malinaw ang ebidensiya, ipinakita ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang pagiging lider ng bansa at pinakamataas na sensiridad para mapabilis ang pagkamit ng tunay na kapayapaan matapos ang sikretong pakikipagkita kay Moro Islamic Liberation Front (MILF) chair Al Haj Murad Ibrahim sa Tokyo, Japan.

Hindi nakakapagtaka ang kaliwa’t kanang papuring inaani ngayon ni PNoy mula sa iba’t ibang grupo matapos bigyan ng panibagong pag-asa na maghari ang kapayapaan sa Mindanao. Hayaan natin ang magandang istilo ng pakikipag-usap ni PNoy sa MILF. Sa dulo, naniniwala akong walang magaganap na under the table na pag-uusap at hindi na mangyayari ang kontrobersiya ng MOA-AD.

Magaganap ang usapang-pangkapayapaan nang mayroong transparency. Umaasa akong mapapabilis ang progreso ng mapayapaang pag-uusap para makamit ang wagas na kapayapaan sa ating mga kapatid na Muslim. Kapuri-puri ka, Pangulo. Mismong si dating Pangulong Fidel Ramos ang nagsabing “hayaan at huwag pangunahan sa kanyang diskarte si PNoy”.

Hindi lang ‘yan, dapat puruhin natin ang malakas na pinansiyal na posisyon ng administrasyong Aquino dahil sa matalinong paggugol nito -- isang patunay ang naitalang maliit na budget deficit o kakapusan sa pondo na P17.231 bilyon mula sa ceiling na P152.128 bilyon sa unang anim na buwan ng taon. Kahit itanong n’yo pa kay Finance Sec. Cesar V. Purisima.

Dahil ito ay mas epektibong paniningil ng buwis ng pamahalaan kung saan tumataas ang nakokolektang buwis nang hindi nagkakaroon ng bagong batas sa pagbubuwis at pagbasura sa maling paggasta ng pampublikong pondo. Take note: umabot sa P681.640 bilyon mula Enero hanggang Hunyo ng 2011 ang tax collection, as in mas mataas ng 15.12% kumpara sa parehong panahon noong 2010 -- ito’y resulta sa magandang ipinapakita ng Bureau of Internal Revenue (BIR), Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Treasury (BTr).

Maganda rin ang resulta ng programa ng BIR -- ang Run After Tax Evaders (RATE) na nasa likod ng pagsasampa ng mga reklamo sa coffee concessionaire dahil sa kabiguan na magbayad ng P59 milyong buwis sa kabila ng kanilang mala­king kinita at tunay na maganda ang tinatahak ng matuwid na daan ni PNoy, nangangahulugang mas maraming serbisyo sa publiko ang mga pondong natitipid mula sa maling paggugol at tamang koleksiyon sa buwis.

***

Napag-usapan ang pondo, matindi ang paninindigan ng pamahalaan na maramdaman ang kaunlaran sa buong bansa sa pamamagitan ng paglalaan ng pondo para sa Payapa at Masaganang Pamayanan or Peaceful and Resilient Communities o Pamana, isang programa ng pamahalaan tungo sa kapayapaan at kaunlaran.

Sa katunayan, naglaan ang administrasyong Aquino ng P2 bilyon para sa kapayapaan at kaunlaran sa ilalim ng P1.816-trillion General Appropriations Act (GAA) 2012. Bukod sa pondo para sa PAMANA, makakakuha rin ang Government Peace Negotiating Panel ng P100 milyon para sa pakikipag-usap sa MILF at National De­mocratic Front (NDF).

Layunin ng PAMANA na makabuo ng mga programa para matulungan ang mga komunidad na apektado ng rebelyon at ilapit ang pamahalaan sa mga tao sa pamamagitan ng agresibong pagkakaloob ng pangunahing mga serbisyo para sa potensiyal na kabuhayan ng mga tao.

Target ng PAMANA na makabuo ng mapayapang komunidad sa 1,921 na malalayong mga barangay na apektado ng kaguluhan sa 171 munisipalidad na nasa 34 na mga lalawigan sa buong bansa.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, August 8, 2011

Samantalahin habang mainit!
REY MARFIL



Dapat samantalahin ng publiko lalung-lalo na ang mga anak ng magsasaka ang oportunidad sa “scholarship grants” na inaalok ng administrasyong Aquino para sa pagkuha ng kursong agrikultural sa mga kolehiyo at ibang eskuwelahan -- ito’y isang bihirang pagkakataong ipinagkakaloob ng gobyerno na hindi napag-isipan sa mahabang panahon.

Maganda ang layunin ng programa ni Pangulong Noynoy Aquino, partikular ang pagtiyak sa kahalagahan na linangin ang kaalaman ng mga kabataan sa usapin ng agrikultura kung saan maganda ang hinaharap dito.

Positibo ang panawagan ni PNoy sa mga magsasaka na pag-aralin ang kanilang mga anak sa mga kolehiyo at eskuwelahang nagsusulong ng kursong agrikultural para makakuha ng scholarship program.

Kaya’t suportahan ang programa ng pamahalaan para matulungan ang mga magsasaka sa pagpapa­lakas ng kanilang ani at pamamaraan sa pagkakaloob ng suporta ng gobyerno.

Tama ang pamahalaan sa paggiit ng pangangailangan na sumailalim ang mga magsasaka sa pest management, promosyon ng paggamit ng organic farming at iba pang serbisyo para sa sustainable management ng kanilang mga tanim at alagang mga hayop.

Isang patunay kung gaano kaseryoso ang pamahalaan sa pagpapalakas ng agrikultura -- ang pagkakaloob ni PNoy kay Aklan Gov. Carlito Marquez ng certificates of award nakaraang Hulyo 12 -- ito’y nagkakahalaga ng P26 milyon bilang alokasyon sa iba’t ibang proyektong agrikultural sa lalawigan.

Kabilang dito, ang micro-income generating projects, rice program, tramline at pitong proyektong irigasyon, livelihood assistance, high-value crops development, rehabilitation ng bio-fertilizer facility at organic vegetable production.

Hindi lang ‘yan, tinatrabaho rin ng Cabinet cluster on Climate Change ang mga bagay na maaaring makabawas sa epekto ng lumalalang global climate change na maaaring makasira sa agricultural productivity ng bansa. Bigyan natin ng pagkilala ang matagumpay na hakbang ng pamahalaan na ibaba ang polusyon sa hangin at tubig at matigil ang ilegal na pamumutol ng mga puno na ugat sa matinding pagbaha.

***

Napag-usapan ang “good news”, tayo’y humahanga sa paninindigan ni PNoy na tapusin ang problema ng human trafficking sa Pilipinas at makatwirang suportahan ang kanyang posisyong -- hindi dapat nabibiktima ng human traffickers ang mga taong naghahangad lamang ng magandang kinabukasan sa ibang bansa.

Magandang senyales ang pagkilala ng Pangulo sa mga grupo at indibidwal na lumalaban kontra sa trafficking kung saan iprinisinta nito ang Presidential Citation kay Zamboanga City Assistant City Prosecutor Darlene Pajarito na kinilala rin kamakailan ng US State Department sa parangal na Global Trafficking in Persons Heroes for 2011.

Nakatanggap si Pajarito ng presidential citation dahil sa kanyang pinakamaraming kasong matagumpay na naisulong sa korte na nagresulta sa conviction ng mga akusadong sangkot sa human trafficking.

Umabot din sa 12 organisasyon at indibidwal ang binigyan ng Pangulo ng special citations dahil sa kanilang mga programa kontra sa human trafficking sa bansa.

Sa katunayan, nagresulta ang koordinasyon ng pamahalaan at mga organisasyon sa pagkakaalis ng bansa mula Tier 2 Watchlist ng the 2011 Trafficking in Persons Report na inilabas ng pamahalaan ng Estados Unidos (US) noong nakalipas na buwan.

Dito kinilala ang malaking kontribusyon ng bansa para sugpuin ang problema sa human trafficking, kabilang ang halos 200 porsiyentong pagtaas sa convictions ng traffickers.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, August 5, 2011

Reporma sa Mindanao!
REY MARFIL

Hindi ba’t kapuri-puri ang pagbuwag ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa Presidential Task Force on Mindanao River Basin Rehabilitation and Development (PTFMRBRD) na nakabase sa Cotabato City, aba’y nagkakaroon ng duplication, as in ginagawa ng ibang ahensiya ang kanilang trabaho.

Ipinakita ni PNoy ang matalinong paggugol sa pondo ng gobyerno sa pamamagitan ng isinasagawang “streamlining”. Ibig sabihin, bawas-gastos at wala nang pakuya-kuyakoy sa kanilang opisina, katulad ng nakaugaliang maghintay ng kinsenas at katapusan para kumubra ng suweldo o kaya’y lingguhang allowances.

Nilagdaan ni PNoy ang Executive Order (EO) No. 50 nakaraang Hulyo 28, 2011 na naglilipat ng obligasyon at trabaho ng Task Force sa Mindanao Development Authority (MinDA), River Basin Control Office (RBCO) of the Department of Environment and Natu­ral Resource­s (DENR), at National Disaster Risk Reduction Management Council-Office of Civil Defense (NDRRMC-OCD).

Nilikha ang PTFMRBRD noong 2008 para gumawa ng master plan sa pangmatagalang solusyon kaugnay sa matinding pagbaha sa Mindanao at direktang nag-uulat sa Office of the President.

Take note: hindi ba’t “nagngawngaw” pa sa national television ang isang alkalde sa Mindanao kesyo walang tulong ang pamahalaan sa nagsulputang water lily gayong sa mahabang panahon, ito’y walang ginawa para ilayo sa baha ang mga nasasakupan?

Tama ang desisyon ni PNoy na buwagin na ang P­TFMRBRD dahil ginagaya lamang nito ang trabaho ng iba pang mga ahensiya ng pamahalaan. Sa ganitong sistema, hindi na makakapagturo ang mga “reklamador” na local officials, partikular ang mga mahihilig gumawa ng pera o pinagkakakitaan ang kalamidad sa kanilang lugar.

***

Napag-usapan ang Mindanao, dapat ibigay ng mga residente ang buong suporta sa administrasyong Aquino laban sa Abu Sayyaf Group (ASG) matapos masawi ang pitong sundalo sa Sulu nakaraang linggo.

Nakakalungkot at kasuklam-suklam ang nangyari subalit nakakatuwa pa ring marinig sa Pangulo ang pagtulong sa mga naulila ng mga sundalong nasawi na siyang tunay na mga bayani.

Bagama’t mangangailangan ng panahon, magiging positibo ang resulta ng kampanya laban sa terorismo kung merong kooperasyon ang mga residente sa programa ng pamahalaan para agarang maiharap sa hustisya ang mga terorista.

Bilang mga taong nagmamahal sa kapayapaan at mayroong takot sa Diyos, dapat nating kondenahin ang kawalanghiyaan ng mga bandido na naglalagay sa ala­nganin sa usapang-pangkapayapaan, kaunlaran sa buong bansa at iba pang positibong bagay.

Hindi lang ‘yan, pinanindigan ni PNoy ang pagreporma sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) kung saan isasabay ang halalan dito sa mid-term 2013 election -- ito’y isang konkretong hakbang ng reporma, pinaka-latest ang pagtalaga ng mga persona­lidad na lalahok sa screening committee na magrerekomenda sa Pangulo ng uupong OICs (officers-in-charge) para pansamantalang mamuno sa ARMM.

Malinaw na kinokonsulta ng pamahalaan ang publiko sa mga itatalagang mga opisyal sa ARMM na bahagi ng demokrasya at transparency na itinataguyod ng gobyerno.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, August 3, 2011

May hangganan!
REY MARFIL


Tamang magkaroon ng katapusan ang mga alegasyon ng dayaan noong 2004 at 2007 elections upang hindi na maulit ang ganitong kahindik-hindik at karima-rimarim na mga pangyayari, maliban kung takot ang oposisyon na “mabo­cobo”, sampu ng mga kasapakat sa switching kaya’t kinokontra ito? Ika nga ng mga kurimaw, kung may simula, dapat may ending!

Walang basehan ang pahayag ng mga “ex-palakpak boys” na panlilito ang pakay ng pagkabuhay sa isyu matapos maglabasan ang mga taong sinasabing merong nalalaman sa umano’y dayaan.

Sa paglabas ng mga taong ito, umaasa ang publiko na magkakaroon ng masusing imbestigasyon at maisulong ang mga kaso laban sa mga responsable ng dayaan.

Anyway, isang magandang hakbang ang pagkakahirang kay ex-Supreme Court (SC) Justice Conchita Carpio-Morales bilang Ombudsman upang maibalik ang integridad ngayong nagsimulang “kumanta” ang ilang kinasangkapan sa dayaan noong 2004 national elections.

Umaasa ang publiko na maipapatupad ni Morales ang kailangang reporma sa anti-graft body matapos masira sa nagdaang administrasyon.

Tama ang desisyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na maging kapareha ng kanyang kampanya laban sa katiwalian si Morales. Take note: Hindi tayo dapat magpalito sa black propaganda na tanging si Mrs. Arroyo lamang at dating mga opisyal nito ang target ng pagkakatalaga kay Morales.

Malinaw naman na inilagay si Carpio-Morales sa pinakamataas na posisyon sa Office of the Ombudsman dahil kaya nitong maghasik ng sindak sa mga lumalabag sa batas at makakuha ng respeto at suporta sa mga tao sa loob ng anti-graft body.

***

Tumpak ang obserbasyon ni Miguel Varela -- kilalang lider-negosyante at corporate lawyer practitioner na tatabo nang husto ang administrasyong Aquino sa usapin ng ekonomiya dahil sa inilatag na mga reporma at pagkakabalik ng tiwala ng publiko sa pamahalaan.

Walang progreso na mangyayari kung hindi nagtitiwala ang mga tao sa mga lider at mapalad tayong naibalik ni PNoy ang nawalang integridad ng gobyerno.

Dahil sa matinding political will at paulit-ulit na maigting na panawagan ni PNoy sa matinong pamumuno, handang-handa na ang mga ahensiya ng pamahalaan na sumulong.

Walang duda, inaasahan ang pagpasok ng mga negos­yante sa bansa para mamuhunan bilang resulta ng kanilang mataas na pagtitiwala sa maayos na pamamalakad ng admi­nistrasyong Aquino at inaasahan ng publiko na magsusulong ang Kongreso ng mga mahahalagang panukalang batas na magpapabilis sa progreso ng bansa.

Naging presidente at chairman si Varela ng Philippine Chamber of Commerce and Industry o pinakamalaking organisasyon ng mga negosyante sa bansa at naglingkod ding presidente ng Employers Confederation of the Philippines o pinakamalaking asosasyon ng employers sa Pilipinas.

Hindi lang ‘yan, kapuri-puri ang posisyon ni PNoy kontra sa pagpasa ng Kongreso ng bagong batas sa pagbubuwis dahil siguradong mahihirapan dito ang ordinaryong mga tao.

Para magkaroon ng pondo, nanawagan ang Malacañang sa mga tao na suportahan ang pinaigting na kampanya ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa pagbabayad ng tamang buwis para makalikom ng salapi na magagamit sa iba’t ibang mga proyekto na pakikinabangan ng mga Pilipino.

Tama ang apela ni Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr. sa mga propesyunal na magdeklara ng kanilang tamang kita. Dahil sa tiwala ng publiko sa pamahalaan, naniniwala akong tatalima ang publiko sa naging panawagan.

Sa datos ng BIR, merong 1.7 milyong self-employed at professional taxpayers na kinabibilangan ng mga abogado, doktor at mga negosyante at iba pa na nakapagbayad ng 9.8 bilyon noong 2010.

Ipinapakita ng datos na nagbayad ang bawat isa sa mga ito ng average na P5,783 bilang kanilang income taxes at kung mapapatunayan, lumalabas na kumikita lamang sila ng buwanang P8,500.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy nyo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, August 1, 2011

Manahimik na lang!
REY MARFIL

Sa nakaraang State of the Nation Address (SONA), kasing-linaw ng “gin” ang posisyon ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na ipaglaban ang karapatan ng Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo sa Spratlys Group of Islands -- ito’y kanyang dadalhin sa International Tribunal on the Law of the Sea.

Take note: umani ng pinakamalakas na palakpak ang tinuran ng Pangulo, maliban kung sadyang bingi o kaya’y puno ng tutuli ang tenga ng mga kritiko?

Tamang marinig ang ganitong mga salita sa pinakamataas na lider ng bansa na siyang dapat manguna sa hakbang na ipagtanggol ang teritoryo ng Pilipinas.

Bagama’t hindi naman tayo makikipagdigma, hindi natin dapat kalimutang idepensa ang ating mga teritoryo at alisin ang pandaigdigang pananaw na mahina ang ating kakayahan na ipaglaban ang mga bagay na nasa loob mismo ng ating bakuran.

Sa halip batikusin, bakit hindi kilalanin ang pagsusumikap ni PNoy na palakasin ang seguridad ng bansa, katulad ang modernisasyon ng Forces of the Philippines at Philippine National Police (PNP). Sa halos isang dekada, animo’y walang modernisasyong natikman ang militar at pulisya -- kung meron man, ito’y naiimbestigahan pa ng Upper House. Kung hindi dispalinghadong magazine ng baril at bala, aba’y naging brand new ang “secondhand” o kaya’y “ipinang-rescue” ang chopper sa tumitestigo laban sa katiwalian.

Sa tulong ng malinis na pamamahala, lalawak pa ang programa sa pagbili ng helicopters, patrol crafts, at ibang mahahalagang mga kagamitan. Pero sa dulo, tama si PNoy -- ang mapayapang resolusyon sa problema ang dapat pa ring mangibabaw, as in hindi kailangang makipagbarilan subalit hindi rin pwedeng “binabatuk-batukan” lamang.

At nakaraang SONA, maigting din ang posisyon ni PNoy na itigil ang kultura ng “wang-wang” o pang-aabuso sa kapangyarihan sa pamahalaan. Ibig sabihin, tayo’y mapalad dahil malinis na pamamahala ang isinusulong ng gobyerno, lalung-lalo na sa paglaban sa katiwalian.

Naging simbolo ang pagbabawal sa paggamit ng “wang-wang” para matigil ang mga pagsasamantala at determinado ang gobyerno na maging parehas ang laban, matigil ang pang-aabuso at tiyakin na pakikinabangan ng ordinaryong tao ang benepisyo sa pagsulong ng bansa.

Sa paglaban sa katiwalian, napababa ang bilang ng mga Filipino na nagugutom, tumaas ang tiwala ng mga mamumuhunan at napadali ang pagkakaloob ng pangunahing serbisyo sa publiko.

Hindi lang iyan, natigil ang maano­malyang kontrata na pinasok ng ilang tiwaling opisyal at pribadong indibidwal -- isang rason kung bakit nanumbalik ang tiwala ng publiko.

***

Napag-usapan ang SONA, dapat suportahan ng Kongreso ang kahilingan ni PNoy para sa karagdagang pondo ng palalawaking Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) kung saan puntiryang matulungan ang tatlong (3) mil­yong mahihirap.

Malaki ang naitulong sa mga mahihirap kaya’t kaila­ngan talagang ipagpatuloy ng pamahalaan ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program na naglalayong gawing tatlong (3) milyon ang mabibiyayaan ng tulong sa 2012.

Naniniwala ang inyong lingkod sa katalinuhan ng programang ito ng Pangulo na kumbinsidong maipatutupad ng maayos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagkakaloob ng ayuda sa mga mahihirap, sa ilalim ng Conditional Cash Transfer (CCT) program.

‘Ika nga ng mga kurimaw, kung wala namang maibibigay na anumang alternatibo ang mga kritiko, aba’y, suportahan na lamang ang programa na direkta at agarang makakapagbigay ng tulong sa mga Filipino.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)