Pinagandang daan! | |
REY MARFIL
Hindi ba’t magandang balita rin ang pag-apruba ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa pagpapalabas ng P6.5 bilyong pondo para sa rehabilitasyon ng mga kalsada sa 73 ng kabuuang 81 na mga lalawigan sa bansa.
Nabatid sa Department of Budget and Management (DBM) na bahagi ang pondo ng pambansang badyet ngayong taon. Hindi naman naisama ang nalalabing walong lalawigan sa proyekto dahil ibinase ang programa sa pagtugon ng mga probinsiya sa malinis at matuwid na pamamahala ni PNoy o ang pagsunod sa mga polisiya para sa transparency.
Sa 73 mga lalawigang makikinabang sa programa, hindi lamang nakasunod ang mga opisyal nito sa pamantayan ng malinis na pamamahala kundi nagkaroon rin ng maayos na monitoring at evaluation mechanisms.
Tinawag ni Pangulong Aquino ang programa na KALSADA o Konkreto at Ayos na Lansangan at Daan Tungo sa Pangkalahatang Kaunlaran. Sa ilalim ng programa, isasagawa ang rehabilitasyon at pagpapaganda ng mga kalsada sa mga probinsiya at ililipat ang pangangasiwa sa provincial government.
Tutuklasin rin ng programa ang Provincial Road Network Development Plan (PRNDP) para sa bawat lalawigan at isulong ang promosyon ng online open data portal para matiyak ang pagbabantay sa implementasyon ng proyekto para sa mga kalsada.
Pinili ang mga benepisyunaryong probinsiya base sa kanilang pagsunod sa tinatawag na Seal of Good Financial Housekeeping ng Department of Interior and Local Government (DILG) at pagtalima sa Local Public Financial Management Assessment Report ng DBM.
Malaki ang maitutulong ng proyekto upang maging lalong maayos ang mga kalsada na inaasahang lilikha ng karagdagang trabaho sa buong bansa.
***
Siguradong marami na namang mga kasapi at pensiyonado ng Government Service Insurance System (GSIS) ang matutuwa sa pagtugon ng ahensiya sa panawagan ni PNoy na lalong isulong ang kanilang interes.
Sa katunayan, naglaan ang GSIS ng P1.6 bilyong emergency loan sa kanilang mga kasapi at pensiyonado sa Oriental Mindoro, Albay at Sorsogon.
Nabatid kay GSIS President at General Manager Robert Vergara na umaabot sa kabuuang 49,049 na mga kasapi at 9,315 pensiyonado ang maaaring makinabang sa programa hanggang sa pagtatapos ng buwan ng Enero 2016.
Kabilang sa mga kuwalipikadong benepisyunaryo ang mga miyembro at pensiyonado na nakatira sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad mula sa nasabing mga lalawigan.
Kung walang balanse sa naunang pagkakautang at malinis ang record, makakakuha ng P40,000 ang bawat aktibong miyembro at P20,000 naman para sa first-time borrowers at pensioners. Umaabot sa 28,980 ang aktibong mga kasapi sa Oriental Mindoro, Albay and Sorsogon na maaaring makinabang sa emergency loan na P40,000 at 20,069 aktibong mga kasapi at 9,315 pensiyonado ang makakahiram ng P20,000.
Babayaran ang utang sa loob ng 36 anim na buwan o tatlong taon na mayroon lamang na ani na porsiyentong tubo kada taon. Maaaring mag-aplay ang mga kasapi gamit ang kanilang GSIS eCard o unified multipurpose identification (UMID) card sa pamamagitan ng GSIS Wireless Automated Processing System (GWAPS) kiosks na matatagpuan sa mga tanggapan ng GSIS, provincial capitols, city halls, piling municipal offices, malalaking tanggapan ng pamahalaan katulad ng Department of Education (DepEd), 27 Robinsons Malls at SM Super Malls sa Manila, Pampanga, at Cebu.
Ipinapakita lamang ni PNoy ang kanyang malasakit sa mga taong nangangailangan, lalung-lalo na ang naapektuhan ng nakalipas na mga sakuna at trahedya. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)
http://www.abante-tonite.com/issue/jan2516/edit_spy.htm#.VqYXRPkrLIU
|
Monday, January 25, 2016
Pinagandang daan! REY MARFIL
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment