Friday, December 23, 2011

Utak giveaways at raffle!
REY MARFIL

Walang pinagkaiba sa isang punong hitik sa bunga ang kalagayan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na dahil sa pagkadesperado ng mga kritiko, ito’y pilit sinisilipan o hinahanapan ng butas at pagkakamali ang makatotohanang pangyayari.

Isang patunay ang pagdalo ng PNoy sa Christmas party ng Presidential Security Group (PSG), aba’y inaakusahang nagpapasarap gayong tinamaan ng delubyo ang ilang bahagi ng Minda­nao partikular ang Cagayan de Oro at Iligan City at Dumaguete.

Isang pagtitipon sa mismong bakuran ng Palasyo ang dinaluhan ni PNoy -- isang napakahalagang araw sa hanay ng mga kawal at kanilang mga pamilyang nagbibigay ng 24-oras na seguridad sa Pangulo. Take note: Malayo sa kanilang mga pamil­ya ang sundalo at minsan lamang sa isang taon ang pagtitipon.

Ang tanong ng mga kurimaw, isa bang malaking pagkakamali ang tapunan ng kaunting oras ni PNoy ang mga tauhang nagbibigay ng proteksyon at seguridad, maliban kung sad­yang ‘utak talangka’ ang mga nagpalaki ng isyu.

Hindi isyu ang pag-tweet ni Valerie Concepcion sa PSG Christmas party dahil isang paghanga kay PNoy ang mensaheng nai-post. Ang masama, ito’y kinasangkapan ng mga kritiko para intrigahin si PNoy dahil walang makitang dumi sa administrasyon at isa ring biktima ng maduming laro sa pulitika ang pag-appreciate ng actress sa pagiging cool ni PNoy, katulad sa sinapit ng Pangulo.

Kesa sayangin ng mga kritiko ang kanilang oras sa maghapong pagtu-tweeter at facebook upang batikusin si PNoy, bakit hindi gawing makabuluhan ang buhay -- ilaan ang panahon sa pagtulong at i-donate sa mga nasalanta ng bagyong Sendong ang pinanggastos sa pagtambay ng coffee shop at ipinambili ng internet card.

Hindi big deal sa pagpapaunlak ni PNoy sa mga PSG na makasama sa kanilang pagtitipon, katulad din ng mga ‘nagmamalinis’ at ilang maiingay na sektor na walang inatupag kundi lumikha ng mga pagbatikos gayong kaliwa’t kanan din ang pagdalo sa mga Christmas party at ibang pang kasiyahang inihanda ngayong Pasko, mapainuman o raffle.

Sa pananaw ng karamihan, pilit pinapalaki ng mga kritiko ni PNoy ang maliit na pagtitipon ng PSG, isang malinaw kung paano ipinapamalas ang desperadong paggalaw upang sirain ang Pangulo lalo pa’t hindi matibag ang mataas na popu­laridad nito.

***

Napag-usapan ang mga kritiko, aminin o hindi, gigil ang mga kalaban ni PNoy dahil patuloy ang pag-ani ng malaking tiwala ng taumbayan, patunay ang pinakahuling resulta ng Pulse Asia Survey kung saan naitala sa 72% ng mga Pinoy ang saludo sa performance ng Pangulo.

Ang trust rating naman ni PNoy, ito’y pumalo sa 74% kaya’t hindi maitatangging ‘hilahod’ sa pag-iisip ng mga demolition o black propaganda ang mga kritiko, malinaw ang pagpatol sa napakawalang-kuwentang isyu, gamit ang mga tweeter at facebook o social media para ipintang walang ginagawa ang Pangulo.

Ang napakapositibong resulta sa panig ni PNoy, ito’y epek­to ng puspusang kampanya ng kanyang liderato na tuldukan na ang korapsyon at ipursige ang pagsulong ng bansa, gayundin ang pagkakaloob ng pangunahing pangangailangan ng publiko na nagbibigay ng inspirasyon para ipatupad nang mabilisan ang inaasam na reporma para sa ating lipunan -- ito ang hindi matanggap ng mga kritiko.

Bakit ang pagkansela ni PNoy sa Christmas party ng mga gabinete’y hindi nababanggit o napag-uusapan man lang ga­yong ginawa ng Pangulo ang desisyon bago pa man ang Christmas party ng PSG, as in umaga pa lamang ng Linggo. Ang tanong ng mga kurimaw: ito ba’y naisulat sa blog ng mga nagmamarunong o nai-text blast man lamang para mabasa ng mga followers nito?

Bakit ang minu-minutong paghingi ng update ni PNoy sa mga opisyal ng gobyerno na nakababad sa Cagayan de Oro, Dumaguete at Iligan City gayundin ang pagbibigay ng direktiba sa mga ahensya at departamento ng gobyerno kagaya ng pagbibigay ng lahat ng pangangailangan ng mga nabiktima ni Sendong, ito’y hindi napapansin o inilagay sa tweete­r at facebook.

Sabagay, walang magagawa si PNoy sa may ganitong klaseng mentalidad, basta ang mahalaga’y kinakaya ng Pangulong tugunan ang pangangailangan ng mga nagluklok sa kanya sa poder.

Teka lang, naitanong ba sa sarili ng mga blogger na nagkomento sa tweet ni Valerie Concepcion kung sila’y nagdasal para sa mga biktima ni Sendong bago naki-party ngayong Pasko? Sa malamang, puro raffle at giveaways ang laman ng utak ng mga ito.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, December 19, 2011

‘Di napapansin!
REY MARFIL
Sa kabila ng ingay na dulot ng banggaan sa pulitika, tahimik at tila walang nakapapansin sa mga positibong balita, katulad ng patuloy na pagdami ng mga may trabaho sa taong 2011.

Sa data ng National Statistical Coordinating Board (NSCB), nasa 6.3% na lamang ang unemployment rate sa bansa -- pinakamababa sa nakalipas na apat na taon, ito’y nangyari sa loob lamang ng wala pang dalawang taon ng administrasyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino.

Simula Enero 2011, naitala ang pababang marka ng mga walang trabaho -- mula sa 7.4% nitong Enero, na­tapyasan ang bilang ng mga walang trabaho o tambay sa kanto, patunay ang pagbaba sa 7.2% nitong Abril, at nabawasan pa ng nakaraang Hulyo, malinaw ang naitalang 7.1%.

Kung tutuusin, ang pagbaba sa bilang ng mga walang trabaho at pagdami ng mga may trabaho -- ito’y nangyari sa panahong ‘nagpuputak’ ang mga kritiko at inaakusahan ang administrasyong Aquino ng maling taktika sa pamamahala sa ekonomiya bunga ng ginawang pagtitipid sa paggastos ng pondo.

Kaya naman isipin na lamang ang resulta kung gumastos nang todo sa mga proyektong pang-imprastraktura ang gobyerno, marahil mas mababa pa sa 6.3% ang naging unemployment rate ng bansa -- ito’y patunay na mali ang mga kritisismo ng oposisyon na puro pulitika at paghahabol sa nakaraang administrasyong Arroyo ang ginagawa ng pamahalaang Aquino at napapabayaan ang ekonomiya ng bansa.

***

Napag-usapan ang pagtitipid sa paggastos ng pondo -- ito’y kinailangang gawin ni PNoy habang inilalatag ang mga mekanismo para matiyak na maayo­s at walang ‘tongpats’ ang mga proyektong ipatutupad ng gobyerno.

Sa lalim ng ugat ng katiwaliang inaakusang naibao­n ng nakaraang gobyerno sa mga ahensiya ng pamahalaan, kailangan lamang na tiyakin ng bagong liderato na magagamit nang tama ang buwis na binabayaran ng mga tao at hindi sa bulsa ng mga tiwaling pinuno mapupunta.

At dahil nakaayos na ang mekanismo, asahan ang pag-usad ng programa ng pamahalaan na inaasahang lilikha ng mga trabaho -- ang Private-Public Partnership Program (PPP).

Katunayan, nai-award sa nanalong bidder ang kontrata sa paggawa at pagmantine sa 4-kilometer Daang Hari-South Luzon Expressway (SLEX) Link Road -- ito’y napanalunan ng Ayala Corporation.

Ang Daang Hari-South Luzon Expressway (SLEX) Link Road, isa lamang sa napakaraming proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan sa ilalim ng PPP na magkakaloob ng napakaraming trabaho, hindi lamang sa kalunsuran kundi maging sa kanayunan.

Kaya naman may basehan ang resulta ng pinakahu­ling Pulse Asia survey kung saan 88% ng mga tinanong na Pinoy ang nasabing sasalubungin nila ang 2012 na mataas ang pag-asa.

Mismong si PNoy ang nagsabi nang pirmahan ang 2012 budget, na humihina ang ekonomiya ng mundo, kaya naman hindi tayo dapat umasa sa ekonomiya ng ibang bansa, sa halip ay kailangang palakasin at pasiglahin ang ekonomiya natin sa Pilipinas.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, December 16, 2011

Now na!
REY MARFIL


Ipinasa ng Kongreso ang impeachment complaint laban kay Supreme Court Justice Renato Corona, sa bisa ng 188 lagda o 2/3 -- ito’y ‘di hamak na malayung-malayo sa 1/3 lang na kakailanganing numero para ma-impeach ang isang opisyal ng gobyerno.

Nasa Upper House ang bola bilang impeachment court at magbababa ng hatol kay Corona. Ganito rin ang pangyayari kay dating Pangulong Joseph Estrada, ang kaibahan lamang, maagang umaapaw ang numero mula sa Kamara.

Dapat maunawaan ng publiko, sampu ng mga nakaupo rito -- sila ang kinatawan na nagsisilbing boses ng kanilang mga constituents o nirerepresentang sektor. Ang pag-apaw ng suporta sa Kamara para mailarga ang impeachment complaint laban kay CJ Corona -- ito’y patotoo sa suporta ng publiko sa pamahalaang Aquino na masidhi ang kagustuhang lipulin ang mga tiwali sa gobyerno at makamit na ang hustisya laban sa mga nagsamantala sa tiwalang ibinigay ng sambayanan.

Ang suhestyon ni Mang Gusting, kung meron delicadeza, mas makakabuting magbitiw ngayon si Corona kesa hintaying gumulong ang impeach sa Upper House upang maisal­ba ang imahe ng Korte Suprema at buong hudikatura na tuluyan nang sinira ang integridad at kredibilidad.

Aminin o hindi ni Corona, namamayani ang impresyong hindi nakakamit ng taumbayan ang hinahanap na patas na proseso ng hustisya laban kay Mrs. Arroyo hangga’t nasa poder si CJ Corona lalo pa’t nagsilbing chief of staff at napakahaba ng kanilang pagsasama bilang mag-amo. Take note: iniluklok ni Mrs. Arroyo si Corona sa panahong nalalapit ang pag-upo ng bagong Pangulo.

Ika nga ng mga kurimaw, kung may natitira pang pagmamahal sa bayan si CJ Corona at maginoo, katulad ng kanyang ipinangalandakan sa harap ng mga court employees na nagmartsa sa harapan ng Supreme Court, gawin mo ang nararapat na hakbang na magpapabalik sa tiwala ng publiko sa SC -- ito’y sa pamamagitan ng pagbibitiw sa tungkulin.

Mawawalan lamang ng saysay ang pakikipaglaban sa independensya ng hudikatura kung kumakalas ang pagtitiwala ng sambayanan o mayorya na siyang dinaranas ngayon ng SC mula sa publiko.

Sana’y tuldukan ni Corona ang tensyong ito upang tuluy-tuloy nating maramdaman ang pagbabagong inasam natin, mula nang iluklok si PNoy na naging matapang sa pagpuna sa hindi patas na sistemang ipinaiiral ng SC dahil sa pananatili sa posisyon ng mga kadikit ni Mrs. Arroyo.

***

Napag-usapan si Corona, hindi dapat maging balat-sibuyas ang mga kasapi ng Supreme Court (SC) sa pagpuna at batikos lalo pa’t hindi naman inihalal ng bayan kundi itinalaga lamang sa posisyon.

Dapat manatili ang pananagutan ng mga pampublikong opisyal sa kanilang mga aksiyon sa lahat ng pagkakataon at hindi itratong “sacred cows” ang mga miyembro ng SC bilang bahagi ng “check and balance” sa gobyerno alinsunod sa kampanya kontra katiwalian ni PNoy.

Ipinahahayag lamang ni PNoy ang kanyang opinyon bilang bahagi ng pribilehiyo ng Ehekutibo at imposibleng walang basehan ang pagkuwestiyon ng Pangulo sa hindi pagiging parehas ni Corona sa mga desisyon sa mga kasong kinasasangkutan ni Mrs. Arroyo.

Kahit pagbabaliktarin ni Corona ang angulo, ito’y “midnight appointee” sa tingin ng nakakarami at nakakaduda ang kanilang malapit na relasyon ni Mrs. Arroyo lalo’t minsang naging spokesman ng dating pangulo. Bahagi ng karapatan ng Pangulo ang batikusin nang todo-todo ang Chief Justice lalo’t nakikita ang basehan.

Hindi naman sinasagasaan ng pagbatikos ang co-equal branch ng pamahalaan. Ika nga sa English “give and take” ang kailangan para maging buhay at kapaki-pakinabang ang demokrasya.

Wala dapat pinoprotektahan o sacred cows. Ba­hagi ng lehitimong katanungan ng publiko ang inihirit ni PNoy.

Itinatanong din ng ordinaryong tao at maging ng aking sarili ang mga ibinato ni Pangulong Aquino. Sa tingin mo ba hindi? Importanteng manatili ang pagiging independence ng SC.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, December 14, 2011

Tiwala!
REY MARFIL


Boto ng malaking tiwala sa liderato ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino ang mabilis na ratipikasyon sa P1.816-trilyong General Appropriations Bill (GAB).

Malaking tagumpay ng pamahalaan ang overwhel­ming vote sa agarang pagpasa ng pambansang badyet na nakabase sa pagtulong sa pangangailangan ng mga mahihirap.

Talagang layunin ni PNoy na agarang matulungan ang mga sektor na labis na nangangailangan ng ayuda ng pamahalaan at paglaban sa katiwalian kaya naman naging mabilis ang pagkilos dito ng kanyang gobyerno.

Dahil sa agarang paglusot ng pambansang bad­yet sa susunod na taon, matitiyak natin ang agarang implementas­yon ng pangunahing mga programa at proyekto ng pamahalaan.

***

Sa pagkaka-impeached ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona, sa pamamagitan ng botong 188 sa Lower House, nais kaladkarin pababa ang usapan, as in Constitutional Crisis ang prediksyon at pananakot ng iilan.

Sa mga mulat at masusing nagmamasid sa mga pangyayari ng nakalipas na linggo, hindi tunggalian sa pagitan ng Palasyo at Korte Suprema ang labanan -- ito’y simpleng pagbabalik sa taumbayan ng kanilang karapatang itakda ang uri ng pamumuno sa bansa.

Ibinabalik lamang ni PNoy sa taong bayan ang karapatang matagal nang nabura sa isipan matapos mamayagpag sa pamahalaan ang sistemang nasa kamay ng iilang makapangyarihang nilalang ang resulta ng halalan kung saan ha­yagang nilapastangan ng mga ito ang sagradong karapatan ng mamamayang pumili ng kanilang nais mamuno sa bansa.

Ngunit kung susundan natin ang kanilang argumento, wala rin talaga sa tamang wisyo ang naglikha ng mga ito. SC vs Pangulong Noy ba kamo? Sino ba ang nagtalaga sa Pangulo kundi ang mayorya ng higit 80 milyong Pilipino? Hindi ba’t, bilang isang Kristiyanong bansa, noon pa natin sinusundan ang argumentong vox populi, vox dei?

Sino ba ang nagtalaga sa 12 sa 15 na kapita-pitaganang mahistrado ng Korte Suprema kundi iisang tao -- ang da­ting pangulo? -- ito’y si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na “nagreyna” sa loob ng siyam na tao­n kung saan anim na taong termino ang kuwestyunable dahil sa alegasyong pandaraya noong 2004 election.

Ang nakasampang alegasyong minanipula ni Mrs. Arroyo ang resulta ng halalan noong 2007 senatorial elections upang panalunin ang “12-0” sa Maguindanao ang mga manok nito. Kung papayagang kumaripas palayo si Mrs. Arroyo, sino ang mananagot sa hablang ito?

Kung ito ang kaparaanang pilit nilang paghariin sa Pilipinas, kung trip lang ng iisang tao ang magtatakda sa kinabukasan ng bansa, saan na lang tayo pupulutin nito?

Anyway, si Arroyo ay hindi si Erap. Paglakarin natin ang dalawa, saanmang kalyeng matao at maghintay tayo sa dulo nito. Tingnan natin kung sino ang lalabas na duguan.

Hindi pa nga ganun, tingnan natin kung sino sa da­lawa ang makakalabas nang buhay. Ang isa’y lehiyon ang suporta mula sa masa, ang isa nama’y me­ron akusasyong pera ang ipinantatapat sa masa, ito’y wala pa ring matanggap na suporta!

Bagama’t ginamit nila lahat ng instrumento, paraan, pera at makinarya ng pamahalaan na nasa kanilang kontrol upang mangalap ng simpatiya at suporta, mabilis na dumausdos ang popularidad hanggang sumagad sa negative 60 nang ito’y umalis sa Malacañang. Ma­ging mga kababayan nito sa Pampanga’y hindi makuhang sumuporta. Iyan ang malaking pagkakaiba.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, December 12, 2011

Kailangang bunutin!
REY MARFIL


Labing-pitong buwan mula nang maluklok sa Malacañang, nakabuwelo si Pangulong Noynoy Aquino at nailatag ang mga kinakailangang reporma para umarangkada ang ekonomiya ng bansa simula sa 2012.

Tulad sa pagtatanim ng mga bagong halaman, hindi basta-basta mabubuhay ang ilalagay na mga binhi o punla kung may mga damo na dating nakatanim sa lupa. Kailangang alisin ang damo at bunutin ang ugat nito para mabuhay nang maayos ang bagong halaman na itatanim.

Sa nakalipas na mga buwan, ganito ang ginawa ng admi­nistrasyong Aquino, binunot ang masasamang damo na naiwan ng nakaraang administrasyong Arroyo, at nilinis ang sinasabing sistema ng katiwalian hanggang sa pinakailalim para matiyak na matatanggal pati ang nakakapit na ugat.

Ibig sabihin, inilatag muna ang mga kinakailangang reporma sa pamamahala sa iba’t ibang ahensiya, partikular sa mga mahahalagang departamento na nagpapatupad ng mga proyektong makatutulong sa paglago ng ekonomiya ng bansa.

Take note: sa mga unang buwan ni PNoy sa Palasyo, nadiskubre ang samu’t saring kuwestiyunableng transaksyon na pinasok umano ng Arroyo government na naging dahilan ng paglobo ng budget deficit ng bansa at pagkabaon sa utang.

Isa na rito ang bilyun-bilyong pisong halaga na ginastos sa pag-angkat ng bigas ng Arroyo government kung saan nadiskubre ng bagong pamunuan ng National Food Autho­rity (NFA) sa ilalim ng PNoy government na marami sa mga inangkat na bigas ang nabubulok lamang sa mga warehouse.

***

Napag-usapan ang pagbubunot ng damo, malaking pera ang nasayang sa pag-angkat ng mga bigas, napabayaan o sad­yang pinabayaan ng nagdaang pamahalaan ang mga lokal na magsasaka kaya naging dependent sa imported rice ang bansa, maliban kung nagka-amnesia ang publiko sa isyu ng “fertilize­r fund scam” na nangyari rin sa ilalim ng Arroyo government?

Ang usapin ng rice importation ay isa lamang sa mga problemang iniwan ng dating administrasyon na kinaila­ngang hanapan ng solusyon ng kasalukuyang gobyerno. Kailangang takpan ang butas na ginawa ng dating liderato na nagpatagas sa malaking gastusin upang makakilos muli nang maayos ang mga kinauukulang ahensiya na nakatoka rito gaya ng NFA at Department of Agriculture (DA).

At pagkaraan nga ng 17-buwan, inaasahan ng PNoy go­vernment na babalik sa normal ang lokal na produksiyon ng palay at kakayanin na ng mga magsasakang Pinoy na paka­inin ang kanyang mga kababayan sa pinakamaagang pagsapit ng 2012 o kaya’y pagsapit ng 2013.

Ang resulta nito, hindi na natin kakailanganin na gumastos muli ng bilyun-bilyong halaga sa pag-import ng bigas at hindi na rin mapapabayaan ang ating mga kababayang magsasaka. Kung magpapatuloy ang mahusay na produksiyon ng palay, at maging self sufficient ang Pilipinas, at matitiyak na ang food security ng bansa, malay natin, mangyari sa ilalim ng PNoy government na muli tayong magbebenta ng bigas sa ibang bansa.

Pero maliban sa usapin ng seguridad ng pagkain, inaasa­hang sisigla ang ekonomiya sa 2012 dahil maipatutupad ang iba’t ibang infra project ng gobyerno sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) program na makalilikha ng napakaraming trabaho. Kinailangan ding rendahan ang pagpapatupad ng programa para mailatag ang mga mekanismo na titiyak na magiging patas at maayos ang paggamit ng pondo na naaayos sa kampanya ng pamahalaang Aquino para sa “tuwid na daan”.

Madaling mambatikos at mag-akusa ang mga kaalyado ng nakaraang administrasyon na naging mabagal ang paglago ng ekonomiya ng bansa, pero kung makikita naman sa mga susunod na taon ang magandang bunga ng mga inilatag na reporma ng kasalukuyang gobyerno, tiyak na nasa likod pa rin ni PNoy ang suporta at tiwala ng mamamayang Pilipino, patunay ang napakataas na approval at trust rating ng Pangulo, alinsunod sa huling Pulse Asia survey.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, December 9, 2011

May nauna!
REY MARFIL

January 27, 2010 ang petsa at State of the Union Address ang okasyon -- ito ang kauna-unahang pagkakataon na harap-harapang sinalubong ng kritisismo ng isang Pangulo ng bansa ang mga kagalang-galang na mahistrado ng Kataas-taasan­g Hukuman -- si Barack Obama ng Amerika laban sa Chief Justice ng US Supreme Court.

Binira ni Obama ang SC ng America dahil sa desisyon nitong payagang buksan sa dayuhang mamumuhunan ang donasyon sa mga partidong pampulitika sa panahon ng halalan. Isandaang (100) taon ang nakalipas matapos itakda ng batas ng Estados Unidos ang pagbabawal sa mga dayuhang kompanya na impluwensyahan ang resulta ng halalan sa nasa­bing bansa hanggang ito’y baliktarin ng nasabing hukuman.

Nitong Disyembre 5, 2011, sa okasyon ng kauna-una­hang Criminal Justice Summit na binuo upang pag-aralan ang mga hakbang upang mapabuti ang sistema ng kataru­ngan sa bansa, muling sinuong ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang pambihirang pagkakataong ipamukha sa bayan ang kasaliwaan ng mga desisyong ibinababa ng Korte Suprema sa loob ng kanyang panunungkulan.

Mula sa pagbasura ng SC sa probisyon ng Saligang Batas na nagtatakda ng dami ng populasyon bilang rekisito sa pagbuo ng isang Congressional District (Camarines Sur) na naging daan upang umupo bilang kinatawan ang anak ni Mrs. Arroyo (Cong. Dato) hanggang sa pagtalikod ng hukuman sa nauna nitong desisyong itakda ang mga alituntunin ng ibinabang TRO sa watchlist order ng Department of Justice (DOJ) laban sa pagkaripas palayo sa saklaw ng batas ng da­ting Pangulo, patuloy na humahaba ang listahan ng mga desisyong batbat ng katapatan, hindi sa sinumpaang tungkulin o Saligang Batas, kundi sa taong isiniksik sila sa kasalukuyang puwesto sa Korte Suprema -- ito ang reklamo ni PNoy.

Wasak ang relasyon ng kasalukuyang Pangulo at Chief Justice na pinaupong-pilit ni Mrs. Arroyo. Hindi maitatangging maasim pa sa kamias ang turing ni PNoy kay Chief Justice Renato Corona.

Ang sama ng turingang ito’y hindi lamang kapritso ng Pangulo, hindi rin puwedeng sabihing wala itong basehan.

Ang sabi ng mga pantas, hindi kailanman pumapalag ang Pangulo sa mga ibinababang hatol ng Kataas­taasang Hukuman, mula pa noong panahon ni Tita Cory sa panguluhan, kahit na ang mga ito’y sumasalubong sa ninanais ng mga nakaupong liderato.

Totoo marahil ito sa ating bansa. Ngunit sa pangunang imbukada natin, sadyang napatunayang hindi lamang si PNoy ang tahasang pumalag sa mistulang kalabisan sa natatanging karapatang iniatang ng batas, animo’y nagsisimu­lang sumaliwa sa batayan ng tama.

Hindi lamang si PNoy ang unang pumalag sa mga ito ng hayagan at harap-harapan. Hindi pinagbabawalan ng precedence o maging ng Saligang Batas ang Pangulo upang kwestyunin ang kanilang mga ibi­nababang kapasyahan.

Utang na loob ang isyu, sino ang may kinauutangan at kanino?

Ang usapin ay ukol sa delicadeza na siyang isa sa mga katangiang hanggang ngayo’y hinahanap pa rin ng ba­yan sa mga nakaupo sa institusyong dapat ay nangunguna -- ito’y usapin ng batas at katwiran ng pananagutan, ng katotohanan at katapatan sa Saligang Batas.

Ang ehekutibo’y hindi lamang sundalong tagapagpatupad ng mga itinakdang hatol ng hukuman. Hindi ito isang utusang dapat ay sunud-sunuran lamang sa wisyo ng iilang pantas sa hudikatura.

Ang ehekutibong pinangungunahan ng Pangulo’y isang kapantay o kaparehong sangay ng pamahalaan sa mata ng Saligang Batas.

Bagama’t totoong inaasahan ang kooperasyon at pakiki­pagtulungan, hindi kailanman itinakdang maging tagasang-ayon lamang o tagasunod ng hukuman ang nasa katungkulan sa ehekutibong sangay ng pamahalaan.

Hindi rin naka­lupalop sa hukuman ang lubos na kapangyarihang pamunuan o pangunahan ang mga kapantay nitong sangay -- ang ehekutibo man o kahit ang lehislatura.

Ang ginawa ni PNoy sa Manila Hotel noong Lunes sa gitna ng mga kalahok sa kauna-unahang Criminal Justice Summit ay hindi pagmamalabis o paglabag sa takda ng kaugalian maging ng batas, bagkus ito’y pagpapakita ng katapatan o sinseridad na itulak ang adyenda ng mamamayan sa loob ng kanyang katungkulan -- ito rin ay nagsisilbing matibay na patotoo sa kakayahang isulong ang malawakang reporma sa pamahalaan maging sa mga ahensyang dapat ay pangunang halimbawa ng integridad at kalinisan sa panunungkulan.

Maitanong ko lang: Kung ibabaling ninyo ang atensyon sa punong mahistrado, ang kanyang gawi sa publiko ba’y statesmanship, o pawang kamanhiran sa malawakang panawagan sa pagbabago?

Ito ba’y pagiging simbolo ng kalayaan sa impluwensya ninuman o sadyang kakapalang dala ng katapatan, hindi sa Saligang Batas kundi, sa taong napag-utusan lamang ng katungkulang sila’y ihirang?

Maitanong ko rin, sino ba sa tingin ninyo sa mga kasalukuyang institusyon ng pamahalaan ang hanggang sa ngayo’y puno ng mga nalalabing galamay ng panggigipit ng dating pamunuan?

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, December 7, 2011

Suspense thriller!
REY MARFIL

Kung hihimayin ang bawat eksena, napakasuwerte ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo nang ibigay ni Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 112 Judge Jesus Mupas ang kautusang ilipat sa Veterans Memorial Me­dical Center (VMMC) sa Quezon City mula St. Luke’s Me­dical Center sa Taguig City sa halip na dalhin sa pangkaraniwang kulungan kung saan nakakulong ang ordinaryong mga kriminal na akusado sa iba’t ibang krimen.

Kung mga kurimaw ang tatanungin, iuutos ko muna ang masusing pagtaya sa kalusugan ni Mrs. Arroyo para malaman ang kondisyon at masuri kung talagang dapat sa VMMC ikulong matapos maharap sa kasong pananabotahe sa halalan.

Kung ibinase lamang ang desisyon sa testimonya ng personal na doktor ni Mrs. Arroyo na dumaranas ng colitis at diarrhea, dapat bigyan din ng katulad na konsiderasyon ang libu-libong ordinaryong mga bilanggo.

Ngunit hindi lang nagdudumilat ang katotohanan na hindi nakakatikim ng ganitong pribilehiyo ang maraming bilanggo. Nananatili silang nakakulong sa pangkaraniwang bilangguan sa kabila ng kanilang mas malalang kalagayan.

Isang halimbawa ang kaso ng bilanggong pulitikal na si Crisanto Fat na isang ordinaryong magsasaka sa Negros na namatay sa atake sa puso habang nakapiit at hindi man lamang napagbigyan ang kanyang kahilingang makapagpagamot.

Habang ipinapatupad ng korte sa Pasay ang hustisya kung saan talagang mabagsik at malupit ang batas, hindi natin maitatago ang katotohanang iba ang pagtrato kay Mrs. Arroyo.

Sa ganitong klase ng trato, malinaw talagang walang basehan ang alegasyon na nais lamang gantihan ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino si Mrs. Arroyo, sampu ng mga inaakusahang kasapakat sa kalokohan noong 2004 at 2007 elections, maging sa napakaraming eskandalong naimbestigahgan ng Senado.

Sa dulo, dapat ipataw ang karampatang parusa, sinuman ang gumawa nito, katulad ang pagbilanggo sa mga piitang minamantine ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Metro Manila kung saan mayroong mga babaing bilanggo.

Hindi rin naniniwala si Mang Kanor na lilikha ng nega­tibong epekto sa buong mundo ang pagpapakulong kay Mrs. Arroyo. Nakita na natin sa iba’t ibang bansa ang pagpapabilanggo sa mga dating Pangulo at iba pang matataas na mga lider. Ika nga ni PNoy -- kung hindi natin hahabulin ang mga tiwali at abusado, siguradong pagtatawanan tayo ng buong mundo sa kabaligtaran.

Sa ngayon, pinakaimportante’y matiyak ng pamahalaan na iginagalang ang kanyang mga karapatan kahit nabibigyan pa ito ng pabor sa kanyang magiging kulungan.

***

Napag-usapan ang paglilipat kay Mrs. Arroyo, hindi dapat magpaloko ang publiko sa spin doctors kaugnay sa umano’y plano ng administrasyon na ‘Put the Little Girl to Sleep’ o pla­nong likidahin ang dating lider dahil isa itong porma ng panibagong drama para maiwasan ang pagpapakulong sa kanya.

Isang malaking kasinungalingan na walang pinagkaiba sa kanyang petisyon na magpasuri sa mga espesyalista sa ibang bansa kahit mismong ang kanyang mga doktor sa pa­ngunguna ni Dr. Mario. Ver, orthopedic spine surgeon ng dating Pangulo, ang tumestigo sa korte sa Pasay na guma­galing na ito at maaari nang makalabas ng ospital.

Ni sa panaginip, ayokong isipin desperado ang kampo ni Mrs. Arroyo na makakuha ang simpatya ng publiko at pinalalabas lamang nila na masama at mapaghiganti ang mga taong naghahangad managot siya sa batas.

Matapos mabigo ang grupo ni Mrs. Arroyo na mapalabas siyang biktima ng pambihirang sakit sa buto, nais naman nilang ipinta na posibleng maging murder victim ito. Malinaw na inililipat ng mga humahawak ng publicity stunt ni Mrs. Arroyo ang script ng telenovela mula sa isang medical drama, ito’y ginawang suspense thriller.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, December 5, 2011

May pag-asa!
REY MARFIL

Malinaw pa sa sikat ng araw ang mensaheng dala ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa kanyang talumpati sa mga miyembro ng Makati Business Club (MBC) tungkol sa pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan -- dapat managot ang mga nagkasala sa batas, anuman ang estado sa buhay at posisyong pinanghahawakan, maimpluwensya man o isang tambay sa pundahan.

Sa pagkakataong ito, hindi lamang mga karaniwang empleyado at opisyal sa gobyerno ang nais ni PNoy masampolan. Kung nais nga naman niyang malakas na maihatid sa lahat ang mensahe na seryoso ang kanyang kampanya kontra katiwalian, dapat na malaking isda ang lambatin -- hindi pawang “gurami” lamang na nagiging isang “malaking palabas” sa nagdaang panahon upang ipakitang merong ginagawa ang pamahalaan.

Bukod sa mga malalaking negosyante na hinahabol at kinakasuhan ng Bureau of Internal Revenue (BIR), ipinakita ng pamahalaan na seryosong papanagutin si dating Pangulong Gloria Arroyo na inaakusahang nagsamantala sa kaban ng bayan sa ilalim ng kanyang siyam na taong pamumuno -- ito’y bukod pa sa kasong pananabotahe sa halalan noong 2007 na isinampa na sa korte.

Sa kabila ng alegasyon ng kampo ni Mrs. Arroyo na paghihiganti at panggigipit ang ginawa ng pamahalaang Aquino, sa marami ito’y pagtupad sa kanyang pangako sa bayan sa nakaraang kampanya na papanagutin ang mga nagkasala at aayusin ang maling sistema ng pamamalakad sa gobyerno na naging institusyon sa mahabang panahon.

***

Napag-uusapan ang naitalang katiwalian sa nagdaang gobyerno, hindi naman nasasayang ang pagsisikap ni PNoy na walisin ito. Sa pinakabagong pahayag ng anti-corruption watch group na Transparency International, lumitaw na tumaas ang puwesto ng Pilipinas sa 2011 Corruption Perception Index (CPI) sa paglaban sa katiwalian.

Sa listahan ng 183 bansa, nasa 129 ang Pilipinas sa 2011 Corruption Perception Index, mas mataas ng limang baitang kumpara sa nakaraang taon. Ang paghabol kay Mrs. Arroyo’y pinapaniwalaang isa sa mga rason kaya’t tumaas ang puwesto ng Pilipinas -- ito’y pagpapakita na seryoso ang pamahalaang Aquino tungkol sa matinong gobyerno.

Nakabuti rin sa pagbuti ng pananaw ng Pilipinas ang mahusay na paghahatid ng serbisyo ng pamahalaang Aquino at pagbawas sa red tape sa pamahalaan.

Bukod sa magandang pananaw ng mga negosyante at mga anti-corruption watch group sa gobyernong Aquino, malaki rin ang pag-asang nadarama ng mga Pilipino sa mas magandang buhay sa 2012 -- na siyang pagpasok ng ikalawang taon pa lamang ng liderato ni PNoy.

Batay na rin sa resulta ng pinakabagong survey ng Social Weather Station (SWS) noong Setyembre, naitalang 39% ng mga tinanong ang naniniwala sa mas magandang buhay sa susunod na taon, kumpara lamang sa 9% na nega­tibong pananaw para sa +30% na net rating ng gobyerno.

Kasabay nito, 35% naman ng mga tinanong ang naniniwala na patungo sa mas maganda ang pagbabagong magaganap sa ekonomiya sa 2012, kontra sa 14% na negatibong pananaw para sa +22 net positive rating na ibinigay ng mga Pilipino sa gobyernong Aquino. Ibig sabihin, malaki ang tiwala ng publiko at nararamdaman ang pagbabagong ipinapatupad ni PNoy.

Laging tandaan: “Bata niyo ko at Ako ang Spy niyo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, December 2, 2011

Nasa hudikatura
REY MARFIL


Kapuri-puri ang personal na partisipasyon ni Pa­ngulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na labanan ang climate change, aba’y sa kabila ng kanyang abalang iskedyul, personal niyang pinangunahan ang inagurasyon ng Climate Change Academy ng Albay nakaraang Biyernes bilang bahagi ng kampanya kontra climate change at masamang epekto nito sa ekonomiya ng bansa.

Layunin ng Climate Change Academy na itinayo sa loob ng campus ng Bicol University sa Legazpi City, na makatulong sa hakbang ng national government na makasabay sa nagbabagong klima, lalung-lalo na ang lokal na pamahalaan.

May kapangyarihan ang akademya na sanayin ang mga lokal na pamahalaan sa disaster risk management, pagtaya ng climate risk hazards at adaptive capabilities, planning, at programming.

Tayo’y umaasa na maraming local government units (LGUs) ang susunod kay PNoy na nanguna para gawing institusyon ang paglaban sa nagbabagong klima sa pamamagitan ng public awareness, katuwang ang media.

***

Napag-usapan ang aksyon ng gobyerno, hindi matatawarang adhikain ng administrasyong Aquino na maibigay ang hustisya sa pamilya ng mga biktima ng Maguindanao massacre na ginunita ang ikalawang taong kaganapan nitong Nobyembre 23.

Desidido si PNoy na maibigay ang hustisya para sa mga biktima ng isang araw na pinakamadugong patayan sa kasaysayan ng halalan sa bansa bilang bahagi ng reporma ng administrasyon sa sistema ng krimi­nal na hustisya.

Sa katunayan, todo-kayod ang pamahalaan upang pag-isahin ang halalan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa eleksiyon sa 2013 upang matigil na ang kultura ng karahasan at political dynasty sa rehiyon.

Bilang proteksyon sa mga residente, patuloy na ipinapatupad ng pamahalaan ang state of emergency sa Maguindanao para matiyak ang kapayapaan at kaa­yusan sa lalawigan.

Alam ni PNoy ang mga hinaing ng mga kapamil­ya ng mga biktima ng Maguindanao massacre at nananatili ito sa kanyang paninindigan na pagkalooban ng proteksiyon ang mga saksi at kamag-anakan ng mga nasawi.

Katulad ng pamahalaan, magpareho ang agam-agam ng inyong lingkod na talagang tumatagal ang pagdinig sa Maguindanao massacre at umaasa tayong titingnan mabuti ito ng hudikatura para mapabilis ang pagkakaloob ng hustisya sa mga biktima.

Sa kabuuan, kailangan nating maunawaan na nasa eksklusibong kamay ng hudikatura ang pagpapabilis sa paglilitis ng kaso at hindi sa sangay ng ehekutibo o palasyo, katulad ng ipinagsisigawan ng ilang kritiko.

Sa halip na batikusin si PNoy, dapat manatili ta­yong matatag sa pagsuporta sa pamahalaan na mapa­lakas ang sistema ng hustisya sa bansa at saluduhan ang nasawing mga mamamahayag at iba pang biktima ng Maguindanao massacre.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)


Wednesday, November 30, 2011

Nasa hudikatura!
REY MARFIL

Kapuri-puri ang personal na partisipasyon ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na labanan ang climate change, aba’y sa kabila ng kanyang abalang iskedyul, personal niyang pinangunahan ang inagurasyon ng Climate Change Academy ng Albay ng nakaraang Biyernes bilang bahagi ng kampanya kontra climate change at masamang epekto nito sa ekonomiya ng bansa.

Layunin ng Climate Change Academy na itinayo sa loob ng campus ng Bicol University sa Legazpi City, na makatulong sa hakbang ng national government na makasabay sa nagbabagong klima, lalung-lalo na ang lokal na pamahalaan.

May kapangyarihan ang akademya na sanayin ang mga lokal na pamahalan sa disaster risk management, pagtaya ng climate risk hazards at adaptive capabilities, planning, at programming.

Tayo’y umaasa na maraming local government units (LGUs) ang susunod kay PNoy na nanguna para ga­wing institusyon ang paglaban sa nagbabagong klima sa pamamagitan ng public awareness, katuwang ang media.

***

Napag-usapan ang aksyon ng gobyerno, hindi matatawarang adhikain ng administrasyong Aquino na maibigay ang hustisya sa pamilya ng mga biktima ng Maguin­danao massacre na ginunita ang ikalawang taong kaganapan nitong Nobyembre 23.

Desidido si PNoy na maibigay ang hustisya para sa mga biktima ng isang araw na pinakamadugong patayan sa kasaysayan ng halalan sa bansa bilang bahagi ng reporma ng administrasyon sa sistema ng kriminal na hustisya.

Sa katunayan, todo-kayod ang pamahalaan upang pag-isahin ang halalan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) sa eleksyon sa 2013 upang matigil na ang kultura ng karahasan at political dynasty sa rehiyon.

Bilang proteksyon sa mga residente, patuloy na ipinapatupad ng pamahalaan ang state of emergency sa Maguindanao para matiyak ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.

Alam ni PNoy ang mga hinaing ng mga kapamilya ng mga biktima ng Maguindanao massacre at nananatili ito sa kanyang paninindigan na pagkalooban ng proteksyon ang mga saksi at kamag-anakan ng mga nasawi.

Katulad ng pamahalaan, pareho ang agam-agam ng inyong lingkod na talagang tumatagal ang pagdinig sa Maguindanao massacre at umaasa tayong titingnan mabuti ito ng hudikatura para mapabilis ang pagkakaloob ng hustisya sa mga biktima.

Sa kabuuan, kailangan nating maunawaan na nasa eksklusibong kamay ng hudikatura ang pagpapabilis sa paglilitis ng kaso at hindi sa sangay ng ehekutibo o Palas­yo, katulad ng ipinagsisigawan ng ilang kritiko.

Sa halip na batikusin si PNoy, dapat manatili tayong matatag sa pagsuporta sa pamahalaan na mapalakas ang sistema ng hustisya sa bansa at saluduhan ang nasawing mga mamamahayag at iba pang biktima ng Maguinda­nao massacre.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, November 28, 2011

Sarili ang sisihin!
REY MARFIL


May katwiran si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa pagsasabi na tanging ang korte lalung-lalo na ang sala ni Judge Jesus Mupas ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 112 ang meron pinal na desisyon kung dapat bang isailalim sa house o hospital arrest si Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo matapos makasuhan ng pananabotahe sa halalan.

Bagama’t hindi magiging maganda sa ngalan ng pagkakapantay-pantay at hustisya na ikulong si Mrs. Arroyo sa kanyang magarbong mansion sa La Vista, Quezon City, dapat ipaubaya ng publiko ang desisyon sa mga korte katulad ng ipinahayag ni PNoy.

Sa ngayon, tama munang dalhin ng kapulisan si Mrs. Arroyo sa isang lokal na kulungan sa Southern Police District (SPD) mula St. Luke’s Medical Center (SLMC) matapos tumestigo ang sariling doktor -- si Dr. Mario Ver, orthopedic spine surgeon ni Mrs. Arroyo, sa korte at nagsabing gumagaling na ang kongresista at maaaring gamutin bilang outpatient at magkakaroon ng ganap na kagalingan matapos ang ilang linggo.

Subukang i-flashback ang nakaraan, bago payagan ng Sandiganbayan ang house arrest ni dating President Joseph Ejercito Estrada, ito’y pansamantalang dinala sa Veterans Hospital at inilipat sa isang pasilidad ng militar sa Tanay, Rizal at kinalaunan sa kanyang rest house sa Rizal.

Sa ngayon habang wala pang desisyon ang korte, hindi tama at malinaw na pagkakaloob ng special treatment ang pananatili ni Mrs. Arroyo sa ospital. Maaaring mukhang may sakit si Mrs. Arroyo, ngunit ang hindi maganda dito, hindi naniniwala ang mga tao sa kanya na dumaranas siya ng seryosong karamdaman at nangangailangang komonsulta sa mga eskpertong medikal sa ibang bansa.

Dahil sa kanyang track record ng pag-iwas sa mga isyu, nagiging malaking problema nito ngayon ang kanyang kredibilidad. Hindi siya pinaniniwalaan at pinagkakatiwalaan ng mga tao. Ngunit, siya lamang naman ang dapat sisihin dahil sa hindi pagtupad sa kanyang mga pangako. Naaalala n’yo pa ba ang kanyang pangako sa national television na hindi tatakbo noong 2004 elections -- hindi ba’t nagsinungaling at tumakbo?

***

Sa ating naudlot na usapang APEC (Hawaii) at ASEAN (Bali, Indonesia), hindi lahat ng oras ay maaa­ring makukwenta sa aktuwal na halaga o numero ang mga kapakinabangang inaani ng bansa mula sa mga biyahe ng Pangulo upang dumalo sa mga diplomatikong pagpupulong.

Kung noo’y pawang pagsasang-ayon lamang sa mga ideya at payak na konseptong pangkaunlaran, sa ganitong okasyon naisasapinal at nasesemento ang mga detalyadong kasunduan.

Kagaya ngayon, napagkasunduan at pormal na napabilang ang bansa sa pandaigdigang inisyatibo sa climate change, terorismo, ekonomiya, proteksyon ng ating mga kababayan sa ibayong-dagat at mga kasunduan sa kalakalan. Meron ding impormal na pagpupulong, leveraging, negosasyon at pagpoposisyon sa interes ng ating bansa.

Sa kasalukuyan, isinusulong ng Pilipinas na makapag-upo ng isang hukom sa International Court of Justice sa ilalim ng United Nations (UN). Patunay sa pagiging epektibo ng mga okasyong ito ang pagkakapanalo natin ng isang seat sa Security Council at iba pang komite ng UN ilang taon na ang nakalipas.

Sa 19th ASEAN Summit and Related Summits naman sa Bali, Indonesia pagtutuunan ng pansin ng mga delegado ng Pilipinas sa pangunguna ni Pangulong Noy ang isyu sa kinikwestyong jurisdiction at pagmamay-ari ng mga teritoryo sa West Philippine Sea at Scarborough Shoals.

Sa isang may kaliitang bansa na nahaharap sa ganitong isyu, malaking bagay ang magkaroon ng solidong kaalyadong kapit-bahay. Bagama’t nagki-claim din ang ilang bansang kasapi sa ASEAN, hindi maipagpapalit ang mapasang-ayon ang mga ito na hanapin ang solusyon sa mahinahon at diplomatikong paraan.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, November 25, 2011

Patas lang!
REY MARFIL

Isang malaking tagumpay sa ngalan ng hustisya ang kautusan ng Pasay City na arestuhin si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa kasong pananabotahe sa halalan dahil napigilan itong makalabas ng bansa at maiwasan ang posibleng pagtakas.

Malinaw na tagumpay sa ngalan ng hustisya at pananagutan ang pangyayaring ito dahil ipinapakita ng pamahalaan na seryoso sa kampanya na habulin ang malalaking mga isda na sangkot sa umano’y malawakang maanomal­yang transaksyon at malakihang katiwalian sa nakalipas na administrasyon.

Dapat ding purihin ang ipinapakitang parehas at maka­taong pagtrato ng administrasyong Aquino kay Mrs. Arroyo. Kung tutuusin, napakabait ng kasalukuyang admi­nistrasyon nang hindi tumutol sa desisyon ng kapulisan na isailalim si Mrs. Arroyo sa hospital arrest sa St. Luke’s Me­dical Center bago pa man ito payagan ni Judge Jesus Mupas ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 112.

Dapat din nating bigyang pagkilala ang pagtiyak ng pamahalaan na magkaroon ng parehas at walang kinikili­ngang paggalang sa bawat karapatan ng dating pangulo bilang akusado na ginagarantiyahan ng Konstitusyon.

Kumpara sa nakalipas na gobyerno, naniniwala akong maghahari ang paggalang sa karapatan ni Mrs. Arroyo sa due process sa panahon ng palilitis.

Ang masamang balita lamang para sa mga Arroyo, solido ang suporta ng publiko sa hakbang ng pamahalaan na isulong ang prosekusyon at nananawagan ng kanyang conviction.

***

Anyway, nakakatuwang makita ang patuloy na tagumpay ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa pagtanggap ng ma­laking paghanga at respeto ng makapangyarihang mga lider sa mundo dahil sa kanyang itinataguyod na makatotohanang reporma tungo sa matuwid na daan.

Kamakailan lang, mismong si United States President Barack Obama ang pumuri kay PNoy sa isang bahagi ng 19th Association of Southeast Nations (ASEAN) Summit sa Bali, Indonesia dahil sa malawakang reporma na ipinapatupad ng kanyang pamahalaan.

Sa pagbisita naman ni Republic of Korea President Lee Myung Bak, ipinaabot nito ang kanyang malalim na pagha­nga kay Pangulong Aquino dahil sa mga polisiya nitong ipinatupad para manatili ang pag-asenso ng ekonomiya sa bansa habang nagaganap ang pandaigdigang krisis.

Dahil sa paghanga ni President Obama, lalong maigting ang paniniyak ng US na magpapatuloy ang suporta ng kanilang pamahalaan sa mga repormang itinataguyod ni Pangulong Aquino sa buong bansa.

Malinaw na lubhang epektibo ang malinis na pamamahala ni Pangulong Aquino sa pagsugpo ng kahirapan na isa sa kanyang mga pangako noong nakalipas na kampanya. Binigyang puntos ni President Lee ang 7.6% paglago ng ekonomiya sa ilalim ng administrasyong Aquino na kanyang tinitingnan na “outstanding number” na labis na inaasam ng ibang mga bansa.

Pinuntuhan din ni President Lee ang malaking tagum­pay ni PNoy, base sa maigting nitong pananaw at kagustuhan na maisulong ang kaunlaran sa lahat ng mga tao at magkaroon ng magandang kinabukasan.

Take note: panlima sa pinakamalaking trading partner ng Pilipinas ang Republic of Korea na merong $6.08 bilyong pamumuhunan at ikatlo sa nangungunang mamumuhunan ng nakaraang taon na umabot sa $693.1 milyon.

Dahil sa magandang lideratong ipinapakita ni PNoy, inaasahan nating lalago pa nang husto ang bilateral relations ng Pilipinas at Republic of Korea sa larangan ng negosyo matapos lagdaan ang ilang mga kasunduang mayroong kinalaman sa agrikultura at enerhiya ng dalawang bansa.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Thursday, November 24, 2011

May pinatunguhan!
REY MARFIL

Papaano natin masisisi si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa serye ng kanyang mga biyahe sa Estados Unidos (US) at Asya kung nagresulta ito sa paglago ng pamumuhunan ng bansa at nagsulong ng interes ng mga Filipino?

Pawang obligasyong internasyunal ang kanyang pinakahuling mga biyahe bitbit ang maliit na delegasyon, alinsunod sa programang pagtitipid ng kanyang pamahalaan.

Kabilang dito ang pagtungo sa Hawaii kung saan du­malo si PNoy sa 19th Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Meeting at ASEAN Summit sa Bali, Indonesia na naglalayong patatagin ang ekonomiya at pulitikal na kalagayan ng bansa.

Take note: imbitasyon ng iba’t ibang mga bansa ang kanyang mga paglalakbay, isang magandang indikasyon ng pagkilala ng banyagang mga lider sa maayos at magandang pamamalakad ng liderato nito para repormahin ang bansa.

Isang halimbawa ang imbitasyon ni Prime Minister Julia Eileen Gillard kay PNoy na bisitahin ang Australia sa kalagitnaan ng 2012, maging si United States President Barack Obama ipinaabot ang imbitasyon sa pamamagitan ni Secretary of State Hillary Clinton nang bumisita sa Pilipinas, pinaka-latest ang harapang imbitasyon ni Barack sa APEC summit sa Hawaii at ASEAN summit.

Malinaw ang paghanga ng makapangyarihang mga li­der ng bansa kay PNoy base sa mga imbitasyon dahil sa mga magaganda at makatotohanang repormang ipinapatupad nito, kabaliktaran sa “ex-occupant” ng Malacañang kung saan halos ipagduldulan ang sarili at mag-amazing race sa paghahabol para maimbitahan, as in “invite me”.

Sa kaalaman ng publiko, napaka-importante ang mga biyahe ng sinumang Pangulo -- ito’y isang paraan upang maiparating nito sa iba’t ibang mga bansa ang matinong pagbabago na inilatag ng kanyang pamahalaan para isulong ang kagalingan ng mga Filipino at maging ang mga ipatutupad pang mga programa.

At hindi rin naman kaila sa publiko ang matinding pagtitipid ni PNoy at tanging “working staff” ang bitbit. Higit sa lahat, mabibilang sa daliri ang biyahe kada taon, kabaliktaran sa nagdaang panahon kung saan dalawang (2) foreign trip kada buwan ang average ng nakaupo sa Palasyo.

Kung walang kuwentang lider si PNoy at isang tiwali, sa tingin ba ninyo iimbitahan nina President Obama, Prime Minister Gillard at iba pang mga lider na magpunta sa kanilang mga bansa? Natural hindi ang kasagutan.

Malaking katibayan ang mga imbitasyon na nasa tamang landas ang bansa sa ilalim ng pamumuno ni PNoy at ipinapakita rin ng mga pagbatikos sa biyahe ng Pangulo na walang maibatong isyu ng katiwalian ang mga kalaban o kritikong hindi matanggap ang resulta ng 2010 pre­sidential election.

***

Napag-usapan ang foreign trip, bilib ang international community sa nakamit ni PNoy sa usapin ng pagkakaroon ng sapat na suplay ng bigas sa unang tatlong (3) buwan ng taong 2011 nang hindi mangangailangan ng pag-aangkat ng bigas.

Sa katunayan, iprinisinta ni PNoy ang magandang ba­lita sa isang diskusyon kasama ang chief executive officers (CEO) ng malalaking mga kompanya sa ika-19th APEC Leaders’ Meeting sa Hawaii kamakailan -- ito’y resulta ng pro-farmers campaign ng pamahalaan para makamit ang sapat na suplay ng bigas, bagay na hindi nagawa ng dating administrasyon dahil ginawang pambansang polisiya ang pag-aangkat ng bigas.

Ibig sabihin, makatwirang papurihan ang administrasyong Aquino sa pagkakaloob ng mga binhi, kailangang inputs, pagtulong sa marketing campaign sa mga magsasaka at pagtataguyod ng pagtatanim bilang mura at kapaki-pakinabang na paraan kumpara sa pag-aangkat ng bigas.

Sa ganitong polisiya ni PNoy, matitiyak natin na hindi na mangyayari muli ang nasayang at nabubulok na tone-toneladang bigas sa ilalim ng dating administrasyon.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, November 21, 2011

Sa kauna-unahang pagkakataon, inilabas ng mga kritiko ang linyang benggatibo si Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III at ginagantihan ang dating inaakusahang “kapit-tuko” sa palasyo. Hindi Marcos ang middlename ng mga Arroyo. Lalong hindi Marcos si Mrs. Arroyo.

Walang motibo si PNoy na paghigantihan ang mga dating namayagpag sa palasyo.

Kung gumaganti man ang kasalukuyang administras­yon, tanging para sa mamamayang Filipino ang maaaring motibasyon sa posisyon ng Pangulo na pursigihin sa tamang proseso’t paraan ang mga taong minsa’y pinag­laanan ng tiwala ng bayan ngunit siya namang nagkait sa mga ito ng matuwid na pamamahala at marangal na buhay.

Hindi natin papakialaman ang mga bagay na legal at nararapat lamang pagdebatehan ng mga eksperto sa batas at hukuman. Ang malinaw sa publiko, sila mismo ang gumawa ng kapahirapang nangyari sa kanila -- ito ang namutawi kay MIAA Chief Angel Honrado.

Ang naka-fax na request, ito’y hindi gawa-gawa lang. Ang pirmadong hiling, ito’y hindi nagmula sa Malacañang. Noong Martes, saktong 7:19 ng gabi ang request ng mga Arroyo na gamitin ang ramp ng NAIA kasama ang mga pasilidad na nauukol lamang sa mga dignitaryo at VIPs, ito’y natanggap ng MIAA public affairs office at agad na naaprubahan. Katunayan nito, isang liaison ng mga Arroyo ang personal na nag-ayos upang hindi sila mahirapang dumaan sa proseso.

Sa planong inilatag ng pamunuan ng MIAA, papasok ang mag-asawang Arroyo sa ramp gate kung saan may lagusan diretso sa isang lounge para sa mga VIP. Dito, kumportable silang maghihintay habang pinuproseso ang kanilang mga dokumento sa pag-alis ng bansa.

Ngunit dahil nga ang nakatagong misyon ay ang kumalap ng habag, pinili o pinilit nilang sa passenger entrance dumaan. Doon, libre ang publisidad. Sabayan pa ng linyang, “maawa naman kayo”, hindi ba’ “Ayos talaga ang buto-buto”?

***

Napag-usapan ang biyahe, pabagu-bago ang travel plan, pabagu-bago ang pupuntahan. Limang bansa ang nakaiskedyul sa loob ng iilang linggo. Sa isipan ng taumbayan, kakayanin kaya ng merong dinaramdam na katawan? Ang totoong may sakit, ito’y namamahinga at nagpapagamot, hindi lamang nagpapaospital at “tuma-timing” na makasakay ng eroplano!

Hindi lang pabagu-bagong travel plan. Pati ang totoong kondisyon, ito’y pabagu-bago rin. Kapag ganito ang humihiling ng permisong umalis, inyo bang papayagan? Take note: “binomba” ang publiko ng paulit-ulit na mga katagang ‘di mahagip ng ating kamalayan.

Mula “spondylosis” hanggang “cervical arthritis”. Mula. “bone mineral disorder” hanggang.

“hypoparathyroidism”. Mula “bone degeneration”, ang pinakabago’y “glandular disease”. Ano ba talaga, Ma’am?

Pinalululon sa atin ang mga termino ng mga dalubhasa’t aral sa siyensya’t medisina upang hindi natin maintindihan ang totoong kalagayan at ibaling ng masa ang atensyon sa nais ng kanilang kampong pagtuunan, walang ibang misyon kundi sila’y kahabagan na hindi ipinaramdam sa sambayan sa nagdaang 9-taon habang naghahari sa Malacañang.

Puwede ba talagang mangyari ito sa gitna ng ginawa nilang walang habas na pagpapahirap sa bayan at mga kaaway ng kanilang pamumuno?

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Ayos na ang buto-buto!
REY MARFIL

Friday, November 18, 2011

Teleserye!
REY MARFIL

Mala-soap opera ang mga pangyayari ng lumipas na mga araw -- kumpleto ang elemento, as in alta-sociedad ang bida, may pansamantalang tagumpay, may trahedya, may pagkalugmok sa masaklap na kinasapitan.

Kung hindi mag-iisip, siguradong tutulo ang luha. Kung hindi magmamatyag, pihadong madudurog ang puso. Lahat ay dramang idinerehe ng mga “spin doctors” ng dating “kapit-tuko” sa Malacañang.

Suriin ang mga eksena -- dalawang (2) linggo bago ang nasabing media blitz, trabahong kalabaw na umikot ang mga handlers ng mga ito sa lahat ng istasyon, mapa-radyo at telebisyon, as in “Operation Mercy” ang arrive. Ang target, umani ng habag sa publiko sa sinapit na kalagayan ng dating pangulo.

Bago pa maisampa sa Kataas-taasang Hukuman ang petisyong pigilan ang implementasyon ng Circular No. 41 na nagbibigay ng kapangyarihan sa kalihim ng DOJ na mag­lagay ng mga taong nasasakdal o masasakdal sa batas sa immigration Watchlist Order, naglabasan ang mga picture ni Mrs. Gloria Arroyo sa lahat ng media outlets -- maging print o broadcast.

Ang nakakatawa, noong una’y bawal kunan ang da­ting pangulo’t “bising-bisi” ang mga “Hawi boys”, mapigilan lamang ang mga cameraman na kumu-cover sa mga ito, ngayo’y halos mag-iyakan at ipagdikdikan ang mukha, maipalabas lamang ang kunwari’y kalunus-lunos na kalaga­yan ng kanilang amo.

Nakaraang Martes, hindi pa man lumalabas ang TRO ay nakaumang na ang “bookings” sa eroplano.

Una’y sa Clark lulan ng Tiger Airways papunta raw ng Singapore, anunsyo ng inupahang tagapagsalita. Alam naman ng mga nagmamasid na dibersyon lamang ito. ‘Yun nga at kinahapuna’y sa NAIA pala at PAL na ang sasakyan patungong bayan ni Lee Kuan Yew.

***

Napag-usapan din lang ang pagmamadali ng kampo ni Mrs. Arroyo na makalabas ng bansa, aba’y nang hindi umub­ra ang unang plano, hayun at lumabas na ang totoo -- Dra­gon Air ang eroplano at Hong Kong pala ang punta.

Ibang klase rin itong “malubha ang kalagayan”. Lamyerda at shopping ang unang nakaprograma sa adyenda.

Paiba-iba ngunit hindi na bago sa uri ng plot ng tele­seryeng pang-uga ng puso.

Alam naman nilang matatag ang paninindigan ng kalihim ng katarungan. Hindi patitinag sa modus ad hominem. Alam na alam naman ng mga ito na hindi papayag ang pamahalaan na ganun-ganun na lang at hahayaang kuma­ripas ang matagal na nagliwaliw sa ligayang dulot ng pandarambong sa bayan.

Gayunpaman, itinuloy ang drama. Libre nga naman ang co­verage, e ‘di sagarin na lang. ‘Yun nga ang nangyari. Convoy ng magagarang SUV at dahil ipinagbawal ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang sirena sa kalsada -- ang kumumpleto sa drama ang ambulansyang “de-wangwang”. Pansinin ang mga eksena, animo’y hinintay na magsidati­ngan ang mga camera, sabay baba na walang kulang sa nakaplanong costume at props.

Ayos nga ang butu-buto, hindi iilang mata ang naglawa. Meron ang nangilid ang luha at tila nakalimutan ang katiwaliang ipinupukol sa pamilya. Gagawin ng pamahalaan ang lahat hindi lamang masuway ang marubdob na pagnanais ng lipunan na panagutin ang may kagagawan ng halos isang dekadang pagpapahirap sa bayan.

Bago pa natin tuluyang makalimutan, sana’y sariwa pa sa alaala ni Mrs. Arroyo, maging sa sambayanang Filipino na nagoyo sa resulta ng 2004 elections ang katotohanang -- ang inihingi nilang TRO ay ang mismong Circular na sila rin mismo ang may likha nito -- ito’y inilimbag at inisyu sa panahong si Mrs. Arroyo ang may hawak ng timon at gi­namit upang ipitin ang mga kaaway o taga-oposisyon.

Ang pangyayaring ito ang buhay na patotoo sa kasabihang “kung anong itinanim, siya rin ang aanihin.”

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Wednesday, November 16, 2011

Buhos sa edukasyon!
REY MARFIL

Lalo pang ipinakita ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang paninindigan nitong isulong ang magandang kalidad na edukasyon, patunay ang kautusang ipalabas ang karagdagang P1.15-bilyon para pondohan ang iba’t ibang proyekto ng Department of Education (DepEd).

Malinaw na layunin ng karagdagang pondo na mapabuti ang pagkakaloob ng pangunahing serbisyo sa mga estudyanteng Filipino upang makamtan ang mithiin ng pamahalaan na magkaroon ng tinatawag na “Education for All” at maabot ang Millennium Development Goals (MDG) sa sektor ng edukasyon sa 2015.

Gagamitin ang pondo sa pagpapalakas ng non-tea­ching personnel at iba pang national English proficiency program, kabilang ang pagkumpuni at rehabilitasyon sa elementary at secondary school buildings sa iba’t ibang lokasyon na labis na mahalaga sa pag-aaral ng mga estudyante.

Sa kabuuang P1.15 bilyong ilalabas ng Department of Budget and Management (DBM), P500 milyon ang mapupunta sa maintenance and other operating expen­ses, kabilang ang pagbili sa school supplies na kaila­ngan sa pagtuturo.

Mapupunta naman ang P483.8 milyon sa pagsasanay ng mga guro, scholarship at fellowship grants, pagpapa­lakas ng non-teaching personnel at iba pang human resourced development activities.

Kukunin ang ilalabas na pondo sa P1.157-bilyong badyet ng Human Resources Training and Development.

Sa kabuuang P483.8 milyon, mapupunta ang P179 milyon sa National English Proficiency Program habang P74.7 milyon ang ilalabas para sa Madrasah E­ducation Program ng DepEd sa Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Gagamitin naman ang P104 milyon sa pagkumpuni at rehabilitasyon ng mga gusali sa elementary at high school sa iba’t ibang lokasyon.

Ilalaan naman ang P60 milyon sa pagbili ng 52,630 upuan at 1,169 na lamesa ng mga guro at 1,169 silid-aralan o 725 para sa elementarya at 444 sa sekondarya mula sa kabuuang 1,430 kuwarto na itatayo mula sa P1-bil­yong pondo ng DepEd School Building Program nga­yong taon.

Mula naman sa P192-bilyong regular na badyet ng DepEd para sa 2011, P171.2 bilyon na ang nailabas ng DBM sa ahensya sapul noong Setyembre 30, 2011.

***

Anyway, binabati natin ang administrasyon sa pakikiisa nito sa paggunita ng mga Filipinong Muslim sa E­idul Adha o pista ng sakripisyo, isa sa kapita-pitagang pista ng Islamic community.

Ipinakita ni PNoy ang tahimik nitong pagrespeto sa kagawian ng mga Filipinong Muslim para palakasin ang pananampalataya sa pagsusulong ng tunay na Islam na kinabibilangan ng kapayapaan at pagkakaisa.

Ipinapaalala ng Eidul Adha sa mga Filipinong Muslim na magsakripisyo bilang pagsubok sa prinsipyo sa gitna ng mapanghamong buhay.

Ipinapakita rin ng okasyon ang aral ng katapangan at pagtanggap sa mga pagsubok bilang bahagi ng kaliwanagan ng kaisipan. Isang magandang senyales kaugnay sa pagrespeto ng mga Muslim ang ipinakitang pakikiisa ni Pangulong Aquino.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Monday, November 14, 2011

Husay ng Pinoy!
REY MARFIL


Dahil sa kawalan ng katiwalian sa pamahalaan, napipi­litan ang mga kritiko ni Pangulong Benigno ‘PNoy’ Aquino III na lumikha at magtagni-tagni ng walang basehang mga reklamo, as in kung sinu-sino ang inaarkilang “script writer”, makaresbak lamang sa palasyo.

Hindi natin masisisi ang kanyang mga kalaban na gumawa ng walang kuwentang mga isyu mula sa kawalan lalo’t nararamdaman nila ang init ng matuwid na daan na nakabase sa matinong pamamahala at kampanya laban sa malawakang katiwalian.

Tinutukoy natin ang walang basehang banta na magsampa ng impeachment complaint laban kay PNoy na nag-ugat sa ibinigay na P5 milyon ng pamahalaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Katulad ng isinampang impeachment complaint ni Atty. Oliver Lozano laban kay PNoy sa pamamagitan ng registered mail dahil sa pagtanggi ng huli na mabigyan ng state honors ang paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos, inaasahan na sa basurahan din mapupunta ang panibagong reklamo.

Nag-ugat ang walang basehang plano ng isang kongresista sa P5 milyong pondo ng MILF para lumikha ng Bangsamoro Leadership and Management Institute.

Ang kawalan ng anumang alegasyon ng katiwalian sa kasalukuyang pamahalaan ang nagbibigay ng mataas na pagtingin ng publiko kay PNoy -- ito ang rason kung ba­kit nagtatahi ng kuwento ang mga kritiko.

Tunay na mas maramng importanteng bagay na dapat asikasuhin ang Kongreso sa halip na ubusin ang panahon sa pagtalakay sa walang basehang isyu. Kaduda-duda rin kung makakalusot sa pamantayan ng House committee on justice ang anumang reklamo.

Sa kabila ng malawak na sakop ng pagkakanulo sa tiwala ng publiko, hindi lubos maisip ng mga kurimaw kung saan pumapasok ang isyung ito kaugnay sa pagkakaloob ng P5 milyon sa MILF. Papaano na ang isang magandang mithiin na magkaroon ng wagas na kapayapaan sa bansa ay ikokonsiderang pagkakanulo sa tiwala ng publiko?”

***

Anyway, nakakatuwa ang pagkilala ng Malacañang sa nagawa ng mga batang Filipino math wizards na tinalo ang ibang mga kalahok sa international math competition na isinagawa sa China kamakailan.

Isang magandang balita na pagmumulan ng hindi matatawarang karangalan ang tagumpay ni Farrell Eldrian Wu kasama ang anim na iba pang mag-aaral sa elementarya nang manguna sa pangunahing dibisyon ng individual contests sa 2011 World Mathematics Team Championship na isinagawa sa Beijing, China mula Nobyembre 2 hanggang 6.

Isang Grade 6 na mag-aaral si Wu mula Taguig na na­nalo ng gold medal at nasa ikaunang ranggo sa panguna­hing dibisyon ng individual contests.

Sa pangkalahatan, nasa ikalawang puwesto ang grupong Philippine Team 1 ni Farrel kasama ang iba pang mag-aara­l -- sina Clyde Wesley Ang, Miguel Lorenzo Ildesa, Andre­a Jaba, Sedrick Scott Keh at John Aries Ceazar Hingan.

Ipinapakita ng matinding kompetisyon ng paligsahan na kayang-kaya ng mga Filipino na makipagpaligsahan sa larangan ng talino.

Nakakatuwa rin ang papuri ng Malacañang sa tagumpay na nakamit ni Miss Philippines candidate Gwendoline Ruais na naging first runner-up sa katatapos na 2011 Miss World beauty pageant sa Earls Court Two sa London, United Kingdom.

Sa kanyang opisyal na Twitter account (@PresidentNoy), pinuri ni PNoy ang tagumpay ng 21-anyos na Filipino-French -- si Ruais.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

Friday, November 11, 2011

“Like Ramona”
REY MARFIL


Nagsalita na ang Department of Justice (DOJ) na hindi papayagan si ex-President at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na mangibang-bansa para raw magpagamot ng kanyang sakit sa gulugod.

Hindi natin masisisi si Justice Sec. Leila de Lima na magduda sa tunay na pakay ni Mrs. Arroyo na mag-abroad dahil na rin sa mga nangyari noon at sa update sa tunay na lagay ng kanyang kalusugan.

Hindi pa rin nakakalimutan ng mga Pinoy ang sinabi noon ni Mrs. Arroyo sa Baguio na hindi siya tatakbong Pangulo sa 2004 elections pero tumakbo. Ang malupit, naging kontrobersyal ang resulta ng halalan dahil sa alegasyon ng mga dayaan.

At pagkatapos manalo, naglabasan ang mga whistleblo­wer tungkol sa Hello Garci scandal at ginawa na nga ni Mrs. A­rroyo ang pamosong anunsyo niya sa television na, “I am sorry.”

Kung tutuusin, ang pinagbatayan ng desisyon ni Sec. De Lima na pagbawalan si Arroyo na lumabas ng bansa dahil sa kinakaharap nitong mga kaso ay resolusyon na ginawa ng DOJ noong panahon mismo ni Mrs. Arroyo -- at nagamit din noon sa mga kritiko ng Arroyo government para hindi makabiyahe gaya ng ilang militanteng kongresista.

Ibig sabihin, biktima si Mrs. Arroyo ng patakaran na nabuo sa panahon ng kanyang administrasyon. Kaya tama lang na dalhin ng mga Arroyo sa korte ang usapin para malaman kung illegal o hindi ang naging desisyon ni Sec. De Lima.

***

Napag-usapan ang pagtabla ng DOJ sa request ni Mrs. Arroyo, hindi lang plunder at electoral sabotage ang isyu bagkus meron pagdududang nakikita si Sec. De Lima sa tunay na lagay ng kalusugan ng dating pangulo, maging sa mga bansang pupuntahan nito.

Makailang ulit inanunsyo ng mga inarkilang spokesman ang gumagandang kalagayan ni Mrs. Arroyo at mismong mga doktor ng dating pangulo sa Saint Luke’s Medical Center ang nagsabing bumubuti ang kalusugan nito.

At kung pagbabatayan ang mga litratong lumabas ni Mrs. Arroyo, hindi naman siya pumayat nang husto. Nagmukhang kahabag-habag lamang si Mrs. Arroyo dahil hindi siya inayusan, as in hindi sinuklay ang buhok. Sinadya kaya iyon para magmukha siyang kawawa at makakuha ng simpatiya sa publiko?

Iyon ang hindi natin alam, maliban sa mga miron sa photo op!

Nagduda rin ang DOJ dahil sa dami ng makakasama ni Mrs. Arroyo sa biyahe. Bukod pa sa dami ng bansa na balak puntahan na aabot sa tatlo (3) hanggang lima (5). At sa nabanggit na mga bansa, isa lang ang may extradition treaty ang Pilipinas -- ito’y sa Amerika na wala sa prayoridad ng kampo ni Mrs. Arroyo.

Ibig sabihin, kung magpunta si Mrs. Arroyo sa bansa na wala tayong tratado at naisin nitong magtago na roon, walang habol ang Pilipinas. Tingnan na lang natin ang nangyari sa kaso ni Ramona Bautista na idinadawit sa pagpatay sa kapatid niyang si Ramgen Revilla, as in tali ang kamay ng pamahalaan na ibalik si Ramona sa bansa dahil walang extradition treaty ang Pilipinas sa Turkey na bansang kinaroroonan daw ni Ramona.

Dagdag pa sa pagdududa na nagsimulang lumakas ang suwestiyon na mag-abroad si Mrs. Arroyo mula nang ianunsyo ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na sisimulan ng pamahalaan ang pagsasampa ng kaso ngayong Nobyembre.

Kung tutuusin, suwerte pa rin si Mrs. Arroyo, aba’y handa naman si PNoy na gastusan ng pamahalaan ang pagbiyahe ng mga dayuhang doktor na mapipili at dadalhin sa Pilipinas para dito siya magamot.

Dapat balanse ang lahat, as in kailangan ding pangalagaan ni PNoy ang tungkulin niya sa bansa na papanagutin ang mga nagkasala sa bayan -- dahil ‘yan ay ipinangako niya sa mga mamamayan.

At kay Mrs. Arroyo, ito’y pinayuhan ni Delfin Pasaway na habang hinihintay ang magiging desisyon ng korte, mabuting basahin muna niya ang pambatang kuwento na may titulong, “The Boy Who Cried Wolf”.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)